Ang Kahulugan ng Paghahangad sa Katotohanan 4 (Ikatlong Bahagi)

Sa mga hinihingi ng Diyos tungkol sa pag-uugali ng tao, mayroong kinakailangan na: “igalang ang mga magulang.” Kadalasan, walang anumang isipin o kuru-kuro ang mga tao tungkol sa ibang hinihingi, kaya ano ang mga isipin ninyo tungkol sa kinakailangan na: “igalang ang mga magulang”? Mayroon bang taliwasan sa pagitan ng inyong mga pananaw at ng katotohanang prinsipyong sinabi ng Diyos? Kung nakikita ninyo ito nang malinaw, mabuti. Ang mga hindi nakauunawa sa katotohanan, na ang alam lang ay kung paano sumunod sa mga patakaran at bumulalas ng mga salita at parirala ng doktrina ay walang pagkakilala; kapag nagbabasa sila ng mga salita ng Diyos, palagi silang nagkikimkim ng mga kuru-kuro ng tao, palagi nilang nararamdamang may ilang taliwasan, at hindi nila nakikita nang malinaw ang Kanyang mga salita. Samantalang ang mga nakauunawa sa katotohanan ay walang nakikitang anumang taliwasan sa mga salita ng Diyos, iniisip nilang napakalinaw ng Kanyang mga salita, dahil nakauunawa sila ng mga espirituwal na bagay at naiintindihan nila ang katotohanan. Kung minsan, hindi ninyo makita nang malinaw ang mga salita ng Diyos, at hindi kayo makapagtanong—kung hindi kayo magtatanong, tila parang wala kayong anumang problema, pero ang totoo, marami kayong problema at suliranin, hindi lang ninyo ito namamalayan. Ipinapakita nito na napakababa ng inyong tayog. Una, tingnan natin ang hinihingi ng Diyos na dapat igalang ng mga tao ang kanilang mga magulang—tama o mali ba ang kinakailangang ito? Dapat ba itong sundin ng mga tao o hindi? (Dapat nila itong sundin.) Tiyak ito, at hindi ito maitatanggi; hindi na kailangang mag-alinlangan o magnilay tungkol dito, tama ang kinakailangang ito. Ano ang tama rito? Bakit isinulong ng Diyos ang kinakailangang ito? Ano ang tinutukoy ng sinasabi ng Diyos na “igalang ang mga magulang”? Alam ba ninyo? Hindi ninyo alam. Bakit palagi na lang ninyong hindi alam? Basta’t nauugnay sa katotohanan ang isang bagay, hindi ninyo ito alam, at gayunpaman ay walang patid kayong nakapagsasalita tungkol sa mga salita at parirala ng doktrina—ano ang problema rito? Paano ninyo isinasagawa ang mga salitang ito ng Diyos kung gayon? Hindi ba’t nauugnay ang katotohanan dito? (Nauugnay nga.) Kapag nakita mong may parirala ng mga salita ng Diyos na nagsasabing, “Dapat mong igalang ang iyong mga magulang,” maiisip mo sa sarili mo, “Hinihingi sa akin ng Diyos na igalang ko ang aking mga magulang, kaya kailangan ko silang igalang,” at sisimulan mo itong gawin. Gagawin mo ang anumang hilingin sa iyo ng mga magulang mo—kapag may sakit ang mga magulang mo ay pagsisilbihan mo sila sa tabi ng kanilang kama, sasalinan sila ng maiinom, ipagluluto sila ng masarap na makakain, at sa mga araw ng pagdiriwang, bibilhan mo ang iyong mga magulang ng mga bagay na gusto nila bilang mga regalo. Kapag nakita mong pagod sila, hahaplusin mo ang mga balikat nila at mamasahehin ang likod nila, at sa tuwing may problema sila, makaiisip ka ng solusyon upang lutasin ito. Dahil sa lahat ng ito, lubos na malulugod ang mga magulang mo sa iyo. Iginagalang mo ang iyong mga magulang, nagsasagawa ka ayon sa mga salita ng Diyos, at nagsasabuhay ka ng normal na pagkatao, kaya panatag ang pakiramdam mo sa puso mo, at naiisip mo: “Tingnan mo—sinasabi ng mga magulang ko na nagbago ako mula nang magsimula akong manalig sa Diyos. Sinasabi nilang nagagawa ko na silang igalang ngayon at na mas matino na ako. Tuwang-tuwa sila, at iniisip nilang mainam ang pananalig sa Diyos, dahil bukod sa iginagalang ng mga anak na lalaki at babae na nananalig sa Diyos ang kanilang mga magulang, tinatahak din nila ang tamang landas sa buhay at isinasabuhay ang wangis ng tao—mas nakahihigit sila kaysa sa mga hindi mananampalataya. Matapos manalig sa Diyos, nagsimula akong magsagawa ayon sa mga salita ng Diyos at kumilos ayon sa Kanyang mga hinihingi, at masayang-masaya ang mga magulang ko na makita ang pagbabagong ito sa akin. Bilib na bilib ako sa sarili ko. Nagdadala ako ng kaluwalhatian sa Diyos—tiyak na nalulugod ang Diyos sa akin, at sasabihin Niyang isa akong taong iginagalang ang kanyang mga magulang at nagtataglay ng banal na kawastuhan ng asal.” Isang araw, isinaayos ng iglesia na pumunta ka sa ibang lugar upang ipalaganap ang ebanghelyo, at posibleng hindi ka makauuwi nang mahabang panahon. Sumang-ayon kang pumunta, na pakiramdam mo ay hindi mo maaaring isantabi ang atas ng Diyos, at naniniwala kang dapat ay pareho mong igalang ang iyong mga magulang sa tahanan at itaguyod ang atas ng Diyos sa labas nito. Ngunit nang talakayin mo ang bagay na ito sa mga magulang mo, nagalit sila, at sinabing: “Suwail kang anak! Nagsikap kami nang husto para palakihin ka, at ngayon ay basta ka na lang aalis. Kapag wala ka na, sino ang mag-aalaga sa isang matandang mag-asawang tulad namin? Kung magkasakit kami o kung magkaroon ng kung anong uri ng sakuna, sino ang magdadala sa amin sa ospital?” Hindi sila sumang-ayon sa pag-alis mo, at nag-alala ka: “Sinasabi sa amin ng Diyos na igalang ang aming mga magulang, pero ayaw ng mga magulang ko na umalis ako at gawin ang tungkulin ko. Kung susundin ko sila, kakailanganin kong isantabi ang atas ng Diyos, at hindi iyon magugustuhan ng Diyos. Pero kung susundin ko ang Diyos at aalis ako at gagawin ko ang tungkulin ko, hindi matutuwa ang mga magulang ko. Ano ang dapat kong gawin?” Nagnilay ka nang nagnilay: “Dahil unang isinulong ng Diyos ang kinakailangan na dapat igalang ng mga tao ang kanilang mga magulang, itataguyod ko ang hinihinging iyon. Hindi ko kailangang humayo at gawin ang tungkulin ko.” Isinantabi mo ang iyong tungkulin at piniling igalang ang iyong mga magulang sa tahanan, ngunit hindi panatag ang pakiramdam mo sa puso mo. Nadama mong bagamat iginalang mo ang iyong mga magulang, hindi mo natupad ang iyong tungkulin, at naisip mong nabigo mo ang Diyos. Paano malulutas ang problemang ito? Dapat kang magdasal sa Diyos at dapat mong hanapin ang katotohanan, hanggang sa isang araw ay maunawaan mo ang katotohanan at mapagtantong ang paggawa ng iyong tungkulin ang pinakamahalagang bagay. Pagkatapos, natural na magagawa mong lisanin ang tahanan at tuparin ang iyong tungkulin. Sinasabi ng ilang tao: “Gusto ng Diyos na gawin ko ang aking tungkulin, at gusto rin Niyang igalang ko ang aking mga magulang. Hindi ba’t may taliwasan at salungatan dito? Paano ba ako dapat magsagawa?” Ang “igalang ang mga magulang” ay isang kinakailangang isinulong ng Diyos tungkol sa pag-uugali ng tao, ngunit hindi ba’t hinihingi ng Diyos ang pagtalikod sa lahat ng bagay upang sumunod sa Diyos at kumpletuhin ang atas ng Diyos? Hindi ba’t mas hinihingi ito ng Diyos? Hindi ba’t mas pagsasagawa ito ng katotohanan? (Ganoon nga.) Ano ang dapat mong gawin kung