Ang Kahulugan ng Paghahangad sa Katotohanan 7 (Ikatlong Bahagi)
Susunod naman, magbabahagi Ako tungkol sa kasabihang, “Isakripisyo ang sarili mong mga interes alang-alang sa iba.” Tinutukoy ng kasabihang ito ang isang birtud sa tradisyonal na kulturang Tsino na sa tingin ng mga tao ay marangal at dakila. Siyempre, medyo eksaherado at hindi makatotohanan ang mga opinyong ito, ngunit gayunpaman, kinikilala ito sa buong mundo bilang isang birtud. Sa tuwing maririnig ng sinuman ang tungkol sa birtud na ito, naglalaro sa isipan niya ang mga partikular na eksenang tulad ng: mga taong pinagsasandok ng pagkain ang isa’t isa kapag nagsasalo-salo sa pagkain at inilalaan ang pinakamasasarap na pagkain para sa iba; mga taong pinauuna ang iba sa pila sa pamilihan; mga taong pinauuna ang ibang bumili ng tiket sa istasyon ng tren o sa paliparan; mga taong nagpapaubaya sa iba kapag naglalakad o nagmamaneho at pinapauna ang mga ito…. Ang lahat ng ito ay “napakagagandang” halimbawa ng “lahat para sa isa, at isa para sa lahat.” Ang bawat isa sa mga eksenang ito ay nagpapakita kung gaano kabuti, katiwasay, kasaya, at kapayapa ang lipunan at ang mundo. Sa sobrang taas ng antas ng kaligayahan ay nag-uumapaw na ito. Kung may magtatanong sa kanila, “Bakit napakasaya mo?” tutugon sila, “Ipinapanukala ng tradisyonal na kulturang Tsino ang pagsasakripisyo sa sariling mga interes ng isang tao alang-alang sa iba. Isinasagawa naming lahat ang ideyang ito, at hindi talaga ito mahirap gawin para sa amin. Pakiramdam namin ay lubos kaming pinagpala.” Sumagi na ba sa isipan ninyo ang gayong mga eksena? (Oo.) Saan ba matatagpuan ang ganitong mga eksena? Matatagpuan ang mga ito sa mga larawan ng kapistahan ng tagsibol na dating nakadikit sa mga pader tuwing Bagong Taon ng mga Tsino bago ang dekada nobenta. Matatagpuan ang mga ito sa isipan ng mga tao at maging sa kanilang mga guni-guni o imahinasyon. Sa madaling salita, ang gayong mga eksena ay hindi umiiral sa tunay na buhay. Ang “isakripisyo ang sarili mong mga interes alang-alang sa iba” ay, siyempre, hiningi rin ng mga moralista batay sa mga pamantayan ng moralidad. Isa itong kasabihan tungkol sa wastong asal ng tao na hinihingi sa mga tao na dapat muna nilang isaalang-alang ang iba kaysa ang sarili nila bago sila kumilos. Dapat muna nilang isaalang-alang ang mga interes ng ibang tao at hindi ang sa sarili nila. Dapat nilang isipin ang iba at matutuhang isakripisyo ang sarili nila—ibig sabihin, kailangan nilang talikuran ang sarili nilang mga interes, hinihingi, pagnanais, at ambisyon, at talikuran pa nga ang lahat ng sa kanila at isipin muna ang iba. Magagawa man ng tao ang hinihinging ito, kailangan munang maitanong: Anong uri ng mga tao ang mga nagpapanukala sa pananaw na ito? Nauunawaan ba nila ang pagiging tao? Nauunawaan ba nila ang mga likas na gawi at pagkataong diwa nitong nilalang na tao? Wala silang ni katiting na pagkaunawa. Malamang na lubhang hangal ang mga taong nagpanukala sa kasabihang ito sa pagpapataw sa tao ng hindi makatotohanang hinihingi na isakripisyo ang mga interes ng isang tao alang-alang sa iba, sa isang makasariling nilalang na bukod sa may mga kaisipan at kalayaang magpasya, ay puno rin ng mga ambisyon at pagnanais. Hindi mahalaga kung kaya man ng mga taong tuparin ang hinihinging ito, kung isasaalang-alang ang diwa at mga likas na gawi ng mga tao bilang mga nilalang, tunay na hindi makatao ang mga moralistang nagpanukala sa hinihinging ito. Bakit Ko sinasabing hindi sila makatao? Halimbawa, kapag nagugutom ang isang tao, likas niyang mararamdaman sa sarili niya na gutom siya at hindi niya isasaalang-alang kung nagugutom man ang ibang tao. Sasabihin niya, “Nagugutom ako, gusto kong kumain.” Ang una niyang naiisip ay “Ako.” Normal, natural, at angkop ito. Walang sinumang nagugutom ang sasalungat sa mga tunay niyang damdamin at magtatanong, “Ano ang gusto mong kainin?” Normal ba para sa isang taong magtanong sa iba kung ano ang gusto nitong kainin gayong siya mismo ay nagugutom? (Hindi.) Sa gabi, kapag ang isang tao ay pagod at nahahapo, sasabihin niya, “Pagod ako. Gusto ko nang matulog.” Walang sinumang magsasabing, “Pagod ako, kaya pwede ka bang humiga at matulog para sa akin? Kapag natutulog ka, nababawasan ang pagod ko.” Hindi ba’t magiging abnormal kung ipapahayag niya ang kanyang sarili sa ganitong paraan? (Oo.) Ang lahat ng bagay na likas na kayang isipin at gawin ng mga tao ay para sa sarili nilang mga kapakanan. Mabuti na ang lagay nila kung naaalagaan nila ang kanilang sarili—likas na gawi ito ng tao. Kung nakakapamuhay ka nang nagsasarili, umabot na sa puntong kaya mo nang mamuhay at pangasiwaan ang mga bagay-bagay nang mag-isa, alagaan ang iyong sarili, kung nagpupunta ka sa doktor kapag nagkasakit ka, kung nauunawaan mo kung paano magpagaling mula sa karamdaman, at kung paano lutasin ang lahat ng isyu at suliraning dumarating sa buhay, kung gayon ay medyo mabuti na ang kalagayan mo. Gayunpaman, hinihingi sa iyo ng pagsasakripisyo sa sarili mong mga interes alang-alang sa iba na talikuran mo ang mga pangangailangan mong ito para sa mga interes ng iba; na wala kang gawin para sa iyong sarili, sa halip ay hinihingi sa iyong isaalang-alang muna ang mga interes ng iba at gawin ang lahat ng bagay alang-alang sa iba—hindi ba’t hindi ito makatao? Ang tingin Ko rito, talagang ipinagkakait nito sa mga tao ang kanilang karapatang mabuhay. Ang mga pangunahing pangangailangan ng buhay ay isang bagay na dapat mong pangasiwaan nang mag-isa, kaya bakit dapat isakripisyo ng iba ang sarili nilang mga interes para gawin at pangasiwaan ang mga bagay na ito para sa iyo? Anong uri ka ng tao kung gayon? Ikaw ba ay may kakulangan sa pag-iisip, may kapansanan, o masyado ka bang nakaasa sa iba? Lahat ito ay mga bagay na dapat na likas na gawin ng mga tao—bakit dapat talikuran ng iba ang mga bagay na nararapat nilang gawin at isakripisyo ang kanilang lakas upang gawin ang mga bagay na ito para sa iyo? Angkop ba iyon? Hindi ba’t kayabangan lang ang hinihinging ito na isakripisyo ang mga interes ng isang tao alang-alang sa iba? (Oo.) Ano ba ang palagay mo sa pananalitang ito, at saan ba ito nagmumula? Hindi ba’t dala ito ng mga diumano’y moralistang ito na walang ni katiting na pagkaunawa sa mga likas na gawi, pangangailangan, at diwa ng tao, at ng kanilang pananabik na ipagyabang ang pagiging mas mataas ng kanilang moralidad? (Oo.) Hindi ba’t hindi ito makatao? (Oo.) Kung isasakripisyo ng lahat ng tao ang sarili nilang mga interes alang-alang sa iba, kung gayon ay paano nila pangangasiwaan ang sarili nilang mga usapin? Talaga bang ang tingin mo sa iba ay may kapansanan, walang kakayahang pamahalaan ang sarili nilang buhay, mga hangal, may kapansanan sa pag-iisip, o mahina ang pag-iisip? Kung hindi, bakit kailangan mong isakripisyo ang sarili mong mga interes alang-alang sa iba, at hingiin na talikuran ng iba ang sarili nilang mga interes para sa iyo? Kahit ang ilang taong may kapansanan ay ayaw magpatulong sa iba, sa halip ay nais nilang maghanapbuhay at pamahalaan ang sarili nilang buhay—hindi nila kailangan na magbayad ng karagdagang halaga ang iba para sa kanila o magbigay sa kanila ng karagdagang tulong. Gusto nilang tratuhin sila nang maayos ng iba; isa itong paraan upang mapanatili nila ang kanilang dignidad. Ang kailangan nila sa iba ay respeto, hindi simpatya at awa. Lalo naman para sa mga taong kayang alagaan ang kanilang sarili, hindi ba? Sa gayon, ang hinihinging ito na isakripisyo ang sarili mong mga interes alang-alang sa iba ay walang batayan para sa Akin. Nilalabag nito ang mga likas na gawi ng tao at ang katwiran ng kanyang konsensiya, at, sa pinakamababa, hindi ito makatao. Kahit pa ang layunin ay mapanatili ang mga nakagawian na sa lipunan, pampublikong kaayusan, at normal na pag-uugnayan ng mga tao, hindi kinakailangang hingiin sa ganitong hindi makatwiran at hindi makataong pamamaraan na labagin ng lahat ng tao ang kanilang kalooban at mamuhay sila para sa iba. Hindi ba’t medyo magiging buktot at abnormal kung mamumuhay ang mga tao para sa iba at hindi para sa kanilang sarili?
