Para Magampanan nang Maayos ng Isang Tao ang Kanyang Tungkulin, Dapat Magtaglay man Lang Siya ng Konsensiya at Katwiran (Unang Bahagi)

Maraming tao ang tinitiwalag matapos gumanap ng mga tungkulin sa loob ng isa o dalawang taon lamang, o tatlo hanggang limang taon lamang. Ano ang pangunahing dahilan nito? Masasabing ito ay pangunahing dahil sa ang mga taong iyon ay hindi nagtataglay ng konsensiya o katwiran, at walang pagkatao. Hindi lamang nila hindi tinatanggap ang katotohanan, nagdudulot pa sila ng mga pagkagambala at kaguluhan, at lagi silang pabasta-basta habang ginagampanan ang kanilang mga tungkulin. Hindi sila kailanman nakikinig paano man sila bahaginan tungkol sa katotohanan, at sila ay hindi sumusunod at palaban kapag sila ay pinupungusan. Kalaunan, wala nang ibang pagpipilian kundi ang paalisin sila at itiwalag sila. Anong problema ang ipinakikita nito? Para magampanan ang mga tungkulin, dapat man lamang ay nagtataglay ang mga tao ng konsensiya at katwiran; kung wala nito, magiging mahirap para sa kanila ang manindigan. Lahat ng walang konsensiya at katwiran ay walang pagkatao, at hindi kayang tanggapin ang katotohanan, kaya hindi sila maililigtas ng Diyos, at kahit na magtrabaho pa sila, hindi nila ito magagawa nang maayos. Ito ay isang isyu na dapat mong makita nang malinaw. Kapag nakatagpo ka sa hinaharap ng mga taong walang konsensiya o katwiran—na ibig sabihin, mga taong walang pagkatao—dapat mo silang paalisin sa lalong madaling panahon.

Ang ilang tao ay hindi tumatanggap ng anumang pananagutan kapag gumaganap sila ng kanilang tungkulin, lagi silang pabasta-basta. Kahit nakikita nila ang problema, ayaw nilang maghanap ng solusyon at takot silang mapasama ang loob ng mga tao, kaya nga nagmamadali silang gawin ang mga bagay-bagay, na ang resulta ay kailangang ulitin ang gawain. Dahil ikaw ang gumaganap sa tungkuling ito, dapat mong panagutan ito. Bakit hindi mo ito sineseryoso? Bakit pabasta-basta ka? At wala ka bang ingat sa iyong mga responsabilidad kapag ginagampanan mo ang iyong tungkulin sa ganitong paraan? Kahit sino pa ang may pangunahing responsabilidad, responsable ang lahat ng iba pa sa pagbabantay sa mga bagay-bagay, ang lahat ay dapat may ganitong pasanin at ganitong pagpapahalaga sa pananagutan—pero wala ni isa man sa inyo ang nagbibigay ng anumang pansin, talagang mapagwalang-bahala kayo, wala kayong katapatan, wala kayong ingat sa inyong mga tungkulin! Hindi naman sa hindi ninyo nakikita ang problema, kundi ay ayaw ninyong tumanggap ng pananagutan—ni ayaw ninyong pansinin ang bagay na ito kapag nakikita naman ninyo ang problema, ayos na sa inyo ang “sapat na.” Hindi ba’t ang pagiging pabasta-basta sa ganitong paraan ay pagtatangkang linlangin ang Diyos? Kung, kapag gumagawa at nagbabahagi Ako sa inyo tungkol sa katotohanan, pakiramdam Ko ay katanggap-tanggap ang “sapat na”, kung gayon, batay sa inyong mga kakayahan at paghahangad, ano ang makakamit ninyo mula roon? Kung pareho ng sa inyo ang saloobin Ko, wala kayong mapapala. Bakit Ko ito sinasabi? Sa isang banda ito ay dahil wala kayong anumang ginagawa na taos-puso, at sa isa pang banda ay dahil medyo mahihina ang kakayahan ninyo, medyo manhid kayo. Dahil nakikita Kong lahat kayo ay manhid at walang pagmamahal sa katotohanan, at hindi ninyo hinahangad ang katotohanan, dagdag pa ang mahihina ninyong kakayahan, kaya kailangan Kong magsalita nang detalyado. Dapat Kong sabihin nang malinaw ang lahat, at unti-untiin at himay-himayin ang mga ito sa Aking pananalita, at mangusap