Ang Pagpapalaganap sa Ebanghelyo ang Tungkuling Dapat Tuparin ng Lahat ng Mananampalataya (Ikalawang Bahagi)
Nabalitaan Ko na walang kahit kaunting pagmamahal sa kanilang puso ang ilan sa mga nagpapalaganap ng ebanghelyo. Habang hinaharap ang mga kuru-kuro at katanungan ng mga nagsisiyasat sa tamang daan, makailang ulit na nakikipagbahaginan ang mga tagapagpalaganap na ito ng ebanghelyo. Pero kapag hindi pa rin makaunawa at paulit-ulit pa ring nagtatanong ang mga taong iyon, nauubusan na ng pasensya ang mga tagapagpalaganap na ito ng ebanghelyo at sinesermunan na nila ang mga taong iyon. “Masyado kayong maraming itinatanong. Hindi ninyo nauunawaan ang katotohanan kahit gaano ko pa ito ibahagi sa inyo. Masyadong mahina ang kakayahan ninyo, wala kayong kakayahang makaarok, at hindi ninyo matamo ang katotohanan at ang buhay. Mga trabahador kayong lahat.” Hindi maatim ng ilang tao na marinig ang gayong mga salita at nagiging negatibo sila sa loob ng ilang panahon. Magkakaiba ang mga tao. Nakikita ng ilang tao na katotohanan ang mga salita ng Diyos kapag sinisiyasat nila ang tunay na daan. Kahit pa mayroon silang kaunting kuru-kuro at problema, nalulutas ang mga ito habang binabasa nila ang mga salita ng Diyos. Napakadalisay ng mga taong ito na madali nilang natatanggap ang katotohanan. Binabasa nila ang mga salita ng Diyos nang mag-isa, naghahanap, at nagsisiyasat, at kapag may nagbabahagi sa kanila, maluwag sa loob nilang tinatanggap ang tunay na daan at umaanib sila sa iglesia. Pero maraming tanong ang ibang tao. Kailangan nilang magsiyasat hanggang sa magkaroon sila ng kalinawan sa lahat ng aspekto. Kung mayroong kahit isang punto na hindi pa nila nasisiyasat hanggang sa maging malinaw ito, hindi na nila tatanggapin ang tunay na daan. Maingat at hindi padalus-dalos ang mga taong ito sa lahat ng bagay na ginagawa nila. Ang ilan sa nagpapalaganap ng ebanghelyo ay walang pagmamahal sa kanilang puso para sa gayong mga tao. Ano ang saloobin nila? “Maaari kang maniwala o hindi! Hindi ka isang malaking kawalan sa sambahayan ng Diyos, ni hindi ka rin malaking pakinabang. Kung hindi ka naniniwala, umalis ka na lang! Bakit ang dami-dami mo pang tanong? Sinagot na ang lahat ng ito para sa iyo.” Ang totoo, hindi naman malinaw na sinasagot ng mga tagapagpalaganap na ito ng ebanghelyo ang mga katanungang itinatanong sa kanila ng mga potensyal na tatanggap ng ebanghelyo, hindi sila malinaw na nagbabahagi sa katotohanan, hindi nila ganap na napapawi ang pagdududa sa puso ng mga taong ito, pero gusto nilang abandonahin ng mga ito ang kanilang mga kuru-kuro at tanggapin ang ebanghelyo sa lalong madaling panahon. Ito ba ay isang bagay na maaaring pilit na ipagawa sa mga tao kahit pa ayaw nila? Kung tapat na sinasabi ng isang tao na hindi niya nauunawaan, kung gayon ay dapat mo siyang basahan ng ilang sipi mula sa mga salita ng Diyos na may kaugnayan sa kanyang mga problema at kuru-kuro, at pagkatapos ay magbahagi ka tungkol sa katotohanan para makaunawa siya. Gusto ng ilang potensyal na tatanggap ng ebanghelyo na alamin ang ugat ng mga bagay-bagay. Gusto ng ganitong mga tao na alamin ang lahat-lahat. Hindi ka nila pinapahirapan, hindi sila nagbubusisi o naghahanap ng butas, sineseryoso lang nila ang mga bagay-bagay. Kapag nahaharap sa gayong mga seryosong tao, hindi masagot ng ilan sa mga nagpapalaganap ng ebanghelyo ang mga seryosong taong ito at nararamdaman ng mga tagapag-ebanghelyo na nagmukha silang mangmang. Dahil dito, ayaw na tuloy nilang magbahagi sa gayong mga tao, sinasabing, “Napakaraming taon ko nang ipinapalaganap ang ebanghelyo, pero hindi pa ako kailanman nagkaroon ng gayong tinik sa aking lalamunan!” Tinatawag ng mga tagapagpalaganap na ito ng ebanghelyo ang gayong mga tao na mga tinik sa kanilang lalamunan. Ang totoo, kalahati lang sa alinmang aspekto ng katotohanan ang nauunawaan ng mga tagapagpalaganap na ito ng ebanghelyo, nagsasalita sila tungkol sa mga engrandeng doktrina at hungkag na salita at sinusubukan nilang ipatanggap ang mga ito sa mga tao bilang ang katotohanan. Hindi ba nila ginagawang mahirap ang mga bagay-bagay para sa iba? Kung hindi nauunawaan ng iba at nagtatanong ang mga ito ng mga detalyadong tanong, hindi sila nasisiyahan, at sinasabing, “Ipinaliwanag ko na sa iyo ang tatlong yugto ng gawain ng Diyos, at malinaw kong ipinaliwanag ang mga ito. Kung hindi ka pa rin makaunawa pagkatapos ng napakarami ko nang sinabi, dapat mong basahin ang mga salita ng Diyos nang mag-isa para malutas ang iyong mga kuru-kuro. Nandiyan lang ang salita ng Diyos. Kung babasahin at mauunawaan mo ito, sumampalataya ka. Kung hindi mo ito maunawaan, huwag kang sumampalataya!” Matapos marinig ito, iniisip ng mga potensyal na tatanggap ng ebanghelyo, “Kung patuloy akong magtatanong, baka mawala ang pagkakataon kong maligtas at baka hindi ko matanggap ang mga pagpapala. Hindi na nga ako magtatanong, sasang-ayon na lang ako agad sa kanya at sasampalataya!” Pagkatapos, lagi nang dumadalo ang mga taong ito sa mga pagtitipon at taimtim na nakikinig sa mga sermon, at unti-unti nilang nauunawaan ang ilang katotohanan at unti-unting nalulutas ang kanilang mga kuru-kuro. Anuman ang lagay ng kanilang pananampalataya sa ngayon, angkop na paraan ba ito para ipalaganap ang ebanghelyo? Masasabi bang tinupad ng mga tagapagpalaganap na ito ng ebanghelyo ang kanilang responsabilidad? (Hindi.) Sa pagpapalaganap ng ebanghelyo, dapat mo munang tuparin ang mga responsabilidad mo. Dapat mong sundin ang iyong konsensiya at katwiran sa paggawa ng lahat ng kaya at dapat mong gawin. Dapat kang magbigay ng mga solusyon sa mapagmahal na paraan sa anumang kuru-kuro na maaaring mayroon ang taong nagsisiyasat sa tunay na daan o sa anumang mga tanong na sabihin niya. Kung hindi ka talaga makapagbigay ng solusyon, maaari kang maghanap ng ilang nauugnay na sipi ng mga salita ng Diyos na mababasa sa kanya, o nauugnay na mga video ng patotoong batay sa karanasan, o ilang nauugnay na pelikula ng patotoo sa ebanghelyo na maipapakita sa kanya. Posible talaga na maging epektibo ito; kahit papaano ay matutupad mo ang responsabilidad mo, at hindi ka makakaramdam na inuusig ka ng iyong konsensiya. Pero kung ikaw ay pabasta-basta at iniraraos lang ang gawain, malamang na maaantala ang mga bagay-bagay, at hindi magiging madali na mahikayat ang taong iyon. Sa pagpapalaganap ng ebanghelyo sa iba, dapat tuparin ng