Sa Pag-unawa Lamang sa Katotohanan Malalaman ng Isang Tao ang mga Gawa ng Diyos (Unang Bahagi)
May kataas-taasang kapangyarihan ang Diyos sa kapalaran ng buong sangkatauhan at sa sansinukob at lahat ng bagay. Anong katunayan ang nakikita ng mga tao tungkol sa kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos? Na gaano man kalaki ang mundo o gaano man kalawak ang daigdig, mula sa malalaking nilalang hanggang sa maliliit, kataas-taasang naghahari ang Diyos sa lahat at pinangangasiwaan Niya ang lahat ng bagay. Anuman ang mga ninanais, ambisyon, at hinihingi ng tao, o ang direksyon kung saan siya malamang na uunlad, mula sa kinatatayuan ng Diyos, kahit kaunti ay hindi naaapektuhan ng mga bagay na ito ang Kanyang kataas-taasang kapangyarihan at mga pangangasiwa. Sa pamamagitan ng anong prinsipyo kataas-taasang naghahari at nangangasiwa ang Diyos sa lahat ng bagay? Saan ito nakabatay? Ano ang mithiin ng Diyos sa paggawa ng lahat ng ito? Sa ano ito umiikot? (Umiikot ito sa plano ng pamamahala ng Diyos.) Tama ang tugon na ito; umiikot ang lahat ng ginagawa ng Diyos sa Kanyang plano ng pamamahala. Tila medyo hindi maarok ang mga salitang ito, ngunit mayroong mas malalim na kahulugan ang mga ito. Ang ibig Kong sabihin dito, hindi naiimpluwensiyahan ng mga hangarin ng tao ang lahat ng gawaing ginagawa ng Diyos. Ang kataas-taasang kapangyarihan at pangangasiwa ng Diyos; ang paraan kung paano Niya pinangangasiwaan ang mga bansa, tao, o etnikong grupo; o ang mga bagay na itinatakda Niyang mangyari sa anumang kapanahunan ay hindi naiimpluwensiyahan ng mga hangarin ng tao. Hindi nalilimitahan ng panahon, lugar, heograpiya, o mga tao ang Diyos. Lahat ng Kanyang ginagawa ay natutupad ayon mismo sa Kanyang plano, at walang sinumang makapipigil o makahahadlang dito. Hindi mahalaga kung nais mo o hindi, at anuman ang mga pansariling hangarin ng sangkatauhan o ng isang partikular na etnikong grupo, walang sinuman o anumang bagay ang may kakayahang guluhin, sirain, o impluwensiyahan kung ano ang piniling gawin ng Diyos. Ano ang natutunan ninyo mula rito? (Natutunan namin ang tungkol sa awtoridad ng Diyos.) Ito ang awtoridad ng Diyos. Mula nang unang likhain ng Diyos ang mga tao hanggang sa unti-unti silang umunlad, ang sangkatauhan ay binuo ng mga taong hinirang ng Diyos, mga Hentil, at mga sumasalungat sa Diyos. Itinuturing ng Diyos ang lahat ng uri ng mga taong ito bilang tao, ngunit, may pagkakaiba ba kung paano tinatrato ng Diyos ang iba’t ibang uri ng mga taong ito? Ginagabayan ba ng Diyos ang Kanyang mga hinirang sa isang partikular na paraan? (Oo, ginagawa Niya ito.) Iba ang turing ng Diyos sa Kanyang mga hinirang kaysa sa turing Niya sa ibang mga tao. Ngunit sa mga hinirang ng Diyos, may ilang nagagawang sumunod at tumalima sa Kanya, at may ilan namang sumusuway at tumututol sa Kanya. Kaya, paano sila tinatrato ng Diyos? Paano tinitingnan ng Diyos ang kanilang saloobin patungkol sa Kanya? (Maawain at mapagmahal ang Diyos sa mga sumusunod sa Kanya, ngunit kapag sumusuway at tumututol ang mga tao sa Kanya, ipinaparanas Niya pababa sa kanila ang Kanyang matuwid na disposisyon.) Tama iyan. Kahit sa tingin mo ay isa ka sa mga hinirang ng Diyos, o isa sa Kanyang mga tagasunod, o nakatulong ka sa gawain sa sambahayan ng Diyos sa anumang paraan, mula sa kinatatayuan ng Diyos, hindi Niya tinitingnan ang mga panlabas na bagay na ito. May matuwid na disposisyon at may prinsipyo ang Diyos sa Kanyang pagtrato sa mga tao: Ang mga dapat hatulan, ay hinahatulan; ang mga dapat parusahan, ay pinarurusahan; at ang mga dapat wasakin, ay winawasak. Halimbawa, ano ang napapansin ninyo tungkol sa katunayang pinalayas ang mga Hudyo sa Judea, at ipinalaganap ang ebanghelyo ng kaharian ng langit ng Panginoong Jesus sa mga Hentil? Ayon sa mga kuru-kuro at imahinasyon ng mga tao, at ayon sa Hudaismo, tanging ang mga Hudyo ang hinirang na mga tao ng Diyos. Sila ang mga kinalulugdang anak ng Diyos, at ang mga taong pinakamalapit sa puso ng Diyos; sila ang Kanyang mga paborito. Ayon sa sinasabi ng mga tao, ang mga Hudyo ang pinakamamahal Niyang mga anak, at dapat pakaalagaan at pakaprotektahan ng isang tao ang kanyang paboritong anak, at huwag itong hayaang masaktan o maagrabyado sa anumang paraan. Iniisip ng mga tao na kahit ano pa ang idalangin ng mga Hudyo, ipagkakaloob ito ng Diyos sa kanila, at bibiyayaan sila ng higit pa sa kanilang hiniling o inasahan. Pero ganito ba ang ginawa ng Diyos? (Hindi, hindi ganito.) Kung gayon, ano ang ginawa ng Diyos? Dahil ipinako ng mga Hudyo ang Panginoong Jesus sa krus, nagalit nang husto ang Diyos at pinahintulutan Niyang magpadala ng hukbo ang mga Romano para lupigin ang Judea at paalisin ang mga Hudyo mula sa sarili nilang lupa. Isa itong tagpong puno ng pagpaslang at madugong patayan; hindi mabilang na mga tao ang namatay at dumanak nang husto ang dugo. Nakaligtas lang ang maraming Hudyo sa pamamagitan ng pagtakas patungo sa iba’t ibang bansa sa buong mundo. Mula sa mga