tungkol sa mga bagay-bagay mula sa bawat anggulo, sa anupamang paraan. Saka lamang kayo nakakaunawa nang kaunti. Kung pabasta-basta Ako sa inyo, at nagsalita nang kaunti ukol sa anumang paksa, sa tuwing maibigan Ko, nang hindi ito pinag-iisipan nang mabuti ni pinagsisikapan, nang hindi ito isinasapuso, hindi nagsasalita kapag hindi Ko gustong magsalita, ano ang mapapala ninyo? Sa kakayahan na katulad ng sa inyo, hindi ninyo mauunawaan ang katotohanan. Wala kayong makakamit, lalo namang hindi ninyo matatamo ang kaligtasan. Pero hindi Ko magagawa iyon, dapat Akong magsalita nang detalyado. Dapat Akong maging detalyado at magbigay ng mga halimbawa ukol sa mga kalagayan ng bawat uri ng tao, sa mga saloobin ng mga tao sa katotohanan, at sa bawat uri ng tiwaling disposisyon; saka lamang ninyo maiintindihan ang sinasabi Ko, at mauunawaan ang naririnig ninyo. Anumang aspeto ng katotohanan ang ibinabahagi, nagsasalita Ako sa iba’t ibang kaparaanan, na may mga estilo ng pagbabahagi para sa mga nasa hustong gulang at para sa mga bata, at sa anyo rin ng mga katwiran at kuwento, gumagamit ng mga teorya at pagsasagawa, at nagkukuwento ng mga karanasan, upang maunawaan ng mga tao ang katotohanan at makapasok sa realidad. Sa ganitong paraan, iyong mga may kakayahan at may puso ay magkakaroon ng pagkakataong maunawaan at tanggapin ang katotohanan at maligtas. Ngunit noon pa man ang saloobin ninyo sa inyong tungkulin ay pagiging pabasta-basta na, ng pagpapaliban ng mga bagay-bagay, at wala kayong pakialam kung gaano katagal ang antalang idinudulot ninyo. Hindi ninyo pinagninilayan kung paano hanapin ang katotohanan upang malutas ang mga problema, hindi ninyo iniisip kung paano gampanan ang inyong tungkulin nang maayos upang makapagpatotoo sa Diyos. Ito ay pagpapabaya sa inyong tungkulin. Kaya napakabagal ng paglago ng inyong buhay, pero hindi kayo nababalisa sa dami ng oras na nasayang ninyo. Sa katunayan, kung gagawin ninyo ang inyong tungkulin nang maingat at responsable, hindi man lang aabutin ng lima o anim na taon bago ninyo magagawang magkuwento ng inyong mga karanasan at magpatotoo sa Diyos, at ang iba’t ibang gawain ay napakaepektibong maisasakatuparan—pero ayaw ninyong isaalang-alang ang mga layunin ng Diyos, ni ayaw ninyong pagsikapang alamin ang katotohanan. May ilang bagay na hindi ninyo alam kung paano gawin, kaya’t binibigyan Ko kayo ng mga tiyak na tagubilin. Hindi ninyo kailangang mag-isip, kailangan niyo lamang makinig at isagawa iyon. Iyan lang ang katiting na responsabilidad na dapat ninyong akuin—ngunit kahit iyan ay lampas sa inyo. Nasaan ang inyong katapatan? Hindi ito makita kahit saan! Ang tanging ginagawa ninyo ay magsabi ng mga bagay na masarap pakinggan. Sa puso ninyo, alam ninyo ang dapat ninyong gawin, pero hindi lang ninyo isinasagawa ang katotohanan. Ito ay pagsuway sa Diyos, at ang ugat nito ay kawalan ng pagmamahal sa katotohanan. Alam na alam ninyo sa puso ninyo kung paano kumilos alinsunod sa katotohanan—hindi lang talaga ninyo isinasagawa ito. Malubhang problema ito; nakatitig kayo sa katotohanan nang hindi ito isinasagawa. Hindi talaga kayo isang taong nagpapasakop sa Diyos. Para gumanap ng tungkulin sa sambahayan ng Diyos, dapat ninyong hanapin at isagawa man lang ang katotohanan at kumilos ayon sa mga prinsipyo. Kung hindi mo naisasagawa ang katotohanan sa iyong pagganap sa tungkulin, saan mo ito maaaring isagawa? At kung hindi mo isinasagawa ang anuman sa katotohanan, isa kang hindi mananampalataya. Ano ba talaga ang layon mo, kung hindi