Ang Gawain ng Diyos, ang Disposisyon ng Diyos, at ang Diyos Mismo II

Ikalimang Bahagi

Tungkol Kay Job

Pagkatapos matutunan kung paano nalampasan ni Job ang mga pagsubok, malamang ang karamihan sa inyo ay nais na malaman ang higit pang detalye tungkol kay Job mismo, lalo na ang patungkol sa lihim kung saan nakamit niya ang papuri ng Diyos. Kaya ngayon, pag-usapan natin si Job!

Sa Araw-araw na Pamumuhay ni Job Nakikita Natin ang Kanyang Pagkaperpekto, Pagkamatuwid, Takot sa Diyos, at Paglayo sa Kasamaan

Kung tatalakayin natin si Job, dapat tayong magsimula sa pagsusuri sa kanya na galing mismo sa bibig ng Diyos: “Walang gaya niya sa lupa, na sakdal at matuwid na lalaki, na natatakot sa Diyos at umiiwas sa kasamaan.”

Alamin muna natin ang tungkol sa pagkaperpekto at pagkamatuwid ni Job.

Ano ang inyong pagkaunawa sa mga salitang “perpekto” at “matuwid”? Naniniwala ba kayo na si Job ay walang kasiraan, na siya ay marangal? Tiyak na ito ay magiging isang literal na interpretasyon at pagkaunawa sa mga salitang “perpekto” at “matuwid.” Mahalaga sa tunay na pagkaunawa kay Job ay konteksto ng tunay na buhay—ang mga salita, libro, at teorya lamang ay hindi magbibigay ng anumang sagot. Sisimulan natin sa pamamagitan ng pagtingin sa buhay ni Job sa tahanan, kung ano ang kanyang karaniwang asal sa kanyang buhay. Sasabihin nito sa atin ang tungkol sa kanyang mga prinsipyo at obhektibo sa buhay, pati na rin ang tungkol sa kanyang personalidad at hangarin. Ngayon, basahin natin ang huling mga salita sa Job 1:3: “Ang lalaking ito ay siyang pinakadakila sa lahat ng mga tao sa silangan.” Ang sinasabi ng mga salitang ito ay na ang katayuan at reputasyon ni Job ay napakataas, at kahit na hindi sinasabi sa atin kung ang dahilan ba ng kanyang pagiging pinakadakila sa lahat ng tao sa silangan ay ang kanyang maraming ari-arian, o dahil siya ay perpekto at matuwid, at may takot sa Diyos at lumalayo sa kasamaan, sa pangkalahatan, alam natin na ang katayuan ni Job at reputasyon ay napakahalaga. Gaya ng nakatala sa Bibliya, ang unang tingin ng mga tao kay Job ay siya ay perpekto, na siya ay may takot sa Diyos at lumalayo sa kasamaan, at na siya ay nagtataglay ng malaking kayamanan at kagalang-galang na katayuan. Para sa isang pangkaraniwang tao na nakatira sa ganitong kapaligiran at sa ilalim ng naturang mga kondisyon, ang pagkain ni Job, ang kalidad ng kanyang buhay, at ang iba’t ibang aspeto ng kanyang personal na buhay ay ang mga pagtutuunan ng pansin ng karamihan sa mga tao; dahil dito, kailangan nating ipagpatuloy ang pagbabasa ng mga kasulatan: “At ang kanyang mga anak ay nagsiyaon at nagsipagdaos ng kapistahan sa bahay ng bawat isa sa kanya-kanyang kaarawan; at sila’y nangagsugo, at ipinatawag ang kanilang tatlong kapatid na babae upang magsikain at magsiinom na kasalo nila. At nangyari, nang makaraan ang mga araw ng kanilang pagpipista, na si Job ay nagsugo, at pinapagbanal sila, at bumangong maaga sa kinaumagahan, at naghandog ng mga handog na susunugin ayon sa bilang nilang lahat: sapagkat sinabi ni Job, ‘Marahil ang aking mga anak ay nangagkasala, at itinakwil ang Diyos sa kanilang mga puso.’ Ganito ang patuloy na ginawa ni Job” (Job 1:4–5). Ang siping ito ay nagsasabi sa atin ng dalawang bagay: Una, na ang mga anak na lalaki at babae ni Job ay karaniwang nagpipista, na sobrang kumakain at umiinom; pangalawa, si Job ay madalas na nag-aalay ng mga handog na susunugin dahil madalas siyang nag-aalala para sa kanila, natatakot na sila ay nagkakasala, na sa kanilang mga puso ay itinakwil na nila ang Diyos. Dito ay inilalarawan ang buhay ng dalawang magkaibang uri ng tao. Ang una ay ang mga anak na lalaki at babae ni Job na madalas na nagpipista dahil sa kanilang yaman, sila ay namumuhay nang marangya, sila ay uminom at kumain hanggang nais nila, at tinatamasa nila ang mataas na kalidad ng buhay na dulot ng materyal na kayamanan. Sa ganitong pamumuhay, hindi maiwasan na madalas silang nagkakasala at nakakasakit sa Diyos—subalit hindi nila pinabanal ang kanilang mga sarili o kaya ay nag-aalay ng mga sinusunog na handog. Nakikita mo, kung gayon, na ang Diyos ay walang lugar sa kanilang mga puso, na hindi nila inisip ang mga biyaya ng Diyos, at hindi sila natakot na magkasala sa Diyos, lalong hindi sila natakot na maitakwil ang Diyos sa kanilang mga puso. Siyempre, ang ating paksa ay hindi nakatuon sa mga anak ni Job, kundi sa kung ano ang ginawa ni Job kapag nahaharap siya sa mga ganitong bagay; ito ang iba pang bagay na inilarawan sa sipi, kung saan ay kabilang ang araw-araw na buhay ni Job at ang diwa ng kanyang pagkatao. Kapag inilalarawan ng Bibliya ang pagpipista ng mga anak na lalaki at babae ni Job, hindi nababanggit si Job; sinasabi lamang na ang kanyang mga anak na lalaki at babae ay madalas na kumain at uminom nang magkakasama. Sa madaling salita, hindi siya nagdaraos ng mga kapistahan, at hindi rin siya sumasama sa kanyang mga anak na lalaki at babae sa pagkain nang marangya. Kahit mayaman, at nagtataglay ng maraming ari-arian at mga tagapagsilbi, ang buhay ni Job ay hindi maluho. Siya ay hindi nalinlang ng kanyang marangyang kapaligiran, at hindi niya inabuso ang mga kasiyahan sa laman o kinalimutan na mag-alay ng mga sinusunog na handog dahil sa kanyang kayamanan, at lalong hindi ito naging sanhi nang unti-unting paglayo ng kanyang puso sa Diyos. Kung gayon, maliwanag na disiplinado si Job sa kanyang uri ng pamumuhay, hindi sakim o nakatuon sa kasiyahan bilang bunga ng mga pagpapala sa kanya ng Diyos, at hindi rin nakatuon ang kanyang pansin sa kalidad ng buhay. Sa halip, siya ay mapagpakumbaba at may mababang-loob, hindi siya mahilig magpasikat, at siya ay mapagbantay at maingat sa harap ng Diyos. Madalas niyang ikinokonsidera ang mga biyaya at pagpapala ng Diyos, at patuloy na may takot sa Diyos. Sa kanyang araw-araw na buhay, madalas ay maagang bumabangon si Job upang mag-alay ng mga handog na susunugin para sa kanyang mga anak na lalaki at babae. Sa madaling salita, si Job ay hindi lamang may takot sa Diyos, umasa rin siya na ang kanyang mga anak ay magkakaroon din ng takot sa Diyos at hindi magkakasala laban sa Diyos. Walang lugar sa puso ni Job ang materyal na kayamanan, ni hindi nito napalitan ang posisyon na hawak ng Diyos; maging para sa kapakanan ng kanyang sarili o ng kanyang mga anak, ang lahat ng ikinikilos ni Job araw-araw ay may kinalaman sa pagkakaroon ng takot sa Diyos at paglayo sa kasamaan. Ang kanyang takot sa Diyos na si Jehova ay hindi tumigil sa kanyang bibig, kundi isinakatuparan niya ito, at ipinakita sa bawat bahagi ng kanyang araw-araw na pamumuhay. Ang aktwal na asal na ito ni Job ay nagpapakita sa atin na siya ay tapat, at nagtaglay ng diwa na may pagmamahal sa katarungan at mga bagay na positibo. Ang madalas na pagsugo at pagpapabanal ni Job sa kanyang mga anak na lalaki at babae ay nangangahulugan na hindi niya pinahintulutan o sinang-ayunan ang asal ng kanyang mga anak; sa halip, sa kanyang puso siya ay dismayado sa kanilang pag-uugali, at kinondena sila. Napagpasyahan niya na ang pag-uugali ng kanyang mga anak na lalaki at babae ay hindi kalugud-lugod sa Diyos na si Jehova, at kaya naman madalas niya silang pagsabihan na pumunta sa harap ng Diyos na si Jehova at ikumpisal ang kanilang mga kasalanan. Ipinapakita sa atin ng mga kilos ni Job ang isa pang bahagi ng kanyang pagkatao, kung saan siya ay hindi kailanman sumama sa mga taong madalas na nagkakasala at sumusuway sa Diyos, at sa halip ay nilayuan at iniwasan ang mga ito. Bagama’t ang mga taong ito ay ang kanyang mga anak na lalaki at babae, hindi niya tinalikuran ang kanyang sariling mga prinsipyo ng pagkilos dahil sa sila ay sarili niyang pamilya, at hindi niya pinagbigyan ang kanilang mga kasalanan dahil sa sarili niyang damdamin. Sa halip, hinimok niya silang mangumpisal at makamit ang kapatawaran ng Diyos na si Jehova, at binigyan niya sila ng babala na huwag talikuran ang Diyos para sa kapakanan ng kanilang mga sariling sakim na kasiyahan. Ang mga prinsipyo kung paano pinakitunguhan ni Job ang iba ay hindi maihihiwalay mula sa mga prinsipyo ng kanyang takot sa Diyos at paglayo sa kasamaan. Minahal niya ang mga tinanggap ng Diyos, at kinasuklaman ang mga itinaboy ng Diyos; minahal niya ang mga taong may takot sa Diyos sa kanilang mga puso, at kinasuklaman niya ang mga gumagawa ng kasamaan o nagkakasala laban sa Diyos. Ang ganitong pagmamahal at pagkasuklam ay makikita sa kanyang pang-araw-araw na pamumuhay, at ito ang tunay na pagkamatuwid ni Job na nakita ng mga mata ng Diyos. Natural lamang na ito rin ang pagpapahayag at pagsasabuhay ng tunay na pagkatao ni Job sa kanyang mga ugnayan sa iba sa kanyang araw-araw na pamumuhay na dapat nating matutuhan.

