Ang Kahulugan ng Paghahangad sa Katotohanan 6 (Ikatlong Bahagi)
Pagbahaginan na natin ngayon ang sumunod na kasabihan tungkol sa wastong asal—“Maging mahigpit sa iyong sarili at mapagparaya sa iba”—ano ang ibig sabihin ng kasabihang ito? Ang ibig sabihin nito ay dapat maging mahigpit ang mga hinihingi mo sa iyong sarili at maging maluwag sa ibang tao, para makita nila kung gaano kaganda ang kalooban mo at kung gaano ka kamapagbigay. Bakit dapat itong gawin ng mga tao, kung gayon? Ano ang layon nitong makamit? Posible ba itong magawa? Ito ba ay talagang natural na pagpapahayag ng pagkatao ng mga tao? Dapat mong ikompromiso nang husto ang sarili mo para gawin ito! Dapat kang maging malaya sa mga pagnanasa at hinihingi, kinakailangang makaramdam ka ng mas kaunting kagalakan, magdusa nang higit pa, magbayad ng mas malaking halaga at mas magtrabaho pa para hindi na kailangang mapagod ang iba. At kung umaangal, nagrereklamo, o hindi gumagawa nang maayos ang iba, hindi ka dapat labis na humingi sa kanila—ang humigit-kumulang ay sapat na. Naniniwala ang mga tao na isa itong tanda ng marangal na moralidad—pero bakit huwad itong pakinggan para sa Akin? Hindi ba ito huwad? (Huwad ito.) Sa ilalim ng normal na mga sitwasyon, ang natural na pagpapahayag ng pagkatao ng isang ordinaryong tao ay ang maging mapagparaya sa kanyang sarili at mahigpit sa iba. Isa iyang katunayan. Nahihiwatigan ng mga tao ang mga problema ng iba—“Mayabang ang taong ito! Masama ang taong iyon! Makasarili ang isang ito! Ang isang iyon ay pabaya at pabasta-basta sa paggawa ng kanyang tungkulin! Napakatamad ng taong ito!”—habang iniisip niya sa loob-loob niya: “Kung medyo tamad ako, ayos lang. Mahusay ang kakayahan ko. Kahit tamad ako, mas magaling ako kaysa sa iba!” Hinahanapan niya ng mali ang iba at mahilig mamuna, pero sa kanyang sarili ay mapagparaya siya at mapagpalayaw hangga’t maaari. Hindi ba ito natural na pagpapahayag ng kanyang pagkatao? (Natural ito.) Kung ang mga tao ay inaasahang mamuhay ayon sa ideya ng pagiging “mahigpit sa iyong sarili at mapagparaya sa iba,” anong paghihirap ang dapat nilang pagdaanan? Kaya ba talaga nila itong tiisin? Ilang tao ang makakagawa nito? (Wala.) At bakit ganoon? (Ang mga tao ay likas na makasarili. Kumikilos sila ayon sa prinsipyo na “Ang bawat tao para sa kanyang sarili, bahala na ang iba.”) Talaga ngang ipinanganak ang tao na makasarili, ang tao ay isang makasariling nilalang, at lubos na nakatuon sa satanikong pilosopiyang iyon: “Ang bawat tao para sa kanyang sarili, bahala na ang iba.” Iniisip ng mga tao na magiging nakapipinsala sa kanila, at hindi natural, ang hindi maging makasarili at hindi ingatan ang kanilang sarili kapag may nangyayari sa kanila. Ito ang pinaniniwalaan ng mga tao at ganito sila kumikilos. Kung ang mga tao ay inaasahan na hindi maging makasarili, at maging mahigpit sa mga hinihingi sa kanilang sarili, at handang mawalan sa halip na magsamantala sa iba, isa ba iyong makatotohanang inaasahan? Kung ang mga tao ay inaasahang masayang magsasabi, kapag may nagsasamantala sa kanila, “Nagsasamantala ka pero ayos lang sa akin ito. Isa akong mapagparayang tao, hindi kita babatikusin o susubukang gantihan, at kung hindi ka pa sapat na nakinabang, huwag kang mag-atubiling magpatuloy”—isa ba itong makatotohanang inaasahan? Ilang tao ang kayang gawin ito? Ganito ba ang karaniwang asal ng tiwaling sangkatauhan? Malinaw na hindi normal na nangyayari ito. Bakit kaya? Dahil ang mga taong may mga tiwaling disposisyon, lalo na ang mga makasarili at masasamang tao, ay nagsisikap para sa kanilang mga sariling interes, at ang pag-iisip sa iba ay talagang hindi magpaparamdam sa kanila ng kasiyahan. Kaya, ang hindi pangkaraniwang bagay na ito, kapag nangyayari ito, ay isang anomalya. “Maging mahigpit sa iyong sarili at mapagparaya sa iba”—ang pahayag na ito tungkol sa wastong asal ay malinaw na isang hinihingi lang na hindi tumutugma sa mga katunayan o sa pagkatao, na inilalagay sa tao ng mga panlipunang moralista na hindi nauunawaan ang pagkatao. Para itong pagsasabi sa daga na hindi ito puwedeng gumawa ng mga butas o pagsasabi sa pusa na bawal itong manghuli ng mga daga. Tama bang gumawa ng gayong kinakailangan? (Hindi. Taliwas ito sa mga batas ng pagkatao.) Malinaw na hindi tumutugma sa realidad ang kinakailangang ito, at napakahungkag nito. Kaya ba ng mga taong nagpapataw ng kinakailangang ito na sila mismo ay sundin ito? (Hindi.) Inaasahan nilang susunod ang iba sa kinakailangang ito na sila mismo ay hindi matupad—ano ang isyu rito? Hindi ba’t medyo iresponsable ito? Kahit papaano, masasabing iresponsable sila at walang katuturan ang sinasabi. Ngayon, sa pagpapatuloy nito, ano ang kalikasan ng isyung ito? (Pagpapaimbabaw.) Tama, isa itong halimbawa ng pagpapaimbabaw. Malinaw na sila mismo ay hindi makasunod sa kinakailangang ito, subalit sinasabi pa rin nilang lubos silang mapagpaubaya, mapagbigay, at may napakataas na moralidad—hindi ba isa lang itong pagpapaimbabaw? Paano mo man ito tingnan, isa itong walang kabuluhang kasabihan na may dalang partikular na pagiging huwad, kaya uuriin natin ito bilang mapagpaimbabaw na kasabihan. Katulad ito ng uri ng mga kasabihang isinulong ng mga Pariseo; may lihim na motibo sa likod nito, na malinaw na upang magpakitang-gilas, maipakilala ang sarili bilang isang taong may marangal na wastong asal, at upang mapuri ng iba bilang isang huwaran at modelo ng marangal na wastong asal. Anong uri ng mga tao ang nagagawang maging mahigpit sa kanilang sarili at mapagparaya sa iba? Nasusunod ba ng mga guro at doktor ang kasabihang ito? Nasunod ba ng mga tinatawag na sikat na tao, dakilang tao, at pantas tulad nina Confucius, Mencius at Laozi ang kasabihang ito? (Hindi.) Sa madaling salita, gaano man kakatawa-tawa ang kasabihang ito na isinulong ng tao, o kung makatwiran man o hindi ang kinakailangang ito, sa huli ay isa lang itong kinakailangang inilagay sa moral na karakter at pag-uugali ng mga tao. Ni hindi man lang handa ang mga taong sumunod sa kinakailangang ito at hindi madali para sa kanila na isagawa ito, dahil sumasalungat ito sa mga pamantayan na kayang makamit ng normal na pagkatao ng tao. Ngunit, ano’t anuman, isa pa rin itong pamantayan at kinakailangan tungkol sa wastong asal ng tao na isinusulong ng tradisyunal na kultura. Bagamat ang “Maging mahigpit sa iyong sarili at mapagparaya sa iba” ay isang walang kabuluhang parirala na kaunti ang nakasusunod, katulad ito ng “Huwag mong ibulsa ang pera na iyong napulot” at “Maging masaya sa pagtulong sa iba”—anuman ang motibo o intensyong kinikimkim ng mga taong nagsasagawa nito, o kung mayroon mang sinumang kaya man lang itong isagawa—ano’t anuman, batay lang sa katunayan na ang mga taong nagsusulong sa kinakailangan na ito ay inilalagay ang kanilang sarili sa tugatog ng moralidad, hindi ba’t ginagawa sila nitong mapagmataas at mapagmagaling, at nagtataglay sila ng medyo hindi normal na katwiran? Kung tatanungin mo sila kung kaya nilang sumunod sa kasabihang, “Maging mahigpit sa iyong sarili at mapagparaya sa iba,” sasabihin nilang, “Siyempre naman!” At gayunpaman, kapag talagang pinilit silang sumunod dito, hindi nila magagawa. Bakit hindi nila magagawang sumunod dito? Dahil mayroon silang mapagmataas at satanikong disposisyon. Pasunurin sila sa moralidad na ito habang nakikipagpaligsahan sa kanila ang iba para sa katayuan, kapangyarihan, katanyagan, at pakinabang, at tingnan kung magagawa nila ito. Sadyang hindi nila ito magagawa, at magagalit pa nga sila sa iyo. Kung tatanungin mo sila, “Bakit isinusulong mo pa rin ang kasabihang ito kung ikaw mismo ay hindi makasunod dito? Bakit hinihingi mo pa ring sumunod dito ang iba? Hindi ba’t pagpapaimbabaw ito sa parte mo?” tatanggapin kaya nila ito? Kung ilalantad mo sila, hindi nila ito tatanggapin—paano mo man sila ilantad, hindi nila ito tatanggapin o hindi sila aaming may kasalanan sila—ipinapakita nito na hindi sila mabubuting tao. Ang katunayan na gumagamit sila ng tonong may mataas na moralidad kahit na hindi sila nakasusunod sa sarili nilang mga hinihingi ay nagpapakita lang na tamang tawagin silang mga dakilang manloloko at mapagpaimbabaw na mapagkunwari.
