Paano Malalaman ang Disposisyon ng Diyos at ang mga Resultang Makakamtan ng Kanyang Gawain

Ikaapat na Bahagi

Unawain ang Saloobin ng Diyos at Isantabi ang Lahat ng Maling Akala Tungkol sa Diyos

Anong uri ba talaga ng Diyos itong Diyos na kasalukuyan ninyong pinaniniwalaan? Napag-isipan na ba ninyo ito? Kapag nakakakita Siya ng isang masamang tao na gumagawa ng masasamang bagay, kinamumuhian ba Niya ito? (Oo, kinamumuhian Niya.) Ano ang Kanyang saloobin kapag nakikita Niyang nagkakamali ang mga taong mangmang? (Kalungkutan.) Kapag nakikita Niyang ninanakaw ng mga tao ang mga handog sa Kanya, ano ang Kanyang saloobin? (Kinamumuhian Niya sila.) Napakalinaw ng lahat ng ito, hindi ba? Kapag nakikita Niya ang tao na nalilito sa kanilang paniniwala sa Kanya, na hindi nagsisikap na malaman ang katotohanan, ano ang saloobin ng Diyos? Hindi kayo masyadong nakatitiyak, hindi ba? Ang “pagkalito,” bilang isang saloobin, ay hindi isang kasalanan, ni hindi nito sinasaktan ang Diyos, at nadarama ng mga tao na hindi ito isang uri ng malaking pagkakamali. Kaya, sabihin ninyo sa Akin—ano ang saloobin ng Diyos sa sitwasyong ito? (Ayaw Niyang kilalanin ang mga ito.) “Ayaw kilalanin ang mga ito”—anong uri ng saloobin ito? Ang ibig sabihin nito ay mababa ang tingin ng Diyos sa mga taong ito at kinasusuklaman sila! Ang paraan ng pakikitungo Niya sa gayong mga tao ay ipinagwawalang-bahala Niya sila. Ang paraan ng Diyos ay ang isantabi sila, hindi Siya nag-aabalang gumawa ng anuman sa kanila, at kabilang diyan ang gawain ng pagbibigay-liwanag, pagtatanglaw, pagtutuwid, at pagdidisiplina. Ang gayong mga tao ay talagang hindi kabilang sa gawain ng Diyos. Ano ang saloobin ng Diyos doon sa mga nagpapagalit sa Kanyang disposisyon at lumalabag sa Kanyang mga atas administratibo? Matinding pagkasuklam! Matindi ang galit ng Diyos sa mga taong hindi nagsisisi tungkol sa pagpapagalit sa Kanyang disposisyon! Ang “matinding galit” ay isang damdamin lamang, isang pakiramdam; hindi ito katumbas ng isang malinaw na saloobin. Gayunman, ang damdaming ito—ang pakiramdam na ito—ay magdudulot ng isang kahihinatnan para sa gayong mga tao: Pupunuin nito ng matinding pagkamuhi ang Diyos! Ano ang ibubunga ng matinding pagkamuhing ito? Isasantabi ng Diyos ang mga taong ito at pansamantala Siyang hindi tutugon sa kanila. Pagkatapos ay hihintayin Niyang maiayos sila “pagkaraan ng taglagas.” Ano ang ipinahihiwatig nito? May kahihinatnan pa rin ba ang mga taong ito? Hindi kailanman nilayon ng Diyos na bigyan ng anumang kahihinatnan ang gayong mga tao! Samakatuwid, hindi ba normal na normal na hindi tumutugon ngayon ang Diyos sa gayong mga tao? (Oo, normal iyan.) Ano ang dapat paghandaang gawin ng gayong mga tao? Dapat silang maghandang tiisin ang mga negatibong ibubunga ng kanilang pag-uugali at ng mga kasamaang nagawa nila. Ito ang tugon ng Diyos sa gayong tao. Kaya, malinaw Kong sinasabi ngayon sa gayong mga tao: Huwag na kayong kumapit sa inyong mga kahibangan, at huwag na kayong mag-abala sa anumang iniisip ninyong mithiin. Hindi magpaparaya ang Diyos sa mga tao nang walang-katapusan; hindi Niya titiisin ang kanilang mga paglabag o pagsuway magpakailanman. Sasabihin ng ilang tao, “Nakakita na rin ako ng ilang taong ganoon, at kapag nagdarasal sila, nadarama nila na lalo silang naaantig ng Diyos, at pagkatapos ay mapait silang lumuluha. Karaniwan ay napakasaya rin nila; parang nasa presensya sila ng Diyos at pinapatnubayan sila ng Diyos.” Huwag ninyong sabihin ang walang katuturang iyan! Ang mapapait na luha ay hindi nangangahulugan na ang isang tao ay naaantig ng Diyos o natatamasa ang presensya ng Diyos, lalo na ang patnubay ng Diyos. Kung ginagalit ng mga tao ang Diyos, gagabayan pa rin ba Niya sila? Sa madaling salita, kapag nakapagpasya ang Diyos na alisin at pabayaan ang isang tao, wala nang kahihinatnan ang taong iyon. Gaano man kaganda ang kanilang pakiramdam kapag nagdarasal sila, o gaano man kalaki ang kanilang pananampalataya sa Diyos sa kanilang puso, hindi na mahalaga iyon. Ang mahalaga ay na hindi kailangan ng Diyos ang ganitong klaseng pananampalataya; natanggihan na Niya ang mga taong ito. Kung paano sila pakikitunguhan sa hinaharap ay hindi rin mahalaga. Ang mahalaga ay na sa mismong sandali na galitin ng mga taong ito ang Diyos, nakatakda na ang kanilang kahihinatnan. Kung naipasya na ng Diyos na huwag iligtas ang gayong mga tao, maiiwanan sila upang parusahan. Ito ang saloobin ng Diyos.

