Ang Diyos Mismo, ang Natatangi V

Ang Kabanalan ng Diyos (II) Ikatlong Bahagi

Ginagamit ni Satanas ang ilang pamamaraan na ito upang gawing tiwali ang tao. Mayroong kaalaman at pagkaunawa ang tao sa ilang prinsipyong siyentipiko, namumuhay ang tao sa ilalim ng impluwensya ng tradisyunal na kultura, at ang bawat tao ay tagapagmana at tagapagkalat ng tradisyunal na kultura. Tiyak na ipagpapatuloy ng tao ang tradisyunal na kultura na ibinigay sa kanya ni Satanas, at sumasang-ayon ang tao sa mga kalakarang panlipunan na ibinibigay ni Satanas sa sangkatauhan. Ang tao ay di-maihihiwalay kay Satanas, nakikiisa sa lahat ng ginagawa ni Satanas sa lahat ng oras, tinatanggap ang kasamaan, panlilinlang, malisya, at pagmamataas nito. Noong taglayin ng tao ang mga disposisyon na ito ni Satanas, naging masaya ba siya o namimighati sa pamumuhay sa gitna ng tiwaling sangkatauhan? (Namimighati.) Bakit mo sinasabi ito? (Dahil ang tao ay naitali at nakokontrol ng mga tiwaling bagay na ito, nabubuhay siya sa kasalanan at nilamon ng isang mahirap na pakikipagpunyagi.) Ang ilang tao ay nagsusuot ng salamin, na nag-aanyong napakarunong; maaaring kagalang-galang sila kung magsalita, na may kahusayan at katwiran, at dahil marami na silang pinagdaanan; maaaring talagang may karanasan at kakayahan sila. Maaari silang magsalita nang detalyado tungkol sa mga bagay na malalaki at maliliit; at maaari din nilang suriin ang pagiging tunay at sanhi ng mga bagay-bagay. Maaaring tumingin ang mga tao sa pag-uugali at kaanyuan ng mga taong ito, gayundin sa kanilang karakter, pagkatao, pagkilos, at iba pa, at hindi makahanap ng kamalian sa kanila. Ang mga taong gaya nito ay partikular na nakikiuso sa mga kasalukuyang kalakarang panlipunan. Kahit na maaaring mas matanda ang mga taong ito, hindi sila kailanman nahuli sa mga uso at hindi sila kailanman naging napakatanda na para matuto. Sa panlabas na anyo, walang makakahanap ng kamalian sa ganitong tao, ngunit hanggang sa diwa sa kalooban nila ay lubusan at ganap na silang ginawang tiwali ni Satanas. Bagama’t walang panlabas na kamaliang makita sa mga taong ito, bagama’t sa panlabas sila ay banayad, pino, nagtataglay ng kaalaman at tiyak na moralidad, at mayroon silang integridad, at hindi sila nahuhuli sa mga kabataan pagdating sa kaalaman, gayunman, kaugnay ng kanilang kalikasan at diwa, ang mga taong tulad nito ay tumpak at buhay na modelo ni Satanas; sila ay kawangis ni Satanas. Ito ang “bunga” ng pagtitiwali ni Satanas sa mga tao. Ang Aking mga sinabi ay maaaring maging masakit para sa inyo, ngunit totoo ang lahat ng ito. Ang kaalamang pinag-aaralan ng tao, ang siyensyang kanyang nauunawaan, at ang paraang kanyang pinipili para makibagay sa mga kalakarang panlipunan ay walang mintis na mga kagamitan ng pagtitiwali ni Satanas sa tao. Talagang totoo ito. Kung gayon, namumuhay ang tao sa loob ng isang disposisyon na ginawang ganap na tiwali ni Satanas, at walang paraan ang tao para malaman kung ano ang kabanalan ng Diyos o ano ang diwa ng Diyos. Ito ay dahil sa panlabas na anyo, hindi ka makakahanap ng mali sa mga pamamaraan na ginagawang tiwali ni Satanas ang tao; hindi mo masasabi mula sa ikinikilos ng isang tao na may anumang kakaiba. Ang lahat ay nagpapatuloy sa kanilang mga trabaho nang normal at namumuhay nang normal; nagbabasa sila ng mga libro at mga diyaryo nang normal, nag-aaral at nagsasalita sila nang normal. Ang ilan ay natuto ng moralidad at magaling magsalita, maunawain