Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan 12 (Ikaapat na Bahagi)

Sa ano pang paraan ka ikinondisyon ng iyong pamilya? Halimbawa, madalas na sinasabi sa iyo ng iyong mga magulang na: “Kung hindi mo kayang pigilan ang iyong bibig at padalos-dalos kang magsalita, kalaunan ay mapapahamak ka dahil dito! Dapat mong tandaan na ‘Ang taong maraming sinasabi ay madalas na nagkakamali!’ Ano ang ibig sabihin nito? Nangangahulugan ito na kung marami kang sinasabi, tiyak na sa huli ay pagsisisihan mo lang ito. Anuman ang sitwasyon, huwag kang magsalita nang padalos-dalos—tingnan mo muna kung ano ang sinasabi ng iba bago ka magsalita. Kung sasang-ayon ka sa karamihan, hindi ka mapapahamak. Ngunit kung palagi mong sinusubukang mamukod-tangi, at patuloy na nagsasalita nang padalos-dalos at inihahayag ang iyong pananaw nang hindi inaalam kung ano ang iniisip ng iyong pinuno, amo, o lahat ng tao sa paligid mo, at pagkatapos ay hindi pala parehong mag-isip ang iyong pinuno o amo, kung gayon, pahihirapan ka lang nila. May maganda bang idudulot iyon? Makulit na bata, dapat kang mag-ingat sa susunod. Ang taong maraming sinasabi ay madalas na nagkakamali. Tandaan mo lang iyon, at huwag kang magsalita nang padalos-dalos! Ang bibig ay para sa pagkain at paghinga, sa pagsasabi ng matatamis na salita sa iyong mga nakatataas, at sa pagsisikap na palugurin ang iba, hindi ito para sa pagsasabi ng katotohanan. Dapat mong piliin nang maiigi ang mga sasabihin mo, dapat kang gumamit ng mga panlalansi at pamamaraan, at dapat mong gamitin ang iyong utak. Bago pa man mamutawi sa bibig mo ang mga salita, pigilan mo ang mga ito at paulit-ulit na pag-isipan, hintayin ang tamang oras bago sabihin ang mga ito. Nakadepende rin dapat sa sitwasyon kung ano talaga ang sasabihin mo. Kung nagsisimula kang magbahagi ng iyong opinyon, pero napapansin mong hindi ito tinatanggap ng mga tao, o hindi gaanong maganda ang reaksiyon nila, huminto ka kaagad at pag-isipan mo kung paano ito sasabihin sa paraang makapagpapasaya sa lahat bago ka magpatuloy. Iyan ang gagawin ng isang matalinong bata. Kung gagawin mo iyon, hindi ka mapapahamak at magugustuhan ka ng lahat. At kung gusto ka ng lahat, hindi ba’t magiging pabor iyon sa iyo? Hindi ba’t magdudulot ito ng mas maraming oportunidad sa iyo sa hinaharap?” Kinokondisyon ka ng iyong pamilya sa pamamagitan ng pagsasabi sa iyo, hindi lamang kung paano magkamit ng magandang reputasyon, kung paano manguna, at kung paano bumuo ng matatag na katayuan sa iba, kundi kung paano rin manlinlang ng iba sa pamamagitan ng mga panlabas na anyo at hindi magsabi ng totoo, at lalong hindi ihayag lahat ng nasa isipan mo. Naaalala ng ilang taong napahamak matapos nilang sabihin ang totoo na sinabi sa kanila ng kanilang pamilya ang kasabihang “Ang taong maraming sinasabi ay madalas na nagkakamali,” at kumukuha sila ng aral mula rito. Mula noon, mas lalo silang naging handang isagawa ang kasabihang ito at gawin itong kanilang salawikain. Ang ibang tao naman ay hindi napahamak pero taimtim nilang tinatanggap ang pagkokondisyon ng kanilang pamilya sa bagay na ito, at patuloy nilang isinasagawa ang kasabihang ito anuman ang okasyon. Habang mas isinasagawa nila ito, mas nararamdaman nilang “Napakabuti ng mga magulang at lolo’t lola ko sa akin, sinsero silang lahat sa akin at gusto nila ang pinakamakabubuti para sa akin. Napakasuwerte ko na sinabi nila sa akin ang kasabihang ito, ‘Ang taong maraming sinasabi ay madalas na nagkakamali,’ kung hindi, madalas akong mapapahamak dahil hindi ko kayang pigilan ang bibig ko, at pahihirapan ako ng napakaraming tao, o mamatahin ako, o tutuyain at kukutyain. Talagang kapaki-pakinabang at nakakabuti ang kasabihang ito!” Sa pagsasagawa ng kasabihang ito, nagtatamo sila ng maraming tunay na pakinabang. Siyempre, kapag humarap sila sa Diyos, iniisip pa rin nila na ang kasabihang ito ay isang napakakapaki-pakinabang at nakabubuting bagay. Sa tuwing hayagang nagbabahagi ang isang kapatid tungkol sa kanyang personal na kalagayan, katiwalian, o karanasan at kaalaman, gusto rin nilang magbahagi at maging isang tuwiran at matapat na tao, at gusto rin nilang matapat na pag-usapan ang kanilang naiisip o nalalaman sa puso nila, para pansamantalang gumaan ang kanilang isipan, na napakatagal na panahon nang napipigilan, o para magkamit ng bahagyang kalayaan o kaginhawaan. Ngunit sa sandaling naaalala nila ang palaging ikinikintal sa kanila ng kanilang mga magulang, tulad ng, “‘Ang taong maraming sinasabi ay madalas na nagkakamali.’ Huwag magsalita nang padalos-dalos, maging isang tagapakinig sa halip na tagapagsalita, at matutong makinig sa iba,” nilulunok na nila ang anumang gusto nilang sabihin. Kapag natapos nang magsalita ang lahat, wala silang sasabihin at sa halip ay iniisip nila na: “Mainam ito, mabuti na ring wala akong sinabi sa pagkakataong ito, dahil sa sandaling sabihin ko ang saloobin ko, baka magkaroon ng mga opinyon tungkol sa akin ang lahat, at baka may mawala sa akin. Mabuti nang manahimik, marahil sa gayong paraan ay patuloy na iisipin ng lahat na matapat ako at hindi gaanong mapanlinlang, kundi likas lang na hindi palaimik na tao, at samakatuwid ay hindi ako isang taong nagpapakana, o isang taong sobrang tiwali, at lalong hindi isang taong may mga kuru-kuro tungkol sa Diyos, kundi sa halip ay isang taong simple at bukas. Hindi masama na ganito ang maging tingin