isang tao ang kanyang responsabilidad. Paano dapat unawain ang salitang “responsabilidad”? Paano ito talaga dapat isagawa at gamitin? Dapat mong maunawaan na matapos salubungin ang Panginoon at maranasan ang gawain ng Diyos sa mga huling araw, may obligasyon ka na magpatotoo para sa Kanyang gawain sa mga nauuhaw sa Kanyang pagpapakita. Kaya, paano mo ipapalaganap ang ebanghelyo sa kanila? Online man o sa tunay na buhay, dapat mo itong ipalaganap sa anumang paraan na makakahikayat sa mga tao at na epektibo. Ang pagpapalaganap ng ebanghelyo ay hindi isang bagay na ginagawa mo kapag gusto mo lamang, hindi ito isang bagay na ginagawa mo kapag maganda ang timpla mo at hindi ginagawa kapag masama ang timpla mo. Hindi rin ito isang bagay na ginagawa ayon sa mga kagustuhan mo, kung saan pinipili mo kung sino ang tatratuhin nang espesyal, ipinapalaganap ang ebanghelyo sa mga gusto mo at hindi ito ipinapalaganap sa mga hindi mo gusto. Dapat ipalaganap ang ebanghelyo ayon sa mga hinihingi ng Diyos at sa mga prinsipyo ng Kanyang sambahayan. Dapat mong tuparin ang responsabilidad at tungkulin ng isang nilikha, ginagawa ang lahat ng makakaya mo para mapatotohanan sa mga nagsisiyasat sa tunay na daan ang mga katotohanang nauunawaan mo, ang mga salita ng Diyos, at ang gawain ng Diyos. Ganyan mo matutupad ang responsabilidad at tungkulin ng isang nilikha. Ano ang dapat gawin ng isang tao habang nagpapalaganap siya ng ebanghelyo? Dapat niyang tuparin ang kanyang responsabilidad, gawin ang lahat ng kanyang makakaya, at maging handang magbayad ng lahat ng halaga. Posible na sandaling panahon ka pa lang nangangaral ng ebanghelyo, na kulang pa sa karanasan, hindi masyadong mahusay magsalita, at walang mataas na pinag-aralan. Ang totoo, hindi naman labis na mahalaga ang mga bagay na ito. Ang pinakamahalaga ay ang pumili ka ng mga angkop na sipi mula sa salita ng Diyos at magbahagi ukol sa mga katotohanan na naaangkop at makalulutas ng mga problema. Ang saloobin mo ay dapat na sinsero at nakakaantig sa mga tao, para anuman ang sabihin mo, nakahandang lahat ang mga potensyal na tatanggap ng ebanghelyo na makinig sa iyo, lalo na kapag ikinukuwento mo ang tungkol sa mga totoo mong karanasan at nagsasalita ka nang mula sa puso. Kung makukuha mo ang loob ng mga potensyal na tatanggap ng ebanghelyo nang sa gayon ay handa silang makisalamuha sa iyo, handang makipagbahaginan sa iyo, at handang makinig sa iyong patotoo, kung magkagayon, tagumpay iyon. Ituturing ka na nila bilang isang taong mapagkakatiwalaan, at magiging handa silang makinig sa lahat ng sinasabi mo, malalaman nila na mabuti at napakapraktikal ng lahat ng aspekto ng katotohanan na pinili mong ibahagi, at magagawa nilang tanggapin ang lahat ng ito. Sa ganitong paraan, madali mo silang mahihikayat. Ito ang karunungang dapat mong taglayin kung ipapalaganap mo ang ebanghelyo. Kung hindi mo matutulungan ang mga tao nang may mapagmahal na puso at hindi mo kayang maging isang taong mapagkakatiwalaan ng iba, mahihirapan ka nang husto na maipalaganap ang ebanghelyo at mahikayat ang mga tao. Bakit ba napaka-epektibo ng mga nagsasalita nang simple at hayagan, ng mga tuwiran kung magsalita at may mabubuting-loob sa pagpapalaganap ng ebanghelyo? Ito ay dahil gusto ng lahat ng tao ang mga ganitong tagapagpalaganap ng ebanghelyo, at handa silang makisalamuha at makipagkaibigan sa mga ito. Kung nakauunawa ng katotohanan ang mga ganitong tagapagpalaganap ng ebanghelyo at nagbabahagi sila tungkol sa katotohanan sa isang praktikal at malinaw na paraan, kung kaya nilang matiyagang ibahagi ang katotohanan sa iba, lutasin ang iba’t ibang problema, paghihirap, at kalituhang mayroon ang mga tao, pasiglahin ang kanilang puso, at magdulot ng malaking kaginhawahan sa kanila, maiibigan at pagtitiwalaan sila ng mga tao sa kanilang puso, ituturing silang katapatang-loob, at makikinig ang mga ito nang kusa sa anumang bagay na sabihin nila. Kung palaging nasa pedestal ang isang tagapagpalaganap ng ebanghelyo at sinesermunan ang iba, itinuturing sila na parang mga bata at estudyante, malamang na maasar at kayamutan siya ng mga tao. Samakatwid, ang karunungang dapat mong taglayin para maipalaganap ang ebanghelyo ay ito: Una, magkaroon ng magandang impresyon sa iyo ang iba, nagsasalita sa paraang sinasang-ayunan ng iyong mga tagapakinig. Pagkatapos nilang makinig sa iyo, dapat may matamo sila mula rito, at may makuha silang pakinabang. Sa ganitong paraan, ang pagpapalaganap mo ng ebanghelyo ay magiging maayos, walang magiging anumang hadlang, at magbubunga ito ng magagandang resulta. Bagama’t maaaring hindi tanggapin ng ilang tao ang ebanghelyo, makikita nilang isa kang mabuting tao at kusa silang makikisalamuha sa iyo. Dapat magawa ng mga nangangaral ng ebanghelyo na makihalubilo sa mga tao. Isang magandang landas na tahakin ang magkaroon ng maraming kaibigan. Dagdag pa rito, may isa pang bagay na lubhang mahalaga. Kahit kanino mo pa ipangaral ang ebanghelyo, dapat ka munang maghanda nang mabuti. Dapat mong sangkapan ang iyong sarili ng katotohanan, magpakadalubhasa ka sa mga prinsipyo, magkaroon ng kakayahang kumilatis ng mga tao, at gumamit ka ng matatalinong pamamaraan. Dapat mong laging isagawa ang paghahandang ito. Una sa lahat, sa mga pakikipag-usap mo sa mga taong nagsisiyasat, dapat mong maunawaan at maintindihan ang kanilang pinanggalingan, kung saang denominasyon sila kabilang, kung ano ang mga pangunahin nilang kuru-kuro, kung mga introvert ba sila o extrovert, kung kumusta ang kanilang kakayahang makaintindi, at kung kumusta ang kanilang pagkatao. Ito ang susi. Sa sandaling may mahusay ka nang kaalaman ukol sa lahat ng aspekto ng mga potensyal na tatanggap ng ebanghelyo, mas magiging mabisa ang pangangaral mo ng ebanghelyo, at malalaman mo kung paano magreseta ng tamang gamot para malutas ang kanilang mga kuru-kuro at problema. Kung mahaharap ka sa mga tukso mula sa mga masamang tao, ateista, o diyablo, mapapakiramdaman mo sila, makikilatis mo kung sino talaga sila, at mabilis mo silang matatalikdan. Ang pagbabasa ng mga salita ng Diyos ay makapagbubunyag ng iba’t ibang uri ng tao. Masusuklam ang mga masamang tao at ateista kapag narinig nila ang mga ito, at ayaw na ayaw ng mga diyablo na makinig sa mga salita ng Diyos. Tanging ang mga uhaw sa katotohanan ang magiging interesado. Hahanapin nila ang katotohanan at magtatanong sila. Ganito mo makukumpirma