Ang Pagpasok sa Buhay ay Nagsisimula sa Pagganap ng Tungkulin (Ikalawang Bahagi)

Upang magawa sa tamang pamantayan ang iyong tungkulin, kailangan mo munang magkaroon ng wastong mentalidad. Kapag lumalabas ang iyong tiwaling disposisyon, kailangan mo ring ayusin ang sarili mong kalagayan. Kapag nagawa mong tratuhin nang tama ang iyong tungkulin, kapag naiwaksi mo na ang mga hadlang at impluwensiya ng lahat ng uri ng tao, pangyayari, o bagay, kapag lubusan ka nang nakakapagpasakop sa Diyos, kung gayon ay magagawa mo na nang maayos ang iyong tungkulin. Ang sikreto sa paggawa nito ay ang laging unahin ang iyong tungkulin at responsabilidad. Sa proseso ng paggawa ng iyong tungkulin, dapat palagi mong suriin ang iyong sarili: “Mayroon ba akong pabasta-bastang ugali sa paggawa ng tungkulin ko? Anong mga bagay ang gumugulo sa akin at nagiging dahilan para pabasta-basta kong gawin ang aking tungkulin? Ginagawa ko ba ang tungkulin ko nang may buong puso at lakas? Magtitiwala ba sa akin ang Diyos kung kikilos ako nang ganito? Ganap na ba akong nakapagpasakop sa Diyos? Ang pagggawa ba ng tungkulin ko sa ganitong paraan ay naaayon sa mga prinsipyo? Magkakamit ba ng pinakamagagandang resulta ang paggawa ko ng tungkulin ko sa ganitong paraan?” Dapat madalas mong pagnilayan ang mga katanungang ito. Kapag nakatuklas ka ng mga problema, dapat aktibo mong hangarin ang katotohanan, at hanapin ang mga nauugnay na salita ng Diyos para malutas ang mga ito. Sa gayon, magagawa mo nang maayos ang tungkulin mo, at mapapayapa at magagalak ang puso mo. Kung madalas lumilitaw ang mga problema habang ginagawa mo ang iyong tungkulin, kung saan karamihan sa mga ito ay nagmumula sa mga problema sa mga layunin mo—ang mga ito ay mga problema ng isang tiwaling disposisyon. Kapag lumalabas ang tiwaling disposisyon ng isang tao, magkakaroon sila ng mga problema sa puso nila at hindi magiging normal ang kalagayan nila, na direktang makakaapekto sa kanilang abilidad na gawin ang kanilang tungkulin. Ang mga problemang nakakaapekto sa abilidad ng isang tao na gawin ang kanyang tungkulin ay malalaki at mabibigat na problema; direkta itong makakaapekto sa kanilang ugnayan sa Diyos. Halimbawa, ang ilang tao ay nagkakaroon ng mga kuru-kuro at maling pagkaunawa tungkol sa Diyos kapag tinatamaan ng mga sakuna ang mga pamilya nila. Ang ilang tao ay nagiging negatibo kapag nagdurusa sila at walang nakakakita nito o walang pumupuri sa kanila. Ang ilang tao ay hindi ginagampanan nang maayos ang kanilang tungkulin, palaging pabasta-basta, at nagrereklamo sila laban sa Diyos kapag tinatabasan at iwinawasto sila. Ang ilang tao ay hindi handang gawin ang kanilang tungkulin dahil palagi silang naghahanap ng daan na matatakasan. Direktang nakakaapekto ang lahat ng problemang ito sa isang normal na ugnayan sa Diyos. Ang lahat ng ito ay mga problema ng isang tiwaling disposisyon. Lahat ito ay nagmumula sa katunayang hindi kilala ng mga tao ang Diyos, na palagi silang nagpapakana at nagsasaalang-alang ng kanilang sarili, na pumipigil sa kanila na pag-isipan ang kalooban ng Diyos o magpasakop sa mga plano ng Diyos. Nagbubunga ito ng lahat ng uri ng negatibong damdamin. Ganito talaga ang mga taong hindi naghahangad sa katotohanan. Kapag nangyayari sa kanila ang maliliit na problema, nagiging negatibo sila at mahina, naghihimutok sila sa kanilang pagkabigo sa kanilang tungkulin, sumusuway sila at lumalaban sa Diyos, at gusto nilang bitiwan ang kanilang mga responsabilidad at ipagkanulo ang Diyos. Ang lahat ng bagay na ito ay ang iba’t ibang kahihinatnan na dulot ng mga pagpigil