Ang Pagpapasakop sa Diyos ay Isang Pangunahing Aralin sa Pagkakamit ng Katotohanan (Unang Bahagi)

Kung nais mong magpasakop sa Diyos sa iyong pananampalataya, lubhang mahalaga na makilala mo ang iyong sarili. Kapag hindi mo kilala ang iyong sarili, hindi mo magagawang iwaksi ang iyong tiwaling disposisyon. Ang buhay pagpasok ay nagsisimula sa pagkilala sa sarili. Kung nagbubunyag ka ng ilang katiwalian o gumagawa ng mga bagay na kasumpa-sumpa o nakasasakit sa Diyos, kung gumagawa ka ng mga bagay na kahangalan, dapat mong pagnilayan ang iyong sarili pagkatapos. Paano ka matutulungan ng pagninilay para maiwaksi ang katiwalian? Isinasaalang-alang ito ng mga nagsasagawa ng katotohanan: “Talagang ibinunyag ako ng mga bagay na ito na nangyari. Mayroon akong tiwaling disposisyon, at kailangan kong tanggapin ang paghatol at pagkastigo ng mga salita ng Diyos para iwaksi ito. Mabuti na ibinunyag ng Diyos ang aking tiwaling disposisyon sa pamamagitan ng sitwasyong ito. Anupaman ang iniisip ng ibang tao tungkol sa akin o kung paano man nila ako tinatrato, kailangan kong hanapin ang katotohanan, unawain ang mga layunin ng Diyos, at alamin kung ano ang dapat gawin para maisagawa ang katotohanan.” Ito ang tamang saloobin, at isa itong saloobin ng pagsasagawa ng katotohanan at pagpapasakop sa Diyos. Ang pananampalataya sa Diyos ay nangangailangan ng pagtanggap sa katotohanan—iyon ang tamang saloobin. Ang mga hindi tumatanggap sa katotohanan ay nagdadahilan at nangangatwiran kapag lumilitaw ang mga isyu, ipinapasa ang responsabilidad sa iba. Palagi silang nagrereklamo tungkol sa ibang tao na hindi sila tinatrato nang maayos, hindi sila iniintindi o hindi nagmamalasakit sa kanila. Nakahahanap sila ng iba’t ibang uri ng pangangatwiran. Ano ang saysay ng paghahanap ng lahat ng katwirang ito? Mapapalitan ba nito ang pagsasagawa mo ng katotohanan? Mapapalitan ba nito ang pagpapasakop mo sa Diyos? Hindi, hindi nito kaya. Ibig sabihin, kahit anong uri ng pangangatwiran ang mayroon ka, kahit may mga hinanakit ka na lampas langit pa mismo, kung hindi mo tinatanggap ang katotohanan, katapusan mo na. Gustong makita ng Diyos kung ano ang iyong saloobin, lalo na sa mga bagay na may kinalaman sa pagsasagawa ng katotohanan. May anumang silbi ba ang pagrereklamo mo? Malulutas ba ng pagrereklamo mo ang isyu ng tiwaling disposisyon? Kung magrereklamo ka at pakiramdam mo ay nasa katwiran ka, ano ang sasabihin niyon tungkol sa iyo? Nakamit mo ba ang katotohanan? Matatanggap mo ba ang pagsang-ayon ng Diyos? Kung sasabihin ng Diyos, “Hindi ka isang taong nagsasagawa ng katotohanan, kaya umalis ka sa daan. Nasusuklam Ako sa iyo,” hindi ba’t katapusan mo na? Ang pagsasabi ng Diyos na “nasusuklam Ako sa iyo,” ay magbubunyag sa iyo at magtatakda kung sino ka. Bakit gagawa ang Diyos ng pagtatakda tungkol sa iyo? Dahil hindi mo tinatanggap ang katotohanan; hindi mo tinatanggap ang mga pamamatnugot ng Diyos at ang Kanyang kataas-taasang kapangyarihan. Palagi kang naghahanap ng mga panlabas na katwiran, palaging ipinapasa sa ibang tao ang mga bagay-bagay. Nakikita ng Diyos na wala kang pakiramdam at pagmamahal sa katotohanan; hindi makatwiran, may mapagsariling kalooban, at hindi mapapaamo. Kailangan kang isantabi at ipagwalang-bahala para magkaroon ka ng pansariling pagninilay. Ang halaga na mapakinggan mo ang mga sermon at pagbabahagi tungkol sa katotohanan ay upang maunawaan mo ang katotohanan, malutas ang iyong mga problema, at maiwaksi ang iyong katiwalian. Ang katotohanan ba ay isang bagay para bigkasin mo nang walang kabuluhan? Isa ba itong bagay na sinasang-ayunan mo, at pagkatapos ay tapos na? Dapat bang magsilbing espirituwal na angkla ang pagkaunawa sa katotohanan para punan ang kahungkagan sa iyong kaluluwa? Hindi, hindi ito para gamitin mo para sa layuning ito. Nariyan ang katotohanan para lutasin mo ang mga tiwali mong disposisyon. Ito ay para bigyan ka ng landas, at kapag nakakaranas ka ng mga isyu, makakapamuhay ka ayon sa mga katotohanang ito, at matatahak ang tamang landas ng buhay. Kapag naunawaan mo na ang katotohanan, hindi ka na kikilos batay sa iyong pagiging natural, sa iyong katiwalian, o sa mga bagay na iyon sa iyong satanikong edukasyon. Hindi ka na mamumuhay ayon sa satanikong lohika o sa mga pilosopiya para sa mga makamundong pakikitungo. Sa