Ang Kahulugan ng Paghahangad sa Katotohanan 6 (Unang Bahagi)
Natatandaan ba ninyo ang nilalaman ng pinagbahaginan natin sa ating huling pagtitipon? (Nagbahagi muna ang Diyos tungkol sa mga kaibahan sa pagitan ng kung ano ang itinuturing ng mga tao na mabubuting pag-uugali kumpara sa pagsasabuhay ng normal na pagkatao gaya ng hinihingi ng Diyos, at pagkatapos ay nagbahagi Siya tungkol sa wastong asal ng tao sa tradisyunal na kultura at nagbuod ng dalawampu’t isang pahayag tungkol sa wastong asal ng tao.) Sa ating huling pagtitipon, nagbahagi Ako tungkol sa dalawang paksa. Una, nagbigay Ako ng ilang karagdagang pagbabahagi sa tema ng mabuting pag-uugali, at pagkatapos ay nagbigay Ako ng kaunting simple at panimulang pagbabahagi tungkol sa karakter, asal, at kabutihan ng tao, nang hindi nagsasaad ng detalye. Ilang beses na tayong nagbahaginan sa paksa ng kahulugan ng paghahangad sa katotohanan, at natapos na Akong magbahagi tungkol sa lahat ng mabubuting pag-uugaling nauugnay sa paghahangad sa katotohanan na kailangang ilantad at siyasatin. Noong nakaraan, nagbahagi rin Ako nang kaunti tungkol sa ilang pangunahing paksa kaugnay ng wastong asal ng tao. Sa kabila ng hindi pagbibigay ng detalyadong pagbubunyag o pagsusuri sa mga pahayag na ito tungkol sa wastong asal, naglista naman tayo ng marami-raming halimbawa ng iba’t ibang pahayag tungkol sa wastong asal ng tao—dalawampu’t isa, para maging tumpak. Ang dalawampu’t isang halimbawang ito ay iba’t ibang pahayag na ikinikintal ng tradisyunal na kulturang Chinese sa mga tao, na pinapangibabawan ng mga ideya ng kabaitan, pagiging matuwid, kawastuhan ng asal, karunungan, at pagiging mapagkakatiwalaan. Halimbawa, nagbanggit tayo ng iba’t ibang kasabihan tungkol sa wastong asal ng tao na nauugnay sa katapatan, pagiging matuwid, kawastuhan ng asal, at pagtitiwala, pati na rin kung paano dapat kumilos ang mga lalaki, babae, opisyal, at bata, at iba pa. Hindi isinasaalang-alang kung ang dalawampu’t isang kasabihang ito ay komprehensibo o sumasaklaw sa lahat, ano’t anuman, karaniwang nagagawa ng mga itong katawanin ang diwa ng iba’t ibang hinihingi ng tradisyunal na kulturang Chinese kaugnay ng wastong asal ng tao, mula sa parehong perspektibong ideolohikal at may matibay na batayan. Pagkatapos nating ilista ang mga halimbawang ito, pinagnilayan at pinagbahaginan ba ninyo ang mga ito? (Pinagbahaginan namin ang mga ito nang kaunti sa aming mga pagtitipon at nalaman naming madaling mapagkamalang katotohanan ang mga pahayag na ito. Halimbawa ang, “Wala nang silbi ang pagpupugot ng mga ulo; maging mabait hangga’t maaari,” “Haharapin ko ang panganib para sa isang kaibigan,” pati na rin ang “Gawin mo ang lahat ng makakaya mo para matapat na pangasiwaan ang anumang ipinagkatiwala sa iyo ng ibang tao,” at iba pa.) Kabilang sa iba pang kasabihan ang: “Ang isang patak ng kabutihan ay dapat suklian ng umaagos na bukal,” “Ang salita ng isang ginoo ay ang kanyang garantiya,” “Kung hahampasin mo ang iba, huwag mo silang hampasin sa mukha; kung pupunahin mo ang iba, huwag mong punahin ang mga pagkukulang nila,” “Maging mahigpit sa iyong sarili at mapagparaya sa iba,” “Kapag umiinom ng tubig ng balon, huwag dapat kalilimutan kung sino ang naghukay niyon,” at iba pa. Sa mas masusing pagsisiyasat, makikita ninyo na karamihan sa mga tao ay talagang ibinabatay sa mga pahayag na ito tungkol sa wastong asal ang paggawi nila at ang mga pagsusuri sa wastong asal nila at ng ibang tao. Umiiral nang bahagya ang mga bagay na ito sa puso ng bawat tao. Ang isang pangunahing dahilan para dito ay ang kapaligiran sa lipunan kung saan namumuhay ang mga tao at ang edukasyong natatanggap nila mula sa kanilang mga pamahalaan, ang isa pa ay dahil sa pagpapalaki sa kanila ng kanilang mga pamilya at ang mga tradisyon na ipinamamana ng kanilang mga ninuno. Tinuturuan ng ilang pamilya ang kanilang mga anak na huwag na huwag ibubulsa ang perang napupulot nila, ang ibang pamilya ay tinuturuan ang kanilang mga anak na dapat silang maging makabayan at na “Ang bawat tao ay may responsabilidad sa kapalaran ng kanyang bansa,” dahil umaasa ang bawat pamilya sa kanilang bansa. Itinuturo ng ilang pamilya sa kanilang mga anak na “Ang isang tao ay hindi dapat masira ng kayamanan, mabago ng kahirapan, o mapasunod ng pamumuwersa,” at na hinding-hindi nila dapat kalimutan ang kanilang pinagmulan. Gumagamit ang ilang magulang ng malilinaw na pahayag para turuan ang kanilang mga anak tungkol sa wastong asal, habang ang iba ay hindi malinaw na maipahayag ang kanilang mga ideya tungkol sa wastong asal, ngunit nagsisilbi silang huwaran para sa kanilang mga anak at nagtuturo sa pamamagitan ng halimbawa, na iniimpluwensiyahan at tinuturuan ang susunod na henerasyon sa pamamagitan ng kanilang mga salita at kilos. Maaaring kabilang sa mga salita at kilos na ito ang, “Ang isang patak ng kabutihan ay dapat suklian ng umaagos na bukal,” “Maging masaya sa pagtulong sa iba,” “Ang kabutihang natanggap ay dapat na buong-pasasalamat na suklian,” pati na rin ang mas matatayog na pahayag tulad ng, “Lumago na parang isang liryong umusbong sa putik nang walang dungis,” at iba pa. Ang mga tema at diwa ng itinuturo ng mga magulang sa kanilang mga anak ay karaniwang saklaw lahat ng wastong asal na hinihingi ng tradisyunal na kulturang Chinese. Ang unang sinasabi ng mga guro sa mga mag-aaral pagdating nila sa paaralan ay na dapat silang maging mabait sa iba at masiyahan sa pagtulong sa iba, na hindi nila dapat ibulsa ang perang napupulot nila, at na dapat nilang irespeto ang kanilang mga guro at igalang ang mga turo ng mga ito. Kapag inaaral ng mga mag-aaral ang mga sinaunang prosang Chinese o ang