Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan 14 (Ikatlong Bahagi)

Madalas na pinupuna ng ilang magulang ang kanilang mga anak na babae, sinasabing, “Bilang isang babae, dapat mong sundin ang lalaking pakakasalan mo, mabuti man siya o masama. Kung magpapakasal ka sa isang pamilya ng tandang, dapat kang kumilos gaya ng isang tandang; kung magpapakasal ka sa isang pamilya ng aso, dapat kang kumilos gaya ng isang aso.” Ang ipinapahiwatig dito ay na hindi mo dapat sikaping maging isang mabuting tao kundi tanggapin na maging katulad ka ng isang tandang o aso. Ito ba ay isang mabuting landas? Malinaw naman na sa sandaling marinig ito ay matutukoy ng sinuman na hindi ito isang mabuting landas, hindi ba? Ang pariralang “sundin ang lalaking pakakasalan mo” ay tiyak na para sa mga kababaihan—ang kapalaran nila ay ganoon kalunos-lunos. Sa ilalim ng impluwensiya at pagkokondisyon ng pamilya, hinahayaan ng mga babae na malugmok sila sa kabuktutan: Talagang sinusunod nila ang isang tandang kung nagpakasal sila sa isang tandang o isang aso kung nagpakasal sila sa isang aso, nang hindi nagsusumikap na tahakin ang isang mabuting landas, ginagawa ang anumang iniuutos sa kanila ng kanilang mga magulang. Bagamat ikinikintal ng iyong mga magulang ang kaisipang ito, dapat mong kilatisin kung tama ba o mali ang gayong kaisipan, kung kapaki-pakinabang o nakakapinsala ba ito sa iyong pag-asal. Siyempre, nagbahaginan na tayo sa aspetong ito sa loob ng paksa ng pagbitiw sa pag-aasawa, kaya hindi na natin ito hihimay-himayin at susuriin nang detalyado rito. Sa madaling salita, ang lahat ng mali, may pagkiling, huwad, mababaw, hangal, at maging ang masama at imoral na kaisipan at pananaw mula sa mga magulang ang dapat mong bitiwan. Lalo na ang mga kasabihang tulad ng “Sundin mo ang lalaking pakakasalan mo, mabuti man siya o masama,” na kakatalakay lang natin, at “Magpakasal sa isang lalaki para mabihisan at makakain”—dapat mong kilatisin ang mga pahayag na ito, at huwag hayaan ang sarili na mailigaw ng gayong mga kaisipang ikinintal ng iyong mga magulang, na naniniwalang “Ibinenta ako sa lalaking pinakasalan ko: Siya ang aking amo, dapat akong maging isang taong gusto niya at dapat kong gawin ang lahat ng kanyang sasabihin, at nakatali sa kanya ang kapalaran ko. Sa sandaling maikasal kami, nakatali na kami sa isa’t isa sa hirap at ginhawa. Kung uunlad siya, gayon din ako; kung hindi siya uunlad, hindi rin ako uunlad. Kaya, ang kasabihan ng aking mga magulang na, ‘Sundin mo ang lalaking pakakasalan mo, mabuti man siya o masama’ ay palaging magiging tama. Ang kababaihan ay hindi dapat nakapagsasarili o nagkakaroon ng anumang paghahangad, at lalong hindi sila dapat nagkakaroon ng anumang ideya o pagnanais tungkol sa pagtatakda ng tamang pananaw sa buhay at pagtahak sa tamang landas sa buhay. Dapat lamang nilang sundin nang may pagpapasakop ang mga salita ng kanilang mga magulang, ‘Sundin mo ang lalaking pakakasalan mo, mabuti man siya o masama.’” Ito ba ang tamang kaisipan na dapat taglayin? (Hindi.) Bakit mali ito? “Sundin mo ang lalaking pakakasalan mo, mabuti man siya o masama”—may isa pang parirala na may katulad na kahulugan, iyon ay, “Sila ay magkasama sa hirap at ginhawa,” na ang ibig sabihin ay sa sandaling pakasalan mo siya, nakatali na ang kapalaran mo sa kapalaran niya. Kung siya ay uunlad, gayon ka rin; kung hindi siya uunlad, hindi ka rin uunlad. Ganoon ba ang kaso? (Hindi.) Talakayin muna natin ang kasabihang “Kung siya ay uunlad, gayon ka rin.” Ito ba ay isang katunayan? (Hindi.) May sinuman ba na makapagbibigay ng isang halimbawa para pabulaanan ang usaping ito? Wala ba kayong maisip? Hayaan Akong magbigay ng isang halimbawa. Halimbawa, kapag nagpakasal ang isang partikular na babae sa isang lalaki, nagiging determinado siyang sumunod dito. Katulad ito ng madalas na sabihin ng mga babae, “Mula sa araw na ito, ako ay sa iyo,” na nagpapahiwatig na “Ibinenta ako sa iyo, at nakatali sa tadhana mo ang tadhana ko.” Huwag nating pag-usapan ang babaeng hinayaan ang sariling malugmok sa kabuktutan, tumuon muna tayo sa ngayon kung tama ba o hindi ang pariralang “Kung siya ay uunlad, gayon ka rin.” Totoo ba na kung siya ay uunlad, awtomatiko ka ring uunlad? Ipagpalagay