Bagamat may elemento ng pagmamahal ang diwa ng Diyos, at maawain Siya sa bawat isang tao, nakaligtaan at nalimutan ng mga tao ang katotohanan na may dignidad din ang Kanyang diwa. Hindi komo may pagmamahal Siya ay maaari na Siyang saktan nang buong laya ng mga tao, nang walang pinupukaw na damdamin o reaksyon sa Kanya, ni hindi nangangahulugan na komo may awa Siya ay wala na Siyang mga prinsipyo sa pagtrato Niya sa mga tao. Ang Diyos ay buhay; Siya ay tunay na umiiral. Hindi Siya isang kathang-isip na tau-tauhan ni anupamang ibang bagay. Dahil Siya ay umiiral, dapat tayong makinig na mabuti sa tinig ng Kanyang puso sa lahat ng oras, pansinin nating mabuti ang Kanyang saloobin, at unawain natin ang Kanyang damdamin. Hindi natin dapat gamitin ang mga imahinasyon ng tao para tukuyin ang Diyos, ni hindi natin dapat igiit ang mga iniisip o ninanais ng tao sa Kanya, na nagiging sanhi upang tratuhin ng Diyos ang mga tao sa paraan ng tao batay sa mga imahinasyon ng tao. Kung gagawin mo ito, gagalitin mo ang Diyos, bubuyuhin mo Siyang mapoot, at hahamunin mo ang Kanyang dignidad! Sa gayon, kapag naunawaan na ninyo ang katindihan ng bagay na ito, hinihimok Ko ang bawat isa sa inyo na maging maingat at mahinahon sa inyong mga kilos. Maging maingat at mahinahon din sa inyong pananalita—patungkol sa pagtrato ninyo sa Diyos, mas maingat at mahinahon kayo, mas mabuti! Kapag hindi mo nauunawaan kung ano ang saloobin ng Diyos, iwasang magsalita nang walang-ingat, huwag magpadalus-dalos sa iyong mga kilos, at huwag basta-basta magbansag. Ang mas mahalaga pa, huwag magsalita nang patapos na walang batayan. Sa halip, dapat kang maghintay at maghanap; ang mga kilos na ito ay pagpapahayag din ng pagkakaroon ng takot sa Diyos at pag-iwas sa kasamaan. Higit sa lahat, kung magagawa mo ito, at higit sa lahat, kung angkin mo ang saloobing ito, hindi ka sisisihin ng Diyos sa iyong kahangalan, kamangmangan, at kawalan ng pang-unawa sa mga dahilan sa likod ng mga bagay-bagay. Sa halip, dahil sa iyong saloobing takot na magkasala sa Diyos, paggalang sa Kanyang mga layunin, at kahandaang sundin Siya, aalalahanin ka ng Diyos, gagabayan at liliwanagan ka, o magpaparaya Siya sa iyong kakulangan sa gulang at kamangmangan. Sa kabilang dako, kapag nawalan ka ng pitagan sa Kanya—na hinuhusgahan Siya ayon sa gusto mo o hinuhulaan at tinutukoy mo nang di-makatwiran ang Kanyang mga ideya—isusumpa ka ng Diyos, didisiplinahin ka, at parurusahan ka pa; o, maaari Siyang magkomento sa iyo. Marahil ay kasama ang iyong kahihinatnan sa komentong ito. Samakatuwid, nais Kong minsan pang bigyang-diin: Dapat maging maingat at mahinahon ang bawat isa sa inyo tungkol sa lahat ng bagay na nagmumula sa Diyos. Huwag kayong magsalita nang walang ingat, at huwag magpadalus-dalos sa inyong mga kilos. Bago ka magsalita ng anuman, dapat kang tumigil at mag-isip: Magagalit ba ang Diyos sa kilos kong ito? Sa paggawa nito, nagpipitagan ba ako sa Diyos? Kahit sa mga simpleng bagay, dapat mo pa ring subuking unawain ang mga tanong na ito, at gumugol ng mas maraming oras sa pag-iisip tungkol sa mga ito. Kung talagang makapagsasagawa ka ayon sa mga prinsipyong ito sa lahat ng aspeto, sa lahat ng bagay, sa lahat ng oras, at magkaroon ka ng gayong saloobin lalo na kapag mayroon kang hindi nauunawaan, lagi kang gagabayan ng Diyos at bibigyan ka ng isang landas na susundan. Anumang pagganap ang ipinapakita ng mga tao, nakikita ng Diyos ang mga iyon nang malinaw at maliwanag, at mag-aalok Siya ng isang tumpak at angkop na pagsusuri sa mga ipinapakita mong ito. Matapos mong pagdaanan ang huling pagsubok, kukunin ng Diyos ang lahat ng pag-uugali mo at ibubuod ang mga ito nang ganap upang maipasya ang iyong kahihinatnan. Ang resultang ito ay kukumbinsihin ang bawat isang tao nang walang anumang pagdududa. Ang gusto Kong sabihin sa inyo rito ay ito: Ang bawat gawa ninyo, bawat kilos ninyo, at bawat iniisip ninyo ang nagpapasya sa inyong kapalaran.