mga talambuhay ng mga bayani noong unang panahon, itinuturo sa kanila ang, “Haharapin ko ang panganib para sa isang kaibigan,” “Ang isang tapat na mamamayan ay hindi maaaring maglingkod sa dalawang hari, ang isang mabuting babae ay hindi maaaring magpakasal sa dalawang lalaki,” “Sumunod sa ipinapagawa at sikaping gawin ang makakaya mo hanggang sa araw ng iyong kamatayan,” “Ang bawat tao ay may responsabilidad sa kapalaran ng kanyang bansa,” “Walang sinuman ang dapat kumuha ng mga nawawalang bagay na makikita nila sa kalye,” at iba pa. Hango ang lahat ng bagay na ito sa tradisyunal na kultura. Isinusulong at ipinapalaganap din ng mga bansa ang mga ideyang ito. Ang totoo, ang pambansang edukasyon ay nagtataguyod ng halos mga parehong bagay na itinataguyod ng edukasyong mula sa pamilya—umiikot ang lahat ng ito sa mga ideyang ito mula sa tradisyunal na kultura. Ang mga ideyang nagmumula sa tradisyunal na kultura ay karaniwang kumakalat sa lahat ng kinakailangan na nauugnay sa karakter ng tao, kabutihan, asal, at iba pa. Sa isang banda, hinihingi ng mga ito na panlabas na magpakita ang mga tao ng kagandahang-asal at gawi, na kumilos ang mga tao at dalhin nila ang kanilang sarili sa paraang sinasang-ayunan ng iba, at na magpakita ng mabubuting pag-uugali at mga kilos ang mga tao para makita ng iba, habang itinatago ang madidilim na aspeto ng kaibuturan ng kanilang puso. Sa isa pang banda, itinataas ng mga ito ang mga saloobin, pag-uugali, at kilos na nauugnay sa kung paano umaasal ang isang tao, humaharap sa mga tao, at nag-aasikaso ng mga bagay-bagay; sa kung paano tinatrato ng isang tao ang kanyang mga kaibigan at pamilya; at sa kung paano hinaharap ng isang tao ang iba’t ibang uri ng mga tao at bagay, sa antas ng wastong asal, sa gayon ay nagtatamo ng papuri at respeto mula sa iba. Ang mga hinihingi ng tradisyunal na kultura sa mga tao ay talagang umiikot sa mga bagay na ito. Kung ito man ay mga ideya na itinataguyod ng mga tao para sa mas malawak na antas ng lipunan, o, sa isang mas maliit na antas, mga kaisipan tungkol sa wastong asal na isinusulong at itinataguyod ng mga tao sa loob ng mga pamilya, at mga kinakailangan na ipinepresenta sa mga tao kaugnay ng kanilang asal—ang lahat ng ito ay talagang nasa saklaw na ito. Kaya, sa mga tao, tradisyunal na kulturang Chinese man, o mga tradisyunal na kultura ng ibang bansa kasama na ang mga kulturang kanluranin, ang lahat ng ideyang ito ng wastong asal ay binubuo ng mga bagay na maaaring makamit at maisip ng mga tao; mga bagay ito na maisasakatuparan ng mga tao batay sa kanilang konsiyensiya at katwiran. Kahit papaano, may ilang tao na kayang isakatuparan ang ilan sa mga wastong asal na hinihingi sa kanila. Limitado lang ang mga hinihinging ito sa saklaw ng karakter, ugali, at mga kagustuhan ng mga tao. Kung hindi ka naniniwala sa Akin, hinihikayat kita na tingnang mabuti kung alin sa mga hinihinging ito na nauugnay sa wastong asal ng mga tao ang nakatuon sa kanilang mga tiwaling disposisyon. Alin sa mga ito ang nakatuon sa katunayang ang mga tao ay nayayamot sa katotohanan, ayaw sa katotohanan, at nilalabanan ang Diyos sa kanilang pinakadiwa? Alin sa mga hinihinging ito ang may anumang kinalaman sa katotohanan? Alin sa mga hinihinging ito ang makaaangat sa antas ng katotohanan? (Wala sa mga ito.) Paano man tingnan ng isang tao ang mga hinihinging ito, wala sa mga ito ang makaaangat sa antas ng katotohanan. Wala sa mga ito ang may anumang kinalaman sa katotohanan, wala sa mga ito ang mayroong kahit katiting na kaugnayan dito. Hanggang ngayon, ang mga taong matagal na panahon nang nananalig sa Diyos, na may kaunting karanasan, at nakauunawa ng kaunting katotohanan ay magkakaroon lang ng kaunting tunay na pagkaunawa sa bagay na ito; ngunit karamihan sa mga tao ay mga doktrina pa rin lang ang nauunawaan, at sumasang-ayon sila sa ideyang ito sa teorya, habang hindi naaabot ang antas ng tunay na pagkaunawa sa katotohanan. Bakit ganito? Ito ay dahil nauunawaan lang ng karamihan sa mga tao na ang mga aspetong ito ng tradisyunal na kultura ay hindi umaayon sa katotohanan at hindi nauugnay sa katotohanan sa pamamagitan ng pagkukumpara sa mga patakarang ito mula sa tradisyunal na kultura sa mga salita at hinihingi ng Diyos. Maaaring sa salita ay ganap nilang kilalanin na walang kinalaman ang mga bagay na ito sa katotohanan, ngunit sa kaibuturan ng kanilang puso, ang kanilang hinahangad, sinasang-ayunan, gusto, at madaling tinatanggap ay talagang ang mga ideyang ito na nagmula sa tradisyunal na kultura ng sangkatauhan, ang ilan sa mga ito ay mga bagay na itinataguyod at isinusulong ng kanilang bansa. Itinuturing ng mga tao ang mga ito bilang mga positibong bagay, o tinatrato ang mga ito na parang ang katotohanan. Hindi ba’t ganoon iyon? (Oo.) Gaya ng nakikita mo, ang mga aspetong ito ng tradisyunal na kultura ay malalim na nag-ugat sa puso ng tao, at hindi maaalis at matatanggal ang mga ito sa loob lang ng maikling panahon.
