Ano ang Katotohanang Realidad? (Ikatlong Bahagi)

Ano ang unang priyoridad pagdating sa paghahangad at pagkakamit sa katotohanan ngayon? Ito ay ang suriin muna ang mga mapanlihis na maling paniniwala at kasabihang dati ninyong inakalang tama at na nabibilang sa mga tradisyonal na kuru-kuro, at ang iwaksi ang mga iyon sa sandaling lubusan na ninyong maunawaan ang diwa ng mga iyon. Ang mga bagay na ito ang unang hanay ng mga tanikalang gumagapos sa mga tao. Ngayon, ilan sa mga bagay na ito ang isinasapuso pa ninyo? Ganap na ba ninyong naiwaksi ang mga ito? (Hindi pa.) Madali bang iwaksi ang mga bagay na ito? Halimbawa, may ilang taong gustong gampanan ang kanilang mga tungkulin ngunit pakiramdam din nila ay dapat nilang igalang ang kanilang mga magulang, na may kaakibat na mga damdamin. Kung patuloy mo lang na pupungusan ang iyong mga damdamin, sasabihin sa sarili mong huwag isipin ang mga magulang at pamilya mo, at isipin lang ang Diyos at tumuon sa katotohanan, ngunit hindi mo pa rin mapigilang isipin ang iyong mga magulang, hindi nito malulutas ang pundamental na problema. Upang malutas ang problemang ito, kailangan mong suriin ang mga bagay na inakala mong tama, pati na ang mga kasabihan, kaalaman, at teoryang minana mo at na naaayon sa mga kuru-kuro ng tao. Dagdag pa rito, kapag nakikitungo sa iyong mga magulang, tinutupad mo man ang iyong mga obligasyon bilang isang anak na alagaan sila, dapat ay ganap itong nakabatay sa iyong mga personal na kalagayan at sa mga pamamatnugot ng Diyos. Hindi ba’t lubos nitong naipaliliwanag ang usapin? Kapag iniiwanan ng ilang tao ang kanilang mga magulang, pakiramdam nila ay malaki ang utang na loob nila sa kanilang mga magulang at na wala silang ginagawa para sa mga ito. Ngunit kapag kasama naman nila ito sa bahay, hindi talaga sila mabubuting anak sa kanilang mga magulang, at hindi nila tinutupad ang alinman sa kanilang mga obligasyon. Isa ba itong tunay na mabuting anak? Pagsasabi ito ng mga walang kabuluhang salita. Anuman ang gawin, isipin, o planuhin mo, hindi mahalaga ang mga bagay na iyon. Ang mahalaga ay kung kaya mong unawain at tunay na paniwalaan na ang lahat ng nilikha ay nasa mga kamay ng Diyos. Taglay ng ilang magulang ang pagpapala at tadhanang makapagtamasa ng kaligayahan sa tahanan at ng saya ng isang malaki at masaganang pamilya. Kataas-taasang kapangyarihan ito ng Diyos, at isa itong pagpapalang ibinibigay ng Diyos sa kanila. May ilang magulang na walang ganitong kapalaran; hindi ito isinaayos ng Diyos para sa kanila. Hindi sila pinagpalang matamasa ang pagkakaroon ng isang masayang pamilya, o matamasa ang pananatili ng kanilang mga anak sa piling nila. Pamamatnugot ito ng Diyos at hindi ito maipipilit ng mga tao. Anuman ang mangyari, sa huli, pagdating sa pagiging mabuting anak, kahit papaano ay dapat na magkaroon ang mga tao ng mentalidad ng pagpapasakop. Kung pinahihintulutan ng kapaligiran at may paraan ka upang gawin ito, maaari mong pakitaan ng pagiging mabuting anak ang iyong mga magulang. Kung hindi pinahihintulutan ng kapaligiran at wala kang paraan, huwag mong subukang ipilit ito—ano ang tawag dito? (Pagpapasakop.) Pagpapasakop ang tawag dito. Paano ba nagkakaroon ng ganitong pagpapasakop? Ano ba ang batayan ng pagpapasakop? Ito ay nakabatay sa lahat ng bagay na ito na isinasaayos ng Diyos at pinamamahalaan ng Diyos. Bagama’t maaaring naisin ng mga taong pumili, hindi nila magagawa iyon, wala silang karapatang pumili, at dapat silang magpasakop. Kapag nararamdaman mong dapat magpasakop ang mga tao at na ang lahat ng bagay ay pinamamatnugutan ng Diyos, hindi ba’t mas nagiging kalmado ang iyong puso? (Oo.) Kung gayon ay makararamdam pa rin ba ng pang-uusig ang iyong konsensiya? Hindi na ito palaging makararamdam ng pang-uusig, at hindi na mangingibabaw sa iyo ang ideya ng hindi pagiging mabuting anak sa iyong mga magulang. Paminsan-minsan, maaari mo pa rin itong maisip dahil ang mga ito ay normal na kaisipan o likas na damdaming nakapaloob sa pagkatao, at walang sinumang makaiiwas sa mga ito. Halimbawa, kapag nakita nilang may sakit ang nanay nila, ang mga normal na tao ay nababagabag at nagnanais na sila na lang sana ang magdusa sa halip na ang kanilang ina. Sinasabi ng ilang tao, “Kung puwede lang sanang gumaling ang nanay ko, kahit na ang kapalit nito ay iikli ang buhay ko nang ilang taon!” Ito ang positibong aspekto ng pagkatao; likas na damdamin ito ng tao. Kaya, kapag nakikita mong may sakit ang nanay mo at nababagabag ka, problema ba ang kalungkutang ito? Hindi ito problema, dahil isa itong bagay na dapat taglayin ng normal na pagkatao. Ang pagkabagabag ng iyong puso ay isang mabuting bagay; pinatutunayan nitong may puso ka at na may pagkatao ka. Sa mundong ito, ang nanay mo ang taong isinaayos ng Diyos na maging pinakamalapit sa iyo. Kung may sakit at nahihirapan siya, at wala kang pakialam, tao ka pa ba? Kung sasabihin mo, “Wala akong pakialam sa kanya at wala akong pakialam sa paghihirap niya, nasasaktan lang ako kapag nasasaktan ang Diyos!” Totoo ba ang pahayag na ito? Hindi ito totoo; mali ito. Ang nanay mo ang nagsilang sa iyo, pinalaki ka niya sa loob ng mahabang panahon, siya ang taong pinakamalapit sa iyo, at siya ang pinakanagmamahal sa iyo. Kapag siya ay nagkakasakit at nasasaktan, kung hindi nababagabag ang puso mo, malamang na napakatigas ng puso mo! Hindi ito normal; huwag mong sikaping maging ganitong uri ng tao. Normal na normal lang na mabagabag tungkol dito, ngunit kung titigil ka sa pagganap sa iyong tungkulin dahil sa pagkabagabag na ito at magrereklamo ka tungkol sa Diyos, normal ba ito? (Hindi ito normal.) Bakit hindi ito normal? Dahil ang iyong pag-iisip ay hindi naaayon sa katotohanan at hindi ito ang dapat na taglayin ng normal na pagkatao, hindi ito normal. Taglay ng mga tao ang kalikasan ni Satanas, namumuhay sila ayon sa kanilang mga tiwaling disposisyon, kaya’t kaya nilang labagin ang katotohanan at mawalan ng konsensiya at katwiran, katulad ng biglang pagkakaroon ng sakit sa pag-iisip. Hindi ito normal, kaya paano ito nangyayari? Ito ay dulot ng mga tiwaling disposisyon ng mga tao. Sa sandaling mahayag ang kanilang mga tiwaling disposisyon, kaya na nilang labanan ang Diyos kahit kailan at kahit saan, at kaya nilang makabuo ng ilang kaisipan na hindi naaayon sa katotohanan at na naghihimagsik laban sa Diyos kapag naisipan nila kahit kailan at kahit saan. Ganoon iyon.

