Ano ang Sapat na Pagtupad ng Tungkulin? (Ikalawang Bahagi)
Bakit tayo nagbabahaginan tungkol sa pagkakaiba ng pagtupad ng tungkulin at paggawa ng makamundong gawain? Mahalaga ba ito? (Oo.) Bakit ito mahalaga? Ito ay may kaugnayan sa saloobin ng mga tao sa pagtupad ng kanilang tungkulin. Huwag mong dalhin sa pagtupad ng tungkulin ang mga saloobin at prinsipyo mo sa iyong makamundong gawain. Ano-ano ang kahihinatnan kapag ginawa mo ito? (Ang pagkilos nang naaayon sa iyong sariling mga kagustuhan.) Isang karaniwang isyu ang pagkilos ng isang tao nang naaayon sa sarili niyang kagustuhan; nangangahulugan ito ng pag-ayaw na sumangguni sa iba kapag nagsasagawa ng mga gawain, kagustuhang magkaroon ng huling pasya, at paggawa ng anumang gustuhin ng isang tao, pagkadama na ang pagkilos nang ganito ay magdadala ng kaginhawahan at kasiyahan nang walang anumang pagkaapi o kalungkutan. Dagdag pa rito, madalas itong humahantong sa intriga, inggitan, mga alitan, at pagbuo ng mga pangkat, gayundin sa paghahanap ng mga gantimpala at pagkilala, pagpapakitang gilas, pagkilos nang pabasta-basta, kawalang responsabilidad, panlilinlang sa mga nakatataas at nakabababa sa sarili, at pagbuo ng sariling kaharian. Sa madaling salita, ang pagtupad ng tungkulin ay naiiba sa paggawa ng makamundong gawain; ang pagtupad ng tungkulin ay isang hinihingi ng Diyos at isang pagsasaayos Niya—ito ang pinakamalaking pagkakaiba sa pagitan ng pagtupad ng tungkulin at paggawa ng makamundong gawain. Ang pagtupad ng tungkulin ay dapat isagawa nang naaayon sa mga hinihingi ng Diyos at batay sa mga katotohanang prinsipyo. Hindi ito isang personal na pamamahala, o personal na usapin, at lalong hindi ito isang pribadong bagay ninuman. Wala itong kaugnayan sa mga personal na interes, pagpapahalaga sa sarili, katayuan, impluwensiya, o mga inaasahang pangyayari sa hinaharap; may kaugnayan lamang ito sa buhay pagpasok ng mga tao at pagbabago ng disposisyon, at may kaugnayan ito sa gawain ng pamamahala ng Diyos. Sa kabaligtaran, kapag nagsasagawa ka ng makamundong gawain, ganap kang nakatuon sa personal na pamamahala. Gumaganap ka man ng isang trabaho o nagpapatakbo ng isang negosyo, gaano man kalaki ang ibinabayad mong halaga, gaano man kalaki ang tinatalikuran mo o gaano man katindi ang tinitiis mong paghihirap—mapa-emosyonal o pisikal na aspekto man ang mga ito—o inaapi ka man o pinahihiya o hindi nauunawaan, o kahit humaharap ka pa sa matinding panggigipit ng publiko, ang lahat ng ginagawa mo ay may kinalaman sa iyong personal na kalooban, mga hangarin, ambisyon, at ninanais. Ito lamang ang kalikasan nito. Ang kalikasang ito ay pagsasagawa lamang ng personal na pamamahala at pagpapatakbo ng isang personal na proyekto. Sa sangkatauhan, walang ni isang tao ang nangangahas na magsabing, “Gumagawa ako ng isang pampublikong serbisyo para sa kapakanan ng sangkatauhan; gusto kong kumilos nang naaayon sa mga banal na paniniwala at prinsipyong ibinigay ng Langit.” Walang ganoong tao. Kahit pa may isang taong mangahas na magsabing, “Gusto kong magsakatuparan ng pinakawalang pag-iimbot at pinakadakilang pagsisikap para sa sangkatauhan, na makatulong sa kapwa at gumawa ng mabubuting bagay para sa mga tao,” hindi ganoon kadalisay ang kanilang layunin; ginagawa nila ito alang-alang sa katanyagan. Hindi ba’t pagsasagawa ito ng personal na pamamahala? Ang lahat ng ito ay alang-alang sa personal na pamamahala. Gaano man kaganda pakinggan ang kanilang mga salita, gaano man karaming paghihirap ang kanilang tiniis, gaano man kalaki ang halagang kanilang ibinayad, gaano man kalaki ang kanilang ginawang kontribusyon, o kung binago man nila ang sangkatauhan, binago ang isang panahon, o pinasinayaan ang isang yugto, anuman ang gawin nila, ang kanilang layunin ay hindi para sa iba kundi para sa kanilang sarili. Ang lahat ng tiwaling tao ay ganito gumawa ng mga bagay-bagay. Malaki man o maliit ang gawin ng isang tao, ang kanyang layunin ay para sa katanyagan o pakinabang. Ano ang kalikasan ng kanyang mga pagkilos? Ito ay ang pagsasagawa ng personal na pamamahala. May kahit ano bang kaugnayan ang personal na pamamahala sa pamamahala ng Diyos? Ito ay ganap na walang kaugnayan. Sinasabi ng ilang tao na, “Hindi iyan totoo. May mga taong dumarating sa mundong ito at bumabago ng isang panahon; hindi ba’t itinakda rin iyon ng Diyos? Hindi ba’t may kinalaman din iyon sa Kanyang pamamahala?” May kaugnayan ba ang mga bagay na ito? (Wala.) Bakit mo sinasabing walang kaugnayan? (Dahil wala itong kinalaman sa gawain ng pamamahala ng Diyos upang iligtas ang sangkatauhan.) Mahusay ang pagkakasabi mo; kung wala itong kinalaman sa gawain ng Diyos upang iligtas ang sangkatauhan, wala itong kaugnayan sa pamamahala ng Diyos. Gayunpaman, ang pahayag na ito ay kalahating totoo lamang; may isa pang paunang kondisyon dito, isang isyu ng diwa. Kung wala itong kaugnayan sa plano ng pamamahala ng Diyos, lahat ito ay pamamahala lamang ng tao. Iyon ay isang aspekto, subalit hayaan ninyo Akong magdagdag ng isang bagay para sa inyo: Ang kalikasan ng kanilang ginagawa ay para sa personal na katanyagan at kapakinabangan; ang tunay na makikinabang ay ang kanilang sarili. Ang