mo tinatanggap ang katotohanan—lalo nang hindi mo isinasagawa ang katotohanan—at kumikilos lang nang pabaya sa sambahayan ng Diyos? Nais mo bang gawing tahanan mo ng pagreretiro ang sambahayan ng Diyos, o isang bahay-kawanggawa? Kung oo, nagkakamali ka—ang sambahayan ng Diyos ay hindi nag-aalaga ng mga mapagsamantala, ng mga walang silbi. Sinumang masama ang pagkatao, na hindi masayang gumagampan sa kanyang tungkulin, na hindi akmang gumanap ng isang tungkulin, ay dapat paalisin lahat; lahat ng hindi mananampalataya na hindi talaga tinatanggap ang katotohanan ay dapat itiwalag. Nauunawaan ng ilang tao ang katotohanan pero hindi nila ito maisagawa sa pagganap nila sa kanilang mga tungkulin. Kapag may nakikita silang problema, hindi nila ito nilulutas, at kahit alam nilang responsabilidad nila ito, hindi nila ibinubuhos ang lahat ng makakaya nila. Kung hindi mo man lang isinasakatuparan ang mga responsabilidad na kaya mong gawin, anong halaga o epekto ang maidudulot ng pagganap mo sa inyong tungkulin? Makabuluhan bang manalig sa Diyos sa ganitong paraan? Ang isang taong nakakaunawa ng katotohanan pero hindi ito kayang isagawa, na hindi kayang pasanin ang mga paghihirap na marapat niyang pasanin—ang gayong tao ay hindi angkop na gumanap ng tungkulin. Ang ilang taong gumaganap sa isang tungkulin ay ginagawa lamang iyon para mapakain sila. Sila ay mga pulubi. Iniisip nila na kung gagawa sila ng kaunting gawain sa sambahayan ng Diyos, malilibre na ang kanilang tirahan at pagkain, na tutustusan sila at hindi na nila kailangan pang magtrabaho. Mayroon bang gayong pakikipagtawaran? Hindi tinutustusan ng sambahayan ng Diyos ang mga tamad. Kung ang isang taong hindi man lamang nagsasagawa ng katotohanan, at palaging pabasta-basta sa pagsasagawa ng kanyang tungkulin, ay nagsasabi na naniniwala siya sa Diyos, kikilalanin ba siya ng Diyos? Lahat ng gayong tao ay mga hindi mananampalataya at, ang tingin sa kanila ng Diyos ay mga taong gumagawa ng masama.

Ang mga taong tunay na nananalig sa Diyos ay kusang-loob na gumaganap ng kanilang mga tungkulin, nang hindi kinakalkula ang sarili nilang mga pakinabang at kawalan. Kahit isa ka pang taong naghahangad sa katotohanan, dapat kang umasa sa iyong konsensiya at katwiran at talagang magsikap kapag ginagampanan mo ang iyong tungkulin. Ano ang ibig sabihin ng talagang magsikap? Kung nasisiyahan ka na sa kaunting pagsisikap, at pagdanas ng kaunting hirap ng katawan, ngunit hindi mo talaga sineseryoso ang iyong tungkulin o hinahanap ang mga katotohanang prinsipyo, ito ay wala nang iba kundi pagiging pabasta-basta—hindi ito tunay na pagsisikap. Ang susi sa pagsisikap ay ibuhos mo ang puso mo roon, matakot sa Diyos sa puso mo, isaalang-alang ang mga layunin ng Diyos, matakot na maghimagsik laban sa Diyos at masaktan ang Diyos, at dumanas ng anumang paghihirap para magampanan ang iyong tungkulin nang maayos at mapalugod ang Diyos: Kung mayroon kang mapagmahal-sa-Diyos na puso sa ganitong paraan, magagampanan mo nang maayos ang iyong tungkulin. Kung walang takot sa Diyos sa puso mo, hindi ka magkakaroon ng pasanin kapag ginagampanan mo ang iyong tungkulin, hindi ka magkakaroon ng interes doon, at hindi mo maiiwasang maging pabasta-basta, at iraraos mo lang ang gawain, nang walang anumang tunay na epekto—na hindi pagganap ng isang tungkulin. Kung tunay kang may nadaramang pasanin, at pakiramdam mo ay personal na responsabilidad mo ang pagganap sa iyong tungkulin, at na kung hindi, hindi ka nararapat na mabuhay, at isa kang hayop, na