Ang Kahulugan ng Paghahangad sa Katotohanan 8 (Ikatlong Bahagi)

Kung gusto ng mga taong baguhin ang kanilang mga disposisyon at magtamo ng kaligtasan, kailangan ay magkaroon sila ng hindi lamang determinasyon, kundi ng isa ring walang kapagurang pag-iisip. Kailangan nilang kumuha ng karanasan mula sa kanilang mga pagkabigo, at magtamo ng landas ng pagsasagawa mula sa kanilang karanasan. Huwag kang maging negatibo at panghinaan ng loob kapag ikaw ay nabibigo, at talagang huwag kang sumuko. Ngunit hindi ka rin dapat maging kampante kapag nagkakaroon ka ng kaunting tagumpay. Kahit pa saan ka mabigo o panghinaan sa paggawa, hindi nito idinidikta na hindi ka na maliligtas sa hinaharap. Kailangan mong maunawaan ang kalooban ng Diyos, makabangong muli, sumunod sa mga salita ng Diyos, at ipagpatuloy ang pakikipaglaban sa iyong mga tiwaling satanikong disposisyon. Kailangang magsimula ang isang tao sa pamamagitan ng malinaw na pagtingin sa pinsala at hadlang na idinudulot ng iba’t ibang hinihingi at kasabihan tungkol sa moral na asal na galing kay Satanas sa paghahangad ng mga tao sa katotohanan. Dahil palaging iginagapos at pinipigilan ng mga kasabihang ito tungkol sa moral na asal ang isip ng mga tao, habang pinalalago rin ang mga tiwaling disposisyon ng mga tao. Siyempre, nakagagambala rin ang mga iyon sa pagtanggap ng mga tao sa katotohanan at sa mga salita ng Diyos sa iba’t ibang antas, nagdudulot sa mga tao na pag-alinlanganan at labanan ang katotohanan. Ang isang kasabihang gayon ay ang “Kung hahampasin mo ang iba, huwag mo silang hampasin sa mukha; kung pupunahin mo ang iba, huwag mong punahin ang mga pagkukulang nila.” Ang pilosopiyang ito sa pamumuhay ay nag-ugat na sa mga murang kaluluwa ng mga tao, at di-namamalayan ng mga tao na naimpluwensiyahan ng ganitong mga uri ng ideya at pananaw ang pagtingin nila sa iba at ang kanilang mga pamamaraan ng pagharap sa mga nagaganap sa paligid nila. Hindi kapansin-pansing naitatago at napagtatakpan ng mga ideya at pananaw na ito ang mga disposisyon ng kasamaan, panlilinlang, at masamang hangarin bukod sa mga tiwaling disposisyon ng mga tao. Bukod sa nabibigo ang mga iyong lutasin ang problema ng mga tiwaling disposisyon, ginagawa pa ng mga iyong mas tuso at mapanlinlang ang mga tao, lalong pinalalala ang mga tiwaling disposisyon nila. Sa madaling salita, hindi lamang naiimpluwensiyahan ng mga kasabihang ito tungkol sa moral na asal at mga pilosopiya sa pamumuhay sa tradisyonal na kultura ang mga naiisip at pananaw ng mga tao, malaki rin ang epekto ng mga iyon sa mga tiwaling disposisyon ng mga tao. Samakatuwid, kinakailangang maunawaan ang impluwensiya na ginagamit ng mga ideya at pananaw ng tradisyonal na kultura na tulad ng “Kung hahampasin mo ang iba, huwag mo silang hampasin sa mukha; kung pupunahin mo ang iba, huwag mong punahin ang mga pagkukulang nila” sa mga tao. Hindi ito dapat na ipagwalang-bahala.