sa akin ng mga tao, kaya bakit ko pa kailangang magsabi ng kahit ano? Sa totoo lang, nakakakita ako ng ilang resulta sa pamamagitan ng pagsunod sa kasabihang ito na ‘Ang taong maraming sinasabi ay madalas na nagkakamali,’ kaya’t patuloy akong kikilos nang ganito.” Ang pagsunod sa kasabihang ito ay nagdudulot sa kanila ng isang maganda at nakakaginhawang pakiramdam, kaya’t nananatili silang tahimik nang isang beses, dalawa, at nagpapatuloy ito hanggang sa isang araw, kapag napakarami na nilang kinikimkim na salita at gusto nilang magtapat sa kanilang mga kapatid, pero pakiramdam nila ay parang selyado at nakabusal ang kanilang bibig, at wala silang masabi ni isang salita. Dahil hindi sila makapagsabi sa kanilang mga kapatid, nagpapasya silang subukang kausapin ang Diyos, kaya’t lumuluhod sila sa harapan Niya at nagsasabing, “Diyos ko, may sasabihin ako sa Iyo. Ako ay….” Subalit maski pinag-iisipan nila ito nang mabuti sa puso nila, hindi nila alam kung paano ito sasabihin, hindi nila ito maipahayag, para bang tuluyan na silang naging pipi. Hindi nila alam kung paano pumili ng mga wastong salita o kung paano bumuo ng isang pangungusap. Ang napakaraming taon ng pagkikimkim ng damdamin ay nagpaparamdam sa kanilang lubusan silang napipigilan, at namumuhay sila sa isang madilim at maruming buhay, at kapag nagpasya na silang sabihin sa Diyos kung ano ang nasa puso nila at ilabas ang kanilang mga nararamdaman, hindi sila makapagsalita at hindi alam kung saan magsisimula, o kung paano ito sasabihin. Hindi ba’t kaawa-awa sila? (Oo, kaawa-awa sila.) Kung gayon, bakit, wala silang masabi sa Diyos? Ipinapakilala lamang nila ang kanilang sarili. Nais nilang sabihin sa Diyos kung ano ang nasa puso nila, pero wala silang masabi, at sa huli, ang tanging nasasabi nila ay: “Diyos ko, pakiusap, bigyan Mo po ako ng mga salitang dapat kong sabihin!” At tumutugon ang Diyos ng: “Napakarami ng dapat mong sabihin, pero ayaw mong sabihin ito, at hindi mo ito sinasabi kapag binibigyan ka ng pagkakataon, kaya binabawi Ko ang lahat ng ibinigay Ko sa iyo. Hindi Ko ito ibibigay sa iyo, hindi ka karapat-dapat para rito.” Saka lang nila mararamdaman na napakaraming nawala sa kanila nitong mga nakaraang taon. Bagamat pakiramdam nila ay nagkaroon sila ng isang napakarangal na buhay, at lubos silang nakapagpanggap at nakapagbalatkayo, kapag nakikita nilang nagkakamit ng mga pakinabang ang kanilang mga kapatid sa buong panahong ito, at kapag nakikita nilang nag-uusap ang kanilang mga kapatid tungkol sa kanilang mga karanasan ng mga ito nang walang anumang pag-aalinlangan at nagtatapat tungkol sa katiwalian ng mga ito, napagtatanto ng mga taong ito na sila mismo ay hindi makapagsabi ng isang pangungusap, at hindi alam kung paano. Napakatagal na nilang nananalig sa Diyos, at gusto nilang pag-usapan ang pagkakilala sa kanilang sarili, at talakayin ang kanilang karanasan at pagkalantad sa mga salita ng Diyos, at gusto nilang makakuha ng kaunting kaliwanagan at tanglaw mula sa Diyos, at magkamit ng isang bagay. Ngunit sa kasamaang-palad, dahil napakadalas nilang lahat na kumapit sa opinyong “Ang taong maraming sinasabi ay madalas na nagkakamali,” at madalas na nakagapos at kontrolado ng ideyang ito, namuhay sila sa kasabihang ito sa loob ng napakaraming taon, hindi sila nakatanggap ng anumang kaliwanagan o pagtanglaw mula sa Diyos, at mahirap, kaawa-awa, at wala pa rin silang natamo pagdating sa pagpasok sa buhay. Naisagawa nila ang kasabihan at ideyang ito nang napakahusay at sinunod ito sa bawat detalye, ngunit sa kabila ng pananampalataya sa Diyos sa napakaraming taon, wala silang nakamit na anumang katotohanan, at nananatiling mahirap at bulag. Binigyan sila ng Diyos ng bibig, pero wala silang anumang abilidad na magbahagi tungkol sa katotohanan, ni anumang abilidad na magsalita tungkol sa kanilang mga nararamdaman at nalalaman, lalo na ang abilidad na makipag-usap sa kanilang mga kapatid. Ang mas kahabag-habag pa ay na wala silang abilidad na kausapin ang Diyos, at nawalan sila ng gayong abilidad. Hindi ba’t kaawa-awa sila? (Oo, kaawa-awa sila.) Kaawa-awa at nakakalungkot. Hindi ba’t hindi ka mahilig makipag-usap? Hindi ba’t lagi kang takot na ang taong maraming sinasabi ay madalas na nagkakamali? Kung gayon, talagang wala kang dapat sasabihin. Hindi mo sinasabi ang iyong malalalim na saloobin na siyang ibinigay sa iyo ng Diyos, pinipigilan mo ang mga ito, tinatakpan, at pinipigilang umalpas ang mga ito. Palagi kang natatakot na mapahiya, natatakot na makaramdam ng pagbabanta, natatakot na mahalata ka ng iba, at palaging natatakot na hindi ka na magiging perpekto, matapat, at mabuting tao sa mga mata ng iba, kaya nagbabalatkayo ka, at walang sinasabi tungkol sa tunay mong iniisip. At ano ang nangyayari sa huli? Magiging isa ka na talagang pipi. Sino ang gumawa ng gayong pinsala sa iyo? Sa pinakaugat, ang pagkokondisyon ng iyong pamilya ang nagpahamak sa iyo. Ngunit mula sa sarili mong personal na perspektiba, ito ay dahil din sa gusto mong mamuhay ayon sa mga satanikong pilosopiya, kaya pinili mong maniwala na tama ang pagkokondisyon ng iyong pamilya, at hindi ka naniniwala na positibo ang mga hinihingi ng Diyos sa iyo. Pinipili mong ituring na isang positibong bagay ang epekto ng pagkokondisyon sa iyo ng iyong pamilya, at ituring ang mga salita ng Diyos, ang mga hinihingi Niya, at ang Kanyang panustos, tulong, at turo