Ano ang Katotohanang Realidad? (Unang Bahagi)
Maraming taong sumasampalataya sa Diyos, ngunit kakaunti ang naghahangad sa katotohanan. Paano mo matutukoy kung ang isang tao ay naghahangad ng katotohanan? Paano mo masusuri kung ang isang tao ay taong naghahangad ng katotohanan? Ipagpalagay nang may isang tao na pito o walong taon nang naniniwala sa Diyos. Nakapagsasalita siya ng maraming salita at mga doktrina, ang kanyang bibig ay puno ng mga espirituwal na bokabularyo, madalas siyang tumulong sa iba, mukhang napakasigasig niya, kaya niyang talikdan ang mga bagay-bagay, at ginagampanan niya ang kanyang mga tungkulin nang sobrang sigla. Ngunit walang nakakakita na nagsasagawa siya ng maraming katotohanan, ni hindi niya kayang talakayin ang mga tunay na karanasan sa buhay pagpasok, lalong walang nakakakita ng pagbabago sa disposisyon niya sa buhay. Masasabi nang may katiyakan na ang ganitong tao ay hindi naghahangad ng katotohanan. Kung ang isang tao ay tunay na nagmamahal sa katotohanan, pagkaraan ng ilang panahon, magagawa niyang talakayin ang kanyang pagkaunawa, at magagawa niyang kumilos man lang ayon sa mga prinsipyo sa ilang bagay; magkakaroon siya ng ilang karanasan sa buhay pagpasok, at kahit paano ay magpapakita siya ng ilang pagbabago sa pag-uugali. Iyong mga naghahangad ng katotohanan ay may espirituwal na kalagayan na palaging bumubuti, unti-unting nadaragdagan ang kanilang pananampalataya sa Diyos, mayroon silang kaunting pagkaunawa sa kanilang inilalantad at sa kanilang mga tiwaling disposisyon, at mayroon silang personal na karanasan at tunay na kabatiran kung paano gumagawa ang Diyos para iligtas ang mga tao. Lahat ng bagay na ito ay unti-unting tumataas sa kanila. Kung nakikita mo ang mga pagpapamalas na ito sa isang tao, malalaman mo nang may katiyakan na siya ay isang taong naghahangad ng katotohanan. Medyo masigasig ang mga tao kapag nagsisimula pa lang silang sumampalataya sa Diyos, ngunit wala silang nalalaman tungkol sa pananampalataya sa Diyos. Iniisip nila na ang pananampalataya sa Diyos ay nangangahulugan ng pagiging isang mabuting tao at pagtahak sa tamang landas. Kalaunan, sa pamamagitan ng pagkain at pag-inom ng mga salita ng Diyos at pakikinig sa mga sermon at pagbabahaginan, nakakikilatis na sila ng iba’t ibang usapin. Napagtatanto nilang may mga tiwaling disposisyon ang mga tao at na dapat nilang hanapin ang katotohanan upang lutasin ang mga ito, at na dapat nilang tanggapin ang pagliligtas ng Diyos, at nauunawaan nila ang ibig sabihin ng pananampalataya sa Diyos. Unti-unti silang nagkakaroon ng pagkaunawa sa gawain ng Diyos at sa layunin ng Diyos na iligtas ang sangkatauhan. Unti-unti itong naiipon, at unti-unti silang tumatahak sa tamang landas ng pananampalataya sa Diyos. Unti-unting tumataas ang kanilang pagkaunawa at karanasan sa mga katotohanang realidad, at hindi na nila pinanghahawakan ang mga literal na interpretasyon o ang mga salita at mga doktrina. Kung ang isang tao ay ilang taon nang sumasampalataya sa Diyos at patuloy na bumibigkas ng mga salita at mga doktrina, madalas na nagbabanggit ng ilang salawikain tungkol sa pananampalataya sa Diyos, at mukhang medyo maayos naman ang takbo ng kanyang pananampalataya, ngunit hindi siya makapagtalakay tungkol sa karanasan sa buhay o tungkol sa pagkilala sa kanyang sarili, at hindi niya makilatis ang mga hindi mananampalataya at masasamang tao, kung umiiral ang mga problemang ito sa kanya, nangangahulugan itong hindi niya alam ang gawain ng Diyos, at matutukoy na hindi niya hinangad ang katotohanan sa ilang taong sumampalataya siya sa Diyos. Isa itong napakalinaw na tanda.