Ngayon lang, pangunahin nating pinagbahaginan kung, kapag nagkakaroon ng mga alitan sa pagitan ng mga tao, ay dapat harapin ang mga iyon sa pamamagitan ng mga kasabihan at perspektibo ng tradisyonal na kultura, o harapin ang mga iyon alinsunod sa mga salita ng Diyos at sa mga prinsipyo ng katotohanan; kung ang mga pananaw ng tradisyonal na kultura ang makalulutas sa mga problema, o ang mga salita ng Diyos at ang katotohanan ang makalulutas sa mga problema ng tao. Kapag malinaw nang nakita ng mga tao ang mga bagay-bagay na ito, magpapasya sila nang tama, at mas magiging madaling lutasin ang mga alitan sa iba alinsunod sa mga salita ng Diyos at sa katotohanan. Kapag nalutas ang gayong mga problema, pangunahin na ring malulutas ang mga suliranin sa pag-iimpluwensiya at paggapos ng kasabihan tungkol sa moral na asal na nagsasabing “Kung hahampasin mo ang iba, huwag mo silang hampasin sa mukha; kung pupunahin mo ang iba, huwag mong punahin ang mga pagkukulang nila” sa kaisipan ng mga tao. Hindi na maaapektuhan ng ganitong mga uri ng ideya at pananaw ang pag-uugali ng mga tao, kahit papaano; makakawala na sila sa lambat ng panlilinlang ni Satanas, matatamo nila ang katotohanan mula sa mga salita ng Diyos, mahahanap ang mga prinsipyo ng katotohanan para sa pakikisalamuha sa mga tao, at magagawa nilang buhay nila ang mga salita ng Diyos. Sa pagsusuri at pagkilatis lamang sa mga maling pananaw ng tradisyonal na kultura at sa mga gapos at pang-aalipin ng mga satanikong pilosopiya, alinsunod sa mga salita ng Diyos, matutulungan ang isang tao na maunawaan ang katotohanan at magkaroon ng pagkilatis. Natutulungan nito ang isang taong iwaksi ang impluwensiya ni Satanas at maging malaya mula sa pang-aalipin ng kasalanan. Sa ganitong paraan, nagiging buhay mo na ang mga salita ng Diyos at ang katotohanan, napapalitan ang dati mong buhay, na ang diwa ay mga satanikong pilosopiya at disposisyon. Sa gayon ay magiging ibang tao ka na. Gayong ikaw pa rin ang taong ito, isang bagong tao na ang lumitaw, isang taong tinatanggap ang mga salita ng Diyos at ang katotohanan bilang kanyang buhay. Handa ba kayong maging gayong tao? (Oo.) Mas mabuting maging gayong tao—kahit papaano ay magiging masaya kayo. Sa simula ng pagsasagawa mo ng katotohanan, magkakaroon ng mga paghihirap, balakid, at kirot, ngunit kung kaya mong hanapin ang katotohanan upang lutasin ang iyong mga paghihirap hanggang sa makapaglatag ka na ng isang saligan sa mga salita ng Diyos, mawawala ang sakit, at sa pagpapatuloy ng iyong buhay, mas magiging masaya at palagay ka. Bakit Ko sinasabi iyon? Dahil unti-unting mababawasan ang impluwensiya at kontrol ng mga negatibong bagay na iyon sa kaibuturan mo, at habang nangyayari iyon, parami nang parami sa mga salita ng Diyos at sa katotohanan ang papasok sa iyo, at lalo pang lalalim ang tatak ng mga salita ng Diyos at mga katotohanan sa iyong puso. Magiging mas malakas at matalas ang iyong kamalayan sa paghahanap sa katotohanan, at kapag may mga nangyayari sa iyo, lilinaw nang lilinaw ang iyong panloob na landas, direksyon at layon ng pagsasagawa, at kapag nakikipaglaban ka sa iyong kalooban, lalo pang mangingibabaw ang mga positibong bagay. Hindi ba’t madaragdagan ang kaligayahan ng iyong buhay? Hindi ba’t madaragdagan ang kapayapaan at kagalakang iyong natatanggap mula sa Diyos? (Madaragdagan nga.) Mababawasan ang mga bagay sa iyong buhay na nagdudulot sa iyong magulumihanan, magdalamhati, malumbay, at maghinanakit, bukod sa ibang negatibong damdamin. Kapalit ng mga bagay na ito, magiging buhay mo ang mga salita ng Diyos, magdadala sa iyo ng pag-asa, kaligayahan, kagalakan, kalayaan, pagpapalaya, at karangalan. Kapag nadagdagan ang mga positibong bagay na ito, ganap na magbabago ang mga tao. Kapag dumating ang panahong iyon, suriin mo kung ano ang nararamdaman mo at ihambing mo ang mga bagay-bagay sa dati: Hindi ba’t ibang-iba na ang mga iyon sa dati mong paraan ng pamumuhay? Tanging kapag naiwaksi mo na ang lambat ni Satanas at ang mga tiwaling disposisyon nito, ang mga kaisipan at perspektibo nito, pati na ang iba’t ibang pamamaraan, perspektibo, at pilosopikal na doktrina sa pagtingin sa mga tao at bagay-bagay, at sa pag-asal at pagkilos—tanging kapag ganap mo nang naiwaksi ang mga bagay na ito, at nagawa mong isagawa ang katotohanan at tingnan ang mga tao at bagay-bagay, tratuhin ang iba, at makisalamuha sa kanila alinsunod sa mga salita ng Diyos, at maranasan sa Kanyang mga salita kung gaano talaga kabuti ang pagtrato sa mga tao alinsunod sa mga prinsipyo ng katotohanan, at magkaroon ng panatag at kagalak-galak na buhay—nagtamo ka na noon ng tunay na kaligayahan.