kalikasan, ang mga prinsipyo, at ang pinakahuling kahihinatnan ng lahat ng kanilang ginagawa ay para sa kapakanan nino? (Ng kanilang sarili.) Ito ay para sa kanilang sarili—at palihim na para kanino? (Kay Satanas.) Tama, para ito kay Satanas. Ano ang kalikasan ng paggawa ng mga bagay-bagay para kay Satanas? (Ang pagiging kalaban ng Diyos.) At ano ang natatagong diwa ng pagiging isang kalaban ng Diyos? Bakit natin sinasabing ito ay pagiging isang kalaban ng Diyos? (Ang simula, pinagmulan, at mga prinsipyo ng kanilang mga pagkilos ay lahat laban sa mga salita ng Diyos.) Ito ay isang aspekto, at ito ay isang pundamental na isyu. Ang simula, pinagmulan, at mga prinsipyo ng kanilang mga ginagawa ay lahat para kay Satanas at mga buktot, kaya ano ang pinakaresulta? Kanino sila nagpapatotoo? (Kay Satanas.) Tama, nagpapatotoo sila kay Satanas. Sa buong kasaysayan ng tao, may sinumang historyador o manunulat ba ang nagsabing ang mga nakamit ng mga tao sa bawat panahon ay dahil sa Lumikha? (Wala.) Sasabihin lamang nila na ang mga ito ay mga pamana o malalaking tagumpay mula sa mga kahanga-hangang ginawa ng sangkatauhan. Sa mga mata ng sangkatauhan, sino ang kinakatawan ng mga dakila at tanyag na taong ito na nag-iwan ng mga bagay na ito? Ang sinumang tanyag o dakilang tao, o iyong mga nakagawa ng malaking kontribusyon sa sangkatauhan, ay lahat sinasamba ng mga tiwaling tao. Ang puwang na kinalalagyan nila sa puso ng mga tao ay ang puwang na itinuturing ng mga tao bilang posisyon ng Diyos. Hindi ba’t ito ang diwa ng isyu? (Oo.) Katatalakay lamang natin na ang mga pinagmulan, motibo, simula, at mga prinsipyo sa likod ng mga pagkilos ng mga tao ay lahat nakaugat sa satanikong lohika at hindi umaayon sa katotohanan. Naisasakatuparan ng mga tao ang isang bagay sa pamamagitan ng mga kaparaanan ng tao o sa pamamagitan ng kanilang mga kaloob at nagiging tanyag sila sa iba, at ang pinakakinahihinatnan nito ay iniisip ng sangkatauhan na ang lahat ng mga ito ay dahil kay Satanas; katulad lamang din kung paano sinasamba ng maraming tao ngayon ang mga tanyag at dakilang tao mula sa kasaysayan tulad nina Confucius at Guan Yu. Kahit gaano kadakila ang mga ginawa ng mga taong ito, sa simula’t simula, ang Diyos ang tunay na nagsaayos na dumating sa mundong ito ang mga taong ito at gumanap ng mga partikular na gawa sa iba’t ibang panahon. Gayunpaman, sa buong naitalang kasaysayan ng tao, sinauna man o makabago, wala ni isang pagkakataon na nagpapatotoo sa mga gawa ng Lumikha. Tanging ang Bibliya lang ang nagtala ng ilang elemento ng dalawang yugto ng gawain ng Diyos sa Kapanahunan ng Kautusan at sa Kapanahunan ng Biyaya, subalit maging ang mga salita ng Diyos na naitala roon ay napakalimitado. Sa katunayan, nagwika ng maraming salita ang Diyos at gumanap ng maraming gawa, subalit lubhang limitado ang naitala ng mga tao. Sa kabaligtaran, may hindi mabilang na mga libro ang nagtatala, nagpapatotoo, at pumupuri sa mga tanyag at dakilang tao. Hindi ba’t nililinaw nito ang diwa ng isyung katatalakay lang natin? Kababanggit lamang natin na ang mga tanyag at dakilang tao sa kasaysayan ay kumilos para sa kanilang sarili; kumilos, sa diwa, para kay Satanas. Ipinakikita nito na hindi nila ginagampanan ang kanilang mga tungkulin, bagkus ay nagsasagawa sila ng sarili nilang pamamahala o nagsasagawa ng sarili nilang mga proyekto. Ano ang kalikasan, ang diwa, ng anumang gawain na isinasagawa ng mga tao sa mundo? (Ang pagsasagawa ng personal na pamamahala.) Bakit ito itinuturing na pagsasagawa ng personal na pamamahala? Ano ang pinag-ugatan nito? Dahil kay Satanas sila nagpapatotoo; ang mga prinsipyo at motibasyon nila sa pagkilos ay nagmumula lahat kay Satanas, at walang kinalaman sa katotohanan o sa mga hinihingi ng Diyos. Subalit ano ang kalikasan ng tungkulin? Tumutukoy ito sa gawaing isinasagawa nang ayon sa mga hinihingi ng Diyos, na ang ibig sabihin, ang gawain ay dapat na nakabatay sa katotohanan, isinasagawa nang ayon sa mga katotohanang prinsipyo, at isinasagawa nang naaayon sa mga hinihingi ng Diyos. Ang resulta ay na makapagpapatotoo sa Diyos ang mga tao, at magkakaroon sila ng pagpapasakop sa Diyos, at magkakaroon sila ng kaalaman sa Kanya; may mas malalim silang pagkaunawa at mas tunay na pagpapasakop sa Lumikha, at lalo pa nilang magagawa ang mga dapat gawin ng mga nilikha. Ito ang pinakamalaking pagkakaiba sa pagitan ng dalawa. Kapag isinasagawa ng mga tao ang kanilang tungkulin nang naaayon sa mga hinihingi ng Diyos, lalong nagiging normal ang kanilang relasyon sa Diyos. At maaari bang magkaroon ng ganitong epekto ang anumang gawaing ginagawa ng tao sa mundo? Hinding-hindi, ang resulta ay ang mismong kabaligtaran. Habang mas maraming taon ang iginugugol ng isang tao sa paggawa ng makamundong gawain, mas lalo siyang naghihimagsik sa Diyos at mas lalo siyang napapalayo sa Diyos. Habang mas mahusay ang personal na pamamahala ng isang tao, mas napapalayo siya sa Diyos; habang mas matagumpay ang personal na pamamahala ng isang tao, mas napapalayo siya sa mga hinihingi ng Diyos. Samakatuwid, ang pagtupad ng tungkulin at pagsasagawa ng makamundong gawain ay may dalawang ganap na magkaibang kalikasan.