Upang masukat kung taglay ng isang lider o manggagawa ang katotohanang realidad, tingnan muna kung naglalaman ang kanyang pagbabahagi ng tunay na patotoo at bagong perspektiba. Kapag ilang taon mo nang hindi nakikita ang ilang tao, maaaring sa simula ay tila bago at sariwa ang kanilang pagbabahagi dahil nakapagsasalita sila nang may bagong perspektiba matapos makarinig ng isang sermon. Gayunpaman, pagkatapos mo silang makasama nang dalawa o tatlong araw, magsisimula na naman silang magsalita tungkol sa kaunting karanasan at patotoo mula sa kanilang nakaraan, tungkol sa kung paano sila iniligtas ng Diyos at kung paano nagkaloob ang Diyos ng biyaya at mga pagpapala sa kanila. Wala pang isang linggo, inuulit na nila ang mabababaw na karanasan at kaalamang iyon na tinalakay na nila noon. Pag-usad ba ito? Sa isang tingin pa lang ay makikita mo nang hindi ito pag-usad. Pagkatapos sumampalataya sa Diyos sa loob ng ilang taon, nasasangkapan na sila ng maraming salita at mga doktrina at kaya na nilang magsabi ng ilang bagay na tama, ngunit kapag may mga nangyayari sa kanila, nalilito pa rin sila at hindi nila kayang pangasiwaan ang mga ito. Hindi nila kayang hanapin ang mga katotohanang prinsipyo, ni kilatisin ang mga tao. Pag-usad ba ito? (Hindi.) Hindi ito pag-usad. Bagama’t ilang taon na nilang ginagampanan ang kanilang mga tungkulin, kung tatanungin mo sila kung nakamit na nila ang katapatan sa Diyos, sila mismo ay hindi ito maunawaan. Ano’t anuman, dumadating sila sa tamang oras para sa bawat pagtitipon at mukhang ginagampanan nila nang normal ang kanilang mga tungkulin. Ngunit kung tatanungin mo sila kung sumailalim na sila sa anumang tunay na pagbabago, wala silang maibibigay na malinaw na sagot. Problema ito. Ipinakikita nitong hindi nila nauunawaan ang katotohanan. Kung naunawaan nila ang katotohanan, malinaw nilang makikita ang mga problemang ito. May ilang taong nagkakaroon ng ilang resulta sa kanilang mga tungkulin, ngunit kung tatanungin mo sila kung bakit nila ginagampanan ang kanilang mga tungkulin, ang masasabi lang nila ay na dapat gampanan ng mga nilikha ang tungkulin ng mga ito, ngunit hindi malinaw sa kanila ang mga detalye. Kung tatanungin mo sila kung nagtataglay sila ng mga prinsipyo ng pagsasagawa sa pagganap ng kanilang mga tungkulin, hindi nila ito matantiya. Masasabi mo bang magagampanan nila nang maayos ang kanilang mga tungkulin? (Hindi, hindi nila maayos na magagampanan ang mga ito.) Hindi ito pag-usad. Hindi ba’t nakayayamot na walang pag-usad? Kung tatanungin mo sila kung paano nila hinaharap ang pagpupungos habang ginagampanan ang kanilang mga tungkulin, sasabihin nilang sila ay nakikinig, sumusunod, at hindi