Ang Landas ng Pagsasagawa Tungo sa Pagbabago ng Disposisyon ng Isang Tao (Ikalawang Bahagi)

Mayroon ba kayong landas para sa pagtatamo ng pagbabago sa disposisyon? Alam ba ninyo kung anu-anong mga bagay ang magbabago? Karaniwan ba ninyong pinagbabahaginan ang tungkol sa aspektong ito ng katotohanan? Ngayon lang, pinagbahaginan natin kung paanong hindi tinutukoy ng pagbabago sa disposisyon ang mga pagbabago sa panlabas na pag-uugali at pag-asal, o ang mga patakaran, ni hindi rin nito tinutukoy ang mga pagbabago sa personalidad ng isang tao. Kaya, ano ba talaga ito? Kailanman ba ay napag-isipan na ninyo ito? Una, kailangan nating matuklasan at maunawaan kung aling mga disposisyon at bagay ang nais ng Diyos na baguhin natin. Ang pagbabago sa disposisyon ay hindi isang pagbabago sa pag-uugali o personalidad, lalong hindi isang pagbabago kung saan nagiging mas may kaalaman o edukado ang mga tao; nais ng Diyos na baguhin ang mga kaisipan at pananaw ng bawat tao sa pamamagitan ng Kanyang mga salita, at mapaunawa sa kanila ang katotohanan, nang sa gayon ay makapagtamo sila ng isang pagbabago sa paraan ng pagtingin nila sa mga bagay-bagay. Isang aspekto lang ito, samantalang ang isa pa ay baguhin ang mga prinsipyong pinagbabatayan ng pag-asal ng mga tao, na isang pagbabago sa kanilang pananaw sa buhay; ang isa pa ay baguhin ang malalim na nag-ugat na satanikong kalikasan at disposisyong nabubunyag sa mga tao. Sa pangkalahatan, nasasaklawan ng pagbabago sa disposisyon ang tatlong aspektong ito.

Talakayin muna natin ang unang aspekto ng pagbabago sa disposisyon—ang paraan ng pagtingin ng mga tao sa mga bagay. Ang mga kaisipan at pananaw ng mga tao ay, partikular na, ang paraan ng pagtingin nila sa lahat ng bagay. Sa lubhang paggawang tiwali ni Satanas sa tao, marami sa mga kaisipan at pananaw na ito ay mali at katawa-tawa, at inililigtas ng Diyos ang mga tao sa pamamagitan ng pagbabago muna sa paraan ng pagtingin nila sa mga bagay-bagay. Isa na lang simpleng halimbawa: Ano ang inyong pagkaunawa sa kaalaman? Sa siyensiya? Ang kaalaman at siyensiya ba ang katotohanan? Malulutas ba ng mga iyon ang tiwaling disposisyon ng mga tao, at mabibigyang-daan silang magsabuhay ng wangis ng tao? Maliligtas ba ng mga iyon ang mga tao mula sa impluwensiya ni Satanas? Maaakay ba ng mga iyon ang mga tao para makilala at makapagpasakop sa Diyos? Magdudulot ba ang mga iyon ng kaligtasan, at ng pagtatamo ng magandang destinasyon? Talagang hindi. Ano ba ang pakinabang ng kaalaman sa buhay ng isang tao? Ano ba ang madadala nito sa kanya? Iniisip ng ilang tao na ang kaalaman ay isang mahalagang bagay sa mundong ito, at na kapag mas marami ang kaalaman nila, mas mataas ang kanilang katayuan at mas mahusay sila, mas marangal at may pinag-aralan, kaya hindi nila kakayanin nang walang kaalaman. Iniisip ng ilang tao na kung mag-aaral kang mabuti at pagyayamanin mo ang iyong kaalaman ay makukuha mo na ang lahat. Magkakaroon ka ng katayuan, pera, magandang trabaho at magandang kinabukasan; naniniwala silang kung walang kaalaman, imposibleng mabuhay sa mundong ito. Kung walang kaalaman ang isang tao, minamaliit siya ng lahat. Makakaranas siya ng diskriminasyon, walang magnanais na makisama sa kanya; makakapamuhay lang ang mga tao na walang kaalaman sa pinaka-laylayan ng lipunan. Sa gayon ay sinasamba nila ang kaalaman, at itinuturing na napakatayog at napakahalaga nito—higit pang mahalaga kaysa sa katotohanan. Maaaring sabihin ng isang tao: “Kung walang kaalaman, mauunawaan ko ba ang mga salita ng Diyos? Hindi ba’t nangungusap din Siya sa pamamagitan ng kaalaman at mga salita?” Lubhang magkaiba ang dalawang bagay na ito. Ang kaalamang sinasabi Ko ngayon ay tumutukoy sa kasaysayan ng tao, heograpiya, politika, literatura, makabagong siyensiya at teknolohiya, o mga partikular na kasanayan o asignatura at iba pa. Iniisip ng mga tao na bahagi itong lahat ng kalakasan ng sangkatauhan, at na ang lahat ay nasa mga tao na may kaalaman at nakakapanindigan sila sa mundong ito, kung kaya’t itinuturing ng lahat ng tao na lubhang mahalaga ang kaalaman. Sa madaling salita, paano mo man ito tingnan, isa itong aspekto ng mga kaisipan at pananaw ng tao. May isang sinaunang