Araw-araw na mga Salita ng Diyos: Pagkilala sa Diyos | Sipi 120

Agosto 5, 2020

Pag-unawa sa Awtoridad ng Diyos mula sa Pangmalawakan at Pangmaliitang mga Pananaw

Natatangi ang awtoridad ng Diyos. Ito ang partikular na pagpapahayag at espesyal na diwa ng pagkakakilanlan ng Diyos Mismo, na hindi tinataglay ng alinmang nilalang o di-nilalang; tanging ang Lumikha lamang ang nagtataglay ng ganitong uri ng awtoridad. Ibig sabihin, tanging ang Lumikha lamang—ang Diyos na Natatangi—ang naipapahayag sa ganitong paraan at may ganitong diwa. Kaya’t bakit dapat nating pag-usapan ang awtoridad ng Diyos? Paano naiiba ang awtoridad ng Diyos Mismo sa “awtoridad” na binuo ng tao sa kanyang isip? Ano ang natatangi tungkol dito? Bakit lubhang napakahalaga na pag-usapan ito rito? Dapat maingat na isaalang-alang ng bawat isa sa inyo ang usaping ito. Para sa maraming tao, isang malabong ideya ang “awtoridad ng Diyos,” isang bagay na nangangailangan ng napakaraming pagsisikap upang maunawaan, at ang anumang talakayan tungkol dito ay malamang na maging napakahirap unawain. Samakatuwid, walang pagsalang magkakaroon ng agwat sa pagitan ng kaalaman tungkol sa awtoridad ng Diyos na kayang taglayin ng tao at sa diwa ng awtoridad ng Diyos. Upang mapunan ang agwat na ito, dapat unti-unting makilala ng bawat isa ang awtoridad ng Diyos sa pamamagitan ng mga tao, pangyayari, bagay, at iba’t ibang di-karaniwang pangyayari na maaabot ng tao at nasasaklawan ng kanilang kakayahang maunawaan sa kanilang tunay na buhay. Bagama’t ang pariralang “awtoridad ng Diyos” ay tila hindi maarok, hindi naman mahirap unawain ang awtoridad ng Diyos. Kasa-kasama Siya ng tao sa bawat minuto ng buhay nito at ginagabayan ito sa araw-araw. Kaya, sa tunay na buhay, tiyak na makikita at mararanasan ng bawat tao ang pinakakonkretong aspeto ng awtoridad ng Diyos. Ang konkretong aspetong ito ay sapat nang katibayan na tunay na umiiral ang awtoridad ng Diyos, at ganap nitong pinahihintulutan ang tao na makilala at maunawaan ang katunayan na ang Diyos ay nag-aangkin ng ganitong awtoridad.

Nilikha ng Diyos ang lahat, at dahil nilikha Niya ang mga ito, may kapamahalaan Siya sa lahat ng bagay. Bukod sa pagkakaroon ng kapamahalaan sa lahat ng bagay, Siya ang may kontrol sa lahat ng bagay. Ano ang ibig sabihin nito, ang ideya na “ang Diyos ay may kontrol sa lahat ng bagay”? Paano ito maipaliliwanag? Paano ito magagamit sa tunay na buhay? Paano mauuwi sa pagkaunawa sa Kanyang awtoridad ang pagkaunawa sa katunayan na ang Diyos ay may kontrol sa lahat ng bagay? Mula sa mismong pariralang “ang Diyos ay may kontrol sa lahat ng bagay,” dapat nating makita na ang kinokontrol ng Diyos ay hindi lamang isang bahagi ng mga planeta, o isang bahagi ng sangnilikha, lalong hindi ang isang bahagi ng sangkatauhan, kundi lahat ng bagay: mula sa pagkalaki-laki hanggang sa pagkaliit-liit, mula sa nakikita hanggang sa di-nakikita, mula sa mga bituin sa kosmos hanggang sa mga nabubuhay na bagay sa mundo, gayundin ang mga mikroorganismo na hindi nakikita ng mata lamang o mga nilalang na umiiral sa iba pang mga anyo. Ito ang tumpak na kahulugan ng “lahat ng bagay” na “kinokontrol” ng Diyos; ito ang abot ng Kanyang awtoridad, ang saklaw ng Kanyang kataas-taasang kapangyarihan at pamamahala.

