Paano Hangarin ang Katotohanan (4) Ikalimang Bahagi
Ikasiyam na Halimbawa: Hindi Pagpapahalaga sa Kalinisan
Ang ilang tao, dahil ipinanganak sila sa mga hindi maunlad na bansa o kapaligiran, o sa mga pamilyang may mahirap na kondisyon, ay hindi masyadong partikular sa mga bagay sa buhay nila. Maaaring hindi sila metikuloso sa kalinisan ng pagkain, maaaring hindi sila magpalit ng damit sa loob ng mahabang panahon nang hindi nilalabhan ang damit na ito, at maaari pa ngang hindi nila mapansin na amoy-pawis na ang damit nila. Anong uri ng pagpapamalas ito? (Isa itong pagpapamalas ng mga gawi sa pamumuhay ng isang tao.) Isa itong usapin ng mga gawi sa pamumuhay; hindi ito pagbibigay ng labis na pansin sa kalinisan. Iisang tuwalya ang ginagamit ng ilang tao kapag naghuhugas sila ng mukha at paa, at ito rin ang pinampupunas nila ng pawis kapag lumalabas sila para magtrabaho sa umaga. Minsan, kung may makita silang isang taong nasugatan, ginagamit pa nila ang parehas na tuwalya para takpan ang sugat. Wala talaga silang pakialam sa kalinisan. Anong isyu ito? May partikular na kaugnayan ito sa mga kondisyon ng pamilya kung saan sila isinilang. Ang ilang tao ay nagmula sa mga pamilyang may mabuting kondisyon ng pamumuhay, kung saan ang bawat tao ay may maraming tuwalya at tuwalyang panligo, nang may malinaw na kaibahan kung alin ang ginagamit para sa mukha at alin ang para sa paa. Araw-araw silang naliligo at naghuhugas ng mukha nila, at araw-araw ding nilalabhan ang mga tuwalya at tuwalyang panligo, kaya tila labis silang maselan. Paano nabubuo ang gayong mga gawi? Ang mga ito ay ang resulta ng pagkakaroon ng partikular na pang-ekonomikong pundasyon at mga pinansiyal na kondisyon sa pamilya, na humahantong sa mga pinong gawi sa pamumuhay na ito. Dahil dito, nagmumukhang napakaingat sa kalinisan at kagalang-galang ang isang tao. Sa panlabas, tila napakaselan nila, pero ang totoo, sa likod ng lahat ng ito ay ang mga likas na kondisyon na nagdulot nito. Kung gayon, bakit hindi maingat ang ilang tao sa mga bagay na ito? Ang ilang tao ay natural na walang tendensiyang magbigay ng labis na pansin sa gayong mga usapin, at kahit na may kakayahan sila, hindi nila masyadong sineseryoso ang mga bagay na ito—hindi ito isang malaking isyu. Para naman sa iba, ito ay dahil sa mga kondisyon at kapaligiran ng pamilya nila. Sa isang pamilya na may pito o walong tao, maaaring iisang tuwalya lang ang ginagamit nilang lahat sa paghuhugas ng mukha at paa nila, at sunod-sunod sila sa paggamit nito. Humihiga pa nga sa kama ang ilang tao nang hindi naghuhugas ng paa at nakakatulog pa rin sila nang mahimbing. Hindi ito nakakaapekto sa pang-araw-araw na buhay nila o sa sariling asal nila. Maaaring sabihin ng maseselan, “Pero may mga mikrobyo sa mga paa mo—napakarumi ng mga ito!” Na maaari namang sagutin ng iba, “Hindi marumi ang mga paa; buong araw na nakabalot ang mga ito at hindi dumidikit ang mga ito sa mundo sa labas, kaya walang anumang mga mikrobyo, kaunting pawis lang ng paa. Iniisip ng mga tao na marumi ang pawis ng paa, pero ang totoo ay hindi. Sa ilang lugar, ginagamit pa nga ang mga paa sa paggawa ng pagkain. Malay mo, ang pagkaing binili mo sa palengke ay maaaring ginamitan ng mga paa para haluin ang harina. Hindi mo nakikita iyon, at kinakain mo ito—pero iniisip mo pa rin na napakaselan mo!” Partikular man o hindi ang isang tao, ang lahat ng ito ay mga gawi o paraan sa pamumuhay na hinubog ng mga likas na kondisyon. Wala itong anumang kinalaman sa pag-asal niya. Kaya, anong mga uri ng mga pagpapamalas ang kinasasangkutan ng pag-asal ng isang tao? Halimbawa, kapag nahaharap sa isang mapanganib na sitwasyon, kapag tinutugis ng malaking pulang dragon, ang lahat ay tensiyonado at natatakot, at magkakaroon sila ng ilang likas na reaksyon. Gayumpaman, maaaring sabihin ng ilang tao, “Gaano man tayo katensiyonado at kanatatakot sa ngayon, dapat tayong kumalma at harapin natin ang mga problema ng sitwasyon. Dapat muna nating protektahan ang mga lider at manggagawa, at ang mga kapatid mula sa ibang mga rehiyon, para