natin na nagsisimula siya ng isang negosyo at nahaharap sa mahirap na sitwasyon, sa maraming hamon, nakararanas ng mga paghihirap kahit saan, walang pondo, walang mga koneksiyon, walang angkop na puwesto para makapagbukas ng tindahan, walang merkado kung saan makapagnenegosyo, at walang mga taong makakatulong. Ikaw, bilang kanyang asawa, ay determinadong sundin siya; anuman ang ginagawa niya, hindi mo siya kailanman kinasusuklaman, bagkus ay sinusuportahan mo siya nang walang pag-aalinlangan. Sa paglipas ng panahon, lumalago ang kanyang negosyo, sunod-sunod na nadaragdagan ang mga tindahan, na nagbubunga ng mas magagandang benepisyong pang-ekonomiya at ng mas malaking kita. Nagiging isang boss ang asawa mo, at mula sa isang boss ay nagiging isa siyang mayamang tycoon. Siya ay umuunlad, hindi ba? Gaya ng kasabihan, “Kapag nagiging mayaman ang isang tao, madalas siyang nagiging tiwali,” na talagang isang katunayan sa lipunang ito at sa masamang mundong ito. Sa sandaling nagiging isang boss ang asawa mo at kalaunan ay nagiging isang tycoon, gaano kadali na siya ay maging tiwali? Nangyayari ito sa loob lang ng ilang sandali. Pagkatapos niyang maging boss at magsimulang umunlad, matatapos na ang maliligayang araw mo. Bakit? Magsisimula kang mag-alala, “Mayroon ba siyang ibang babae? Lolokohin ba niya ako? May nang-aakit kaya sa kanya? Magsasawa ba siya sa akin? Kukupas ba ang pagmamahal niya?” Tapos na ba ang maliligayang araw mo? Pagkatapos ng lahat ng taon ng pagdamay sa kanya sa paghihirap, miserable at pagod na ang pakiramdam mo. Naging mahirap ang iyong pamumuhay, bumagsak ang iyong kalusugan, at nawala ang iyong magandang hitsura. Naging isa ka nang maputla at matandang babae. Sa mga mata niya, maaaring hindi mo na taglay ang kariktan ng binibining minsan niyang minahal. Baka isipin niya na, “Ngayong mayaman na ako at maimpluwensiya, makakahanap na ako ng mas maganda.” Habang lumalayo ang loob niya, lalo siyang napapaisip, nagsisimula siyang magbago. Hindi ba’t nanganganib ka kung gayon? Siya ay nagiging isang big boss, habang ikaw ay isang maputla at matandang babae—hindi ba’t mayroon kayong pagkakaiba at hindi pagkakapantay-pantay? Sa mga panahong ito, hindi ba’t hindi ka na karapat-dapat sa kanya? Hindi ba’t nararamdaman niyang mas nakahihigit siya sa iyo? Hindi ba’t mas lalo ka na niyang kinasusuklaman? Kung gayon, nagsisimula pa lang ang mahihirap mong araw. Sa kalaunan, maaaring gagawin niya ang kanyang mga ninanais at maghahanap siya ng ibang babae, at gugugol ng mas kaunting oras sa bahay. Kapag umuuwi siya, kadalasan ay para makipagtalo lang sa iyo, at ibinabagsak niya ang pinto at agad na umaalis, kung minsan ay lumilipas ang mga araw nang hindi man lang siya kumokontak. Ang tanging maaasahan mo, kung isasaalang-alang ang iyong dating relasyon, ay maaaring bigyan ka niya ng pera at tustusan ang mga pang-araw-araw mong pangangailangan. Kung talagang makikipag-away ka, baka ipagkait pa niya ang panggastos mo. Kaya, paano na iyon? Dahil lang sa nagsimula siyang umunlad, bumuti ba ang kapalaran mo? Mas masaya ka ba o mas malungkot? (Mas malungkot.) Mas malungkot ka. Dumating na ang mga araw ng iyong kasawian. Kapag nahaharap sa mga gayong sitwasyon, kadalasan ay umiiyak nang husto ang mga babae, at dahil sa sinabi sa kanila ng kanilang mga magulang na: “Huwag mong isapubliko ang iyong mga personal na usapin,” titiisin nila ito, iisiping, “Titiisin ko ito hanggang sa lumaki ang anak ko at masusuportahan na niya ako. Pagkatapos ay iiwan ko na ang asawa ko!” Ang ilang kababaihan ay mapalad na makita ang araw na nagiging kanilang sandigan ng lakas ang kanilang anak, samantalang ang iba ay hindi na umaabot doon. Noong maliit pa ang anak nila, nagpasya ang asawang lalaki na kupkupin ang bata at sinabi sa kanyang asawa, “Umalis ka na, maputlang matandang babae!” at maaari siyang mapagkamalang isang pulubi at mapalayas sa sarili niyang tahanan. Kaya, kapag siya ay umuunlad, nakatitiyak bang umuunlad ka rin? Talaga bang nakatali ang inyong mga kapalaran? (Hindi.) Kung ang kanyang negosyo ay patuloy na naghihirap o hindi umaayon sa kanyang mga ninanais, kung gayon habang kinakailangan niya ang iyong suporta, paghihikayat, pagdamay, at pag-aaruga, at habang