bilang mga bagay na dapat mong bantayan, bilang mga negatibong bagay. Samakatuwid, gaano man kalaki ang ipinagkaloob ng Diyos sa iyo sa simula, dahil sa iyong pagbabantay at paglaban sa lahat ng panahong ito, ang resulta sa huli, binabawi ng Diyos ang lahat at wala Siyang ibinibigay sa iyo, dahil hindi ka karapat-dapat dito. Kaya bago pa ito umabot sa ganoon, dapat mong bitiwan ang epekto ng pagkokondisyon sa iyo ng iyong pamilya sa bagay na ito, at huwag tanggapin ang maling ideya na “Ang taong maraming sinasabi ay madalas na nagkakamali.” Ang kasabihang ito ay nagtutulak sa iyo na maging mas sarado, mas mapanlinlang, at mas hipokrito. Ito ay ganap na naiiba at sumasalungat sa hinihingi ng Diyos sa mga tao na maging matapat, at hinihingi Niya na maging tuwiran at bukas sila. Bilang isang mananampalataya sa Diyos at tagasunod ng Diyos, dapat maging ganap kang determinado na hangarin ang katotohanan. At kapag ganap kang determinado na hangarin ang katotohanan, dapat ganap kang maging determinado na bitiwan ang inakala mong magagandang epekto ng mga pagkokondisyon na ibinibigay sa iyo ng iyong pamilya—dapat walang pagpipilian. Anuman ang mga epekto ng pagkokondisyon ng iyong pamilya sa iyo, gaano man kabuti o kapaki-pakinabang ang mga ito para sa iyo, gaano ka man pinoprotektahan ng mga ito, nagmumula ang mga ito sa mga tao at kay Satanas, at dapat mong bitiwan ang mga ito. Sumasalungat man sa mga salita ng Diyos at sa mga hinihingi Niya sa mga tao ang mga epekto ng pagkokondisyon ng iyong pamilya, o kaya naman ay pumipinsala ito sa iyong mga interes, at nag-aalis sa iyong mga karapatan, at kahit na sa tingin mo ay hindi ka pinoprotektahan ng mga ito at sa halip nilalayong ipahiya ka at gawin kang hangal, dapat mo pa ring ituring ang mga ito bilang mga positibong bagay, dahil ang mga ito ay nagmumula sa Diyos, ang mga ito ang katotohanan, at dapat mong tanggapin ang mga ito. Kung ang mga bagay na ikinondisyon sa iyo ng iyong pamilya ay may kinalaman sa iyong pag-iisip at pag-asal, sa pananaw mo sa pag-iral, at sa landas na tinatahak mo, kung gayon, dapat mong bitiwan ang mga ito at huwag kumapit sa mga ito. Sa halip, dapat mong palitan ang mga ito ng mga katumbas na katotohanan mula sa Diyos, at sa paggawa nito, dapat palagi mo ring kinikilatis at kinikilala ang mga likas na problema at diwa ng mga bagay na ito na ikinondisyon sa iyo ng iyong pamilya, at pagkatapos, kumilos at magsagawa ka sa pamamagitan ng pagsunod sa mga salita ng Diyos nang mas tumpak, praktikal, at totoo. Ang pagtanggap ng mga ideya, mga pananaw sa mga tao at bagay, at mga prinsipyo ng pagsasagawa na nagmumula sa Diyos—ito ang nakatakdang responsabilidad ng isang nilikha, at kung ano ang dapat gawin ng isang nilikha, at ito rin ang ideya at pananaw na dapat taglayin ng isang nilikha.

Bukod pa sa pagkintal ng mga bagay na inaakala ng mga tao na positibo at kapaki-pakinabang sa kanilang pag-iral, mga inaasam-asam, at kinabukasan, ang mga magulang sa ilang pamilya ay nagkikintal din ng ilang medyo labis-labis at buktot na ideya at pananaw sa kanilang mga anak. Halimbawa, sinasabi ng gayong mga magulang na: “Mas mabuti nang maging tunay na kontrabida kaysa sa isang huwad na maginoo.” Ito ay isang kasabihan na nagsasabi sa iyo kung paano umasal. Ang kasabihang ito na, “Mas mabuti nang maging tunay na kontrabida kaysa sa isang huwad na maginoo,” ay pinapapili ka sa pagitan ng dalawa. Pinapapili ka nito na maging isang tunay na kontrabida, ibig sabihin, maging lantarang masama, kaysa sa gawin ito nang patago sa mga tao. Sa gayong paraan, kahit isipin ng mga tao na hindi masyadong maganda ang mga ginagawa mo, hahangaan at sasang-ayunan ka pa rin nila. Nangangahulugan ito na, anumang masamang bagay ang ginagawa mo, dapat mong gawin ang mga ito nang harapan, hayagan at makatotohanan sa mga tao. Kinokondisyon at tinuturuan ng ilang pamilya ang kanilang mga anak sa ganitong paraan. Bukod sa hindi nila kinamumuhian ang mga taong iyon sa lipunan na may mga kasuklam-suklam at napakasamang ideya at pag-uugali, tinuturuan pa nga nila ang kanilang mga anak sa pamamagitan ng pagsasabi sa mga ito na: “Huwag maliitin ang mga taong ito. Sa katunayan, hindi naman talaga sila masasamang tao—baka nga mas mabait pa sila kaysa sa mga huwad na maginoo.” Sa isang punto, sasabihin nila sa iyo kung anong klaseng tao ang dapat mong maging, at sa isa pang punto, sasabihin din nila sa iyo kung paano kilatisin ang mga tao, kung anong uri ng mga tao ang ituturing na positibo, at kung anong uri ng mga tao ang ituturing na negatibo, tinuturuan kang makilala ang mga positibong bagay mula sa mga negatibong bagay, at tinuturuan ka rin kung paano umasal—ito ang uri ng pagtuturo at pagkokondisyon na ibinibigay nila sa iyo. Kaya, anong uri ng epekto ang taglay ng gayong pagkokondisyon na hindi nahahalata sa mga tao? (Hindi nakikilala ang mabuti at masama.) Tama iyan, hindi nakikilala ang mabuti at masama, tama at mali. Tingnan muna natin kung paano tinitingnan ng mga tao ang mga tinatawag na kontrabida at huwad na maginoo. Una sa lahat, iniisip ng mga tao na ang mga tunay na kontrabida ay hindi masasamang tao, at na iyon talagang mga huwad na maginoo ang masasamang tao. Iyong uri ng mga taong gumagawa ng masama sa likod ng iba habang nagkukunwaring mabait sa panlabas ang tinatawag na mga huwad na maginoo. Puro tungkol sa kabutihan ang sinasabi nila, katuwiran, at