Bagama’t ang dalawampu’t isang hinihingi tungkol sa wastong asal ng tao na inilista natin ay isang bahagi lang ng tradisyunal na kulturang Chinese, kahit papaano, maaaring magsilbing kinatawan ang mga ito para sa lahat ng kinakailangan na ipinapanukala ng tradisyunal na kulturang Chinese kaugnay ng wastong asal ng tao. Bawat isa sa dalawampu’t isang pahayag na ito ay itinuturing ng tao na positibong bagay, na marangal at tama, at naniniwala ang mga tao na binibigyang-kakayahan sila ng mga pahayag na ito na mamuhay nang may dignidad, at na ang mga ito ay isang uri ng wastong asal na karapat-dapat hangaan at pahalagahan. Isasantabi natin sa ngayon ang mga medyo paimbabaw na kasabihan tulad ng hindi pagbulsa ng pera na napulot mo o pagiging masaya sa pagtulong sa iba, at sa halip ay pag-usapan natin ang wastong asal na talagang lubos na pinahahalagahan ng tao at pinaniniwalaan niyang marangal. Halimbawa, ang kasabihang: “Ang isang tao ay hindi dapat masira ng kayamanan, mabago ng kahirapan, o mapasunod ng pamumuwersa”—ang pinakasimpleng paraan upang ibuod ang kahulugan ng pahayag na ito ay na hindi dapat kalimutan ng isang tao ang kanyang pinanggalingan. Kung tinataglay ng isang tao ang wastong asal na ito, iisipin ng lahat na lubos na marangal ang kanyang personalidad, at na siya ay talagang “lumago na parang isang liryong umusbong sa putik nang walang dungis.” Lubos itong pinahahalagahan ng mga tao. Ang katunayan na lubos itong pinahahalagahan ng mga tao ay nangangahulugang talagang inaaprubahan at sinasang-ayunan nila ang ganitong uri ng pahayag. At siyempre pa, labis din nilang hinahangaan ang mga nagagawang isakatuparan ang wastong asal na ito. Maraming tao ang nananalig sa Diyos, ngunit talagang inaaprubahan pa rin ang mga bagay na ito na itinataguyod ng tradisyunal na kultura, at handa silang isagawa ang mabubuting pag-uugaling iyon. Hindi nauunawaan ng mga taong ito ang katotohanan: Iniisip nila na ang pananalig sa Diyos ay nangangahulugang pagiging isang mabuting tao, pagtulong sa ibang tao, pagiging masaya sa pagtulong sa iba, hinding-hindi panlilinlang o pamiminsala sa ibang tao, hindi paghahangad sa mga makamundong bagay, at hindi pagiging ganid sa kayamanan o kasiyahan. Sa kanilang puso, sumasang-ayon silang lahat na tama ang pahayag na “Ang isang tao ay hindi dapat masira ng kayamanan, mabago ng kahirapan, o mapasunod ng pamumuwersa.” Sasabihin ng ilan: “Kung, bago manalig sa Diyos, sumusunod na ang isang tao sa wastong asal na tulad ng ‘Ang isang tao ay hindi dapat masira ng kayamanan, mabago ng kahirapan, o mapasunod ng pamumuwersa,’ kung siya ay isang mahusay at mabait na taong hindi nalilimutan ang kanyang pinanggalingan, pagkatapos niyang sumapi sa pananampalataya, matatamo niya agad ang kagalakan ng Diyos. Madali para sa mga taong katulad niya na makapasok sa kaharian ng Diyos—makakamit nila ang Kanyang mga pagpapala.” Kapag sinusuri at tinitingnan ng maraming tao ang iba, hindi nila tinitingnan ang diwa ng mga ito batay sa mga salita ng Diyos at sa katotohanan; sa halip, sinusuri at tinitingnan nila ang mga ito ayon sa mga hinihingi ng tradisyunal na kultura tungkol sa wastong asal ng mga tao. Mula sa perspektibong ito, hindi ba’t malamang na ang mga taong hindi nauunawaan ang katotohanan ay mapagkakamalang katotohanan ang mga bagay na pinaniniwalaan ng tao na mabuti at tama? Hindi ba’t malamang na ituring nilang mga taong pinaniniwalaan ng Diyos na mabuti ang mga taong pinaniniwalaan ng tao na mabuti? Palaging gusto ng mga tao na ipilit ang kanilang mga sariling ideya sa Diyos—sa paggawa nito, hindi ba’t nagkakamali sila ng prinsipyo? Hindi ba’t nilalabag nito ang disposisyon ng Diyos? (Ganoon nga.) Napakaseryosong problema nito. Kung tunay na nagtataglay ng katwiran ang mga tao, dapat nilang hanapin ang katotohanan sa mga bagay na hindi nila naiintindihan, dapat nilang unawain ang kalooban ng Diyos, at hindi sila dapat walang ingat na bumubulalas ng mga walang katuturan. Sa mga pamantayan at prinsipyo ng Diyos sa pagsusuri sa tao, mayroon bang linyang nagsasaad ng: “Ang mga hindi nalilimutan ang kanilang pinanggalingan ay mabubuting tao at nagtataglay sila ng mga katangian ng isang mabuting tao”? Kahit kailan ba ay may sinabing ganoon ang Diyos? (Wala.) Sa mga partikular na hinihingi ng Diyos sa tao, kahit kailan ba ay sinabi Niyang, “Kung mahirap ka, hindi ka dapat magnakaw. Kung mayaman ka, hindi ka dapat makipagtalik sa iba’t ibang kapareha. Kapag nahaharap ka sa pananakot o pagbabanta, hinding-hindi ka dapat sumuko”? Naglalaman ba ng mga gayong hinihingi ang mga salita ng Diyos? (Hindi.) Talagang hindi. Halatang-halata na ang pahayag na “Ang isang tao ay hindi dapat masira ng kayamanan, mabago ng kahirapan, o mapasunod ng pamumuwersa” ay sinabi ng tao—hindi ito umaayon sa mga hinihingi ng Diyos sa tao, hindi ito tumutugma sa katotohanan, at hindi talaga ito katulad ng katotohanan. Hindi kailanman hiningi ng Diyos na huwag kalimutan ng mga nilikha ang kanilang pinanggalingan. Ano ang ibig sabihin ng huwag kalimutan ang iyong pinanggalingan? Bibigyan kita ng halimbawa: Kung mga magsasaka ang iyong mga ninuno, dapat palagi mong pahalagahan ang kanilang alaala. Kung gumagawa ng produktong ginawa sa kamay ang iyong mga ninuno, kailangan mong panatilihin ang pagsasagawa ng produktong iyon at ipamana ito sa mga susunod na henerasyon. Kahit pagkatapos mong magsimulang manalig sa Diyos, hindi mo maaaring kalimutan ang mga bagay na ito—hindi mo maaaring kalimutan ang mga aral o ang mga produkto o anumang ipinamana ng iyong mga ninuno. Kung mga pulubi ang iyong mga ninuno, dapat mong itago ang mga patpat na ginamit nilang pamalo ng mga aso. Kung ang mga ninuno mo ay minsang kinailangang mabuhay sa ipa at mga ligaw na halaman, ang kanilang mga kaapo-apuhan ay dapat ding subukang kumain ng ipa at mga ligaw na halaman—pag-alala iyon sa mga kapighatian ng nakaraan upang malasap ang mga kagalakan ng kasalukuyan, hindi iyon paglimot sa pinanggalingan. Anuman ang ginawa ng iyong mga ninuno, dapat mo itong itaguyod. Hindi mo maaaring kalimutan ang iyong mga ninuno dahil lang may pinag-aralan ka at may katayuan. Pinakapartikular ang mga Chinese tungkol sa mga bagay na ito. Sa kanilang puso, tila ang mga tao lang na hindi nakakalimot sa kanilang pinanggalingan ang mayroong konsiyensiya at katwiran, at na ang gayong mga tao lang ang maaaring umasal