makaalis sila kaagad.” Pero maaaring iba ang isipin ng iba: “Protektahan sila? Paano naman ako? Paano kung hindi ako makatakas sa huli? Kailangan kong mauna sa pagtakbo! Ang sinumang mauunang tumakbo ay hindi mahuhuli, at hindi masesentensiyahan o mapapahirapan.” Kita mo, kapag nahaharap sa panganib, bagama’t pare-parehas ang lahat na may likas na reaksyon ng pagkatakot, inuuna ng ilang tao ang pagprotekta sa iba at isinasantabi nila ang seguridad ng sarili nilang buhay—nagpapakita ng pagmamahal at kabaitan ang gayong mga tao. Gayumpaman, ang iba naman ay sarili nila ang unang iniisip, tumatakas na sila nang walang pagsasaalang-alang sa iba—ito ay pagkamakasarili. Sa aktuwal, sa pakiramdam ng konsensiya ng pagkatao nila, alam ba ng huling grupong ito na dapat muna nilang protektahan ang mga lider at manggagawa at ang mga kapatid mula sa ibang mga rehiyon? Sa usapin ng katwiran, naiintindihan ba nila ito? (Oo.) Kapag pantay-pantay ang pagkaunawa ng lahat sa katwirang ito at mayroon silang mga likas na reaksyon, nagkakaiba-iba ang mga tao sa usapin ng mga pagpapamalas nila. Sumasalamin ito sa mga pagkakaiba sa pagkatao sa pagitan ng mga indibidwal. Ang ilang tao ay makasarili at mababang-uri, sarili lang ang inaalala nila at binabalewala nila ang iba, habang ang iba ay may mabuting puso, nagagawa nilang maging hindi mapag-imbot at maging mapagsaalang-alang sa iba, inuuna ang pagprotekta sa mga ito at hindi kumikilos nang makasarili. Sumasalamin ba ito sa iba’t ibang uri ng pagkatao? (Oo.) Ginagawa nitong malinaw ang kaibahan. Kaya, sa mga uring ito ng mga tao, sa dalawang uri nila ng pagkatao, aling uri ng tao ang nagagawang tumanggap sa katotohanan at iwaksi ang tiwaling disposisyon niya? (Ang uri ng tao na may mabuting pagkatao ay nagagawang tanggapin ang katotohanan at madaling iwaksi ang tiwaling disposisyon niya.) Paano naman ang mga makasariling tao? (Hindi madali para sa kanila na isagawa ang katotohanan; kahit na nauunawaan nila ito, hindi nila ito maisagawa, kaya mahirap para sa kanilang iwaksi ang tiwaling disposisyon nila.) Mismo. Kaya, habang maaaring magbunyag ang lahat ng isang tiwaling disposisyon, kung magkakaiba ang mga pagkatao ng mga tao, magkakaiba rin sila sa kung magagawa ba nilang iwaksi ang tiwaling disposisyon nila. Kapag may magkakaibang uri ng pagkatao ang mga tao, tumutugon sila sa parehong sitwasyon nang may magkakaibang saloobin at pagharap. Tinutukoy nito kung kaya ba ng isang tao na tanggapin sa huli ang katotohanan at mga positibong bagay, kung kaya ba niyang tahakin ang landas ng paghahangad sa katotohanan, kung kaya ba niyang iwaksi ang kanyang tiwaling disposisyon. Napakahalaga ng pagkatao ng isang tao, hindi ba? Kapag nahaharap sa panganib, magkakaroon ng ilang likas na reaksyon ang lahat ng tao—lahat sila ay nakadarama ng pagkatakot, pagkataranta, at pagkagimbal, at hindi sila nakakatiyak, takot silang mamatay, at gusto nilang tumakbo palayo. Sa gayong kakritikal na sitwasyon, ang isang taong may mabuti at mabait na pagkatao ay unang maiisip ang pagprotekta sa mga lider at manggagawa, at sa mga kapatid mula sa ibang mga rehiyon—ang una niyang naiisip ay ang seguridad ng iba. Bagama’t mayroon din siyang mga likas na reaksyon—pagkatakot, pagkataranta, pagkagimbal—at natural na nagtataglay rin ng instinto para sa pagprotekta sa sarili, ang paraan niya ng pangangasiwa sa sitwasyon ay hindi ang protektahan muna ang sarili niya kundi ang protektahan ang iba. Ganito umasal ang isang taong may mabait na pagkatao. At paano naman ang paraan ng pag-asal ng isang makasariling tao? Maaaring isipin niya ang iba, pero hindi niya pinoprotektahan ang mga ito—una niyang pinoprotektahan ang sarili niya. Samakatwid, ang mga taong may mabait na pagkatao, na nagagawang makisimpatya at magprotekta sa iba, ay malamang na tumanggap sa katotohanan. Ang konsensiya at katwiran ng pagkatao nila ay umaayon sa mga kondisyong kinakailangan para tanggapin ang katotohanan at iwaksi ang tiwaling disposisyon nila. Pagdating naman sa makasariling uri ng tao, kahit na nauunawaan