at palakaibigan, matulungin at mapagbigay, at hindi nakikipag-away tungkol sa maliliit na bagay o nananamantala ng ibang tao. Gayunpaman, ang kanilang mga tiwali at mala-Satanas na disposisyon ay nakaugat nang malalim sa kanilang kaibuturan at ang ganitong diwa ay hindi kayang baguhin sa pamamagitan ng pagdepende sa panlabas na gawa. Hindi kaya ng tao na malaman ang kabanalan ng Diyos dahil sa diwang ito, at kahit na ang diwa ng kabanalan ng Diyos ay ipinahayag sa tao, hindi ito sineseryoso ng tao. Ito ay dahil sa tuluyan nang naangkin ni Satanas ang mga nararamdaman, ideya, pananaw, at kaisipan ng tao sa pamamagitan ng iba’t ibang paraan. Ang pagkaangkin at katiwaliang ito ay hindi pansamantala o paminsan-minsan, kundi ito ay umiiral kahit saan at sa lahat ng oras. Kaya maraming tao na naniniwala sa Diyos sa loob ng tatlo o apat na taon, o kahit pa lima o anim na taon, ang kumakapit pa rin sa masasamang kaisipan, pananaw, lohika, at pilosopiya na naitanim sa kanila ni Satanas na para bang ang mga ito ay kayamanan, at hindi nila mabitawan ang mga ito. Dahil tinanggap ng tao ang masama, hambog, at malisyosong mga bagay na mula sa kalikasan ni Satanas, hindi maiiwasang magkaroon madalas ng mga salungatan, pagtatalo at hindi pagkakatugma, na siyang resulta ng mapagmataas na kalikasan ni Satanas. Kung nagbigay si Satanas sa sangkatauhan ng mga positibong bagay—halimbawa, kung ang Confucianismo at Taoismo ng tradisyunal na kultura na tinanggap ng tao ay mabubuting bagay—magkakasundo dapat ang magkakaparehong uri ng tao matapos tanggapin ang mga bagay na iyon. Bakit kaya may malaking pagkakahati-hati sa pagitan ng mga tao na tumanggap ng magkakaparehong bagay? Bakit ganoon? Ito ay dahil ang mga bagay na ito ay nagmula kay Satanas at lumilikha si Satanas ng pagkakahati-hati sa pagitan ng mga tao. Ang mga bagay na mula kay Satanas, kahit pa mukhang may dignidad o dakila ang mga iyon sa panlabas, ay nagdadala sa tao at nagpapalabas sa tao ng kayabangan, at wala nang iba kundi panlilinlang ng masamang kalikasan ni Satanas. Hindi ba tama iyon? Ang isang tao na kayang magpanggap, na nagtataglay ng kayamanan ng kaalaman, o mayroong magandang pagpapalaki ay mahihirapan pa ring itago ang kanyang tiwaling satanikong disposisyon. Ibig sabihin, ilang beses mang ikubli ng taong ito ang kanyang sarili, kahit na iniisip mo na siya ay santo, o kung naisip mo na siya ay perpekto, o kung naisip mo na siya ay isang anghel, gaano man kadalisay ang pag-aakala mo sa kanya, ano ang kanyang buhay sa likod ng mga eksenang ito? Anong diwa ang makikita mo sa pagbubunyag ng kanyang disposisyon? Walang duda na makikita mo ang masamang kalikasan ni Satanas. Maaari ba itong masabi? (Oo.) Halimbawa, sabihin nating may kilala kayong isang tao na malapit sa iyo na inakala mo na isang mabuting tao, marahil isang tao na iyong inidolo. Sa iyong kasalukuyang tayog, ano ang iyong tingin sa kanya? Una, sinusuri mo kung mayroong pagkatao ang ganitong uri ng tao o wala, kung siya ay matapat, kung siya ay may tunay na pagmamahal para sa mga tao, kung ang kanyang mga salita at gawa ay nakakapagbigay benepisyo at nakatutulong sa iba. (Hindi.) Ano ang tinaguriang kabaitan, pagmamahal, o kabutihan na naibubunyag ng mga taong ito? Ang lahat ng ito ay huwad, ang lahat ng ito ay panlabas lamang. Sa likod ng mga ipinapakitang ito ay may isang natatagong masamang layon: upang ang taong iyon ay hangaan at idolohin. Nakikita ba ninyo ito nang malinaw? (Oo.)