halip, mamumuhay ka ayon sa katotohanan, kikilos ka ayon sa katotohanan. Ito lang ang makatutugon sa mga layunin ng Diyos. Sinasabi ng ilang tao: “Napakatagal ko nang hindi mananampalataya. Wala akong masyadong karanasan. Hindi ko nauunawaan ang katotohanan, at maliit ang tayog ko. Kaya, hindi ko maisasagawa ang katotohanan.” Mga totoong palusot lang talaga ang mga ito. Kahit pa maliit ang iyong tayog, may mga katotohanang kaya mong maunawaan. Dapat kang magsagawa sa abot ng nauunawaan mo; dapat kang magsakatuparan sa abot ng makakaya mo. Kung hindi mo man lang isinasagawa ang mga katotohanang nauunawaan mo, may problema riyan. Kahit gaano pa katagal o kaikli ang naging panahon mo bilang isang mananampalataya, hangga’t nakikinig ka ng mga sermon nang ilang taon, mauunawaan mo ang ilang katotohanan. Kung marami kang alam na katotohanan pero hindi mo isinasagawa ang alinman sa mga ito, kokondenahin ka ng mga iyan. Kung ano ang saloobin ng pagpapasakop sa katotohanan, ano ang pagpapasakop sa katotohanan, paano magpasakop sa katotohanan, paano magpasakop sa mga pamamatnugot ng Diyos, at kung anong saloobin ang mayroon dapat ang mga tao—kung alam mo ang mga bagay na ito, dapat mong isagawa ang mga ito. Kahit ano pa ang mangyari, kailangan mong matutunan kung paano isagawa ang katotohanan at umasal nang may prinsipyo. Kung hindi mo isinasagawa ang katotohanan, walang kabuluhan sa iyo ang katotohanan; isa lamang itong doktrina, isang islogan sa iyong bibig. Hindi ka magkakaroon ng realidad hanggang maisagawa mo ang katotohanan; saka lamang magiging buhay mo ang katotohanan. Kapag may mga bagay na nangyayari at sinusunod mo ang iyong kagustuhan—iniisip na nagkakamali ang taong ito, na mali ang taong iyon, palaging tama ang tingin mo sa iyong sarili at nakikipagtalo sa iba kahit ano pa ang sabihin nila—posible bang wala kang kapintasan at walang katiwalian? Pagiging mapagmataas at pagmamatuwid sa sarili ang tawag doon, at isa itong mas malalang tiwaling disposisyon.

Paano malulutas ang isang tiwaling disposisyon? Ang unang hakbang ay tingnan kung kaya mong magpasakop sa mga pamamatnugot at pagsasaayos ng Diyos, at kung kaya mong magpasakop sa iba’t ibang sitwasyong itinatakda ng Diyos para sa iyo. Sa panahong mapayapa, wala kang anumang kuru-kuro sa Diyos at hindi ka nagbubunyag ng maliwanag na tiwaling disposisyon. Kaya pakiramdam mo na hindi ka ganoon kasama, at na isa kang taong nagagawang magpasakop sa Diyos. Pero kapag may nangyari, naguguluhan ang puso mo, at nagkakaroon ka ng mga sarili mong kaisipan at ideya. Lalo na kapag nagagawa mong magdusa at magbayad ng halaga sa iyong tungkulin, pakiramdam mo ay isa kang taong nagmamahal sa Diyos, kaya kapag pinungusan ka nang hindi inaasahan at may isang taong nagsasabing ikaw ay may mapagsariling kalooban at walang prinsipyo sa iyong tungkulin, magagawa mo bang tanggapin iyon? (Hindi ito madaling tanggapin.) Ano ang gagawin mo kung hindi ito madaling tanggapin? Paano mo makakamit ang pagtanggap at pagpapasakop? May ilang prinsipyo rito ng pagsasagawa. Una, kailangan mong pagnilayan ang iyong sarili, at bitiwan ang mga sarili mong kaisipan at pangangatwiran para hanapin ang katotohanan. Dapat mong maunawaan na ang sarili mong mga kaisipan at pangangatwiran ay hindi nangangahulugang umaayon sa katotohanan. Kung nagtataglay ka ng katwiran, dapat ka munang makinig sa sinasabi ng iba at pagkatapos ay pag-isipan mo itong mabuti. Kung ang mga sinasabi nila ay umaayon sa katotohanan, dapat mo itong tanggapin—ito ang dapat gawin ng isang taong may katwiran. Kung palagi mong iniisip na tama ang sarili mong pag-iisip at pinanghahawakan mo ang sarili mong perspektiba, at hindi tinatanggap kung ano ang sinasabi ng iba, kahit gaano pa sila katama o kung gaano karami sa sinasabi nila ang umaayon sa katotohanan, nagiging mapaghimagsik ka at wala sa katwiran. Ang katwiran ng isang nilikha ay para magpasakop sa katotohanan, para magpasakop sa mga salita ng Diyos, para magpasakop sa mga pamamatnugot at pagsasaayos ng Diyos, para magpasakop sa lahat ng bagay na nagmumula sa Diyos, at para magpasakop sa mga gawain ng pagsasaayos ng sambahayan ng Diyos. Sa pagganap ng iyong tungkulin, dapat mong hanapin kung ano ang hinihingi ng Diyos at kung ano ang isinaayos ng Kanyang sambahayan. Kapag alam mo na ang