Ang lahat ng tiwaling tao ay may mga damdamin at madalas silang napipigilan ng mga ito, na nagdudulot sa kanilang hindi makapagpasakop sa Diyos o makakilos alinsunod sa mga katotohanang prinsipyo. Upang magkaroon ng pagpapasakop sa Diyos, dapat na lutasin ng isang tao ang usapin ng mga damdamin. Aling uri ng mga damdamin ang pinakanakahahadlang sa mga tao na maisagawa ang katotohanan at ang dapat na maiwaksi? Aling uri ng mga damdamin ang bahagi ng dapat na taglayin ng normal na pagkatao at hindi naman isang problema? Aling uri ng mga damdamin ang nabibilang sa tiwaling disposisyon? Dapat ay malinaw na makilatis ang mga bagay na ito. Halimbawa, sabihin nang naapi ang iyong anak, at bilang kanyang nanay, poprotektahan mo siya at hahanapin ang pamilyang nang-api sa iyong anak upang paliwanagan sila—normal ba ito? Anak mo iyon, kaya angkop at normal na protektahan mo siya. Ngunit kung mang-aapi ang iyong anak ng ibang bata, kung mang-aapi pa siya ng mababait na bata, at nakikita mo ito ngunit wala kang pakialam, at naniniwala kang nakatutuwa ang anak mo, at palihim mo pa siyang tinuturuang manakit ng ibang tao, at kapag pinupuntahan ka ng ibang tao upang paliwanagan ka, pinagtatanggol mo pa rin ang iyong anak, tama ba ang pag-uugaling ito? Hindi ito tama. Ano ang problema sa pag-uugaling ito? Ito ay nauudyukan ng mga damdamin. Bakit Ko sinasabing nauudyukan ito ng mga damdamin? Iniisip mong hindi katanggap-tanggap na apihin ng ibang tao ang anak mo, at kung medyo magdurusa ang anak mo, agad kang kikilos upang lutasin ang problema at hihingi ka ng paliwanag, kaya bakit bulag ka sa pang-aapi ng anak mo sa mga anak ng ibang tao? Hinihikayat mo pa ang anak mong manakit ng iba, hindi ba’t mapaminsala iyon? Ang mga taong gumagawa nito ay may mapaminsalang disposisyon. Paano ito maipaliliwanag sa usapin ng mga damdamin? Ano ang nagbibigay-katangian sa mga damdamin? Tiyak na hindi ang anumang positibo. Ito ay nakatuon sa mga pisikal na relasyon at nagbibigay-kasiyahan sa mga kagustuhan ng laman. Paboritismo, pagtatanggol sa mga kakulangan ng iba, pagkagiliw, pagpapalayaw, at pagpapakasasa ay lahat nasa ilalim ng mga damdamin. Ang ilang tao ay masyadong nagtitiwala sa mga damdamin, tumutugon sila sa anumang nangyayari sa kanila batay sa kanilang mga damdamin; sa kanilang puso, alam na alam nilang mali ito, gayunpaman ay hindi pa rin nila magawang maging obhetibo, lalo na ang kumilos ayon sa prinsipyo. Kapag palaging napipigilan ng mga damdamin ang mga tao, kaya ba nilang isagawa ang katotohanan? Napakahirap nito! Ang kawalan ng kakayahan ng maraming tao na isagawa ang katotohanan ay pangunahing bunga ng mga damdamin; itinuturing nila ang mga damdamin bilang napakahalaga, inuuna nila ang mga ito. Mga tao ba sila na nagmamahal sa katotohanan? Tiyak na hindi. Ano ang mga damdamin, sa diwa? Ang mga ito ay uri ng tiwaling disposisyon. Ang mga pagpapamalas ng mga damdamin ay mailalarawan gamit ang ilang salita: paboritismo, pagprotekta sa iba nang walang prinsipyo, pagpapanatili ng mga pisikal na relasyon, at pagkiling; ito ang mga damdamin. Ano ang mga posibleng kahihinatnan ng pagkakaroon ng mga tao ng mga damdamin at pamumuhay ayon sa mga ito? Bakit pinakakinasusuklaman ng Diyos ang mga damdamin ng mga tao? Ang ilan ay palaging napipigilan ng kanilang mga damdamin, hindi nila maisagawa ang katotohanan, at bagamat nais nilang magpasakop sa Diyos, hindi nila magawa, kaya pakiramdam nila ay pinahihirapan sila ng kanilang mga damdamin. Maraming tao ang nakakaunawa sa katotohanan ngunit hindi ito maisagawa; ito rin ay dahil napipigilan sila ng mga damdamin. Halimbawa, nililisan ng ilang tao ang kanilang tahanan upang gampanan ang kanilang mga tungkulin, ngunit araw-gabi nilang iniisip ang kanilang pamilya, at hindi nila magampanan nang maayos ang kanilang mga tungkulin. Hindi ba’t problema ito? Ang ilang tao ay may lihim na nagugustuhang tao, at ang taong iyon lang ang may puwang sa kanilang puso, na nakaaapekto sa pagganap nila sa kanilang mga tungkulin. Hindi ba’t problema ito? Hinahangaan at iniidolo ng ilang tao ang iba; wala silang ibang pinakikinggan kundi ang taong iyon, hanggang sa puntong ni hindi na sila nakikinig sa sinasabi ng Diyos. Kahit na may ibang taong nagbabahagi ng katotohanan sa kanila, ayaw nila itong tanggapin; ang mga salita lang ng taong iyon ang pinakikinggan nila, ang mga salita ng idolo nila. Ang ilang tao ay may iniidolo sa kanilang puso, at hindi nila pinahihintulutan ang ibang taong magsalita tungkol sa kanilang idolo o banggain ito. Kung may magsasalita tungkol sa mga problema sa idolo nila, nagagalit sila at kinakailangan nilang ipagtanggol ang kanilang idolo at baligtarin ang mga salita ng taong iyon. Hindi nila hinahayaang dumanas ang kanilang idolo ng kawalang-katarungan nang hindi nila naipagtatanggol at ginagawa nila ang lahat ng makakaya nila upang protektahan ang reputasyon ng idolo nila; gamit ang kanilang mga salita, ang mga kamalian ng kanilang idolo ay nagiging tama, at hindi nila hinahayaan ang mga taong magsabi ng totoo o ilantad ang kanilang idolo. Hindi ito katarungan; mga damdamin ang tawag dito. Nakapatungkol lang ba ang mga damdamin sa pamilya ng isang tao? (Hindi.) Napakalawak ng saklaw ng mga damdamin; ang mga iyon ay isang uri ng tiwaling disposisyon, ang mga iyon ay hindi lamang tungkol sa mga ugnayan ng laman ng mga miyembro ng pamilya, hindi limitado sa ganoong saklaw ang mga iyon. Maaari ding magkaroon ng kinalaman ang mga iyon sa nakatataas sa iyo, o sa isang taong pumabor o tumulong sa iyo, o sa isang taong pinakamalapit sa iyo o kasundo mo, o sa kababayan o kaibigan mo, o maging sa isang taong hinahangaan mo—paiba-iba ito. Kung gayon, ang pagwawaksi ba ng mga damdamin ay kasing simple lang ng hindi pag-iisip sa iyong mga magulang o pamilya? (Hindi.) Napakadali bang magwaksi ng mga