moralidad sa harap ng mga tao, pero gumagawa ng lahat ng uri ng masasamang bagay nang patago. Ginagawa nila ang lahat ng masasamang bagay na ito habang nagsasabi rin ng lahat ng uri ng magagandang bagay—ang mga taong tulad nito ay mga hantungan ng panunuya. Pagdating sa mga tunay na kontrabida, kasingsama lang din sila sa harap ng mga tao gaya ng kapag nasa likod sila ng mga ito, at gayunpaman, naging huwaran pa rin sila na ipinagtatanggol at pinag-aaralan, sa halip na maging mga hantungan ng panunuya ng mga tao. Ang ganitong uri ng kasabihan at pananaw ay may tendensiyang guluhin ang mga konsepto ng mga tao kung ano nga ba ang isang mabuting tao at kung ano mismo ang isang masamang tao. Kaya naman hindi sigurado ang mga tao at walang alam, at nagiging napakalabo ng kanilang mga konsepto. Kapag kinokondisyon ng pamilya ang mga tao sa ganitong paraan, iniisip pa nga ng ilang tao na, “Sa pagiging isang tunay na kontrabida, nagiging matapat ako. Ginagawa ko ang mga bagay nang hayagan. Kung may sasabihin ako, sasabihin ko ito sa harap mo. Kung pipinsalain kita, o ayaw ko sa iyo, o gusto kong samantalahin ka, dapat ko ring gawin ito sa harapan mo at ipaalam sa iyo ang tungkol dito.” Anong klaseng lohika ito? Anong uri ng kalikasang diwa ito? Kapag gumawa ng mga maling bagay at masasamang gawa ang masasamang tao, kailangan nilang humanap ng teoretikal na batayan para dito, at ito ang naiisip nila. Sinasabi nilang: “Tingnan mo, itong ginagawa ko ay hindi naman masyadong mabuti, pero mas mainam na ito kaysa sa maging isang huwad na maginoo. Ginagawa ko ito sa harap ng mga tao, at alam ng lahat ang tungkol dito—iyon ay tinatawag na pagiging matapat!” Kaya, ginagawang matatapat na tao ng mga kontrabida ang kanilang sarili. Sa ganitong uri ng pag-iisip sa isipan ng mga tao, ang kanilang mga konsepto ng tunay na integridad at tunay na kasamaan ay hindi kapansin-pansing malabo. Hindi nila alam kung ano ang ibig sabihin ng pagiging matapat, at iniisip nila na, “Hindi mahalaga kung ang sinasabi ko ay nakakasakit sa iba o kung tama ito o hindi, kung makatwiran ba ito o hindi, o kung naaayon ito sa mga prinsipyo at sa katotohanan o hindi. Hangga’t nangangahas akong magsalita, at wala akong pakialam sa mga kahihinatnan, at hangga’t mayroon akong tunay na disposisyon, isang tuwirang likas na katangian, at ganap akong matapat, at hangga’t hindi ako nagkikimkim ng anumang masamang layunin, kung gayon, tama lang ito.” Hindi ba’t binabaliktad nito ang tama at mali? (Oo.) Sa ganitong paraan, ang mga negatibong bagay ay nagiging positibong bagay. Samakatuwid, ginagamit ito ng ilang tao bilang batayan at umaasal sila ayon sa kasabihang ito, at ipinagpapalagay pa nga nila na nasa panig nila ang katarungan, iniisip na, “Sabagay, hindi kita nilalamangan, o nilalansi nang patalikod. Ginagawa ko ang mga bagay nang makatotohanan at hayagan. Isipin mo kung ano ang gusto mo. Para sa akin, ito ay pagiging matapat! Gaya nga ng kasabihang, ‘Hindi kailangang mag-alala ang isang tao tungkol sa mga tsismis kung siya ay matuwid,’ kaya, bahala ka kung ano ang gusto mong isipin!” Hindi ba’t ito ang lohika ni Satanas? Hindi ba’t ito ang lohika ng mga magnanakaw? (Oo.) Makatwiran ba na gumawa ka ng mga maling bagay, manggulo nang walang dahilan, kumilos katulad ng isang maniniil, at gumawa ng kasamaan? Ang paggawa ng kasamaan ay paggawa ng kasamaan: Kung ang diwa ng iyong ginagawa ay paggawa ng kasamaan, kung gayon, ito ay kasamaan. Paano sinusukat ang iyong mga kilos? Hindi nasusukat ang mga ito sa kung mayroon ka bang mga motibo o wala, o kung ginawa mo ba ang mga ito nang hayagan o hindi, o kung mayroon ka bang tunay na disposisyon o wala. Sinusukat ang mga ito ng katotohanan at ng mga salita ng Diyos. Ang katotohanan ang pamantayan sa pagsukat ng lahat ng bagay, at ang pangungusap na iyon ay lubos na naaangkop sa kasong ito. Ayon sa sukatan ng katotohanan, kung ang isang bagay ay masama, ito ay masama; kung ang isang bagay ay positibo, ito ay positibo; kung ang isang bagay ay hindi positibo, ito ay hindi positibo. At ano ang mga bagay na ito na iniisip ng mga tao bilang matuwid, at may tunay na disposisyon at tuwirang likas na katangian? Tinatawag iyan na pagbaluktot sa mga salita at pagpilit sa lohika, paggulo sa mga konsepto, at pagsasalita nang walang kabuluhan, tinatawag itong panliligaw sa mga tao, at kung nanliligaw ka ng mga tao, gumagawa ka ng kasamaan kung gayon. Hindi mahalaga kung ginagawa ito sa likod ng mga tao o sa harap nila, ang kasamaan ay kasamaan. Ang kasamaang ginagawa sa likod ng isang tao ay kabuktutan, samantalang ang kasamaang ginagawa sa harap ng isang tao ay tunay na mapaminsala at malupit, pero ang lahat ng ito ay nauugnay sa kasamaan. Kaya sabihin mo sa Akin, dapat bang tanggapin ng mga tao ang kasabihang ito na “Mas mabuti nang maging tunay na kontrabida kaysa sa isang huwad na maginoo”? (Hindi, hindi dapat.) Alin ang positibo—ang mga prinsipyo ng pag-uugali ng isang huwad na maginoo, o ang mga prinsipyo ng pag-uugali ng isang tunay na kontrabida? (Wala sa dalawa.) Tama, lahat ito ay negatibo. Kaya, huwag kang maging isang huwad na maginoo, o isang tunay na kontrabida, at huwag kang makinig sa kahunghangan ng iyong mga magulang. Bakit palaging nagbubulalas ng kahunghangan ang mga magulang? Sapagkat ganito mismo umaasal ang iyong mga magulang. Palagi nilang nararamdaman na “Mayroon akong