Ang Kahulugan ng Paghahangad sa Katotohanan 9 (Unang Bahagi)

Matagal na rin nating pinagbabahaginan ang paksa ng wastong asal. Noong huli ay pinagbahaginan natin ang isang kasabihan—“Kung hahampasin mo ang iba, huwag mo silang hampasin sa mukha; kung pupunahin mo ang iba, huwag mong punahin ang mga pagkukulang nila.” Ngayon ay pagbabahaginan natin ang kasabihang “Wala nang silbi ang pagpupugot ng mga ulo; maging mabait hangga’t maaari,” na isa pa sa mga hinihingi ng tradisyonal na kultura para sa wastong asal ng tao. Anu-anong aspeto ng wastong asal ng mga tao ang tinutukoy ng kasabihang ito? Hinihingi ba nito sa mga tao na maging mabuting-loob at mapagpaubaya? (Oo.) Isa itong kinakailangan na may kaugnayan sa pagkabukas-palad ng pagkatao. Ano ang pamantayan para sa kinakailangang ito? Ano ang pinakamahalagang punto? (Maging mabait hangga’t maaari.) Tama iyon, ang pinakamahalagang punto ay dapat kayong maging mabait hangga’t maaari, at huwag maging masyadong agresibo na hindi na ninyo iniiwanan ang mga tao ng daan palabas. Hinihingi sa mga tao ng kasabihang ito tungkol sa wastong asal na maging mabuting-loob at huwag magkaroon ng maliliit na hinaing. Kapag nakikisalamuha sa mga tao o humaharap sa gawain ninyo, kung magkakaroon ng isang pagtatalo o alitan o samaan ng loob, huwag masyadong maraming hinihingi, labis-labis o malupit sa pagharap sa partidong nakaagrabyado. Maging mabait kapag kinakailangan, maging bukas-palad kapag kinakailangan, at maging maingat sa mundo at maingat sa sangkatauhan. Labis-labis ba ang pagkabukas-palad ng mga tao? (Hindi.) Hindi labis-labis ang pagkabukas-palad ng mga tao. Hindi tiyak ang mga tao kung gaano katindi ang kakayahan ng likas na gawi ng tao na tiisin ang ganitong uri ng bagay, at kung hanggang saan ito normal. Ano ang pangunahing saloobin ng mga normal na tao sa isang taong nakasakit sa iyo, nakitungo sa iyo nang may animosidad, o nanghimasok sa iyong mga interes? Ito ay pagkapoot. Kapag nagkakaroon ng pagkapoot sa puso ng mga tao, may kakayahan ba silang “maging mabait hangga’t maaari”? Hindi ito madaling magawa, at hindi ito kayang gawin ng karamihan ng mga tao. Pagdating sa karamihan ng mga tao, maaasahan ba nila ang konsiyensiya at katinuang taglay ng kanilang pagkatao upang maging mabait sa kabilang partido at kalimutan ang lahat? (Hindi.) Ngunit hindi naman tumpak na tumpak na sabihing hindi ito magagawa. Bakit hindi ito tumpak na tumpak? Ang lahat ay nakasalalay sa kung ano ang problema, at kung gaano ito kababaw o kahalaga. Isa pa, ang mga problema ay mayroong iba’t ibang antas ng kalubhaan, kaya nakasalalay ito sa kung gaano ito kalubha. Kung paminsan-minsan ka lang sinasaktan ng isang tao gamit ang kanyang pananalita, kung isa kang taong mayroong konsiyensiya at katinuan ay iisipin mong, “Hindi naman sa mapaminsala siya. Hindi siya seryoso sa sinasabi niya, padalos-dalos lang siyang magsalita. Alang-alang sa lahat ng taong nagkasundo kami, alang-alang sa ganito at ganiyan, o alang-alang sa kung anupaman, hindi ako magagalit sa kanya. Gaya ng sabi ng kasabihan, ‘Wala nang silbi ang pagpupugot ng mga ulo; maging mabait hangga’t maaari.’ Isang komento lamang ito, hindi naman talaga nito nasaktan ang pagpapahalaga ko sa sarili o napinsala ang mga interes ko, lalong hindi nito naapektuhan ang aking katayuan o mga inaasahan sa hinaharap, kaya palalagpasin ko na ito.” Kapag hinaharap ang maliliit na bagay na ito, nakasusunod ang mga tao sa kasabihang “Wala nang silbi ang pagpupugot ng mga ulo; maging mabait hangga’t maaari.” Ngunit kung talagang mapipinsala ng isang tao ang iyong mahahalagang interes, o ang iyong pamilya, o kung ang pinsalang gagawin niya sa iyo ay makaaapekto sa iyong buong buhay, makasusunod ka pa rin ba sa kasabihang “Wala nang silbi ang pagpupugot ng mga ulo; maging mabait hangga’t maaari”? Halimbawa, kung pinatay ng isang tao ang iyong mga magulang at gusto niyang patayin ang iyong buong pamilya, magagamit mo ba sa isang taong tulad niyon ang kasabihang “Wala nang silbi ang pagpupugot ng mga ulo; maging mabait hangga’t maaari”? (Hindi, hindi