Sa Paghahanap Lamang sa Katotohanan Malulutas ng Tao ang Kanyang mga Kuru-kuro at Maling Pagkaunawa sa Diyos (Unang Bahagi)

Hindi nauunawaan ng mga tao ang katotohanan noong simula pa lang silang nananampalataya sa Diyos, at marami silang kuru-kuro at imahinasyon tungkol sa Kanya. Nang makapanampalataya na kayo sa Diyos nang ilang taon, nakabasa na ng napakarami sa Kanyang mga salita, at nakapakinig na ng napakaraming sermon, ilan sa mga kuru-kuro at imahinasyon na ito ang nalutas na? May mga tao pa rin na kahit ilang taon nang nananampalataya sa Diyos ay mayroon pa ring mga kuru-kuro tungkol sa paghatol, pagkastigo, at pagpupungos, habang ang iba ay maaaring magkaroon ng mga kuru-kuro kapag nakita nila ang bagsik ng mga salita ng Diyos. Malulutas ba ang mga bagay na ito sa pamamagitan ng paghahanap sa katotohanan? Kung kaya ninyong hanapin ang katotohanan sa lahat ng bagay, at gamitin ito upang lutasin ang anumang problemang nakakaharap ninyo, isa kayong taong naghahangad sa katotohanan. Nagagawa ba ninyong hanapin ang katotohanan para lutasin ang mga problema ngayon? Kapag may kinakaharap kayong anumang bagay na nagsasanhi ng mga kuru-kuro, o kapag lumalabag kayo, paano ninyo hinahanap ang katotohanan para lutasin iyon? Sino ang makakapagkuwento tungkol sa kanilang karanasan sa ganitong klaseng bagay? (Noong ako ay isang lider, wala akong ginawang praktikal na gawain, mga gampanin lamang na makakapagpaganda ng tingin sa akin, at lagi akong nakikipagtunggali para sa katanyagan at katayuan. Ginambala at ginulo nito ang gawain ng iglesia, at kapag nahaharap ako sa pagpupungos ay pinangangatwiranan ko pa rin ang sarili ko at wala akong tunay na pagninilay-nilay at kaalaman, o pagsisisi at pagbabago. Kalaunan pinalitan ako ng iglesia, pero palaban at dismayado pa rin ang puso ko, at lagi akong nagrereklamo at nagpapahayag ng pagkanegatibo. Pinungusan ako ng mga lider dahil hinding-hindi ko tinatanggap ang katotohanan at lumalaban ako sa Diyos, na isang bagay na lumalabag sa Kanyang disposisyon, at sinabihan nila ako na kung hindi pa rin ako magsisisi ay paaalisin at ititiwalag na ako. Noong panahong iyon ay hindi ko pa naiintindihan ang katotohanan, at lubhang mali ang pagkakaunawa ko sa Diyos. Bagaman hindi ko kailanman sinabing hindi ako nananampalataya sa Diyos, naisip ko na dahil nagkasala ako sa Kanya ay tiyak na hindi Niya ako ililigtas, kaya magtatrabaho na lamang ako. Pagkatapos noon, hindi ko na masyadong binigyang-pansin ang paghahangad sa katotohanan, at nagbago lang ito nang marinig ko isang araw ang pagbabahagi ng Diyos.) Pagkatapos mong magbago, mayroon ka na bang wastong landas ng pagsasagawa? Ano ang gagawin mo kung mangyayari muli ang bagay na iyon? (Sa ngayon, wala akong landas ng pagsasagawa para sa aspektong ito.) Sa katunayan, lahat ng problemang ito ay malulutas ng katotohanan. Kung gusto ng mga tao na lutasin ang kanilang mga maling pagkakaunawa tungkol sa Diyos, sa isang panig ay dapat nilang kilalanin ang sarili nilang mga tiwaling disposisyon at suriin at intindihin ang dati nilang mga pagkakamali, maling landas, paglabag, at kapabayaan. Sa ganitong paraan ay mauunawaan at makikita nila nang malinaw ang sarili nilang kalikasan. Bukod pa rito, dapat makita nila nang malinaw kung bakit naliligaw ang mga tao at gumagawa ng napakaraming bagay na lumalabag sa mga katotohanang prinsipyo, at ang kalikasan ng mga gawaing ito. Higit pa rito, dapat nilang maunawaan kung ano ba mismo ang mga layunin at mga hinihingi ng Diyos sa sangkatauhan, kung bakit laging walang kakayahan ang mga tao na kumilos ayon sa mga hinihingi ng Diyos, at kung bakit lagi silang sumasalungat sa Kanyang mga layunin at ginagawa ang magustuhan nila. Dalhin ninyo ang mga bagay na ito sa harap ng Diyos at manalangin kayo, unawain ninyo nang malinaw ang mga ito, at pagkatapos ay mababago na ninyo ang inyong kalagayan, mababago na ninyo ang takbo ng inyong pag-iisip, at malulutas na ninyo ang maling pagkakaunawa ninyo sa Diyos. May mga tao na laging nagkikimkim ng mga di-wastong layunin anuman ang ginagawa nila, lagi silang mayroong masasamang ideya, at hindi nila masiyasat kung tama ba o mali ang lagay ng kanilang kalooban, ni makilatis ito ayon sa mga salita ng Diyos. Magulo ang isip ng mga taong ito. Ang isa sa mga pinakamalinaw na katangian ng isang taong magulo ang isip ay na matapos niyang gumawa ng isang masamang bagay ay nananatili siyang negatibo kapag naharap sa pagpupungos, nagpapakalugmok pa nga siya sa kawalang pag-asa at nagpapalagay na katapusan na niya at hindi na siya maililigtas pa. Hindi ba’t ito ang pinakakalunos-lunos na asal ng isang taong magulo ang isip? Hindi niya mapagnilayan ang kanyang sarili nang ayon sa salita ng Diyos, at hindi niya kayang hanapin ang katotohanan upang lutasin ang problema kapag nahaharap siya sa mahihirap na bagay. Hindi ba’t ito ay pagkakaroon ng napakagulong pag-iisip? Malulutas ba ng pagpapakalugmok mo sa kawalang pag-asa ang mga problema? Malulutas ba ng laging pakikibaka nang negatibo ang mga problema? Dapat maintindihan ng mga tao na kung magkamali o magkaproblema sila ay dapat nilang hanapin ang katotohanan para lutasin iyon. Kailangan muna nilang magnilay-nilay at maunawaan kung bakit sila nakagawa ng masama, kung ano ba ang layunin nila at ang pinagmulan ng paggawa niyon, kung bakit nila gustong gawin iyon at ano ang layon nila, at kung mayroon bang taong nanghimok, nag-udyok, o nanlilihis sa kanila na gawin iyon o kung