niya ang katotohanan, hindi niya ito tinatanggap ni isinasagawa. Kapag nahaharap sa panganib, nagpapamalas ang pagkatao niya ng pagprotekta sa sarili at pagkamakasarili. Samakatwid, batay sa pagkataong ito na ipinapamalas niya, malinaw na wala siya ng mga batayang kondisyong kinakailangan para tanggapin ang katotohanan at iwaksi ang tiwaling disposisyon niya. Nangangahulugan ito na sa mga sitwasyon kung saan hinihingi ang pagsasagawa sa katotohanan, nawawalan ng papel ang konsensiya at katwiran niya. Kumikilos siya laban sa konsensiya at katwiran niya. Hindi niya pinipiling hanapin ang katotohanan at gawin ang mga makatarungang bagay na dapat niyang gawin, kundi sa halip ay pinipili niyang sumalungat sa konsensiya at katwiran niya, at sumasalungat pa nga siya sa moral na katarungan at sa katotohanan, ganap na tinutugunan ang kanyang mga makasariling pagnanais at ang mga pangangailangan ng mga interes niya para protektahan ang sarili niya at pangalagaan ang lahat ng interes niya. Samakatwid, hindi magiging madali para sa ganitong uri ng tao na tahakin ang landas ng paghahangad ng katotohanan o ang landas ng kaligtasan. Ang implikasyon nito ay na napakahirap iwaksi ng tiwaling disposisyon niya. Sa mas maingat na pananalita, imbes na sabihing hindi niya magawang iwaksi ang tiwaling disposisyon niya, sasabihin natin na napakahirap para sa kanya na gawin iyon. Kaya, kung titingnan ang isyu ngayon, ganap bang nakasalalay sa mga likas na kondisyon ng isang tao kung kaya ba niyang iwaksi ang tiwaling disposisyon niya at magkamit ng kaligtasan? (Hindi.) Saan ito nakasalalay? (Sa pagkatao niya.) Nakasalalay ito sa karakter niya, at kung ang konsensiya at katwiran ng pagkatao niya ay gagana ba kapag nahaharap siya sa iba’t ibang tao, pangyayari, at bagay. Sa madaling salita, nakasalalay ito sa kung kumikilos ba siya ayon sa konsensiya at katwiran niya kapag may mga nangyayari. Kung kikilos ang isang tao sa ilalim ng patnubay ng konsensiya at katwiran niya, pipiliin niya ang mga positibong bagay at ang katotohanan. Gayumpaman, kung kikilos siya nang labag sa konsensiya at katwiran niya, gaano man karaming katotohanan ang nauunawaan niya o mataas man o mababa ang kakayahan niya, lalabag siya sa moral na katarungan, lalabag sa mga katotohanang prinsipyo, at isusuko pa nga niya ang pagkatao niya. Ano ang nililinaw nito sa iyo? Napakahalaga ba ng pagkatao? (Oo.) Kung ang isang tao, anuman ang sitwasyon, ay kikilos nang salungat sa konsensiya at katwiran niya at nang labag sa moral na katarungan sa tuwing nauugnay ito sa mga interes niya, isusuko niya ang pagkatao niya. Gagawin niya ang anumang bagay para matiyak at maprotektahan ang sarili niyang mga interes. Kaya, kapag nahaharap sa isang sitwasyon, hindi niya pipiliing kumilos nang ayon sa konsensiya at katwiran niya. Sa halip, sasalungat siya sa mga ito alang-alang sa sarili niyang mga interes, sinasakripisyo ang integridad at dignidad niya para makamit ang mga layon niya. Kung titingnan ito mula sa perspektibang ito, gaano man kabuti sa karaniwang pag-asal ang ganitong uri ng tao, wala siyang ibang hinahangad kundi ang sarili niyang mga interes—napakahirap iwaksi ng tiwaling disposisyon niya. Hindi niya tinatanggap ang katotohanan—kapag mas kritikal ang sandali, at kapag mas nahaharap siya sa realidad, mas pinipili niyang sumalungat sa kanyang konsensiya, katwiran, at sa katotohanan; at kapag mas kritikal ang sandali, mas lalo niyang ibinubunyag ang kanyang tiwaling disposisyon ng pagiging tutol sa katotohanan at ang kanyang makasarili at napakababang pagkatao. Samakatwid, para sa ganitong uri ng tao, napakahirap na iwaksi ang tiwaling disposisyon niya. Sa puntong ito, malinaw na ba na isang pundamental na kondisyon ang pagkatao ng isang tao para sa pagwawaksi ng isang tiwaling disposisyon? Ang uri ng pagkatao na mayroon ang isang tao ay nagtatakda sa kung maiwawaksi ba niya sa huli ang tiwaling disposisyon niya, kung matatahak ba niya sa huli ang landas ng paghahangad ng katotohanan, at kung magkakamit ba siya ng kaligtasan sa huli.
