Mga Salita sa Iba Pang Paksa (Sipi 88)
Sino ang nakatakdang pagbigyan ng katotohanang ipinapahayag ng Diyos para maging buhay nila ito? Para kanino pinagbabahaginan ang katotohanan? (Para ito sa mga nagmamahal sa katotohanan at kayang tumanggap ng katotohanan.) Sino talaga iyong kayang magmahal sa katotohanan at tumanggap ng katotohanan sa kanilang puso? Kung mauunawaan mo ang tanong na ito, malalaman mo kung anong uri ng tao ang iniligtas ng Diyos. Una, dapat nating maunawaan na ang katotohanang ipinapahayag ng Diyos ay para sa mga nagtataglay ng pagkatao, katwiran, pagmamahal sa mga positibong bagay, at sa kamalayan ng kanilang konsensiya. Ang ibang tao ay hindi nagmamahal sa katotohanan, at pagkatapos marinig ito, wala silang pakialam at nananatiling hindi apektado, hindi pinupuna ang kanilang sarili o walang anumang nararamdaman—patay sila kahit buhay sila, at nakatadhanang hindi magkaroon ng buhay pagpasok. Ilang tao ang magtatanong na, “Bakit nagpapakahirap ang Diyos na magsabi ng napakaraming salita gayong karamihan ng tao ay hindi nagmamahal sa katotohanan, o nagtataglay ng mabuting pagkatao, o tumatanggap sa katotohanan, at hindi sila ang mga pakay ng pagliligtas, at sa halip ay mga tagapagserbisyo lang?” Tama ba ito? (Hindi. Bagaman karamihan sa mga tao ay hindi handang hangarin ang katotohanan, may isang maliit na grupo ang handa pa ring hangarin ito at mayroon silang pagkatao, at ang maliit na grupong ito ang gustong iligtas ng Diyos.) Tama iyan. Ang mga salita ng Diyos ay para sa mga tainga ng mga tao, hindi ng mga hayop o mga diyablo. Sa loob ng iglesia, sangkatlo o sanglima man ng mga tao ang kayang tumanggap ng katotohanan, sa alinmang kaso, minoridad ang mga taong mananatili sa huli. Kaya paano ba natin dapat sukatin kung sino ang taos-pusong mananampalataya ng Diyos, at kung sino ang maaaring manatili? Masusukat natin kung may konsensiya ang isang tao, kung may kamalayan ang konsensiya nila sa pamamagitan ng pakikinig sa mga salita ng Diyos, kung nauunawaan nila ang salita ng Diyos, kung nauunawaan nila ang katotohanan sa pamamagitan ng pakikinig sa mga sermon, at isinasagawa ito sa sandaling naunawaan nila ito, at kung kaya nilang baguhin ang kanilang mga tiwaling disposisyon. Batay sa mga bagay na ito, makikilatis natin kung sila ay mga taong tumatanggap ng katotohanan at mga tupa ng Diyos. Nagagawang makinig ng mga tupa ng Diyos sa tinig ng Diyos, tumutugon at may kamalayan sila pagkatapos makinig sa tinig Niya, at handa silang sumunod sa Diyos. Mga tupa ng Diyos ang mga taong ito. Ano ang tinataglay ng mga taong ito sa kanilang pagkatao? (Gusto ng mga taong ito ang mga positibong bagay, handang hangarin ang katotohanan, at mayroon silang kaunting konsensiya.) Bakit handa silang hangarin ang katotohanan? Kinapapalooban ang pagkatao nila ng pagmamahal sa katotohanan, konsensiya, at katwiran. Nakauunawa rin sila ng mga salita ng Diyos at ginagamit ang mga ito sa sarili nilang kalagayan, pagkatapos ay ginagawa nilang bahagi ng kanilang pang-araw-araw, ng kanilang buhay, at ng layunin, prinsipyo, at pundasyon ng kanilang pag-uugali at kung paano sila umasal ang mga salita ng Diyos. Ibig sabihin, nagiging realidad ng kanilang buhay ang mga salita ng Diyos, at nagagawa nilang isagawa ang mga salita ng Diyos. Ang mga taong ito ay mga tupa ng Diyos. May ilang tao na hindi mukhang masama sa panlabas at medyo inosente, subalit hindi nila naisasagawa ang mga salita ng Diyos pagkatapos nilang marinig ang mga ito. Ang mga taong ito ay hindi mga tupa ng Diyos. Maraming ganitong tao sa mga trabahador na hindi nakauunawa ng mga salita ng Diyos gaano man nila pakinggan ang mga ito, at lalong hindi nila naisasagawa ang mga salita ng Diyos. Nagagawa nilang manalig sa Diyos nang ilang taon nang hindi nagkakamit ng buhay. Samakatuwid, dapat maunawaan ng mga tao kung sino ang eksaktong maaaring mailigtas ng mga salita ng Diyos. Pagdating sa mga taong inililigtas ng Diyos, hindi mahalaga kung gaano karami ang naroon. Kahit isang tao lang ang nakauunawa sa mga salita ng Diyos, gagawin pa rin Niya ang gawain na dapat gawin. Gaya ng alam ng marami, walong tao lang ang nailigtas noong binuo ni Noe ang arka. Mula sa panahon ng Lumang Tipan hanggang sa kasalukuyan, kakaunti ang nailigtas. Sa Kapanahunan ng Kautusan noong hindi pa pormal na ginawa ng Diyos ang gawain ng pagliligtas o nagbigay ng katotohanan sa sangkatauhan, ilan ang tinanggap ng Diyos? Marami ba? Sobrang kakaunting tao ang nagkamit ng Kanyang pagsang-ayon noong panahong iyon. Paano naman ang gawain sa mga huling araw? Bagaman minoridad ang bilang ng mga taong kayang tumanggap ng katotohanan sa pamamagitan ng paghatol, pagkastigo, pagsubok, at pagpipino, mas malaki pa rin ang bilang na ito kaysa iyong nakamit ng Diyos sa Kapanahunan ng Kautusan at Kapanahunan ng Biyaya. Ngayon, may kaunting taong kayang maghandog ng patotoong batay sa karanasan at may ilan na talagang nagbago ng kanilang disposisyon, kaya paanong hindi makakamit ng puso ng Diyos ang kaunting kagaanan ng loob mula rito?