Sino ang Nagpapasya sa Kahihinatnan ng mga Tao?

May isa pang bagay na napakahalagang talakayin, at ito ay ang saloobin ninyo sa Diyos. Ang saloobing ito ay napakahalaga! Ito ang nagpapasya kung sa huli ay patungo kayo sa pagkawasak o sa isang magandang hantungang naihanda ng Diyos para sa inyo. Sa Kapanahunan ng Kaharian, gumawa na ang Diyos ng mahigit dalawampung taon, at marahil, sa paglipas ng dalawang dekadang ito, sa inyong kaibuturan ay hindi kayo gaanong nakatitiyak tungkol sa inyong pagganap. Gayunman, sa puso ng Diyos, gumawa na Siya ng isang tunay at matapat na talaan ng bawat isa sa inyo. Mula nang magsimulang sumunod sa Kanya ang bawat tao at makinig sa Kanyang mga sermon, na unti-unting mas lalong nauunawaan ang katotohanan, at hanggang sa panahon na bawat tao ay nagsimulang tuparin ang kanilang mga tungkulin, nag-ingat na ng talaan ang Diyos tungkol sa lahat ng pamamaraan ng pagsasagawang nagawa ng bawat tao. Habang tinutupad ang kanilang mga tungkulin at nahaharap sa lahat ng uri ng sitwasyon at pagsubok, ano ang mga saloobin ng mga tao? Paano sila gumaganap? Ano ang nadarama nila sa Diyos sa kanilang puso? … May ulat ang Diyos ng lahat ng ito; may talaan Siya ng lahat ng ito. Marahil, mula sa inyong pananaw, nakalilito ang mga isyung ito. Gayunman, mula sa kinatatayuan ng Diyos, kasinglinaw ng kristal ang mga ito, at wala ni katiting na pahiwatig ng kawalang-ingat. Ito ay isang isyu na nauugnay sa kahihinatnan ng bawat tao, at binabanggit ang kapalaran at mga inaasam din ng mga tao sa hinaharap, at higit pa riyan, dito ginugugol ng Diyos ang lahat ng Kanyang napakaingat na mga pagsisikap; samakatuwid, hindi ito kaliligtaan ng Diyos ni bahagya, ni hindi Siya nagpaparaya sa anumang kawalang-ingat. Gumagawa ng isang talaan ang Diyos tungkol sa salaysay na ito ng sangkatauhan, na itinatala ang buong landasin ng mga tao sa kanilang pagsunod sa Diyos, mula simula hanggang wakas. Ang saloobin mo sa Kanya sa panahong ito ang nagpasya sa iyong kapalaran. Hindi ba totoo ito? Ngayon, naniniwala ka ba na ang Diyos ay matuwid? Angkop ba ang Kanyang mga kilos? Mayroon pa rin ba kayong anumang iba pang mga imahinasyon tungkol sa Diyos sa inyong isipan? (Wala.) Kung gayon ay sasabihin ba ninyo na ang Diyos ang nagpapasya sa kahihinatnan ng mga tao, o ang mga tao ang nagpapasya sa sarili nila? (Diyos ang nagpapasya nito.) Sino ang nagpapasya sa mga ito? (Ang Diyos.) Hindi kayo sigurado, hindi ba? Mga kapatid mula sa Hong Kong, magsalita kayo—sino ang nagpapasya sa mga ito? (Mga tao mismo ang nagpapasya nito.) Mga tao ba mismo ang nagpapasya nito? Nangangahulugan ba iyan na walang kinalaman sa Diyos ang kahihinatnan ng mga tao? Mga kapatid mula sa South Korea, magsalita kayo. (Diyos ang nagpapasya sa kahihinatnan ng mga tao batay sa lahat ng kanilang kilos at gawa, at alinsunod sa landas na kanilang tinatahak.) Napakamakatarungan ng sagot na ito. May isang katotohanan dito na kailangan Kong ipaalam sa inyong lahat: Sa panahon ng gawain ng pagliligtas ng Diyos, nagtakda na Siya ng isang pamantayan para sa mga tao. Ang pamantayang ito ay na kailangan nilang makinig sa salita ng Diyos at lumakad sa daan ng Diyos. Ang pamantayang ito ang ginagamit para timbangin ang kahihinatnan ng mga tao. Kung nagsasagawa ka alinsunod sa pamantayang ito ng Diyos, maaari kang magtamo ng magandang kahihinatnan; kung hindi naman, hindi ka magtatamo ng magandang kahihinatnan. Sino, kung gayon, ang masasabi mong nagpapasya sa kahihinatnang ito? Hindi lamang ang Diyos ang nagpapasya nito, kundi sa halip ay ang Diyos at ang mga tao nang magkasama. Tama ba ito? (Oo.) Bakit ganoon? Dahil ang Diyos ang aktibong nagnanais na maging abala sa gawain ng pagliligtas sa sangkatauhan at maghanda ng isang magandang hantungan para sa sangkatauhan; ang mga tao ang mga pakay ng gawain ng Diyos, at ang kahihinatnang ito, ang hantungang ito, ang inihahanda ng Diyos para sa kanila. Kung wala Siyang mga pakay na tutuparin, hindi Niya kailangang gawin ang gawaing ito; kung hindi Niya ginagawa ang gawaing ito, hindi magkakaroon ng pagkakataon ang mga tao na magtamo ng kaligtasan. Ang mga tao ang ililigtas, at bagamat ang maligtas ay ang pasibong bahagi ng proseso, ang saloobin ng mga gumaganap sa bahaging ito ang nagpapasya kung magtatagumpay ang Diyos o hindi sa Kanyang gawaing iligtas ang sangkatauhan. Kung hindi sa patnubay na ibinibigay ng Diyos sa iyo, hindi mo malalaman ang Kanyang pamantayan, ni hindi ka magkakaroon ng obhektibo. Kung ganito ang iyong pamantayan, ang iyong obhektibo, subalit hindi ka pa rin nakikipagtulungan, nagsasagawa, o nagbabayad ng halaga, hindi mo matatamo ang kahihinatnang ito. Dahil dito, sinasabi Ko na ang kahihinatnan ng isang tao ay hindi maihihiwalay sa Diyos, at hindi rin ito maihihiwalay sa tao. Kung gayon, alam na ninyo ngayon kung sino ang nagpapasya sa kahihinatnan ng tao.

