Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan 16 (Ikatlong Bahagi)
Mayroon pang isang aspekto ng mga ekspektasyon ng mga magulang para sa kanilang mga anak, at ito ay ang magmana sa negosyo ng pamilya o kalakalan ng mga ninuno. Halimbawa, ang ilang pamilya ay mga pamilya ng mga pintor; ang patakarang ipinasa mula sa kanilang mga ninuno ay dapat na mayroong isang tao sa bawat henerasyon na magmamana ng negosyong ito ng pamilya at magpapatuloy sa tradisyon ng pamilya. Sabihin natin na, sa iyong henerasyon, napunta sa iyo ang papel na ito, pero ayaw mo sa pagpipinta at wala kang hilig dito; mas gusto mong mag-aral ng mga mas simpleng paksa. Sa gayong sitwasyon, may karapatan kang tumanggi. Hindi ka obligadong manahin ang mga tradisyon ng iyong pamilya, at wala ka ring obligasyon na manahin ang negosyo ng pamilya o ang kalakalan ng mga ninuno, tulad ng martial arts, isang partikular na kagalingan o kasanayan, at iba pa. Hindi ka obligadong ipagpatuloy ang hinihiling nila sa iyo na manahin. Sa ibang pamilya, ang bawat henerasyon ay kumakanta ng opera. Sa iyong henerasyon, hinihikayat ka ng iyong mga magulang na matutong kumanta ng opera mula pa sa murang edad. Natutunan mo nga ito, pero sa kaibuturan ng iyong puso, hindi mo ito gusto. Kaya, kung papipiliin ka ng isang propesyon, talagang hindi ka lalahok sa anumang propesyon na may kaugnayan sa opera. Hindi mo gusto ang propesyong ito mula sa kaibuturan ng iyong puso; sa ganoong kaso, may karapatan kang tumanggi. Dahil ang iyong kapalaran ay wala sa mga kamay ng iyong mga magulang—ang gusto mong propesyon, ang mga pinagtutuunan mo ng hilig, kung ano ang gusto mong gawin, at kung anong uri ng landas ang gusto mong tahakin, ay lahat nasa mga kamay ng Diyos. Lahat ng ito ay pinapatnugutan ng Diyos, hindi ng sinumang miyembro ng iyong pamilya at lalong hindi ng iyong mga magulang. Ang papel na ginagampanan ng mga magulang sa buhay ng sinumang anak ay ang maging tagapag-alaga, mag-aruga, at maging kasama lamang habang lumalaki ang anak. Sa mas mabubuting kaso, nakakapagbigay ang mga magulang ng positibong patnubay, edukasyon, at direksiyon sa kanilang mga anak. Ito lamang ang papel na maaari nilang gampanan. Sa sandaling lumaki ka na at matutong magsarili, ang papel ng iyong mga magulang ay ang maging isang emosyonal na sandigan at tagasuporta lamang. Ang araw na nakapagsasarili ka na sa pag-iisip at pamumuhay ay ang araw na natupad na ang mga responsabilidad at obligasyon sa iyo ng iyong mga magulang; ang iyong relasyon sa kanila ay nagbago na mula sa pagiging guro at estudyante, tagapangalaga at inaalagaan. Hindi ba’t ganito talaga ito? (Oo.) Ang magulang, kamag-anak, at kaibigan ng ilang tao ay hindi nananampalataya sa Diyos; sila lang mismo ang nananampalataya sa Diyos. Ano ang nangyayari dito? Ito ay may kinalaman sa pag-oorden ng Diyos. Hinirang ka ng Diyos, hindi sila; ginagamit ng Diyos ang kanilang mga kamay para palakihin ka hanggang sa hustong gulang at pagkatapos ay dinadala ka sa pamilya ng Diyos. Bilang isang anak, ang saloobing dapat mong panghawakan ukol sa mga ekspektasyon ng iyong mga magulang ay ang kilatisin kung ano ang tama at mali. Kung ang pagtrato nila sa iyo ay hindi naaayon sa mga salita ng Diyos o sa katunayan na “ang kapalaran ng mga tao ay nasa mga kamay ng Diyos,” maaari mong tanggihan ang kanilang mga ekspektasyon at mangatwiran sa iyong mga magulang para maintindihan nila. Kung ikaw ay isang menor de edad pa at pilit ka nilang sinusupil, ipinapagawa sa iyo ang hinihingi nila, maaari ka lamang manalangin nang tahimik sa Diyos at hayaan Siyang magbukas ng daan para sa iyo. Ngunit kung ikaw ay nasa hustong gulang na, talagang maaari mong sabihin sa kanila: “Hindi, hindi ko kailangang mamuhay ayon sa paraan na itinakda mo para sa akin. Hindi ko kailangang piliin ang aking landas sa buhay, ang aking paraan ng pag-iral, at ang aking layon ng paghahangad ayon sa paraan na itinakda mo para sa akin. Natupad na ang inyong obligasyon na palakihin ako. Kung magkakasundo tayo at magkakaroon ng mga parehong paghahangad at layon, maaaring manatili ang ating relasyon gaya ng dati; ngunit kung hindi na tayo pareho ng mga adhikain at layon, maaari na lang tayong magpaalam sa isa’t isa sa ngayon.” Ano sa tingin mo? Maglalakas-loob ka bang sabihin ito? Siyempre, hindi naman kailangang pormal na putulin ang ugnayan ninyo ng iyong mga magulang sa ganitong paraan, ngunit kahit papaano, sa kaibuturan ng iyong puso, dapat mong malinaw na makita ang puntong ito: Bagamat ang iyong mga magulang ang mga taong pinakamalapit sa iyo, hindi sila ang tunay na nagbigay sa iyo ng buhay, ang nagbigay-daan sa iyo na tahakin ang tamang landas sa buhay, at ang nagpaunawa sa iyo sa lahat ng prinsipyo ng pag-asal. Ito ay ang Diyos. Hindi ka kayang bigyan ng iyong mga magulang ng katotohanan o ng anumang tamang payo na may kinalaman sa katotohanan. Kaya, pagdating sa relasyon mo sa iyong mga magulang, gaano man kalaki ang naipuhunan nila sa iyo, o gaano man karaming pera at pagsisikap ang naigugol nila sa iyo, hindi mo kailangang pasanin ang anumang pakiramdam ng pagkakonsensiya. Bakit? (Dahil ito ang responsabilidad at obligasyon ng mga magulang. Kung