Ang Saloobing Dapat Taglayin ng Tao sa Diyos (Ikatlong Bahagi)

Iyong mga tunay na nagpapasakop sa Diyos at tunay na tumatanggap sa katotohanan ay hindi dapat magkaroon ng mga maling pagkaunawa sa Diyos, at hindi dapat na magbigay ng kanilang pagkilatis o paghuhusga sa anumang bagay na ginagawa ng Diyos. Sa Kapanahunan ng Kautusan, sinabi ng Diyos na bibigyan Niya si Abraham ng isang anak na lalaki. Ano ang sinabi ni Abraham tungkol dito? Wala siyang sinabi—nanampalataya siya sa sinabi ng Diyos. Ito ang saloobin ni Abraham. Gumawa ba siya ng anumang paghuhusga? Nanuya ba siya? Palihim ba siyang gumawa ng anumang bagay? Hindi niya ginawa ito, ni hindi siya nanlinlang nang kahit kaunti. Ito ang tinatawag na pagpapasakop; ito ang tinatawag na pananatiling tapat ng tao sa sariling lugar at sariling tungkulin. Pagdating sa kanyang asawa, si Sara—hindi ba siya naiiba kay Abraham? Ano ang saloobin niya sa Diyos? Siya ay nanguwestiyon, nanuya, hindi nanampalataya—at nanghusga siya, at gumawa siya ng kaunting panlilinlang, ibinigay kay Abraham ang kanyang alipin bilang kalaguyo, ginawa ang gayong hindi makatwirang bagay. Nanggaling ito sa kalooban ng tao. Hindi nanatili sa sarili niyang lugar si Sara; pinagdudahan niya ang mga salita ng Diyos at hindi siya nanampalataya sa pagiging makapangyarihan ng Diyos. Ano ang dahilan ng kanyang hindi pananampalataya? May dalawang dahilan at konteksto. Ang isa ay na masyado nang matanda si Abraham noon. Ang isa pa ay na siya rin mismo ay masyado nang matanda at walang kakayahang magdalantao, kaya’t naisip niyang, “Imposible ito. Paano ito isasakatuparan ng Diyos? Hindi ba’t kakatwa ito? Hindi ba’t tila pagbibiro ito sa isang bata?” Hindi niya tinanggap o pinaniwalaan ang sinabi ng Diyos bilang katotohanan kundi itinuring ito bilang isang biro, iniisip na nakikipagbiruan ang Diyos sa mga tao. Ito ba ang tamang saloobin? (Hindi.) Ito ba ang saloobin na dapat mayroon ang isang tao sa pagtrato niya sa Lumikha? (Hindi.) Kaya nanatili ba siya sa kanyang lugar? (Hindi.) Hindi siya nanatili. Dahil itinuring niyang biro ang mga salita ng Diyos at hindi bilang katotohanan, at dahil hindi pinaniwalaan ang sinabi ng Diyos o kung ano ang gagawin Niya, kakatwa ang ikinilos niya, na nagdulot ng magkakasunod na mga kahihinatnan, na nanggaling lahat sa kalooban ng tao. Ang diwa ng sinabi niya ay: “Kaya ba itong gawin ng Diyos? Kung hindi, dapat akong kumilos upang makatulong na matupad ang mga salitang ito ng Diyos.” Sa kanyang kalooban, may mga maling pagkaunawa, paghusga, haka-haka, at katanungan, na bahaging lahat ng paghihimagsik laban sa Diyos mula sa isang taong may tiwaling disposisyon. Ginawa ba ni Abraham ang mga bagay na ito? Hindi niya ginawa, at kung kaya’t iginawad sa kanya ang pagpapalang ito. Nakita ng Diyos ang saloobin ni Abraham sa Kanya, ang kanyang may-takot-sa-Diyos na puso, ang kanyang katapatan, ang kanyang tunay na pagpapasakop, at bibigyan siya ng Diyos ng anak na lalaki upang maging ama siya ng maraming bayan. Ito ang ipinangako kay Abraham at si Sara ay nakinabang nang hindi inaasahan dito. Samakatwid, napakahalaga ng pagpapasakop. May pangunguwestiyon bang nakapaloob sa pagpapasakop? (Wala.) Kung mayroon, maituturing pa rin ba ito bilang tunay na pagpapasakop? (Hindi.) Maibibilang ba ito kung may napapasaloob ditong pagsusuri at paghatol? (Hindi.) At kung sinusubukan ng isang tao na maghanap ng kapintasan? Lalo pa itong hindi maibibilang. Sa gayon, ano ang naipapamalas at naihahayag—at ano ang pag-uugali—na napapaloob sa pagpapasakop na ganap na nagpapatunay rito na totoo? (Pananampalataya.) Ang tunay na pananampalataya ay isang bagay. Kailangang maunawaan nang wasto ng isang tao kung ano ang sinasabi at ginagawa ng Diyos, at kumpirmahin na ang lahat ng ginagawa ng Diyos ay tama at ang katotohanan; hindi kailangang pagdudahan ito, o kaya ay magtanong sa iba tungkol dito, at hindi ito kailangang timbangin at pag-isipan o suriin sa sariling puso. Isa itong aspekto ng nilalaman ng pagpapasakop, pananampalataya na ang lahat ng ginagawa ng Diyos ay tama. Kapag may ginagawa ang isang tao, maaaring tingnan kung sino ang gumawa nito, kung ano ang kanyang kinalakhan, kung mayroon ba siyang nagawang anumang masamang gawa, at kung ano ang kanyang karakter. Nangangailangan ang mga bagay na ito ng pagsusuri. Kung, sa kabilang banda, ang isang bagay ay nagmula sa Diyos at ginawa Niya, dapat mong takpan kaagad ang bibig mo at huwag kang magdalawang-isip—huwag itong pagdudahan at huwag magtanong, kundi tanggapin ito nang ganap. At ano ang susunod na gagawin? Mayroong ilang katotohanan dito na hindi masyadong nauunawaan ng mga tao, at hindi nila nakikilala ang Diyos. Bagaman naniniwala sila na gawa ito ng Diyos at na may kakayahang magpasakop, hindi nila tunay na nauunawaan ang katotohanan. Ang nauunawaan nila ay tila may kalikasang doktrinal pa rin, at hindi sila mapakali sa kanilang puso. Sa mga pagkakataong ito, dapat silang maghanap, nagtatanong na, “Anong katotohanan ang mayroon dito? Nasaan ang kamalian sa aking pag-iisip? Paano ako napalayo sa Diyos? Alin sa mga sarili kong pananaw ang taliwas sa mga sinasabi ng Diyos?” Sunod, dapat nilang hanapin ang mga bagay na ito. Ito ang saloobin at pagsasagawa ng pagpapasakop. May mga nagsasabing nagpapasakop sila, subalit kapag may nangyari sa kanila kalaunan, iniisip nilang, “Sino ang nakababatid sa ginagawa ng Diyos? Hindi dapat makialam tayong mga nilikha. Hayaan nating gawin ng Diyos anuman ang Kanyang nais!” Pagpapasakop ba ito? (Hindi.) Anong uri ng saloobin ito? Pag-iwas ito sa pag-ako ng responsabilidad; kawalan ito ng malasakit sa ginagawa ng Diyos at malamig na pagsasawalang-bahala rito. Nagawang magpasakop ni Abraham dahil sinunod niya ang mga prinsipyo, at determinado siya sa kanyang pananampalataya na dapat mangyari at dapat matupad ang mga sinasabi ng Diyos—100 porsiyento siyang nakatitiyak sa dalawang “dapat” na ito. Samakatwid, hindi siya nanguwestiyon, hindi siya gumawa ng anumang pagtatasa, o kaya ay nagsagawa ng anumang maliit na panlilinlang. Ganoon ang inasal ni Abraham sa kanyang pagpapasakop.