ko magagamit.) Hindi ito magagawa ng sinumang normal na taong may dugo at laman. Hindi talaga mapipigilan ng kasabihang ito ang matinding pagkapoot ng mga tao, at siyempre, lalong hindi nito maiimpluwensiyahan ang mga saloobin at opinyon ng mga tao tungkol sa bagay na ito. Kung pipinsalain ng isang tao ang iyong mga interes o maaapektuhan niya ang iyong mga inaasahan sa hinaharap, sinasadya man o hindi, o pisikal kang pipinsalain, sinasadya man o hindi, iniiwanan kang baldado o may pilat, o magdudulot ng pagiging negatibo sa iyong isipan at sa kaibuturan ng iyong puso, makasusunod ka ba sa kasabihang “Wala nang silbi ang pagpupugot ng mga ulo; maging mabait hangga’t maaari”? (Hindi.) Hindi mo ito magagawa. Kaya, hinihingi ng tradisyonal na kultura sa mga tao na maging mapagpaubaya at mabuting-loob sa kanilang wastong asal, ngunit magagawa ba ito ng mga tao? Hindi ito madaling gawin. Nakasalalay ito sa kung gaano katinding napinsala at naapektuhan ng usapin ang taong sangkot, at kung makakayanan ba ito o hindi ng kanyang konsiyensiya at katinuan. Kung walang malaking pinsalang nagawa, at makakayanan ito ng tao, at hindi ito lalagpas sa kung ano ang makakayanan ng kanyang pagkatao, ibig sabihin ay bilang isang normal na taong nasa hustong gulang ay kaya niyang tiisin ang mga bagay na ito, at mapapawi ang hinanakit at poot, at medyo madali itong kalimutan, maaari siyang maging mapagpaubaya at mabait sa kabilang partido. Magagawa mo ito nang walang anumang kasabihan tungkol sa wastong asal mula sa tradisyonal na kultura na pipigil, magtuturo, o gagabay sa iyo tungkol sa kung ano ang dapat gawin, dahil isa itong bagay na taglay ng normal na pagkatao at maisasakatuparan ito. Kung ang bagay na ito ay hindi masyadong matinding nakasakit sa iyo o hindi nagkaroon ng malaking pisikal, mental, at espirituwal na epekto sa iyo, madali mo itong magagawa. Gayunpaman, kung nagkaroon ito ng malaking pisikal, mental, at espirituwal na epekto sa iyo, hanggang sa puntong buong buhay ka na nitong babagabagin, at madalas kang malulumbay at magagalit dahil dito, at madalas kang malulungkot at panghihinaan ng loob dahil dito, at magkakaroon ng animosidad ang tingin mo sa sangkatauhan at sa mundong ito dahil dito, at mawawalan ka na ng kapayapaan o kaligayahan sa iyong puso, at halos buong buhay mo ay mabubuhay ka sa pagkapoot, na ibig sabihin, kung lumagpas na ang bagay na ito sa makakayanan ng normal na pagkatao, kung ganoon ay bilang isang taong may konsiyensiya at katinuan ay napakahirap maging mabait hangga’t maaari. Kung kaya itong gawin ng ilang tao, mga pambihirang pagkakataon iyon, ngunit saan ba ito dapat nakabatay? Anong uri ng mga kondisyon ang dapat na matupad? Sinasabi ng ilang tao: “Kung ganoon ay dapat nilang tanggapin ang Budismo at bitiwan ang pagkapoot upang magtamo ng pagka-Buddha.” Maaaring isa itong landas patungo sa pagpapalaya sa mga pangkaraniwang tao, ngunit pagpapalaya lamang ito. Ano nga ba ang kahulugan ng salitang “pagpapalaya” na ito? Nangangahulugan itong pag-iwas sa mga makamundong pagtatalo, pagkapoot, at pagpatay, at katumbas ito ng kasabihang “kapag hindi nakikita, nawawala sa isipan.” Kung iiwas ka sa gayong mga bagay at hindi mo makikita ang mga iyon, hindi masyadong makaaapekto ang mga iyon sa mga pinakatatago mong damdamin, at unti-unting maglalaho sa iyong alaala sa paglipas ng panahon. Ngunit hindi iyon pagsunod sa kasabihang “Wala nang silbi ang pagpupugot ng mga ulo; maging mabait hangga’t maaari.” Hindi magawa ng mga taong maging mabait, o mapagpatawad at mapagpaubaya tungkol sa bagay na ito, at ganap na makalimutan ito. Naglaho lamang ang mga bagay na ito sa pinakakaibuturan ng puso ng mga tao, at wala na silang pakialam sa mga iyon. O dahil lamang sa ilang turong Budista kaya may pag-aatubiling itinitigil ng mga tao ang pamumuhay sa pagkapoot at pagkahumaling sa mga makamundong sentimyento ng pagmamahal at pagkapoot. Ito ay pasibong pagpipilit lamang ng isang tao sa kanyang sarili na lumayo sa mga lugar ng alitan at iringan na ito na puno ng pagmamahal at pagkapoot, ngunit