Araw-araw na mga Salita ng Diyos: Paglalantad ng Katiwalian ng Sangkatauhan | Sipi 315
Agosto 29, 2020
Pinapalamutihan ng ilan ang kanilang mga sarili nang maganda, nguni’t paimbabaw lang: pinapalamutihan ng kababaihan ang kanilang mga sarili na kasingganda ng mga bulaklak, at nagdadamit ang kalalakihan na parang mga prinsipe o makikisig at mayayamang binata. Inaasikaso lang nila ang mga panlabas na bagay, gaya ng mga bagay na kinakain at isinusuot nila; sa loob, sila’y mga dukha at wala ni katiting na kaalaman tungkol sa Diyos. Ano kaya ang ibig sabihin nito? At mayroon namang ilan na nakadamit na parang kaawa-awang mga pulubi—mukha talaga silang mga alipin na taga-Silangang Asya! Talaga bang hindi ninyo nauunawaan ang itinatanong ko sa inyo? Mag-usap-usap kayo: Ano ba ang totoong natamo ninyo? Ilang taon na kayong naniniwala sa Diyos, subali’t ito lang lahat ang napala ninyo—hindi ba kayo napapahiya? Hindi ba kayo nahihiya? Ilang taon na kayong naghahanap ng tunay na daan, subali’t ngayon ay mas mababa pa rin sa isang maya ang inyong tayog! Tingnan ninyo ang mga dalaga sa gitna ninyo, kasingganda ng mga larawan sa inyong damit at kolorete, ikinukumpara ang inyong mga sarili sa isa’t isa—at ano ang ikinukumpara ninyo? Ang inyong kasiyahan? Ang inyong mga hinihingi? Palagay ba ninyo naparito ako para mangalap ng mga modelo? Wala kayong hiya! Nasaan ang inyong buhay? Hindi ba ang hinahangad ninyo ay ang sarili lamang ninyong maluhong pagnanasa? Akala mo napakaganda mo, nguni’t kahit maaaring napakagara ng damit mo, hindi ba sa katotohanan ay isa ka lamang malikot na uod, na isinilang sa isang tumpok ng dumi? Ngayon, mapalad mong natatamasa ang makalangit na mga pagpapalang ito hindi dahil sa maganda mong mukha, kundi dahil nagtatangi ang Diyos sa pamamagitan ng pagbabangon sa iyo. Hindi pa rin ba malinaw sa iyo kung saan ka nagmula? Sa pagbanggit ng buhay, tikom ang iyong bibig at wala kang imik, pipi na parang rebulto, subali’t ang lakas pa rin ng loob mong manamit nang magara! Mahilig ka pa ring magpapula ng pisngi at magpulbos sa mukha! At tingnan ninyo ang makikisig na binata sa gitna ninyo, suwail na mga lalaki na ginugugol ang buong maghapon na palakad-lakad lang, walang disiplina, makikita sa mukha na wala silang pakialam sa mundo. Ganito ba dapat umasal ang isang tao? Ano ang pinagkakaabalahan ng bawa’t isa sa inyo, lalaki o babae, sa buong araw? Alam ba ninyo kung kanino kayo umaasa para pakainin ang sarili ninyo? Tingnan mo ang pananamit mo, tingnan mo kung ano ang napala mo sa mga kamay mo, haplusin mo ang tiyan mo—ano ang napala mo mula sa halaga ng dugo at pawis na naibayad mo sa lahat ng mga taon na ito ng pagsampalataya? Iniisip mo pa ring magliwaliw, iniisip mo pa ring gayakan ang iyong umaalingasaw na laman—mga walang-kuwentang paghahabol! Inuutusan kang maging isang taong normal, subali’t ngayon ay hindi ka lang basta abnormal, kakaiba ka pa. Paano nagkaroon ng tapang ang gayong tao na humarap sa Akin? Sa ganitong pagkatao, ipinaparada mo ang iyong kariktan at ipinapasikat ang iyong laman, palaging namumuhay sa loob ng mga pagnanasa ng laman—hindi ka ba isang inapo ng maruruming demonyo at masasamang espiritu? Hindi Ko papayagan ang gayong maruming demonyo na manatiling umiiral nang matagal! At huwag mong ipalagay na hindi Ko alam kung ano ang iniisip mo sa iyong