Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan 16 (Ikaapat na Bahagi)

Pagdating sa pangangasiwa sa mga ekspektasyon ng mga magulang, malinaw ba kung anong mga prinsipyo ang dapat sundin at anong mga pasanin ang dapat bitiwan? (Oo.) Kung gayon, ano ba mismo ang mga pasanin na dinadala ng mga tao rito? Dapat silang makinig sa kanilang mga magulang at hayaan ang kanilang mga magulang na magkaroon ng magandang pamumuhay; lahat ng ginagawa ng kanilang mga magulang ay para sa kanilang sariling kabutihan; at dapat nilang gawin ang sinasabi ng kanilang mga magulang upang maging mabuting anak. Dagdag pa rito, bilang mga taong nasa hustong gulang, dapat nilang gawin ang mga bagay-bagay para sa kanilang mga magulang, suklian ang kabutihan ng kanilang mga magulang, maging mabuting anak sa mga ito, samahan ang mga ito, huwag iparamdam ang lungkot o pagkabigo sa mga ito, huwag biguin ang mga ito, at gawin ang lahat ng kanilang makakaya para bawasan ang paghihirap ng kanilang mga magulang o tuluyang alisin ito. Kung hindi mo ito makakamit, ikaw ay walang utang na loob, hindi mabuting anak, karapat-dapat kang tamaan ng kidlat at itaboy ng iba, at isa kang masamang tao. Ito ba ang iyong mga pasanin? (Oo.) Dahil ang mga bagay na ito ay ang mga pasanin ng mga tao, dapat tanggapin ng mga tao ang katotohanan at harapin nang maayos ang mga ito. Tanging sa pagtanggap sa katotohanan mabibitiwan at mababago ang mga pasanin at maling kaisipan at pananaw na ito. Kung hindi mo tatanggapin ang katotohanan, may iba pa bang landas para sa iyo? (Wala.) Kaya, ito man ay pagbitiw sa mga pasanin ng pamilya o ng laman, lahat ay nagsisimula sa pagtanggap sa tamang kaisipan at pananaw at sa pagtanggap ng katotohanan. Habang sinisimulan mong tanggapin ang katotohanan, itong mga maling kaisipan at pananaw sa loob mo ay unti-unting matitibag, makikilatis, at malinaw na mauunawaan, at pagkatapos ay unti-unting maitatakwil ang mga ito. Sa proseso ng pagtitibag, pagkikilatis, at pagkatapos ay pagbibitiw at pagtatakwil sa mga maling kaisipan at pananaw na ito, unti-unti mong babaguhin ang iyong saloobin at pagharap sa mga bagay na ito. Unti-unting hihina ang mga kaisipan na nagmumula sa iyong konsensiya at mga damdamin bilang tao; hindi ka na guguluhin o gagapusin ng mga ito sa kailaliman ng iyong isipan, hindi na kokontrolin o iimpluwensiyahan ang iyong buhay, o panghihimasukan ang paggampan mo sa tungkulin. Halimbawa, kung tinanggap mo ang mga tamang kaisipan at pananaw at tinanggap ang aspektong ito ng katotohanan, kapag narinig mo ang balita ng pagkamatay ng iyong mga magulang, iiyak ka lamang para sa kanila nang hindi iniisip ang tungkol sa kung paanong sa mga taong ito ay hindi mo nasuklian ang kanilang kabutihan sa pagpapalaki sa iyo, kung paanong pinahirapan mo sila nang husto, kung paano mo sila hindi binayaran ni katiting, o kung paanong hindi mo sila hinayaang magkaroon ng magandang pamumuhay. Hindi mo na sisisihin ang iyong sarili sa mga bagay na ito—sa halip, magpapakita ka ng normal na mga ekspresyon na nagmumula sa mga pangangailangan ng normal na damdamin ng tao; iiyak ka at dadanas ng kaunting pangungulila sa kanila. Hindi magtatagal, magiging natural at normal ang mga bagay na ito, at agad na isusubsob ang iyong sarili sa isang normal na buhay at paggampan ng iyong mga tungkulin; hindi ka na mababagabag sa bagay na ito. Ngunit kung hindi mo tatanggapin ang mga katotohanang ito, kapag nabalitaan mong namatay ang iyong mga magulang, walang humpay kang iiyak. Makakaramdam ka ng awa para sa iyong mga magulang, na hindi naging madali ang buong buhay nila, at na nagpalaki sila ng isang hindi mabuting anak katulad mo; nang magkasakit sila, hindi mo sila pinaglingkuran sa tabi ng kanilang higaan, at nang mamatay sila, hindi ka umiyak sa kanilang libing o nagluksa; binigo mo sila, nadismaya sila sa iyo, at hindi mo sila binigyan ng magandang buhay. Mamumuhay ka nang matagal nang may ganitong pakiramdam ng pagkakonsensiya, at sa tuwing naiisip mo ito, iiyak ka at makakaramdam ng kirot sa puso mo. Sa tuwing nahaharap ka sa mga kaugnay na sitwasyon o mga tao, pangyayari, at bagay, magkakaroon ka ng emosyonal na reaksiyon; maaaring kasa-kasama mo ang pakiramdam na ito ng pagkakonsensiya sa buong buhay mo. Ano ang dahilan nito? Ito ay dahil hindi mo kailanman tinanggap ang katotohanan o ang mga tamang kaisipan at pananaw bilang buhay mo; sa halip, patuloy na nangingibabaw sa iyo ang iyong mga dating kaisipan at pananaw, naiimpluwensiyahan ang iyong buhay. Kaya, sa natitirang bahagi ng iyong buhay ay mamumuhay ka sa pasakit dahil sa pagpanaw ng iyong mga magulang. Ang tuloy-tuloy na pagdurusang ito ay magkakaroon ng mga kahihinatnan na higit pa sa kaunting pisikal na pagkabahala; maaapektuhan nito ang iyong buhay, ang iyong saloobin sa paggampan sa iyong mga tungkulin, ang iyong saloobin sa gawain ng iglesia, ang iyong saloobin sa Diyos, pati na ang iyong saloobin sa sinumang tao o bagay na nakakaapekto sa iyong kaluluwa. Maaaring masiraan at panghinaan ka rin ng loob tungkol sa mas maraming bagay-bagay, maging malungkot at walang gana, mawalan ng pananalig sa buhay, mawalan ng sigasig at motibasyon sa anumang bagay, at iba pa. Sa kalaunan, hindi lamang nito maaapektuhan ang iyong simpleng pang-araw-araw na buhay; maaapektuhan din nito ang iyong saloobin sa paggampan ng iyong mga tungkulin at ang landas na tinatahak mo sa buhay. Ito ay lubhang mapanganib. Ang kahihinatnan ng panganib na ito ay maaari na hindi mo magagampanan