Paano Hangarin ang Katotohanan (7) Ikalimang Bahagi
Kung Paano Harapin Nang Tama ang Sariling Kakayahan
Pagkatapos magbahaginan tungkol sa kung ano ang kakayahan, pati na kung paano hatiin ang mga antas at uri ng kakayahan ng mga tao, pagkatapos ninyong makinig, nagkamit ba kayo ng anumang pakinabang? (Oo.) Tunay ba ninyong alam na mahina ang kakayahan ninyo? (Oo.) Sinasabi ng ilang taong walang kakayahan: “Paanong wala akong kakayahan? Kahit na katamtaman o mahina ang kakayahan ko, ayos pa rin iyon.” Walang may gustong masadlak sa antas ng kawalan ng kakayahan, pagiging tunggak, hangal, o walang-silbing tao, pero sa kasamaang-palad, ang ilang tao, sa pagsuri ng kanilang sarili batay sa mga pangunahin nilang pagpapamalas at sa mga resulta ng paggawa ng kanilang tungkulin sa mga nakalipas na taon, ay tunay na nasasadlak sa antas ng mga taong walang kakayahan. Dahil ba rito ay nagiging negatibo ang ilang tao? Kapag hindi naililinaw ang maraming bagay, hangal na iniisip ng mga tao na, “Mayroon akong abilidad, mayroon akong kapabilidad, marunong ako, hindi mahina ang kakayahan ko, marangal ako, ako ay isang taong nasa kaharian ng Diyos, isa akong haligi, isang gulugod,” nang hangal na kumakapit sa kanilang mga pangangarap nang gising, napakaganda ng pakiramdam, labis ang kumpiyansang nararamdaman, iniisip na sila ay may potensyal at pag-asa; hindi sila negatibo, at namumuhay sila nang may layunin. Gayumpaman, kapag nalaman na nila ang mga totoong katunayan, nalulungkot sila, iniisip na, “Hindi ba’t ibig sabihin nito na wala akong pag-asang makatanggap ng kaligtasan?” at nasasadlak sa isang negatibong kalagayan. Kung hindi naililinaw ang mga bagay na ito, hangal na mapagmataas ang mga tao; kapag mas hangal ang isang tao, mas mapagmataas siya, at mas lalong walang hangganan ang pagmamataas niya. Iyong matatalino, pagkatapos tanggapin ang panustos ng katotohanan sa mga nakalipas na taon, ay magninilay-nilay at magsusuri sa sarili, ikukumpara ang katotohanan sa kanilang sarili, at unti-unting mababawasan ang kanilang mga pagbubunyag ng isang mapagmataas na disposisyon. Kapag mas mahina ang kakayahan ng isang tao, mas lalo siyang hangal na mapagmataas. Hindi ba’t may kasabihan: “Wala silang silbi, pero hindi sila yumuyukod sa kanino man”? Bagay na bagay ang kasabihang ito; iyong mga walang silbi ay hindi yumuyukod kanino man. Bakit? Ito ay dahil masyadong mahina ang kanilang kakayahan. Gaano kahina? Napakahina nito na wala silang katalinuhan, hindi alam kung hanggang saan ang kapabilidad nila, hindi alam ang sarili nilang katalinuhan, hindi alam na palaging may mga taong mas magaling sa kanila, at hindi alam kung ano ang mahusay na kakayahan. At hanggang saan umaabot ang pagmamataas nila? Hanggang sa antas na nasusuklam at nasusuka ang mga tao na tingnan ito—ito ay hangal na pagmamataas. Ang “wala silang silbi, pero hindi sila yumuyukod sa kanino man” ay nangangahulugan na wala silang kayang isakatuparan, ang sarili nilang mga usapin sa buhay ay labis na magulo, hindi nila makilatis ang anumang bagay, wala silang mga kaisipan o pananaw, at hindi nila matukoy kung ang mga pananaw ng iba ay tama ba o kung tumpak ba ang mga ito, at hangal lang silang nagpapatuloy sa kanilang pagmamataas, iniisip