Ang “Maging mahigpit sa iyong sarili at mapagparaya sa iba,” tulad ng mga kasabihan tungkol sa “Huwag mong ibulsa ang pera na iyong napulot” at “Maging masaya sa pagtulong sa iba,” ay isa sa mga hinihingi ng tradisyunal na kultura tungkol sa wastong asal ng mga tao. Sa parehong paraan, makakamit o magagamit man ng isang tao ang wastong asal na ito, hindi pa rin ito ang pamantayan o saligan sa pagsukat ng kanyang pagkatao. Maaaring talagang may kakayahan kang maging mahigpit sa iyong sarili at mapagparaya sa iba, at na kumikilos ka sa talagang matataas na pamantayan. Maaaring walang dungis ang iyong moralidad at maaaring palagi mong iniisip ang iba at nagpapakita ka ng pagsasaalang-alang para sa kanila, nang hindi nagiging makasarili at naghahangad ng sarili mong mga interes. Maaaring tila talagang mapagbigay ka at hindi makasarili, at mayroon kang matibay na pagpapahalaga sa panlipunang responsabilidad at mga moralidad na panlipunan. Ang marangal mong personalidad at mga katangian ay maaaring naipapakita sa mga malapit sa iyo, at sa mga nakakaharap at nakakasalamuha mo. Maaaring ang pag-uugali mo ay hindi kailanman nagbibigay sa iba ng anumang dahilan para sisihin o batikusin ka, sa halip ay nagtatamo ng saganang papuri at paghanga pa nga. Maaaring ituring ka ng mga tao bilang isang taong tunay na mahigpit sa kanyang sarili at mapagparaya sa iba. Gayunpaman, ang mga ito ay walang iba kundi mga panlabas na pag-uugali. Ang mga kaisipan at hangarin ba sa kaibuturan ng iyong puso ay naaayon sa mga panlabas na pag-uugali na ito, sa mga pagkilos na ito na isinasabuhay mo sa panlabas? Ang sagot ay hindi, hindi naaayon ang mga ito. Ang dahilan kung bakit kaya mong kumilos nang ganito ay dahil may motibo sa likod nito. Ano ba talaga ang motibong iyon? Maaatim mo ba na umiral ang motibong iyon? Talagang hindi. Pinatutunayan nitong ang motibong ito ay isang bagay na hindi kabanggit-banggit, isang bagay na madilim at masama. Ngayon, bakit hindi kabanggit-banggit at masama ang motibong ito? Dahil ang pagkatao ng mga tao ay pinamamahalaan at kinokontrol ng kanilang mga tiwaling disposisyon. Ang lahat ng kaisipan tungkol sa pagkatao, sinasabi man ang mga ito o ibinubulalas man ang mga ito ng mga tao, ay hindi maipagkakailang pinangingibabawan, kinokontrol, at minamanipula ng kanilang mga tiwaling disposisyon. Bilang resulta, pawang nakatatakot at masama ang mga motibo at intensyon ng mga tao. Nagagawa man ng mga tao na maging mahigpit sa kanilang sarili at mapagparaya sa iba, o ganap man nilang panlabas na naipapahayag ang moralidad na ito o hindi, hindi maiiwasan na ang moralidad na ito ay hindi magkakaroon ng kontrol o impluwensiya sa kanilang pagkatao. Kung gayon, ano ang kumokontrol sa pagkatao ng mga tao? Ito ay ang kanilang mga tiwaling disposisyon, ang diwa ng kanilang pagkatao na nakatago sa ilalim ng moralidad na “Maging mahigpit sa iyong sarili at mapagparaya sa iba”—iyon ang tunay nilang likas na pagkatao. Ang tunay na likas na pagkatao ng isang tao ay ang diwa ng kanyang pagkatao. At ano ang bumubuo sa diwa ng kanilang pagkatao? Pangunahin itong binubuo ng kanilang mga kagustuhan, hinahangad, pananaw sa buhay at kanilang sistema ng pagpapahalaga, pati na ng kanilang saloobin sa katotohanan at sa Diyos, at iba pa. Ang mga bagay na ito lang ang tunay na kumakatawan sa diwa ng pagkatao ng mga tao. Masasabi nang may katiyakan na karamihan sa mga taong humihingi sa kanilang sarili na tuparin ang moralidad ng pagiging “mahigpit sa iyong sarili at mapagparaya sa iba,” ay nahuhumaling sa katayuan. Bunsod ng kanilang mga tiwaling disposisyon, hindi nila maiwasang hangarin ang reputasyon sa gitna ng mga tao, katanyagan sa lipunan, at katayuan sa paningin ng iba. Ang lahat ng bagay na ito ay nauugnay sa kanilang pagnanais para sa katayuan, at hinahangad ang mga ito nang nakakubli sa kanilang mabuting asal. At paano nangyayari ang mga paghahangad nilang ito? Ang mga ito ay ganap na nagmumula sa at ibinubunsod ng kanilang mga tiwaling disposisyon. Kaya, anuman ang mangyari, tuparin man ng isang tao ang moralidad ng pagiging “mahigpit sa iyong sarili at mapagparaya sa iba” o hindi, at kung nagagawa man niya ito nang perpekto o hindi, hindi talaga nito mababago ang diwa ng kanyang pagkatao. Sa ipinapahiwatig nito, nangangahulugan ito na hindi nito mababago sa anumang paraan ang kanyang pananaw sa buhay o sistema ng pagpapahalaga, o magagabayan ang kanyang mga saloobin at perspektibo sa lahat ng uri ng tao, pangyayari, at bagay. Hindi ba iyon ang kaso? (Oo nga.) Kapag mas may kakayahan ang isang tao na maging mahigpit sa kanyang sarili at mapagparaya sa iba, mas nagiging mahusay siya sa pagkukunwari, pagpapanggap, at sa panlilinlang sa iba sa pamamagitan ng mabuting pag-uugali at kalugud-lugod na mga salita, at mas likas siyang nagiging mapanlinlang at masama. Kapag mas ganitong uri siya ng tao, mas nagiging malalim ang kanyang pagmamahal at paghahangad sa katayuan at kapangyarihan. Gaano man kamukhang dakila, kapuri-puri at tama ang kanyang panlabas na wastong asal, at gaano man ito kalugud-lugod pagmasdan para sa mga tao, ang hindi masabing paghahangad na nasa kaibuturan ng kanyang puso, pati na ang kanyang kalikasan at diwa, at maging ang kanyang mga ambisyon, ay maaaring sumambulat mula sa kanya anumang oras. Samakatuwid, gaano man kabuti ang kanyang wastong asal, hindi nito maikukubli ang likas na diwa ng kanyang pagkatao, o ang kanyang mga ambisyon at pagnanais. Hindi nito maitatago ang kanyang kahindik-hindik na kalikasan at diwa na hindi nagmamahal ng mga positibong bagay at nayayamot at napopoot sa katotohanan. Gaya ng ipinapakita ng mga katunayang ito, ang kasabihang “Maging mahigpit sa iyong sarili at mapagparaya sa iba” ay talagang katawa-tawa—inilalantad nito ang mga ambisyosong tao na tinatangkang gumamit ng gayong mga kasabihan