Kapag nakikita ninyo na karamihan ng mga tao sa iglesia ay nananalig sa Diyos nang ilang taon subalit hindi naghahangad ng katotohanan, hindi talaga nagbago, at tulad pa rin ng mga walang pananampalataya, negatibo ba kayo? (Minsan medyo negatibo ako, subalit nakikita ko na gaano man kamapaghimagsik ang isang tao o gaano man kababa ang kanyang kakayahan, hangga’t tama ang kanyang puso at handa siyang magsikap sa paghahangad ng katotohanan, patuloy na kikilos ang Diyos sa kanya nang may pinakamalaking pasensya, unti-unting binibiyak-biyak at pinipira-piraso ang katotohanan, at nakikipagbahaginan sa kanila nang mas detalyado hangga’t maaari. Labis akong naantig nang makita kung gaano karami ang ibinabayad ng Diyos para gawing ganap ang sangkatauhan, hindi sumusuko hanggang magtagumpay Siya. Pakiramdam ko na gaano man kababa ang aking kakayahan, dapat subukan kong galingan pa, maging masipag sa aking paghahangad, at huwag panghinaan ng loob.) Kilalang katunayan ito na may mababang kakayahan o mapaghimagsik ang mga tao, subalit hindi kailanman sinabi ng Diyos na hindi ka maililigtas dahil dito. Kung hindi ka Niya ililigtas, bakit ka pa Niya sasabihan ng mga salitang ito, o gagastusan ng gayong halaga? Sa paggawa ng lahat ng mga bagay na ito, malinaw nang sinabi at lantarang ipinaalam ang layunin ng Diyos sa sangkatauhan. Hindi ito lihim kundi kilala, at mauunawaan ng sinumang may puso at espiritu; iyong mga hangal lang na walang espirituwal na pang-unawa ang maaaring maging negatibo, at iyong mga hindi nakauunawa ng katotohanan lang ang makadarama ng pagkabigo at pagkadismaya, pinaniniwalaan ang kanilang sarili na walang kakayahang mailigtas. Ang pinakamahalagang bagay tungkol sa pananalig sa Diyos ay na dapat mong paniwalaan ang lahat ng mga salita at katotohanang ito na sinasabi Niya. Hangga’t buo ang loob mo, at kaya mong isagawa ang katotohanan, maaari mong maging buhay ang mga ito. Hindi mahalaga kung gaano kahusto ang buhay mo sa huli, hangga’t positibo at maagap mong isinasagawa ang mga salita ng Diyos nang hindi sadyang nilalabag ang mga ito o ang katotohanan, isinasagawa hanggang sa abot ng iyong nauunawaan at nagsisikap para sa katotohanan, at ginagampanan ang iyong tungkulin nang buo mong puso at lakas, aabot ito sa pamantayan. Hindi mataas ang mga hinihingi ng Diyos sa tao. Ang mga katotohanang pinagbahaginan ng Diyos ay komprehensibo, at ang Kanyang mga salita ay partikular na detalyado at espesipiko. Bakit nagsasalita sa ganitong paraan? Ito ay para sa lahat ng sangkatauhan, hindi lang sa isang maliit na grupo o ilang uri ng tao. Sa lahat ng mga katotohanang ipinagkakaloob sa buong sangkatauhan, may limitasyon sa kung ano ang maaari mong isagawa at makamit. Bakit Ko sinasabing may limitasyon? Dahil magkakaiba ang kakayahan, pananaw, at abilidad na umunawa ng lahat ng tao, gayundin ang mga kapaligirang isinasaayos ng Diyos para sa kanila at ang mga tungkuling ginagampanan nila, inaakay ng mga “pagkakaibang” ito ang bawat tao para makapagsagawa at makapasok sa bahagi lang ng salita ng Diyos, at limitado ang maaari nilang makamit o maisagawa. Halimbawa, karapat-dapat ba kung maranasan ng isang tao ang pagsubok ng sakit, nababatid na mula sa Diyos ang pagsubok, subalit iniisip na dapat iparanas ng Diyos sa lahat ng tao ang pagsubok ng sakit? (Hindi, hindi ito karapat-dapat.) Ganap itong nagmumula sa kalooban ng tao. Iba-iba ang paggawa ng Diyos sa lahat ng tao, at ang pagsubok na ito ay nakatuon sa isang partikular na grupo ng tao. Gumagawa ang Diyos sa kanila para maiparanas sa kanila ang pagsubok ng sakit. Ano ang nakakamit ng lahat ng tao pagkatapos maiparanas ng Diyos sa isang grupo ng tao ang pagsubok ng sakit? Iyon ay, sa panahon ng pagsubok, dapat matutuhan ng mga tao kung paano magpasakop sa Diyos, malaman ang sarili nilang paghihimagsik, maituwid ang relasyon sa pagitan ng mga nilikha at ng Lumikha, maitama ang relasyon sa pagitan ng tao at ng Diyos, magawang maunawaan ang puso ng Diyos, makamit ang pagpapasakop sa Kanya at, anuman ang mangyari, hindi magkaroon ng maling pagkaunawa sa Diyos, kundi magpasakop lang. Ang aspektong ito ng katotohanan ay kung ano ang dapat makamit ng lahat ng tao. Kung makakamit mo ang aspektong ito ng katotohanan mula sa karanasan ng ibang tao, kailangan mo rin bang danasin ang pagsubok na ito? Hindi naman. Pinipili ng Diyos ang iba’t ibang tao—marahil ang tamang tao, o isang espesyal na tao—para maranasan ang pagsubok na ito at ang bahagi ng gawain ng