ng isang tiwaling disposisyon. Ang taong nagmamahal sa katotohanan ay nagagawang isantabi ang kanyang sariling buhay, kinabukasan, at kapalaran, at nais lamang niyang hangarin at kamtin ang katotohanan. Iniisip niya na wala nang sapat na oras, natatakot siyang hindi niya magagawa ang kanyang tungkulin, at na hindi siya magagawang perpekto, kaya’t nagagawa niyang isantabi ang lahat. Ang kanyang mentalidad ay ang bumaling lang at magpasakop sa Diyos. Hindi siya natatakot sa anumang paghihirap, at kung negatibo o mahina ang pakiramdam niya, likas niyang nilulutas ito sa pamamagitan ng pagbabasa ng ilang sipi mula sa mga salita ng Diyos. Ang mga taong hindi naghahangad sa katotohanan ay mga naguguluhan, at paano ka man magbahagi sa kanila tungkol sa katotohanan, hindi nila nagagawang ganap na lutasin ang mga problema nila. Kahit na saglit silang natatauhan at nagagawa nilang tanggapin ang katotohanan, kalaunan ay bumabalik pa rin sila sa dati, kaya napakahirap pangasiwaan ang ganitong uri ng tao. Hindi sa hindi nila nauunawaan ang anumang bagay sa katotohanan, kundi dahil sa hindi nila pinahahalagahan o tinatanggap ang katotohanan sa puso nila. Sa huli, dahil dito ay hindi nila maisantabi ang sarili nilang kalooban, pagkamakasarili, kinabukasan, kapalaran, at hantungan, na palaging umuusbong para guluhin sila. Kung nagagawang tanggapin ng isang tao ang katotohanan, kung gayon ay habang nauunawaan niya ang katotohanan, ang lahat ng bagay na nabibilang sa isang tiwaling disposisyon ay likas na maglalaho, at magkakaroon siya ng pagpasok sa buhay at tayog; hindi na siya magiging isang mangmang na bata. Kapag may tayog ang isang tao, lalago nang lalago ang pagkaunawa niya sa mga bagay-bagay, mas lalo niyang makikilatis ang lahat ng uri ng tao, at hindi siya mapipigilan ng sinumang tao, pangyayari, o bagay. Hindi siya maiimpluwensiyahan ng anumang sasabihin o gagawin ng sinuman. Hindi siya sasailalim sa panghihimasok ng masasamang puwersa ni Satanas, o sa panlilinlang at panggugulo ng mga huwad na lider at anticristo. Kung mangyayari ito, hindi ba’t unti-unting lalago ang tayog ng isang tao? Kapag mas nauunawaan ng isang tao ang katotohanan, mas mabilis na uusad ang buhay niya, at magiging madali para sa kanya na matagumpay na magawa ang kanyang tungkulin at makapasok sa realidad ng katotohanan. Kapag mayroon kang pagpasok sa buhay at unti-unting lumalago ang buhay mo, magiging mas normal ang kalagayan mo. Hindi ka na mamomroblema sa mga tao, pangyayari, at bagay na minsang nakagulo o nakapigil sa iyo. Hindi ka na mahihirapan sa paggawa ng iyong tungkulin, at magiging mas normal ang ugnayan mo sa Diyos. Kapag marunong kang umasa sa Diyos, kapag alam mo kung paano hangarin ang kalooban ng Diyos, kapag alam mo kung saan ka nabibilang, kapag alam mo kung ano ang dapat at hindi mo dapat gawin, at kung sa aling mga bagay mo kinakailangang umako ng responsabilidad o hindi, hindi ba’t mas magiging normal ang kalagayan mo? Hindi ka papagurin ng pamumuhay nang ganito, hindi ba? Hindi ka lamang hindi mapapagod, makararamdam ka rin ng labis na kaalwanan at kaligayahan. Hindi ba’t mapupuno ng liwanag ang puso mo dahil dito? Magiging normal ang mentalidad mo, mababawasan ang mga pagpapamalas ng iyong tiwaling disposisyon, at makapamumuhay ka sa presensiya ng Diyos, maisasabuhay mo ang normal na pagkatao. Kapag nakita ng mga tao ang mentalidad mo, iisipin nilang nagkaroon ng malaking pagbabago sa iyo. Magiging handa silang makipagbahaginan sa iyo, makararamdam ng kapayapaan at kagalakan sa puso nila, at makikinabang din sila. Habang lumalago