Isa itong pagpapala na nakamit ni Abraham mula sa Diyos. Hindi siya nagkaroon ng anumang pagdududa, at hindi niya inihalo ang kalooban ng tao sa anumang ginawa niya. Gayumpaman, malinaw na naiiba ang sitwasyong hinarap ni Job kaysa kay Abraham. Ano ang pinagkaiba nito? Ang nakatagpo ni Abraham ay isang pagpapala, ito ay isang mabuting bagay; halos 100 taong gulang na siya, wala siyang anak at umasang magkakaroon ng anak nang ipinangako sa kanya ng Diyos na bibigyan siya ng isang anak na lalaki. Paanong hindi siya magiging masaya? Tiyak na handa siyang magpasakop. Subalit ang nakatagpo ni Job ay kasawiang-palad; bakit nagawa pa rin niyang magpasakop? (Nanampalataya siya sa kanyang puso na ang lahat ay gawa ng Diyos.) Ito ay isang aspekto. May isa pa, madalas ay kayang magpasakop ng mga tao kapag hindi sila masyadong dumanas ng pagdurusa, at kaya nilang magpasakop kapag nagkakaloob ang Diyos ng mga pagpapala; subalit kapag inaalis ng Diyos ang mga ito, hindi na madali para sa kanila ang magpasakop. Pagdating kay Job, anong uri ng pananaw ang mayroon siya, anong uri ng pagkamakatwiran ang taglay niya, anong mga katotohanan ang naunawaan niya, o anong aspekto ng pagkaunawa sa Diyos ang nasa kanya para matanggap niya at makapagpasakop siya sa kasawiang-palad na iyon? (Nanampalataya siya na ang lahat ng bagay na ginagawa ng Diyos ay mabuti. Nanampalataya siya sa puso niya na ang lahat ng bagay na mayroon siya ay ibinigay ng Diyos, hindi bunga ng sarili niyang pagsisikap—ang pagbawi ng Diyos dito ay awtoridad din ng Diyos. Taglay niya ang ganitong uri ng pagkamakatwiran, kaya’t nagawa niyang tumanggap at magpasakop.) Kung nananampalataya ang mga tao na mabuti ang lahat ng ginagawa ng Diyos, madali para sa kanila ang magpasakop. Subalit madali pa rin bang magpasakop kapag tila lahat ng ginagawa ng Diyos ay naghahatid ng kasawiang-palad sa mga tao? Alin ang mas nagpapahiwatig ng tunay na pagpapasakop? (Ang nagagawa pa ring magpasakop kapag tila ang lahat ng ginagawa ng Diyos ay naghahatid ng kasawiang-palad sa mga tao.) Kaya anong uri ng pagkamakatwiran at katotohanan ang tinaglay ni Job para magawa niyang tanggapin ang kasawiang-palad na iyon? (Tunay na tinrato ni Job ang Diyos bilang Diyos. Naunawaan ni Job na ang Diyos ay hindi lang ang Isa na nagkakaloob ng mga pagpapala at biyaya—kahit na kapag binabawi Niya, Siya pa rin ay Diyos; naunawaan rin ni Job na kahit pa nakatatagpo ng mga kalamidad ang isang tao, ito ay dahil pinahihintulutan ito ng Diyos. Anuman ang gawin ng Diyos, nananatili Siyang Diyos, at dapat palagi Siyang sambahin ng mga tao.) Pangunahin ay may kaunting pagkaunawa si Job sa Diyos, at maayos na inilugar ang kanyang sarili. Kinilala niya na hindi magbabago ang diwa ng Diyos dahil lang nagbabago ang mga tao, pangyayari, at bagay-bagay; na ang diwa ng Diyos ay palagi at magpakailanman na diwa ng Diyos, hindi ito nagbabago. Hindi ito na kung nagkakaloob ang Diyos ng mga pagpapala sa mga tao, Diyos Siya, at na kung lahat ng Kanyang ginagawa ay naghahatid ng kalamidad sa mga tao, nagdudulot ng pagdurusa at kaparusahan sa kanila, o lilipol sa kanila, nagbabago ang Kanyang diwa at tumitigil Siya sa pagiging Diyos. Hindi kailanman nagbabago ang diwa ng Diyos. Hindi rin nagbabago ang diwa ng tao; ibig sabihin, ang kalagayan at diwa ng tao bilang isang nilikha ay hindi kailanman magbabago. Kahit kaya mong matakot sa Diyos at makilala Siya, isa ka pa ring nilikha; hindi nagbabago ang iyong diwa. Ipinaranas ng Diyos kay Job ang gayong napakalalaking pagsubok, subalit nagawa pa rin ni Job na magpasakop at hindi magreklamo. Bukod sa pagkakaroon ng kaunting kaalaman sa Diyos, ano ang pinakamalaki niyang kalakasan na nagbigay sa kanya ng kakayahang magpasakop at hindi magreklamo? Ito ay na alam niya na ang mga tao ay palaging magiging mga tao; paano man sila tratuhin ng Diyos ay ganap na tama. Sa simpleng salita, paano ka man tratuhin ng Diyos ay ang paraan kung paano ka dapat tratuhin. Hindi ba nito ipinaliliwanag ang mga bagay-bagay? Huwag mong hingin kung paano ka dapat tratuhin ng Diyos, kung anong mga pagpapala ang dapat Niyang ibigay sa iyo, o kung anong mga pagsubok ang dapat Niyang iparanas sa iyo at kung ano ang dapat na maging kahalagahan ng Kanyang gawain sa iyo. Hindi mo dapat hingin ang mga bagay na ito, hindi makatwiran na hingin mo ang mga bagay na ito. Sa mga panahon ng kapayapaan at katiwasayan, sinasabi ng ilang tao na mabuti ang anumang ginagawa ng Diyos, subalit hindi nila ito matanggap kapag may nangyayaring hindi tugma sa kanilang mga kuru-kuro. Dapat itong lutasin sa pamamagitan ng katotohanan. Ano ang katotohanang ito? Ito ay ang pagiging matatag sa iyong sariling posisyon; paano ka man tratuhin ng Diyos ay nararapat at walang pagkakamali. Kahit paano ka pa tinatrato ng Diyos, Siya pa rin ang Diyos; hindi dapat humingi ang mga tao sa Kanya. Huwag mong tasahin ang pagiging tama ng Diyos, at huwag mong tasahin ang mga dahilan, layon, o kahalagahan ng Kanyang mga kilos. Hindi kailangan ng mga bagay na ito ang iyong pagtatasa. Ang responsabilidad at tungkulin mo ay ang maging matatag sa iyong posisyon bilang isang nilikha at hayaan ang Diyos na mamatnugot ayon sa Kanyang kalooban. Iyan ang tamang paraan. Madali itong sabihin subalit mahirap isagawa; gayumpaman ay dapat maunawaan ng mga tao ang katotohanang ito. Tanging sa pamamagitan ng pagkaunawa sa katotohanan magkakaroon ka ng tunay na pagpapasakop kapag may nangyayari sa iyo.