lumalaban. Ito ang prinsipyo nila ilang taon na ang nakararaan, at ito pa rin ang prinsipyo nila ngayon, at hindi ito nagbago. Ano’t anuman, ginagawa lang nila kung ano ang iniuutos sa kanila. Kung tatanungin mo sila kung nagtamo sila ng anumang pagkaunawa mula sa pagpupungos sa kanila, kung natuklasan na nila ang sarili nilang rebeldeng kalagayan at tiwaling kalikasan, o kung lalo bang lumalim ang pagkakilala nila sa sarili, hindi nila nalalaman o nauunawaan ang alinman sa mga iyon. Ano’t anuman, pinanghahawakan nila ang isang panuntunan: Kapag nahaharap sa pagpupungos, kailangan nilang sumunod, ayusin ang kanilang mentalidad, huwag lumaban o pangatwiranan ang kanilang sarili, at kailangan nilang magtiis at maamong sumunod. Ito ang pananaw nila dati, at lalo pa nila itong pinanghahawakan ngayon. Isa ba itong pagpapamalas ng pagtatamo ng katotohanan? (Hindi.) Sa proseso ng pananampalataya sa Diyos, ang mga taong ito ay hindi pumasok sa realidad ng anumang aspekto ng katotohanan, at hindi nila mahigpit na pinanghawakan ang mga prinsipyo ng anumang aspekto ng katotohanan. Kahit na sinabihan silang, “Kapag may mga nangyayari sa inyo, kailangan ninyong isagawa ang katotohanan, mahigpit na panghawakan ang mga katotohanang prinsipyo, at huwag kayong lumayo mula sa saklaw na ito,” hindi pa rin nila alam kung paano hanapin ang mga katotohanang prinsipyo kapag may mga nangyayari sa kanila, hindi sila metikuloso, at iniraraos lang nila ang mga bagay-bagay. Tila pinanghahawakan nila ang pangkalahatang direksyon, na sila ay masunurin at nakikinig, na ginagawa nila nang maayos ang kasalukuyan nilang gawain, nang hindi pabasta-basta, at na kaya nilang protektahan ang mga interes ng iglesia, ngunit nauunawaan ba nila ang mga detalye ng bawat aspekto ng katotohanan? Kaya ba nilang isagawa ang mga ito? Nakasalalay ito sa kung ang mga tao ay may tunay na kaalaman at karanasan sa bawat aspekto ng katotohanan. Hindi nila alam ang pagkakaugnay-ugnay ng bawat aspekto ng katotohanan, o kung aling mga aspekto ng katotohanan at aling kalagayan ang partikular na may kinalaman kapag may nangyayari, o kung aling disposisyon ang nagdulot sa kalagayang iyon. Kung may dalawang taong magsasabi ng parehong bagay, hindi nila alam ang mga pagkakaiba ng mga kalikasan ng dalawang taong iyon, ni kung paano tatratuhin ang mga iyon. Pagkaunawa ba ito sa katotohanan? Hindi ito pagkaunawa sa katotohanan. Kung tatlo hanggang limang taon ka nang sumasampalataya sa Diyos ngunit hindi mo alam ang praktikal na aspekto ng mga katotohanang ito, at kung walo o sampung taon ka nang sumasampalataya sa Diyos at hindi mo pa rin ito alam, kung gayon ay hindi mo natamo ang katotohanan. Ano ang wala sa inyo ngayon? Karamihan ng tao ay sumasampalataya sa Diyos na parang pinanghahawakan nila ang isang hanay ng labanan, iniisip na basta’t pinanghahawakan nila ang mga salitang “pananampalataya sa Diyos” hanggang sa pinakahuling sandali, magtatagumpay sila. Gayunpaman, hindi sila nagkukusang hanapin o tanggapin ang katotohanan; nabibigo silang gawin nang maayos ang kanilang mga tungkulin, manindigan sa kanilang patotoo, at talunin ang kaaway na si