puso. Maaari mong mahigpit na pigilan ang iyong pagnanasa at iyong laman, nguni’t paanong hindi Ko malalaman ang mga kaisipan na kinakandili mo sa iyong puso? Paanong hindi Ko malalaman ang lahat ng hinahangad ng iyong mga mata? Kayong mga dalaga, hindi ba nagpapaganda kayo nang husto para iparada ang inyong laman? Ano ang pakinabang ninyo sa mga lalaki? Talaga bang maililigtas nila kayo mula sa dagat-dagatan ng pagdurusa? Para naman sa inyong makikisig na binata, nagbibihis kayong lahat para magmukha kayong maginoo at marangal, nguni’t hindi ba iyon isang pakana para mapansin ang inyong kakisigan? Para kanino ninyo ginagawa ito? Ano ang pakinabang ninyo sa mga babae? Hindi ba sila ang pinagmumulan ng inyong kasalanan? Kayong kalalakihan at kababaihan, marami na Akong nasabi sa inyo, subali’t iilan lang ang nasunod ninyo sa mga iyon. Mahina ang mga pandinig ninyo, lumabo na ang inyong mga mata, at matigas ang inyong puso hanggang sa puntong wala nang natira kundi pagnanasa sa inyong katawan, kaya nasisilo kayo nito, at hindi kayo makatakas. Sino ang gustong lumapit sa inyo na mga uod, kayo na namimilipit sa karumihan at putikan? Huwag ninyong kalimutan na wala kayong pinagkaiba sa mga pinalaki ko mula sa tumpok ng dumi, na dati ay wala kayong normal na pagkatao. Ang hinihiling ko sa inyo ay ang normal na pagkatao na dati ay wala kayo, hindi ang iparada ninyo ang inyong pagnanasa o bigyan ng kalayaan ang inyong nabubulok na laman, na nasanay na ng diyablo sa loob ng napakaraming taon. Kapag ganoon kayo manamit, hindi ba kayo natatakot na baka mas lalo kayong masilo? Hindi ba ninyo alam na dati kayong makasalanan? Hindi ba ninyo alam na ang inyong mga katawan ay punung-puno ng pagnanasa kaya tumatagos pa iyon sa inyong damit, na naghahayag ng inyong mga kalagayan bilang napakapapangit at napakaruruming demonyo? Hindi ba alam na alam ninyo ito nang mas malinaw kaysa sinuman? Ang inyong mga puso, ang inyong mga mata, ang inyong mga labi—hindi ba narungisang lahat ang mga ito ng maruruming demonyo? Hindi ba marumi ang mga bahagi mong ito? Palagay mo ba basta’t hindi ka kumikilos, ikaw na ang pinakabanal? Palagay mo ba maitatago ng magagandang bihis ang inyong nakakadiring mga kaluluwa? Hindi uubra iyan! Ipinapayo Ko sa inyo na maging higit na makatotohanan: Huwag kayong maging madaya at huwad, at huwag ninyong iparada ang inyong mga sarili. Ipinapasikat ninyo ang inyong pagnanasa sa isa’t isa, nguni’t kapalit nito ang tatanggapin lamang ninyo ay walang-hanggang pagdurusa at walang-habas na pagpaparusa! Bakit ninyo kailangang magpapungay ng mga mata sa isa’t isa at mag-ibigan? Ito ba ang sukat ng inyong integridad, ang hangganan ng inyong pagiging matuwid? Kinamumuhian Ko yaong mga nakikisangkot sa inyo sa masasamang panggagamot at pangkukulam; kinamumuhian Ko ang mga binata’t dalaga sa inyo na nagmamahal sa sarili nilang laman. Makabubuting pigilan ninyo ang inyong mga sarili, dahil kinakailangan na ninyo ngayong magtaglay ng normal na pagkatao, at hindi kayo pinapayagang ipasikat ang inyong pagnanasa—subali’t ginagawa ninyo ito sa bawa’t oportunidad na kaya ninyo, sapagka’t ang inyong laman ay napakasagana, at ang inyong pagnanasa ay napakalaki!
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Pagsasagawa 7
Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.
Iba pang mga Uri ng Video