mga bagay na iyon, makakikilos ka ayon sa hinihingi ng Diyos. Ito ang mga prinsipyo ng pagsasagawa. Una, dapat kang magpasakop. Ito ang dapat gawin ng isang nilikha. Madalas, kapag hindi nagagawa ng mga taong magpasakop, ito ay dahil mayroon silang mga sariling pangangatwiran, pagdadahilan, at pagkukunwari. Malamang talaga na hindi sila magpasakop sa ganoong pangangatwiran. Ano ang puwedeng gawin sa ganoong kaso? Una, bitiwan mo ang mga sarili mong pangangatwiran at pagdadahilan, at kumilos nang ayon sa mga hinihingi ng sambahayan ng Diyos. Kapag naisagawa mo na ito nang ilang panahon, malalaman mo na kapag ginagampanan mo ang iyong tungkulin nang ayon sa mga katotohanang prinsipyo, lalo kang nagiging epektibo sa iyong tungkulin. Nakatitiyak ka, sa iyong kaluluwa, na ito ay pagpapasakop sa Diyos, at lalong nagiging dalisay ang iyong pagpapasakop. Pero, kung palagi kang humahawak sa mga sarili mong kuru-kuro at imahinasyon, kung hindi mo nagagawang magpasakop sa mga pamamatnugot at pagsasaayos ng Diyos, kung palagi kang laban sa Diyos at sumasalungat sa Kanya, pagrerebelde iyan. Iyan ay isang tiwaling disposisyon. At kahit pa hindi ka gumagawa ng anumang hayag na kasamaan, hindi ka pa rin nakapagpasakop kahit bahagya, at hindi ka magkakaroon ng katiting na katotohanang realidad.

Ang mga aral ng pagpapasakop ang pinakamahirap, ngunit ang mga iyon din ang pinakamadali. Sa anong paraan mahirap ang mga iyon? (Ang mga tao ay may sariling mga ideya.) Hindi ang pagkakaroon ng mga ideya ng mga tao ang problema—anong tao ba ang walang mga ideya? Lahat ng tao ay may puso at utak, lahat sila ay may sariling mga ideya. Hindi iyon ang problema rito. Kung gayon, ano kaya iyon? Ang problema ay ang tiwaling disposisyon ng tao. Kung wala kang tiwaling disposisyon, magagawa mong magpasakop kahit ilan pa ang iyong mga ideya—hindi magiging isyu ang mga ito. Kung ganito ang katwiran ng isang tao at sinasabi niyang, “Kailangan kong magpasakop sa Diyos sa lahat ng bagay. Hindi ako magdadahilan o hindi ko ipipilit ang sarili kong mga ideya, hindi ako gagawa ng sarili kong pasya tungkol sa bagay na ito,” hindi ba’t madali para sa kanya ang magpasakop? Kung hindi gagawa ang isang tao ng sarili niyang mga pasya, tanda iyan na hindi siya mapagmagaling; kung hindi niya ipinipilit ang sarili niyang mga ideya, tanda iyan na may katwiran siya. Kung kaya rin niyang magpasakop, nakaya na niyang isagawa ang katotohanan. Ang hindi pagkakaroon ng mga sariling pagtukoy ng isang tao at hindi paggigiit sa mga sarili niyang ideya ay mga paunang kondisyon para makapagpasakop. Kung taglay mo ang dalawang katangiang ito, magiging madali para sa iyo na magpasakop at makamit ang pagsasagawa ng katotohanan. Kaya, bago ka magpasakop, dapat mong taglayin ang mga ito, at alamin kung paano dapat kumilos at kung ano ang dapat mong gawin upang magkaroon ng saloobin ng pagsasagawa ng katotohanan. Hindi naman talaga ito ganoon kahirap—pero hindi rin ito ganoon kadali. Bakit ito mahirap? Mahirap ito dahil may tiwaling disposisyon ang tao. Kahit ano pang mentalidad o kalagayan ang mayroon ka kapag isinasagawa ang pagpapasakop, kung hinahadlangan ka nito sa pagsasagawa ng katotohanan, ang kaisipan o kalagayang iyon ay nagmumula sa tiwaling disposisyon. Iyon ang simpleng katunayan ng usapin. Kung lulutasin mo ang mga tiwaling disposisyon ng pag-aakalang mas matuwid kaysa sa iba, pagmamataas, paghihimagsik, pagiging kakatwa, at matigas ang ulo at panghuhusga, at pagiging mapagmatigas, magiging madali para sa iyo na magpasakop. Kaya, paano dapat lutasin ang mga katiwaliang ito? Dapat kang manalangin kapag ayaw mong magpasakop, dapat kang magnilay-nilay sa iyong sarili at magtanong: “Bakit hindi ko magawang magpasakop sa Diyos? Bakit palagi kong iginigiit na gawin ang mga bagay sa sarili kong paraan? Bakit hindi ko kayang hanapin ang katotohanan at isagawa ito? Ano ang ugat ng problemang ito? Isinasagawa ko dapat ang pagsunod sa Diyos, at isinasagawa ko dapat ang katotohanan, hindi isinasakatuparan ang sarili kong kalooban o mga sarili kong pagnanais. Magagawa ko dapat na magpasakop sa mga salita ng Diyos, sa Kanyang mga pamamatnugot, at pagsasaayos. Iyon lamang ang naaayon sa mga layunin ng Diyos.” Ang pagkakamit ng ganitong uri ng kalalabasan ay nangangailangan ng pananalangin sa Diyos