Sa aling mga sitwasyon ba akma ang hinihinging isakripisyo ang sariling mga interes ng isang tao alang-alang sa iba? Ang isang sitwasyon ay kapag kumikilos ang mga magulang alang-alang sa kanilang mga anak. Malamang ay magagawa ito sa limitadong panahon lamang. Bago umabot sa hustong gulang ang mga anak, dapat na gawin ng mga magulang ang kanilang makakaya upang alagaan ang mga ito. Upang palakihin ang kanilang mga anak hanggang sa hustong gulang at masigurong malusog, masaya, at puno ng kagalakan ang buhay ng mga ito, isinasakripisyo ng mga magulang ang kanilang kabataan, ginugugol ang kanilang lakas, isinasantabi ang mga kasiyahan ng laman, at isinasakripisyo pa nga ang kanilang mga propesyon at libangan. Ginagawa nila ang lahat ng ito para sa kanilang mga anak. Isa itong responsabilidad. Bakit ba kailangang tuparin ng mga magulang ang responsabilidad na ito? Dahil ang bawat magulang ay may obligasyong palakihin ang kanilang mga anak. Ito ang kanilang hindi matatakasang responsabilidad. Gayunpaman, walang ganitong obligasyon ang mga tao sa lipunan at sangkatauhan. Kung inaalagaan mo ang iyong sarili, hindi ka namemerwisyo, at hindi ka nakapeperwisyo sa ibang tao, kung gayon ay medyo maayos na ang iyong ginagawa. May isa pang sitwasyon kung saan hindi kayang alagaan ng mga taong may mga pisikal na kapansanan ang kanilang sarili at kailangan nila ang kanilang mga magulang, kapatid, at maging ang mga organisasyon para sa panlipunang mga pagtulong upang tulungan sila sa kanilang buhay at tulungan silang makaraos. Ang isa pang espesyal na sitwasyon ay kapag ang mga tao o mga rehiyon ay nasalanta ng isang likas na kalamidad, at hindi nila kayang mabuhay nang walang tulong sa panahon ng dagliang kagipitan. Isa itong sitwasyon kung saan kailangan nila ng tulong ng iba. May iba pa bang sitwasyon bukod sa mga ito, kung saan dapat na isakripisyo ng mga tao ang sarili nilang mga interes alang-alang sa pagtulong sa iba? Marahil ay wala na. Sa tunay na buhay, mahigpit ang kompetensya sa lipunan, at kung hindi ibubuhos ng isang tao ang lahat ng lakas ng kanyang isipan sa paggawa nang maayos sa kanyang trabaho, mahirap ang makaraos, ang manatiling buhay. Hindi kayang isakripisyo ng sangkatauhan ang sarili nitong mga interes alang-alang sa iba; medyo mabuti na kung matitiyak nito ang pananatiling buhay nito at hindi ito manghihimasok sa mga interes ng iba. Sa katunayan, ang tunay na mukha ng sangkatauhan ay mas tumpak pang nasasalamin sa mga alitan at ganting pagpatay na kinasasangkutan nila sa konteksto ng lipunan at ng mga sitwasyon sa tunay na buhay. Sa mga palakasan, makikita mo na kapag ginamit ng mga atleta ang kahuli-hulihang enerhiya upang ipakita kung sino sila at sa huli ay nagwagi sila, walang ni isa sa kanila ang magsasabing, “Ayaw ko ng titulong kampeon. Sa palagay ko ay dapat sa iyo na lang ito.” Walang sinumang gagawa niyon. Likas na gawi ng mga taong makipagkompetensya upang manguna, maging pinakamagaling, at maabot ang tugatog. Sa realidad, sadyang hindi kaya ng mga taong isakripisyo ang sarili nilang mga interes alang-alang sa iba. Wala sa likas na gawi ng tao ang pangangailangan o kaloobang magsakripisyo ng kanyang mga interes alang-alang sa iba. Kung ikokonsidera ang diwa at kalikasan ng tao, makakikilos at kikilos lamang siya para sa kanyang sarili. Kung ang isang tao ay kikilos para sa sarili niyang mga interes at, sa paggawa niyon, ay natatahak niya ang tamang landas, mabuti ito, at maituturing ang taong ito na isang mabuting nilikha sa gitna ng mga tao. Kung, sa pagkilos para sa sarili mong interes, nagagawa mong tahakin ang tamang landas, hangarin ang katotohanan at mga positibong bagay, at magkaroon ng positibong impluwensiya sa mga taong nakapaligid sa iyo, mabuti na ang ginagawa mo. Ang pagtataguyod at pagsusulong ng ideya ng pagsasakripisyo sa sariling mga interes ng isang tao alang-alang sa iba ay walang iba kundi kayabangan lamang. Hindi ito naaayon sa mga pangangailangan ng tao, lalong hindi sa kasalukuyang kalagayan ng sangkatauhan. Sa kabila ng katunayang ang hinihinging isakripisyo ang mga interes ng isang tao alang-alang sa iba ay hindi naaayon sa realidad at hindi makatao, may puwang pa rin ito sa kaibuturan ng puso ng mga tao, at, sa iba’t ibang antas, naiimpluwensiyahan at naigagapos pa rin nito ang kanilang mga kaisipan. Kapag ang mga tao ay kumikilos lang para sa kanilang sarili, hindi kumikilos para sa iba, hindi tumutulong sa iba, o hindi iniisip ang iba o nagpapakita ng konsiderasyon para sa mga ito, madalas ay inuusig ang mga puso nila. Nararamdaman nila ang hindi nakikitang panggigipit at kung minsan ay maging ang kritikal na pagtitig sa kanila ng iba. Pawang lumilitaw ang gayong mga damdamin dahil sa impluwensiya ng tradisyonal na moral na ideolohiyang nakatanim sa kaibuturan ng kanilang puso. Naimpluwensiyahan na rin ba kayo sa magkakaibang antas ng pag-oobliga sa inyo ng tradisyonal na kultura na kailangan