Bago nilikha ang sangkatauhang ito, umiiral na ang kosmos—ang lahat ng planeta at ang lahat ng bituin sa kalangitan. Sa malawakang antas, palagiang umiikot ang mga bagay na ito sa kalangitan, sa ilalim ng kontrol ng Diyos, sa kabuuan ng pag-iral ng mga ito, gaano man karami ang mga nagdaang taon. Kung anong planeta ang pupunta sa kung saan sa kung anong tiyak na oras; kung anong planeta ang gagawa ng kung anong gawain, at kailan; kung anong planeta ang iikot sa kung anong landas ng planeta, at kung kailan ito maglalaho o mapapalitan—lahat ng bagay na ito ay nagpapatuloy nang walang bahagya mang pagkakamali. Ang mga posisyon ng mga planeta at ang mga agwat sa pagitan ng mga ito ay sumusunod sa mahigpit na mga disenyo, na mailalarawang lahat ng tumpak na mga datos; ang mga landas na kanilang tinatahak, ang bilis at mga disenyo ng kanilang mga orbit, ang mga panahon na ang mga ito ay nasa iba’t ibang posisyon—ang lahat ng ito ay makakayang bilangin nang tumpak at ilarawan ng mga natatanging batas. Sa loob ng napakahabang panahon, sumunod ang mga planetang ito sa mga batas na ito, nang walang bahagya mang paglihis. Walang kapangyarihan ang may kakayahang baguhin o gambalain ang kanilang mga landas o ang mga disenyong kanilang sinusundan. Sapagkat naitadhana na ng awtoridad ng Lumikha ang natatanging mga batas na namamahala sa galaw ng mga ito at ang tumpak na mga datos na naglalarawan sa mga ito, kusang sinusunod ng mga ito ang mga batas na ito, sa ilalim ng kataas-taasang kapangyarihan at kontrol ng Lumikha. Sa malawakang antas, hindi mahirap para sa tao ang matuklasan ang ilang disenyo, ilang datos, at ilang naiiba at di-maipaliwanag na mga batas o di-karaniwang kaganapan. Bagama’t hindi tinatanggap ng sangkatauhan na mayroong Diyos, o ang katunayan na ang Lumikha ang gumawa at may kapamahalaan sa lahat ng bagay, at bukod pa rito ay hindi kinikilala ang pag-iral ng awtoridad ng Lumikha, patuloy na higit pang natutuklasan ng mga siyentipiko, astronomo, at pisiko na ang pag-iral ng lahat ng bagay sa sansinukob, at ang mga prinsipyo at mga disenyo na nagtatakda ng kanilang mga pagkilos, ay pinamamahalaan at kinokontrol na lahat ng isang malawak at di-nakikitang madilim na enerhiya. Ang katunayang ito ang pumipilit sa tao na harapin at kilalanin na may Isang Makapangyarihan sa gitna ng mga disenyong ito ng pagkilos, na nagsasaayos sa lahat ng bagay. Hindi pangkaraniwan ang Kanyang kapangyarihan, at bagama’t walang sinuman ang nakakakita sa Kanyang tunay na mukha, Siya ang namamahala at kumukontrol sa lahat ng bagay sa bawat saglit. Walang tao o lakas ang may kakayahang lumampas sa Kanyang kataas-taasang kapangyarihan. Dahil nahaharap sa ganitong katunayan, dapat kilalanin ng tao na ang mga batas na namamahala sa pag-iral ng lahat ng bagay ay hindi makakayang kontrolin ng mga tao, hindi makakayang baguhin ninuman; dapat din niyang tanggapin na hindi makakayang ganap na unawain ng mga nilikhang tao ang mga batas na ito; at ang mga ito ay hindi likas na nangyayari, bagkus ay ipinag-uutos ng isang Kataas-taasang Kapangyarihan. Ang lahat ng ito ay pagpapahayag ng awtoridad ng Diyos na maaaring makita ng sangkatauhan sa malawakang antas.