damdamin? Karamihan sa mga tao, kapag trenta anyos na sila at kaya na nilang mamuhay nang nagsasarili, hindi na sila masyadong nangungulila sa kanilang tahanan, at kapag nasa edad kwarenta na sila, nagiging ganap na normal na ito. Kapag wala pa sa hustong gulang ang mga tao, labis silang nangungulila sa kanilang tahanan at hindi nila maiwan ang kanilang mga magulang dahil hindi pa nila taglay ang kakayahang mamuhay nang nagsasarili. Normal lang na mangulila sa iyong pamilya at mangulila sa iyong mga magulang. Hindi ito isang usapin ng mga damdamin. Kapag ang iyong saloobin at pananaw sa paggawa ng mga bagay-bagay ay nakokontamina ng mga damdamin, saka ito nagiging usapin ng mga damdamin. Dahil magkadugo kayo ng iyong mga magulang sa antas ng laman, at magkasama kayong namuhay sa loob ng napakaraming taon, normal lang na mangulila ka sa iyong mga magulang. May ilang taong nagsasabing hindi talaga sila nangungulila sa kanilang mga magulang, ngunit marahil ay kaaalis lang nila sa kanilang tahanan, at ang lahat ng nakikita nila ay kakaiba at bago, sa wakas ay natakasan na nila ang pangungulit ng kanilang mga magulang, at wala nang sumusubok na kontrolin sila, kaya masaya sila. Ngunit ibig bang sabihin ng pagiging masaya ay wala na silang mga damdamin? Hindi ganoon iyon. Sinasabi ng ilang tao, “Ilang taon na akong sumasampalataya sa Diyos, at may ilang katotohanan na akong naunawaan. Ginagampanan ko ang aking tungkulin nang hindi talaga napipigilan ng mga damdamin at wala na akong mga damdamin.” Praktikal ba ang pahayag na ito? Malinaw na mga salita ito ng isang taong hindi nakauunawa sa katotohanan. Kapag ang mga tao ay nakikinig sa maraming sermon, nakauunawa ng ilang salita at doktrina, at nakapagtatalakay ng ilang espirituwal na teorya, iniisip nila, “Lumago na ang aking tayog at marami na akong katotohanang nauunawaan. Kung maaaresto ako, hindi ako magiging isang Hudas. Kahit papaano ay taglay ko ang pananampalataya at determinasyong ito. Hindi ba’t tayog ito? Kapag inaalala ko ang kasiglahan ko noong una akong sumampalataya sa Diyos, handa ako noon na ialay ang buong buhay ko sa Diyos. Ang kasiglahan at pangakong iyon ay hindi nagbago at hindi nabawasan kahit kaunti. Hindi ba’t pag-usad ito?” Isa ba itong paimbabaw na penomena? (Oo.) Paimbabaw na penomena ang lahat ng ito. Kung nais ng mga taong magkaroon ng tunay na pag-usad, kailangan nilang maunawaan ang katotohanan. Makagagawa ba ng tunay na pagbabago ang pagkakaroon ng kakayahang magtalakay ng mga doktrina at espirituwal na teorya? (Hindi ito makagagawa ng tunay na pagbabago.) Kung ni hindi mo malutas ang sarili mong mga problema at hindi mo maisagawa ang alinman sa katotohanan, magiging kapaki-pakinabang ka ba sa iba? Walang saysay ang pakikinig lang sa mga sermon at pag-unawa sa mga doktrina; kailangan mong isagawa at maranasan ang mga salita ng Diyos. Kapag nauunawaan mo ang katotohanan, kailangan mo itong isagawa; saka ka lamang magtataglay ng realidad. Mauunawaan mo lang nang mas malalim ang katotohanan sa pamamagitan ng pagsasagawa rito, matatamo mo lang ang katotohanan kapag tunay mo na itong nauunawaan, at lalago ka lang sa pamamagitan ng pagkakamit ng katotohanan.

Ano na ang nauunawaan ninyo ngayong nagbahagi na Ako sa inyo at tinulungan kayong matukoy ang pagkakaiba sa kung ano ang katotohanan at kung ano ang mga tamang salita? (Na kailangan naming tingnan ang mga bagay batay sa mga katotohanang prinsipyo, at na hindi namin maaaring tratuhin ang mga karaniwang panlabas na mabuting pag-uugali o espirituwal na doktrina bilang ang katotohanan.) Ang mabubuting pag-uugali at mga tamang kasabihan ay hindi makababago ng isang tao. Kahit gaano pa katotoo ang mga iyon, bukod sa hindi ang katotohanan ang mga iyon, wala pang kinalaman ang mga iyon sa katotohanan. Kung palagi mong pinanghahawakan ang mga iyon at itinuturing bilang ang katotohanan, hinding-hindi mo mauunawaan ang katotohanan at hinding-hindi mo makakamit ang katotohanan. Isang aspekto ito. May isa pang aspekto, ito ay: Mabibigyang-kakayahan ba ng mga espirituwal na doktrina ang isang tao na maunawaan ang katotohanan? (Hindi.) Bakit? Bagama’t ang lahat ng espirituwal na doktrina ay maituturing na mga tamang salita, hindi magreresulta ang mga iyon sa pagbabago sa mga tiwaling disposisyon ng isang tao. Kaya, ano ba talaga ang maaasahang makababago sa mga tiwaling disposisyon ng isang tao? May ilang taong nagsasabing umasa sa katotohanan, may ilang taong nagsasabing umasa sa pag-unawa at pagtanggap sa katotohanan, at may ibang nagsasabing umasa sa pagsasagawa sa katotohanan. Tama ba ang mga salitang ito? Mula sa isang literal na perspektiba, may tamang aspekto sa lahat ng ito, ngunit ang lahat ng ito ang pinakamabababaw na doktrina; ang mga doktrinang ito ay hindi makapagliligtas sa iyo o makalulutas sa mga paghihirap mo. Kapag nahaharap ka sa isang sitwasyon at sinasabi sa iyo ng mga tao na kailangan mong tanggapin ang katotohanan, sasabihin mo, “Paano ko ito matatanggap? May mga suliranin ako, at hindi ko mabitiwan ang mga iyon!” Maaari bang maging landas mo sa pagsasagawa ng katotohanan ang mga doktrinang ito? (Hindi.) Sinasabi ng ilang tao na kapag nahaharap ka sa isang sitwasyon, dapat kang kumain at uminom ng mas marami pang salita ng Diyos. Maraming beses mo na itong narinig, ngunit alin sa mga paghihirap mo ang nalutas nito? Tama na kumain at uminom ng mas maraming salita ng Diyos, ngunit aling aspekto ng mga salita ng Diyos ang dapat mong kainin at inumin? Paano mo dapat iugnay ang mga iyon sa iyong mga paghihirap? Pagkatapos mong iugnay ang mga iyon sa iyong mga paghihirap, paano mo lulutasin ang mga iyon? Ano ang landas ng pagsasagawa? Aling aspekto ng katotohanan ang dapat mong gamitin upang lutasin ang iyong mga paghihirap? Hindi ba’t mga tunay na problema ang mga ito? (Oo.) Ang mga ito ang mga