tunay na disposisyon, isa akong tunay na tao, ako ay tuwiran, matapat ako sa mga nararamdaman ko, magalang akong tao, matuwid ako at hindi ko kailangang mag-alala tungkol sa mga tsismis, kumikilos ako nang disente at tumatahak sa tamang landas, ano ang dapat kong ikatakot? Wala akong ginagawang masama, kaya’t hindi ako natatakot sa mga demonyong kumakatok sa aking pintuan!” Hindi kumakatok ang mga demonyo sa pintuan mo ngayon, pero walang kakapusan ang masasamang gawain na nagawa mo at maparurusahan ka sa lalong madaling panahon. Matuwid ka at hindi natatakot sa mga tsismis, ngunit ano ang kinakatawan ng pagiging matuwid? Ito ba ang katotohanan? Ang pagiging matuwid ba ay nangangahulugang pag-ayon sa katotohanan? Nauunawaan mo ba ang katotohanan? Huwag kang mag-isip ng mga dahilan at palusot para sa iyong sariling masamang gawa, wala itong saysay! Hangga’t hindi ito umaayon sa katotohanan, ito ay kasamaan! Pakiramdam mo pa nga ay mayroon kang tunay na disposisyon. Dahil lang sa mayroon kang tunay na disposisyon, ibig sabihin ba nito ay maaari mong lamangan ang iba? O na maaari mong ipahamak ang iba? Anong lohika ito? (Ang lohika ni Satanas.) Ito ay tinatawag na lohika ng mga magnanakaw at diyablo! Gumagawa ka ng masama pero itinuturing mo ito na isang bagay na tama at nararapat, at nagdadahilan ka para dito at hinahangad mong bigyang-katwiran ito. Hindi ba’t kawalan ng kahihiyan iyon? (Oo.) Muli Kong sinasabi sa iyo, sa mga salita ng Diyos, kailanman ay walang anumang binanggit na pagpapahintulot sa mga tao na maging isang tunay na kontrabida o isang huwad na maginoo, ni anumang ganoong hinihingi para maging isang tunay na kontrabida o isang huwad na maginoo. Ang mga kasabihang ito ay pawang lantaran at malademonyong salita para linlangin at ilihis ang mga tao. Maaaring malihis ng mga ito ang mga taong hindi nakauunawa sa katotohanan, pero kung nauunawaan mo ang katotohanan ngayon, hindi ka na dapat kumapit sa gayong mga kasabihan o magpaimpluwensiya sa mga ito. Ang mga tao man ay mga huwad na maginoo o tunay na kontrabida, lahat sila ay diyablo, halimaw, at tampalasan, lahat sila ay walang kuwenta, lahat sila ay masama, at lahat sila ay nauugnay sa kasamaan. Kung hindi sila buktot, sila ay malupit, at ang tanging pagkakaiba sa pagitan ng isang huwad na maginoo at isang tunay na kontrabida ay makikita sa kanilang pagganap: Ang isa ay gumaganap nang hayagan, at ang isa ay palihim. At saka, mayroon silang iba’t ibang paraan ng pag-asal. Ang isa ay lantarang gumagawa ng kasamaan, habang ang isa naman ay nanlalansi sa likod ng mga tao; ang isa ay mas tuso at taksil, samantalang ang isa naman ay mas mapagmataas, mapandomina, at nagpapakita ng kanilang mga pangil; ang isa ay mas marumi at patago, samantalang ang isa ay mas kasuklam-suklam at mayabang. Ang mga ito ay dalawang satanikong paraan ng paggawa sa mga bagay-bagay, ang isa ay hayagan at ang isa ay patago. Kung kumikilos ka nang lantaran, isa kang tunay na kontrabida, at kung kumikilos ka nang patago, isa kang huwad na maginoo. Ano ang ipagyayabang diyan? Kung itinuturing mo ang kasabihang ito bilang salawikain mo, hindi ba’t isa kang hangal? Kaya, kung lubos kang naipahamak ng mga bagay na ikinondisyon o ikinintal sa iyo ng iyong pamilya sa aspektong ito, o kung kumakapit ka sa mga ganitong bagay, umaasa Ako na mabibitiwan mo ang mga ito, matutukoy at makikilala ang mga ito sa lalong madaling panahon. Tigilan mo ang pagkapit sa kasabihang ito, at ang pag-iisip na pinoprotektahan ka nito o ginagawa kang isang totoong tao o isang taong may karakter, pagkatao at isang tunay na disposisyon. Ang kasabihang ito ay hindi isang pamantayan sa kung paano dapat umasal ang isang tao. Para sa akin, mariin Kong kinokondena ang kasabihang ito, na kinasusuklaman Ko nang higit sa anupaman. Nasusuklam Ako hindi lamang sa mga huwad na maginoo, kundi pati na rin sa mga tunay na kontrabida—pareho silang kasuklam-suklam para sa Akin. Kaya, kung isa kang huwad na maginoo, kung gayon, mula sa Aking perspektiba, wala kang kuwenta, at wala nang magagawa pa para sa iyo. Ngunit kung ikaw ay isang tunay na kontrabida, mas masahol ka pa. Alam na alam mo ang tunay na daan pero sadya kang gumagawa ng pagkakasala, malinaw na alam mo ang katotohanan pero tahasan mo itong nilalabag at hindi mo ito isinasagawa, sa halip ay lantaran mong sinasalungat ang katotohanan, kaya mas mabilis kang mamamatay. Huwag mong isipin na, “Mayroon akong isang tuwirang likas na katangian, hindi ako isang huwad na maginoo. Bagamat isa akong kontrabida, isa akong tunay na kontrabida.” Paano ka naging tunay? Ang “pagiging tunay” mo ay hindi ang katotohanan, at hindi rin ito isang positibong bagay. Ang iyong “pagiging tunay” ay ang pagpapamalas ng diwa ng iyong mayabang at malupit na mga disposisyon. Ikaw ay “tunay” tulad ng sa tunay na Satanas, mga tunay na diyablo, at tunay na malupit, sa halip na tunay tulad ng sa katotohanan o sa isang bagay na talagang tunay. Kaya, pagdating sa kasabihang ito na “Mas mabuti nang maging tunay na kontrabida kaysa sa isang huwad na maginoo” na ikinokondisyon sa iyo ng iyong pamilya, dapat mo rin itong bitiwan, dahil wala itong anumang koneksiyon sa mga prinsipyo ng pag-asal na itinuturo ng Diyos sa mga tao, malayong-malayo ito sa mga itinuro ng Diyos. Samakatuwid, dapat mong bitiwan ito sa lalong madaling panahon, sa halip na patuloy na kumapit dito.