Ang mga Pagpapamalas ng Pagkatao ni Job sa Panahon ng Kanyang mga Pagsubok (Pag-unawa sa Pagkaperpekto, Pagkamatuwid, Takot sa Diyos, at Paglayo sa Kasamaan ni Job sa Panahon ng Kanyang mga Pagsubok)

Ang ibinahagi natin sa itaas ay ang iba’t ibang aspeto ng pagkatao ni Job na makikita sa kanyang araw-araw na pamumuhay bago ang kanyang mga pagsubok. Walang pag-aalinlangan, ang iba’t ibang pagpapamalas na ito ay nagbibigay ng isang paunang pagkilala at pagkaunawa sa pagkamatuwid ni Job, pagkakaroon ng takot sa Diyos, at paglayo sa kasamaan, at natural lamang na nagbibigay ito ng paunang patunay. Ang dahilan kung bakit sinasabi Kong “pauna” ay dahil karamihan sa mga tao ay wala pa ring tunay na pagkaunawa sa personalidad ni Job at sa antas kung paano niya patuloy na tinahak ang daan ng pagsunod at pagkakaroon ng takot sa Diyos. Ibig sabihin, karamihan sa pagkaunawa ng mga tao kay Job ay hindi na lalalim pa kaysa sa tila kasiya-siyang impresyon sa kanya na galing sa mga talata sa Bibliya na naglalaman ng mga salita niyang “Si Jehova ang nagbigay, at si Jehova ang nag-alis; purihin ang pangalan ni Jehova” at “tatanggap ba tayo ng mabuti sa kamay ng Diyos, at hindi tayo tatanggap ng masama?” Dahil dito, mayroong malaking pangangailangan para sa atin na maintindihan kung paano isinabuhay ni Job ang kanyang pagkatao nang tanggapin niya ang mga pagsubok ng Diyos; sa ganitong paraan, makikita ng lahat ang tunay na pagkatao ni Job sa kabuuan nito.