katunayang ito, anong diwa ang nakikita ninyo sa disposisyon ng Diyos? (Na hindi nalalabag ang matuwid na disposisyon ng Diyos.) Huwag muna nating pag-usapan ang tungkol sa disposisyon ng Diyos, gamitin muna nating halimbawa ang mga tao. Sa totoong buhay, kung ang isang tao ay may pinakamamahal na anak, at gusto nilang manahin ng anak ang kanilang ari-arian at ang lahat nang mayroon sila, ano ang kanilang gagawin? Sa isang banda, magiging mahigpit sila sa anak, nang sa gayon ay lumaki itong may narating sa buhay at makahahalili sa mga magulang nito. Ngunit ang pinakamahalaga, poprotektahan niya ang anak at hindi hahayaang malagay sa landas ng anumang kapahamakan o panganib. Ang layunin nito ay para mabuhay at manahin ng anak ang lahat nang mayroon ang mga magulang nito. Ano ang nag-uudyok sa mga tao para gawin ang lahat ng ito? Sa ganoong paraan din ba tinatrato ng mga tao ang mga anak na hindi nila mahal, o ang mga estranghero? Sa ganoong paraan din ba sila kumikilos? (Hindi, hindi nila ginagawa ito.) Halata namang ang lahat ng ginagawa ng mga tao para sa kanilang anak na pinakamamahal nila ay bunsod ng pagiging makasarili, nararamdaman, at personal na hangarin; ang mga bagay na ito ay bahagi ng diwa ng kalikasang diwa ng tao. May katotohanan ba sa mga nararamdaman at sa pagiging makasarili ng mga tao? May pagiging patas ba sa mga ito? (Wala.) Ganoon ipakita ng sangkatauhan ang sarili nito. Ngunit pansinin ang mga bagay na ginawa ng Diyos—gusto ng Diyos na ipalaganap ng Kanyang hinirang na mga tao, ang mga Hudyo, ang ebanghelyo mula Judea hanggang sa lahat ng taong Hentil sa iba’t ibang panig ng mundo—sa Asya, Europa, Aprika, at sa buong Amerika. Paano nila ito ipinalaganap? Gumamit ng pamamaraan ang Diyos kung saan kinamkam at sinakop ng mga banyagang mananakop ang lupain ng mga Hudyo, pinalayas ang mga Hudyong nakatira doon, ang mga taong nagpapalaganap ng balita tungkol sa Tagapagligtas na si Jesus, at naging dahilan ito para mapaalis sila sa sarili nilang lupa, at hindi na makabalik kailanman. Pagkatapos nito, nanirahan ang mga Hudyo sa iba’t ibang panig ng mundo, kung saan sila namuhay at nagsimulang ipalaganap ang ebanghelyo ng Tagapagligtas na si Jesus, hanggang sa unti-unti itong makarating sa bawat bansa sa mundo, at sa lahat ng dulo ng daigdig. Pinatutunayan nito ang isang katotohanan: na napakapraktikal ng gawain ng Diyos. Saan ito pangunahing naipapamalas? Sa katunayang gumamit ang Diyos ng isang napakaespesyal at kakaibang pamamaraan upang itulak ang mga Israelita patungo sa lahat ng iba't ibang bansang ito at ipalaganap ang ebanghelyo ng Panginoong Jesus. Kung hinayaan Niya lang ang mga Israelita na magdesisyong lumipat sa bawat bansa at ipalaganap ang ebanghelyo at magpatotoo sa Diyos, hindi sana nila nagawang talikuran ang kanilang mga pamilya at ang bayang sinilangan ng kanilang mga ninuno. Para bang hinampas sila ng Diyos para makalabas sila at maipalaganap ang ebanghelyo ng Panginoong Jesus. Ito ang halagang pinagbayaran ng Diyos para sa ebanghelyo ng kaharian ng langit; isinuong Niya sa digmaan, patayan, at pagkakapatapon ang Kanyang mga hinirang. Napilitan ang mga Hudyo na libutin ang mundo nang walang tahanan, habang ipinapalaganap ang ebanghelyo sa bawat bansa. Sa mga mata ng mga tao, masyadong walang konsiderasyon ang mga pamamaraang ito, ngunit mailalarawan ba na “walang konsiderasyon” ang diwa ng Diyos? Siyempre hindi, dahil hindi naman ito walang konsiderasyon. Ito ay dahil walang halong pagiging makasarili o damdamin sa disposisyon at diwa ng Diyos; ginawa Niya ang lahat ng ito para sa kaunlaran ng buong sangkatauhan, nang sa gayon magtagumpay ang susunod na hakbang ng pag-unlad ng sangkatauhan, at magkaroon ito ng katuparan nang ganap na alinsunod sa mga hakbang ng plano ng pamamahala ng Diyos. Kaya, dapat itong gawin ng Diyos; wala nang iba pang paraan. Umabot na sa puntong ito ang mga hakbang ng gawain ng Diyos, at nagbunga ng mabibilis at magagandang resulta ang Kanyang mga kilos, kaya angkop na angkop ang mga ito. Kung titingnan ang diwa ng Diyos, ang Diyos lamang ang makagagawa nito, walang anumang bansa o lahi ang makagagawa nito. Matuwid ang disposisyon ng Diyos. Kung titingnan ang saloobin ng Diyos sa mga Hudyo, makapagbibigay ito ng kaunting kaliwanagan para sa mga taong hinirang ng Diyos sa kasalukuyan. Ang tao ay nilikha ng Diyos, at ang Diyos ay may pagmamahal, paggiliw, awa, at mapagmahal na kabaitan para sa tao, ngunit kapag binibigyan ng Diyos ang mga tao ng misyon, ano ang mga tao sa mata ng Diyos? Kaya ba ninyong maintindihan ang ganitong antas ng kahulugan? Sinasabi ng ilang tao, “Sa pananaw na ito, walang anumang halaga ang mga tao sa mata ng Diyos. Mga tau-tauhan lang sila. Pupunta ka lang kung saan Niya sabihin, at gagawin mo kung ano ang Kanyang sinabi.” Tama ba ang mga salitang ito? Hindi tama. Tila ganito ang lagay sa panlabas, pero ang totoo ay hindi. Kung gagamitin ang salita ng tao, kapag kumikilos ang Diyos, hindi Niya masyadong