sa matuwid na paraan, at mamuhay nang may dignidad. Tama ba ang pananaw na ito? May ganito ba sa mga salita ng Diyos? (Wala.) Kahit kailan ay walang sinabing ganito ang Diyos. Mula sa halimbawang ito, makikita natin na bagama’t maaaring pahalagahan ng husto at hangarin ng tao ang isang saklaw ng kabutihan, at bagamat maaaring mukha itong positibong bagay, isang bagay na maaaring kumontrol sa wastong asal ng tao, at pigilan ang mga tao sa pagtahak sa landas ng kasamaan at pagiging ubod ng sama, at bagamat ipinapakalat ito sa mga tao at tinatanggap ng lahat bilang isang positibong bagay, kung ikukumpara mo ito sa mga salita ng Diyos at sa katotohanan, makikita mo na ang mga pahayag at kaisipang ito mula sa tradisyunal na kultura ay lubos na kalokohan. Makikita mo na sadyang hindi kabanggit-banggit ang mga ito, na walang kahit katiting na kaugnayan ang mga ito sa katotohanan, at na lalong malayo ang mga ito sa mga hinihingi ng Diyos at sa kalooban ng Diyos. Sa pagtataguyod sa mga ideya at pananaw na ito, at pagpapanukala sa iba’t ibang pahayag kaugnay ng wastong asal ng tao, walang ibang ginagawa ang mga tao kundi gumamit ng ilang partikular na bagay na lumalampas sa saklaw ng pag-iisip ng tao upang magpakitang-tao na orihinal at kakaiba sila, upang ipagmayabang ang sarili nilang kadakilaan at katumpakan, at upang himukin ang mga tao na sambahin sila. Sa Silangan man o sa Kanluran, pareho lang mag-isip ang mga tao. Ang mga ideya at panimula ng mga kinakailangan na itinataguyod at ipinapanukala ng mga tao kaugnay ng wastong asal ng tao, at ang mga mithiing nais nilang matamo sa pamamagitan ng mga kinakailangang ito, ay talagang pareho lang lahat. Bagamat ang mga taong mula sa Kanluran ay walang mga partikular na ideya at pananaw na tulad ng “Gantihan ng kabutihan ang kasamaan,” at “Ang isang patak ng kabutihan ay dapat suklian ng umaagos na bukal” na binibigyang-diin ng mga taong mula sa Silangan, at bagamat hindi sila nagtataglay ng mga tahasang kasabihan na tulad ng mga mula sa tradisyunal na kulturang Chinese, ang kanilang sariling tradisyunal na kultura ay puno ng mga ideyang ito lamang. Kahit na ang mga bagay na pinagbabahaginan at pinag-uusapan natin ay nabibilang sa tradisyunal na kulturang Chinese, kahit papaano, at sa diwa, ang mga pahayag at kinakailangang ito tungkol sa wastong asal ay kinakatawan ang mga nangingibabaw na ideya ng buong tiwaling sangkatauhan.
Ngayon, pangunahin nating pinagbahaginan ang tungkol sa kung anong uri ng negatibong impluwensiya ang ibinibigay ng tradisyunal na kultura sa mga tao sa pamamagitan ng mga pahayag at hinihingi nito na may kaugnayan sa wastong asal ng tao. Matapos itong maunawaan, ang sumunod na pinakamahalagang bagay na dapat maunawaan ng mga tao ay kung ano talaga ang mga hinihingi ng Diyos, ang Panginoon ng sangnilikha, sa tamang pag-uugali ng sangkatauhan, kung ano ang partikular Niyang sinabi, at kung anong mga kinakailangan ang Kanyang ipinanukala. Ito ang dapat maunawaan ng sangkatauhan. Malinaw na nating nakita ngayon na ang tradisyunal na kultura ay hindi nagpapatotoo ni katiting sa kung ano ang mga hinihingi ng Diyos sa tao o sa mga salita na Kanyang sinabi, at na hindi hinanap ng mga tao ang katotohanan tungkol sa paksang ito. Kaya naman, tradisyunal na kultura ang unang natutunan ng mga tao at napangibabawan sila nito, pumasok ito sa puso ng mga tao, at ginabayan nito ang paraan ng pamumuhay ng sangkatauhan sa loob ng libo-libong taon. Ito ang pangunahing paraan kung paano ginawang tiwali ni Satanas ang sangkatauhan. Matapos malinaw na makilala ang katunayang ito, ang pinakamahalagang bagay na dapat maunawaan ngayon ng mga tao ay kung ano ang mga hinihingi ng Panginoon ng sangnilikha sa mga tao tungkol sa kanilang pagkatao at moralidad—o sa madaling salita, ano ang mga pamantayan kaugnay ng aspetong ito ng katotohanan. Kasabay nito, dapat maunawaan ng mga tao kung alin sa mga sumusunod ang katotohanan: ang mga kinakailangan na ipinanukala ng tradisyunal na kultura o ang mga hinihingi ng Diyos sa sangkatauhan. Dapat nilang maunawaan kung alin sa mga ito ang makapagdadalisay at makapagliligtas sa mga tao, at makagagabay sa kanila tungo sa tamang landas sa buhay; at kung alin sa mga ito ang kabulaanan, na makaliligaw at makapapahamak sa mga tao, at makapagdadala sa kanila sa maling landas, sa isang makasalanang buhay. Kapag may ganito nang pagkakilala ang mga tao, makikilala na nila na ang mga hinihingi ng Panginoon ng sangnilikha sa sangkatauhan ay inorden ng Langit at kinilala ng lupa, at na ito ang mga prinsipyo ng katotohanan na dapat isagawa ng mga tao. Pagdating naman sa mga pahayag tungkol sa wastong asal at sa mga pamantayan ng pagsukat mula sa tradisyunal na kultura na nakakaimpluwensiya sa paghahangad sa katotohanan ng mga tao, at sa kanilang pagtingin sa mga tao at bagay, at sa kanilang asal at mga kilos—kung matutukoy ng mga tao ang mga ito nang kaunti, at mahahalata at makikilala nila na sa diwa ay kalokohan ang mga ito, at tatalikuran ang mga ito sa kanilang puso, malulutas ang ilan sa mga pagkalito o isyu na mayroon ang mga tao patungkol sa wastong asal. Hindi ba’t mababawasan ng paglutas sa mga bagay na ito ang maraming hadlang at paghihirap na kinakaharap ng mga tao sa landas ng paghahangad sa katotohanan? (Mababawasan nga.) Kapag hindi nauunawaan ng mga tao ang katotohanan, malamang na mapagkamalan nilang katotohanan ang mga pangkalahatang kinikilalang ideya tungkol sa wastong asal, at malamang na hangarin at sundin nila ang mga ito na para bang ang mga ito ang katotohanan. Lubos nitong naaapektuhan ang kakayahan ng mga tao na unawain at isagawa ang katotohanan, gayundin ang mga