Ngayon-ngayon lang ay tinalakay ang pagkakaiba ng tungkulin ng isang tao at ng paggawa ng isang tao ng makamundong gawain. Anong aspekto ng katotohanan ang nilalayon ng talakayang ito na matulungan ang mga tao na maunawaan? Anuman ang matanggap mong tungkulin, dapat mo itong gampanan ayon sa hinihingi ng Diyos. Halimbawa, kapag pinili ka bilang lider ng isang iglesia, tungkulin mong gampanan ang gawain ng isang lider ng iglesia. At ano ang dapat mong gawin matapos mong tanggapin ang gawaing ito bilang iyong tungkulin? Una, dapat mong malaman na ang pagtupad lamang sa iyong gawain bilang isang lider ay ang pagganap ng iyong tungkulin. Hindi ka naglilingkod bilang isang opisyal sa panlabas na mundo; kung naging isang lider ka at tapos ay itinuturing mo ang iyong sarili bilang isang opisyal, nalihis ka na ng landas. Subalit kung sasabihin mong, “Ngayon na naging isang lider ako ng iglesia, hindi ako dapat maging mapagmataas, dapat kong ipagpakumbaba ang aking sarili sa iba, dapat ko silang gawing mas mataas at mas mahalaga kaysa sa akin,” mali rin ang mentalidad na ito; walang saysay ang anumang pagkukunwari kung hindi mo nauunawaan ang katotohanan. Walang anuman kundi ang tamang pagkaunawa sa iyong tungkulin ang nararapat. Una na riyan, dapat mong pahalagahan ang kabuluhan ng gawain ng isang lider ng iglesia: Maaaring magkaroon ng dose-dosenang miyembro ang isang iglesia, at dapat mong isipin kung paano aakayin ang mga taong ito sa harap ng Diyos, kung paano bibigyang-daan ang karamihan sa kanila na maunawaan ang katotohanan at makapasok sa katotohanang realidad. Dapat ka ring gumugol ng mas maraming oras para diligan at suportahan iyong mga negatibo at mahihina, para mapigilan silang maging negatibo at mahina at mabigyang-kakayahan silang gampanan ang kanilang tungkulin. Dapat mo ring gabayan ang lahat ng may kakayahang gampanan ang kanilang tungkulin sa pag-unawa sa katotohanan at pagpasok sa realidad, pagkilos nang naaayon sa mga prinsipyo, at pagtupad nang maayos sa kanilang tungkulin at nang sa gayon ay magkaroon ng mas mabuting epekto. May mga partikular na taong maraming taon nang nananalig sa Diyos subalit may medyo masamang pagkatao, na laging ginagambala at ginugulo ang gawain ng iglesia—ang mga tao na ito ay dapat pungusin ayon sa kinakailangan; iyong matitigas ang ulong tumatangging magsisi ay dapat paalisin. Dapat silang harapin ayon sa prinsipyo at isaayos nang tama. Nariyan din ang pinaka-importanteng bagay sa lahat: May ilan sa iglesia na nagtataglay ng medyo mabuting pagkatao at kaunting kakayahan, at na may kakayahang magsagawa ng isang partikular na aspekto ng gawain; ang lahat ng gayong mga tao ay dapat linangin nang walang pagkaantala, sa lalong madaling panahon; kinakailangan ng pagsasanay para maging mahusay sila, at wala silang anumang makakayang gawin nang mabuti kung hindi sila kailanman makatatanggap ng anumang pagsasanay. Hindi ba’t ang mga ito ang mga trabahong dapat gawin agad nang maayos ng isang lider o manggagawa? Kung naging isang lider ka at hindi mo isinasaisip ang mga bagay-bagay na ito, at hindi mo isinasagawa ang iyong gawain sa ganitong paraan, maisasakatuparan mo ba nang maayos ang iyong tungkulin? (Hindi.) Bilang isang lider, mahalagang ayusin ang bawat aspekto ng gawain ng iglesia: Una, ang pinakamahalagang bagay ay ang linangin ang mga tao na may talento. Iangat iyong mga may mabuting pagkatao at nagtataglay ng kakayahan, at linangin at sanayin sila. Ikalawa, akayin ang mga kapatid upang makapasok sa katotohanang realidad, at bigyang-kakayahan silang pagnilayan ang kanilang sarili, kilalanin ang kanilang sarili, tukuyin ang mga maling pananampalataya at maling paniniwala, kilatisin ang mga tao, at isakatuparan nang maayos ang kanilang mga tungkulin—bahagi ito ng buhay pagpasok. Ikatlo, bigyang-kakayahan ang karamihan sa mga kayang gampanan ang kanilang mga tungkulin na talagang magawa ito (maliban sa mga may mababang pagkatao), at tiyaking magkakamit sila ng mga resulta sa pagganap ng kanilang mga tungkulin sa halip na kumilos lang nang pabasta-basta. Ikaapat, agad na asikasuhin iyong mga gumagambala at gumugulo sa gawain ng iglesia. Kung tatanggihan nila ang katotohanan sa pagbabahaginan, dapat silang pungusan. At kung patuloy silang hindi nagsisisi, dapat silang ihiwalay para sa pagninilay, at paalisin o itiwalag pa nga. Ikalima, bigyang-kakayahan ang mga taong hinirang ng Diyos na makilala ang mga hindi mananampalataya, huwad na lider, at anticristo, para matiyak na hindi sila malilihis at na makapapasok sila sa tamang landas ng pananalig sa Diyos sa lalong madaling panahon. Ang lahat ng limang punto sa itaas ay mahalaga at mga likas na gawain sa pamumuno. Ang pagtupad sa limang aspektong ito ng gawain ang nagpapakita na ang isang tao ay isang kuwalipikadong lider ng iglesia. Bukod pa rito, dapat ding asikasuhin nang maayos ang mga espesyal na sitwasyon. Halimbawa, maaaring panandalian lang ang pagiging negatibo at mahina ng ilang tao, at dapat mo silang tratuhin nang naaakma. Hindi ka dapat gumawa ng malawakang panghuhusga; kung ang isang tao ay pansamantalang negatibo at tinagurian mo siyang “sobrang negatibo” o “palaging negatibo” at sinabi mong hindi na siya gusto ng Diyos, hindi iyon naaakma. Dagdag pa riyan, ang lahat ay dapat isakatuparan ang kani-kanilang papel at mag-ambag ayon sa kanilang mga kakayahan. Ang mga pagsasaayos para sa pagganap ng tungkulin ay dapat iakma sa kani-kanilang mga kaloob, talento, kakayahan, edad, at kung gaano katagal na silang nananalig sa Diyos. Dapat na iayon ang pamamaraang ito sa iba’t ibang uri ng mga tao, upang mapahintulutan silang magampanan ang kanilang mga tungkulin sa sambahayan ng Diyos at makapagsilbi nang husto. Kung palagi mong isasaalang-alang ang mga ito, magkakaroon ka ng isang pasanin, at palagi ka dapat na nakatuon sa pagmamasid. Pagmamasid ng ano? Hindi ng kung sino ang maganda para lalo mo silang makahalubilo; hindi ng kung sino sa tingin mo ang pangit para maisantabi mo sila; hindi ng kung sino ang tila may kakayahan at katayuan para makapagpalakas ka sa kanila; at lalong hindi ng kung sino ang hindi yumuyukod sa iyo para masubukan mo silang parusahan. Hindi ang anuman sa mga bagay na ito. Kung gayon, ano ang dapat mong pagmasdan? Dapat mong kilalanin ang mga tao batay sa mga salita ng Diyos, sa Kanyang mga saloobin at hinihingi sa iba’t ibang uri ng mga tao, at tratuhin mo sila batay sa mga prinsipyo; naaayon ito sa katotohanan. Una, ikategorya