ang tayog mo, magiging mas wasto at may prinsipyo ang pananalita at mga kilos mo. Kapag nakakita ka ng mga taong mahina at negatibo, mabibigyan mo sila ng malaking tulong—nang hindi sila pinipigilan o sinesermunan, bagkus ay ginagamit mo ang sarili mong mga tunay na karanasan para sila ay matulungan at makinabang. Sa ganitong paraan, hindi mo lang gugugulin ang sarili mo sa sambahayan ng Diyos, magiging kapaki-pakinabang ka ring tao, magagawa mong umako ng responsabilidad, at makagagawa ka ng mas makabuluhang mga bagay sa sambahayan ng Diyos. Hindi ba’t ito ang uri ng tao na gusto ng Diyos? Kung isa kang taong gusto ng Diyos, hindi ba’t magugustuhan ka rin ng lahat? (Magugustuhan ka nila.) Bakit nasisiyahan ang Diyos sa ganitong tao? Dahil nakagagawa siya ng mga praktikal na bagay sa harapan ng Diyos, hindi siya madaling mabola, pinangangasiwaan niya ang mga praktikal na bagay, at nagagawa niyang tumulong at mamuno sa iba sa pamamagitan ng pagsasalita tungkol sa kanyang tunay na mga karanasan. Nagagawa niyang tulungan ang iba na malutas ang anumang problema, at kapag may mga suliranin sa gawain ng iglesia, nagagawa niyang pangunahan ang daan pasulong, nang aktibong nilulutas ang mga problema. Ito ang ibig sabihin ng tapat na paggawa sa kanilang tungkulin. Natutulungan niya ang kanyang mga kapatid na malutas ang mga problema ng mga ito, na nagpapatunay na mayroon siyang pagpasok sa buhay. Ang katunayang kaya niyang gumawa ng napakaraming praktikal na bagay ay nagpapatunay na isinasagawa niya ang katotohanan, at na namumuhay siya sa presensiya ng Diyos. Dahil nasa kanya ang realidad ng katotohanan, nagagawa rin niyang akayin ang iba na pumasok sa realidad ng katotohanan. Kung hindi mo taglay ang realidad ng katotohanan o wala kang mga tunay na karanasan, maaakay mo ba ang iba sa presensiya ng Diyos? Kung ikaw mismo ay hindi namumuhay sa presensiya ng Diyos, hindi mo maaakay ang iba sa Kanyang presensiya. Kung gugugulin mo lamang ang sarili mo habang ginagawa ang iyong tungkulin, nang hindi hinahanap ang mga prinsipyo ng katotohanan, at ayaw mong palugurin ang Diyos, kung gayon, hindi ka namumuhay sa presensiya ng Diyos. Nagagawa bang tanggapin ng yaong mga hindi namumuhay sa presensiya ng Diyos ang Kanyang pagsisiyasat? Nakakayanan ba nila ang mga pagsubok ng Diyos? Nagagawa ba nilang manindigan sa gitna ng mga hamon? (Hindi, hindi nila kaya.) Kaya ba ng ganitong uri ng tao na magpatotoo sa Diyos? Kaya ba niyang magpatotoo tungkol sa Kanya? (Hindi, hindi niya kaya.) Anong uri ng tao ang hindi kayang magpatotoo tungkol sa Diyos? Siya ba ay isang taong tunay na nananalig sa Diyos? Kahit paano, hindi pa siya nakapasok sa realidad ng katotohanan ng mga salita ng Diyos, at umiiral pa rin siya sa labas ng mga salita ng Diyos. Ang isang taong nananalig sa Diyos sa loob ng maraming taon nang walang anumang pagpasok sa buhay, hindi nakapagsasalita tungkol sa kanyang patotoo sa karanasan, lalong hindi nakapagpapatotoo sa Diyos, na hindi matagumpay na nakapagpapalaganap ng ebanghelyo sa sinuman—hindi siya karapat-dapat na tawaging saksi ng Diyos. Kaya, ang isang taong wala pang sapat na gulang ang tayog at walang pagpasok sa buhay ay hinding-hindi makapagpapatotoo sa Diyos. Ang hindi binabanggit na ipinapahiwatig dito ay na ang ganitong uri ng tao ay hindi namumuhay sa presensiya ng Diyos. Kung hindi ka namumuhay sa presensiya ng Diyos, wala kang pagpasok sa buhay, at hindi ka isang saksi ng Diyos, kung gayon, kikilalanin ka ba Niya bilang isa sa Kanyang mga tagasunod? Hindi ka Niya kikilalanin. Binigyan ka ng Diyos ng