sadya nilang ginawa iyon. Ang mga tanong na ito ay dapat na mapagnilayan at malinaw na maintindihan, at pagkatapos ay malalaman na nila kung ano ang mga kamaliang nagawa nila at kung ano ba sila. Kung hindi mo makilala ang diwa ng masasamang gawain mo o hindi ka matuto ng leksyon mula roon, hindi malulutas ang problema. Maraming tao ang gumagawa ng masasamang bagay at hindi kailanman pinagninilayan ang kanilang mga sarili, kaya ang gayong mga tao ba ay totoong makapagsisisi kailanman? May pag-asa pa ba silang maligtas? Ang sangkatauhan ay mga inapo ni Satanas, at nilabag man nila o hindi ang disposisyon ng Diyos, ang kanilang kalikasang diwa ay pareho lang. Dapat nilang pagnilayan ang kanilang mga sarili at higit na makilala ang kanilang mga sarili, makita nang malinaw kung hanggang sa anong antas sila nagrebelde at lumaban sa Diyos, at kung matatanggap pa rin ba nila ang katotohanan at maisasagawa ang katotohanan. Kung malinaw nilang makikita ito, malalaman nila kung gaano sila nanganganib. Sa katunayan, batay sa kanilang mga kalikasang diwa, lahat ng tiwaling tao ay nasa panganib; kinakailangan ng matinding pagsisikap para matanggap nila ang katotohanan at hindi ito madali para sa kanila. May mga taong nakagawa ng masama at naghayag ng kanilang kalikasang diwa, samantalang may ilan na hindi pa nakagagawa ng masama subalit hindi naman ibig sabihin noon ay mas mabuti sila kaysa sa iba—hindi pa lang sila nagkaroon ng sitwasyon o pagkakataong gawin iyon. Dahil mayroon kang ganitong mga paglabag, dapat na maging malinaw sa puso mo kung anong saloobin ang dapat mayroon ka ngayon, kung ano ang dapat mong panagutan sa Diyos, at kung ano ang gusto Niyang makita. Dapat mong linawin ang mga bagay na ito sa pamamagitan ng pananalangin at paghahanap; pagkatapos ay malalaman mo kung paano ka dapat maghangad sa hinaharap, at hindi ka na maiimpluwensiyahan o mapipigil ng mga pagkakamaling nagawa mo dati. Dapat magpatuloy kang tahakin ang landas at gampanan ang iyong tungkulin gaya ng nararapat, at huwag nang magpakalugmok sa kawalang pag-asa; dapat kang ganap na umahon sa pagiging negatibo at sa maling pagkakaunawa. Sa isang panig, negatibo at hindi gaanong mairerekomenda kung ginagampanan mo ang iyong tungkulin ngayon para makabawi sa mga paglabag at pagkakamali mo dati, ngunit kahit papaano man lang ay ito dapat ang takbo ng isip na mayroon ka. Sa kabilang panig, dapat ay positibo at maagap kang makipagtulungan, gawin mo ang lahat para magawa mo nang mabuti ang tungkuling dapat mong gampanan, at matupad ang iyong mga responsabilidad at obligasyon. Ito ang dapat gawin ng isang nilikha. Kahit na anupamang mga kuru-kuro ang mayroon ka tungkol sa Diyos, o kung naghayag ka ng katiwalian o nalabag mo ang Kanyang disposisyon, ang lahat ng ito ay dapat lutasin sa pamamagitan ng pagninilay-nilay sa sarili mo at ng paghahanap sa katotohanan. Matuto ka mula sa mga kabiguan mo, at lubusan kang lumabas mula sa anino ng pagiging negatibo. Sa sandaling maunawaan mo na ang katotohanan at makalaya ka na, hindi na napipigil ng sinumang tao, anumang pangyayari, o anumang bagay, magkakaroon ka na ng kumpiyansang magpatuloy sa pagtahak sa landas pasulong. Pagkatapos mong magtamo ng ilang pakinabang at kaunting pag-usad sa buhay, at wala ka nang kahit anong kuru-kuro tungkol sa Diyos, unti-unti kang makakapasok sa tamang landas ng pananampalataya sa Diyos.

Maaaring may taong lumabag dati, o kaya ay naligaw pero hindi naman talaga siya napakatuso o napakasamang tao, napakayabang lang niya talaga, napakayabang na wala na siyang katwiran, hindi na siya makapagpigil, at hindi na niya makontrol ang sarili niya, at gumawa siya ng mga bagay na kinamumuhian at kinasusuklaman ng Diyos, at kinapopootan din ng taong iyon mismo. Subalit dahil sa pagsunod niya hanggang ngayon tiyak na may pag-usad na siya. Pagdating naman sa kung mananatili ba siya sa huli, pagpapasyahan ito ng Diyos batay sa asal niya sa kasalukuyan, pati na rin sa kasalukuyan niyang saloobin sa Diyos at sa tungkulin niya. Maaaring may magsabi: “Nakagawa ako ng matitinding paglabag dati, pero pagkatapos ay naunawaan ko na ang katotohanan. Talagang pinagsisisihan ko ang mga paglabag ko, pero di ko na mababawi ang mga iyon, kahit na isagawa ko pa ang katotohanan ngayon. Pakiramdam ko lagi ay nadungisan ako, at hindi malinaw sa puso ko kung gusto ba ako ng Diyos o hindi.” Dito, ikaw ang humahatol sa sarili mo, hindi ang Diyos; hindi kumakatawan sa hatol ng Diyos ang hatol mo, ni kumakatawan sa Kanyang saloobin ang saloobin mo. Dapat mong maunawaan kung ano ang saloobin ng Diyos, at kung ano ang mahalaga sa Kanya pagdating sa bawat tiwaling tao at sa mga maaaring iligtas. Malinaw ba ito sa inyo? Ang tinitingnan ng Diyos ay ang saloobin, determinasyon, at kapasyahan ng isang tao sa paghahangad sa katotohanan. Wala Siyang pakialam kung sino ka dati, kung ano ang mga paglabag mo, o kung gaano na ang naigugol, naihandog, o napagdusahan mo. Hindi tumitingin ang Diyos sa mga bagay na ito. Maaaring sabihin ng isang tao na nananampalataya siya sa Diyos at nabilanggo na siya nang walong beses, at sasabihin ng Diyos: “Hindi Ako tumitingin sa mga bagay na ito tungkol sa iyo. Tinitingnan Ko lang kung paano ka gumawi ngayon, kung isa ka bang tao na naghahangad sa katotohanan, kung nagpatotoo ka ba habang nasa bilangguan ka, kung ano ang mga nakamit mo, kung kilala mo ba ang Diyos, at kung nakapasok ka na ba sa mga katotohanang realidad.” Ito ang resultang