mo ang lahat ng uri ng mga tao sa iglesia: iyong mga may mabuting kakayahan at kakayahang tumanggap ng katotohanan bilang isang kategorya, iyong mga may mababang kakayahan at walang kakayahang tumanggap ng katotohanan bilang isa pa, iyong mga may kakayahang gampanan ang kanilang mga tungkulin bilang isa pa, at iyong mga walang kakayahan bilang isa pa. Sa huli, dapat ding isama sa kategoryang iyon ang mga hindi mananampalataya na laging dumaraing, nagkakalat ng mga kuru-kuro, nasasadlak sa pagkanegatibo, at nagdudulot ng mga kaguluhan. Matapos mong ikategorya ang lahat, at lubos na maunawaan ang tunay na kalagayan ng bawat grupo ayon sa mga salita ng Diyos, malinaw na makita kung sino ang maaaring mailigtas at kung sino ang hindi, makikilala mo na ang iba’t ibang uri ng mga tao; mauunawaan mo ang mga layunin ng Diyos, at malalaman mo kung sino ang gustong iligtas ng Diyos at kung sino ang gusto Niyang itiwalag. Hindi ba’t nagmumula ang lahat ng ito sa iyong pasanin? Hindi ba’t ito ang tamang saloobin na dapat taglayin sa tungkulin? Kung nagtataglay ka ng tamang saloobing ito at nagkakaroon ka ng isang pasanin, magagawa mo nang maayos ang iyong gawain. Kung hindi mo tinatrato nang ganito ang iyong mga tungkulin at sa halip ay tinitingnan mo ang pagganap ng iyong mga tungkulin na tila ba nasa isang opisyal kang posisyon, laging iniisip na, “Ang pagiging lider ay parang pagkakaroon ng isang posisyon; pagpapala ito mula sa Diyos! Ngayong mayroon na akong katayuan, dapat na akong pakinggan ng mga tao, at iyon ay isang mabuting bagay!”—kung sa tingin mo ang pagiging isang lider ay katulad ng pagiging isang opisyal, nanganganib ka. Tiyak na mamumuno ka sa paraan ng isang opisyal at batay sa kung paano sila mamalakad; kung magkagayon, magagampanan mo ba nang maayos ang gawain ng iglesia? Sa ganoong pananaw, walang dudang ikaw ay mabubunyag at matitiwalag. Palagi mong makikita ang iyong sarili bilang isang opisyal, kung saan napalilibutan ka ng mga tao saan ka man pumunta, at susundin ng mga tao anuman ang iyong sabihin. Gayundin, ikaw ang unang makakukuha ng anumang benepisyo sa iglesia. Anumang gawain mayroon ang iglesia, kailangan mo lang na mag-utos at hindi mo mismo kailangang gumawa ng kahit ano. Anong uri ng pag-iisip ito? Hindi ba’t ito ay pagpapakasasa sa mga benepisyo ng katayuan? Hindi ba’t ito ay isang tiwaling disposisyon? Ang lahat ng hindi naghahangad sa katotohanan ay gumaganap ng kanilang mga tungkulin batay sa isang satanikong disposisyon. Maraming lider at manggagawa ang naibunyag at naitiwalag na dahil lagi nilang ginagampanan ang kanilang mga tungkulin batay sa isang satanikong disposisyon, nang hindi tumatanggap ni bahid ng katotohanan. Sa kasalukuyan, ganito pa rin umasal ang ilang lider. Matapos maging isang lider, nakararamdam sila ng tila kaligayahan, at kaunting pagkakontento sa sarili. Mahirap ipaliwanag ang pakiramdam na iyon, subalit anuman ang kaso, sa tingin nila ay nakagawa sila ng napakabuti. Gayunpaman, pagkatapos ay iniisip nilang, “Hindi ako dapat maging hambog. Ang pagiging hambog ay tanda ng kayabangan, at ang kayabangan ay pasimula ng kabiguan. Hindi dapat ako magpasikat.” Sa panlabas, hindi sila pasikat kung kumilos at sinasabi nila sa lahat na ito ay isang pagtataas at atas mula sa Diyos, na wala silang ibang pagpipilian kundi ang gawin ito. Subalit sa loob, palihim silang nagdiriwang: “Sa wakas, napili ako. Sino ang nagsabing hindi mabuti ang aking kakayahan? Kung mababa ang aking kakayahan, paanong ako ang pinili? Bakit hindi iba ang pinili? Mukha ngang may mga kalamangan ako kaysa sa iba.” Kapag itinalaga sa kanila ang tungkuling ito, ang mga bagay na ito ang kanilang unang naiisip sa kanilang puso. Hindi nila iniisip na, “Ngayong itinalaga sa akin ang tungkuling ito, paano ko ito dapat gampanan? Sino ang gumawa ng mabuting trabaho noon na dapat kong kapulutan ng aral? Ano ang mga hinihingi ng Diyos sa pagganap nitong tungkulin? May mga gayong hinihingi ba sa mga pagsasaayos ng gawain ng iglesia? Hindi ako kailanman nag-alala noon tungkol sa mga aspektong ito ng gawain ng iglesia, subalit ngayong napili ako bilang isang lider, ano ba ang dapat kong gawin?” Sa totoo lang, hangga’t mayroon kang determinasyon at kaya mong hanapin ang katotohanan, may landas. Kung tinatrato mo ang gawain bilang iyong tungkulin, magiging madali para sa iyo na gawin ito nang maayos. May ilang tao na nagiging lider at nagsasabing, “Ipinagkakatiwala na ba ngayon sa akin ang mga tao na ito? Kung paano sila magtitipon at kung anong gawain ang isasaayos para sa kanila ay nakasalalay ba sa akin? Naku, ramdam ko ang bigat sa puso ko ngayon.” Ano ang ipinahihiwatig ng mga salitang ito? Ito ay na tila ba makapagkakamit sila ng mga dakilang bagay; ang lahat ng ito ay walang kabuluhan at mga doktrina lamang. Hindi ba’t medyo mapagkunwari ang ganitong uri ng tao? Mayroon ba sa inyo kahit kailan ang nakapagsabi ng ganoong bagay? (Mayroon.) Kung gayon ay medyo mapagkunwari din kayong lahat. Gayunpaman, ang gayong pag-uugali ay normal para sa mga tao. Kahit iyong mga nagiging mababang opisyal ay medyo kailangang magpakitang-gilas. Bigla nilang nadarama na tumaas ang personal nilang halaga at, sa sandaling makatikim sila ng kaunting katayuan at katanyagan at pakinabang, nagpapanibago ang kanilang puso tulad ng isang bumubugsong dagat, at sila ay tila nagiging ibang tao. Lumilitaw ang lahat ng kanilang mga tiwaling disposisyon at labis-labis na pagnanais. Ang lahat ay may mga ganitong negatibo at pasibong pag-uugali. Karaniwan ito sa tiwaling sangkatauhan. Ang sinumang tiwaling tao ay mayroon nito. May ilang tao, matapos maging lider, na hindi na sigurado kung paano sila maglalakad; may ilang hindi na sigurado kung paano sila makikipag-usap sa mga tao. Siyempre pa, hindi dahil sa pagkamahiyain kung kaya’t hindi nila sigurado kung paano sila dapat magsalita, kundi dahil hindi sila sigurado kung paano ba dapat umasal ang isang lider. Ang iba, matapos maging lider, ay hindi na sigurado kung ano ang kakainin o susuotin. May iba’t ibang uri ng pag-uugali. Mayroon ba sa inyo na nagpapakita ng mga pag-uugaling ito? Tiyak na ginagawa ninyong lahat ito sa magkakaibang antas. Kung gayon ay gaano katagal bago ninyo malalampasan ang mga kalagayan at pag-uugaling ito? Isa o dalawang taon, tatlo o limang taon, o sampung taon? Depende iyon sa determinasyon ng isang tao na hangarin ang katotohanan at sa antas ng kanyang paghahangad sa katotohanan.
