Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan 10 (Ikaapat na Bahagi)
Ngayong natapos na tayong magbahaginan sa problema ng baluktot na pagkaunawa at pagsasagawa ng mga taong may asawa, magbahaginan naman tayo sa paksa ng “ang paghahangad ng kaligayahan sa pag-aasawa ay hindi ang iyong misyon.” Ang pagbitiw ng mga tao sa iba’t ibang pantasya tungkol sa pag-aasawa ay nangangahulugang nagkaroon na sila ng mga wastong pagkaunawa at ideya na medyo naaayon sa katotohanan sa usapin ng konsepto at depinisyon ng pag-aasawa; subalit, hindi ibig sabihin nito na ganap na nilang mabibitiwan ang kanilang mga paghahangad, mithiin, at hangarin tungkol sa pag-aasawa. Para naman sa mga nag-asawa na, paano nila napapanatili ang kaligayahan nila bilang mag-asawa? Masasabing hindi wastong nahaharap ng maraming tao ang kaligayahan sa pag-aasawa, o hindi nila wastong nahaharap ang ugnayan ng kaligayahan sa pag-aasawa at ng misyon ng tao. Hindi ba’t problema rin ito? (Oo, problema nga ito.) Palaging itinuturing ng mga may asawa bilang isang malaking kaganapan sa buhay ang pag-aasawa at pinapahalagahan nila ito nang husto. Kaya, ipinagkakatiwala nila ang kanilang kaligayahan sa buhay sa kanilang buhay may-asawa at sa kanilang kabiyak, naniniwala sila na ang paghahangad ng kaligayahan sa pag-aasawa ang tanging layon na dapat hangarin sa buhay na ito. Kaya maraming tao ang nagsisikap nang husto, nagbabayad ng malaking halaga, at nagsasakripisyo nang malaki para sa kaligayahan ng pag-aasawa. Halimbawa, nagpakasal ang isang tao, para akitin ang kanilang kabiyak at mapanatiling “sariwa” ang kanilang buhay mag-asawa at ang kanilang pag-iibigan, marami siyang gagawin. Ang ilang babae ay nagsasabi na, “Ang daan patungo sa puso ng isang lalaki ay sa pamamagitan ng kanyang tiyan,” at kaya natututo siya mula sa kanyang ina o mga nakatatanda kung paano magluto, at gumawa ng masasarap na putahe at tinapay, ginagawa niya ang lahat ng gustong kainin ng kanyang asawa at nagsisikap siyang maghanda ng masasarap na pagkain na paborito nito. Kapag nagugutom ang kanyang mister, naiisip nito ang masasarap niyang putahe, pagkatapos ay naiisip din nito ang kanilang tahanan, naiisip siya nito, at kaya, nagmamadali itong umuwi. Sa ganitong paraan, madalas na hindi naiiwang mag-isa sa bahay ang asawang babae at madalas ay nasa tabi niya ang kanyang mister, at kaya nararamdaman niya na ang pag-aaral ng pagluluto ng masasarap na putahe para makuha ang puso ng kanyang asawa ay napakahalaga. Dahil ito ay isang paraan upang mapanatili ang kaligayahan sa buhay mag-asawa at ito ay ang halagang dapat bayaran ng isang babae at ang responsabilidad na dapat niyang gampanan alang-alang sa kaligayahan ng kanyang buhay may-asawa, nagsisikap siya nang husto para mapanatili niya nang ganito ang kanyang buhay may-asawa. May mga babae rin na walang kumpiyansa sa kanilang buhay may-asawa, at madalas nilang ginagamit ang iba’t ibang paraan upang mapasaya, maakit, at mahikayat ang kanilang asawa. Halimbawa, madalas na itinatanong ng ganitong babae sa kanyang mister kung naaalala ba nito kung kailan sila unang lumabas, kailan ang kanilang unang pagkikita, kailan ang kanilang anibersaryo, at ang iba pang petsa. Kung naaalala ng kanyang mister, pakiramdam niya ay mahal siya nito, na siya ay nasa puso nito. Kung hindi nito naaalala, nagagalit siya at nagrereklamo, “Hindi mo man lang maalala ang ganito kahalagang petsa. Hindi mo na ba ako mahal?” Nakikita mo, sa patuloy na pagtatangkang akitin ang kanyang kabiyak, kuhain ang atensyon nito, at panatilihin ang kaligayahan sa kanilang buhay mag-asawa, kapwa gumagamit ang mga lalaki at babae ng mga makamundong paraan para hikayatin ang kanilang kabiyak, at lahat sila ay gumagawa ng mga bagay na walang kabuluhan at kumikilos sila na parang mga bata. Mayroon ding ilang babae na