Ano ang idinudulot sa sangkatauhan ng mga pamamaraang ginagamit ni Satanas upang gawing tiwali ang mga tao? Mayroon bang anumang positibong idinudulot ang mga ito? Una, kaya bang makita ng tao ang pagkakaiba ng mabuti at masama? Masasabi mo ba na sa mundong ito, maging ito man ay isang sikat o dakilang tao, o isang magasin o iba pang lathalain, tumpak ba ang ginagamit nilang mga pamantayan upang sabihing ang isang bagay ay mabuti o masama, at tama o mali? Patas ba ang kanilang pagtimbang sa mga pangyayari at mga tao? Mayroon bang katotohanan dito? Ang mundo bang ito, ang sangkatauhang ito, ay tumitimbang sa mga positibo at mga negatibong bagay batay sa pamantayan ng katotohanan? (Hindi.) Bakit walang ganoong kakayahan ang mga tao? Pinag-aralan na ng mga tao ang napakaraming kaalaman at marami nang alam tungkol sa siyensya, kaya’t marami na silang kakayahan, hindi ba? Kaya bakit hindi nila kayang makita ang pagkakaiba ng mga positibo at mga negatibong bagay? Bakit ganoon? (Dahil walang taglay na katotohanan ang mga tao; ang siyensya at kaalaman ay hindi katotohanan.) Ang lahat ng dinadala ni Satanas sa sangkatauhan ay masama, tiwali at walang katotohanan, buhay, at ang daan. Sa kasamaan at katiwaliang dinadala ni Satanas sa tao, masasabi mo bang mayroong pagmamahal si Satanas? Masasabi mo bang may pagmamahal ang tao? Maaaring sabihin ng ilang tao: “Mali ka, maraming tao sa buong mundo na tumutulong sa mga mahihirap o mga walang tirahan. Hindi ba mabubuting tao ang mga iyon? Mayroon ding mga organisasyong pangkawanggawa na gumagawa ng mabubuting gawain; hindi ba mabuting gawain ang kanilang ginagawa?” Ano ang masasabi mo tungkol doon? Gumagamit si Satanas ng maraming iba’t ibang pamamaraan at teorya upang gawing tiwali ang tao; ang katiwalian bang ito ng tao ay isang malabong konsepto? Hindi, ito ay hindi malabo. Gumagawa rin si Satanas ng ilang praktikal na bagay, at ito ay nagtataguyod din ng isang pananaw o teorya sa mundong ito at sa lipunan. Sa bawat dinastiya at sa bawat kapanahunan, ito ay nagtataguyod ng isang teorya at nagtatanim ng mga kaisipan sa mga tao. Ang mga kaisipan at teoryang ito ay unti-unting nag-uugat sa puso ng mga tao, at pagkatapos ay nagsisimula ang mga tao na mamuhay ayon sa mga ito. Sa oras na nagsimula na silang mamuhay ayon sa mga ganitong bagay, hindi ba sila nagiging si Satanas nang hindi nila alam? Hindi ba ang mga tao ay nagiging kaisa ni Satanas? Kapag ang mga tao ay naging kaisa na ni Satanas, ano ang kanilang nagiging ugali tungo sa Diyos sa katapusan? Hindi ba iyon kapareho ng ugali na mayroon si Satanas tungo sa Diyos? Walang sinuman ang nangangahas na aminin ito, tama? Nakakatakot ito! Bakit Ko sinasabing ang likas ni Satanas ay masama? Hindi Ko ito sinasabi nang walang basehan; bagkus, ang likas ni Satanas ay natutukoy at nasusuri batay sa kung ano ang ginawa nito at sa mga bagay na ibinunyag nito. Kung sinabi Ko lamang