at paghahanap sa katotohanan. Kapag naunawaan mo ang katotohanan, maisasagawa mo ito nang mas madali; pagkatapos, magagawa mong maghimagsik laban sa laman at bitiwan ang mga alalahanin nito. Kung nauunawaan mo ang katotohanan sa puso mo pero hindi mo mabitiwan ang mga pakinabang ng laman, katayuan, banidad at reputasyon, mahihirapan kang isagawa ang katotohanan. Ito ay dahil, sa puso mo, inuuna mo ang mga pakinabang ng laman, banidad, at reputasyon nang higit sa lahat. Ibig sabihin nito na hindi mo minamahal ang katotohanan—sa halip, mahal mo ang katayuan at reputasyon. Kaya paano dapat lutasin ang isyung ito? Dapat kang manalangin, hanapin ang katotohanan, at dapat mong ganap na makita ang diwa ng mga bagay tulad ng katayuan at reputasyon. Dapat hindi ka masyadong abala sa mga bagay na ito, at kinakailangang ituring ang pagsasagawa ng katotohanan bilang mahalaga, at pahalagahan ito nang higit sa lahat. Kapag ginawa mo ang lahat ng ito, magkakaroon ka ng determinasyong isagawa ang katotohanan. Minsan hindi kayang isagawa ng mga tao ang katotohanan. Kailangan silang pungusan, at kailangan nilang tanggapin ang paghatol at pagkastigo ng Diyos, para ganap na maging malinaw ang diwa ng problema at maging mas madaling isagawa ang katotohanan. Sa katunayan, ang pinakamalaking hadlang sa pagsasagawa ng katotohanan ay kapag ang sariling kalooban ng isang tao ay napakalakas at nauuna ito bago ang lahat—ibig sabihin, kapag nauuna ang pansariling interes ng isang tao bago ang lahat ng iba pa, kapag nauuna ang sarili niyang reputasyon at katayuan bago ang anupaman. Iyon ang dahilan kung bakit palaging may mapagsariling-kalooban ang mga tao kapag may mga bagay na nangyayari, at ginagawa ang anumang personal na magdudulot ng pakinabang sa kanila, nang walang anumang pagsasaalang-alang sa mga katotohanang prinsipyo. Palagi silang humahawak sa mga sariling ideya nila. Ano ba ang ibig sabihin ng humawak sa mga sariling ideya ng isang tao? Ang ibig sabihin nito ay magtakda: “Kung gusto mo ito, gusto ko iyon. Kung gusto mo ang sa iyo, ipipilit ko ang sa akin.” Pagpapakita ba ito ng pagpapasakop? (Hindi.) Hindi talaga ito paghahanap ng katotohanan, kundi pagpipilit ng sariling paraan ng isang tao. Ito ay mapagmataas na disposisyon, at isang hindi makatwirang pagpapamalas. Kung, isang araw, magagawa mong magkaroon ng kamalayan na ang mga kagustuhan at pagtatakda mo ay salungat sa katotohanan; kung magagawa mong itanggi ang iyong sarili at makita ang iyong pagkatao, hindi na naniniwala sa iyong sarili, at pagkatapos niyon ay unti-unting hindi ginagawa ang mga bagay sa sarili mong paraan o basta-bastang tinutukoy ang mga bagay-bagay, pero nagagawa mong hanapin ang katotohanan, manalangin sa Diyos at sumandal sa Kanya, iyan ang tamang pagsasagawa. Bago mo kumpirmahin kung anong uri ng pagsasagawa ang umaayon sa katotohanan, dapat kang maghanap. Iyan talaga ang tamang bagay na dapat gawin, ito ang dapat gawin. Kung hihintayin mo pang pungusan ka bago maghanap, medyo pasibo ito, at malamang na makaantala ito sa mga bagay-bagay. Ang matutunang hanapin ang katotohanan ay napakahalaga. Ano ang mga pakinabang ng paghahanap sa katotohanan? Una, maiiwasan ng isang taong sumunod sa sarili niyang kalooban at kumilos nang padalus-dalos; pangalawa, maiiwasan ng isang tao ang mga pagbubunyag ng katiwalian at mga masamang kahihinatnan; pangatlo, matututunan ng isang tao kung paano maghintay at maging matiyaga, at mapigilang magkamali sa pamamagitan ng pag-iisip sa mga bagay-bagay nang malinaw at tama. Makakamit ang lahat ng bagay na ito sa pamamagitan ng paghahanap sa katotohanan. Kapag natutunan mong hanapin ang katotohanan sa lahat ng bagay, madidiskubre mong walang bagay na simple, na kung hindi ka alerto at hindi ka magsisikap, hindi mo maayos na magagawa ang mga bagay-bagay. Pagkatapos na makapagsanay nang ganito nang ilang panahon, lalo kang magiging hinog at batikan kapag nangyari ang mga bagay-bagay sa iyong buhay. Magiging mas malumanay at mas mahinahon ang iyong saloobin, at sa halip na maging mapusok, mapagsapalaran, at mapagkumpitensiya, magagawa mong hanapin ang katotohanan, isagawa ang katotohanan, at magpasakop sa Diyos. Pagkatapos, ang problema ng mga pagbubunyag ng mga tiwali mong disposisyon ay malulutas. Kaya, magiging madali para sa iyo na