na, “Mayroon akong abilidad, mayroon akong kapabilidad, marunong ako, mas magaling ako kaysa sa iba!” Sabihin sa Akin, mas mabuti bang hayaan na lang sila na maging mga hangal na mapagmataas na tao na hindi yumuyukod sa kanino man, o na ipaalam sa kanila na mahina ang kakayahan nila, na wala silang silbi, mga hangal lang, mga taong walang kuwenta, at mga may pagkukulang sa pag-iisip, para maging negatibo sila? Alin ang pipiliin ninyo? (Hayaan silang maging negatibo, dahil kung sila ay hangal na mapagmataas, malamang na gumawa sila ng mga bagay na labag sa mga prinsipyo, at maaari nilang gambalain at guluhin ang gawain ng iglesia.) Kung magiging negatibo sila, maaari silang bumalik sa katwiran ng pagkatao at magkaroon ng mas mabuting asal, nang gumagawa ng mas kaunting mga bagay na nakakagambala at nakakagulo. Isa itong proteksyon para sa kanila. Bagama’t hindi marami ang nagawa nilang mga bagay na kapaki-pakinabang sa iba, ang paggawa ng mas kaunting mga bagay na nakakagambala at nakakagulo ay nangangahulugan na mas kaunting mga pagsalangsang at masasamang gawa ang gagawin nila, at mababawasan ang posibilidad na maparusahan sila sa hinaharap, tama ba? (Oo.) Nang hindi na tinatalakay kung makakapagtamo ba sila ng kaligtasan, dahil iyon ay medyo malayo, mababawasan ba ang posibilidad na labagin nila ang mga atas administratibo ng Diyos at salungatin nila ang disposisyon ng Diyos? At madaragdagan ba ang tsansa nila na manatiling buhay? (Oo.) Sa paghusga mula sa perspektiba ng mga pakinabang na ito, ang hayaan ang mga tao na makilala ang sarili nilang kakayahan at sa huli ay matanto nila na wala silang kakayahan at nagiging negatibo sila ay lumalabas na aktuwal na isang mabuting bagay. Kung hindi, kapag sinasabi ng mga tao na, “Wala kang silbi, pero hindi ka yumuyukod sa kanino man—ito ay hangal na pagmamataas!” sadyang hindi nila ito makilatis o makilala; nagiging tutol sila at iniisip pa rin nila na, “Hindi mahina ang kakayahan ko! At sinasabi mo na ako ay hangal na mayabang? Higit na mas magaling ako kaysa sa isang hangal!” Higit nitong pinapatunayan na tunay silang hangal, masyadong mababa ang katalinuhan nila, at lalong kailangan nilang tanggapin ang katunayan na wala silang kakayahan. Ano ang mga pakinabang ng pagtanggap sa katunayang ito? Ito ay hindi para gawin kang negatibo, kundi para tulungan ka na tratuhin nang tama ang iyong sarili at umiwas na kumilos nang hangal. Ang mga tao ay mapagmataas dahil mayroon silang tiwaling disposisyon at wala silang anumang pagkakilala sa sarili. Gayumpaman, ang pagmamataas ng ilang tao ay normal na pagmamataas. Halimbawa, ang ilang tao ay may kapital mula sa pagkakakulong at pagtitiis ng pagdurusa, nag-ambag sila sa iglesia sa ilang paraan, o may mga kaloob sila kaya mas magaling sila kaysa sa iba; dahil mayroon silang mapagmataas na disposisyon na sinamahan pa ng pagkakaroon ng ilang kapital, maaari pa ring maituring na kauna-unawa na nagbubunyag sila ng pagmamataas. Pero kung wala kang silbi, kung sa pundamental ay wala kang kayang maisakatuparan, wala kang naging mga ambag, at higit pa rito ay wala kang mga kalakasan, pero mapagmataas ka pa rin, walang katuturan ito—wala itong pagkamakatwiran. Ngayon ay inililinaw na sa iyo: Wala kang kakayahan, wala