nagbabayad ng anumang halaga para gawin ang mga bagay na mapanganib sa kanilang kalusugan. Halimbawa, may ilang babae na lampas sa edad na trenta, nang makita nila na ang kanilang balat ay hindi na ganoon kaganda at kaputi, at ang kanilang mukha ay hindi na ganoon kakinis at kaganda, nagpapa-facelift sila o kumukuha ng hyaluronic acid injection. Upang magmukhang mas maganda, may ilang babae na sumasailalim sa double eyelid surgery at nagpapatattoo sila ng kanilang kilay, madalas silang nagbibihis nang maganda at seksi para maakit ang kanilang mister, at natututo pa nga silang gawin ang mga romantikong bagay na ginagawa ng iba alang-alang sa kaligayahan ng kanilang buhay may-asawa. Halimbawa, sa isang espesyal na araw, ang ganitong babae ay maaaring maghanda ng masarap na hapunan na may kasamang mga kandila at red wine. Pagkatapos, pinapatay niya ang mga ilaw, at pagdating ng kanyang mister, papipikitin niya ito at tatanungin, “Anong araw ngayon?” Matagal na mag-iisip ang kanyang asawa kung anong mayroon sa araw na iyon pero hindi nito maisip. Sinindihan ng asawang babae ang mga kandila at nang buksan ng kanyang mister ang mga mata nito, ang araw na iyon ay ang sariling kaarawan pala nito, at sinasabi nito, “Ang ganda! Mahal na mahal kita! Hindi ko man lang naalala ang sarili kong kaarawan. Naaalala mo ang kaarawan ko, nakakatuwa ka!” Dahil doon, natutuwa at nasisiyahan ang babae. Dahil lamang sa ilang salitang ito mula sa kanyang mister, nasisiyahan siya at napapanatag. Ang mga lalaki at babae ay parehong nag-iisip nang husto kung paano mapapanatili ang kaligayahan sa kanilang buhay mag-asawa. Ang misis ay maraming binabago at isinasakripisyo, gumugugol siya ng maraming oras at pagsusumikap, at ganoon din ang ginagawa ng mister, nagtatrabaho nang husto at kumikita ng pera sa mundo, pinupuno ang kanyang pitaka, nag-uuwi ng mas maraming pera, at binibigyan ng mas magandang buhay ang kanyang misis. Upang mapanatili ang kanyang kaligayahan sa buhay may-asawa, kinakailangan din niyang matutunan ang ginagawa ng iba at bumibili siya ng mga rosas, regalo sa kaarawan, regalo sa Pasko, tsokolate tuwing Araw ng mga Puso, at iba pa, pinag-iisipan niya nang husto kung paano mapapasaya ang kanyang misis, ginagawa ang lahat ng kanyang makakaya para sa mga walang kabuluhang bagay na ito. At isang araw, nawalan siya ng trabaho at hindi siya naglakas-loob na sabihin sa kanyang misis, natatakot siya na baka hiwalayan siya nito o hindi na magiging masaya ang kanilang buhay mag-asawa. Kaya patuloy siyang nagpapanggap na pumapasok siya sa trabaho at na araw-araw niyang natatapos ang kanyang trabaho sa tamang oras, samantalang ang totoo ay naghahanap siya ng malilipatang trabaho. Ano ang ginagawa niya kapag dumating ang araw ng sahod at wala siyang natatanggap na pera? Nangungutang siya kung saan-saan para lang mapasaya ang kanyang misis, at sinasabi niya, “Tingnan mo, may 2,000 yuan akong bonus ngayong buwan. Bumili ka ng kahit anong gusto mo.” Walang alam ang kanyang misis sa totoong nangyayari, at bumibili nga ito ng ilang mamahaling bagay. Punong-puno ng pag-aalala ang kanyang isipan at pakiramdam niya ay wala siyang mapupuntahan, at lumalala ang kanyang pagkabalisa. Lalaki man o babae, silang lahat ay maraming ginagawa at naglalaan ng maraming oras at pagsusumikap upang mapanatili ang kaligayahan ng kanilang buhay may-asawa, kahit na umabot sa punto ng paggawa ng mga bagay na labag sa kanilang konsensiya. Sa kabila ng pag-aaksaya ng maraming oras at pagsusumikap, hindi pa rin alam ng mga taong sangkot kung paano tamang harapin o pangasiwaan ang mga bagay na ito, pinipiga pa nga ang kanilang utak para matuto, mag-aral, at kumonsulta sa iba upang mapanatili ang kaligayahan sa kanilang buhay may-asawa. May ilang tao pa nga na, pagkatapos manampalataya sa Diyos, tinatanggap ang kanilang