Satanas; at hindi nila natamo ang katotohanan at ang buhay. Isang malaking pagkakamali! Ganito kaawa-awa ang sumampalataya sa Diyos sa loob ng maraming taon nang walang anumang karanasan sa buhay. Kapag nasasadlak ang mga tao sa gayong kalagayan, nagpapakaabala na lang sila araw-araw sa panlabas, pinanghahawakan nila ang ilang patakaran, hindi nilalabag ang mga atas administratibo sa saklaw na ito, at tinatapos ang kasalukuyan nilang gawain. Itinuturing itong angkop sa mga mata ng tao, at kung susukatin mo ang kalagayang ito gamit ang katotohanan, hindi sila nakagawa ng malaking pagkakamali. Ano ang palagay mo sa ganitong paraan ng pananampalataya? (Hindi ito gusto ng Diyos.) Pawang doktrina lang ang sagot na ito. Mula sa sarili mong perspektiba, hindi matatamo ng ganitong uri ng pananampalataya ang katotohanan dahil kailanman ay hindi ka umuusad. Kapag, sa loob ng ilang panahon, nagtatalakay ang sambahayan ng Diyos ng mga katotohanan tungkol sa pagkilala sa Diyos, tumutuon ka sa pagkilala sa Diyos; kapag nagtatalakay ito ng tungkol sa pagbabago sa disposisyon, tumutuon ka sa pagbabago ng disposisyon; kapag nagtatalakay ito ng tungkol sa pagkilala sa Diyos na nagkatawang-tao, tumutuon ka sa pagkilala sa Diyos na nagkatawang-tao; kapag nagtatalakay ito ng tungkol sa mga pangitain ng gawain ng Diyos, tumutuon ka sa mga katotohanang may kaugnayan sa mga pangitain; kapag nagtatalakay ito ng mga katotohanang tungkol sa pagpapalaganap ng ebanghelyo, tumutuon ka sa aspektong ito ng katotohanan. Pinakikinggan at iniintindi mo ang anumang sinasabi ng sambahayan ng Diyos, kaya kapag walang nagsesermon upang magtustos sa iyo, magkakaroon ka ba ng sarili mong landas? Makauusad ka pa rin ba? Paano ka tatahak? Halimbawa, kapag nagbabahaginan ang mga tao sa mga pagtitipon tungkol sa kung ano ang pagpapasakop sa Diyos, sinasabi mo, “Wala akong masyadong malalim na karanasan dito, nararamdaman ko lang na napakahalaga ng pagpapasakop sa Diyos.” Kapag tinatanong ka ng mga tao kung paano mo isinasagawa ang pagpapasakop sa Diyos, sinasabi mong, “Ang pagpapasakop sa Diyos ay ang pag-iisip sa kung ano ang sinasabi ng Diyos kapag may mga nangyayari sa iyo, at ang pagsasagawa alinsunod sa Kanyang mga salita.” Kapag hinihiling sa iyo ng mga tao na mas magbahagi ka ng mga detalye, at tinatanong kung ano ang gagawin kung hindi ka makapagpasakop kapag may nangyayari sa iyo, o kung ano ang gagawin kapag nasasangkot ang iyong mga personal na interes, sinasabi mo, “Hindi ko pa naranasan ang mga bagay na iyon.” Ibig sabihin nito ay hindi ka pa nakapagtamo ng pagpasok. Sa loob ng ilang panahon, tinatalakay ng sambahayan ng Diyos ang mga katotohanan tungkol sa pagkilala sa Diyos. Kapag may nagtatanong sa iyo kung nakausad ka na sa iyong pagkilala sa Diyos, sinasabi mo, “Nakausad na ako. Sa palagay ko, ang pagkilala sa Diyos ang pinakamahalagang bagay sa pananampalataya sa Diyos. Kung hindi nakikilala ng mga tao ang Diyos, palagi nilang malalabag ang disposisyon ng Diyos, at kung palagi itong gagawin ng mga tao, masasadlak sila sa kadiliman, mabababaw na salita lang ang masasabi nila, at wala silang mauunawaang anumang katotohanan, magiging