Sa pangmaliitang antas, lahat ng bundok, ilog, lawa, dagat, at kalupaan na maaaring makita ng tao sa lupa, lahat ng nararanasan niyang panahon, lahat ng bagay na naninirahan sa mundo, kabilang na ang mga halaman, hayop, mikroorganismo, at mga tao, ay napaiilalim sa kataas-taasang kapangyarihan at kontrol ng Diyos. Sa ilalim ng kataas-taasang kapangyarihan at kontrol ng Diyos, lahat ng bagay ay nalilikha o naglalaho ayon sa Kanyang mga saloobin; lumilitaw ang mga batas na namamahala sa pag-iral ng mga ito, at lumalago at dumarami ang mga ito sa pagtalima sa mga batas na ito. Walang tao o bagay na hindi saklaw ng mga batas na ito. Bakit ganito? Ang tanging sagot ay ito: Ito ay dahil sa awtoridad ng Diyos. O, sa ibang salita, ito ay dahil sa mga saloobin ng Diyos at mga salita ng Diyos; dahil sa mga pansariling kilos ng Diyos Mismo. Nangangahulugan ito na ang awtoridad ng Diyos at isip ng Diyos ang pinagmumulan ng mga batas na ito na nag-iiba at nagbabago sang-ayon sa Kanyang mga saloobin, at ang mga pag-iiba at mga pagbabagong ito ay nagaganap o lumilipas na lahat alang-alang sa Kanyang plano. Gamiting halimbawa ang mga epidemya. Kumakalat ang mga ito nang walang babala. Walang sinumang nakaaalam sa mga pinagmulan ng mga ito o sa tiyak na dahilan kung bakit nangyayari ang mga ito, at tuwing umaabot ang isang epidemya sa isang partikular na lugar, ang mga tiyak na mapapahamak ay hindi makatatakas sa sakuna. Nauunawaan ng agham ng tao na ang epidemya ay idinudulot ng paglaganap ng mga mabagsik at nakapipinsalang mikrobyo, at ang bilis, saklaw at paraan ng pagkalat ng mga ito ay hindi nahuhulaan o nakokontrol ng agham ng tao. Bagama’t nilalabanan ng mga tao ang mga epidemya sa pamamagitan ng lahat ng posibleng paraan, hindi nila mapipigil kung aling mga tao o hayop ang di-maiiwasang maapektuhan kapag lumaganap ang mga epidemya. Ang tanging magagawa ng mga tao ay ang subukang hadlangan, labanan, at saliksikin ang mga ito. Subalit walang nakaaalam sa mga ugat na sanhi na magpapaliwanag sa simula o katapusan ng anumang epidemya, at walang sinumang makapipigil sa mga ito. Sa harap ng paglitaw at paglaganap ng isang epidemya, ang unang hakbang na isinasagawa ng mga tao ay ang gumawa ng isang bakuna, ngunit kadalasang kusang nawawala ang epidemya bago pa maging handa ang bakuna. Bakit nawawala ang mga epidemya? Sinasabi ng ilan na nakontrol na ang mga mikrobyo, samantalang sinasabi ng iba na namatay ang mga ito dahil sa pagbabago ng panahon…. Kung mapaninindigan man ang mga ligaw na haka-hakang ito, ang agham ay hindi makapaghain ng paliwanag at hindi makapagbigay ng tiyak na sagot. Hindi dapat maniwala ang sangkatauhan sa mga ispekulasyong ito, gayundin sa kawalan ng pagkaunawa at takot sa mga epidemya ng sangkatauhan. Sa huling pagsusuri, walang sinumang nakaaalam kung bakit nagsisimula ang mga epidemya o kung bakit natatapos ang mga ito. Sapagkat nananalig lamang ang sangkatauhan sa agham, ganap na umaasa rito, at hindi kinikilala ang awtoridad ng Lumikha o tinatanggap ang Kanyang kataas-taasang kapangyarihan, kailanman ay wala silang matatamong sagot.