Ikasampung Halimbawa: Pagiging Natural na Hindi Palasalita
Ang ilang tao ay natural na hindi palasalita, may personalidad na banayad at mapagparaya. Madalang silang mamroblema nang husto sa mga bagay-bagay o makipag-alitan sa iba, ni hindi sila labis na maingay. Hindi mapagmagaling ang pananalita nila, at malumanay ang boses nila. Sa panlabas, mukha silang labis na banayad, at ginagawa nila ang mga bagay sa metodikal at di-nagmamadaling paraan. May ilan pa ngang mahiyaing tao na hindi mahilig makipag-usap sa iba at ayaw makisalamuha nang masyado sa mga tao. Saanman sila magpunta, halos wala silang pakiramdam ng presensiya. Sa anong uri ng isyu nauugnay ang ganitong mga pagpapamalas? (Isa itong isyung may kaugnayan sa personalidad nila.) Isa itong isyu sa likas na personalidad nila. May ganitong uri ng personalidad sa panlabas ang mga taong ito, at sa panloob ay napakasimple rin ng mga iniisip nila. Medyo mabait sila sa iba, nakikisalamuha sa iba nang medyo patas, hindi sila nananamantala ng iba, at kapag nakakatanggap sila ng mga pabor o tulong mula sa iba, sinusuklian nila ang mga ito, at tinatandaan din nila ang kabaitan ng iba sa puso nila. Sa panlabas, mukhang may mabuting pagkatao ang mga taong ito: Hindi sila nakakapinsala kapwa sa mga tao at sa mga hayop; sila ay mapagparaya, sensitibo sa iba, at hindi nila pinoproblema nang husto ang mga bagay-bagay kasama ang iba; hindi sila nasasangkot sa mga alitan, ni hindi sila nakikipagtsismisan tungkol sa iba; hindi sila nanghuhusga ng mga tao kapag nakatalikod ang mga ito, at hindi nila kailanman aktibong binabatikos o pinipinsala ang iba; kapag nahihirapan ang isang tao, hangga’t kaya nilang tumulong, hindi sila kailanman tatanggi, at hindi sila humihingi ng anumang kapalit. Sasabihin ng nakararami na napakadaling pakisamahan ng mga indibidwal na ito. Kung gayon, sa panlabas ba ay mukhang may mabuting pagkatao ang mga taong ito? (Oo.) Pero sa isang pagkakataon, tinatanong sila ng sambahayan ng Diyos kung kumusta ang mga bagay-bagay: “Kumusta ang gawain ng mga lider sa iglesia ninyo? Ano ang tingin ng mga kapatid sa kanila? Nagkaroon ba ng anumang resulta ang gawain ng ebanghelyo sa panahong ito? Mayroon bang sinumang nanggambala o nanggulo sa gawain ng iglesia?” Pinag-iisipan nila ito: “Bakit nila ako tinatanong tungkol dito? Ano ang gusto nilang palabasin? Ipinapahiwatig ba nila na dapat kong sabihing hindi gumagawa nang maayos ang mga lider? Pakay ba nilang tanggalin ang mga lider namin? Sinusubukan nila akong pagsalitain at kumuha ng kumpirmasyon mula sa akin. Puwes, wala akong sasabihin. Kung balang araw ay matatanggal ang mga lider, at malalaman nila na iniulat ko ang mga isyu nila, hindi ba’t magtatanim sila ng sama ng loob laban sa akin?” Kaya tumutugon sila, “Napakaayos ng paggawa ng mga lider kamakailan; wala akong napansing anumang mga isyu.” Iyon lang ang sinasabi nila. Kapag tinanong silang muli, “Talaga bang wala kang napansing anumang mga isyu?” tumutugon sila, “Tanungin mo kaya si Sister Ganito-at-ganyan, dahil madalas siyang nakikisalamuha sa mga lider. Madalas silang mag-ugnayan at kilalang-kilala niya ang mga ito. Hindi ko sila masyadong kilala.” Pero ang totoo, iniisip nila: “Kahit na talagang alam ko, hindi ako puwedeng magsalita. Kung magsasalita ako at matatanggal ang mga lider kalaunan, hindi ba’t magtatanim sila ng sama ng loob laban sa akin? Kahit na hindi sila matanggal, kung malalaman nilang may sinabi akong masama tungkol sa kanila, hindi ba’t gigipitin nila ako? Maaari kaya nila akong pahirapan? Tatanggalan ba ako ng tungkulin? Hindi ako puwedeng magsalita!” Anong uri ng pagpapamalas ito? (Isa itong pagpapamalas ng panlilinlang.) At sa anong uri ng problema ito nauugnay? Sa isang tiwaling disposisyon. Sa panlabas, tila may natural na mabuting personalidad at mabuting pagkatao ang ganitong uri ng tao, pero tuwing pagdating sa pagsusuri sa iba at pag-uulat ng mga isyu, sasabihin niyang hindi niya alam, sasabihin niyang saglit pa lang siyang naging mananampalataya at hindi niya nauunawaan ang katotohanan, na masyado siyang hangal para makakilatis ng mga bagay. Kaninong mga problema man ang napapansin niya, hindi niya ito kailanman iniuulat o binabanggit. Kapag may nanghuhusga sa mga lider kapag nakatalikod ang mga ito o kapag may gumagawa ng tungkulin nang pabasta-basta, nagpapanggap siyang hindi niya ito napapansin o nalalaman at wala siyang iniuulat kailanman. Kapag tinatanong ng mga lider, “Matagal mo nang nakasama si Ganito-at-ganyan; kumusta sa pangkaraniwan ang paggampan niya ng tungkulin? Nagagawa ba niyang magtiis ng