wala siyang katangian at pagkakataong maging tiwali, maaaring pahahalagahan ka pa rin niya. Habang hindi pa siya umuunlad, maaaring mas ligtas ang pakiramdam mo at mayroon kang makakasama, at mararanasan mo ang pagmamahal at kaligayahan ng pag-aasawa. Dahil kapag hindi siya umuunlad, walang sinuman sa labas ang pumapansin o nagpapahalaga sa kanya, at tanging ikaw ang taong maaasahan niya, pinahahalagahan ka niya. Sa gayong sitwasyon, makakaramdam ka ng seguridad at ng relatibong ginhawa at kasiyahan. Ngunit kung uunlad siya at ibubukas ang kanyang mga pakpak, lilipad siya, subalit isasama ka ba niya? Tama ba ang kasabihan ng mga magulang na, “Sundin mo ang lalaking pakakasalan mo, mabuti man siya o masama”? (Hindi ito tama.) Malinaw na itinutulak nito ang kababaihan sa matinding pagdurusa. Paano naman ang prinsipyong, “Susundin ko siya kung tatahakin niya ang tamang landas, at kung hindi, iiwan ko siya”? Mali rin ang prinsipyong ito. Ang pagpapakasal sa kanya ay hindi nangangahulugan na ibinenta mo na ang iyong sarili sa kanya, at hindi mo rin siya dapat tratuhin bilang isang tagalabas. Sapat na para sa iyo na gampanan ang iyong mga responsabilidad sa inyong buhay mag-asawa. Kung nagiging matagumpay ang mga bagay-bagay, mabuti; kung hindi, humiwalay ka na. Natupad mo na ang iyong obligasyon nang may malinis na konsensiya. Kung kailangan ka niya para gampanan ang iyong mga responsabilidad sa pagsama sa kanya, gawin ito; kung hindi, humiwalay ka na. Iyan ang prinsipyo. Ang pariralang “Sundin mo ang lalaking pakakasalan mo, mabuti man siya o masama” ay isang kalokohan—nakapipinsala ito. Bakit kalokohan ito? Wala itong mga prinsipyo: Anumang uri ng tao ang isang lalaki, sinusunod mo siya nang walang pag-aatubili. Kung susundin mo ang isang mabuting lalaki, maaaring magkaroon ng saysay ang buhay. Pero kung susundin mo ang isang masamang lalaki, hindi ba’t ipinapahamak mo lang ang iyong sarili? Kaya, kahit anumang uri siya ng tao, dapat mayroon kang tumpak na paninindigan sa pag-aasawa. Kailangan mong maunawaan na ang katotohanan lamang ang nagbibigay ng tunay na proteksiyon at ng landas at mga prinsipyo para sa isang marangal na buhay. Ang ibinibigay ng mga magulang ay mga munting karanasan o mga diskarte lamang batay sa kanilang pagmamahal o mga pansariling interes. Ang gayong mga payo ay hindi talaga makapagpoprotekta sa iyo, at hindi rin ito makapagbibigay sa iyo ng mga tamang prinsipyo sa pagsasagawa. Gamiting halimbawa ang kasabihang, “Sundin mo ang lalaking pakakasalan mo, mabuti man siya o masama.” Dahil dito, maaaring maging mangmang ka tungkol sa pag-aasawa, na nagiging dahilan para mawalan ka ng dignidad at pagkakataong piliin ang tamang landas sa buhay. Higit pa, maaari ka ring mawalan ng pagkakataong maligtas dahil dito. Kaya, anuman ang intensiyon sa likod ng mga salita ng mga magulang, kung ito man ay bunga ng pagmamalasakit, proteksiyon, pagmamahal, pansariling interes, o anumang iba pang motibo, dapat mong makilatis ang iba’t iba nilang kasabihan. Kahit na ang kanilang inisyal na intensiyon ay para sa iyong kapakanan at proteksiyon, hindi mo dapat tanggapin ang mga ito nang walang ingat at nang parang isang hangal. Sa halip, dapat mong kilatisin ang mga ito at pagkatapos ay maghanap ka ng mga tumpak na prinsipyo ng pagsasagawa batay sa mga salita ng Diyos, hindi nagsasagawa o umaasal ayon sa kanilang mga salita. Lalo na ang “Magpakasal sa isang lalaki para mabihisan at makakain,” na madalas sabihin ng mga nakaraang henerasyon—mas lalong mali iyon. Wala bang mga kamay o paa ang mga babae? Hindi ba nila kayang kumita ng sarili nilang ikabubuhay? Bakit kailangan nilang umasa sa mga lalaki para mabihisan at makakain? Mahina ba ang isip ng mga babae? Kung ikukumpara sa mga lalaki, ano ang wala sa mga babae? (Wala naman.) Tama, walang kulang sa kanila. Ang kababaihan ay may kakayahang umiral nang nakapag-iisa, na ipinagkaloob sa kanila ng Diyos. Dahil ang kababaihan ay may kakayahang mamuhay nang nakapag-iisa, bakit sila aasa sa sustento ng mga lalaki? Hindi ba’t maling kaisipan ito? (Oo.) Ito ay pagkikintal ng isang maling kaisipan. Ang mga kababaihan ay hindi dapat balewalain ang kanilang halaga o hamakin ang kanilang sarili dahil lang sa kasabihang