pagkakataong gawin ang iyong tungkulin, at handa kang gawin ito, pero sa pag-uugali mo ay nakita Niyang hindi mo kayang magpatotoo sa Kanya, kahit pagkatapos manalig sa Kanya nang mahabang panahon. Bukod sa wala kang tunay na kaalaman sa karanasan, namumuhay ka rin ayon sa iyong mga kuru-kuro at imahinasyon, wala kang realidad ng katotohanan, at hindi ka namumuhay sa presensiya ng Diyos. Kung bibigyan ka Niya ng pagsubok, hindi mo ito mababata; kung tatabasan at iwawasto ka Niya, hindi mo ito makakayanan; kung hahatulan at parurusahan ka Niya, at pagkatapos ay binitiwan mo ang iyong mga responsabilidad at naging masama ang lagay ng loob mo, at iisipin Niya na: “Ang taong ito ay parang isang tigre na walang nangangahas humawak! Saanman Ako pumunta para gawin ang Aking gawain o magsalita, hindi karapat-dapat sundan ang ganitong tao, hindi karapat-dapat na makasama Ko.” Bakit Niya sasabihin ito? Dahil hindi nauunawaan ng ganitong tao ang katotohanan, wala siyang totoong pagkaunawa, wala siyang tunay na mga karanasan, at hindi niya nauunawaan ang kalooban ng Diyos. Kung hindi niya nauunawaan ang kalooban ng Diyos, maaari ba siyang maging tugma sa Kanya? Kung hindi niya nauunawaan ang kalooban ng Diyos, maaarok ba niya ito? Matatanggap kaya niya ang katotohanan? Mahirap malaman, at ang lahat ng ito ay hindi batid. Kaya, kung ang ganitong uri ng tao ay kasama ng Diyos, magkakaroon ang taong ito ng mga pag-aalinlangan tungkol sa Kanya sa lahat ng bagay, at hindi nito maaarok ang Diyos, na magbubunga ng lahat ng uri ng mga maling pagkaunawa, reklamo, at panghuhusga sa Diyos sa bawat pagkakataon. Sa huli, magsasanhi ito ng paghihimagsik. Gugustuhin ba ng Diyos ang isang taong naghihimagsik laban sa Kanya? Pahihintulutan ba ito ng Diyos na maging tagasunod Niya? Hindi. Kung nais mong aprubahan ka ng Diyos bilang isa sa Kanyang mga tagasunod, kailangan mo munang tumuon sa pagpasok sa buhay. Dapat kang magsimula sa pag-unawa sa sarili mo, sa pagwaksi ng iyong tiwaling disposisyon, pagkamit ng abilidad na panghawakan ang iyong tungkulin, at paggawa ng iyong tungkulin ayon sa mga hinihingi ng Diyos—iyon ang una. Ang pagtuon sa pagpasok sa buhay ay alang-alang sa paggawa nang maayos ng iyong tungkulin, na siyang talagang pinapatungkulan ng lahat ng ito. Dapat simulan mong hangarin ang pagpasok sa buhay sa paggawa ng iyong tungkulin, at sa pagpasok sa buhay, dapat mong maunawaan at makamit ang katotohanan nang paisa-isa, hanggang sa maabot mo ang puntong mayroon ka nang tayog, kung saan unti-unting lumalago ang buhay mo at mayroon kang tunay na mga karanasan sa katotohanan. Pagkatapos ay kailangan mong maging dalubhasa sa lahat ng uri ng prinsipyo ng pagsasagawa, upang magawa mo ang tungkulin mo nang hindi napipigilan o nagugulo ng sinumang tao, pangyayari, o bagay. Sa ganitong paraan, unti-unti kang mamumuhay sa presensya ng Diyos. Hindi ka magugulo ng anumang uri ng tao, pangyayari, o bagay, at magkakaroon ka ng karanasan sa katotohanan. Habang mas dumarami ang karanasan mo, mas magagawa mong magpatotoo sa Diyos, at habang mas nakapagpapatotoo ka sa Diyos, unti-unti kang magiging isang kapaki-pakinabang na tao. Kapag naging isa kang kapaki-pakinabang na tao, magagawa mo ang iyong tungkulin nang pasok sa pamantayan ng sambahayan ng Diyos, makatatayo ka sa lugar ng isang nilikha at makakapagpasakop sa mga pagsasaayos at pangangasiwa ng Diyos, at magagawa mong manindigan. Tanging ang ganitong tao ang katanggap-tanggap na nilikha na taglay ang papuri ng Diyos. Pagkatapos ay magiging karapat-dapat ka sa lahat ng ibinigay sa iyo ng Diyos.