Ngayon, pinagbahaginan at sinuri natin ang kasabihan tungkol sa moral na asal na, “Kung hahampasin mo ang iba, huwag mo silang hampasin sa mukha; kung pupunahin mo ang iba, huwag mong punahin ang mga pagkukulang nila.” Nauunawaan ba ninyo ang mga problema sa mismong kasabihang ito? (Oo.) Kung ganoon ay nauunawaan na rin ba ninyo kung anu-ano ang mga hinihingi ng Diyos sa mga tao? (Oo.) Matapos maunawaan iyon, sa huli ay paano ninyo ito isasakatuparan sa inyong mga sarili? Sa pamamagitan ng pagiging hindi padalos-dalos kapag may nangyayari sa inyo, o sa paghahanap ng batayan sa tradisyonal na kultura, o paghahanap ng batayan sa mga kalakaran sa lipunan, o paghahanap ng batayan sa opinyon ng publiko, o, siyempre, paghahanap ng batayan sa mga legal na probisyon. Sa halip, maghanap kayo ng batayan sa mga salita ng Diyos. Hindi mahalaga kung gaano kalalim o kababaw ang inyong pagkaunawa sa katotohanan; sapat nang makalulutas ito ng problema. Kailangan mong makita nang malinaw na nabubuhay kayo sa isang masama at mapanganib na mundo. Kung hindi mo nauunawaan ang katotohanan, makasusunod ka lang sa kalakaran ng lipunan at matatangay sa buhawi ng kasamaan. Kaya, kapag may nangyayari sa iyo, ano ang una mong dapat gawin, ano kaya? Kailangan mo munang huminahon, patahimikin ang iyong sarili sa harap ng Diyos, at madalas na basahin ang Kanyang mga salita. Matutulungan ka nito na magkaroon ng kalinawan ng paningin at pag-iisip, at na makita nang malinaw na nililinlang at ginagawang tiwali ni Satanas ang sangkatauhan, at na naparito ang Diyos upang sagipin ang sangkatauhang ito mula sa impluwensiya ni Satanas. Ito, siyempre, ang pinakapangunahing aral na dapat mong matutuhan. Kailangan mong magdasal sa Diyos at hanapin ang katotohanan mula sa Kanya, at hilingin sa Kanyang patnubayan ka—patnubayan ka tungo sa pagbabasa sa mga nauugnay Niyang salita, patnubayan ka tungo sa pagtanggap ng nauugnay na kaliwanagan at pagtanglaw, upang maunawaan mo ang diwa ng bagay na nangyayari sa harapan mo at kung paano mo ito dapat na tingnan at harapin. Pagkatapos, gamitin mo ang pamamaraang itinuro at sinabi sa iyo ng Diyos upang harapin at tugunan ang bagay na iyon. Dapat kang lubos at ganap na umasa sa Diyos. Hayaan mong Diyos ang maghari; hayaan mong Diyos ang maging Panginoon. Sa sandaling pumayapa ka na, hindi na ito tungkol sa paggamit sa sarili mong isip sa pagsasaalang-alang sa kung ano ang sistema o pamamaraang dapat gamitin, ni tungkol sa pagkilos ayon sa sarili mong karanasan, o ayon sa mga satanikong pilosopiya at pandaraya. Bagkus, tungkol ito sa paghihintay sa kaliwanagan ng Diyos at sa patnubay ng Kanyang mga salita. Ang kailangan mong gawin ay talikdan ang sarili mong kalooban, isantabi ang iyong mga naiisip at pananaw, magalang na humarap sa Diyos, makinig sa mga salitang sinasabi Niya sa iyo, at sa mga aral na ipinakikita Niya sa iyo. Pagkatapos, kailangan mong patahimikin ang iyong sarili at detalyadong pag-isipan at paulit-ulit na madasaling basahin ang mga salitang itinuro sa iyo ng Diyos, upang maunawaan kung ano ang eksaktong gustong ipagawa sa iyo ng Diyos at kung ano ang dapat mong gawin. Kung malinaw mong nauunawaan kung ano talaga ang ibig sabihin ng Diyos at kung ano ang mga turo Niya, dapat mo munang pasalamatan ang Diyos sa pagsasaayos ng kapaligirang iyon at pagbibigay sa iyo