ginagawa ng mga magulang ang lahat ng ito para mamukod-tangi ang kanilang mga anak sa mga kasamahan ng mga ito at alang-alang sa pagtupad sa mga sariling kahilingan ng mga magulang, ang mga ito ay mga sarili nilang intensiyon at motibo; hindi ito ang inorden ng Diyos na gawin nila. Kaya, hindi kailangang makonsensiya.) Ito ay isang aspekto lamang. Ang isa pang aspekto ay na kasalukuyan mong tinatahak ang tamang landas, hinahangad mo ang katotohanan, at humaharap ka sa Lumikha para gampanan ang mga tungkulin ng isang nilikha; samakatuwid, hindi ka dapat makaramdam ng pagkakonsensiya sa kanila. Ang responsabilidad sa iyo na sa tingin nila ay natupad na ay bahagi lamang ng mga pagsasaayos ng Diyos. Kung masaya ka sa panahong pinalaki ka nila, iyon ay espesyal na pabor para sa iyo. Kung hindi ka masaya, siyempre, iyon ay pagsasaayos din ng Diyos. Dapat kang magpasalamat na pinahintulutan ka ngayon ng Diyos na lumisan at na makita nang malinaw ang diwa ng iyong mga magulang at kung anong klaseng mga tao sila. Dapat kang magkaroon ng tumpak na pagkaunawa sa lahat ng ito mula sa kaibuturan ng iyong puso, pati na rin ng tumpak na solusyon at paraan sa pagharap dito. Sa ganitong paraan, hindi ba’t mas nagiging mahinahon ka sa kaibuturan? (Oo.) Kung mas matiwasay ang pakiramdam mo, maganda iyon. Ano’t anuman, sa mga usaping ito, anuman ang mga hinihingi ng iyong mga magulang sa iyo noon o ngayon, dahil nauunawaan mo na ang katotohanan at ang mga layunin ng Diyos, at dahil nauunawaan mo kung ano ang hinihingi ng Diyos na dapat gawin ng mga tao—pati na rin kung ano ang mga kahihinatnang idinudulot sa iyo ng mga ekspektasyon ng iyong mga magulang—hindi ka na dapat mabigatan tungkol sa usaping ito sa anumang paraan. Hindi mo kailangang maramdaman na binigo mo ang iyong mga magulang, o maramdaman na dahil pinili mong manampalataya sa Diyos at gampanan ang iyong mga tungkulin, nabigo kang magbigay ng mas magandang buhay sa iyong mga magulang at nabigo kang samahan sila at tuparin ang responsabilidad ng pagiging mabuting anak sa kanila, na nagparamdam sa kanila ng emosyonal na kahungkagan. Hindi mo kailangang makonsensiya tungkol dito. Ang mga ito ang mga pasanin na idinudulot ng mga magulang sa kanilang mga anak, at pawang mga bagay na dapat mong bitiwan. Kung tunay kang nananalig na ang lahat ng bagay ay nasa mga kamay ng Diyos, dapat kang manalig na nasa mga kamay rin ng Diyos ang isyu ng kung gaano katinding hirap ang kanilang dinaranas at kung gaano sila kasaya sa buong buhay nila. Mabuting anak ka man o hindi, hindi nito mababago ang anumang bagay—hindi mababawasan ang pagdurusa ng iyong mga magulang dahil ikaw ay mabuting anak, at hindi sila higit na magdurusa dahil hindi ka mabuting anak. Matagal nang inorden ng Diyos ang kanilang kapalaran, at wala rito ang magbabago dahil sa iyong saloobin sa kanila o sa lalim ng damdamin sa pagitan ninyo. Mayroon silang sarili nilang kapalaran. Sila man ay mahirap o mayaman sa kanilang buong buhay, nagiging maayos man ang takbo ng mga bagay-bagay para sa kanila, o anumang uri ng kalidad ng buhay, mga materyal na benepisyo, katayuan sa lipunan, at kalagayan sa pamumuhay ang tinatamasa nila, wala rito ang may gaanong kinalaman sa iyo. Kung nakokonsensiya ka sa kanila, kung pakiramdam mo ay may utang ka sa kanila, at na dapat kang nasa tabi nila, ano ang magbabago kahit na nasa tabi ka pa nila? (Wala namang magbabago.) Maaaring malinis at malaya ang iyong konsensiya. Ngunit kapag nasa tabi ka nila araw-araw, nakikita sila na hindi nananampalataya sa Diyos, naghahangad ng mga makamundong bagay, at nakikilahok sa mga walang kuwentang pag-uusap at tsismis, ano ang mararamdaman mo? Magiging komportable ka ba sa puso mo? (Hindi.) Mababago mo ba sila? Maliligtas mo ba sila? (Hindi.) Kung magkakasakit sila, at mayroon kang kakayahang alagaan sila sa tabi ng kanilang kama at ibsan nang kaunti ang kanilang pagdurusa, binibigyan sila ng kaunting ginhawa bilang kanilang anak, sa sandaling gumaling sila, makakaramdam din sila ng pisikal na kaginhawahan. Ngunit kung babanggitin mo ang isang bagay tungkol sa pananampalataya sa Diyos, maaari ka nilang sagutin ng walo o sampung kontra-argumento, bumibigkas ng mga maling paniniwala na sobrang kasuklam-suklam para pagsasawaan mo sa dalawang habang buhay. Sa panlabas, maaaring mapayapa ang iyong konsensiya, at maaaring nararamdaman mo na hindi naging walang saysay ang pagpapalaki nila sa iyo, na hindi ka isang walang malasakit na walang utang na loob, at na hindi mo binigyan ang iyong mga kapitbahay ng anumang bagay na pagtatawanan. Ngunit dahil lamang sa mapayapa ang iyong konsensiya, ibig bang sabihin niyon ay tunay mong tinatanggap ang kanilang iba’t ibang ideya, pananaw, perspektiba sa buhay, at mga paraan ng pamumuhay mula sa kaibuturan ng iyong puso? Tunay ba kayong magkatugma? (Hindi.) Ang dalawang uri ng mga tao na tumatahak sa magkaibang landas at may magkaibang pananaw, sa kabila ng anumang pisikal o emosyonal na ugnayan o koneksiyon na mayroon sila, hindi nila mababago ang pananaw ng kahit aling panig. Ayos lang kung hindi magkasamang tinatalakay ng magkabilang panig ang mga bagay-bagay, ngunit sa sandaling pinag-uusapan