na si Satanas ay masama, ano ang inyong iisipin? Iisipin ninyo, “Halata namang si Satanas ay masama.” Kaya tatanungin kita: “Anong mga aspeto ni Satanas ang masama?” Kung iyong sasabihing: “Ang paglaban ni Satanas sa Diyos ay masama,” hindi ka pa rin nagsasalita nang may kalinawan. Ngayong nasabi Ko na ang mga tiyak na bagay sa ganitong paraan, mayroon ba kayong pagkaunawa tungkol sa tiyak na nilalaman ng diwa ng kasamaan ni Satanas? (Oo.) Kung malinaw ninyong nakikita ang masamang kalikasan ni Satanas, makikita ninyo ang sarili ninyong mga kalagayan. Mayroon bang anumang kaugnayan sa pagitan ng dalawang ito? Nakakatulong ba ito sa inyo o hindi? (Nakakatulong.) Kapag Ako ay nagbabahagi tungkol sa diwa ng kabanalan ng Diyos, kinakailangan ba na magbahagi Ako tungkol sa masamang diwa ni Satanas? Ano ang inyong opinyon tungkol dito? (Oo, ito ay kinakailangan.) Bakit? (Mas nakikita ang kabanalan ng Diyos dahil sa kasamaan ni Satanas.) Ganito ba ito? Ito ay bahagyang tama dahil kung wala ang kasamaan ni Satanas, hindi malalaman ng mga tao na ang Diyos ay banal; tamang sabihin ito. Gayunman, kung sasabihin mo na ang kabanalan ng Diyos ay umiiral lamang dahil kabaligtaran ito ng kasamaan ni Satanas, tama ba ito? Mali ang diyalektikong paraan ng pag-iisip na ito. Ang kabanalan ng Diyos ay ang likas na diwa ng Diyos; kahit na ibinubunyag ito ng Diyos sa pamamagitan ng Kanyang mga gawa, ito ay likas na pagpapahayag pa rin ng diwa ng Diyos at ito ay likas na diwa pa rin ng Diyos; umiiral na ito noon pa man at ito ay likas at katutubo sa Diyos Mismo, bagama’t hindi ito nakikita ng tao. Ito ay dahil sa namumuhay ang tao sa gitna ng tiwaling disposisyon ni Satanas at sa ilalim ng impluwensya ni Satanas, at hindi alam ng tao ang tungkol sa kabanalan, at lalo na ang tungkol sa tiyak na nilalaman ng kabanalan ng Diyos. Kaya naman, kinakailangan ba nating magbahagi muna tungkol sa masamang diwa ni Satanas? (Oo, kailangan nga.) Maaaring magpahayag ang ilang tao ng ilang pagdududa: “Ikaw ay nagbabahagi tungkol sa Diyos Mismo, kaya bakit lagi Kang nagsasalita tungkol sa kung paano ginagawang tiwali ni Satanas ang mga tao at kung gaano kasama ang likas ni Satanas?” Ngayon, kinalimutan mo na ang mga pagdududang ito, hindi ba? Kapag ang mga tao ay mayroong pagkakilala ng kasamaan ni Satanas at kapag sila ay may tumpak na pakahulugan dito, kapag nakikita nang malinaw ng mga tao ang tiyak na nilalaman at pagpapakita ng kasamaan, ang pinagmumulan at ang diwa ng kasamaan, saka lamang, sa pagtatalakay ng kabanalan ng Diyos, malinaw na mapagtatanto o makikilala ng mga tao kung ano ang kabanalan ng Diyos, kung ano ang kabanalan. Kung hindi Ko tatalakayin ang kasamaan ni Satanas, maling paniniwalaan ng ilang tao na ang ilang ginagawa ng mga tao sa lipunan at sa gitna ng mga tao—o ilang bagay sa mundong ito—ay maaaring may kaugnayan sa kabanalan. Hindi ba mali ang pananaw na ito? (Oo.)