Nang marinig ni Job na ang kanyang mga ari-arian ay ninakaw, na ang kanyang mga anak na lalaki at babae ay binawian ng buhay, at ang kanyang mga tagapagsilbi ay pinatay, ganito ang kanyang naging tugon: “Nang magkagayo’y bumangon si Job, at pinunit ang kanyang balabal, at inahitan ang kanyang ulo, at nagpatirapa sa lupa at sumamba” (Job 1:20). Ang mga salitang ito ay nagsasabi sa atin ng isang katotohanan: Pagkatapos marinig ang balitang ito, si Job ay hindi nasindak, hindi siya umiyak, o kaya ay nanisi ng mga tagapagsilbi na nagdala sa kanya ng balita, at lalong hindi niya siniyasat ang pinangyarihan ng krimen upang suriin at patotohanan ang mga detalye at alamin kung ano ba talaga ang nangyari. Hindi siya nagpakita ng anumang sakit o kalungkutan sa pagkawala ng kanyang mga ari-arian, at hindi rin siya umiyak nang husto dahil sa pagkawala ng kanyang mga anak at ng kanyang mga mahal sa buhay. Bagkus, pinunit niya ang kanyang balabal, at inahitan ang kanyang ulo, nagpatirapa sa lupa, at sumamba. Ang mga kilos ni Job ay hindi kagaya ng kilos ng pangkaraniwang tao. Nililito ng mga ito ang maraming tao, at pinangaralan nila si Job sa kanilang mga puso dahil sa kanyang “kawalan ng pakiramdam.” Sa biglaang pagkawala ng kanilang mga ari-arian, ang puso ng mga karaniwang tao ay madudurog o mawawalan ng pag-asa—o kaya ay, sa kaso ng ilang tao, maaari itong magtulak sa kanila sa matinding depresyon. Iyon ay dahil, sa kanilang mga puso, ang mga ari-arian ng mga tao ay kumakatawan sa isang habambuhay na pagsisikap—kung saan nakasalalay ang pagkaligtas ng kanilang buhay, ito ang pag-asa na nagpapanatili ng kanilang buhay. Ang pagkawala ng kanilang ari-arian ay nangangahulugan na ang kanilang mga pagsisikap ay nauwi sa wala, na wala na silang pag-asa, at wala na rin silang kinabukasan. Ito ang saloobin ng sinumang karaniwang tao sa kanyang ari-arian at ang kanyang malapit na ugnayan sa mga ito, at ito rin ang kahalagahan ng ari-arian sa mga mata ng tao. Dahil dito, higit na nakakaraming bilang ng mga tao ang nalito sa mahinahong tugon ni Job sa pagkawala ng kanyang ari-arian. Ngayon, aalisin natin ang pagkalito ng lahat ng taong ito sa pamamagitan ng pagpapaliwanag kung ano ang nangyayari sa loob ng puso ni Job.

Ang sentido komun ay nagsasabi na dahil si Job ay nabigyan ng maraming ari-arian ng Diyos, dapat mahiya si Job sa harap ng Diyos dahil sa pagkawala ng mga ari-ariang ito, dahil hindi niya binantayan o inalagaan ang mga ito; hindi niya pinanghawakan ang mga ari-ariang ibinigay sa kanya ng Diyos. Dahil dito, nang marinig niya na ang kanyang ari-arian ay ninakaw, ang kanyang unang dapat na ginawa ay ang pumunta sa pinangyarihan ng krimen at kumuha ng imbentaryo ng lahat ng bagay na nawala, at pagkatapos ay mangumpisal sa Diyos upang maaaring makatanggap siyang muli ng mga pagpapala ng Diyos. Gayunman, hindi ito ang ginawa ni Job, at siya ay likas na may sariling mga dahilan kung bakit hindi niya ito ginawa. Sa kanyang puso, tunay na naniniwala si Job na ang lahat ng kanyang pag-aari ay ibinigay sa kanya ng Diyos, at hindi nanggaling sa sarili niyang paghihirap. Dahil dito, hindi niya nakita ang mga biyayang ito bilang isang bagay na dapat bigyan ng labis na pansin, at sa halip ay nakaangkla ang prinsipyo ng pananatili ng kanyang buhay sa buong lakas niyang pagkapit sa daan na dapat niyang pagtibayin. Itinangi niya ang mga pagpapala ng Diyos at nagpasalamat para sa mga ito, ngunit hindi niya inibig ang mga pagpapala, at hindi siya humingi ng karagdagan ng mga ito. Ganito ang kanyang saloobin tungo sa ari-arian. Wala rin siyang ginawa para lamang makatanggap ng mga pagpapala, o nag-alala, o nasaktan sa kakulangan o kawalan ng mga pagpapala ng Diyos; hindi rin siya naging mabangis at hibang sa kasiyahan dahil sa mga biyaya ng Diyos, hindi niya binalewala ang daan ng Diyos o nakalimutan ang biyaya ng Diyos dahil sa mga biyaya na madalas niyang tinatamasa. Ang saloobin ni Job sa kanyang ari-arian ay nagpapakita sa mga tao ng kanyang tunay na pagkatao: Una, si Job ay hindi isang sakim na tao, at hindi mapaghingi ng materyal na bagay sa kanyang buhay. Pangalawa, si Job ay hindi kailanman nag-alala o natakot na kukunin ng Diyos ang lahat ng mayroon siya, na kanyang saloobin sa pagsunod sa Diyos sa kanyang puso; iyon ay, wala siyang mga hinihingi o reklamo tungkol sa kung kailan o kung mayroon mang kukunin ang Diyos sa kanya, at hindi siya nagtanong ng dahilan kung bakit, kundi naghangad lamang siya na sumunod sa mga pagsasaayos ng Diyos. Ikatlo, siya ay hindi kailanman naniwala na ang kanyang mga ari-arian ay galing sa sarili niyang paghihirap, kundi ibinigay ang mga ito sa kanya ng Diyos. Ganito ang pananampalataya ni Job sa Diyos, at ito ay isang pahiwatig ng kanyang matibay na paniniwala. Nilinaw ba ng tatlong-puntong buod na ito ang pagkatao ni Job at ang kanyang tunay na hangarin sa araw-araw? Ang pagkatao at hangarin ni Job ay mahalaga sa kanyang mahinahong asal nang kaharapin niya ang pagkawala ng kanyang ari-arian. Iyon ay tiyak na dahil sa kanyang araw-araw na hangarin kaya si Job ay may tayog at matibay na paniniwala na sabihing, “Si Jehova ang nagbigay, at si Jehova ang nag-alis; purihin ang pangalan ni Jehova,” sa panahon ng mga pagsubok ng Diyos. Ang mga salitang ito ay hindi nakamit sa loob lamang ng isang magdamag, at hindi rin basta lumabas ang mga ito sa ulo ni Job. Ang mga ito ay kanyang nakita at natutuhan sa loob ng maraming taon ng karanasan sa buhay. Kung ihahambing sa lahat ng mga tao na humihingi lamang ng mga pagpapala ng Diyos at natatakot na may kukunin sa kanila ang Diyos, at napopoot at nagrereklamo tungkol dito, ang pagsunod ba ni Job ay hindi makatotohanan? Kung ihahambing sa lahat ng taong naniniwala na may Diyos, ngunit hindi kailanman naniwala na ang Diyos ang namamahala sa lahat ng bagay, hindi ba’t nagtataglay si Job ng dakilang katapatan at pagkamatuwid?