iniintindi ang mga ganoong bagay. Wala Siya ng nakaugaliang pag-iisip o kuru-kuro ng tao, at walang anumang makakapigil sa Kanya. Lahat ng ginagawa ng Diyos ay nakapagpapalaya, may kalayaan, hayagan, walang itinatago, at matuwid. Ang isang aspekto ay na sinusunod Niya ang mga hakbang ng Kanyang plano ng pamamahala nang sa gayon ay uusad nang normal ang lahat; ang isa pang aspekto ay na ginagawa Niya ito para sa hinaharap ay makausad at makasulong nang normal ang mga tao sa mga kamay ng Diyos, alinsunod sa Kanyang plano ng pamamahala. Konektadong-konektado ang kaunlaran ng tao sa plano ng pamamahala ng Diyos. Kung hindi kumilos ang Diyos sa ganitong paraan, na pinapasan ang sakit ng pagsuko sa isang bagay na Kanyang minamahal para gawin ang hakbang na ito, magiging mahirap para sa tao na umunlad kahit kaunti. Iyon ang dahilan kung bakit sinasabi Kong isinasaalang-alang ng Diyos ang bawat pasya na Kanyang ginagawa, bawat hakbang na Kanyang tinatahak, at bawat bagay sa Kanyang gawain ng pamamahala; naglalaman ito ng Kanyang kapangyarihan, awtoridad, at karunungan. Palaging may mga bagay na ginagawa ang Diyos na hindi nauunawaan ng mga tao. Bakit hindi nila ito maunawaan? Dahil may mga kuru-kuro ang mga tao. Ang ilan sa mga kuru-kurong ito ay mga imahinasyon, ang ilan ay bunga ng impluwensiya ng nakaugaliang kultura at pag-iisip ng tao, at ang ilan naman ay mga makasariling hangarin at panghuhusga ng tao. Naiimpluwensiyahan ng mga bagay na ito ang pag unawa ng tao tungkol sa Diyos, pati na ang kanyang pananaw tungkol sa Diyos.
Anong konklusyon ang maiisip ninyo tungkol sa pagpapalayas sa mga Hudyo mula sa Judea? (Na ang Diyos ay walang makasariling puso tulad ng sa mga tao. Lahat ng ginagawa ng Diyos ay matuwid, at para sa pagsulong ng buong sangkatauhan.) Kung nangyari ang sitwasyong ito sa inyo, at may patayan, pagdanak ng dugo, dumating na pagkawasak at kamatayan sa inyong sambahayan, at nagkawatak-watak ang inyong pamilya, ano kaya ang magiging pagkaunawa ninyo? (Depende sa aming pagkatao at sa lala ng aming katiwaliang idinulot ni Satanas, maaaring marami kaming maling pagkaunawa, hinanakit, at maling interpretasyon, pero ngayon, sa pamamagitan ng pagbabahagi ng Diyos, napagtanto namin na ang lahat ng ginagawa ng Diyos ay nagtataglay ng kahulugan at ng Kanyang kalooban. Kahit gaano pa karaming pagdurusa ang maranasan namin, dapat ay handa kaming magpasakop sa lahat ng pangangasiwa ng Diyos, at gawin ang lahat ng aming makakaya para makipagtulungan sa Kanya, na ibinabahagi at pinatototohanan ang gawain ng Diyos sa mga huling araw.) Sa harap ng mga katunayang ito, may magagawa ba ang tao? Walang karapatan ang tao na mamili kung ano ang pagpapasyahang gawin ng Diyos. Matapos marinig ang mga salitang ito, nadarama pa rin ba ng mga tao na ang Diyos ay pag-ibig? Nasisiraan sila ng loob, at sinasabing, “Kung walang magagawa ang mga tao tungkol sa mga katunayang ito, anong papel ba talaga ang ginagampanan ng mga tao sa gawaing plano ng pamamahala ng Diyos?” Alam ba ninyo? (Kami ay mga nilikha.) Hindi lang kayo basta mga nilikha; gumaganap kayo bilang mga mapaghahambingan. Kayo ang pakay ng paghatol at pagkastigo ng Diyos, pero higit pa rito, pakay kayo ng Kanyang pagliligtas. Iyon ang papel na ginagampanan ninyo. Ano ang gampanin ninyo bilang mga nilikha? May kaugnayan ito sa pagsasagawa at sa tungkulin ng isang tao. Isa kang nilikha, at kung binigyan ka ng Diyos ng kaloob sa pag-awit, at isinasaayos ng sambahayan ng Diyos na umawit ka, kailangan mong umawit nang maayos. Kung may talento ka sa pangangaral ng ebanghelyo, at isinasaayos ng sambahayan ng Diyos na ipalaganap mo ang ebanghelyo, kung gayon, dapat mahusay mong ipalaganap ang ebanghelyo. Kapag inihahalal ka ng mga hinirang ng Diyos bilang isang lider, dapat mong tanggapin ang atas ng pamumuno, at pangunahan ang mga hinirang ng Diyos sa pagkain at pag-inom ng mga salita ng Diyos, sa pagbabahagi tungkol sa katotohanan, at sa pagpasok sa realidad. Kapag ginawa mo ito, magagampanan mo nang mabuti ang iyong tungkulin. Lubhang mahalaga at makahulugan ang atas na ibinibigay ng Diyos sa tao! Kaya, paano mo ba dapat tanggapin ang atas na ito at tuparin ang iyong gampanin? Ito ang isa sa pinakamalalaking isyu na kinakaharap mo, at dapat kang magpasya. Maaaring sabihin na isa itong napakahalagang sandali na magpapasya kung makakamit mo ba ang katotohanan at mapeperpekto ka ba ng Diyos o hindi. Kung kikilos ka nang umaasa sa sarili mong kalooban at gagawa ka ng lahat ng uri ng kapangahasan, hindi mo lamang hindi matutupad ang atas ng Diyos, kundi maaabala mo rin ang gawain ng sambahayan ng Diyos. Bunga nito, kakailanganin na parusahan ka, gaya ng nangyari kay Pablo. Kapag sinasabi sa iyo ng Diyos na humayo ka at gawin ang isang bagay, ano ang gampanin mo? Ito ay ang gawin nang maayos ang gampanin at huwag magkamali. Kapag ginawa mo ito, maayos mong ginagampanan ang isang serbisyo. Kahit ano pang serbisyo ang iutos sa iyo ng Diyos na