May ilang tao, na nananampalataya sa Diyos at nakakapakinig ng mga sermon hanggang sa ngayon, ang nag-iisip na: “Nagawang magpasakop ni Job sa mga pagsubok na ibinigay sa kanya ng Diyos dahil alam ni Job na ang lahat ng bagay ay nagmumula sa kamay ng Diyos. Gaano man karami ang mga baka at tupa, o gaano man karami ang ari-arian, kayamanan, at mga anak na taglay ng isang tao, ipinagkaloob ang lahat ng ito ng Diyos—hindi ito nakadepende sa mga tao. Parang mga alipin ang mga tao sa harap ng Diyos, dapat nilang tiisin gaano man Niya sila tratuhin.” Ginagamit nila ang ganitong uri ng negatibong saloobin sa pagkilala sa Diyos; tama ba ang ganitong paraan ng pagkilala sa Diyos? Tiyak na hindi ito tama. Ano nga ba ang tamang paraan para makilala ang Diyos? (Ang mga tao ay mga nilikha, at ang Diyos ay Diyos magpakailanman. Paano man kumikilos ang Diyos, dapat hayaan lang ng mga tao ang Diyos na pamatnugutan sila ayon sa Kanyang kagustuhan.) Tama iyan. Huwag mong hingin na kumilos dapat ang Diyos sa isang partikular na paraan. Huwag mong hingin na ipaliwanag dapat lahat ng Diyos sa iyo sa pagbabahaginan. Kung hindi Niya ito nililinaw, hindi ka dapat makipagtalo sa Diyos, iniisip na mayroon kang katwiran. Mali ito. Ito ay labis na kayabangan at pagmamagaling, at lubhang walang konsensiya at katwiran; hindi ito ang dapat na sinasabi ng isang nilikha. Maging si Satanas ay hindi nangangahas na magsalita sa Diyos sa gayong histerikal na paraan—isa kang tiwaling tao, paanong mas mayabang ka pa kay Satanas? Saan ba dapat lumugar ang mga tao kapag nakikipag-usap sila sa Diyos? Paano ba dapat unawain ng isang tao ang usaping ito? Ang totoo, ipinaliliwanag na ng pahayag ni Job na, “Tatanggap ba tayo ng mabuti sa kamay ng Diyos, at hindi tayo tatanggap ng masama?” kung bakit nagawa niyang magpasakop sa Diyos, at may katotohanang dapat na hanapin mula rito. Nagpahayag ba siya ng anumang reklamo o hinaing nang sinabi niya ito? (Hindi.) Mayroon bang anumang kalabuan o mga negatibong implikasyon? (Wala.) Tiyak na wala. Sa huli ay napagtanto ni Job mula sa kanyang mga karanasan na wala sa mga tao ang pagpapasya kung paano sila tinatrato ng Diyos. Maaaring medyo hindi ito kaaya-ayang pakinggan, subalit ito ang katunayan. Isinaayos ng Diyos ang tadhana ng bawat isa para sa buong buhay nila; tanggapin mo man ito o hindi, ito ang katotohanan. Hindi mo mababago ang iyong tadhana. Ang Diyos ang Lumikha, at dapat kang magpasakop sa lahat ng Kanyang pamamatnugot at pagsasaayos. Kahit ano pa ang ikilos ng Diyos ay tama dahil Siya ang katotohanan at Siya ang Kataas-taasang Kapangyarihan sa lahat ng bagay, at dapat na magpasakop ang mga tao sa Kanya. Kabilang ka sa “lahat ng bagay” na ito, at kabilang dito ang lahat ng nilikha. Kaninong kasalanan, kung gayon, na palagi mong gustong lumaban? (Sarili naming kasalanan ito.) Problema mo ito. Palagi mong gustong maghanap ng mga dahilan at maghanap ng kapintasan; tama ba ito? Gusto mo palaging makatanggap ng mga pagpapala at pakinabang mula sa Diyos; tama ba ito? Wala sa mga ito ang tama. Kinakatawan ng mga pananaw na ito ang maling kaalaman at pagkaunawa sa Diyos. Mismong dahil mali ang iyong pananaw sa pananampalataya sa Diyos, hindi maiiwasang makikipagtagisan, makikipagtalo, at sasalungat ka sa Diyos sa tuwing nahaharap ka sa ilang sitwasyon, palaging iniisip na, “Maling gawin ito ng Diyos; hindi ko ito nauunawaan. Magpoprotesta ang lahat sa paggawa Niya nito nang ganoon. Hindi gawain ng Diyos ang gumawa nang ganoon!” Subalit ang usaping ito ay hindi tungkol sa kung ano ang Diyos; anuman ang ginagawa ng Diyos, Siya pa rin ang Diyos. Kung wala ka ng ganitong katwiran at ng ganitong pagkaunawa, palaging nagsisiyasat at nagsasapantaha kapag may mga nangyayari sa iyo bawat araw, ang resulta ay na makikipagtalo ka lang at sasalungat sa Diyos sa bawat pagkakataon, at hindi mo magagawang makawala sa kalagayang ito. Subalit kung taglay mo ang pagkaunawang ito at lumalagay ka sa lugar ng isang nilikha, at kapag nahaharap ka sa mga sitwasyon ay ikinukumpara mo ang iyong sarili sa aspektong ito ng katotohanan at isinasagawa ito at pumapasok rito, madaragdagan ang panloob na takot mo sa Diyos sa paglipas ng panahon. Hindi sinasadyang mapagtatanto mo na: “Lumalabas na hindi mali ang ginagawa ng Diyos; lahat ng ginagawa ng Diyos ay mabuti. Hindi kinakailangang siyasatin at suriin ito ng mga tao; magpasailalim ka lang sa pamamatnugot ng Diyos!” At kapag nabatid mo sa sarili mong hindi mo kayang magpasakop sa Diyos o tanggapin ang Kanyang mga pamamatnugot, makararamdam ng pagsaway ang iyong puso: “Hindi ako naging isang mabuting nilikha. Bakit hindi na lang ako magpasakop? Hindi ba ito nagpapalungkot sa Lumikha?” Habang mas ninanais mo na maging isang mabuting nilikha, mas lumalago ang iyong pagkaunawa at kalinawan sa aspektong ito ng katotohanan. Subalit habang mas iniisip mo ang iyong sarili bilang isang mahalagang tao, naniniwala na hindi ka dapat tratuhin ng Diyos nang ganito, na hindi ka Niya dapat pagsabihan nang ganoon, na hindi ka Niya dapat pungusan at pamatnugutan nang ganoon, may problema ka. Kung marami kang hinihingi sa Diyos sa iyong puso, kung pakiramdam mo ay may maraming bagay na hindi dapat ginawa ng Diyos, tumatahak ka sa maling landas; lalabas ang mga kuru-kuro, panghuhusga, at panlalapastangan, at hindi ka malayo sa paggawa ng kasamaan. Kapag naririnig ng mga taong hindi nagmamahal sa katotohanan ang mga salita ng Diyos, nagsisimula silang magsuri at magsiyasat, unti-unting nagdudulot ng mga pagdududa at panlalait. Pagkatapos ay nagsisimula silang manghusga, tumanggi, at mangondena—ito ang resulta. Masyadong napakaraming tao ang tumatrato sa Diyos nang ganito, na dulot lahat ng kanilang tiwaling disposisyon.