na sila ay mga potensyal na tatanggap ng ebanghelyo. Sa sandaling makumpirma na natin ito, maaari na tayong sistematikong makipagbahaginan sa kanila tungkol sa katotohanan. Kapag nagbabahagi tungkol sa katotohanan, ganap nating maiintindihan ang kakayahan nitong mga potensyal na tatanggap ng ebanghelyo, kung gaano nila naiintindihan ang katotohanan, at ang kalagayan ng kanilang pagkatao. Sa ganitong paraan, malalaman natin kung sinong mga tao ang pagsusumikapan at kung paano ibabahagi ang katotohanan. Gaano man tayo magsikap, hindi ito mawawalan ng kabuluhan. Sa proseso ng pagpapalaganap ng ebanghelyo, kung hindi mo nauunawaan at naiintindihan ang sitwasyon ng kabilang partido at hindi ka nagrereseta ng tamang gamot, hindi magiging madali na hikayatin ang mga tao. Kahit makahikayat ka man ng ilang tao, nagkataon lang ito. Ang mga nakauunawa sa katotohanan at lubos na nakakaintindi sa mga bagay-bagay ay hindi masyadong nagkakamali kapag nagpapalaganap ng ebanghelyo o hindi kaya ay ganap nila itong naiiwasan. Nangangaral sila sa mga taong dapat nilang pangaralan at hindi sila nangangaral sa mga taong hindi nila dapat pangaralan. Nakagagawa sila ng tumpak na pagtatasa bago sila mangaral at nakakaiwas sila sa paggawa ng mga bagay na walang silbi. Sa ganitong paraan, nagagawa nila ang kanilang tungkulin nang mas mahusay at mas kaunti na ang nasasayang na pagsisikap, at nakakakuha sila ng magagandang resulta. Kaya, kung gusto mong epektibong maipalaganap ang ebanghelyo, sangkapan mo ang iyong sarili ng katotohanan at gawin ang kaukulang paghahanda. Paano kung may makilala kang isang relihiyosong tao na maraming alam sa Bibliya, pero hindi mo pa nabasa ang Bibliya? Ano ang maaari mong gawin? Sa pagkakataong iyon, masyado nang huli para sangkapan mo ang iyong sarili ng katotohanang mula sa Bibliya, kaya dapat mo siyang ipakilala kaagad sa isang tagapagpalaganap ng ebanghelyo na nakauunawa sa Bibliya. Ipasa mo ang taong ito sa sinumang nakauunawa sa Bibliya. Nakaayon ito sa mga katotohanang prinsipyo. Kung pilit mong susubukang magpakitang-gilas sa pamamagitan ng pangangaral ng ebanghelyo sa kanila, hindi tatanggapin ng taong ito ang ebanghelyo. Ang resultang ito ay bunga ng iyong pagiging iresponsable. Dagdag pa rito, dapat maglaan ka ng oras para sangkapan ang iyong sarili ng kaunting kaalaman sa Bibliya kapag hindi ka gumagawa. Ang pagpapalaganap ng ebanghelyo nang wala kang anumang nalalaman tungkol sa Bibliya ay sadyang hindi uubra. Marami sa mga katanungang itinatanong ng mga nagsisiyasat ay may kaugnayan sa mga salitang nasa Bibliya. Kung nauunawaan mo ang Bibliya, maaari mong gamitin ang katotohanang mula sa Bibliya para sagutin ang mga katanungang ito. Kahit ano pa ang mga kuru-kuro ng potensyal na tatanggap ng ebanghelyo, mahahanap mo ang mga kaugnay na talata ng Bibliya at ang mga salita ng Diyos para resolbahin ang kanilang mga kuru-kuro. Sa ganitong paraan lamang matatamo ang hinahangad na resulta. Samakatwid, ang pagpapalaganap ng ebanghelyo ay nangangailangan ng kaunting kaalaman ukol sa Bibliya. Halimbawa, dapat alam mo kung aling mga propesiya sa Lumang Tipan at aling mga talata sa Bagong Tipan ang nagpapatotoo sa muling pagbabalik ng Diyos at sa gawain ng Diyos sa mga huling araw. Dapat lalo mo pang basahin ang mga salitang ito, lalo pang pagbulay-bulayan ang mga ito, at isapuso ang mga ito. Dagdag pa rito, dapat mong maunawaan kung paano nauunawaan ng mga relihiyosong tao ang mga talatang ito sa Bibliya, pagbulay-bulayan kung paano ka magbabahagi nang sa gayon ay maakay mo sila sa isang tumpak at dalisay na pagkaunawa sa mga talatang ito, at pagkatapos ay iugnay ang mga talatang ito ng Bibliya para gabayan sila tungo sa pagkaunawa sa gawain ng Diyos sa mga huling araw. Paghahanda ba itong ginagawa mo? Ito mismo ang ibig sabihin ng paghahanda. Kailangan mong maunawaan ang mga pangangailangan ng iba’t ibang uri ng mga taong nagsisiyasat ng tunay na daan, at gumawa ng paghahanda ayon sa sitwasyon. Saka mo lamang magagawa ang lahat ng iyong makakaya at matutupad ang iyong mga responsabilidad. Responsabilidad mo ito. Sasabihin ng ilang tao, “Hindi ko kailangang gawin ang lahat ng iyon. Kailangan ko lang basahin ang Bibliya nang ilang beses. Kahit sino pa ang pangaralan ko ng ebanghelyo, iyon at iyon din ang laging sinasabi ko. Hindi nagbabago ang mga salitang ginagamit ko para ipangaral ang ebanghelyo. Gagamitin ko ang mga salitang ito at bahala na kung sumampalataya sila o hindi. Hindi tatanggap ng mga pagpapala ang mga taong hindi sumasampalataya. Hindi nila maaaring isisi iyon sa akin. Tutal, tinupad ko naman ang responsabilidad ko.” Tinupad ba nila ang kanilang responsabilidad? Ano ba ang sitwasyon ng taong nagsisiyasat, ano ba ang edad niya, antas ng edukasyon, kalagayang sibil, mga libangan, personalidad, pagkatao, sitwasyon ng pamilya, at iba pa? Wala kang alam sa mga ito, pero tumutuloy ka pa rin at nangangaral sa kanya. Wala kang ginawang anumang paghahanda at wala kang ginawang anumang pagsisikap. At nasasabi mo pa ring tinupad mo ang iyong responsabilidad? Hindi ba’t panloloko lamang ito sa mga tao? Isang pabasta-basta at iresponsableng saloobin ang ipinapakita ng ganitong pagtrato mo sa iyong tungkulin. Isa itong saloobin ng pagiging pabaya. Ipinapangaral mo ang ebanghelyo nang may gayong saloobin, at kapag hindi mo nahihikayat ang isang tao, sinasabi mo, “Kung hindi siya sasampalataya, iyon ay dahil malas lang talaga siya. At saka wala siyang espirituwal na pagkaunawa, kaya kahit sumampalataya pa siya, hindi niya matatamo ang katotohanan o hindi siya maliligtas!” Ito ay pagiging iresponsable. Iniiwasan mo ang iyong responsabilidad. Halatang hindi ka naghanda nang mabuti. Halatang hindi mo tinupad ang iyong responsabilidad, na hindi mo tapat na ginampanan ang iyong tungkulin. At nagdadahilan ka pa rin sa pamamagitan ng iba’t ibang uri ng pangangatwiran, sinusubukang takasan ang iyong responsabilidad sa pamamagitan ng mga salita. Anong uri ng pag-uugali ito? Tinatawag itong panlilinlang. Para makaiwas sa iyong responsabilidad, nanghuhusga ka at bumubuo ng iyong kongklusyon tungkol sa mga tao at nagsasalita ka tungkol sa mga iresponsable at walang-kuwentang bagay. Tinatawag itong pagmamataas at pag-aakalang mas matuwid kaysa sa iba, pagtataksil at pagiging malupit. Tinatawag din itong panlilinlang. Ito ay pagtatangkang linlangin ang Diyos.