Kadalasang Ipinapakahulugan ng mga Tao ang Diyos Batay sa Karanasan

Kapag nag-uusap-usap tungkol sa paksa ng pagkilala sa Diyos, mayroon ba kayong napansin? Napansin ba ninyo na nagkaroon na ng pagbabago ang Kanyang saloobin sa mga panahong ito? Hindi ba maaaring baguhin ang Kanyang saloobin ukol sa mga tao? Lagi ba Siyang magtitiis na kagaya nito, na ipinapaabot nang walang hangganan ang Kanyang pagmamahal at awa sa pagtataksil ng mga tao? Ang bagay na ito ay nauugnay rin sa diwa ng Diyos. Balikan natin ang tanong tungkol sa tinatawag na alibughang anak na binanggit dati. Matapos itanong iyon, hindi masyadong malinaw ang mga sagot ninyo; sa madaling salita, wala pa rin kayong matibay na pagkaunawa tungkol sa mga layunin ng Diyos. Nang malaman na mahal ng Diyos ang sangkatauhan, itinuturing nila Siya na isang simbolo ng pagmamahal: Naniniwala sila na anuman ang ginagawa ng mga tao, paano man sila kumikilos, paano man nila tinatrato ang Diyos, at gaano man sila kasuwail, wala sa mga ito ang mahalaga, sapagkat ang Diyos ay may pagmamahal, at ang Kanyang pagmamahal ay walang hangganan at hindi masusukat; ang Diyos ay may pagmamahal, kaya maaari Siyang maging mapagparaya sa mga tao; at ang Diyos ay may pagmamahal, kaya maaari Siyang maging maawain sa mga tao, maawain sa kanilang pagiging isip-bata, maawain sa kanilang kamangmangan, at maawain sa kanilang pagsuway. Ganito ba talaga ito? Para sa ilang tao, kapag naranasan na nilang minsan o kahit ilang beses ang pasensya ng Diyos, ituturing nila ang mga karanasang ito bilang puhunan sa kanilang sariling pagkaunawa sa Diyos, naniniwala na magiging mapagpasensya at maawain Siya sa kanila magpakailanman, at pagkatapos, habang nabubuhay sila, itinuturing nila ang pasensyang ito ng Diyos at isinasaalang-alang bilang pamantayan ng Kanyang pagtrato sa kanila. May mga tao rin na, matapos maranasan nang minsan ang pagpaparaya ng Diyos, ay magpakailanmang ipapakahulugan ang Diyos na mapagparaya—at sa kanilang isipan, ang pagpaparayang ito ay walang hangganan, walang kondisyon, at lubos pa ngang walang prinsipyo. Tama ba ang ganitong mga paniniwala? Tuwing tinatalakay ang mga bagay tungkol sa diwa o disposisyon ng Diyos, tila nalilito kayo. Lubha Akong nababalisa kapag nakikita Ko kayong ganito. Marami na kayong narinig na katotohanan tungkol sa diwa ng Diyos; nakinig na rin kayo sa maraming talakayan tungkol sa Kanyang disposisyon. Gayunman, sa inyong isipan, ang mga isyung ito at ang katotohanan ng mga aspetong ito ay mga alaala lamang na batay sa teorya at nakasulat na mga salita; sa inyong pang-araw-araw na buhay, walang sinuman sa inyo ang nakaranas o nakakita kailanman sa kung ano ba talaga ang disposisyon ng Diyos. Sa gayon, naguguluhan kayong lahat sa inyong mga paniniwala; lahat kayo ay pikit-matang naniniwala, hanggang sa puntong wala na kayong pagpipitagan sa Diyos at binabalewala pa ninyo Siya. Saan humahantong ang pagkakaroon ninyo ng ganitong klase ng saloobin tungo sa Diyos? Humahantong ito sa palagi ninyong paggawa ng mga konklusyon