Palaging iniisip ng ilang tao na, “Isa akong tao. Totoo na ang Diyos ang Lumikha, subalit dapat Niya akong igalang at unawain, dapat Niya akong mahalin at protektahan.” Tama ba ang pananaw na ito? Nasa Diyos ang huling salita sa kung paano Niya mamahalin ang mga tao. Ang Diyos ang Lumikha; nasa kamay Niya kung paano Niya tinatrato ang Kanyang mga nilikha. Ang Diyos ay may sarili Niyang mga prinsipyo at sarili Niyang mga disposisyon; walang silbi para sa mga tao ang magkaroon ng mga hinihingi. Sa halip ay dapat nilang matutuhan kung paano unawain ang Diyos at magpasakop sa Kanya, ito ang katwiran na dapat taglayin ng mga tao. Sinasabi ng ilang tao na: “Marahas ang Diyos sa mga tao. Ang paggawa ng mga ganitong bagay ay hindi pagmamahal sa mga tao. Hindi Niya nirerespeto ang mga tao o tinatrato sila bilang mga tao!” Ang ilang tao ay hindi mga tao, mga demonyo sila. Katanggap-tanggap ang anumang paraan ng pagtrato sa kanila; karapat-dapat silang sumpain at hindi sila karapat-dapat sa respeto. May mga taong nagsasabi na, “Medyo mabuti akong tao; wala akong ginawang anuman para labanan ang Diyos, at labis akong nagdusa para sa Kanya. Bakit pinupungusan pa rin Niya ako nang ganoon? Bakit palagi Niya akong pinababayaan? Bakit hindi Niya ako kailanman kinikilala o iniaangat?” Sinasabi pa rin ng iba na, “Ako ay isang simple at tapat na tao; nananampalataya na ako sa Diyos mula noong nasa sinapupunan pa lang ako, at nananampalataya pa rin ako sa Kanya ngayon. Napakadalisay ko! Iniwan ko ang aking pamilya at ang aking trabaho para igugol ang aking sarili para sa Diyos, at inisip ko kung gaano ako minahal ng Diyos. Ngayon, tila hindi gaanong minamahal ng Diyos ang mga tao, at pakiramdam ko ay pinabayaan ako, bigo at dismayado sa Kanya.” Hindi ba ito nakababahala? Ano ang maling ginagawa ng mga taong ito? Hindi sila nanatili sa tamang lugar nila; hindi nila alam kung sino sila, at palagi nilang iniisip na mahalagang tao sila, na dapat respetuhin at iangat, o pakaingatan at itangi ng Diyos. Kung palaging may mga gayong maling akala, mga gayong baluktot at hindi makatwirang hinihingi ang mga tao, napakamapanganib nito. Kahit papaano, kasusuklaman at kapopootan sila ng Diyos, at kung hindi sila magsisisi ay nanganganib silang matiwalag. Kaya’t ano ang dapat gawin ng mga tao, paano nila kikilalanin ang kanilang sarili, at paano nila itatrato ang kanilang sarili para matugunan ang mga hinihingi ng Diyos, malutas ang mga kahirapang ito, at mabitiwan ang mga hinihingi nila sa Diyos? May ilang tao na isinaayos ng sambahayan ng Diyos para maging mga lider, at partikular silang masigasig. Pagkatapos nilang magtrabaho nang ilang sandali, natuklasang kaya nilang gawin ang ilang panlabas na gawain nang may sapat na husay subalit hindi nila kayang lumutas ng mga problema—hindi nila kayang magbahagi ng katotohanan para lutasin ang mga isyu, kaya’t ang kanilang tungkulin ng pamumuno sa iglesia ay pinalitan. Hindi ba’t sobrang naaangkop ito? Subalit nagsisimula silang makipagtalo at magreklamo, sinasabing, “Hindi maayos na ginampanan ng mga huwad na lider at anticristo na iyon ang mga nakatalaga sa kanilang trabaho; ang ginawa lang nila ay magdulot ng mga panggagambala at panggugulo. Dapat lang talaga silang palitan at itiwalag. Subalit wala akong ginawang anumang masama; bakit pinapalitan din ako?” Medyo masama ang loob nila. Bakit ganoon? Nararamdaman nila iyon dahil wala naman silang ginawang anumang masama, dapat pa rin silang maging lider at hindi dapat na palitan. Pakiramdam nila ay sobrang hindi naging patas ang sambahayan ng Diyos sa kanila. Punong-puno ng reklamo at paglaban ang kanilang puso, at lumilitaw sa kanila ang mga kuru-kuro tungkol sa Diyos, na humahantong sa di-balanseng kalooban: “Hindi ba’t sinabi na may mga prinsipyo para sa paghalal at pag-aalis ng mga lider? Sa tingin ko, walang prinsipyo sa nangyari, nagkamali ang Diyos!” Sa madaling salita, hangga’t ang Diyos ay gumagawa ng isang bagay na nakapipinsala sa kanilang mga interes at nakasasakit sa kanilang damdamin, nagsisimula silang maghanap ng mali. Problema ba ito? Paano malulutas ang problemang ito? Dapat mong kilalanin ang sarili mong pagkakakilanlan, dapat mong malaman kung sino ka. Anumang uri ng mga kaloob o lakas ang mayroon ka, o gaano man karaming kasanayan o kakayahan ang mayroon ka, o gaano man karami ang kabutihang natamo mo mula sa sambahayan ng Diyos, o magkano man ang nasingil mo, o gaano man karaming kapital ang iyong naipon, ang mga bagay na ito ay balewala sa Diyos, at kung tila mahalaga ang mga ito mula sa kinatatayuan mo, wala bang lumitaw na hindi pagkakaunawaan at mga pagkakasalungat sa pagitan mo at ng Diyos? Paano dapat malutas ang problemang ito? Kung nais mong paliitin ang agwat sa pagitan mo at ng Diyos, at lutasin ang mga pagkakasalungat na ito, paano ito dapat gawin? Dapat mong tanggihan ang mga bagay na sa tingin mo ay tama at pinanghahawakan mo. Sa paggawa nito, mawawala na ang agwat sa pagitan mo at ng Diyos, at tatayo ka nang maayos sa iyong lugar, at magagawa mong magpasakop, kilalanin na lahat ng ginagawa ng Diyos ay tama, itatwa ang iyong sarili at bitiwan ang iyong sarili. Hindi mo na ituturing ang kabutihang nakuha mo na isang uri ng kapital, ni hindi mo na susubukan na magtakda ng mga kondisyon sa Diyos, o humingi sa Kanya, o humiling sa Kanya ng gantimpala. Sa pagkakataong ito, mawawala na ang iyong mga paghihirap. Bakit lumilitaw ang mga maling paniniwala ng lahat ng tao sa Diyos? Lumilitaw ang mga ito sapagkat hindi kayang sukatin ng mga tao ang sarili nilang mga kakayahan; para mas tumpak, hindi nila alam kung anong uri sila ng mga bagay sa paningin ng Diyos. Masyado nilang binibigyang halaga ang kanilang sarili at inilalagay sa napakataas na posisyon ang kanilang sarili sa mata ng Diyos, at