Diyos. Ito ang ipinangako ng Diyos sa tao, at ito ang gagawin Niya. May ilang tao na nakaranas ng sakit na mawalan ng isang mahal sa buhay, at mula sa pagkawalang ito nagkaroon ng karanasan at patotoo, pagpapasakop sa Diyos, at tunay na pagsandig at paniniwala. Mula sa gawaing ginagawa ng Diyos sa isang partikular na grupo ng tao, makikita ng lahat ang patotoo na tama ang lahat ng ginagawa ng Diyos at ang dapat piliin ng mga tao ay pagpapasakop, hindi pagsisiyasat, pananaliksik, o pangangatwiran sa Kanya, hinahayaan Siyang ipaliwanag ito nang malinaw at lubusan; dapat silang magpasakop nang walang kondisyon at walang reklamo. Dagdag pa rito, dapat matutuhan ng mga tao na maunawaan ang kahulugan at halaga ng lahat ng gawaing ginagawa ng Diyos. Mula sa mga paraang ito ng gawain ng Diyos, at sa lahat ng aspekto ng mga salita Niya, ang nararanasan ng bawat indibidwal ay maliit na bahagi lang ng mga salita ng Diyos. Sa loob ng maliit na bahaging ito, depende sa iyong kakayahan, sa pamilyang iyong kinalakihan, at sa tungkuling kasalukuyan mong ginagampanan, ang nararanasan mo sa mga salita ng Diyos ay ikasampung libong bahagi ng mga ito, o masasabi mo ring ikasampung libo lang. Kung papasok ka sa ikasampung libo at tunay na makakamit ang walang pasubali, ganap na pagpapasakop sa Diyos, ilagay mo ang iyong sarili sa posisyon ng isang nilikha, magpasakop ka sa kataas-taasang kapangyarihan at pagsasaayos ng Lumikha, at kamtin mo ang resultang gustong makamit ng Diyos sa iyo, gayon ay maililigtas ka. Madali itong maunawaan, at ito ang paraan ng mga bagay-bagay.
Ang susi sa pagganap ng inyong mga tungkulin ay na kayo ay dapat tapat. Ano ang katapatan? Nangangahulugan ito na pagiging seryoso at responsable, na ganap ninyong ginagampanan ang inyong mga responsabilidad, nang walang ni katiting na pagiging pabasta-basta. Kung pabasta-basta kayo, kapag may nangyaring mali tanda ito ng kahihiyan, at talagang hindi ito isang maliit na bagay. Dagdag pa rito, tungkol sa gawaing iniatas sa inyo sa sambahayan ng Diyos, ang lahat ng tao ay dapat lalong magbahaginan nang sama-sama, lalong maghanap ng mga katotohanang prinsipyo, at maghanap ng mga tamang prinsipyo. Kapag natuklasan ang mga problema dapat lutasin agad ang mga ito, kung hindi ay maagap na iulat iyong mga hindi malutas sa mga nakatataas. Pagsikapang tiyakin na magiging maayos, na walang hadlang, butas, o pagkaantala ang gawain ng sambahayan ng Diyos. Gawin ninyo nang maayos ang inyong trabaho, itaguyod ang pagpapalaganap ng gawain ng ebanghelyo, at hayaang ganap na maisakatuparan ang kalooban ng Diyos sa mundo. Sa paraang ito, maayos na magagampanan ang inyong tungkulin. Sa katunayan, sa nasasaklaw ng pagganap ng tungkulin ng isang tao, ang mga ito ang kaunting aspekto ng katotohanan na kanilang maisasagawa, makakamit, at mababanggit, at ang pagpasok sa mga realidad ng mga katotohanang ito ay pagkamit sa pinakamababang pamantayan na hinihingi ng Diyos sa sangkatauhan. Ang ilang tao ay may mahinang pananampalataya, ang ilang tao ay duwag, ang iba ay may mababang kakayahan, o may mga baluktot na pag-unawa, o may hangal na pag-iisip; ang mga ito at iba pang mga negatibo at pasibong bagay sa lahat ng mga aspekto ay makaaapekto sa abilidad ng mga taong isagawa ang katotohanan at epektibong gampanan ang kanilang mga tungkulin. Ginagawa ng Diyos ang mga hinihingi Niya sa mga tao batay sa kanilang kakayahan, karakter, at antas ng pagkaunawa sa katotohanan. Ano ang pamantayan ng hinihinging ito? Tinitingnan ng Diyos kung taos-puso ang isang tao sa kanyang pananalig sa Diyos at kung kaya niyang tanggapin ang katotohanan; ang mga ito ang dalawang pinakamahalagang kondisyon. Ang ilang tao ay natural na mangmang, may pagkabaluktot ang kanilang pang-unawa sa mga bagay-bagay, kulang sa kabatiran, mabagal matuto ng anumang bagay, tila hindi nakauunawa sa kung anuman ang sinasabi ng iba, at kinakailangang alalayan kapag tinuturuan—ang mga taong ito ay may napakababang kakayahan, at hindi ito kailanman magbabago. May ibang may mayamang kaalaman, o puno ng malalim na karunungan, mukha silang matalino sa panlabas, subalit madali silang magkaroon ng mga pagkabaluktot sa pang-unawa ng mga usaping may kinalaman sa katotohanan. Kahit nauunawaan nila ang katotohanan, hindi pa rin nila matanggap ito, at ito ang nakamamatay nilang kapintasan. Ang taong tulad nito ay madaling maimpluwensiyahan ng kaalaman at doktrina kapag gumaganap ng kanyang mga tungkulin, at mahirap para sa kanyang kumilos alinsunod sa mga katotohanang prinsipyo o magbago ng kanyang pananaw sa mga bagay-bagay. Kaya, ano ang dapat niyang gawin kapag gusto talaga niyang hangarin ang katotohanan? Ang susi ay makita kung kaya niyang tanggapin ang katotohanan. Kung kaya niya, madaling malulutas