ito, na umaasa sa mga lalaki sa kanilang mga pangunahing pangangailangan. Siyempre, obligasyon ng lalaki na tustusan ang lahat ng gastusin sa pamumuhay para sa kanyang asawa at pamilya, sinisigurong mayroong sapat na makakain at maisusuot ang kanyang asawa. Gayunpaman, ang mga babae ay hindi dapat mag-asawa para lamang makakain at mabihisan o hindi dapat magkimkim ng gayong mga kaisipan at pananaw. Dahil may kakayahan kang mamuhay nang nakapag-iisa, bakit ka aasa sa isang lalaki para sa mga pangunahing pangangailangan? Hindi ba’t, sa isang antas, ito ay dahil sa impluwensiya ng kanilang mga magulang at sa pagkokondisyon ng mga kaisipan ng pamilya? Kung nakatatanggap ang isang babae ng ganitong pagkokondisyon sa pagtuturo ng pamilya, kung gayon siya ay tamad, ayaw gumawa ng kahit anong bagay kundi nais lamang niyang umasa sa ibang tao para makakain at mabihisan, o tinanggap niya ang mga kaisipan ng kanyang mga magulang, naniniwala na ang mga babae ay walang halaga at hindi nila kaya at hindi sila mismo ang dapat na lumutas sa mga isyung ito ng pagkain at pananamit, kundi dapat ay umasa lamang sila sa mga lalaki para makakain at mabihisan. Hindi ba’t hinahayaan ng babae na malugmok ang kanyang sarili sa kabuktutan? (Oo.) Bakit maling panghawakan ang mga gayong kaisipan at pananaw? Ano ang epekto ng mga ito? Bakit dapat bitiwan ng isang tao ang gayong nakakapanghamak na kaisipan? Kung pinapakain at binibihisan ka ng isang lalaki, at pagkatapos ay itinuturing mo siya bilang iyong amo, ang iyong superyor, ang siyang namamahala sa lahat, hindi ba’t sasangguni ka sa kanya sa bawat malaki o maliit na bagay? (Oo.) Halimbawa, kung nananampalataya ka sa Diyos, maaaring iniisip mo na, “Tatanungin ko ang namamahala kung pwede ba akong manampalataya sa Diyos; Kung sasabihin niyang oo, mananampalataya ako, kung hindi, hindi ko ito gagawin.” Kahit na hinihiling ng sambahayan ng Diyos sa mga tao na gampanan ang kanilang mga tungkulin, kailangan mo pa ring hingin ang pagsang-ayon ng taong namamahala; kung masaya siya at pumayag siya, maaari mong gampanan ang iyong tungkulin, pero kung hindi, hindi mo ito pwedeng gampanan. Bilang isang mananampalataya sa Diyos, magagawa mo man Siyang sundin o hindi ay nakasalalay sa ugali at pagtrato ng iyong asawa sa iyo. Makikilatis ba ng iyong asawa kung tunay o huwad ang daang ito? Matitiyak ba ang kaligtasan at pagpasok sa kaharian ng langit kung makikinig ka sa kanya? Kung matalino at nakaririnig sa tinig ng Diyos ang asawa mo, kung siya ay isa sa mga tupa ng Diyos, kung gayon, maaari kang makinabang kasama niya, ngunit nakikinabang ka lamang kasama niya. Gayunpaman, kung isa siyang taong tampalasan at isang anticristo at hindi niya maunawaan ang katotohanan, ano ang gagawin mo? Mananampalataya ka pa ba? Wala ka bang mga tainga, o utak? Hindi mo ba kayang makinig sa mga salita ng Diyos? Pagkatapos marinig ang mga ito, hindi mo ba kayang makakilatis para sa sarili mo? Mapagpapasyahan ba ng asawa mo ang iyong kapalaran? Kinokontrol at pinangangasiwaan ba niya ang iyong kapalaran? Ibinenta mo na ba ang iyong sarili sa kanya? Malinaw sa lahat ang tungkol sa mga doktrinang ito, ngunit pagdating sa ilang problema na may kinalaman sa mga prinsipyo, may tendensiya ang mga tao na maimpluwensiyahan ng pagkokondisyon ng kanilang pamilya sa mga kaisipan at pananaw na ito nang hindi nila namamalayan. Kapag iniimpluwensiyahan ka ng mga kaisipan at pananaw na ito, madalas kang magkamali sa panghuhusga, at kapag ginagabayan ka ng mga kaisipan sa likod ng mga maling panghuhusga na ito, gumagawa ka ng mga maling desisyon, na aakay sa iyo sa maling landas, na sa huli ay hahantong sa pagkawasak. Napalagpas mo ang pagkakataon mong magampanan ang iyong tungkulin, ang pagkakataong makamit ang katotohanan, at ang pagkakataong mailigtas. Ano ang nagtulak sa iyo sa pagkawasak? Sa panlabas, tila nalinlang at naimpluwensiyahan ka ng isang lalaki, at winasak ka niya. Pero ang totoo, ang sarili mong malalim nang nakaugat na kaisipan ang nagtulak sa iyo tungo sa pagkawasak. Ibig sabihin, ang pinaka-ugat ng kinalabasang ito ay ang kaisipang “Sundin mo ang lalaking pakakasalan mo, mabuti man siya o masama.” Kaya naman, ang pagbitiw sa kaisipang ito ay napakahalaga.