kang silbi, ni wala kang anumang mga kalakasan. Hungkag ang isipan mo, at kumpara sa mga taong may kaisipan, kulang ang nilalaman ng isipan mo. Bagama’t pare-pareho kayong tao, malayo ka sa kanila; sa paningin ng Diyos, hindi mo natutugunan ang pamantayan ng pagiging tao. Kaya, ano pa ang ipinagmamataas mo? Batay sa panukat ng mga salita ng Diyos, hindi mo natutugunan ang pamantayan ng pagiging tao. Sa mga mata ng Diyos, hindi ka dapat tratuhin bilang isang tao. Pero dahil napakalaki ng biyaya ng Diyos, itinaas ka ng Diyos, pinili ka Niya, at tinrato ka Niya bilang isang tao, na tinutulutan kang gumawa ng tungkulin sa sambahayan ng Diyos. Tinatrato ka ba ng Diyos bilang isang tao para makita kang tratuhin ang Diyos at ang katotohanang itinutustos Niya sa iyo sa gayong kahangal na mapagmataas na paraan? Para makita kang tratuhin ang tungkulin mo at ang buhay mo sa ganitong paraan? Hindi. Dahil tinatrato ka ng Diyos bilang isang tao at sinasabi sa iyo ang iba’t ibang katotohanan na dapat maunawaan ng mga tao, umaasa Siya na maaari kang maging isang tunay na tao, umaasa Siya na kaya mong tanggapin ang mga kaisipan na dapat mayroon ang mga tao, at hindi ka magiging hangal na mapagmataas. Samakatwid, mali ang maging negatibo—hindi ka dapat maging negatibo. Dahil hindi ka tinrato ng Diyos o hindi ka Niya binalewala batay sa iyong kakayahan, kundi sa halip ay tinrato ka Niya bilang isang normal na tao at ginamit ka Niya sa ganitong paraan, dapat kang maging karapat-dapat sa biyayang ito na mula sa Diyos at huwag biguin ang Diyos. Anumang kakayahan ang mayroon ka at anumang gawain ang kaya mong gawin, gawin mo lang nang maayos ang gawaing iyon. Huwag subukang maglitanya ng mga ideyang matatayog pakinggan, huwag gawin ang hindi dapat gawin ng isang tao, at huwag magkaroon ng mga labis-labis na ideya o ambisyon na hindi dapat taglayin ng isang tao. Gawin kung ano ang dapat gawin ng isang tao at maging karapat-dapat sa pagtataas ng Diyos. Hindi ba’t naaangkop ito? Hindi ba’t nilulutas nito ang problema ng pagiging negatibo? (Oo.)
Ang pagkilatis sa iba’t ibang pagpapamalas ng mga taong may iba’t ibang kakayahan at ang pagbibigay ng mga partikular na halimbawang ito ay naglalayong tulungan ka na maiugnay ang iyong sarili sa mga ito. Ito ay para tumpak mong matukoy ang sarili mong posisyon, makatwirang harapin ang sarili mong kakayahan at iba’t ibang kondisyon, at makatwirang harapin ang pagsisiwalat, paghatol, at pagpupungos sa iyo ng Diyos, o ang gawaing isinaayos para sa iyo, at para magawa mong magpasakop at maging mapagpasalamat mula sa kaibuturan ng iyong puso, sa halip na magpakita ng paglaban at pagkasuklam. Kapag kaya ng mga tao na makatwirang harapin ang sarili nilang kakayahan at pagkatapos ay tumpak na tukuyin ang kanilang sariling posisyon, kumilos bilang mga nilikhang gusto Niya sa isang praktikal na paraan, gumawa nang wasto sa dapat nilang gawin batay sa kanilang likas na kakayahan, at maglaan ng kanilang katapatan at buong pagsisikap, nagkakamit sila ng kaluguran ng Diyos. Dahil ibinigay sa iyo ng Diyos ang kakayahang ito at ang mga kondisyong ito, hindi ka pipilitin ng Diyos na gumawa ng mga bagay na mahirap para sa iyo, hindi Niya pipilitin ang isang isda na mamuhay sa lupa. Gaano