Araw-araw na mga Salita ng Diyos: Pagkilala sa Gawain ng Diyos | Sipi 149
Oktubre 21, 2022
Kapag nagiging tao ang Diyos, bumababa ang Kanyang Espiritu sa tao; sa madaling salita, binibihisan ng Espiritu ng Diyos ng pisikal na katawan ang Kanyang sarili. Pumaparito Siya upang gawin ang Kanyang gawain sa ibabaw ng lupa hindi upang magdala Siya ng ilang limitadong hakbang; ang Kanyang gawain ay talagang hindi limitado. Ang gawaing ginagawa ng Banal na Espiritu sa katawang-tao ay tinutukoy pa rin sa pamamagitan ng mga resulta ng Kanyang gawain, at ginagamit Niya ang gayong mga bagay upang malaman ang haba ng panahon kung kailan gagawin Niya ang gawain habang nasa katawang-tao. Direktang ipinapakita ng Banal na Espiritu ang bawat hakbang ng Kanyang gawain, na sinusuri ang Kanyang gawain habang Siya ay nagpapatuloy; ang gawaing ito ay hindi lubhang higit-sa-karaniwan para hatakin ang mga limitasyon ng imahinasyon ng tao. Katulad ito ng gawain ni Jehova sa paglikha ng langit at lupa at lahat ng bagay; nagplano Siya at gumawa nang sabay. Inihiwalay Niya ang liwanag mula sa kadiliman, at nagkaroon ng umaga at gabi—inabot ito ng isang araw. Sa ikalawang araw, nilikha Niya ang himpapawid, at inabot din iyan ng isang araw; pagkatapos ay nilikha Niya ang lupa, ang karagatan, at lahat ng nilalang na naninirahan doon, na kinailangan ng isa pang araw. Nagpatuloy ito hanggang sa ikaanim na araw, nang likhain ng Diyos ang tao at hinayaan siyang pamahalaan ang lahat ng bagay sa lupa. Pagkatapos, sa ikapitong araw, matapos Niyang likhain ang lahat ng bagay, Siya ay nagpahinga. Pinagpala ng Diyos ang ikapitong araw at itinalaga ito bilang isang banal na araw. Nagpasya lamang Siyang italaga ang banal na araw na ito nang matapos na Siyang likhain ang lahat ng bagay, hindi bago nilikha ang mga ito. Ang gawaing ito ay kusang-loob ding isinagawa; bago nilikha ang lahat ng bagay, hindi pa Siya nakapagpasyang likhain ang mundo sa loob ng anim na araw at pagkatapos ay magpahinga sa ikapito; hindi man lamang ganoon ang totoong nangyari. Wala Siyang sinabing ganoon, ni hindi iyon ang Kanyang plano. Hindi Niya sinabi sa anumang paraan na ang paglikha ng lahat ng bagay ay matatapos sa ikaanim na araw at na Siya ay magpapahinga sa ikapito; sa halip, lumikha Siya ayon sa kung ano ang mabuti sa tingin Niya noon. Nang matapos Niyang likhain ang lahat, ikaanim na araw na. Kung natapos Niyang likhain ang lahat sa ikalimang araw, itatalaga Niyang banal na araw ang ikaanim na araw. Gayunman, talagang natapos Niyang likhain ang lahat sa ikaanim na araw, at sa gayon ay naging banal na araw ang ikapitong araw, na naipasa hanggang sa araw na ito mismo. Samakatuwid, isinasagawa ang Kanyang kasalukuyang gawain sa ganito ring paraan. Nagsasalita Siya at tinutustusan Niya ang lahat ng inyong pangangailangan alinsunod sa inyong sitwasyon. Ibig sabihin, nagsasalita at gumagawa ang Espiritu ayon sa sitwasyon ng mga tao; binabantayan Niya ang lahat at gumagawa Siya anumang oras at saanmang lugar. Yaong Aking ginagawa, sinasabi, inilalagak sa inyo, at ipinagkakaloob sa inyo, nang walang eksepsyon, ay yaong inyong kailangan. Sa gayon, walang isa man sa Aking gawain ang hiwalay sa realidad; totoong lahat ito, sapagkat alam ninyong lahat na “binabantayan ng Espiritu ng Diyos ang lahat.” Kung napagpasyahan na ang lahat ng ito nang maaga, hindi kaya ito masyadong karaniwan at nakakabagot? Iniisip mo na gumawa ng mga plano ang Diyos sa loob ng buong anim na libong taon at itinalaga na ang sangkatauhan noon pa man na maging suwail, palaban, magdaraya at mapanlinlang, at magtaglay ng katiwalian ng laman, isang napakasamang disposisyon, ng pagnanasa ng