magiging marapat ka lamang na matawag na isang tao kung gagampanan mo nang maayos ang iyong tungkulin, at kaya mong harapin ang sarili mong konsensiya—kung mayroon kang nadaramang ganitong pasanin kapag ginagampanan mo ang iyong tungkulin—magagawa mo ang lahat nang maingat, at magagawa mong hanapin ang katotohanan at gawin ang mga bagay-bagay ayon sa mga prinsipyo, at sa gayon ay magagawa mong gawin ang tungkulin mo nang maayos at mapalulugod ang Diyos. Kung karapat-dapat ka sa misyong ipinagkaloob sa iyo ng Diyos, at sa lahat ng isinakripisyo ng Diyos para sa iyo at sa Kanyang mga ekspektasyon mula sa iyo, kung gayon, ito ay tunay na pagsusumikap. Nauunawaan mo na ba ngayon? Kung iniraraos mo lamang ang pagganap sa iyong tungkulin at hindi mo man lang hinahangad na magkaroon ng mga resulta, isa kang mapagpaimbabaw, isang lobo na nakadamit tupa. Maaaring maloko mo ang mga tao, ngunit hindi mo malilinlang ang Diyos. Kung walang tunay na halaga at walang katapatan kapag ginagampanan mo ang iyong tungkulin, kung gayon ay hindi ito abot sa pamantayan. Kung hindi ka talaga nagsisikap sa iyong pananampalataya sa Diyos at sa pagganap sa iyong tungkulin; kung palagi mong gusto na iraos lang ang mga bagay-bagay at mapagwalang-bahala sa iyong mga kilos, tulad sa isang walang pananampalataya na gumagawa para sa kanilang amo; kung gumagawa ka lamang ng isang walang-katuturang pagsisikap, hindi ginagamit ang iyong isip, iniraraos mo lang ang bawat araw na dumarating, hindi iniuulat ang mga problema kapag nakikita mo ang mga ito, nakikita ang isang tumapon at hindi ito nililinis, at walang patumanggang iwinawaksi ang lahat-lahat ng hindi mo na mapakikinabangan—hindi ba ito problema? Paanong magiging kasapi ng sambahayan ng Diyos ang ganitong tao? Walang pananampalataya ang gayong mga tao; hindi sila nabibilang sa sambahayan ng Diyos. Wala ni isa sa kanila ang kinikilala ng Diyos. Kung ikaw ba ay nagpapakatotoo at kung ikaw ba ay nagsisikap kapag ginagampanan mo ang iyong tungkulin, tinatandaan iyon ng Diyos, at alam na alam mo rin ito. Kaya, nagsikap na ba talaga kayo sa pagganap ng inyong tungkulin? Sineryoso na ba ninyo ito? Itinuring na ba ninyo ito bilang inyong pananagutan, inyong pasanin? Inangkin na ba ninyo ito? Dapat wasto ninyong pagnilay-nilayan at alamin ang mga bagay na ito, na magpapadaling harapin ang mga problemang umiiral sa pagganap ninyo sa inyong tungkulin, at magiging kapaki-pakinabang ito sa inyong buhay pagpasok. Kung palagi kayong iresponsable kapag ginagampanan ninyo ang inyong tungkulin, at hindi ninyo iniuulat ang mga problema sa mga lider at manggagawa kapag nadidiskubre ninyo ang mga ito, ni hindi hinahanap ang katotohanan para lutasin ang mga ito nang mag-isa, laging iniisip na “mas kakaunti ang gulo, mas mainam,” laging namumuhay ayon sa mga pilosopiya para sa mga makamundong pakikitungo, laging pabasta-basta kapag ginagampanan ninyo ang inyong tungkulin, walang anumang pagkamatapat kailanman, at hindi man lang tinatanggap ang katotohanan kapag pinupungusan—kung ganito ang pagganap ninyo sa inyong tungkulin, nasa panganib kayo; isa kayo sa mga trabahador. Hindi mga miyembro ng sambahayan ng Diyos ang mga trabahador, kundi mga empleyado, mga bayarang manggagawa. Kapag tapos na ang gawain, ititiwalag sila, at natural na masasadlak sa kapahamakan. Iba ang mga tao ng sambahayan ng Diyos; kapag gumaganap sila sa kanilang tungkulin, hindi iyon para sa pera, o para magsikap, o para magkamit ng mga pagpapala. Iniisip nila, “Isa akong miyembro ng