resultang natatamo nila habang hinahangad ang katotohanan upang magkamit ng pagbabago ng disposisyon. Isa itong bagay na wala sa inyo ang may gustong makakita; siyempre pa, isa itong bagay na ayaw ring makita ng Diyos. Kaya, patungkol sa mga sinasabing positibong pahayag, ideya, at pananaw na ito tungkol sa wastong asal na itinataguyod ng tao, dapat munang malinaw na makilala at matukoy ng mga tao ang mga ito sa batayan ng mga salita ng Diyos at ng katotohanan, at mahalata ang pinakadiwa ng mga ito, at nang sa gayon ay makabuo sila ng tumpak na ebaluwasyon at opinyon para sa mga bagay na ito sa kaibuturan ng kanilang puso, at pagkatapos nito ay mahahalukay nila ang mga ito nang unti-unti, at mabubunot ang mga ito at matatalikuran ang mga ito. Sa hinaharap, sa tuwing makikita ng mga tao ang mga sinasabing positibong pahayag na iyon na sumasalungat sa katotohanan, dapat muna nilang piliin ang katotohanan, at hindi ang mga pahayag na itinuturing na positibo sa mga kuru-kuro ng tao, dahil ang mga sinasabing positibong pahayag na ito ay mga pananaw lang ng tao, at hindi talaga umaayon ang mga ito sa katotohanan. Kahit saang anggulo man tayo magsalita, ang ating pangunahing mithiin sa pagbabahaginan sa mga paksang ito ngayon ay alisin ang iba’t ibang hadlang na lumilitaw sa proseso ng paghahangad ng mga tao sa katotohanan, lalo na ang mga kawalang-katiyakang umuusbong sa isip ng mga tao tungkol sa mga salita ng Diyos at sa mga pamantayan ng katotohanan. Ang ibig sabihin ng mga kawalang-katiyakang ito ay na kapag tinatanggap at isinasagawa mo ang katotohanan, hindi mo masabi kung aling mga bagay ang mga kasabihan tungkol sa wastong asal na itinataguyod ng sangkatauhan, at alin ang mga hinihingi ng Diyos sa sangkatauhan, at alin sa mga ito ang mga tunay na prinsipyo at pamantayan. Hindi malinaw sa mga tao ang mga bagay na ito. Bakit ganoon? (Dahil hindi nila nauunawaan ang katotohanan.) Sa isang banda, ito ay dahil hindi nila nauunawaan ang katotohanan. Sa isa pang banda, ito ay dahil wala silang pagkakilala sa mga pahayag tungkol sa wastong asal na ginawa ng tradisyunal na kultura ng sangkatauhan at hindi pa rin nila nahahalata ang diwa ng mga pahayag na ito. Sa huli, sa magulong lagay ng pag-iisip, tutukuyin mong tama ang mga bagay na iyon na una mong natutunan, at na nakakintal sa iyong isip; tutukuyin mong tama ang mga bagay na iyon na pangkalahatang kinikilala ng lahat ng tao bilang tama. At pagkatapos ay pipiliin mo ang mga bagay na ito na gusto mo, na kaya mong makamit, at na umaayon sa iyong panlasa at mga kuru-kuro; at tatratuhin mo, kakapitan mo, at susundin mo ang mga bagay na ito na para bang ang mga ito ang katotohanan. At bilang resulta nito, ang ugali at asal ng mga tao, pati na ang kanilang hinahangad, pinipili, at kinakapitan, ay magiging ganap na walang kaugnayan sa katotohanan—mabibilang ang lahat ng ito sa mga pag-uugali ng tao at sa mga pagpapakita ng moralidad ng tao na nasa labas ng saklaw ng katotohanan. Tinatrato at kinakapitan ng mga tao ang mga aspetong ito ng tradisyunal na kultura na para bang ang mga ito ang katotohanan, habang isinasantabi at hindi pinapansin ang mga katotohanan tungkol sa mga hinihingi ng Diyos kaugnay ng pag-uugali ng tao. Gaano man karami ang taglay ng isang tao na mga pag-uugaling itinuturing ng tao na mabuti, hinding-hindi niya matatamo ang pagsang-ayon ng Diyos. Isa itong kaso ng pagsasayang ng mga tao ng matinding pagsisikap sa mga bagay na nasa labas ng saklaw ng katotohanan. Dagdag pa rito, sa pagtrato sa mga bagay na ito na nagmumula sa tao at hindi naaayon sa katotohanan bilang katotohanan, nailigaw na ang mga tao. Unang natutunan ng mga tao ang mga aspetong ito ng tradisyunal na kultura, at kaya napangingibabawan sila ng mga ito; nagbubunga ang mga bagay na ito ng lahat ng uri ng mga maling pananaw sa loob nila, at nagsasanhi ang mga ito ng matitinding paghihirap at pang-aabala para sa mga tao kapag tinatangka nilang unawain at isagawa ang katotohanan. Naniniwala ang lahat ng tao na kung nagtataglay sila ng mabubuting pag-uugali, sasang-ayunan sila ng Diyos, at na magiging kwalipikado silang tumanggap ng Kanyang mga pagpapala at pangako, ngunit kaya ba nilang tanggapin ang paghatol at pagkastigo ng Diyos kung nagkikimkim sila ng ganitong pananaw at pag-iisip? Gaano kalaking balakid ang gayong pag-iisip sa pagpapadalisay at kaligtasan ng mga tao? Hindi ba’t magiging sanhi ang mga imahinasyon at kuru-kurong ito para ang mga tao ay magkamali ng pagkaunawa, magrebelde, at lumaban sa Diyos? Hindi ba’t ang mga ito ang kahihinatnan? (Ganoon nga.) Halos naipahayag Ko na ang kabuluhan ng pagbabahaginan sa paksang ito, ito ang pangkalahatang ideya.
Ngayon naman, isa-isa nating susuriin at sisiyasatin ang iba’t ibang kasabihan ng tradisyunal na kulturang Chinese tungkol sa wastong asal, at pagkatapos ay bubuo tayo ng konklusyon tungkol sa mga ito. Sa ganoong paraan, magkakaroon ang lahat ng batayang kumpirmasyon at sagot tungkol sa mga ito, at kahit papaano, magkakaroon ang lahat ng medyo tumpak na pagkaunawa at pananaw sa mga kasabihang ito. Magsimula tayo sa unang kasabihan: “Huwag mong ibulsa ang pera na iyong napulot.” Ano ang maaaring maging tumpak na paliwanag sa salawikaing ito? (Kung may mapulot ka, hindi mo ito dapat kunin at angkinin. Tumutukoy ito sa isang uri ng mabuting moralidad at kaugaliang panlipunan.) Madali ba itong maisakatuparan? (Medyo madali ito.) Para sa karamihan ng mga tao, madali itong maisakatuparan—kung may mapupulot ka, anuman ito, hindi mo ito dapat angkinin, dahil pag-aari ito ng ibang tao. Hindi ito nararapat na mapunta sa iyo, at dapat mo itong ibalik sa tunay na nagmamay-ari. Kung