Sa ilalim ng dakilang kapangyarihan ng Diyos, ang lahat ng bagay ay isinisilang, nabubuhay, at namamatay dahil sa Kanyang awtoridad at sa Kanyang pamamahala. May ilang bagay na dumarating at umaalis nang tahimik, at hindi masasabi ng tao kung saan nanggaling ang mga ito o maunawaan ang mga disenyong sinusunod ng mga ito, lalong hindi maunawaan ang mga dahilan kung bakit dumarating at umaalis ang mga ito. Bagaman maaaring makita ng tao ang lahat ng nangyayari sa lahat ng bagay, at maaaring marinig ito ng kanyang mga tenga, at maaaring maranasan ito ng kanyang katawan; bagaman may epekto ang lahat ng ito sa tao, at bagama’t halos hindi namamalayang inuunawa ng tao ang pagiging hindi pangkaraniwan, regular, o maging ang pagiging kataka-taka ng iba’t ibang pangyayari, wala pa rin siyang alam tungkol sa kalooban at isipan ng Lumikha na nasa likod ng mga ito. Maraming kuwento sa likod ng mga pangyayaring ito, maraming natatagong katotohanan. Dahil ang tao ay nalihis nang malayo mula sa Lumikha, dahil sa hindi niya tinatanggap ang katunayan na ang awtoridad ng Lumikha ang namamahala sa lahat ng bagay, kailanman ay hindi niya malalaman at mauunawaan ang lahat ng nangyayari sa ilalim ng kataas-taasang kapangyarihan ng awtoridad ng Lumikha. Sa kalakhang bahagi, ang pagkontrol at kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos ay lumalampas sa mga hangganan ng imahinasyon ng tao, ng kaalaman ng tao, ng pagkaunawa ng tao, ng kayang makamit ng siyensiya ng tao; lumalampas ito sa kakayahan ng nilikhang sangkatauhan. May ilang tao ang nagsasabi, “Yamang hindi mo mismo nasaksihan ang kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos, paano mo mapaniniwalaan na ang lahat ay nasa ilalim ng Kanyang awtoridad?” Ang pagkakita ay hindi palaging paniniwala; at hindi rin ito palaging pagkilala at pagkaunawa. Kaya saan nagmumula ang paniniwala? Masasabi Ko nang may katiyakan na, “Ang paniniwala ay nagmumula sa antas at lalim ng pangamba ng tao, ng karanasan ng tao, sa realidad at ugat na mga dahilan ng mga bagay.” Kung ikaw ay naniniwala na mayroong Diyos, ngunit hindi mo makilala, at mas lalong di-makita, ang katunayan ng pagkontrol ng Diyos at kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos sa lahat ng bagay, samakatuwid hindi mo kailanman aaminin sa puso mo na ang Diyos ay may ganitong uri ng awtoridad at ang awtoridad ng Diyos ay natatangi. Kailanman ay hindi mo tunay na matatanggap ang Lumikha bilang iyong Panginoon at iyong Diyos.

—Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi III

Tingnan ang iba pa

Ngayon nagsimula na ang malalaking sakuna. Paano natin masasalubong ang pagbabalik ng Panginoon at magkaroon ng pagkakataong matamo ang proteksyon ng Diyos? Makipag-ugnayan sa amin ngayon upang mahanap ang paraan.

I-share

Kanselahin

Kontakin Kami Gamit ang Messenger