gampanan, dapat mo itong gawin nang maayos at masunurin. Kapag ginawa mo ito, isa kang taong nakikinig at sumusunod. Kung hindi mo naman gagampanan ang isang serbisyo nang tapat, na lagi kang may mga personal na intensyon, at lagi mong gustong maghari-harian, kung gayon, isa kang Satanas at anticristo, at dapat kang parusahan. Hindi nauunawaan o hinahangad ng ilang tao ang katotohanan; nagsisikap lamang sila sa kanilang trabaho. Ano kung gayon ang kanilang gampanin bilang nilikha? Ang magtrabaho at maglingkod lamang. Lagumin natin kung gayon, kung ano mismo ang mga tungkuling dapat gampanan ng mga nilikha sa paningin ng Diyos at kung ano ang wangis ng tao na dapat nilang isabuhay. Tumutukoy ito sa inyong pagsasagawa. Ayon sa mga kuru-kuro at imahinasyon ng tao, kinagigiliwan, pinagmamalasakitan, pinoprotektahan, inaalagaan, at binibiyayaan ng Diyos ang mga nilikha sa Kanyang paningin. Pagkatapos ay dinidisiplina, tinatabasan at iwinawasto Niya sila, minamahal sila sa Kanyang puso, at hinahawakan sila sa Kanyang mga kamay. Sa huli, may iisang intensyon ang Diyos at iyon ay ang gawin silang perpekto, siguruhin ang kanilang kaligtasan at tiyaking walang mangyayari sa kanilang masama hanggang sa sila ay magawang perpekto. Para sa kanila, ganito ang mga nilikha sa paningin ng Diyos. Kapag nararanasan ito ng mga tao, naiisip nila, “Lubhang kaibig-ibig ang Diyos! Napakadakila ng ating Diyos! Lubhang karapat-dapat Siya para sa ating pagmamahal! Maawain at mapagmahal ang Diyos! Kahanga-hanga ang Diyos!” Pero kung ikukumpara mo ito sa mga totoong pangyayari, ito lamang ba ang mga paraan kung paano tinatrato ng Diyos ang mga nilikha? (Hindi.) Kung gayon, paano tinatrato ng Diyos ang mga tao? Ano pang mga kuru-kuro at imahinasyon mayroon ang mga tao patungkol sa saloobin ng Diyos sa Kanyang pagtrato sa tao? May anumang bagay bang hindi matanggap ng mga tao? Walang pagdududang ito ay ang paghatol, pagkastigo, mga pagsubok, pagpipino, pagtatabas, pagdidisiplina, pagkakait, at pagwawasto ng Diyos sa mga tao. Anong uri ng mga tao ang mga hindi kayang tanggapin ang paghatol at pagkastigo ng Diyos? Masasabi mong mga tao silang hindi tinatanggap ang katotohanan, at talagang masasabi mong ang mga taong hindi tinatanggap ang katotohanan ay mga walang pananampalataya. Kung hindi matanggap ng isang tao ang paghatol at pagkastigo ng Diyos, iyon ay katumbas ng hindi niya pagtanggap sa gawain ng Diyos. Ano ang kalikasan ng problemang ito? Ito ay na hindi niya tinatanggap ang katotohanan, at tinatanggihan niya ang gawain ng Diyos. Ang mga taong kagaya nito ay mapapahamak at maparurusahan lamang. Kahit ano ka pang uri ng tao, kung nananalig ka sa Diyos ngunit hindi mo naman tinatanggap ang katotohanan, hindi ka maililigtas. Matapos magsimulang manalig sa Diyos ang isang tao, kahit ano pang kapaligiran ang paglagyan sa kanya ng Diyos para ilantad siya, sa panahon ng proseso ng paglalantad, makikita ba niya ang mga pagpapala, biyaya, malasakit, o proteksyon ng Diyos? (Hindi, hindi niya makikita.) Sa panlabas, hindi niya ito makikita, ngunit matapos dumaan sa mga pagsubok at pagpipino, magagawa na ba niya itong makita? Siguradong makikita na niya. Kaya, maraming tao ang nakakakita ng proteksyon at mga pagpapala ng Diyos matapos na maranasan ang Kanyang paghatol at pagkastigo. Pero hindi man lang nakikita ng mga taong hindi nagmamahal sa katotohanan ang mga bagay na ito. Pinanghahawakan pa rin nila ang kanilang mga kuru-kuro at imahinasyon, at punung-puno sila ng antagonismo at paghihimagsik laban sa Diyos. Ito ang mga uri ng taong walang pananampalataya, masasama, at anticristo. Ang lahat ng ginagawa nila ay halimbawa ng kung ano ang hindi dapat na gawin. Isang halimbawa si Pablo. Ano ang nakikita ng mga tao kapag tinitingnan nila si Pablo? (Na si Pablo ay nasa landas ng isang anticristo, at na ang kuwento niya ay nagsisilbing isang babala sa amin.) Hindi hinangad ni Pablo ang katotohanan. Nanalig lang siya sa Diyos dahil naghangad siya ng isang kinabukasan at hantungan para sa kanyang laman. Hinangad lang niyang magtamo ng mga gantimpala at isang korona. Napakaraming sinabi ng Diyos, dinisiplina, binigyan ng kaliwanagan at tinanglawan siya nang husto, pero hindi niya sinunod ang Diyos o tinanggap ang katotohanan. Palagi niyang sinuway at nilabanan ang Diyos, at sa huli, siya ay naging isang anticristo at nakondena at naparusahan. Nagsisilbing halimbawa si Pablo ng kung ano ang hindi dapat na gawin. Sa pamamagitan ng pagsusuri sa halimbawa ni Pablo bilang isang tipikal na anticristo, makikita ng mga tao na si Pablo ay nasa landas ng paglaban sa Diyos, at sa landas ng pagkawasak. Marami ang natuto at nakinabang mula rito. Tinahak nila ang landas ng paghahangad sa katotohanan, at ang tamang landas ng isang mananampalataya. Ano ang kalooban ng Diyos para sa mga taong kayang tanggapin ang katotohanan, at nakinabang mula sa leksyon ni Pablo? (Kaligtasan at pagmamahal.) Kung gayon, anong aspeto ng disposisyon ng Diyos