Ang Pagkamakatwiran ni Job

Ang tunay na mga karanasan ni Job at ang kanyang matuwid at tapat na pagkatao ay nangahulugan na ginawa niya ang pinaka-makatwirang paghatol at mga pagpili nang nawala sa kanya ang kanyang mga ari-arian at ang kanyang mga anak. Ang ganitong mga makatwirang pagpili ay hindi maaaring ihiwalay mula sa kanyang pang-araw-araw na mga hangarin at sa mga gawa ng Diyos na kanyang nalaman sa panahon ng kanyang araw-araw na pamumuhay. Dahil sa katapatan ni Job, nagawa niyang maniwala na ang kamay ni Jehova ang namamahala sa lahat ng bagay; ang kanyang kaalaman ang nagpahintulot sa kanya na malaman ang katunayan ng kataas-taasang kapangyarihan sa lahat ng bagay ng Diyos na si Jehova; ang kanyang kaalaman ang nagtulak sa kanya upang maging handa at makasunod sa kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos ng Diyos na si Jehova; mas lalong pinatotoo ng kanyang takot ang kanyang paglayo sa kasamaan; sa huli, si Job ay naging perpekto dahil may takot siya sa Diyos at lumayo sa kasamaan; at dahil sa kanyang pagkaperpekto, siya ay naging matalino, at nabigyan siya ng sukdulang pagkamakatwiran.

Paano natin dapat unawain itong salitang “makatwiran”? Ang literal na interpretasyon ay nangangahulugan ito ng pagkakaroon ng matalas na pakiramdam, pagiging lohikal at matino sa pag-iisip, pagkakaroon ng wastong pananalita, kilos, at paghatol, at pagkakaroon ng tama at mga pirmihang pamantayang moral. Ngunit ang pagkamakatwiran ni Job ay hindi madaling maipaliwanag. Nang sinabi rito na si Job ay nagtaglay ng sukdulang pagkamakatwiran, ito ay sinabi nang may kaugnayan sa kanyang pagkatao at sa kanyang asal sa harap ng Diyos. Dahil si Job ay tapat, nagawa niyang maniwala at sumunod sa kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos, na nagbigay sa kanya ng kaalaman na hindi makakamit ng iba, at ang kaalamang ito ay nagbigay sa kanya ng kakayahan na mas tumpak na matukoy, mahusgahan, at mabigyang-kahulugan ang mga nangyari sa kanya, na nakatulong sa kanya upang mas tumpak at mas malinaw na makapili kung ano ang dapat na gawin at kung ano ang dapat na matatag na panghahawakan. Kaya ang kanyang mga salita, pag-uugali, ang mga prinsipyo sa likod ng kanyang mga kilos, at ang alituntunin na gumagabay sa kanyang pagkilos, ay pangkaraniwan, malinaw, at tiyak, at hindi bulag, pabigla-bigla, o emosyonal. Alam niya kung paano tratuhin ang anumang dumating sa kanya, alam niya kung paano timbangin at panghawakan ang mga ugnayan sa pagitan ng mga kumplikadong kaganapan, alam niya kung paano humawak ng mahigpit sa daang dapat niyang panghawakan, at, higit pa rito, alam niya kung paano ituring ang ginagawang pagbibigay at pagbawi ng Diyos na si Jehova. Ganito ang pagkamakatwiran ni Job. Dahil mismo sa ganitong pagkamakatwiran ni Job kung kaya’t nasabi niyang, “Si Jehova ang nagbigay, at si Jehova ang nag-alis; purihin ang pangalan ni Jehova,” nang nawala sa kanya ang kanyang mga ari-arian at ang kanyang mga anak na lalaki at babae.

Nang si Job ay naharap sa napakatinding sakit ng katawan, at sa pagtutol ng kanyang mga kamag-anak at mga kaibigan, at nang siya ay naharap sa kamatayan, muling naipakita sa lahat ang kanyang tunay na mukha sa pamamagitan ng kanyang aktwal na asal.

Ang Tunay na Mukha ni Job: Totoo, Dalisay, at Walang Kasinungalingan

Basahin natin ang Job 2:7–8: “Sa gayo’y umalis si Satanas mula sa harapan ni Jehova, at pinasibulan si Job ng mga masasakit na bukol na mula sa talampakan ng kanyang paa hanggang sa kanyang puyo. At kumuha siya ng isang basag na palayok upang ipangkayod ng langib; at siya’y naupo sa mga abo.” Ito ay isang paglalarawan sa asal ni Job nang naglabasan ang mga masasakit na bukol sa kanyang katawan. Sa oras na ito, si Job ay nakaupo sa mga abo habang tinitiis niya ang sakit. Walang gumamot sa kanya, at walang tumulong upang mabawasan ang sakit ng kanyang katawan; sa halip, ginamit niya ang isang basag na palayok upang ipangkayod sa ibabaw ng masasakit na bukol. Sa labas, ito ay isa lamang yugto sa paghihirap ni Job, at walang kaugnayan sa kanyang pagkatao at takot sa Diyos, dahil si Job ay hindi nagsalita upang ipahayag ang kanyang nararamdaman at mga pananaw sa panahong ito. Ngunit ang mga pagkilos ni Job at ang kanyang asal ang siya pa ring tunay na nagpahayag ng kanyang pagkatao. Sa talaan ng nakaraang kabanata, mababasa natin na si Job ang pinakadakila sa lahat ng tao ng silangan. Samantala, sa talatang ito mula sa ikalawang kabanata, makikita natin na ang dakilang taong ito ng silangan ay talaga ngang kumuha ng isang basag na palayok upang ipangkayod sa sarili niya habang nakaupo sa mga abo. Wala bang malinaw na pagsasalungatan sa dalawang paglalarawang ito? Ito ay ang kaibahan na nagpapakita sa atin ng totoong mukha ni Job: Sa kabila ng kanyang marangal na reputasyon at katayuan, hindi niya kailanman minahal at binigyang pansin ang mga ito; wala siyang pakialam sa kung paano tiningnan ng iba ang kanyang reputasyon, at hindi siya nag-alala kung ang mga kilos at asal niya ay may masamang epekto sa kanyang reputasyon; hindi siya nagpakasasa sa mga pakinabang ng katayuan, at hindi siya nagsaya sa karangalan na kasama ng kanyang katayuan at reputasyon. Nababahala lamang siya sa kanyang halaga at kabuluhan ng kanyang pamumuhay sa mga mata ng Diyos na si Jehova. Ang totoong mukha ni Job ay ang kanyang mismong diwa: Hindi niya inibig ang katanyagan at kayamanan, at hindi siya nabuhay para sa katanyagan at kayamanan; siya ay totoo, at dalisay, at walang kasinungalingan.