Kung ipinagkatiwala sa iyo ng Diyos ang tungkulin ng pagpapalaganap ng ebanghelyo, dapat mong tanggapin ang atas ng Diyos, nang may paggalang at pagpapasakop. Dapat mong pagsikapang tratuhin ang bawat taong nagsisiyasat sa tunay na daan nang may pagmamahal at pasensya, at dapat magawa mong magtiis ng paghihirap at magpakapagod. Maging masigasig at responsable sa pagpapalaganap sa ebanghelyo, magbigay ng malinaw na pagbabahagi tungkol sa katotohanan, at abutin ang punto na nakakapagbigay ka na ng ulat ng iyong kilos sa Diyos. Ito ang saloobin na dapat taglayin ng isang tao sa pagganap sa kanyang tungkulin. Kung ang isang taong nagsasaalang-alang sa tunay na daan ay hinahanap ang katotohanan sa iyo, at binabalewala mo siya, hindi mo nagagawang masigasig na magbahagi sa kanya tungkol sa katotohanan at lutasin ang kanyang problema, at humahanap ka pa nga ng mga palusot, sinasabing, “Wala ako sa tamang timpla ngayon. Sinuman siya, gaano man siya nauuhaw sa katotohanan o sa pagpapakita at gawain ng Diyos, hindi ko problema iyon. Hindi nakasalalay sa akin kung mananampalataya siya. Kung hindi gagawa ang Banal na Espiritu, gaano mang paghahanda ang gawin ko, wala itong silbi—kaya hindi ko iyan gagawin! Nasabi ko naman na ang lahat ng katotohanang nauunawaan ko. Matatanggap man niya ang tunay na daan o hindi, nasa Diyos na iyon. Wala na akong kinalaman dito.” Anong saloobin ito? Ito ay isang iresponsableng saloobin, isang malala nang saloobin. Hindi ba’t marami ang nagpapalaganap ng ebanghelyo sa ganitong paraan? Aabot ba sa wastong pamantayan ang gayong pagpapalaganap ng ebanghelyo? Madadakila ba nito ang Diyos at mapatototohanan Siya? Hindi ni katiting. Ang gayong pagpapalaganap ng ebanghelyo ay pagganap lamang ng kaunting trabaho; malayung-malayo ito sa pagganap ng tungkulin. Kung gayon, paano maipapalaganap ng isang tao ang ebanghelyo nang kasiya-siya? Sinuman ang nagsisiyasat sa tunay na daan, dapat ka munang maghanda at sangkapan ang iyong sarili ng katotohanan, pagkatapos ay umasa sa pag-ibig, pasensya, pagpaparaya, at pagpapahalaga sa responsabilidad para magampanan ang tungkulin mong ito nang maayos. Maging dalisay at gawin ang lahat ng kaya at dapat mong gawin. Ang pagpapalaganap sa ebanghelyo sa ganitong paraan ay kasiya-siya. Kung hindi itinutulot ng mga sitwasyon na ipangaral mo ang ebanghelyo, o kung ang taong nagsisiyasat ay ayaw makinig at siya ay umalis, hindi mo ito kasalanan. Nagawa mo na kung ano ang dapat mong gawin, at hindi ka uusigin ng iyong konsensiya. Ibig sabihin nito ay natupad mo na ang iyong responsabilidad. Maaaring makatugon ang ilang tao sa mga prinsipyo para sa pagpapalaganap ng ebanghelyo, pero maaaring hindi tama ang panahon. Hindi pa ito ang itinakdang oras ng Diyos. Sa pagkakataong ito, dapat munang ipagpaliban ang gawaing pagpapalaganap ng ebanghelyo. Ang pagpapaliban ba muna ng gawain ay nangangahulugang hindi mo ipinapalaganap ang ebanghelyo sa taong iyon? Hindi ibig sabihin nito na hindi mo ipinapalaganap ang ebanghelyo, ang ibig sabihin lang ay kailangan mo lang hintayin ang angkop na panahon para gawin ito. Sino ang ibang tao na hindi dapat pangaralan? Halimbawa, kapag nagsasalita ang isang tao ng iba’t ibang wika—hindi sa loob ng isa o dalawang araw, o kaya ay isa o dalawang taon—kundi sa loob ng mahabang panahon, at kaya niyang magsalita nang ganito sa kahit anong oras at sa kahit anong lugar, ang taong ito ay isang masamang espiritu at hindi maaaring ipangaral ang ebanghelyo sa kanya. Mayroon ding mga tao na sa panlabas ay mukhang mabubuting tao, pero kapag ipinagtanong-tanong mo sila at mas naunawaan mo sila, natuklasan mong nakiapid pala sila sa maraming tao. Kung ipapalaganap ang ebanghelyo sa mga taong kagaya nito, magdudulot ito ng malaking problema. Malamang na lumikha sila ng gulo sa mga hinirang ng Diyos, kaya hindi dapat ipangaral ang ebanghelyo sa kanila. Mayroon ding ilang relihiyosong pastor na nangangailangang pagtiyagaan nang husto para matanggap nila ang katotohanan. Kahit handa silang tanggapin ito, may mga kondisyon pa rin sila. Kontento lang sila kung magsisilbi sila bilang mga lider at manggagawa. Ang karamihan sa mga ganitong uri ng tao ay mga anticristo. Batay sa mga prinsipyo, hindi dapat ipangaral ang ebanghelyo sa kanila. Tanging kung handa silang magtrabaho sa pamamagitan ng pagpapalaganap sa ebanghelyo at kung nagagawa nilang magpasok ng maraming tao ay saka lamang mapapahintulutang ipalaganap ang ebanghelyo sa ganitong mga tao. Kung masyadong buktot ang pagkatao ng isang tao, at alam mo na agad na siya ay buktot na tao batay lamang sa kanyang hitsura, kung gayon, hindi kailanman tatanggapin ng ganitong uri ng tao ang katotohanan at hindi siya kailanman magsisisi. Kahit makapasok pa sa iglesia ang ganitong tao, siya ay matitiwalag, kaya hindi kailanman dapat ipangaral ang ebanghelyo sa kanya. Ang mangaral sa isang taong kagaya nito ay katumbas ng pagdadala kay Satanas, pagdadala sa isang diyablo sa loob ng iglesia. Isa pang sitwasyon ang lumilitaw kapag gusto ng ilang menor de edad na manampalataya sa Diyos. Subalit sa ilang demokratikong bansa, dapat humingi ng pahintulot sa kanilang tagapangalaga ang mga menor de edad kung gusto nilang lumahok sa buhay iglesia at gumanap ng kanilang mga tungkulin. Huwag balewalain ang hinihinging ito. Nangangailangan ito ng makatwirang solusyon, at kailangan nito ng karunungan. Sa Tsina, hangga’t inaakay ng isa sa mga magulang ang isang menor de edad na manampalataya sa Diyos, walang anumang problema. Kung maiintindihan na ng isang kabataang hindi na menor de edad ang katotohanan at gusto niyang manampalataya sa Diyos, pero tutol ang kanyang mga magulang at nililimitahan siya, maaaring iwan ng kabataang iyon ang kanyang pamilya at pumunta sa iglesia para manampalataya at sumunod sa Diyos nang hindi napaghihigpitan at nahahadlangan ng kanyang mga magulang. Ganap na wasto ito. Kapareho ito sa sitwasyon ni Pedro nang manampalataya siya sa Diyos. Bilang kongklusyon, anuman ang sitwasyon, ipinapahintulot ang pagpapalaganap ng ebanghelyo hangga’t pinapahintulutan ito ng mga obhetibong kondisyon at hindi nito nilalabag ang batas. Kailangan harapin ang bagay na ito ayon sa mga katotohanang prinsipyo at sa mga idinidikta ng karunungan.