nang sapat ang iyong mga tungkulin bilang isang nilikha, at maaaring titigil ka pa nga sa kalagitnaan ng paggampan ng iyong mga tungkulin o magkikimkim ng isang mapanlaban na lagay ng loob at saloobin tungo sa mga tungkuling ginagampanan mo. Sa madaling salita, hindi maiiwasang lalala ang ganitong sitwasyon sa paglipas ng panahon at magdudulot ng pagbabago sa iyong lagay ng loob, mga emosyon, at mentalidad tungo sa masamang direksiyon. Naiintindihan mo ba? (Oo.) Ang pagbabahaginan ng mga paksang ito ngayon, sa isang aspekto, ay nagsasabi sa iyo na magtatag ng mga tamang kaisipan at pananaw, ang pinagmulan ng mga ito ay batay sa diwa ng mga bagay na ito mismo. Dahil ang ugat at diwa ay para lamang mapagtanto ng mga tao ang mga ito, at hindi sila dapat malinlang ng mga representasyon na ito o ng mga kaisipan at pananaw na nagmumula sa mga damdamin at pagkamainitin ng ulo. Ito ay isang aspekto. Ang isa pang aspekto ay, tanging kapag ginawa lang ng mga tao ito nila maiiwasan ang mga pasikot-sikot at paglihis, at sa halip ay mamuhay nang walang pag-aalala sa isang kapaligiran na pinamumunuan at pinapatnugutan ng Diyos. Bilang buod, tanging sa pagtanggap lang ng mga tamang kaisipan at pananaw na ito at ang magabayan ng mga ito maiwawaksi ng mga tao ang mga pasaning ito na nagmumula sa kanilang mga magulang, bitiwan ang mga pasaning ito, at makapagpapasakop sa mga pamamatnugot at pagsasaayos ng Diyos. Sa paggawa nito, makapapamuhay ang isang tao nang mas malaya at walang pumipigil, nang may kapayapaan at kagalakan, sa halip na patuloy na nauudyukan ng mga epekto ng pagkamainitin ng ulo, mga damdamin, o konsensiya. Sa dami ng tinalakay natin, mayroon ka na ba ngayong kaunting pag-unawa sa mga pasanin na likha ng mga ekspektasyon ng mga magulang? (Oo.) Ngayong mayroon ka nang tumpak na pag-unawa, hindi ba’t mas magaan at malaya na ang pakiramdam ng iyong espiritu? (Oo.) Kapag mayroon kang tunay na pag-unawa at tunay na pagtanggap at pagpapasakop, ang iyong espiritu ay makakalaya. Kung patuloy kang lalaban at tatanggi, o kaya’y ituturing ang mga katotohanang ito bilang teorya lamang, sa halip na ituring ang mga bagay na ito batay sa mga katunayan, kung gayon ay mahihirapan kang bumitiw. Magagawa mo lamang kumilos ayon sa mga pamamatnugot ng mga kaisipan at damdamin ng laman sa pagharap sa mga bagay na ito; sa huli, mamumuhay ka sa loob ng patibong ng mga damdaming ito, kung saan may pasakit at lungkot lamang, at walang sinumang makakapagligtas sa iyo. Kapag nahaharap sa mga usaping ito na nakatali sa emosyonal na patibong na ito, walang malalabasan ang mga tao. Makakalaya ka lamang mula sa mga pang-iipit at paggapos ng mga damdamin sa pamamagitan ng pagtanggap sa katotohanan, hindi ba? (Oo.)

Bukod sa iba’t ibang ekspektasyon at diskarte ng mga magulang pagdating sa pag-aaral at pagpili ng propesyon ng kanilang mga anak, mayroon din silang iba’t ibang ekspektasyon ukol sa pag-aasawa, hindi ba? Ano-ano ang ilan sa mga ekspektasyong ito? Mangyaring ibahagi mo. (Kadalasan, sasabihin ng mga magulang sa kanilang mga anak na babae na ang kanilang mapapangasawa ay dapat mayaman, may bahay at sasakyan man lang, at kayang alagaan siya. Ibig sabihin, dapat nitong matugunan ang mga materyal na pangangailangan ng anak na babae at magkaroon din ng pagpapahalaga sa responsabilidad. Ito ang mga pamantayan sa pagpili ng asawa.) Ang ilan sa mga sinasabi ng mga magulang ay nagmumula sa sarili nilang mga karanasan, at bagamat nais lamang nila ang ikabubuti mo, mayroon pa ring mga isyu. Mayroon ding sariling mga opinyon at kagustuhan ang mga magulang pagdating sa kanilang mga ekspektasyon sa iyong pag-aasawa. Hinihingi nilang humanap ang kanilang mga anak ng isang mapapangasawa na, kahit papaano, ay may pera, katayuan, at kakayahan, at isang tao na malakas para hindi sila aapi-apihin ng ibang tao sa labas ng tahanan. At kung aapihin ka ng iba, dapat kaya niyang manindigan laban sa mga taong ito at protektahan ka. Maaaring sasabihin mo na, “Wala akong pakialam. Hindi ako materialistic na tao. Gusto ko lang makahanap ng isang taong magmamahal sa akin at mahal ko rin.” Sa ganitong pagkakataon, sasabihin ng iyong mga magulang, “Bakit ba napakahangal mo? Bakit ang hina ng isip mo? Bata ka pa at walang karanasan, hindi mo pa naiintindihan ang mga paghihirap sa buhay. Narinig mo na ba ang kasabihang ‘Lahat ay nagiging masama para sa isang dukhang mag-asawa’? Sa buhay, kailangan mo ng pera para dito at para doon; akala mo ba magkakaroon ka ng magandang buhay kung wala kang pera? Kailangan mong humanap ng isang taong mayaman at may kakayahan.” Sasagot ka ng, “Pero kahit ang mga taong mayaman at may kakayahan ay hindi rin maaasahan.” Sasagot ang iyong mga magulang ng, “Kahit hindi sila maaasahan, kailangan mo munang matugunan ang iyong mga pangunahing pangangailangan. Magkakaroon ka ng anumang gusto mong kainin at isuot, at makakakain at mabibihisan ka nang maayos, isang bagay na kaiinggitan ng lahat.” Sasagot ka, “Pero hindi magiging masaya ang aking kaluluwa.” Bilang tugon, sasabihin ng iyong mga magulang, “Ano nga ba ang kaluluwa? Nasaan ito? Ano ngayon kung hindi masaya ang iyong kaluluwa? Hangga’t maginhawa ang katawan mo, iyon ang mahalaga!” May ilang tao na, batay sa kanilang kasalukuyang sitwasyon sa buhay, ay nais manatiling walang asawa. Kahit na medyo matanda na sila, ayaw nilang makipag-date, lalo na ang mag-asawa. Dahil dito, nababahala ang kanilang mga magulang, kaya palagi silang hinihimok ng mga ito na