nila ang mga bagay-bagay, nagsisimula silang magtalo, lumilitaw ang mga alitan, at kamumuhian nila ang isa’t isa at magsasawa sa isa’t isa. Bagamat sa panlabas ay magkadugo sila, sa loob-loob ay magkaaway sila, dalawang uri ng mga tao na hindi magkasundo gaya ng tubig at apoy. Sa ganoong lagay, kung nananatili ka pa rin sa tabi nila, para saan mo ba ito ginagawa? Naghahanap ka lang ba ng isang bagay na ikasasama ng loob mo, o may iba pang dahilan? Sa tuwing magkikita kayo, makakaramdam ka ng pagsisisi, at ito ay tinatawag na pagpapahirap sa sarili. Iniisip ng ilang tao na: “Matagal na panahon na mula nang huli kong makita ang aking mga magulang. Noon, may mga ginawa silang kasuklam-suklam na bagay, nilalapastangan ang Diyos at sinasalungat ang aking pananampalataya sa Diyos. Mas matanda na sila ngayon; tiyak na nagbago na sila. Kaya, hindi ko na dapat masyadong pagtuunan ng pansin ang masasamang bagay na ginawa nila; sabagay, halos nakalimutan na rin ang lahat ng iyon. Dagdag pa rito, kapwa sa emosyonal na antas at dahil sa pagkakonsensiya, nangungulila ako sa kanila, at napapaisip ako kung kamusta na sila. Kaya, sa tingin ko ay uuwi ako para kumustahin sila.” Subalit, sa loob ng isang araw ng pag-uwi, muling umusbong ang pagkasuklam na naramdaman mo sa kanila noon, at pinagsisihan mo ito: “Ito ba ang tinatawag na pamilya? Ito ba ang mga magulang ko? Hindi ba’t mga kaaway sila? Ganoon na sila dati, at ganoon pa rin ang kanilang katangian ngayon; wala silang ipinagbago kahit kaunti!” Paano nga naman sila magbabago? Kung ano sila dati, palagi silang magiging ganoon. Inakala mo ba na magbabago sila habang sila ay tumatanda at na maaari kayong magkasundo? Hindi mo sila makakasundo. Sa sandaling pumasok ka sa bahay pag-uwi mo, agad nilang titingnan kung ano ang dala mo sa iyong mga kamay, para malaman kung ito ba ay isang mamahaling bagay tulad ng abalone, sea cucumber, shark fin, o fish maw, o marahil isang designer bag at mga damit, o ginto at pilak na alahas. Sa sandaling makita ka nilang may dalang dalawang plastic bag, ang isa ay may siopao at ang isa naman ay may isang pares ng saging, makikita nila na mahirap ka pa rin at magsisimula silang mamuna: “Ang anak na babae ni ganito at ganyan ay nangibang-bansa at nakapangasawa ng dayuhan. Ang mga pulseras na binibili nito para sa kanila ay purong ginto at ipinagmamayabang nila ito sa tuwing may pagkakataon. Ang anak na lalaki ni ganito at ganyan ay bumili ng kotse at dinadala niya ang kanyang mga magulang sa mga paglalakbay sa ibang bansa sa tuwing libre ang oras niya. Pinagsasaluhan nilang lahat ang tagumpay ng kanilang mga anak! Ang anak ni ganito at ganyan ay hindi kailanman umuuwi nang walang dala. Bumibili ito ng mga foot bath at massage chair para sa kaniyang mga magulang, at ang mga damit na binibili nito ay gawa sa seda o lana. Mayroon silang mga napakabuting anak; hindi nasayang ang lahat ng kanilang pag-aaruga! Samantalang kami ay pawang mga walang malasakit na ingrata ang napalaki namin sa pamilyang ito!” Hindi ba’t isa itong sampal sa mukha? (Oo.) Hindi man lang nila pinahahalagahan ang iyong mga dalang siopao at saging, at iniisip mo pa rin na tuparin ang iyong mga responsabilidad at maging mabuting anak sa kanila. Mahilig sa siopao at saging ang iyong mga magulang at matagal mo na silang hindi nakikita, kaya’t binibili mo ang mga ito para mapasaya sila at makabawi sa iyong pagkakonsensiya. Ngunit sa pag-uwi mo, bukod sa hindi naibsan ang iyong pagkakonsensiya, dumaranas ka rin ng pamimintas; sa sobrang kalungkutan, tumakbo ka palabas ng bahay. May kabuluhan ba ang pag-uwi mo para bisitahin ang iyong mga magulang? (Wala.) Napakatagal mo nang hindi nakauwi, pero hindi sila nangungulila sa iyo; hindi nila sinasabi na: “Sapat na ang umuwi ka lang. Hindi mo kailangang bumili ng anuman. Magandang makita na nasa tamang landas ka, namumuhay nang malusog, at ligtas sa lahat ng aspekto. Sapat na ang makita natin ang isa’t isa at magkaroon ng taos-pusong pag-uusap.” Hindi nila iniisip kung naging maayos ka ba nitong mga nagdaang taon, o kung nakaranas ka ba ng anumang paghihirap o mga nakakabagabag na bagay kung saan kinakailangan mo ang tulong ng iyong mga magulang. Wala silang ibinibigay na kahit isang salitang nakakapag-palubag loob. Pero kung talagang sasabihin nila ang mga gayong bagay, hindi ba’t hindi mo na magagawang umalis kung gayon? Pagkatapos ka nilang pagalitan, tumitindig ka at nararamdaman mong ganap kang makatwiran, nang walang anumang pagkakonsensiya, iniisip mo na: “Kailangan kong makaalis dito, talagang isa itong purgatoryo! Babalatan nila ako, kakainin ang aking laman, at gugustuhin pa nilang inumin ang aking dugo.” Ang relasyon ng magulang at anak ay ang pinakamahirap na relasyon na pangangasiwaan ng isang tao sa emosyonal na aspekto, ngunit sa katunayan, hindi naman ito lubusang hindi mapangasiwaan. Tanging sa batayan ng pag-unawa sa katotohanan magagawang tratuhin ng mga tao ang usaping ito nang tama at may katwiran. Huwag magsimula mula sa perspektiba ng mga damdamin, at huwag magsimula mula sa mga kabatiran o perspektiba ng mga makamundong tao. Sa halip, tratuhin mo ang iyong mga magulang sa wastong paraan ayon