magkakasalungatan ang dalawang kinakailangang ito? Sinasabi ng ilang tao: “Kung gayon, kailangan kong igalang ang aking mga magulang at kumpletuhin ang atas ng Diyos, at kailangan kong sumunod sa mga salita ng Diyos at isagawa ang katotohanan—madali lang iyon. Isasaayos ko ang lahat sa tahanan, ihahanda ang lahat ng pangangailangan sa buhay ng aking mga magulang, kukuha ng nurse, at pagkatapos ay hahayo para gampanan ang aking tungkulin. Titiyakin kong babalik ako isang beses sa isang linggo, titingnan ko na ayos lang ang mga magulang ko, at pagkatapos ay aalis na ako; kung mayroong problema, mananatili na lang ako nang dalawang araw. Hindi ako maaaring palaging malayo sa kanila at hindi kailanman babalik, at hindi ako maaaring manatili sa bahay habambuhay at hindi kailanman lalabas upang gawin ang aking tungkulin. Hindi ba’t ito ang pinakamainam sa parehong sitwasyon?” Ano ang palagay mo sa solusyong ito? (Hindi ito gagana.) Isa itong imahinasyon; hindi ito makatotohanan. Kaya, kapag naharap ka sa ganitong uri ng sitwasyon, paano ka mismo dapat kumilos alinsunod sa katotohanan? (Imposibleng makuha ang pinakamainam sa parehong sitwasyon pagdating sa katapatan at paggalang ng anak sa magulang—dapat kong unahin ang aking tungkulin.) Unang sinabi ng Diyos na igalang ng mga tao ang kanilang mga magulang, at pagkatapos, isinulong ng Diyos ang mas matataas na kinakailangan para sa mga tao tungkol sa kanilang pagsasagawa sa katotohanan, pagganap sa kanilang mga tungkulin, at pagsunod sa daan ng Diyos—alin sa mga ito ang dapat mong sundin? (Ang mas matataas na kinakailangan.) Tama bang magsagawa ayon sa mas matataas na kinakailangan? Maaari bang hatiin ang katotohanan sa mas matataas at mas mabababang katotohanan, o mga mas luma at mas bagong katotohanan? (Hindi.) Kaya kapag isinasagawa mo ang katotohanan, naaayon sa ano ka dapat magsagawa? Ano ang ibig sabihin ng pagsasagawa sa katotohanan? (Pag-aasikaso sa mga bagay-bagay ayon sa mga prinsipyo.) Ang pag-aasikaso sa mga bagay-bagay ayon sa mga prinsipyo ang pinakamahalagang bagay. Ang pagsasagawa sa katotohanan ay nangangahulugang pagsasagawa sa mga salita ng Diyos sa iba’t ibang oras, lugar, kapaligiran, at konteksto; hindi ito tungkol sa mapagmatigas na paglalapat ng mga patakaran sa mga bagay-bagay, tungkol ito sa pagtataguyod sa mga katotohanang prinsipyo. Kaya, wala talagang salungatan sa pagitan ng pagsasagawa sa mga salita ng Diyos at pagsunod sa mga hinihingi ng Diyos. Sa mas kongkretong pananalita, wala talagang salungatan sa pagitan ng paggalang sa iyong mga magulang at pagkumpleto sa atas at tungkuling ibinigay sa iyo ng Diyos. Alin sa mga ito ang mga kasalukuyang salita at hinihingi ng Diyos? Dapat mo munang isaalang-alang ang tanong na ito. Magkakaibang bagay ang hinihingi ng Diyos sa iba’t ibang tao; mayroon Siyang mga natatanging hinihingi sa kanila. Ang mga naglilingkod bilang lider at manggagawa ay tinawag ng Diyos, kaya dapat silang tumalikod, at hindi sila maaaring manatili kasama ng kanilang mga magulang, na iginagalang ang mga ito. Dapat nilang tanggapin ang atas ng Diyos at talikuran ang lahat upang sumunod sa Kanya. Isa iyong uri ng sitwasyon. Ang mga regular na tagasunod ay hindi tinawag ng Diyos, kaya maaari silang manatili kasama ng kanilang mga magulang at igalang ang mga ito. Walang gantimpala sa paggawa nito, at wala silang makakamit na anumang pagpapala dahil dito, ngunit kung hindi sila magpapakita ng paggalang sa mga magulang, wala silang pagkatao. Sa katunayan, ang paggalang sa mga magulang ay isa lang uri ng responsabilidad, at hindi ito umaabot sa pagsasagawa sa katotohanan. Ang pagsunod sa Diyos ang siyang pagsasagawa sa katotohanan, ang pagtanggap sa atas ng Diyos ang siyang pagpapamalas ng pagsunod sa Diyos, at ang mga tumatalikod sa lahat ng bagay upang gawin ang kanilang mga tungkulin ang siyang mga tagasunod ng Diyos. Bilang buod, ang pinakamahalagang gawaing nasa harapan mo ay gampanan nang maayos ang iyong tungkulin. Iyan ang pagsasagawa sa katotohanan, at isa itong pagpapamalas ng pagsunod sa Diyos. Ano ang katotohanan na dapat pangunahing isagawa ng mga tao ngayon? (Pagganap sa tungkulin.) Tama iyan, ang matapat na pagganap sa tungkulin ay pagsasagawa sa katotohanan. Kung hindi taos-pusong isinasagawa ng isang tao ang kanyang tungkulin, gumagawa lang siya ng serbisyo.

Anong tanong ang katatalakay pa lang natin? (Unang hiningi ng Diyos na igalang ng mga tao ang kanilang mga magulang, at pagkatapos ay isinulong Niya ang mas matataas na kinakailangan tungkol sa pagsasagawa nila sa katotohanan, pagganap sa kanilang tungkulin, at pagsunod sa daan ng Diyos, kaya alin ang unang dapat na sundin ng mga tao?) Kasasabi lang ninyo na dapat magsagawa ang mga tao ayon sa mas matataas na kinakailangan. Sa isang teoretikal na antas, tama ang pahayag na ito—bakit Ko sinasabing tama ito sa teoretikal na antas? Nangangahulugan ito na kung maglalapat kayo ng mga patakaran at pormula sa usaping ito, magiging tama ang sagot na ito. Ngunit kapag naharap ang mga tao sa tunay na buhay, madalas na hindi magagawa ang pahayag na ito, at mahirap isakatuparan. Kaya, paano dapat sagutin ang tanong na ito? Una, dapat mong tingnan ang sitwasyon at ang kapaligirang pinamumuhayan na kinahaharap mo, at ang kontekstong kinasasangkutan mo. Kung, batay sa iyong kapaligirang pinamumuhayan at sa kontekstong kinasasangkutan mo, ang paggalang sa iyong mga magulang ay hindi sumasalungat sa pagkumpleto mo sa atas ng Diyos at pagganap mo sa iyong tungkulin—o, sa madaling salita, kung hindi naaapektuhan ng paggalang sa iyong mga magulang ang iyong matapat na pagganap sa iyong tungkulin—maaari mong parehong isagawa ang mga ito nang sabay. Hindi mo kailangang pormal na humiwalay sa iyong mga magulang, at hindi mo kailangang pormal na talikuran o tanggihan sila. Sa anong sitwasyon ito nalalapat? (Kapag hindi sumasalungat ang paggalang sa mga magulang sa pagganap sa tungkulin.) Tama iyan. Sa madaling salita, kung hindi sinusubukan ng iyong mga magulang na hadlangan ang iyong pananalig sa Diyos, at mga mananampalataya rin sila, at talagang sinusuportahan at hinihikayat ka nilang gampanan ang iyong tungkulin nang matapat at kumpletuhin ang atas ng Diyos, ang relasyon mo sa iyong mga magulang ay hindi isang regular na relasyon ng laman sa pagitan ng magkakamag-anak, kundi isa itong relasyon sa pagitan ng mga kapatid sa iglesia. Sa ganoong sitwasyon, bukod sa pakikisalamuha sa kanila bilang mga kapwa kapatid sa iglesia, dapat mo ring tuparin ang ilan sa iyong mga responsabilidad bilang anak sa kanila. Dapat mo silang pakitaan ng kaunting karagdagang malasakit. Basta’t hindi ito nakaaapekto sa pagganap sa tungkulin mo, ibig sabihin, basta’t hindi nila napipigilan ang iyong puso, maaari mong tawagan ang iyong mga magulang upang