Kapag ipinapalaganap ang ebanghelyo, paano magagampanan ng isang tao ang kanyang tungkulin nang kasiya-siya? Una, dapat magawa niyang maintindihan at maunawaan ang katotohanan ukol sa pagpapalaganap ng ebanghelyo. Kapag nauunawaan na niya ang katotohanan ay saka lang niya tataglayin ang mga tamang pananaw, malalaman kung paano harapin ang mga mali at kakatwang pananaw, at malalaman kung paano harapin ang mga bagay-bagay at lutasin ang mga problema nang ayon sa mga katotohanang prinsipyo. Pagkatapos, magagawa na niyang makilatis ang iba’t ibang maling pagsasagawa at ang mga pagsasagawa ng mga anticristo na lumalabag sa mga katotohanang prinsipyo. Kaya naman, likas niyang mauunawaan kung aling mga katotohanang prinsipyo ang dapat niyang maunawaan nang lubos para magampanan niya ang kanyang tungkuling ipalaganap ang ebanghelyo. Para magampanan ang tungkuling ito, anong katotohanan ba ang lubhang mahalagang maunawaan muna? Dapat mong maunawaan na responsabilidad at obligasyon ng bawat hinirang ng Diyos ang ipalaganap ang mensahe ng gawain ng Diyos. Isa itong atas na ipinagkatiwala ng Diyos sa lahat. Ito ang pinagmulan ng tungkuling ito. Sinasabi ng ilang tao, “Wala ako sa pangkat ng ebanghelyo, kaya may ganito ba akong responsabilidad at obligasyon?” Lahat sila ay may ganitong responsabilidad at obligasyon. Kapaki-pakinabang sa lahat ang katotohanan ukol sa aspektong ito ng tungkulin. Hindi Ko alam kung may napansin kayong partikular na penomeno sa alokasyon ng iba’t ibang kawani sa iglesia. Ang ilang tao ay mga dating lider, pero napalitan sila dahil hindi sila makagawa ng praktikal na gawain. Pagkatapos mapalitan, dahil wala silang anumang taglay na kasanayan o kahusayan, hindi sila makaganap ng mga espesyal na tungkulin. Kaya sa huli, itinalaga sila sa pangkat ng ebanghelyo para ipalaganap ang ebanghelyo, o para diligan ang mga baguhan, o para gumanap ng ilang ordinaryong tungkulin. Kung hindi rin nila matutupad ang iba pang mga tungkulin sa iglesia, ano ang dapat mangyari sa kanila? Ang gayong mga tao ay hindi katanggap-tanggap at dapat matiwalag. Kaya, kung inalis ka bilang lider ng iglesia dahil sa kawalan ng kakayahan at wala kang anumang espesyal na talento o kasanayan, kung gayon ay kailangang handa kang ipalaganap ang ebanghelyo. Kung maipapalaganap mo ang ebanghelyo at magagawa mo ang iyong tungkulin bilang miyembro ng pangkat ng ebanghelyo, kung gayon, mahalaga sa iyo ang katotohanan tungkol sa kasiya-siyang pagganap ng mga tungkulin. Kung bigo kang gampanan ang iyong tungkuling ipalaganap ang ebanghelyo, hindi mahalaga sa iyo ang katotohanan tungkol sa kasiya-siyang pagganap ng mga tungkulin, at sa sambahayan ng Diyos, sa panahon ng gawain ng Diyos, hindi mahalaga sa iyo ang gawain ng pagganap ng isang tungkulin. Sa puso mo, dapat malinaw mong malaman ang lahat ng ipinapahiwatig nito. Kung hindi ka gumaganap ng anumang tungkulin, anong kaugnayan ang mayroon ka sa gawain ng Diyos? Samakatwid, kahit anong uri pa ng tungkulin ang ginagampanan ng isang tao, natural na pinakamainam kung makapagpupursige siya hanggang sa huli at magagampanan niya nang mabuti ang kanyang tungkulin. Sinasabi ng ilang tao, “Ayaw kong magpalaganap ng ebanghelyo dahil lagi akong inilalapit nito sa mga estranghero. Maraming iba’t ibang masamang tao na may kakayahang gumawa ng iba’t ibang klase ng masamang bagay. Sa partikular, itinuturing na kaaway ng mga relihiyosong tao ang mga nagpapalaganap ng ebanghelyo ng Diyos sa mga huling araw at may kakayahan talaga ang mga relihiyosong tao na isuplong sila sa rehimen ni Satanas. Mas malala pa sila kaysa sa mga walang pananampalataya. Hindi ko matitiis ang sakit na ito. Maaaring patayin nila ako sa bugbog, gawin akong baldado, o ibigay ako sa malaking pulang dragon. Iyon na ang magiging katapusan ko.” Dahil hindi mo kayang tiisin ang hirap at lubhang maliit ang tayog mo, dapat gawin mo nang mabuti ang kasalukuyan mong trabaho. Iyon ang magiging matalinong desisyon. Siyempre, mas mainam kung magagampanan mo rin ang iba’t ibang tungkulin kasabay ng pagpapalaganap ng ebanghelyo. Hindi lamang responsabilidad ng mga miyembro ng pangkat sa ebanghelyo ang pagpapalaganap ng ebanghelyo, responsabilidad ito ng lahat. Dahil narinig ng lahat mula sa Diyos ang mabubuting balita ng bagong gawain ng Diyos, may responsabilidad at obligasyon ang lahat na iproklama ang ebanghelyong ito nang sa gayon ay marami pang tao ang pumunta sa sambahayan ng Diyos matapos marinig ang mabubuting balita at humarap sa Diyos para tanggapin ang Kanyang pagliligtas. Itutulot nitong marating ng gawain ng Diyos ang kongklusyon nito sa lalong madaling panahon. Iyon ang atas ng Diyos, iyon ang Kanyang layunin.
Abalang nangangaral ng ebanghelyo sa buong maghapon ang ilan sa mga nagpapalaganap ng ebanghelyo, pero wala naman silang napapabalik-loob na kahit isa matapos ng ilang taon ng pangangaral. Ano ang nangyari? Mukha namang abalang-abala sila, at mukha ring buong ingat nilang ginagawa ang kanilang tungkulin. Kaya bakit wala silang napapabalik-loob? Ang katotohanang dapat maunawaan para sa tungkulin ng pagpapalaganap sa ebanghelyo ay katulad sa mga katotohanang dapat maunawaan para sa ibang tungkulin. Kung nangangaral ng ebanghelyo ang isang tao sa loob ng ilang taon nang walang napapabalik-loob, ibig sabihin nito ay may mga problema ang taong ito. Ano ang mga problemang ito? Ang pangunahing problema ay na hindi sila malinaw na nagbabahagi tungkol sa katotohanan ng pangitain sa pagpapalaganap ng ebanghelyo. Bakit hindi malinaw ang kanilang pagbabahagi? Maaaring dahil masyadong mahina ang kanilang kakayahan para dito, o maaaring dahil nagpapakaabala sila sa buong maghapon sa walang katuturang bagay kaya wala na silang oras na magbasa ng mga salita ng Diyos o magbulay-bulay tungkol sa katotohanan, at wala silang anumang nauunawaan sa katotohanan, at hindi nila kayang lutasin ang anumang kuru-kuro, maling paniniwala, o panlilinlang. Kung parehong ganito ang kaso, matutupad ba ng taong ito ang kanyang tungkulin na ipalaganap ang ebanghelyo? Nangangamba Akong magiging lubhang mahirap para sa kanya na makapagpabalik-loob ng mga tao. Kahit ilang taon pa siyang magpalaganap ng ebanghelyo, wala siyang makikitang anumang halatang resulta. Para maipalaganap ang ebanghelyo, dapat mo munang maunawaan ang katotohanan ng pangitain. Kahit ano pa ang itanong ng mga tao, hangga’t nagbabahagi ka tungkol sa katotohanan para maging malinaw ito, masasagot mo ang kanilang mga katanungan. Kung hindi mo nauunawaan ang katotohanan ng pangitain at hindi mo kayang magsalita nang malinaw kahit paano ka pa magbahagi, kung gayon, paano mo man ipalaganap ang ebanghelyo, hindi ka magkakaroon ng mga resulta. Kung hindi mo nauunawaan ang katotohanan, dapat kang tumuon sa paghahanap sa katotohanan at sa pagbabahagi tungkol sa katotohanan. Kung mas magbabasa ka pa ng mga salita ng Diyos, makikinig sa mas maraming sermon, mas magbabahagi tungkol sa katotohanan ng pagpapalaganap sa ebanghelyo, at laging nagsisikap sa pagbabahagi tungkol sa katotohanan ng pangitain para tunay mong maunawaan ang katotohanan ng pangitain, at para malutas mo ang mga pinakakaraniwang kuru-kuro at problema ng mga relihiyosong tao, kung gayon, makapagkakamit ka ng mga resulta, sa halip na wala ka man lang makamit na anumang resulta. Samakatwid, ang kabiguang maunawaan ang katotohanan ng pangitain ng gawain ng Diyos ang isang dahilan kung bakit hindi nagkakaroon ng mga resulta ang mga tao kapag nagpapalaganap ng ebanghelyo. Dagdag pa rito, hindi mo maintindihan o maunawaan ang mga katanungan ng mga nagsisiyasat sa tamang daan, at hindi mo makita ang laman ng kanilang puso para hanapin kung saan naroon ang pinakamalalaki nilang problema at para alamin ang mga pangunahing problema na nakahahadlang sa pagtanggap nila sa tamang daan. Kung hindi ka makasigurado tungkol sa mga problemang ito, hindi ka maaaring magpalaganap ng ebanghelyo o magpatotoo sa Diyos sa ibang tao. Kung isinasagawa mo lang ang pangangaral