Araw-araw na mga Salita ng Diyos: Paglalantad ng Katiwalian ng Sangkatauhan | Sipi 343

Agosto 18, 2020

Naisagawa Ko na ang napakaraming gawain sa mundo at nakapamuhay na sa piling ng sangkatauhan nang napakaraming taon, subalit bihirang magkaroon ng kaalaman ang mga tao tungkol sa Aking larawan at Aking disposisyon, at kakaunting tao lang ang lubos na nakapagpapaliwanag sa gawaing Aking ginagawa. Napakaraming kulang sa mga tao, lagi silang kulang sa pag-unawa sa Aking ginagawa, at laging alerto ang kanilang puso na para bang matindi ang takot nila na baka ilagay Ko sila sa isa pang sitwasyon at pagkatapos ay pabayaan Ko na sila. Sa gayon, lagi silang walang sigla at masyadong maingat sa pakikitungo nila sa Akin. Ito ay dahil napunta sa kasalukuyan ang mga tao nang hindi nauunawaan ang gawaing ginagawa Ko, at lalo na, nalilito sila sa mga salitang sinasambit Ko sa kanila. Hawak nila ang Aking mga salita sa kanilang mga kamay, na hindi alam kung dapat ba silang mangakong magiging tapat sa paniniwala sa mga ito o kung dapat ba nilang piliing huwag magpasiya at kalimutan ang mga ito. Hindi nila alam kung dapat ba nilang isagawa ang mga ito, o kung hihintayin nila kung ano ang mangyayari, kung dapat ba nilang isantabi ang lahat at matapang na sumunod, o patuloy na kaibiganin ang mundo tulad ng dati. Napakakumplikado ng mga panloob na mundo ng mga tao, at napakatuso nila. Dahil hindi malinaw o lubos na maunawaan ng mga tao ang Aking mga salita, marami sa kanila ang nahihirapang isagawa ang mga iyon at nahihirapang ialay ang kanilang puso sa Aking harapan. Lubos Kong nauunawaan ang inyong mga paghihirap. Maraming kahinaan ang hindi maiiwasan kapag nabubuhay sa laman, at maraming bagay na walang kinikilingan ang lumilikha ng mga paghihirap para sa inyo. Pinapakain niyo ang inyong pamilya, maghapon kayong nagpapakasipag, at lumilipas ang mga buwan at taon sa paghihirap. Maraming paghihirap sa pamumuhay sa laman—hindi Ko ito ikinakaila, at siyempre ang mga ipinagagawa Ko sa inyo ay alinsunod sa inyong mga paghihirap. Ang mga ipinagagawa ko sa gawaing Aking ginagawa ay pawang nakabatay sa inyong aktuwal na tayog. Marahil dati, ang mga ipinagawa sa inyo ng mga tao sa kanilang gawain ay may halong mga elemento ng kalabisan, ngunit dapat ninyong malaman na hindi Ko kayo kailanman pinagawa nang sobra-sobra sa Aking sinasabi at ginagawa. Lahat ng ipinagagawa ay batay sa kalikasan, laman, at pangangailangan ng mga tao. Dapat ninyong malaman, at masasabi Ko sa inyo nang napakalinaw, na hindi Ko sinasalungat ang ilang makatwirang paraan ng pag-iisip ng mga tao, at hindi ko sinasalungat ang orihinal na kalikasan ng sangkatauhan. Dahil lamang hindi nauunawaan ng mga tao kung ano talaga ang mga pamantayang itinakda Ko sa kanila, ni hindi nila nauunawaan ang orihinal na kahulugan ng Aking mga salita, na hindi pa rin gaanong pinaniniwalaan ng mga tao ang Aking mga salita hanggang ngayon, at wala pa sa kalahati ng mga tao ang naniniwala sa Aking mga salita. Ang nalalabi ay mga hindi mananampalataya, at lalo na yaong mga gustong marinig Akong “magkuwento.” Bukod dito, maraming natutuwang panoorin ito. Binabalaan Ko kayo: Marami sa Aking mga salita ang nabuksan na sa mga naniniwala sa Akin, at yaong mga nagtatamasang tingnan ang magandang tanawin ng kaharian ngunit