kumustahin sila at magpakita ng kaunting pagmamalasakit sa kanila, maaari mo silang tulungang lutasin ang ilang paghihirap at asikasuhin ang ilan sa kanilang problema sa buhay, at maaari mo pa nga silang tulungang lutasin ang ilan sa mga paghihirap na mayroon sila sa usapin ng kanilang pagpasok sa buhay—maaari mong gawin ang lahat ng bagay na ito. Sa madaling salita, kung hindi hinahadlangan ng iyong mga magulang ang iyong pananalig sa Diyos, dapat mong panatilihin ang relasyong ito sa kanila, at dapat mong tuparin ang iyong mga responsabilidad sa kanila. At bakit dapat mo silang pakitaan ng malasakit, alagaan, at kumustahin? Dahil anak ka nila at may ganito kang relasyon sa kanila, at mayroon kang isa pang uri ng responsabilidad, at dahil sa responsabilidad na ito, dapat mo silang kumustahin nang mas kaunti pa at bigyan sila ng mas totoong tulong. Basta’t hindi ito nakaaapekto sa pagganap sa iyong tungkulin, at basta’t hindi hinahadlangan o ginugulo ng mga magulang mo ang iyong pananampalataya sa Diyos at ang iyong pagganap sa tungkulin mo, at hindi ka rin nila pinipigilan, natural at nararapat na tuparin mo ang iyong mga responsabilidad sa kanila, at dapat mo itong gawin hanggang sa punto kung saan hindi ka inuusig ng iyong konsiyensiya—ito ang pinakamababang pamantayan na dapat mong matugunan. Kung hindi mo magawang igalang ang iyong mga magulang sa tahanan dahil sa epekto at paghadlang ng iyong mga sitwasyon, hindi mo kailangang kumapit sa patakarang ito. Dapat mong ipagkatiwala ang iyong sarili sa mga pangangasiwa ng Diyos at dapat kang magpasakop sa Kanyang mga pagsasaayos, at hindi mo kailangang ipilit na igalang ang iyong mga magulang. Kinokondena ba ito ng Diyos? Hindi ito kinokondena ng Diyos; hindi Niya pinipilit ang mga tao na gawin ito. Ano ang pinagbabahaginan natin ngayon? Pinagbabahaginan natin kung paano dapat magsagawa ang mga tao kapag sumasalungat ang paggalang sa kanilang mga magulang sa pagganap sa kanilang tungkulin; nagbabahaginan tayo sa mga prinsipyo ng pagsasagawa at sa katotohanan. Mayroon kang responsabilidad na igalang ang iyong mga magulang, at kung pinahihintulutan ng mga sitwasyon, maaari mong tuparin ang responsabilidad na ito, ngunit hindi ka dapat mapigilan ng iyong mga emosyon. Halimbawa, kung magkasakit ang isa sa iyong mga magulang at kailangan niyang pumunta sa ospital, at walang sinumang mag-aalaga sa kanya, at masyado kang abala sa iyong tungkulin para makauwi, ano ang dapat mong gawin? Sa ganitong mga pagkakataon, hindi ka maaaring mapigilan ng iyong mga emosyon. Dapat mong ipagdasal ang usapin, ipagkatiwala ito sa Diyos, at ipagkatiwala ito sa mga pangangasiwa ng Diyos. Ganoong uri ng saloobin dapat ang mayroon ka. Kung gusto ng Diyos na kunin ang buhay ng iyong magulang, at kunin siya mula sa iyo, dapat ka pa ring magpasakop. Sinasabi ng ilang tao: “Kahit na nagpasakop ako, miserable pa rin ang pakiramdam ko at ilang araw ko na itong iniiyakan—hindi ba’t emosyon ito?” Hindi ito isang emosyon, ito ay kabaitan ng tao, ito ay pagtataglay ng pagkatao, at hindi ito kinokondena ng Diyos. Maaari kang umiyak, ngunit kung umiyak ka nang ilang araw at hindi makatulog o makakain, at wala kang ganang gawin ang iyong tungkulin, at nais mo pa ngang umuwi at bisitahin ang iyong mga magulang, hindi mo magagawa nang maayos ang iyong tungkulin, at kung gayon ay hindi mo naisagawa ang katotohanan, na nangangahulugang hindi mo tinutupad ang iyong mga responsabilidad sa pamamagitan ng paggalang sa iyong mga magulang, bagkus ay namumuhay ka sa iyong mga emosyon. Kung iginagalang mo ang iyong mga magulang habang namumuhay ka sa iyong mga emosyon, hindi mo tinutupad ang iyong mga responsabilidad, at hindi mo sinusunod ang mga salita ng Diyos, dahil tinalikuran mo ang atas ng Diyos, at hindi ka isang taong sumusunod sa daan ng Diyos. Kapag naharap ka sa ganitong uri ng sitwasyon, kung hindi ito nagdudulot ng mga pagkaantala sa iyong tungkulin o nakaaapekto sa iyong tapat na pagganap sa iyong tungkulin, maaari kang gumawa ng ilang bagay na kaya mong gawin upang magpakita ng paggalang sa iyong mga magulang, at maaari mong tuparin ang mga responsabilidad na kaya mong tuparin. Bilang buod, ito ang nararapat gawin at kayang gawin ng mga tao sa saklaw ng pagkatao. Kung mabibitag ka ng iyong mga emosyon, at maaantala nito ang pagganap sa iyong tungkulin, ganap niyong sasalungatin ang mga layunin ng Diyos. Hindi kailanman hiningi ng Diyos na gawin mo iyon, hinihingi lang ng Diyos na tuparin mo ang iyong mga responsabilidad sa iyong mga magulang, iyon lang. Iyon ang ibig sabihin ng pagkakaroon ng paggalang sa magulang. Mayroong konteksto kapag nagsasalita ang Diyos tungkol sa “paggalang sa mga magulang.” Kailangan mo lang tumupad ng ilang responsabilidad na maisasakatuparan sa saklaw ng lahat ng uri ng kondisyon, iyon lang. Pagdating naman sa kung malubhang magkakasakit o mamamatay ang iyong mga magulang, ikaw ba ang makapagpapasya sa mga bagay na ito? Kung kumusta ang buhay nila, kung kailan sila mamamatay, kung anong sakit ang papatay sa kanila, o kung paano sila mamamatay—may anumang kinalaman ba sa iyo ang mga bagay na ito? (Wala.) Walang kinalaman sa iyo ang mga ito. Sinasabi ng ilang tao: “Dapat kong tuparin ang aking mga responsabilidad nang sa gayon ay maigalang ko ang aking mga magulang. Dapat kong tiyaking hindi sila magkakasakit, lalo na ang magkaroon ng kanser o kung anong uri ng malalang sakit. Dapat kong tiyaking mabubuhay sila hanggang 100 taong gulang. Saka ko lang tunay na matutupad ang mga responsabilidad ko sa kanila.” Hindi ba’t mga katawa-tawa ang mga taong ito? Malinaw na imahinasyon ito ng tao, at talagang hindi ito hinihingi ng Diyos. Hindi mo nga alam kung magagawa mong mabuhay hanggang 100 taong gulang, subalit hinihingi mong mabuhay ang iyong mga magulang hanggang sa ganoong edad—isa iyong pangarap ng hangal! Kapag nagsasalita ang Diyos tungkol sa “paggalang sa mga magulang,” hinihingi lang Niya na tuparin mo ang iyong mga responsabilidad na napapailalim sa saklaw ng normal na pagkatao. Basta’t hindi mo minamaltrato ang iyong mga magulang o hindi ka gumagawa ng anumang sumasalungat sa iyong konsiyensiya at moralidad, sapat na iyon. Hindi ba’t naaayon ito sa mga salita ng Diyos? (Naaayon nga.) Siyempre pa, kababanggit lang din natin ng sitwasyon kung saan hinahadlangan ng iyong mga magulang ang iyong pananalig sa Diyos, ang kanilang kalikasang diwa ay sa mga walang pananampalataya at hindi mananampalataya, o sa masasamang tao at mga diyablo pa nga, at iba ang kanilang landas sa landas mo. Sa madaling salita, talagang ibang uri sila ng tao kaysa sa iyo, at bagamat nakatira kayo sa iisang bahay sa loob ng maraming taon, iba lang talaga ang kanilang mga hinahangad o karakter kaysa sa iyo, at lalong iba ang kanilang mga kagustuhan o