Sa proseso ng paghahangad sa katotohanan, ang pagkaunawa ng ilang tao sa katotohanan ay direktang proporsyonal sa kanilang pagpasok; magkatumbas ang dalawa. Kaya nilang pumasok sa gaano man karaming katotohanan na kanilang nauunawaan; ang lalim ng kanilang pagkaunawa sa katotohanan ay siya ring lalim ng kanilang pagpasok, gayundin ang lalim ng kanilang pagkaarok, mga damdamin, at mga karanasan. Gayunpaman, may ilang tao na nakauunawa ng maraming doktrina, subalit walang halaga ang kanilang pagsasagawa at pagpasok. Samakatuwid, gaano man karaming sermon ang kanilang napakinggan, hindi nila kailanman nalulutas ang kanilang mga panloob na paghihirap. Kapag nahaharap sa isang maliit na bagay, agad na lumalabas ang kanilang pangit na bahagi, at hindi nila ito nakokontrol gaano man nila subukan; gaano man nila ito ibalatkayo, nabubunyag pa rin ang kanilang katiwalian. Nananatili silang walang kakayahang tanggapin ang katotohanan o hanapin ang katotohanan para sa mga kalutasan. Natututo pa nga silang magpanggap, manlinlang, at magkunwaring mabuti. Simula’t sapul, ang kanilang mga tiwaling disposisyon ay hindi iwinaksi at hindi nagbabago; ito ang kinalalabasan ng hindi paghahangad sa katotohanan. Kaya, sa huli’t huli, ang lahat ay nagbabalik sa parehong parirala: Napakahalaga ng paghahangad sa katotohanan. Gayundin ang pagganap sa mga tungkulin ng isang tao. Anumang tungkulin ang iyong natanggap, anuman ang tungkuling itinalaga sa iyo, maging ito man ay isang tungkulin na may kaakibat na malaking responsabilidad o isang mas simpleng tungkulin, o kahit pa hindi ito masyadong prominente, kung kaya mong hanapin ang katotohanan at tratuhin ang tungkulin nang ayon sa mga katotohanang prinsipyo, magagawa mong maayos na tuparin ang iyong tungkulin. Bukod pa rito, sa proseso ng pagtupad ng iyong mga tungkulin, makararanas ka ng iba’t ibang antas ng paglago kapwa sa iyong buhay pagpasok at pagbabagong disposisyonal. Gayunpaman, kung hindi mo hahangarin ang katotohanan at tatratuhin mo lang ang iyong tungkulin bilang iyong sariling pamamahala, iyong sariling gawain, o iyong sariling kagustuhan o personal na gawain, may problema ka. Ang pagtrato sa iyong tungkulin bilang iyong sariling gawain at ang pagtrato rito nang naaayon sa mga katotohanang prinsipyo ay magkaiba. Kapag tinatrato mo ang iyong tungkulin bilang iyong sariling pamamahala, ano ang iyong hinahangad? Hinahangad mo ang katanyagan, kapakinabangan, at katayuan, inaasahang tutugunan ng iba ang iyong mga hinihingi. Ano ang kahihinatnan ng pagganap mo ng iyong tungkulin sa ganitong paraan? Sa isang banda, ang pagganap ng iyong tungkulin sa ganitong paraan ay hindi makatutugon sa pamantayan; katumbas ito ng walang saysay na pagsisikap. Kahit pa mukhang matindi kang nagsikap, hindi mo hinanap ang katotohanan, kaya’t ang mga bunga ng iyong tungkulin ay hindi magiging maganda, at hindi malulugod ang Diyos. Sa kabilang banda, madalas kang makagagawa ng mga pagsalangsang, madalas na makagagambala at makagugulo, at madalas na makagagawa ng mga pagkakamaling nagbubunga ng masasama. Ngayon ay maraming tao ang nagkukulang nang malaki sa pagganap ng kanilang mga tungkulin. Kumikilos sila nang ayon sa kanilang kagustuhan at nang pabasta-basta, na wala halos nakakamit na mga resulta, at kung minsan ay nagdudulot pa nga ng mga kawalan sa gawain ng iglesia. Ang ganoong pagganap sa iyong tungkulin ay tunay na nakagagambala at nakagugulo sa gawain ng iglesia; ito ang pag-uugali ng isang masamang tao. Iyong mga palaging gumaganap sa kanilang mga tungkulin sa pabasta-bastang paraan ay dapat na mailantad, para makapagnilay sila sa kanilang sarili. Kung kaya nilang tunay na magnilay, makilala ang kanilang mga pagkakamali, at kapootan ang kanilang sarili, maaari silang manatili at patuloy na gampanan ang kanilang mga tungkulin. Subalit kung hindi nila kailanman aaminin ang kanilang mga pagkakamali at ipagtatanggol at bibigyang-katwiran pa rin nila ang kanilang sarili, sasabihin na walang pagmamahal sa sambahayan ng Diyos at na hindi sila tinatrato nang patas, tanda ito ng pagiging matigas na hindi nagsisisi, at dapat silang paalisin mula sa iglesia. Ano ang ugat ng mga panggagambala at panggugulo ng mga taong ito? Ito ba ay dahil intensiyonal nilang pinaplano na manggambala at manggulo? Hindi, ang pangunahing dahilan ay na wala talaga silang pagmamahal para sa katotohanan, at ang kanilang pagkatao ay napakasama. Ang ilan sa mga taong ito ay may kaunting kakayahan at nakauunawa sa katotohanan, subalit hinding-hindi nila tinatanggap ang katotohanan, lalo nang hindi nila ito isinasagawa. Ang kanilang pagkatao ay lubhang napakasama. Anumang tungkulin ang kanilang ginagampanan, lagi silang nagdudulot ng pagkagambala at panggugulo, sinisira ang gawain ng iglesia, at nagdadala ng maraming masamang kahihinatnan na may kakila-kilabot na impluwensya. Walang dudang hindi mananampalataya ang mga taong ito, at na silang lahat ay masasamang tao. Ito ang pangunahing dahilan kung bakit sila itinitiwalag. Ngayon, kayang makilala ng karamihan ang mga hindi mananampalataya. Kapag nakikita nila ang iba’t ibang pag-uugali ng mga taong ito, nagagalit sila. Paano maituturing ang mga taong ito na mga mananampalataya ng Diyos? Mga tagasunod sila ni Satanas, na ipinadala upang gambalain at guluhin ang gawain ng iglesia. Ang ilan ay mga pawang pabigat, nabibilang doon sa mga taong mahilig sa kaginhawahan at ayaw sa trabaho; ayaw nilang gumawa ng anumang gawain subalit gusto pa rin nilang kumain nang maayos araw-araw. Hindi ba’t mga parasitiko sila? Mas mabababa pa sila kaysa sa mga bantay na aso. Kaya itiniwalag ang mga taong ito. Ang mga taong tunay na nananalig sa Diyos ay lahat mga taong handa at sabik na gampanan ang kanilang tungkulin. Bagaman hindi alam ng karamihan kung ano ba talaga ang kahulugan ng tungkulin, kahit papaano ay alam nila sa kanilang puso na dapat gampanan ng mga tao ang kanilang tungkulin, at handa silang gawin ito. Subalit ang pagiging handa ba ng isang tao na gampanan ang kanyang tungkulin ay nangangahulugang siya ay nagsasagawa ng katotohanan? Ang kahandaan bang ito ng kalooban ay nangangahulugang natupad nang maayos ng isang tao ang kanyang mga tungkulin? Talagang hindi. Dapat isagawa ng isang tao ang katotohanan at tugunan ang pamantayan ng pagkilos nang naaayon sa mga prinsipyo para maituring na naisakatuparan niya nang maayos ang kanyang mga tungkulin. Bago mo maisasagawa ang katotohanan, gaano kalaki man ang pananampalataya na sinasabi mong mayroon ka, o gaano mo man sinasabing sabik at handa ka—kayang isugal ang iyong buhay, walang pag-aatubiling harapin ang anumang hamon—ang lahat ng ito ay pawang mga islogan lang na walang kabuluhan. Dapat ka ring kumilos nang naaayon sa mga katotohanang prinsipyo, batay sa kahandaang ito. Sinasabi mong, “Hindi ko naman gaanong minamahal ang katotohanan, at hindi ko rin ito hinahangad, at hindi pa nagbago nang malaki ang aking disposisyon habang ginagampanan ko ang aking mga tungkulin. Subalit may isang bagay na pinanghahawakan ko: Ginagawa ko ang anumang sabihin sa akin na gawin ko. Hindi ako nanggagambala o nanggugulo; maaaring hindi ko magawang magpasakop, subalit nakikinig ako.” Hindi ba’t ang isang tao na nakagagawa nito ay nakapananatili sa iglesia at nakagaganap ng kanyang mga tungkulin nang normal? Subalit iyong masasamang tao at mga hindi mananampalataya na pinaalis ay hindi man lang natugunan ang pinakamababang hinihinging ito, at nagdulot pa nga sila ng mga panggugulo. Ang gayong mga hindi mananampalataya o masasamang tao ay hindi dapat pahintulutang manatili sa iglesia para gampanan ang kanilang mga tungkulin. Dapat makilala ng hinirang na mga tao ng Diyos ang mga hindi mananampalataya at ang masasamang tao; kung hindi, madali silang malilihis ng mga ito. Ang sinumang taong may konsensiya at katwiran ay dapat magkaroon ng saloobin ng pagtanggi sa mga hindi mananampalataya at masasamang tao.