Ano ang susi sa pagpasok sa realidad ng katotohanan? Dapat mong matutunan kung paano isagawa ang katotohanan at kung paano pangasiwaan ang mga bagay sa maprinsipyong paraan. Ano ang silbi ng laging pagpapanata at pagpapahayag ng iyong kalooban? Kung palagi kang nagpapanata at nagpapahayag ng iyong kalooban, pero hindi mo pa rin naisasagawa ang katotohanan, wala itong silbi. Ang pinakamahalaga at pinakatotoong bagay ay ang magkamit ng pagpasok sa buhay habang ginagawa ang iyong tungkulin, sa pamamagitan ng paghahangad sa katotohanan para malutas ang iba’t ibang problema na lumilitaw, at para baguhin ang mga maling saloobin mo sa iyong tungkulin. Ano ang ibig sabihin ng magkaroon ng pagpasok sa buhay? Ang pagkakaroon ng pagpasok sa buhay ay nangangahulugang mayroon kang karanasan at kaalaman sa katotohanan, at naisasagawa mo ito nang tama. Lahat ba kayo ay mayroong pagpasok sa buhay ngayon? Nagagawa ba ninyong magpatotoo sa Diyos? Hindi ba kayo kadalasang naiipit pa rin sa doktrina? Hindi ba kayo humihinto sa doktrina, nang walang tunay na kaalaman o karanasan sa katotohanan? Kung hindi ka nagtatamo ng mga tunay na karanasan at kaalaman sa katotohanan, hindi ka makapagpapatotoo sa Diyos. Kalimitang nakabatay sa iyong pang-unawa ang kaalaman mo. Hindi ka sigurado, pakiramdam mo ay para bang ang isang bagay at ang isa pa ay parehong tama; kapag sinabi ng Diyos ang isang bagay, para bang ito ang katotohanan para sa iyo, at kapag iba ang sinabi Niya, ito rin ang katotohanan. Pakiramdam mo ay lahat ng salita ng Diyos ang katotohanan, at tumutugon ka ng amen sa mga ito at pinupuri mo ang mga ito, pero hindi mo magawang ikumpara ang sarili mo sa mga ito. Kapag ginagawa mo ang mga bagay-bagay, nalilito ka pa rin, at hindi mo alam kung aling mga katotohanan ang gagamitin para malutas ang iyong mga problema. Hindi ba’t karamihan sa inyo ay nasa ganitong kalagayan? Bagamat marami kayong nauunawaan at marami kayong masasabi tungkol sa doktrina, hindi ninyo ito nagagamit sa inyong totoong buhay. Hindi pa rin ninyo alam kung paano isagawa ang katotohanan, ni hindi ninyo alam kung paano gamitin ang mga salita ng Diyos sa totoo ninyong buhay, at ano man ang mangyari sa inyo, hindi ninyo alam kung paano hanapin ang katotohanan para malutas ang inyong mga problema. Ito ay dahil napakaliit ng tayog ninyo. Kapag alam ninyo kung paano dumanas, magsagawa, at gumamit ng mga salita ng Diyos sa totoo ninyong buhay, at kapag alam ninyo kung paano hanapin ang katotohanan para malutas ang mga problema kapag may sumapit sa inyo, lalago ang buhay ninyo. Ang matuto kung paano isagawa ang katotohanan ay isang palatandaan na lumalago ang buhay ninyo. Balang araw, kapag nagawa mong lutasin ang mga problema gamit ang katotohanan, kapag mayroon kang kaunting kaalaman sa Diyos, kapag sa pamamagitan ng pagbabahagi ng tunay mong kaalaman sa Diyos ay magawa mong magpatotoo sa gawain Niya, sa Kanyang banal at matuwid na disposisyon, at sa Kanyang pagiging makapangyarihan sa lahat at sa Kanyang karunungan, kung gayon ay magagawa mong tunay na magpatotoo sa Diyos, at magiging kuwalipikado kang gamitin ng Diyos. Kung marami kang nauunawaan at buong araw kang nakapagsasalita tungkol sa doktrina, pero hindi mo malutas ang anumang bagay na may kaugnayan sa sarili mong mga problema o hindi mo alam kung paano lutasin ang mga ito, nagpapatunay iyon na ang mga bagay na nauunawaan mo ay hindi ang katotohanan, ang mga ito ay titik lamang ng doktrina. Kahit na magsalita ka ng ilang doktrina nang napakamakatotohanan, ang totoo, ito ay kaalaman lamang batay sa pang-unawa, na hindi makatwiran. Bagamat napapabuti ang mga tao pagkatapos makinig sa iyo, nagkakaroon ng damdamin na kagaya sa iyo, at nagbubunga pa nga ng ilang resulta sa kanila ang kaalaman mo, hindi ka gaanong malinaw na nakapagsasalita tungkol dito, ni hindi mo ganap na nalulutas ang mga