at pag-uugali para pagtakpan ang kanilang mga hindi kabanggit-banggit na ambisyon at pagnanais. Maikukumpara ninyo ito sa ilan sa mga anticristo at masasamang tao sa iglesia. Upang mapatibay ang kanilang katayuan at kapangyarihan sa iglesia, at upang magkamit ng mas magandang reputasyon sa iba pang miyembro, nagagawa nilang sumailalim sa pagdurusa at pagbayad ng halaga habang ginagampanan ang kanilang mga tungkulin, at maaari pa nga nilang talikuran ang kanilang trabaho at mga pamilya at ibenta ang lahat ng mayroon sila upang gugulin ang kanilang sarili para sa Diyos. Sa ilang sitwasyon, ang mga halagang kanilang ibinabayad at ang pagdurusang kanilang dinaranas sa paggugol sa kanilang sarili para sa Diyos ay lumalampas sa kung ano ang kayang tiisin ng isang pangkaraniwang tao; nagagawa nilang isakatawan ang diwa ng matinding pagtanggi sa sarili upang mapanatili ang kanilang katayuan. Gayunpaman, gaano man sila magdusa o anumang halaga ang ibinabayad nila, wala sa kanila ang nangangalaga sa patotoo ng Diyos o sa mga interes ng sambahayan ng Diyos, ni hindi sila nagsasagawa ayon sa mga salita ng Diyos. Ang mithiing hinahangad nila ay ang magtamo lang ng katayuan, kapangyarihan, at mga gantimpala ng Diyos. Wala silang ginagawa na may kahit kaunting kaugnayan sa katotohanan. Gaano man sila kahigpit sa kanilang sarili, at gaano man sila kamapagparaya sa iba, ano ang kanilang pinakakahihinatnan? Ano ang iisipin ng Diyos sa kanila? Pagpapasyahan ba Niya ang kanilang kahihinatnan batay sa mga panlabas na mabuting pag-uugaling isinasabuhay nila? Tiyak na hindi. Tinitingnan at hinuhusgahan ng mga tao ang iba batay sa mga pag-uugali at pagpapamalas na ito, at dahil hindi nila mahalata ang diwa ng ibang tao, nalilinlang sila ng mga ito sa huli. Gayunpaman, hindi kailanman nalilinlang ng tao ang Diyos. Talagang hindi Niya pupurihin at aalalahanin ang wastong asal ng mga tao dahil nagagawa nilang maging mahigpit sa kanilang sarili at mapagparaya sa iba. Sa halip, kokondenahin Niya sila para sa kanilang mga ambisyon at para sa mga landas na tinahak nila sa paghahangad sa katayuan. Samakatuwid, ang mga naghahangad sa katotohanan ay dapat magkaroon ng pagkakilala sa pamantayang ito para sa pagsusuri sa mga tao. Dapat nilang lubos na itatwa at talikuran ang katawa-tawang pamantayang ito, at kilatisin ang mga tao ayon sa mga salita ng Diyos at sa mga prinsipyo ng katotohanan. Dapat ay pangunahin nilang tingnan kung minamahal ng isang tao ang mga positibong bagay, kung nagagawa ba niyang tanggapin ang katotohanan, at kung kaya niyang magpasakop sa kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos ng Diyos, pati na rin ang landas na pinipili niyang tahakin, at klasipikahin kung anong uri siya ng tao, at kung anong uri ng pagkatao ang mayroon siya batay sa mga bagay na ito. Sadyang napakadaling lumitaw ng mga paglihis at pagkakamali kapag hinuhusgahan ng mga tao ang iba batay sa pamantayan ng “Maging mahigpit sa iyong sarili at mapagparaya sa iba.” Kung mali mong kikilatisin at titingnan ang isang tao batay sa mga prinsipyo at kasabihang nagmula sa tao, lalabagin mo ang katotohanan at lalabanan ang Diyos sa usaping iyon. Bakit ganito? Ito ay dahil magiging mali ang batayan para sa iyong mga pananaw sa mga tao, at hindi ito tutugma sa mga salita ng Diyos at sa katotohanan—maaari pa nga itong maging laban at salungat sa mga ito. Hindi sinusuri ng Diyos ang pagkatao ng mga tao batay sa pahayag tungkol sa wastong asal na, “Maging mahigpit sa iyong sarili at mapagparaya sa iba,” kaya kung iginigiit mo pa ring husgahan ang moralidad ng mga tao at tukuyin kung anong uri sila ng tao ayon sa pamantayang ito, ganap mong nalabag ang mga prinsipyo ng katotohanan, at tiyak na makagagawa ka ng mga pagkakamali, at makapagdudulot ng ilang mali at paglihis. Hindi ba’t ganoon iyon? (Ganoon nga.) Kapag naunawaan na ng mga tao ang mga bagay na ito, kahit papaano ay magkakaroon sila ng partikular na antas ng pagkaunawa sa batayan, mga prinsipyo, at mga pamantayan na ipinangtitingin ng Diyos sa mga tao at bagay—kahit papaano ay magkakaroon ka ng pagkaunawa at pagpapahalaga sa pagharap ng Diyos sa mga bagay na ito. Paano naman ang iyong pananaw? Dapat ay alam mo man lang kung ano ang tamang batayan para sa pagtingin sa isang tao, at aling pamantayan para sa pagtingin sa mga tao ang sumusunod sa katotohanan at sa mga aktuwal na katunayan, at talagang hindi hahantong sa anumang pagkakamali o paglihis. Kung magiging malinaw talaga sa iyo ang mga bagay na ito, magkakaroon ka ng pagkakilala sa mga aspetong ito ng tradisyunal na kultura, pati na sa iba’t ibang pahayag at teorya ng tao, at paraan niya ng pagtingin sa ibang tao, at lubos mong tatalikuran ang mga aspetong ito ng tradisyunal na kultura, at ang lahat ng iba’t ibang kasabihan at pananaw na nagmula sa tao. Sa ganitong paraan, titingnan at kikilatisin mo ang mga tao batay sa mga prinsipyo ng katotohanan, at, sa partikular na antas, magiging kaayon ka ng Diyos, at hindi ka magrerebelde, lalaban, o sasalungat sa Kanya. Habang unti-unti mong natatamo ang pagiging kaayon ng Diyos, magkakaroon ka ng mas malinaw na pagkawari sa mga diwa ng mga tao at bagay, at makahahanap ka ng kumpirmasyon nito sa mga salita ng Diyos. Makikita mong ang iba’t ibang pahayag ng Diyos na naglalantad sa sangkatauhan, at ang Kanyang mga pagsasalarawan at pagpapakahulugan sa sangkatauhan ay tama lahat, at katotohanan lahat. Siyempre pa, habang nakahahanap ka ng kumpirmasyon nito, parami nang parami ang makakamit mong pananampalataya at kaalaman sa Diyos at sa Kanyang mga salita, at lalo kang makatitiyak na ang mga salita ng Diyos ay ang katotohanan at ang realidad na dapat isabuhay ng tao. Hindi ba’t ito ang bumubuo sa proseso ng pagtanggap at pagtamo sa katotohanan? (Oo.) Ito ang proseso ng pagtanggap at pagtamo sa katotohanan.