Ngayon, sa pagbabalik-tanaw sa mga kaisipan at pananaw mula sa mga magulang at pamilya na pinagbahaginan natin na may kinalaman sa mga prinsipyo at estratehiya sa pagharap sa mundo, mga pamantayan ng pag-uugali, mga paraan ng mundo, lahi, kalalakihan at kababaihan, pag-aasawa, at iba pa—mayroon bang positibo sa alinman sa mga ito? Mayroon bang anuman dito na makagagabay sa iyo nang kaunti tungo sa landas ng paghahangad sa katotohanan? (Wala.) Walang ni isa ang tumutulong sa iyo na maging isang tunay o kwalipikadong nilikha. Sa kabaligtaran, ang bawat isa sa mga ito ay lubos na pumipinsala sa iyo, nagtitiwali sa iyo sa pamamagitan ng pagkokondisyon ng gayong mga kaisipan at pananaw, dahil dito, ang mga tao ay ginagapos, kinokontrol, iniimpluwensiyahan, at ginugulo ng iba’t ibang maling kaisipan at pananaw sa kaloob-looban nila. Bagamat sa kaibuturan ng puso ng mga tao, ang pamilya ay isang lugar ng pagmamalasakit, isang lugar na puno ng mga alaala ng pagkabata at isang kanlungan ng kaluluwa, ang iba’t ibang negatibong impluwensiya na ibinibigay ng pamilya sa mga tao ay hindi dapat minamaliit. Hindi mapapawi ng pagmamalasakit ng pamilya ang mga maling kaisipang ito. Ang pagmamalasakit ng pamilya at magagandang alaala na dulot nito ay nagbibigay lamang ng kaunting ginhawa at kasiyahan sa aspekto ng pisikal na pagmamahal. Gayunpaman, hinggil sa mga bagay tulad ng kung paano umasal at humarap sa mundo, ng landas na dapat tahakin, o ng kung anong uri ng pananaw sa buhay at mga prinsipyo ang dapat taglayin, ang pagkokondisyon ng pamilya ay lubos na nakapipinsala. Mula sa perspektibang ito, bago pa man pumasok sa lipunan, nagawang tiwali na ang isang tao ng iba’t ibang kaisipan at pananaw sa kanyang pamilya—sumailalim na siya sa pagkokondisyon, kontrol, at impluwensiya ng iba’t ibang maling kaisipan at pananaw. Masasabi ng isang tao na ang pamilya ay ang lugar kung saan ang lahat ng maling kaisipan at pananaw ay unang natatanggap at ang lugar kung saan nagsisimulang umepekto at malayang naisasagawa ang mga ito. Ginagampanan ng mga pamilya ang ganitong uri ng papel sa buhay ng bawat isa at sa kanilang pang-araw-araw na buhay. Ang pagbabahaginan natin sa paksang ito ay hindi tungkol sa paghiling sa mga tao na bitiwan ang pagmamahal ng pamilya o pormal na humiwalay o putulin ang ugnayan sa kanilang pamilya. Hinihiling lamang nito sa mga tao na partikular na kilalanin, unawain, at siyempre, mas tumpak at praktikal na bitiwan ang iba’t ibang maling kaisipan at pananaw na ikinintal ng kanilang pamilya. Ito ang partikular na pagsasagawa na dapat panghawakan ng isang taong naghahangad sa katotohanan kapag tinatalakay ang mga paksang may kinalaman sa pamilya.