inaasam kaysa sa iyo. Nananalig ka sa Diyos, at hindi talaga sila nananalig sa Diyos, at nilalabanan pa nga nila ang Diyos. Ano ang dapat gawin sa mga sitwasyong ito? (Itakwil sila.) Hindi sinabi sa iyo ng Diyos na itakwil o isumpa mo sila sa mga sitwasyong ito. Hindi iyan sinabi ng Diyos. May bisa pa rin ang hinihingi ng Diyos na “igalang ang mga magulang.” Nangangahulugan ito na habang nakatira ka sa iyong mga magulang, dapat mo pa ring itaguyod ang hinihinging ito na igalang ang iyong mga magulang. Walang taliwasan sa usaping ito, hindi ba? (Wala nga.) Wala talagang taliwasan dito. Sa madaling salita, kapag nagawa mong makauwi para bumisita, maaari mo silang ipagluto ng pagkain o gawan sila ng ilang dumpling, at kung posible, maaari mo silang bilhan ng ilang produktong pangkalusugan, at lubos silang malulugod sa iyo. Kung magsasalita ka tungkol sa iyong pananampalataya, at hindi nila ito tatanggapin o paniniwalaan, at berbal ka pa nga nilang aabusuhin, hindi mo kailangang ipangaral ang ebanghelyo sa kanila. Kung posible para sa iyong makita sila, magsagawa sa ganitong paraan; kung hindi, ganoon lang talaga dapat iyon, at pangangasiwa ito ng Diyos, at dapat kang magmadaling dumistansya sa kanila at iwasan sila. Ano ang prinsipyo para dito? Kung hindi nananalig sa Diyos ang mga magulang mo, at magkaiba ang inyong wika o mga paghahangad at mithiin, at iba ang landas na tinatahak nila sa landas na tinatahak mo, at hinahadlangan at inuusig pa nga nila ang iyong pananalig sa Diyos, maaari mo silang tukuyin, kilatisin ang kanilang diwa, at itakwil sila. Siyempre pa, kung berbal nilang aabusuhin ang Diyos o mumurahin ka, maaari mo silang murahin sa iyong puso. Kung gayon, ano ang tinutukoy ng sinasabi ng Diyos na “paggalang sa mga magulang”? Paano mo ito dapat isagawa? Ibig sabihin, kung maaari mong tuparin ang iyong mga responsabilidad, tuparin mo ang mga ito nang kaunti, at kung hindi ka magkakaroon ng pagkakataong iyon, o kung naging napakatindi na ng tensyon sa iyong mga pakikisalamuha sa kanila, at may alitan na sa pagitan ninyo, at umabot ka na sa punto kung kailan hindi na ninyo kayang makita ang isa’t isa, dapat kang magmadaling ilayo ang sarili mo sa kanila. Kapag nagsasalita ang Diyos tungkol sa paggalang sa mga ganitong uri ng mga magulang, ibig Niyang sabihin ay dapat mong tuparin ang iyong mga responsabilidad bilang anak mula sa perspektiba ng iyong posisyon bilang anak nila, at gawin ang mga bagay na nararapat na gawin ng isang anak. Hindi mo dapat maltratuhin ang iyong mga magulang, o hindi ka dapat makipagtalo sa kanila, hindi mo sila dapat saktan o sigawan, hindi mo sila dapat abusuhin, at dapat mong tuparin ang iyong mga responsabilidad sa kanila sa abot ng makakaya mo. Ito ang mga bagay na nararapat isakatuparan sa saklaw ng pagkatao; ito ang mga prinsipyo na dapat isagawa ng isang tao kaugnay ng “paggalang sa mga magulang.” Hindi ba’t madaling isakatuparan ang mga ito? Hindi mo kailangang harapin ang iyong mga magulang nang may mainit na ulo, na sinasabing, “Kayong mga diyablo at walang pananampalataya, isinusumpa kayo ng Diyos tungo sa lawa ng apoy at asupre at sa napakalalim na hukay, ipadadala Niya kayo sa ikalabingwalong antas ng impiyerno!” Hindi iyon kinakailangan, hindi mo kailangang maging ganito katindi. Kung pahihintulutan ng mga pangyayari, at kung hinihingi ng sitwasyon, maaari mong tuparin ang iyong mga responsabilidad bilang anak sa iyong mga magulang. Kung hindi ito kinakailangan, o kung hindi ito pinahihintulutan ng mga pangyayari at hindi ito posible, maaari mong iwaksi ang obligasyong ito. Ang kailangan mo lang gawin ay tuparin ang iyong mga responsabilidad bilang anak kapag nakikipagkita ka sa iyong mga magulang at nakikisalamuha ka sa kanila. Kapag nagawa mo iyon, nakumpleto mo na ang iyong gawain. Ano ang tingin mo sa prinsipyong ito? (Maganda ito.) Dapat ay mayroong mga prinsipyo sa kung paano mo tatratuhin ang lahat ng tao, kabilang ang iyong mga magulang. Hindi ka maaaring kumilos nang pabigla-bigla, at hindi mo maaaring berbal na abusuhin ang iyong mga magulang dahil lang inuusig nila ang iyong pananalig sa Diyos. Napakaraming tao sa mundo ang hindi nananalig sa Diyos, napakaraming hindi mananampalataya, at napakaraming taong iniinsulto ang Diyos—mumurahin at sisigawan mo ba silang lahat? Kung hindi, hindi mo rin dapat sigawan ang iyong mga magulang. Kung sisigawan mo ang iyong mga magulang ngunit hindi ang iba pang taong iyon, namumuhay ka sa gitna ng init ng ulo, at hindi ito gusto ng Diyos. Huwag mong isiping malulugod ang Diyos sa iyo kung berbal mong aabusuhin at mumurahin ang iyong mga magulang nang walang mabuting layon, na sinasabing sila ay mga diyablo, nabubuhay na Satanas, at kampon ni Satanas, at isinusumpa silang mapunta sa impiyerno—hindi talaga iyan ang kaso. Hindi ka magiging katanggap-tanggap sa Diyos o hindi Niya sasabihing mayroon kang pagkatao dahil sa huwad na pagpapakitang ito ng pagiging aktibo. Sa halip, sasabihin ng Diyos na ang iyong mga kilos ay may kasamang mga emosyon at init ng ulo. Hindi magugustuhan ng Diyos ang pagkilos mo sa ganitong paraan, masyado itong matindi, at hindi ito naaayon sa Kanyang kalooban. Mayroon dapat mga prinsipyo sa kung paano mo tatratuhin ang lahat ng tao, kabilang ang iyong mga magulang; nananalig man sila sa Diyos o hindi, at masasamang tao man sila o hindi, dapat mo silang tratuhin nang may mga prinsipyo. Sinabi ng Diyos sa tao ang prinsipyong ito: Tungkol ito sa pagtrato sa iba nang patas—nagkataon lang na may karagdagang antas ng responsabilidad ang mga tao sa kanilang mga magulang. Ang kailangan mo lang gawin ay tuparin ang responsabilidad na ito. Mananampalataya man o hindi ang iyong mga magulang, hinahangad man nila o hindi ang kanilang pananalig, umaayon man o hindi ang kanilang pananaw sa buhay at pagkatao sa iyong pananaw sa buhay at pagkatao, kailangan mo lang tuparin ang iyong responsabilidad sa kanila. Hindi mo sila kailangang iwasan—hayaan mo lang na natural na mangyari ang lahat, nang ayon sa mga pangangasiwa at pagsasaayos ng Diyos. Kung hahadlangan nila ang iyong pananalig sa Diyos, dapat mo pa ring tuparin ang iyong mga responsabilidad bilang anak sa abot ng makakaya mo, upang kahit papaano ay hindi makaramdam ang iyong konsiyensiya na may utang na loob ka sa kanila. Kung hindi ka nila hahadlangan, at susuportahan nila ang iyong pananalig sa Diyos, dapat ka ring magsagawa nang ayon sa mga prinsipyo, na tinatrato sila nang maayos kapag naaangkop na gawin ito. Bilang buod, anuman ang mangyari, hindi nagbabago ang mga hinihingi ng Diyos sa tao, at hindi maaaring magbago ang mga katotohanang prinsipyo na dapat isagawa ng mga tao. Sa mga usaping ito, kailangan mo lang itaguyod ang mga prinsipyo, at tuparin ang mga responsabilidad na magagawa mong tuparin.