tungkol sa Diyos. Kapag nagkaroon na kayo ng kaunting kaalaman, masyado na kayong nasisiyahan, na para bang natamo na ninyo ang Diyos sa Kanyang kabuuan. Pagkatapos, ipinapalagay ninyo na ganito ang Diyos, at hindi ninyo Siya hinahayaang kumilos nang malaya. Bukod pa riyan, tuwing may ginagawang bago ang Diyos, sadyang ayaw ninyong tanggapin na Siya ay Diyos. Balang araw, kapag sinabi ng Diyos na, “Hindi Ko na mahal ang sangkatauhan; hindi na Ako maaawa sa mga tao; wala na Akong anumang pagpaparaya o pasensya sa kanila; punung-puno na Ako ng matinding pagkamuhi at pagkainis sa kanila,” ang gayong mga pahayag ay magsasanhi ng pagtatalo sa kaibuturan ng puso ng mga tao. Sasabihin pa ng ilan sa kanila, “Hindi na Ikaw ang Diyos ko; hindi na Ikaw ang Diyos na nais kong sundin. Kung ganito ang sinasabi Mo, hindi Ka na karapat-dapat na maging Diyos ko, at hindi ko na kailangang patuloy na sumunod sa Iyo. Kung hindi Mo ako kaaawaan, mamahalin, at pagpaparayaan, titigil na ako sa pagsunod sa Iyo. Kung nagpaparaya Ka sa akin nang walang hangganan, lagi Kang nagpapasensya sa akin, at tinutulutan Mo akong makita na Ikaw ay pagmamahal, na Ikaw ay pagpapasensya, at na Ikaw ay pagpaparaya, saka lamang Kita masusunod, at saka lamang ako magkakaroon ng tiwala na sumunod sa Iyo hanggang wakas. Dahil nagpapasensya at naaawa Ka sa akin, maaaring mapatawad ang aking pagsuway at aking mga paglabag nang walang hangganan, at maaari akong magkasala kailanman at saanman, mangumpisal at mapatawad kailanman at saanman, at galitin Ka kailanman at saanman. Hindi Ka dapat magkaroon ng anumang mga opinyon o gumawa ng anumang mga konklusyon tungkol sa akin.” Bagamat walang isa man sa inyo ang maaaring mag-isip tungkol sa ganitong uri ng isyu nang pansarili o sadya, tuwing itinuturing mong kasangkapan ang Diyos na gagamitin para mapatawad ka sa iyong mga kasalanan o isang bagay na gagamitin para magtamo ng magandang hantungan, bahagya mo nang nagawa ang buhay na Diyos bilang kakontra mo, bilang kaaway mo. Ito ang nakikita Ko. Maaari mong patuloy na sabihin ang mga bagay na tulad ng, “Naniniwala ako sa Diyos,” “Hinahangad ko ang katotohanan,” “Nais kong baguhin ang aking disposisyon,” “Nais kong makawala sa impluwensya ng kadiliman,” “Nais kong palugurin ang Diyos,” “Nais kong magpasakop sa Diyos,” “Nais kong maging tapat sa Diyos, at gawin nang maayos ang aking tungkulin,” at iba pa. Gayunman, gaano man katamis pakinggan ang iyong mga salita, gaano man karami ang teoryang maaaring alam mo, at gaano man kahanga-hanga o karangal ang teoryang iyon, ang totoo ay na marami na sa inyo ang natuto na kung paano gamitin ang mga regulasyon, doktrina, at teoryang napagdalubhasaan ninyo upang gumawa ng mga konklusyon tungkol sa Diyos, sa gayon ay likas ninyo Siyang ginagawang kakontra ninyo. Bagamat maaaring napagdalubhasaan mo na ang mga titik at mga doktrina, hindi ka pa talaga nakapasok sa realidad ng katotohanan, kaya napakahirap para sa iyo ang makalapit sa Diyos, makilala Siya, at maunawaan Siya. Lubhang nakakalungkot iyan!