hindi ito nangangahalugang kaya niyang gamitin ang kasabihang “Wala nang silbi ang pagpupugot ng mga ulo; maging mabait hangga’t maaari.” Bakit ganoon? Tungkol naman sa normal na pagkatao, kung may mangyayari sa isang taong magdudulot ng malubhang pinsala sa kanyang katawan, isipan, at kaluluwa, tulad ng matinding kagipitan o pinsala, kahit ano pa ang kakayahan niya, hindi niya ito matatagalan. Ano ba ang ibig Kong sabihin sa “hindi ito matatagalan”? Ang ibig Kong sabihin ay hindi kayang labanan o pawiin ng normal na pagkatao, mga ideya at pananaw ng mga tao ang mga bagay na ito. Sa wika ng sangkatauhan, masasabing hindi nila ito matatagalan, na lagpas na ito sa hangganan ng pagtitiis ng tao. Sa wika ng mga mananampalataya, masasabing hindi lang nila kayang unawain ang bagay na ito, mahalata ito, o tanggapin ito. Kaya, yamang walang posibleng paraan upang malabanan o mapawi ang mga damdamin ng pagkapoot na ito, posible bang makasunod sa kasabihang “Wala nang silbi ang pagpupugot ng mga ulo; maging mabait hangga’t maaari”? (Hindi.) Ano ang implikasyon ng kawalan ng kakayahang tuparin ito? Ibig sabihin, na hindi taglay ng normal na pagkatao ang ganitong uri ng pagkabukas-palad. Halimbawa, sabihin nating pinatay ng isang tao ang iyong mga magulang at kinitil ang iyong buong pamilya, mapalalampas mo ba ang ganoong bagay? Posible bang mapawi ang pagkapoot na iyon? Matitingnan mo ba ang iyong kaaway tulad ng pagtingin mo sa mga pangkaraniwang tao, o iisipin ang kaaway mo tulad ng pag-iisip mo sa mga pangkaraniwang tao, nang walang pakiramdam sa iyong katawan, isipan o espiritu? (Hindi.) Walang sinumang makagagawa niyon, maliban kung sumasampalataya siya sa Budismo at nasasaksihan niya ang karma sa sarili niyang mga mata, sa gayon ay mabibitiwan niya ang ideya ng pagpatay bilang paghihiganti. Sinasabi ng ilang tao: “Mabuting tao ako, kaya kung papatayin ng isang tao ang mga magulang ko, kaya kong maging mabait sa kanya at hindi ako maghihiganti sa kanya, dahil malaki ang paniniwala ko sa karma. Tumpak itong ibinubuod ng kasabihang ‘Wala nang silbi ang pagpupugot ng mga ulo; maging mabait hangga’t maaari’: Kung ang paghihiganti ay nagdudulot ng paghihiganti, magkakaroon ba iyon ng katapusan? Isa pa, inamin na niya ang kanyang pagkakamali at lumuhod pa nga at nagmakaawa para sa kapatawaran ko. Napagbayaran na ang kasalanan, magiging mabait na ako sa kanya!” Kaya ba ng mga taong maging ganito kabuting-loob? (Hindi.) Hindi nila ito magagawa. Isantabi na kung ano ang maaari mong gawin sa sandaling mahuli mo siya, kahit bago mo pa siya mahuli, ang palagi mo lang maiisip araw-araw ay ang makaganti. Dahil labis kang nasaktan at matinding naapektuhan ng bagay na ito, bilang isang normal na tao, talagang hindi mo ito malilimutan hangga’t nabubuhay ka. Maging sa iyong mga panaginip ay makikita mo ang mga imahe ng iyong pamilya na pinapatay at ng iyong sarili na naghihiganti. Maaari kang maapektuhan ng bagay na ito sa buong buhay mo, hanggang sa huli mong hininga. Ang gayong pagkapoot ay hindi basta makalilimutan. Siyempre, mayroong mga kasong bahagyang hindi kasinglubha ng isang ito. Halimbawa, ipagpalagay nating may isang taong nanampal sa iyo sa harap ng maraming tao, ipinahihiya at hinahamak ka sa harap ng lahat, at iniinsulto ka nang walang dahilan. Mula noon, marami nang taong tumitingin sa iyo nang may diskriminasyon at tinutuya ka pa, kaya nahihiya ka nang makihalubilo sa mga tao. Hindi ito labis na kasinglubha ng pagpatay sa iyong mga magulang at kapamilya. Gayunpaman, mahirap sumunod sa kasabihang “Wala nang silbi ang pagpupugot ng mga ulo; maging mabait hangga’t maaari,” dahil ang mga bagay na ito na nangyari sa iyo ay lagpas na sa hangganan ng pagtitiis ng normal na pagkatao. Nagdulot ang mga ito sa iyo ng matinding pisikal at mental na pinsala, at lubha nitong napinsala ang iyong dignidad at karakter. Imposible mong malimutan o mabitiwan ang mga iyon, kaya napakahirap para sa iyo na sumunod sa kasabihang “Wala nang silbi ang pagpupugot ng mga ulo; maging mabait hangga’t maaari”—na normal naman.