mag-asawa. Naghahanda sila ng mga blind date at nagpapakilala ng mga potensiyal na mapapangasawa. Ginagawa nila ang lahat ng posibleng paraan para mabilis na makahanap ng isang taong nababagay at isang kagalang-galang na tao na mapapangasawa ng kanilang mga anak; kahit na hindi sila nababagay, kahit papaano ay dapat maganda ang kanilang mga kwalipikasyon, gaya ng pagiging isang taong nakapagtapos sa unibersidad, mayroong master’s o Ph.D., o kung hindi man ay nakapag-aral sa ibang bansa kahit papaano. Hindi matiis ng ibang tao ang pangungulit ng kanilang mga magulang. Sa simula, iniisip nila na magandang bagay ang walang asawa at sarili lamang nila ang kanilang aalagaan. Lalo na pagkatapos nilang sumampalataya sa Diyos, abalang-abala sila sa paggampan ng kanilang mga tungkulin araw-araw at wala silang oras para isipin ang mga bagay na ito, kaya hindi sila nakikipag-date at hindi rin sila mag-aasawa sa hinaharap. Gayunpaman, hindi nila malampasan ang pagsisiyasat ng kanilang mga magulang. Hindi pumapayag ang kanilang mga magulang, palagi silang hinihimok at pinipilit. Sa tuwing nakikita ng mga magulang ang kanilang mga anak, nagsisimula silang mangulit: “May dine-date ka ba ngayon? Mayroon ka bang nagugustuhan? Bilisan mo na at dalhin siya sa bahay para matingnan namin siya para sa iyo. Kung nababagay siya sa iyo, magpakasal ka na; hindi ka na bumabata! Ang mga babae ay hindi nag-aasawa paglampas sa edad na trenta at ang mga lalaki ay hindi naghahanap ng mapapangasawa paglampas sa edad na trenta’y singko. Ano ba ang ginagawa mo, baligtarin ang mundo? Sino ang mag-aalaga sa iyo kapag matanda ka na kung hindi ka mag-aasawa?” Laging nag-aalala ang mga magulang at inaabala nila ang kanilang sarili sa bagay na ito, nais nilang hanapin mo ang ganito o ganoong klase ng tao, itinutulak ka na mag-asawa at maghanap ng katuwang sa buhay. At pagkatapos mong mag-asawa, patuloy pa rin silang nanggugulo sa iyo: “Bilisan mo at mag-anak ka na habang bata pa ako. Aalagaan ko sila para sa iyo.” Sasabihin mo, “Hindi ko kailangang alagaan mo ang mga anak ko. Huwag kang mag-alala.” Sasagot sila ng, “Ano ang ibig mong sabihin sa ‘Huwag kang mag-alala’? Bilisan mo at mag-anak ka na! Kapag naipanganak na ang mga anak mo, ako na ang bahalang mag-alaga sa kanila para sa iyo. Kapag medyo malaki na sila, pwede ka nang pumalit sa pag-aalaga.” Anuman ang mga ekspektasyon ng mga magulang para sa kanilang mga anak—hindi mahalaga kung ano ang mga saloobin ng mga magulang o kung tama ba ang mga ekspektasyong ito—parati itong isang pasanin para sa mga anak. Kung talagang makikinig sila sa kanilang mga magulang, hindi sila magiging komportable at malulungkot sila. Kung hindi sila makikinig sa kanilang mga magulang, makokonsensiya sila: “Hindi naman mali ang mga magulang ko. Napakatanda na nila at hindi nila ako nakikitang nag-aasawa o nagkakaanak. Nalulungkot sila, kaya’t hinihimok nila akong mag-asawa at magkaroon ng mga anak. Responsabilidad din nila ito.” Kaya, pagdating sa pangangasiwa sa mga ekspektasyon ng mga magulang tungkol sa bagay na ito, sa kaloob-looban, palaging mayroong bahagyang pakiramdam ang mga tao na ito ay isang pasanin. Nakikinig man sila o hindi, tila mali ito, at sa alinmang paraan, pakiramdam nila ay lubhang kahiya-hiya at imoral na suwayin ang mga hinihingi o pagnanais ng kanilang mga magulang. Isa itong bagay na nagpapabigat sa kanilang konsensiya. May ilang magulang pa nga na nakikialam sa buhay ng kanilang mga anak: “Bilisan mo at mag-asawa ka na at magkaroon ng mga anak. Bigyan mo ako ng isang malusog na apong lalaki muna.” Sa ganitong paraan, sinusubukan pa nga nilang makialam sa kasarian ng sanggol. May mga magulang din na nagsasabing, “Mayroon ka nang anak na babae, bilisan mo at bigyan mo ako ng apo na lalaki, gusto ko ng apo na lalaki at apo na babae. Abala kayong mag-asawa sa pananampalataya sa Diyos at paggampan ng inyong mga tungkulin buong araw. Hindi ninyo ginagawa ang nararapat ninyong gawain; ang pagkakaroon ng mga anak ay isang malaking bagay. Hindi mo ba alam na, ‘Sa tatlong paglabag sa obligasyon sa magulang, ang hindi pagkakaroon ng anak ang pinakamalubha’? Sa tingin mo ba ay sapat na ang magkaroon ng anak na babae? Mabuti pang bilisan mo na at bigyan din ako ng apo na lalaki! Ikaw ang nag-iisang anak sa pamilya natin; kung hindi mo ako bibigyan ng apo na lalaki, hindi ba’t magiging katapusan na ng ating lahi?” Nag-iisip-isip ka, “Tama nga, kung sa akin matatapos ang lahi ng pamilya namin, hindi ba’t bibiguin ko lang ang aking angkan?” Kung gayon, mali ang hindi mag-asawa, at ang mag-asawa subalit hindi nagkakaroon ng mga anak ay mali rin; pero hindi rin sapat ang magkaroon ng anak na babae, dapat magkaroon ka ng anak na lalaki. May ilang tao na lalaki ang una nilang anak, pero sinasabi ng kanilang mga magulang na, “Hindi sapat ang isa lang. Paano kung may mangyari? Mag-anak ka pa ng isa para masamahan nila ang isa’t isa.” Pagdating sa kanilang mga anak, ang salita ng mga magulang ay batas at maaaring ganap silang hindi makatwiran, kaya nilang bigkasin ang pinakabaluktot na lohika—talagang hindi alam ng kanilang mga anak kung paano sila pakitunguhan. Pinanghihimasukan at pinupuna ng mga magulang ang buhay, trabaho, at pag-aasawa ng kanilang mga anak, pati na ang mga saloobin ng kanilang mga anak sa iba’t ibang bagay. Maaari lamang tiisin ng mga anak ang kanilang galit. Hindi sila pwedeng magtago mula sa kanilang mga magulang o umiwas sa mga ito. Hindi nila pwedeng pagalitan o turuan ang