ng ebanghelyo gamit ang mga hungkag na teorya, hindi ito uubra. Sa sandaling magtanong na ang mga taong nagsisiyasat, hindi mo sila masasagot. Magagawa mo lang na basta-bastang hindi sagutin ang mga tanong na ito sa pamamagitan ng pagtatalakay tungkol sa ilang doktrina. Makapagpapabalik loob ba ng mga tao ang ganitong paraan ng pagpapalaganap ng ebanghelyo? Tiyak na hindi. Sa maraming pagkakataon, kapag hindi kayang tanggapin kaagad ng mga nagsisiyasat ang tamang daan, ito ay dahil hindi ka nakasasagot nang malinaw sa kanilang mga katanungan. Kung ganito ang kaso, magtataka sila kung bakit ikaw, na napakatagal nang sumasampalataya, ay hindi makapagbigay ng malinaw na paliwanag sa mga katanungang ito. Sa kanilang puso, magdududa sila kung ito nga ba ang tamang daan, kaya hindi sila maglalakas-loob na sumampalataya rito o tanggapin ito. Hindi ba’t ganito ang tunay na sitwasyon? Ito ang pangalawang dahilan kung bakit maaaring hindi nakakakuha ng mga resulta ang mga tao kapag nagpapalaganap ng ebanghelyo. Kung gusto mong ipalaganap ang ebanghelyo pero hindi mo kayang lumutas ng mga aktuwal na problema, kung gayon, hindi mo maipapalaganap ang ebanghelyo sa mga tao. Kung hindi mo nauunawaan ang katotohanan, paano mo malulutas ang kanilang mga problema? Samakatwid, kung gusto mong magkamit ng mga resulta sa pagpapalaganap ng ebanghelyo, dapat pagsikapan mong hanapin ang katotohanan at lubusang unawain ang lahat ng katanungan ng mga taong nagsisiyasat. Sa ganitong paraan, masasagot mo ang kanilang mga tanong sa pamamagitan ng pakikipagbahaginan sa kanila tungkol sa katotohanan. Laging naghahanap ng obhetibong dahilan ang ilang tagapagpalaganap ng ebanghelyo na maaari nilang gawing palusot, sinasabi nila, “Napakahirap pakitunguhan ng mga taong ito. Ang bawat isa sa kanila ay may tendensiyang mabaliko, at wala sa kanila ang tumatanggap sa katotohanan. Sila ay mapaghimagsik at matigas ang ulo, at lagi silang kumakapit sa mga kuru-kurong panrelihiyon.” Hindi pagsisikapang lutasin ng gayong mga tagapagpalaganap ng ebanghelyo ang mga paghihirap at problema ng mga taong ito, kaya mabibigo sila sa tuwing susubukan nilang ipalaganap ang ebanghelyo. Wala silang ni katiting na pagmamahal at hindi nila kayang magtiyaga nang matagal sa tungkuling ito. Sa panlabas, para bang abalang-abala sila, pero ang totoo, kulang ang naging pagsisikap nila para sa bawat isang taong nagsisiyasat sa tamang daan. Hindi nila hinaharap ang mga katanungan ng mga taong ito nang seryoso at responsable. Hindi nila hinahanap ang katotohanan para makahanap ng solusyon, para isa-isang malutas ang mga katanungang ito, at sa huli ay mapabalik-loob ang mga taong iyon. Sa halip, iniraraos lang nila ang mga bagay-bagay. Kahit gaano pa karaming tao ang mawala sa kanila, ganoon pa rin ang ginagawa nila. Nagtatrabaho sila sa loob ng ilang araw, at pagkatapos ay magpapahinga nang ilang araw. Ano ang turing nila sa pagpapalaganap ng ebanghelyo? Itinuturing nila itong isang laro, isang uri ng interaksyong panlipunan. Iniisip nila, “Ngayong araw ay makikipagkilala ako sa ganitong uri ng mga tao at magpapakasaya kami. Bukas makikipagkilala naman ako sa ganoong uri ng mga tao, at ito ay magiging bagong karanasan at interesante.” Sa huli, wala silang sinumang mapapabalik-loob. Hindi sila kailanman nakakaramdam ng anumang pagsisisi o pananagutan sa kabiguang ito na mapabalik-loob ang sinuman. Matutupad ba nila ang kanilang tungkulin sa pamamagitan ng ganitong pagpapalaganap sa ebanghelyo? Hindi ba’t nagiging pabaya sila at sinusubukan nilang linlangin ang Diyos? Ang isang taong laging ganito magpalaganap ng ebanghelyo ay hindi tunay na gumagampan sa kanyang tungkulin dahil hindi naman niya tinupad ang kanyang responsabilidad. Pabaya siya sa lahat ng bagay. Ano pang mga dahilan ang nagdudulot ng kabiguang makapagpabalik-loob ng mga tao kapag nagpapalaganap ng ebanghelyo? Sabihin mo sa Akin. (Ang hindi pagpapalaganap sa ebanghelyo ayon sa mga prinsipyo.) Nangyayari talaga na bilang lang ang mahalaga sa mga tao kapag nagpapalaganap ng ebanghelyo. Hindi nangangaral ang gayong mga tao ayon sa mga prinsipyo at madalas silang bigong makapagpabalik-loob ng mga tao. Nangyayari din na sabik na pinag-aagawan ng ilang tao sa pangkat ng ebanghelyo ang mga taong potensyal na tatanggap ng ebanghelyo, iniisip nila na ang taong makapagpapalaganap sa mas maraming tao ay tatanggap ng mas higit na kapurihan. Kapag nakikita sila ng mga potensyal na tatanggap ng ebanghelyo na nagpapaligsahan sa ganitong paraan, hindi titibay ang mga ito. Sa halip, lilitaw ang mga kuru-kuro sa isipan ng mga ito, “Kayong mga mananampalataya sa Diyos ay hindi nagkakaisa, may inggitan at awayan sa pagitan ninyo.” Kaya’t hindi nila gugustuhing sumampalataya. Isang hadlang ito. Parte rin ba ito ng dahilan kung bakit bigo silang makapagpabalik-loob ng mga tao kapag nagpapalaganap ng ebanghelyo? (Oo.) Matagal na panahong namuhay sa lipunan ang ilang potensyal na tatanggap ng ebanghelyo at mapagbantay ang mga ito laban sa iba’t ibang uri ng mga tao, lalo na sa mga estranghero. Kung walang mamamagitan para ipakilala sila, magiging maingat sila kapag nakipagkilala sila sa isang tao sa unang pagkakataon. Halimbawa, kung kakakilala mo pa lang sa isang estranghero, siguradong hindi mo basta-bastang sasabihin sa kanya ang iyong pangalan, tirahan, at ang numero ng iyong telepono. Kapag naging pamilyar ka na sa kanya, kapag mas nakikilala na ninyo ang isa’t isa, kapag alam mo nang wala siyang masamang intensyon sa iyo, magiging magkaibigan kayo. Saka mo lamang ibibigay sa kanya ang mga impormasyong ito. Gayumpaman, hindi maunawaan ng ilan sa mga nagpapalaganap ng ebanghelyo ang mga tao, kaya kapag nag-iingat ang mga tao laban sa kanila, tinatawag nila ang mga taong ito na mapanlinlang at buktot. Kinokondena nila ang depensibong kaisipan ng mga ito, ipinapasa sa iba ang sarili nilang responsabilidad. Hindi ba’t nag-iingat din ang mga tagapagpalaganap na iyon ng ebanghelyo laban sa mga estranghero? Bakit hindi nila kinokondena ang kanilang sarili, bagkus iniisip pa nilang matalino sila dahil sa pagiging maingat nila? Hindi patas na tratuhin ang mga tao sa ganitong paraan. Hinihingan kaagad ng ilan sa mga nagpapalaganap ng ebanghelyo ang mga potensyal na tatanggap ng ebanghelyo ng kanilang personal na impormasyon pagkakitang-pagkakita pa lang sa mga ito. Kung ayaw itong ibigay ng isang tao sa kanila, hindi gugustuhin ng ganitong uri ng tagapagpalaganap ng ebanghelyo na mangaral sa taong ito. Anong uri ng disposisyon ito? Isa itong malisyosong disposisyon. Nagagalit sila at tumatangging ipangaral ang ebanghelyo dahil lang sa ayaw sumunod ng isang tao sa kanilang mga hinihingi sa gayong kaliit na bagay. Kasuklam-suklam ito! Bakit gusto mong ipangaral ang ebanghelyo sa iba? Hindi ba’t pagganap ito sa iyong tungkulin? Kung kikilos ka ayon sa gusto mo, paggawa pa rin ba ito sa iyong tungkulin? Hindi ba’t pagtatrabaho lang ito? Paano mo ba dapat ipaliwanag ang sarili mo sa Diyos? Kung hindi ka kailanman magsisisi, kokondenahin at ititiwalag ka ng Diyos. Nagdadala ka ng kapahamakan sa iyong sarili.