kasabihan ang nagsasabing: “Magbasa ka ng sampung libong aklat, maglakbay ka ng sampung libong milya.” Pero ano ang ibig sabihin nito? Ibig sabihin nito ay habang mas nagbabasa ka, lalo kang nagiging mas may kaalaman at maunlad. Tataas ang pagtingin sa iyo ng lahat ng grupo ng tao at magkakaroon ka ng katayuan. Lahat ng tao ay nagkikimkim ng ganitong mga uri ng mga kaisipan sa kanilang puso. Kung ang isang tao ay hindi makakukuha ng diploma sa kolehiyo dahil sa kapus-palad na kalagayan ng pamilya, buong buhay niya itong pagsisisihan, at magiging determinado siyang dapat na mas makapag-aral, makakuha ng titulo sa unibersidad, o makapag-aral pa nga sa ibang bansa ang kanyang mga anak at apo. Ito ang pananabik ng lahat sa kaalaman, at ang paraan ng kanilang pag-iisip, pagtingin, at pagharap dito. Samakatuwid, maraming magulang ang gugugol ng matinding pagsisikap o halaga para arugain ang kanilang mga anak, aabot pa nga sa puntong lulustayin nila ang kayamanan ng pamilya, at lahat para lang makapag-aral ang kanilang mga anak. At paano naman ang matinding pagsisikap ng ilang magulang sa pagdidisiplina sa kanilang mga anak? Tatlong oras lang ng tulog ang ipinahihintulot kada gabi, walang-tigil na sapilitang pag-aaral at pagbabasa, o pamimilit sa kanilang tularan ang mga sinaunang tao at pagtatali sa kanilang buhok sa kisame, na ganap na nagkakait sa kanila ng tulog. Ang ganitong mga uri ng mga kuwento, ang malulungkot na pangyayaring ito, ay nangyayari na noon pang sinaunang panahon magpasahanggang ngayon, at ang mga ito ang mga bunga ng pananabik at pagsamba ng sangkatauhan sa kaalaman. Maaaring hindi kanais-nais ang mga salitang ito para sa inyo, dahil mayroong mga tao sa paligid ninyo na may kahanga-hangang kaalaman at mga akademikong kuwalipikasyon. Siyempre, hindi Ko sinasabing masama para sa inyo ang maging edukado, pero kailangan ninyong tratuhin nang tama ang bagay na ito. Ibig sabihin, kailangan ay magkaroon na kayo ngayon ng tamang paraan ng pagharap sa mga satanikong bagay, at tamang paraan para maarok at maunawaan ang mga iyon. Hindi Ko kayo pinagbabawalang mag-aral, lalong hindi Ko kayo pinipigilang arugain ang inyong mga anak sa pamamagitan ng panghihikayat sa kanilang makakuha ng titulo at makakuha ng magandang trabaho. Hindi ito ang sinasabi Ko. Hindi Ko kayo nililimitahan. Sinasabi Ko lang ang Aking opinyon, at inilalantad ang antas ng paggalang sa kaalaman ng tiwaling sangkatauhan. Anuman ang kasalukuyang antas ng iyong kaalaman, o gaano man kataas ang iyong mga titulo at akademikong kuwalipikasyon, ang sinasabi Ko ngayon ay tungkol sa mga pananaw ng sangkatauhan sa kaalaman at ang Aking mga pananaw sa kaalaman. Alam ba ninyo kung ano ang tingin ng Diyos sa kaalaman? Maaaring sabihin ng isang tao na ninanais ng Diyos na magkaroon ng maunlad na siyensiya ang sangkatauhan, at na makaunawa sila ng mas maraming siyentipikong kaalaman, dahil ayaw Niyang maging masyadong paurong, mangmang at di-nakauunawa ang tao. Tama ito, pero ginagamit ng Diyos ang mga bagay na ito para magserbisyo, at hindi sinasang-ayunan ang mga ito. Kahit gaano pa kamangha-mangha ang mga bagay na ito sa mga mata ng tao, ang mga ito ay hindi ang katotohanan ni panghalili sa katotohanan, kaya naman ipinapahayag ng Diyos ang katotohanan para baguhin ang mga tao at ang kanilang mga disposisyon. Bagaman paminsan-minsan ay maaaring banggitin ng mga salita ng Diyos ang mga pananaw o paraan ng pagtingin sa kaalaman na tulad ng Confucianismo o siyensiyang panlipunan, kumakatawan lang ang mga iyon sa gayong mga pananaw. Sa pagtukoy sa ipinahihiwatig ng mga salita ng Diyos, dapat nating makita na namumuhi Siya sa kaalaman ng tao. Bukod sa naglalaman ang kaalaman ng tao ng mga simpleng pangungusap at simpleng doktrina, naglalaman din ito ng ilang kaisipan at pananaw, pati na ng kahangalan ng tao, mga pagkiling, at mga satanikong lason. May ilang kaalaman pa ngang nakapanlilihis at nagtitiwali sa mga tao—ito ang lason at tumor ni Satanas, at sa sandaling matanggap ng isang tao ang kaalamang ito at maunawaan ito, tutubo ang lason ni Satanas bilang isang tumor sa kanyang puso. Kakalat ang tumor na ito sa buong katawan niya, tiyak na magdudulot ng kamatayan