Nakita Ko ang sumusunod na tagpo sa isang video: Ang ilang kapatid na babae ay may kopya ng Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao, at hawak nila ito nang napakataas; itinataas nila ang aklat sa kalagitnaan nila, nang mas mataas kaysa kanilang ulo. Bagamat isang imahe lamang ito, ang pinukaw nito sa Aking kalooban ay hindi isang imahe; sa halip, dahil dito ay naisip Ko na ang itinataas ng bawat tao sa kanyang puso ay hindi ang salita ng Diyos, kundi ang aklat ng salita ng Diyos. Lubhang nakakalungkot ang bagay na ito. Ang gayong pagkilos ay hindi kapareho ni anuman ng pagtataas sa Diyos, dahil umabot na ang kawalan ninyo ng pagkaunawa sa Diyos sa puntong kahit sa isang napakalinaw na tanong, sa isang napakaliit na isyu, ay nakakabuo kayo ng sarili ninyong mga kuru-kuro. Kapag may mga hinihingi Ako sa inyo, at seryoso Ako sa inyo, tumutugon kayo ng haka-haka at sarili ninyong mga imahinasyon; ang ilan sa inyo ay may duda pa nga ang tono at sinasagot ng mga tanong ang Aking mga tanong. Mas malinaw pa nitong sinasabi sa Akin na ang Diyos na inyong pinaniniwalaan ay hindi ang tunay na Diyos. Matapos basahin ang mga salita ng Diyos sa loob ng maraming taon, ginagamit ninyo ang mga ito, ang gawain ng Diyos, at higit pang mga doktrina para minsan pang gumawa ng mga konklusyon tungkol sa Kanya. Bukod pa riyan, hindi ninyo sinusubukan kailanman na unawain ang Diyos; hindi ninyo sinisikap kailanman na alamin ang Kanyang mga layunin, unawain ang Kanyang saloobin ukol sa mga tao, o unawain kung paano mag-isip ang Diyos, bakit Siya malungkot, bakit Siya galit, bakit Siya namumuhi sa mga tao, at iba pang gayong mga tanong. Bukod pa riyan, mas marami pang ibang tao ang naniniwala na noon pa man ay tahimik na ang Diyos dahil pinanonood lamang Niya ang iba’t ibang kilos ng sangkatauhan, nang walang saloobin o mga ideya tungkol sa mga ito. Gayunman naniniwala ang isa pang grupo ng mga tao na hindi bumibigkas ng anumang tunog ang Diyos dahil hindi na Siya tutol, na nananatiling tahimik dahil naghihintay Siya o dahil wala Siyang saloobin; iniisip nila na dahil ang saloobin ng Diyos ay lubos nang naipaliwanag sa aklat, at naipahayag na ang kabuuan nito sa sangkatauhan, samakatuwid ay hindi na kailangang paulit-ulit na sabihin iyon sa mga tao. Bagamat tahimik ang Diyos, mayroon pa rin Siyang saloobin at pananaw, gayundin ng isang pamantayang hinihingi Niya sa mga tao na maabot. Bagamat hindi Siya sinisikap na unawain o hanapin ng mga tao, napakalinaw ng saloobin ng Diyos. Isipin ang isang tao na minsan ay masigasig na sumunod sa Diyos, kaya lamang, sa isang punto, ay tinalikuran Siya at umalis. Kung nanaisin ng taong ito na bumalik ngayon, ang nakakagulat, hindi ninyo alam ang magiging pananaw ng Diyos, o kung ano ang Kanyang magiging saloobin. Hindi ba lubhang nakakalungkot iyan? Ang totoo ay medyo mababaw na bagay ito. Kung tunay ninyong nauunawaan ang puso ng Diyos, malalaman ninyo ang Kanyang saloobin sa ganitong klaseng tao, at hindi kayo magbibigay ng hindi maliwanag na sagot. Dahil hindi ninyo alam, hayaan ninyong ituro Ko ito sa inyo.