ninyong isakripisyo ang sarili ninyong mga interes alang-alang sa iba? (Oo.) Marami pa ring tao ang sumasang-ayon sa mga hinihingi ng tradisyonal na kultura, at kung nakasusunod ang isang tao sa mga hinihinging ito, magiging maganda ang tingin sa kanya ng mga tao at walang pupuna o kokontra sa kanya, kahit ilan pa sa mga hinihinging ito ang kanyang tuparin. Kung makita ng isang tao na natumba ang isang tao sa kalsada at hindi niya ito tinulungang makatayo, ang lahat ay hindi matutuwa sa taong iyon, sasabihin nilang hindi makatao ang taong iyon. Ipinakikita nitong ang mga pamantayang hinihingi ng tradisyonal na kultura na itinatakda sa mga tao ay may puwang sa puso ng mga tao. Kaya, kung susukatin ang isang tao batay sa mga bagay na ito mula sa tradisyonal na kultura, tumpak ba ito? Kailanman ay hindi lubos na maiintindihan ng mga taong hindi nakauunawa sa katotohanan ang isyung ito. Masasabing naging bahagi na ng buhay ng tao ang tradisyonal na kultura sa loob ng libu-libong taon, ngunit ano ba talaga ang naging epekto nito? Nabago ba nito ang espirituwal na pananaw ng sangkatauhan? Nakapagdulot ba ito ng sibilisasyon at pag-usad sa lipunan? Nakalutas ba ito ng mga isyu ng pampublikong kaligtasan sa lipunan? Naging matagumpay ba ito sa pag-eeduka sa sangkatauhan? Wala itong nalutas sa mga ito. Hindi talaga naging epektibo ang tradisyonal na kultura, kaya talagang masasabi nating ang mga hinihingi nitong pamantayan na itinatakda sa tao ay hindi maituturing na mga batayan—mga pagpipigil lamang ang mga ito na naglalayong gapusin ang mga kamay at paa ng mga tao, limitahan ang kanilang mga kaisipan, at kontrolin ang kanilang kilos. Tinitiyak ng mga ito na saanman magpunta ang tao, siya ay may magandang asal, sumusunod sa mga panuntunan, may wangis ng pagkatao, gumagalang sa matatanda at nangangalaga sa mga bata, at marunong gumalang sa mga nakatataas. Tinitiyak ng mga ito na hindi mapasasama ng isang tao ang loob ng iba sa pamamagitan ng pagmumukhang walang-muwang at walang galang. Sa pinakamainam, ang tanging ginagawa ng mga pamantayang ito ay pagmukhaing medyo mas presentable at pino ang mga tao—sa realidad, wala itong kinalaman sa diwa ng mga tao at kapaki-pakinabang lamang sa pagkuha ng panandaliang pagsang-ayon ng iba at pagpapalugod sa banidad ng isang tao. Labis kang natutuwa kapag sinasabi ng mga tao kung gaano ka kabuti dahil sa pag-aasikaso mo ng mga gawain para sa kanila. Kapag ipinakikita mong kaya mong magmalasakit sa mga bata at matanda sa pamamagitan ng pagbibigay sa kanila ng upuan mo sa bus, at sinasabi ng iba kung gaano ka kabuting bata, at na ikaw ang kinabukasan ng bayan, natutuwa ka rin. Natutuwa ka rin kapag nakapila ka para bumili ng mga tiket at pinauuna mo ang tao sa likod mo, at pinupuri ka ng iba sa pagiging mapagmalasakit mo. Pagkatapos sumunod sa ilang panuntunan at magpakita ng ilang gawa ng mabuting pag-uugali, pakiramdam mo ay marangal na ang karakter mo. Kung naniniwala kang mas mataas na ang katayuan mo sa iba pagkatapos ng ilang minsanang mabuting gawa—hindi ba’t kahangalan ito? Dahil sa kahangalang ito, maaari kang maligaw at mawalan ng katwiran. Hindi kapaki-pakinabang na gumugol ng masyadong maraming oras sa pagbabahaginan tungkol sa kasabihang ito ng wastong asal na isakripisyo ang sarili mong mga interes alang-alang sa iba. Ang mga problemang nauugnay rito ay medyo madali namang kilatisin, dahil labis nitong pinasasama at ginagawang buktot ang pagkatao, karakter, at dignidad ng mga tao. Dahil dito, lalo silang nagiging hindi sinsero, hindi praktikal, kampante sa sarili, at walang kakayang malaman kung paano sila dapat mamuhay, kung paano kumilatis ng mga tao, pangyayari, at bagay sa tunay na buhay, at kung paano humarap sa iba’t ibang problemang nangyayari sa kanila sa tunay na buhay. Kaya lang ng mga taong magbigay ng kaunting tulong at ibsan ang mga alalahanin at problema ng iba, ngunit hindi nila alam ang landas na dapat nilang tahakin sa buhay, namamanipula sila ni Satanas at nagiging tampulan ng pangungutya nito—hindi ba’t isa itong tanda ng kahihiyan? Ano’t anuman, itong diumano’y moral na pamantayan ng pagsasakripisyo sa sariling mga interes ng isang tao alang-alang sa iba ay isang hindi sinsero at masamang kasabihan. Siyempre, sa aspektong ito, hinihingi lang ng Diyos sa mga tao na tuparin nila ang mga obligasyon, responsabilidad, at tungkuling iniatas sa kanila, na hindi sila manakit, maminsala, o magpahamak ng mga tao, at na kumilos sila sa paraang makabubuti at magiging kapaki-pakinabang sa iba—sapat na iyon. Hindi hinihingi ng Diyos na umako ang mga tao ng anumang karagdagang responsabilidad o obligasyon. Kung kaya mong tuparin ang lahat ng iyong gawain, tungkulin, obligasyon, at responsabilidad, mabuti na ang lagay mo—hindi ba’t ang simple niyon? (Oo.) Madali itong magawa. Yamang napakasimple nito at nauunawaan ito ng lahat, hindi na ito kailangang pagbahaginan pa nang mas detalyado.
