Araw-araw na mga Salita ng Diyos: Paglalantad ng Katiwalian ng Sangkatauhan | Sipi 347

Oktubre 23, 2022

Ang inyong laman, ang inyong maluluhong pagnanais, ang inyong pagkagahaman, at ang inyong pagnanasa ay malalim na nakaugat sa inyo. Ang mga bagay na ito ay napakadalas na pumipigil sa inyong mga puso kaya kayo ay walang kapangyarihang iwaksi ang pamatok ng piyudal at nagpapasamang mga kaisipan na iyon. Hindi kayo naghahangad na baguhin ang inyong kasalukuyang sitwasyon, ni takasan ang impluwensiya ng kadiliman. Kayo ay nakatali lamang sa mga bagay na iyon. Kahit alam ninyong lahat na ang buhay na ito ay napakasakit at ang mundong ito ng mga tao ay napakadilim, magkagayon man, wala ni isa man sa inyo ang may tapang na baguhin ang inyong buhay. Nananabik lamang kayong takasan ang mga realidad ng buhay na ito, makamit ang pangingibabaw ng kaluluwa, at mamuhay sa isang mapayapa, masaya, at mistulang langit na kapaligiran. Hindi kayo handang magtiis ng mga paghihirap upang baguhin ang inyong kasalukuyang buhay; ni hindi kayo handang magsaliksik sa loob ng paghatol at pagkastigo na ito para sa buhay na dapat ninyong pasukin. Sa halip, nangangarap kayo ng lubos na di-makatotohanang mga pangarap tungkol sa magandang mundong iyon sa kabilang buhay. Ang buhay na inyong pinananabikan ay iyong maaari ninyong makamit na walang pagod nang hindi nagdurusa ng anumang pasakit. Iyan ay ganap na di-makatotohanan! Dahil ang inyong inaasahan ay hindi ang mamuhay ng isang makabuluhang buhay sa laman at matamo ang katotohanan habambuhay, iyan ay, ang mabuhay para sa katotohanan at tumayo para sa katarungan. Hindi ito ang itinuturing ninyo na isang maningning at nakasisilaw na buhay. Nadarama ninyong ito ay hindi magiging isang kaakit-akit o makabuluhang buhay. Sa pananaw ninyo, ang mamuhay ng gayong buhay ay magiging parang kawalan ng katarungan! Kahit na tanggapin ninyo ang pagkastigong ito ngayon, gayunpaman ang inyong pinagsisikapan ay hindi ang matamo ang katotohanan o ipamuhay ang katotohanan sa kasalukuyan, bagkus ay ang magsimulang mamuhay nang masaya sa kabilang buhay kalaunan. Hindi kayo naghahanap sa katotohanan, ni hindi kayo naninindigan para sa katotohanan, at tiyak na hindi kayo nabubuhay para sa katotohanan. Hindi ninyo pinagsisikapan ang pagpasok ngayon, sa halip ay puno ang inyong mga iniisip ng tungkol sa bukas at ng kung ano ang mangyayari balang araw: Nakatingin kayo sa asul na papawirin, umiiyak ng mapapait na luha, at umaasang madadala sa langit balang araw. Hindi ba ninyo alam na ang paraan ninyo ng pag-iisip ay malayo sa realidad? Lagi ninyong iniisip na ang Tagapagligtas na may walang-hanggang kabaitan at habag ay walang dudang darating balang araw upang isama ka Niya, ikaw na nagtiis ng paghihirap at pagdurusa sa mundong ito, at Siya ay maghihiganti para sa iyo na nabiktima at naapi. Hindi ka ba puno ng kasalanan? Ikaw lamang ba ang nagdusa sa mundong ito? Ikaw mismo ay nahulog sa nasasakupan ni Satanas at nagdusa—kailangan ka pa rin ba talagang ipaghiganti ng Diyos? Sila na mga hindi kayang tumugon sa mga hinihingi ng Diyos—hindi ba’t kaaway silang lahat ng Diyos? Sila na hindi naniniwala sa Diyos na nagkatawang-tao—hindi ba sila ang anticristo? Ano ang kabuluhan ng iyong mabubuting gawa? Mapapalitan ba ng mga ito ang isang pusong sumasamba sa Diyos? Hindi ka makakatanggap ng mga pagpapala ng Diyos sa pamamagitan lamang ng paggawa ng ilang mabubuting gawa, at hindi maghihiganti ang Diyos para sa mga kamaliang laban sa iyo dahil lamang sa ikaw ay nabiktima o naapi. Sila na mga naniniwala sa Diyos gayunman ay hindi kilala ang Diyos, ngunit gumagawa ng mabubuting gawa—hindi ba’t kinastigo rin silang lahat? Naniniwala ka lamang sa Diyos, gusto mo lamang na itama at ipaghiganti ng Diyos ang mga kamalian laban sa iyo, at nais mo na ipagkaloob ng Diyos sa iyo ang araw mo, ang araw kung kailan ay maitataas mo na sa wakas ang iyong noo. Ngunit tumatanggi kang pag-ukulan ng pansin ang katotohanan at ni hindi ka nauuhaw na isabuhay ang katotohanan. Lalong hindi mo kayang takasan ang mahirap at hungkag na buhay na ito. Sa halip, habang ipinamumuhay ang iyong buhay sa laman at ang iyong buhay ng kasalanan, umaasa ka sa Diyos na itama ang iyong mga hinaing at alisin ang kalabuan sa iyong buhay. Ngunit posible ba ito? Kung taglay mo ang katotohanan, makakasunod ka sa Diyos. Kung mayroon kang pagsasabuhay, maaari kang maging isang pagpapamalas ng salita ng Diyos. Kung mayroon kang buhay, maaari kang magtamasa ng pagpapala ng Diyos. Sila na nagtataglay ng katotohanan ay maaaring magtamasa ng pagpapala ng Diyos. Tinitiyak ng Diyos ang pagtutuwid para sa kanila na nagmamahal sa Kanya nang taos-puso at nagtitiis ng mga paghihirap at mga pagdurusa, ngunit hindi para doon sa mga nagmamahal lamang sa kanilang mga sarili at nabihag sa mga panlilinlang ni Satanas. Paano magkakaroon ng kabutihan sa kanila na hindi umiibig sa katotohanan? Paano magkakaroon ng katuwiran sa kanila na umiibig lamang sa laman? Hindi ba’t ang katuwiran at kabutihan ay parehong binabanggit lamang kaugnay ng katotohanan? Hindi ba’t nakalaan ang mga iyon para sa kanila na buong-pusong nagmamahal sa Diyos? Sila na hindi umiibig sa katotohanan at mga nabubulok na bangkay lamang—hindi ba ang lahat ng taong ito ay nagkakandili ng kasamaan? Sila na walang kakayahang ipamuhay ang katotohanan—hindi ba’t lahat sila ay kaaway ng katotohanan? At ano naman kayo?

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Tanging ang Nagawang Perpekto ang Makakapamuhay ng Makahulugang Buhay

Tingnan ang iba pa

Ngayon nagsimula na ang malalaking sakuna. Paano natin masasalubong ang pagbabalik ng Panginoon at magkaroon ng pagkakataong matamo ang proteksyon ng Diyos? Makipag-ugnayan sa amin ngayon upang mahanap ang paraan.

Leave a Reply

I-share

Kanselahin

Kontakin Kami Gamit ang Messenger