sa mga salita ng Diyos. Ano ba talaga ang papel na ginagampanan ng mga magulang, ano ba talaga ang kabuluhan ng mga anak sa kanilang mga magulang, ano ang saloobin na dapat taglayin ng mga anak sa kanilang mga magulang, at paano dapat pangasiwaan at lutasin ng mga tao ang relasyon sa pagitan ng mga magulang at mga anak? Hindi dapat tingnan ng mga tao ang mga bagay na ito batay sa mga damdamin, at hindi sila dapat maimpluwensiyahan ng anumang maling ideya o mga nananaig na sentimyento; dapat harapin ang mga ito nang tama batay sa mga salita ng Diyos. Kung mabibigo kang tuparin ang alinman sa iyong mga responsabilidad sa iyong mga magulang sa kapaligirang inorden ng Diyos, o kung wala kang anumang papel sa kanilang buhay, iyon ba ay pagiging hindi mabuting anak? Uusigin ka ba ng iyong konsensiya? Tutuligsain ka ng iyong mga kapitbahay, kaklase, at kamag-anak at babatikusin ka kapag nakatalikod. Tatawagin ka nilang isang hindi mabuting anak, at sasabihing: “Labis na nagsakripisyo ang iyong mga magulang para sa iyo, naglaan sila ng puspusang pagsisikap para sa iyo, at napakarami ng ginawa nila para sa iyo mula pa noong bata ka, at ikaw na walang utang na loob na anak ay bigla na lang mawawala na parang bula, wala ka man lang pasabi na ligtas ka. Bukod sa hindi ka umuuwi sa Bagong Taon, hindi ka rin tumatawag o naghahatid ng pagbati para sa iyong mga magulang.” Tuwing naririnig mo ang mga ganitong salita, nagdurugo at umiiyak ang iyong konsensiya, at pakiramdam mo ay kinondena ka. “Naku, tama nga sila.” Namumula ang iyong mukha sa init, at kumikirot ang iyong puso na parang tinutusok ng mga karayom. Nagkaroon ka na ba ng mga ganitong damdamin? (Oo, dati.) Tama ba ang iyong mga kapitbahay at kamag-anak sa pagsasabing hindi ka isang mabuting anak? (Hindi. Hindi ako masamang anak.) Ipaliwanag mo ang iyong pangangatwiran. (Bagamat wala ako sa tabi ng mga magulang ko sa mga taong ito, o hindi ko man natugunan ang mga kahilingan nila gaya ng ginagawa ng mga makamundong tao, ang pagtahak namin sa landas ng pananampalataya sa Diyos ay pauna nang inorden ng Diyos. Ito ang tamang landas sa buhay, at isang makatarungang bagay. Kaya sinasabi ko na hindi ako masamang anak.) Ang pangangatwiran ninyo ay batay pa rin sa mga doktrina na nauunawaan ng mga tao sa nakaraan; wala kayong tunay na paliwanag at tunay na pag-unawa. Sino pa ang gustong magbahagi ng kanyang mga saloobin? (Naalala ko noong unang beses akong mangibang-bansa, sa tuwing naiisip ko kung paanong hindi alam ng aking pamilya kung ano ang ginagawa ko sa ibang bansa, kung paanong malamang ay pinuna nila ako at sinabing hindi ako mabuting anak, na masama akong anak dahil wala ako roon para alagaan ang aking mga magulang—pakiramdam ko ay nakagapos at napipigilan ako ng mga saloobing ito. Sa tuwing iniisip ko ito, pakiramdam ko ay may utang ako sa aking mga magulang. Ngunit sa pamamagitan ng pagbabahagi ng Diyos ngayon, nararamdaman ko na ang pag-aaruga ng mga magulang ko sa akin noon ay ang kanilang pagtupad sa kanilang mga responsabilidad bilang mga magulang, na ang kanilang kabutihan sa akin ay pauna nang itinakda ng Diyos, at na dapat kong pasalamatan ang Diyos at suklian ang Kanyang pagmamahal. Ngayong nananampalataya ako sa Diyos at tumatahak sa tamang landas sa buhay, na isang makatarungang bagay, hindi ako dapat makaramdam ng pagkakautang sa aking mga magulang. At saka, matatamasa man ng aking mga magulang ang pag-aalaga ng kanilang mga anak sa kanilang tabi o hindi ay pauna na ring itinakda ng Diyos. Pagkatapos kong maunawaan ang mga bagay na ito, medyo nabibitiwan ko na ang pakiramdam ng pagkakautang sa loob ng puso ko.) Mabuti iyan. Una sa lahat, pinipili ng karamihan sa mga tao na umalis ng bahay para gampanan ang kanilang mga tungkulin dahil parte ito ng pangkalahatang mga obhetibong sitwasyon, kung saan kakailanganin nilang iwan ang kanilang mga magulang; hindi sila maaaring manatili sa tabi ng kanilang mga magulang para alagaan at samahan ang mga ito. Hindi naman sa kusang-loob nilang iiwan ang kanilang mga magulang; ito ang obhetibong dahilan. Sa isa pang banda, ayon sa pansariling pananaw, lumalabas ka para gampanan ang iyong mga tungkulin hindi dahil sa gusto mong iwan ang iyong mga magulang at takasan ang iyong mga responsabilidad, kundi dahil sa misyon ng Diyos. Upang makipagtulungan sa gawain ng Diyos, tanggapin mo ang Kanyang misyon, at gampanan ang mga tungkulin ng isang nilikha, wala kang magagawa kundi ang iwan ang iyong mga magulang; hindi ka maaaring manatili sa kanilang tabi para samahan at alagaan sila. Hindi mo sila iniwan para makaiwas sa mga responsabilidad, hindi ba? Ang pag-iwan sa kanila para makaiwas sa iyong mga responsabilidad at ang pangangailangang iwan sila para tugunan ang misyon ng Diyos at gampanan ang iyong mga tungkulin—hindi ba’t magkaiba ang kalikasan ng mga ito? (Oo.) Sa puso mo, mayroon ka ngang emosyonal na koneksiyon at mga saloobin para sa iyong mga magulang; hindi walang kabuluhan ang iyong mga damdamin. Kung pahihintulutan ng mga obhetibong sitwasyon, at nagagawa mong manatili sa kanilang tabi habang ginagampanan din ang iyong mga tungkulin, kung gayon, kusang-loob kang mananatili sa kanilang