sambahayan ng Diyos. Ang mga bagay na may kinalaman sa sambahayan ng Diyos ay may kinalaman sa akin. Ang mga gawain ng sambahayan ng Diyos ay mga gawain ko. Dapat kong isapuso ang sambahayan ng Diyos.” Dahil dito, isinasapuso nila ang lahat ng bagay na may kinalaman sa sambahayan ng Diyos, at tinatanggap ang responsabilidad para doon. Tinatanggap nila ang responsabilidad para sa lahat ng bagay na maiisip o makikita nila. Binabantayan nila kung may mga bagay ba na kailangang asikasuhin, at sineseryoso nila ang mga bagay-bagay. Ito ang mga tao ng sambahayan ng Diyos. Ganito rin ba kayo? (Hindi.) Kung nagnanasa ka lang ng mga kaginhawahan ng laman, kung binabalewala mo kapag nakikita mo na may mga bagay na kailangang asikasuhin sa sambahayan ng Diyos, kung hindi mo dinadampot ang bote ng langis na nahulog, at alam ng puso mo na may problema ngunit ayaw mong lutasin iyon, hindi mo tinatratong iyo ang sambahayan ng Diyos. Ganito ba kayo? Kung oo, labis na kayong napag-iwanan na wala na kayong ipinagkaiba sa mga walang pananampalataya. Kung hindi ka magsisisi, kailangan kang ituring na hindi kabilang sa sambahayan ng Diyos; kailangan kang isantabi at itiwalag. Ang totoo ay ninanais ng Diyos sa Kanyang puso na ituring kayo bilang miyembro ng Kanyang pamilya, pero hindi ninyo tinatanggap ang katotohanan, at lagi kayong pabasta-basta, at iresponsable sa pagganap sa inyong tungkulin. Hindi kayo nagsisisi, kahit paano pa ibahagi sa inyo ang tungkol sa katotohanan. Kayo ang siyang naglagay sa inyong sarili sa labas ng sambahayan ng Diyos. Nais ng Diyos na iligtas kayo at gawin kayong mga miyembro ng Kanyang pamilya, pero hindi ninyo ito tinatanggap. Kaya naman, nasa labas kayo ng Kanyang sambahayan; kayo ay mga walang pananampalataya. Sinumang hindi tumatanggap ng kahit katiting mang katotohanan ay maaari lamang tratuhing gaya ng isang walang pananampalataya. Kayo ang siyang nagtakda ng sarili ninyong kahihinatnan at kalalagyan. Itinakda ninyo ito sa labas ng sambahayan ng Diyos. Bukod sa inyo, sino pa ba ang dapat sisihin para diyan? Napansin Kong maraming tao ang tila mga hayop na walang espiritu: Araw-araw at gabi-gabi ay alam lamang nilang kumain at magtrabaho, hindi sila kailanman kumakain o umiinom ng salita ng Diyos, at hindi kailanman nakikipagbahaginan tungkol sa katotohanan. Wala silang nauunawaan tungkol sa mga espirituwal na bagay sa buhay, at lagi silang namumuhay bilang mga walang pananampalataya; sila ay mga hayop na nagbabalatkayo bilang mga tao. Ganap na walang silbi ang gayong mga tao at ni hindi sila magagamit para magtrabaho. Mga patapon sila, dapat silang itiwalag at mabilis na paalisin, at wala sa kanila ang dapat pahintulutang manatili. Ang mga taong tunay na nananalig sa Diyos ay iyong mga kayang tumanggap sa katotohanan, iyong paano man ibinabahagi sa kanila ang katotohanan, o paano man sila pinupungusan, ay nakakapagpasakop sila; sila ang mga taong nagtataglay ng katinuang ito, at iyong kaya ring makinig at magpasakop tuwing ginagampanan nila ang kanilang tungkulin. Anuman ang tungkuling kanilang ginagampanan, kaya nilang umako ng responsabilidad, mahusay na isakatuparan ang gawain, at tanggapin ang gawaing ito. Ang gayong mga tao lamang ang nararapat na tawaging tao, at tanging sila lamang ang mga miyembro ng sambahayan ng Diyos. Ang mga taong trabaho ang ginagawa ay mga pabigat lamang, itinataboy sila ng Diyos, hindi sila mga kapatid, at sila ang mga hindi mananampalataya. Kung ituturing mo silang mga kapatid, bulag at hangal ka. Ngayon na ang