Ang layon ng paghahangad sa katotohanan ay ang tanggapin ang katotohanan bilang buhay ng isang tao. Kapag nagagawang tanggapin ng mga tao ang katotohanan, nagsisimulang unti-unting magbago ang kanilang panloob na pagkatao at buhay, at sa huli, ang pagbabagong ito ang kanilang gantimpala. Noon, tiningnan mo ang mga tao at bagay ayon sa tradisyunal na kultura, ngunit napagtanto mo na ngayon na mali ito, at hindi mo na titingnan ang mga bagay mula sa pananaw na iyon, o titingnan ang sinumang tao batay sa kung ano ang idinidikta ng tradisyunal na kultura. Kung gayon, sa anong batayan mo na ngayon titingnan ang mga tao at bagay? Kung hindi mo alam, pinatutunayan nito na hindi mo pa rin tinatanggap ang katotohanan. Kung alam mo na kung ayon sa aling mga prinsipyo ng mga katotohanan mo dapat tingnan ang mga tao at bagay, kung kaya mong tumpak at malinaw na sabihin ang iyong batayan, landas, mga pamantayan, at mga prinsipyo, at kung kaya mo ring tukuyin at harapin ang mga tao ayon sa mga prinsipyong ito ng katotohanan, nagsimula nang magkaroon ng epekto sa loob mo ang katotohanan, ginagabayan nito ang iyong mga iniisip at pinangingibabawan ang pananaw na ipinangtitingin mo sa mga tao at bagay. Nagpapatunay ito na nag-ugat na sa iyo ang katotohanan at naging buhay mo na ito. Paano ka tutulungan sa huli ng epekto sa iyo ng katotohanan? Hindi ba’t maiimpluwensiyahan ng katotohanan kung paano ka umasal, ang landas na pinipili mo, at ang direksyon ng iyong buhay? (Oo.) Kung nagagawa nitong impluwensiyahan kung paano ka umasal at ang landas na iyong tinatahak, hindi ba’t maiimpluwensiyahan nito ang relasyon mo sa Diyos? (Ganoon nga.) Ano ang magiging resulta ng pag-impluwensiya ng katotohanan sa iyong relasyon sa Diyos? Magiging mas malapit ka ba o mas malayo? (Magiging mas malapit ako sa Diyos.) Tiyak na magiging mas malapit ka sa Kanya. Kapag naging mas malapit ka sa Diyos, mas magiging handa ka bang sumunod sa Kanya at yumukod sa harap Niya, o magiging atubili ka bang maniwala sa Kanyang pag-iral habang nahahadlangan ka ng mga pagdududa at maling pagkaunawa? (Magiging handa akong sumunod sa Diyos at yumukod sa harap Niya.) Tiyak ito. Ngayon, paano mo matatamo ang kahandaang ito? Makahahanap ka ng kumpirmasyon ng mga salita ng Diyos sa tunay mong buhay; magsisimulang umepekto sa iyo ang katotohanan, at makahahanap ka ng kumpirmasyon nito. Sa proseso ng paglalantad ng lahat ng bagay, makukumpirma sa loob mo ang natatagong pinagmulan ng lahat ng bagay na ito at matatagpuan mong ganap itong alinsunod sa mga salita ng Diyos. Mabeberipika mo na ang mga salita ng Diyos ay pawang ang katotohanan, at mapapalakas nito ang pananampalataya mo sa Diyos. Kapag mas malakas ang pananampalataya mo sa Diyos, mas magiging normal ang relasyon mo sa Kanya, mas lalo kang magiging handang kumilos bilang isang nilikha, at magiging handa kang ituring ang Diyos bilang iyong Kataas-taasan, at dadami ang mga bahagi mong nagpapasakop sa Diyos. Ano ang palagay mo sa pagpapabuting ito sa iyong relasyon? Maganda ito, hindi ba? Ito ang resulta ng isang mabuti at positibong proseso ng pag-unlad. Kung gayon, ano ang mga kahihinatnan ng isang masama at nakapipinsalang proseso ng pag-unlad? (Lalong magiging mahina ang iyong pananampalataya na mayroong Diyos, at magkakaroon ka ng mga maling pagkaunawa at pagdududa tungkol sa Diyos.) Kahit papaano, ito ang mga kahihinatnan. Hindi ka makatatanggap ng kumpirmasyon sa anumang usapin, at hindi ka lang mabibigong matamo ang katotohanan sa iyong pananampalataya, makabubuo ka rin ng lahat ng uri ng mga kuru-kuro—magkakamali ka ng pagkaunawa sa Diyos, pipintasan mo Siya, mag-iingat ka laban sa Kanya, at sa huli ay itatatwa mo Siya. Kung itatatwa mo ang Diyos sa iyong puso, magagawa mo pa rin bang sumunod sa Kanya? (Hindi.) Hindi mo na nanaising sumunod sa Kanya. Ano ang mangyayari kasunod nito? Mawawalan ka ng interes sa ginagawa at sinasabi ng Diyos. Kapag sinabi ng Diyos, “Nalalapit na ang katapusan ng sangkatauhan,” tutugon ka, “Wala akong nakikitang kahit ano!” Hindi ka maniniwala sa Kanya. Kapag sinabi ng Diyos, “Magkakamit ka ng magandang hantungan pagkatapos mong hangarin ang katotohanan,” tutugon ka, “Nasaan ang magandang hantungang ito na sinasabi Mo? Hindi ko ito nakikita!” Hindi ka magiging interesado. Kapag sinabi ng Diyos, “Dapat kang kumilos na parang tunay na nilikha,” at tutugon ka, “Mayroon bang anumang pakinabang sa pagkilos na parang tunay na nilikha? Ilang pagpapala ang maaari kong matamo mula rito? Makapagtatamo ba talaga ako ng mga pagpapala sa paggawa niyon? May kinalaman ba ito sa pagtamo ng mga pagpapala?” Kapag sinabi ng Diyos, “Dapat mong tanggapin at dapat kang magpasakop sa kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos!” tutugon ka, “Anong kataas-taasang kapangyarihan? Bakit hindi ko maramdaman ang kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos? Kung talagang kataas-taasang naghahari ang Diyos, bakit Niya pinahintulutan na mamuhay ako sa kahirapan? Bakit Niya pinahintulutan na magkasakit ako? Kung kataas-taasang naghahari ang Diyos, bakit palaging mahirap para sa akin ang mga bagay-bagay?” Mapupuno ng mga reklamo ang iyong puso, at hindi mo paniniwalaan ang anumang sinasabi ng Diyos. Ipapakita nito ang kawalan mo ng tunay na pananampalataya sa Diyos. At iyon ang dahilan kaya, habang nakararanas ka ng iba’t ibang isyu, ang gagawin mo lang ay magreklamo, nang wala ni katiting na antas ng pagsunod. Ganoon ka makararating sa napakasamang kahihinatnang ito. Sinasabi ng ilang tao, “Dahil kataas-taasang naghahari ang Diyos, dapat Niya akong tulungang gumaling kaagad sa aking karamdaman. Dapat Niya akong tulungang matamo ang lahat ng nais ko. Bakit puno ng mga abala at pagdurusa ang buhay ko ngayon?” Nawalan na sila ng pananampalataya sa Diyos, at wala na silang kahit katiting na bakas ng malabong pananampalatayang mayroon sila dati—ganap na itong nawala. Ito ang napakasamang kahihinatnan at masamang resulta ng lahat ng ito. Gusto ba ninyong umabot sa puntong ito? (Hindi.) Paano ninyo maiiwasang malugmok sa antas na ito? Dapat kayong magsikap pagdating sa katotohanan—ang susi at daan para sa lahat ng ito ay nasa katotohanan at nasa mga salita ng Diyos. Kung magsisikap ka pagdating sa mga salita ng Diyos at sa katotohanan, nang hindi mo namamalayan, magsisimula mong makita nang mas malinaw ang landas na itinuro sa iyo, at inakay ka papunta, ng Diyos, at makikita mo ang diwa ng mga tao, pangyayari, at bagay na pinangangasiwaan ng Diyos. Sa bawat hakbang ng karanasang ito, unti-unti mong matutuklasan sa mga salita ng Diyos ang mga prinsipyo at batayan para sa pagtingin sa mga tao at bagay, at para sa pag-asal at pagkilos. Sa pagtanggap at pag-unawa sa katotohanan, makikita mo ang mga prinsipyo at landas ng pagsasagawa sa mga tao, pangyayari, at bagay na nakakaharap mo. Kung magsasagawa ka ayon sa mga landas na ito, papasok sa iyo ang mga salita ng Diyos at magiging buhay mo, at nang hindi mo namamalayan, magsisimula kang mamuhay sa ilalim ng kataas-taasang kapangyarihan at mga pangangasiwa ng Diyos. Kapag namumuhay ka sa ilalim ng kataas-taasang kapangyarihan at mga pangangasiwa ng Diyos, matututo ka nang hindi mo namamalayan kung paano tingnan ang mga tao at bagay ayon sa mga salita ng Diyos, at titingnan mo ang mga bagay mula sa wastong punto de bista, perspektibo, at pananaw; ang mga kahihinatnan ng iyong mga pagtingin sa mga bagay-bagay ay makasusunod sa mga salita ng Diyos at sa katotohanan, at tutulutan ka ng mga itong maging mas malapit sa Diyos at mas mauhaw para sa katotohanan. Gayunpaman, kung hindi mo hahangarin ang katotohanan, o kung hindi ka magsisikap patungkol sa katotohanan, at kung wala kang interes sa katotohanan, mahirap masabi kung anong punto ang maabot mo. Sa huli, ang pinakamasamang posibleng kahihinatnan ay kapag nabigo ang mga tao na makita ang mga kilos ng Diyos o maramdaman ang Kanyang kataas-taasang kapangyarihan, paano man nila subukang manalig sa Kanya; ito ay kapag hindi nila nauunawaan ang walang hanggang kapangyarihan at karunungan ng Diyos, gaano man karaming bagay ang kanilang nararanasan. Sa gayong mga sitwasyon, kikilalanin lang ng mga tao na ang mga salitang ipinapahayag ng Diyos ay ang katotohanan, ngunit wala silang makikitang pag-asang maliligtas sila, lalong hindi nila makikitang matuwid at banal ang disposisyon ng Diyos, at palagi nilang mararamdamang malabo ang kanilang pananampalataya sa Diyos. Ipinapakita nito na hindi nila natamo ang katotohanan o ang kaligtasan ng Diyos, at wala man lang silang nakamit matapos manalig sa Diyos sa loob ng maraming taon. Dito nagtatapos ang Aking pagbabahagi tungkol sa ikatlong kasabihan: “Maging mahigpit sa iyong sarili at mapagparaya sa iba.”