kanilang mga magulang—kaya, ano ang magagawa nila? Tinitiis nila ito, sinusubukang bihirang makipagkita sa kanilang mga magulang hangga’t maaari, at iniiwasan nilang pag-usapan ang mga isyung ito kung talagang kinakailangan nilang magkita. At kung talagang mababanggit ang mga usapin, agad nilang ititigil ito at magtatago sa isang lugar. Gayunpaman, may ilang tao na sumasang-ayon sa mga hinihingi ng kanilang mga magulang upang matugunan ang mga ekspektasyon ng kanilang mga magulang at hindi mabigo ang mga ito. Maaaring atubili kang magmamadali sa pakikipag-date, pag-aasawa, at pagkakaroon ng mga anak. Pero hindi sapat na magkaroon ng isang anak; dapat magkaroon ka ng mangilan-ngilang anak. Ginagawa mo ito para matugunan ang mga hinihingi ng iyong mga magulang at pasayahin at paligayahin sila. Hindi mahalaga kung matutugunan mo man ang mga kahilingan ng iyong mga magulang, ang kanilang mga hinihingi ay magiging problema para sa sinumang anak. Walang ginagawang anumang labag sa batas ang mga magulang mo, at hindi mo sila maaaring punahin, makipag-usap sa iba tungkol dito, o mangatwiran sa kanila. Habang pabalik-balik ka nang ganito, nagiging pasanin mo ang bagay na ito. Palagi mong nararamdaman na hangga’t hindi mo matugunan ang mga hinihingi ng iyong mga magulang na mag-asawa at mag-anak, hindi mo magagawang harapin ang iyong mga magulang at mga ninuno nang may malinis na konsensiya. Kung hindi mo pa natutugunan ang mga hinihingi ng iyong mga magulang—ibig sabihin, hindi ka pa nakipag-date, hindi ka pa nag-asawa, at hindi pa nagkaanak at hindi mo naipagpatuloy ang lahi ng pamilya gaya ng hiniling nila—makakaramdam ka ng kagipitan sa loob mo. Magiging maluwag lang nang kaunti ang pakiramdam mo kung sasabihin ng iyong mga magulang na hindi sila makikialam sa mga bagay na ito, bibigyan ka ng kalayaang tanggapin kung ano ang mangyayari. Gayunpaman, kung ang komento ng lipunan na nagmumula sa iyong mga kamag-anak, kaibigan, kaklase, kasamahan, at iba pa ay para kondenahin ka at pag-usapan ka habang ikaw ay nakatalikod, kung gayon, isa rin itong pasanin para sa iyo. Kapag ikaw ay 25 taong gulang na at walang asawa, sa tingin mo ay hindi ito gaanong mahalaga, pero kapag umabot ka na sa 30 taong gulang, magsisimula mong maramdaman na hindi ito gaanong maganda, kaya iiwasan mo ang mga kamag-anak at kapamilyang ito, at hindi ito babanggitin. At kung wala ka pang asawa sa edad na 35 taong gulang, sasabihin ng mga tao na, “Bakit wala ka pang asawa? May problema ba sa iyo? Medyo kakaiba ka talaga, ano?” Kung may asawa ka na pero ayaw mo ng mga anak, sasabihin nilang, “Bakit hindi ka nagkaanak pagkatapos mag-asawa? Ang ibang tao ay nag-aasawa at nagkakaroon ng anak na babae at pagkatapos ay anak na lalaki, o nagkakaroon sila anak na lalaki at pagkatapos ay anak na babae. Bakit ayaw mong magkaroon ng mga anak? Ano ang problema mo? Wala ka bang damdamin ng isang tao? Normal ka man lang ba?” Nagmumula man ito sa mga magulang o sa lipunan, ang mga isyung ito ay nagiging isang pasanin para sa iyo sa iba’t ibang kapaligiran at senaryo. Pakiramdam mo ay mali ka, lalo na sa iyong partikular na edad. Halimbawa, kung ikaw ay nasa pagitan ng trenta at singkwenta na edad at wala ka pa ring asawa, hindi ka na naglalakas-loob na makipagkita sa mga tao. Sasabihin nila, “Hindi nag-asawa kailanman sa buong buhay niya ang babaeng iyan, siya ay isang matandang dalaga, walang may gusto sa kanya, walang magpapakasal sa kanya.” “Ang lalaking iyan, hindi siya kailanman nagkaroon ng asawa sa buong buhay niya.” “Bakit hindi sila nag-asawa?” “Malay natin, baka may mali sa kanila.” Nagninilay-nilay ka, “Wala namang mali sa akin. Kaya, bakit wala pa akong asawa kung gayon? Hindi ko pinakinggan ang aking mga magulang at pinababayaan ko sila.” Sinasabi ng mga tao, “Walang asawa ang lalaking iyan, walang asawa ang babaeng iyan. Tingnan mo nga kung gaano kakaawa-awa ang mga magulang nila ngayon. Ang ibang mga magulang ay may mga apo na at mga apo sa tuhod, samantalang sila ay wala pa ring asawa. Malamang na may ginawang masama ang kanilang mga ninuno, ano? Hindi ba’t iniiwan nitong walang tagapagmana ang pamilya? Wala silang sinumang apo na magpapatuloy sa lahi ng kanilang pamilya. Anong problema ng pamilyang iyon?” Gaano man katibay ang iyong kasalukuyang saloobin, hangga’t ikaw ay isang mortal, ordinaryong tao, at wala kang sapat na katotohanan para maunawaan ang bagay na ito, sa malao’t madali ay aabalahin at guguluhin ka nito. Sa panahon ngayon, maraming tao sa lipunan na nasa edad 34 o 35 ang wala pa ring asawa, na hindi naman masyadong malaking isyu. Gayunpaman, sa edad na 35 o 36 pataas, mas kaunti na ang mga taong wala pang asawa. Batay sa kasalukuyang hanay ng edad ng mga taong wala pang asawa, kung ikaw ay wala pang 35 taong gulang, maaaring iisipin mo na, “Normal lang na wala pang asawa, walang nagsasabi ng kahit ano tungkol dito. Kung may gustong sabihin ang mga magulang ko, hayaan sila. Hindi ako natatakot.” Pero kapag lampas ka na sa edad na 35, mag-iiba ang tingin sa iyo ng mga tao. Sasabihin nila na ikaw ay wala pang asawa, matandang binata, o isang tira-tirang babae, at hindi mo ito matitiis. Ang bagay na ito ay magiging pasanin mo. Kung wala kang malinaw na pagkaunawa o tiyak na mga prinsipyo ng pagsasagawa para sa bagay na ito, sa malao’t madali, magiging abala ito para sa iyo, o magagambala nito ang buhay mo sa isang espesyal na panahon. Hindi ba’t kasama rito ang ilang katotohanan na dapat maunawaan ng mga tao? (Oo.)