Ngayong nakapagbahagi na Ako tungkol sa diwa ni Satanas sa ganitong paraan, anong uri ng pagkakaunawa sa kabanalan ng Diyos ang inyong natamo sa pamamagitan ng inyong mga karanasan noong mga nakalipas na taon, mula sa inyong pagbabasa ng salita ng Diyos at mula sa pagdanas sa Kanyang gawain? Sige magsalita kayo tungkol dito. Hindi mo kailangang gumamit ng mga salitang kaaya-aya sa pandinig, kundi magsalita lamang mula sa iyong sariling mga karanasan. Ang kabanalan ba ng Diyos ay binubuo lamang ng Kanyang pagmamahal? Ang pagmamahal lamang ba ng Diyos ang ating inilalarawan bilang kabanalan? Iyon ay masyadong may pinapanigan, hindi ba? Maliban sa pagmamahal ng Diyos, mayroon pa bang ibang mga aspeto ng diwa ng Diyos? Nakita ba ninyo ang mga ito? (Oo. Kinapopootan ng Diyos ang mga pagdiriwang at mga kapistahan, mga tradisyon at mga pamahiin; ito rin ay kabanalan ng Diyos.) Ang Diyos ay banal kaya naman kinapopootan Niya ang mga bagay, ito ba ang ibig mong sabihin? Sa ugat nito, ano ba ang kabanalan ng Diyos? Ang kabanalan ba ng Diyos ay walang matibay na nilalaman, poot lamang? Sa inyong mga isip, iniisip ba ninyo na, “Dahil napopoot ang Diyos sa masasamang bagay na ito, kung gayon maaaring sabihin ng isang tao na banal ang Diyos”? Hindi ba haka-haka ito? Hindi ba ito isang uri ng paggawa ng konklusyon mula sa mga bagay-bagay at paghatol? Ano ang pinakamalaking pagkakamali na kailangang-kailangang iwasan pagdating sa pag-unawa ng diwa ng Diyos? (Ito ay kapag iniiwanan natin ang realidad at sa halip ay pinag-uusapan ang mga doktrina.) Ito ay napakalaking pagkakamali. Mayroon pa ba? (Haka-haka at imahinasyon.) Ang mga ito ay malalaki ring pagkakamali. Bakit hindi kapaki-pakinabang ang haka-haka at imahinasyon? Ang mga bagay ba sa iyong haka-haka at imahinasyon ay tunay mong nakikita? Ang mga ito ba ay tunay na diwa ng Diyos? (Hindi.) Ano pa ang kailangang iwasan? Pagkakamali ba na magbanggit lamang ng sunud-sunod na mga salitang magandang pakinggan upang ilarawan ang diwa ng Diyos? (Oo.) Hindi ba ito mayabang at walang saysay? Ang paghatol at haka-haka ay walang saysay, kagaya rin lamang ng pagpili ng mga salitang magandang pakinggan. Ang papuring walang laman ay wala ring saysay, hindi ba? Nasisiyahan ba ang Diyos na marinig ang mga tao na magsabi ng ganitong uri ng kawalang-saysay? (Hindi, hindi Siya nasisiyahan.) Hindi Siya komportable kapag naririnig ito! Kapag ginagabayan at inililigtas ng Diyos ang isang grupo ng mga tao, matapos marinig ng grupong ito ang Kanyang mga salita, hindi pa rin nila nauunawaan kailanman ang Kanyang ibig sabihin. Maaaring magtanong ang isang tao: “Mabuti ba ang Diyos?” at sila ay tutugon, “Oo!” “Gaano kabuti?” “Napakabuti!” “Mahal ba ng Diyos ang tao?” “Oo!” “Gaano kamahal? Kaya mo bang ilarawan ito?” “Mahal na mahal! Ang pagmamahal ng Diyos ay mas malalim kaysa sa dagat, mas mataas kaysa sa himpapawid!” Hindi ba walang saysay ang mga salitang ito? Hindi ba ang kawalang-saysay na ito ay kapareho ng kasasabi lamang ninyo: “Kinapopootan ng Diyos ang tiwaling disposisyon ni Satanas, kung gayon, banal ang Diyos”? (Oo.) Hindi ba ang inyong kasasabi lamang ay walang saysay? At saan nanggagaling ang karamihan ng mga walang saysay na bagay na nababanggit? Ang mga bagay na walang saysay na nababanggit ay pangunahing nanggagaling sa kawalan ng responsibilidad at kawalan ng paggalang sa Diyos ng mga tao. Maaari ba nating sabihin iyon? Wala kang anumang pagkaunawa ngunit nagsalita ka pa rin ng kawalang-saysay. Hindi ba ito pagiging iresponsable? Hindi ba ito kawalan ng galang sa Diyos? Natuto ka ng kaunting kaalaman, nakaunawa ng kaunting pangangatwiran at lohika, ginamit mo ang mga ito at, dagdag pa rito, ginawa iyon bilang daan upang makilala ang Diyos. Sa tingin mo, hindi ba naiinis ang Diyos kapag naririnig kang nagsasalita sa gayong paraan? Paano