kung hindi siya mapagagaling ng mga salita ng Diyos at magagamot ng katotohanan. Kaya, habang mas maraming kaalaman ang nakakamit ng mga tao, mas marami silang naaarok, kung gayon ay mas malabo silang maniwala sa pag-iral ng Diyos. Sa halip, Siya ay talagang tatanggihan at lalabanan nila, dahil ang kaalaman ay isang bagay na kanilang nakikita at nahahawakan, at karamihan ay may kinalaman sa mga bagay sa kanilang buhay. Maaaring mag-aral ang mga tao at makakuha ng maraming kaalaman sa paaralan, pero bulag sila sa pinagmumulan ng kaalaman at sa kaugnayan nito sa espirituwal na mundo. Karamihan sa kaalamang natututuhan at naaarok ng mga tao ay sumasalungat sa katotohanan ng mga salita ng Diyos, partikular na ang pilosopikal na materyalismo at ebolusyon na nabibilang sa mga maling pananampalataya at panlilinlang ng ateismo. Walang dudang sandamakmak na panlilinlang ang mga ito na lumalaban sa Diyos. Ano ba ang makakamit mo kung magbabasa ka ng mga aklat ng kasaysayan, mga akda ng mga kilalang manunulat, o mga talambuhay ng mga dakilang tao, o marahil ang pag-aaral ng mga partikular na siyentipiko o teknolohikal na aspekto? Halimbawa, kung mag-aaral ka ng pisika, magiging dalubhasa ka sa ilang pisikal na prinsipyo, teoryang Newtonian o iba pang doktrina pero, kapag natutuhan at naisapuso, mapangingibabawan ng mga bagay na ito ang iyong isip at ang iyong kaisipan. Kapag binasa mo ang mga salita ng Diyos pagkatapos, iisipin mo: “Bakit hindi binabanggit ng Diyos ang grabidad? Bakit hindi natatalakay ang kalawakan? Bakit hindi tinatalakay ng Diyos kung may atmospera ang buwan, o kung gaano karaming oxygen ang nasa mundo? Dapat isiwalat ng Diyos ang mga bagay na ito, dahil ang mga ito ang mga bagay na kailangang-kailangang maipaalam at masabi sa sangkatauhan.” Kung nagkikimkim ka ng ganitong mga uri ng mga kaisipan sa iyong puso, ituturing mong pangalawa ang katotohanan at mga salita ng Diyos, sa halip ay ilalagay sa unahan ang lahat ng iyong kaalaman at mga teorya. Ganito mo tatratuhin ang salita ng Diyos. Gayunpaman, mabibigyan ng mga intelektuwal na bagay na ito ng maling ideya ang mga tao at magdudulot sa kanilang lumihis sa Diyos. Hindi mahalaga kung pinaniniwalaan ninyo ito o hindi, o kung kaya ninyo itong tanggapin ngayon—darating ang araw kung kailan aaminin ninyo ang katunayang ito. Talaga bang nauunawaan ninyo kung paano madadala ng kaalaman ang mga tao sa pagkawasak, sa impiyerno? Maaaring may ilang tao na hindi handang tanggapin ito, dahil may ilang tao na mataas ang pinag-aralan at napakalawak ang kaalaman sa paligid ninyo. Hindi Ko kayo kinukutya o tinutuya, nagsasabi lang Ako ng totoo. Hindi Ko hinihiling sa inyong tanggapin ito dito at ngayon mismo, bagkus ay unti-unti kayong magkaroon ng pagkaunawa sa aspektong ito. Idinudulot sa iyo ng kaalamang gamitin ang iyong isip at talino para suriin at harapin ang lahat ng bagay na ginagawa ng Diyos. Magiging hadlang at balakid ito sa pagkilala mo sa Diyos at pagdanas mo sa gawain Niya, at magdudulot sa iyong lumihis at lumaban sa Diyos. Pero may kaalaman ka naman ngayon, kaya ano ang dapat mong gawin? Kailangan mong tukuyin ang pagkakaiba ng kaalamang praktikal sa kaalamang nanggagaling kay Satanas at nabibilang sa maling pananampalataya at panlilinlang. Kung ateistiko, at katawa-tawang kaalaman lang ang tinatanggap mo, mahahadlangan nito ang iyong pananampalataya sa Diyos, magugulo ang normal na kaugnayan mo sa Kanya at ang pagtanggap mo sa katotohanan, at makasasagabal sa buhay pagpasok mo. Kailangan mo itong malaman, dahil ito ay tama, at dapat ninyong maunawaan nang maayos ang paksang ito. Alam Kong mataas ang pinag-aralan ng ilang kapatid, at hindi Ko kayo inaatake, kinukutya, o ibinababa. Biglang nabanggit ang paksang ito ngayong araw, at kaunting salita lang ang mga ito para magbabala sa inyo, hindi para sadyang bigyan ng problema ang mga may matataas na akademikong kuwalipikasyon o may kaunting kaalaman at may pinag-aralan sa inyo. Hindi ito para maging negatibo o malumbay kayo, hindi talaga iyon ang layon. Kung gayon, kaya ba ninyo itong unawain nang maayos? (Oo, kaya namin.) Kung kaya ninyo, magaan na ang kalooban Ko, at medyo makahihinga na Ako nang mas maluwag.