gusto ng Diyos. Sinasabi ng ilang tao: “Lumabag ako at naligaw, pero ngayon ay nalalaman ko na ito, at sa pamamagitan ng malalim na pagninilay-nilay, naging handa akong magsisi, at matibay akong nagpapasyang gampanan nang maayos ang aking tungkulin, na hindi maging pabasta-basta, at na gawin ang aking makakaya, para mapasiya ko ang Diyos, masuklian ang Kanyang pagmamahal, at makabawi sa mga pagkakamali ko dati. Gusto kong hangarin at isagawa ang katotohanan habang ginagampanan ko ang aking tungkulin. Hindi lang ako magsisikap o magtatrabaho, susubukan kong isagawa ang katotohanan, isabuhay ang wangis ng tao, at parangalan ang Diyos sa pamamagitan ng pagganap sa aking tungkulin nang maayos.” Kung may ganito kang saloobin, titingnan pa rin ba ng Diyos ang mga paglabag mo? Hindi na. Kaya, dapat sigurado ka tungkol dito sa puso mo, para hindi ka na mapigil pa ng mga dati mong paglabag. May mga tao na laging napipigil ng mga paglabag nila dati, at iniisip nila na, “Hindi posibleng mapatawad ng Diyos ang anumang bagay na lumalabag sa Kanyang disposisyon. Matagal na akong itinataboy ng Diyos, at wala nang silbi pang hangarin ko ang katotohanan.” Anong klaseng saloobin ito? Tinatawag itong paghihinala at maling pagkaunawa sa Diyos. Sa katunayan, kahit bago ka pa gumawa ng anumang bagay na lumalabag sa disposisyon ng Diyos, wala nang galang, wala nang pagpipitagan, at pabasta-basta na ang saloobin mo sa Kanya, at hindi mo pinakitunguhan ang Diyos bilang Diyos. Nabubunyag ng mga tao ang mga satanikong disposisyon dahil sa isang sandali ng kamangmangan o pagiging padalos-dalos, at kung walang magdidisiplina o pipigil sa kanila, nakagagawa sila ng mga paglabag. Matapos magkaroon ng mga kahihinatnan ang mga paglabag nila, hindi nila alam kung paano magsisi pero hindi sila mapakali. Nag-aalala sila sa kahihinatnan nila sa hinaharap at sa kahahantungan nila, at kinikimkim nila ang lahat ng ito sa mga puso nila, laging iniisip na, “Tapos at wasak na ako, kaya ituturing ko na lang ang sarili ko na wala nang pag-asa. Kung isang araw ay ayaw na ng Diyos sa akin at kinamumuhian na Niya ako nang lubos, ang pinakamasamang bagay na mangyayari sa akin ay ang mamatay. Ipinapaubaya ko na ang sarili ko sa pamamatnugot ng Diyos.” Sa panlabas ay sinasabi nilang ipinapaubaya nila ang kanilang sarili sa ilalim ng pamamatnugot ng Diyos at nagpapasakop sila sa Kanyang mga pagsasaayos at kataas-taasang kapangyarihan, pero ano ba ang talagang kalagayan nila? Ito ay paglaban, pagmamatigas, di-pagsisisi. Ano ang ibig sabihin ng di-pagsisisi? Nangangahulugan itong kumakapit sila sa mga ideya nila, hindi naniniwala o tumatanggap sa anumang sinasabi ng Diyos, laging iniisip na, “Ang mga salita ng Diyos ng pangangaral at kaaliwan ay hindi para sa akin, kundi para sa ibang tao. Tungkol naman sa akin, ako ay tapos na, tinanggal na ako, wala akong halaga—matagal na akong sinukuan ng Diyos, at kahit na gaano man ako umamin sa mga kasalanan ko, manalangin, o humagulgol sa pagsisisi, hindi na Niya ako bibigyan pa ng isang pagkakataon.” Anong saloobin ito, kapag sinusukat at pinagdududahan nila ang Diyos sa mga puso nila? Saloobin ba ito ng pag-amin at pagsisisi? Kitang-kita namang hindi. Ang ganitong uri ng saloobin ay kumakatawan sa isang klase ng disposisyon—ang pagmamatigas, matinding pagmamatigas. Sa panlabas ay mukha silang talagang nag-aakalang mas matuwid sila kaysa sa iba, walang pinakikinggan, nauunawaan ang bawat doktrina subalit walang isinasagawang anuman. Sa katunayan, mayroon silang mapagmatigas na disposisyon. Sa perspektiba ng Diyos, ang pagiging mapagmatigas ba ay pagpapasakop o pagrerebelde? Ito ay malinaw na pagrerebelde. Gayunman, pakiramdam nila ay lubha silang nagawan ng mali, “Dati ay mahal na mahal ko ang Diyos, pero hindi Niya mapalampas ang isang maliit na pagkakamaling nagawa ko, at ngayon ay wala na akong kahihinatnan. Hinatulan na ng Diyos ang mga taong gaya ko. Ako si Pablo.” Sinabi ba ng Diyos na ikaw si Pablo? Hindi iyon sinabi ng Diyos. Sinasabi mong ikaw si Pablo—saan galing ito? Sinasabi mong papatayin ka ng Diyos, parurusahan, at ipapadala sa impiyerno. Sino ang nagpasya sa kahihinatnang ito? Malinaw na ikaw mismo ang nagpasya nito, sapagkat hindi kailanman sinabi ng Diyos na ipapadala ka sa impiyerno kapag tapos na ang Kanyang gawain, at na hindi ka makakapasok sa kaharian ng langit. Hangga’t hindi sinasabi ng Diyos na itinataboy ka Niya, mayroon kang pagkakataon at karapatang hangarin ang katotohanan, at dapat mo lang tanggapin ang paghatol at pagkastigo ng mga salita ng Diyos. Dapat kang magkaroon ng ganitong uri ng saloobin, sapagkat ito ang saloobin ng pagtanggap sa katotohanan at sa pagliligtas ng Diyos, at ng tunay na pagsisisi. Lagi kang kumakapit sa mga sarili mong kuru-kuro, imahinasyon, at maling pagkakaunawa; puno at okupado ka na ng mga bagay na ito, at nakapagpasya ka pa nga na hindi ka ililigtas ng Diyos, at pagkatapos ay nagkaroon ka ng isang takbo ng pag-iisip na pabasta-basta sa pagganap mo ng iyong tungkulin, isang takbo ng pag-iisip na ipinapalagay na wala ka nang pag-asa, isang takbo ng pag-iisip na negatibo at pasibo, isang takbo ng pag-iisip na mabuhay na lang araw-araw, isang takbo ng pag-iisip na pagraraos lang. Makakamit mo ba ang katotohanan? Hindi mo makakamit ang katotohanan nang may ganitong mentalidad, at hindi ka maliligtas. Hindi ba’t kaawa-awa ang ganitong tao? (Oo, kaawa-awa sila.) Ano ang dahilan ng kanilang pagiging lubhang kaawa-awa? Ito