katulad sila ng mga walang pananampalataya—palagi silang gagawa ng mga bagay na lumalabag sa katotohanan, at palagi silang gagawa ng mga bagay na lumalaban sa Diyos.” Nagtatanong ulit ang taong iyon, “Kung gayon, paano mo nakikilala ang Diyos? Kapag nararanasan mo ang gawain, ang kataas-taasang kapangyarihan, at ang patnubay ng Diyos sa iyong pang-araw-araw na buhay, aling mga bagay ang kinikilala mo bilang pagpapatnubay sa iyo ng Diyos, at sa anong mga bagay mo malinaw na nadarama ang kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos? Paano mo nauunawaan ang kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos? Sa tunay na buhay, batay sa kung ano ang iyong namamalayan at nararamdaman, anong aspekto ng disposisyon ng Diyos ang nakikita mo sa Kanyang kataas-taasang kapangyarihan?” Kung wala kang anumang masabi, pinatutunayan nitong wala kang karanasan. Kung sasabihin mo, “May isang bagay na nararamdaman ko ang patnubay ng Diyos,” pagkakaroon lang ito ng kaunting pakiramdam, at hindi ito nangangahulugang may pagkakilala ka sa Diyos. Sa katunayan, sa tunay na buhay, ang lahat ng bagay ay pinamamahalaan, isinasaayos, at inoorden ng Diyos. Kung marami nang naranasan ang mga tao, mararamdaman nilang walang bagay na simple, at na nangyayari ang lahat ng bagay upang matuto ang mga tao ng mga aral, at makita nila ang kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos at ang Kanyang pagkamakapangyarihan sa lahat, at sa huli ay malaman nila ang disposisyon ng Diyos. Kapag nakuha mo na ang resultang ito ay saka mo lang malalaman kung paano magpasakop sa Diyos nang naaayon sa Kanyang mga layunin, pagkatapos ay ganap ka nang magkakaroon ng landas pasulong sa iyong pagsasagawa. Sa ganitong antas ng karanasan, bukod sa tumitibay nang tumitibay ang pananampalataya ng isang tao, ang pinakamahalagang bagay ay na nagkakaroon pa siya ng pagkaunawa sa disposisyon ng Diyos, at nalalaman niya kung paano magpasakop sa Diyos. Ito ang pagtatamo ng katotohanan.
May ilang taong palaging may mga paglihis sa kanilang paghahangad sa katotohanan; palagi silang tumutuon sa walang kabuluhang pananalita tungkol sa ilang espirituwal na doktrina at mga walang katuturang teorya upang makapagpasikat. Ano ang palagay ninyo sa ganitong uri ng paghahangad? Hindi mahalaga kung sa palagay ninyo ay naghahangad kayo ng katotohanan o hindi, ang pinakamahalagang tanong ngayon ay kung nagkamit kayo ng ilang praktikal na bagay, partikular na, ng praktikal na kaalaman? (May kaunti akong nakamit.) Ano ang nakamit ninyo? Masusuri ba ninyo ito? (Nagkamit ako ng kaunting pagkaunawa at kabatiran sa kung paano ginagawang tiwali ni Satanas ang mga tao, at sa masamang mundong ito.) Nagkamit na kayo ng kaunting kaalaman. Kaya, mababago ba ng kaalamang ito ang iyong direksyon sa buhay, ang iyong mithiin sa buhay, at ang iyong mga prinsipyo sa pag-asal sa iyong tunay na buhay? Sa aling grupo ng tao ka man namumuhay, maiimpluwensiyahan ba ng kaalamang ito o ng mga katotohanang iyong naunawaan ang iyong buhay at ang iyong mithiin sa buhay? Kung hindi ka ganap na mababago ng mga ito, kahit papaano ay dapat na magkaroon ng kaunting