Susunod naman, tatalakayin Ko ang pahayag tungkol sa wastong asal na, “Ang isang babae ay kailangang maging malinis, mabait, malumanay, at mabuti ang asal.” Ang kaibahan ng pahayag na ito sa ibang mga hinihinging pamantayan para sa wastong asal ay na partikular na patungkol sa mga babae ang pamantayang ito. “Ang isang babae ay kailangang maging malinis, mabait, malumanay, at mabuti ang asal” ay isang hindi makatao at hindi praktikal na hinihingi sa mga babae na ipinanukala ng mga diumano’y moralista. Bakit Ko sinasabi iyon? Hinihingi ng pamantayang ito na ang lahat ng babae, mga anak man sila o mga asawa, ay kailangang maging malinis, mabait, malumanay, at mabuti ang asal. Upang makonsidera bilang isang mabuti at kagalang-galang na babae, kailangan nilang isagawa ang ganitong uri ng wastong asal at taglayin ang moral na karakter na ito. Ang ipinahihiwatig nito sa mga lalaki ay na kailangang maging malinis, mabait, malumanay, at mabuti ang asal ng mga babae, samantalang ang mga lalaki ay hindi—hindi kailangan ng mga lalaki na maging malinis o mabait, at lalong hindi nila kailangang maging malumanay o mabuti ang asal. Ano ang kailangang gawin ng mga lalaki? Kung hindi magiging malinis, mabait, malumanay, at mabuti ang asal ng kanilang asawa, maaari nila itong idiborsyo o iwanan. Kung hindi makaya ng isang lalaki na iwan ang kanyang asawa, ano ang dapat niyang gawin? Dapat ay gawin niya itong isang babaeng malinis, mabait, malumanay, at mabuti ang asal—ito ang kanyang responsabilidad at obligasyon. Ang responsabilidad ng mga lalaki sa lipunan ay ang mahigpit na pamahalaan, gabayan at pangasiwaan ang mga babae. Kailangan nilang lubos na katawanin ang kanilang papel bilang ang nakatataas, kailangan nilang supilin ang mga babaeng malinis, mabait, malumanay, at mabuti ang asal, tumayo bilang panginoon ng mga ito at bilang ulo ng tahanan, at siguraduhing gagawin ng mga babae kung ano ang nararapat gawin ng mga ito at tutuparin ang mga nararapat na obligasyon ng mga ito. Ang mga lalaki naman, sa kabaligtaran, ay hindi kailangang isagawa ang ganitong uri ng wastong asal—hindi sila kasali sa panuntunang ito. Yamang hindi kasali ang mga lalaki sa panuntunang ito, ang pahayag na ito tungkol sa wastong asal ay isa lamang pamantayan na maaaring gamitin ng mga lalaki upang husgahan ang mga babae. Ibig sabihin, kapag gustong pakasalan ng isang lalaki ang isang babaeng may wastong asal, paano niya dapat husgahan ang babae? Maaaring tukuyin na lang niya kung ang babae ay malinis, mabait, malumanay, at mabuti ang asal. Kung ito ay malinis, mabait, malumanay, at mabuti ang asal, maaari niya itong pakasalan—kung hindi, hindi niya ito dapat na pakasalan. Kung pakakasalan niya ang gayong babae, mamaliitin ng iba ang babaeng ito at sasabihin pang hindi ito isang mabuting tao. Kaya, anong mga partikular na hinihingi ang sinasabi ng mga moralista na kailangang tuparin ng mga babae upang makonsidera silang malinis, mabait, malumanay, at mabuti ang asal? May mga partikular na kahulugan ba ang mga pang-uring ito? Maraming kahulugan sa likod ng bawat salitang “malinis,” “mabait,” “malumanay,” at “mabuti ang asal,” at wala sa mga katangiang ito ang madaling isabuhay para sa sinuman. Walang tao o intelektuwal ang makapagsasagawa sa mga katangiang ito, subalit hinihingi pa nilang gawin ito ng mga pangkaraniwang babae—masyado itong hindi makatarungan sa mga babae. Kaya, ano ang mga pangunahing pag-uugali at partikular na uri ng wastong asal ang kailangang ipakita ng mga babae upang makonsidera silang malinis, mabait, malumanay, at mabuti ang asal? Una, kailangan ay hinding-hindi tatapak ang mga babae sa labas ng kanilang tirahan, at kailangan nilang balutin ang kanilang mga paa sa haba ng humigit-kumulang na apat na pulgada, na mas maikli sa haba ng palad ng isang maliit na bata. Nililimitahan nito ang mga babae at tinitiyak na hindi sila makapupunta saanman nila naisin. Bago magpakasal, hindi pinahihintulutan ang mga babaeng lumabas ng kanilang tirahan, kailangan nilang magkulong sa kanilang mga tagong silid-tulugan, at kailangan ay hindi sila magpakita sa publiko. Kung makasusunod sila sa mga panuntunang ito, taglay nila ang moral na karakter ng isang dalagang malinis, mabait, malumanay, at mabuti ang asal. Pagkatapos magpakasal, kailangang ipakita ng isang babae ang pagkamasunuring anak sa kanyang mga biyenan at tratuhin nang maganda ang ibang kamag-anak ng kanyang asawa. Kahit paano pa siya tratuhin o abusuhin ng pamilya ng kanyang asawa, kailangan niyang pagtiisan ang paghihirap at pamumuna, na gaya ng isang matapat na kabayong pantrabaho. Bukod sa kailangan niyang pagsilbihan ang lahat ng miyembro ng pamilya, kapwa bata at matanda, kailangan din niyang magkaanak upang ipagpatuloy ang linya ng angkan, at gawin ang lahat ng iyon nang walang kahit katiting na reklamo. Kahit gaano pa siya mabugbog o dumanas ng mga pang-aabuso sa mga kamay ng kanyang mga biyenan at kahit gaano pa siya kapagod at kahit gaano pa niya kailanganing magsikap, hinding-hindi siya maaaring magreklamo sa kanyang asawa tungkol sa alinman sa mga ito. Kahit gaano pa siya inaapi ng kanyang mga biyenan, hindi niya maaaring hayaan ang sinumang hindi miyembro ng pamilya na malaman ito at magpakalat ng anumang tsismis tungkol sa kanyang pamilya. Kahit gaano pa siya naagrabyado, hindi siya maaaring magsalita at kailangan niyang tiisin nang tahimik ang mga insulto at pamamahiya. Bukod sa kailangan niyang pagtiisan ang paghihirap at pamumuna, kailangan din niyang matutuhan na maamong magpasakop sa pang-aapi, kimkimin ang kanyang galit, at tiisin ang kahihiyan at ang bigat ng responsabilidad—kailangan niyang matutuhan ang sining ng pagtitiis at pagtitimpi. Anuman ang masasarap na pagkain sa hapag-kainan, kailangan muna niyang hayaang makakain niyon ang ibang miyembro ng pamilya; upang ipakita ang kanyang pagsunod bilang anak, kailangan muna niyang paunahing makakain ang mga biyenan niya, pagkatapos ay ang kanyang asawa at mga anak. Pagkatapos makakain ng lahat at maubos na ang lahat ng masarap na pagkain, saka siya magpapakabusog sa anumang natirang pagkain. Dagdag pa sa mga hinihingi na katatapos Ko lang talakayin, sa makabagong panahon, inaasahan din ang mga babae na “maging mahusay sa pakikisalamuha at gayundin sa kusina.” Nang marinig Ko ang mga katagang ito, napaisip Ako, ano ba ang ginagawa ng lahat ng lalaki kung ang mga babae ang inaasahang maging mahusay sa pakikisalamuha at gayundin sa kusina? Kailangan na ang mga babae ang nagluluto para sa buong pamilya, gumagawa ng mga gawaing-bahay at nag-aalaga ng mga anak sa tahanan, at pumunta sa mga bukid at magtrabaho—kailangan nilang maging mahusay kapwa sa tahanan at sa labas nito, sa pamamagitan ng pagtapos sa lahat ng trabahong ito. Sa kabaligtaran naman, kailangan lang ng mga lalaking pumasok sa trabaho, pagkatapos ay umuwi