man karami ang ibinigay sa iyo ng Diyos, iyon ang Kanyang ipinapaalay sa iyo. Kung ano ang hindi ibinigay sa iyo ng Diyos, hindi Niya labis-labis na hihingiin. Kung palagi kang nagtatakda ng labis na matataas na hinihingi sa sarili mo, nang sinusubukang maging isang malakas na tao, isang superhuman, isang taong lampas sa ordinaryo, ipinapahiwatig nito na mayroon kang tiwaling disposisyon—ito ay ambisyon. Kung mahusay ang kakayahan mo, umaako ka ng mas maraming gawain; kung katamtaman ang kakayahan mo, maaari ka lang umako ng kaunting gawain. Anumang tungkulin ang kaya mong gawin, ibigay mo ang lahat-lahat mo, ibigay mo ang katapatan mo, at kumilos ka ayon sa mga prinsipyo—huwag subukang maglitanya ng mga ideyang matayog pakinggan. Ang palaging pagnanais na patunayan na hindi ka isang ordinaryong tao, ang palaging pagnanais na tingalain ka ng iba—mali ito. Nagpapakita ito ng malaking kawalan ng kamalayan sa sarili, nang hindi alam ang sarili mong sukat. Kung patuloy kang maghahangad ayon sa iyong ambisyon at mga pagnanais, hindi magiging maganda ang kahahantungan ng mga bagay para sa iyo. Samakatwid, ang mga taong may mahinang kakayahan ay hindi dapat palaging mag-asam na maging mga lider, mga lider ng pangkat, o mga superbisor; hindi sila dapat mag-asam nang masyadong mataas. Kung mahina ang kakayahan mo, gawin mo na lang nang masunurin ang mga bagay na kayang gawin ng mga taong may mahinang kakayahan. Kung wala kang mga kaisipan at hindi mo kayang pangasiwaan ang anumang gawain, huwag mo itong ipilit—dahil hindi ka binigyan ng Diyos ng ganoong kakayahan, hindi Siya nagtakda ng masyadong matataas na hinihingi para sa iyo. Tungkol naman sa mga katotohanang prinsipyo, isagawa mo ang mga ito sa abot ng pagkaunawa at pagtanggap mo sa mga ito—ito ang pinakamahalaga. Ang nagagawa mong maunawaan ang siyang ibinigay ng Diyos sa iyo. Nailapat mo ba ang mga bagay na ito sa iyong tungkulin o sa atas na ipinagkatiwala ng Diyos sa iyo? Kung nailapat mo ang mga ito, naibigay mo na ang lahat-lahat mo at naialay mo na ang iyong katapatan. Malulugod ang Diyos, at ikaw ay magiging pasok sa pamantayan bilang isang nilikha. Kung mahina ang kakayahan mo, hinding-hindi hihingi ang Diyos sa iyo nang ayon sa pamantayan na para sa mga may mahusay na kakayahan. Hindi iyon gagawin ng Diyos. Iyong mga walang kakayahan ay ang mga may pinakamababang antas ng kakayahan sa mga tao. Kung ang ilang mananampalataya sa Diyos ay walang kakayahan, paano sila dapat magsagawa? Gusto mo bang sumunod sa Diyos? Inaamin mo ba na ang Diyos ang may kataas-taasang kapangyarihan sa lahat ng bagay tungkol sa tao? Gusto mo bang magpasakop sa pamamatnugot at mga pagsasaayos ng Diyos para sa iyo? Kung handa kang tumanggap at magpasakop, patahimikin mo ang iyong puso at tanggapin ang lahat ng pagsasaayos ng Diyos para sa iyo. Ayon sa iyong kakayahan, kaya mo lang gumawa ng ilang trabaho na nangangailangan ng pisikal na pagsisikap, mga trabaho na hindi nakikita, na minamaliit, at na hindi natatandaan ng mga tao—kung ito ang iyong sitwasyon, dapat mo itong tanggapin mula sa Diyos at huwag kang magkimkim ng mga reklamo, at higit pa rito, hindi mo dapat piliin ang mga tungkulin mo batay sa sarili mong mga kahilingan. Gawin mo ang anumang isinasaayos