Ang Pagbubukod ni Job sa Pag-ibig at Poot

Ang isa pang bahagi ng pagkatao ni Job ay ipinapakita sa pag-uusap sa pagitan niya at ng kanyang asawa: “Nang magkagayo’y sinabi ng kanyang asawa sa kanya, ‘Pinananatili mo pa rin ba ang iyong integridad? Sumpain mo ang Diyos, at mamatay ka.’ Ngunit sinabi niya sa kanya, ‘Ikaw ay nagsasalita na gaya ng pagsasalita ng isa sa mga hangal na babae. Ano? Tatanggap ba tayo ng mabuti sa kamay ng Diyos, at hindi tayo tatanggap ng masama?’” (Job 2:9–10). Nang makita ang paghihirap na dinaranas niya, sinubukan ng asawa ni Job na payuhan si Job upang tulungan siyang makatakas sa kanyang paghihirap, ngunit ang kanyang “mabubuting layunin” ay hindi sinang-ayunan ni Job; sa halip, naging dahilan ito upang si Job ay magalit, sapagkat itinakwil niya ang pananampalataya at pagkamasunurin ni Job sa Diyos na si Jehova, at itinakwil din ng asawa ni Job ang pag-iral ng Diyos na si Jehova. Hindi ito katanggap-tanggap kay Job, dahil hindi niya kailanman pinayagan ang kanyang sarili na gumawa ng kahit ano na sasalungat o makasasakit sa Diyos, at hindi pa kasali rito ang iba. Paano siya mananatiling walang malasakit kung nakita niya ang iba na nagbibigkas ng mga salitang lumalapastangan at umiinsulto sa Diyos? Kaya tinawag niya ang kanyang asawa na isang “hangal na babae.” Ang saloobin ni Job sa kanyang asawa ay may galit at poot, pati na rin ang kahihiyan at mahigpit na pangangaral. Ito ay ang likas na pagpapahayag ng pagkatao ni Job—na kumikilala sa pagkakaiba ng pag-ibig at poot—at isang tunay na paglalarawan ng kanyang matuwid na pagkatao. Si Job ay nagtaglay ng pagkamakatarungan—na dahilan upang magalit siya sa pagpapakita ng kabuktutan, at kapootan, kondenahin, at tanggihan ang walang saysay na maling pananampalataya, mga hindi kapani-paniwalang argumento, at katawa-tawang mga pahayag, at nagpahintulot sa kanya na maging totoo sa kanyang sarili, sa mga wastong prinsipyo at makapanindigan nang siya ay itinakwil ng masa at iwan ng mga taong malapit sa kanya.

Ang Kabutihan ng Puso at Sinseridad ni Job

Dahil nakikita natin ang pagpapahayag ng iba’t ibang aspeto ng pagkatao ni Job mula sa kanyang mga inaasal, alin sa pagkatao ni Job ang makikita noong binuksan niya ang kanyang bibig upang sumpain ang araw ng kanyang kapanganakan? Ito ang paksang ibabahagi natin sa ibaba.

Sa itaas, isinalaysay Ko ang mga pinagmulan ng pagsumpa ni Job sa araw ng kanyang kapanganakan. Ano ang nakikita ninyo rito? Kung matigas ang puso ni Job at walang pag-ibig, kung siya ay malamig at walang pakiramdam at salat ng pagkatao, magagawa ba niyang pahalagahan ang ninanais ng puso ng Diyos? Magagawa ba niyang hamakin ang araw ng kanyang sariling kapanganakan bilang bunga ng kanyang pagpapahalaga sa puso ng Diyos? Sa madaling salita, kung si Job ay manhid at salat sa pagkatao, mababagabag ba siya ng sakit na nararamdaman ng Diyos? Maaari ba niyang isumpa ang araw ng kanyang kapanganakan dahil nasaktan niya ang Diyos? Ang sagot ay, ganap na hindi! Dahil siya ay may mabuting puso, pinahalagahan ni Job ang puso ng Diyos; dahil pinahalagahan niya ang puso ng Diyos, naramdaman ni Job ang nadamang sakit ng Diyos; dahil siya ay may mabuting puso, mas malaki ang kanyang naging pagdurusa bilang bunga ng pagkaunawa niya sa nadamang sakit ng Diyos; dahil naramdaman niya ang sakit na nadama ng Diyos, nagsimula siyang mapoot sa araw ng kanyang kapanganakan, kung kaya’t isinumpa niya ang araw ng kanyang kapanganakan. Sa mga tagalabas, ang buong asal ni Job sa panahon ng kanyang mga pagsubok ay kapuri-puri. Tanging ang kanyang pagsumpa sa araw ng kanyang kapanganakan ang naging dahilan ng pagdududa sa kanyang pagkaperpekto at pagkamatuwid, o nagbibigay ng naiibang resulta ng pagsusuri. Sa katunayan, ito ang pinakatunay na pagpapahayag ng diwa ng pagkatao ni Job. Ang diwa ng kanyang pagkatao ay hindi lingid o nakabalot, o binago ng ibang tao. Nang isinumpa niya ang araw ng kanyang kapanganakan, ipinakita niya ang kabutihan at sinseridad na nakabaon sa kanyang puso; siya ay tulad ng isang bukal na ang tubig ay sobrang malinaw at naaaninag na nakapagpapakita ng kailaliman nito.

Pagkatapos malaman ang lahat ng ito tungkol kay Job, karamihan sa mga tao ay magkakaroon ng medyo tumpak at obhektibong pagsusuri sa diwa ng pagkatao ni Job. Mayroon din dapat silang malalim, praktikal, at mas makabagong pagkaunawa at pagpapahalaga sa pagkaperpekto at pagkamatuwid ni Job na sinasabi ng Diyos. Sana, ang pagkaunawa at pagpapahalagang ito ay makatulong sa mga tao na hanapin ang daan ng pagkakaroon ng takot sa Diyos at paglayo sa kasamaan.