ay dahil sa kamangmangan. Kapag may mga nangyayari, hindi nila hinahanap ang katotohanan kundi lagi silang nag-aaral at naghahaka-haka, at gusto pa nga nilang suriin ang mga salita ng Diyos para makita kung ano ang nasabi na tungkol sa kanilang sitwasyon, kung ano ang saloobin ng Diyos, kung paano Siya humahatol, at kung ano ang kahihinatnan nila—at sa pamamagitan nito ay matutukoy nila kung ano ang magiging resulta ng bagay na iyon. Ang ganito bang pamamaraan ay paghahanap sa katotohanan? Siguradong hindi. Ikinababahala nila ang mga salita ng Diyos na nagkokondena at sumusumpa, nabubuhay sila sa pagiging negatibo—na mukhang karupukan, kahinaan, at pagkanegatibo, pero sa katunayan ay isang uri ng paglaban. Ano ang disposisyong nasa likod ng paglaban? Ito ay ang pagiging mapagmatigas. Sa mga mata ng Diyos, ang pagiging mapagmatigas na ito ay isang uri ng pagrerebelde, at ang pinakakinasusuklaman Niya. Kung ayaw kang iligtas ng Diyos, bakit ka Niya sasabihan ng napakaraming katotohanan, bibigyan ng napakaraming landas ng pagsasagawa, o hihikayatin gamit ang mga gayong tapat na salita? Pero sinasabi mo pa rin na hindi ka ililigtas ng Diyos. Ano ang batayan nito? Laging umaasa ang puso ng Diyos na magsisisi ang mga tao, pero ang mga tao pa nga ang hindi nagbibigay ng pagkakataon sa kanilang mga sarili. Ano ang isyu rito? Ito ay na ang kalikasan ng tao ay napakamapanlinlang. Hindi nananampalataya ang mga tao sa Diyos o sa mga salita Niya, at ito ang saloobin kung paano nila tinatrato ang Diyos. Maaaring may magsasabi: “Tapat ang Diyos, at sa Kanyang mga salita ay naroon ang paghatol, paglalantad, pagkondena, mga sumpa, awa, at kapatawaran. Alam ko na ang lahat ng salitang ito ay kumakatawan sa disposisyon ng Diyos, pero hindi ko alam kung alin sa mga ito ang nakatuon sa sitwasyon ko. Lagi kong nararamdaman na ang mga salita ng pagkondena at pagsumpa ng Diyos ay para sa akin, samantalang ang Kanyang mga salita ng pagpapala at pagsang-ayon ay para sa mga naghahangad sa katotohanan. Katapusan ko na, anuman ang kaso.” Mayroon silang ganitong uri ng mapangahas na saloobin mula simula hanggang wakas, at ginagamit nila ito bilang palusot para sabihin na hindi sila ililigtas ng Diyos. Iisipin nila, “Dahil hindi Mo ako ililigtas, O Diyos, mas mabuti pang maging pabasta-basta na lang ako sa pagganap ko ng aking tungkulin. Kung hindi Mo ako pagkakalooban ng gantimpala, bakit pa ako magpapakahirap gumawa?” Nagbabago ang takbo ng pag-iisip nila, at nagiging hindi makatwiran. Hindi nila tinatanggap ang katotohanan, bagkus ginagamit nila ang sarili nilang mga layunin, negatibong kalagayan, at mga imahinasyon, haka-haka, at pagdadahilan ng tao para sumalungat at makipagtunggali sa Diyos. Nabubuhay sila sa pagiging negatibo, walang interes sa paghahanap sa katotohanan o pagbabahaginan dito, at walang interes na isagawa ito o maging isang tapat na tao. Nagkaroon sila ng isang mailap na saloobin ukol dito, at maging ngayon ay hindi pa sila nagigising, kundi nabubuhay pa rin sa isang negatibong kalagayan. Sinasabi ng Diyos na ang ganitong klase ng mga tao ang pinakakaawa-awa. Mula simula hanggang wakas, palaging ang mga tao ang siyang nakikipagtunggali sa Diyos, ang mga tao ang siyang may haka-haka at maling pagkaunawa sa Kanya, at ang nagpapahirap sa mga sarili nila gamit ang mga kuru-kuro at imahinasyon ng tao hanggang sa maging negatibo na sila. Lumayo sila sa Diyos, pero gusto pa rin nilang pakinabangan Siya at makipagtawaran sa Kanya, nang wala ni katiting na pagbabago. Hindi ba’t sila ang may gawa nito sa sarili nila? Katulad lang ito ng sinasabi sa mga liriko na, “nagpapakagutom sila sa isang malaking pista.” Ito ay napakakaawa-awa. Nagbibigay ang Diyos ng kasaganaan sa tao, pero patuloy na nanlilimos ang tao nang may butas na lalagyan. Hindi ba’t isa itong pulubi na karapat-dapat magdusa?

Mula’t simula, madalas Ko na kayong hinimok na dapat hanapin ng bawat isa sa inyo ang katotohanan. Hangga’t may pagkakataong gawin ito, huwag kayong susuko; ang paghahanap sa katotohanan ay obligasyon, responsabilidad, at tungkulin ng bawat isang tao, at ang landas na dapat lakaran ng bawat tao, pati na ang landas na dapat lakaran ng lahat ng maliligtas. Ngunit walang dumirinig nito—walang nag-iisip na isa itong mahalagang bagay, naniniwalang salita ng pagmamalinis lamang ito, iniisip ng bawat tao kung ano ang gusto nila. Mula simula hanggang ngayon, bagama’t marami na ang humahawak ng mga aklat ng mga salita ng Diyos sa kanilang mga kamay at binabasa ang mga ito, ang nakikinig sa mga pangaral, ang tila tumanggap ng lahat ng paghatol at pagkastigo ng Diyos at ng Kanyang patnubay habang ginagampanan nila ang kanilang mga tungkulin, sa katunayan, hindi pa naitatag ang isang ugnayan sa pagitan ng tao at ng Diyos, at ang lahat ng tao ay namumuhay ayon sa kanilang mga imahinasyon, kuru-kuro, maling pagkaunawa, at haka-haka, at namumuhay pa nga sa araw-araw nang may pagdududa at pagkanegatibo, at hinaharap nila ang mga salita, ang gawain at ang paggabay ng Diyos batay sa mga bagay na ito. Kung nabubuhay ka sa gayong mga kalagayan, paano mo maiwawaksi ang pagiging negatibo? Paano mo maiwawaksi ang pagiging mapaghimagsik? Paano mo maiwawaksi ang kaisipan at saloobin ng panlilinlang at kabuktutan o ang haka-haka at maling pagkaunawang ginagamit mo sa pagharap mo sa atas at tungkuling ibinigay sa iyo ng Diyos? Tiyak na hindi maiwawaksi ang mga ito. Samakatwid, kung hangad mong tahakin ang isang landas