Matapos magbahagi nang ganito karami, nakikita na ninyo ngayon na ang pagtatamo ng pagbabago sa disposisyon ay hindi isang simpleng bagay. Hindi ito isang bagay na natatamo sa pamamagitan lang ng pag-unawa sa mga doktrina at pagsunod sa mga patakaran. Kailangan mo munang maunawaan ang iyong sarili, mapagnilayan ang iyong mga kaisipan at pananaw, at masuri kung alin sa mga bagay na umiiral sa iyong puso ang tumatanggi at lumalaban sa Diyos, pati na ang mga bagay na kinapopootan at inaayawan ng Diyos. Mayroon ka ba talagang anumang pagkaunawa sa sarili mong satanikong kalikasan, o sa iba’t ibang satanikong disposisyong kadalasan mong ibinubunyag? Nahihimay mo ba talaga ang mga iyon? Ang lahat ng tiwaling tao ay may mga satanikong disposisyon, at lahat ay may malalalim na pinag-ugatang mga maling kaisipan at ideya. Pare-pareho ang lahat, na may ilang katiwalian sa kanilang kaibuturan na mapanlaban sa katotohanan at nilabanan ang Diyos. Wala sa mga ito ang nakaayon sa katotohanan, at kaya itong tanggapin ng karamihan sa mga tao. Katatapos Ko lang talakayin kung paano uunawain ang kaalaman ng tao, at kung bakit sinasabi Kong marami sa mga ito ay kalokohan at mali. Maaaring mailang ang ilan sa inyo kapag narinig ninyo ito, na para bang sinundot kayo kung saan masakit, pero kailangan itong masabi. Marami sa mga maling pananaw ninyo ang mula sa kaalaman, at lumilikha ang nakalilinlang na kaalamang ito ng mga maling kaisipan at pananaw, na nag-uugat nang malalim sa inyong mga puso. Kung hindi ninyo lulutasin ang mga maling pananaw na ito, mahihirapan kayong tanggapin ang katotohanan, lalo na ang isagawa ito. Samakatuwid, umaasa Ako na matatanggap ninyo ang mga salita ng Diyos, at ang lahat ng katotohanang Kanyang ipinapahayag. Kahit na ayaw mo, dapat mo pa ring matutuhan, at subukang tanggapin ito. Sa ganitong paraan, mas mapapalapit ang inyong mga puso sa Diyos, at mas mapapalapit kayo sa mga hinihingi Niya. Kung hindi ninyo praktikal na mararanasan ang mga salita ng Diyos sa ganitong paraan, isasagawa ang katotohanan, magiging hanggang sa salita lang ang inyong pananampalataya sa Diyos, at magiging imposibleng makapasok kayo sa katotohanang realidad. Hindi ba’t ganito ito? Ngayong araw ay tinalakay Ko nang kaunti ang tungkol sa kaalaman, na maaaring nakaasiwa sa inyo. Kung naiilang nga kayo, ikinalulungkot Ko, pero kailangan ninyong harapin ang mga realidad na ito dahil hindi maiiwasan ang mga ito. Kung iiwasan mo ang mga ito, kailan mo malalaman kung aling mga bagay sa iyong mga kaisipan at pananaw ang tama at alin ang mali? Hindi mo malalaman. Isang araw ay kakailanganin mong harapin ang mga katunayang ito; tulad ng sinasabi ng mga walang pananampalataya: “Ang masaklap na katotohanan ay mabubunyag din sa huli.” Ngayong nananalig ka na sa Diyos, kung nais mong tanggapin ang Kanyang pagkastigo at paghatol, kung nais mong magkaroon ng buhay pagpasok, magtamo ng pagbabago sa disposisyon at maligtas, kailangan mong harapin ang mga katunayang ito, matutuhan ang iyong mga aral, at tiisin ang ilang paghihirap at pagdurusa. Nais mong magdasal sa Diyos sa iyong puso pero wala kang tamang mga salita, kaya hindi ka makapagsalita, at sa susunod na pagkakataong maharap ka sa gayong bagay ay maiilang ka na naman sa loob ng ilang araw, at hindi na naman makapagsasalita, pero sa susunod na pagkakataong maharap ka rito, wala sa loob na matutuklasan mong may ilang bagay talaga sa iyong mga kaisipan at pananaw na lumalaban sa Diyos; magagawa mong tumango at aminin—tapat at seryosong aminin—na totoo ang lahat ng sinabi ng Diyos, walang anumang kasinungalingan, at na tunay na ang Diyos ang pinakanakakikilala sa sangkatauhan, at pinakanakauunawa sa mga bagay na umiiral sa puso ng lahat ng tao. Darating ang araw na magkakaroon ka na ng ganitong antas ng karanasan, at pagkatapos ay mapupunta ka na sa tamang landas ng pananalig sa Diyos, at sa tamang landas ng pagbabago sa iyong buhay disposisyon. Sa panahong iyon, dahil hindi ka