oras para pagpangkat-pangkatin ang lahat ng tao ayon sa kanilang uri. Ito ang oras kung kailan ibinubunyag at itinitiwalag ng Diyos ang mga tao. Kung tunay kayong mananampalataya ng Diyos, dapat ninyong masikap na hangarin ang katotohanan at mahusay na gampanan ang inyong tungkulin. Kung makapagbabahagi ka ng ilang patotoong batay sa karanasan, pinatutunayan nitong isa kang taong nagmamahal sa katotohanan, at na nagtataglay ka ng ilang katotohanang realidad. Subalit kung hindi ka makapagbabahagi ng anumang patotoong batay sa karanasan, isa kang trabahador at nanganganib kang matiwalag. Kung ginagampanan mo nang maayos ang iyong tungkulin at responsable ka at tapat, isa kang tapat na trabahador at maaari kang manatili. Sinumang hindi isang tapat na trabahador ay dapat itiwalag. Samakatuwid, tanging sa maayos na pagganap lamang ng iyong tungkulin ka makapananatili nang matatag sa sambahayan ng Diyos, at maililigtas mula sa kalamidad. Napakahalaga ng maayos na pagganap sa iyong tungkulin. Kahit papaano man lang, ang mga tao ng sambahayan ng Diyos ay mga tapat na tao. Sila ay mga taong mapagkakatiwalaan sa kanilang tungkulin, na kayang tanggapin ang ibinigay na gawain ng Diyos, at na kayang gampanan nang tapat ang kanilang tungkulin. Kung ang mga tao ay walang tunay na pananampalataya, konsensiya, at katwiran, at kung wala silang pusong natatakot at nagpapasakop sa Diyos, hindi sila naaangkop na gumanap ng mga tungkulin. Kahit pa ginagampanan nila ang kanilang tungkulin, pabara-bara nila itong ginagawa. Sila ay mga trabahador—mga taong hindi pa talaga nagsisi. Ang mga trabahador na tulad nito ay ititiwalag kalaunan. Tanging ang mga tapat na trabahador ang pananatilihin. Bagaman walang katotohanang realidad ang mga tapat na trabahador, nagtataglay sila ng konsensiya at katwiran, nagagampanan nila ang kanilang mga tungkulin nang taos-puso, at pinahihintulutan sila ng Diyos na manatili. Ang mga nagtataglay ng katotohanang realidad, at ang mga matunog na makapagpapatotoo sa Diyos ang Kanyang mga tao, at pananatilihin at dadalhin din sila sa Kanyang kaharian.

Sa ngayon, batay sa inyong mga saloobin sa inyong mga tungkulin, kahusayan sa paggawa ng mga bagay-bagay, at mga resultang nakukuha sa inyong mga tungkulin, hindi pa rin ninyo maayos na nagagampanan ang inyong mga tungkulin. Ito ay dahil masyado kayong pabasta-basta, at iniraraos lamang ninyo ang napakaraming bagay; pabaya kayo sa napakaraming bagay, at nagpapakita kayo ng napakaraming pagpapamalas ng pagsunod sa mga regulasyon. Ano ang dahilan nito? May kaugnayan ba ito sa inyong kakayahan at mga hinahangad na matamo? Ganito ginagampanan ng mga taong may napakababang kakayahan at ng mga taong nalilito ang kanilang mga tungkulin, at ganito rin ginagampanan ng mga taong hindi naghahangad sa katotohanan ang kanilang mga tungkulin. Kung gayon, ano ba talaga ang hinahangad ninyong lahat? Kayo ba ay mga taong naghahangad sa katotohanan? (Hindi.) Halatang-halata naman na hindi kayo mga taong naghahangad sa katotohanan. Para sa inyong lahat, kung pagbabatayan ang inyong kasalukuyang tayog, gaano man kalalim o kababaw ang inyong pagkaunawa sa katotohanan, dapat ninyong isagawa kung anuman ang inyong nauunawaan dito—madali ba para sa inyo ang gawin iyon? Batay sa inyong panlabas na kapaligiran at mga pansariling kadahilanan, marahil lahat kayo ay medyo nahihirapang gawin iyon. Gayunpaman, hindi kayo masasamang tao, hindi kayo mga anticristo, at hindi ganoon kasama ang inyong pagkatao. Dagdag pa rito, bagaman karamihan sa