ng pagkakataong kumpirmahin ang Kanyang mga salita, isakatuparan at isabuhay ang mga iyon, upang ang mga iyon ang maging buhay sa iyong puso, at upang makapagpatotoo ang iyong isinasabuhay na ang mga salita ng Diyos ang katotohanan. Natural, habang hinaharap mo ang mga problemang ito, maaaring magkaroon ng maraming tagumpay at kabiguan, suliranin at paghihirap, pati na ng ilang pakikipaglaban, at pahayag at komento mula sa iba’t ibang tao. Ngunit basta’t nakasisiguro ka na malinaw na malinaw ang mga salita ng Diyos tungkol sa gayong mga problema, at na ang nauunawaan at sinusunod mo ay mga turo ng Diyos, dapat mong isagawa ang mga iyon nang walang pag-aalinlangan. Hindi ka dapat mahadlangan ng iyong kapaligiran, o ng sinumang tao, anumang pangyayari, o bagay. Dapat kang manatiling matatag sa paninindigan mo. Ang pagsunod sa mga prinsipyo ng katotohanan ay hindi pagmamataas o pag-aakalang mas matuwid ka kaysa sa iba. Sa sandaling maunawaan mo na ang mga salita ng Diyos at magawang tingnan ang mga tao at bagay-bagay, at umasal at kumilos, alinsunod sa Kanyang mga salita, at magawang sumunod sa mga prinsipyo nang hindi kailanman nagbabago, isinasagawa mo ang katotohanan. Ito ang uri ng saloobin at determinasyong dapat taglayin ng mga nagsasagawa at naghahangad sa katotohanan.

Sapat na tayong nakapagbahaginan tungkol sa mga problema ukol sa kasabihang “Kung hahampasin mo ang iba, huwag mo silang hampasin sa mukha; kung pupunahin mo ang iba, huwag mong punahin ang mga pagkukulang nila.” Nahihirapan pa rin ba kayong unawain ang gayong mga problema? Nagtamo ba kayo ng bagong-bagong pagkaunawa sa kasabihang ito tungkol sa moral na asal sa tradisyonal na kultura sa pamamagitan ng pagbabahaginan at pagsusuri ngayon? (Oo.) Batay sa bagong-bagong pagkaunawa ninyong ito, ituturing pa rin ba ninyong katotohanan at positibong bagay ang kasabihang ito? (Hindi.) Maaaring malalim pa ring umiiral ang impluwensiya ng kasabihang ito sa isipan, at alaala ng mga tao, ngunit sa pamamagitan ng pagbabahaginan ngayong araw, tinalikuran na ng mga tao ang kasabihang ito tungkol sa moral na asal sa kanilang mga isipan at kamalayan. Kaya, susundin mo pa rin ba ito sa mga pakikisalamuha mo sa iba? Kapag naharap ka sa isang alitan, ano ang dapat mong gawin? (Una, kailangan naming talikuran ang satanikong pilosopiyang ito na “Kung hahampasin mo ang iba, huwag mo silang hampasin sa mukha; kung pupunahin mo ang iba, huwag mong punahin ang mga pagkukulang nila.” Dapat kaming tahimik na humarap sa Diyos upang magdasal at hanapin ang katotohanan, at hanapin sa mga salita ng Diyos ang mga prinsipyo ng katotohanan na dapat isagawa.) Kung hindi natin pinagbahaginan ang mga bagay na ito, mararamdaman ninyong hindi ninyo kailanman tiningnan ang mga tao at bagay-bagay, o hindi kayo kailanman umasal o kumilos, alinsunod sa moral na pamantayang “Kung hahampasin mo ang iba, huwag mo silang hampasin sa mukha; kung pupunahin mo ang iba, huwag mong punahin ang mga pagkukulang nila.” Ngayong nabunyag na ang problemang ito, ikaw mismo ang tumingin kung naiimpluwensiyahan ka ng gayong mga ideya at pananaw sa susunod na mangyari sa iyo ang kaparehong bagay, ibig sabihin, kung umiiral ang mga bagay na ito sa iyong mga ideya at pananaw. Sa panahong iyon, natural na matutuklasan mong naiimpluwensiyahan ka ng gayong mga ideya at pananaw