tungkulin at ang atas sa kanila ng sambahayan ng Diyos, subalit upang mapanatili ang kaligayahan at kasiyahan sa kanilang buhay may-asawa, nagkukulang sila sa paggampan sa kanilang tungkulin. Dapat sana ay pumunta sila sa malayong lugar upang ipangaral ang ebanghelyo, umuuwi sa kanilang tahanan nang isang beses kada linggo o kahit minsan lang sa loob ng mahabang panahon, o maaari nilang lisanin ang kanilang tahanan at gampanan ang kanilang tungkulin nang buong oras at nang ayon sa kanilang iba’t ibang kakayahan at kalagayan, ngunit natatakot silang hindi matutuwa ang kanilang asawa sa kanila, na hindi magiging masaya ang kanilang buhay may-asawa, o na tuluyan nang matatapos ang kanilang buhay may-asawa, at para sa ikasasaya ng kanilang buhay may-asawa, isinusuko nila ang maraming oras na dapat sana ay iginugugol sa paggampan ng kanilang tungkulin. Lalo na kapag naririnig nila ang kanilang kabiyak na nagrereklamo o umaangal, mas lalo silang nagiging maingat sa pagpapanatili ng kanilang buhay may-asawa. Ginagawa nila ang lahat para mapasaya ang kanilang kabiyak at nagsisikap sila nang husto upang gawing masaya ang kanilang buhay may-asawa, para hindi ito magwakas. Siyempre, ang mas malubha pa rito ay may ilang tumatanggi sa tawag ng sambahayan ng Diyos at tumatangging gampanan ang kanilang tungkulin upang mapanatili ang kaligayahan sa kanilang buhay may-asawa. Kapag dapat sana ay nililisan nila ang kanilang tahanan upang gampanan ang kanilang tungkulin, dahil hindi nila kayang mawalay sa kanilang asawa o dahil tutol ang mga magulang ng kanilang asawa sa kanilang pananampalataya sa Diyos at tutol ang mga ito na iwanan nila ang kanilang trabaho at lisanin nila ang tahanan para magampanan ang kanilang tungkulin, nakikipagkompromiso sila at tinatalikdan nila ang kanilang tungkulin, sa halip ay pinipili nilang panatilihin ang kaligayahan at integridad ng kanilang buhay may-asawa. Upang mapanatili ang kasiyahan at integridad ng kanilang buhay may-asawa, at upang maiwasan ang pagkasira at pagtatapos ng kanilang buhay may-asawa, pinipili na lang nilang tuparin ang kanilang mga responsabilidad at obligasyon sa buhay may-asawa at tinatalikdan nila ang misyon ng isang nilikha. Hindi mo naiisip na, anuman ang iyong papel sa pamilya o sa lipunan—ito man ay bilang asawa, anak, magulang, empleyado, o ano pa man—at mahalaga man o hindi ang iyong papel sa buhay may-asawa, iisa lamang ang iyong pagkakakilanlan sa harap ng Diyos at iyon ay bilang isang nilikha. Wala kang pangalawang pagkakakilanlan sa harap ng Diyos. Kaya, kapag tinatawag ka ng sambahayan ng Diyos, iyon ang oras na dapat mong gampanan ang iyong tungkulin. Ibig sabihin, bilang isang nilikha, hindi mo dapat tuparin lang ang iyong tungkulin kapag natutupad na ang kondisyon ng pagpapanatili ng kaligayahan at integridad sa iyong buhay may-asawa, sa halip, hangga’t ikaw ay isang nilikha, ang misyon na ibinibigay sa iyo at ipinagkakatiwala sa iyo ng Diyos ay dapat na tuparin nang walang kondisyon; anuman ang sitwasyon, obligasyon mo na gawing priyoridad ang misyon na ipinagkatiwala sa iyo ng Diyos, habang ang misyon at responsabilidad na ibinigay sa iyo ng pag-aasawa ay hindi priyoridad. Bilang isang nilikha, ang misyon na dapat mong gampanan at na ibinigay sa iyo ng Diyos ang dapat palagi mong unang priyoridad sa ilalim ng anumang kalagayan at anumang sitwasyon. Kaya, gaano mo man ninanais na mapanatili ang kaligayahan ng iyong buhay may-asawa, o ano man ang sitwasyon ng iyong buhay may-asawa, o gaano man kalaki ang halagang ibinabayad ng iyong kabiyak para sa inyong buhay mag-asawa, wala sa mga ito ang dahilan upang tanggihan ang misyong ipinagkatiwala sa iyo ng Diyos. Ibig sabihin, gaano man kasaya ang iyong buhay may-asawa o gaano man katibay ang integridad nito, hindi nagbabago ang iyong pagkakakilanlan bilang isang