ang problema, subalit kung matigas niyang tatanggihang tanggapin ang katotohanan tapos na ang laban. Hindi lang siya mabibigong gampanan nang maayos ang kanyang tungkulin, subalit natatakot Akong wala na ring paraan para maligtas siya. Hindi mahalaga ang antas ng edukasyon ng isang tao, o kung gaano siya kahusay—ang mahalaga ay kaya niyang tanggapin ang katotohanan at mahalin ang mga salita ng Diyos. Ang tinitingnan ng Diyos ay kung gaano karaming katotohanan ang kaya mong isagawa, pagkatapos na maliwanagan para maunawaan ito sa kapaligirang isinaayos Niya. Tinitingnan Niya kung gaano kalaki ng iyong sarili ang ibinibigay mo sa mga gawaing hinihingi Niya, kung gaano karaming lakas ang ibinibigay mo sa mga ito, kung gaano kalaking pagsisikap ang iyong iginugugol. Halimbawa, ikaw ay may katamtamang kakayahan, hindi masyadong edukado, mababa ang kakayahan mong makaarok, at medyo baluktot. Mga obhetibong katunayan ang mga ito. Subalit kapag may nangyaring isang bagay, at pinahihintulutan ka ng Diyos na makita ang mga kapintasan dito, na may problema rito, at kung kaninong responsabilidad ito, maibubunyag ng usaping ito kung kaya mong panindigan ang mga prinsipyo at kung nagsasagawa ka ng katotohanan. Kung tapat mong ginagampanan ang iyong tungkulin at taos-puso ka sa Diyos, ano, kung gayon, ang dapat mong gawin tungkol sa bagay na iyon? Ano ang dapat mong gawin para umayon sa katotohanan, para gawin ang hinihingi ng Diyos? Sa mga ganitong pagkakataon, hindi tinitingnan ng Diyos ang iyong kakayahan o kung gaano ka kaedukado, o kung gaano karaming taon ka nang nananalig sa Kanya; tinitingnan Niya ang iyong pananaw at saloobin sa bagay na nangyari, kung taos-puso ka ba, at, kung isinasaalang-alang mo ba ang iyong konsensiya sa panahong iyon. Kung taos-puso ka sa Diyos, magkakaroon ka ng pagpapahalaga sa responsabilidad, iisipin mo na, “Maaaring hindi bumagsak sa akin ang bagay na ito, subalit may kinalaman ito sa gawain ng iglesia. Kailangan kong magtanung-tanong at makinig ng mas marami pa tungkol dito.” At pagkatapos mong magtanung-tanong, maaaring malaman mo na naging tamad at iresponsable ang superbisor, na hindi niya sineryoso ang usapin at inantala ito. Pagkatapos ay hahanapin mo ang superbisor at makikipagbahaginan ka sa kanya, agad na itatama ang isyu. Hindi mo na kakailanganing humanap mula sa Itaas; malulutas mo na ang problema sa iyong sarili. Ikaw ay may ordinaryong kakayahan at may kaunting pagkukulang at kapintasan, subalit makaaapekto ba ang mga bagay na iyon sa pagsasagawa mo ng katotohanan? Makaaapekto ba ang mga ito sa pagtupad mo ng iyong tungkulin o sa katapatan mo sa Diyos? Hindi makaaapekto ang mga ito. May ilang tao na nagsasabi na hangal sila at baluktot ang kanilang pagkaunawa, may ilang nagsasabi na wala silang espirituwal na pang-unawa, at may ibang nagsasabi na mababa ang kanilang kakayahan at hindi sila edukado. Kung gayon, hindi ba maaaring isagawa mo na lang ang katotohanan kapag may isang bagay na nangyayari? Hindi tinitingnan ng Diyos ang kakayahan ng mga tao o ang antas ng kanilang edukasyon. Walang masyadong kinalaman ang mga bagay na ito sa pagsasagawa ng katotohanan. Walang epekto ang mga kakulangan at kapintasang ito sa pagsasagawa mo ng katotohanan, o sa katapatan mo sa Diyos, o sa responsabilidad na kinukuha mo sa pagtupad ng iyong tungkulin. Tinitingnan ng Diyos kung taos-puso ka ba—ito ang pinakapraktikal, at ito ang isang bagay na kayang kamtin ng mga tao. Ginagamit ng Diyos ang pinakapraktikal na paraan para sukatin ang bawat tao. Sinasabi ng ilang tao na, “Mababa ang aking kakayahan, ignorante ako, at masyado akong maraming alam; naiimpluwensiyahan nito ang pagsasagawa ko ng katotohanan.” Palusot ang lahat ng ito, at walang katibayan ang mga ito. Pero bakit? Dahil hindi sa ganyang paraan sinusukat ng Diyos ang mga tao. Sarili mo iyang pamantayan, hindi sa Diyos. Ano ang pamantayan ng Diyos kapag sinusukat ang isang tao? Tinitingnan ng Diyos kung tapat ang isang tao sa Kanya at kung sila ay taos-puso. Kung tapat ka sa Diyos, hindi mahalaga kung medyo baluktot o kakatwa ang iyong pagkaunawa. Sinasabi ng ilang tao na, “Wala akong espirituwal na pang-unawa.” Puwes, tapat ka ba sa Diyos? Kung oo, hindi ito makaaapekto sa pagsasagawa mo ng katotohanan. Malinaw na ba ito? Kung ikaw ay tapat sa Diyos, at taos puso mong ginagampanan ang iyong tungkulin, maaari ka pa rin bang maging negatibo at mahina kapag pinungusan ka? Ano ba ang dapat gawin kung ikaw ay talagang negatibo at mahina? (Dapat kaming manalangin sa Diyos at umasa sa Diyos, sikapin naming isipin kung ano ang hinihingi ng Diyos, pagnilayan kung ano ang kulang sa amin, kung anong mga pagkakamali ang nagawa namin; kung saan kami nadapa, doon kami dapat bumangong muli.) Tama