Pagdating sa pag-aasawa at pagkakaroon ng mga anak, anong mga katotohanan ang kailangang maunawaan ng mga tao upang mabitiwan ang mga pasanin na hatid ng mga bagay na ito? Una sa lahat, ang pagpili ba ng mapapangasawa ay naitatakda ng kagustuhan ng tao? (Hindi.) Hindi naman maaaring basta-basta ka na lang makipagkita sa sinumang klase ng tao na nais mo, at lalong hindi rin ihahanda ng Diyos ang mismong klase ng tao na gusto mo. Sa halip, inorden na ng Diyos kung sino ang mapapangasawa mo; kung sino man ang itinadhana, siya ang mapapangasawa mo. Hindi mo kailangang maapektuhan ng anumang hadlang na dulot ng mga pangangailangan ng iyong mga magulang o ng mga kondisyong inihahain nila. Bukod dito, maitatakda ba ng mayaman at may mataas na katayuan na mapapangasawa na ipinapahanap sa iyo ng mga magulang mo, ang sarili mong kayamanan at katayuan sa hinaharap? (Hindi.) Hindi nito maitatakda iyon. May mangilan-ngilang babae na nakapag-asawa sa mayayamang pamilya para lang itaboy sa huli at mapilitang maghanap-buhay sa pamamagitan ng pamumulot ng mga basura sa kalsada. Sa patuloy na paghahangad na makaakyat sa itaas ng lipunan para sa kayamanan at katanyagan, nauuwi sila sa pagkasira at pagkawasak ng kanilang reputasyon, na mas malala pa kaysa sa mga ordinaryong tao. Ginugugol nila ang kanilang mga araw nang nagdadala ng isang mumurahing laundry bag para mangolekta ng mga plastik na bote at lata ng aluminyo, pagkatapos ay ipagpalit ang mga ito sa ilang piso, at sa huli ay bumibili sila ng isang tasa ng kape sa isang café para maramdaman nila na parang namumuhay pa rin sila bilang isang mayaman na tao. Napakamiserable! Ang pag-aasawa ay isang mahalagang pangyayari sa buhay ng tao. Katulad ng kung anong uri ng mga magulang ang nakatadhana para sa isang tao, ang pag-aasawa ay hindi batay sa mga pangangailangan ng iyong mga magulang o ng iyong pamilya, o sa iyong pansariling panlasa at mga gusto; ito ay ganap na nasa loob ng ordinasyon ng Diyos. Sa tamang panahon, makikilala mo ang tamang tao; sa angkop na oras, makikilala mo ang taong nababagay sa iyo. Ang lahat ng pagsasaayos na ito ng hindi nakikitang, mistikal na daigdig ay nasa ilalim ng kontrol at kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos. Sa bagay na ito, hindi kailangang sundin ng mga tao ang mga pagsasaayos ng iba, na patnubayan sila ng iba, o na manipulahin at impluwensiyahan ng mga ito. Kaya, pagdating sa pag-aasawa, anuman ang mga ekspektasyon ng iyong mga magulang, at anuman ang mga plano mo, hindi mo kailangang maimpluwensiyahan ng iyong mga magulang, o ng iyong sariling mga plano. Ang bagay na ito ay dapat ganap na nababatay sa salita ng Diyos. Hindi mahalaga kung naghahanap ka ng isang katuwang sa buhay o hindi—kahit na naghahanap ka, dapat ayon ito sa salita ng Diyos, hindi ayon sa mga hinihingi o pangangailangan ng iyong mga magulang, at hindi ayon sa kanilang mga ekspektasyon. Kaya, pagdating sa pag-aasawa, hindi dapat maging pasanin mo ang mga ekspektasyon ng iyong mga magulang. Ang paghahanap ng isang mapapangasawa ay tungkol sa pag-aako ng responsabilidad para sa nalalabing bahagi ng iyong sariling buhay at para sa iyong asawa; ito ay tungkol sa pagpapasakop sa mga pamamatnugot at pagsasaayos ng Diyos. Hindi ito tungkol sa pagtugon sa mga hinihingi ng iyong mga magulang o sa pagtupad ng kanilang mga ekspektasyon. Naghahanap ka man ng isang katuwang at kung anong uri ng katuwang ang hinahanap mo, hindi ito dapat nakabatay sa mga ekspektasyon ng iyong mga magulang. Walang karapatan ang iyong mga magulang na kontrolin ka sa bagay na ito; hindi sila binigyan ng Diyos ng karapatan na isaayos ang iyong pag-aasawa mula simula hanggang katapusan. Kung naghahanap ka ng mapapangasawa, dapat itong gawin ayon sa mga salita ng Diyos; kung pipiliin mong hindi maghanap ng mapapangasawa, kalayaan mo iyon. Sinasabi mo na: “Sa buong buhay ko, ginagampanan ko man ang aking mga tungkulin o hindi, gusto ko lang na hindi mag-asawa. Ang mamuhay nang mag-isa ay napakalaya—parang isang ibon, sa isang pagaspas ng aking mga pakpak ay makakalipad na ako nang ganoon-ganoon lang. Hindi ako nabibigatan ng isang pamilya at mag-isa lang ako kahit saan ako magpunta. Napakaganda! Mag-isa lang ako, pero hindi ako malungkot. Kasama ko ang Diyos, dinadamayan niya ako; hindi ako madalas na nalulungkot. Paminsan-minsan, pakiramdam ko ay nais kong ganap na magpahinga sa lahat, na siyang kailangan ng katawan. Hindi masama ang magkaroon ng ilang sandali ng ganap na pahinga. Paminsan-minsan, kapag hungkag o malungkot ang pakiramdam ko, lumalapit ako sa Diyos para magkaroon ng puso-sa-pusong pakikipag-usap sa Kanya at magbahagi ng ilang salita. Babasahin ko ang Kanyang mga salita, mag-aaral ng mga himno, manonood ng mga video ng patotoo ng mga karanasan sa buhay, at manonood ng mga pelikula mula sa sambahayan ng Diyos. Maganda ito, at hindi na ako nakakaramdam ng lungkot pagkatapos. Hindi ko iniinda kung magiging malungkot ako kalaunan o hindi. Ano’t anuman, hindi ako malungkot ngayon; maraming kapatid sa paligid ko na makakausap ko nang taos-puso. Ang paghahanap ng isang mapapangasawa ay medyo nakakaabala. Hindi maraming normal na tao ang taimtim na nakapamumuhay nang magandang buhay, kaya ayaw kong maghanap ng mapapangasawa. Kung may mahahanap ako at hindi kami magkakasundo at maghihiwalay kami, ano na lang ang silbi