ang makikita ng mga tao mula sa paglalantad, paghatol, at pagkondena ng Diyos kay Pablo? (Ang Kanyang matuwid na disposisyon.) Kung gayon, sa paningin ng Diyos, ano ang kinahinatnan ni Pablo bilang isang nilikha? Siya ay naging isang bagay na tagapagsilbi. Ang mga tao ay pawang mga nilikha, kapwa ang mga nakikinabang at ang mga inilalantad. Gayunpaman, magkaibang-magkaiba kung tratuhin ng Diyos ang dalawang uri na ito ng mga tao. Sa realidad, sa paningin ng Diyos, ang dalawang uri na ito ng mga tao ay kapwa walang silbi gaya ng mga langgam at uod, pero magkaiba ang trato ng Diyos sa bawat isa. Ito ang matuwid na disposisyon ng Diyos. Saan nakabatay ang magkaibang pakikitungo ng Diyos sa dalawang uri na ito ng mga tao? (Nakabatay ito sa landas na kanilang tinatahak.) Nakabatay ito sa kung paano ipinapamalas ng isang tao ang kanyang sarili, ang kanyang diwa, ang kanyang saloobin sa katotohanan, at sa landas na tinatahak ng isang tao. Sa panlabas, tila ba walang konsiderasyon ang Diyos para sa tao, na wala Siyang kaemo-emosyon, at na walang-puso ang Kanyang mga aksyon. Ayon sa mga kuru-kuro at imahinasyon ng tao, naiisip ng mga tao na, “Hindi dapat tinrato ng Diyos si Pablo nang ganoon. Napakarami nang nagawa at pinagdusahan ni Pablo. Dagdag pa rito, lubhang tapat siya sa Diyos. Bakit siya tatratuhin ng Diyos nang ganoon?” Tama bang sabihin ito ng mga tao? Nakaayon ba ito sa katotohanan? Sa papaanong paraan naging lubhang tapat o masugid si Pablo sa Diyos? Hindi ba nila binabaluktot ang katotohanan? Naging tapat at masugid si Pablo sa pagtatamo ng mga pagpapala para sa kanyang sarili. Pagiging tapat ba iyon sa Diyos? Kapag hindi nauunawaan ng mga tao ang katotohanan, hindi malinaw na nakikita ang diwa ng isang problema, at basta-bastang nagsasalita batay sa kanilang mga emosyon, hindi ba’t naghihimagsik sila laban sa Diyos at lumalaban sa Kanya? Hindi na nakapagtatakang kinagigiliwan ng lahat si Pablo! Ang mga kay Satanas ay palaging giliw na giliw kay Satanas, at nagsasalita pa nga para kay Satanas batay sa kanilang mga emosyon. Nangangahulugan ito na bagama't tila humiwalay ang mga tao mula kay Satanas, nananatili silang magkaugnay. Sa katunayan, kapag nagsasalita ang mga tao para kay Satanas, nagsasalita rin sila para sa kanilang sarili. Nakikisimpatiya ang mga tao kay Pablo dahil katulad nila siya, at sila ay nasa landas na pareho ng sa kanya. Ayon sa sentido kumon ng tao, hindi dapat tinrato ng Diyos nang ganoon si Pablo, pero ang ginawa Niya ay ang kabaligtaran mismo ng katwiran ng tao. Ito ang matuwid na disposisyon ng Diyos, at ito ang katotohanan. Kung magsasalita ang isang tao alinsunod sa sentido kumon ng tao, maaari niyang sabihin, “Kahit pa walang masyadong nakamit si Pablo, nagtrabaho at nagsikap naman siya nang mabuti. Dapat ay napagbigyan man lamang siya alang-alang sa bilang ng mga taon na nagdusa siya. Kahit pa isa lamang siyang tagapagsilbi, ayos lang ito. Hindi siya dapat pinarusahan o napunta sa impiyerno.” Mga pangangatwiran at emosyon ito ng tao—hindi ito ang katotohanan. Ano ang pinakakaibig-ibig na aspeto ng Diyos? Na wala Siya ng sentido kumon ng tao. Lahat ng ginagawa Niya ay alinsunod sa katotohanan at sa Kanyang diwa. Nagpapakita Siya ng matuwid na disposisyon. Walang pakialam ang Diyos sa iyong mga personal na kagustuhan, ni sa mga obhektibong katunayan ng kung ano ang iyong mga nagawa. Diyos ang nagtatakda at nagtutukoy kung anong uri ka ng tao batay sa kung ano ang iyong ginagawa, kung ano ang ibinubunyag mo, at ang landas na tinatahak mo, at pagkatapos ay iniaakma ang pinakanararapat na saloobin sa iyo. Ganito natukoy ang kinahantungan ni Pablo. Kung titingnan ang kaso ni Pablo, tila walang pagmamahal ang Diyos. Sina Pedro at Pablo ay kapwa mga nilikha, pero habang pinuri at pinagpala ng Diyos si Pedro, inilantad, masusing sinuri, hinatulan, at kinondena naman Niya si Pablo. Hindi mo makikita ang pagmamahal ng Diyos sa paraan ng pagpapasya Niya ng kinahinatnan ni Pablo. Kaya, batay sa nangyari kay Pablo, masasabi mo bang hindi nagmamahal ang Diyos? Hindi, hindi mo masasabi iyon, dahil dinisiplina siya ng Diyos nang maraming beses, tinanglawan siya, binigyan siya ng maraming pagkakataon para magsisi, pero mariing tumanggi si Pablo at tinahak niya ang landas ng paglaban sa Diyos. Kaya sa huli, kinondena at pinarusahan siya ng Diyos. Kung titingnan nang mababaw ang bagay na ito, para bang walang sariling pagpapasya ang mga tao sa gawain at pagliligtas ng Diyos. Bagama’t hindi nakikialam ang Diyos sa kapasyahan ng mga tao, kung pipiliin ng isang tao ang landas ng paghahangad ng mga pagpapala, kokondenahin at parurusahan siya ng Diyos. Para bang hindi hinahayaan ng Diyos ang mga tao na pumili ng sarili nilang landas, na pinapayagan lang Niya silang piliin ang landas ng paghahangad sa katotohanan, at nasa Diyos na kung mahatulan man, madalisay, o magawang perpekto ang isang tao. Hindi ba’t isang kabalbalan at lubhang katawa-tawa na tingnan ang gawain ng Diyos