inyo ay may katamtamang kakayahan, dapat pa rin ninyong magawang maunawaan ang katotohanan. Tinitiyak nitong hindi magiging mahirap para sa inyo na hangarin ang katotohanan. Maaaring higit sa inyong pang-unawa ang ilang malalalim na katotohanan, subalit kung tatalakayin Ko ang mga ito sa mas kongkreto at detalyadong paraan, maiintindihan at mauunawaan ninyo ang mga ito. Hangga’t nauunawaan ninyo ang katotohanan, gaano man kababaw o kalalim ang inyong pang-unawa, at hangga’t mayroon kayong landas, malalaman ninyo kung paano magsagawa. Isa itong pangunahing kondisyon para makamit ang paghahangad at pagsasagawa sa katotohanan, at isa na dapat makamit ninyong lahat. Sa gayon, dapat magawa ninyong lahat na hangarin at isagawa ang katotohanan. Kaya bakit hindi kayo nakapagsasagawa ng katotohanan? May humahadlang ba sa inyo? Wala dapat kahit ano, at lahat kayo ay dapat makapagsasagawa ng katotohanan at makagagawa ng mga bagay-bagay nang ayon sa mga prinsipyong nasa saklaw ng inyong mga tungkulin. Taglay ninyo ang magandang pagkakataong ito, subalit hindi ninyo ito makamit. Ano ang ipinakikita nito? Una, ipinakikita nito na hindi ninyo gusto ang katotohanan at wala kayong interes dito. Pangalawa, ipinakikita nito na wala kayong tunay na pagkaunawa sa kung paano hahangarin at isasagawa ang katotohanan, at na wala kayong pagkaunawa sa kung ano ang ibig sabihin ng pagsasagawa ng katotohanan, kung ano ang kabuluhan at kahalagahan ng pagsasagawa ng katotohanan, at kung ano ang mahalaga tungkol sa pagsasagawa ng katotohanan. Nang walang pagkaunawa sa mga bagay na ito, iniraraos lamang ninyo ang mga bagay-bagay, nang walang interes sa katotohanan o sa pagsasagawa nito, at iniisip pa rin ninyong, “Ano ba ang pakinabang ng paggawa sa mga bagay-bagay nang ayon sa mga prinsipyo at ng pagsasagawa ng katotohanan?” Pinatutunayan ng mga kaisipang ito na hindi ninyo nauunawaan ang kahalagahan ng katotohanan, na hindi pa ninyo personal na nararanasan ang mga benepisyo ng paggawa sa mga bagay-bagay nang ayon sa mga prinsipyo at ng pagsasagawa sa katotohanan, at na wala kayong pag-unawa sa kabuluhan ng mga ito, kaya’t wala kayong interes sa pagsasagawa ng katotohanan. Kahit medyo interesado kayo sa pakikinig sa mga sermon at medyo nais ninyong mag-usisa, nagpapakita kayo ng katiting na interes lamang tuwing pinag-uusapan ang pagsasagawa ng katotohanan. Ang ilang tao ay handang makinig sa mga sermon at magbasa ng salita ng Diyos, at handa silang isagawa ang katotohanan habang nagsasagawa sila ng mga bagay-bagay, subalit nabibigo sila kapag oras na ng aktuwal na pagsasagawa sa katotohanan. Lumalabas ang mga kagustuhan at pilosopiya nila para sa mga makamundong pakikitungo, at nalalantad ang kanilang mga tiwaling disposisyon, tulad ng katamaran, pag-aasam ng kaginhawahan, panlilinlang, at pakikipagkompetensiya para sa katayuan. Ganap silang iresponsable sa kanilang mga tungkulin at hindi man lang nila inaasikaso ang mga bagay-bagay nang ayon sa mga katotohanang prinsipyo. Nagpapakapagod at gumagawa lamang sila, kontento na sila hangga’t naiiwasan nila ang paghihirap, at hindi sila maingat sa anumang bagay. Kahit na kapag alam nilang hindi nila maayos na nagagawa ang kanilang mga tungkulin, hindi sila nagninilay sa sarili, bagkus ay patuloy nilang ginagampanan ang kanilang mga tungkulin sa isang pabasta-bastang paraan. Sa katagalan, nagiging manhid sila, mapurol ang pag-iisip, at walang kibo. Ganito ang kalagayan ng isang trabahador.

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.