pagbabago at kaunting pagpipigil sa sinasabi at ginagawa mo. Sa ngayon, hindi ba’t karamihan sa inyo ay hindi pa rin makausad sa antas na ito pagdating sa inyong tayog? (Oo.) Nangangailangan ito ng pag-unlad. Kung masyadong mababaw ang inyong pagkaunawa sa katotohanan, wala iyong pakinabang, wala ring pakinabang ang makapagbigkas lang ng kaunting doktrina at magkaroon ng kaunting paghihigpit. Dapat mong maunawaan ang katotohanan para magkaroon ka ng landas upang isagawa ito at mabago ang iyong mithiin sa buhay. Kung ang lahat ng katotohanang iyong nauunawaan at lahat ng sermon na iyong napakinggan ay natanggap na ng iyong puso at makaiimpluwensiya sa iyong buhay, makapagbabago sa direksyon at mithiin ng iyong pag-asal, at makapagbabago sa iyong mga prinsipyo ng pag-asal, hindi ba’t medyo mas maganda ito kaysa sa mga nagiging epekto ng pagtanggap ng kaunting paghihigpit? Sa ngayon, hindi ka makausad mula sa pagtanggap ng mga paghihigpit at pagsunod sa mga regulasyon—ito ba ang landas ng aktibong pagsasagawa at pagpasok? Talagang hindi. Kung habambuhay kayong mananatiling hindi nakauusad mula sa pagtanggap ng mga paghihigpit o pagsunod sa mga regulasyon, ano ang mga magiging kahihinatnan? Makapapasok ba kayo sa katotohanang realidad? Magagawa ba ninyong sumailalim sa tunay na pagbabago? Dagdag pa rito, habang pinaghihigpitan at sumusunod sa mga regulasyon, nakakuha na ba kayo ng anumang resulta sa pagsasagawa ng katotohanan? Hindi pa talaga. Samakatuwid, ang pagtuon pa rin sa pag-unawa sa katotohanan ang pinakamahalagang bagay. Ang mapaghigpitan at ang pagsunod sa mga regulasyon ay hindi nangangahulugang nauunawaan ninyo ang katotohanan, lalong hindi na nagsasagawa kayo ng katotohanan. Ang mapaghigpitan at pagsunod sa mga regulasyon ay hindi makakamit ang epekto na pagkaunawa sa katotohanan at pagsasagawa sa katotohanan. Wala itong saysay! Samakatuwid, kahit gaano pa karaming pagdurusa ang tiisin ng isang tao mula sa paghihigpit at pagsunod sa mga regulasyon, wala itong ni katiting na halaga o kabuluhan.
Pagkatapos makinig sa mga sermon at maunawaan ang katotohanan, nakaranas na ba kayo ng anumang tunay na pagbabago? Halimbawa, ang pag-iisip na ang dati ninyong mga paghahangad sa mapanlihis na kaalaman at mga teorya, at ang inyong paghahangad sa katanyagan, pakinabang, at katayuan ay hindi pananampalataya sa Diyos, at na sa halip, nabibilang ito sa relihiyosong paniniwala, at na ang paghahangad sa katanyagan, pakinabang, at katayuan ay kasuklam-suklam, at na kung mamumuhay at aasal kayo nang ganoon, ganap kayong magiging demonyo na dapat mapunta sa impiyerno, at na masyadong masakit ang mamuhay nang ganoon. Taglay ba ninyo ang karanasan at kaalamang ito? Ano ang personal na karanasan mo? Na talagang nakapapagod ang paghahangad sa kaalaman at katanyagan, pakinabang, at katayuan! Pakiramdam mo ay masyadong maraming pagtatalo, na masyadong maraming gulo, at na nakapapagod ang buhay at masyadong mahirap mamuhay kasama ang mga walang pananampalataya. Sinasabi mo, “Hindi ko kayang mamuhay nang ganoon. Kung mamumuhay ako na tulad nila, labis akong mahihirapan na tulad nila. Kailangan kong makaalpas mula