Sa pagtingin sa mga aspetong ito na katatapos lang nating pagbahaginan ngayon, ang kasabihan tungkol sa wastong asal na “Wala nang silbi ang pagpupugot ng mga ulo; maging mabait hangga’t maaari,” na tinutukoy sa tradisyonal na kulturang Tsino, ay isang doktrina na pumipigil at nagbibigay-liwanag sa mga tao. Makalulutas lamang ito ng maliliit na pagtatalo at mabababaw na alitan, ngunit wala itong anumang epekto pagdating sa mga taong nagkikimkim ng malalim na pagkapoot. Talaga bang nauunawaan ng mga taong nagpapanukala sa kinakailangang ito ang pagkatao ng tao? Maaaring sabihin ng isang tao na ang mga taong nagpapanukala sa kinakailangang ito ay mayroon namang alam tungkol sa kung gaano kahaba ang hangganan ng pagtitiis ng konsiyensiya at katinuan ng tao. Kaya lamang ay nagmumukha silang sopistikado at marangal, at nakukuha nila ang pagsang-ayon at papuri ng mga tao dahil sa pagpapanukala sa teoryang ito. Sa katunayan, alam na alam nilang kapag sinaktan ng isang tao ang dignidad o karakter ng isang tao, pininsala ang kanyang mga interes, o naapektuhan pa nga ang kanyang mga inaasahan sa hinaharap at ang kanyang buong buhay, mula sa perspektiba ng pagkatao, dapat ay gumanti ang naagrabyadong partido. Kahit gaano pa katibay ang kanyang konsiyensiya at katinuan, hindi niya ito tatanggapin nang ganoon-ganoon lang. Sa pinakamatindi, magkakaiba lamang sa antas at pamamaraan ng kanyang paghihiganti. Sa tunay na lipunang ito, dito sa napakadilim at napakasamang kapaligirang panlipunan at kontekstong panlipunan kung saan namumuhay ang mga tao, kung saan hindi umiiral ang karapatang pantao, hindi pa kailanman tumigil ang mga tao sa pag-aaway at pagpatay sa isa’t isa, dahil lamang maaari silang maghiganti sa tuwing sila ay nasasaktan. Kapag mas malubha silang nasaktan, mas matindi ang kagustuhan nilang maghiganti at mas malupit ang mga pamamaraan ng paghihiganti nila. Kaya ano na ang mananaig na kaugalian sa lipunang ito? Ano na ang mangyayari sa mga ugnayan sa pagitan ng mga tao? Hindi ba’t magiging talamak ang pagpatay at pagganti sa lipunang ito? Samakatuwid, sinasabi sa mga tao ng taong nagpanukala sa kinakailangang ito sa isang lubhang pailalim na paraan na huwag gumanti, na ginagamit ang kasabihang ito tungkol sa wastong asal—“Wala nang silbi ang pagpupugot ng mga ulo; maging mabait hangga’t maaari”—upang pigilan ang kanilang pag-uugali. Sa tuwing dumaranas ang mga tao ng hindi patas na pagtrato, o naiinsulto ang kanilang karakter o nasasaktan ang kanilang dignidad, iniimpluwensyahan ng kasabihang ito tungkol sa wastong asal ang mga taong iyon sa pamamagitan ng pagdudulot sa kanilang magdalawang-isip bago kumilos, at pinipigilan silang maging padalos-dalos at magkaroon ng labis na reaksyon. Kung nanaisin ng mga tao sa lipunang ito na maghiganti sa tuwing makararanas sila ng hindi patas na pagtrato, kahit pa ang nagpataw ng pagtrato ay ang estado, ang lipunan, o ang mga taong nakakasalamuha nila, hindi ba’t magiging mahirap pamahalaan ang sangkatauhan at lipunang ito? Saanman maraming tao, hindi na maiiwasan ang mga pag-aaway, at magiging pangkaraniwan na ang mga paghihigantihan. Kaya hindi ba’t magkakagulo na ang sangkatauhan at ang lipunang ito? (Oo.) Madali bang pamahalaan ng mga namumuno ang isang magulong lipunan, o hindi? (Hindi, hindi ito madaling pamahalaan.) Dahil dito, ipinanukala ng mga tinatawag na tagapagturo at intelektuwal na ito ang kasabihan tungkol sa wastong asal na “Wala nang silbi ang pagpupugot ng mga ulo; maging mabait hangga’t maaari” upang hikayatin at bigyang-liwanag ang mga tao, upang sa tuwing sasailalim sila sa anumang hindi patas na pagtrato o diskriminasyon, mga insulto, o maaabuso o mayuyurakan pa nga, at kahit gaano pa katindi ang kanilang espirituwal o pisikal na pagdurusa, ang una nilang maiisip ay hindi ang pagganti, sa halip ay ang klasikong kasabihang ito na tungkol sa moralidad, “Wala nang silbi ang pagpupugot ng mga ulo; maging mabait hangga’t maaari,” na dahilan kaya hindi nila namamalayang tinatanggap na nila ang mga pagpipigil ng mga kasabihang ito tungkol sa wastong asal sa tradisyonal na kultura, sa gayon ay epektibong napipigilan ang kanilang mga saloobin at pag-uugali, at napapawi ang pagkapoot na kinikimkim nila sa iba, sa estado, at sa lipunan. Kapag napawi na itong animosidad at galit na likas na taglay ng pagkatao at itong mga likas na saloobin ng pagtatanggol sa dignidad ng isang tao, labis bang mababawasan ang mga labanan at paghihigantihan sa pagitan ng mga tao sa lipunang ito? (Oo.) Halimbawa, sinasabi ng ilang tao: “Patas na tayo, mas madaling malulutas ang hidwaan sa pamamagitan ng pagkakasundo. Sabi nga ay ‘Wala nang silbi ang pagpupugot ng mga ulo; maging mabait hangga’t maaari.’ Mayroon siyang mga dahilan sa pagpatay sa aking pamilya. Dalawang tao ang may kagagawan sa isang pag-aaway, at pinanghahawakan ng parehong panig ang sari-sarili nilang katwiran. Isa pa, ilang taon nang patay ang aking pamilya, ano pa ang punto ng pag-uungkat sa bagay na iyon? Maging mabait hangga’t maaari—dapat matutuhan ng mga taong maging mabuting-loob bago nila mabitiwan ang kanilang pagkapoot, at kapag nabitiwan na nila ang kanilang pagkapoot ay saka lamang sila magiging maligaya sa buhay.” Mayroong ibang taong nagsasabing: “Ang nakaraan ay nakaraan na. Kung hindi na siya nagkikimkim ng maliliit na hinaing laban sa akin o hindi na niya ako tinitingnan nang may animosidad gaya ng dati, hindi na rin ako makikipag-away sa kanya, at magsisimula na lang kaming muli. Gaya ng sabi sa kasabihan, ‘Wala nang silbi ang pagpupugot ng mga ulo; maging mabait hangga’t maaari.’” Kung biglang pipigilan ng gayong mga tao, kung sinuman sila, ang kanilang sarili sa mismong sandali bago sila maghiganti, hindi ba’t pangunahing nagmumula ang kanilang mga salita, kilos, at teoretikal na batayan sa impluwensiya ng mga ideya at pananaw na gaya ng “Wala nang silbi ang pagpupugot ng mga ulo; maging mabait hangga’t maaari”? (Oo.) Mayroon pa ring iba na nagsasabing: “Bakit lagi kang nakikipagtalo? Ang ganda mo namang halimbawa ng isang tao, ni hindi mo makalimutan ang ganoon kaliit na bagay! May ilang dakilang lalaki na sa laki ng puso ay makapaglalayag doon ang isang bangka. Kahit papaano, maglaan ka naman ng puwang para sa kaunting pagkabukas-palad! Hindi ba dapat ay maging medyo mabuting-loob sa buhay ang mga tao? Maghinay-hinay ka at lawakan mo ang iyong pagtingin, sa halip na nagkikimkim ka ng maliliit na hinaing. Katawa-tawang panoorin ang lahat ng pakikipagtalong ito.” Ibinubuod ng mga kasabihan at ideyang ito ang isang uri ng saloobin ng tao sa mga makamundong bagay, isang saloobing nagmumula lamang sa “Wala nang silbi ang pagpupugot ng mga ulo; maging mabait hangga’t maaari” at iba pang gayong kasabihang mula sa mga klasikong kasabihan tungkol sa moralidad. Natataniman at naiimpluwensyahan ang mga tao ng mga kasabihang ito, at nararamdaman nilang gumaganap sila ng kung anong papel sa panghihikayat at pagbibigay-liwanag sa mga tao, kaya mga tama at wastong bagay ang tingin nila sa mga salitang ito.

Bakit kayang bitiwan ng mga tao ang pagkapoot? Ano ang mga pangunahing kadahilanan? Sa isang banda, naiimpluwensyahan sila ng kasabihang ito tungkol sa wastong asal—“Wala nang silbi ang pagpupugot ng mga ulo; maging mabait hangga’t maaari.” Sa kabilang banda, nag-aalala sila sa kaisipang kung magkakaroon sila ng mabababaw na hinaing, palaging mapopoot sa mga tao, at hindi sila mapagpaubaya sa iba, hindi sila magkakaroon ng mapanghahawakan sa lipunan at makokondena sila ng opinyon ng madla at mapagtatawanan ng mga tao, kaya kailangan nilang atubili at labag sa loob na pigilan ang kanilang galit. Sa isang banda, sa pagtingin sa likas na damdamin ng tao, hindi makakayanan ng mga taong nabubuhay sa mundong ito ang lahat ng paniniil, walang kabuluhang pagdurusa at hindi patas na pagtratong ito. Ang ibig sabihin, wala sa pagkatao ng mga tao ang makayanan ang mga bagay na ito. Samakatuwid, hindi patas at hindi makataong ipanukala ang kahilingang “Wala nang silbi ang pagpupugot ng mga ulo; maging mabait hangga’t maaari” sa kahit kanino. Sa kabilang banda, malinaw na naaapektuhan o nababaluktot din ng gayong mga ideya at pananaw ang mga pananaw at perspektibo ng mga tao ukol sa mga bagay na ito, kaya hindi nila magawang tratuhin nang tama ang gayong mga bagay at sa halip ay tama at positibong mga bagay ang tingin nila sa mga kasabihang tulad ng “Wala nang silbi ang pagpupugot ng mga ulo; maging mabait hangga’t maaari.” Kapag nagdaranas ang mga tao ng hindi patas na pagtrato, upang makaiwas sa pagkondena ng opinyon ng madla, wala silang magagawa kundi kimkimin ang mga insulto at hindi patas na pagtratong kanilang dinanas, at maghintay ng pagkakataong makaganti. Kahit pa nagsasabi sila ng mga bagay na masasarap pakinggan na tulad ng “‘Wala nang silbi ang pagpupugot ng mga ulo; maging mabait hangga’t maaari.’ Hindi bale, wala nang puntong gumanti, tapos na iyon,” pinipigilan sila ng likas na damdamin ng tao na kalimutan kailanman ang pinsalang nagawa sa kanila ng insidenteng ito, na ang ibig sabihin, ang pinsalang nagawa nito sa kanilang katawan at isipan ay hindi na kailanman mabubura o maglalaho. Kapag sinasabi ng mga taong “Kalimutan na natin ang pagkapoot, nangyari na ang bagay na ito, tapos na ito,” isa lamang iyong palabas na nabuo dahil lamang sa pagpipigil at impluwensya ng mga ideya at pananaw na tulad ng “Wala nang silbi ang pagpupugot ng mga ulo; maging mabait hangga’t maaari.” Siyempre, nalilimitahan din ng gayong mga ideya at pananaw ang mga tao, hangga’t iniisip nilang kung hindi nila maisasagawa ang mga iyon, kung wala silang puso o pagkabukas-palad upang maging mabait hangga’t maaari, mahahamak at makokondena sila ng lahat, at lalo pa silang madidiskrimina sa lipunan o sa loob ng kanilang pamayanan. Ano ang kalalabasan kapag nadiskrimina ka? Iyon ay, kapag nakasalamuha mo ang mga tao at hinarap mo ang iyong gawain, sasabihin ng mga tao, “Makitid ang isip at mapaghiganti ang taong ito. Mag-ingat kayo sa pakikitungo sa kanya!” Epektibo itong nagiging karagdagang hadlang kapag humaharap ka sa iyong gawain sa loob ng pamayanan. Bakit mayroon ng karagdagang hadlang na ito? Dahil ang kabuuan ng lipunan ay naiimpluwensyahan ng mga ideya at pananaw na tulad ng “Wala nang silbi ang pagpupugot ng mga ulo; maging mabait hangga’t maaari.” Ang gayong pag-iisip ay iginagalang ng pangkalahatang kaugalian ng lipunan, at ang buong lipunan ay nalilimitahan, naiimpluwensyahan at nakokontrol nito, kaya kung hindi mo ito maisasagawa, magiging mahirap magkaroon ng mapanghahawakan sa lipunan, at umiral sa loob ng iyong pamayanan. Samakatuwid, walang ibang magagawa ang ilang tao kundi sumunod sa gayong mga kaugaliang panlipunan at sumunod sa mga kasabihan at pananaw na tulad ng “Wala nang silbi ang pagpupugot ng mga ulo; maging mabait hangga’t maaari,” nagiging kaawa-awa ang mga buhay. Batay sa mga pangyayaring ito, hindi ba’t may mga partikular na mithiin at layunin ang diumano’y mga moralista sa pagpapanukala sa mga kasabihang ito tungkol sa mga moral na ideya at pananaw? Ginawa ba nila ito upang makapamuhay nang mas malaya ang mga tao, at maging mas maginhawa ang kanilang katawan, isipan at espiritu? O ito ba ay upang magkaroon ang mga tao ng mas maliligayang buhay? Malinaw na malinaw na hindi. Hindi talaga pinaglilingkuran ng mga kasabihang ito tungkol sa wastong asal ang mga pangangailangan ng normal na pagkatao ng mga tao, at lalong hindi ipinanukala ang mga iyon upang mahikayat ang mga taong magsabuhay ng normal na pagkatao. Sa halip, ganap na pinaglilingkuran ng mga iyon ang ambisyon ng uring namumuno na kontrolin ang mga tao at patatagin ang sarili nitong kapangyarihan. Gumagawa ng serbisyo ang mga iyon sa uring namumuno, at ipinanukala ang mga iyon upang makontrol ng uring namumuno ang kaayusang at kaugaliang panlipunan, ginagamit ang mga bagay na iyon upang limitahan ang bawat tao, bawat pamilya, bawat indibiduwal, bawat pamayanan, bawat grupo, at ang lipunang binubuo ng lahat ng iba’t ibang grupo. Sa gayong mga lipunan, sa ilalim ng indoktrinasyon, impluwensiya, at pagtatanim ng gayong mga moral na ideya at pananaw, lumilitaw at nabubuo ang nangingibabaw na mga moral na ideya at pananaw sa lipunan. Ang pagkabuong ito ng panlipunang moralidad at kaugaliang panlipunan ay hindi higit na nakatutulong sa pag-iral ng sangkatauhan, hindi rin ito mas nakatutulong sa pag-unlad at pagdadalisay sa kaisipan ng tao, ni mas nakatutulong sa pagpapabuti ng pagkatao. Sa kabaligtaran, dahil sa paglitaw ng mga moral na ideya at pananaw na ito, nalilimitahan ang pag-iisip ng tao sa isang nakokontrol na antas. Kaya, sino ang nakikinabang sa huli? Ang sangkatauhan ba? O ang uring namumuno? (Ang uring namumuno.) Tama iyon, ang uring namumuno ang nakikinabang sa huli. Kapag ang mga moral na kasulatang ito ang batayan ng kanilang pag-iisip at wastong asal, ang mga tao ay mas madaling pamunuan, mas malamang na maging mga masunuring mamamayan, mas madaling manipulahin, mas madaling pamamahalaan ng iba’t ibang kasabihan ng mga moral na kasulatan sa lahat ng kanilang ginagawa, at mas madaling pamahalaan ng mga sistemang panlipunan, panlipunang moralidad, kaugaliang panlipunan, at opinyon ng madla. Sa ganitong paraan, sa isang partikular na antas, ang mga taong nasa ilalim ng parehong mga sistemang panlipunan, moral na kapaligiran, at kaugaliang panlipunan ay pangunahing mayroong mga nagkakaisang ideya at pananaw, at nagkakaisang pamantayan sa kung paano sila dapat umasal, dahil sumailalim ang kanilang mga ideya at pananaw sa pagpoproseso at istandardisasyon ng mga diumano’y moralista, intelektuwal, at