nilikha, at kaya, ang misyong ipinagkatiwala sa iyo ng Diyos ay ang nakatakdang tungkulin na dapat mong unahin sa lahat, at wala itong kondisyon. Kaya, kapag ipinagkatiwala sa iyo ng Diyos ang iyong misyon, kapag nagkaroon ka ng tungkulin at misyon ng isang nilikha, dapat mong bitiwan ang iyong paghahangad sa masayang buhay may-asawa, talikdan ang iyong paghahangad na panatilihin ang isang matibay na buhay may-asawa, gawing unang priyoridad ang Diyos at ang misyon na ipinagkatiwala sa iyo ng sambahayan ng Diyos, at huwag kang kumilos na parang isang hangal. Ang pagpapanatili ng kaligayahan sa buhay may-asawa ay responsabilidad mo lamang bilang asawa sa loob ng balangkas ng buhay mag-asawa; ito ay hindi ang responsabilidad o misyon ng isang nilikha sa harap ng Lumikha, kaya hindi mo dapat talikdan ang misyon na ipinagkatiwala sa iyo ng Lumikha upang mapanatili ang kaligayahan ng iyong buhay may-asawa, ni gawin ang maraming walang kabuluhan, mababaw, at pambatang bagay na wala namang kinalaman sa mga responsabilidad ng pagiging isang asawa. Ang kailangan mo lang gawin ay tuparin ang iyong mga responsabilidad at obligasyon bilang isang asawa nang ayon sa mga salita at hinihingi ng Diyos—ibig sabihin, nang ayon sa mga pinakaunang tagubilin ng Diyos. Sa pinakamababa, dapat mong tuparin ang mga responsabilidad ng isang asawa nang may konsensiya at katwiran ng normal na pagkatao, at sapat na iyon. Tungkol naman sa diumano’y “Ang daan patungo sa puso ng isang lalaki ay sa pamamagitan ng kanyang tiyan,” o sa pagiging romantiko, o sa palaging pagdiriwang ng iba’t ibang uri ng anibersaryo, o sa mundo ng mag-asawa, o sa paghahangad sa “magkahawak kamay at tatanda nang magkasama,” o “Iibigin kita magpakailanman tulad ng pag-ibig ko sa iyo ngayon,” at iba pang walang kabuluhang bagay, ang mga ito ay hindi ang responsabilidad ng normal na lalaki at babae. Siyempre, upang maging mas tumpak, ang mga bagay na ito ay hindi ang mga responsabilidad at obligasyon sa loob ng balangkas ng pag-aasawa ng isang taong naghahangad sa katotohanan. Ang mga paraan ng pamumuhay at mga paghahangad sa buhay na ito ay hindi ang dapat na isagawa ng isang taong naghahangad sa katotohanan, at kaya bago ang lahat, dapat mo munang bitiwan ang mga walang kwenta, walang kabuluhan, pangbata, paimbabaw, nakakasuya, at nakakasuklam na kasabihan, pananaw, at pagsasagawa mula sa kailalim-laliman ng iyong isipan. Huwag hayaang masira ang iyong buhay may-asawa, at huwag hayaan ang iyong paghahangad sa kaligayahan ng buhay may-asawa na magapos ang iyong mga kamay, paa, isipan, at mga hakbang, ginagawa kang parang bata, hangal, bulgar, at buktot. Ang mga makamundong paghahangad ng isang masayang buhay may-asawa ay hindi ang mga obligasyon at responsabilidad na dapat tuparin ng isang taong may normal na katwiran, sa halip, ito ay ganap na nagmula sa buktot na mundong ito at sa tiwaling sangkatauhan at may nakasisirang epekto sa pagkatao at isipan ng lahat ng tao. Dahil dito, mabubulok ang iyong isipan, babaluktutin nito ang iyong pagkatao, at magiging sanhi ang mga ito na maging buktot, komplikado, magulo ang iyong mga kaisipan, at maging labis-labis pa nga. Halimbawa, nakikita ng ilang babae na nagiging romantiko ang ibang lalaki, nagbibigay ng mga rosas sa kanilang misis tuwing anibersaryo ng kanilang kasal, o sinasamahan ang kanilang misis sa pamimili o niyayakap ang kanilang misis o binibigyan ng espesyal na regalo kapag galit o malungkot ito, o sinosorpresa pa nga ito upang pasayahin ito, at iba pa. Kapag tinanggap mo ang mga kasabihan at kaugaliang ito sa iyong sarili, nanaisin mo rin na gawin ng iyong kabiyak ang mga bagay na iyon, nanaisin mo rin ang ganoong uri ng buhay at ganoong klase ng pagtrato, kaya ang iyong katwiran ay magiging hindi normal at magugulo at masisira ito ng gayong mga kasabihan, ideya, at