iyan. Hindi malalaking problema ang pagiging negatibo at mahina. Hindi kinokondena ng Diyos ang mga ito. Basta’t kaya ng isang tao na bumangong muli kung saan siya nadapa, at matutuhan ang kanyang leksiyon, at normal na gampanan ang kanyang tungkulin, iyon na iyon. Walang sinumang maninisi sa iyo, kaya huwag kang maging negatibo nang walang katapusan. Kung iwawaksi mo ang iyong tungkulin at tatakasan iyon, mapapahamak ka nang tuluyan. Lahat ay negatibo at mahina kung minsan—hanapin lamang ang katotohanan, at madaling malulutas ang pagiging negatibo at mahina. Ang kalagayan ng ilang tao ay lubos na nagbabago sa pagbabasa lang ng isang kabanata ng mga salita ng Diyos o pagkanta ng ilang himno; kaya nilang ipagtapat ang nilalaman ng kanilang puso sa pagdarasal sa Diyos, at kaya nila Siyang purihin. Hindi ba nalutas na ang kanilang problema pagkatapos niyon? Sa katunayan, ang mapungusan ay talagang mabuting bagay. Kahit pa ang mga salitang nagpupungos sa iyo ay medyo mabagsik, medyo masakit, iyon ay dahil kumilos ka nang walang katwiran, at nilabag mo ang mga prinsipyo nang hindi mo namamalayan—paanong hindi ka pupungusan sa gayong sitwasyon? Ang pagpupungos sa iyo sa ganitong paraan ay para tulungan ka talaga, ito ay pagmamahal para sa iyo. Dapat mong maunawaan ito at huwag kang magreklamo. Kaya, kung nagdudulot ng pagkanegatibo at reklamo ang pagpupungos, kahangalan at kamangmangan iyon, pag-uugali ito ng isang taong walang katwiran.
Ano ang pinakamahalagang bagay na dapat pagtuunan kapag nananalig sa Diyos? Mataas man o mababa ang kakayahan ng isang tao, may espirituwal na pang-unawa man siya, o anumang uri ng pagpupungos ang kinakaharap niya—wala sa mga ito ang mahalaga. Ano ang mahalagang bagay sa mga panahong ito? Ito ay kung paano kayo pumapasok sa katotohanang realidad. Para magawa ito, ano ang pinakapangunahing bagay na dapat taglayin ng isang tao? Dapat ay may tapat silang puso. Ano ang ibig sabihin ng pagiging tapat? Ang ibig sabihin nito ay ang hindi pagiging mapanlinlang kapag may mga bagay na nangyayari sa iyo, hindi pagsasaalang-alang sa sarili mong interes, hindi pakikipagsabwatan at pagpapakana kasama ang ibang tao, at hindi pakikipaglokohan sa Diyos. Kung kaya mong dayain ang Diyos at hindi maging tapat sa Kanya, ganap kang nasa panganib at hindi ka ililigtas ng Diyos, kaya para saan pa ang pag-unawa sa katotohanan? Maaaring mayroon kang espirituwal na pang-unawa, may mataas na kakayahan, mahusay magsalita, at mabilis makaarok ng mga bagay-bagay, maghinuha, at makaunawa sa lahat ng sinasabi ng Diyos, subalit kung makikipaglokohan ka sa Diyos kapag may mga bagay na nangyayari sa iyo, isa itong satanikong disposisyon at napakamapanganib. Walang silbi ang kakayahan mo gaano man ito kahusay, at hindi ka gugustuhin ng Diyos. Sasabihin ng Diyos na, “Magaling kang magsalita, may mataas na kakayahan, mabilis mag-isip, at may espirituwal na pang-unawa, subalit may isang problema lang—hindi mo minamahal ang katotohanan.” Iyong mga hindi nagmamahal sa katotohanan ay mapanggulo, at hindi sila gusto ng Diyos. Kung paanong buong-buong itatapon ang isang kotse na maayos tingnan subalit pangit ang makina, itatakwil ang isang tao na hindi mabuti ang puso. Tulad din nito ang mga tao: Gaano man kahusay tingnan ang iyong kakayahan, gaano katalino, kagaling magsalita, o kamaaasahan ka, o gaano kagaling ka sa paglutas ng mga problema, walang silbi ang lahat ng mga ito, at hindi ito ang pangunahing punto. Kung gayon, ano ang pangunahing punto? Tungkol ito sa kung nagmamahal sa katotohanan ang puso ng isang tao. Hindi ito tungkol sa pakikinig kung paano siya nagsasalita, kundi pagtingin sa kung paano siya kumikilos. Ang Diyos ay hindi tumitingin sa sinasabi o ipinapangako mo sa harap Niya; tinitingnan Niya kung ang ginagawa mo ba ay may katotohanang realidad. At saka, walang pakialam ang Diyos kung gaano kataas, kalalim, o kagiting ang iyong mga ikinikilos, at kahit na maliit na bagay ang ginagawa mo, kung nakikita ng Diyos ang pagiging taos-puso sa iyong bawat kilos, sasabihin Niyang, “Taos-pusong nananalig sa Akin ang tao na ito. Hindi siya kailanman nagyabang. Kumikilos siya ayon sa kanyang katungkulan. Bagama’t maaaring hindi malaki ang kanyang naiambag sa sambahayan ng Diyos at mahina ang kanyang kakayahan, matatag at may pagiging taos-puso siya sa lahat ng kanyang ginagawa.” Ano ang nilalaman ng “pagiging taos-puso” na ito? Naglalaman ito ng takot at pagpapasakop sa Diyos, gayundin ng tunay na pananampalataya at pagmamahal; naglalaman ito ng lahat ng nais makita ng Diyos. Maaaring hindi kapansin-pansin ang ganitong mga tao sa iba, maaaring sila ang taong tagaluto ng pagkain o tagalinis, isang taong nagsasagawa ng isang ordinaryong tungkulin. Ang ganitong mga tao ay hindi kapansin-pansin