tabi, palagi silang aalagaan, at tutuparin ang iyong mga responsabilidad. Subalit dahil sa mga obhetibong sitwasyon, dapat mo silang iwan; hindi ka maaaring manatili sa tabi nila. Hindi naman sa ayaw mong tuparin ang iyong mga responsabilidad bilang kanilang anak, kundi dahil hindi mo lang ito magawa. Hindi ba’t iba ang kalikasan nito? (Oo.) Kung iniwan mo ang tahanan para iwasan ang pagiging mabuting anak at pagtupad sa iyong mga responsabilidad, iyon ay pagiging masamang anak at kawalan ng pagkatao. Pinalaki ka ng iyong mga magulang, pero hindi ka makapaghintay na ibuka ang iyong mga pakpak at agad na umalis nang mag-isa. Ayaw mong makita ang iyong mga magulang, at wala kang pakialam kapag nabalitaan mo ang pagdanas nila ng kaunting hirap. Kahit na may kakayahan kang tumulong, hindi mo ginagawa; nagpapanggap ka lang na walang narinig at hinahayaan ang iba na sabihin ang kung ano-anong gusto nila tungkol sa iyo—sadyang ayaw mo lang tuparin ang iyong mga responsabilidad. Ito ay pagiging hindi mabuting anak. Ngunit ganito pa ba ang nangyayari ngayon? (Hindi.) Maraming tao ang umalis na sa kanilang bayan, lungsod, probinsiya, o maging sa kanilang bansa para magampanan ang kanilang mga tungkulin; malayo na sila sa kanilang lugar na kinalakhan. Dagdag pa rito, hindi madali para sa kanila na makipag-ugnayan sa kanilang pamilya sa iba’t ibang kadahilanan. Paminsan-minsan, tinatanong nila ang tungkol sa kasalukuyang sitwasyon ng kanilang mga magulang mula sa mga taong galing sa parehong lugar na kinalakhan nila at nakakahinga sila nang maluwag kapag nababalitaan nilang malusog pa rin ang kanilang mga magulang at maayos pa rin na nakakaraos. Sa katunayan, hindi ka masamang anak; hindi ka pa umabot sa punto ng kawalan ng pagkatao, kung saan ni ayaw mo nang alalahanin ang iyong mga magulang o tuparin ang iyong mga responsabilidad sa kanila. Dahil sa iba’t ibang obhetibong dahilan kaya mo kinakailangang gawin ang ganitong pasya, kaya hindi ka masamang anak. Ito ang dalawang dahilan. At may isa pa: Kung ang iyong mga magulang ay hindi ang uri ng mga taong partikular na umuusig sa iyo o humahadlang sa iyong pananampalataya sa Diyos, kung sinusuportahan nila ang iyong pananampalataya sa Diyos, o kung sila ay mga kapatid na nananampalataya sa Diyos tulad mo, mga miyembro mismo ng sambahayan ng Diyos, kung gayon, sino sa inyo ang hindi tahimik na nagdarasal sa Diyos kapag iniisip ang iyong mga magulang sa kaloob-looban? Sino sa inyo ang hindi ipinagkakatiwala ang inyong mga magulang—kasama na ang kanilang kalusugan, kaligtasan, at lahat ng kanilang pangangailangan sa buhay—sa mga kamay ng Diyos? Ang ipagkatiwala ang iyong mga magulang sa mga kamay ng Diyos ang pinakamainam na paraan para magpakita ng pagiging mabuting anak sa kanila. Hindi mo gusto na maharap sila sa iba’t ibang klase ng suliranin sa kanilang buhay, at ayaw mo rin na mamuhay sila nang hindi komportable, hindi kumakain nang maayos, o nagdurusa sa masamang kalusugan. Sa kaibuturan ng iyong puso, talagang umaasa ka na poprotektahan sila ng Diyos at pananatilihing ligtas. Kung sila ay mga mananampalataya sa Diyos, umaasa ka na magagampanan nila ang kanilang sariling mga tungkulin at umaasa ka rin na makakapanindigan sila sa kanilang patotoo. Ito ay pagtupad sa mga responsabilidad ng tao; makakamit lamang ng mga tao ang ganito karami sa pamamagitan ng kanilang sariling pagkatao. Dagdag pa rito, ang pinakamahalaga ay na pagkatapos ng mga taon ng pananampalataya sa Diyos at pakikinig sa napakaraming katotohanan, kahit papaano, ang mga tao ay may ganitong kaunting pagkaunawa at pagkaintindi: Ang kapalaran ng tao ay itinatakda ng Langit, ang tao ay namumuhay sa mga kamay ng Diyos, at ang pagkakaroon ng pangangalaga at proteksiyon ng Diyos ay mas mahalaga kaysa sa mga alalahanin, pagiging mabuting anak, o ang samahan ka ng iyong mga anak. Hindi ba’t magaan sa pakiramdam na nasa pangangalaga at proteksiyon ng Diyos ang iyong mga magulang? Hindi mo na kailangang mag-alala para sa kanila. Kung mag-aalala ka, ibig sabihin ay wala kang tiwala sa Diyos; masyadong maliit ang iyong pananalig sa Kanya. Kung tunay kang nag-aalala at nagmamalasakit para sa iyong mga magulang, dapat kang madalas na magdasal sa Diyos, ipagkatiwala sila sa mga kamay ng Diyos, at hayaang patnugutan at isaayos ng Diyos ang lahat ng bagay. Pinamumunuan ng Diyos ang kapalaran ng sangkatauhan at Siya ang namumuno sa kanilang bawat araw at sa lahat ng pinagdaraanan nila, kaya ano pa ba ang ipinag-aalala mo? Ni hindi mo kayang kontrolin ang sarili mong buhay,[a] ikaw mismo ay may napakaraming suliranin; ano ang magagawa mo para makapamuhay nang masaya ang iyong mga magulang araw-araw? Ang tanging magagawa mo ay ipagkatiwala ang lahat ng bagay sa mga kamay ng Diyos. Kung sila ay mga mananampalataya, hilingin mo sa Diyos na gabayan sila sa tamang landas upang maligtas sila sa huli. Kung sila ay hindi mananampalataya, hayaan mo silang tumahak sa anumang landas na gusto nila. Para sa mga magulang na mas mabait at may kaunting pagkatao, maaari kang manalangin sa Diyos na pagpalain sila para makapamuhay sila nang masaya sa kanilang mga nalalabing taon. Tungkol sa kung paano gumagawa ang