tunay na problema. Samakatuwid, hindi malulutas ng mga tamang doktrina ang mga praktikal na paghihirap ng mga tao, lalong hindi malulutas ng mga ito ang mga tiwaling disposisyon ng mga tao. Ano ba talaga ang makalulutas sa mga tiwaling disposisyon ng mga tao? Alam naman ng lahat na tanging ang katotohanan ang makalulutas sa problema ng mga tiwaling disposisyon ng mga tao, ngunit kung hindi nauunawaan ng mga tao kung ano ang katotohanan, o kung hindi nila hinahanap o tinatanggap ang katotohanan, malulutas ba ang mga tiwaling disposisyon nila? (Hindi.) Samakatuwid, upang malutas ang mga tiwaling disposisyon ng isang tao, kailangan niyang danasin ang gawain ng Diyos. Ibig sabihin, madadalisay lang ang mga tiwaling disposisyon ng isang tao sa pamamagitan ng pagdanas sa paghatol at pagkastigo ng Diyos. Hinihingi nito sa mga tao na maghangad sa katotohanan at makiisa sa gawain ng Diyos upang magkamit ng mga resulta. Kung hindi mo hinahangad ang katotohanan at tutuon ka lang sa pag-unawa sa mga espirituwal na doktrina, nang ni hindi nalalaman kung ang mga iyon ang katotohanan o hindi, ngunit tinatanggap ang mga iyon bilang ang katotohanan, malulutas ba nito ang mga tiwaling disposisyon mo? Dagdag pa rito, kung hindi mo nauunawaan ang katotohanan, kapag nagpapakita ka ng tiwaling disposisyon, makikilatis mo ba ito? Maihahambing mo ba ito sa mga salita ng Diyos? Isandaang porsiyento ang katiyakan na hindi mo ito magagawa. Maaaring pikit-mata kang gumamit ng mga regulasyon, na lalo namang hindi makalulutas ng mga tiwaling disposisyon mo. Ano ang pinakamahalagang bagay sa paglutas sa mga tiwaling disposisyon? Ang pinakamahalagang bagay ay dapat maunawaan ng mga tao ang katotohanan. Sa ngayon, itinuturing ng karamihan ang mga doktrina bilang ang katotohanan at hindi nila nauunawaan kung ano ang katotohanan. Katulad ng halimbawa ng mga damdamin na Aking binanggit, ang unang paraan ng nanay ay ang protektahan ang kanyang anak sa pang-aapi, na makatwiran naman. Sa inyong pananaw, “Mga damdamin ito, hindi mo pwedeng gawin iyon. Dapat na punahin at kondenahin ang ganitong pag-uugali.” Tinutukoy ninyong mga bagay na lumalabag sa katotohanan ang mga bagay na walang kinalaman sa katotohanan, na walang kaugnayan sa katotohanan, at, sa katunayan ay ang ilang bagay na dapat na likas na gawin ng mga tao, at pagkatapos ay tinatanggihan ninyo ang mga bagay na iyon. Iniisip ninyong ang pagsunod sa prinsipyong ito ay pagsasagawa sa katotohanan. At tungkol naman sa pangalawang paraan ng pangungunsinti ng nanay sa pang-aapi ng kanyang anak sa mga anak ng ibang tao, kapag talagang may kinalaman ito sa pagpapakita ng isang tiwaling disposisyon at pagsasagawa sa katotohanan, iniisip mo, “Basta’t hindi ito paggawa ng kasamaan, hindi ito ganoon kalaking problema.” Bakit may mga ganoon kang kaisipan at pagkaunawa? (Dahil hindi namin nauunawaan ang katotohanan.) Narito ang problema! Kaya, dahil hindi nila nauunawaan ang katotohanan, kadalasan ay pinipili ng mga tao ang isang pamamaraang sa tingin nila ay tama, at inaakala nilang isinasagawa nila ang katotohanan. Sa maraming pagkakataon, dahil hindi nila nauunawaan ang katotohanan, magagamit at masusunod lang ng mga tao ang mga regulasyon, at kapag nahaharap sa mga usapin, hindi nila alam kung paano pangangasiwaan ang mga ito, kaya itinuturing nila ang pagsunod sa mga regulasyon bilang pagsasagawa sa katotohanan. Magkakamit ba ng pag-usad sa buhay ang mga taong sumasampalataya sa Diyos nang ganito? Magkakamit ba sila ng pagkaunawa sa katotohanan at makapapasok ba sila sa realidad? Maraming taong naniniwalang ang kakayahang magtalakay ng mga salita at doktrina ay pag-unawa sa katotohanan at pagiging angkop na mananampalataya ng Diyos. Kung gayon, bakit nagpapakita pa rin sila ng mga tiwaling disposisyon sa maraming usapin? Bakit hindi nila malutas ang mga praktikal na problemang kanilang hinaharap? Pinatutunayan nitong ang kakayahang magtalakay ng mga salita at doktrina ay hindi talaga pag-unawa sa katotohanan. Kahit gaano pa karaming doktrina ang kaya mong talakayin, hindi nito pinatutunayang nagkamit ka na ng katotohanan. Dapat ay magawa mong lutasin ang mga praktikal na problema at hanapin ang mga prinsipyo ng pagsasagawa, iyon lang ang tunay na pag-unawa sa katotohanan. Maraming taong nag-iisip na basta’t kaya nilang gampanan ang kanilang mga tungkulin, magdusa, at magbayad ng halaga, kahit ano pang mga tiwaling disposisyon ang kanilang ihayag, hindi ito malaking problema. Iniisip nilang basta’t ginagampanan nila ang kanilang mga tungkulin, basta’t kaya nilang magdusa, at hindi magreklamo tungkol sa Diyos, ibig sabihin ay minamahal na nila ang Diyos at nagpapakita na sila ng katapatan. Maraming pagkakataon kung saan, dahil hindi nauunawaan ng mga tao ang katotohanan, nagpapakita sila ng ilang mabuting layunin, ngunit sa katunayan ay nagagambala at nagugulo nila ang gawain ng iglesia, subalit iniisip nilang iniingatan nila ang mga interes ng Diyos at ng sambahayan ng Diyos. Ano ba ang nangyayari? Nangyayari ito dahil hindi nauunawaan ng mga tao ang katotohanan at wala silang praktikal na kaalaman tungkol sa katotohanan, na nagdudulot sa kanilang palaging gumawa ng mga bagay na taliwas sa katotohanan. Samantala, inaakala nila na ginagawa nila ang tama, na naisagawa nila ang katotohanan, at na natupad nila ang mga layunin ng Diyos. Ito ang pinakamalaking suliranin nila. Bagama’t isa itong suliranin, palaging may paraan upang lutasin ito. Ang tanging paraan ay na sa tuwing nahaharap ka sa problema at nagpapakita ka ng tiwaling disposisyon, dapat mong pagnilayan ang iyong sarili at hanapin ang katotohanan upang maunawaan ito. Hangga’t may mga tiwaling disposisyon sa kalooban mo, maraming uri ng kalagayan ang lilitaw sa iyo. Kapag namumuhay ang mga tao sa iba’t ibang kapaligiran at kalagayan, maghahayag sila ng ilang