kaugalian. Kung hindi ka binibilhan ng rosas ng iyong kabiyak, hindi nagsisikap na pasayahin ka, o hindi gumagawa ng anumang romantikong bagay para sa iyo, ikaw ay nagagalit, sumasama ang loob, at hindi nasisiyahan—nararamdaman mo ang iba’t ibang bagay. Kapag napuno ng ganitong mga bagay ang buhay mo, ang mga obligasyon na dapat mong tuparin bilang isang babae at ang tungkulin at mga responsabilidad na dapat mong gampanan sa sambahayan ng Diyos bilang isang nilikha ay pawang nagugulo. Mamumuhay ka sa kalagayan ng kawalang-kasiyahan, at ang iyong normal na buhay at kinagawian ay magagambala ng mga damdamin at isipin ng kawalang-kasiyahan. Kaya, makakaimpluwensiya ang iyong mga paghahangad sa lohikal na pag-iisip ng iyong normal na pagkatao, sa iyong normal na paghusga at, siyempre, sa mga responsabilidad at obligasyon na dapat mong tuparin bilang isang normal na tao. Kung maghahangad ka ng mga makamundong bagay at ng kaligayahan sa buhay may-asawa, hindi maiiwasan na ikaw ay maging “sekularisado.” Kung naghahangad ka lamang ng kaligayahan sa buhay may-asawa, tiyak na palagi mong kakailanganin ang iyong asawa na magsabi ng mga bagay na tulad ng “Mahal kita,” at kung ang iyong asawa ay hindi kailanman nagsasabi ng “Mahal kita,” iisipin mo, “Napakalungkot ng aking buhay may-asawa. Ang aking mister ay kasingmanhid ng bato, parang isang hangal. Ang ginagawa lang niya ay kumita ng kaunting pera, gumugol ng kaunting pagsisikap, at gumawa ng mano-manong trabaho. Sa oras ng pagkain, sinasabi niya, ‘Kumain na tayo,’ at sa oras ng pagtulog, sinasabi niya, ‘Oras na para matulog, sana ay maging maganda ang panaginip mo, at makatulog ka nang mahimbing,’ at iyon na iyon. Bakit hindi niya kayang sabihin ang ‘Mahal kita’ kahit kailan? Hindi man lang ba niya masabi ang kahit isang romantikong bagay na ito?” Maaari ka bang maging isang normal na tao kapag puno ang iyong puso ng gayong mga bagay? Hindi ba’t palagi kang nasa isang hindi normal at emosyonal na kalagayan? (Oo.) May mga taong walang pagkilatis sa mga buktot na kalakaran ng mundo; walang panlaban, walang panangga. Itinuturing ng ganitong babae ang usaping ito, ang penomenong ito ng pagsasabi ng mga romantikong bagay bilang isang tanda ng kaligayahan sa buhay may-asawa, at kaya nais niyang hangarin ito, tularan ito, kamtin ito, at kapag hindi niya ito nakakamtan ay nagagalit siya, at madalas niyang itinatanong sa kanyang mister, “Sabihin mo nga, mahal mo ba ako o hindi?” Dahil napakaraming beses na itong natanong, naiinis na ang kanyang mister at, nang namumula sa galit, nabubulalas nito na, “Mahal kita.” At sinasabi ng asawang babae, “Sabihin mo nga ulit.” Sobrang nagpipigil ang kanyang mister hanggang sa namumula na ang mukha at leeg nito, at sinabi nito, “Mahal kita.” Kita mo, sinasabi ng disenteng lalaking ito ang nakayayamot na bagay na ito, pero hindi ito galing sa puso nito, at kaya ito ay naiilang. Kapag narinig ito ng misis, siya ay labis na natutuwa at sinasabi niya, “Sapat na iyan!” At ano ang sinasabi ng kanyang mister? “Tingnan mo nga ang sarili mo. Masaya ka na ba ngayon? Naghahanap ka lang ng gulo.” Sabihin ninyo sa Akin, kapag ang isang babae at isang lalaki ay namumuhay sa ganitong klase ng buhay may-asawa, ito ba ay kaligayahan? (Hindi.) Masaya ka ba kapag naririnig mo ang mga salitang “Mahal kita”? Ito ba ang paliwanag sa kaligayahan sa buhay may-asawa? Ganito lang ba ito kasimple? (Hindi.) May isang babae na laging nagtatanong sa kanyang mister, “Tingin mo ba ay mukha na akong matanda?” Ang kanyang mister ay matapat, kaya sinasabi nito, “Oo, kaunti. Sino ba naman ang hindi magmumukhang matanda kapag kuwarenta anyos na?” Tutugon ang babae, “Hindi mo na ba ako mahal? Bakit hindi mo sinasabi na mukha akong bata? Ayaw mo ba na tumatanda ako? Gusto mo na bang maghanap ng ibang babae?” Sinasabi ng