at sayangin ang kanilang oras sa paglilibang at hindi sila gumagawa ng anumang gawaing-bahay. Kung may ikinagagalit sila sa trabaho, ibinubunton nila ito sa kanilang asawa at mga anak—makatarungan ba ito? Ano ang napansin ninyo sa mga usaping ito na Aking tinalakay? Walang sinumang nagpapataw ng anumang hinihingi sa wastong asal ng mga lalaki, subalit inaasahan ang mga babae na maging mahusay sa pakikisalamuha at gayundin sa kusina bukod pa sa pagpapanatili ng karakter na malinis, mabait, malumanay, at mabuti ang asal. Ilang babae ba ang nakatutupad sa gayong mga hinihingi? Hindi ba’t hindi makatarungan na hingiin ang gayon sa mga babae? Kung makagawa ang isang babae ng kahit katiting na pagkakamali, siya ay binubugbog, iniinsulto, at maaari pa siyang iwanan ng kanyang asawa. Kailangan talagang tiisin ng mga babae ang lahat ng ito, at kung talagang hindi na nila ito makayanan, ang maaari lang nilang gawin ay ang magpatiwakal. Hindi ba’t mapang-api ang partikular na hingiin ang gayong mga hindi makataong bagay sa mga babae, gayong mas mahina ang kanilang pisikal na katawan, at mas mahina ang kapangyarihan at pisikal nilang kakayahan kaysa sa mga lalaki? Sa mga babaeng naririto ngayon, hindi ba’t iisipin ninyo na labis-labis na kung gayon ang hihingiin sa inyo ng mga tao sa tunay na buhay? Talaga bang nakatadhanang magkaroon ng kontrol ang mga lalaki sa mga babae? Nakatadhana ba ang mga lalaki na maging panginoon ng mga babae at pilitin ang mga babae na magtiis ng paghihirap? Kung isasaalang-alang ang masamang kalagayang ito ng mga bagay-bagay, hindi ba’t maipagpapalagay natin na ang kasabihang “Ang isang babae ay kailangang maging malinis, mabait, malumanay, at mabuti ang asal” ay epektibong nagdudulot ng mga hidwaan sa lipunan? Hindi ba’t malinaw nitong itinataas ang katayuan ng mga lalaki sa lipunan, habang sadyang pinabababa ang katayuan ng mga babae? Dahil sa hinihinging ito, matibay ang paniniwala ng mga lalaki at babae na ang katayuan at halaga sa lipunan ng mga babae ay mas mababa, sa halip na kapantay, sa mga lalaki. Samakatuwid, ang mga babae ay nararapat na maging malinis, mabait, malumanay, at mabuti ang asal, dumanas ng pagmamaltrato, at madiskrimina, mapahiya, at mapagkaitan ng mga karapatang pantao sa lipunan. Sa kabaligtaran naman, nababalewala na ang mga lalaki ang dapat na maging ulo ng tahanan at makatwirang hingiin na maging malinis, mabait, malumanay, at mabuti ang asal ng mga babae. Hindi ba’t ito ay sadyang pagdudulot ng alitan sa lipunan? Hindi ba’t ito ay sadyang paglikha ng mga hidwaan sa lipunan? Hindi ba’t maghihimagsik ang ilang babae pagkatapos dumanas ng pagmamalupit sa loob ng mahabang panahon? (Oo.) Saanman mayroong kawalan ng katarungan, magkakaroon ng paghihimagsik. Patas at makatarungan ba sa mga babae ang kasabihang ito tungkol sa wastong asal? Sa pinakamababa, hindi ito patas at makatarungan sa mga babae—pinahihintulutan lang nito ang mga lalaki na mas kumilos nang garapalan, pinalalalim nito ang hidwaan sa lipunan, pinapataas ang katayuan ng mga lalaki sa lipunan at pinapababa ang katayuan ng mga babae, habang mas pinagkakaitan din ang mga babae ng kanilang karapatang umiral, at tusong pinalalala ang hindi pagkakapantay-pantay ng katayuan ng mga lalaki at babae sa lipunan. Maibubuod Ko ang papel na ginagampanan ng mga babae sa tahanan at sa buong lipunan, pati na ang uri ng wastong asal na kanilang ipinakikita, sa tatlong salita lamang: tagasalo ng pang-aabuso. Hinihingi ng kasabihan tungkol sa wastong asal na “Ang isang babae ay kailangang maging malinis, mabait, malumanay, at mabuti ang asal” na igalang ng mga babae ang mga nakatatanda sa pamilya, mahalin at pagmalasakitan ang mga nakababatang miyembro ng pamilya, maging labis na magalang sa kanilang asawa, at pagsilbihan ito nang husto. Kailangan nilang pangasiwaan ang lahat ng usapin ng pamilya sa loob at labas ng tahanan, at kahit gaano pa karaming paghihirap ang kanilang tiisin, hinding-hindi sila maaaring magreklamo—hindi ba’t pagkakait ito sa mga babae ng kanilang mga karapatan? (Oo.) Pagkakait ito sa mga babae ng kanilang kalayaan, ng kanilang karapatan sa malayang pananalita, at ng kanilang karapatang mabuhay. Makatao bang ipagkait sa mga babae ang lahat ng kanilang karapatan at hingiin pa rin na tuparin nila ang kanilang mga responsabilidad? Katumbas ito ng pagyurak sa mga babae at pagpapataw ng sumpa sa kanila!
Napakalinaw naman na ang mga moralistang nagpataw ng hinihinging ito sa mga babae, at kasabay nito ay nagpataw sa kanila ng sumpa, ay mga lalaki at hindi mga babae. Hindi pipiliin ng mga babaeng yurakan ang sarili nilang mga kabaro, kaya tiyak na gawa ito ng mga lalaki. Nag-aalala sila na kung magiging masyadong mahusay ang mga babae, magtatamo ng labis-labis na awtoridad at magkakaroon ng sobra-sobrang kalayaan, magiging kapantay na sila ng mga lalaki maliban na lang kung sila ay mahigpit na pangangasiwaan at kokontrolin. Unti-unti, ang mahuhusay na babae ay magkakaroon ng mas mataas na katayuan kaysa sa mga lalaki, titigil sila sa paggawa ng kanilang mga tungkulin sa tahanan, at ito—sa paniniwala ng mga lalaki—ay makaaapekto sa pagiging magkakasundo ng mga miyembro ng pamilya. Kung walang pagkakasundo sa indibidwal na mga tahanan, mawawala ang pagkakasundo sa buong lipunan at nakababahala ito para sa mga tagapamahala ng bansa. Nakita mo na, kahit ano pang talakayin natin, tila bumabalik ang usapan sa naghaharing uri. May masasama silang layunin at nais nilang pangasiwaan ang mga babae at kumilos laban sa mga ito—hindi ito makatao. Hinihingi nila na, sa tahanan man o sa buong lipunan, ang mga babae ay kailangang maging lubos na masunurin, maamong magpasakop sa pang-aapi, magpakumbaba at magpakababa, lunukin ang lahat ng insulto, magkaroon ng mataas na pinag-aralan at maging praktikal, maamo at mapagmalasakit, at magtiis sa lahat ng paghihirap at pamumuna, at iba pa. Malinaw na inaasahan talaga nilang maging tagasalo ng pang-aabuso at maging sunud-sunuran ang mga babae—kung gagawin nila ang lahat ng ito, magiging tao pa rin ba sila? Kung masusunod talaga nila ang lahat ng hinihinging ito, hindi na sila magiging tao; magiging tulad na sila ng mga diyos-diyosang sinasamba ng mga walang pananampalataya na hindi kumakain o umiinom, nakahiwalay sa mga materyal na usapin ng mundo, hindi kailanman nagagalit, at walang personalidad. O maaaring maging tulad sila ng mga papet o makinang hindi nag-iisip o tumutugon nang malaya. Ang sinumang aktuwal na tao ay magkakaroon ng mga opinyon at pananaw tungkol sa mga kasabihan at limitasyon ng mundo sa labas—imposibleng maamo silang makapagpasakop sa lahat ng pang-aapi. Ito ang dahilan kung bakit lumitaw sa makabagong panahon ang mga kilusan para sa mga karapatan ng mga babae. Unti-unting tumaas ang katayuan sa lipunan ng mga babae sa nakalipas na humigit-kumulang na ilang