magpasakop, hindi naman talaga iyon ganoon kahirap. Maaaring medyo mahirap ito sa simula, pero puwede kang magtiyaga, maghintay at patuloy na maghanap sa katotohanan hanggang sa malutas mo ang problemang iyon. Kung palagi mong gustong gumawa ng sarili mong mga desisyon kapag nangyayari ang mga bagay-bagay sa iyo, at palagi kang nagbibigay ng mga pangangatwiran, at ipinipilit mo ang mga sarili mong ideya, medyo magiging problema ito. Ito ay dahil ang mga bagay na ipinipilit mo ay hindi positibo at lahat ay nakapaloob sa isang tiwaling disposisyon. Lahat ng bagay na iyon ay pagbubuhos ng isang tiwaling disposisyon, at, sa gayong mga sitwasyon, bagama’t maaaring nais mong hanapin ang katotohanan, hindi mo ito maisasagawa, at bagama’t nais mong manalangin sa Diyos, gagawin mo lang iyon nang walang sigla. Kung may nagbahagi sa iyo tungkol sa katotohanan at isiniwalat ang mga karumihan ng iyong layunin, paano ka magpapasya? Madali ka bang makapagpapasakop sa katotohanan? Mahihirapan ka nang husto na magpasakop sa panahong iyon, at hindi mo magagawang magpasakop. Magrerebelde ka at susubukan mong magbigay ng mga pangangatwiran. Sasabihin mo, “Ang mga desisyon ko ay para sa kapakanan ng sambahayan ng Diyos. Hindi mali ang mga ito. Bakit hinihiling mo pa ring magpasakop ako?” Nakikita mo ba kung paanong hindi mo magagawang magpasakop? At maliban pa roon, lalaban ka rin; ito ay isang sadyang paglabag! Hindi ba’t napakagulo nito? Kapag may nagbabahagi sa iyo tungkol sa katotohanan, at hindi mo magawang tanggapin ang katotohanan at sadya ka pang lumalabag, naghihimagsik at lumalaban sa Diyos, mabigat ang problema mo. Nanganganib kang mabunyag at maitiwalag ng Diyos.

Ang aralin sa pagpapasakop sa Diyos ay talagang malalim. Parang mahirap talaga ito kapag nagsimula kang pumasok dito, pero pagkatapos maranasan ito sa maikling panahon, hindi na ito ganoon kahirap. Ang pagsasagawa ng pagpapasakop ay nangangailangan ng mahigpit na pagsunod sa mga prinsipyo, at kapag nabigo ka nang ilang beses nang hindi nahahanap ang mga prinsipyo, ibig sabihin niyon ay hindi mo natutunan ang aralin; at ang pagpapasakop ay isa pa ring napakahirap na aralin para matutunan mo. Bakit ito mahirap? Dahil marami ang mga paghihirap sa kalooban ng mga tiwaling tao. May mga kuru-kuro, imahinasyon, pati iba’t ibang uri ng tiwaling disposisyon ang mga tao. Kung, karagdagan sa lahat ng iyon, may kaunti rin silang kaalaman at puhunan; kung nagtapos sila ng kolehiyo at kwalipikadong-kwalipikado; kung mayroon silang pera at katayuan sa lipunan at nagpapakita ng pagiging angat sa lahat ng uri ng mga aspekto, problema nga iyan. Malamang na hindi tatanggapin ng gayong mga tao ang katotohanan. Magiging magulo ang pagtataglay ng labis na kaalaman, dahil itinuturing ng mga tao ang kaalaman bilang ang katotohanan mismo, kaya masyadong nagiging mahirap arukin at tanggapin ang katotohanan. Kung hindi mo nauunawaan ang katotohanan, at wala kang pagkatao o katwiran, para kang isang porkyupayn. Ang mga porkyupayn ay mga nakakatakot na hayop na walang sinumang puwedeng manggulo o mang-asar. Ganito ang mga tiwaling tao—hinding-hindi nila tatanggapin ang katotohanan at hinding-hindi sila nagpapasakop sa Diyos. Punung-puno ang puso nila ng kasamaan, at lubos silang nabubuhay sa kanilang mga tiwaling disposisyon. Bunga nito, ang bawat isang isyung nakakaharap ng mga tao ay nagbibigay sa kanila ng maraming hamon, at napupuno sila ng mga kuru-kuro at imahinasyon, at mapagmataas at inaakalang mas matuwid sila kaysa sa iba. Kapag pinupungusan sila, o kapag nakakaharap sila ng balakid sa isang bagay na ginagawa nila, nagdadahilan sila, nagkakaroon ng mga maling pagkaunawa sa mga bagay-bagay, nagiging negatibo, at nagrereklamo. Naapektuhan sila at naililigaw ng mga kakatwang kuwento at argumento. Ang mga ito ay mga paghihirap. Kung malulutas ng mga tao ang mga paghihirap na ito, magagawa nilang tanggapin at isagawa ang katotohanan, at magiging madali ang pagpapasakop sa Diyos. Kaya, para makamit ang pagpapasakop sa Diyos, dapat munang tanggapin ng isang tao ang katotohanan at isagawa ito, at dapat magpasakop ang isang tao sa mga pamamatnugot at pagsasaayos ng Diyos. Iyon ang unang hadlang. Kaya, ano ang napapaloob sa mga pamamatnugot at pagsasaayos ng Diyos? Kinapapalooban ang mga ito ng mga