kanyang asawa, “Nakakainis naman! Ni hindi ako makapagsalita nang matapat sa iyo. Ano ba ang problema mo? Nagiging matapat lang naman ako. Sino ba ang hindi tumatanda? Gusto mo bang maging isang uri ng halimaw?” Ang mga ganitong babae ay wala sa katwiran. Ano ang tawag natin sa mga taong naghahangad sa ganitong uri ng diumano’y kaligayahan sa buhay may-asawa? Kung gagamit ng bulgar na salita, sila ay basura. At ano ang maaari nating itawag sa kanila kung hindi tayo nagpapakabulgar? Sila ay may sakit sa pag-iisip. Ano ang ibig Kong sabihin sa “may sakit sa pag-iisip”? Ang ibig Kong sabihin ay wala silang pag-iisip ng normal na pagkatao. Sa edad na kuwarenta o singkuwenta, malapit na sila sa katandaan at hindi pa rin nila nakikita nang malinaw kung ano ang buhay, kung ano ang pag-aasawa, at palagi silang gumagawa ng mga bagay na walang kabuluhan at nakayayamot. Naniniwala silang ito ang kaligayahan ng buhay may-asawa, na kalayaan at karapatan nila ito, at na dapat silang maghangad sa ganitong paraan, mamuhay sa ganitong paraan, at harapin ang pag-aasawa sa ganitong paraan. Hindi ba’t hindi sila kumikilos nang wasto? (Hindi nga.) Marami bang tao ang hindi kumikilos nang wasto? (Oo.) Marami sa mundo ng mga walang pananampalataya, pero mayroon bang ganoon sa sambahayan ng Diyos? Marami bang ganoon? Ang pagiging romantiko, mga regalo, yakap, sorpresa, at ang mga salitang “Mahal kita,” at iba pa ay pawang mga tanda ng kaligayahan sa buhay may-asawa na kanilang hinahangad at ito ang mga layon ng kanilang paghahangad ng kaligayahan sa buhay may-asawa. Ganito ang mga taong hindi nananalig sa Diyos, at hindi maiiwasan na marami ang nananalig sa Diyos ngayon na may gayong paghahangad at mga gayong pananaw. Kaya, marami ang nananalig sa Diyos sa loob ng sampung taon o higit pa, na nakapakinig na ng ilang sermon at nakaunawa sa ilang katotohanan, ngunit para mapanatili ang kaligayahan ng kanilang buhay may-asawa, masamahan ang kanilang asawa, at matupad ang kanilang mga ipinangako tungkol sa kanilang buhay may-asawa at ang layon ng kaligayahan sa buhay may-asawa na kanilang ipinangakong hangarin, hindi nila kailanman natupad ang kanilang mga responsabilidad at tungkulin sa harap ng Lumikha. Sa halip, hindi sila lumalabas ng kanilang tahanan, hindi nila iniiwan ang kanilang tahanan kahit gaano pa kaabala ang gawain sa sambahayan ng Diyos, at hindi nila iniiwan ang kanilang asawa upang tuparin ang kanilang tungkulin, sa halip, itinuturing nila ang paghahangad at pagpapanatili ng kaligayahan sa buhay may-asawa bilang isang pang-habangbuhay na layon na kanilang ipinaglalaban at pinagsusumikapan nang husto. Sa pagkakaroon ng gayong paghahangad, hinahangad ba nila ang katotohanan? Malinaw na hindi. Dahil sa kanilang isipan, sa kaibuturan ng kanilang puso, at maging sa kanilang mga kilos, hindi pa nila nabibitiwan ang paghahangad sa kaligayahan sa buhay may-asawa, ni ang ideya, pananaw, at perspektiba sa buhay ng “ang paghahangad ng kaligayahan sa pag-aasawa ay ang misyon ng isang tao sa buhay,” kaya hinding-hindi nila nakakamit ang katotohanan. Hindi pa kayo ikinakasal at hindi pa nakapasok sa buhay may-asawa. Kung ganito pa rin ang inyong pananaw kapag pumasok na kayo sa buhay may-asawa, hindi rin ninyo makakamit ang katotohanan. Kapag natamo na ninyo ang kaligayahan sa buhay may-asawa, hindi na ninyo makakamit ang katotohanan. Dahil itinuturing mong misyon sa buhay ang paghahangad ng kaligayahan sa buhay may-asawa, hindi maiiwasan na iwawaksi at tatalikuran mo ang pagkakataon na tuparin ang iyong misyon sa harap ng Lumikha. Kung tatalikuran mo ang pagkakataon at karapatan na tuparin ang misyon ng isang nilikha sa harap ng Lumikha, tinatalikuran mo na rin ang paghahangad sa katotohanan, at siyempre, tinatalikuran mo ang pagkakamit ng kaligtasan—ito ang iyong pasya.