napagsarhan ng tarangkahan nito ay inalis Ko na. Hindi ba masasamang damo lamang kayo na kinasuklaman at tinanggihan Ko? Paano ninyo naatim na masdan ang pag-alis Ko at pagkatapos ay masayang salubungin ang Aking pagbalik? Sinasabi Ko sa inyo, matapos marinig ng mga tao sa Ninive ang galit na mga salita ni Jehova, agad silang nagsisi na nakadamit ng kayong magaspang na may mga abo. Dahil naniwala sila sa Kanyang mga salita kung kaya sila puno ng takot at pangamba at sa gayon ay nagsisi suot ang kayong magaspang na may mga abo. Patungkol sa mga tao sa panahong ito, bagama’t naniniwala rin kayo sa Aking mga salita at higit pa riyan, naniniwala kayo na muling naparito si Jehova sa gitna ninyo ngayon, puro kawalang-pitagan ang inyong pag-uugali, na para bang inoobserbahan lang ninyo si Jesus na isinilang sa Judea libu-libong taon na ang nakalilipas at bumaba na ngayon sa gitna ninyo. Lubos Kong nauunawaan ang panlilinlang na umiiral sa inyong puso; sumusunod sa Akin ang karamihan sa inyo para mag-usisa at naparito upang hanapin Ako dahil sa kahungkagan. Kapag hindi ninyo natamo ang inyong ikatlong kahilingan—ang kahilingan ninyo para sa isang mapayapa at masayang buhay—napapawi rin ang inyong pag-uusisa. Nalalantad ang panlilinlang na umiiral sa puso ng bawat isa sa inyo sa pamamagitan ng inyong mga salita at gawa. Sa deretsahang pagsasalita, nag-uusisa lamang kayo tungkol sa Akin, ngunit hindi kayo natatakot sa Akin; hindi kayo nag-iingat sa inyong pananalita, at lalo nang hindi niyo kinokontrol ang inyong pag-uugali. Kung gayon ay anong klase ba talaga ang inyong pananampalataya? Tunay ba iyon? Ginagamit lamang ninyo ang Aking mga salita para mawala ang inyong mga pag-aalala at mabawasan ang inyong pagkabagot, para punan ang natitirang kahungkagan sa buhay mo. Sino sa inyo ang nagsagawa na ng Aking mga salita? Sino ang may tunay na pananampalataya? Patuloy ninyong isinisigaw na ang Diyos ay isang Diyos na nakikita ang kaibuturan ng puso ng mga tao, ngunit paano naging tugma sa Akin ang Diyos na inyong ipinagsisigawan sa puso ninyo? Dahil sumisigaw kayo nang ganito, bakit ganyan kayong kumilos? Maaari kayang ito ang pagmamahal na nais ninyong isukli sa Akin? Hindi kakatiting ang dedikasyon sa inyong mga labi, ngunit nasaan ang inyong mga sakripisyo, at ang inyong mabubuting gawa? Kung hindi dahil sa inyong mga salita na nakararating sa Aking mga tainga, paano Ko kayo labis na kamumuhian? Kung tunay kayong naniwala sa Akin, paano kayo naging ganyan kabalisa? May lumbay sa inyong mukha na para bang kayo ay nililitis sa Hades. Wala kayo ni katiting na sigla, at mahina kayong magsalita tungkol sa tinig sa inyong kalooban; puno pa nga kayo ng mga reklamo at sumpa. Matagal na kayong nawalan ng pananampalataya sa Aking ginagawa at naglaho na maging ang inyong orihinal na pananampalataya, kaya paano kayo posibleng makakasunod hanggang sa huli? Dahil dito, paano kayo maliligtas?

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Salita para sa mga Kabataan at Matatanda

Tingnan ang iba pa

Ngayon nagsimula na ang malalaking sakuna. Paano natin masasalubong ang pagbabalik ng Panginoon at magkaroon ng pagkakataong matamo ang proteksyon ng Diyos? Makipag-ugnayan sa amin ngayon upang mahanap ang paraan.

I-share

Kanselahin

Kontakin Kami Gamit ang Messenger