Ang pagganap ng isang tao ng kanyang mga tungkulin ang pinakamahalagang aspekto ng pananalig sa Diyos. Una, dapat maunawaan ng isang tao kung ano ba ang tungkulin, at pagkatapos ay unti-unti siyang magkamit ng tunay na karanasan at pagkaunawa rito. Ano man lang ang dapat na maging saloobin ng isang tao sa kanyang tungkulin? Kung sinasabi mong, “Ibinigay ng sambahayan ng Diyos ang tungkuling ito sa akin, kaya’t sa akin ito. Puwede kong gawin kung ano ang gusto ko, dahil gawain ko ito at walang dapat na makialam,” katanggap-tanggap na saloobin ba ito? Talagang hindi. Kung ito ang iyong saloobin habang ginagampanan mo ang iyong tungkulin, nasa alanganin ka, dahil ang iyong saloobin ay hindi naaayon sa mga katotohanang prinsipyo. Ang iyong saloobin ay ang paggawa ng anumang iyong naisin sa halip na hanapin ang katotohanan, lalong hindi ang pagkakaroon ng may-takot-sa-Diyos na puso. Kung sobrang matigas ang ulo ng isang tao, magiging medyo pabaya siya sa kanyang naaangkop na gawain habang tinutupad niya ang kanyang tungkulin. Ano ang saloobing dapat taglayin ng isang tao tuwing tinutupad niya ang kanyang tungkulin? Mayroon dapat siyang pagnanais na magpasakop sa at palugurin ang Diyos. Kung hindi niya nakukompleto ang atas na ipinagkatiwala ng Diyos sa kanya, pakiramdam niya ay binigo niya ang Diyos; at kung hindi niya maayos na ginampanan ang kanyang tungkulin, pakiramdam niya ay hindi siya karapat-dapat na tawaging tao. Ang pagkakaroon ng gayong uri ng saloobin habang ginagampanan mo ang iyong tungkulin ay nangangahulugang tapat ka. Para magampanan mo nang maayos ang iyong tungkulin, dapat mo munang malaman kung ano ang hinihingi ng Diyos, hanapin ang katotohanan, at hanapin ang mga prinsipyo. Kapag natiyak mo nang ang atas na ibinigay sa iyo ng Diyos ay ang iyong tungkulin, dapat kang maghanap sa pamamagitan ng pag-iisip ng, “Paano ko magagampanan nang maayos ang aking tungkulin? Aling mga katotohanang prinsipyo ang aking dapat isagawa? Ano ang hinihingi ng Diyos sa mga tao? Anong gawain ang dapat kong gawin? Paano ako dapat kumilos para maisakatuparan ko ang aking mga responsabilidad at maging tapat ako?” Kanino ka ba tapat? Sa Diyos. Dapat kang maging tapat sa Diyos at dapat mong tuparin ang iyong mga responsabilidad sa mga tao. Dapat mong gampanan ang iyong tungkulin nang ayon sa mga salita ng Diyos at mga katotohanang prinsipyo, at dapat kang maging tapat sa iyong tungkulin. Ano ang ibig sabihin ng maging tapat sa iyong tungkulin? Halimbawa, kung ang isang tungkulin ay isa o dalawang taon nang ibinigay sa iyo, subalit hanggang ngayon ay walang nangungumusta sa iyo tungkol dito, ano ang dapat mong gawin? Kung walang nangungumusta sa iyo tungkol dito, ibig sabihin ba noon ay na wala na ang tungkulin? Hindi. Huwag mong pansinin kung may nangungumusta ba sa iyo o nagsisiyasat sa ginagawa mo; ipinagkatiwala ang gawaing ito sa iyo, kaya’t responsabilidad mo ito. Dapat mong pag-isipan kung paano dapat gawin ang trabahong ito at kung paano ito magagawa nang maayos, at ganoon mo iyon dapat gawin. Kung lagi kang naghihintay na kumustahin ka ng iba, na pangasiwaan at hikayatin ka nila, ito ba ang saloobin na dapat mong taglayin sa iyong tungkulin? Anong uri ng saloobin ito? Negatibong saloobin ito; hindi ito ang saloobin na dapat mayroon ka sa iyong tungkulin. Kung tataglayin mo ang ganitong saloobin, ang iyong pagganap sa iyong tungkulin ay tiyak na hindi magiging maayos. Para magampanan mo nang maayos ang iyong tungkulin, dapat munang may tama kang saloobin, at ang iyong saloobin ay dapat na naaayon sa mga katotohanang prinsipyo. Ito ang tanging paraan para matiyak na magagampanan mo nang maayos ang iyong tungkulin.
Tungkol sa kung ano ang tungkulin, ang saloobin ng isang tao sa tungkulin, gayundin ang pagkakaiba sa pagitan ng pagganap ng tungkulin at paggawa ng anumang uri ng makamundong gawain, ang pagbabahagi natin sa mga paksang ito ay magwawakas dito sa ngayon. Dapat ninyong pag-isipang lahat ang nilalaman ng mga pinagbahaginan. Halimbawa, bakit tinatalakay ang relasyon sa pagitan ng pagganap ng tungkulin ng isang tao at ang pakikibahagi sa personal na pamamahala? Ano ang nilalayong kalalabasan ng pagtalakay ng mga paksang ito? Sa positibong banda, makapagbibigay ito sa mga tao ng tamang landas, tamang direksiyon, at mga tamang prinsipyo sa pagganap ng kanilang tungkulin. Sa negatibong banda, makatutulong din ito sa mga taong makilala kung aling mga pag-uugali ang maituturing na pakikibahagi sa personal na pamamahala. Magkaugnay at magkaiba ang dalawang aspektong ito. Ang pag-unawa sa dalawang bahaging ito ay hindi tungkol sa pag-unawa sa mga salita ng katotohanan; dapat mong maarok kung aling mga kalagayan at pagpapamalas ang kasali. Kapag mayroon ka nang masusing pagkaunawa sa mga kalagayan at pagpapamalas na ito at nakikilatis ang mga ito, sa susunod na maipakita mo ang mga maling kalagayan at pagpapamalas na ito, kung ikaw ay isang tao na naghahangad sa katotohanan, hahanapin mo ang katotohanan para makakita ng daang palabas mula rito. Kung hindi mo nauunawaan ang aspektong ito ng katotohanan, maaari kang makibahagi sa personal na pamamahala, iniisip na ginugugol mo ang iyong sarili para sa Diyos, at naniniwala pa ngang ginagampanan mo ang iyong tungkulin at ikaw ay napakatapat. Ang ganoong mga kahihinatnan ay lilitaw mula sa hindi pagkaunawa sa katotohanan. Halimbawa, sa proseso ng pagganap ng iyong tungkulin, kapag ang ilan sa iyong mga kaisipan at pamamaraan, gayundin ang mga layunin at motibo sa likod ng iyong mga pagkilos, ay nabunyag, mapagtatanto mong hindi mo ginagampanan ang iyong tungkulin at nalihis ka na sa mga prinsipyo at saklaw ng pagganap sa tungkulin ng isang tao; nagbago ang kalikasan, at ikaw ay talagang nakikibahagi sa personal na pamamahala. Tanging kapag naunawaan mo ang mga katotohanang ito na matatagpuan mo ang daang palabas mula rito at mawawakasan ang gayong mga pag-iisip, pagkilos, at pagpapamalas. Gayunpaman, kung hindi mo nauunawaan ang katotohanan at nakatutok ka sa iyong personal na pamamahala habang ginagampanan ang iyong tungkulin, hindi mo mamamalayan ang katunayang nalabag mo na ang mga prinsipyo. Tulad ni Pablo, halimbawa; matapos magtrabaho at magsikap sa loob ng maraming taon, nauwi siyang