ninyo masusubukang makilala ang Diyos gamit ang mga pamamaraang ito? Kapag nagsasalita ka nang ganoon, hindi ba iyon nakakaasiwang pakinggan? Kung gayon, pagdating sa pagkakilala sa Diyos, dapat maging napakaingat ang isang tao; magsalita lamang hanggang sa pagkakilala ninyo sa Diyos. Magsalita nang may katapatan at may praktikalidad at huwag palamutian ang inyong mga salita ng mga pangkaraniwang papuri at huwag gumamit ng pambobola; hindi iyon kailangan ng Diyos; ang ganitong bagay ay nanggagaling kay Satanas. Mapagmataas ang disposisyon ni Satanas; gusto ni Satanas na bolahin at makarinig ng magagandang salita. Masisiyahan at matutuwa si Satanas kapag binibigkas ng mga tao ang lahat ng salitang magandang pakinggan na kanilang natutuhan at gagamitin ang mga ito para kay Satanas. Ngunit hindi ito kailangan ng Diyos; hindi kailangan ng Diyos ng labis na papuri o pambobola at hindi Niya hinihingi sa mga tao na magsalita ng kawalang-saysay at purihin Siya nang pikit-mata. Napopoot ang Diyos at ni hindi makikinig sa papuri at pambobola na hindi tugma sa realidad. Kaya naman, kapag ang ilang tao ay pinupuri nang walang katapatan ang Diyos, at bulag na namamanata at nagdarasal sa Kanya, hindi nakikinig ni bahagya ang Diyos. Dapat mong akuin ang responsibilidad para sa iyong sinasabi. Kung hindi mo alam ang isang bagay, sabihin mo lamang; kung alam mo naman ang isang bagay, ipahayag mo ito sa isang praktikal na paraan. Ngayon, pagdating sa aktwal at tiyak na nilalaman ng kabanalan ng Diyos, mayroon ba kayong tunay na pagkakaunawa rito? (Noong nagpahayag ako ng pagkasuwail, noong nakagawa ako ng mga paglabag, natanggap ko ang paghatol at pagkastigo ng Diyos, at doon ko nakita ang kabanalan ng Diyos. At nang maharap ako sa mga kapaligiran na hindi tumugma sa aking mga inaasahan, nagdasal ako tungkol sa mga bagay na ito at hinanap ko ang mga layunin ng Diyos, at noong nililiwanagan at ginagabayan ako ng Diyos gamit ang Kanyang mga salita, nakita ko ang kabanalan ng Diyos.) Mula ito sa iyong sariling karanasan. (Mula sa sinabi ng Diyos tungkol dito, nakita ko na kung anong nangyari sa tao matapos magawang tiwali at mapinsala ni Satanas. Gayunpaman, ibinigay ng Diyos ang lahat para iligtas tayo at mula rito nakikita ko ang kabanalan ng Diyos.) Ito ay makatotohanang paraan ng pagsasalita; ito ay totoong kaalaman. Mayroon bang ibang mga paraan ng pag-intindi rito? (Nakikita ko ang kasamaan ni Satanas mula sa mga salita na sinabi nito upang akitin si Eba na magkasala at sa panunukso nito sa Panginoong Jesus. Mula sa mga salitang ginamit ng Diyos para sabihin kina Adan at Eba kung ano ang puwede at hindi nila puwedeng kainin, nakikita ko na diretsahan, malinis, at mapagkakatiwalaan ang mga salita ng Diyos; mula rito ay nakikita ko ang kabanalan ng Diyos.) Pagkatapos marinig ang mga sinabi sa itaas, kaninong mga salita ang pinakanagbibigay sa inyo ng inspirasyon na magsabi ng “amen”? Kaninong pagbabahagi ang pinakamalapit sa ating paksang ibinabahagi ngayon? Kaninong mga salita ang pinakamakatotohanan? Kumusta ang pagbabahagi ng huling kapatid na babae? (Mabuti.) Nagsasabi kayo ng “amen” sa kanyang sinabi. Ano ang kanyang sinabi na tinamaan ang target? (Sa mga salita na kasasabi lamang ng kapatid, narinig ko na ang salita ng Diyos ay diretsahan at napakalinaw, at hinding-hindi katulad ng mga paligoy-ligoy na salita ni Satanas. Nakita ko rito ang kabanalan ng Diyos.) Bahagi ito nito. Tama ba ito? (Oo.) Napakagaling. Nakikita Ko na mayroon kayong natutuhan sa dalawang nakalipas na mga pagbabahaginan, ngunit dapat kayong magpatuloy sa pagsisikap. Ang dahilan kung bakit dapat kayong magsikap ay sapagkat ang pag-unawa sa diwa ng Diyos ay isang malalim na aralin; hindi ito isang bagay na nauunawaan ng isang tao sa isang gabi lamang, o kayang sabihin nang malinaw sa kaunting mga salita lamang.