tagapagturong ito. Ano ba ang ibig sabihin ng salitang “nagkakaisang” ito? Nangangahulugan itong ang lahat ng pinamumunuan—pati na ang kanilang mga kaisipan at normal na pagkatao—ay nahubog at nalimitahan na ng mga kasabihang ito mula sa mga moral na kasulatan. Nalilimitahan ang mga kaisipan ng mga tao, at kasabay niyon ay nalilimitahan din ang kanilang mga bibig at utak. Ang lahat ay napipilitang tanggapin ang mga moral na ideya at pananaw na ito ng tradisyonal na kultura, ginagamit ang mga ito upang husgahan at pigilan ang sarili nilang pag-uugali sa isang banda, at husgahan ang iba at ang lipunang ito sa kabilang banda. Siyempre, kasabay niyon, nakokontrol din sila ng opinyon ng madla, na nakasentro sa mga kasabihang ito mula sa mga moral na kasulatan. Kung sa palagay mo ay taliwas sa kasabihang “Wala nang silbi ang pagpupugot ng mga ulo; maging mabait hangga’t maaari” ang paraan ng paggawa mo sa mga bagay-bagay, labis kang mababagabag at mababalisa, at hindi magtatagal ay maiisip mong “kung hindi ko magagawang maging mabait hangga’t maaari, kung masyado akong mababaw at makitid ang isip ko na gaya ng kung sinong makitid at mababaw na tao, at hindi ko mabitiwan ang kahit katiting na pagkapoot, bagkus ay dala-dala iyon sa lahat ng oras, mapagtatawanan ba ako? Madidiskrimina ba ako ng mga kasamahan at kaibigan ko?” Kaya, kailangan mong magkunwaring napakamabuting-loob. Kung taglay ng mga tao ang mga pag-uugaling ito, nangangahulugan ba itong kinokontrol sila ng opinyon ng madla? (Oo.) Sa makatarungang pagsasalita, sa kaibuturan ng iyong puso ay mayroong mga hindi nakikitang tanikala, na ang ibig sabihin, ang opinyon ng madla at ang pagkondena ng buong lipunan ay parang mga hindi nakikitang tanikala para sa iyo. Halimbawa, alam ng ilang tao na mabuti ang sumampalataya sa Diyos, at na sa pamamagitan ng pagsampalataya sa Diyos ay makapagtatamo sila ng kaligtasan, at na ang pagsampalataya sa Diyos ay nangangahulugang pagtahak sa tamang landas at hindi paggawa ng masasamang bagay, ngunit kapag una silang sumampalataya sa Diyos, hindi sila naglalakas-loob na maging matapat tungkol dito, o aminin ang kanilang pananampalataya, hanggang sa punto ng hindi paglalakas-loob na magpalaganap ng ebanghelyo. Bakit hindi sila naglalakas-loob na maging matapat tungkol dito at ipaalam ito sa mga tao? Ito ba ay dahil naaapektuhan sila ng kabuuang kapaligiran? (Oo.) Kaya ano ang mga epekto at pagpipigil sa iyo ng kabuuang kapaligirang ito? Bakit hindi ka naglalakas-loob na amining sumasampalataya ka sa Diyos? Bakit ni hindi ka naglalakas-loob na magpalaganap ng ebanghelyo? Bukod sa mga pambihirang sitwasyong tulad ng mga awtoritaryan na bansa, kung saan inuusig ang mga taong may pananampalataya, ang isa pang dahilan ay na labis-labis ang iba’t ibang kasabihang mula sa opinyon ng madla upang makayanan mo. Halimbawa, sinasabi ng ilang tao na sa sandaling magsimula kang sumampalataya sa relihiyon, wala ka nang pakialam sa iyong pamilya; pinalalabas kang masama ng ilang tao, sinasabing gusto ng mga mananampalataya ng relihiyon na maging imortal, at na ibinubukod nila ang kanilang sarili sa lipunan; sinasabi ng iba na kaya ng mga mananampalatayang hindi kumain, at hindi matulog nang ilang araw nang tuloy-tuloy at nang hindi napapagod; at gayunman ay nagsasabi ang ilan ng mas masasahol pang bagay. Sa simula ba ay hindi ka naglakas-loob na amining sumasampalataya ka sa Diyos dahil naaapektuhan ka ng mga opinyong ito? May epekto ba sa iyo ang mga opinyong ito sa kabuuang kapaligiran ng lipunan? (Oo.) Sa isang partikular na antas, naaapektuhan ng mga iyon ang iyong damdamin at nasasaktan ang iyong pagpapahalaga sa sarili, kaya hindi ka naglalakas-loob na lantarang amining sumasampalataya ka sa Diyos. Dahil ang lipunang ito ay hindi mabait at may animosidad sa mga taong may pananampalataya at sa mga sumasampalataya sa Diyos, at nagsasabi pa nga ang ilang tao ng masasamang insulto at mga mapanirang-puring komento na labis-labis para iyong makayanan, hindi ka naglalakas-loob na lantarang amining sumasampalataya ka sa Diyos, at kailangan mong tumakas upang palihim na pumunta sa mga pagtitipon, na parang isang magnanakaw. Natatakot kang masabihan ng iba ng mga mapanirang-puring bagay kung matutuklasan nila, kaya ang tanging magagawa mo ay pigilan ang iyong pagkasuklam. Sa ganitong paraan, tahimik mong natiis ang matinding dalamhati, ngunit ang pagdanas sa lahat ng dalamhating ito ay labis na nakapagpapatatag at nakapagtamo ka ng malinaw na kabatiran sa maraming bagay, at nakaunawa ng ilang katotohanan.