tao, pangyayari, at bagay na pinalilitaw ng Diyos sa paligid mo. Minsan, pupungusan ka ng mga tao, pangyayari at mga bagay na ito, minsan tutuksuhin ka nila, o susubukin ka, o aabalahin ka, o gagawin kang negatibo—pero hangga’t kaya mong hanapin ang katotohanan para lutasin ang mga problema, magagawa mong may matutunang isang bagay, magkamit ng tayog, at magkaroon ng lakas para lumaban. Ang pagpapasakop sa mga pamamatnugot at pagsasaayos ng Diyos ang pinakapangunahing aralin sa pagpapasakop sa Diyos. Kabilang sa mga pamamatnugot at pagsasaayos ng Diyos ang mga tao, pangyayari, bagay, at iba’t ibang sitwasyon na pinalilitaw ng Diyos sa paligid mo. Kaya paano ka dapat tumugon kapag nahaharap ka sa ganitong mga sitwasyon? Ang pinakapangunahing bagay ay ang tumanggap mula sa Diyos. Ano ang ibig sabihin ng “tumanggap mula sa Diyos”? Ang pagrereklamo at paglaban—pagtanggap ba ito mula sa Diyos? Ang paghahanap ng mga katwiran at mga pagdadahilan—pagtanggap ba ito mula sa Diyos? Hindi. Kaya, paano mo ba dapat isagawa ang pagtanggap mula sa Diyos? Kapag may nangyayari sa iyo, una ay kumalma ka, hanapin ang katotohanan, at magsagawa ng pagpapasakop. Huwag kang magdahilan o mangatwiran. Huwag mong subukang suriin o ipalagay kung sino ang tama at kung sino ang mali, at huwag mong suriin kung kaninong pagkakamali ang mas mabigat, at kung kanino ang mas magaan. Isa bang saloobin ng pagtanggap mula sa Diyos ang palaging pagsusuri sa mga bagay na ito? Ito ba ay saloobin ng pagpapasakop sa Diyos? Hindi ito saloobin ng pagpapasakop sa Diyos, o ng pagtanggap mula sa Diyos, o ng pagtanggap sa kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos ng Diyos. Ang pagtanggap mula sa Diyos ay bahagi ng mga prinsipyo para sa pagsasagawa ng pagpapasakop sa Diyos. Kung sigurado kang ang lahat ng bagay na nangyayari sa iyo ay saklaw ng kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos, na nangyayari ang mga bagay na iyon dahil sa mga pagsasaayos at kabutihang-loob ng Diyos, matatanggap mo ang mga ito mula sa Diyos. Magsimula ka sa hindi pagsusuri sa tama at mali, hindi pagdadahilan para sa iyong sarili, hindi paghahanap ng mali ng iba, hindi pagbubusisi, hindi pag-uusisa sa mga obhetibong sanhi ng kung ano ang nangyari, at hindi paggamit sa iyong utak bilang tao para suriin at busisiin ang mga bagay-bagay. Ang mga ito ang mga detalye ng kung ano ang dapat mong gawin para tumanggap mula sa Diyos. At ang paraan para isagawa ito ay ang magsimula sa pagpapasakop. Kahit na may mga kuru-kuro ka o kung hindi malinaw ang mga bagay-bagay sa iyo, magpasakop ka. Huwag mong simulan sa pagdadahilan o paghihimagsik. At pagkatapos magpasakop, hanapin ang katotohanan, manalangin sa Diyos at maghanap mula sa Kanya. Paano ka ba dapat manalangin? Sabihin mo, “O Diyos, pinamatnugutan mo ang sitwasyong ito para sa akin bunga ng Iyong kabutihang-loob.” Ano ang ibig sabihin kapag sinabi mo ito? Ibig sabihin na mayroon ka nang saloobin ng pagtanggap sa iyong puso at kinilala mo na pinamatnugutan ng Diyos ang sitwasyong iyon para sa iyo. Sabihin mo: “O Diyos, hindi ko po alam kung paano magsagawa sa sitwasyong nakaharap ko ngayon. Hinihiling ko sa Iyo na bigyan Mo ako ng kaliwanagan at gabayan ako, at ipaunawa sa akin ang Iyong layunin, para makakilos ako nang ayon dito, at hindi maging mapaghimagsik ni mapanlaban, at huwag sumandig sa sarili kong kalooban. Handa akong isagawa ang katotohanan at kumilos nang ayon sa mga prinsipyo.” Pagkatapos manalangin, makakaramdam ka ng kapayapaan sa iyong puso, at natural mong bibitawan ang iyong mga pagdadahilan. Hindi ba’t ito ay isang pagbabago sa iyong pag-iisip? Inihahanda nito ang daan para hanapin at isagawa mo ang katotohanan, at ang tanging problema na lang ay kung paano mo dapat isagawa ang katotohanan kapag naunawaan mo ito. Kung muli kang nagbubunyag ng paghihimagsik kapag dumarating ang panahong kailangan mong isagawa ang katotohanan, dapat kang muling manalangin sa Diyos. Sa sandaling malutas ang iyong paghihimagsik, natural na magiging madali para sa iyo na isagawa ang katotohanan. Kapag lumilitaw ang mga problema, dapat matuto kang manahimik sa harapan ng Diyos at hanapin ang katotohanan. Kung palagi kang nagagambala ng mga panlabas na bagay, kung palaging pabago-bago ang iyong kalagayan, ano ang nagdudulot niyan? Ito