hindi mo makita ang tunay na nagmamay-ari nito, dapat mo itong isuko sa mga awtoridad—ano’t anuman, hindi mo ito dapat angkinin. Ang lahat ng ito ay sa diwa ng hindi pagnanasa sa mga pag-aari ng ibang tao at hindi pananamantala sa iba. Isa itong kinakailangang ipinataw sa wastong pag-uugali ng tao. Ano ang layon sa paglalagay ng ganitong uri ng kinakailangan sa wastong pag-uugali ng mga tao? Kapag nagtataglay ng ganitong uri ng wastong asal ang mga tao, mayroon itong mabuti at positibong epekto sa kalagayang panlipunan. Ikinikintal sa mga tao ang gayong mga ideya para pigilan silang manamantala ng iba, sa gayon ay mapananatili ang sarili nilang mabuting asal. Kung nagtataglay ang bawat tao ng ganitong uri ng mabuting asal, mapapabuti ang kalagayang panlipunan, at maaabot nito ang antas kung saan walang sinumang kukuha ng mga nawawalang bagay na nakikita nila sa kalye, at walang nangangailangang ikandado ang kanilang mga pinto sa gabi. Sa ganitong uri ng kalagayang panlipunan, mapapabuti ang pampublikong kaayusan, at mas payapang makapamumuhay ang mga tao. Mababawasan ang mga nakawan at pandarambong, mababawasan ang mga awayan at pagpatay dahil sa paghihiganti; ang mga taong namumuhay sa ganitong uri ng lipunan ay magkakaroon ng pakiramdam ng seguridad, at mas bubuti ang pangkalahatang kaligayahan. Ang “Huwag mong ibulsa ang pera na iyong napulot” ay isang kinakailangang ipinanukala tungkol sa wastong asal ng mga tao sa mga kapaligirang panlipunan at pinamumuhayan. Ang layon ng kinakailangang ito ay protektahan ang kalagayang panlipunan at ang kapaligirang pinamumuhayan ng mga tao. Madali ba itong maisakatuparan? Kung maisasakatuparan man ito ng mga tao o hindi, ang mga nagpapanukala ng ideya at kinakailangang ito tungkol sa wastong asal ng tao ay nilalayong isakatuparan ang pinakamainam na kapaligirang panlipunan at pinamumuhayan na inaasam ng mga tao. Walang kinalaman ang “Huwag mong ibulsa ang pera na iyong napulot” sa mga pamantayan para sa asal ng tao—isa lang itong kinakailangang ipinataw sa wastong asal ng mga tao sa tuwing may pinupulot sila. Halos wala itong kaugnayan sa diwa ng tao. Libo-libong taon na itong hinihingi ng sangkatauhan tungkol sa wastong asal ng tao. Siyempre pa, kapag sumusunod ang mga tao sa hinihinging ito, maaaring maranasan ng isang bansa o lipunan ang isang panahon kung kailan mas kaunti ang krimen, at maaari pa ngang umabot sa punto kung kailan hindi kailangan ng mga taong ikandado ang kanilang mga pinto sa gabi, kung kailan walang sinumang kumukuha ng mga nawawalang bagay na nakikita nila sa kalye, at kung kailan karamihan ng mga tao ay hindi ibinubulsa ang perang napupulot nila. Sa mga panahong ito, pawang magiging medyo matatag at maayos ang kalagayang panlipunan, pampublikong kaayusan, at kapaligirang pinamumuhayan, ngunit maaari lamang mapanatili ang kalagayan at kapaligirang panlipunan na ito nang pansamantala, o sa loob ng isang panahon, o sa isang partikular na panahon. Ibig sabihin, maisasakatuparan o mapapanatili lang ng mga tao ang ganitong uri ng wastong asal sa ilang partikular na kapaligirang panlipunan. Sa sandaling magbago ang kanilang kapaligirang pinamumuhayan, at masira ang dating kalagayang panlipunan, malamang na mababago ang mga moralidad na tulad ng “huwag ibulsa ang pera na iyong napulot,” kasabay ng mga pagbabago sa kapaligirang panlipunan, kalagayang panlipunan, at mga kalakarang panlipunan. Tingnan kung paanong, matapos maluklok sa kapangyarihan ang malaking pulang dragon, nilinlang nito ang mga tao sa pagsusulong ng lahat ng uri ng mga kasabihan upang matiyak ang katatagan ng lipunan. Noong dekada ‘80, nagkaroon pa nga ng sikat na kanta na may mga sumusunod na liriko: “Sa tabi ng daan, napulot ko ang isang sentimo sa lupa, at ibinigay ito sa isang pulis. Kinuha ng pulis ang sentimo, at tinanguan ako. Masaya kong sinabing, ‘Hanggang sa muli, sir!’” Tila ba kahit ang maliit na usapin ng pagsasauli ng isang sentimo ay kabanggit-banggit at kakanta-kanta—isa itong “napakamarangal” na panlipunang moralidad at ugali! Ganoon nga ba talaga iyon? Nagagawa ng mga taong magsauli sa pulis ng isang sentimong nakikita nila, ngunit magsasauli ba sila ng isang daang yuan o isang libong yuan? Mahirap masabi. Kung makakita ang isang tao ng ilang ginto, pilak, o mahahalagang bagay, o isang bagay na mas may halaga pa, hindi niya makokontrol ang kanyang pagkaganid, kakawala ang kanyang natatagong kabangisan, at makakaya niyang manakit at maminsala ng mga tao, na magparatang at mambitag ng iba—makakaya niyang aktibong nakawan ng pera ang isang tao, at kahit pumatay pa nga ng isang tao. Sa panahong iyon, ano ang matitira sa mainam na tradisyunal na kultura at moralidad ng tao? Saan na mapupunta ang moral na pamantayang “Huwag mong ibulsa ang pera na iyong napulot”? Ano ang ipinapakita nito sa atin? Tinataglay man ng mga tao ang diwa at wastong asal na ito o hindi, ang kinakailangan at kasabihang ito ay isang bagay lang na hinihinuha, ninanasa, at ninanais ng mga tao na matupad at maisakatuparan nila. Sa mga partikular na kontekstong panlipunan, at sa mga naaangkop na kapaligiran, ang mga taong nagtataglay ng partikular na antas ng konsiyensiya at katwiran ay kayang isagawang hindi ibulsa ang perang napupulot nila, ngunit isa lang itong lumilipas na mabuting pag-uugali, hindi ito maaaring maging pamantayan ng kanilang asal, o kanilang buhay. Sa sandaling magbago ang kapaligirang panlipunan at kontekstong panlipunan kung saan namumuhay ang mga taong iyon, ang paniniwalang ito at ang pinakamainam na wastong asal na ito ayon sa mga kuru-kuro ng tao ay magiging napakalayo na sa mga tao. Hindi nito magagawang tugunan ang