ng sambahayan ng Diyos para sa iyo, at hangga’t ito ay napapaloob sa kakayahan mo, dapat mo itong gawin nang maayos. Halimbawa, kapag itinalaga ka na mag-alaga ng mga baboy, dapat mong pakainin nang maayos ang mga ito para makakain ng magandang karneng baboy ang mga kapatid. Kung itinalaga ka para mag-alaga ng mga manok, dapat mong pakainin at pamahalaan nang maayos ang mga ito para mangitlog nang normal ang mga ito sa panahon ng pangingitlog, at dapat mo ring protektahan ang mga ito mula sa ibang mga hayop, para ang lahat ng makakakita sa mga manok na inalagaan mo ay sasabihin na maayos ang naging pag-aalaga sa mga ito. Pinapatunayan nito na pinapahalagahan mo ang lahat ng bagay na nilikha ng Diyos, at na kaya mong pamahalaan nang maayos ang mga ito; pinapatunayan nito na anumang uri ng nilalang o hayop ito, kaya mo itong pahalagahan at pamahalaan nang maayos, nang itinuturing ito bilang iyong responsabilidad at tungkulin na dapat isagawa. Bagama’t hindi mo kayang gumawa ng ibang gawain, bagama’t hindi mo kayang gumampan ng pangunahin at mapagpasyang papel sa gawain ng iglesia, at wala kang malalaking ambag, kung kaya mong gumugol ng iyong buong pagsisikap at katapatan sa kung anong di-kapansin-pansing gawain at hangarin lamang na mapalugod ang Diyos, sapat na iyon. Hindi ito pagbigo sa pagtataas ng Diyos sa iyo. Huwag maging mapili tungkol sa mga gampanin batay sa kung ang mga ito ba ay marumi o nakakapagod, kung nakikita ka ba ng iba na ginagawa ang mga ito, kung pinupuri ka ba ng mga tao, o kung minamaliit ka ba nila dahil sa paggawa mo ng mga ito. Huwag isipin ang mga bagay na ito; hangarin lang na tanggapin ito mula sa Diyos, magpasakop, at tuparin nang maayos ang mga tungkuling dapat mong tuparin. Kapag nakikipagbahaginan Ako tungkol sa mga pagpapamalas ng mga taong walang kakayahan, maaari Kong sabihin na ikaw ay isang hangal, isang taong walang silbi, at may pagkukulang sa pag-iisip. Gayumpaman, kung kaya mong pasanin ang mga trabahong ipinagkakatiwala sa iyo, at sa huli ay hindi mo binibigo ang pagtataas ng Diyos sa iyo o ang hininga ng buhay na ipinagkaloob ng Diyos sa iyo, hindi ka namumuhay o kumakain nang walang saysay, hindi mo tinatamasa nang walang saysay ang anuman sa mga materyal na bagay na itinutustos ng Diyos sa sangkatauhan, at hindi ka nabibigong maging karapat-dapat sa mga salita mula sa bibig ng Diyos, sapat na iyon. Bagama’t sa usapin ng kakayahan ay hindi mo naaabot ang pagiging isang kompletong tao, kung kaya mong gawin ang tungkulin mo at gawin ang gawain nang may ganitong katapatan at sinseridad, sa pinakamababa, sa puso ng Diyos, pasok ka sa pamantayan bilang isang nilikha. Ang gusto ng Diyos ay ang katapatan at sinseridad na ito; gusto Niya ng isang nilikha na pasok sa pamantayan. Anumang tungkulin ang isinasaayos ng sambahayan ng Diyos para sa iyo, tinatanggap mo ito mula sa Diyos, at kaya mong tumanggap at magpasakop. Ito ang pinakamahalagang bagay. Kung nagawa mo na ang hinihingi ng Diyos sa iyo, at naialay mo na ang lahat ng kaya mong ialay, hihingi pa rin ba ng mas mataas ang Diyos sa iyo? Kung ang iyong sinseridad at katapatan ay mahalaga sa mga mata ng Diyos, may halaga ang buhay mo. Mabuti ba ang pagkaarok na ito? (Oo.)