daang taon, at sa wakas ay nakawala na sila sa mga tanikalang dating gumagapos sa kanila. Ilang taon bang sumailalim ang mga babae sa panggagapos na ito? Sa Silangang Asya, kinontrol sila sa loob ng hindi bababa sa libu-libong taon. Napakalupit at napakabagsik ng panggagapos na ito—binabalot ang kanilang mga paa hanggang sa puntong ni hindi na sila makalakad at kailanman ay walang sinumang nagtanggol sa mga babaeng ito laban sa kawalan ng katarungan. Nabalitaan Kong noong ikalabimpito at ikalabing-walong siglo, naglagay rin ang ilang Kanluraning bansa ng mga partikular na limitasyon sa kalayaan ng mga babae. Paano nila nilimitahan ang mga babae noong mga panahong iyon? Pinagsusuot nila ang mga ito ng mga biluhabang paldang nakakabit sa baywang ng mga ito gamit ang mga metal na kawit at sinusuportahan ng mabibigat, umuugoy na bilog na bakal. Dahil dito ay naging napakahirap para sa mga babae na umalis ng bahay o maglakad-lakad at lubha nitong nalimitahan ang pagkilos nila. Samakatuwid ay naging napakahirap para sa mga babaeng maglakad nang mas malayo o umalis sa kanilang tahanan. Ano ang ginawa ng mga babae sa mahihirap na kalagayang ito? Ang tanging nagawa nila ay tahimik na sumang-ayon at manatili sa bahay, at hindi sila makapaglakad nang malayo. Imposible ang lumabas upang maglakad-lakad, tingnan ang mga tanawin, palawakin ang kanilang mga karanasan, o bisitahin ang mga kaibigan. Ito ang pamamaraang ginamit sa Kanluraning lipunan upang limitahan ang mga babae—ayaw nitong umalis ang mga babae sa bahay at makipag-ugnayan sa sinumang naisin ng mga ito. Noong mga panahong iyon, maaaring sumakay ang mga lalaki sa kanilang mga karwaheng hinihila ng mga kabayo tungo sa kung saanman nila naisin nang walang anumang limitasyon, subalit ang mga babae ay sumasailalim sa lahat ng uri ng limitasyon kapag umaalis ng bahay. Sa makabagong panahon, paunti na nang paunti ang mga limitasyong ipinapataw sa mga babae: Ipinagbawal na ang pagbabalot ng paa at ang mga babaeng taga-Silangan ay malaya nang pumili kung sino ang gusto nilang makarelasyon. Medyo malaya na ang mga babae ngayon at unti-unti nang nakakaahon mula sa kalupitan ng pang-aalipin. Sa pag-ahon nila mula sa kalupitang ito, pumasok na sila sa lipunan at unti-unti nang nagsimulang akuin ang makatwirang bahagi ng responsabilidad. Nagkamit na ang mga babae ng medyo mataas na katayuan sa lipunan, at nagtatamasa sila ng mas maraming karapatan at pribilehiyo kaysa noon. Unti-unti, nagsisimula nang mahalal ang mga babaeng punong ministro at pangulo sa ilang bansa. Mabuti ba o masama para sa sangkatauhan na unti-unti nang tumataas ang katayuan ng mga babae? Sa pinakamababa, ang pagtaas ng katayuang ito ay nagbigay sa mga babae ng kaunting kalayaan at kaginhawahan—mabuti talaga ito para sa mga babae. Kapaki-pakinabang ba sa lipunan na maging malaya ang mga babae at magkaroon ng karapatang ipahayag ang kanilang sarili? Ang totoo, kapaki-pakinabang ito; kayang gawin ng mga babae ang maraming bagay na hindi nagagawa nang maayos o ayaw gawin ng mga lalaki. Nangingibabaw ang mga babae sa maraming larangan. Sa panahon ngayon, bukod sa nakapagmamaneho na ang mga babae ng mga sasakyan, nakapagpapalipad na rin sila ng mga eroplano. Ang ilang babae ay naglilingkod din bilang mga opisyal o pangulo na pinangangasiwaan ang usapin ng mga bayan, at ginagawa nila ang kanilang mga trabaho nang kasinghusay ng mga lalaki—isa itong malinaw na pagpapamalas na ang mga babae ay kapantay ng mga lalaki. Ngayon, ang mga karapatang dapat tamasahin ng mga babae ay lubos nang naitataguyod at napoprotektahan, na isang normal na penomena. Siyempre, tama lang na tamasahin ng mga babae ang sarili nilang mga karapatan, ngunit pagkatapos mabaluktot ang sitwasyon sa loob ng libu-libong taon, ngayon lang ito muling naging normal, at na sa pangkalahatan ay nakamit na ang pagkakapantay-pantay ng mga lalaki at babae. Sa pagtingin dito mula sa perspektiba ng tunay na buhay, unti-unti nang dinaragdagan ng mga babae ang presensiya nila sa lahat ng antas sa lipunan at sa lahat ng industriya. Ano ang ipinahihiwatig nito sa atin? Ipinahihiwatig nito sa atin na ang mga babaeng may iba’t ibang uri ng kadalubhasaan ay unti-unti nang ginagamit ang kanilang mga talento at nag-aambag ng kabuluhan sa sangkatauhan at lipunan. Paano man tingnan ng isang tao ang sitwasyong ito, talagang kapaki-pakinabang ito sa sangkatauhan. Kung hindi naibalik ang mga karapatan at katayuan sa lipunan ng mga babae, anong uri ng trabaho ang gagawin nila? Nasa bahay lang sila, inaasikaso ang kanilang asawa at itinataguyod ang kanilang mga anak, inaasikaso ang mga gawain sa tahanan, at ipinapakita ang kanilang malinis, mabait, malumanay, at mabuting asal—hindi talaga nila matutupad ang mga responsabilidad nila sa lipunan. Ngayong itinataguyod at pinoprotektahan na ang kanilang mga karapatan, nakapag-aambag na nang normal sa lipunan ang mga babae, at natatamasa na ng sangkatauhan ang pakinabang ng kabuluhan at ang mga iniaambag ng mga babae sa lipunan. Mula sa katunayang ito, ganap tayong nakatitiyak na magkapantay ang mga lalaki at babae, at na hindi dapat maliitin o pagmalupitan ng mga lalaki ang mga babae, at na dapat na tumaas ang katayuan ng mga babae sa lipunan, na pawang nagpapahiwatig na umuunlad ang lipunan. Ngayon ay mayroon nang mas may-kabatiran, tama, at maayos na pagkaunawa ang sangkatauhan tungkol sa kasarian, at ang resulta, nagsimula nang pumasok ang mga babae sa mga trabahong dati ay iniisip ng mga taong hindi nila kayang gawin. Bukod sa madalas na ngayong magtrabaho ang mga babae sa mga pribadong kompanya, naging karaniwan na rin sa kanilang punan ang mga posisyon sa mga departamento ng siyentipikong pananaliksik, at nadaragdagan din ang porsiyento ng mga babaeng naglilingkod sa mga tungkulin ng pambansang pamumuno. Mayroon na ring mga babaeng manunulat, mang-aawit, negosyante, at siyentista, marami nang babae ang naging mga kampeon at pumapangalawa sa mga palakasan, at nagkaroon na nga rin ng mga babaeng bayani sa mga panahon ng digmaan, ang lahat ng ito ay nagpapatunay na may kakayahan din ang mga babae na tulad ng sa mga lalaki. Tumataas ang porsiyento ng mga babaeng nagtatrabaho sa bawat industriya at normal lang ito. Sa lahat ng larangan at propesyon sa kasalukuyang lipunan, paunti na nang paunti ang pagkiling laban sa mga babae, mas patas na ang lipunan at may tunay na pagkakapantay-pantay sa mga lalaki at babae. Hindi na napipigilan at nahuhusgahan ang mga babae ng mga parirala at pamantayan ng wastong asal na gaya ng “Ang isang babae ay kailangang maging malinis, mabait, malumanay, at mabuti ang asal” o “Ang isang babae ay kailangang magkulong sa kanyang tagong silid-tulugan.” Medyo mas protektado na ngayon ang mga karapatan ng mga babae, na tunay na sumasalamin sa panlipunang kalagayan ng pagkakapantay-pantay ng mga kasarian.