May isa pang uri ng epekto ng pagkokondisyon na ipinipilit ng pamilya. Halimbawa, palaging sinasabi sa iyo ng iyong mga kapamilya na: “Huwag masyadong mamukod-tangi sa karamihan, dapat mong rendahan ang iyong sarili at magsanay na pigilan nang kaunti ang iyong mga salita at kilos, pati ang iyong mga personal na talento, abilidad, IQ, at iba pa. Huwag maging iyong tipo ng tao na namumukod-tangi. Katulad ito ng mga kasabihang, ‘Ang ibong nag-uunat ng kanyang leeg ang unang nababaril,’ at ‘Ang nakausling tahilan ang unang nabubulok.’ Kung gusto mong protektahan ang iyong sarili, at magkaroon ng pangmatagalan at matatag na puwesto sa grupong kinabibilangan mo, huwag kang maging ibon na nag-uunat ng leeg, dapat mong rendahan ang iyong sarili at huwag mag-asam na makaangat sa lahat. Isipin mo ang lightning rod na siyang unang tinatamaan kapag may bagyo, dahil tinatamaan ng kidlat ang pinakamataas na tuktok; at kapag napakalakas ng ihip ng hangin, ang pinakamataas na puno ang unang sumasalo sa hagupit nito at nalilipad; at kapag malamig ang panahon, ang pinakamataas na bundok ang unang nagyeyelo. Ganoon din sa mga tao—kung palagi kang nangingibabaw sa iba at nakakakuha ng atensiyon, at napapansin ka ng mga Partido, seryoso nitong ikokonsidera na parusahan ka. Huwag maging ibong nag-uunat ng kanyang leeg, huwag lumipad nang mag-isa. Dapat kang manatili sa loob ng kawan. Kung hindi, kapag may anumang kilusang panlipunang protesta na nabuo sa paligid mo, ikaw ang unang maparurusahan, dahil ikaw ang ibong lumalabas. Huwag kang maging lider o pinuno ng grupo sa iglesia. Kung hindi, sa oras na may anumang mga kawalan o problema na nauugnay sa gawain sa sambahayan ng Diyos, bilang ang lider o superbisor, ikaw ang unang pupuntiryahin. Kaya, huwag kang maging ang ibong nag-uunat sa kanyang leeg, dahil ang ibong nag-uunat ng kanyang leeg ang unang nababaril. Dapat kang matutong itago ang iyong ulo at yumukyok na parang pagong.” Naaalala mo ang mga salitang ito mula sa iyong mga magulang, at kapag dumating na ang oras na kailangang pumili ng isang lider, tinatanggihan mo ang posisyon, sinasabing, “Naku, hindi ko kayang gawin ito! Mayroon akong pamilya at mga anak, masyado na akong abala sa kanila. Hindi ako pwedeng maging lider. Kayo na dapat gumawa nito, huwag ninyo akong piliin.” Ipagpalagay na nahalal ka pa rin bilang lider, nag-aatubili ka pa rin na gawin ito. “Kailangan ko yatang magbitiw,” sabi mo. “Kayo na ang maging lider, ibinibigay ko sa inyo ang buong pagkakataon. Tinutulutan ko kayong akuin ang posisyon, ipinapaubaya ko na sa inyo.” Nagninilay-nilay ka sa puso mo, “Huh! Ang ibong nag-uunat ng kanyang leeg ang unang nababaril. Kapag mas mataas ang pag-akyat mo, mas matindi rin ang lagapak mo, at malungkot doon sa tuktok. Hahayaan kitang maging lider, at pagkatapos mong mapili, darating ang panahon na magiging isa ka mismong katatawanan. Kahit kailan ay hindi ko ginustong maging isang lider, ayaw kong umangat, na nangangahulugang hindi ako babagsak nang napakataas. Isipin mo, hindi ba’t si gayo’t ganito ay natanggal bilang lider? Matapos matanggal, itiniwalag siya—hindi man lang siya nagkaroon ng pagkakataong maging isang ordinaryong mananampalataya. Ito ay isang perpektong halimbawa ng mga kasabihang ‘Ang ibong nag-uunat ng kanyang leeg ang unang nababaril’ at ‘Ang nakausling tahilan ang unang nabubulok.’ Hindi ba’t tama Ako? Hindi ba’t pinarusahan siya? Dapat matuto ang mga tao na protektahan ang kanilang sarili, kung hindi, ano ang silbi ng utak ng mga tao? Kung mayroon kang utak sa ulo mo, dapat mong gamitin ito para protektahan ang iyong sarili. Hindi malinaw na nakikita ng ilang tao ang isyung ito, pero ganyan talaga sa lipunan at sa anumang grupo ng mga tao—‘Ang ibong nag-uunat ng kanyang leeg ang unang nababaril.’ Igagalang ka nang husto habang iniuunat mo ang iyong leeg, hanggang sa sandaling mabaril ka. Pagkatapos, mapagtatanto mo na sa malao’t madali, ang mga taong naglalagay sa kanilang sarili sa unahan ay mapaparusahan dahil sa kanilang ginawa.” Ito ang mga masigasig na turo ng magulang at pamilya mo, at pati na ang tinig ng karanasan, ang purong karunungan ng kanilang buhay, na ibinubulong nila sa iyong tainga nang walang pag-aalinlangan. Ano ang ibig Kong sabihin sa “ibinubulong sa iyong tainga”? Ibig Kong sabihin na isang araw, ibubulong ng iyong ina sa tainga mo na, “Hayaan mong sabihin ko sa iyo, kung may isang bagay akong natutunan sa buhay na ito, ito ay na ‘Ang ibong nag-uunat ng kanyang leeg ang unang nababaril,’ na nangangahulugan na kung masyadong nangingibabaw o kumukuha ng labis na atensiyon ang isang tao, malamang na maparurusahan sila dahil dito. Tingnan mo kung gaano katahimik at katapat ang ama mo ngayon, ito ay dahil pinarusahan siya sa ilang kilusan ng panunupil. Ang iyong ama ay may talento sa panitikan, kaya niyang magsulat at magbigay ng mga talumpati, mayroon siyang mga kasanayan sa pamumuno, pero masyado siyang namumukod-tangi sa karamihan, at sa huli ay pinarusahan sa kilusan. Bakit, mula noon, hinding-hindi na nagsasalita ang ama mo tungkol sa pagiging isang opisyal ng gobyerno at mataas na tao? Ito ay dahil doon. Kinakausap kita nang mula sa puso at sinasabi sa iyo ang totoo. Dapat mong pakinggan at tandaan ito nang mabuti. Huwag mong kalimutan, dapat mo itong isaisip saan ka man magpunta. Ito ang pinakamainam na bagay na maibibigay ko sa iyo bilang iyong ina.” Pagkatapos niyon, natatandaan mo ang kanyang mga salita, at sa tuwing naaalala mo ang kasabihang “Ang ibong nag-uunat ng kanyang leeg ang unang nababaril,” ipinapaalala nito sa iyo ang iyong ama, at sa tuwing naiisip mo siya, naiisip mo ang kasabihang ito. Ang ama mo ay minsang naging ang ibong nag-unat ng leeg at nabaril, at ngayon, ang madilim at malungkot niyang hitsura ay nag-iwan ng malalim na impresyon sa isipan mo. Kaya, sa tuwing gusto mong iunat ang iyong leeg, sa tuwing gusto mong sabihin ang iniisip mo, sa tuwing gusto mong tapat na tuparin ang iyong tungkulin sa sambahayan ng Diyos, ang taos-pusong payo ng iyong ina na ibinulong niya sa iyo na—“Ang ibong nag-uunat ng kanyang leeg ang unang nababaril”—ay muling pumapasok sa isipan mo. Kaya, muli kang umuurong, iniisip na, “Hindi ako pwedeng magpakita ng anumang talento o mga espesyal na kakayahan, kailangan kong pigilan ang aking sarili at itigil ang mga ito. At tungkol naman sa mga payo ng Diyos sa mga tao na isapuso, isaisip, at ganap na ibuhos ang kanilang lakas sa pagganap ng kanilang tungkulin, dapat kong isagawa ang mga salitang ito nang may katamtaman lang, at hindi labis na magsikap para mamukod-tangi. Kung mamumukod-tangi ako sa pamamagitan ng pagsisikap ng husto, at iuunat ang leeg ko palabas sa pamamagitan ng pamumuno sa gawain ng iglesia, paano kung magkaproblema sa gawain ng sambahayan ng Diyos at ako ang pinananagot? Paano ko dapat pasanin ang pananagutang ito? Aalisin ba ako? Ako ba ang pagbubuntunan ng sisi, ang ibong nag-unat ng leeg? Sa sambahayan ng Diyos, hindi natin masasabi kung ano ang magiging resulta ng mga bagay na ito. Kaya, anuman ang gawin ko, talagang dapat akong maglaan ng matatakasan para sa sarili ko, dapat kong matutunang protektahan ang aking sarili, at tiyaking nakahanda ako sa lahat bago ako magsalita at kumilos. Ito ang pinakamatalinong paraan ng pagkilos, dahil gaya ng sinabi ng aking ina, ‘Ang ibong nag-uunat ng kanyang leeg ang unang nababaril.’” Malalim na nakatanim sa puso mo ang kasabihang ito at mayroon din itong malalim na impluwensiya sa iyong pang-araw-araw na buhay. Ang mas malala, siyempre, nakakaapekto ito sa saloobin mo sa pagganap ng iyong tungkulin. Wala bang malulubhang problema rito? Kaya, sa tuwing ginagampanan mo ang iyong tungkulin at nais mong taos-pusong igugol ang iyong sarili, at buong pusong gamitin ang lahat ng iyong lakas, ang kasabihang ito na—“Ang ibong nag-uunat ng kanyang leeg ang unang nababaril”—ay laging pumipigil sa iyo, at sa huli, palagi mong pinipiling bigyan ang iyong sarili ng kaunting palugit at puwang para makakilos, at gawin lamang ang iyong tungkulin nang maingat pagkatapos paglaanan ang iyong sarili ng matatakasan. Hindi ba’t tama Ako? Sa aspektong ito, lubos ka bang napoprotektahan ng pagkondisyon ng iyong pamilya mula sa pagkakalantad at pagkakawasto? Para sa iyo, ito ay isa pang birtud, hindi ba? (Oo.)

