Araw-araw na mga Salita ng Diyos: Pagkilala sa Diyos | Sipi 126

Marso 6, 2021

Ang Anim na Sugpungan sa Buhay ng Tao (Mga piling sipi)

Ang Ikalimang Sugpungan: Supling

Pagkatapos mag-asawa, nagsisimula nang pangalagaan ng isang tao ang susunod na henerasyon. Walang kontrol ang tao sa bilang at uri ng mga anak na mayroon siya; pinagpasyahan din ito ng kapalaran ng isang tao at itinadhana ng Lumikha. Ito ang ikalimang sugpungan na dapat pagdaanan ng isang tao.

Kapag ang isang tao ay ipinanganak upang punan ang papel ng pagiging anak ng isang tao, kung gayon ay nag-aalaga ang isang tao ng susunod na henerasyon upang punan ang papel ng pagiging magulang ng isang tao. Ang paghahaliling ito ng mga papel ang nagpaparanas sa isang tao ng iba’t ibang yugto ng buhay mula sa iba’t ibang perspektibo. Binibigyan din nito ang isang tao ng iba’t ibang mga karanasan sa buhay na nagpapakilala sa kanya ng kataas-taasang kapangyarihan ng Lumikha, na palaging isinasagawa sa parehong paraan, at nagpaparanas sa isang tao ng katunayan na walang sinuman ang maaaring makialam o magpalit sa pagtatadhana ng Lumikha.

1. Walang Kontrol ang Isang Tao sa Mangyayari sa Sariling Supling

Ang kapanganakan, paglaki, at pag-aasawa ay naghahatid na lahat ng iba’t ibang uri at antas ng kabiguan. May mga tao na di-nasisiyahan sa kanilang mga pamilya o sa kanilang pisikal na anyo; may mga tao na hindi gusto ang kanilang mga magulang; ang ilan ay nagdaramdam o may mga reklamo sa kapaligiran na kinalakihan nila. At sa lahat ng kabiguang ito, ang pag-aasawa ang pinakahindi kasiya-siya para sa karamihan ng mga tao. Kahit gaano pa di-kasiya-siya para sa isang tao ang kanyang kapanganakan, pag-abot sa hustong pag-iisip, o pag-aasawa, alam ng bawat isang dumaan na sa mga ito na hindi mapipili ng isang tao kung saan at kailan siya ipapanganak, ano ang hitsura niya, sino ang kanyang mga magulang, at sino ang kanyang kabiyak, ngunit tinatanggap lamang niya ang kalooban ng Langit. Subalit kapag dumating na ang panahon upang mag-aruga ang mga tao ng susunod na henerasyon, kanilang ipinapasa ang lahat ng kanilang di-natupad na mga pagnanais sa unang bahagi ng kanilang buhay sa kanilang mga inanak, umaasa na mababawi ng kanilang mga supling ang lahat ng kabiguan na naranasan nila sa unang bahagi ng kanilang mga buhay. Kung kaya ginagawa ng mga tao ang lahat ng uri ng pagpapantasya tungkol sa kanilang mga anak: na ang kanilang mga anak na babae ay magiging nakamamanghang mga dilag, na ang kanilang mga anak na lalaki ay magiging makisig at maginoo; na ang kanilang mga anak na babae ay magkakaroon ng pinag-aralan at magkakaroon ng mga talento at ang kanilang mga anak na lalaki ay magiging mga napakatalinong mag-aaral at nangungunang atleta; na ang kanilang mga anak na babae ay magiging magiliw, mabait, at matino, at ang kanilang mga anak na lalaki ay magiging matalino, mahusay, at madaling makaramdam. Umaasa sila na mapababae o mapalalaki man ang kanilang anak, igagalang nito ang nakatatanda sa kanila, magiging maalalahanin sa kanilang mga magulang, mamahalin at pupurihin ng lahat…. Sa puntong ito, muling bumubukal ang pag-asa sa buhay, at nag-aalab ang mga bagong simbuyo sa puso ng mga tao. Alam ng mga tao na sila’y walang kapangyarihan at walang-pag-asa sa buhay na ito, na hindi na sila magkakaroon ng ibang pagkakataon o ng ibang pag-asa na mamukod-tangi sa iba, at wala na silang magagawa kundi ang tanggapin ang kanilang mga kapalaran. At kaya ipinapasa nila ang lahat ng kanilang pag-asa, ang kanilang di-natupad na mga ninanais at mithiin, sa susunod na henerasyon, umaasa na makakatulong sa kanila ang kanilang supling na makamit ang kanilang mga pangarap at matupad ang kanilang mga ninanais; na ang kanilang mga anak na babae at mga anak na lalaki ay magdadala ng karangalan sa pangalan ng pamilya, magiging importante, mayaman, o bantog. Sa madaling salita, nais nilang makita na pumapailanlang ang tagumpay ng kanilang mga anak. Ang mga plano at pantasya ng mga tao ay perpekto; hindi ba nila alam na ang bilang ng mga anak na mayroon sila, ang hitsura, mga kakayahan ng kanilang mga anak, at iba pa, ay hindi nila mapagpapasyahan, na ni kapiraso ng mga kapalaran ng kanilang mga anak ay wala sa kanilang mga palad? Ang mga tao ay hindi mga panginoon ng kanilang sariling kapalaran, subalit umaasa sila na mababago nila ang mga kapalaran ng mas nakababatang henerasyon; wala silang kapangyarihan na takasan ang kanilang sariling mga kapalaran, subalit sinusubukan nilang kontrolin ang kapalaran ng kanilang mga anak na babae’t lalaki. Hindi kaya nasosobrahan ang tiwala nila sa kanilang mga sarili? Hindi ba ito kahangalan at kamangmangan ng tao? Ang lahat ay gagawin ng mga tao para sa kapakanan ng kanilang supling, subalit sa bandang huli, hindi maaaring diktahan ng mga plano at mga naisin ng isang tao kung gaano karami at kung anong uri ang mga anak na mayroon sila. May mga tao na walang pera subalit nagkakaanak ng marami; ang ilang tao ay mayaman ngunit wala ni isang anak. Ang ilan ay gusto ng isang anak na babae ngunit pinagkaitan ng ganoong kahilingan; ang ilan ay gusto ng isang anak na lalaki ngunit bigong magkaanak ng lalaki. Para sa ilan, ang mga anak ay isang pagpapala; para sa iba, sila ay isang sumpa. May mga mag-asawa na matatalino, ngunit nagkakaanak ng mga batang mapupurol ang isip; may mga magulang na masisipag at matatapat, ngunit ang mga pinalalaki nilang anak ay mga tamad. Ang ilang magulang ay mababait at matuwid subalit may mga anak na nagiging mapanlinlang at malupit. May mga magulang na matino ang isip at katawan subalit nagkakaanak ng mga may-kapansanan. May mga magulang na pangkaraniwan at di-matagumpay gayunpaman ay may mga anak na nakagagawa ng mga dakilang bagay. May mga magulang na mabababa ang kinalalagyan datapwat may mga anak na umaangat sa kasikatan. …