Ang Kaugnayan sa Pagitan ng Pagpasa ng Diyos kay Job Papunta kay Satanas at ang mga Pakay ng Gawain ng Diyos

Kahit na karamihan sa mga tao ngayon ay kumikilala na si Job ay perpekto at matuwid, at siya ay may takot sa Diyos at lumalayo sa kasamaan, ang pagkilalang ito ay hindi nagbibigay sa kanila ng mas mataas na kaunawaan ng layunin ng Diyos. Kasabay ng pagkainggit sa pagkatao at hangarin ni Job, tinatanong nila ang mga sumusunod na katanungan sa Diyos: Si Job ay lubos na perpekto at matuwid, minamahal siyang lubos ng mga tao, kung gayon, bakit siya ibinigay ng Diyos kay Satanas at isinailalim sa ganoong paghihirap? Ang ganitong mga tanong ay umiiral sa mga puso ng maraming tao—o kaya, ang pagdududang ito ang tanong na nasa mga puso ng maraming tao. Dahil nililito nito ang napakaraming tao, kailangan nating ilatag at ipaliwanag nang maayos ang tanong na ito.

Ang lahat ng ginagawa ng Diyos ay kinakailangan, at may pambihirang kabuluhan, dahil ang lahat ng ginagawa Niya sa tao ay may kinalaman sa Kanyang pamamahala at pagliligtas sa sangkatauhan. Natural lamang na ang gawaing ginawa ng Diyos kay Job ay hindi naiiba, kahit na si Job ay perpekto at matuwid sa paningin ng Diyos. Sa madaling salita, kahit ano pa ang ginagawa ng Diyos o ang paraan na ginagamit Niya para gawin ito, kahit ano pa ang halaga, o ang Kanyang nilalayon, ang pakay ng Kanyang mga kilos ay hindi nagbabago. Ang Kanyang pakay ay upang ipasok sa tao ang mga salita ng Diyos, pati na rin ang mga kinakailangan at ang kalooban ng Diyos para sa tao; sa madaling salita, ito ay upang ipasok sa tao ang lahat ng pinaniniwalaan ng Diyos na positibo alinsunod sa Kanyang mga hakbang, na nagbibigay sa tao ng pagkaunawa sa puso ng Diyos at pagkaintindi sa diwa ng Diyos, at nagpapahintulot sa kanya na sundin ang kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos ng Diyos, at nang sa gayon ay magkaroon ng daan upang matamo ng tao ang pagkakaroon ng takot sa Diyos at paglayo sa kasamaan—ang lahat ng ito ay isang aspeto ng pakay ng Diyos sa lahat ng Kanyang ginagawa. Ang isa pang aspeto ay, dahil si Satanas ang hambingan at nagsisilbing gamit-pangserbisyo sa gawain ng Diyos, ang tao ay madalas na ibinibigay kay Satanas; paraan ito na ginagamit ng Diyos upang makita ng mga tao ang kasamaan, kapangitan, at pagiging kasuklam-suklam ni Satanas sa gitna ng mga pagtukso at pag-atake nito, na nagiging dahilan upang kamuhian ng mga tao si Satanas at magawang malaman at makilala ang mga bagay na negatibo. Ang prosesong ito ay nagbibigay-daan sa kanila upang unti-unti nilang mapalaya ang kanilang mga sarili mula sa pamamahala ni Satanas, at mula sa mga paratang, pakikialam, at pag-atake nito—hanggang, salamat sa mga salita ng Diyos, ang kanilang kaalaman at pagsunod sa Diyos, at ang kanilang pananampalataya sa Diyos at takot sa Kanya, ay magdala sa kanila ng tagumpay laban sa mga pag-atake at paratang ni Satanas; doon lamang sila ganap na maiaadya mula sa nasasakupan ni Satanas. Ang paglaya ng mga tao ay nangangahulugan na si Satanas ay natalo, ito ay nangangahulugan na hindi na sila pagkain sa bibig ni Satanas—na sa halip na lunukin sila, pinakawalan sila ni Satanas. Ito ay sa kadahilanang ang mga gayong tao ay matuwid, may pananampalataya, masunurin, at may takot sa Diyos, at dahil tuluyan silang kumakawala kay Satanas. Nagdadala sila ng kahihiyan kay Satanas, ginagawa nilang duwag si Satanas, at tuluyan nilang tinatalo si Satanas. Ang kanilang matibay na paniniwala sa pagsunod sa Diyos, at ang pagsunod at takot nila sa Diyos ang tumatalo kay Satanas, at nagiging dahilan kung bakit ganap silang isinusuko ni Satanas. Ang mga taong tulad nito lamang ang tunay na nakamtan ng Diyos, at ito ang tunay na obhektibo ng Diyos sa pagliligtas sa tao. Kung nais nilang mailigtas, at nais nilang ganap na makamit ng Diyos, ang lahat ng sumusunod sa Diyos ay dapat humarap sa mga maliliit at malalaking tukso at pag-atake na galing kay Satanas. Ang mga taong nangingibabaw sa mga tukso at pag-atake na ito at nagagawang ganap na talunin si Satanas ay ang mga nailigtas ng Diyos. Ibig sabihin, ang mga tao na nailigtas ng Diyos ay iyong mga sumailalim sa mga pagsubok ng Diyos, at ang mga tinukso at inatake ni Satanas nang hindi mabilang na pagkakataon. Nauunawaan ng mga taong nailigtas ng Diyos ang kalooban at mga hinihingi ng Diyos, at nagagawa nilang sumunod sa kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos ng Diyos, at hindi nila tinatalikdan ang daan ng pagkakaroon ng takot sa Diyos at paglayo sa kasamaan sa gitna ng mga panunukso ni Satanas. Ang mga taong nailigtas ng Diyos ay nagtataglay ng katapatan, sila ay may mabubuting puso, napaghihiwalay nila ang pag-ibig at poot, may diwa sila ng pagkamakatarungan at sila ay makatwiran, at nagagawa nilang magmalasakit sa Diyos at pahalagahan ang lahat ng sa Diyos. Ang ganitong mga tao ay hindi naigagapos, namamanmanan, napararatangan, o naaabuso ni Satanas; sila ay ganap na malaya, sila ay ganap na napalaya at napakawalan na. Si Job ay isang tao ng kalayaan, at ito ang tiyak na kahulugan kung bakit ipinasa siya ng Diyos kay Satanas.