Sinasabi ng ilang tao: “Pakiramdam ko pa rin ay hindi ko ito nauunawaan. Bakit paunang itinatadhana ng Diyos na ang mga tao ay magkaroon ng lahat ng uri ng kakayahan? Dahil gusto ng Diyos na ang mga tao ay magpatotoo sa Kanya, magsagawa ng katotohanan, at magwaksi ng kanilang mga tiwaling disposisyon, bakit hindi Niya magawang bigyan ang mga tao ng mahusay na kakayahan? Napakahirap ba para sa Diyos na bigyan ang mga tao ng mahusay na kakayahan? Kung ginawa ng Diyos na ang mga tao ay may mga abilidad sa lahat ng larangan—kognitibong abilidad, ang abilidad na gumawa ng mga paghusga, ang abilidad na tumukoy ng mga bagay, ang abilidad na tumugon sa mga bagay, abilidad na makagawa ng mga desisyon, abilidad na maging inobatibo, at higit lalo ay ang abilidad na magsuri at magpahalaga ng mga bagay—binibigyan ang mga tao ng mga abilidad sa lahat ng larangan, hindi ba’t magiging mahusay ang kakayahan ng mga tao? Kahit na binigyan Niya ang mga tao ng katamtamang kakayahan, hindi ba’t magagawa nilang maarok ang katotohanan sa isang katamtamang antas kung gayon? Kung kaya ng mga tao na maarok ang katotohanan, hindi ba’t magagawa nilang isagawa ang katotohanan? At hindi ba’t magagawa nilang iwaksi ang kanilang mga tiwaling disposisyon at magkamit ng kaligtasan?” Ano ang problema sa pagkakaroon ng mga tao ng ganitong mga kaisipan? Hindi nauunawaan ng mga tao kung bakit sila binibigyan ng Diyos ng gayong lubos na katamtamang kakayahan. Mahirap makahanap ng mga lider na may mahusay na kakayahan, at napakahirap na gawin ang gawain ng iglesia nang maayos. Iniisip ng mga tao na, “Kung binigyan ng Diyos ang mga tao ng mahusay na kakayahan, hindi ba’t magiging mas madali na makahanap ng mga lider? Hindi ba’t magiging mas madaling gawin ang gawain ng iglesia? Bakit hindi binibigyan ng Diyos ang mga tao ng mahusay na kakayahan?” Kung titingnan ito mula sa perspektiba ng kabuuang gawain ng sambahayan ng Diyos, siyempre, kung mayroong mas maraming tao na may mahusay na kakayahan, magiging mas madali nga ang gawain ng iglesia. Gayumpaman, may isang kondisyon: sa sambahayan ng Diyos, ginagawa ng Diyos ang sarili Niyang gawain, at hindi gumagampan ang mga tao ng isang mapagpasyang papel. Samakatwid, kung mahusay, katamtaman, o mahina man ang kakayahan ng mga tao ay hindi nagtatakda ng mga resulta ng gawain ng Diyos. Ang pinakahuling mga resulta na makakamit ay isinasakatuparan ng Diyos. Ang lahat ay pinapangunahan ng Diyos; ang lahat ay gawain ng Banal na Espiritu. Mula sa perspektiba ng gawain ng Diyos, ang usaping ito ay dapat na ipaliwanag sa ganitong paraan—ito ay isang dahilan. May isa pang dahilan: matapos magawang tiwali ni Satanas, tinataglay ng mga tao ang mga tiwaling disposisyon ni Satanas bilang diwa ng kanilang buhay; ibig sabihin, namumuhay silang lahat ayon sa kanilang mga tiwaling disposisyon, at ang kanilang buhay ay pinamumunuan ng mga tiwaling disposisyon nila. Kung, dagdag pa rito, ang isang tao ay nagtataglay ng mahusay o ekstraordinaryong kakayahan, at ang kanyang mga abilidad sa lahat ng larangan ay kompleto, perpekto, at walang kapintasan, gagawin nitong mas matindi ang kanilang mga tiwaling disposisyon. Hahantong ito sa matinding paglala ng mga tiwaling disposisyon nila, kaya hindi na sila makontrol, at ang taong iyon