sa maraming bagay, nangangahulugang sa maraming kapaligiran at kapag maraming bagay ang nangyayari, naiimpluwensiyahan ka pa rin ng gayong mga ideya at pananaw, at malalim nang nag-ugat ang mga iyon sa iyong kaluluwa, at patuloy na dinidiktahan ang iyong mga salita at gawa at dinidiktahan ang iyong mga iniisip. Kung hindi mo pa ito napagtatanto, at hindi mo bibigyang-pansin o haharapin ang problemang ito, talagang hindi mo ito mamamalayan, at hindi mo malalaman kung naiimpluwensiyahan ka ng gayong mga ideya at pananaw. Kapag tunay mong hinaharap ang problema at masusi ka rito, malalaman mo na madalas pumapasok sa iyong isipan ang mga lason ng tradisyonal na kultura. Hindi sa hindi mo taglay ang mga iyon, hindi mo lang dinidibdib ang mga iyon dati, o na talagang nabigo kang mapagtanto kung ano ang eksaktong diwa ng mga kasabihang ito ng tradisyonal na kultura. Kaya, ano ang kailangan mong gawin upang magkaroon ng kamalayan sa gayong mga problema sa kaibuturan ng iyong isipan? Kailangan ninyong matutuhang mag-isip-isip at magsaalang-alang. Paano dapat mag-isip-isip at magsaalang-alang ang isang tao? Tila napakasimple ng dalawang terminong ito; kaya, paano dapat intindihin ng isang tao ang mga iyon? Halimbawa, sabihin nating nagpapalaganap ka ng ebanghelyo at nagpapatotoo tungkol sa Diyos sa ilang taong nagsisiyasat sa tunay na daan. Sa simula, maaaring handa silang makinig, ngunit matapos mong magbahagi sa loob ng ilang panahon, ayaw nang makinig ng ilan sa kanila. Sa puntong iyon, tiyak na iniisip mong, “Ano ba ang nangyayari dito? Hindi ba masyadong angkop ang pagbabahagi ko sa kanilang mga kuru-kuro at problema? O dahil ba hindi ko malinaw at lubusang naibabahagi ang katotohanan? O nagulo ba sila ng kung anong sabi-sabi o maling pag-iisip na kanilang narinig? Bakit ayaw nang ipagpatuloy ng ilan sa kanila ang pagsisiyasat? Ano ba talaga ang problema?” Pag-iisip-isip ito, hindi ba? Ang pag-iisip sa bagay sa pamamagitan ng pagsasaalang-alang sa bawat aspeto, nang hindi nag-iiwan ng ni isang detalye. Ano ang layon mo sa pagsasaalang-alang sa mga bagay na ito? Ito ay para mahanap ang ugat at diwa ng problema, at pagkatapos ay malutas ito. Kung hindi mo mahahanap ang mga kasagutan sa mga problemang ito kahit gaano mo pa pag-isipan ang mga iyon, dapat kang maghanap ng isang taong nakauunawa sa katotohanan at maghanap mula sa kanya. Tingnan mo kung paano siya nagpapalaganap ng ebanghelyo at nagpapatotoo tungkol sa Diyos, at paano niya tumpak na nalalaman ang mga pangunahing kuru-kuro ng mga taong nagsisiyasat, at kung paano niya nilulutas ang mga iyon sa pamamagitan ng pagbabagi ng katotohanan alinsunod sa mga salita ng Diyos. Hindi ba’t nasisimulan niyon ang pagkilos? Pagsasaalang-alang ang unang hakbang; pagkilos ang pangalawang hakbang. Ang layunin ng pagkilos ay upang kumpirmahin kung ang problemang iyong isinasaalang-alang ang tamang problema, kung lumilihis ka na. Kapag natuklasan mo kung saan nagmumula ang problema, sisimulan mong kumpirmahin kung ang problemang iyong isinasaalang-alang ang tama o maling problema. Pagkatapos, simulan mong lutasin ang problemang nakumpirma mong tama. Halimbawa, kapag ang mga taong nagsisiyasat sa tunay na daan ay nakaririnig ng mga sabi-sabi o maling pag-iisip at nagkakaroon ng mga kuru-kuro, basahan mo sila ng mga salita ng Diyos sa paraan