Si Job ay inabuso ni Satanas, ngunit nakakuha rin siya ng walang hanggang kalayaan at pagpapalaya, at nagkamit ng karapatan na hindi na kailanman muling mapasailalim sa katiwalian, pang-aabuso, at mga paratang ni Satanas, at sa halip ay mabuhay sa liwanag ng mukha ng Diyos nang malaya at walang hadlang, at ang mabuhay sa gitna ng mga pagpapalang bigay ng Diyos sa kanya. Walang maaaring mag-alis, o sumira, o kumuha ng karapatang ito. Ito ay ibinigay kay Job kapalit ng kanyang pananampalataya, determinasyon, at pagsunod at takot sa Diyos; nagbayad si Job ng kanyang buhay upang ipanalo ang kagalakan at kaligayahan sa lupa, upang matamo ang karapatan at pagiging karapat-dapat, gaya ng itinakda ng Langit na siya namang kinilala sa lupa, upang sumamba sa Lumikha nang walang hadlang bilang isang tunay na nilalang ng Diyos sa lupa. Ito rin ang pinakamalaking kinalabasan ng mga tukso na tiniis ni Job.

Kapag hindi pa nailigtas ang mga tao, ang mga buhay nila ay madalas na pinanghihimasukan, at maaaring pinamamahalaan, ni Satanas. Sa madaling salita, ang mga tao na hindi pa naililigtas ay mga bilanggo ni Satanas, sila ay walang kalayaan, hindi pa sila binibitawan ni Satanas, sila ay hindi naaangkop at walang karapatan na sumamba sa Diyos, at sila ay labis na tinutugis at nilulusob nang matindi ni Satanas. Ang ganitong mga tao ay walang kaligayahan na masasabi, wala silang karapatan sa isang normal na pag-iral na masasabi, at higit pa rito, wala silang dangal na masasabi. Tanging kung ikaw ay maninindigan at makikipaglaban kay Satanas gamit ang iyong pananampalataya at pagsunod sa Diyos, at takot sa Diyos, bilang iyong mga sandata na gagamitin para sa isang buhay-at-kamatayan na pakikipaglaban kay Satanas, kung saan sukdulan mong matatalo si Satanas na magiging dahilan ng pag-urong ng buntot nito at pagiging duwag sa tuwing makikita ka, upang tuluyan na nitong itigil ang mga paglusob at paratang laban sa iyo—saka ka lang maililigtas at magiging malaya. Kung ikaw ay determinadong lumaya nang lubusan mula kay Satanas, ngunit wala kang mga sandatang tutulong sa iyo upang talunin si Satanas, ikaw ay manganganib pa rin; at sa paglipas ng panahon, kapag ikaw ay lubhang napahirapan na ni Satanas na wala nang natitirang lakas sa iyo, ngunit hindi mo pa rin magawang magpatotoo, hindi pa rin tuluyang napapalaya ang iyong sarili sa mga paratang at paglusob ni Satanas laban sa iyo, magiging maliit lamang ang pag-asa na maililigtas ka. Sa huli, kapag ipinapahayag na ang konklusyon ng gawain ng Diyos, nasa mahigpit na pagkakahawak ka pa rin ni Satanas, kung saan hindi mo magawang palayain ang iyong sarili, at dahil dito hindi ka na kailanman magkakaroon ng pagkakataon o pag-asa. Kung gayon, ang ipinapahiwatig nito ay magiging ganap na mga bihag ni Satanas ang ganitong mga tao.

Tanggapin ang mga Pagsubok ng Diyos, Pagtagumpayan ang mga Panunukso ni Satanas, at Hayaan ang Diyos na Makamit ang Iyong Buong Pagkatao

Sa panahon ng gawain ng Kanyang walang hanggang pagtutustos at suporta sa tao, sinasabi ng Diyos ang kabuuan ng Kanyang kalooban at mga hinihingi sa tao, at ipinakikita Niya ang Kanyang mga gawa, disposisyon, at kung anong mayroon Siya at kung ano Siya sa tao. Ang layunin ay upang maihanda ang tao sa pamamagitan ng tayog, at pahintulutan ang tao na makamit ang iba’t ibang katotohanan mula sa Diyos habang sumusunod sa Kanya—mga katotohanan na siyang mga sandatang ibinibigay ng Diyos sa tao upang labanan si Satanas. Kapag nabigyan na ng sandata, dapat harapin ng tao ang mga pagsubok ng Diyos. Ang Diyos ay maraming paraan at sistema para sa pagsubok ng tao ngunit bawat isa sa mga ito ay nangangailangan ng “kooperasyon” ng kaaway ng Diyos: si Satanas. Ibig sabihin, matapos bigyan ang tao ng mga sandata upang labanan si Satanas, ibinibigay ng Diyos ang tao kay Satanas at hinahayaan si Satanas na “subukin” ang tayog ng tao. Kung makakalabas ang tao mula sa mga hanay ng pakikipaglaban ni Satanas, kung kaya niyang tumakas mula sa teritoryo ni Satanas at manatiling buhay, ang tao ay makakapasa sa pagsubok. Ngunit kung ang tao ay mabigong umalis sa mga hanay ng pakikipaglaban ni Satanas, at nagpasakop kay Satanas, hindi siya makakapasa sa pagsubok. Anumang aspeto ng tao ang sinusuri ng Diyos, ang mga pamantayan ng Kanyang pagsusuri ay kung magpapakatatag o hindi ang tao sa kanyang patotoo kapag inatake siya ni Satanas, at kung itatakwil niya o hindi ang Diyos at susuko at magpapasakop kay Satanas habang nasa bitag ni Satanas. Maaaring sabihin na ang pagkaligtas o hindi sa tao ay nakasalalay sa kung kaya niyang mapagtagumpayan at talunin si Satanas, at ang kakayanan niya na makamtan ang kanyang kalayaan ay nakasalalay sa kanyang kakayahang buhatin, nang mag-isa, ang mga sandatang ibinigay sa kanya ng Diyos upang mapagtagumpayan ang gapos ni Satanas, upang ganap na mawalan ng pag-asa si Satanas at iwan siyang mag-isa. Kung mawawalan ng pag-asa si Satanas at magpapalaya ng isang tao, ang ibig sabihin nito ay hinding-hindi na nito muling susubukan na kunin ang taong ito mula sa Diyos, hinding-hindi na muling pararatangan at gagambalain ang taong ito, hinding-hindi na siya muling pahihirapan nang walang-pakundangan o aatakihin; tanging ang ganitong tao lamang ang tunay na nakamit ng Diyos. Ito ang buong proseso kung paano nakakamit ng Diyos ang tao.