sa iba, walang anumang dakilang nagawa, at walang anumang kapita-pitagan, kahanga-hanga o kainggit-inggit tungkol sa kanila—mga ordinaryong tao lamang sila. Gayunpaman, ang lahat ng hinihingi ng Diyos ay nasa kanila, naisasabuhay nila, at ibinibigay nila ang lahat ng ito sa Diyos. Sabihin mo sa Akin, ano pa ba ang gusto ng Diyos? Nalulugod Siya sa kanila. Samakatuwid, huwag kang mawalan ng pag-asa o maging negatibo dahil lang masyadong mababa ang iyong tayog at hindi mo nauunawaan ang katotohanan, o dahil nakikita mo ang iba na tinatahak ang landas ng pagpeperpekto pagkatapos pagdaanan ang mga paghihirap at maranasan ang mga pagsubok at pagpipino, at huwag mong iisiping hindi ka mahal ng Diyos, o na hindi Niya gustong perpektuhin ka. Bakit ka nagmamadali? Iba-iba ang ibinibigay ng Diyos sa bawat tao, at kapag sinusukat mo ang iyong sarili, sukatin mo muna kung ano ang ibinigay sa iyo ng Diyos at kung ano ang mga sarili mong kondisyon, at pagkatapos ay mauunawaan mo na mabuti ang lahat ng ginagawa ng Diyos. Maaaring sabihin ng isang tao na, “Mababa ang aking kakayahan. Mabuti pa rin ba ang ibinibigay sa akin ng Diyos?” Oo, mabuti ito. Puwedeng sabihin naman ng iba na, “Medyo mahina ang utak ko. Mabuti pa rin ba ang ibinibigay sa akin ng Diyos?” Oo, mabuti ang lahat ng ito. Bakit mabuti ang lahat ng ito? Kung hindi mahina ang utak mo, magiging mayabang ka at makalilimutan mo ang iyong lugar, kaya iniingatan ka nito at mabuting bagay ito. Kung lahat kayo ay may mas mahusay na abilidad at kasanayan kaysa sa kung ano ang mayroon kayo ngayon, sino ang makapananatiling ganito kabuti ang pag-uugali at ganito kagustong gampanan ang kanilang tungkulin sa sambahayan ng Diyos? Hindi ba’t ito ang kaso na may ilang tao na ganito, subalit hindi marami? (Oo.) Ang lahat ng ginagawa ng Diyos ay mabuti at tama, hindi nga lang ito malinaw na nauunawaan ng mga tao. Palaging mas marami ang hinahangad ng mga tao mula sa Diyos, na para bang kapag mas marami Siyang ibinibigay sa isang tao, mas maisasagawa nito ang katotohanan, subalit hindi talaga ito ang kaso. Sapat na ang ibinigay sa iyo ng Diyos; ibinigay Niya sa iyo ang lahat at ipinagkaloob sa iyo ang Kanyang buhay, kaya’t ano pa ang gusto mo? Ang mga salitang ito na binibigkas ng Diyos at ang lahat ng Kanyang ginagawa ay sagana at sapat para sa sangkatauhan. Walang anumang maaaring hingin ang mga tao sa Diyos, at hindi sila dapat magreklamo tungkol sa Kanya at magsabing, “Ano ang magagawa ko sa kakayahang ito o sa mga karampot na regalong ito na ibinigay sa akin ng Diyos?” Masyado kang maraming magagawa. Ang gusto ng Diyos ay hindi kung ano ang naiisip mo—gusto Niyang isagawa mo ang katotohanan, gawin ang mga bagay-bagay alinsunod sa mga katotohanang prinsipyo, at gampanan ang mga tungkulin na dapat mong gampanan. Hindi mo ginagawa kung ano ang kaya mong gawin, subalit bulag-bulagan mong ginagawa kung ano ang hindi mo dapat gawin. Tinatawag itong pagpapabaya sa iyong gawain. Hindi ba’t masyadong mataas ang nilalayon mong abutin? (Oo.) Ano ang gustong gawin ng mga tao? Ang magkamit ng karangalan sa iba, para hangaan at labis na pahalagahan ang kanilang mga salita at pagkilos, at para makilala ng maraming tao. Hindi gusto ng Diyos na maging ganoong uri ka ng tao, kung kaya’t hindi Niya ibinigay sa iyo ang mga gayong uri ng bagay. Kung nagkaroon ka ng pagkakataong maging ganoong uri ng tao, mahihindian mo ba ito? Madali mo lang ba itong mapakakawalan? Mapanganib ang kahihinatnan nito. Inakala mo bang mabuti ang mga bagay na iyon? Bakit nagiging anticristo ang ilang tao? Hindi ba’t dahil ito sa naiisip nilang medyo may kasanayan sila, at kaya’t nagiging napakayabang nila? Bakit nila nagagawang tahakin ang landas na iyon? Ganoong uri lang talaga sila ng tao; tatahakin din nila ang landas na iyon pagdating ng panahon, at walang plano ang Diyos na bigkasin ang katotohanan sa kanila o iligtas sila. Kaya, talagang naiiba ang ibinibigay Niya sa iyo sa ibinibigay Niya sa ibang tao. Kung palagi mong ikinukumpara ang iyong sarili sa iba at palagi mong hinahangad kung ano ang mayroon sila, dalisay na pagkaarok ba ito? Hindi mo nauunawaan ang layunin ng Diyos! Samakatuwid, kapag nabatid mo nang mababa ang iyong kakayahan, na wala kang espirituwal na pang-unawa at may baluktot kang pagkaarok, na madalas ay mahina ka, o iniisip na masyado kang maraming problema at pagkukulang, dapat mo munang isipin kung bakit hindi ka binigyan ng Diyos ng isang partikular na kaloob. Dito makikita ang Kanyang kabutihang loob. Tingnan mong muli kung aling landas ang tinatahak ng karamihan sa mga taong may kaloob at talento, at kung ano ang saloobin ng Diyos sa kanila. Ano ang isang pangungusap na pinakagugustuhin mong sabihin sa sandaling naunawaan mo na ang bagay