sa ganitong paraan at bansagan ang Diyos nang ganito? Walang kamalay-malay ang tao na matuwid at banal ang disposisyon ng Diyos; palagi niyang pinipiling sundin ang sarili niyang landas—ang landas ng paglaban sa Diyos, ngunit ayaw namang tanggapin ang paghatol o pagkondena ng Diyos. Hinding-hindi ito makatwiran! Maraming tao ang nag-aakala na, “Hindi maaaring piliin ng mga tao para sa kanilang sarili kung paano sila tatratuhin ng Diyos, kung anong misyon ang ibibigay Niya sa kanila, ang trabahong ipagagawa Niya sa kanila, o ang tungkuling pagagampanan Niya sa kanila. Sa huli, sinumang pinipiling tahakin ang sarili niyang landas ay nakokondena. Pagpapalain at pupurihin ka lang ng Diyos kung pipiliin mo ang landas kung saan ka Niya inaakay, at kung pipiliin mo ang landas ng paghahangad sa katotohanan.” Tingin ng ilang tao rito ay hindi nagiging patas ang Diyos at nakikialam Siya sa kalayaan ng mga tao na pumili. Pero ito ba ang totoo? (Hindi.) Ginagawa ng Diyos ang lahat ng ito nang ayon sa prinsipyo. Kapag hindi mo nauunawaan ang mga totoong pangyayari at ang katotohanan, madali para sa iyo na hindi maunawaan at husgahan ang Diyos, pero kapag nauunawaan mo ang mga totoong pangyayari at ang katotohanan, iisipin mo na lubhang walang kabuluhan at kasuklam-suklam ang mga maling pagkaunawang ito, at hinding-hindi na dapat pang pairalin ang mga ito. Sa puntong iyon, malalaman mo na tama ang lahat ng ginagawa ng Diyos. Hindi ito nakikita ng mga tao dahil masyado silang makasarili at hangal. Hindi nila nauunawaan ang katotohanan at hindi nila nakikita nang malinaw ang mga bagay-bagay, kaya binabansagan nila ang Diyos ayon sa sarili nilang mga kuru-kuro at imahinasyon. Sa sandaling maunawaan mo na ito, hindi mo na ipagtatanggol pa si Pablo o hindi ka na magkakamali ng pagkaunawa sa Diyos. Sasabihin mong, “Talagang tama ang ginagawa ng Diyos. Ang mga tao ang siyang tiwali. Makikitid ang kanilang isip at sila ay mga hangal. Hindi nila nakikita nang malinaw ang mga sitwasyon. Nakikita man ng isang tao ang matuwid na disposisyon ng Diyos o kung nakikita man nito ang Kanyang pagmamahal mula sa bagay na ito, lahat ng ginagawa ng Diyos ay tama, at isang pagpapamalas ng Kanyang matuwid na disposisyon at ng Kanyang diwa. Nakaayon ang lahat ng ito sa katotohanan, at hindi mali!” Ngayon, kapag gumagawa ang Diyos sa inyo at inililigtas kayo, anong landas ang dapat ninyong piliin? Pinakikialaman ba kayo ng Diyos? Ano ang dapat ninyong piliin? Dapat ba kayong matuto mula sa mga pagkakamali ni Pablo? Dapat ba kayong maging kagaya ni Pedro at sumunod sa landas ng paghahangad sa katotohanan? Paano ninyo haharapin ang bagay na ito? Depende iyon sa kung nauunawaan ba ninyo ang katotohanan. Anong mga problema ang malulutas kung nauunawaan ninyo ang katotohanan? Ang layunin ng pag-unawa sa katotohanan ay para lutasin ang tiwaling disposisyon ng tao at ang iba't ibang paghihirap ng tao. Kapag nahaharap ka sa mga problema na hindi kayang lutasin; o sa mga tao, pangyayari, at bagay na hindi tumutugma sa iyong mga kuru-kuro, magsisimulang isagawa ng katotohanan ang gampanin nito sa loob mo. Kaya paano ka matutulungan ng kaso ni Pablo sa iyong personal na pagpasok sa buhay at sa pagpili mo ng iyong landas? (Mauudyukan kami nitong lumapit sa Diyos at magnilay-nilay sa aming sarili.) (Kaya nitong gibain ang mga pader at alisin ang mga maling pagkaunawa sa pagitan ng Diyos at ng tao.) Iyon ang isang bahagi nito, at may nakamtan kayo mula sa talakayang ito. Ang pinakamahalagang bagay na dapat maunawaan ay ang kabuluhan ng pagpili sa landas ng paghahangad sa katotohanan, at kung bakit pinupuri at pinagpapala ng Diyos ang mga nakagagawa nito. Ang maunawaan ang sagot sa katanungang ito ang pinakamahalagang bagay.
Ngayon-ngayon lang ay binanggit Ko kung paanong ipinatapon ang mga Hudyo, at nagpalaboy-laboy sa iba’t ibang bansa sa buong mundo. Ano ang nakikita ng mga tao tungkol sa totoong pangyayaring ito? Anong katotohanan ang nauunawaan nila? Dapat ay mapagnilay-nilay nang kaunti ng pangyayaring ito ang mga tao. Una, sa kung paano dapat magsagawa ang mga tao, at pangalawa, para maunawaan nila ang disposisyon ng Diyos sa pamamagitan ng pangyayaring ito. Pag-usapan muna natin ang tungkol sa kung paano dapat magsagawa ang mga tao sa ganitong mga sitwasyon. Walang anumang ginagawa ang Diyos na naiimpluwensiyahan ng mga ninanasa ng tao; may sariling plano ang Diyos, at may sarili Siyang mga prinsipyo sa paggawa ng mga bagay-bagay. Kaya, anong saloobin ang dapat mayroon ang mga tao? Kahit ano pang sitwasyon ang kanilang harapin, o kung tumutugma ba ito sa kanilang mga kuru-kuro, hinding-hindi dapat kalabanin ng mga tao ang Diyos. Sinasabi ng ilang tao na, “Kahit na sumusuway at lumalaban ako sa Diyos, hindi pa ba sapat na ginagampanan ko naman ang aking tungkulin?” Anong uri ng saloobin ito? Malinaw na hindi ito katanggap-tanggap. Hindi ito tunay na pagsunod. Kung gayon, paano ba talaga maisasagawa ng mga tao ang “huwag