Marami pang paksang may kinalaman sa pamilya. Hindi ba’t totoo na ang mga kasabihang ito na ikinokondisyon ng pamilya sa mga tao at ang mga pinagbahaginan natin ay masyadong karaniwan? (Oo.) Madalas nating marinig ang mga ito na sinasabi ng mga pamilya—kung hindi sa isang pamilya, sa isa pang pamilya. Hindi ba’t laganap at tipikal ang mga kasabihang ito? Ikinintal ng karamihan sa mga pamilya ang mga kaisipan at pananaw na ito sa iba’t ibang antas. Ang bawat kasabihang pinagbahaginan natin ay lumilitaw sa iba’t ibang paraan sa karamihan ng mga pamilya at nakikintal sa iba’t ibang yugto ng paglaki ng isang tao. Mula sa araw na naikintal ang mga kaisipang ito sa isang tao, nagsisimula siyang tanggapin ang mga ito, nagkakaroon ng partikular na kamalayan at pagtanggap sa mga kaisipang ito, at pagkatapos, dahil wala siyang kakayahang protektahan ang kanyang sarili, pinanghahawakan niya ang mga kaisipan at pananaw na ito bilang kanyang mga estratehiya at paraan ng pagharap sa mundo upang mabuhay at umiral sa hinaharap. Siyempre, marami ding tao ang sumusunod sa mga ito bilang kanilang batayan para magkaroon ng posisyon sa lipunan. Kaya, ang mga kaisipan at pananaw na ito ay hindi lamang lumalaganap sa pang-araw-araw na buhay ng mga tao kundi pati na rin sa kanilang kalooban at sa iba’t ibang problema na kinakaharap nila sa kanilang landas ng pag-iral. Kapag lumilitaw ang iba’t ibang isyu, ang iba’t ibang kaisipan at pananaw na nasa loob ng puso ng mga tao ay gumagabay sa kung paano nila pinangangasiwaan ang mga usaping ito; kapag lumilitaw ang iba’t ibang isyung ito, ang mga ito ay pinangingibabawan at pinamumunuan ng iba’t ibang kaisipan at pananaw, pati na rin ng mga prinsipyo at estratehiya sa pagharap sa mundo. Maabilidad na nagagamit ng mga tao ang mga maling kaisipan at pananaw na ito sa tunay na buhay. Sa ilalim ng patnubay ng iba’t ibang maling kaisipan at pananaw, natural silang tumatahak sa maling landas. Dahil dinidiktahan ng mga maling kaisipan ang kanilang mga kilos, pag-uugali, buhay, at pag-iral, hindi maiiwasan na lihis din ang mga landas na kanilang tinatahak sa buhay. Dahil mali ang ugat ng mga kaisipang gumagabay sa kanila, natural na mali rin ang kanilang landas. Baluktot ang direksiyon ng kanilang landas, kaya’t nagiging napakalinaw ng resulta sa huli. Ang mga tao, na nakondisyon ng iba’t ibang kaisipan ng kanilang pamilya, ay tumatahak sa maling landas, at pagkatapos ay inililigaw sila ng maling landas na ito. Dahil dito, patungo sila sa impiyerno, patungo sa pagkawasak. Sa huli, ang ugat ng kanilang kapahamakan ay nakasalalay sa iba’t ibang maling kaisipang ikinondisyon ng kanilang mga pamilya. Dahil sa matitinding kahihinatnan, dapat bitiwan ng mga tao ang pagkokondisyon ng iba’t ibang kaisipang ibinigay sa kanila ng kanilang pamilya. Sa kasalukuyan, ang impluwensiya ng pagkokondisyon ng iba’t ibang maling kaisipan sa mga tao ay upang pigilan sila na tanggapin ang katotohanan. Dahil sa paggabay ng mga maling kaisipang ito at sa pag-iral ng mga ito, madalas na hindi maunawaan ng mga tao ang katotohanan at tinatanggihan at nilalabanan pa nga ito sa kanilang puso. Ang mas malala pa, siyempre, maaaring magdesisyon ang ilang tao na ipagkanulo ang Diyos. Ganito na ang nangyayari ngayon, ngunit kung titingnan nang pangmatagalan, sa ilalim ng mga sitwasyong hindi matanggap ng mga tao ang katotohanan o na ipinagkakanulo nila ang katotohanan, ang mga maling kaisipang ito ay umaakay sa kanila na tumahak sa isang lihis na landas na sumasalungat sa katotohanan, ipinagkakanulo at itinatanggi ang Diyos. Sa ilalim ng paggabay ng gayong maling landas, kahit na tila nakikinig sila sa sinasabi ng Diyos at tila tinatanggap nila ang Kanyang gawain, sa huli ay hindi sila tunay na maliligtas dahil sa maling landas na tinatahak nila. Nakakalungkot talaga ito. Samakatuwid, dahil ang impluwensiya ng iyong pamilya ay maaaring humantong sa malulubhang kahihinatnan, hindi dapat balewalain ng isang tao ang mga kaisipang ito. Kung nakondisyon ka ng mga kaukulang maling kaisipan mula sa iyong pamilya sa iba’t ibang isyu, dapat mong suriin at bitiwan ang mga ito—huwag nang kumapit sa mga ito. Anuman ang kaisipan, kung mali at sumasalungat ito sa katotohanan, ang tanging tamang landas na dapat mong piliin ay ang bitiwan ito. Ang tumpak na pagsasagawa ng pagbitiw ay ganito: Ang pamantayan o batayan ng iyong pagtingin, paggawa, o pangangasiwa sa bagay na ito ay hindi na dapat ang mga maling kaisipang ikinintal ng iyong pamilya, kundi dapat ay batay na sa mga salita ng Diyos. Bagamat maaaring hingin ng prosesong ito na magbayad ka ng kaunting