ng lahat ng abalang iyon? Dahil malinaw ko nang naunawaan ang puntong ito, mas mabuti para sa akin na hindi maghanap ng katuwang sa buhay. Kung ang layon ng paghahanap ng isang mapapangasawa ay para lamang sa pansamantalang kaligayahan at kagalakan, at sa huli ay maghihiwalay rin naman kayo, abala lang iyon, at hindi ako handang magtiis sa ganoong abala. Tungkol naman sa isyu ng pagkakaroon ng mga anak, bilang isang tao—at hindi lamang isang kasangkapan sa paggawa ng mga tagapagmana—hindi ko responsabilidad o obligasyon na ipagpatuloy ang anumang angkan ng pamilya. Ang sinumang gustong magpatuloy nito ay maaaring gawin ito. Walang apelyido na pag-aari ng isang tao lamang.” Ano ba ang problema kung mapuputol ang angkan ng pamilya? Hindi ba’t usapin lamang ito ng mga apelyido ng laman? Walang ugnayan sa isa’t isa ang mga kaluluwa; wala silang mana o pagpapatuloy sa isa’t isa na pag-uusapan. Ang sangkatauhan ay may iisang ninuno; ang bawat isa ay inapo ng ninunong iyon, kaya’t walang pagdududa sa pagtatapos ng lahi ng sangkatauhan. Ang pagpapatuloy ng lahi ay hindi mo responsabilidad. Ang pagtahak sa tamang landas sa buhay, ang pamumuhay nang malaya at may liberasyong buhay, at ang pagiging isang tunay na nilikha ang dapat na hinahangad ng mga tao. Ang pagiging isang makina para sa pagpaparami ng sangkatauhan ay hindi isang pasanin na dapat mong dalhin. Hindi mo rin responsabilidad na magparami o magpatuloy ng isang angkan ng pamilya alang-alang sa ilang pamilya. Hindi binigay sa iyo ng Diyos ang responsabilidad na ito. Ang sinumang gustong magkaanak ay maaaring gawin iyon at mag-anak; ang sinumang gustong ipagpatuloy ang kanilang angkan ay maaaring gawin iyon; ang sinumang handang umako sa responsabilidad na iyon ay maaaring akuin ito; wala itong kinalaman sa iyo. Kung ayaw mong akuin ang responsabilidad na iyon at ayaw mong tuparin ang obligasyong ito, ayos lang iyon, karapatan mo ito. Hindi ba’t tama ito? (Oo.) Kung patuloy kang kinukulit ng iyong mga magulang, sabihin mo sa kanila: “Kung ikinasasama ng loob mo na hindi ako nag-aanak at nagpapatuloy ng lahi ng pamilya para sa inyo, maghanap kayo ng paraan para magkaroon ng isa pang anak at hayaan ninyo silang magpatuloy nito. Tutal, hindi ko na problema ang bagay na ito; pwede mo itong ipasa sa kahit sinong gusto mo.” Pagkatapos mong sabihin ito, hindi ba’t walang maisasagot ang iyong mga magulang? Pagdating sa pag-aasawa at pagkakaroon ng mga anak ng kanilang mga anak, dapat malaman ng mga magulang, nananampalataya man sila sa Diyos o hindi, na sa kanilang katandaan, ang yaman o kahirapan ng isang tao, ang dami ng mga anak, at ang katayuan sa pag-aasawa sa buhay ay itinatakda ng Langit; ang lahat ng ito ay nakaayos na nang maaga, at hindi ito isang bagay na mapagpapasyahan ng sinuman. Samakatuwid, kung sapilitang hinihingi ng mga magulang ang mga bagay-bagay mula sa kanilang mga anak sa ganitong paraan, walang dudang sila ay mga mangmang na magulang, sila ay mga hangal at walang alam. Kapag nakikitungo sa mga hangal at walang alam na magulang, ituring mo na lang ang kanilang sinasabi na parang isang buga ng hangin at hayaan itong pumasok sa isang tenga at lumabas sa kabila, at iyon na iyon. Kung masyado silang nangungulit, maaari mong sabihin na, “Sige, ipinapangako ko sa iyo, magpapakasal ako bukas, magkakaroon ng anak sa makalawa, at hahayaan kang kargahin ang isang apo sa tuhod sa araw kasunod niyon. Ano sa tingin mo?” Balewalain mo lang sila at pagkatapos ay tumalikod ka at lumayo. Hindi ba’t mahinahon na paraan iyon ng pagharap dito? Sa alinmang paraan, kailangan mong maunawaan nang lubusan ang bagay na ito. Pagdating sa pag-aasawa, isantabi muna natin ang katunayan na ang pag-aasawa ay inorden ng Diyos. Ang saloobin ng Diyos sa bagay na ito ay ang pagkalooban ang mga tao mismo ng karapatang pumili. Maaari mong piliin na hindi mag-asawa, o maaari kang mag-asawa; pwede mong piliing mamuhay bilang mag-asawa, o pwede mong piliing magkaroon ng isang buo at malaking pamilya. Malaya kang gawin ito. Anuman ang basehan mo sa paggawa ng mga pasyang ito o anuman ang layon o resulta na gusto mong matamo, sa madaling salita, ibinibigay sa iyo ng Diyos ang karapatang ito; may karapatan kang pumili. Kung sasabihin mo na, “Masyado akong abala sa pagtupad ng aking mga tungkulin, bata pa ako, at ayaw kong mag-asawa. Gusto kong manatiling walang asawa, igugol ang aking sarili para sa Diyos sa lahat ng oras, at gampanan nang maayos ang aking mga tungkulin. Saka ko na lang haharapin ang malaking isyu ng pag-aasawa—kapag ako ay singkwenta na at nalulungkot, kapag marami na akong gustong sabihin pero wala akong mapagsasabihan, at saka ako maghahanap ng isang tao,” ayos lang din iyon, at hindi ka kokondenahin ng Diyos. Kung sasabihin mo na, “Pakiramdam ko ay lumilipas na ang aking kabataan, kailangan kong samantalahin ang huling bahagi ng aking kabataan. Habang bata pa ako at may hitsura pa at medyo kaakit-akit, dapat akong magmadali at maghanap ng katuwang na makakasama at makakausap ko, isang taong magpapahalaga at magmamahal sa akin, na siyang makakasama ko sa aking mga araw at mapapangasawa,” karapatan mo rin ito. Siyempre, may isang bagay: Kung nagpasya kang mag-asawa, kailangan mo munang maingat na isaalang-alang kung anong mga tungkulin ang kasalukuyan mong ginagampanan sa iglesia, kung ikaw ay isang lider o