nakikita nila ang itinuturing nilang halaga at kapital ng isang tao bilang ang katotohanan, bilang ang mga pamantayang ginagamit ng Diyos para sukatin kung sila ay maililigtas. Mali ito. Dapat mong malaman kung ano ang uri ng lugar mayroon ka sa puso ng Diyos, kung paano ka tinitingnan ng Diyos, at ang naaangkop na posisyon na dapat mong taglayin kapag humaharap ka sa Diyos. Dapat mong malaman ang prinsipyong ito; sa paraang ito, ang iyong mga pananaw ay magiging alinsunod sa katotohanan at aayon sa mga pananaw ng Diyos. Dapat taglayin mo ang katwirang ito at dapat ay magawa mong magpasakop sa Diyos; paano ka pa man Niya tinatrato, dapat kang magpasakop. Pagkatapos ay mawawalan na ng anumang kontradiksiyon sa pagitan mo at ng Diyos. At kapag tinrato ka muli ng Diyos sa Kanyang pamamaraan, hindi mo ba magagawang magpasakop? Makikipagtalo ka pa rin ba at sasalungat sa Diyos? Hindi mo ito gagawin. Kahit makaramdam ka pa ng kaunting pagkabalisa sa iyong puso, o maramdaman mo na hindi tulad nang ninanais mo ang pagtrato sa iyo ng Diyos at hindi mo maunawaan kung bakit tinatrato ka Niya nang ganoon, gayunman, dahil nauunawaan mo na ang ilang katotohanan at tinataglay ang ilang realidad, at dahil nagagawa mo nang manatiling tapat sa iyong posisyon, hindi mo na lalabanan ang Diyos, na nangangahulugang hindi na iiral ang mga kilos at pag-uugali mo na magdudulot ng iyong pagkasawi. At hindi ba magiging ligtas ka na noon? Sa oras na maging ligtas ka, makararamdam ka ng katatagan, na nangangahulugang nagsimula ka nang tumahak sa landas ni Pedro. Tingnan mo, nanampalataya si Pedro sa Diyos nang napakaraming taon, napakatagal niyang inapuhap ang daan, at labis na nagdusa. Pagkatapos niyang maranasan ang maraming pagsubok ay saka pa lang niya naunawaan sa wakas ang ilang katotohanan at nagtaglay ng ilang katotohanang realidad. At pagdating sa inyong lahat ngayon, marami na Akong nasabi, naipaliwanag nang maayos ang lahat—katumbas ito ng paghahain ng mga bagay-bagay sa isang pinggan, hindi ba? Marami na kayong natamo nang hindi lumilihis; nakuha ninyong lahat ang higit sa inaasahan. Kaya bakit wala pa rin kayong kasiyahan? Hindi na kayo dapat magkaroon ng anumang karagdagang hinihingi.

Ano ang pangunahin nating pinagbahaginan ngayon? Ang isang aspekto ay ang regular na pagbibigay ng pansin sa pagsisiyasat ng iba’t ibang aspekto ng iyong kalagayan, at pagkatapos ay sinusuri ang mga ito para malaman kung tama ba ang mga ito. Ang isa pang aspekto ay ang paglutas sa iba’t ibang maling pagkaunawa sa Diyos na lumilitaw sa iyo. Kapag mayroon kang mga maling pagkaunawa tungkol sa Diyos, may nagmamatigas at kinikilingang mga elemento sa iyo na pipigil sa iyo na hanapin ang katotohanan. Kung maalis na ang iyong mga maling pagkaunawa sa Diyos, magagawa mong hanapin ang katotohanan; kung hindi pa, madarama mo sa puso mo na napapalayo ka, at mananalangin ka sa paimbabaw na paraan; ito ay pandaraya sa Diyos, at hindi talaga Siya makikinig. Kung magkaroon ka ng mga maling pagkaunawa tungkol sa Diyos, lumilikha ng distansiya at paghihiwalay sa pagitan mo at ng Diyos, at sarado ang puso mo sa Kanya, hindi ka makikinig sa Kanyang mga salita o hahanapin ang katotohanan. Anuman ang gawin mo, ginagawa mo lamang iyon nang walang interes, na nagkukunwari at nanlilinlang. Kapag nalutas ang mga maling pagkaunawa ng tao sa Diyos at nalampasan niya ang sagabal na ito, igagalang niya ang bawat salita at hinihingi ng Diyos nang may katapatan, at lalapit sa Kanya nang taimtim at nang may matapat na puso. Kung, sa pagitan ng tao at ng Diyos, may kontradiksiyon, agwat, at di-pagkakaunawaan, anong papel ang ginagampanan ng tao? Ito ay ang papel ni Satanas, at ito ay sumasalungat sa Diyos. Ano ang mga kahihinatnan ng pagsalungat sa Diyos? Maaari bang magpasakop sa Diyos ang gayong tao? Matatanggap ba niya ang katotohanan? Hindi. Kung hindi niya magagawa ang alinman sa mga bagay na ito, ang tao na iyon ay mauuwi sa wala, at titigil ang mga pagbabago sa kanyang disposisyon. Samakatwid, kapag sinusuri ng tao ang iba’t ibang kalagayan niya, sa isang banda ay ginagawa ito upang makilala ang sarili, samantalang sa kabilang banda, nangangailangan ito ng pagtutuon sa pagsusuri kung ano ang mga maling pagkaunawa ng tao sa Diyos. Ano ang napapaloob sa mga maling pagkaunawang ito? Mga kuru-kuro, imahinasyon, paglilimita, pagdududa, pagsisiyasat, at pagbabaka-sakali—pangunahin ang mga bagay na ito. Kapag ang isang tao ay nagtataglay ng mga ito sa kalooban niya, mali ang pagkaunawa niya sa Diyos. Kapag nahulog ka sa mga kalagayang ito, nagkakaroon ng problema sa relasyon mo sa Diyos. Kailangan mong hanapin kaagad ang katotohanan upang malutas ito—at kailangan mo itong lutasin. Iniisip ng ilan na, “Nagkaroon ako ng maling pagkaunawa tungkol sa Diyos, hindi ko magagampanan ang tungkulin ko hangga’t hindi ko nalulutas ang isyung ito.” Katanggap-tanggap ba ito? Hindi, hindi ito katanggap-tanggap. Huwag mong ipagpaliban ang pagganap ng iyong tungkulin, kundi gampanan ang iyong tungkulin at lutasin ang iyong isyu nang sabay. Habang ginagampanan mo ang iyong tungkulin, magsisimulang maging maayos ang iyong maling pagkaunawa tungkol sa Diyos nang hindi mo namamalayan, at matutuklasan mo kung saan nagmula ang problema mo at kung gaano iyon kaseryoso. Balang araw, maaari ninyong mapagtanto, “Ang tao ay isang nilikha, at ang Lumikha ay aking Panginoon magpakailanman; ang diwa nito ay hindi nagbabago. Ang katayuan ng tao ay hindi nagbabago, at ni hindi rin ang katayuan ng Diyos. Anuman ang gawin ng Diyos, at kahit ang tingin ng buong sangkatauhan ay mali ang Kanyang ginagawa, hindi ko maikakaila ang Kanyang nagawa, ni hindi ko maikakaila na Siya ang katotohanan. Ang Diyos ang pinakamataas na katotohanan, walang kakayahang gumawa ng mali kailanman. Dapat