ng paghahanap at pagsasagawa sa katotohanan at ng pagpasok sa katotohanang realidad, dapat kang pumaroon kaagad sa harapan ng Diyos, manalangin sa Kanya, at hanapin ang Kanyang mga layunin—at ang maunawaan ang Kanyang mga pagnanais ang pinakamahalaga sa lahat. Napakaimpraktikal na laging mamuhay sa mga kuru-kuro at imahinasyon; dapat mong matutuhang pagnilayan ang sarili mo sa lahat ng bagay, at makilala kung aling mga tiwaling disposisyon na mayroon ka pa rin ang kailangang linisin, kung aling mga bagay ang humahadlang sa iyo sa pagsasagawa ng katotohanan, kung anong mga maling pagkakaunawa o mga kuru-kuro ang mayroon ka tungkol sa Diyos, at kung aling mga bagay na ginagawa Niya ang hindi umaayon sa mga kuru-kuro mo, kundi nagsasanhi sa iyong magduda at magkamali ng pagkaunawa. Kung pagninilay-nilayan mo ang sarili mo sa ganitong paraan, maaari mong matuklasan kung aling mga problema na mayroon ka pa ang kailangang lutasin sa pamamagitan ng paghahanap sa katotohanan, at kung magsasagawa ka nang gaya nito ay mabilis na lalago ang buhay mo. Kung hindi mo pagninilay-nilayan ang sarili mo kundi lagi kang magkikimkim ng mga kuru-kuro at maling pagkaunawa sa iyong puso tungkol sa Diyos, kung lagi mong ipipilit ang sarili mong mga ideya, lagi mong iisipin na binibigo ka ng Diyos o hindi Siya patas sa iyo, at lagi kang kakapit sa sarili mong pangangatwiran, ang maling pagkakaunawa mo sa Diyos ay lalo lamang lalalim at mapapalayo lang nang mapapalayo ang ugnayan mo sa Kanya, habang ang pagrerebelde at pagsalungat sa Kanya ng puso mo ay titindi nang titindi. Mapanganib kung ang kalagayan mo ay sasama nang ganito, sapagkat seryoso na nitong maaapektuhan kung gaano ka kaepektibo sa pagganap mo ng iyong tungkulin. Magagawa mo lang tratuhin ang tungkulin at responsabilidad mo nang may saloobin na walang ingat, pabasta-basta, walang pagpipitagan, nagrerebelde, at lumalaban, at ano ang magiging resulta sa huli? Magtutulak sa iyo ito na maging pabasta-basta sa paggawa mo ng iyong tungkulin, na maging mapanlinlang at lumalaban sa Diyos. Hindi mo makakamit ang katotohanan, ni mapapasok ang mga katotohanang realidad. Ano ang pinakadahilan ng resultang ito? Ito ay dahil ang mga tao ay mayroon pa ring mga kuru-kuro at maling pagkaunawa sa Diyos sa kanilang puso, at ang mga praktikal na problemang ito ay hindi pa nalulutas. Kaya, laging magkakaroon ng malaking agwat sa pagitan ng mga tao at ng Diyos. Kaya, kung nais humarap ng mga tao sa Diyos, kailangan muna nilang pagnilayan kung anong mga maling pagkaunawa, kuru-kuro, imahinasyon, pag-aalinlangan, o haka-haka ang mayroon sila tungkol sa Diyos. Lahat ng ito ay dapat na siyasatin. Totoong ang pagkakaroon ng mga kuru-kuro o maling pagkakaunawa sa Diyos ay hindi simpleng bagay, sapagkat may kinalaman ito sa saloobin ng mga tao sa Diyos pati na rin sa kanilang kalikasang diwa. Kung hindi hahanapin ng mga tao ang katotohanan upang lutasin ang mga kuru-kuro at maling pagkaunawang ito, ang mga bagay na ito ay hindi naman maglalaho na lamang. Kahit na hindi pa maapektuhan ng mga ito ang pagganap mo sa iyong tungkulin o ang paghahangad mo sa katotohanan, kapag may nangyayari o dahil sa mga espesyal na pagkakataon ay lilitaw pa rin ang mga ito upang guluhin ang isipan mo at ang pagganap mo sa iyong tungkulin. Kaya, kung mayroon kang mga kuru-kuro at maling pagkakaunawa, dapat mong harapin ang Diyos at pagnilayan ang sarili mo, hanapin ang katotohanan, at malinaw na maunawaan ang ugat at ang diwa kung bakit umuusbong sa mga tao ang mga kuru-kuro at maling pagkakaunawang ito. Saka lamang maglalaho ang mga ito, magiging normal ang relasyon mo sa Diyos, at unti-unti nang lalago ang buhay mo. Ang pagkakaroon ng mga tao ng napakaraming kuru-kuro at maling pagkakaunawa tungkol sa Diyos ay nagpapatunay na ang sangkatauhan ay lumalaban at hindi tugma sa Kanya. Tanging sa pamamagitan ng patuloy na paglutas sa mga kuru-kuro at maling pagkakaunawang ito na ang agwat sa pagitan ng mga tao at ng Diyos ay unti unting mawawala. Makapagpapasakop na sila sa Diyos, at magkakaroon na sila ng mas malaking pananalig sa Kanya; kung may ganito nang mas malaking pananalig, ang pagsasagawa nila sa katotohanan ay hindi na gaanong madudungisan, at mas magiging kaunti na ang dungis at mga hadlang sa paghahangad nila sa katotohanan.

Aling mga tao ang mas dalisay gumanap ng kanilang mga tungkulin, at hindi masyadong nagpapakana para sa kapakanan nila? (Ang mga mas simpleng tao, iyong mga hindi mali ang pagkakaunawa sa Diyos.) Isang klase ito, pero mayroon ding matatapat na tao, mababait na tao, iyong mga mas hinahangad ang katotohanan—mas dalisay gumanap ng kanilang mga tungkulin ang mga taong ito. Iyong mga may maling pagkakaunawa o mga imahinasyon tungkol sa Diyos, o mayroong maluluhong pagnanais o mga hinihingi sa Kanya, ay labis na hindi dalisay gumanap ng kanilang mga tungkulin. Gusto nila ng katanyagan, katayuan, at mga gantimpala, at kung malayo pa at hindi pa abot-tanaw ang isang malaking gantimpala, mag-iisip-isip sila, “Dahil hindi ko pa ito makukuha kaagad, kailangan ko lang maghintay at magtiis. Pero dapat ngayon ay makakuha muna ako ng kaunting mga pakinabang, o kahit man lang kaunting katayuan. Pagsisikapan ko munang maging isang lider sa iglesia, na maging responsable para sa dose-dosenang tao. Kahali-halina ang laging may nakapaligid sa iyo na mga tao.” At sa gayon ay nagkakaroon ng karumihang ito ang kanilang pananampalataya sa Diyos. Kapag wala ka