Tila mga lalaki lang ang nakikita nating humihingi na maging malinis, mabait, malumanay, at mabuti ang asal ng mga babae, ngunit kailanman ay hindi natin nakikita ang mga babae na hinihingi ang gayon sa mga lalaki. Isa itong lubhang hindi patas na paraan ng pagtrato sa mga babae, at medyo makasarili, kasuklam-suklam, at walang kahihiyan pa nga. Masasabi rin na ilegal at mapang-abuso ang tratuhin nang ganito ang mga babae. Sa kasalukuyang lipunan, marami nang bansa ang nagtakda ng mga batas na nagbabawal sa pang-aabuso sa mga babae at bata. Sa katunayan, walang anumang partikular na sinasabi ang Diyos hinggil sa mga kasarian ng sangkatauhan, dahil ang mga lalaki at babae ay parehong mga nilikha ng Diyos at mula sa Diyos. Gaya nga ng pariralang sinasabi ng sangkatauhan, “Magkasinghalaga ang palad at ang likod ng kamay”—walang partikular na pagkiling ang Diyos sa mga lalaki o babae, wala rin Siyang partikular na mga hinihingi sa anumang kasarian, magkapareho lang ang mga kasariang ito. Samakatuwid, ginagamit ng Diyos ang parehong iilang pamantayan upang hatulan ka, lalaki ka man o babae—titingnan Niya kung anong uri ng pagkataong diwa ang taglay mo, kung ano ang landas na iyong tinatahak, kung ano ang saloobin mo sa katotohanan, kung minamahal mo ang katotohanan, kung ikaw ay may-takot-sa-Diyos na puso, at kung kaya mong magpasakop sa Kanya. Kapag pumipili ng isang tao at nililinang siya upang gumawa ng isang partikular na tungkulin o magsakatuparan ng isang partikular na responsabilidad, hindi tinitingnan ng Diyos kung isa siyang lalaki o babae. Itinataas ng Diyos ang ranggo ng mga tao at ginagamit sila, lalaki man sila o babae, sa pamamagitan ng pagtingin kung mayroon silang konsensiya at katwiran, kung katanggap-tanggap man ang kakayahan nila, kung tinatanggap nila ang katotohanan at kung ano ang landas na kanilang tinatahak. Siyempre, kapag inililigtas at ginagawang perpekto ang sangkatauhan, hindi humihinto ang Diyos upang isaalang-alang ang kanilang kasarian. Kung isa kang babae, hindi isinasaalang-alang ng Diyos kung ikaw ay malinis, mabait, malumanay, o kung mabuti ang asal mo, at hindi Niya sinusuri ang mga lalaki batay sa kanilang kalakasan at pagkalalaki—hindi ito ang mga pamantayan sa pagsusuri ng Diyos sa mga lalaki at babae. Gayunpaman, sa hanay ng natiwaling sangkatauhan, palaging mayroong mga taong nangdidiskrimina sa mga babae, na nagpapataw ng mga partikular na imoral at hindi makataong hinihingi sa mga babae upang ipagkait sa kanila ang kanilang mga karapatan, ang kanilang karapat-dapat na katayuan sa lipunan, ang kabuluhang dapat na mayroon sila sa lipunan, at na nagsisikap na limitahan at pigilan ang positibong pag-unlad at pag-iral ng mga babae sa lipunan, binabaluktot ang kanilang mga mentalidad. Dahil dito, nalulugmok sa depresyon at kapighatian ang mga babae sa buong buhay nila, wala silang magawa kundi magtiis sa isang kahiya-hiyang paraan ng pamumuhay sa mga baluktot at nakapipinsalang panlipunan at moral na kapaligirang ito. Kaya lang ito nangyari ay dahil kontrolado ni Satanas ang lipunan at buong mundo, at ang sangkatauhan ay walang pakundangang nililihis at ginagawang tiwali ng lahat ng uri ng demonyo. Bilang resulta, hindi nakikita ng mga tao ang tunay na liwanag, hindi nila hinahanap ang Diyos, at sa halip ay sapilitan o walang kamalay-malay silang namumuhay sa ilalim ng panlalansi at pangmamanipula ni Satanas, hindi sila makawala rito. Ang tanging paraan nila upang makawala ay ang hanapin ang mga salita ng Diyos, ang Kanyang pagpapakita at ang Kanyang gawain upang magkaroon sila ng pagkaunawa sa katotohanan at makita nila nang malinaw at makilatis ang iba’t ibang kabulaanan, maling pananampalataya, maladiyablong salita, at katawa-tawang pahayag na pawang nagmumula kay Satanas at sa masamang sangkatauhan. Saka lang sila makakawala sa mga pagpipigil, panggigipit, at impluwensiyang ito. At sa pamamagitan ng pagtingin sa mga tao at bagay at pag-asal at pagkilos ayon sa mga salita ng Diyos at sa katotohanan ay saka lamang makapagsasabuhay ang isang tao ng isang wangis ng tao, makapamumuhay nang may dignidad, makapamumuhay sa liwanag, magagawa ang nararapat niyang gawin, matutupad ang mga obligasyong dapat niyang tuparin at, siyempre, makapag-aambag ng kanyang kabuluhan, at matatapos ang kanyang misyon sa buhay sa pangunguna ng Diyos at sa gabay ng mga tamang kaisipan at pananaw—hindi ba’t lubhang makabuluhan ang mamuhay sa ganitong paraan? (Oo.) Habang nagbabalik-tanaw kayo sa kung paano ginamit ni Satanas ang kasabihang “Ang isang babae ay kailangang maging malinis, mabait, malumanay, at mabuti ang asal” upang magpataw ng mga hinihingi sa mga babae at limitahan, kontrolin, at alipinin pa nga sila sa loob ng maraming milenyo, anu-ano ang mga nararamdaman ninyo? Kapag lahat kayong mga babae ay nakarinig ng mga taong nagbanggit sa pariralang “Ang isang babae ay kailangang maging malinis, mabait, malumanay, at mabuti ang asal,” agad ba kayong nakararamdam ng pagtutol dito at nagsasabing, “Huwag mong banggitin iyan! Wala iyang kinalaman sa akin. Bagama’t babae ako, sinasabi ng mga salita ng Diyos na walang kinalaman ang pariralang ito sa mga babae”? Sasabihin ng ilang lalaki: “Kung wala itong kinalaman sa iyo, kanino nakapatungkol ang pariralang ito? Hindi ba’t babae ka?” At tutugon ka naman: “Babae ako, totoo iyan. Ngunit hindi galing sa Diyos ang mga salitang iyan, ang mga iyan ay hindi ang katotohanan. Galing ang mga salitang iyan sa diyablo at sa sangkatauhan, niyuyurakan nila ang mga babae at pinagkakaitan ang mga ito ng karapatang mabuhay. Hindi makatao at hindi makatarungan sa mga babae ang mga salitang iyan. Naghihimagsik ako!” Ang totoo ay hindi na kinakailangang maghimagsik. Ang kailangan mo lang gawin ay magkaroon ng tamang pagharap sa ganitong mga uri ng parirala, tanggihan mo ang mga ito, at huwag magpaimpluwensiya at magpapigil sa mga ito. Kung, sa hinaharap, may magsasabi sa iyong, “Hindi ka mukhang babae, at napakagaspang mong magsalita, para kang lalaki. Sino ba ang magkakagustong magpakasal sa iyo?” paano ka dapat tumugon? Maaari mong sabihin, “Kung walang magpapakasal sa akin, eh di sige. Ang ibig mo ba talagang sabihin, ang tanging paraan upang mamuhay nang may dignidad ay ang magpakasal? Ang ibig mo bang sabihin, ang mga babae lang na malinis, mabait, malumanay, mabuti ang asal, at minamahal ng lahat ang mga tunay na babae? Mali yata iyon—hindi dapat malinis, mabait, malumanay, at mabuti ang asal ang mga salitang tunay na tumutukoy sa mga babae. Hindi dapat tukuyin ang mga babae batay sa kanilang kasarian, at hindi dapat husgahan ang kanilang pagkatao batay sa kung sila ay malinis, mabait, malumanay, at mabuti ang asal, kundi sa halip, dapat silang husgahan gamit ang mga pamantayan ng pagsusuri ng Diyos sa pagkatao ng tao. Ito ang patas at obhetibong paraan ng pagsusuri sa kanila.” Ngayon ba ay may pangkalahatang pagkaunawa ka na sa kasabihang ito, “Ang isang babae ay kailangang maging malinis, mabait, malumanay, at mabuti ang asal?” Dapat ay nalinaw na ngayon ng Aking pagbabahagi ang mga nauugnay na katotohanan sa kasabihang ito at ang mga tamang perspektiba kung paano ito dapat harapin ng mga tao.