manggagawa, kung napili ka para sa paglilinang sa loob ng sambahayan ng Diyos, kung nagsasagawa ka ba ng mahalagang gawain o mga tungkulin, anong mga gampanin ang kasalukuyan mong natanggap, at ano ang mga kasalukuyan mong sitwasyon. Kung mag-aasawa ka, maaapektuhan ba nito ang iyong pagganap sa mga tungkulin? Maiimpluwensiyahan din ba nito ang iyong paghahangad sa katotohanan? Maaapektuhan ba nito ang iyong gawain bilang lider o manggagawa? Maaapektuhan ba nito ang pagtamo mo ng kaligtasan? Lahat ng ito ay mga katanungang dapat mong isaalang-alang. Bagamat binigyan ka ng Diyos ng ganitong karapatan, kapag ginamit mo ang karapatang ito, kailangan mong maingat na isaalang-alang kung anong pasya ang iyong gagawin at anong mga kahihinatnan ang maaaring idulot ng pasyang ito. Anuman ang mga kahihinatnang lilitaw, hindi mo dapat sisihin ang iba, ni sisihin ang Diyos. Dapat mong panagutan ang mga kahihinatnan ng iyong sariling mga pasya. Sinasabi ng ilang tao na: “Hindi lamang ako mag-aasawa, kundi gusto ko ring magkaroon ng maraming anak. Pagkatapos magkaroon ng anak na lalaki, magkakaroon ako ng anak na babae, at masaya kaming mamumuhay bilang isang pamilya habang-buhay, sinasamahan ang isa’t isa nang masaya at magkasundo. Magtitipon-tipon ang aking mga anak sa paligid ko kapag matanda na ako para alagaan nila ako, at tatamasahin ko ang kaligayahan ng buhay pamilya. Magiging napakaganda niyon! Tungkol naman sa paggampan ko sa aking mga tungkulin, paghahangad sa katotohanan, at pagkamit ng kaligtasan, lahat ng iyan ay pangalawa lamang. Hindi ako nababahala sa mga bagay na iyan sa ngayon. Uunahin ko muna ang isyu ng pagkakaroon ng mga anak.” Karapatan mo rin iyan. Gayunpaman, anuman ang mga kahihinatnan ng iyong pasya sa huli, mapait o matamis man ang mga ito, maasim o hanglay, ikaw mismo ang dapat pumasan sa mga ito. Walang sinumang papasan sa mga kahihinatnan ng iyong mga pasya o mananagot sa mga ito, pati na ang Diyos. Naiintindihan mo ba? (Oo.) Malinaw nang naipaliwanag ang mga bagay na ito. Tungkol naman sa pag-aasawa, dapat mong bitiwan ang mga pasaning dapat mong bitiwan. Kalayaan mong piliin na hindi mag-asawa, kalayaan mo rin na piliing pumasok sa pag-aasawa, at ang pagpili na magkaroon ng maraming anak ay kalayaan mo rin. Anuman ang iyong pipiliin, ito ay kalayaan mo. Sa isang banda, ang pagpiling pumasok sa pag-aasawa ay hindi nangangahulugan na nasuklian mo na ang kabutihan ng iyong mga magulang o natupad na ang iyong tungkulin bilang anak; siyempre, ang piliing hindi mag-asawa ay hindi rin nangangahulugan na sinasalungat mo ang iyong mga magulang. Sa kabilang banda, ang pagpiling mag-asawa o magkaroon ng maraming anak ay hindi paghihimagsik laban sa Diyos, ni pagsalungat sa Kanya. Hindi ka kokondenahin dahil dito. Hindi rin magiging dahilan ang pagpiling hindi mag-asawa na magkakaloob sa iyo ang Diyos ng kaligtasan sa huli. Sa madaling salita, ikaw man ay walang asawa, may asawa, o mayroong maraming anak, hindi itatakda ng Diyos batay sa mga salik na ito kung maliligtas ka ba sa huli. Hindi tinitingnan ng Diyos ang iyong katayuan sa pag-aasawa; tinitingnan lamang Niya kung hinahangad mo ba ang katotohanan, ang iyong saloobin sa pagganap ng iyong mga tungkulin, kung gaano karaming katotohanan ang iyong tinanggap at kung sa gaano karaming katotohanan ka nagpasakop, at kung kumikilos ka ba ayon sa mga katotohanang prinsipyo. Sa huli, isasantabi rin ng Diyos ang iyong katayuan sa pag-aasawa upang suriin ang landas sa buhay, ang mga prinsipyong ipinamumuhay mo, at ang mga patakarang sinusunod mo sa pag-iral, upang matukoy kung ikaw ba ay maliligtas. Siyempre, may isang katunayan na dapat banggitin. Para sa mga walang asawa o sa mga hiwalay na, tulad niyong mga hindi nag-asawa o umalis sa buhay may asawa, may isang bagay na kapaki-pakinabang para sa kanila, at ito ay ang hindi nila kinakailangang maging responsable para sa sinuman o sa anumang bagay sa loob ng buhay may asawa. Hindi nila kailangang pasanin ang mga responsabilidad at obligasyon na ito, kaya’t medyo mas malaya sila. Mas maluwag ang kanilang oras, mas marami ang kanilang enerhiya, at higit na may personal na kalayaan sa ilang aspekto. Halimbawa, bilang isang taong nasa hustong gulang, kapag lumalabas ka para gampanan ang iyong mga tungkulin, walang makakapigil sa iyo—kahit ang iyong mga magulang ay walang ganitong karapatan. Ikaw mismo ay nagdarasal sa Diyos, gagawa Siya ng mga pagsasaayos para sa iyo, at maaari kang mag-impake at umalis. Ngunit kung ikaw ay may asawa at pamilya, hindi ka gaanong malaya. Kailangan mong maging responsable sa kanila. Una sa lahat, pagdating sa mga kalagayan ng pamumuhay at mga pinansiyal na mapagkukunan, kahit papaano ay kailangan mong magbigay ng pagkain at damit para sa kanila, at kapag bata pa ang iyong mga anak, dapat mo silang ipasok sa paaralan. Dapat mong pasanin ang mga responsabilidad na ito. Sa mga sitwasyong ito, hindi malaya ang taong may asawa dahil mayroon silang mga obligasyon sa lipunan at pamilya na kailangan nilang tuparin. Mas simple ang buhay para sa mga walang asawa at walang anak. Kapag ginagampanan ang kanilang mga tungkulin sa sambahayan ng Diyos, hindi sila magugutom o lalamigin; magkakaroon sila ng pagkain at tirahan. Hindi nila kailangang magpakaabala sa pagkita ng pera at pagtatrabaho dahil sa mga pangangailangan ng buhay-pamilya. Iyon