ay nagiging mas mayabang, matigas ang kalooban, mapanlinlang, at buktot. Mas lalo silang mahihirapang tanggapin ang katotohanan, at walang paraan para malutas ang kanilang mga tiwaling disposisyon. Ito ay isa pang dahilan. Dagdag pa rito, binibigyan ng Diyos ang mga tao ng gayong kakayahan dahil ang sangkatauhang gusto ng Diyos na iligtas ay isang sangkatauhan na likas na hindi kompleto, na may mga abilidad sa lahat ng aspekto na katamtaman at may mga depekto. Higit pa rito, ang pagkaalam sa mga salita ng Diyos at sa katotohanan ay hindi naisasakatuparan sa pamamagitan lang ng paggamit ng iba’t ibang abilidad; nangangailangan ito ng isang proseso. Ano ang nabibilang sa prosesong ito? Nabibilang dito ang mga pagbabago sa kapaligiran, ang paglago ng edad ng isang tao, ang pagdami ng mga karanasan sa buhay at kaalaman, at ang karanasang nakakamit sa pamamagitan ng iba’t ibang kapaligiran, na nagtutulot sa mga tao, sa pundasyon ng kanilang likas na kakayahan at mga instinto, na unti-unting maunawaan at malaman kung ano mismo ang tinutukoy ng katotohanan sa mga salita ng Diyos; pagkatapos, tinatanggap at isinasagawa nila ang mga salita ng Diyos. Sa pamamagitan ng gayong proseso, ang katotohanan sa mga salita ng Diyos ay ikinikintal sa isang tao para maging buhay niya—ito ay hindi nagiging isang teorya ng pamumuhay o isang pilosopiya at paraan ng pamumuhay; sa halip, ang mga salita ng Diyos ang nagiging pundasyon para sa kanilang pag-iral. Ang gayong tao ay isang bagong tao, isang bagong-silang na buhay. Ito ay isang prosesong dapat danasin. Kahit na ang iyong kakayahan at mga abilidad sa lahat ng aspekto ay namumukod-tanging mahusay at mataas, hindi puwedeng laktawan ang mga prosesong ito. Bilang isang nilikhang tao, sa pagkamit sa huli ng transpormasyon ng mga salita ng Diyos tungo sa iyong buhay, walang sinumang puwedeng lumaktaw sa anumang hakbang ng buong proseso na dapat maranasan. Ibig sabihin, ang lahat ay magkakaroon ng mga kuru-kuro, imahinasyon, paglaban, pagsalungat, at paghihimagsik sa Diyos. Lahat sila ay daraan sa mga hadlang, pagkabigo, pagkadapa, pagkatanggal, pagpupungos, paghatol, at pagkastigo, daranas ng iba’t ibang kapaligiran, haharap sa iba’t ibang uri ng mga tao, at iba pang gayong mga proseso. Gaano man kahusay o kataas ang iyong kakayahan, o gaano man kalakas ang mga abilidad mo sa lahat ng aspekto, wala sa mga proseso o hakbang na ito ang puwedeng laktawan. Samakatwid, kahit na bigyan ka ng Diyos ng namumukod-tanging mataas na kakayahan at mga abilidad, masasayang pa rin ito. Mas mabuti para sa iyo na maging isang ordinaryo at katamtamang tao. Bagama’t maaaring mayroon kang ilang depekto sa pagkatao, maaari mong danasin ang gawain ng Diyos, maunawaan ang mga salita ng Diyos pagkarinig sa mga ito, at makilala ang mga kahinaan at depekto mo. Sa ganitong paraan, sa isang banda, ang nakakamit mo ay mas praktikal, at mas marami kang natatanggap mula sa Diyos; sa kabilang banda, mas tumpak mong nalalaman ang mga natural mong abilidad, at nagiging mas makatwiran ka. Iyon ang dahilan kung bakit hindi nilalayon ng Diyos na bigyan ng mahusay na kakayahan ang lahat ng tao—binibigyan Niya ang mga tao ng katamtamang kakayahan.
Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.