kalabanin ang Diyos,” at maisakatuparan ito? May dalawang prinsipyo ng pagsasagawa: Ang una ay maagap na hanapin ang kalooban ng Diyos, kung anong mga katotohanan ang dapat maunawaan ng mga tao, at kung paano makipagtulungan at kumpletuhin ang atas ng Diyos—ito ang aktibong bahagi ng kung ano ang dapat gawin ng mga tao. Ang pangalawa ay suriin at kilalanin kung saan ka may mga maling pagkaunawa tungkol sa Diyos, kung saan ka hindi masunurin sa Kanya, kung saan ka may mga kuru-kuro at imahinasyon, at mga bagay na hindi naaayon sa Diyos. Sa pamamagitan nito, matitiyak na maisasagawa mo nang tumpak ang katotohanan habang ginagawa mo ang iyong tungkulin, magagawa mo ang mga bagay-bagay ayon sa mga prinsipyo, makukumpleto mo ang atas ng Diyos, at magugunita ka ng Diyos. Simple lang ba ang mga prinsipyong ito ng pagsasagawa? (Oo, simple lang.) Ano ang ibig Kong sabihin sa “simple”? Na malinaw naman ang lohika at ang mga salita; ibig sabihin ng “isa” ay isa, at ang “dalawa” ay dalawa; sa sandaling marinig mo ito, alam mo na kung paano ito isagawa. Gayunpaman, ang aktwal na pagsasagawa nito ay hindi ganoon kasimple, dahil may mga tiwaling disposisyon ang mga tao. Palagi nilang pinagdedebatehan ang mga bagay-bagay, at marami silang imahinasyon at kuru-kuro, pati na maling pagkaunawa tungkol sa Diyos. Dapat ay masusing suriin ng mga tao ang mga bagay na ito at tanggapin ang paghatol at pagkastigo ng Diyos, pero nagiging dahilan ito para makaisip pa ng mga bagong kuru-kuro ang mga taong walang espirituwal na pagkaunawa: “Sinasabi ng lahat ng tao na ang Diyos ay pag-ibig, kung gayon ay bakit palaging inilalantad at hinahatulan ng Diyos ang mga kaisipan at kuru-kuro ng mga tao? Hindi ko makitaan ng pagmamahal ang Diyos; ang nakikita ko lang ay hindi nangungunsinti ng paglabag ang disposisyon ng Diyos.” Hindi ba’t isa ito sa mga kuru-kuro ng tao? Kung, gaya ng sa mga kuru-kuro at imahinasyon ng mga tiwaling tao, awa at mapagmahal na kabaitan lang ang ipinakita ng Diyos sa panahong umuunlad ang buong sangkatauhan, at hindi kailanman nagpakita ng pagiging matuwid o matinding galit, magagawa pa kaya ng taong patuloy na mabuhay hanggang sa kasalukuyang panahon? (Hindi, hindi niya magagawa.) Matagal na sigurong nilamon ni Satanas ang tao. Kapag humaharap sa mga isyung tungkol sa mga demonyo at kay Satanas, at sa mga tiwaling tao na lumalaban sa Diyos, ang ipinapakita ng Diyos at kung papaano Niya ipinapamalas ang Kanyang sarili ay hindi ang pagmamahal na sinasabi ng mga tao, kundi isang matuwid na disposisyon; ito ay pagkapoot, pagkamuhi, paghatol, pagkastigo, pagparusa, at pagwasak. Sa pamamagitan lamang ng paggawa nito maipapakita ng Diyos na ang Kanyang disposisyon ay matuwid, banal, at hindi nangungunsinti ng paglabag; sa paggawa lamang nito lubusang maipapahiya si Satanas, at mabisang mapoprotektahan ang tunay na sangkatauhan. Noon pa man ay ganito na inaakay ng Diyos ang sangkatauhan, at kasabay nito ay inililigtas.
Dapat ay madalas na suriin ng mga tao ang anumang bagay sa kanilang puso na hindi kaayon ng Diyos, o na isang maling pagkaunawa sa Kanya. Paano ba nagkakaroon ng mga maling pagkaunawa? Bakit nagkakamali ng pagkaunawa ang mga tao sa Diyos? (Dahil naaapektuhan ang sarili nilang interes.) Matapos makita ng mga tao ang mga totoong pangyayari tungkol sa pagpapalayas sa mga Hudyo mula sa Judea, nasaktan sila, at sinabing, “Noong una, mahal na mahal ng Diyos ang mga Israelita. Inakay Niya sila palabas ng Ehipto at itinawid sa Dagat na Pula, binigyan sila ng manna mula sa kalangitan at tubig-bukal na maiinom, pagkatapos ay personal Niya silang binigyan ng mga batas para pamunuan sila, at tinuruan sila kung paano mamuhay. Nag-uumapaw ang pagmamahal ng Diyos para sa tao—lubhang pinagpala ang mga taong nabuhay noon! Paanong biglang nagbago ang saloobin ng Diyos sa isang kisap-mata? Saan napunta ang lahat ng Kanyang pagmamahal?” Hindi ito matanggap ng mga tao, at nagsimula silang magduda, sinasabing, “Ang Diyos ba ay pag-ibig o hindi? Bakit hindi na makita pa ang orihinal Niyang saloobin sa mga Israelita? Naglahong parang bula ang Kanyang pagmamahal. May pagmamahal ba Siya kahit kaunti?” Dito nagsisimula ang maling pagkaunawa ng mga tao. Ano ang konteksto kung saan bumubuo ng mga maling pagkaunawa ang mga tao? Dahil kaya ito sa hindi kaayon ng mga kuru-kuro at imahinasyon ng mga tao ang mga kilos ng Diyos? Ang katunayan bang ito ang nagiging sanhi para magkamali ang tao ng pagkaunawa sa Diyos? Hindi ba’t nagkakaroon ng maling pagkaunawa ang mga tao sa Diyos dahil nililimitahan nila ang depinisyon nila ng Kanyang pagmamahal? Iniisip nilang, “Ang Diyos ay pag-ibig. Samakatuwid, dapat Niyang alagaan at protektahan ang mga tao, at buhusan sila ng biyaya at mga pagpapala. Ganito ang pagmamahal ng Diyos! Gusto ko kapag minamahal ng Diyos ang mga tao nang ganito. Lalo kong nakikita kung gaano minahal ng Diyos ang mga tao nang itawid Niya sila sa Dagat na Pula. Lubos na pinagpala ang mga tao noon! Nais ko