na ito? (Salamat sa Diyos para sa Kanyang proteksiyon.) Tama iyan, dapat kang magpasalamat sa Diyos at sabihing: “O Diyos, napakabuti Mo sa akin, hindi Mo ako binigyan ng mga kaloob o talento, at ginawa Mo akong tulad nang isang hangal o mangmang. Pagpapala ito sa akin! Hindi ako negatibo o malungkot. Ang kulang sa akin ngayon ay ang pagiging taos-puso at tapat sa Iyo. Hindi ko hinihingi na ako ay maging matalino at magaling magsalita, o magkaroon ng mga kaloob at talento. Gusto ko lang ipagkaloob ang pagiging taos-puso ko sa Iyo. Ang mga kaloob, talento, at kaalaman, maging ang katayuan at kasikatan sa mga tao ay hindi mabubuting bagay, at hindi ko gusto ang mga ito.” Hindi ba ito nagpapakita ng pagbabago? (Oo, nagpapakita ito ng pagbabago.) Kung gayon, masasaktan ka pa rin ba at luluha dahil madaming kulang sa iyo? Hindi mo na gagawin ito, at hindi mo mararamdamang ginawan ka ng pagkakamali. Kung hindi, kapag pinupungusan ka ng iba, iisipin mo na, “Isa akong mangmang, minamaliit ako ng lahat ng tao sa mundo, at sa sambahayan ng Diyos, hindi ako kailanman magkakaroon ng mas mataas o mahalagang posisyon.” Ang implikasyon ay, “Napakakaunti ng ibinigay sa akin ng Diyos, kaya’t bakit labis-labis ang ibinigay Niya sa iba?” Palagi kang nagrereklamo sa iyong puso at pakiramdam mo ay ginawan ka ng pagkakamali. Ang katunayan, isang malaking pagpapala ang dumating sa iyo, at hindi mo man lang ito alam. Kung nangyari ulit ang gayong bagay sa hinaharap, magbabago ba ang pananaw mo? (Oo, magbabago ito.) Ano ang magbabago sa mga tao kapag nag-iiba ang kanilang pananaw? (Hindi sila maglalayon nang napakataas at maghahangad ng gayong katatayog na bagay, at magagampanan nila ang kanilang tungkulin nang maayos na may pusong mapagpasalamat at may mga paang nakatapak sa lupa.) Makakaya nilang maging matatag, mamuhay nang tunay at makatotohanan, at maghangad ng iba’t ibang layunin. Sabihin mo sa Akin, mas mabuti bang gawin ka ng Diyos na hangal at mangmang, na may kakayahang isakatuparan nang maayos ang kanyang tungkulin sa matatag na paraan para maligtas ka, o bigyan ka Niya ng mataas na kakayahan, mataas na antas ng edukasyon, magandang itsura, at kahusayan sa pananalita, gayundin ang kakayahan sa pagtatrabaho at mga espesyal na kalakasan, para titingalain ka ng mga tao at magiging higante ka sa gitna ng mga unano saan ka man pumunta, at pagkatapos ay tatahakin mo ang landas ng isang anticristo? Ano ang pipiliin mo? (Mas mabuti na maging isang hangal at isang mangmang.) Masasabi mo na ito ngayon, subalit kung may tumawag talaga sa iyong isang hangal at isang mangmang, sasama ang loob mo. Dapat ganito ka mag-isip: “Bagaman mahina ang kakayahan ko at ignorante ako, mas mabuti pa rin ako kaysa sa masasamang tao at mga anticristo dahil may pagkakataon pa rin akong mailigtas.” Dapat matutuhan mong pagaanin ang iyong pakiramdam. (Naalala ko na may ibang tao na nananalig sa Diyos kasama ko. Lahat sila ay may mataas na kakayahan at napakatatalino, subalit dahil palagi silang nagtutunggali para sa kapangyarihan at pakinabang at ginugulo ang gawain ng iglesia, tinanggal sila at pinatalsik. Pakiramdam ko ay narating ko ang kinalalagyan ko ngayon dahil mahina ang aking kakayahan, mangmang ako, at nagawa kong umasal nang mabuti—dakilang proteksiyon din ito ng Diyos.) Bakit ka pinoprotektahan ng Diyos? Dahil ba mangmang ka? Nakikisimpatiya ba Siya sa mahina? Hindi, hindi Siya nakikisimpatya; hindi ito tulad ng sinasabi ng mga walang pananampalataya, na ang batang umiiyak ang nakakukuha ng kendi. Hindi iyon ang kaso. Ano ang tumpak na paraan ng pagtingin dito? Aling paraan ng pagtingin dito ang naaayon sa katotohanan? (Dahil ito sa naniniwala ang mga tao nang medyo taos-puso at may kaunting pagmamahal sa katotohanan sa kanilang puso, at handa silang hangarin ang katotohanan—inililigtas ng Diyos ang mga taong may ganitong puso, at dahil dito ay isinasaayos Niya ang iba’t ibang kapaligiran para protektahan sila.) Tama iyon. Ang proteksiyon ng Diyos para sa iyo ay kapalit ng iyong pagiging taos-puso sa Kanya. Kaya, ano ang pinakamahalaga? Pinakamahalaga ang pagiging taos-puso sa Diyos. May kaunti kang pagmamahal sa mga positibong bagay at pagiging taos-puso sa Diyos, at ipinagpapalit mo ang mga ito para sa proteksiyon at biyaya ng Diyos—malaki ang naging pakinabang mo. Maaaring sabihin ng isang tao na, “Mahina ang aking kakayahan, at bagaman marami akong nakamit, hindi ko pa rin nauunawaan ang kahit ano.” Hindi ka ba masyadong nakauunawa? Ang abilidad mong gampanan ang iyong tungkulin at sundan ang Diyos ngayon ay nauugnay sa pag-unawa mo sa katotohanan. Maaaring sabihin naman ng iba na, “Ano ang nauunawaan ko? Hindi ko maipaliwanag ito nang maayos.” Maaaring hindi mo ito maipaliwanag nang maayos, subalit