paghihirap at magbayad ng halaga?” tumutugon siya, “Ano, nakikita ko na maaga siyang bumabangon sa umaga at dis-oras ng gabi na siya nahihiga.” Ang totoo, matagal na niyang napapansin na ang taong ito ay madalas nang nanonood ng mga video mula sa mundong walang pananampalataya at hindi nagbabayad ng halaga sa paggawa ng tungkulin nito, pero hindi niya sinasabi ang totoo; palagi niyang pinapanatili ang isang paimbabaw na katiwasayan sa lahat ng tao. Sa panlabas, tila maayos ang likas na personalidad niya, at mukha ring mabuti ang pagkatao niya, pero ano ang natatago sa ilalim ng anyong ito ng mabuting pagkatao? Mapagpalugod siya ng mga tao; mapagpalugod siya ng mga tao na walang sinumang pinapasama ng loob, walang sinumang pinipinsala kailanman, hindi nananamantala ng iba kailanman, at walang nagiging kaaway kailanman. Ano ang prinsipyo niya para sa pag-asal? (Ang walang mapasama ng loob.) Wala siyang pinapasama ng loob, walang pinipinsala, at hinahangad lang niyang protektahan ang sarili niya. Pagiging tuso ba ito? (Oo.) Kahit na kapag taos-pusong nakikipagbahaginan sa kanya ang isang tao, sinasabi, “Tayo ang pinakamatagal na magkasama sa paggawa ng mga tungkulin natin. Pakiusap, tukuyin mo ang anumang mga isyung nakikita mo sa akin. Ipinapangako kong tatanggapin ko ito at magbabago ako. Pakiusap, makipagbahaginan ka rin sa akin tungkol sa mga prinsipyo ng pagsasagawa sa aspektong ito”—kahit na napakataimtim ng kausap niya, hindi pa rin niya sinasabi ang katotohanan. Sa halip, sinasabi niya nang hindi taos-puso, “Mas magaling ka kaysa sa akin. Ang totoo, walang nakakatanto sa inyo, pero talagang mahina ako. Nagiging negatibo ako, at mapaghimagsik din ako.” Kahit na gaano siya kataos-puso na tanungin ng iba, wala pa rin siyang sinasabi. Hinding-hindi talaga niya pasasamain ang loob ng sinuman at hindi siya kailanman magsasabi ng kahit isang makatotohanang pahayag. Hindi niya sasabihin ang katotohanan sa sinuman, ibinabaon sa puso niya ang lahat ng bagay. Mula rito, makikita na hindi sa wala siyang mga kaisipan, dahil hindi siya robot, at hindi siya namumuhay nang hiwalay sa mga tao. May mga opinyon siya tungkol sa iba’t ibang tao at usapin, pero hindi niya kailanman ipinapahayag ang mga ito o ibinabahagi o ipinaparating ang mga ito sa sinuman. Sinasarili lang niya ang lahat ng bagay; sa isang banda, ito ay dahil ayaw niyang makilatis siya ng iba, at sa kabilang banda, dahil ayaw niyang mapasama ang loob ng sinuman. Kaya, ano ang prinsipyo niya para sa pag-asal? Wala ba siyang mga prinsipyo? (Wala.) Wala siyang mga prinsipyo. Hindi niya kailanman hinahanap ang katotohanan o itinataguyod ang mga prinsipyo. Nakatutok lang siya sa pagtatanggol at pangangalaga sa sarili niya. Basta’t hindi siya nasasaktan, wala siyang pakialam sa kung ano ang hinihingi ng Diyos. Wala siyang mga prinsipyo o limitasyon sa pag-asal niya, at wala siyang pinapasama ng loob—sadyang mapagpalugod siya ng mga tao. Samakatwid, sa mga mata ng iba, nakikita rin siya bilang mabuting tao dahil madalas nakakatanggap ng tulong niya iyong mga nakakasalamuha niya, at sa tuwing may hinihiling sa kanya ang iba, hindi siya kailanman tumatanggi, kaya napapaniwala ang mga tao na mabuti siyang tao. Gayumpaman, kung susuriin mong mabuti ang mga prinsipyo niya para sa pag-asal, makikita mo na wala siyang mga prinsipyo para sa pag-asal. Pagdating sa mga isyung may kinalaman sa mga tiwaling disposisyon, hahanapin ba niya ang katotohanan para lutasin ang mga ito? Magsasagawa ba siya ayon sa mga katotohanang prinsipyo? (Hindi.) Ang sagot ay tiyak na hindi. Ang mga taong ito ay kumakapit sa sarili nilang personal na pagkaunawa, naniniwalang mayroon silang mabuting pagkatao at mabait na puso. Iniisip nila na hindi sila kailanman nagkikimkim ng masasamang intensyon sa ibang mga tao, o kahit papaano man lang, hindi nila aktibong ipapahamak ang iba o pipinsalain ang mga interes ng mga ito. Sa tuwing may anumang kahilingan o pangangailangan ang iba, palagi silang tumutugon. Sa pagkaunawa nila, naniniwala silang nagiging mabubuting tao sila kapag hindi nila pinapasama ang loob ng sinuman o pinipinsala ang sinuman. Kapag wala silang nakakaaway, naniniwala silang hindi nila mailalagay ang sarili nila sa anumang mapanganib na sitwasyon, at walang makakakita sa kanila bilang isang kaaway. Sa ganitong paraan, hindi sila masasaktan at mananatili silang ligtas. Ano ang layon ng ganitong uri ng mga tao sa pag-asal nila? Ang tanging pakay nila ay ang pagprotekta sa sarili; para sa kanila, sapat nang mamuhay sa pinaniniwalaan nilang ang pinakakomportable at pinakaligtas