problema. Nagpapatunay ito na ang mga doktrinang sinasabi mo ay kaalamang batay lang sa pang-unawa. Hindi mo maaaring sabihin na ang mga ito ang realidad ng katotohanan, lalong hindi mo maaaring sabihin na nakapasok ka na sa realidad ng katotohanan. Ngayon, paano mo lulutasin ang problema sa pagsasalita tungkol sa titik ng doktrina? Kinakailangan nito na pagnilayan mo ang iba’t ibang uri ng katiwalian na nabubunyag sa iyo habang ginagawa mo ang iyong tungkulin, na pagnilayan ang pinagmulan ng bawat problemang nakakaharap mo, at pagkatapos ay hanapin ang katotohanan, at gamitin ang mga salita ng Diyos para tuluyang malutas ang tiwaling disposisyong naibunyag mo. Kung ang ipinamamalas mo man ay kayabangan at pagmamatuwid sa sarili o kabuktutan at panlilinlang, pagkamakasarili at kaimbihan man o pagiging pabasta-basta at pagsisinungaling sa Diyos, dapat mong pagnilayan ang mga tiwaling disposisyong ito hanggang sa malinaw mong makita ang mga ito. Sa ganitong paraan, malalaman mo kung anong mga problema ang umiiral habang ginagawa mo ang iyong tungkulin, at kung gaano ka kalayo sa pagkamit ng kaligtasan. Kapag malinaw mong nakikita ang sarili mong tiwaling disposisyon, saka mo lang malalaman kung nasaan ang mga paghihirap at hadlang sa paggawa ng iyong tungkulin. Saka mo lang malulutas ang ugat ng mga problema. Halimbawa, sabihin nating hindi ka umaako ng responsabilidad sa paggawa ng iyong tungkulin, sa halip ay palagi kang kumikilos nang pabasta-basta, na nagdudulot ng mga kawalan sa gawain mo, pero inaalala mo ang reputasyon mo, kaya ayaw mong tapat na magbahagi tungkol sa kalagayan at mga paghihirap mo, o magsagawa ng pagsusuri sa sarili at pagkilala sa sarili, sa halip ay palagi kang naghahanap ng mga dahilan para harapin ang mga bagay-bagay nang pabasta-basta. Paano mo dapat lutasin ang problemang ito? Dapat kang manalangin sa Diyos at magnilay-nilay sa sarili mo, sabihin mong: “O Diyos, kung nagsasalita ako nang ganoon, ito ay para lang protektahan ang sarili kong reputasyon. Ang tiwaling disposisyon ko ang gumagana. Hindi ako dapat magsalita nang ganoon. Dapat akong magtapat tungkol sa aking sarili, ilantad ang aking sarili, at sabihin nang malakas ang mga tunay na saloobin ng aking puso. Mas gugustuhin ko pang mapahiya kaysa mabigyang-kasiyahan ang sarili kong banidad. Ang Diyos lamang ang gusto kong mapalugod.” Sa ganitong paraan, sa pamamagitan ng pagtalikod sa iyong sarili at pagsasabi nang malakas sa mga tunay na saloobin ng iyong puso, isinasagawa mo ang pagiging isang matapat na tao, at higit pa rito, hindi ka kumikilos ayon sa sarili mong kalooban o nagpoprotekta sa sarili mong reputasyon. Naisasagawa mo ang mga salita ng Diyos, naisasagawa ang katotohanan ayon sa kalooban ng Diyos, taimtim na nagagawa ang iyong tungkulin, at ganap na nagagampanan ang iyong mga responsabilidad. Kaya, hindi mo lamang isinasagawa ang katotohanan at ginagawa nang maayos ang iyong tungkulin, itinataguyod mo rin ang mga interes ng sambahayan ng Diyos, at nasisiyahan ang puso ng Diyos. Isa itong makatarungan at marangal na paraan ng pamumuhay, karapat-dapat na dalhin sa harap ng Diyos at ng mga tao. Napakaganda nito! Medyo mahirap ang pagsasagawa sa ganitong paraan, pero kung nakatuon sa direksiyong ito ang iyong pagsisikap at pagsasagawa, kung gayon kahit na mabigo ka nang isa o dalawang beses, tiyak na magtatagumpay ka. At ano ang kahulugan sa iyo ng tagumpay? Nangangahulugan ito na kapag isinasagawa mo ang katotohanan, nagagawa mo ang hakbang na ito na nagpapalaya sa iyo mula sa pagkakagapos ni Satanas, isang hakbang na nagbibigay-daan upang talikuran mo ang iyong sarili. Nangangahulugan ito na maisasantabi mo ang banidad at kabantugan, maititigil mo ang paghahanap sa sariling kapakinabangan, at maititigil mo ang paggawa ng mga makasarili at masamang bagay. Kapag isinagawa mo ito, ipinakikita mo sa mga tao na