Ano ang ikaapat na pahayag tungkol sa wastong asal? (Gantihan ng kabutihan ang kasamaan.) May kinikimkim bang mga partikular na layunin ang mga tao kapag ginagantihan nila ng kabutihan ang kasamaan? Hindi ba sila umaatras upang maging mas madali para sa kanila ang mga bagay-bagay? Hindi ba ito isang pampahupang paraan ng pagharap sa mga bagay-bagay? Ayaw ng mga taong madawit sa walang katapusang siklo ng paghihiganti, nais nilang pakalmahin ang mga bagay-bagay upang makapamuhay sila nang medyo mas mapayapa. Partikular na hindi mahaba ang buhay ng isang tao, at kung mabubuhay man siya hanggang isang daang taon o ilang daang taon, pakiramdam pa rin niya ay maikli ang buhay niya. Buong araw, abala ang isip niya sa pag-iisip ng paghihiganti at pagpatay, puno ng kaguluhan ang kanyang kaloob-looban, at namumuhay siya ng hindi masayang buhay. Kaya, sinusubukan niyang maghanap ng paraan upang mamuhay ng mas masaya at mas nakagagalak na buhay, at tratuhin nang tama ang kanyang sarili—at ito ang gantihan ng kabutihan ang kasamaan. Hindi maiiwasang mapapasama ng mga tao ang loob ng isa’t isa at sila ay magiging biktima ng mga pakana ng isa’t isa habang nabubuhay sila. Palagi silang ginugulo ng mga mapaghiganti at mapait na emosyon, at nagsasabuhay sila ng lubhang hindi maaayos na pag-iral, kaya, alang-alang sa kalagayang panlipunan at katatagan at pagkakaisa sa lipunan, gamit ang mga iyon bilang kanilang motibasyon, isinusulong ng mga moralista ang pamantayan ng moralidad na ito sa mundo. Binabalaan nila ang mga tao na huwag gantihan ng kasamaan ang kasamaan, at huwag mapoot at pumatay, sa halip ay hinihimok ang mga taong matutong gantihan ng kabutihan ang kasamaan. Sinasabi nilang kahit na napinsala ka ng isang tao noon, hindi mo siya dapat paghigantihan, bagkus ay dapat mo siyang tulungan, kalimutan ang mga mali niyang ginawa noon, makipag-ugnayan sa kanya nang normal, at unti-unti siyang baguhin, pawiin ang pagkapoot sa pagitan ninyo, at tamuhin ang maayos na relasyon. Hindi ba’t hahantong ito sa pangkalahatang pagkakasundo sa lipunan? Sinasabi nila na sinuman ang nagpasama sa loob mo, kapamilya man siya, kaibigan, kapitbahay, o katrabaho, dapat mong gantihan ng kabutihan ang kasamaan nila, at huwag magkimkim ng mga hinanakit. Sinasabi nila na kung magagawa ito ng lahat ng tao, magiging katulad ito ng sinasabi ng mga tao: “Kung magbibigay ang lahat ng kaunting pagmamahal, magiging magandang lugar ang mundo.” Hindi ba’t batay sa mga imahinasyon ang mga pahayag na ito? Isang magandang lugar? Hindi kapani-paniwala! Tingnan kung sino ang nagpapatakbo sa mundong ito at kung sino ang gumagawang tiwali sa sangkatauhan. Anong pagbabago ang talagang matatamo ng pahayag tungkol sa wastong asal na, “Gantihan ng kabutihan ang kasamaan”? Wala itong anumang mababago. Katulad ng iba pa, ang pahayag na ito ay naglalagay ng mga partikular na kinakailangan sa kalidad ng moralidad ng mga tao, o nagpapataw ng mga partikular na regulasyon sa kanila. Hinihingi nito na huwag silang mauuwi sa pagkapoot at pagpatay kapag nahaharap sila sa pagkapoot at pagpatay mula sa ibang tao, at na dapat nilang tratuhin ang mga taong pumipinsala sa kanila nang kalmado, nang mahinahon, at gamitin ang kanilang wastong asal upang pawiin ang pagkapoot at pagpatay na iyon, at bawasan ang dami ng pagdanak ng dugo. Siyempre, ang kasabihang ito tungkol sa wastong asal ay epektibo sa mga tao sa isang partikular na antas; maaari nitong pawiin ang pagkapoot at hinanakit, at bawasan sa isang partikular na antas ang mga pagpatay dahil sa paghihiganti; at maaari itong magkaroon ng partikular na antas ng positibong epekto sa kalagayang panlipunan, pampublikong kaayusan, at panlipunang pagkakasundo, ngunit anong mga paunang kondisyon ang mayroon para magkaroon ng ganoong epekto ang kasabihang ito? May mga makabuluhang paunang kondisyon sa usapin ng kapaligirang panlipunan. Ang isa ay ang normal na katwiran at paghusga na taglay ng mga tao. Iniisip ng mga tao: “Mas makapangyarihan ba o hindi kaysa sa akin ang taong ito na gusto kong paghigantihan? Kung maghihiganti ako sa kanya, matatamo ko ba ang aking mithiin? Kung maghihiganti ako at papatayin ko siya, ipapahamak ko ba ang sarili ko?” Tinitimbang muna nila ang mga kahihinatnan. Pagkatapos pag-isipan ang mga bagay-bagay, napagtatanto ng karamihan ng mga tao: “Marami siyang koneksyon, malakas ang panlipunang impluwensiya niya, at marahas at malupit siya, kaya kahit na napinsala niya ako, hindi ako maaaring maghiganti sa kanya. Dapat kong tahimik na tanggapin ang insulto. Ngunit kung magkakaroon ako ng pagkakataong maghiganti sa kanya sa buhay na ito, susunggaban ko ito.” Katulad ng sinasabi ng mga sikat na kasabihan, “Hindi lalaki ang hindi naghihiganti” at “Hindi pa huli ang lahat para maghiganti ang isang maginoo.” Kinikimkim pa rin ng mga tao ang mga ganitong uri ng mga pilosopiya para sa pamumuhay. Pinanghahawakan ng mga tao ang pilosopiya para sa pamumuhay na gantihan ng kabutihan ang kasamaan, sa isang banda, dahil direkta itong konektado sa kapaligirang panlipunan at sa lubos na katiwalian ng tao—umusbong ito dahil sa mga kuru-kuro ng mga tao at sa mga paghusga ng kanilang katwiran. Kapag nararanasan ng karamihan ng mga tao ang mga ganitong uri ng mga sitwasyon, ang nagagawa lang nila ay tahimik na tanggapin ang mga insulto, at panlabas na isagawa ang gantihan ng kabutihan ang kasamaan, na isinasantabi ang kanilang pagkapoot at mga paghihiganti. Ang isa pang dahilan kung bakit kumakapit ang mga tao sa pilosopiyang ito para sa pamumuhay, ay na sa ilang sitwasyon, mayroong malaking kawalan ng balanse ng