Tatalakayin Ko na ngayon kung bakit nagsulong ang Diyos ng kinakailangan patungkol sa pag-uugali ng tao na tulad ng “igalang ang mga magulang.” Ang iba pang hinihingi ng Diyos ay pawang mga alituntunin sa pag-uugali na may kinalaman sa indibidwal na pag-asal ng bawat tao, kaya bakit naglatag ang Diyos ng ibang uri ng hinihingi patungkol sa usapin ng paggalang ng anak sa magulang? Sabihin mo sa Akin: Kung ang isang tao ay hindi man lang magawang igalang ang kanyang sariling mga magulang, ano ang lagay ng kanyang kalikasang diwa? (Masama.) Nagdusa nang husto ang kanyang mga magulang upang ipanganak siya at palakihin siya, at tiyak na hindi naging madali ang pagpapalaki sa kanya—at sa totoo lang, hindi nila inaasahang magdadala sa kanila ng lubos na kaligayahan at pagkakuntento ang kanilang anak, umaasa lang sila na kapag lumaki na ang kanilang anak, mamumuhay siya ng masayang buhay, at hindi nila kakailanganing masyadong mag-alala sa kanya. Ngunit hindi nagpupursigi o nagsisikap ang kanilang anak, at hindi siya namumuhay nang maayos—umaasa pa rin siya sa kanyang mga magulang para alagaan siya, at naging linta siya, na hindi lang hindi iginagalang ang kanyang mga magulang, kundi gusto pa niyang apihin at takutin ang kanyang mga magulang paalis sa kanilang ari-arian. Kung kaya niyang magsagawa ng ganito kasamang pag-uugali, anong uri siya ng tao? (Isang taong hindi mabuti ang pagkatao.) Hindi niya tinutupad ang anuman sa kanyang mga responsibilidad sa mga taong nagsilang at nagpalaki sa kanya, at hindi man lang siya nakokonsiyensiya tungkol dito—kung titingnan mo siya mula sa perspektibang ito, mayroon ba siyang konsiyensiya? (Wala.) Sasaktan at berbal na aabusuhin niya ang kahit sino, pati na ang mga magulang niya. Tinatrato niya ang kanyang mga magulang na gaya ng pagtrato niya sa iba pang tao—sinasaktan sila at berbal silang inaabuso kapag gusto niya. Kapag hindi siya masaya, ibinubunton niya ang galit niya sa kanyang mga magulang, nagbabasag ng mga mangkok at plato, at tinatakot sila. Nagtataglay ba ng katwiran ang taong tulad nito? (Hindi.) Kung ang isang tao ay hindi nagtataglay ng konsiyensiya o katwiran, at kayang kaswal na abusuhin kahit pa ang sarili niyang mga magulang, isa ba siyang tao? (Hindi.) Ano siya kung gayon? (Isang hayop.) Isa siyang hayop. Tumpak ba ang pahayag na ito? (Tumpak ito.) Sa katunayan, kung tumutupad ang isang tao ng ilan sa kanyang mga responsabilidad sa kanyang mga magulang, at inaalagaan sila, at lubos silang minamahal—hindi ba’t ito ang mga bagay na nararapat lang na taglayin ng mga taong may normal na pagkatao? (Ganoon nga.) Kung mamaltratuhin at aabusuhin ng isang tao ang kanyang mga magulang, matatanggap ba ito ng kanyang konsiyensiya? Kaya ba ng isang normal na tao na gumawa ng ganoon? Hindi ito kayang gawin ng mga taong nagtataglay ng konsiyensiya at katwiran—Kung magagalit sa kanila ang kanilang mga magulang, magiging miserable ang pakiramdam nila sa loob ng ilang araw. May ilang taong mainitin ang ulo, at maaaring magalit sila sa kanilang mga magulang sa isang sandali ng desperasyon, ngunit pagkatapos nilang magalit, uusigin sila ng kanilang konsiyensiya, at kahit pa hindi sila humingi ng tawad, hindi na nila ito gagawin ulit. Isa itong bagay na dapat taglayin ng mga taong may normal na pagkatao, at isa itong pagpapakita ng normal na pagkatao. Ang mga taong hindi nagtataglay ng pagkatao ay kayang abusuhin ang kanilang mga magulang sa anumang paraan nang walang nararamdamang kahit ano, at iyon ang ginagawa nila. Kung sinaktan sila nang isang beses ng kanilang mga magulang noong bata pa sila, buong buhay nila itong maaalala, at kapag lumaki na sila, nanaisin pa rin nilang saktan ang kanilang mga magulang at gantihan sila. Karamihan ng mga tao ay hindi gaganti ng pananakit kapag sinaktan sila ng kanilang mga magulang noong bata pa sila; may ilang taong nasa trenta na ang edad ay hindi gaganti ng pananakit kapag sinaktan sila ng kanilang mga magulang, at hindi sila magsasalita tungkol dito, kahit na masakit ito. Ito ang dapat taglayin ng mga taong may normal na pagkatao. Bakit hindi sila magsasalita tungkol dito? Kung ibang tao ang mananakit sa kanila, papayagan ba nila iyon at hahayaan ang taong saktan sila? (Hindi.) Kung ibang tao iyon, maging sinuman siya, hindi nila hahayaan ang taong iyon na saktan sila—ni hindi nila siya hahayaang sumambit ng isang salita ng berbal na pang-aabuso sa kanila. Kaya bakit hindi sila gumaganti ng pananakit o nagagalit paano man sila saktan ng mga magulang nila? Bakit nila ito tinitiis? Hindi ba ito dahil may konsiyensiya at katwiran sa kanilang pagkatao? Iniisip nila sa kanilang sarili: “Pinalaki ako ng mga magulang ko. Kahit na hindi tamang saktan nila ako, dapat ko itong tiisin. Isa pa, ako ang dahilan kaya nagalit sila, kaya nararapat lang na saktan ako. Ginagawa lang nila ito dahil sinuway at ginalit ko sila. Nararapat lang na saktan ako! Hinding-hindi ko na ito gagawin ulit.” Hindi ba’t ito ang katwiran na dapat taglayin ng mga taong may normal na pagkatao? (Ito nga.) Ang katwirang ito ng normal na pagkatao ang nagtutulot sa kanilang tiisin ang ganitong pagtrato sa kanila ng mga magulang nila. Ito ang normal na pagkatao. Kung gayon, taglay ba ng mga taong hindi kayang tiisin ang ganitong uri ng pagtrato, na gumaganti ng pananakit sa kanilang mga magulang, ang pagkataong ito? (Hindi nila ito taglay.) Tama iyan, hindi nila ito taglay. Ang mga taong hindi nagtataglay ng konsiyensiya at katwiran ng normal na pagkatao ay kaya pa ngang manakit at berbal na mang-abuso ng sarili nilang mga magulang, kaya paano nila magagawang tratuhin ang Diyos at ang kanilang mga kapatid sa iglesia? Kaya nilang tratuhin nang ganito ang mga taong nagsilang at nagpalaki sa kanila, kaya hindi ba’t lalo silang mawawalan ng malasakit sa ibang taong hindi nila kadugo? (Ganoon nga.) Paano nila tatratuhin ang Diyos, na hindi nila nakikita o nahahawakan? Magagawa ba nilang tratuhin ang Diyos, na hindi nila nakikita, nang may konsiyensiya at katwiran? Magagawa ba nilang magpasakop sa lahat ng sitwasyong pinangangasiwaan ng Diyos? (Hindi.) Kung iwawasto at tatabasan sila ng Diyos, o hahatulan at kakastiguhin sila, lalabanan ba nila Siya? (Oo.) Pag-isipan ito: Ano ang silbi ng konsiyensiya at katwiran ng isang tao? Sa isang partikular na antas, kayang pigilan at kontrolin ng konsiyensiya at katwiran ng isang tao ang kanyang pag-uugali—binibigyang-kakayahan siya ng mga ito na magkaroon ng tamang saloobin at makagawa ng mga tamang