kaisipan, pananaw, at layunin—ang mga ito ang mga totoo nilang panloob na kalagayan. Sa pamamagitan ng pagmamasid sa mga kaisipan, pananaw, at layunin ng mga tao, makikita mo ang kanilang mga disposisyon at malalaman kung ano ang kanilang mga kalikasan. Sa pamamagitan ng pagninilay sa iyong sarili at pagkilatis sa iba sa ganitong paraan, madaling makakakuha ng mga resulta. Sa pamamagitan ng pagtuklas sa sarili mong mga tiwaling disposisyon at lubos na pag-unawa sa diwa ng mga iyon ay saka ka lang lubos na makapagkakamit ng mga resulta sa pagkilala sa iyong sarili. Pagkatapos ay likas ka nang magkakaroon ng landas kung paano mo dapat hanapin ang katotohanan upang lutasin ang iyong mga tiwaling disposisyon. Basta’t kayang tanggapin ng mga tao ang katotohanan, maaaring madalisay ang kanilang mga tiwaling disposisyon, at madaling malulutas ang problema ng kanilang katiwalian. Kung hindi kayang tanggapin ng mga tao ang katotohanan, hinding-hindi magkakaroon ng pagbabago ang kanilang mga buhay disposisyon. Ngayon, handa na kayong lahat na hangarin ang katotohanan, kaya dapat ninyong pagtuunan ang katotohanan.

Upang malutas ang kalikasan ng mga tao, kailangan nating hukayin ang pinakaugat nito, at ang mga disposisyon ng mga tao, sa halip na ang mga paraan ng paggawa ng mga tao sa mga bagay-bagay. Hindi rin natin dapat bigyang-diin ang mga obhetibong dahilan at kondisyon, sa halip ay dapat natin itong ihambing sa katotohanan. Ang katotohanang ipinapahayag sa mga salita ng Diyos ay nakatuon sa mga tiwaling disposisyon ng mga tao. Gamitin nating halimbawa ang mga damdaming nabanggit kanina: Iniisip ng mga tao na ang paminsan-minsang pangungulila ng isang tao sa kanyang mga magulang o pangungulila sa kanyang pamilya ay mga damdamin. Pareho ba ang mga ito sa tinutukoy ng Diyos na mga damdamin? (Hindi.) Kung gayon, ang mga damdaming iyong nauunawaan ay hindi maaaring itumbas sa mga damdaming sinasabi ng Diyos. Ang mga damdaming sinasabi mo ay nabibilang sa mga normal na kalagayan ng tao, hindi nabibilang ang mga iyon sa isang tiwaling disposisyon. Kung itinuturing mong mga idolo ang iyong mga kamag-anak sa laman, at dahil dito ay hindi ka sumusunod o nagpapasakop sa Diyos, masyadong matindi ang iyong mga damdamin, at nabibilang ito sa isang tiwaling disposisyon. Samakatuwid, may kinalaman ito sa isyu ng kung dalisay ang pagkaunawa mo sa katotohanan. Kapag itinuturing mong mga damdamin ang iniisip mong pangungulila sa pamilya o pagiging medyo mas mabait sa mga magulang, hindi ba’t isa itong baluktot na pagkaunawa sa katotohanan? Sa katunayan, ang nauunawaan mo ay hindi ang katotohanan, at hindi ito naaayon sa katotohanan; isa lang itong panlabas na pangyayari. Ano ang mga damdaming sinasabi ng Diyos? Ang mga iyon ang pangalawang paraan ng pagtrato ng nanay sa kanyang anak na nabanggit kanina, na isang kalagayan ng paboritismo at walang prinsipyong pagpoprotekta sa isang tao. Ang mga ito ang mga damdaming inilalantad ng Diyos—ang pagpapakita ng nanay ng isang tiwaling disposisyon sa bagay na ito. Hindi ba’t malaki ang pagkakaiba ng dalawang paraang iyon? Ang unang paraan ay isang normal na penomeno, at hindi na ito kinakailangang pungusin, ni siyasatin, suriin, at lalong hindi na kinakailangan pang ikumpara ito sa katotohanan, o isagawa ang isang partikular na aspekto ng katotohanan o bitiwan ang isang bagay. Kung gayon, wasto ba ang pamamaraang ito? Kinakailangan bang kumilos sa ganitong paraan? Hindi ito kinakailangan; walang tama o mali sa paraang ito. May nakapaloob na disposisyon sa pangalawang paraan. Anong uri ng mga pagpapamalas ng mga damdamin ang may kinalaman sa mga tiwaling disposisyon? (Paboritismo, pagpoprotekta sa iba nang walang prinsipyo, pagpapanatili ng mga ugnayan sa laman, at kawalan ng katarungan.) Ang mga ito ang mga bagay na kumakatawan sa mga salitang “mga damdamin” na sinasabi ng Diyos. Kung kaya mong unawain ang mga ito at tunay na iugnay ang mga bagay na ito sa iyong sarili, dapat mong pagsikapang lutasin ang mga tiwaling disposisyong ito. Kapag hindi ka na napipigilan ng mga damdaming ito ay saka lang magiging pagsasagawa sa katotohanan ang lahat ng mga kilos mo. Kung gayon, ang mga kalagayang saklaw ng mga damdamin, sa pagkaunawa mo, ay ganap na tutugma sa mga salitang “mga damdamin” gaya ng sinabi ng Diyos. Ito ang katotohanan na iyong mauunawaan. Kung hihilingin sa iyong magbahagi tungkol sa kung ano ang mga damdamin, at tatalakayin mo ang tungkol sa unang naging paraan ng nanay, isa itong pagpapamalas ng hindi pagkaunawa sa katotohanan. Kung magbabahagi ka tungkol sa pangalawang paraan ng nanay at susuriin mo ang kanyang tiwaling disposisyon, nauunawaan mo ang katotohanan. Kung ang mga bagay na iyong ibinabahagi, nararanasan, at nauunawaan ay naaayon sa katotohanan ng mga salita ng Diyos, at walang mga kontradiksyon o di-pagtutugma, pinatutunayan nitong nauunawaan mo ang mga salita ng Diyos, na naiintindihan mo ang kahulugan ng mga ito, at na kaya mong isagawa at gamitin ang mga ito. Kung gayon ay natamo mo na ang katotohanan at ang buhay, at ang implikasyon nito ay na nakapasok ka na sa katotohanang realidad. Sa panahong iyon, kapag nakita mo ulit ang ganitong uri ng bagay, makikilatis mo na ito, at malalaman mo na kung anong uri ng mga pagbubunyag ang normal, at kung anong uri ng mga pagbubunyag ang mga pagbubunyag ng isang tiwaling disposisyon, at ganap na magiging malinaw sa puso mo ang tungkol dito. Sa ganitong paraan, hindi ba’t magiging tumpak ang mga kilos mo? Hindi ba’t aayon ang mga kilos mo sa katotohanan? Hindi ba’t magkakaroon ka ng katotohanang realidad? Kung kumikilos ka nang tumpak at nauunawaan mo ang katotohanan, hindi ba’t ang pagkaunawa at mga karanasang iyong ibinabahagi ay makatutulong sa iba at makalulutas sa kanilang mga paghihirap? (Oo.) Ito ang praktikal na aspekto ng katotohanan.