kanilang mga ninanasa at ambisyon, at siyempre pa, mas hindi nito makakayang limitahan ang kanilang masasamang gawa. Isa lang itong panandaliang mabuting pag-uugali, at medyo marangal na moral na katangian ayon sa mga minimithi ng tao. Kapag kumokontra ito sa realidad at pansariling interes, kapag sumasalungat ito sa mga minimithi ng mga tao, ang ganitong uri ng moralidad ay hindi mapipigil ang pag-uugali ng mga tao, o magagabayan ang kanilang gawi at mga iniisip. Sa huli, magpapasya ang mga tao na sumalungat dito, lalabagin nila ang tradisyunal na kuru-kurong ito ng moralidad, at pipiliin ang kanilang sariling mga interes. Kaya, pagdating sa moralidad ng “hindi pagbulsa ng pera na iyong napulot,” kayang isauli ng mga tao ang isang sentimong napulot nila sa pulis. Ngunit kung makakita sila ng isang libong yuan, sampung libong yuan, o isang gintong barya, ibibigay pa rin ba nila ito sa isang pulis? Hindi nila ito magagawa. Kapag ang pakinabang ng pagkuha sa perang iyon ay nakahihigit sa saklaw ng kung ano ang kayang isakatuparan ng moralidad ng tao, hindi nila ito magagawang isauli sa pulis. Hindi nila magagawang tuparin ang moralidad na “Huwag mong ibulsa ang pera na iyong napulot.” Kung gayon, kinakatawan ba ng “hindi pagbulsa sa pera na iyong napulot” ang diwa ng pagkatao ng isang tao? Hindi talaga nito makakatawan ang diwa ng kanyang pagkatao. Malinaw na malinaw na ang kinakailangan tungkol sa wastong asal ng tao ay hindi maaaring gamitin bilang batayan para sa pagsuri kung nagtataglay ba ng pagkatao ang isang tao, at hindi ito maaaring magsilbing pamantayan para sa asal ng tao.
Ang pagtingin ba muna kung ibinubulsa ng isang tao ang pera na napulot niya ay magiging isang tumpak na paraan ng pagsusuri sa kanyang moralidad at karakter? (Hindi.) Bakit hindi? (Walang kakayahan ang mga tao na tunay na sumunod sa kinakailangang iyon. Kung makakita sila ng maliit na halaga ng pera o isang bagay na walang gaanong halaga, magagawa nila itong isauli, ngunit kung isa itong bagay na may halaga, malamang na mas hindi nila ito isauli. Kung isa itong napakahalagang bagay, malamang na mas lalong hindi nila ito isauli—maaari pa ngang hawakan nila ito kahit anong mangyari.) Ang ibig mong sabihin, ang “Huwag mong ibulsa ang pera na iyong napulot” ay hindi maaaring magsilbing pamantayan para sa pagsusuri ng pagkatao ng mga tao dahil walang kakayahan ang mga tao na isakatuparan ito. Kung gayon, kung makasusunod ang mga tao sa kinakailangang ito, maituturing ba itong pamantayan para sa pagsusuri ng kanilang pagkatao? (Hindi.) Bakit hindi ito maituturing na pamantayan para sa pagsusuri ng pagkatao ng mga tao, kahit na makasusunod dito ang mga tao? (Ang abilidad o kawalan ng abilidad na sumunod sa “Huwag mong ibulsa ang pera na iyong napulot” ay hindi talaga sumasalamin sa kalidad ng kanilang pagkatao. Wala itong kinalaman sa kung gaano kabuti o kasama ang kanilang pagkatao, at hindi ito isang pamantayan para sa pagsusuri ng pagkatao ng mga tao.) Isang aspeto ito ng pag-unawa sa isyu. Halos walang kaugnayan sa pagitan ng hindi pagbubulsa ng isang tao sa perang napulot niya at ng kalidad ng kanyang pagkatao. Kaya kung makatagpo kayo ng isang taong talagang may kakayahang hindi ibulsa ang pera na napulot niya, paano ninyo siya ituturing? Maituturing ba ninyo siya na isang taong nagtataglay ng pagkatao, isang matapat na tao, at isang taong nagpapasakop sa Diyos? Mauuri ba ninyong isang pamantayan para sa pagtataglay ng pagkatao ang hindi pagbubulsa sa pera na napulot ng isang tao? Dapat tayong magbahaginan sa isyung ito. Sino ang magsasalita tungkol dito? (Ang abilidad ng isang tao na hindi ibulsa ang pera na napulot niya ay walang kinalaman sa pagbibigay-kahulugan sa diwa ng pagkatao ng taong iyon. Sinusuri ang kanyang diwa ayon sa katotohanan.) Ano pa? (Ang ilang tao ay nagagawang hindi ibulsa ang pera na napulot nila, kahit na malaking halaga ito ng pera, o gumagawa sila ng maraming iba pang gayong mabuting gawa, ngunit mayroon silang sarili nilang mga mithiin at intensyon. Gusto nilang magantimpalaan para sa kanilang mga kapuri-puring kilos at magkamit ng magandang reputasyon, kaya naman hindi matutukoy ng kanilang panlabas na mabubuting pag-uugali ang kalidad ng kanilang pagkatao.) Mayroon pa bang iba? (Ipagpalagay na ang isang tao ay may kakayahang hindi ibulsa ang pera na napulot niya, ngunit hinaharap niya ang katotohanan nang may mapanlaban na saloobin, nang may saloobing yamot sa katotohanan. Kung susuriin natin siya batay sa mga salita ng Diyos, hindi siya nagtataglay ng pagkatao. Kaya hindi tumpak na gamitin ang pamantayan na ito upang husgahan kung ang isang tao ay nagtataglay ng pagkatao o hindi.) Napagtanto na ng ilan sa inyo na maling gamitin ang “Huwag mong ibulsa ang pera na iyong napulot” para suriin kung ang isang tao ay nagtataglay ng pagkatao o hindi—hindi kayo sumasang-ayon na gamitin ito bilang pamantayan para sa pagsusuri kung ang isang tao ay may pagkatao. Tama ang pananaw na ito. May kakayahan man o wala ang isang tao na hindi ibulsa ang pera na napulot niya, halos wala itong kinalaman sa mga prinsipyo ng kanyang asal at sa landas na pinipili niya. Bakit Ko ito sinasabi? Una sa lahat, kapag hindi ibinulsa ng isang tao ang pera na kanyang napulot, kinakatawan lang nito ang isang panandaliang pag-uugali. Mahirap masabi kung ginawa ba niya ito dahil walang halaga ang bagay na napulot niya, o dahil nakatingin sa kanya ang ibang tao, at nais niyang makamit ang kanilang papuri at pagpapahalaga. Kahit na walang bahid ang kanyang kilos, isang uri lang ito ng mabuting pag-uugali, at halos wala itong kinalaman sa kanyang paghahangad at asal. Sa pinakasukdulan, maaari