pagpili kapag may mga nangyayari sa kanya, at maharap ang lahat ng nangyayari sa kanya gamit ang kanyang konsiyensiya at katwiran. Madalas, ang pagkilos batay sa konsiyensiya at katwiran ay magtutulot sa mga taong makaiwas sa matinding kasawiang-palad. Siyempre pa, ang mga taong naghahangad sa katotohanan ay nagagawang piliing tahakin ang landas ng paghahangad sa katotohanan batay sa pundasyong ito, na pumapasok sa katotohanang realidad, at nagpapasakop sa mga pangangasiwa at pagsasaayos ng Diyos. Ang mga taong hindi naghahangad sa katotohanan ay walang pagkatao, at hindi nila taglay ang ganitong uri ng konsiyensiya at katwiran—kalunos-lunos ang mga kahihinatnan nito. Kaya nilang gawin ang kahit ano sa Diyos—katulad na lang ng naging pagtrato ng mga Pariseo sa Panginoong Jesus, kaya nilang insultuhin ang Diyos, gantihan ang Diyos, lapastanganin ang Diyos, o akusahan at ipagkanulo pa nga ang Diyos. Napakaseryoso ng problemang ito—hindi ba’t magdudulot ito ng problema? Ang mga taong walang katwiran ng pagkatao ay madalas na gumaganti sa iba sa pamamagitan ng kanilang init ng ulo; hindi sila napipigilan ng katwiran ng pagkatao, kaya madali para sa kanilang magkaroon ng ilang matitinding kaisipan at pananaw, at pagkatapos ay gumawa ng ilang matitinding pag-uugali, at kumilos sa maraming paraan na walang konsiyensiya at katwiran, at sa huli, ganap nang hindi makontrol ang mga kinahihinatnan nito. Halos natapos na Akong magbahagi tungkol sa “paggalang sa mga magulang” at sa pagsasagawa sa katotohanan—sa huli ang pinakamahalagang punto ay pagkatao. Bakit nagsulong ang Diyos ng hinihinging tulad ng “igalang ang mga magulang”? Dahil nauugnay ito sa asal ng tao. Sa isang banda, ginagamit ng Diyos ang hinihinging ito upang kontrolin ang pag-uugali ng tao, at kasabay nito, sinusubok at tinutukoy Niya ang pagkatao ng mga tao sa pamamagitan nito. Kung hindi tinatrato ng isang tao ang kanyang sariling mga magulang nang may konsiyensiya at katwiran, tiyak na wala siyang pagkatao. Sinasabi ng ilang tao: “Paano kung walang mabuting pagkatao ang kanyang mga magulang, at hindi nila ganap na natupad ang kanilang mga responsabilidad sa kanilang anak—dapat pa rin ba silang pakitaan ng taong iyon ng paggalang sa magulang?” Kung nagtataglay siya ng konsiyensiya at katwiran, bilang anak na babae o anak na lalaki, hindi niya aabusuhin ang kanyang mga magulang. Ang mga taong nang-aabuso ng kanilang mga magulang ay talagang hindi nagtataglay ng konsiyensiya at katwiran. Kaya, anumang hinihingi ng Diyos, nauugnay man ito sa saloobin ng mga tao kapag tinatrato nila ang kanilang mga magulang, o sa pagkatao na karaniwang isinasabuhay at inilalantad ng mga tao, ano’t anuman, dahil inilatag ng Diyos ang mga pamamaraang ito na nauugnay sa mga panlabas na pag-uugali, tiyak na mayroon Siyang sarili Niyang mga dahilan at layon para sa paggawa nito. Bagamat malayo-layo pa rin sa katotohanan ang mga hinihinging ito ng Diyos para sa pag-uugali, mga pamantayan pa rin ang mga ito na itinakda ng Diyos upang kontrolin ang pag-uugali ng tao. Makabuluhan ang lahat ng ito at may bisa pa rin ang mga ito sa kasalukuyan.

Katatapos Ko lang magbahagi tungkol sa iba’t ibang koneksyon at kaibahan sa pagitan ng mga pamantayan sa pag-uugali na isinulong ng Diyos para sa tao at mga katotohanang hinihingi Niya. Sa puntong ito, hindi ba’t halos natapos na natin ang pagbabahaginan sa mabubuting pag-uugaling bahagi ng mga bagay na pinaniniwalaan ng mga tao na tama at mabuti sa kanilang mga kuru-kuro? Pagkatapos wakasan ang ating pagbabahaginan tungkol dito, pinag-usapan natin ang ilang pamantayan at kasabihang isinulong ng Diyos upang kontrolin ang pag-uugali ng tao at ang isinasabuhay ng tao, at naglista tayo ng ilang halimbawa, gaya ng: huwag manakit o berbal na mang-abuso ng iba, igalang ang mga magulang, huwag manigarilyo o uminom, huwag magnakaw, huwag manamantala ng iba, huwag magbigay ng huwad na patotoo, huwag sumamba sa mga diyos-diyosan, at iba pa. Siyempre pa, mga pangunahing bagay lang ito, at napakarami pang detalyeng hindi natin tatalakayin. Pagkatapos magbahaginan tungkol sa mga bagay na ito, anong mga katotohanan ang dapat na nakamit ninyo? Anong mga prinsipyo ang dapat ninyong isagawa? Ano ang dapat ninyong gawin? Kailangan ba ninyong ipagpitagan ang matatanda at alagaan ang mga bata? Kailangan ba ninyong maging magalang na tao? Kailangan ba ninyong maging magiliw at madaling lapitan? Kailangan ba ng mga babaeng maging malumanay at pino o may pinag-aralan at matino? Kailangan ba ng mga lalaking maging mga dakila, ambisyoso, at matagumpay na lalaki? Hindi nila kailangang maging ganoon. Siyempre pa, napakarami nating ginawang pagbabahaginan. Ang mga bagay na ito na itinataguyod ng tradisyonal na kultura ay malinaw na ginagamit ni Satanas upang linlangin ang mga tao. Lubos na nakalilinlang ang mga bagay na ito, at nakapanlalansi ng mga tao ang mga bagay na ito. Dapat ninyong suriin ang inyong sarili at tingnan kung kinikimkim pa rin ninyo ang anuman sa mga kaisipan at pananaw o pag-uugali at pagpapamalas na ito. Kung oo, dapat kayong magmadaling hanapin ang katotohanan upang lutasin ang mga ito, at pagkatapos ay dapat ninyong tanggapin ang katotohanan, at mamuhay ayon sa mga salita ng Diyos. Sa ganoong paraan, makakamit ninyo ang pagsang-ayon ng Diyos. Dapat ninyong pagnilayan kung kumusta ang inyong panloob na kalagayan noong namumuhay kayo ayon sa tradisyonal na kultura, at kung ano ang pakiramdam ninyo sa kaibuturan ng inyong puso, kung ano ang nakamit mo, at kung ano ang kinalabasan, at pagkatapos ay tingnan kung ano ang pakiramdam na umasal nang ayon sa mga pamantayang hiningi ng Diyos sa tao, tulad ng pagiging matimpiin, pagtataglay ng banal na kawastuhan ng asal, hindi pananakit o berbal na pang-aabuso sa iba, at iba pa. Tingnan kung alin sa mga paraang ito ng pamumuhay ang nagtutulot sa iyo na mamuhay nang mas madali, mas malaya, mas matatag, at mas payapa, at nagbibigay-kakayahan sa iyong mamuhay nang may higit na pagkatao, at kung alin ang nagpaparamdam na para bang namumuhay ka sa ilalim ng isang huwad na maskara, at ginagawang napakahuwad at napakamiserable ng iyong buhay. Tingnan kung alin sa mga paraang ito ng pamumuhay ang nagtutulot sa iyong mamuhay nang papalapit nang papalapit sa mga hinihingi ng Diyos, at ginagawang mas lalong normal ang iyong ugnayan sa Diyos. Kapag talagang naranasan mo ito, malalaman mo. Ang pagsasagawa sa mga salita ng Diyos at sa katotohanan ang tanging makapagdadala sa iyo ng