May ilang taong hindi maayos na gumaganap sa kanilang mga tungkulin dahil mahina ang kanilang kakayahan, ngunit palagi nilang sinasabing ito ay dahil sa wala silang konsensiya. Aling paliwanag ang tumpak? (Na mahina ang kanilang kakayahan.) Kung minsan, kapag ginagampanan ng isang tao ang isang tungkulin, maaaring naiintindihan niya ang mga pangunahing konsepto ng propesyonal na kaalamang iyon, ngunit hindi niya nauunawaan ang mas malalalim na aspekto nito, dahil kailanman ay hindi niya natutuhan ang mga iyon noon. Binabansagan siya ng kanyang lider na pabasta-basta, tuso, at tamad magtrabaho, ngunit ang totoo, sadyang wala siyang propesyonal na kaalaman, at hindi pa niya natututuhan ang mga bagay na iyon, ngunit ginagawa naman na niya ang kanyang makakaya. Subalit sinasabi ng lider niya na pabasta-basta siya—hindi ito naaayon sa mga katunayan. Walang pakundangang paggamit ito ng terminolohiya at walang pakundangang pagbabansag. Bakit ba walang pakundangang gumagamit ng terminolohiya at nagbabansag ng iba ang mga tao? Hindi ba’t ito ay dahil hindi nila nauunawaan ang katotohanan? Ang ilang tao ay tiyak na sasang-ayon, ang ilang tao ay magsasabing dahil ito sa mababa ang kakayahan niya at masyado siyang naguguluhan, at ang ibang tao naman ay magsasabing dahil ito sa masyadong masama ang kanyang pagkatao at mali ang mga layunin niya. Aling paliwanag ang tama? Ang totoo, umiiral ang tatlong kalagayang ito, at dapat na gumawa ng paghatol ayon sa partikular na kaso. Kung dulot ito ng hindi niya pagkaunawa sa katotohanan, ngunit may nagsasabing ito ay dahil sa mahina ang kakayahan niya at masyado siyang naguguluhan, hindi tumpak ang mga salitang ito. Kung malinaw na dulot ito ng kanyang masamang pagkatao at mga lihim na motibo, ngunit may nagsasabing ito ay dahil sa mahina ang kakayahan niya at masyado siyang naguguluhan, pagbabaluktot ito sa mga katunayan, at malamang na dahil dito ay makalusot ang masasamang tao. May ibang kasong dulot ng hindi pagkaunawa ng mga tao sa katotohanan, ngunit sinasabi ng iba na dulot ang mga iyon ng masamang pagkatao ng mga taong iyon. Hindi tumpak ang ganitong pagtingin sa mga bagay, at malamang na ituturing nilang masasamang tao ang mabubuting tao, na magiging masama ang mga kahihinatnan. Maraming taong hindi nakakikilatis sa mga bagay na ito at hindi lubusang nakauunawa sa diwa ng problema. Pikit-mata silang gumagamit ng mga regulasyon at bumubuo ng mga kongklusyon batay sa sarili nilang mga ideya, at pagkatapos, pakiramdam nila ay may pagkilatis na sila at na nakikita na nila nang malinaw ang mga bagay. Hindi ba’t ito ay pagmamataas at pag-aakalang mas matuwid sila kaysa sa iba? Kung masama ang pagkatao ng isang tao, at walang pakundangan niyang binabansagan at kinokondena ang mga tao batay sa sarili niyang mga lihim na motibo, ito ay ang kalikasan ng isang masamang tao. Kaunti lang ang gayong mga tao; karamihan ng mga tao ay gumagawa ng ganitong uri ng bagay dahil hindi nila nauunawaan ang katotohanan. Ang mga taong hindi nakauunawa sa katotohanan ay walang pakundangang gumagamit ng mga regulasyon at ng mga espirituwal na terminolohiya. Halimbawa, may ilang taong malinaw na may problema sa kanilang pagkatao, palagi silang naghahanap ng mga paraan upang magpakatamad at hindi sila nagsisikap habang ginagampanan ang kanilang mga tungkulin, ngunit sinasabi ng mga taong walang pagkilatis na mahinang kakayahan ito. May ilang taong malinaw na may pagpapahalaga sa katarungan, at kapag may nakikita silang bagay na lumalabag sa mga prinsipyo, isinusumbong nila ito at iniingatan nila ang mga interes ng iglesia, ngunit madalas silang nababansagang mapagmataas at nag-aakalang mas matuwid kaysa sa iba ng mga taong hindi nakauunawa sa katotohanan, at itinuturing pa nga silang masasamang tao, na talagang hindi makatarungan sa mabubuting tao. May ilang taong malinaw na mababa ang tayog, at pansamantala silang nanghihina habang napipigilan ng kanilang mga damdamin, at ilalarawan sila ng mga taong hindi nakauunawa sa katotohanan bilang mga taong masyadong matindi ang mga damdamin at walang sinserong puso para sa Diyos. Ganito ang mga taong walang taglay na katotohanan—palagi silang walang pakundangang gumagamit ng mga regulasyon nang hindi isinasaalang-alang ang pinagmulan o ang aktuwal na sitwasyon, sa una ay ganito ang sinasabi nila, at sa susunod ay iba na naman. Kaya bang gamitin ng gayong mga tao ang katotohanan upang lumutas ng mga problema? (Hindi.) Kapag sinusubukan ng mga taong hindi nakauunawa sa katotohanan na lumutas ng mga problema, hindi nila kayang magbigay ng tamang lunas. Para bang sinusubukan nilang gamutin ang isang taong masakit ang tiyan sa pamamagitan ng paggamot sa ulo nito; hindi nila mahanap ang ugat ng problema. Hindi nila nauunawaan kung nasaan ang ugat ng problema o kung ano ang sinasabi at tinutukoy ng mga salita ng Diyos. Hindi ito pagkaunawa sa katotohanan. Marami ba o kaunti ang nauunawaan ninyo sa katotohanan ngayon? (Kaunti.) Halimbawa, kung may magtatanong, “Bakit hindi ka makapagpasakop kapag nangyayari sa iyo ang bagay na ito?” Madalas sabihin ng mga tao, “Dahil hindi ko kilala ang Diyos!” Tama ba ang paliwanag na ito? Minsan ay tama ito at minsan ay mali. Kadalasan ay mali ito, at walang pakundangang pagbabansag lang ito. Nakaiintindi ang mga tao ng kaunting espirituwal na terminolohiya at pagkatapos ay walang pakundangan itong isinasagawa at ginagamit, at ang resulta, maraming nagiging problema. Ang ilan ay maling interpretasyon at ang ilan ay panghuhusga, at lumilikha ito ng mga mapaminsalang resulta, at nagdudulot pa nga ng kaguluhan. Kapag may natututuhan ang mga taong iyon na walang espirituwal na pang-unawa, walang pakundangan nila itong isinasagawa at ginagamit. Sila ang pinakamalamang na makagagawa ng mga pagkakamali at malaki ang tendensiyang makagawa ng mga pagkakamali sa prinsipyo. Samantala, ang mga taong may kakayahang makaunawa ay maaaring makagawa ng ilang pagkakamali, ngunit ang mga pagkakamaling ito ay hindi mga isyu ng prinsipyo at kaya nilang makapulot ng mga aral mula sa mga pagkakamaling iyon. Kung katawa-tawa ang pag-unawa ng mga tao, kung mali ang interpretasyon nila sa mga salita ng Diyos kapag binabasa nila ang mga iyon, kung may mga paglihis sa pagkaarok nila kapag nakikinig sila sa mga sermon, at kung may tendensiya silang maghanap ng pagkakamali at ng maipipintas, masyado itong nakayayamot. Bukod sa imposible na silang makapasok sa katotohanang realidad, sa paglipas ng panahon ay magsisimula pa silang kumilos nang walang-ingat at magdulot ng mga panggugulo sa gawain ng iglesia. Isa itong malubhang resulta.