kapangyarihan sa pagitan ng dalawang partidong sangkot, kaya ang partidong nagawan ng masama ay hindi naglalakas-loob na maghiganti, at napipilitan siyang gantihan ng kabutihan ang kasamaan, dahil wala na siyang iba pang magagawa. Kung maghihiganti siya, maaari niyang malagay sa panganib ang buong pamilya niya, at ang mga kahihinatnan niyon ay hindi maaarok. Sa mga gayong sitwasyon, mas gusto ng mga tao na magpatuloy na lang sa buhay sa pamamagitan ng pagtanggap sa insulto. Gayunpaman, sa paggawa nito, napaglabanan ba nila ang kanilang hinanakit? Mayroon bang sinumang tao na kayang kalimutan ang galit? (Wala.) Lalo na sa mga sitwasyon ng napakatitinding galit, halimbawa kapag may isang taong pumatay sa iyong malapit na kaanak at sumira sa iyong pamilya, at nagdala ng kahihiyan sa iyong pangalan, na humantong para magkaroon ka ng matinding pagkapoot sa kanya—walang makabibitiw sa ganoong galit. Parte ito ng pagkatao at isa itong bagay na hindi mapaglalabanan ng pagkatao. Likas na napopoot ang mga tao sa mga gayong sitwasyon—normal na normal ito. Umuusbong man ito dahil sa init ng ulo, likas na gawi, o konsiyensiya, ano’t anuman, isa itong normal na reaksyon. Kahit ang mga aso ay napapalapit sa mga taong tinatrato ang mga ito nang maayos at regular na pinapakain o tinutulungan ang mga ito, at nagsisimula ang mga itong pagkatiwalaan sila, habang kinasusuklaman ang mga nang-aabuso at nangmamaltrato sa mga ito—at hindi lang iyon, kasusuklaman pa ng mga ito ang mga taong kaamoy o kaboses ng mga nang-aabuso sa mga ito. Nakikita mo, kahit ang mga aso ay taglay ang likas na gawing ito, paano pa ang mga tao! Dahil ang mga tao ay mayroong higit na mas komplikadong pag-iisip kaysa sa mga hayop, ganap na normal para sa kanila na makaramdam ng pagkapoot kapag nahaharap sila sa pagpatay dahil sa paghihiganti o sa hindi makatarungang pagtrato. Gayunpaman, sa ilang rason at dahil sa mga partikular na sitwasyon, madalas na napipilitan ang mga tao na magparaya at tumanggap ng mga insulto, at pagtiisan ang mga bagay-bagay nang pansamantala—ngunit hindi ito nangangahulugang nais nila o kaya nilang gantihan ng kabutihan ang kasamaan. Ang kasasabi Ko lang ay batay sa pananaw ng pagkatao at mga likas na reaksyon ng tao. Kung titingnan natin ito ngayon mula sa pananaw ng mga obhektibong katunayan tungkol sa lipunan—kung ang isang tao ay hindi ginantihan ng kabutihan ang kasamaan, at sa halip ay naghiganti at pumatay, ano ang mga kahihinatnan? Legal siyang pananagutin, maaari siyang madetine, mahatulan ng pagkakakulong, at malamang pa ngang mabigyan ng parusang kamatayan. Batay rito, maaari nating mahinuha na mula man sa pananaw ng pagkatao o sa mapaglimitang kapangyarihan ng lipunan at ng batas, kapag naharap ang mga tao sa hindi makatarungang pagtrato at pagpatay dahil sa paghihiganti, wala ni isang tao ang may kakayahang alisin ang poot sa kanyang isip o sa kaibuturan ng kanyang puso. Kahit kapag nabibiktima ng mga bahagyang pinsala tulad ng berbal na maatake, maalipusta, o makutya, hindi pa rin nagagawa ng mga taong gantihan ng kabutihan ang kasamaan. Ang abilidad bang gantihan ng kabutihan ang kasamaan ay isang normal na pagpapamalas ng pagkatao? (Hindi.) Kung gayon, kapag inaapi o pinipinsala ang isang tao, ano ang pinakamababang kailangan at hinihingi ng kanyang pagkatao? May sinumang tao bang masigla at masayang sasabihin: “Sige at apihin mo ako! Makapangyarihan at masama ka, puwede mo akong apihin paano mo man gusto, at gagantihan ko ng kabutihan ang kasamaan mo. Mararamdaman mo nang husto ang aking marangal na karakter at moralidad, at talagang hindi ako maghihiganti sa iyo o magkakaroon ng anumang opinyon tungkol sa iyo. Hindi ako magagalit sa iyo—tatanggapin ko lang ang lahat bilang biro. Gaano man insultuhin ang aking karakter, saktan ang aking pagpapahalaga sa sarili, o pinsalain ang aking mga interes ng mga bagay na sinasabi mo, ayos lang ang lahat at dapat malaya kang sabihin ang anumang gusto mo.” Mayroon bang gayong mga tao? (Wala.) Talagang walang sinuman ang tunay na may kakayahang bitiwan ang kanilang mga hinanakit—maganda na ang lagay nila kung nakakatagal sila nang hindi pinapatay ang kanilang kaaway bilang paghihiganti. Kaya, walang sinuman ang tunay na may kakayahang gantihan ng kabutihan ang kasamaan, at kahit na isagawa ng mga tao ang wastong asal na ito, ito ay dahil mapipilitan silang kumilos sa ganoong paraan dahil sa mga pagpigil ng mga partikular na sitwasyon sa panahong iyon, o dahil ang buong insidente ay gawa-gawa at kathang-isip talaga. Sa mga normal na sitwasyon, kapag nabibiktima ang mga tao ng malubhang pang-uusig o pang-aabuso, nagkakaroon sila ng mga hinanakit at nagiging mapaghiganti. Ang tanging sitwasyon kung kailan ang isang tao ay maaaring walang malay sa o hindi tumugon sa kanyang sariling pagkapoot ay kung napakatindi ng pagkapoot na iyon, at dumanas siya ng napakalubhang pagkabigla, na nawalan siya ng alaala o talino. Ngunit ang sinumang taong may normal na pagkatao at katwiran ay hindi nanaisin na tratuhin siya nang may mga insulto, diskriminasyon, pang-aalipusta, panunuya, pang-uuyam, pangungutya, pinsala, at iba pa, o hindi niya nanaisin na may isang taong umabot sa puntong aapakan at lalabagin ang kanyang karakter at dignidad; walang taong masisiyahang hindi taos-pusong gantihan ng wastong asal ang mga dating nagpasama sa loob niya o puminsala sa kanya—walang may kakayahang gawin iyon. Kaya, ang pahayag na ito tungkol sa wastong asal na gantihan ng kabutihan ang kasamaan ay mukhang lubos na mahina, malamlam, walang kabuluhan at walang kahulugan para sa tiwaling sangkatauhan.