na lugar at comfort zone. Wala silang layuning baguhin ang mga prinsipyo at limitasyon sa pag-asal nila, o ang direksyon ng pag-asal nila, at tiyak na wala silang layuning iwaksi ang mga tiwaling disposisyon nila. Ang mga taong ito ay mga mapagpalugod ng mga tao at mga umiiwas sa problema. Paano man makipagbahaginan ang iba tungkol sa mga katotohanang prinsipyo o tungkol sa mga limitasyon at prinsipyo ng kung paano umasal, hindi nila babaguhin ang paraan ng pag-asal nila. Kung gayon, may mabuting pagkatao ba ang ganitong mga tao? (Wala.) Kaya ba ng mga taong ito na tanggapin ang katotohanan o itaguyod ang mga prinsipyo? (Hindi.) Bakit hindi nila kayang itaguyod ang mga katotohanang prinsipyo? Dahil sa isipan nila, ang pamantayan nila para sa pag-asal ay ang maging mga mapagpalugod ng mga tao. Pagdating sa anumang usaping humihingi ng opinyon o paninindigan, nananahimik sila, nagpapanatili ng isang saloobing walang pakialam, at hindi sila nakikisali, nananatiling mapagwalang-bahala at hindi interesado na para bang wala itong kinalaman sa kanila. Dahil dito, wala silang paninindigan sa pag-asal at pagkilos nila; para silang isang taong tuso. Wala silang pakialam sa mga tao at pangyayari sa paligid nila. Gaano man kahalaga ang mga isyu sa anumang kapaligiran o sa sinumang tao, wala silang interes sa pagmamalasakit, pagtatanong, o pag-alam tungkol sa mga ito. Naniniwala silang hangga’t wala itong kinalaman sa kanila, hindi nila kailangang mag-alala. May isang kasabihan para dito, ano ito? “Huwag humanap ng biyaya, kundi umiwas na masisi.” Isa rin itong prinsipyo ng pag-asal ng mga mapagpalugod ng mga tao. Ano ang mga katangian ng mga tiwaling disposisyon ng gayong mga tao? Panlilinlang, kabuktutan, katigasan ng kalooban, pagtangging tanggapin ang katotohanan—taglay nila halos lahat ng katangian ng mga tiwaling disposisyon. Sa panlabas, maaaring hindi sila gumawa ng kasamaan at bihira silang gumawa ng mga pagsalangsang, pero kung oobserbahan mo ang mga prinsipyo at paraan ng pag-asal nila, ang pinakakapansin-pansing katangian ay na hindi nila kailanman itinataguyod ang mga katotohanang prinsipyo at wala silang mga limitasyon sa kung paano sila umasal. Kahit na iniinsulto sila ng isang tao o sinasaktan nito ang dignidad nila, kaya nila itong tiisin at pagtawanan na lang, hindi kailanman ibinubunyag o ipinapamalas ang mga panloob na kaisipan nila. Sa panlabas, sila ay tila napakamapagparaya, may mabait na pagkatao, at hindi nagpapakita ng layuning mambatikos o maghiganti. Gayumpaman, hindi sa wala silang mga kaisipan—natatandaan nila ang ginawa mo, at sa tamang sandali, lalabas sila at poprotektahan at ipagtatanggol nila ang sarili nila, binibigyan ka ng partikular na kontra-atake na maaaring hindi mo man lang mapansin. Hindi nila itinataguyod ang mga katotohanang prinsipyo; ang mga prinsipyo at limitasyon sa pag-asal nila ay para lang ipagtanggol ang sarili nilang mga interes, seguridad, at reputasyon. Para sa ganitong mga tao, tama na ilarawan sila bilang buktot, at ilarawan sila bilang matigas ang kalooban, mapanlinlang, at tutol sa katotohanan. Maaaring sabihin ng ilang tao, “Hindi nila pininsala ang mga interes ng iba o hindi sila gumawa ng anumang masama, kaya paano mo nasasabing may ganito silang mga tiwaling disposisyon? Ano ang pinagbabatayan mo rito?” Batay ito sa kanilang mga kaisipan, pananaw, at saloobin pagdating sa kung paano nila tinitingnan ang mga tao at bagay at kung paano sila umaasal at kumikilos. Napansin na ba ninyo ito? (Ngayon ay nakikita na namin ito.) Bakit hindi mo ito makita dati? Ano sa mga ito ang nakalihis sa iyo? (Naisip namin na napakadali nilang pakisamahan sa kanilang pananalita at mga kilos, at sa kung paano sila nakikisalamuha at nakikipagtulungan sa iba, at wala silang sinasaktan, kaya ipinagpalagay naming may mabuti silang pagkatao. Nalihis kami ng panlabas nilang anyo.) Ang panlabas na pagkakaroon ng banayad na personalidad at hindi kailanman pambabatikos sa mga tao at pananakit ng mga hayop ay hindi nangangahulugan na may mabuting pagkatao ang isang tao. Anong uri ng mga pagbubunyag ng pagkatao ang kumakatawan sa tunay na mabuting pagkatao? (Sa isang banda, ang hindi pamiminsala sa iba o pananamantala sa kanila. Dagdag pa rito, kapag lumilitaw ang panganib, ang unang naiisip ng isang tao ay ang protektahan ang mga lider at manggagawa, pati na ang mga kapatid na naghahangad sa katotohanan, nang hindi isinasaalang-alang ang sarili niyang kaligtasan, at ang magawang iuna ang mga interes ng sambahayan ng Diyos sa bawat sitwasyon. Lahat ng ito ay mga pagpapamalas ng mabuting