magpakatatag ang tao sa kanyang tamang posisyon; hindi niya dapat siyasatin ang Diyos, kundi tanggapin ang mga pamamatnugot ng Diyos at tanggapin ang lahat ng Kanyang salita. Lahat ng sinasabi at ginagawa ng Diyos ay tama. Hindi dapat gumawa ang tao ng iba’t ibang kahilingan sa Diyos—hindi karapat-dapat ang mga nilikha na gawin ito. Kahit ituring ako ng Diyos na isang laruan, dapat pa rin akong magpasakop, at kung hindi, problema ko iyon, hindi ng Diyos.” Kapag mayroon kang karanasan at kaalaman tungkol sa aspektong ito ng katotohanan, tunay kang makapagpapasakop sa Diyos, at mawawalan ka na ng malalaking paghihirap, at, ginagampanan mo man ang iyong tungkulin o isinasagawa mo man ang iba’t ibang aspekto ng katotohanan, maraming paghihirap ang malulutas. Ang pagpapasakop sa Diyos ang pinakadakilang katotohanan, ito ang pinakamalalim na katotohanan. Maraming pagkakataon, kapag nahaharap ang mga tao sa iba’t ibang paghihirap, kapag may iba’t ibang balakid, o kapag nahaharap sila sa isang bagay na hindi nila matanggap, ano ang sanhi nito? (Hindi sila nakatayo sa tamang posisyon.) Nakatayo sila sa maling posisyon. Mayroon silang mga maling pagkaunawa tungkol sa Diyos; nais nilang siyasatin ang Diyos at ayaw nilang tratuhin Siya bilang Diyos; nais nilang ikaila ang kawastuhan ng Diyos at nais nilang ikaila na ang Diyos ang katotohanan. Nagpapahiwatig ito na ayaw ng tao na maging isang nilikha, kundi gusto niyang pumantay sa Diyos, upang hanapan ng mali ang Diyos. Magdudulot ito ng problema. Kung magagampanan mo nang wasto ang iyong tungkulin at magiging matatag sa iyong lugar bilang isang nilikha, hindi ka tututol sa ginagawa ng Diyos sa anumang paraan. Maaari kang magkaroon ng ilang maling pagkaunawa, at maaari kang magkaroon ng ilang kuru-kuro, ngunit, kahit paano, magiging handa ang saloobin mo na tanggapin ang mga pamamatnugot ng Diyos, at magiging handa kang magpasakop sa Diyos, kaya hindi mo lalabanan ang Diyos.

Kahit na may pananalig si Job, alam ba niya kung ano ang nangyayari sa umpisa nang dumating sa kanya ang mga pagsubok ng Diyos? (Hindi.) Walang kakayahan ang mga tao na direktang pumasok sa espirituwal na dako; hindi alam ni Job kung ano ang nangyayari doon—ganap siyang walang kaalam-alam sa kahit ano. Kaya, nang dumating sa kanya ang mga pagsubok ng Diyos, tiyak na naguluhan siya, iniisip na, “Ah, ano ang nangyayari? Napakapayapa ng lahat, bakit bigla itong nangyari? Bakit biglang nawala sa akin ang lahat ng mga alagang hayop at ari-arian ko?” Naguluhan siya sa umpisa, subalit ang kalituhan ay hindi katumbas ng pagkakaroon ng mga maling pagkaunawa sa Diyos, ang kalituhan ay hindi katumbas ng kabiguang maunawaan ang ginagawa ng Diyos. Nangyari lang talaga ang lahat nang biglaan; walang anumang paunang kaalaman si Job, ni walang nagbigay sa kanya ng paunang babala—lubos siyang hindi handa. Gayumpaman, hindi ibig sabihin nito na gagawa siya ng mga maling pasya o tatahak sa maling landas, o na hindi niya kayang magpasakop. Kaya, anong sunod na ginawa ni Job? Tiyak na pinakalma niya ang kanyang puso at seryosong pinagnilayan ang kanyang mga kilos, at nagdasal sa Diyos. Pagkaraan ng ilang araw ng paghahanap, naabot niya ang isang kongklusyon: “Si Jehova ang nagbigay, at si Jehova ang nag-alis; purihin ang pangalan ni Jehova” (Job 1:21). Ang pagpapahayag na ito ni Job ay kumakatawan sa kanyang pananaw at sa landas na tinahak niya. Bagaman sa umpisa ay naguluhan si Job nang dumating sa kanya ang mga pagsubok, alam niya na gawa ito ng Diyos at hindi ng kalooban ng tao. Nang walang pahintulot ng Diyos, walang sinuman ang makagagalaw sa kung ano ang ibinigay ng Diyos sa mga tao, kahit pa si Satanas. Sa panlabas, tila may kaunting maling pagkaunawa si Job sa kung ano ang ginagawa ng Diyos; hindi niya alam kung bakit nangyayari ito sa kanya o ano ang ibig sabihin ng Diyos dito. Hindi niya lubos na naunawaan, subalit ang kanyang maling pagkaunawa ay hindi isang pagtanggi o pangunguwestiyon sa ginagawa ng Diyos; ang maling pagkaunawa ni Job ay ang uri na katanggap-tanggap sa Diyos. Kasunod nito, agad niyang napagtanto na nilayon ng Diyos na si Jehova na kunin ang lahat ng mayroon siya, at na tama ang ginagawa ng Diyos; kaagad siyang lumuhod para tanggapin ito. Maaabot ba ng mga ordinaryong tao ang antas na ito? Hindi nila maaabot. Kahit gaano pa naguluhan si Job nang oras na iyon, o gaano katagal ang inabot niya bago lumuhod at tinanggap ang lahat ng dumating sa kanya, ang saloobin niya ay palaging lumugar sa posisyon ng isang nilikha. Sa pagharap sa mga pangyayaring ito, hindi niya sinabi na, “Mayaman ako at napakarami kong mga alipin, paanong basta na lang aalisin sa akin ang mga bagay na ito nang ganoon lang? Kailangan kong sabihin sa mga alipin ko na bawiin agad ang mga iyon.” Ginawa ba niya iyon? Hindi niya ginawa. Malinaw sa kanyang puso na gawa ito ng Diyos, at na walang anumang magagawa ang tao rito. Ang makialam rito ay mangangahulugan ng pagsalungat sa ginawa ng Diyos at pagsalungat sa lahat ng nangyari sa kanya. Hindi siya sumambit ng kahit isang reklamo noong oras na iyon, ni hindi niya hinusgahan kung ano ang nangyayari o nakialam para subukang baligtarin ang lahat. Naghintay lang siya at tahimik na nagmasid kung paano malalahad ang mga bagay-bagay, tinitingnan kung ano ang gagawin ng Diyos. Mula simula hanggang katapusan, ang ginawa ni Job ay ang kumapit sa kanyang tamang lugar, ibig sabihin, kumapit siya sa lugar ng isang nilikha. Ito ang kanyang naging pagganap. Bagaman medyo naguluhan si Job nang mangyari sa kanya ang mga kaganapang ito, nagawa niyang hanapin at kilalanin na ang lahat ng ginawa ng Lumikha ay tama, at pagkatapos ay nagpasakop siya. Hindi niya ginamit ang mga pamamaraan ng tao para lutasin ang isyu. Nang dumating ang mga tulisan, hinayaan niya silang