Diyos, mayroon Siyang Kanyang mga pagsasaayos, at dapat magpasakop ang mga tao sa mga ito. Kaya, sa kabuuan, mayroong kamalayan ang mga tao sa kanilang konsensiya tungkol sa mga responsabilidad na tinutupad nila sa kanilang mga magulang. Anuman ang saloobin sa mga magulang ang hatid ng kamalayang ito, ito man ay pag-aalala o pagpasyang pumaroon sa kanilang tabi, sa alinmang paraan, hindi dapat makonsensiya o magkaroon ng mabigat na pasanin sa konsensiya ang mga tao dahil sa hindi nila matupad ang kanilang mga responsabilidad sa kanilang mga magulang sapagkat apektado sila ng mga obhetibong sitwasyon. Ang mga isyung ito, at ang iba pang katulad nito, ay hindi dapat maging problema sa mga buhay ng pananampalataya sa Diyos ng mga tao; ang mga ito ay dapat bitiwan. Pagdating sa mga paksang ito na nauugnay sa pagtupad sa mga responsabilidad ng isang tao sa mga magulang, dapat magkaroon ang mga tao nitong mga tumpak na pagkaunawa at hindi na dapat makaramdam ng pagpipigil. Sa isang banda, mula sa kaibuturan ng iyong puso, alam mong hindi ka masamang anak, at hindi mo iniiwasan o tinatakasan ang iyong mga responsabilidad. Sa isa pang banda, nasa mga kamay ng Diyos ang iyong mga magulang, kaya ano pa ba ang dapat ikabahala? Ang anumang pag-aalala na maaaring mayroon ang isang tao ay hindi na kinakailangan. Ang bawat tao ay mamumuhay nang maayos ayon sa kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos ng Diyos hanggang sa huli, mararating ang katapusan ng kanilang landas, nang walang anumang pagkakaligaw. Kaya, hindi na dapat mag-alala ang mga tao tungkol sa bagay na ito. Ikaw man ay mabuting anak, natupad mo man ang iyong mga responsabilidad sa iyong mga magulang, o kung dapat mo bang suklian ang kabutihan ng iyong mga magulang—hindi ito mga bagay na dapat mong pag-isipan pa; ang mga ito ay mga bagay na dapat mong bitiwan. Hindi ba’t tama iyon? (Oo.)
Tungkol sa paksa ng mga ekspektasyon ng mga magulang para sa kanilang mga anak, nagbahaginan tayo sa mga aspekto ng pag-aaral at trabaho. Ano ang mga katunayang dapat maunawaan ng mga tao sa bagay na ito? Kung makikinig ka sa iyong mga magulang at mag-aaral talaga nang mabuti ayon sa kanilang mga ekspektasyon, ibig bang sabihin niyon ay tiyak na malaki ang makakamit mong tagumpay? Mababago ba talaga ang iyong kapalaran sa paggawa nito? (Hindi.) Kung gayon, ano ang naghihintay sa iyo sa hinaharap? Ito ay ang isinaayos ng Diyos para sa iyo—ang kapalaran na dapat mayroon ka, ang posisyon na dapat mong taglayin sa gitna ng mga tao, ang landas na dapat mong tahakin, at ang kapaligiran ng pamumuhay na dapat mayroon ka. Matagal nang isinaayos ng Diyos ang mga ito para sa iyo. Kaya, pagdating sa mga ekspektasyon ng iyong mga magulang, wala ka dapat ng anumang pasanin. Kung gagawin mo ang hinihiling ng iyong mga magulang, hindi magbabago ang iyong kapalaran; kung hindi mo susundin ang mga ekspektasyon ng iyong mga magulang at bibiguin mo sila, hindi pa rin magbabago ang iyong kapalaran. Anuman ang nakatakdang landas na naghihintay sa iyo, iyon ang mangyayari; ito ay inorden na ng Diyos. Gayundin, kung natutugunan mo ang mga ekspektasyon ng iyong mga magulang, napapalugod mo ang iyong mga magulang, at hindi mo sila binibigo, ibig bang sabihin niyon ay magiging mas maganda ang buhay nila? Mababago ba nito ang kanilang kapalaran ng pagdurusa at pagmamaltrato? (Hindi.) Iniisip ng ilang tao na masyadong naging mabuti sa kanila ang kanilang mga magulang sa pagpapalaki sa kanila, at na sobrang naghirap ang kanilang mga magulang sa panahong iyon. Kaya naman gusto nilang makahanap ng magandang trabaho, magtiis ng hirap, magpakapagod, magsipag, at magtrabaho nang husto upang kumita ng maraming pera at yumaman. Ang layon nila ay bigyan ang kanilang mga magulang ng masaganang buhay sa hinaharap, namumuhay sa isang villa, nagmamaneho ng magandang kotse, at kumakain at umiinom ng masasarap. Ngunit pagkatapos ng ilang taon ng pagiging masigasig, bagamat umunlad na ang kanilang kalagayan at sitwasyon sa pamumuhay, pumanaw ang kanilang mga magulang nang hindi man lang nakakaranas ng isang araw ng kasaganahan. Sino ang dapat sisihin dito? Kung hahayaan mong kusang mangyari ang mga bagay-bagay, hayaan ang Diyos na mamatnugot, at huwag dalhin ang pasaning ito, hindi ka makokonsensiya kapag pumanaw na ang iyong mga magulang. Ngunit kung kakayod ka nang husto para kumita ng pera upang masuklian ang iyong mga magulang at tulungan silang makapamuhay nang mas maginhawa, ngunit namatay sila, ano ang mararamdaman mo? Kung ipinagpaliban mo ang paggampan sa iyong tungkulin at ang pagkamit sa katotohanan, makapamumuhay ka pa rin ba nang komportable sa mga nalalabing panahon ng buhay mo? (Hindi.) Maaapektuhan ang buhay mo, at palagi mong dadalhin ang pasanin ng “pagkabigo ng iyong mga magulang” sa buong buhay mo. Ang ilang tao ay nagsusumikap para magtrabaho, nagpupursigi, at kumikita ng pera upang hindi mabigo ang kanilang mga magulang at masuklian ang mga ito sa kabutihan ng pagpapalaki sa kanila. Pagkatapos, kapag yumaman na sila at may kakayahan nang bumili ng masasarap na pagkain, inaanyayahan nila ang kanilang mga magulang na kumain at nag-oorder sila ng maraming masasarap na