Ang Saloobin ng Diyos sa mga Tumatakas sa Panahon ng Kanyang Gawain

May ganitong mga tao kahit saan: Pagkatapos nilang makatiyak tungkol sa daan ng Diyos, sa iba-ibang dahilan, tahimik silang lumilisan, nang hindi nagpapaalam, humahayo at gumagawa ng anumang naisin ng kanilang puso. Samantala, hindi natin tatalakayin ang mga dahilan ng pag-alis ng mga taong ito; titingnan muna natin kung ano ang saloobin ng Diyos sa ganitong klaseng tao. Napakalinaw nito! Mula sa sandaling lumayo ang taong ito, sa paningin ng Diyos, tapos na ang maikling panahon ng kanilang pananampalataya. Hindi ang indibiduwal na tao ang tumapos nito, kundi ang Diyos. Ang ibig sabihin ng iniwan ng taong ito ang Diyos ay na itinakwil na nila ang Diyos, na ayaw na nila sa Kanya, at na hindi na nila tinatanggap ang pagliligtas ng Diyos. Yamang ayaw ng ganitong mga tao ang Diyos, gugustuhin pa rin ba Niya sila? Bukod pa riyan, kapag taglay ng mga taong ito ang ganitong uri ng saloobin, ang pananaw na ito, at nakapagpasya nang lisanin ang Diyos, napagalit na nila ang disposisyon ng Diyos. Ito ay sa kabila ng katotohanan na maaaring hindi sila nagwala at hindi nila isinumpa ang Diyos, sa kabila ng katunayan na maaaring hindi sila gumawa ng anumang nakasusuklam o labis na pag-uugali, at sa kabila ng katotohanan na iniisip ng mga taong ito na, “Kung dumating ang araw na napuno na ako ng kasiyahan sa labas, o kapag may kailangan pa rin ako sa Diyos, babalik ako. O kapag tinawag ako ng Diyos, babalik ako,” o sinasabi nilang, “Kapag nasasaktan ako sa labas, o kapag nakikita ko na napakadilim at napakasama ng mundo sa labas at ayaw ko nang magpatangay sa agos, babalik ako sa Diyos.” Kahit nakalkula na ng mga taong ito sa kanilang isipan kung kailan talaga sila babalik, at kahit nagsikap na silang iwanang bukas ang pinto para sa kanilang pagbalik, hindi nila natatanto na anuman ang kanilang pinaniniwalaan o paano man sila nagpaplano, lahat ng ito ay pangarap lamang. Ang pinakamalaki nilang pagkakamali ay ang pagiging malabo sa kanila kung ano ang nadarama ng Diyos tungkol sa kanilang hangarin. Sa mismong sandali na nagpasya silang lisanin ang Diyos, ganap Niya silang tatalikuran; sa oras na iyon, naipasya na Niya ang kahihinatnan ng gayong tao sa Kanyang puso. Anong kahihinatnan iyon? Iyon ay na ang taong ito ay magiging isa sa mga daga, at samakatuwid ay mamamatay na kasama ang mga ito. Sa gayon, madalas makita ng mga tao ang ganitong klaseng sitwasyon: Tinatalikuran ng isang tao ang Diyos, ngunit hindi tumatanggap ng kaparusahan. Kumikilos ang Diyos ayon sa Kanyang sariling mga prinsipyo; ang ilang bagay ay nakikita, samantalang ang iba ay tinatapos lamang sa puso ng Diyos, kaya hindi nakikita ng mga tao ang mga resulta. Ang bahaging nakikita ng mga tao ay hindi kinakailangang tunay na panig ng mga bagay-bagay, kundi ang kabilang panig na iyon—ang panig na hindi mo nakikita—ay talagang naglalaman ng taos na mga saloobin at konklusyon ng Diyos.

Ang mga Taong Tumatakas sa Panahon ng Gawain ng Diyos ay Yaong mga Tumalikod sa Tunay na Daan

Paano mabibigyan ng Diyos ng gayon kalubhang kaparusahan ang mga taong tumatakas sa panahon ng Kanyang gawain? Bakit Siya galit na galit sa kanila? Una sa lahat, alam natin na ang disposisyon ng Diyos ay pagiging maharlika at poot; hindi Siya isang tupa na kakatayin ninuman, lalong hindi Siya isang tau-tauhang kokontrolin ng mga tao kahit paano nila gusto. Hindi rin Siya isang hungkag na uutus-utusan. Kung talagang naniniwala ka na mayroong Diyos, dapat ay mayroon kang pusong may takot sa Diyos, at dapat mong malaman na ang Kanyang diwa ay hindi maaaring galitin. Ang galit na ito ay maaaring idulot ng isang salita, o marahil ay ng isang ideya, o marahil ay ng isang uri ng nakasusuklam na ugali, o marahil ay kahit ng banayad na ugali—ugaling uubra sa mga mata at moralidad ng mga tao; o, marahil ay inudyok ito ng isang doktrina o isang teorya. Gayunman, kapag napagalit mo na ang Diyos, nawawala ang iyong pagkakataon, at dumating na ang katapusan ng mga araw mo. Grabeng bagay ito! Kung hindi mo maunawaan na hindi dapat magkasala sa Diyos, hindi ka siguro takot sa Kanya, at marahil ay palagi kang nagkakasala sa Kanya. Kung hindi mo alam kung paano matakot sa Diyos, hindi ka natatakot sa Diyos, at hindi mo malalaman kung paano tumahak sa landas ng paglakad sa daan ng Diyos—na may takot sa Diyos at umiiwas sa kasamaan. Kapag nagkaroon ka na ng kamalayan, at alam mo na hindi dapat magkasala sa Diyos, malalaman mo kung ano ang magkaroon ng takot sa Diyos at umiwas sa kasamaan.