pagkatao.) Ang magkaroon ng mabait na puso, ang maging mapagmahal, mapagpasensiya at mapagparaya, magalang sa iba, handang isaalang-alang ang iba, ang hindi manamantala sa mga tao, ang maging medyo matuwid, pati na ang maging mapagpakumbaba, hindi agaw-pansin, at hindi dominante: ang pagtataglay sa mga katangiang ito ng pagkatao, na sinamahan ng abilidad na itaguyod ang mga katotohanang prinsipyo at pangalagaan ang mga interes ng sambahayan ng Diyos—ito ay mabuting pagkatao. Kung ang isang tao ay nagtataglay sa panlabas ng mga katangian ng pagkatao tulad ng pagpaparaya, pagpapasensiya, kabaitan, hindi pananamantala sa iba, pagiging sensitibo sa iba, pagmamalasakit para sa iba, pero pagdating sa mga interes ng sambahayan ng Diyos, agad-agad nilang isusuko ang mga ito at aktibo pa ngang ipinagkakanulo ang mga ito—may mabuti ba silang pagkatao? (Wala.) Nangangahulugan ito na hindi mabuti ang pagkatao nila. Paano nasusukat ang mabuting pagkatao? Ano ang pinakamababang hinihingi? (Sa pinakamababa, ang magawang pangalagaan ang mga interes ng sambahayan ng Diyos.) Ang magawang pangalagaan ang mga interes ng sambahayan ng Diyos; at pagkatapos, sa pundasyong ito, ang magawang makipagtulungan sa iba nang may pagkakasundo, ang pagiging mabait ang puso at mapagparaya, ang hindi pananamantala sa iba, at ang magawang maging mapagpasensiya at unawain ang mga kahinaan ng iba, ang pagiging sensitibo sa iba, ang magawang maging mapagmahal, ang magawang tulungan at suportahan ang iba, at pagmalasakitan ang mahihina, at iba pa—ang lahat ng ito ay mga katangian ng mabuting pagkatao. Sa kabaligtaran, ang pagiging makasarili, mababang-uri, sakim, malupit at labis na mapagkalkula sa iba, ang pagkahilig sa pagtsitsismis at pang-aapi sa mga tao, ang pagiging sutil, pasikat, labis na mababaw, buktot, mapagpalayaw, walang pakundangan, at walang pakiramdam ng kahihiyan—anong uri ng mga pagpapamalas ang mga ito? (Ang mga ito ay mga pagpapamalas ng masamang pagkatao.) Magagawa pa rin ba ng isang taong may ganitong mga pagpapamalas na pangalagaan ang mga interes ng sambahayan ng Diyos? (Hindi.) Ang taglayin ang mga pagpapamalas ng mabuting pagkatao, kasama ang abilidad na mapangalagaan ang mga interes ng sambahayan ng Diyos—ito ang tunay na mabuting pagkatao.
Ikalabing-isang Halimbawa: Pagiging Mukhang Mabait Ngunit Pagwawaldas ng mga Handog
Mukhang napakabait ng ilang tao sa panlabas; nagagawa nilang maging mapagpasensiya at mapagparaya sa iba, at taglay nila ang lahat ng katangian ng mabuting pagkatao. Pero pagdating sa gawain ng iglesia, mga handog para sa Diyos, o sa mga interes ng sambahayan ng Diyos, nagagawa nilang ipagkanulo ang lahat ng ito. Masasabi ba ninyo na may mabuting pagkatao ang ganitong uri ng tao? (Hindi.) Halimbawa, kapag namimili ng mga bagay-bagay para sa mga kapatid, pinipili ng ilang tao ang mga piraso na may magandang kalidad, mura ang presyo, at praktikal. Pero pagdating sa paggastos ng mga handog para bumili ng mga bagay-bagay, pinipili nila ang mga mamahaling bagay. Kahit na isa lang itong traktora, gusto pa nilang bumili ng may navigation. Anuman ang binibili nila, palagi nilang pinipili ang pinakamainam, ang pinakamahal, at ang mga bagay na high-tech, ayaw nilang ikonsidera ang anumang mas mura. Karaniwan, tila nakakasundo nila nang normal ang iba; hindi sila nananamantala ng mga tao, napakamapagparaya nila, at maayos nilang tinatrato ang iba sa lahat ng paraan. Pero pagdating sa paggastos ng mga handog, lumilitaw ang walang-awang katangian nila, at lumalabas ang masamang mukha nila. Maituturing ba silang may mabuting pagkatao? (Hindi.) Talaga bang tunay ang mabuting pagkatao nila? Panlabas na pagpapanggap at pagkukunwari lang ito—pawang pagbabalatkayo. Pagdating talaga sa mga usaping may kinalaman sa mga interes ng sambahayan ng Diyos, lalo na pagdating sa paggastos ng mga handog, lumilitaw ang kasakiman nila, at nabubunyag ang kanilang masamang mukha, maladiyablong anyo, at mabagsik na pag-uugali. Mabuting pagkatao ba ito? (Hindi.) Halimbawa, nag-a-apply ang isang tao para sa karapatang-sipi ng Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao, at sinasabi niya, “Kung mag-a-apply tayo sa pangalan ng iglesia bilang isang organisasyon, makakatipid tayo nang malaki. Pero kung mag-a-apply tayo sa pangalan ni Cristo na nagkatawang-tao, mapapamahal tayo nang husto. Dapat tayong magtipid ng pera dito; hindi dapat gastusin nang walang ingat ang mga handog!” Tama ba ang pahayag na ito? May mga prinsipyo ba sila sa pangangasiwa sa ganoong kahalagang usapin? Sino ba mismo ang nagpahayag ng mga salitang