Kung titingnan natin ito mula sa pananaw ng konsiyensiya at katwiran ng normal na pagkatao, gaano man katiwali ang isang tao, at kung masamang tao man siya o isang taong nagtataglay ng medyo mabuting pagkatao, umaasa siyang tatratuhin siya ng iba nang maayos at nang may batayang antas ng respeto. Kung may isang taong magsimulang purihin at bolahin ka nang walang dahilan, ikasisiya mo ba iyon? Magugustuhan mo ba iyon? (Hindi.) Bakit hindi mo iyon magugustuhan? Mararamdaman mo ba na parang niloloko ka? Iisipin mo: “Mukha ba akong tatlong taong gulang sa iyo? Paanong hindi ko maunawaan kung bakit pakiramdam mo ay kailangan mong sabihin sa akin ang mga bagay na ito? Kasinghusay ba ako ng sinasabi mo? Ginagawa ko ba ang anuman sa mga bagay na iyon? Para saan ang lahat ng hibang na pamumuring ito? Paanong hindi ka nasusuya sa sarili mo?” Ayaw ng mga taong makarinig ng mga mapamuring salita, at itinuturing nila itong insulto. Bukod sa pinakamababang antas ng respeto, paano pa gusto ng mga tao na tratuhin sila ng iba? (Nang may sinseridad.) Magiging imposible ang hilingin sa mga taong tratuhin ang iba nang may sinseridad—kung mapipigilan nilang mang-api ng iba, mabuti-buti na iyon. Ang paghiling sa mga tao na huwag apihin ang isa’t isa ay isang medyo obhektibong hiling. Umaasa ang mga tao na irerespeto sila ng iba, hindi sila aapihin, at higit sa lahat, tatratuhin sila nang patas. Umaasa silang hindi sila liligaligin ng iba kapag mahina sila, o lalayuan sila kapag nalantad ang mga pagkakamali nila, o palagi silang pupurihin at bobolahin. Nakakasuya para sa mga tao ang mga ganitong uri ng mga pag-uugali at gusto lang nilang tratuhin nang patas—hindi ba’t ganoon iyon? Ang pagtrato sa iba nang patas ay isang medyo positibong ideyal sa mundo ng tao at sa mundo ng pag-iisip ng tao. Bakit Ko sinasabi iyon? Pag-isipan ito: Bakit gusto ng lahat ng tao si Bao Zheng? Gustong-gusto ng mga taong manood ng mga representasyon ng paghatol ni Bao Zheng sa mga kaso kahit na ang mga kasong ito ay kathang-isip at ganap na gawa-gawa. Bakit nasisiyahan pa rin ang mga tao sa mga ito? Bakit gusto pa rin nilang panoorin ang mga ito? Dahil, sa kanilang ideyal na mundo, sa mundo ng kanilang pag-iisip, at sa kaibuturan ng kanilang puso, nais nilang lahat ng positibo at medyo mas magandang mundo. Nais nilang makapamuhay ang tao sa isang medyo patas at makatarungang kapaligirang panlipunan, sa isang mundo kung saan magagarantiya ito sa lahat ng tao. Sa ganoong paraan, kahit papaano, kapag nililigalig ka ng masasamang puwersa, magkakaroon ng lugar kung saan itinataguyod ang katarungan, kung saan makapaghahain ka ng reklamo tungkol sa iyong mga hinaing, kung saan magkakaroon ka ng karapatang magreklamo, at sa huli, kung saan medyo mabibigyang-linaw ang mga kawalan ng katarungan na naranasan mo. Sa lipunan at sangkatauhan na ito, magkakaroon ng lugar kung saan maaari mong malinis ang iyong pangalan, at maprotektahan ang iyong sarili mula sa pagdanas ng anumang kahihiyan o pagpasan ng anumang hinaing. Hindi ba’t ito ang ideyal na lipunan ng tao? Hindi ba’t ito ang inaasam ng bawat tao? (Oo.) Ito ang pangarap ng bawat tao. Umaasa ang mga tao na tatratuhin sila nang patas—hindi nila gustong makaranas ng anumang hindi patas na pagtrato, o na walang mapagreklamuhan kung tinrato sila nang hindi patas, at lubos na nakababahala iyon para sa kanila. Masasabing ang pamantayan at kinakailangang inilagay sa wastong asal ng tao na “Gantihan ng kabutihan ang kasamaan” ay malayong-malayo sa realidad ng katiwalian ng sangkatauhan sa tunay na buhay. At kaya, ang kinakailangan na ito na inilagay sa wastong asal ng tao ay hindi mapagsaalang-alang sa kapakanan ng tao, at malayong-malayo ito sa obhektibong katunayan at sa tunay na buhay. Isa itong pahayag na ipinanukala ng mga ideyalista na walang pagkaunawa sa mga kaloob-looban ng mga naghihikahos na tao na nagawan ng mali at napahiya—walang pagkaunawa ang mga ideyalistang ito sa kung gaano katinding nagawan ng mali ang mga taong ito, at kung gaano katinding nainsulto ang dignidad at karakter ng mga ito, o kahit kung gaano nanganib ang sariling personal na kaligtasan ng mga ito. Hindi nila nauunawaan ang mga realidad na iyon, at gayunpaman, hinihingi pa rin nilang makipag-ayos ang mga biktimang ito sa mga nanakit sa mga ito at pigilan ng mga itong maghiganti, sinasabi ang mga bagay na tulad ng: “Ipinanganak ka para maltratuhin at dapat mong tanggapin ang iyong tadhana. Ipinanganak ka sa pinakamababang uri ng lipunan at ginawa ka para maging alipin. Ipinanganak ka para pagharian ng iba—hindi ka dapat maghiganti sa mga nanakit sa iyo, at sa halip ay dapat mong gantihan ng kabutihan ang kasamaan. Dapat mong gawin ang parte mo para sa ikabubuti ng kalagayang panlipunan at pagkakasundo sa lipunan, at dapat kang mag-ambag sa lipunan sa pamamagitan ng pagpapakita ng iyong positibong enerhiya at ng iyong pinakawastong asal.” Malinaw na sinabi ang lahat ng ito para pangatwiranan ang pananamantala ng mga nakatataas na antas ng lipunan at ng mga naghaharing uri sa mabababang uri, upang mabigyan sila ng bentaheng ito, at upang mapatahimik ang mga puso at emosyon ng mga naghihikahos sa ngalan nila. Hindi ba’t ito ang layon ng pagsasabi ng gayong mga bagay? (Oo.) Kung patas at mahigpit na ipinatutupad ang mga legal at panlipunang sistema ng bawat bansa, at ang mga sistema at regulasyon ng bawat lahi at angkan, kakailanganin pa rin bang isulong ang hindi obhektibong kasabihang ito na sumasalungat sa mga batas ng pagkatao? Hindi na ito kakailanganin. Malinaw na ang kasabihang “Gantihan ng kabutihan ang kasamaan” ay isinulong lang bilang daan at bentahe para sa mga naghaharing uri at sa masasamang taong iyon na nagtataglay ng awtoridad at kapangyarihan para samantalahin at apakan ang mga naghihikahos. Kasabay nito, upang pahinahunin ang mga naghihikahos na uri at mapigilan silang maghiganti o mapoot sa mayayaman, mga nakatataas na uri, at naghaharing uri, ang mga tinatawag na iskolar at tagaturong ito ay ipinosisyon ang kanilang sarili sa tugatog ng mataas na moralidad, na isinusulong ang kasabihang ito sa pagkukunwaring hinihingi sa lahat ng tao na isagawa ang mabuting asal. Hindi ba’t lumilikha ito ng mas higit pang taliwasan sa lipunan? Kapag mas sinusupil mo ang mga tao, mas napatutunayang hindi patas ang lipunan. Kung tunay na patas at makatarungan ang lipunan, kakailanganin pa rin bang husgahan at lagyan ng mga kinakailangan ang wastong asal ng mga tao gamit ang kasabihang ito? Malinaw na dahil ito sa katunayang walang katarungan sa lipunan o sa sangkatauhan. Kung mapaparusahan ng batas ang masasamang tao, o kung nananagot din sa batas ang mga may pera at kapangyarihan, mawawalan ng bisa at hindi iiral ang kasabihang, “Gantihan ng kabutihan ang kasamaan.” Gaano karaming pangkaraniwang tao ang magagawang manakit ng isang opisyal? Gaano karaming mahihirap na tao ang makagagawa ng pinsala sa mayayaman? Magiging mahirap para sa kanila na makamit