putahe, sinasabing: “Kain kayo. Naaalala ko noong bata pa ako, mga paborito ninyo ito; kain na!” Gayunpaman, habang tumatanda na ang kanilang mga magulang, wala na ang karamihan sa mga ngipin ng mga ito at hindi na masyadong ganadong kumain, kaya’t pinipiling kainin ng kanilang mga magulang ang mga malambot at madaling matunaw na pagkain tulad ng mga gulay at pansit, at nabubusog na sila pagkatapos ng ilang subo lamang. Nalulungkot ka kapag nakikita mo ang isang malaking mesa na puno ng mga hindi nakaing pagkain. Pero talagang maganda ang pakiramdam ng mga magulang mo. Sa ganoong matandang edad, ganito karami ang dapat nilang kainin; normal lang ito, wala na silang labis na hinihingi. Hindi ka masaya sa loob-loob mo, ngunit hindi masaya tungkol sa ano? Labis na walang kabuluhan ang ginagawa mo. Matagal nang itinakda kung gaano karaming saya at hirap ang mararanasan ng iyong mga magulang sa kanilang buhay. Hindi ito mababago dahil sa iyong kahilingan at hindi ito mababago para lang masiyahan ka. Matagal na itong inorden ng Diyos, kaya’t ang anumang ginagawa ng mga tao ay walang kabuluhan. Ano ang sinasabi ng mga katunayang ito sa mga tao? Ang dapat gawin ng mga magulang ay palakihin ka at hayaan kang lumaki nang malusog at maayos, tumahak sa tamang landas, at tuparin ang mga responsabilidad at obligasyon na dapat mong gampanan bilang isang nilikha. Ang lahat ng ito ay hindi para baguhin ang iyong kapalaran, at hindi talaga naman nito mababago ang iyong kapalaran; nagsisilbi lamang ang mga ito bilang pandagdag na suporta at bilang patnubay, pinapalaki ka tungo sa hustong gulang at inaakay ka sa tamang landas ng buhay. Hindi mo dapat gamitin ang sarili mong mga kamay para lumikha ng kaligayahan para sa iyong mga magulang, baguhin ang kanilang kapalaran, o iparanas sa kanila ang magandang kapalaran at masarap na pagkain at inumin. Ang mga ito ay mga hangal na pag-iisip. Hindi mo dapat dalhin ang ganitong pasanin, ito ang dapat mong bitiwan. Hindi ka dapat gumawa ng mga walang kabuluhang sakripisyo o gumawa ng anumang walang kabuluhang bagay para masuklian ang iyong mga magulang, mabago ang kanilang kapalaran, at mabigyan sila ng mas maraming pagpapala at mabawasan ang kanilang mga pagdurusa, alang-alang sa pagtugon ng mga pansariling pangangailangan ng iyong konsensiya o mga damdamin, at para maiwasang biguin sila. Hindi mo ito responsabilidad, at hindi ito ang dapat mong iniisip. Dapat tuparin ng mga magulang ang mga responsabilidad nila sa kanilang mga anak ayon sa kanilang sariling mga kondisyon at ayon sa mga kondisyon at kapaligirang inihanda ng Diyos. Ang dapat gawin ng mga anak para sa kanilang mga magulang ay batay rin sa mga kondisyon na kaya nilang matamo at ayon sa kapaligirang kinaroroonan nila; iyon lang. Ang lahat ng ginagawa ng mga magulang o mga anak ay hindi dapat naglalayong baguhin ang kapalaran ng kabilang partido sa pamamagitan ng kanilang sariling kapangyarihan o mga makasariling pagnanais, upang makapamuhay nang mas maganda, mas masaya, at mas perpektong buhay ang kabilang partido dahil sa sarili nilang mga pagsisikap. Hindi mahalaga kung mga magulang man o mga anak, dapat hayaan ng lahat ng tao ang likas na takbo ng mga bagay-bagay sa loob ng mga kapaligirang isinaayos ng Diyos, sa halip na subukang baguhin ang mga bagay sa pamamagitan ng sarili nilang mga pagsisikap o anumang pansariling kapasyahan. Hindi magbabago ang kapalaran ng iyong mga magulang dahil lang sa mayroon kang mga ganitong kaisipan tungkol sa kanila—matagal nang inorden ng Diyos ang kanilang kapalaran. Inorden ng Diyos na mabuhay ka sa loob ng saklaw ng kanilang buhay, na maipanganak ka nila, na mapalaki ka nila, at magkaroon ng ugnayang ito sa kanila. Kaya, ang responsabilidad mo sa kanila ay ang samahan lamang sila ayon sa iyong sariling mga kondisyon at gampanan ang ilang obligasyon. Tungkol naman sa kagustuhang baguhin ang kasalukuyang sitwasyon ng iyong mga magulang, o sa kagustuhang magkaroon sila ng mas magandang buhay, lahat ng iyon ay hindi kinakailangan. O, kung gusto mong tingalain ka ng iyong mga kapitbahay at kamag-anak, magdala ng karangalan sa iyong mga magulang, tiyakin ang katanyagan ng iyong mga magulang sa loob ng pamilya—mas lalong hindi ito kinakailangan. Mayroon ding mga solong ina o ama na iniwan ng kanilang asawa at pinalaki ka nila nang sila lang tungo sa hustong gulang. Mas lalo mong nararamdaman kung gaano ito kahirap para sa kanila, at gusto mong gamitin ang buong buhay mo para suklian at bayaran sila, kahit na hanggang sa puntong gagawin mo ang anumang sasabihin nila. Kung ano ang hinihingi nila sa iyo, ang kanilang ekspektasyon mula sa iyo, pati na kung ano ang handa mong gawin nang ikaw mismo, ay lahat nagiging pasanin sa buhay mo—hindi dapat ganito. Sa presensiya ng Lumikha, ikaw ay isang nilikha. Ang dapat mong gawin sa buhay na ito ay hindi lamang ang tuparin ang iyong mga responsabilidad sa iyong mga magulang, kundi ang tuparin ang iyong mga responsabilidad at tungkulin bilang nilikha. Matutupad mo lamang ang iyong mga responsabilidad sa iyong mga magulang batay sa mga salita ng Diyos at sa mga katotohanang prinsipyo, hindi sa pamamagitan ng paggawa ng anumang bagay para sa