Ang paglalakad sa daan ng pagkakaroon ng takot sa Diyos at pag-iwas sa kasamaan ay hindi kinakailangang tungkol sa dami ng katotohanang alam mo, ilang pagsubok na ang naranasan mo, o gaano ka nadisiplina. Sa halip, nakasalalay ito sa uri ng saloobin mo sa Diyos sa puso mo, at kung anong diwa ang ipinapahayag mo. Ang diwa ng mga tao at ang kanilang pansariling mga saloobin—ang mga ito ay napakahalaga, napaka-kritikal. Patungkol doon sa mga tao na itinakwil at iniwan na ang Diyos, pinagalit na ng kasuklam-suklam na saloobin nila sa Kanya at ng puso nilang namumuhi sa katotohanan ang Kanyang disposisyon, para sa Kanya, hindi sila patatawarin kailanman. Nalaman na nila ang tungkol sa pag-iral ng Diyos, naipaalam na sa kanila ang balita na dumating na Siya, at naranasan pa nila ang bagong gawain ng Diyos. Ang kanilang paglisan ay hindi dahil sa nalinlang o naguluhan sila, lalong hindi ito dahil napilitan silang umalis. Sa halip, sadya nilang pinili, at nang may malinaw na isipan, na lisanin ang Diyos. Ang kanilang paglisan ay hindi pagkaligaw sa kanilang landas, ni hindi sila itinakwil. Samakatuwid, sa paningin ng Diyos, hindi sila mga korderong napawalay sa kawan, lalong hindi sila mga alibughang anak na naligaw ng kanilang landas. Lumisan sila nang hindi napaparusahan—at ang gayong kondisyon, gayong sitwasyon, ay nagpapagalit sa disposisyon ng Diyos, at dahil sa pagkagalit na ito kaya Niya sila binibigyan ng walang pag-asang kahihinatnan. Hindi ba nakakatakot ang ganitong klaseng kahihinatnan? Samakatuwid, kung hindi kilala ng mga tao ang Diyos, maaari silang magkasala sa Kanya. Hindi ito maliit na bagay! Kung hindi sineseryoso ng mga tao ang saloobin ng Diyos, at naniniwala pa rin sila na inaasam Niya ang kanilang pagbabalik dahil kasama sila sa Kanyang nawawalang mga kordero at hinihintay pa rin Niyang magkaroon sila ng pagbabago ng puso, hindi sila nalalayo sa mga araw ng kanilang kaparusahan. Hindi lamang aayaw ang Diyos na tanggapin sila—dahil ito ang kanilang pangalawang pagkakataon na ginagalit nila ang Kanyang disposisyon, mas nakakatakot ang bagay na ito! Ang walang-pitagang saloobin ng mga taong ito ay lumabag na sa mga atas administratibo ng Diyos. Tatanggapin pa ba Niya sila? Sa Kanyang puso, ang mga prinsipyo ng Diyos tungkol sa bagay na ito ay na natiyak na ng isang tao kung alin ang tunay na daan, subalit kaya pa rin niyang sadya at malinaw ang isipan na tanggihan ang Diyos at lisanin ang Diyos, sa gayon ay haharangan Niya ang daan patungo sa kaligtasan ng taong iyon, at para sa indibiduwal na ito, sarado na ang pintuan papasok sa kaharian mula ngayon. Kapag minsan pang kumatok ang taong ito, hindi bubuksan ng Diyos ang pintuan; sasaraduhan na ang taong ito magpakailanman. Marahil ay nabasa na ng ilan sa inyo ang kuwento tungkol kay Moises sa Bibliya. Matapos pahiran ng Diyos ng langis si Moises, ipinahayag ng 250 pinuno ang kanilang pagsuway kay Moises dahil sa kanyang mga kilos at sa iba-iba pang mga dahilan. Kanino sila tumangging magpasakop? Hindi kay Moises. Tumanggi silang magpasakop sa mga plano ng Diyos; tumanggi silang magpasakop sa gawain ng Diyos sa isyung ito. Sinabi nila ang sumusunod: “Kayo’y kumukuha ng malabis sa inyo, dangang ang buong kapisanan ay banal, bawat isa sa kanila, at si Jehova ay nasa gitna nila….” Napakaseryoso ba ng mga salita at linyang ito, mula sa pananaw ng isang tao? Hindi seryoso ang mga ito! Kahit paano, ang literal na kahulugan ng mga salitang ito ay hindi seryoso. Sa legal na kahulugan, hindi lumalabag ang mga ito sa anumang mga batas, dahil sa tingin pa lamang, hindi ito pagalit na pananalita o bokabularyo, lalong wala itong anumang mapaglapastangang mga konotasyon. Karaniwang mga pahayag lamang ang mga ito, wala nang iba. Kung gayon, bakit maaaring magpasimula ng gayong pagkagalit ng Diyos ang mga salitang ito? Dahil hindi sinabi ang mga ito sa mga tao, kundi sa Diyos. Ang saloobin at disposisyong ipinahayag ng mga ito ang mismong nagpapagalit sa disposisyon ng Diyos, at nagkakasala sila sa disposisyon ng Diyos na hindi dapat pagkasalahan. Alam nating lahat kung ano ang kinahinatnan ng mga pinunong iyon sa huli. Tungkol sa mga taong tumalikod na sa Diyos, ano ang kanilang pananaw? Ano ang kanilang saloobin? At bakit naging sanhi ang kanilang pananaw at saloobin na pakitunguhan sila ng Diyos sa gayong paraan? Ang dahilan ay na bagamat malinaw nilang alam na Siya ang Diyos, pinili pa rin nilang pagtaksilan Siya, at ito ang dahilan kaya lubos silang inalisan ng kanilang mga pagkakataong maligtas. Tulad ng nakasulat sa Bibliya, “Sapagkat kung ating sinasadya ang pagkakasala pagkatapos na ating matanggap ang pagkakilala sa katotohanan, ay wala nang haing natitira pa tungkol sa mga kasalanan.” Mayroon na ba kayo ngayong malinaw na pagkaunawa sa bagay na ito?

Ngayon nagsimula na ang malalaking sakuna. Paano natin masasalubong ang pagbabalik ng Panginoon at magkaroon ng pagkakataong matamo ang proteksyon ng Diyos? Makipag-ugnayan sa amin ngayon upang mahanap ang paraan.

Kontakin Kami Gamit ang Messenger