pang ginagampanang kahit anong tungkulin, o nagagawang kahit anong praktikal na bagay para sa sambahayan ng Diyos, mararamdaman mong hindi ka kwalipikado, at hindi uusbong sa iyo ang mga bagay na ito. Pero kapag may kakayahan kang gawin ang isang bagay, at sa tingin mo ay nakakaangat ka nang kaunti sa karamihan ng tao, at kaya mong ipangaral ang ilang doktrina, uusbong na ang mga bagay na ito. Halimbawa, kapag maghahalal ng isang lider, kung isa o dalawang taon ka pa lamang nakakapanampalataya sa Diyos, madarama mong mababa ang tayog mo, na hindi mo kayang mangaral ng kahit anong sermon, at na hindi ka kwalipikado, kaya aatras ka sa halalan. Matapos ang tatlo o limang taong pananampalataya, kakayanin mo nang ipangaral ang ilang espirituwal na doktrina, kaya pagdating ng panahon para maghalal muli ng isang lider, maagap mong aasamin ang posisyong iyon at magdarasal ka na, “O Diyos! Nagdadala ako ng pasanin, handa akong maging lider sa iglesia, at handa akong maging mapagsaalang-alang sa Iyong mga layunin. Pero mahalal man ako o hindi, lagi pa rin akong handang magpasakop sa mga pagsasaayos Mo.” Sasabihin mong handa kang magpasakop, pero sa puso mo, iisipin mo, “Pero maganda sana kung hahayaan Mo akong masubukan na maging isang lider!” Kung may ganoon kang hinihingi, tutugunan ba ito ng Diyos? Siguradong hindi, dahil ang hinihingi mong ito ay hindi isang lehitimong kahilingan, kundi isang maluhong pagnanais. Kahit na sabihin mo pang gusto mong maging isang lider para makapagpakita ka ng konsiderasyon para sa pasanin ng Diyos, gamit ang palusot na ito bilang pangangatwiran mo, at pakiramdam mo ay ayon ito sa katotohanan, ano ang iisipin mo kapag hindi tinugunan ng Diyos ang hinihingi mo? Anong mga pagpapamalas ang ipapakita mo? (Mali ang magiging pagkaunawa ko sa Diyos, at magtataka ako kung bakit hindi Niya ako pinalugod samantalang gusto ko lang naman na magpakita ng konsiderasyon para sa pasanin Niya. Magiging negatibo ako, lalaban ako, at magrereklamo ako.) Magiging negatibo ka, at iisipin mong, “Ang taong inihalal nila ay hindi pa nakakapanampalataya sa Diyos nang kasingtagal ko, mas mababa ang pinag-aralan niya kaysa sa akin, at mas mababa ang kakayahan niya kaysa sa akin. Kaya ko ring ipangaral ang mga sermon, kaya saan siya mas magaling kaysa sa akin?” Mag-iisip ka nang mag-iisip, pero hindi mo ito maiintindihan, kaya magkakaroon ka ng mga kuru-kuro, at huhusgahan mo ang Diyos bilang hindi matuwid. Hindi ba’t isa itong tiwaling disposisyon? Makakapagpasakop ka pa rin ba? Hindi na. Kung wala kang pagnanasang maging isang lider, kung kaya mong hangarin ang katotohanan, at kung kilala mo ang sarili mo, sasabihin mo, “Ayos lang sa akin ang maging isang ordinaryong tagasunod. Wala akong taglay na katotohanang realidad, mayroon lamang akong karaniwang pagkatao, at hindi ako masyadong magaling magsalita. May kaunti akong karanasan pero hindi talaga ako makapagsalita tungkol dito. Gusto kong magsalita pa tungkol dito pero hindi ko maipaliwanag nang malinaw ang sarili ko. Kung magsasalita pa ako, malamang na magsasawa ang mga tao sa pakikinig sa akin. Kulang ang kakayahan ko para sa posisyong ito. Hindi ako bagay maging isang lider, at dapat lang na magpatuloy akong matuto sa iba, gampanan ang aking tungkulin sa abot ng aking makakaya, at hangarin ang katotohanan nang may pagpapakumbaba. Balang araw, kapag may tayog na ako at angkop nang mamuno, hindi ako tatanggi kapag hinalal ako ng aking mga kapatid.” Ito ang wastong lagay ng pag-iisip. Kung balang araw ay makita ng mga kapatid na bagay ka nang maging lider at ihalal ka nila, tiyak na mangyayari ito dahil pinahintulutan ito ng Diyos, kung ganoon mamumuno ka ba o hindi? (Oo, mamumuno ako, magpapasakop ako.) Paano ka magpapasakop? Sabihin nating iniisip mo, “Sa tingin ko ay kaya kong gawin ito. Wala nang iba pa na mas magaling kaysa sa akin, kaya siguradong kaya kong gawin ito. Ito ay pag-antig ng Diyos sa aking mga kapatid para ihalal ako. Sa mga taong ito, ako ang pinakamatagal nang nananampalataya sa Diyos, nasa tamang gulang ako, may ilang karanasan na ako sa lipunan, at mayroon akong kapabilidad sa paggawa, magaling akong magsalita at edukado ako, nagampanan ko na ang lahat ng iba’t ibang uri ng tungkulin at mayroon na akong ilang karanasan. Angkop ako sa lahat ng aspekto. Kung ang mga kapatid ko ay nasa ilalim ng aking pamumuno, tiyak na ang buhay-iglesia ay uunlad at bubuti nang bubuti.” Kung magkagayon, umuusbong sa iyo ang pagmamataas. May katwiran ba ito? Ano ang susunod mong gagawin? Gagawa ka ng mga buktot at masasamang bagay, at kung magkagayon ay kailangan kang pungusan, at kailangan mong humarap sa paghatol at pagkastigo. Mahalaga ba ang lagay ng kaisipan ng isang tao? (Oo, mahalaga ito.) Anuman ang ginagawa mo, dapat mong pagnilayan at maunawaan ang mga motibo mo, ang pinanggagalingan mo, ang mga layunin mo, ang mga mithiin mo, at ang lahat ng kaisipan mo, nang ayon sa katotohanan, at matukoy kung tama ba o mali ang mga ito. Lahat ng ito ay dapat na taglay ang mga salita ng Diyos bilang pundasyon at saligan ng mga ito, nang sa gayon ay hindi ka tumahak sa maling landas. Anuman ang gusto mong gawin, o ang iyong hinahanap, ipinapanalangin, o hinihingi sa Diyos, dapat na lehitimo at makatwiran ito, dapat na puwede itong pag-usapan at aprubahan ng lahat. Walang saysay na hanapin at ipanalangin ang mga bagay na hindi naman puwedeng ilantad. Gaano mo man ipanalangin ang mga bagay na iyon, wala iyong silbi.