paghulagpos at paglaya, at magtutulot sa iyong makamit ang pagsang-ayon ng Diyos. Halimbawa, sabihin nang upang hikayatin ang ibang tao na sabihing ipinagpipitagan mo ang matatanda at inaalagaan mo ang mga bata, na sumusunod ka sa mga tuntunin, at na isa kang mabuting tao, sa tuwing may nakatatagpo kang mas matandang kapatid, tinatawag mo siyang “nakatatandang kapatid,” hindi ka kailanman naglalakas-loob na tawagin siya sa pangalan niya, at masyado kang nahihiyang tawagin siya sa pangalan niya, at iniisip mo na magiging lubos na walang galang kung gagawin iyon. Nakatago sa iyong puso ang tradisyonal na kuru-kurong ito ng pagpipitagan sa matatanda at pangangalaga sa mga bata, kaya kapag may nakikita kang matanda, umaakto kang napakamalumanay at napakabait, at para bang lubos kang sumusunod sa tuntunin at sibilisado, malayong-malayo sa normal. Tinatrato mo ang mga nakatatanda nang may paggalang—kapag mas matanda ang taong nasa harap mo, mas nagkukunwari kang maayos ang asal mo. Mabuting bagay ba ang ganitong pagiging maayos ang asal? Pamumuhay ito nang walang paninindigan at walang dignidad. Kapag ang mga taong tulad nito ay nakakakita ng isang bata, umaakto silang nakatutuwa at mapaglaro, na parang isang bata. Kapag nakakakita sila ng isa sa kanilang mga kaedaran, tumatayo sila nang matuwid, at umaaktong nasa hustong gulang, upang hindi maglalakas-loob ang iba na hindi sila igalang. Anong uri sila ng tao? Hindi ba sila mga taong maraming mukha? Napakabilis nilang magbago, hindi ba? Kapag nakakakita sila ng matanda, tinatawag nila siyang “nakatatandang lolo” o “nakatatandang lola.” Kapag nakakakita sila ng isang taong medyo mas matanda sa kanila, tinatawag nila siyang “tiyo,” “tiya,” “kuya,” o “ate.” Kapag nakakakita sila ng isang taong mas bata sa kanila, tinatawag nila siyang “nakababatang kapatid.” Binibigyan nila ang mga tao ng iba’t ibang titulo at palayaw ayon sa edad ng mga ito, at ginagamit nila ang mga paraan ng pagtawag na ito nang napakaeksakto at napakatumpak. Nag-ugat na ang mga bagay na ito sa kanilang kaloob-looban, at nagagawa nilang napakadaling gamitin ang mga ito. Lalo na pagkatapos nilang manalig sa Diyos, mas lalo silang nakumbinsi na: “Ngayon ay mananampalataya na ako sa Diyos, dapat akong maging masunurin sa tuntunin at sibilisado; dapat akong maging may pinag-aralan at matino. Hindi ako maaaring lumabag sa mga tuntunin o magrebelde tulad ng mga hindi nananalig at sakit sa ulong kabataan—hindi iyon magugustuhan ng mga tao. Kung gusto kong magustuhan ako ng lahat, kailangan kong ipagpitagan ang matatanda at alagaan ang mga bata.” Kaya, mas mahigpit nilang kinokontrol ang kanilang pag-uugali, pinagbubukod-bukod ang mga taong mula sa iba’t ibang edad sa iba’t ibang antas, binibigyan ang mga ito ng mga titulo at palayaw, at pagkatapos ay palagi nila itong isinasagawa sa kanilang pang-araw-araw na buhay, at pagkatapos ay mas lalo nilang iniisip na: “Tingnan ninyo ako, talagang nagbago ako matapos kong manalig sa Diyos. Ako ay may pinag-aralan, matino, at magalang, ipinagpipitagan ko ang matatanda at inaalagaan ang mga bata, at magiliw ako. Namumuhay talaga ako nang may wangis ng tao. Alam ko kung paano tawagin ang bawat tao sa wastong titulo nila, kahit ilang taon man sila. Hindi ko kailangan ang mga magulang ko na ituro ito sa akin, at hindi ko kailangan ang mga tao sa paligid ko na sabihin sa aking gawin ko ito, alam ko lang kung paano ito gawin.” Pagkatapos isagawa ang mabubuting pag-uugaling ito, iniisip nila na talagang mayroon silang pagkatao, na talagang sumusunod sila sa tuntunin, at na tiyak na gusto ito ng Diyos—hindi ba’t dinadaya nila ang kanilang sarili at ang ibang tao? Mula ngayon, dapat mong talikuran ang mga bagay na ito. Dati, ikinuwento Ko ang kuwento nina Daming at Xiaoming—nauugnay ang kuwentong iyon sa pagpipitagan sa matatanda at pangangalaga sa mga bata, hindi ba? (Ganoon nga.) Kapag nakakakita ang ilang tao ng isang matanda, iniisip nilang hindi sapat na kagandahang-loob ang pagtawag sa kanya na “nakatatandang kapatid,” at hindi nito maipapaisip sa mga tao na sapat ang pagiging sibilisado nila, kaya tinatawag nila siyang “nakatatandang lolo” o “nakatatandang tiya.” Tila binigyan mo siya ng sapat na respeto, at saan nagmumula ang iyong respeto sa kanya? Hindi ka mukhang isang taong rumerespeto sa iba. Mayroon kang nakatatakot at mabangis, marahas, at mapagmataas na anyo, at mas mapagmataas ka sa iyong mga kilos kaysa sa iba pang tao. Hindi mo lang hindi hinahanap ang mga katotohanang prinsipyo, hindi mo rin kinokonsulta ang sinupaman; sarili mo lang ang sinusunod mo, at wala kang kahit katiting na pagkatao. Tinitingnan mo kung sino ang may katayuan, at pagkatapos ay tinatawag mo silang “nakatatandang tiyo” o “nakatatandang tiya,” na umaasang matatanggap ang papuri ng mga tao para dito—kapaki-pakinabang ba ang pagkukunwari nang ganito? Magkakaroon ka ba ng pagkatao at mga moralidad kung magkukunwari ka nang ganito? Sa kabaligtaran, kapag nakita ng ibang tao na gawin mo ito, mas lalo silang masusuklam sa iyo. Kapag may mga nangyayari na sangkot ang mga interes ng sambahayan ng Diyos, walang dudang kaya mong ipagkanulo ang mga interes ng sambahayan ng Diyos. Nabubuhay ka lang upang bigyang-kasiyahan ang iyong sarili, at habang nagtataglay ng ganitong uri ng pagkatao, tinatawag mo pa rin ang mga tao na “nakatatandang tiya”—hindi ba’t pagpapanggap ito? (Pagpapanggap nga.) Magaling ka talagang magkunwari! Sabihin mo sa Akin, hindi ba’t kasuklam-suklam ang mga ganitong tao? (Kasuklam-suklam nga.) Ang mga ganitong tao ay palaging ipinagkakanulo ang mga interes ng sambahayan ng Diyos—hindi man lang nila pinoprotektahan ang mga ito. Kinakagat nila ang kamay na nagpapakain sa kanila, at hindi sila karapat-dapat mamuhay sa sambahayan ng Diyos. Suriin ang iyong sarili, at tingnan kung anong mga kaisipan, pananaw, saloobin, diskarte, at paraan ng pagtrato sa mga tao ang kinikimkim mo pa rin na mga bagay na karaniwang kinikilala ng sangkatauhan na mabubuting pag-uugali, pero sa katunayan, mga bagay ito na mismong kinamumuhian ng Diyos. Dapat kayong magmadaling bitiwan ang mga walang silbing bagay na ito, at hinding-hindi kayo dapat kumapit sa mga ito. Sinasabi ng ilang tao: “Anong mali sa pagkilos nang ganoon?” Kung kikilos ka nang ganoon, masusuklam Ako sa iyo at mamumuhi Ako sa iyo, hinding-hindi ka dapat kumilos nang ganoon. Sinasabi ng ilang tao: “Hindi mahalaga kung nasusuklam Ka sa amin, hindi naman kami naninirahan na kasama Mo.” Hindi ka pa