lang masabi na ang taong ito ay may kaunting mabuting pag-uugali at marangal na karakter. Bagamat ang pag-uugaling ito ay hindi matatawag na negatibong bagay, hindi rin ito mauuri bilang positibong bagay, at talagang hindi matutukoy na positibo ang isang tao dahil lang hindi niya binulsa ang perang napulot niya. Ito ay dahil wala itong kaugnayan sa katotohanan, at wala itong kinalaman sa mga hinihingi ng Diyos sa tao. Sinasabi ng ilang tao: “Paanong hindi ito positibong bagay? Paanong hindi maituturing na positibo ang napakamarangal na pag-uugaling iyon? Kung ang isang tao ay imoral at walang pagkatao, makakaya ba niyang hindi ibulsa ang perang napulot niya?” Hindi masasabing talagang tumpak ang pagkakasabing iyon. Ang diyablo ay kayang gumawa ng ilang mabubuting bagay—sasabihin mo bang hindi ito ang diyablo? Gumagawa ang ilang demonyong hari ng isa o dalawang mabubuting gawa upang magkaroon sila ng pangalan at patatagin ang kanilang lugar sa kasaysayan—tatawagin mo ba silang mabubuting tao? Hindi mo matutukoy kung ang isang tao ay nagtataglay ng pagkatao o hindi, o kung mabuti o masama ba ang kanyang karakter, sa batayan lang ng isang mabuti o masamang bagay na ginawa niya. Para maging tumpak ang isang pagsusuri, dapat mo itong ibatay sa kanyang kabuuang asal, at kung mayroon ba siyang tamang mga ideya at pananaw o wala. Kung nagagawa ng isang tao na ibalik ang isang napakahalagang bagay na nakita niya sa tamang may-ari nito, ipinapakita lang nito na hindi siya ganid, at hindi niya ninanasa ang mga pag-aari ng ibang tao. Tinataglay niya ang aspetong ito ng mabuting asal, ngunit may kinalaman ba ito sa kanyang asal at saloobin sa mga positibong bagay? (Wala.) Malamang na hindi sasang-ayon dito ang ilang tao, ipagpapalagay nila na ang pahayag na ito ay medyo pansariling palagay at hindi tumpak. Gayunpaman, kung iisipin ito sa ibang pananaw, kung nawalan ang isang tao ng isang bagay na kapaki-pakinabang, hindi ba’t lubos siyang mag-aalala tungkol dito? Kaya, para sa taong nakakita sa bagay na iyon, anuman ang nakita niya, hindi iyon kanya, kaya hindi niya ito dapat angkinin. Materyal na bagay man ito o pera, may halaga man ito o wala, hindi niya ito pagmamay-ari—kaya hindi ba’t tungkulin niyang ibalik ang bagay na ito sa tamang may-ari? Hindi ba’t ito ang nararapat na gawin ng mga tao? Ano ang halaga ng pagsusulong nito? Hindi ba’t pagpapalaki ito ng isang usaping hindi naman dapat palakihin? Hindi ba’t kalabisan na tratuhin ang hindi pagbubulsa sa perang napulot ng isang tao bilang isang uri ng marangal na moral na katangian at itaas ito sa isang matayog at espirituwal na dako? Kabanggit-banggit ba ang isang mabuting pag-uugaling ito sa gitna ng mabubuting tao? May napakaraming mas mahuhusay at mas matatayog na pag-uugali kaysa rito, kaya hindi kabanggit-banggit ang hindi pagbubulsa sa perang napulot ng isang tao. Gayunpaman, kung puspusan mong ipapakalat at isusulong ang mabuting pag-uugaling ito sa mga pulubi at magnanakaw, magiging angkop ito, at maaari pa nga itong maging kapaki-pakinabang. Kung puspusang isinusulong ng isang bansa ang “Huwag mong ibulsa ang pera na iyong napulot,” ipinapakita nito na ang mga tao roon ay napakasasama na, na ang bansa ay pinamamayanihan ng mga mandarambong at magnanakaw, at hindi na nito mabantayan ang mga ito. Kaya ang tanging paraan nila ay isulong at ipakalat ang ganitong uri ng pag-uugali upang malutas ang isyu. Sa katunayan, ang pag-uugaling ito ay tungkulin ng mga tao noon pa man. Halimbawa, kung makakita ang isang tao ng limampung yuan sa kalsada at madali itong ibinalik sa tamang may-ari nito, hindi ba’t napakawalang kabuluhan nito na ni hindi ito kabanggit-banggit? Kailangan ba talagang purihin ito? Kailangan bang palakihin ang isang bagay na hindi naman dapat palakihin, at purihin nang husto ang taong ito, at papurihan pa siya para sa kanyang marangal at kapita-pitagang wastong asal, dahil lang ibinalik niya ang pera sa taong nakawala nito? Hindi ba’t normal at natural lang na isauli ang nawalang pera sa tamang may-ari nito? Hindi ba’t isa itong bagay na nararapat gawin ng isang taong nagtataglay ng normal na katwiran? Kahit ang isang maliit na bata na hindi nauunawaan ang mga moralidad na panlipunan ay makakayang gawin ito, kaya kinakailangan ba talagang palakihin pa ito? Karapat-dapat ba talagang itaas ang pag-uugaling ito sa antas ng moralidad ng tao? Sa Aking palagay, hindi ito maaaring itaas sa antas na ito, at hindi ito karapat-dapat na purihin. Isa lang itong panandaliang mabuting pag-uugali at wala itong kinalaman sa tunay na pagiging mabuting tao sa pinakabatayang antas. Ang hindi pagbubulsa sa perang napulot ng isang tao ay isang napakaliit na bagay. Isa itong bagay na magagawa ng sinumang normal na tao, at sinumang binabalutan ang sarili ng balat ng tao o nagsasalita ng wika ng tao. Isa itong bagay na magagawa ng mga tao kung magsusumikap sila, hindi nila kailangan ng guro o iskolar para turuan silang gawin ito. Kaya itong gawin ng isang tatlong taong gulang na bata, at gayunpaman, tinrato ito ng mga iskolar at guro bilang isang mahalagang kinakailangan ng wastong asal ng tao, at sa paggawa nito, pinalaki nila ang isang bagay na hindi naman dapat palakihin. Bagamat ang “Huwag mong ibulsa ang pera na iyong napulot” ay isang pahayag na sumusuri sa wastong asal ng tao, hindi talaga ito umaangat sa antas ng pagsukat kung ang isang tao ay nagtataglay ba ng pagkatao o marangal na moralidad. Samakatuwid, kapwa hindi tumpak at hindi angkop na gamitin ang “Huwag mong ibulsa ang pera na iyong napulot” upang suriin ang kalidad ng pagkatao ng isang tao.
Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.