kanila batay sa iyong mga pang-emosyonal na pangangailangan o sa mga pangangailangan ng iyong konsensiya. Siyempre, ang pagtupad sa iyong mga responsabilidad at obligasyon sa kanila ayon sa mga salita ng Diyos at sa mga katotohanang prinsipyo ay bahagi rin ng iyong mga tungkulin bilang nilikha; ito ang responsabilidad na ibinigay ng Diyos sa tao. Ang pagtupad sa responsabilidad na ito ay batay sa mga salita ng Diyos, hindi sa mga pangangailangan ng tao. Kaya, madali para sa iyo na tratuhin ang iyong mga magulang ayon sa mga salita ng Diyos, tinutupad ang iyong mga responsabilidad at obligasyon sa kanila. Ganoon lang kasimple. Madali bang gawin ito? (Oo.) Bakit madali itong gawin? Ang diwa rito, pati na rin ang mga katotohanang prinsipyo na dapat sundin ng mga tao, ay napakalinaw. Ang diwa ay na walang mga magulang o mga anak ang kayang bumago sa kapalaran ng isa’t isa. Sikapin mo mang mabuti o hindi, handa ka mang tuparin ang iyong mga responsabilidad o hindi, wala roon ang makakapagpabago sa kapalaran ng iba. Pinanghahawakan mo man sila sa iyong puso o hindi, iyan ay tanging kaibahan lamang ng emosyonal na pangangailangan, at hindi nito mababago ang anumang katunayan. Kaya, para sa mga tao, ang pinakasimpleng gawin ay ang bitiwan ang iba’t ibang pasanin na hatid ng mga ekspektasyon ng kanilang mga magulang. Una sa lahat, dapat mong tingnan ang lahat ng bagay na ito ayon sa mga salita ng Diyos, at pangalawa, dapat mong tratuhin at pangasiwaan ang relasyon mo sa iyong mga magulang ayon sa mga salita ng Diyos. Ganoon lang kasimple. Hindi ba’t madali lang iyon? (Oo.) Kung tinatanggap mo ang katotohanan, magiging madali lang ang lahat ng bagay na ito, at sa proseso ng iyong karanasan, mas lalo mong mararamdaman na talagang totoo ito. Walang sinuman ang makakapagpabago sa kapalaran ng isang tao; ang kapalaran ng isang tao ay nasa mga kamay lamang ng Diyos. Kahit gaano mo pa subukan, hindi ito gagana. Siyempre, sasabihin ng ilang tao na: “Pawang katunayan ang lahat ng sinabi Mo, pero nararamdaman ko na walang pagmamahal ang pagkilos nang ganito. Palaging inuusig ang aking konsensiya, at hindi ko na ito kayang tiisin.” Kung hindi mo na kayang tiisin ito, pagbigyan mo na lang ang iyong nararamdaman; samahan mo ang iyong mga magulang at manatili ka sa kanilang tabi, paglingkuran sila, maging mabuting anak, at gawin ang kanilang sinasabi, tama o mali man sila—maging parang kanilang munting buntot at tagapaglingkod, ayos lang ito. Sa ganitong paraan, walang mamumuna sa iyo kapag nakatalikod ka, at pag-uusapan maging ng iyong mga kamag-anak kung gaano ka kabuting anak. Gayunpaman, sa huli, ang tanging magdurusa ng kawalan ay ikaw. Napangalagaan mo ang iyong reputasyon bilang isang mabuting anak, natugunan mo ang iyong mga emosyonal na pangangailangan, hindi kailanman naakusahan ang iyong konsensiya, at nasuklian mo ang kabutihan ng iyong mga magulang, ngunit may isang bagay kang napabayaan at naiwala: Hindi mo tinrato at hinarap ang lahat ng bagay na ito ayon sa mga salita ng Diyos, at nawalan ka ng pagkakataon na gampanan ang iyong tungkulin bilang isang nilikha. Ano ang ibig sabihin nito? Ibig sabihin nito ay naging mabuting anak ka sa iyong mga magulang ngunit ipinagkanulo mo ang Diyos. Nagpakita ka ng pagiging mabuting anak at tinugunan mo ang mga emosyonal na pangangailangan ng laman ng iyong mga magulang, subalit naghimagsik ka laban sa Diyos. Mas pipiliin mong maging isang mabuting anak kaysa gampanan ang iyong mga tungkulin bilang isang nilikha. Ito ang pinakamalaking kawalan ng respeto sa Diyos. Hindi sasabihin ng Diyos na isa kang taong nagpapasakop sa Kanya o nagtataglay ka ng pagkatao dahil lang sa mabuti kang anak, hindi mo binigo ang iyong mga magulang, may konsensiya ka, at tinutupad mo ang iyong mga responsabilidad bilang anak. Kung tinutupad mo lang ang mga pangangailangan ng iyong konsensiya at ang mga emosyonal na pangangailangan ng iyong laman, ngunit hindi tinatanggap ang mga salita ng Diyos o ang katotohanan bilang batayan at mga prinsipyo sa pagtrato o pangangasiwa ng bagay na ito, kung gayon, ipinapakita mo ang pinakamalaking paghihimagsik laban sa Diyos. Kung gusto mong maging isang kwalipikadong nilikha, dapat mo munang tingnan at gawin ang lahat ng bagay ayon sa mga salita ng Diyos. Ito ang tinatawag na pagiging kwalipikado, pagkakaroon ng pagkatao, at pagkakaroon ng konsensiya. Sa kabaligtaran, kung hindi mo tatanggapin ang mga salita ng Diyos bilang mga prinsipyo at batayan sa pagtrato o pangangasiwa sa bagay na ito, at kung hindi mo rin tinatanggap ang misyon ng Diyos para sa iyo na lumabas at gampanan ang iyong mga tungkulin, o mas gugustuhin mo pang ipagpaliban o isuko ang pagkakataon na gampanan ang iyong mga tungkulin para makapanatili ka sa tabi ng iyong mga magulang, samahan sila, bigyan sila ng kaligayahan, hayaan silang matamasa ang kanilang mga huling taon sa buhay, at suklian ang kanilang kabutihan, sasabihin ng Diyos na ikaw ay walang pagkatao o konsensiya. Hindi ka isang nilikha, at hindi ka Niya makikilala.
Talababa:
a. Ang nakasaad sa orihinal na teksto ay “Ni hindi mo kayang kontrolin ang iyong sarili.”
Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.