sa kanilang paraan ng pamumuhay.” Sariling karanasan mo ba ito? Lubha mo nang naranasan na ang tiwaling sangkatauhan ay hindi tumatanggap ng ni katiting na katotohanan, na lahat sila ay naglalabanan, nagpapakana, at sinusubukang dayain ang isa’t isa, na palihim nilang pinahihina ang isa’t isa, at na nagbubugbugan sila hanggang sa dumanak ang dugo para lang sa kaunting pakinabang. Naranasan mo na kung paanong wala sa kanila ang nagnanais na tumahak sa tamang landas ng buhay, at na sa halip, umaasa sila sa mga pandaraya at pakana sa paggawa ng mga bagay-bagay. Ano ang pinakanadarama mo habang namumuhay sa gayong kapaligiran? Nararamdaman mong walang pagiging patas at pagiging matuwid sa mundong iyon, na masyado itong buktot at masyadong madilim, at na namumuhay roon ang mga tao na parang mga demonyo. Iniisip mong kung susubukan mong maging isang mabuting tao, hindi ito magiging madali at hindi mo ito maisasakatuparan. Pakiramdam mo, kung gusto mong makibagay sa mundong iyon, kakailanganin mo ring maging isang demonyo at mamuhay na parang isang demonyo, upang magmukhang kabilang ka sa mga grupo ng mga demonyo at makasali ka sa mga kalakaran ng lipunan; upang makipaglaban para sa kaunting pagkain at para sa sarili mong kabuhayan at pananatiling buhay, kakailanganin mong makipaglaban sa kanila at magsabi at gumawa ng mga bagay na labag sa iyong kalooban. Magiging lubhang nakapapagod ang mamuhay nang ganito kada araw, ngunit kung hindi ka mamumuhay nang ganoon, itatakwil ka ng mga tao, at magiging imposible para sa iyo na mabuhay. Sa ganitong uri ng kapaligiran ng pamumuhay, ano na ang naranasan mo? Pasakit, pagdurusa at pakiramdam mo ay wala ka nang magagawa. Naranasan mo na ang kabuktutan, kalupitan, at kadilimang umiiral sa pagitan ng mga tao, at hindi mo makita ang liwanag ng buhay ng tao. Noong sumampalataya ka sa Diyos at tumuon sa pagbabasa sa mga salita ng Diyos, ano ang naranasan mo? (Naunawaan ko ang katotohanan sa aking puso, naramdaman kong mas mabuting sumampalataya sa Diyos, at guminhawa ang aking puso.) Habang naninirahan sa sambahayan ng Diyos, maligaya ka, nasa iyo ang mga pagpapala ng Diyos, at marami kang katotohanang nauunawaan; kapag kasama mo ang iyong mga kapatid, kaya ninyong tulungan at suportahan ang isa’t isa, tratuhin nang patas ang isa’t isa, at mamuhay nang nagkakasundo. Araw-araw, ang iyong puso ay panatag, at malaya at maginhawa. Hindi mo kailangang alalahanin na malilinlang ka at hindi ka na nasusupil at namamaltrato ng iba. Ang masasamang tao ay unti-unting nabubunyag at natitiwalag, at paunti na nang paunti ang bilang nila. Ang sambahayan ng Diyos ay pinaghaharian ng katotohanan at ng Diyos. Ang mga hinirang ng Diyos ay malayang nakapagsasalita nang walang limitasyon, may karapatan silang maghalal, at karapatang maglantad ng masasamang tao. Ang mga taong hindi tumatanggap sa katotohanan at, ang mas malala, ang mga nakagagawa ng kasamaan ay unti-unting napaaalis. Walang taong pinahihirapan o sinisiil sa sambahayan ng Diyos. Kung may isyu, tinatalakay ito ng lahat. Kung may problema, pinagbabahaginan ng mga lider at manggagawa ang katotohanan upang lutasin ito. Unti-unting