Laging hindi dalisay ang mga tao habang ginagampanan ang kanilang mga tungkulin; lagi silang nahahaluan ng sarili nilang mga layunin at kagustuhan. Kung gayon, sadya bang pinapayagan ng mga tao na mahaluan sila? Hindi, hindi ito sinadya. Ang dami ng pagkakahalo na mayroon ang isang tao ay nakadepende sa kanyang mga disposisyon at sa kanyang hinahangad. Kung hinahangad ng isang tao ang katotohanan, magkakaroon siya ng mas kaunting intensyon, makasariling motibo, pagnanasa, at mga negatibong kalagayan kapag ginagampanan niya ang kanyang tungkulin. Kung hindi niya hinahangad ang katotohanan, mas marami siyang magiging pagkakahalo, at malamang na magiging negatibo siya kapag naharap siya sa kabiguan o mga dagok, minsan ay natitisod pa nga siya sa isang pangungusap. Lagi ninyong pinag-uusapan ang “pagkaramdam na pinahihirapan ng pagpapahalaga sa sarili, katayuan, at pagmamahal”—pakiramdam ninyo ay pinahihirapan kayo ng lahat ng bagay, nang buong araw. Hindi ito makatwiran. Madalas napangingibabawan ang mga tao ng kanilang satanikong kalikasan, nabubuhay sila sa ilalim ng kontrol ng kanilang mga satanikong disposisyon, at mayroon silang lahat ng uri ng maluluhong pagnanais, pero hindi nila hinahanap ang katotohanan para lutasin ang mga iyon. Anumang uri ng katiwalian ang ipakita nila, pakiramdam nila lagi ay negatibo at pinahihirapan sila. Kung pakiramdam ninyo ay pinahihirapan kayo, nanganganib kayo; tuwing nababanggit ang pagkaramdam na pinahihirapan, hindi ito kailanman mabuting bagay. Bakit? Ang salitang “pinahihirapan” mismo ay ni hindi makatwiran—nakakaramdam lang ang mga tao ng pagpapahirap sa ilalim ng mga espesyal na sitwasyon, at hindi ito pagpapamalas na kadalasang ipinapakita ng mga naghahangad sa katotohanan. May mali sa pagkaramdam na laging pinahihirapan, may problema sa gayong klase ng mga tao—ito ay kalagayan ng pagiging negatibo at paglaban. Bukod pa roon, hindi tama at hindi akma na gamitin ang salitang “pinahihirapan” sa ganitong paraan. Bakit ba sa huli ay walang nakukuhang resulta ang mga taong laging nakakaramdam ng pagpapahirap? Ito ay dahil hindi nila hinahanap ang katotohanan, sa halip ay lagi silang negatibo at lumalaban, sinasalungat ang Diyos. Ang resulta nito ay labis silang nagdurusa pero walang anumang napapala. Ang mga taong minamahal ang katotohanan ay laging magpapasakop sa kataas-taasang kapangyarihan at pagsasaayos ng Diyos, anumang paghihirap o problema ang harapin nila. Tatanggapin nila ang mga pamamatnugot ng Diyos, lalapit sila sa Kanya upang hanapin ang katotohanan, at tatahakin nila ang landas ng paghahangad sa katotohanan. Huwag kayong makaramdam ng pagpapahirap nang walang magandang dahilan, dahil hindi kayo nito madadala saanman. Halimbawa, nadarama mong pinahihirapan ka ng pagmamahal, pero kaya mo bang makawala rito? Nadarama mong pinahihirapan ka ng katayuan, pero may tunay ka bang kabatiran sa katayuan? Nadarama mong pinahihirapan ka ng iyong kinabukasan at kapalaran, pero kaya mo bang makalaya sa mga paglilimita ng iyong kinabukasan at kapalaran? Kaya mo bang bitiwan ang iyong pagnanasa para sa mga pagpapala? (Hindi, hindi ko kaya.) Kung gayon, paano mo malulutas ang mga problemang ito? Dapat na malutas ang lahat ng ito sa pamamagitan ng paghahangad sa katotohanan. Malulutas ng paghahangad sa katotohanan ang mga hindi makatwirang hinihingi at ang maluluhong pagnanais ng mga tao, pati na rin ang mga maling pagkakaunawa nila sa Diyos at ang mga imahinasyon, haka-haka, pagdududa, at paglilimita nila tungkol sa Kanya. Makakaramdam pa rin ba ng pagpapahirap ang mga tao kapag nalutas na ang lahat ng kalagayang ito? Hindi ba’t maglalaho na lang ang lahat ng kalagayang ito ng pagkaramdam na pinahihirapan? Sa panahong iyon, ano ang magiging mga kaisipan, mga pananaw, saloobin, at kalagayan mo? Makakapagpasakop at makakapaghintay ka na, at hindi ka na lalaban sa kataas-taasang kapangyarihan at pagsasaayos ng Diyos, ni maghihimagsik laban sa Kanya o manghuhusga sa Kanya. Bukod pa rito, kapag dumampi ang kamay ng Diyos sa iyo, o namatnugot Siya ng isang kapaligiran para sa iyo, magagawa mong aktibong makipagtulungan at magpasakop sa Kanya sa halip na lumaban o umiwas, at lalo nang hindi mo susubukang tumakas dito. Magkakaroon ka ng higit pa sa mga positibong kalagayang ito, at pinatutunayan nito na hinahangad mo ang katotohanan. Gayumpaman, kung laging okupado ng mga negatibong bagay ang pag-iisip mo at naiimpluwensiyahan ng mga iyon ang iyong pang-araw-araw na mga pagkilos, kaisipan, at ideya, at naaapektuhan ng mga iyon ang kalagayan mo, pinatutunayan nito na hindi mo man lang hinahangad ang katotohanan, at sa kalaunan ay ititiwalag ka.

Kapag gumaganap ang maraming tao ng kanilang mga tungkulin, lagi silang nahahaluan ng kanilang mga layunin, lagi nilang sinusubukang maitangi ang kanilang sarili, gusto nilang laging mapuri at mapalakas ang kanilang loob, at kapag may ginawa sila na mabuti, gusto nilang lagi itong may kapalit o gantimpala; kung walang gantimpala, wala silang interes na gampanan ang kanilang mga tungkulin, at kung walang papansin o manghihimok sa kanila, nagiging negatibo sila. Sila ay pabago-bago, gaya ng mga bata. Ano ba ang nangyayari dito—bakit ba laging nahahaluan ng kanilang mga layunin ang mga tao sa kanilang mga tungkulin at hindi nila kailanman maisantabi ang mga ito? Ang pangunahing dahilan ay hindi nila tinatanggap ang katotohanan; bunga nito, kahit gaano mo pa ibahagi ang katotohanan sa kanila, wala silang kakayahan na isantabi ang mga bagay na ito. Kung hindi kailanman malulutas ang mga isyung ito, sa paglipas ng panahon, madali silang magiging negatibo, at lalong magiging walang interes sa pagganap ng kanilang mga tungkulin. Kapag nakita nila ang mga salitang mula sa Diyos tungkol sa pagiging sinang-ayunan o pinagpala, nagkakaroon sila ng kaunting motibasyon, at medyo sinisipag sila; pero kung walang nagbabahagi sa kanila ng katotohanan, kung walang nagbibigay ng motibasyon o papuri sa kanila, nagiging walang interes sila. Kung malimit silang mahangaan, masabihan ng magagandang salita, at mapuri ng mga tao, pakiramdam nila ay napakagaling nila, at sa kanilang mga puso, sigurado silang pinoprotektahan at pinagpapala sila ng Diyos. Sa gayong mga pagkakataon, natatamo at natutupad ang kanilang pagnanais na mamukod-tangi sa karamihan, pansamantalang napapawi ang kanilang layong mapagpala, at nagagamit ang kanilang mga kasanayan