May nabalitaan Akong kaso kung saan may nakilalang isang taong potensyal na tatanggap ng ebanghelyo ang mga miyembro ng dalawang magkahiwalay na pangkat sa ebanghelyo. Pagkatapos, nagtalo-talo sila, pareho nilang sinasabi na sila ang naunang kumausap sa taong ito. Ano ang saysay na pag-awayan ito? Kamangmangan ba ito? Isang bagay ito na hindi maaaring gawin. Kaya, ano ang nararapat gawin? Kailangang sama-samang pag-usapan ng lahat ang naturang usapin. Hindi mahalaga kung sino ang naunang nakipag-usap. Kapag nalaman ninyong iisang tao lang ang nakausap ninyo, ipalaganap ninyo ang ebanghelyo nang magkasama, hatiin ang trabaho, at magtulungan kayo. Kung ang orihinal mong plano ay ang gumugol ng dalawang buwan para ihatid ang ebanghelyo sa taong ito, subukan mong gawin ito nang isang buwan lang dahil mas marami ang tao mo. Pagkatapos, dapat magbahaginan ang lahat tungkol sa mga problema at paghihirap ng potensyal na tatanggap ng ebanghelyo, kung aling mga aspekto ng katotohanan ang kailangang hanapin ng lahat para malutas ang mga isyung ito, kung paano dapat mag-ugnayan ang dalawang pangkat, at iba pa. Ano ang layunin ng paggawa nito? Ito ay para mapabalik-loob ang taong ito at para tuparin ang iyong tungkulin. Kapag nagkakaisa ang lahat sa puso at isip, magkakasamang nagbabahaginan, at itinutuon ang lahat ng kanilang pagsisikap para sa iisang layon, sila ay bibigyan ng kaliwanagan at aakayin ng Banal na Espiritu. Kapag nagkakaisa sila, madaling magagawa ng mga tao ang mga bagay-bagay, at matatanggap nila ang mga pagpapala at patnubay ng Diyos. Subalit kung hindi ka kikilos sa ganitong paraan, kung lagi kang nakikipagkompitensiya sa iba, kung laging sarili mo lang ang iniintindi mo, kung lagi mong inihihiwalay ang sarili mo sa iba, at kung mahalaga lang sa iyo na ikaw mismo ang makapagpabalik-loob sa mga tao kapag nagpapalaganap ng ebanghelyo—nangangaral ka para sa iyong sarili, at sasarilinin ko na lang ang pagpapabalik-loob ng mga tao—matutupad mo ba ang iyong tungkulin nang may iisang puso at isip? Minsan ay nagagawa ng mga tao ang kanilang tungkulin nang sila lang, pero sa ibang mga pagkakataon, kailangang maayos na magtulungan ang lahat para magampanan nang maayos ang gawain ng iglesia. Kung magkakanya-kanya ang bawat isa at hindi maayos na magtutulungan, magugulo nito ang gawain ng iglesia. Sino ang mananagot para dito? Mananagot ang lahat, at papasanin ng punong superbisor ang mas malaking bahagi ng pananagutan. Kapag ginulo mo ang gawain ng iglesia, bukod sa bigo kang matupad nang maayos ang iyong tungkulin, nakakagawa ka rin ng matinding kasamaan, dahilan para mapoot at masuklam sa iyo ang Diyos. Kung magkagayon, problema ang pinasok mo. Kung kokondenahin ka ng Diyos bilang isang masamang tao o isang anticristo na ginugulo ang gawain ng iglesia, magiging mas malala pa ito. Siguradong mabubunyag at matitiwalag ka, at kakailanganin mo pa ngang tumanggap ng parusa. Kung tatalikuran mo ang iyong tungkulin, ano ang katumbas nito? Mawawalan ka ng bahagi sa gawain ng Diyos at hindi mo matatanggap ang pagliligtas ng Diyos. Mapapabilang ka sa mga walang pananampalataya, at mawawalan ng saysay ang buhay mo. Para saan at nabubuhay ka ngayon? Ano ang halaga mo sa pangkat ng ebanghelyo? Paano mo mapagninilay-nilayan ang halaga mo bilang isang indibidwal? Dapat mong tuparin ang iyong mga responsabilidad nang may kababaang-loob, gampanan mong mabuti ang iyong tungkulin at bigyan mo ng kapanatagan ang Diyos, nang sinasabing, “Nakapagpabalik-loob ako ng ilang tao sa pamamagitan ng pagpapalaganap ng ebanghelyo. Ginawa ko ang lahat ng aking makakaya. Bagama’t mahina ang aking kakayahan at ilang katotohanang realidad lang ang taglay ko, ginawa ko naman ang lahat ng makakaya ko. Ginawa ko ang aking tungkulin nang hindi sumusuko, hindi sumasama ang loob, hindi nagiging negatibo at nagpapakatamad, o sinusubukang sumikat o makinabang. Sa halip, nakaranas ako ng maraming pagkapahiya sa pangangaral ng ebanghelyo, tiniis ko ang mga pang-iinsulto at pagpapatalsik mula sa mga samahang panrelihiyon, at natulog ako sa lansangan. Bagama’t nakaranas ako ng pagkanegatibo at kahinaan, hindi ko tinalikuran ang aking tungkulin, bagkus ay nagpunyagi ako sa pagpapalaganap ng ebanghelyo sa lahat ng pagkakataon. Nagpapasalamat ako sa Diyos para sa proteksyon at patnubay na ibinigay Niya sa akin.” Ito ang ibig sabihin ng tunay na tuparin ang iyong mga responsabilidad. Pagdating ng araw, magagawa mong humarap sa Diyos nang may ganitong malinis na konsensiya at maipapaliwanag mo ang iyong sarili. Marahil ay marami kang nakilalang potensyal na tatanggap ng ebanghelyo, pero hindi ka nakapagpabalik-loob ng maraming tao. Subalit, batay sa iyong kakayahan at mga ikinilos, napabalik-loob mo ang lahat ng taong kaya mo sa pamamagitan ng pagsisikap mo nang husto. Kung ganito ang kaso, paano ka huhusgahan ng Diyos? Ginampanan mo ang iyong tungkulin nang maayos. Ginawa mo ang abot ng iyong makakaya at ibinuhos mo ang buong puso mo para dito. Para maipalaganap ang ebanghelyo sa mga potensyal na tatanggap ng ebanghelyo, pinagsikapan mong mabuti na sangkapan ang iyong sarili ng katotohanan ng pangitain, at pinag-aralan mong mabuti ang mga kaugnay na talata ng Bibliya. Kinabisado mo ang mga kailangan mong kabisaduhin at isinulat ang mga bagay na hindi mo makabisado. Kapag nagpapalaganap ng ebanghelyo, kahit sino pa ang makatagpo mo at kahit ano pa ang itanong niya, nagagawa mong magbigay ng solusyon. Sa ganitong paraan, lalong naging epektibo ang gawain mo ng pagpapangaral sa ebanghelyo at nagawa mong makapagpabalik-loob ng mas maraming tao. Para makapagpabalik-loob ng mas maraming tao kapag nagpapalaganap ng ebanghelyo, para magampanang mabuti ang tungkuling ito at matupad ang iyong mga responsabilidad, pinagtagumpayan mo ang maraming suliranin sa iyong sarili, kabilang na ang sarili mong mga kakulangan, kahinaan, at negatibong emosyon. Napagtagumpayan mo ang lahat ng ito, at naglaan ka ng maraming oras para sa gampaning ito. Hindi ba’t kinakailangang pagtagumpayan ang gayong mga suliranin para magampanan mo nang mabuti ang iyong tungkulin? (Oo.) Bukod pa rito, para madala iyong mga nagsisiyasat sa tunay na daan para marinig ang tinig ng Diyos, para maunawaan at malaman ang gawain ng Diyos, at para matanggap ang tunay na daan, kailangan mong maunawaan ang mas marami pang katotohanan nang sa gayon ay makapagpatotoo ka sa gawain ng Diyos nang mas mabuti. Kahit gaano pa kalalim o kababaw ang pagbabahagi mo ukol sa katotohanan, dapat magkaroon ka ng pagmamahal at pagpapasensya. Marahil ikaw ay pinagtatawanan, iniinsulto, tinatanggihan, o hindi nauunawaan ng iyong mga tagapakinig—hindi ito mahalaga, kung mahaharap mo ito nang tama at buong-tiyaga kang makikipagbahaginan sa kanila tungkol sa katotohanan, at namuhunan ka ng matinding pagsisikap at nagbayad ng malaking halaga para dito, kung gayon ay natupad mo na ang iyong mga responsabilidad. Sa ganitong paraan mo magagawa ang iyong tungkulin nang maayos.