Katatapos lang nating masusing pagbahaginan ang kasabihang ito tungkol sa wastong asal na “Wala nang silbi ang pagpupugot ng mga ulo; maging mabait hangga’t maaari.” Mula sa perspektibo ng sangkatauhan, tinutukoy ng kasabihang ito ang pinakakaunting wastong asal na dapat taglayin ng isang tao pagdating sa pagkabukas-palad at kalawakan ng pag-iisip. Ang totoo, batay sa pinsala at epekto sa mga karapatang pantao, dignidad, integridad, at pagkatao ng mga tao, ang paggamit lamang sa kasabihang “Wala nang silbi ang pagpupugot ng mga ulo; maging mabait hangga’t maaari” na ito, na parang pananalita ng mga kriminal na magnanakaw at tulisan, upang pagaanin ang loob at pigilan ang mga tao ay isang malaking insulto sa mga taong may konsiyensiya at katinuan, at hindi ito makatao at imoral ito. Likas na nagtataglay ang normal na pagkatao ng kagalakan, galit, kalungkutan, at kaligayahan. Hindi na Ako magsasalita tungkol sa kagalakan, kalungkutan, at kaligayahan. Ang galit ay isa ring emosyong taglay ng normal na pagkatao. Sa ilalim ng anong mga sitwasyon nagkakaroon ng galit, at nagpapamalas nito nang normal? Kapag nagpapamalas ang ngitngit ng normal na pagkatao—ibig sabihin, kapag nasaktan, nayurakan, at nainsulto ang integridad, dignidad, mga interes, at ang espiritu at isipan ng mga tao, natural at likas silang magagalit, na nagdudulot ng pagkasuklam o pagkapoot pa nga—ito ang dahilan kung bakit nagkakaroon ng galit, at ito ang partikular na pagpapamalas nito. May ilang taong nagagalit nang walang dahilan. Ang isang maliit na bagay ay maaaring makapag-udyok sa kanilang poot, o kapag may taong aksidenteng nakapagsalita ng nakasasakit sa kanila at makapagdudulot ito ng pagdidilim ng paningin dahil sa galit. Masyadong mainitin ang kanilang ulo, hindi ba? Wala sa mga bagay na ito ang may kaugnayan sa kanilang espiritu, integridad, dignidad, karapatang pantao o espirituwal na mundo, subalit maaari silang magwala sa isang iglap, na maaaring dahil sa masyadong mainitin ang kanilang ulo. Hindi normal na magpakita ng mga damdamin ng poot sa kahit na ano at sa lahat ng bagay. Ang pinag-uusapan natin dito ay ang pagkasuklam, galit, ngitngit, at pagkapoot na ipinamamalas ng normal na pagkatao. Ang mga ito ay ilan sa mga likas na reaksyon ng mga tao. Kapag ang integridad, dignidad, karapatang pantao, at espiritu ng isang tao ay nayurakan, nainsulto, o napinsala, nasusuklam ang taong iyon. Ang pagkasuklam na ito ay hindi isang panandaliang bugso ng pagkainis, ni isang panandaliang damdamin, bagkus, isa itong normal na reaksyon ng tao sa tuwing nasasaktan ang integridad, dignidad at espiritu ng isang tao. Yamang isa itong normal na reaksyon ng tao, masasabing katanggap-tanggap at makatwiran ang reaksyong ito, kaya hindi ito isang krimen, at hindi kinakailangang pigilan. Tungkol naman sa mga problemang nakasasakit sa mga tao nang ganito katindi, dapat na malutas at maiwasto nang patas ang mga iyon. Kung hindi malulutas nang makatwiran o maiwawasto nang makatarungan ang bagay na iyon, at ang mga tao ay hindi makatwirang inaasahang isagawa ang kasabihang “Wala nang silbi ang pagpupugot ng mga ulo; maging mabait hangga’t maaari,” ito ay imoral at hindi makatao para sa biktima, at isa itong bagay na dapat magkaroon ang mga tao ng kamalayan.

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.