mga mata, at ng indibiduwal na mga pagpapasasa. Walang isa man dito ang itinalaga noon ng Diyos, kundi sa halip ay nangyaring lahat iyon dahil sa katiwalian ni Satanas. Maaaring sabihin ng ilan, “Hindi ba hawak din ng Diyos si Satanas? Itinalaga na ng Diyos na gagawing tiwali ni Satanas ang tao sa ganitong paraan, at pagkatapos niyon, isinagawa ng Diyos ang Kanyang gawain sa tao.” Itatalaga nga ba ng Diyos si Satanas na gawing tiwali ang sangkatauhan? Sabik na sabik lamang ang Diyos na tulutan ang sangkatauhan na mabuhay nang normal, kaya makikialam ba Siya talaga sa buhay nila? Kung gayon, hindi ba magiging walang saysay ang pagsisikap na talunin si Satanas at iligtas ang sangkatauhan? Paano maaaring naitalaga ang pagkasuwail ng sangkatauhan? Isang bagay ito na nangyari dahil sa panghihimasok ni Satanas, kaya paano ito maaaring naitalaga ng Diyos? Ang Satanas na hawak ng Diyos na inaakala ninyo ay ibang-iba sa Satanas na hawak ng Diyos na binabanggit Ko. Ayon sa inyong mga pahayag na “Ang Diyos ay makapangyarihan sa lahat, at si Satanas ay nasa Kanyang mga kamay,” hindi Siya maaaring ipagkanulo ni Satanas. Hindi ba sabi mo, ang Diyos ay makapangyarihan sa lahat? Napakahirap unawain ng inyong kaalaman, at malayo sa realidad; hindi kailanman maaarok ng tao ang mga kaisipan ng Diyos, ni hindi maaarok ng tao kailanman ang Kanyang karunungan! Ang Diyos ay makapangyarihan sa lahat; ni hindi man lang ito isang kasinungalingan. Ipinagkanulo ng arkanghel ang Diyos dahil paunang binigyan ito ng Diyos ng isang bahagi ng awtoridad. Siyempre, hindi inaasahan ang pangyayaring ito, tulad noong mahulog si Eba sa tukso ng ahas. Gayunman, paano man isagawa ni Satanas ang pagtataksil nito, hindi pa rin ito makapangyarihan sa lahat na katulad ng Diyos. Tulad ng nasabi ninyo, malakas lamang si Satanas; anuman ang gawin nito, lagi itong matatalo ng awtoridad ng Diyos. Ito ang tunay na kahulugan ng kasabihang, “Ang Diyos ay makapangyarihan sa lahat, at si Satanas ay nasa Kanyang mga kamay.” Samakatuwid, ang pakikidigma kay Satanas ay kailangang isagawa sa paisa-isang hakbang. Bukod pa riyan, ipinaplano ng Diyos ang Kanyang gawain bilang sagot sa mga pandaraya ni Satanas—ibig sabihin, naghahatid Siya ng kaligtasan sa sangkatauhan at ipinapakita Niya ang Kanyang pagiging makapangyarihan sa lahat sa isang paraan na akma sa kapanahunan. Gayundin, ang gawain sa mga huling araw ay hindi itinalaga noon pa man, bago ang Kapanahunan ng Biyaya; ang mga pagtatalaga noon pa man ay hindi ginagawa sa gayon kaayos na paraang tulad nito: una, pinagbabago ang panlabas na disposisyon ng tao; pangalawa, isinasailalim ang tao sa Kanyang pagkastigo at mga pagsubok; pangatlo, pinagdaranas ang tao ng pagsubok na kamatayan; pang-apat, ipinararanas sa tao ang panahon ng pagmamahal sa Diyos at ipinapahayag ang kapasyahan ng isang nilalang; panglima, tinutulutan ang tao na makita ang kalooban ng Diyos at lubusan Siyang makilala, at sa wakas ay ginagawang ganap ang tao. Hindi Niya ipinlano ang lahat ng bagay na ito noong Kapanahunan ng Biyaya; sa halip, sinimulan Niyang planuhin ang mga ito sa kasalukuyang panahon. Kumikilos si Satanas, gayundin ang Diyos. Ipinapahayag ni Satanas ang tiwaling disposisyon nito, samantalang tuwirang nagsasalita ang Diyos at naghahayag ng ilang mahalagang bagay. Ito ang gawaing ginagawa ngayon, at mayroong parehong uri ng prinsipyo sa paggawa na ginamit noong araw, matapos likhain ang mundo.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Dapat Mong Malaman Kung Paano Umunlad ang Buong Sangkatauhan Hanggang sa Kasalukuyang Araw
Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.
Iba pang mga Uri ng Video