Ang Babala at Kaliwanagan ng Patotoo ni Job na Ibinigay sa mga Sumunod na Henerasyon

Kasabay ng pagkaunawa sa proseso kung paano ganap na nakakamit ng Diyos ang isang tao, mauunawaan din ng mga tao ang mga pakay at kabuluhan ng ginawa ng Diyos nang ibigay Niya si Job kay Satanas. Ang mga tao ay hindi na nababalisa sa paghihirap ng kalooban ni Job, at mayroon ng bagong pagpapahalaga sa kabuluhan nito. Hindi na nila inaalala kung sila mismo ay mapapasailalim sa tukso na katulad ng napagdaanan ni Job, at hindi na tinututulan o tinatanggihan ang pagdating ng mga pagsubok ng Diyos. Ang pananampalataya, at pagkamasunurin ni Job, at ang kanyang patotoo sa pagtatagumpay laban kay Satanas ay mapagkukunan ng malaking tulong at lakas ng loob ng mga tao. Kay Job, sila ay nakakakita ng pag-asa para sa kanilang sariling kaligtasan, at nakita nila na sa pamamagitan ng pananampalataya, at pagsunod at takot sa Diyos, ganap na posibleng talunin si Satanas at manaig laban kay Satanas. Nakikita nila na hangga’t hindi sila tumututol sa kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos ng Diyos, at taglay nila ang determinasyon at pananampalataya na hindi itakwil ang Diyos matapos na mawala sa kanila ang lahat, maaari silang magdala ng kahihiyan at pagkatalo kay Satanas, at kailangan lamang nilang taglayin ang determinasyon at tiyaga upang manindigan sa kanilang patotoo—kahit na ito ay nangangahulugan ng pagkawala ng kanilang mga buhay—upang maduwag at mabilisang sumuko si Satanas. Ang patotoo ni Job ay isang babala sa mga sumusunod na henerasyon, at ang babalang ito ay nagsasabi sa kanila na kung hindi nila tatalunin si Satanas, hindi nila kailanman magagawang makawala sa mga paratang at panghihimasok sa kanila ni Satanas, at hindi rin nila kailanman magagawang makatakas sa pang-aabuso at pag-aatake ni Satanas. Ang patotoo ni Job ay nagbigay ng kaliwanagan sa mga sumunod na henerasyon. Itinuturo ng kaliwanagang ito sa mga tao na kung sila ay perpekto at matuwid, saka lamang nila magagawang magkaroon ng takot sa Diyos at lumayo sa kasamaan; itinuturo nito sa kanila na kapag sila ay may takot sa Diyos at lumalayo sa kasamaan, saka lamang nila makakayanang magkaroon ng malakas at tumataginting na patotoo sa Diyos; kapag sila ay may malakas at umuugong na patotoo sa Diyos, saka lamang sila kailanman hindi na mapamamahalaan ni Satanas at mabubuhay sa ilalim ng paggabay at pag-iingat ng Diyos—at doon lamang sila tunay na nailigtas. Ang personalidad ni Job at ang ginawa niya sa kanyang buhay ay dapat tularan ng lahat ng nagnanais ng kaligtasan. Ang kanyang isinabuhay sa kanyang buong buhay at ang kanyang asal sa panahon ng kanyang mga pagsubok ay isang mahalagang kayamanan para sa lahat ng sumusunod sa daan ng pagkakaroon ng takot sa Diyos at paglayo sa kasamaan.

Ang Patotoo ni Job ay Nagdulot ng Kaginhawahan sa Diyos

Kung sabihin Ko sa inyo ngayon na si Job ay isang kaibig-ibig na tao, maaaring hindi ninyo mapahalagahan ang kahulugan sa loob ng mga salitang ito, at maaaring hindi niyo lubos na maintindihan ang damdamin kung bakit Ko sinasabi ang lahat ng bagay na ito; ngunit maghintay kayo hanggang sa araw na kayo ay makaranas ng mga pagsubok na kapareho o katulad ng mga pinagdaanan ni Job, kapag kayo ay dumadaan sa kahirapan, kapag personal na ninyong nararanasan ang mga pagsubok na isinaayos mismo ng Diyos para sa inyo, kapag ibinigay ninyo ang lahat ng mayroon kayo, at nagtiis sa kahihiyan at paghihirap, upang magtagumpay laban kay Satanas at magpatotoo sa Diyos sa gitna ng mga tukso—doon mo matututuhang pahalagahan ang ibig sabihin nitong mga salitang sinasabi Ko. Sa oras na iyon, mararamdaman mo na ikaw ay mas mahina kung ihahambing kay Job, mararamdaman mo kung gaano kaibig-ibig si Job, at siya ay karapat-dapat na tularan. Kapag dumating na ang panahong iyon, mauunawaan mo kung gaano kahalaga ang mga walang-kupas na salitang binigkas ni Job para sa mga tiwali at nabubuhay sa mga panahong ito, at mauunawaan mo kung gaano kahirap para sa mga tao ngayon na makamit ang nakamit ni Job. Kapag nararamdaman mo na ito ay mahirap, mapapahalagahan mo kung gaano kabalisa at nag-aalala ang puso ng Diyos, mapapahalagahan mo kung gaano kalaki ang halaga na binayaran ng Diyos upang makamit ang ganoong mga tao, at kung gaano kahalaga ang ginawa at ginugol ng Diyos para sa sangkatauhan. Ngayon na narinig na ninyo ang mga salitang ito, mayroon na ba kayong wastong pagkaunawa at tamang pagsusuri kay Job? Sa inyong paningin, si Job ba ay tunay na perpekto at matuwid na tao na natatakot sa Diyos at lumalayo sa kasamaan? Naniniwala Ako na karamihan sa mga tao ay tiyak na magsasabi ng oo. Dahil ang mga katotohanan ng ikinilos at ipinahayag ni Job ay hindi maikakaila ng sinumang tao o maging ni Satanas. Ang mga ito ang pinakamakapangyarihang patunay ng tagumpay ni Job laban kay Satanas. Ang patunay na ito ay ginawa kay Job, at ang unang patotoo na tinanggap ng Diyos. Dahil dito, nang magtagumpay si Job laban sa mga panunukso ni Satanas at nagawang magpatotoo sa Diyos, nakakita ang Diyos ng pag-asa kay Job, at ang Kanyang puso ay nabigyan ni Job ng kaginhawahan. Mula sa panahon ng paglikha hanggang sa panahon ni Job, ito ang unang pagkakataon na ang Diyos ay tunay na nakaranas ng kaginhawahan, at kung ano ang ibig sabihin ng mabigyan ng tao ng ginhawa. Ito ang unang pagkakataon na nakita Niya, at nakamit, ang tunay na patotoo na dinala para sa Kanya.

Ngayon nagsimula na ang malalaking sakuna. Paano natin masasalubong ang pagbabalik ng Panginoon at magkaroon ng pagkakataong matamo ang proteksyon ng Diyos? Makipag-ugnayan sa amin ngayon upang mahanap ang paraan.

Kontakin Kami Gamit ang Messenger