nagagawa mong magsikap na gampanan ang iyong tungkulin sa sambahayan ng Diyos, at marami kang nauunawaan. Gaano man kalalim o kababaw ang pang-unawa mo sa mga bagay na ito, tiyak na nauugnay ang mga ito sa katotohanan at malapit ang mga ito rito, at ito ang dahilan kung bakit sinusuportahan ka hanggang sa ngayon at patuloy na nagagampanan ang iyong tungkulin. Hindi ba’t ito ang kaso? (Oo, ito nga.) Ang pag-iisip na ikaw ay isang hangal o isang mangmang ay hindi isang masamang bagay, at kung iisipin mo ito ngayon, ang “hangal” at “mangmang” ay mga palayaw na walang kahit anong pang-aalipusta o pangmamaliit. Kapag ikukumpara ang tawaging hangal at mangmang sa tawaging anticristo, alin ang mas mabuti? (Mas mabuting tawaging hangal at mangmang.) Kung, isang araw, ay sinabi ng Diyos na, “Halika rito, hangal. Halika rito, mangmang,” maaaring hindi ka masisiyahan, subalit pagninilayan mo ito, iisipin na, “Dahil tinawag Niya akong hangal at hindi anticristo, pupunta ako roon.” At masaya kang aalis. Pagkatapos ay sinasabi ng isang tao na, “Bakit napakasaya mo na tinatawag kang hangal?” At sinasabi mong, “Tinawag Niya akong hangal at hindi sinabing ako ay isang anticristo, o na hindi ako maililigtas. Iyan ang dahilan kung bakit ako masaya.” Ang pagtawag sa iyo na hangal ay hindi pagturing sa iyo na isang tagalabas, kundi bilang isang kapamilya, isang taong pamilyar. Tulad ito sa pagtawag ng mga tao sa kanilang anak na “maliliit na halimaw”; maaaring parang marahas itong pakinggan, subalit ito talaga ang katotohanan, at paglalambing lang ito. Ano naman kung tinawag kang isang anticristo? Kung gayon ay may problema ka, dahil ang pagpapalit ng isang pangalan ay nangangahulugan na iba ang kalikasan nito, at mag-iiba rin ang iyong kahihinatnan. Ano ang pipiliin ninyo? (Pipiliin kong tawaging isang hangal at isang mangmang.) Hindi mabuti na palagi na lang na maging isang hangal at isang mangmang; kailangan ding humusay nang kaunti ang iyong kakayahan. Humusay ba ang inyong kakayahan sa paglipas ng panahon? (Humusay nang kaunti subalit hindi masyado.) Sa larangan ng buhay pagpasok, kung talagang magtatrabaho ka nang maigi at patuloy na magsisikap, tiyak na huhusay ka, subalit imposibleng makita ang malalaking pagbabago nang biglaan. Isa itong mabagal na proseso ng paglago, subalit hangga’t may pagpasok, hindi ka uurong, at hangga’t naghahangad ka, ang buhay pagpasok mo ay unti-unting lalago, unti-unti.
Hindi madali para sa Diyos ang isagawa ang katotohanan sa mga tao. Hindi ito nangyayari nang kasingbilis ng pagtubo ng mga binhing itinanim sa lupa—ibang-iba ito. Ang pagliligtas ng Diyos sa tao ay sa pamamagitan ng ganap na paglilinis at pagbabago ng kanyang satanikong disposisyon at sa pamamagitan ng pagpapahintulot sa tao na isabuhay ang katotohanang realidad sa Kanyang mga salita, subalit hindi simple ang mga bagay-bagay na ito. Kahit makinig ka pa sa mga sermon, magbasa ng mga salita ng Diyos, magdasal, at dumanas sa bawat araw, magiging limitado ang iyong pag-unlad, at magiging mabagal ang iyong buhay paglago. Maraming proseso ang kinakailangan para maunawaan ng isang tao ang katotohanan. Kinakailangan ng mga tao ng maraming paulit-ulit na karanasan, at kailangan din nilang patuloy na magpunyagi at magsikap para subukang maarok ang katotohanan—saka lang nila mauunawaan ito. Mahalaga rin ang gawain ng Banal na Espiritu dahil kung hindi, magiging mas limitado pa ang makakamit ng mga tao. Maraming tao ang nanalig sa Diyos nang may dalawampu o tatlumpung taon subalit hindi pa rin sila nakapagsasabi ng kanilang patotoong batay sa karanasan. Dahil ito sa hindi talaga nila hinangad ang katotohanan o itinuon ang kanilang pagsisikap sa pag-arok sa katotohanan, na nauuwi sa wala kahit pagkatapos ng ilang dekada ng pananalig sa Diyos. Kailangang maunawaan, maranasan, at maarok ng mga tao ang katotohanan, at lalong kailangan nila ang Diyos na isaayos ang mga kapaligiran para sa kanila. Ang kombinasyon ng iba’t ibang aspektong ito ang dahilan kung bakit may kaunting pang-unawa at pagpasok ang mga tao. Oras na mabuo ito sa iyong kalooban, bibigyan ka nito ng ibang kaalaman, mga damdamin, at mga kaisipan, na magpapahintulot sa iyong kamalayan at mga kaisipan na lumago at magbago nang kaunti, na magpapatatag naman nang kaunti sa iyong pananalig sa Diyos at babago nang kaunti sa iyong saloobin sa katotohanan at sa sarili mong landas ng buhay. Kakaunti, maliliit na pagbabago ang lahat ng mga ito, subalit ang maliliit na pagbabagong ito ang magdudulot ng napakalaking pagbabago sa iyong paningin sa buhay, sa iyong mga pag-iisip at pananaw, at sa iyong saloobin sa mga bagay-bagay at sa Diyos. Ito ang kapangyarihan ng salita ng Diyos—ang katotohanan.
Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.