ikaw ay isang taong nagmamahal sa katotohanan, na naghahangad sa katotohanan, isang taong naghahangad sa pagiging matuwid at sa liwanag. Ito ang resultang nakakamit mo sa pagsasagawa ng katotohanan. Kasabay nito, naghahatid ka rin ng kahihiyan kay Satanas. Ginawa kang tiwali ni Satanas, pinagawa nito sa iyo na unahin ang iyong sarili, ginawa ka nitong makasarili, pinagawa nito sa iyong isipin ang sarili mong karangalan. Ngunit ngayon, hindi ka na magagapos nitong mga satanikong bagay na ito, nakalaya ka na sa mga ito, hindi ka na kontrolado ng kapalaluan, karangalan, o ng sarili mong personal na kapakinabangan, at isinasagawa mo ang katotohanan, kaya lubusan nang napahiya si Satanas, at wala na itong magagawa pa. Kung magkagayon, hindi ba’t nagtagumpay ka na? Kung matagumpay ka na, hindi ba’t makakapanindigan ka sa iyong patotoo sa Diyos? Hindi ka ba lumalaban ng mabuting laban? Kapag lumaban ka na ng mabuting laban, mayroon kang kapayapaan at kagalakan, at isang pagkaramdam ng kaalwanan sa iyong puso. Kung ikaw ay madalas na nagpaparatang sa buhay mo, kung ang puso mo ay hindi makasumpong ng kapahingahan, kung ikaw ay walang kapayapaan o kagalakan, at madalas na binabalot ng pag-aalala at pagkabalisa tungkol sa lahat ng uri ng mga bagay, ano ang ipinapakita nito? Ipinapakita lamang nito na hindi mo isinasagawa ang katotohanan, hindi naninindigan sa iyong patotoo sa Diyos. Kapag namumuhay ka sa gitna ng disposisyon ni Satanas, malamang na ikaw ay mabibigo nang madalas sa pagsasagawa ng katotohanan, tatalikuran ang katotohanan, at magiging makasarili at kasuklam-suklam; itinataguyod mo lamang ang iyong imahen, ang iyong reputasyon at katayuan, at ang iyong mga interes. Ang pamumuhay palagi para lamang sa iyong sarili ay nagdadala sa iyo ng malaking pasakit. Dahil napakarami ng iyong mga makasariling pagnanasa, gusot, gapos, pag-aalinlangan, at kinaiinisan kaya wala ka na kahit kaunting kapayapaan o kagalakan. Ang mamuhay para sa tawag ng tiwaling laman ay ang magdusa nang labis-labis. Yaong mga naghahangad sa katotohanan ay naiiba. Habang mas nauunawaan nila ang katotohanan, mas nagiging matiwasay at malaya sila; habang mas isinasagawa nila ang katotohanan, mas nagkakaroon sila ng kapayapaan at kagalakan. Kapag nakamit nila ang katotohanan, ganap silang mamumuhay sa liwanag, magtatamasa ng mga pagpapala ng Diyos, at hindi magkakaroon ng anumang pasakit.

Ngayon, sa aling kalagayan kayong lahat kadalasang namumuhay? Madalas ba ay namumuhay kayo sa positibong kalagayan o sa negatibong kalagayan? (Kadalasan ay namumuhay kami sa negatibong kalagayan.) Hindi isang simpleng bagay para sa isang taong laging namumuhay sa negatibong kalagayan na magpursige sa paggawa ng kanyang tungkulin nang hindi bumibitiw sa kanyang mga responsabilidad! Kayong lahat ay madalas na pasibo, pero hindi ninyo alam kung paano ito lulutasin. Minsan, kinakailangan ninyong magsikap nang husto para malutas ang inyong mga pasibong kalagayan, at kapag hindi nasusunod ang gusto ninyo, muli kayong nagiging pasibo. Palagi kayong pabalik-balik sa inyong pagiging pasibo, at hindi kayo nakatatayo kahit na gustuhin ninyo; hindi ninyo nagagawa nang maayos ang anumang tungkulin, at masyado kayong kulang sa kakayahan kaya walang nakatutulong sa inyo. Hindi ba’t nakakapagod ang mamuhay nang ganito? (Nakakapagod ito.) Kung gayon, paano mo ganap na haharapin ang problema ng pagiging pasibo? Dapat lubos mong maunawaan ang ilang katotohanan. Ang dami ng doktrinang kaya mong sabihin ay hindi makalulutas sa mga problema mo. Kapag tunay nang nauunawaan ng isang tao ang katotohanan, at kapag nalulutas na niya ang anumang pagiging pasibo o mga paghihirap na kanyang nararanasan, hindi na magiging napakahirap para sa kanya na gampanan ang kanyang tungkulin. Sa pamamagitan lamang ng pagkamit sa katotohanan magiging matiwasay at malaya ang isang tao. Sa