halaga, na pakiramdam mo ay kumikilos ka nang labag sa iyong kalooban, na napapahiya ka, at maaaring magresulta pa nga ng kawalan sa iyong mga interes sa laman, anuman ang kinakaharap mo, dapat patuloy mong iayon ang iyong pagsasagawa sa mga salita ng Diyos at sa mga prinsipyong sinasabi Niya sa iyo, at hindi ka dapat sumuko. Tiyak na magiging mahirap ang proseso ng pagbabagong ito, hindi ito magiging madali. Bakit hindi ito magiging madali? Ito ay isang paligsahan sa pagitan ng mga negatibo at positibong bagay, isang paligsahan sa pagitan ng masasamang kaisipan mula kay Satanas at sa katotohanan, at isang paligsahan din sa pagitan ng iyong kagustuhan at pagnanais na tanggapin ang katotohanan at mga positibong bagay laban sa mga maling kaisipan at pananaw sa iyong puso. Dahil mayroong isang paligsahan, maaaring magdusa ang isang tao at dapat siyang magbayad ng halaga—ito ang dapat mong gawin. Kung gustong tahakin ng isang tao ang landas ng paghahangad sa katotohanan at kamtin ang kaligtasan, dapat niyang tanggapin ang mga katunayang ito at danasin ang mga paligsahang ito. Siyempre, sa panahon ng mga paligsahang ito, tiyak na magbabayad ka ng halaga, magdurusa ng pasakit, at bibitiwan mo ang ilang bagay. Anuman ang hitsura ng proseso, sa huli, ang pagkakaroon ng takot sa Diyos at pag-iwas sa kasamaan, pagkamit sa katotohanan at kaligtasan—iyon ang pinakalayon. Kaya, sulit lang ang anumang halagang ibinayad para sa layong ito dahil ito ang pinakatamang layon at ito ang dapat mong hangarin upang maging isang kwalipikadong nilikha. Upang makamit ang layong ito, gaano man kalaki ang pagsisikap o halagang dapat mong bayaran, hindi ka dapat magkompromiso, umiwas, o matakot, dahil hangga’t hinahangad mo ang katotohanan at nilalayong matakot sa Diyos, umiwas sa kasamaan, at mailigtas, kung gayon, kapag naharap ka sa anumang paligsahan o labanan, hindi ka mag-iisa. Sasamahan ka ng mga salita ng Diyos; taglay mo ang Diyos at ang Kanyang mga salita bilang iyong suporta, kaya hindi ka dapat matakot, tama? (Oo.) Kaya, mula sa ilang puntong ito, kung ito man ay maling pagkokondisyon ng pag-iisip mula sa pamilya o mula sa iba pang pinanggalingan, dapat piliin ng isang tao na bitiwan ito. Halimbawa, gaya lang ng pinagbahaginan natin, madalas na sinasabi sa iyo ng iyong pamilya, “Ang isang tao ay hindi dapat magtangkang pinsalain ang iba, ngunit dapat palagi siyang mag-ingat laban sa pinsalang maaaring gawin ng iba sa kanya.” Sa katunayan, ang pagsasagawa ng pagbitiw sa kaisipang ito ay simple lang: Kumilos lamang ayon sa mga prinsipyong sinasabi ng Diyos sa mga tao. “Ang mga prinsipyong sinasabi ng Diyos sa mga tao”—medyo malawak ang pariralang ito. Paano ito partikular na isinasagawa? Hindi mo kailangang suriin kung mayroon kang intensiyong pinsalain ang iba, hindi mo rin kailangang maging mapagbantay laban sa iba. Kaya, ano ang dapat mong gawin? Sa isang aspekto, dapat maayos mong mapanatili ang mga mapayapang ugnayan sa iba; sa isa pang aspekto, kapag nakikitungo sa iba’t ibang tao, dapat mong gamitin ang mga salita ng Diyos bilang batayan at ang katotohanan bilang isang pamantayan upang makilala kung anong uri sila ng tao, at pagkatapos ay tratuhin sila batay sa mga kaukulang prinsipyo. Ganoon lang ito kasimple. Kung sila ay mga kapatid, tratuhin sila bilang mga kapatid; kung sila ay masigasig sa kanilang paghahangad, at nagsasakripisyo at ginugugol ang kanilang sarili, kung gayon ay ituring sila bilang mga kapatid na tapat na gumagampan sa kanilang tungkulin. Kung sila ay mga walang pananampalataya, ayaw gampanan ang kanilang tungkulin, nais lamang na mamuhay nang pasibo, kung gayon, hindi mo sila dapat tratuhin bilang mga kapatid kundi bilang mga hindi mananampalataya. Kapag tinitingnan mo ang mga tao, dapat mong tingnan kung anong uri sila ng tao, ano ang kanilang disposisyon, pagkatao, at ang kanilang saloobin sa Diyos at sa katotohanan. Kung kaya nilang tanggapin ang katotohanan at handa silang isagawa ito, ituring mo sila bilang mga tunay na kapatid, bilang pamilya. Kung masama ang kanilang pagkatao, at magaling lang sila sa salita pero hindi handang isagawa ang katotohanan, may kakayahang talakayin ang doktrina pero hindi kailanman isinasagawa ang katotohanan, kung gayon, ituring mo sila bilang mga taga-serbisyo lamang, hindi bilang pamilya. Ano ang sinasabi ng mga prinsipyong ito sa iyo? Sinasabi ng mga ito sa iyo ang prinsipyo na dapat gamitin sa pagtrato sa iba’t ibang uri ng tao—ito ay isang prinsipyong madalas na nating tinatalakay, iyon ay ang pagtrato sa mga tao nang may karunungan. Ang karunungan ay isang pangkalahatang