na sasalungat sa anumang salitang sinasabi ng Diyos, hindi ka na maiilang kapag narinig mo ang mga iyon, at matatanggap mo na ang bawat katunayang inilalantad ng Diyos nang walang pagtutol, at nang hindi tumatakbo palayo. Haharapin mo ito nang maayos, at mapatutunayan nitong nakapasok ka na sa salita ng Diyos. Ngayon ay nakagawa lang tayo ng munting simula, nakapagsagawa ng munting eksperimento. Maaaring medyo nailang kayo, medyo naasiwa, pero hindi mahalaga iyon. Ayos lang iyon sa Akin, at sana sa inyo rin, dahil mas malupit pa sa mga ito ang mga salita ng paghatol ng Diyos. Kung gusto talaga kayong hatulan ng Diyos, mas magiging mabagsik pa ang Kanyang mga salita. Sa palagay ba ninyo ay magsasalita nang malumanay ang Diyos kapag nakikita Niya ang isang tiwaling sangkatauhang walang normal na pagkatao, wala sa katwiran, mulat na mulat ang mga mata subalit tumatanggi, kumukondena, at lumalaban pa rin sa Diyos? Magiging maganda kaya ang saloobin ng Diyos kapag inilalantad ang tao? Siyempre, hindi. Tiyak na magiging medyo mabagsik, malalim, at tuwiran ang mga salita ng Diyos! Kung matatanggap ninyo ang kaunting katunayang pinagbahaginan natin ngayon, pinatutunayan nitong maganda ang naging simula ninyo sa pagtanggap sa salita ng Diyos at sa Kanyang pagkastigo at paghatol. Sa unang aspektong ito, napag-usapan natin ang problema sa mga kaisipan at pananaw, kasama ang kaunting halimbawa na alam naman ninyong lahat, na sumusuri sa paksa ng kaalaman. Hindi Ako masyadong nagbahagi tungkol sa paksang ito sa pangambang maiilang dito ang ilang tao, kaya kaunti lang ang binigkas Ko bilang pagsasaalang-alang sa kanilang mga damdamin, bagaman hindi perpekto at maikli. Sana ay unti-unti ninyo itong malaman sa pamamagitan ng inyong karanasan, dahan-dahang mahanap ang katotohanan sa aspektong ito, at maranasan kung ano ang maidudulot ng kaalaman sa mga tao. Marahil ay mas pagbabahaginan natin ang paksang ito sa hinaharap, at sana ay hindi na kayo mailang sa pagkakataong iyon, at hindi mag-isip na, “Laban ba ito sa akin? Patungkol ba ito sa akin?” Wala ng mga kaisipan at ideyang iyon. Pero sa ngayon, tatapusin na natin dito ang ating pagbabahaginan tungkol sa unang aspekto.

Ngayon ay pagbabahaginan naman natin ang ikalawang aspekto ng pagbabago sa disposisyon—ang pananaw sa buhay. Ano ang pananaw ninyo sa buhay? Anu-ano ang mga prinsipyong sinusunod ninyo sa buhay? Mayroon ba kayong anumang pagkaunawa? Mayroon man lang bang anumang prinsipyo? May anumang ideya ba kayo? Ibig sabihin, anong uri ng tao ang gusto mong maging? Ano ang pananaw mo sa buhay, ang direksyon ng buhay mo? (Maging isang tao na gusto ng Diyos.) (Sundan ang Diyos hanggang sa huli sa buong buhay ko.) (Makilala ang Diyos.) (Iwaksi ang aking tiwaling disposisyon at mailigtas ng Diyos.) Mahusay ang lahat ng sinabi ninyo, at nagpapatunay na abalang-abala ang puso ninyong lahat sa paghahangad sa katotohanan at determinado kayong sumunod sa Diyos para magtamo ng katotohanan, at tama ang layon at direksyon ng inyong asal, na nagpapakitang, sa inyong pananampalataya sa Diyos, hindi hungkag ang inyong puso at hindi kayo nagsasayang lang ng oras. Nakausad na kayo nang kaunti sa loob ng panahong ito, at ito ay pagbabago; kahit papaano, hindi ninyo sasabihin, gaya ng mga walang pananampalataya na, “Ang buhay ay tungkol lamang sa pagkain at pananamit.” Kung makaririnig kayo ng isang tao na magsasabi ng gayong mga bagay, aayawan at itataboy ninyo siya. Kahit gaano na kayo kalayong nakapasok sa katotohanan, dapat kayong magkaroon ng determinasyong sumunod sa Diyos nang mabuti. Dapat ninyong malaman sa inyong mga puso, “Yamang ibinunyag ng Diyos sa amin ang mga layon at misteryo ng Kanyang plano ng pamamahala, at ang Kanyang layuning iligtas ang sangkatauhan, at yamang nakita na namin ang Kanyang mga pangako at pagpapala, kung mananatili kaming walang ginagawa at hindi isinasaalang-alang ang mga layunin ng Diyos, talagang mabibigo namin Siya at labis na magkakautang