Ngayon, dapat ninyong pag-isipan: Ang madalas ba ninyong tinatalakay na mga salita, doktrina, at espirituwal na teorya ay ang katotohanan? Nauunawaan ba ninyo ang katotohanan, o mga doktrina lang ang nauunawaan ninyo? Gaano karaming katotohanang realidad ang inyong nauunawaan? Sa sandaling maunawaan ninyo ang mga bagay na ito ay tunay kayong magkakaroon ng pagkakilala sa sarili at malalaman ninyo ang antas ng pagkaunawa ninyo. Halimbawa, marami na kayong naibahaging katotohanan na tungkol sa kung paano maging isang matapat na tao, ngunit talaga bang naunawaan na ninyo ang mga iyon? Siguro ay kaya ninyong magbahagi ng ilang salita at magtalakay ng ilang pagkaunawa, ngunit gaano karami sa mga realidad na ito ang napasok na ninyo? Matapat na tao na ba talaga kayo ngayon? Kaya ba ninyo itong talakayin nang malinaw? Sinasabi ng ilang tao, “Ang ibig sabihin ng pagiging isang matapat na tao ay hindi pagsisinungaling, pagsasabi ng anumang nasa iyong puso, hindi pagtatago ng kahit na ano, at hindi pag-iwas sa kahit na ano. Ito ang pamantayan ng pagiging isang matapat na tao.” Ano ang palagay ninyo sa pahayag na ito? Naaayon ba ito sa katotohanan? (Hindi.) Maaari kang magtalakay tungkol sa mga salita at doktrina, ngunit pagdating sa mga detalye ng pagsasagawa o ng mga partikular na problema, wala kang masabi. Hindi ito pagkaunawa sa katotohanan. Hindi nauunawaan ng mga tao ang katotohanan, ngunit palagi nilang iniisip, “Marami na akong nauunawaan, pero hindi ako ginagamit ng Diyos. Kung gagamitin ako ng Diyos, at magiging lider ako ng iglesia, masisiguro ko na mauunawaan ng bawat kapatid ang katotohanan.” Hindi ba’t napakayabang ng ganitong pananalita? Talaga bang may ganoon kang kakayahan? Matatapat na tao ba ang mga taong kayang magyabang at magmalaki? Hindi na nga nauunawaan ng mga taong ito ang katotohanan, subalit nagyayabang at nagmamalaki pa sila—hindi ba’t kaawa-awa sila? (Oo, kaawa-awa sila.) Marami na kayong pinakikinggang sermon ngayon ngunit kung kailanman ay hindi ninyo mauunawaan ang katotohanan, hindi magtatagal ay tatahakin ninyo ang landas na pareho ng sa mga Pariseo, at pagkatapos ay magiging makabagong-panahong Pariseo kayo. Hindi ba’t posible ito? (Oo.) Malaki ang posibilidad nito. Malalim na nakatanim ang mga satanikong kalikasan ng mga tao. Kung makakukuha sila ng kaunting kaalaman o edukasyon, at makapangangaral ng ilang tamang teorya at matayog na sermon, malaki ang posibilidad na magiging mga Pariseo sila. Kung ayaw ninyong maging Pariseo o matahak ang landas ng isang Pariseo, ang tanging paraan upang maiwasan ito ay pagsikapan ninyong maunawaan ang katotohanan at pumasok sa realidad, at gawing realidad ng katotohanan ang mga doktrinang inyong nauunawaan. Kung gayon, ano ang itinuturing na tunay na pagkaunawa sa katotohanan ng pagiging matapat na tao? Dapat ninyo itong pag-isipan at pagbahaginan kapag may kaunting libreng oras kayo. Ano ba talaga ang isang matapat na tao? Anu-ano ang mga pamantayang hinihingi sa mga salita ng Diyos para sa mga matapat na taong sinasabi Niya? Alin sa mga pamantayang ito na hinihingi ng Diyos ang kayang isagawa ng mga tao? Ano ba ang mga katangian ng matapat na tao na sinasabi ng Diyos? Aling aspekto ng mga tiwaling disposisyon ng mga tao ang pinagtutuunan ng isang matapat na tao? Hindi ba’t karapat-dapat na masusing siyasatin ang mga katanungang ito? Ang mga salita at katotohanang hinihingi ng Diyos na isagawa ng mga tao ay hindi patungkol sa mga paraan ng paggawa ng mga tao sa mga bagay-bagay o sa pag-uugali ng mga tao. Patungkol ang mga iyon sa mga satanikong kalikasan at disposisyon ng mga tao. Iyon ang dahilan kung bakit sinasabing ang mga salitang ito ang katotohanan. Kung ang tanging layunin ng mga iyon ay baguhin ang pag-uugali ng mga tao at turuan ang mga tao kung paano mag-isip, hindi katotohanan ang mga iyon kung gayon, magiging isang uri lang ng teorya ang mga iyon. Masasabing ang sinumang guro ay maaaring magkaroon ng kaunting impluwensiya sa mga tao at mababago nila nang kaunti ang pag-uugali ng mga tao, at sa pamamagitan ng pagsasagawa at pagbubuod sa mga itinuro, maaaring unti-unting mapangasiwaan ang pag-uugali ng mga tao. Maraming ganitong uri ng kaalaman, ngunit ang mga bagay na ito ay hindi ang katotohanan dahil hindi kayang lutasin ng mga ito ang mga tiwaling disposisyon ng mga tao, ni lutasin ang problema ng ugat ng kanilang mga kasalanan. Tanging ang mga salita ng Diyos ang makadadalisay at makalulutas sa katiwalian ng mga tao, tanging ang mga salita ng Diyos ang lubusang makalulutas sa mga satanikong kalikasan ng mga tao, at samakatuwid, tanging ang mga salita ng Diyos ang katotohanan. Ano ang tunay na kabuluhan ng katotohanan ng mga salita ng Diyos? Karapat-dapat itong pagnilayan, pag-isipan, at madalas na sama-samang pagbahaginan. Huwag na huwag ninyo itong kalilimutan: Ang mga bagay na nakapagbabago lang ng pag-uugali ng mga tao ay hindi ang katotohanan; kaalaman at mga batas lang ang mga iyon. Hindi lang pag-uugali ng mga tao ang kayang baguhin ng katotohanan, kaya rin nitong baguhin ang kanilang mga tiwaling disposisyon. Dagdag pa rito, kaya nitong baguhin ang kanilang mga ideya