ngayon, ang bagay na pinakakulang sa inyong lahat ay ang katotohanan, pero ang pagkamit sa katotohanan ay hindi magagawa sa isang magdamag lamang. Kailangan ninyong magkaroon ng tunay na kaalaman sa gawain ng Diyos, at malinaw na makita ang mga tiwaling disposisyon ng mga tao. Nangangailangan ito ng panahon, at dapat ninyong hanapin ang katotohanan para maunawaan ito. Nararamdaman ninyong lahat ang pasakit ng pamumuhay sa isang tiwaling disposisyon, mayroon kayong malalim na pagkaunawa rito. Naranasan na ba ninyo ang kapayapaan at kaligayahan na nabubuo sa puso ninyo pagkatapos ninyong maunawaan ang katotohanan, kapag nagagawa ninyong isagawa ang katotohanan at sundin ang mga prinsipyo ng katotohanan? Marami ba kayong gayong karanasan? Kung tunay na marami ang ganitong mga karanasan, nangangahulugan iyon na taglay ninyo ang buong realidad ng katotohanan. Mararamdaman ninyo ang pamumuhay sa liwanag at sa presensya ng Diyos. Kung paminsan-minsan ninyong tinatamasa ang kaunting kaliwanagan ng Diyos, lubos kayong masisiyahan. Kung paminsan-minsan kayong umaasa sa Diyos sa halip na sa mga tao, at binibigyan kayo ng Diyos ng kaunting liwanag, ng isang daan pasulong na hindi ninyo naisip, at napangasiwaan ang usapin, lubos kayong masisiyahan. Hindi sapat ang madalas na magkaroon ng maliliit na karanasang ito; kailangan ninyo pa ring patuloy na magsikap tungo sa katotohanan. Sa isang banda, dapat ninyong maunawaan ang katotohanan tungkol sa mga pangitain, magkaroon ng napakalinaw na pagkaunawa sa gawain ng Diyos, at tunay na magkaroon ng kaalaman sa disposisyon ng Diyos. Sa ganitong paraan, kapag muli kayong naharap sa mga suliranin habang ginagawa ninyo ang inyong tungkulin, kahit papaano ay hindi ito magdudulot ng mga kuru-kuro, at hindi rin ito magbubunga ng pagsuway. Isa itong aspeto ng mga bagay-bagay. Dagdag pa rito, dapat kayong magsikap tungo sa pagpasok sa buhay. Ang mga katotohanang dapat isagawa at pasukin ay dapat nakabuod, tulad ng pagkilala sa inyong sarili, pagiging matapat na tao, pagkatutong magpasakop sa Diyos, kung paano umasa sa Diyos, kung paano tapat na gawin ang inyong tungkulin, kung paano makilatis ang lahat ng uri ng tao, kung paano mo dapat tratuhin si Satanas, anong karunungan ang dapat mong taglayin, atbp. Sa pamamagitan lamang ng pagdanas at pagpasok sa iba’t ibang aspetong ito ng katotohanan kayo matatakot sa Diyos at makakaiwas sa kasamaan, at magiging isang perpektong tao. Kaya, gaano karaming aspeto ng realidad ng katotohanan ang napasok na ninyo ngayon? Aling mga aspeto ng realidad ng katotohanan ang hindi pa ninyo napasok? Dapat isapuso ninyo ang pagsubaybay nito. Kapag nakapasok na kayo sa maraming katotohanan na may kaugnayan sa pagsasagawa, lumago na ang buhay ninyo, at tunay kayong magkakaroon ng tayog. Kapag lumago na ang inyong tayog sa isang partikular na antas, makapapasok na kayo sa daan ng pagpeperpekto ng Diyos, at magkakaroon kayo ng tunay na tayog. Hindi ito isang bagay na maaaring madaliin—hindi ninyo makakain ang isang elepante sa isang kagat. Ngayon, ano ang pinakakritikal at pinakamahalagang bagay na kailangan ninyong lutasin? Iyon ay ang dapat ninyong magawa nang maayos ang inyong tungkulin, at magkaroon ng pagpasok sa buhay habang ginagawa ninyo ang inyong tungkulin. Ito ang susi. Hindi kayo maaaring magsikap lang—dapat ninyong isapuso ito. Ayaw ng Diyos na gawin mong bentahe ang pagpapagal mo habang ginagawa mo ang tungkulin ng isang nilikha, sa halip ay nais Niyang ihandog mo sa Kanya ang iyong sinseridad. Habang ginagawa mo ang iyong tungkulin, dapat kang magkaroon ng pagpasok sa buhay. Sa sandaling magkaroon ka ng pagpasok sa buhay, saka ka lamang magkakaroon ng buhay, kapag nagkaroon ka ng buhay, saka ka lang lalago, at yaong mga may buhay lamang ang nagtataglay ng katotohanan.

Agosto 10, 2015

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.