sa Kanya!” Pinatutunayan ng pagkakaroon ng ganitong uri ng puso na nagising at nagsimula nang magbago ang inyong mga espiritu. Anu’t ano man, batay sa inyong mga pagsisikap na gawin ang inyong tungkulin, nagsisikap kayong lahat tungo sa direksyon at mga layong hinihingi ng Diyos, at tama ito. Anuman ang mga pagkakaiba sa inyong mga pananaw sa paghahangad, ang lahat ng iyon ay medyo praktikal at hindi kathang-isip o hungkag. Sa palagay ba ninyo ay dapat tayong magkaroon ng pananaw ng paghahangad na maging isang tao na tunay na nagpapasakop at sumasamba sa Diyos? Hindi ba’t dapat tayong magkaroon ng pananaw sa buhay kung saan hindi na tayo lumalaban sa Diyos, hindi na nagtutulak sa Kanyang mamuhi o magalit sa atin, na palaging galit na galit, bagkus ay napagagaan ang puso ng Diyos, at tulad ni Abraham, tayo ay mga tunay na sumasamba? Ito ang pananaw sa buhay na dapat taglayin ng mga tao. Kapag nag-ugat na sa iyong puso ang ganitong uri ng pananaw sa buhay at ang ganitong mga uri ng kaisipan, at naghangad ka sa direksyong ito, hindi ba’t mababawasan ang tukso at pang-aakit ng mga makamundong kayamanan, katayuan, katanyagan at pakinabang? Kapag nagsisikap, nagsasagawa, at nagdaranas ka sa direksyong ito, hindi mo man lang mamamalayan, ang mga salita ng Diyos ay magiging sawikain mo para sa buhay sa iyong puso, at pundasyon ng iyong pag-iral; bago mo pa mamalayan, magiging buhay mo na ang mga salita ng Diyos, magiging landas mo sa buhay sa kaibuturan mo. Sa panahong iyon, hindi ba’t hindi na talaga magiging mahalaga sa iyo ang lahat ng bagay sa mundo? Samakatuwid, mahalaga rin kung ano ang iyong pananaw sa buhay. Sa anong direksyon ka ba naghahangad, sa iyong pananampalataya sa Diyos? Ito ba ang tamang direksyon? Ito ba ang tamang landas? Gaano ka kalayo sa mga hinihingi ng Diyos? Kung naghahangad ka batay sa mga hinihingi ng Diyos, papunta ka sa tamang direksyon. Ni hindi mahalaga kung medyo maligaw ka, o medyo mahina ka, o magkaroon ka ng ilang kabiguan; hindi ito maaalala ng Diyos, at palagi ka Niyang susuportahan hanggang sa lumago ang buhay mo. Sa palagay mo, anong uri ng mga tao ang nais ng Diyos? Nais ng Diyos ng mga tao na naghahangad sa katotohanan, determinado, at matapat. Hindi Niya inaalala ang iyong kamangmangan, kahinaan, o kawalan ng karunungan; pero napopoot Siya kung hindi mo hinahangad ang katotohanan, o kung nauunawaan mo ang katotohanan pero hindi mo ito isinasagawa, o kung nabubuhay ka nang hindi nagbabasa ng Kanyang mga salita, na parang mga hayop na walang kaluluwa, na walang layon o direksyon para sa iyong buhay—napopoot ang Diyos kung ganito ang saloobin mo sa pananalig sa Kanya. Samakatuwid, para magtamo ng pagbabago sa disposisyon sa pamamagitan ng pananampalataya sa Diyos, napakahalaga ng kalidad ng pananaw sa buhay. Sinasabi ng ilang tao, “Ang layon ko sa buhay ay maging isang tao na malaki ang pakinabang sa Diyos, isang tao na kayang maglingkod sa Kanya.” Isa ba itong magandang hangarin? Maaaring maganda ito, pero limitado ang tayog ng tao at iba-iba ang mga kakayahan at kondisyon ng mga tao, kaya tama ang paghahangad mo sa layong ito, pero maaaring hindi ito angkop para sa iyo. Ang dapat na pananaw sa buhay ng mga tao ay maging isang tao na may katotohanan, pagkatao, konsensiya, at katwiran, na sumasamba sa Diyos—ibig sabihin, isang tunay na tao. Ito ang pinakawastong paghahangad. Maaaring sabihin ng isang tao: “Hindi ba kami tunay na tao ngayon?” Sa panlabas ay ganoon kayo, dahil may mga ilong at mata kayo, at anyo ng tao, pero batay sa inyong diwa, hindi pa rin kayo nagiging tunay na tao. Napakarami pa ring kulang sa inyo at napakakaunti ng mga katotohanang nauunawaan ninyo. Para maging isang tunay na tao, isang tao na nagtataglay ng katotohanan at may pagkatao, isang tao na natatakot sa Diyos at umiiwas sa kasamaan, na sumusunod sa Kanyang kalooban at sumasamba sa Kanya, kailangan ninyong hangarin at makamtan ang katotohanan. Isa itong usapin ng personal na pagsasagawa.