na pumupuntirya sa kanilang mga kuru-kuro. Sa malinaw na pagbabahagi ng katotohanan, masusi mong suriin at lutasin ang kanilang mga kuru-kuro, at alisin ang mga balakid sa kanilang mga puso. Pagkatapos ay magiging handa na silang ipagpatuloy ang kanilang pagsisiyasat. Nasisimulan na nitong lutasin ang problema, hindi ba? Ang unang hakbang sa paglutas sa problema ay isaalang-alang ito, pag-isipan ito, at masusing alamin ang diwa at ugat na sanhi nito sa iyong isip. Sa sandaling makumpirma mo na kung ano ito, simulan mo nang lutasin ang problema alinsunod sa mga salita ng Diyos. Sa huli, kapag nalutas na ang problema, matutupad na ang layon. Kaya, umiiral pa rin ba sa iyong mga naiisip at pananaw ang mga pahayag tungkol sa moral na asal na gaya ng “Kung hahampasin mo ang iba, huwag mo silang hampasin sa mukha; kung pupunahin mo ang iba, huwag mong punahin ang mga pagkukulang nila,” o hindi na? (Oo, umiiral pa.) Paano dapat lutasin ang gayong mga problema? Kailangan mong isaalang-alang ang lahat ng bagay na karaniwang nangyayari sa iyo. Isa itong napakahalagang hakbang. Una, alalahanin mo kung paano ka umaasal kapag nangyayari sa iyo ang gayong mga bagay dati. Nangingibabaw ba sa iyo ang mga kasabihang tulad ng “Kung hahampasin mo ang iba, huwag mo silang hampasin sa mukha; kung pupunahin mo ang iba, huwag mong punahin ang mga pagkukulang nila”? At kung ganoon nga, ano ang mga layuning tinaglay mo? Ano ang sinabi mo? Ano ang ginawa mo? Paano ka kumilos? Paano ka umasal? Sa sandaling huminahon ka na at mapag-isipan mo ang mga bagay na ito, matutuklasan mo ang ilang problema nang hindi mo namamalayan. Sa puntong iyon, dapat mong hanapin ang katotohanan at makipagbahaginan sa iba, at lutasin ang mga problemang ito alinsunod sa mga nauugnay na salita ng Diyos. Magsikap ka sa iyong tunay na buhay na ganap na talikuran ang mga maling pananaw na iyon na ipinapanukala ng tradisyonal na kultura, at pagkatapos ay gamitin mo ang mga salita ng Diyos at ang katotohanan bilang mga prinsipyo sa pakikisalamuha sa mga tao, at tratuhin mo ang mga tao, pangyayari, at bagay-bagay alinsunod sa mga prinsipyo ng katotohanan. Ito ang paraan para lumutas ng mga problema, sa pamamagitan ng pagsusuri sa iba’t ibang ideya, pananaw, at kasabihan ng tradisyonal na kultura alinsunod sa mga salita ng Diyos, pagkatapos ay pagtingin nang may lubos na kalinawan kung talagang positibo at tama ang tradisyonal na kultura, batay sa mga kahihinatnan ng pagsunod ng sangkatauhan sa mga maling pananaw na ito. Pagkatapos ay malinaw mong makikita na ang “Kung hahampasin mo ang iba, huwag mo silang hampasin sa mukha; kung pupunahin mo ang iba, huwag mong punahin ang mga pagkukulang nila” ay isa lamang paiwas na pamamaraan ng pag-uugaling ginagamit ng mga tao upang mapanatili ang kanilang mga pakikipag-ugnayan sa mga tao. Ngunit kung hindi magbabago ang kalikasan at diwa ng mga tao, magkakasundo ba sila nang matagalan? Hindi magtatagal, magkakagulo-gulo ang mga bagay-bagay. Samakatuwid, walang tunay na magkakaibigan sa mundo ng tao—ang makapagpanatili nga lang ng isang pisikal na relasyon ay mabuti na. Kung ang mga tao ay may kaunting konsiyensiya at katinuan, at mababait, makapagpapanatili sila ng mababaw na relasyon sa iba, nang hindi ito nasisira; kung ang pagkatao nila ay masama, mapaminsala, at malupit, magiging imposible