iyon. Kaya, ang kasabihang, “Gantihan ng kabutihan ang kasamaan,” ay malinaw na nakatuon sa mga pangkaraniwang tao, mahihirap, at mabababang uri—isa itong imoral at hindi makatarungang kasabihan. Halimbawa, kung hihingin mong gantihan ng isang opisyal ng pamahalaan ng kabutihan ang kasamaan, sasabihin niya sa iyo: “Anong kasamaan ang kailangan kong gantihan? Sino ang mangangahas na guluhin ako? Sino ang mangangahas na pasamain ang loob ko? Sino ang mangangahas na ‘humindi’ sa akin? Papatayin ko ang sinumang hihindi sa akin—susugpuin ko ang kanyang buong pamilya at bawat isa sa kanyang mga kamag-anak!” Nakita mo, walang gagantihang kasamaan ang mga opisyal, kaya ni hindi umiiral sa kanila ang kasabihang, “Gantihan ng kabutihan ang kasamaan.” Kung sasabihin mo sa kanila: “Dapat mong isagawa ang wastong asal na ito na gantihan ng kabutihan ang kasamaan, dapat mong taglayin ang wastong asal na ito,” sasagot sila: “Sige, kaya kong gawin iyan.” Isa itong ganap na mapanlinlang na kasinungalingan. Ano’t anuman, ang “Gantihan ng kabutihan ang kasamaan” ay talagang isang kasabihan lang na isinusulong ng mga moralistang panlipunan bilang paraan ng pagpapahinahon sa mabababang uri, at higit pa roon, isa itong kasabihang isinusulong upang alipinin ang mabababang uri. Isinusulong ito para higit pang patatagin ang awtoridad ng naghaharing uri, suyuin ang naghaharing uri, at ipagpatuloy ang pang-aalipin sa mabababang uri, nang sa gayon ay hindi sila magrereklamo kahit na alipinin sila sa loob ng maraming henerasyon. Mula rito ay makikita natin, sa ganitong uri ng lipunan, na malinaw na hindi makatarungan ang mga batas at sistema; hindi pinamamahalaan ng katotohanan ang ganitong uri ng lipunan, at hindi ito pinaghaharian ng katotohanan, katarungan, o pagiging matuwid. Sa halip, pinamamahalaan ito ng kasamaan at kapangyarihan ng tao, sinuman ang naglilingkod bilang mga opisyal. Kung ang mga pangkaraniwang tao ang maglilingkod bilang mga opisyal, magiging ganoon pa rin ang sitwasyon. Ito ang diwa ng sistemang panlipunang ito. Inilalantad ng “Gantihan ng kabutihan ang kasamaan” ang katunayang ito. Malinaw na may partikular na katangiang pampulitika ang pariralang ito—hinihingi ito sa wastong asal ng tao upang palakasin ang pangingibabaw at pang-aalipin ng mga naghaharing uri sa mabababang uri.
Ang kinakailangan na gantihan ng mga tao ng kabutihan ang kasamaan ay hindi lang hindi umaayon sa mga normal na pangangailangan o hinihingi ng pagkatao, o sa karakter at dignidad ng pagkatao, natural na mas lalong hindi ito wastong pamantayan para sa pagsusuri sa kalidad ng pagkatao ng isang tao. Malayong-malayo ang kinakailangang ito sa aktuwal na pagkatao; hindi lang sa hindi ito kakamit-kamit, hindi rin ito dapat isinulong sa simula pa lang. Isa lang itong kasabihan at estratehiyang ginamit ng naghaharing uri upang mapalakas ang kanilang paghahari at kontrol sa masa. Natural na hindi kailanman isinulong ng Diyos ang ganitong uri ng kasabihan, sa Kapanahunan man ng Kautusan, sa Kapanahunan ng Biyaya, o sa kasalukuyang Kapanahunan ng Kaharian, at hindi kailanman ginamit ng Diyos ang ganitong uri ng pamamaraan, kasabihan, o kinakailangan bilang batayan para sa pagsusuri sa kalidad ng pagkatao ng mga tao. Ito ay dahil, moral man o imoral ang isang tao, at gaano man kabuti o kasama ang kanyang wastong asal, isinasaalang-alang lang ng Diyos ang kanyang diwa—sadyang hindi umiiral ang mga kasabihang ito tungkol sa wastong asal sa pananaw ng Diyos. Kaya, ang kasabihan tungkol sa wastong asal na, “Gantihan ng kabutihan ang kasamaan,” ay walang bisa sa sambahayan ng Diyos, at hindi ito karapat-dapat na suriin. Ginagantihan mo man ng kabutihan ang kasamaan, o ginagantihan mo man ng paghihiganti ang kasamaan, paano dapat tingnan ng mga nananalig sa Diyos ang usapin ng “pagganti sa kasamaan”? Sa anong saloobin at mula sa anong pananaw nila dapat tingnan at harapin ang usaping ito? Kung may isang taong gumawa ng kasamaan sa iglesia, may sariling mga atas administratibo at prinsipyo ang sambahayan ng Diyos para sa pagharap sa taong iyon—hindi na kailangan ng sinumang maghiganti para sa biktima o ipagtanggol siya laban sa kawalan ng katarungan. Hindi na iyon kailangan sa sambahayan ng Diyos, at natural na haharapin ng iglesia ang problema ayon sa mga prinsipyo. Isa itong katunayan na kapwa maoobserbahan at makakaharap ng mga tao. Sa napakalinaw at napakatumpak na pananalita: May mga prinsipyo ang iglesia para sa pagharap sa mga tao at may mga atas administratibo ang sambahayan ng Diyos. Paano naman ang Diyos? Pagdating naman sa Diyos, sinumang tao na gumagawa ng masama ay parurusahan nang naaayon, at ang Diyos ang magdidikta kung kailan at paano siya parurusahan. Ang mga prinsipyo ng pagpaparusa ng Diyos ay ganap na hindi maihihiwalay sa Kanyang disposisyon at diwa. Mayroong matuwid at hindi nalalabag na disposisyon ang Diyos, mayroon Siyang pagiging maharlika at poot, at lahat ng gagawa ng masama ay parurusahan Niya nang naaayon. Higit na mas dakila ito kaysa sa mga batas ng tao, nakahihigit ito sa pagkatao at lahat ng mga sekular na batas. Bukod sa ito ay patas, makatwiran, at naaayon sa mga inaasam ng pagkatao, hindi rin ito nangangailangan ng pagpalakpak at pag-ayon ng lahat. Hindi nito hinihingi sa iyong husgahan ang mga usapin mula sa tugatog ng mataas na moralidad. Kapag ginagawa ng Diyos ang mga bagay na ito, may sarili Siyang mga prinsipyo at tiyempo. Dapat na ipaubaya sa Diyos ang pagkilos ayon sa Kanyang makakaya, at dapat na pigilan ng mga tao ang pangingialam, dahil wala itong kinalaman sa kanila. Ano ang hinihingi ng Diyos sa mga tao patungkol sa usapin ng “pagganti sa kasamaan”? Na huwag silang kumilos o maghiganti sa ibang tao dahil sa init ng ulo. Ano ang dapat mong gawin kung may isang taong magpasama sa loob mo, ligaligin ka, o nais pang saktan ka? Mayroon bang mga prinsipyo para sa pagharap sa gayong mga bagay? (Mayroon.) May mga solusyon at prinsipyo para sa mga bagay na ito, at may batayan sa mga salita ng Diyos at sa katotohanan. Ano’t anuman, ang kasabihan tungkol sa wastong asal na, “Gantihan ng kabutihan ang kasamaan,” ay hindi rin isang pamantayang ginagamit upang hatulan ang kalidad ng pagkatao ng mga tao. Sa pinakamainam, kung kaya ng isang tao na gantihan ng kabutihan ang kasamaan, masasabing siya ay medyo mapagparaya, simple, mabait, at mapagbigay, na hindi makitid ang isip niya, at na nagtataglay siya ng medyo wastong asal. Gayunpaman, maaari bang suriin at husgahan ang kalidad ng pagkatao ng taong ito batay sa isang kasabihang ito? Hindi, talagang hindi. Dapat ding isaalang-alang kung ano ang kanyang hinahangad, at landas na kanyang tinatahak, at ang kanyang saloobin sa katotohanan at sa mga positibong bagay, at iba pa. Iyon ang tanging paraan upang tumpak na husgahan kung mayroon ba siyang pagkatao o wala.
Dito nagtatapos ang ating pagbabahaginan para sa araw na ito.
Marso 26, 2022
Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.