rin dapat kumilos nang ganoon, kahit na hindi tayo naninirahan nang magkasama. Masusuklam Ako sa iyo dahil hindi mo nagagawang tanggapin o isagawa ang katotohanan, na nangangahulugang hindi ka maililigtas. Samakatuwid, mas makabubuting talikuran mo ang mga bagay na iyon sa lalong madaling panahon. Huwag kang magpanggap at huwag kang mamuhay sa likod ng huwad na maskara. Sa palagay Ko ay napakanormal ng mga taga-Kanluran sa bagay na ito. Halimbawa, sa Amerika, kailangan mo lang tawagin ang mga tao sa pangalan nila. Hindi mo kailangang asiwang tawagin ang taong ito ng “lolo” at ang taong iyon ng “lola,” at hindi mo kailangang mag-alala na huhusgahan ka ng mga tao—maaari mong tawagin lang ang mga tao sa kanilang pangalan, sa isang marangal na paraan, at kapag narinig ng mga tao na gawin mo ito, matutuwa sila nang husto, kapwa mga nasa hustong gulang at bata, at iisipin nilang nagiging magalang ka. Sa kabaligtaran, kung alam mo ang pangalan nila, at tatawagin mo pa rin silang “sir” o “tiya,” hindi sila matutuwa, at magiging malamig sila sa iyo, at magiging napakakakatwa nito para sa iyo. Iba ang kulturang Kanluranin sa tradisyonal na kulturang Tsino. Naindoktrinahan at naimpluwensiyahan na ng tradisyonal na kultura ang mga Tsino, at palagi nilang gustong tumayo sa mataas na posisyon, na maging nakatatanda sa grupo, at himukin ang ibang tao na igalang sila. Hindi sapat sa kanilang matawag na “lolo” o “lola,” gusto nilang idagdag ng mga tao ang “nakatatanda” sa unahan niyon, at tawagin silang “nakatatandang lolo,” “nakatatandang lola,” o “nakatatandang tiyo.” Pagkatapos ay mayroon ding “big auntie” o “big uncle”—kung hindi sila tinatawag na “nakatatanda,” gusto nilang matawag na “big.” Hindi ba’t kasuklam-suklam ang mga ganitong tao? Anong uri ng disposisyon ito? Hindi ba’t nakaririmarim ito? Napakakasuklam-suklam nito! Bukod sa walang kakayahan ang mga ganitong uri ng mga tao na makamit ang paggalang ng iba, kinamumuhian at hinahamak pa sila ng ibang tao, at dumidistansya sa kanila at itinatakwil sila ng mga ito. Kaya, may dahilan kung bakit inilalantad ng Diyos ang mga aspetong ito ng tradisyonal na kultura at kung bakit kinapopootan Niya ang mga bagay na ito. Ito ay dahil naglalaman ang mga bagay na ito ng mga panlilinlang at disposisyon ni Satanas, at maaaring maapektuhan ng mga ito ang mga pamamaraan at direksyon ng pag-asal ng isang tao. Siyempre, maaari ding maapektuhan ng mga ito ang perspektibang ginagamit ng isang tao para tingnan ang mga tao at bagay, at kasabay nito, binubulag din ng mga ito ang mga tao, at naaapektuhan ng mga ito ang abilidad nilang pumili ng tamang landas. Kaya hindi ba’t dapat talikuran ng mga tao ang mga bagay na ito? (Dapat nga nilang talikuran ang mga ito.)

Napakalalim nang naimpluwensiyahan ng tradisyonal na kultura ang mga Tsino. Siyempre, may sariling tradisyonal na kultura ang bawat bansa sa mundo, at may maliliit na pagkakaiba lang ang mga tradisyonal na kulturang ito. Bagamat ang ilan sa mga kasabihan ng mga ito ay iba sa mga kasabihan ng tradisyonal na kulturang Tsino, pareho ang kalikasan ng mga ito. Umiiral ang lahat ng kasabihang ito dahil may mga tiwaling disposisyon at walang normal na pagkatao ang mga tao, kaya gumagamit sila ng ilang napakamapanlinlang na pag-uugali, na mukhang mabuti sa panlabas, na umaayon sa mga kuru-kuro at imahinasyon ng tao, na madali para sa mga tao na isakatuparan, na ipresenta ang kanilang sarili, para magmukha silang lubos na maginoo, marangal, at kagalang-galang, at para magmukha silang may dignidad at integridad. Ngunit ang mga aspetong ito ng tradisyonal na kultura ang mismong nagpapalabo sa mga mata ng mga tao at nakakalinlang sa kanila, at ang mga bagay na ito ang mismong humahadlang sa mga tao na isabuhay ang tunay na wangis ng tao. Ang mas malala pa, ginagamit ni Satanas ang mga bagay na ito upang gawing tiwali ang pagkatao ng mga tao, at akayin sila palayo sa tamang landas. Hindi ba’t ganoon iyon? (Ganoon nga.) Sinasabi ng Diyos sa mga tao na huwag magnakaw, huwag makiapid, at iba pa, samantalang sinasabi ni Satanas sa mga tao na dapat silang maging may pinag-aralan at matino, malumanay at pino, magalang, at iba pa—hindi ba’t ang mga ito ang mismong kabaligtaran ng mga hinihingi ng Diyos? Hindi ba’t sadyang salungat ang mga ito sa mga hinihingi ng Diyos? Tinuturuan ni Satanas ang mga tao kung paano gumamit ng mga panlabas na paraan at pag-uugali, at kung ano ang isasabuhay nila upang linlangin ang ibang tao. Ano ang itinuturo ng Diyos sa mga tao? Na hindi sila dapat gumamit ng mga panlabas na pag-uugali para huwad na matamo ang tiwala ng ibang tao, at sa halip ay dapat silang umasal batay sa Kanyang mga salita at sa katotohanan. Sa ganoong paraan, magiging karapat-dapat sila sa tiwala at kumpiyansa ng ibang tao—tanging ang mga taong gaya nito ang may pagkatao. Hindi ba’t may pagkakaiba rito? May napakalaking pagkakaiba. Sinasabi ng Diyos sa iyo kung paano umasal, samantalang sinasabi ni Satanas sa iyo kung paano magpanggap at paano linlangin ang ibang tao—hindi ba’t malaking pagkakaiba iyon? Nauunawaan mo na ba kung ano ang dapat piliin ng mga tao sa huli? Alin sa mga ito ang tamang landas? (Ang mga salita ng Diyos.) Tama iyan, ang mga salita ng Diyos ang tamang landas sa buhay. Anumang uri ng kinakailangan ang isulong ng mga salita ng Diyos tungkol sa pag-uugali ng tao, tuntunin man ito, utos, o batas na sinabi ng Diyos sa tao, walang pagdududang tama ang lahat ng ito, at dapat sumunod sa mga ito ang mga tao. Ito ay dahil ang mga salita ng Diyos ay palaging tamang landas at mga positibong bagay, samantalang ang mga salita ni Satanas ay nililinlang at ginagawang tiwali ang mga tao, naglalaman ang mga ito ng mga pakana ni Satanas, at hindi tamang landas ang mga ito, gaano man umaayon ang mga ito sa mga kagustuhan o kuru-kuro at imahinasyon ng mga tao. Nauunawaan mo ba ito? (Oo.) Ano ang nararamdaman ninyo matapos marinig ang nilalaman ng pagbabahaginan ngayong araw? Nauugnay ba ito sa katotohanan? (Nauugnay nga.) Nauunawaan ba ninyo dati ang aspetong ito ng katotohanan? (Hindi malinaw.) Malinaw na ba ninyong nauunawaan ito ngayon? (Higit kaysa dati.) Bilang buod, magiging kapaki-pakinabang sa mga tao kalaunan ang pagkaunawa sa mga katotohanang ito. Magiging bentahe ito para sa kanilang paghahangad sa katotohanan sa hinaharap, sa kanilang pagsasabuhay sa pagkatao, at sa mithiin at direksyon ng kanilang hinahangad sa buhay.

Pebrero 26, 2022

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.