ito, ang Diyos o ang iglesia? (Ang Diyos ang nagpahayag ng mga ito.) Kung gayon, sino dapat ang magmay-ari sa karapatang-sipi? Sino ba ang mas angkop na magmay-ari nito: ang Diyos o ang iglesia? (Ang Diyos ang mas angkop na magmay-ari nito.) Isa itong napakahalagang isyu. Ano ang mga kahihinatnan ng pagtuon sa pagtitipid ng pera sa ganoong kakritikal na usapin? Anong mga problema ang puwedeng umusbong? Maaaring hindi lubos maisip ang mga kahihinatnan! Kung babalewalain mo ang mga interes ng sambahayan ng Diyos at isasaalang-alang mo lang ang pagtitipid ng pera, magiging anong uri ka ng tao? May konsensiya o pagkatao ba ang gayong mga tao? (Wala silang pagkatao.) Gaano man kamukhang mabait o mapagparaya ang gayong mga tao sa panlabas, tunay bang may pagkatao sila? (Wala.) Sa iglesia, ang lahat ng gastusin para sa pagkain, inumin at pang-araw-araw na pangangailangan ay ganap na sakop ng mga handog para sa Diyos. Kahit kailan ba ay naging maramot Ako sa inyo tungkol sa mga gastusing ito? Ang tanging hinihingi ay na iwasan ninyo ang mag-aksaya, pero kahit kailan ba ay siniyasat Ko ang mga normal ninyong paggastos? (Hindi.) Sa lahat ng aspekto, naging maalalahanin Ako sa inyo at hindi Ko kailanman siniyasat ang mga paggastos ninyo, pero nagiging baligtad ang saloobin ninyo at tinitipid pa ninyo Ako. Hindi ba’t kawalan ito ng pagkatao? (Oo.) Gaano man kamukhang mabait o mapagparaya sa mga tao ang isang taong walang pagkatao, isa lang itong pagbabalatkayo. Pagdating talaga sa mga sandali kung saan dapat pinapairal ang konsensiya at katwiran, nabubunyag sila bilang ganap na walang pagkatao. Tao pa ba sila? (Hindi.) Hindi sila matatawag na tao. Kapag namimili Ako, namimili rin Ako nang maingat at matipid, isinasaalang-alang Ko kung aling mga piraso ang may diskwento at ang mga naaangkop na paraan sa pagbili ng mga ito, at kung ang isang bagay ay praktikal, naaangkop, at makatwiran ang presyo, bibilhin Ko ito. Pero hindi Ako bumibili nang basta-basta, hindi Ako gumagastos sa mga gamit na hindi naman sulit. Gayumpaman, may ilang gastusin na hindi maaaring iwasan at dapat gastusan, at sa ganoong mga kaso, gumagastos Ako nang ayon sa mga prinsipyo. Sinusubukan Ko ring maging matipid sa sarili Kong pagkain, pananamit, at mga pang-araw-araw na pangangailangan. Hindi ito tungkol sa pagbili ng kung anumang gusto Ko; kailangan Kong maingat na isaalang-alang ang mga binibili Ko. Kita mo, nananamit Ako nang simple, angkop, at presentable. Ang paggastos Ko ay sumusunod sa mga prinsipyo: binibili Ko kung ano ang kinakailangan at praktikal, at hindi Ako bumibili ng hindi kinakailangan o praktikal. Huwag magwaldas o mag-aksaya ng pera; huwag gastusin ang perang hindi dapat gastusin; tipirin kung ano ang nararapat, at iwasan ang mga hindi kinakailangang gastos—ito ang mga prinsipyo. Gayumpaman, kapag nakakakita ang ilang taong walang pagkatao ng pagkakataon na gastusin ang mga handog para sa Diyos, nanlalaki ang mga mata nila. Hangga’t may kinalaman ito sa paggastos sa pagkain, pananamit, tirahan, o transportasyon ng mga tao, agad-agad silang umaaksiyon. Lalo na pagdating sa pagbili ng mga damit para sa iba at pamamahagi ng mga gastusin sa pamumuhay, labis silang nagiging sabik at mapagbigay. Sa puso nila, iniisip nila, “Buweno, hindi ko naman pera ang ginagastos. Ang pera ng Diyos ang ginagastos, at nakakatulong ito sa reputasyon ko, kaya bakit hindi?” Kaya, sinasamantala nila ang oportunidad na magwaldas. Sa puso nila, nagkikimkim sila ng masasamang intensyon, wala silang ibang gustong gawin kundi ang pinsalain ang sambahayan ng Diyos! Pero kung sariling pera nila ito, kakalkulahin nila ang lahat ng bagay, tumatanggi silang gastusin maging ang isang kusing na higit sa kinakailangan. Gaano man sila kabait tingnan sa pangkaraniwan, walang mabuting pagkatao ang gayong mga tao. Sa pananaw Ko, maraming nabubunyag ang saloobin nila sa mga handog para sa Diyos. Ang katunayan na nagagawa nilang waldasin ang mga handog at na ganap na wala silang may-takot-sa-Diyos na puso ay nagpapakita, kahit papaano, na hindi sila mabait, na mababang-uri sila, at may masama silang pagkatao. Hindi ba’t ito ang totoo? (Oo, ito nga.)
Maraming pagpapamalas ang nauugnay sa mga likas na kondisyon, pagkatao, at mga tiwaling disposisyon ng isang tao. Pinasadahan natin ngayon ang ilang bahagi nito; malamang na mayroon pang ibang mga pagpapamalas, na puwede nating talakayin sa mga pagbabahaginan sa hinaharap. Dito na natin tapusin ang pagbabahaginan natin para sa araw na ito. Paalam!
Setyembre 23, 2023
Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.