Nagbabahaginan tayo tungkol sa pagbitiw sa paghahangad ng kaligayahan sa pag-aasawa hindi upang sukuan mo ang pag-aasawa bilang isang pormalidad, o upang hikayatin ka na makipagdiborsiyo, sa halip, ito ay upang talikuran mo ang mga paghahangad tungkol sa kaligayahan sa pag-aasawa. Una sa lahat, dapat mong bitiwan ang mga pananaw na nangingibabaw sa iyo sa iyong paghahangad ng kaligayahan sa pag-aasawa, at pagkatapos ay dapat mong bitiwan ang kaugalian ng paghahangad ng kaligayahan sa pag-aasawa at ilaan ang karamihan sa iyong oras at lakas sa paggampan ng tungkulin ng isang nilikha at sa paghahangad sa katotohanan. Tungkol naman sa pag-aasawa, hangga’t hindi ito sumasalungat o kumokontra sa iyong paghahangad sa katotohanan, hindi magbabago ang mga obligasyon na dapat mong tuparin, ang misyon na dapat mong isakatuparan, at ang papel na dapat mong gampanan sa loob ng balangkas ng buhay may-asawa. Kaya, ang paghingi na bitiwan mo ang paghahangad ng kaligayahan sa pag-aasawa ay hindi nangangahulugan ng paghingi sa iyo na talikuran ang pag-aasawa o na makipagdiborsiyo ka bilang isang pormalidad, sa halip, nangangahulugan ito ng paghingi sa iyo na tuparin mo ang iyong misyon bilang isang nilikha at gampanan nang tama ang tungkulin na dapat mong gampanan sa batayan ng pagtupad sa mga responsabilidad na dapat mong gampanan sa buhay may-asawa. Siyempre, kung ang iyong paghahangad sa kaligayahan sa pag-aasawa ay nakakaapekto, nakahahadlang, o nakakasira pa nga sa paggampan mo ng tungkulin bilang isang nilikha, kung gayon, dapat mong talikdan hindi lang ang iyong paghahangad ng kaligayahan sa pag-aasawa, kundi pati na ang iyong buong buhay may-asawa. Ano ang pinakalayon at kahulugan ng pagbabahaginan tungkol sa mga isyung ito? Ito ay upang ang kaligayahan sa buhay may-asawa ay hindi humadlang sa iyong mga hakbang, gumapos sa iyong mga kamay, bumulag sa iyong mga mata, magpalabo sa iyong paningin, gumulo at umokupa sa iyong isip; ito ay upang hindi ang paghahangad ng kaligayahan sa pag-aasawa ang pumupuno sa landas ng iyong buhay at pumupuno sa iyong buhay, at upang tama ang iyong pagharap sa mga responsabilidad at obligasyon na dapat mong tuparin sa buhay may-asawa at upang tama ang iyong maging mga pasya tungkol sa mga responsabilidad at obligasyon na dapat mong tuparin. Ang mas mabuting paraan ng pagsasagawa ay ang maglaan ng mas maraming oras at lakas sa iyong tungkulin, gampanan ang tungkulin na dapat mong gampanan, at isakatuparan ang misyon na ipinagkatiwala sa iyo ng Diyos. Huwag mong kalimutan kailanman na ikaw ay isang nilikha, na ang Diyos ang nag-akay sa iyo sa buhay patungo sa sandaling ito, na ang Diyos ang nagbigay sa iyo ng buhay may-asawa, ang nagbigay sa iyo ng pamilya, at na ang Diyos ang nagkaloob sa iyo ng mga responsabilidad na dapat mong tuparin sa loob ng balangkas ng buhay may-asawa, at na hindi ikaw ang pumili ng buhay may-asawa, hindi ka nag-asawa nang bigla-bigla na lang, o na hindi mo kayang panatilihin ang iyong kaligayahan sa buhay may-asawa sa pamamagitan ng sarili mong mga kakayahan at lakas. Malinaw Ko na ba itong naipaliwanag ngayon? (Oo.) Naiintindihan mo na ba kung ano ang dapat mong gawin? Malinaw na ba sa iyo ang landas? (Oo.) Kung walang di-pagkakatugma o kontradiksiyon sa pagitan ng mga responsabilidad at obligasyon na dapat mong tuparin sa buhay may-asawa at sa iyong tungkulin at misyon bilang isang nilikha, kung gayon, sa gayong mga sitwasyon, dapat mong tuparin ang iyong mga responsabilidad sa loob ng balangkas ng buhay may-asawa paano man dapat tuparin ang mga ito, at dapat mong tuparin nang maayos ang iyong mga responsabilidad, pasanin ang mga responsabilidad na dapat mong pasanin, at huwag subukang iwasan ang mga ito. Dapat mong panagutan ang iyong kabiyak, at dapat mong panagutan ang buhay ng iyong kabiyak, ang kanyang mga damdamin, at