at talento, na nagbibigay sa kanila ng karangalan. Napapalukso sila sa sobrang saya, napapangiti sila nang husto. Ito ba ang epekto ng paghahangad sa katotohanan? (Hindi.) Ito ay dahil lamang nabibigyang-kasiyahan ang kanilang mga ninanais. Anong disposisyon ito? Isa itong mapagmataas na disposisyon. Wala silang kahit katiting na kabatiran sa sarili, pero may mga magagarbong ninanais. Kapag nahaharap sa ilang paghihirap o suliranin, o kung hindi nabibigyang-kasiyahan ang kanilang pagpapahalaga sa sarili at banidad, o kung nakokompromiso kahit bahagya man ang kanilang mga interes, nagiging negatibo sila at nalulugmok. Dati, nakatayo silang kasingtaas ng higante, pero sa loob lamang ng ilang araw ay gumuho na sila at naging isang tumpok ng alikabok—sobrang laki ng pagkakaiba. Kung sila ay mga taong naghahangad ng katotohanan, paanong napakabilis nilang natumba? Malinaw na napakahina ng mga taong gumaganap ng kanilang mga tungkulin batay sa kasigasigan, mga hangarin, at ambisyon; kapag may nasasagupa silang ilang balakid o kabiguan, natutumba sila. Ang makita ang kanilang mga imahinasyon na mauwi sa wala, hindi matupad ang kanilang mga hangarin, at wala silang pag-asang mapagpala, nabubuwal sila kaagad. Ipinapakita nito na kahit gaano pa sila naging masigasig sa kanilang mga tungkulin nang sandaling iyon, ito ay hindi dahil sa naunawaan nila ang katotohanan. Ginagampanan nila ang kanilang mga tungkulin nang may pagnanais na pagpalain sila, at dahil sa kanilang kasigasigan. Kahit gaano pa kasigasig ang mga tao, o kahit gaano pa karaming mga salita at doktrina ang kaya nilang ipangaral, kung wala silang kakayahang isagawa ang katotohanan, kung hindi nila kayang gampanan ang kanilang mga tungkulin nang ayon sa prinsipyo, kung umaasa lang sila sa kasigasigan, hindi sila makakatagal, at kapag naharap sila sa paghihirap o sakuna, hindi sila makakapanindigan, at mabubuwal sila. May ilang tao na bumabagsak na lang kapag nahaharap sa kabiguan o mga dagok, ang iba ay bumabagsak kapag pinupungusan, habang ang iba naman ay bumabagsak kapag nahaharap sa pagdidisiplina. Ang mga hindi nagtataglay ng katotohanan ay laging bumabagsak sa unang sagabal sa ganitong paraan. Kung gayon, ano ang mga pagpapamalas ng isang taong hinahangad ang katotohanan? (Anupamang uri ng pagpipino ang harapin niya, kahit na napakasakit pa nito sa kanya, hindi siya magiging negatibo. Hahanapin niya ang katotohanan at magpapasakop siya sa kataas-taasang kapangyarihan at pagsasaayos ng Diyos.) Ang hindi pagiging negatibo ay isang pagpapamalas, pero hindi pa ninyo nakikita ang pangunahing pagpapamalas, na hindi nahahadlangan o naaapektuhan ang mga taong naghahangad sa katotohanan kapag ginagampanan nila ang kanilang mga tungkulin, anupamang mga paghihirap, sakit, o kahinaan ang nararanasan nila. Ang mga hindi naghahangad sa katotohanan ay ganado sa pagganap sa kanilang mga tungkulin kapag masaya sila; gaano man sila magdusa, hindi sila nakakaramdam ng pagod, at kaya nilang isantabi ang lahat ng personal na bagay, at hindi iwan ang kanilang mga tungkulin. Pero iba na kapag hindi sila masaya. Nakakaramdam na sila ng sobrang pagod kahit na gumagawa lamang ng katiting na gawain, at kung nagdurusa sila nang kaunti, nagrereklamo sila, at lagi nilang iniisip na makauwi na para magpakasaya sa buhay at yumaman, at lagi silang nag-iisip ng daan na malalabasan nila. Pero iniisip ng mga naghahangad sa katotohanan, “Gaano man ako magdusa, kailangan kong gampanan nang maayos ang tungkulin ko at suklian ang pag-ibig ng Diyos. Sa pagganap ko lamang nang maayos sa aking tungkulin na magkakaroon ako ng konsensiya at katwiran, at magiging karapat-dapat ako na tawaging tao.” Maliban sa pagtuon sa pagganap nang maayos sa kanilang mga tungkulin, nagagawa rin nilang kainin at inumin ang mga salita ng Diyos at makipagbahaginan tungkol sa katotohanan kasama ng kanilang mga kapatid anumang mga problema ang kinakaharap nila, at hinahanap nila ang katotohanan para lutasin ang kanilang mga paghihirap. Pinag-iisipan nila ang mga bagay na ito nang paulit-ulit: “Paano ko ba malulutas ang kalagayang ito? Nasaan ang problema? Bakit negatibo ang pakiramdam ko? Bakit ako pinupungusan? Paano ko ito nagawa nang mali? Saan ako nagkamali? Isa ba itong problema sa disposisyon, hindi ba ako magaling sa larangang ito, o nagkikimkim ba ako ng ilang pansariling layunin?” Nakakakuha na sila ng mga resulta pagkatapos nilang suriin ang mga bagay na ito nang ilang araw, at napagtatanto nila na ang gawain ng iglesia ay nagdusa dahil sila ay nagkimkim ng sarili nilang mga layunin, natakot na salungatin ang iba, at hindi nagsaalang-alang ng mga interes ng sambahayan ng Diyos. Ano ang dapat ninyong maging saloobin pagkatapos ninyong marating ang ganitong klaseng kongklusyon? Paano ninyo dapat lutasin ang problemang ito? Dapat ninyong tanggapin ang paghatol, pagkastigo, at pagpupungos ng mga salita ng Diyos, pagnilayan ang inyong sarili sa loob ng Kanyang mga salita, ikumpara ang inyong kalagayan sa Kanyang mga salita, at magkamit ng pagkaunawa sa mga sarili ninyong tiwaling disposisyon. Sa ganitong paraan ay malalaman ninyo kung kayo ba ay mga taong nagmamahal sa katotohanan at nagpapasakop sa Diyos o hindi. Sapat na ba ang magkaroon ng ganitong konklusyon? Kakailanganin pa rin ninyong magtapat at magsisi sa harap ng Diyos, sabihing, “Ang ginawa ko ay hindi naaayon sa katotohanan, ang mga kilos ko ay idinikta ng aking satanikong disposisyon. Handa akong magsisi, at hindi na ako muling maghihimagsik laban sa Diyos. Anuman ang mangyari, lagi kong hahanapin ang katotohanan, at lagi akong kikilos ayon sa mga hinihingi ng Diyos. Kung hindi ko magagawa iyon, nawa ay disiplinahin at parusahan ako ng Diyos.” Ito ang tunay na nagsisising puso. Kung makakapanalangin ka at makagagawa ka ng matibay na resolusyon sa ganitong paraan, at kung makapagsasagawa ka nang ganito, ito ay isang mapagpasakop na takbo ng pag-iisip. Kung daranas ka sa ganitong paraan, unti-unti ay makapagpapasakop ka sa gawain ng Diyos, mauunawaan mo Siya nang tunay, makikita mo na ang Kanyang disposisyon ay talagang matuwid at banal, at magkakaroon ka ng may-takot-sa-Diyos na puso. Magiging responsable ka at tapat sa pagganap ng iyong tungkulin, at sa ganitong paraan, magkakaroon ka ng kaunting praktikal na karanasan, at nakapasok ka na sa mga katotohanang realidad.

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.