Kapag ang ilang tagapagpalaganap ng ebanghelyo ay may nakilalang isang potensyal na tatanggap ng ebanghelyo na mayabang dahil sa kayamanan at katayuan sa lipunan ng kanyang pamilya, pakiramdam lagi nila ay mababang-uri sila at naaasiwa sila kapag nakatayo sila sa harapan nito. Makakaapekto ba ang pagkaasiwang ito sa pagganap mo ng iyong tungkulin? Kung nakakaapekto ito sa iyo kaya hindi mo magawa nang maayos ang iyong tungkulin at hindi mo matupad ang iyong mga responsabilidad, kung gayon ay hindi mo ginagampanan ang iyong tungkulin. Kung isipan mo lang ang naaapektuhan nito—dahilan para hindi ka maging masaya at maasiwa ka—pero hindi mo naman tinatalikdan ang iyong tungkulin o nakakalimutan ang iyong mga responsabilidad at obligasyon, kaya sa huli ay natatapos mo ang iyong gawain at nagagawa ito nang maayos, kung gayon, tunay na natupad mo ang iyong tungkulin. Ito ba ang katotohanan? (Oo.) Ito ang katotohanan, at dapat itong tanggapin ng lahat. Maaari ka bang malagay sa ganitong sitwasyon? Halimbawa, maaaring mababa ang tingin sa iyo ng ilang tumatanggap ng ebanghelyo dahil galing ka sa probinsya. Maaaring maliitin ka pa nga nila. Paano mo haharapin ito? Sabihin mo, “Ipinanganak akong mahirap sa probinsya, samantalang ipinanganak ka naman sa isang marangyang buhay sa lungsod. Inorden ito ng Diyos. Gayumpaman, mapagpala ang Diyos kahit saan pa tayo ipinanganak. Nabubuhay tayo sa panahong ito, at pinagpala tayong lahat dahil naabutan natin ang gawain ng Diyos sa mga huling araw.” Totoo ang mga salitang ito, at hindi ito isang pagtatangkang bigyang-kapurihan ang iyong sarili. Sasabihin naman ng mga tumatanggap ng ebanghelyo, “Kung gayon, hindi ka pinagpala nang gaya namin. Natatamasa namin ang mga pagpapala ng buhay na ito at ng susunod na mundo, pero maaari lang ninyong tamasahin ang mga pagpapala ng susunod na buhay. Kaya, mas nagtatamasa kami ng mga pagpapala kaysa sa inyo.” Sasabihin mo naman, “Ang lahat ng ito ay dahil sa biyaya ng Diyos.” At dahil hindi nila alam ang gawain ng Diyos, kinakailangan pa bang makipagtalo sa kanila? Kung hindi mo pinapahalagahan ang gayong mga bagay, hindi ka makikipagtalo sa kanila. Sa iyong puso, dapat maunawaan mo nang malinaw na “May tungkulin ako sa puso ko, isang pasanin sa aking mga balikat, isang misyon at obligasyon. Hindi ako makikipagtalo sa kanila tungkol doon. Pagdating ng araw na sumampalataya na sila at bumalik sa sambahayan ng Diyos, kapag mas marami nang sermon ang napakinggan nila at may nauunawaan na sila tungkol sa katotohanan, maiisip nila ang kanilang mga inasal at ikinilos ngayon at mahihiya sila.” Kung iisipin mo ito sa ganitong paraan, mabubuksan ang iyong puso. Ganito talaga ang nangyayari. Kung tunay na mahihikayat mo sila at talagang hahangarin nila ang katotohanan, kung gayon, pagkatapos nilang sumampalataya sa loob ng tatlo o limang taon, makikilala nila na hindi angkop, walang pagkatao, at di-tugma sa katotohanan na tratuhin ka nila nang gayon noong una ka nilang nakilala. Kailangan tuloy nilang humingi ng paumanhin sa iyo sa susunod na pagkakataong makita ka nila. Sa proseso ng pagpapalaganap sa ebanghelyo, madalas mong mararanasan ang ganitong uri ng sitwasyon. Kapag nangyari ito, paano Ko haharapin ito? Hindi Ko masyadong pinapansin ang gayong mga bagay. Hindi ito isang malaking usapin. Kung iniisip mong hindi ito isang malaking usapin, hindi ka maaapektuhan ng kanilang mga salita. Tinatawag itong pagtataglay ng tayog. Kung nauunawaan mo ang katotohanan at nagtataglay ka ng katotohanang realidad, magagawa mong makilatis ang maraming kasabihan o pagsasagawa na nakakapinsala sa mga tao. Maitutuwid mo ang mga ito. Ngunit kung hindi mo makikilatis ang mga bagay na ito, tatandaan mo ang gayong mga salita at kilos sa buong buhay mo at, sa isang kisap-mata, isang salita, o kilos, maaari kang sugatan ng sinuman. Gaano kalala ang gayong mga sugat? Mag-iiwan ito ng marka sa iyong puso. Kapag nakakakita ka ng mayayamang tao, mga taong mas mataas ang katayuan kaysa sa iyo, o mga taong kagaya ng mga minsang nangmaliit sa iyo at bumatikos sa iyo, matatakot at mangingimi ka. Paano mo maaalis ang pangingiming ito? Kailangan mong makilatis ang kanilang diwa. Kahit gaano pa sila kataas, kahit ano pa ang kanilang katayuan o kalagayan, mga tiwaling tao lang sila. Walang anumang espesyal sa kanila. Kung makikita mo ito, hindi malilimitahan ang iyong puso. Sa gawain ng pagpapalaganap sa ebanghelyo, tiyak na mararanasan mo ang ganitong mga problema. Pawang pangkaraniwang problema ang mga ito. Hindi ka mauunawaan ng ilang tao o magkakaroon sila ng pagkiling laban sa iyo, o baka magpahiwatig pa nga at di-tuwirang magsalita ng mga pangit na bagay para kutyain ka. Sasabihin ng ilang tao na nangangaral ka ng ebanghelyo para kumita ng pera, para maghangad ng pakinabang, o makahanap ng karelasyon. Paano mo haharapin ang gayong mga sitwasyon? Dapat ka bang makipagtalo sa gayong mga tao? Lalo na kapag ang isang potensyal na tatanggap ng ebanghelyo ay mula sa isang mayamang pamilya, ano ang dapat mong gawin kung kumakain ka sa kanyang bahay at nakikita mo ang ekspresyon na iyon sa kanyang mukha? Kung hindi ka kakain sa kanilang bahay para maingatan ang iyong dignidad, kaya mo bang patuloy na ipangaral ang ebanghelyo nang walang laman ang iyong tiyan? Dapat mong pag-isipan ang bagay na ito nang ganito: “Ngayong araw, maaari akong kumain sa kanilang bahay at ipangaral ang ebanghelyo sa kanila. Maaari nilang patuluyin ang mga nagpapalaganap sa ebanghelyo. Ito ang magandang kapalaran nila.” Ang totoo, ganito talaga ang mga bagay-bagay. Ito ang magandang kapalaran nila. Hindi nila ito namamalayan, pero kailangan mong malaman ito sa iyong puso. Habang ipinalalaganap ang ebanghelyo, madalas na kahaharapin ng isang tao ang gayong mga pangungutya, panlilibak, panunuya, at paninirang-puri, o nalalagay pa nga siya sa mga mapanganib na sitwasyon. Ang ilang kapatid, halimbawa, ay tinutuligsa o dinudukot ng masasamang tao, at ang iba ay isinusumbong sa mga pulis, na siya namang ipinapasa sa pamahalaan. Ang ilan ay maaaring arestuhin at ikulong, samantalang ang iba naman ay maaari pa ngang bugbugin hanggang sa mamatay. Nangyayari ang lahat ng bagay na ito. Ngunit ngayong alam na natin ang mga bagay na ito, dapat ba nating baguhin ang ating saloobin tungkol sa gawain ng pagpapalaganap ng ebanghelyo? (Hindi.) Ang pagpapalaganap sa ebanghelyo ay responsabilidad at obligasyon ng lahat. Anumang oras, anuman ang ating marinig, o makita, o anumang klase ang pagtrato sa atin, kailangang palagi nating panindigan ang responsabilidad na ito ng pagpapalaganap ng ebanghelyo. Anuman ang sitwasyon, hindi natin dapat isuko ang tungkuling ito dahil sa pagiging negatibo o sa kahinaan. Ang tungkuling ipalaganap ang ebanghelyo ay hindi mapayapang paglalayag, kundi puno ng panganib. Kapag nagpalaganap ka ng ebanghelyo, hindi ka haharap sa mga anghel, o mga taga-ibang planeta, o mga robot. Haharap ka lamang sa masama at tiwaling sangkatauhan, sa buhay na mga demonyo, sa mga halimaw—lahat sila ay mga taong nabubuhay sa masamang lugar na ito, sa masamang mundong ito, sila ay lubhang nagawang tiwali ni Satanas, at lumalaban sa Diyos. Samakatwid, sa proseso ng pagpapalaganap ng ebanghelyo, tiyak na naroon ang lahat ng uri ng panganib, maliban pa sa walang-katuturang paninirang-puri, panunuya, at mga di-pagkakaunawaan, na madalas nang mangyari. Kung talagang itinuturing mo ang pagpapalaganap ng ebanghelyo na isang responsabilidad, isang obligasyon, at bilang tungkulin mo, magagawa mong ituring nang tama ang mga bagay na ito at mapamahalaan pa nang tama ang mga ito. Hindi mo susukuan ang iyong responsabilidad at ang iyong obligasyon, ni hindi ka lilihis mula sa iyong orihinal na layunin na ipalaganap ang ebanghelyo at magpatotoo sa Diyos dahil sa mga bagay na ito, at hinding-hindi mo isasantabi ang responsabilidad na ito, sapagkat ito ang tungkulin mo. Paano dapat unawain ang tungkuling ito? Ito ang halaga at pangunahing obligasyon ng buhay ng tao. Ang pagpapalaganap ng mabuting balita ng gawain ng Diyos sa mga huling araw at ang ebanghelyo ng gawain ng Diyos ay ang halaga ng buhay ng tao.
Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.