May isa pang kasabihang nagsasaad na: “Kapag umiinom ng tubig ng balon, huwag dapat kalilimutan kung sino ang naghukay niyon.” Ayaw Kong magbahagi tungkol sa kasabihang ito. Bakit ayaw Kong magbahagi tungkol sa kasabihang ito? Ang kasabihang ito ay katulad sa diwa ng pariralang “Isakripisyo ang sarili mong mga interes alang-alang sa iba,” at medyo may masama rin tungkol dito. Gaano kalaking abala kung kakailanganin ng isang taong alalahanin ang naghukay sa isang balon sa tuwing pupunta siya upang kumuha ng tubig mula rito? Ang ilang balon ay napapalamutian ng mga pulang laso at anting-anting—hindi ba’t medyo kakatwa naman kung magsusunog din ang mga tao ng insenso at mag-aalay ng prutas dito? Kung ihahambing sa pariralang “Kapag umiinom ng tubig ng balon, huwag dapat kalilimutan kung sino ang naghukay niyon,” mas gusto Ko ang kasabihang, “Matatamasa ng mga susunod na henerasyon ang lilim ng mga punong itinanim ng mga dating henerasyon,” dahil sinasalamin ng kasabihang ito ang isang realidad na talagang personal na mararanasan at pagdaraanan ng mga tao. Inaabot ng sampu hanggang dalawampung taon bago lumaki ang isang itinanim na puno sa sukat kung kailan makapagbibigay na ito ng lilim, kaya hindi na makapagpapahinga nang matagal sa lilim nito ang taong nagtanim nito, at ang mga kasunod na henerasyon na lang ang makikinabang dito sa kanilang buong buhay. Ito ang natural na kaayusan ng mga bagay. Sa kabaligtaran naman, may kaunting kahibangan sa pag-alala sa taong naghukay sa isang balon sa tuwing iinom dito ang isang tao. Hindi ba’t magmumukhang isang kahibangan kung kakailanganing gunitain at alalahanin ng bawat tao ang naghukay sa balon sa tuwing pupunta sila rito upang mag-igib ng tubig? Kung may tagtuyot sa taon na iyon at maraming tao ang nangangailangang mag-igib ng tubig sa balong iyon, hindi ba’t mapipigilan nito ang mga taong makakuha ng tubig nila at makapagluto ng pagkain, kung kakailanganin ng lahat na tumayo roon at pagnilayan ang naghukay ng balon bago sila mag-igib ng tubig? Talaga bang kailangan ito? Maaantala lang nito ang lahat ng tao. Nananahan ba sa may balon ang kaluluwa ng naghukay nito? Maririnig ba niya ang paggunita nila? Hindi makukumpirma ang ni isa rito. Kaya ang pariralang, “Kapag umiinom ng tubig ng balon, huwag dapat kalilimutan kung sino ang naghukay niyon” ay katawa-tawa at talagang walang katuturan. Maraming gayong kasabihan tungkol sa wastong asal ang ipinanukala ng tradisyonal na kulturang Tsino, karamihan dito ay katawa-tawa, at lalong katawa-tawa ang partikular na kasabihang ito kumpara sa karamihan. Sino ba ang naghukay sa balon? Para kanino ba niya ito hinukay at bakit? Talaga bang hinukay niya ang balon alang-alang sa lahat ng tao at sa mga susunod na henerasyon? Hindi naman talaga. Ginawa lang niya ito para sa sarili niya at upang tulutan ang pamilya niyang magkaroon ng mapagkukunan ng maiinom na tubig—hindi niya isinaalang-alang ang mga susunod na henerasyon. Kung gayon, hindi ba’t nakalilihis at nakaliligaw sa mga tao na hikayatin ang lahat ng kasunod na henerasyon na gunitain at pasalamatan ang naghukay sa balon at ipaisip sa kanilang hinukay nito ang balon para sa lahat ng tao? Samakatuwid, ipinipilit lang ng taong nagpanukala sa kasabihang ito ang sarili niyang mga kaisipan at pananaw sa iba at inuudyukan ang iba na tanggapin ang mga ideya niya. Imoral ito at dahil dito ay marami pang tao ang masusuklam, maririmarim, at mamumuhi sa gayong kasabihan. Ang mga taong nagsusulong sa ganitong uri ng kasabihan ay talagang may mga partikular na diperensiya sa pag-iisip kaya hindi maiiwasang makapagsabi at makagawa sila ng ilang katawa-tawang bagay. Anu-ano ang epekto sa mga tao ng mga ideya at pananaw mula sa tradisyonal na kultura, na tulad ng mga kasabihang “Kapag umiinom ng tubig ng balon, huwag dapat kalilimutan kung sino ang naghukay niyon” at “Ang isang patak ng kabutihan ay dapat suklian ng umaagos na bukal”? Ano ba ang napapala ng mga edukadong tao at ng mga taong may kaunting kaalaman sa mga kasabihang ito sa tradisyonal na kultura? Talaga bang naging mabubuting tao sila? Nakapagsabuhay na ba sila ng wangis ng tao? Hindi talaga. Ang mga dalubhasa sa moralidad na ito na sumasamba sa tradisyonal na kultura ay nagmamataas sa tugatog ng moralidad at nagpapataw ng mga moral na hinihingi sa mga tao na kahit kaunti ay hindi naaayon sa tunay na kalagayan ng mga buhay ng mga ito—imoral ito at hindi makatao sa lahat ng taong naninirahan sa mundong ito. Dahil sa mga moral na perspektiba mula sa tradisyonal na kulturang kanilang isinusulong, ang isang taong medyo normal ang katwiran ay maaaring maging isang taong may abnormal na katwiran, na nakapagsasabi ng mga bagay na imposible at mahirap intindihin para sa iba. Buktot ang pagkatao ng gayong mga tao at masama ang kanilang mga pag-iisip. Kung gayon, hindi na nakapagtataka na maraming Tsino ang may tendensiyang magsabi ng mga bagay sa mga kaganapang pangpalakasan, sa mga pampublikong lugar at sa mga opisyal na tagpo na medyo kakatwa at na mahirap intindihin ng mga tao. Ang lahat ng sinasabi nila ay walang katuturan, katawa-tawang teorya at hindi naglalaman ng kahit katiting na taos-puso o praktikal na pananalita. Ito ang tunay na katibayan, ang resulta ng pagtitiwali ni Satanas sa sangkatauhan, at ang bunga ng pagtuturo ng tradisyonal na kultura sa mga Tsino sa loob ng maraming milenyo. Dahil sa lahat ng ito, ang mga taong namumuhay nang taos-puso at tapat ay naging mga taong nagsisinungaling, at mahusay sa pagbabalat-kayo at pagpapanggap upang manlinlang ng iba, mga taong mukhang labis na edukado at mahusay na nakapagpapahayag ng opinyon tungkol sa teorya, subalit sa realidad ay buktot ang mga mentalidad nila at wala silang kakayahang makapagsalita nang matino o makisalamuha at makipag-ugnayan sa mga tao—sa pangkalahatan ay ganito ang kalikasan nilang lahat. Sa tuwirang pananalita, ang gayong mga tao ay malapit nang masiraan ng bait. Kung hindi mo kayang tanggapin ang mga salitang ito, hinihikayat kitang danasin ang mga ito. Dito na nagtatapos ang pagbabahaginan sa araw na ito.
Abril 2, 2022
Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.