at kuru-kuro, at maging buhay ng isang tao. Iyon ang katotohanan. Ngayon, kakaunti lang ang mga taong nakakikita nang malinaw sa bagay na ito. Hindi kailanman natatanto ng maraming tao na ang mga bagay na iyon na kumokontrol sa pag-uugali at nagbibigay-kakayahan sa mga taong magkaroon ng mukhang maayos na buhay ay hindi ang katotohanan, at pawang kaalaman, mga doktrina, at mga satanikong pilosopiya ang mga iyon. Kapag tinatanggap ng mga tao ang mga bagay na iyon, bagama’t lalong nagiging marangal, kagalang-galang, at pino ang kanilang panlabas na pag-uugali, ang kanilang puso ay puno ng kataksilan at kabuktutan, at pasama ito nang pasama. Ang mga bagay na ito ang mga lason at teorya ni Satanas, mga bagay na ginagamit ni Satanas upang ilihis at gawing tiwali ang mga tao. Ang mga ito ay talagang hindi ang katotohanan, at hindi sa Diyos nanggagaling ang mga ito. Tanging ang mga bagay na nagbibigay-kakayahan sa mga taong maging matapat, maginhawa, at malaya, na nagbibigay-kakayahan sa kanilang makilala ang Lumikha, magkaroon ng mga pusong natatakot sa Diyos, at magpasakop sa mga pangangasiwa at pagsasaayos ng Diyos, ang katotohanan. Kahit ano pang perspektiba ang iyong tinatanggap at kahit ano pang landas ang iyong sinusundan, kung bumubuti ang iyong pag-uugali at nagiging tanyag ka, ngunit bahagya lang ang iyong may-takot-sa-Diyos na puso, at bahagya lang ang tunay na pananampalataya mo sa Diyos, at talagang hindi maganda ang ugnayan mo sa Diyos, at lalong lumalayo ang puso mo sa Diyos, ang mga bagay na pinanghahawakan mo ay hindi mga positibong bagay at ang mga iyon ay talagang hindi ang katotohanan. Kung pumipili ka ng landas o ng paraan ng pamumuhay, at tinatanggap mo ang ilang bagay, at idinudulot ng mga bagay na ito na maging totoo at matapat ka, at idinudulot na mahalin mo ang mga positibong bagay at kapootan ang mga buktot at negatibong bagay, at idinudulot sa iyo na magkaroon ka ng may-takot-sa-Diyos na puso at bukal sa loob na tanggapin ang kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos ng Lumikha, ang mga bagay na ito ang katotohanan, at talagang sa Diyos galing ang mga ito. Masusukat mo ang mga bagay ayon sa mga pamantayang ito. May ilang doktrinang kayang sabihin at sinasabi na ng mga tao nang maraming taon. Gayunpaman, pagkatapos sabihin nang maraming beses ang mga bagay na ito, hindi naman nagbago ang mga panloob na disposisyon ng mga tao, kahit bahagya ay hindi nagbago ang kanilang mga kalagayan, at ang mga pananaw, paraan ng pag-iisip, at ang pinagsimulan at mga layunin sa likod ng mga kilos nila ay hindi nagbago sa anumang paraan. Kaya dapat kayong magmadali na isuko ang mga bagay na iyon at huwag na ninyong panghawakan ang mga iyon; ang mga iyon ay talagang hindi ang katotohanan. Kapag nagsisimula pa lang ang mga taong magsagawa ng ilang salita, tila matrabaho at mahirap na gawin iyon, at hindi nila maintindihan ang mga prinsipyo. Gayunpaman, pagkatapos nilang maranasan at maisagawa ang mga iyon nang ilang panahon, nararamdaman nilang bumuti na ang mga panloob nilang kalagayan, na mas napalapit na sa Diyos ang puso nila, na mayroon silang may-takot-sa-Diyos na puso, na hindi na sila masyadong mapagmatigas o rebelde kapag may mga nangyayari sa kanila, na hindi na ganoon katindi ang mga pansarili nilang layunin at pagnanais, at na kaya na nilang magpasakop sa Diyos. Positibo ang kalagayang ito; ang mga salitang ito ang katotohanan, at ang mga ito ang tamang landas. Makikilatis ninyo ang mga bagay batay sa mga prinsipyong ito. Hindi magiging madaling bigyang-kahulugan ang katotohanan nang gamit lamang ang isang pangungusap. Kung bibigyang-kahulugan Ko ito gamit ang isang pangungusap, at mauunawaan ninyo ang katotohanan pagkarinig nito, magiging maganda iyon. Ngunit kung ituturing ninyo itong isang regulasyon at isang doktrinang dapat na sundin, magiging nakayayamot iyon—hindi iyon pagkakaroon ng espirituwal na pagkaunawa. Kaya, ibinigay Ko sa inyo ang mga prinsipyong ito, at dapat kayong gumawa ng mga paghahambing, dumanas, magsagawa, at magtamo ng kaalamang batay sa karanasan nang alinsunod sa mga prinsipyong ito. Huwag kayong basta kumilos at umasal alinsunod sa mga prinsipyong ito, dapat din ninyong tingnan ang mga tao at bagay, at suriin ang mga tao ayon sa mga prinsipyong ito. Sa pamamagitan ng pagdanas at pagsasagawa sa ganitong paraan, malalaman ninyo kung ano ang katotohanan. Kung hindi nauunawaan ng mga tao kung ano ang katotohanan, at kung hindi nila alam na ang mga salita ng Diyos ang katotohanan, matatamo ba nila ang buhay? Matatamo ba nila ang pagbabago sa buhay disposisyon? Bagama’t sa panlabas hindi masyadong mataas na mga pamantayan ang mga hinihingi ng Diyos sa mga tao sa Kanyang mga salita, at medyo simple lang ang mga iyon, kung hindi mo nauunawaan ang ipinahihiwatig na kahulugan ng katotohanan, o kung gaano karaming praktikal na paksa ang nakapaloob sa katotohanan, at nauunawaan mo lang ang katotohanan sa usapin ng mga salita at doktrina, hinding-hindi ka makapapasok sa mga katotohanang realidad na hinihingi ng Diyos na pasukin ng mga tao.

Mayo 26, 2017

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.