Ang ikatlong aspekto ng pagbabago sa disposisyon ay ang satanikong kalikasan ng isang tao. Ito ang pinakakailangan nating maunawaan at maarok, dahil ito ang pinakamahalagang aspektong nauugnay sa pagbabago sa disposisyon. Ang satanikong kalikasan ay ang tiwaling disposisyon at tiwaling diwa ng sangkatauhan, at binubuo ng paksang ito ang marami sa mga salita ng Diyos na pinakanaglalantad sa aspektong ito. Ang mga salita rin ng Diyos tungkol sa aspektong ito ang pinakamahigpit, na maraming iba’t ibang estilo: Ang ilan ay tuwirang naglalantad at humahatol, habang ang iba naman ay nakahahanap ng mas maingat na pananalita sa pangambang hindi ito matanggap ng mga tao. Pero paano man ito sabihin, o anumang estilo o tono ang gamitin, totoo na ang inilalantad ng Diyos ay ang diwa ng tao. Inilalantad ng Diyos ang pinakakaraniwang aspekto ng satanikong kalikasan sa dalawang kabanata. Ano ang karaniwang diwa ng satanikong kalikasan? Alam ba ninyo? (Isang nagkakanulong kalikasan.) Ang nagkakanulong kalikasang inilalantad sa mga salita ng Diyos na “Isang Napakaseryosong Problema: Pagtataksil 1” at “Isang Napakaseryosong Problema: Pagtataksil 2” ang karaniwang representasyon ng satanikong kalikasan. Ang ibang aspektong tulad ng pag-aakalang mas matuwid kaysa sa iba, pagmamataas, at panlilinlang ng sangkatauhan, o ang kabuktutan at paglaban ng sangkatauhan—ang lahat ng ito ay nabanggit nang kaunti sa bawat kabanata, pero hindi detalyadong naipaliwanag ang katotohanan ng mga aspektong ito sa ni isang kabanata. Sa paksa lang ng “pagtataksil” nagsalita ang Diyos ng dalawang buong kabanata. Mula rito ay makikita nating sa mga mata ng Diyos, napakalubha ng pagtataksil ng tao, at na tuwiran nitong sinasalungat ang Kanyang disposisyon, at ito ang pinakakinamumuhian Niya, at ang isinusumpa Niya. Paano ba hinihimay at hinaharap ng Diyos ang diwa ng pagtataksil ng tao? Siyempre, ayaw ng Diyos ng pagtataksil ng tao. Kinamumuhian at kinapopootan Niya ito, at kinapopootan ang mga taong ipinagkakanulo Siya. Ang pagtataksil ang perpektong halimbawa ng satanikong kalikasan. Saan ba nagmumula ang pinakaugat ng kalikasan ng pagtataksil ng tao? Nagmumula ito kay Satanas. Samakatuwid, kailangan nating maunawaan ang aspektong ito ng disposisyon. Si Satanas ang pinakaugat ng pagtataksil, pagtataksil ang kalikasan ni Satanas, at ang disposisyong ibinubunyag ng mga tao sa pamamagitan ng mga bagay na kanilang ginagawa ay itinuturing ng Diyos na pagtataksil. Bakit ba gayon kadetalyadong tinatalakay ng Diyos ang usaping ito? Ito ay dahil laging nangyayari ang pagtataksil ng tao, saanmang lugar o sa anumang oras at, paano man umasal ang isang tao, may kung anong bagay na malalim ang pagkaka-ugat sa kalikasan ng tao ang kumokontra sa Diyos. Sinasabi ng ilang tao: “Ayaw kong kumontra o lumaban sa Diyos!” Pero gagawin mo iyon, dahil sa kaibuturan mo ay may isang kalikasan na pagtataksil, na nangangahulugang hindi mo kayang magpasakop sa Diyos, sundan Siya hanggang sa huli, at ganap na tanggapin ang mga salita ng Diyos bilang iyong buhay. Paano mo dapat maunawaan ang problema ng pagtataksil? Kahit gaano katagal ka nang nananalig sa Diyos, o kahit gaano na karami sa Kanyang mga salita ang nakain at nainom mo, o kahit gaano na kalalim ang pagkaunawa mo sa Kanya—hangga’t nagtataksil ang iyong kalikasan sa Diyos, at hindi mo tinatanggap ang Kanyang mga salita bilang iyong buhay, at wala kang pagpasok sa katotohanan ng Kanyang mga salita, habambuhay na ipagkakanulo ng iyong diwa ang Diyos. Iyon ay kung hindi pa nagbago ang iyong disposisyon, isa kang tao na nagkakanulo sa Diyos. Sinasabi ng ilang tao: “Kaya kong intindihin ang mga salita ng Diyos, at unawain ang lahat ng bagay na Kanyang sinasabi. Handa rin akong tanggapin ang mga iyon, kaya paano ako matatawag na isang tao na nagkakanulo sa Diyos?” Dahil lang sa handa kang tumanggap ay hindi nangangahulugang nakapagsasabuhay ka na ng mga salita ng Diyos, lalong hindi na nagawa ka nang ganap ng mga