Bawat aspeto ng tiwali at satanikong disposisyon, kaalaman, pilosopiya, mga kaisipan at mga pananaw ng mga tao, at ang ilang personal na aspeto ng indibiduwal na tao ay labis na humahadlang sa kanilang pagkilala sa diwa ng Diyos; kaya kapag narinig mo ang mga paksang ito, ang ilan sa mga ito ay maaaring lagpas sa inyong kayang abutin, ang ilan ay maaaring hindi ninyo maunawaan, samantalang ang ilan sa pangunahing aspeto ay hindi ninyo maitugma sa realidad. Gayunman, narinig Ko ang tungkol sa inyong pagkakaunawa sa kabanalan ng Diyos at alam Ko na sa inyong mga puso kayo ay nagsisimula nang kilalanin ang sinabi Ko at nagbabahagi tungkol sa kabanalan ng Diyos. Alam Ko na sa inyong puso ang hangarin ninyo na maunawaan ang diwa ng kabanalan ng Diyos ay nagsisimulang umusbong. Ngunit ang lalong nagpapasaya pa sa Akin ay ang ilan sa inyo ay marunong nang gumamit ng mga pinakapayak na salita upang ilarawan ang inyong kaalaman tungkol sa kabanalan ng Diyos. Kahit na ito ay isang simpleng bagay para sabihin at nasabi Ko na ito noon, ngunit sa puso ng karamihan sa inyo, kailangan pa ninyong tanggapin ang mga salitang ito, at sa katotohanan ay hindi pa tumatatak sa inyong mga isip ang mga ito. Gayunpaman, ang ilan sa inyo ay isinaulo na ang mga salitang ito. Ito ay lubhang mabuti at ito ay napakagandang simula. Umaasa Ako na sa mga paksang iniisip ninyo na malalim—o sa mga paksa na higit pa sa inyong kayang abutin—magpapatuloy kayo na lalo pang magninilay-nilay at magbahaginan. Sa mga isyung higit pa sa inyong kayang abutin, mayroong isang tao na magbibigay sa inyo ng higit pang gabay. Kung dadagdagan pa ninyo ang pakikipagbahaginan kaugnay ng mga larangang naaabot ngayon, ang Banal na Espiritu ay gagawa ng Kanyang gawain at kayo ay makakarating sa mas mataas pang pagkakaunawa. Ang pag-unawa sa diwa ng Diyos at ang pagkilala sa diwa ng Diyos ay siyang pinakamahalaga sa pagpasok ng mga tao sa buhay. Umaasa Ako na hindi ninyo ipagwawalang-bahala ito o makikita ito bilang isang laro, dahil ang pagkilala sa Diyos ay siyang pundasyon ng pananampalataya ng tao at susi para hangarin ng tao ang katotohanan at makamtan ang kaligtasan. Kung naniniwala ang mga tao sa Diyos ngunit hindi nila Siya kilala, kung namumuhay lamang sila sa mga salita at doktrina, hindi kailanman magiging posibleng matamo nila ang kaligtasan, kahit pa kumilos at mamuhay sila ayon sa mga mababaw na kahulugan ng katotohanan. Ibig sabihin, kung ikaw ay naniniwala sa Diyos ngunit hindi Siya nakikilala, kung gayon ang iyong pananampalataya ay mauuwi sa wala at hindi naglalaman ng realidad. Naiintindihan ninyo, hindi ba? (Oo, naiintindihan namin.) Ang ating pagbabahaginan ay magtatapos na rito sa ngayon.

Enero 4, 2014

Ngayon nagsimula na ang malalaking sakuna. Paano natin masasalubong ang pagbabalik ng Panginoon at magkaroon ng pagkakataong matamo ang proteksyon ng Diyos? Makipag-ugnayan sa amin ngayon upang mahanap ang paraan.

Kontakin Kami Gamit ang Messenger