para sa kanilang makisama sa iba, at magsasamantala lang sila sa isa’t isa. Matapos makita nang malinaw ang mga ito—ibig sabihin, matapos makita nang malinaw ang kalikasan at diwa ng mga tao—pangunahin nang matutukoy ang pamamaraang dapat gamitin ng mga tao sa kanilang mga pakikisalamuha sa isa’t isa, at maaari itong maging tama, di-nagkakamali, at alinsunod sa katotohanan. Sa kanilang karanasan sa paghatol at pagkastigo ng Diyos, makikita na nang kaunti ng mga hinirang ng Diyos ang diwa ng sangkatauhan. Kaya, sa mga pakikisalamuha ng mga tao—ibig sabihin, sa mga normal na pakikipag-ugnayan sa pagitan ng mga tao—makikita nila ang kahalagahan ng pagiging isang matapat na tao, at na ang pagtrato sa mga tao alinsunod sa mga salita ng Diyos at sa katotohanan ang pinakamataas na prinsipyo at pinakamakatwirang pamamaraan. Hindi ito kailanman magdudulot ng paghihirap o pagdurusa sa mga tao. Gayunpaman, hindi maiiwasang magkaroon ang mga tao ng kaunting pagtatalo sa kanilang kaluluwa kapag naranasan nila ang mga salita ng Diyos at isinagawa nila ang katotohanan, sa diwa na madalas na lilitaw ang mga tiwaling disposisyon upang guluhin sila at pigilan silang isagawa ang katotohanan. Palagi kang hahadlangan ng iba’t ibang ideya, damdamin, at pananaw na ibinubunga ng mga tiwaling disposisyon ng tao sa pagsasagawa ng katotohanan at ng mga salita ng Diyos, sa iba’t ibang antas, at kapag nagkagayon, hindi mo mamamalayang mahaharap ka sa maraming hadlang at balakid sa pagsasagawa ng katotohanan. Kapag lumitaw ang mga balakid na ito, hindi mo na sasabihin, gaya ng sinasabi mo ngayon, na madali ang pagsasagawa ng katotohanan. Hindi mo na masasabi iyon nang walang pag-aalinlangan. Sa oras na iyon, nagdurusa at malungkot ka na, hindi makakain at hindi makatulog nang maayos. Maaari pa ngang isipin ng ilang tao na masyadong mahirap ang pagsampalataya sa Diyos at naising sumuko. Naniniwala Akong maraming tao na ang nagdusa nang matindi upang maisagawa ang katotohanan at makapasok sa realidad, at natabasan at naiwasto nang napakaraming ulit, at nakipaglaban nang napakaraming beses sa kanilang mga puso, at napakarami nang iniluha. Hindi ba’t ganoon nga? (Oo.) Ang pagdanas sa mga paghihirap na ito ay isang kinakailangang proseso, at ang lahat, walang pinalalampas, ay kailangang magdaan dito. Noong Kapanahunan ng Kautusan, nakagawa ng pagkakamali si David, at kalaunan ay nagsisi at nagtapat sa Diyos. Gaano karami ang kanyang iniluha? Paano ito inilarawan sa orihinal na teksto? (“Gabi-gabi ay aking pinalalangoy ang aking higaan; Aking dinidiligan ang aking hiligan ng aking mga luha” (Awit 6:6).) Tiyak na napakarami ng kanyang iniluha, upang mapalangoy ang kanyang higaan! Ipinakikita nito ang tindi at lalim ng pagsisisi at paghihirap na kanyang naranasan noon. Lumuha na ba kayo nang ganoon karami? Ang dami ng inyong nailuha ay wala man lang sa ikasandaan ng sa kanya, na nagpapakita na ang antas ng pagkapoot ninyo sa inyong mga tiwaling disposisyon, laman, at mga paglabag ay kulang na kulang, at na ang inyong determinasyon at pagsusumikap sa pagsasagawa ng katotohanan ay kulang na kulang. Hindi pa ninyo naaabot ang pamantayan; malayo pa kayong makaabot sa antas nina Pedro at David. Tapusin na natin dito ang pagbabahaginan sa araw na ito.

Abril 16, 2022

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.