termino, ngunit sa partikular, nangangahulugan ito ng pagkakaroon ng mga malinaw na pamamaraan at prinsipyo sa pakikitungo sa iba’t ibang uri ng tao—lahat ay nakabatay sa katotohanan, hindi sa mga personal na damdamin, personal na kagustuhan, personal na pananaw, sa mga bentaha at desbentaha nila sa iyo, o sa kanilang edad, kundi sa mga salita lamang ng Diyos. Samakatuwid, sa pakikitungo sa mga tao, hindi mo kailangang suriin kung mayroon kang intensiyon na pinsalain ang iba o maging mapagbantay laban sa iba. Kung tinatrato mo ang mga tao nang may mga prinsipyo at pamamaraang ibinigay sa iyo ng Diyos, maiiwasan ang lahat ng tukso, at hindi ka mahuhulog sa anumang tukso o alitan. Ganito ito kasimple. Ang prinsipyong ito ay angkop din kapag humaharap sa mundo ng mga hindi mananampalataya. Kapag nakakita ka ng isang tao, iisipin mo, “Siya ay masama, isang diyablo, isang demonyo, isang butangero, o isang taong tampalasan. Hindi ko kailangang magbantay laban sa kanya; Hindi ko siya papansinin o gagalitin. Kung kinakailangan ko siyang makasalamuha dahil sa gawain, pangangasiwaan ko ito sa paraan na opisyal at walang kinikilingan. Kung hindi ito kinakailangan, iiwasan ko ang pakikipag-ugnayan o pakikisalamuha, at hindi ko siya ipagtatanggol o bobolahin. Hindi niya ako mahahanapan ng mali. Kung gusto niya akong apihin, may Diyos ako. Aasa ako sa Diyos. Kung pahihintulutan siya ng Diyos na apihin ako, tatanggapin ko ito at magpapasakop ako. Kung hindi ito pahihintulutan ng Diyos, hindi niya ako magagawang saktan kahit katiting.” Hindi ba’t ito ay tunay na pananalig? (Oo.) Dapat mayroon ka nitong tunay na pananalig at hindi matakot sa kanya. Huwag sabihing isa lang siyang astig na butangero o isang taong hindi naman importante: Kahit kapag nahaharap sa malaking pulang dragon, sinusunod natin ang prinsipyong ito. Kung binabawalan ka ng malaking pulang dragon na manampalataya sa Diyos, nangangatwiran ka ba rito? Pinangangaralan mo ba ito? (Hindi.) Bakit hindi? (Walang saysay pangaralan ito.) Ito ay isang diyablo, hindi karapat-dapat na makinig sa mga sermon. Hindi dapat sayangin ang mahahalagang bagay sa mga hindi marunong magpahalaga sa mga ito. Ang katotohanan ay hindi sinasalita para sa mga hayop o diyablo; ito ay para sa mga tao. Kahit na nakakaintindi ang mga diyablo o mga hayop, hindi ito ipapangaral sa kanila. Hindi sila karapat-dapat! Ano ang masasabi mo sa prinsipyong ito? (Mabuti.) Paano mo tinatrato ang mga may masamang pagkatao, ang masasama, ang mga naguguluhan, at ang mga walang katwiran na nang-aapi sa iglesia, o iyong mga nasa lipunan na may kapangyarihan, na nanggagaling sa malalaking pamilya, o nagtataglay ng kabantugan? Tratuhin sila ayon sa nararapat sa kanila. Kung sila ay mga kapatid, makihalubilo sa kanila. Kung hindi, huwag silang pansinin at ituring sila bilang mga walang pananampalataya. Kung angkop sila sa mga prinsipyo ng pagbabahagi ng ebanghelyo, ibahagi ito sa kanila. Kung hindi sila ang layon ng ebanghelyo, huwag makipagkita o makihalubilo sa kanila sa buhay na ito. Ganoon ito kasimple. Hindi na kailangang maging mapagbantay laban sa mga diyablo at kay Satanas, magsampa ng kaso laban sa kanila, o maghiganti. Huwag mo na lang silang pansinin. Huwag silang galitin, at huwag makihalubilo sa kanila. Kung, sa ilang kadahilanan ay hindi maiwasang makipag-ugnayan o makitungo sa kanila, kung gayon, harapin mo ang mga bagay sa paraan na opisyal at walang kinikilingan at nang batay sa mga prinsipyo. Ganoon ito kasimple. Ang mga prinsipyo at pamamaraang itinuturo ng Diyos para sa pagkilos at pag-uugali ng mga tao ay nakakatulong sa iyo na umasal nang may dignidad, tinutulutan kang mamuhay na taglay ang mas higit na wangis ng tao. Samantalang ang paraan ng pagtuturo sa iyo ng iyong mga magulang, bagamat tila nagmumukhang pinoprotektahan at binabantayan ka nila, ay talagang inililigaw at itinutulak ka sa kailaliman ng pagdurusa. Ang itinuturo nila ay hindi ang tamang paraan o ang matalinong diskarte sa pag-asal, kundi isang tuso at kasuklam-suklam na paraan na salungat at walang kaugnayan sa katotohanan. Kaya, kung ang tinatanggap mo lang ay ang mga kaisipang ikinokondisyon sa iyo ng iyong mga magulang, nagiging mabigat at matrabaho para sa iyo na tanggapin ang katotohanan, at nagiging mahirap ang pagsasagawa sa katotohanan. Gayunpaman, kung tunay kang may puso na bitiwan ang mga kaisipang tungkol sa pag-asal at ang mga prinsipyo ng pagharap sa mundo na nagmumula sa iyong pamilya, nagiging mas madali ang pagtanggap sa katotohanan, at gayundin ang pagsasagawa rito.

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.