nauunawaan ng mga tao ang katotohanan, at paunti na nang paunti ang mga nangyayari na labag sa batas. Ang lahat ng hinirang ng Diyos ay kayang tanggapin ang katotohanan, magpapigil sa katotohanan, at gumawa ng mga pagbabago pagdating sa kanilang mga salita at gawa. Kung may sinumang gumagawa ng kasamaan, malinaw itong nakikita at iniuulat ito ng lahat. Kaya naman, paunti na nang paunti ang masasamang tao sa sambahayan ng Diyos. Ngayon, lalo mo pang nararamdaman na tunay na mabuti ang kapaligiran ng sambahayan ng Diyos—nagmamahalan ang mga kapatid at ang sinumang may mga suliranin o paglihis ay maaaring humingi ng tulong; malulutas ang paghihirap ng sinuman, at kung may mga problemang hindi malulutas, maaaring umasa ang mga tao sa Diyos at sumandig sa Kanya, at lutasin ang mga ito alinsunod sa Kanyang mga salita. Sa pamumuhay sa sambahayan ng Diyos, nagiging maligaya ka at napupuno ka ng pag-asa, nakikita mo ang liwanag, at lubusan mong natatamasa ang pagmamahal at pagliligtas ng Diyos. Lubhang kapaki-pakinabang ang kapaligirang ito sa pag-usad ng mga tao sa buhay. Sa pamumuhay sa iglesia, sa kapaligirang ito na nagtataglay ng katotohanan, unti-unti mong mauunawaan ang katotohanan, unti-unting gagaan ang iyong puso, at magiging malaya at maginhawa ang pakiramdam mo. Ang mga ito ang mga resultang nakakamit sa pamamagitan ng pagkaunawa sa katotohanan. May isang kapansin-pansing katangian ang mga taong nakapagtamo ng katotohanan: Medyo malaya at maginhawa sila. Hindi nila kailangang mapaghigpitan, iimpluwensiyahan ng katotohanan ang kanilang mga salita at gawa, at babaguhin nito ang paraan ng kanilang pamumuhay at ang direksyon ng kanilang buhay. Kapag lumitaw ang isang pusong may takot sa Diyos sa kalooban mo, at kapag mayroon kang pusong may takot sa Diyos na gumagabay sa iyo, ang kalikasan ng mga bagay na ginagawa mo ay ganap na maiiba sa mga ginawa mo dati noong kinokontrol at pinaghihigpitan mo pa ang iyong sarili. Sa ilalim ng mga sitwasyong ito, kung mabibigyan ka ng katayuan, at mayroon kang pagkakataon at mga tamang kondisyon upang pahirapan ang iba, gagawin mo pa rin ba ito? (Hindi.) Bakit hindi? Ito ba ay dahil hindi mo planong pahirapan ang mga tao, o dahil wala kang kakayahang pahirapan ang mga tao? (Ito ay dahil nagbago na ang disposisyon ko.) Tama iyan, magkakaroon ka ng pusong may takot sa Diyos, at magkakaroon ka ng mga prinsipyo at ng batayan para sa iyong mga ikinikilos. Sa puntong ito, anumang tukso ang iyong kakaharapin, masasabi mo mula sa iyong puso, “Ang paggawa nito ay hindi nakapagbibigay-lugod sa Diyos, at hindi ako puwedeng gumawa ng mga bagay na nagkakasala sa Diyos.” Natural na darating ang iyong tayog sa yugtong ito, at masasabi mo ang gayong mga salita. Sa ngayon, kaya ba ninyong isakatuparan nang napakanatural ang hakbang na ito? (Hindi pa.) Pinatutunayan nitong wala pang nagiging epekto ang katotohanan sa kalooban mo; pinipigilan lang nito ang iyong kilos, ngunit hindi nito kayang mahigpit na pigilan ang iyong puso, o baguhin ang direksyon ng iyong buhay, ni ang mga prinsipyo at mithiin ng iyong pag-asal.
Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.