ay dahil hindi mo nauunawaan ang katotohanan, at dahil ang tiwali mong disposisyon ang namamayani sa loob mo—hindi mo mapigilan ang iyong sarili. Sa mga pagkakataong tulad nito, dapat kang magnilay-nilay sa sarili at hanapin ang problema sa loob mo. Hanapin ang mga nauugnay na salita ng Diyos at tingnan kung ano ang inilalantad ng mga ito. Pagkatapos, makinig sa mga sermon at pagbabahagi, o mga himno ng mga salita ng Diyos. Tingnan mo ang sarili mong kalagayan batay sa mga salitang ito. Ganyan mo puwedeng makita kung anong mga problema ang nariyan sa loob mo, at ang pagkakamit ng kaliwanagan sa mga problemang ito ay magpapadaling tugunan ang mga ito. Anumang isyu mayroon ang ibang tao na nagdudulot sa iyo ng problema, huwag mong bigyan ng kahit anong pansin ang mga ito. Ituon mo ang iyong isip sa sarili mong pagninilay-nilay. Huwag mong palakihin ang mga problema, sinasabing sinusubok ka ng Diyos. Wala itong kinalaman sa Diyos. Ang mga tiwaling tao ay ganap na walang kaalaman sa sarili at pinakamahusay sila sa pagpapalabas na mabuti sila. Huwag kang maging masyadong sensitibo. Kung matutukoy mong isa itong pagsubok mula sa Diyos, kailangan mong lalo pang pagnilayan ang mga sarili mong isyu; kung hindi mo lubusang aalisin ang tiwali mong disposisyon, patuloy ka lang na lilinlangin nito. Ano ang solusyon? Kailangan mong manalangin, “O Diyos, ako ay may napakamapagsariling-kalooban at napakamapagmataas! Palagi kong iniisip ang pagbibigay ng layaw sa laman. Masyado akong mapaghimagsik! Disiplinahin Mo nawa ako.” Pagkatapos ng iyong panalangin, medyo mag-aalala ka. “Paano kung talagang disiplinahin ako ng Diyos? Hindi, kailangan kong manalangin at manindigan; kahit gaano pa ako disiplinahin ng Diyos, kahit itulot pa Niyang ako ay magkasakit o mamatay, magpapasakop pa rin ako sa Kanya.” Kapag natapos mo na ang panalanging ito, magiging malakas ka sa loob, at magiging iba ang iyong kalagayan. Ano ang mararamdaman mo? Iisipin mo: “Pagkalipas ng lahat ng taong ito bilang mananampalataya, ito ang unang beses kong nakakaranas ng pagsubok mula sa Diyos. Iniabot Niya ang Kanyang kamay sa akin at pakiramdam ko ay napakalapit Niya sa akin. Personal akong inaakay ng Diyos, personal na inaayos ang ganitong uri ng pagsubok para sanayin ako, para dalisayin ako, ipinapahintulot na matutunan ko ang isang aral at makamit ang katotohanan mula rito. Mahal na mahal ako ng Diyos!” Hindi ba’t kaliwanagan at pagtanglaw ito ng Diyos? Wala ka bang kaunting tayog sa puntong ito? (Mayroon.) Isa talaga itong praktikal na pang-unawa. Puwedeng ipagtaka mo sa iyong sarili: “Dahil sinusubok ako ng Diyos, anong uri ng saloobin ang dapat kong taglayin? Ano ang dapat kong gawin para malugod ang Diyos?” Kapag ganito ka mag-isip, at kapag ganito ka maghanap, maisasakatuparan mo ang pagpapasakop sa lalong madaling panahon. Hindi mo na ipagpipilitan ang sa iyo, at iisipin mo sa sarili mo: “Kung hindi ako magpapasakop, kundi palaging makikipagtalo, kung palagi na lang akong humahanap ng katwiran sa ibang tao o sa mga obhetibong pangyayari, nagdadahilan at sinusuri ang tama at mali, ni hindi ako tao. Isa akong hayop, ni hindi kapareho ng antas ng baboy!” Pagkatapos, makokonsensiya ka at hindi mapapakali. Iisipin mo: “Kailangan kong magpasakop sa Diyos ngayon din mismo. Nasa tabi ko ang Diyos, at ganito Niya ako ginagabayan. Madalas sinasabi na ganito ang kabutihang-loob ng Diyos—natikman ko na ito ngayon. Ang layunin ng Diyos ay iyong dapat akong matuto ng leksyon, na dapat akong magbago, hindi dapat na maipit sa gitna ng tama at mali. Ito ang pagmamahal ng Diyos para sa akin, ang Kanyang paghatol at pagkastigo, ang Kanyang pagtustos at patnubay. Mahal na mahal ako ng Diyos, at tunay ang Kanyang pagmamahal!” Maaantig ang puso mo. Bakit ka maaantig? Dahil nauunawaan mo na ngayon ang layunin ng Diyos; personal mo nang naranasan ang pagmamahal ng Diyos; may karanasan ka mula sa patuloy na paghahanap ng katotohanan sa mga araw na ito. Puwede pa rin bang magrebelde ang mga tao laban sa Diyos habang nararanasan ito? Oo, puwede pa ring magkaroon ng pagrerebelde. Dahil may mga tiwaling disposisyon ang mga tao, at palaging lumalabas ang iba’t ibang uri ng tiwali at kakatwang kaisipan, palagi nilang iniisip: “Sinusubok ako ng Diyos, kaya mamamatay na ba ako? Kung talagang dinidisiplina