sinisigawan ang Diyos, sinasabing, “Kung hindi mo ako bibigyan ng korona, hindi ka diyos!” Kita mo, kaya pa rin niyang bumigkas ng gayong mga salita. Kung ang mga tao ngayon, matapos maunawaan ang katotohanan, ay sinusunod pa rin ang landas ni Pablo, hindi sila mga taong nagmamahal sa katotohanan. Kung ikaw ay isang taong tunay na nananalig sa Diyos, mahalaga para sa iyo ang pag-unawa sa katotohanan. Kung walang pagkaunawa sa katotohanan, tiyak na nabubuhay ka batay sa isang satanikong disposisyon. Sa pinakamabuti, susundin mo lamang ang ilang regulasyon at iiwasang gumawa ng mga malinaw na pagkakamali, iniisip pa ring ikaw ay nagsasagawa ng katotohanan. Sadyang kahabag-habag iyon. Kaya, kung ninanais ng isang tao na maghangad ng katotohanan at nilalayong makapasok sa katotohanang realidad, dapat muna niyang maunawaan ang katotohanan. Ang layunin ng pag-unawa sa katotohanan ay para walang kamali-maling maintindihan ng mga tao ang ibang tao at mga pangyayari, maging mapagkilatis, magkaroon ng mga prinsipyo sa pagkilos, magkaroon ng landas sa pagsasagawa, at maisakatuparan ang pagpapasakop sa Diyos. Kapag nauunawaan mo ang katotohanan, makikilatis mo ang lahat ng uri ng tao, pangyayari, at bagay-bagay, makapipili ng tamang landas sa pagsasagawa, makapagsasalita at makakikilos ayon sa mga prinsipyo, maiwawaksi ang iyong mga tiwaling disposisyon, at maisasakatuparan ang pagpapasakop sa Diyos. Kung hindi mo nauunawaan ang katotohanan, tiyak na mali ang tatahakin mong landas, at hindi ka magkakaroon ng buhay pagpasok, o magagawa kang mailigtas. Ang ilang tao ay partikular na mahusay sa pagbabalatkayo, lumalabas na parang naghahangad sila ng katotohanan, subalit wala silang mga prinsipyo sa kanilang mga pagkilos at ang ginagawa lamang nila ay ang magdulot ng mga paggambala at panggugulo, lumilikha ng maraming problema para sa gawain ng iglesia; hindi maililigtas ang gayong mga tao. Samakatuwid, ang layunin ng madalas na pakikinig sa mga sermon at madalas na pagkain at pag-inom ng mga salita ng Diyos ay hindi para sa kapakanan ng mababaw na pakikipag-ugnayan o pagpupuno ng puso, o sangkapan ang sarili ng mga doktrina o pagsasanay sa mahusay na pagsasalita; ito ay para sangkapan ang sarili ng katotohanan at kamtin ang pagkaunawa ng katotohanan. Ang katatalakay lang ay hindi talaga partikular na malalim pagdating sa katotohanan ng pagkilala sa Diyos; ito ang pinakapangunahing katotohanan. Ang pagkaunawa ng mga tao sa katotohanan ay limitado at iba-iba ng lalim, at nakabatay ito sa kakayahan ng isang tao. Ang ilang tao ay nakaaarok nang mas malalim; ibig sabihin, mayroon silang kakayahang makaarok. Ang iba ay sadyang mababaw ang naaarok. Anuman ang lalim ng pag-arok ng isang tao, ang pinakamahalaga ay ang pagsasagawa ng katotohanan. Gayunpaman, hindi maaaring hatiin ang katotohanan sa malaki o maliit, matayog o mababang uri, at hindi ito maaaring hatiin sa malalim o mababaw. Ibig sabihin, maaaring klasipikahin ang katotohanan sa pinakapangunahin o pinakapayak, subalit hindi ito maaaring hatiin sa mga antas ng lalim; naaarok at nararanasan lang ito ng mga tao sa iba’t ibang lalim. Anumang may kinalaman sa diwa ng katotohanan ay may katulad na lalim at hindi isang bagay na lubos na mararanasan o ganap na tataglayin ng sinuman. Anumang aspekto ng katotohanan ang sangkot, dapat magsimula ang mga tao sa pinakamababaw na antas ng kanilang pag-arok at pagsasagawa, at unti-unting umusad mula sa mababaw tungo sa malalim, naaabot ang tunay na pagkaunawa ng katotohanan at nakapapasok sa realidad. Ang pinakamababaw na bahagi ng katotohanan ay ang maaaring maunawaan nang literal. Kung hindi ito maisasagawa o mapapasok ng mga tao, nauunawaan lamang nila ang ilang salita at doktrina. Hindi sapat ang simpleng pagkaunawa sa mga salita at doktrina para maabot ang diwa ng katotohanan. Palaging itinuturing ng mga taong hindi nakauunawa sa katotohanan ang kakayahang ipaliwanag ang literal na kahulugan bilang pagkaunawa sa katotohanan; kamangmangan lamang ito ng tao. Kung ang iyong pagsasagawa ng katotohanan ay tungkol lamang sa pagsunod sa mga regulasyon at mahigpit na pagpapatupad ng mga ito nang walang anumang prinsipyo, huwag mong isiping ito ay pagsasagawa ng katotohanan at pagpasok sa realidad; malayo ka pa rin dito. Kung patuloy kang magsasagawa at magdaranas sa loob ng marami pang taon, at makatutuklas ng higit pang liwanag, na makasasapat para sa iyo na magsagawa at magdanas nang marami pang buwan o taon, at kalaunan, taglay ang higit pang karanasan, makatutuklas ka ng mas bagong liwanag, umuusad nang ganito mula sa mababaw tungo sa malalim, sa hakbang-hakbang na paraan, tunay kang nakapasok sa katotohanang realidad. Tanging ang isang tao na ganap na nakapasok sa katotohanang realidad ang siyang nagkamit ng katotohanan. Kahit pa isang araw ay isinabuhay mo ang realidad ng katotohanan, at masasabing nakamit mo ang katotohanan, ang totoo ay limitado pa rin ang iyong dinanas at nalaman. Hindi mo masasabing ikaw ang katotohanan, o masasabi tulad ni Pablo na “sa akin ang mabuhay ay si cristo” (Filipos 1:21), sapagkat masyadong malalim ang katotohanan, at ang kayang danasin at unawain ng isang tao sa loob ng maraming dekada ng isang habang buhay ay sobrang limitado. Malinaw na ang pagkaunawa sa katotohanan ay makakamit ng mga tao nang bahagya, subalit ang pagkakamit ng katotohanan ay hindi isang madaling bagay. Kung hindi kaya ng isang tao na unawain o isagawa maging ang mga pinakamababaw na katotohanan, iyon ay isang tao na hindi nagmamahal sa katotohanan at tiyak na walang espirituwal na pang-unawa; ang mga taong napakalayo sa katotohanan ay hindi maaaring mailigtas. Hindi magagampanan nang maayos ng mga tao na hindi kailanman nakauunawa sa katotohanan ang kanilang tungkulin; mga patapon sila, mga hayop na nakadamit-tao. Akala ng ilang tao na nauunawaan nila ang katotohanan dahil lamang nauunawaan nila ang ilang doktrina. Kung talagang nauunawaan nila ang ilang katotohanan, bakit hindi nila magampanan nang maayos ang kanilang mga tungkulin? Bakit wala silang mga prinsipyo sa kanilang mga pagkilos? Ipinakikita nitong walang silbi ang pagkaunawa sa mga doktrina; ang pagkaunawa sa mas maraming doktrina ay hindi nangangahulugang pagkaunawa sa katotohanan.