kunin ang maaari nilang kunin; hindi siya nagpadala sa kanyang kapusukang labanan sila. Inisip niya sa puso niya na, “Nang walang pahintulot ng Diyos, wala silang makukuhang kahit ano. Ngayong nakuha nila ang lahat, malinaw na pinahintulutan ito ng Diyos. Mawawalan ng silbi ang anumang pakikialam ng tao. Hindi dapat magpadala ang mga tao sa kanilang kapusukan, hindi sila maaaring makialam.” Ang hindi pakikialam ay hindi nangangahulugang kinukunsinti niya ang mga tulisan; hindi ito tanda ng kahinaan o takot sa mga tulisan. Sa halip, kinatakutan niya ang kapangyarihan ng Diyos at mayroon siyang may-takot-sa-Diyos na puso. Sinabi niya na, “Hayaan silang kunin ito. Kung tutuusin, ibinigay ang mga bagay na ito ng Diyos.” Hindi ba’t ito ang dapat sabihin ng isang nilikha? (Oo.) Wala siyang anumang reklamo. Hindi siya nagpadala ng sinuman para lumaban o bawiin ang mga pag-aari niya o protektahan ang mga pag-aari niya. Hindi ba ito isang tunay na pagpapamalas ng pagpapasakop sa Diyos? (Oo.) Nagagawa niya lang ito dahil may tunay na pagkaunawa siya sa kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos. Kung wala ang pagkaunawang ito, malamang na gumamit siya ng mga pamamaraan ng tao para lumaban at bawiin ang mga pag-aari niya, at paano kaya ito titingnan ng Diyos? Hindi ito pagpapasakop sa mga pamamatnugot ng Diyos. Wala itong pagkaunawa sa mga bagay-bagay na ginawa ng kapangyarihan ng Diyos, at mawawalan ng kabuluhan ang pananampalataya sa Kanya nitong mga nagdaang taon. Ang pagiging masaya kapag nagbibigay ang Diyos subalit sumasama ang loob kapag binabawi Niya ang mga bagay-bagay, nag-aalinlangan at nagnanais na bawiin nang puwersahan ang mga ito; hindi pagiging kontento sa kung ano ang ginagawa ng Diyos, ayaw na mawala ang mga bagay na ito; tinatanggap lang ang mga gantimpala subalit hindi ang Kanyang mga pagkakait; ayaw magpasakop sa mga pamamatnugot ng kamay ng Diyos—pagkilos ba ito mula sa posisyon ng isang nilikha? (Hindi.) Ito ay paghihimagsik, ito ay pagsalungat. Hindi ba’t madalas na ipinakikita ng mga tao ang mga pag-uugaling ito? (Oo.) Ganap na kabaligtaran ito ng ginawa ni Job. Paano ipinahayag ni Job na kaya niyang katakutan si Jehova sa kalagayan ng isang nilikha, magpasakop at tanggapin ang mga pagsubok ng Diyos, at tanggapin kung ano ang ipinagkaloob sa kanya ng Diyos? Tumangis ba siya? Nagreklamo ba siya? Gumamit ba siya ng lahat ng uri ng pamamaraan at sistema ng tao para bawiin ang lahat? Hindi—hinayaan niya ang Diyos na kumuha nang malaya. Hindi ba ito pagkakaroon ng pananalig? May tunay siyang pananalig, tunay na pagkaunawa, at tunay na pagpapasakop. Walang isa man sa mga bagay na ito ang simple; kinakailangan ng lahat ng mga ito ng partikular na dami ng oras para maranasan, mahanap, at matanggap. Naipakita lang ni Job ang mga pagpapamalas na ito nang maabot niya ang partikular na antas ng pagkaunawa sa Lumikha. Ano ang sinabi ni Job sa huli? (“Si Jehova ang nagbigay, at si Jehova ang nag-alis; purihin ang pangalan ni Jehova” (Job 1:21).) At ano ang sinabi ng asawa ni Job? “Sumpain mo ang diyos, at mamatay ka” (Job 2:9). Ang ibig niyang sabihin ay, “Huwag ka nang manampalataya. Kung ang diyos talaga ang sinasampalatayanan mo, bakit ka nahaharap sa mga kalamidad? Hindi ba ito paghihiganti? Wala kang ginawang anumang mali, bakit nangyayari ito sa iyo? Marahil mali ang pananalig mo?” Paano tinugunan ni Job ang kanyang asawa? Sinabi niya na: “Ikaw ay nagsasalita na gaya ng pagsasalita ng isa sa mga hangal na babae” (Job 2:10). Sinabi ni Job na hangal ang kanyang asawa; na wala siyang tunay na pananalig at pagkaunawa sa Diyos, kaya nakapagsasalita siya ng mga salita ng pagsuway laban sa Diyos. Hindi kilala ng asawa ni Job ang Diyos. Nang nangyari ang gayong kalaking bagay na malinaw na gawa ng Diyos, nakamamanghang hindi niya ito nakilala, at pinayuhan pa si Job, sinasabi na, “Mali ang tinatahak mong landas. Huwag ka nang manampalataya at abandonahin mo ang diyos mo.” Nakagagalit marinig ang bagay na ito! Bakit niya hinikayat si Job na abandonahin ang Diyos? Dahil nawala sa kanya ang kanyang mga ari-arian at hindi na niya mapakinabangan ang mga ito. Mula sa pagiging isang mayamang babae ay naging isa siyang dukha na walang anumang pagmamay-ari. Hindi niya ikinasaya ang pagkakait ng Diyos, kaya sinabihan niya si Job na huwag nang manampalataya, na may implikasyon na: “Hindi na ako nananampalataya, at hindi ka na rin dapat nananampalataya. Tinanggalan ang isang lubos na mabuting sambahayan, iniwan tayong walang-wala. Sa isang kisap-mata, nawala sa atin ang lahat, ang ating kayamanan ay naging karukhaan. Ano ang punto ng pananampalataya sa gayong diyos? Huwag ka nang manampalataya!” Hindi ba’t mga hangal na salita ang mga ito? Ganito siya gumanap. Nakinig ba si Job sa kanya? Hindi siya nakinig; hindi nailigaw o nagulo si Job ng kanyang asawa, ni hindi tinanggap ni Job ang mga pananaw niya. Bakit hindi? Dahil sumunod si Job sa isang pahayag: “Tatanggap ba tayo ng mabuti sa kamay ng Diyos, at hindi tayo tatanggap ng masama?” (Job 2:10). Inisip niya na, “Lubhang normal ang lahat ng ito. Paano man kumikilos ang Diyos ay tama; dapat lang itong tanggapin ng mga tao. Hindi dapat nananampalataya ang mga tao sa Diyos para lang maghanap ng mga pagpapala. Natamasa ko ang mga pagpapala ng Diyos sa loob ng napakaraming taon nang walang ginagawang anuman para sa Diyos—ngayon ang oras para magpatotoo sa Kanya. Iyong kinukuha ng Diyos ay Kanya, maaari Niya itong kunin anumang oras Niya naisin. Hindi dapat magkaroon ng mga hinihingi ang mga tao, dapat lang silang tumanggap at magpasakop.” Kaya, dapat ka bang tumanggap ng mga pagpapala dahil sa pananampalataya sa Diyos? Ganito ba ito dapat? Kapag lubos nang naaarok ng isang tao ang usaping ito, magkakaroon siya ng tunay na pananalig.