sanang maging isa sa kanila.” Kapag wiling-wili ka sa kuwentong ito, tinatrato mo ang pagmamahal na ipinakita ng Diyos sa sandaling iyon bilang pinakamataas na katotohanan, at ang nag-iisang palatandaan ng Kanyang diwa. Nililimitahan mo ang pagpapakahulugan mo sa Kanya sa iyong puso, at tinatrato ang lahat ng ginawa ng Diyos nang sandaling iyon bilang pinakamataas na katotohanan. Iniisip mong ito ang pinakakaibig-ibig na katangian ng Diyos, at ang siyang pinakanagtutulak sa mga tao para igalang at katakutan Siya, at na ito ang pagmamahal ng Diyos. Ang totoo niyan, ang mga kilos mismo ng Diyos ay positibo, pero dahil sa limitado mong mga depinisyon, naging mga kuru-kuro ang mga ito sa iyong isip, at basehan kung paano mo binibigyang-kahulugan ang Diyos. Dahil sa mga ito ay nagkakamali ka ng pagkaunawa sa pagmamahal ng Diyos, na para bang wala nang anupaman ito kundi awa, malasakit, proteksyon, patnubay, biyaya, at mga pagpapala—na para bang iyon lang ang pagmamahal ng Diyos. Bakit labis mong pinahahalagahan ang mga aspektong ito ng pag-ibig? Dahil ba nauugnay ito sa pansarili mong interes? (Oo, ganoon nga.) Sa aling mga pansariling interes ito nauugnay? (Sa mga layaw ng laman at isang maginhawang buhay.) Kapag nananalig ang mga tao sa Diyos, gusto nilang matamo ang mga bagay na ito mula sa Kanya, pero hindi ang iba pang bagay. Ayaw isipin ng mga tao ang tungkol sa paghatol, pagkastigo, mga pagsubok, pagpipino, pagdurusa para sa Diyos, pagtalikod sa mga bagay at paggugol ng kanilang sarili, o maging pagsasakripisyo ng kanilang sariling buhay. Gusto lang ng mga tao na tamasahin ang pagmamahal, malasakit, proteksyon, at patnubay ng Diyos, kaya binibigyang-kahulugan nila ang pagmamahal ng Diyos bilang ang tanging katangian ng Kanyang diwa, at ang nag-iisa Niyang diwa. Hindi ba’t ang mga bagay na ginawa ng Diyos noong itinawid Niya ang mga Israelita sa Dagat na Pula ang pinagmulan ng mga kuru-kuro ng mga tao? (Oo, ang mga ito ang pinagmulan.) Lumikha ito ng konteksto kung saan bumuo ang mga tao ng mga kuru-kuro tungkol sa Diyos. Kung bumuo sila ng mga kuru-kuro tungkol sa Diyos, matatamo ba nila ang isang tunay na pagkaunawa tungkol sa gawain at disposisyon ng Diyos? Malinaw na hindi lamang sa hindi nila ito mauunawaan, kundi magkakamali rin sila ng interpretasyon dito at bubuo ng mga kuru-kuro tungkol dito. Pinatutunayan nito na masyadong makitid ang pag-unawa ng tao, at hindi ito tunay na pagkaunawa. Dahil hindi ito ang katotohanan, kundi isang uri ng pagmamahal at pagkaunawa na sinusuri at binibigyang-kahulugan ng mga tao mula sa Diyos batay sa kanilang sariling mga kuru-kuro, imahinasyon, at makasariling hangarin; hindi ito naaayon sa tunay na diwa ng Diyos. Sa ano pang mga paraan minamahal ng Diyos ang mga tao bukod sa awa, pagliligtas, malasakit, proteksyon, at pagdinig sa kanilang mga panalangin? (Sa pamamagitan ng pagtutuwid, pagdidisiplina, pagtatabas, pagwawasto, paghatol, pagkastigo, mga pagsubok, at pagpipino.) Tama iyon. Ipinapakita ng Diyos ang Kanyang pagmamahal sa maraming paraan: sa pamamagitan ng pamamalo, pagdidisiplina, panenermon, gayundin ng paghatol, pagkastigo, mga pagsubok, pagpipino, at iba pa. Ang lahat ng ito ay aspeto ng pagmamahal ng Diyos. Tanging ang perspektibang ito ang komprehensibo at naaayon sa katotohanan. Kung nauunawaan mo ito, kapag sinusuri mo na ang iyong sarili at napagtatantong mayroon kang mga maling pagkaunawa tungkol sa Diyos, hindi ba’t magagawa mo nang kilalanin na nagkamali ka, at na dapat mong pagbutihan ang pagninilay-nilay kung saan ka nagkamali? Hindi ba’t matutulungan ka nitong lutasin ang iyong mga maling pagkaunawa tungkol sa Diyos? (Oo, makakatulong ito.) Upang magawa ito, dapat mong hanapin ang katotohanan. Hangga’t hinahanap ng mga tao ang katotohanan, mapapawi nila ang kanilang mga maling pagkaunawa tungkol sa Diyos, at sa sandaling mapawi na nila ang kanilang mga maling pagkaunawa tungkol sa Diyos, makapagpapasakop na sila sa lahat ng pagsasaayos ng Diyos. Kung nagagawa mong pawiin ang mga maling pagkaunawa mo tungkol sa Diyos, kapag tiningnan mo ang pagkakapalayas ng mga Hudyo mula sa Judea, sasabihin mong, “Ang saloobin ng Diyos sa mga tao, na Kanyang mga nilikha, ay hindi lamang saloobin ng pagmamahal, namumuno rin Siya sa pamamagitan ng pagpalo at pagpapatapon. Hindi dapat bigyan ng mga tao ang kanilang sarili ng karapatang magpasya sa kanilang saloobin sa Diyos; dapat ito ay saloobin ng pagpapasakop, hindi paglaban.” Mula sa perspektiba ng mga kuru-kuro at imahinasyon ng tao, parang walang konsiderasyon ang saloobin ng Diyos sa mga Hudyo, pero kung titingnan ito ngayon, napakahusay ng ginawa ng Diyos; lahat ng ipinakita Niya ay matuwid na disposisyon. Kaya ng Diyos na pagkalooban ng biyaya at mga pagpapala ang mga tao, at bigyan sila ng pang-araw-araw nilang makakain, pero kaya rin Niyang bawiin ang lahat ng iyon. Iyon ang awtoridad, diwa, at disposisyon ng Diyos.
Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.