Pagkatapos ang pagbabahaginan sa paksa ng tungkulin, dadako naman tayo sa isyu ng sapat na pagtupad ng tungkulin. Kaugnay ng sapat na pagtupad ng tungkulin, ang diin ay nasa salitang “sapat.” Kaya, paano dapat bigyang-kahulugan ang “sapat?” Dito, gayundin, ay may mga katotohanang dapat hanapin. Sapat na ba ang makagawa lang ng kapasa-pasang trabaho? Para sa partikular na mga detalye kung paano unawain at ituring ang salitang “sapat,” dapat mong maunawaan ang maraming katotohanan at higit pang magbahagi sa katotohanan. Sa pagtupad ng iyong tungkulin, dapat mong maunawaan ang katotohanan at ang mga prinsipyo nito; saka mo lang mararating ang sapat na pagtupad ng tungkulin. Bakit dapat tuparin ng mga tao ang kanilang mga tungkulin? Sa sandaling nanampalataya sila sa Diyos at tinanggap na ang Kanyang tagubilin, ang mga tao ay may kani-kanilang responsabilidad at obligasyon sa gawain ng sambahayan ng Diyos at sa lugar ng gawain ng Diyos, at, kaya naman, dahil sa pananagutan at obligasyong ito, naging bahagi na sila sa gawain ng Diyos, isa sa mga tatanggap ng gawain ng Diyos, at isa sa mga tatanggap ng Kanyang pagliligtas. Mayroon talagang malaking ugnayan sa pagitan ng pagliligtas sa mga tao at kung paano nila ginagampanan ang kanilang mga tungkulin, kung mahusay ba nilang nagagawa ang mga ito, at kung nagagawa ba nila nang sapat ang mga ito. Yamang naging bahagi ka na ng sambahayan ng Diyos at tinanggap ang Kanyang tagubilin, mayroon ka na ngayong tungkulin. Hindi para sa iyo ang sabihin kung paano dapat gampanan ang tungkuling ito; nasa Diyos ito para sabihin; nasa katotohanan ito para sabihin; at idinidikta ito ng mga pamantayan ng katotohanan. Samakatuwid, dapat malaman, maunawaan, at malinawan ang mga tao kung paano sinusukat ng Diyos ang mga tungkulin ng mga tao, batay saan Niya sinusukat ang mga ito—ito ay isang kapaki-pakinabang na bagay na hanapin. Sa gawain ng Diyos, nakatatanggap ang iba’t ibang tao ng iba’t ibang tungkulin. Ibig sabihin, ang mga tao na may iba’t ibang kaloob, kakayahan, edad, at kondisyon ay nakatatanggap ng iba’t ibang tungkulin sa iba’t ibang panahon. Ano pa mang tungkulin ang iyong natanggap, at ano pa mang oras o kalagayan mo ito natanggap, ang iyong tungkulin ay isa lamang responsabilidad at obligasyon na dapat mong gampanan, hindi mo ito pamamahala, lalong hindi mo rin ito negosyo. Ang pamantayang hinihingi ng Diyos para sa pagtupad mo ng iyong tungkulin ay na ito ay “sapat.” Ano ang ibig sabihin ng “sapat”? Ibig sabihin ay matugunan ang mga hinihingi ng Diyos at mapalugod Siya. Dapat sabihin ng Diyos na ito ay sapat at dapat matanggap nito ang Kanyang pagsang-ayon. Saka pa lang na ang pagtupad mo ng iyong tungkulin ay magiging sapat. Kung sasabihin ng Diyos na hindi ito sapat, gaano mo man katagal nang isinasakatuparan ang iyong tungkulin, o gaano mang halaga ang binayaran mo, hindi ito sapat. Ano ang magiging resulta? Uuriin itong lahat bilang pagtatrabaho. Iilang trabahor lang na may tapat na puso ang maililigtas. Kung hindi sila tapat sa kanilang pagtatrabaho, wala silang pag-asang maililigtas. Sa madaling salita, mawawasak sila sa isang sakuna. Kung hindi kailanman natutugunan ng isang tao ang pamantayan kapag gumaganap ng kanyang tungkulin, kukunin ang kanyang karapatang gumanap ng tungkulin. Pagkatapos kunin ang karapatang ito, ang ilang tao ay isasantabi. Pagkatapos isantabi, aasikasuhin sila sa ibang paraan. Ang ibig sabihin ba ng “aasikasuhin sa ibang paraan” ay ititiwalag? Hindi naman ganoon. Ang pangunahing tinitingnan ng Diyos ay kung nagsisi ang isang tao. Samakatuwid, kung paano mo ginagampanan ang tungkulin mo ay mahalaga, at dapat tratuhin ito ng mga tao nang seryoso at tapat. Dahil ang pagganap sa iyong tungkulin ay direktang nauugnay sa iyong buhay pagpasok at pagpasok sa mga katotohanang realidad, gayundin sa malalaking isyu tulad ng iyong kaligtasan at pagpeperpekto, dapat mong tratuhin ang pagganap ng iyong tungkulin bilang una at pinakamahalagang gawain habang nananalig sa Diyos. Hindi maaaring naguguluhan ka tungkol dito. Sa proseso ng pagganap ng kanilang mga tungkulin, magpapakita ang iba’t ibang tao ng iba’t ibang pag-uugali. Ang iba’t ibang pag-uugaling ito ay nakikita hindi lamang ng mga tao kundi pati na rin ng Diyos. Hindi lang ang iglesia ang nagbibigay ng mga puntos at nagsusuri; sa huli, ang Diyos rin ay magbibigay ng mga puntos at magsusuri sa lahat ng gumaganap sa kanilang mga tungkulin. Ang ilang tao ay talagang nakaabot sa pamantayan, habang ang iba ay lubusang hindi nakasapat. Ang ilang hindi sapat na tao ay sasailalim pa rin sa pagmamasid habang ang iba ay tiyak nang kinategorya ng Diyos. Sino ang mga tao na nakikita ng Diyos na hindi sapat? Sila ay ang may mabababang pagkatao at walang konsensiya at katwiran, na palaging gumaganap sa kanilang mga tungkulin sa paraang pabasta-basta. Gaano man karaming biyaya ng Diyos ang kanilang tinatamasa, wala silang interes na suklian ito at wala silang pasasalamat. Siyempre, likas ding kabilang dito ang masasamang tao. Masasabing ang lahat ng may mababang pagkatao at walang konsensiya at katwiran ay tumutupad ng kanilang mga tungkulin nang hindi sapat. Ang mga malinaw na masama ay hindi maiiwasang gumawa ng hindi mabilang na masasamang gawa habang ginagampanan ang kanilang mga tungkulin. Hangga’t hindi sila pinaaalis, patuloy silang gagawa ng kasamaan. Ang gayong mga tao ay dapat agad na paalisin. Siyempre, may ilang tao rin na mukhang may kaunting anyo ng pagkatao at na tila hindi masasamang tao, subalit ang pagganap nila ng kanilang tungkulin ay pabasta-basta, at hindi nagbubunga ng mga resulta. Pagkatapos pungusan at makatanggap ng pagbabahagi sa katotohanan, magiging depende ito kung paano sila gaganap sa huli at kung tapat ba silang nagsisi o hindi. Para sa gayong mga tao, naghihintay pa rin ang Diyos at nagmamasid. Para sa mga may mababang pagkatao at walang konsensiya at katwiran, gayundin ang mga malinaw na masama, may tiyak nang hatol ang Diyos sa kanila—sila ay lubusang ititiwalag.
Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.