Anuman ang ginagawa ng Lumikha ay tama at ang katotohanan. Anuman ang ginagawa Niya, ang Kanyang pagkakakilanlan at katayuan ay hindi nagbabago. Dapat Siyang sambahin ng lahat ng tao. Siya ang walang hanggang Panginoon at walang hanggang Diyos ng mga tao. Hindi kailanman mababago ang katunayang ito. Hindi lang dapat Siya kinikilala ng mga tao bilang Diyos kapag pinagkakalooban Niya sila ng mga regalo, o hindi Siya kikilalanin bilang Diyos kapag kinukuha Niya ang mga bagay-bagay mula sa kanila. Ito ay maling pananaw ng tao, hindi isang pagkakamali sa mga kilos ng Diyos. Kung nauunawaan ng mga tao ang katotohanan, makikita nila ito nang malinaw, at kung, sa kaibuturan, ay nagagawa nilang tanggapin na ito ang katotohanan, magiging lalo pang normal ang relasyon nila sa Diyos. Kung sinasabi mong kinikilala mo na ang mga salita ng Diyos ang katotohanan, subalit kapag may nangyayari ay hindi mo Siya nauunawaan, at sinisisi mo pa Siya at hindi ka tunay na nagpapasakop sa Kanya, walang kabuluhan kapag sinasabi mong kinikilala mo na katotohanan ang mga salita ng Diyos. Ang pinakamahalagang bagay ay na dapat magawang tanggapin ng iyong puso ang katotohanan, at na anuman ang mangyari, dapat magawa mong makita na ang mga kilos ng Diyos ay tama, at na Siya ay matuwid. Ito ang uri ng tao na nakauunawa sa Diyos. Maraming mananampalataya ang nakatuon lang sa pag-unawa ng doktrina. Kinikilala nila ang espirituwal na teorya, subalit kapag may nangyayari sa kanila, hindi nila tinatanggap ang katotohanan, at hindi sila nagpapasakop. Mapagpaimbabaw na mga tao ang mga ito. Karaniwang tama lahat ang mga bagay na sinasabi mo, subalit kapag may nangyayari na hindi umaayon sa mga sarili mong kuru-kuro, hindi mo ito nagagawang tanggapin. Nakikipagtalo ka sa Diyos, iniisip na hindi dapat ginawa ng Diyos ang ganito o ganyan. Hindi ka makapagpasakop sa gawain ng Diyos, at hindi mo hinahanap ang katotohanan o pinagnilayan ang iyong paghihimagsik. Ibig sabihin nito na hindi ka mapagpasakop sa Diyos. Gusto mo palaging makipagtalo sa Diyos; iniisip mo palagi na nakahihigit ang iyong mga argumento kaysa sa katotohanan, na kung maibabahagi mo ito sa entablado, maraming tao ang susuporta sa iyo. Subalit kahit maraming tao pa ang sumusuporta sa iyo, lahat sila ay mga tiwaling tao. Hindi ba’t mga tiwaling tao ang lahat ng mga sumusuporta at ang sinusuportahan? Hindi ba’t silang lahat ay walang katotohanan? Kahit sinuportahan ka pa ng buong sangkatauhan at sinalungat ang Diyos, magiging tama pa rin ang Diyos. Magiging mali pa rin ang sangkatauhan, na naghimagsik at lumaban sa Diyos. Isa lang ba itong pagpapahayag? Hindi. Ito ay ang katunayan; ito ay ang katotohanan. Dapat madalas na pagnilayan at danasin ng mga tao ang aspektong ito ng katotohanan. Ginawa ng Diyos ang Kanyang gawain sa tatlong yugto, at maraming tao ang sumalungat sa bawat yugtong ito. Tulad nang dumating ang Panginoong Jesus para gawin ang gawain Niya ng pagtutubos, bumangon laban sa Kanya ang buong Israel. Subalit ngayon, ang sangkatauhan ay may bilyun-bilyong katao na kumikilalang lahat sa Panginoong Jesus bilang ang Tagapagligtas. Laganap sa buong mundo ang Kanyang mga mananampalataya. Tinubos na ng Panginoong Jesus ang buong sangkatauhan. Isa itong katunayan. Gustuhin man itong itanggi ng mga mamamayan ng alinmang bansa, wala itong magagawa. Kahit paano pa sinusuri ng mga tiwaling tao ang gawain ng Diyos, ang gawain ng Diyos at ang mga katotohanan na sinasabi ng Diyos ay palaging matuwid at tama. Kahit gaano pa karaming tao sa buong sangkatauhan ang bumangon laban sa Diyos, wala itong saysay. Tama ang lahat ng ginagawa ng Diyos; hindi Siya gumagawa ng kahit pinakamaliit na pagkakamali. Dahil walang katotohanan ang mga tiwaling tao at ganap na hindi nakikita nang malinaw ang kabuluhan at diwa ng gawain ng Diyos, wala sa mga sinasabi nila ang umaayon sa katotohanan. Kahit ibuod mo pa ang lahat ng teorya ng sangkatauhan, hindi pa rin magiging katotohanan ang mga ito. Hindi mahihigitan ng mga ito ang alinman sa mga salita ng Diyos, o alinmang salita ng katotohanan. Ito ay isang katunayan. Kung hindi ito nauunawaan ng mga tao, dapat nila itong unti-unting maranasan. Ano ang paunang kinakailangan para sa karanasang ito? Dapat mo munang kilalanin at tanggapin na ang mga salita ng Diyos ay ang katotohanan. Pagkatapos, dapat mong isagawa at danasin ang mga ito. Nang hindi namamalayan, matutuklasan mo na ang mga salita ng Diyos ay ang katotohanan—ganap itong tama. Sa puntong iyon, sisimulan mong itangi ang mga salita ng Diyos, pahahalagahan ang paghahangad sa katotohanan, at magagawang tanggapin ang katotohanan sa iyong puso, at gawin itong buhay mo.

Setyembre 10, 2018

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.