2. Pagkatapos Palakihin ang Susunod na Henerasyon, Nagtatamo ang mga Tao ng Bagong Pagkaunawa sa Kapalaran

Karamihan sa mga tao na nag-aasawa ay ginagawa ito sa mga edad na tatlumpu, at sa puntong ito ng buhay, walang anumang pagkaunawa ang isang tao sa tadhana ng tao. Subalit kapag nagsimulang magpalaki ng mga anak ang mga tao, at habang lumalaki ang kanilang supling, napagmamasdan nilang inuulit ng bagong henerasyon ang buhay at ang lahat ng karanasan ng nakaraang henerasyon, at dahil nasasalamin nila ang kanilang sariling mga nakaraan sa kanila, natatanto nila na ang daan na tinatahak ng mas batang henerasyon, tulad din ng sa kanila, ay hindi maaaring planuhin at piliin. Nahaharap sa ganitong katotohanan, wala silang pagpipilian kundi ang aminin na ang kapalaran ng bawat tao ay naitadhana; at nang hindi ganap na natatanto ito, unti-unti nilang isinasantabi ang sarili nilang mga pagnanais, at ang mga kinahihiligan ng kanilang mga puso ay iwinawaksi at namamatay…. Sa panahong ito, ang mga tao ay nakalampas na sa karamihan ng mahahalagang pagsubok sa buhay, nakamit na ang isang bagong pagkaunawa sa buhay, at nagkaroon ng bagong saloobin. Gaano karami ang maaaring asahan sa hinaharap ng isang tao sa ganitong edad at ano ang mga posibilidad na dapat nilang asamin? Sinong limampung taong gulang na babae ang nangangarap pa rin kay Prince Charming? Sinong limampung taong gulang na lalaki ang naghahanap pa rin sa kanyang Snow White? Sinong nasa katanghaliang-gulang na babae ang umaasa pa rin na maging isang sisne mula sa pagiging pangit na sisiw ng pato? Ang karamihan ba sa mga nakatatandang lalaki ay mayroong parehong sigla sa karera tulad ng mga kabataang lalaki? Sa kabuuan, lalaki man o babae ang isang tao, ang sinumang nabubuhay sa edad na ito ay malamang na may makatwiran at praktikal na saloobin sa pag-aasawa, pamilya, at mga anak. Ang ganoong tao, kung tutuusin, ay wala nang natitirang pagpipilian at wala nang simbuyo na hamunin ang kapalaran. Kung karanasan ng tao ang pag-uusapan, sa sandaling makarating ang isang tao sa edad na ito, siya ay natural na nagkakaroon ng ganitong saloobin: “Dapat tanggapin ang kapalaran; ang mga anak ng isang tao ay may kani-kaniyang sariling suwerte; ang kapalaran ng tao ay itinadhana ng Langit.” Karamihan sa mga tao na hindi nakakaunawa ng katotohanan, matapos malampasan ang lahat ng malalaking pagbabago, pagkabigo, at paghihirap sa mundong ito, ay ibubuod ang kanilang mga pananaw sa buhay ng tao sa tatlong salita: “Ganyan ang kapalaran!” Bagaman binubuod ng pariralang ito ang pagkatanto sa kapalaran ng tao at ang nabuong konklusyon ng makasanlibutang mga tao, at bagama’t ito ay nagpapahayag ng kawalang-kakayahan ng sangkatauhan at masasabi na tumatagos at tumpak, ito’y napakalayo sa pagkaunawa sa kataas-taasang kapangyarihan ng Lumikha, at ito ay talagang hindi pamalit sa kaalaman tungkol sa awtoridad ng Lumikha.

—Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi III

Tingnan ang iba pa

Ngayon nagsimula na ang malalaking sakuna. Paano natin masasalubong ang pagbabalik ng Panginoon at magkaroon ng pagkakataong matamo ang proteksyon ng Diyos? Makipag-ugnayan sa amin ngayon upang mahanap ang paraan.

I-share

Kanselahin

Kontakin Kami Gamit ang Messenger