Batay sa lahat ng pinagbahaginan natin hanggang ngayon, ilang birtud mayroon ang mga tao bilang resulta ng pagkondisyon ng kanilang pamilya? (Pito.) Sa dinami-dami ng birtud, totoo ba na walang mga ordinaryong diyablo at demonyo ang mangangahas na mangialam sa iyo? Ipinaparamdam ng lahat ng birtud na ito na ligtas na ligtas ka, maginhawang-maginhawa, at napakasayang namumuhay sa mundo ng tao. Kasabay nito, ipinaparamdam ng mga ito sa iyo kung gaano kahalaga sa iyo ang pamilya, at kung gaano ka-napapanahon at kahalaga ang proteksiyon at mga birtud na ibinibigay sa iyo ng iyong pamilya. Sa tuwing nagtatamo ka ng mga tunay na pakinabang at proteksiyon bilang resulta ng mga birtud na ito, higit mong nararamdaman kaysa dati na mahalaga ang pamilya, at na palagi kang magdedepende rito. Sa tuwing nakararanas ka ng mga paghihirap at nababalot ng pag-aalinlangan at pagkalito, saglit mong pinapakalma ang iyong sarili at iniisip na, “Ano ang sinabi sa akin ng aking ina at ama? Anong mga kasanayan ang itinuro sa akin ng mga nakatatanda sa akin? Ano ang salawikaing ipinasa nila sa akin?” Agad, likas, at hindi sinasadyang bumabalik ka sa iba’t ibang ideya at sitwasyong ikinintal sa iyo ng iyong pamilya, naghahanap at humihingi ng kanilang proteksiyon. Sa mga gayong pagkakataon, ang pamilya ay nagiging ligtas mong kanlungan, isang makakapitan, isang suporta at motibasyon na palaging matatag, hindi natitinag, at hindi nagbabago, isang sikolohikal na tungkod na nagbibigay sa iyo ng kakayahang patuloy na mamuhay at pumipigil sa iyo na maguluhan at mag-alinlangan. Sa mga pagkakataong tulad nito, damang-dama mo sa kaibuturan mo na: “Ang pamilya ay napakahalaga para sa akin, nagbibigay ito sa akin ng labis na tibay ng pag-iisip, pati na rin ng mapagkukunan ng espirituwal na suporta.” Madalas mong purihin ang iyong sarili sa pamamagitan ng pag-iisip na, “Mapalad ako na nakinig ako sa mga sinabi sa akin ng mga magulang ko, kung hindi, humantong sana ako sa sobrang kahiya-hiyang sitwasyon ngayon, na inaapi o sinasaktan. Buti na lang at may alas ako, may birtud ako. Kaya, kahit sa sambahayan ng Diyos at sa iglesia, kahit sa panahon ng pagganap sa aking mga tungkulin, hindi ako maaapi ng sinuman, at hindi ako manganganib na mapaalis o mapangasiwaan ng iglesia. Maaaring hindi mangyari sa akin ang mga bagay na ito kailanman, salamat sa proteksiyong ibinibigay sa akin ng pagkokondisyon ng aking pamilya.” Subalit mayroon kang nakalimutan. Namumuhay ka sa kathang-isip na kapaligiran na may mga birtud at kung saan maaari mong protektahan ang iyong sarili, pero hindi mo alam kung natupad mo ba ang atas ng Diyos o hindi. Binalewala mo ang atas sa iyo ng Diyos, at binalewala mo ang iyong pagkakakilanlan bilang isang nilikha, at ang tungkuling dapat mong tuparin bilang isang nilikha. Binalewala mo rin ang saloobin na dapat mong ipamalas at ang lahat ng dapat mong ialay sa pagganap ng iyong tungkulin, habang ang tunay na pananaw sa buhay at mga prinsipyong dapat mong pahalagahan ay napalitan ng mga pananaw na ikinondisyon sa iyo ng iyong pamilya, at ang mga pagkakataon mong maligtas ay naaapektuhan at naiimpluwensyahan din ng pagkokondisyon ng iyong pamilya. Kaya naman, napakahalaga para sa lahat na bitiwan ang iba’t ibang epekto ng pagkokondisyon ng kanilang pamilya. Ito ay isang aspekto ng katotohanan na dapat isagawa, at ito rin ay isang realidad na dapat pasukin nang walang pagkaantala. Dahil kung may sasabihin sa iyo ang lipunan, malamang na gagawa ka ng isang makatwiran o hindi namamalayang desisyon para tanggihan ito; kung may sasabihin sa iyo ang isang estranghero o isang taong walang kaugnayan sa iyo, may tendensiya kang gumawa ng isang makatwiran o maingat na desisyon kung tatanggapin ito o hindi; ngunit kung may sasabihin sa iyo ang pamilya mo, may tendensiya kang tanggapin ito nang buo nang walang pag-aalinlangan o pagkilatis, at ang totoo ay mapanganib na bagay ito para sa iyo. Dahil iniisip mo na hindi kailanman makakagawa ng anumang pinsala sa isang tao ang pamilya, at na ang lahat ng ginagawa ng iyong pamilya para sa iyo ay para sa ikabubuti mo, para protektahan ka at para sa sarili mong kapakanan. Batay sa ipinagpalagay na prinsipyong ito, ang mga tao ay madaling guluhin at maimpluwensiyahan ng mga bagay na ito na hindi nasasalat at nasasalat na nanggagaling sa pamilya. Ang mga nakikitang bagay ay ang mga kapamilya ng isang tao at ang lahat ng gawain ng pamilya nito, habang ang mga bagay na hindi nakikita ay ang iba’t ibang ideya at pagtuturo na nanggagaling sa pamilya, pati na rin ang ilang pagkokondisyon sa kung paano ka dapat umasal at gumawa sa sarili mong mga gawain. Hindi ba’t totoo ito? (Oo.)

Maraming dapat talakayin tungkol sa mga epekto ng pagkokondisyon ng pamilya. Pagkatapos nating magbahaginan sa mga bagay na ito ngayong araw, dapat ninyong pagnilayan ang lahat ng ito at ibuod ang mga ito, isipin kung aling mga ideya at pananaw—maliban sa mga nabanggit Ko ngayon—ang maaaring magpahirap sa iyo sa pang-araw-araw mong buhay. Karamihan sa napagbahaginan natin ngayon ay nauugnay sa mga prinsipyo at paraan ng pagharap ng mga tao sa mundo, at may kaunting paksa na nauugnay sa pagtingin sa mga tao at bagay. Ang saklaw ng mga epekto ng pagkokondisyon ng pamilya sa mga tao ay karaniwang sumasaklaw sa mga bagay na ito. Mayroon ding ilang isyu na hindi nauugnay sa pananaw ng mga tao sa buhay o sa mga paraan ng pagharap sa mundo, kaya hindi na natin pag-uusapan ang mga iyon nang higit pa. Dito na nagtatapos ang ating pagbabahaginan para sa araw na ito. Hanggang sa muli!

Pebrero 11, 2023

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.