ako ng Diyos, bibigyan ba Niya ako ng malalang sakit? Natatakot ako!” Saan nagmumula ang takot? Nagmumula ito sa hindi pananalig sa kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos ng Diyos, sa pag-ayaw na pahintulutan ang Kanyang mga pamamatnugot sa pag-aalala na: “Ano ang mangyayari kung mamatay ako? Hindi ko talaga alam kung saan ang lugar ko!” Masyadong kakaunti ang pananampalataya ng mga tao sa Diyos. Gaanong pananampalataya ang mayroon ang mga tao sa ganoong mga pagkakataon? Wala! Kung nanaisin talaga ng isang tao na tumakas mula sa mga kamay ng Diyos, ang kanyang pagtataksil sa Diyos ay lubos. Kapag dumating sa puntong ito ang mga bagay-bagay, gusto ng mga taong tumakas; hindi nila tinatanggap ang mga nangyayari. Ano ngayon ang puwedeng gawin? Hindi mo basta puwedeng sabihin: “Kaya kong magpasakop; parang medyo naantig ako. Nararamdaman ko ang biyaya ng Diyos at inalagaan ako ng Diyos. Sapat na iyon, at kuntento na ako.” Pero hindi iyon sapat. Kailangan mong magpatuloy sa pagsulong, kailangan mong patuloy na maghanap. Isipin mo: “Paano nagkaroon si Job ng pananampalataya niya? Hanggang saan niya nagawang magpasakop? Bakit ako takot na takot? Saan nanggagaling ang takot ko? Ito ay dahil masyadong maliit ang pananampalataya ko sa Diyos. Hindi ako naniniwala na pinakamasaya ako at pinakaligtas sa kamay ng Diyos; na ang Diyos ang aking kanlungan. Hindi ko pinaniniwalaan ang mga bagay na ito. Ako ay ganoong mapanlinlang at buktot na tao! Kinilala kong sinusubok ako ng Diyos, at ang isang pagsubok ay hindi nangangahulugang babawiin na ang buhay ko. Hindi Niya ako pinaglalaruan o hindi rin Niya ako sinasadyang ibunyag. Pagsubok lang ito, para linisin ang aking tiwaling disposisyon. Hindi ko pa rin magawang magkaroon ng tunay na pananampalataya sa Diyos, na ganap na magtiwala sa Diyos at ilagay ang aking sarili sa Kanyang kamay. Napakabuktot ko, at nagkasala ng mga pinakakarumal-dumal na bagay! Hindi ako karapat-dapat para sa pagsasaalang-alang na ito mula sa Diyos. Hindi ako karapat-dapat sa pangangalaga ng Diyos.” Ano ang puwede mong gawin pagkatapos niyon? Kailangan mong manalangin at hanapin ang katotohanan mula sa Diyos; pungusan ang iyong paghihimagsik at ang iyong mga motibo. Nauunawaan mo ang katotohanan sa antas na ito, pero wala ka pa ring kumpiyansa sa Diyos o nangangahas na ilagay ang iyong sarili sa mga kamay Niya. Ano ito? Ito ay pagtataksil. Dahil sa iyong pagiging mapanlinlang, sa iyong kayabangan, sa iyong paghihinala, at sa iyong kabuktutan, wala kang pagtitiwala sa Diyos. Dito nagmumula ang takot. Ano ang kahulugan ng takot? Ito ay kawalan ng pananampalataya sa Diyos. Ito ay palaging pag-aalala: “Kung magpapasakop ako sa patnubay ng Diyos, ibibigay ba Niya ako kay Satanas at hahayaan akong mamatay?” Anong uri ng kaisipan ito? Hindi ba’t walang kabuluhan iyon? Bakit iisipin iyon ng isang tao tungkol sa Diyos? Kung wala ang katotohanan, walang anumang makitang malinaw ang mga tao, kundi palaging nagkakaroon ng maling pagkaunawa sa Diyos at naghahaka-haka tungkol sa Kanya. Ang paglutas sa problemang ito ay nangangailangang maunawaan ng isang tao ang katotohanan. Sa pamamagitan lamang ng pag-unawa sa katotohanan magagawa ng mga taong makapagsalita nang may katwiran, sa paraang dapat gawin ng tao. Sa kabila ng katunayang naramdaman mo ang pag-aalaga at proteksyon ng Diyos, sa kabila ng katunayang natamasa mo ang pakiramdam ng kapayapaan at kagalakang ibinigay ng Diyos at ang katunayang pakiramdam mo ay ligtas na ligtas ka, nag-aatubili ka pa ring ipagkatiwala ang iyong sarili sa mga kamay ng Diyos. Natatakot ka pa rin. Hindi ba’t pagrerebelde ito? Ano ang nakahalo sa pagrerebeldeng ito? Ano ang nagkokontrol dito? Ang pagiging mapanlinlang at mapagmataas. Hindi ba’t ito ay tunay na malademonyong kalikasan? Kung may malademonyong kalikasan ang isang tao, mayroon siyang satanikong disposisyon. Paano ba malulutas ang isyung ito? Para magawa ito, kailangan ng mga taong hanapin ang katotohanan. Kung hindi mahal ng mga tao ang katotohanan, kung hindi nila hinahanap ang katotohanan kahit gaano pang katiwalian ang ibinubunyag nila, hindi malulutas kailanman ang kanilang tiwaling disposisyon. Hindi madaling makakamit ng ganoong uri ng tao ang kaligtasan.

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.