ang lahat ng bagay tungkol sa kanya. Gayunpaman, kapag may pagkakasalungat sa pagitan ng mga responsabilidad at obligasyon na iyong pinapasan sa loob ng balangkas ng buhay may-asawa at sa iyong misyon at tungkulin bilang isang nilikha, kung gayon, ang iyong dapat bitiwan ay hindi ang iyong tungkulin o misyon kundi ang iyong mga responsabilidad sa loob ng balangkas ng buhay may-asawa. Ito ang ekspektasyon ng Diyos sa iyo, ito ang atas ng Diyos sa iyo, at siyempre, ito ang hinihingi ng Diyos sa sinumang lalaki o babae. Kapag nagawa mo na ito ay saka ka lamang maghahangad sa katotohanan at susunod sa Diyos. Kung hindi mo kayang gawin ito at hindi mo kayang magsagawa sa ganitong paraan, ikaw ay isang mananampalataya sa pangalan lamang, hindi ka sumusunod sa Diyos nang may tapat na puso, at hindi mo hinahangad ang katotohanan. Mayroon ka na ngayong pagkakataon at mga kondisyon na umalis ng Tsina para gampanan ang iyong tungkulin, at may ilang taong nagsasabing, “Kung aalis ako ng Tsina upang gampanan ang aking tungkulin, kakailanganin kong iwan ang aking asawa sa bahay. Hindi na ba kami muling magkikita? Hindi ba’t mamumuhay kami nang magkahiwalay? Hindi ba’t mawawala na ang aming buhay may-asawa?” Iniisip ng ilang tao na, “Paano mamumuhay ang aking kabiyak kung wala ako? Hindi ba’t mawawasak ang aming buhay may-asawa kung wala ako? Magwawakas na ba ang aming buhay mag-asawa? Ano ang gagawin ko sa hinaharap?” Dapat mo bang isipin ang hinaharap? Ano ang dapat mong pinaka-isipin? Kung nais mong maging isang taong naghahangad sa katotohanan, ang dapat mong pinaka-isipin ay ang kung paano bitiwan ang hinihingi sa iyo ng Diyos na bitiwan at kung paano isakatuparan ang hinihingi sa iyo ng Diyos na isakatuparan mo. Kung hindi ka mag-aasawa at wala kang kabiyak sa iyong tabi sa hinaharap, sa mga darating na araw, maaari ka pa ring mabuhay hanggang sa pagtanda at mamuhay nang maayos. Ngunit kung tatalikdan mo ang oportunidad na ito, iyon ay katumbas ng pagtalikod mo sa iyong tungkulin at sa misyon na ipinagkatiwala sa iyo ng Diyos. Para sa Diyos, hindi ka na isang taong naghahangad sa katotohanan, isang taong tunay na ninanais ang Diyos, o isang taong naghahangad sa kaligtasan. Kung aktibo mong ninanais na talikuran ang iyong oportunidad at karapatan na makamit ang kaligtasan at ang iyong misyon, at sa halip ay pinipili mo ang buhay may-asawa, pinipili mong manatiling kaisa ng iyong asawa, pinipili mong makasama at bigyang-kasiyahan ang iyong asawa, at pinipili mong panatilihing matibay ang iyong buhay may-asawa, kung gayon, sa huli ay makakamit mo ang ilang bagay at mawawala sa iyo ang ilang bagay. Nauunawaan mo naman kung ano ang mawawala sa iyo, hindi ba? Ang buhay may-asawa at ang kaligayahan sa buhay may-asawa ay hindi ang lahat-lahat para sa iyo—hindi ito ang magpapasya ng iyong kapalaran, hindi ito ang magpapasya ng iyong hinaharap, at mas lalong hindi ito ang magpapasya ng iyong hantungan. Kaya, kung ano ang mga pasya ng mga tao, at kung dapat ba nilang bitiwan ang paghahangad ng kaligayahan sa pag-aasawa at gampanan ang tungkulin bilang isang nilikha ay nasa sa kanila na para pagdesisyonan. Napagbahaginan na ba natin nang malinaw ang paksang “ang paghahangad ng kaligayahan sa pag-aasawa ay hindi ang iyong misyon”? (Oo.) Mayroon bang isyu na mahirap at nakababahala para sa inyo, na pagkatapos marinig ang Aking pagbabahagi, ay hindi ninyo alam kung paano ito isagawa? (Wala.) Pagkatapos makinig sa pagbabahaging ito, mas malinaw na ba ang pakiramdam ninyo, na mayroon kayong tumpak na landas ng pagsasagawa, at na mayroon kayong tamang layon na dapat isagawa? Alam na ba ninyo ngayon kung paano kayo dapat magsagawa simula ngayon? (Oo.) Kung gayon, dito na natin tatapusin ang pagbabahaginang ito. Paalam!
Enero 14, 2023
Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.