iyon. Malalim ang katotohanan ng mapagtaksil na kalikasan ng sangkatauhan, at kung nais ninyong maunawaan ang aspektong ito ng katotohanan, maaaring kailanganin ninyo ng isang panahon ng karanasan. Sa mga mata ng Diyos, ang lahat ng bagay na ginagawa ng bawat tao na nananalig sa Diyos ay salungat sa katotohanan, di-kaayon sa salita ng Diyos, at mapanlaban sa Kanya. Maaaring hindi rin ninyo ito matanggap, at masabing: “Pinaglilingkuran namin ang Diyos, sinasamba ang Diyos, ginagawa ang aming tungkulin sa sambahayan ng Diyos. Napakarami na naming nagawa, lahat ay alinsunod sa mga salita at hinihingi ng Diyos, at naaayon sa mga pagsasaayos ng gawain. Paano masasabing nilalabanan at ipinagkakanulo namin ang Diyos? Bakit ba palagi Mo na lang kami dinidismaya? Napakahirap naming iniwanan ang aming pamilya at mga karera, at determinado kaming sumunod sa Diyos, kaya paano Mo ito nasasabi tungkol sa amin?” Ang layon ng pagsasalita nang gayon ay para masigurong nauunawaan ng lahat: Hindi totoo na babaguhin ng isang tao na medyo maganda ang asal, o nagsusuko sa isang bagay, o dumaranas ng ilang paghihirap ang kanyang mapagtaksil na kalikasan. Imposible! Mahalaga ang pagdurusa, gayundin ang paggawa sa iyong tungkulin, pero hindi nangangahulugang hindi na umiiral ang iyong tiwaling disposisyon dahil lang kaya mong magdusa o gawin ang iyong tungkulin. Ito ay dahil hindi nagkaroon ng tunay na pagbabago sa buhay disposisyon sa kaibuturan ninuman, at malayo pa rin ang lahat sa pagbibigay-lugod sa mga layunin ng Diyos at pagtugon sa Kanyang mga hinihingi. Masyadong kontaminado ang pananampalataya ng mga tao sa Diyos, masyadong nabunyag ang kanilang mga tiwaling disposisyon. Bagaman maraming lider o manggagawa ang naglilingkod sa Diyos, lumalaban din sila sa Kanya. Ano ang ibig sabihin nito? Ibig sabihin ay sadya silang sumasalungat sa mga salita ng Diyos at hindi nagsasagawa nang ayon sa Kanyang mga pagnanais. Sadya nilang nilalabag ang katotohanan, ipinagpipilitang kumilos ayon sa sarili nilang kalooban, para matupad ang sarili nilang mga plano at layon, para ipagkanulo ang Diyos at itatag ang kanilang nagsasariling kaharian, kung saan ang sinasabi nila ang nasusunod. Ito ang ibig sabihin ng paglilingkod sa Diyos subalit lumalaban din sa Kanya. Nauunawaan na ba ninyo ito ngayon?

Huwag na nating pagbahaginan pa ang tungkol sa “pagtataksil” ngayon. Mayroon pa ring napakahalagang problema, ito ang pagmamataas at kapalaluan na katangian ng satanikong kalikasan. Ang pagmamataas ng sangkatauhan ay nabubunyag at nakikita kung saan-saan, at hindi mapipigilan kahit pa gustuhin nila. Ito ay nabunyag at sumasambulat ito paminsan-minsan, at walang magagawa ang mga tao tungkol dito. Pagkatapos nitong sumambulat, pagsisisihan nila ito, at pagkatapos itong pagsisihan, matatag nilang pagpapasyahang kailanman ay hindi na nila ito hahayaang mangyari muli, kailanman ay hindi na ito ibubunyag muli, pero hindi pa rin nila ito makokontrol. Bakit ganito? Ito ay dahil hindi nagbago ang disposisyon ng mga tao, at nariyan pa rin ang kanilang tiwaling disposisyon. Hinding-hindi ito kusa na lang mawawala sa kaibuturan nila, at kapag may nangyayari, likas na nabubunyag ang kanilang tiwaling disposisyon. Ang lahat ng ito ay dulot ng mapagmataas at palalong disposisyon ng sangkatauhan. Kapag mas maraming katotohanan ang nauunawaan mo, naisasagawa mo ito at naaarok ang mga katotohanang prinsipyo, at kapag lalo pang nagiging praktikal ang iyong pagkaunawa sa katotohanan, at may kaalaman ka sa Diyos at mas malapit sa Kanyang mga hinihingi, kapag nagbago na ang mga pananaw mo sa mga bagay-bagay—unti-unting mababawasan, dahan-dahang maglalaho ang iyong mapagmataas na disposisyon, at magsisimulang magbago ang iyong disposisyon sa buhay. Sa panahong iyon, maituturing ng ganap nang nalutas ang problema ng iyong pagtataksil, at saka ka lamang magiging isang taong tunay nang nailigtas.

Taglagas, 2007

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.