ang pagkakaiba. Sa huli, pagdating sa pag-aasawa, pareho pa rin ang punto: Wala ka dapat na dinadalang anumang pasanin. Ito man ay mga ekspektasyon ng iyong mga magulang, mga tradisyonal na pananaw mula sa lipunan, o iyong mga sariling labis na pagnanais, wala ka dapat na anumang pasanin. Karapatan mo na piliing hindi mag-asawa o pumasok sa buhay may asawa, at karapatan mo rin na magpasya kung kailan iiwan ang buhay na walang asawa at kung kailan papasok sa pag-aasawa. Walang tiyak na paghatol ang Diyos sa usaping ito. Tungkol naman sa kung gaano karami ang anak mo pagkatapos pumasok sa buhay may asawa, ito ay pauna nang itinalaga ng Diyos, ngunit maaari ka ring magpasya para sa iyong sarili batay sa iyong aktuwal na mga sitwasyon at paghahangad. Hindi ka papatawan ng Diyos ng mga patakaran. Ipagpalagay na isa kang milyonaryo, multimilyunaryo, o bilyonaryo, at sinasabi mo na, “Hindi problema para sa akin ang magkaroon ng walo o sampung anak. Hindi makokompromiso ng pagpapalaki ng maraming anak ang lakas ko sa pagganap ng aking mga tungkulin.” Kung hindi ka natatakot sa abala, sige, gawin mo at magkaroon ka ng maraming anak; hindi ka kokondenahin ng Diyos. Hindi babaguhin ng Diyos ang Kanyang saloobin patungkol sa iyong kaligtasan dahil lang sa mga saloobin mo sa pag-aasawa. Ganoon iyon. Malinaw ba ito? (Oo.) May isa pang aspekto, at ito ay kung kasalukuyan mong pinipili na hindi mag-asawa, hindi ka dapat makaramdam na mas nakatataas ka dahil lang sa wala kang asawa, sinasabi mo na: “Kabilang ako sa mga taong matataas ang antas na wala pang asawa at may karapatan akong unahing iligtas sa presensiya ng Diyos.” Hindi ka binigyan ng Diyos ng ganitong pribilehiyo, naiintindihan mo? Maaring sasabihin mo na, “May asawa ako. Mas mababa ba ako dahil doon?” Hindi ka mas mababa. Miyembro ka pa rin ng tiwaling sangkatauhan; hindi ka ibinaba o niyurakan dahil lang sa pumasok ka sa pag-aasawa, hindi ka rin naging mas tiwali, mas mahirap iligtas, o mas nakakasakit sa puso ng Diyos kaysa sa iba, na nagiging dahilan para ayaw kang iligtas ng Diyos. Lahat ng ito ay maling kaisipan at pananaw ng mga tao. Ang katayuan ng isang tao sa pag-aasawa ay walang kinalaman sa saloobin ng Diyos sa kanya, wala ring kinalaman ang katayuan ng isang tao sa pag-aasawa kung maliligtas ba siya sa huli. Kung gayon, saan nauugnay ang pagkamit ng kaligtasan? (Ito ay batay sa saloobin ng isang tao sa pagtanggap sa katotohanan.) Tama, ito ay batay sa saloobin ng isang tao sa pagtrato at pagtanggap sa katotohanan, at kung kaya ba niyang gamitin ang mga salita ng Diyos bilang batayan at ang katotohanan bilang pamantayan para tingnan ang mga tao at bagay at para umasal at kumilos. Ito ang batayan sa pagsukat ng huling kalalabasan ng isang tao. Ngayong umabot na tayo sa puntong ito ng ating pagbabahaginan, kaya mo bang bitiwan ang mga pasanin na dulot ng isyu ng pag-aasawa? (Oo.) Ang kakayahang bitiwan ang mga ito ay makakabuti sa iyong paghahangad sa katotohanan. Kung hindi ka naniniwala rito, pwede mong tanungin ang mga taong nag-asawa tungkol sa kanilang pag-asang makatanggap ng kaligtasan, at sasabihin nila, “May asawa ako sa loob ng napakaraming taon at naghiwalay kami dahil sa aking pananampalataya sa Diyos. Hindi ako mangangahas na sabihin na maliligtas ako.” Maaari mong tanungin ang mga medyo mas matatandang kabataan na nasa edad na trenta na hindi pa nakapag-asawa, pero sa loob ng maraming taon na nanampalataya sila, hindi nila hinangad ang katotohanan at para silang mga walang pananampalataya. Maaari mo silang tanungin, “Maaari ka bang maligtas sa pamamagitan ng pananampalataya sa Diyos sa ganitong paraan?” Hindi rin sila mangangahas na sabihin na maliligtas sila. Hindi ba’t ganito ang nangyayari? (Oo.)

Ito ang mga katotohanang dapat maunawaan ng mga tao tungkol sa pag-aasawa. Wala sa mga paksang pinagbahaginan natin ang maipapaliwanag nang malinaw sa ilang salita lamang. May maraming iba’t ibang katunayan na dapat suriin, pati na ang mga sitwasyon ng iba’t ibang uri ng tao. Batay sa iba’t ibang sitwasyong ito, ang mga katotohanang dapat maunawaan ng mga tao ay hindi maipapaliwanag nang malinaw sa ilang salita lamang. Sa bawat problema, mayroong mga katotohanang dapat maunawaan ng mga tao, pati na mga makatotohanang realidad na dapat maunawaan ng mga tao, at mas higit pa sa mga nakalilinlang na kaisipan at pananaw na kinikimkim ng mga tao, na dapat ding maunawaan. Siyempre, ang mga nakalilinlang na kaisipan at pananaw na ito ang mga bagay na dapat bitiwan ng mga tao. Kapag binitiwan mo ang mga bagay na ito, magiging medyo positibo at tumpak ang iyong mga kaisipan at pananaw sa isang bagay. Pagkatapos, kapag muli kang naharap sa ganitong uri ng isyu, hindi ka na mapipigilan nito; hindi ka na mapipigilan at maiimpluwensiyahan ng ilang nakalilinlang at kakatwang kaisipan at pananaw. Hindi ka na magagapos o maaabala nito; sa halip, mahaharap mo na nang maayos ang isyung ito, magiging medyo tumpak ang iyong pagsusuri sa iba o sa iyong sarili. Ito ang positibong resulta na maaaring taglayin ng mga tao kapag tinitingnan nila ang mga tao at bagay, kapag umaasal sila, at kumikilos ayon sa mga salita ng Diyos at sa mga katotohanang prinsipyo. Sige na, tapusin na natin dito ang ating pagbabahaginan sa araw na ito. Paalam na!

Abril 1, 2023

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.