Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan 10 (Ikatlong Bahagi)
Kakatapos lang nating magbahaginan tungkol sa dalawang pamantayan ng kung paano mahuhusgahan kung ang isang tao ay kayang gampanan ang kanyang mga responsabilidad sa pag-aasawa. Naaalala mo ba kung ano ang mga ito? (Oo.) Ang dalawang pamantayang ito ay may kinalaman sa kalidad ng pagkatao ng mga tao. Ang isang pamantayan ay ang tingnan kung ginagampanan nila ang kanilang tungkulin nang may konsensiya at responsable, at kung mapapangalagaan nila ang gawain ng iglesia at ang mga interes ng sambahayan ng Diyos. Maaaring hindi mo mahuhusgahan nang malinaw ang ilang tao sa simpleng pagtingin sa kanila; maaaring nagagampanan nila ang kanilang tungkulin at napapangalagaan ang gawain ng iglesia upang maghangad ng katayuan o kapag may katayuan sila, ngunit hindi mo pa malinaw na nakikita kung anong klaseng tao sila kapag wala na silang katayuan. Sa panahong ito, hindi mo sila tumpak na mahuhusgahan. Gayunpaman, kapag nakita mo silang nagwawala, minumura ang Diyos at nilalapastangan ang Diyos kapag wala na silang katayuan, sinasabing hindi matuwid ang Diyos, saka mo sila makikilatis, at iisipin mo na, “Ang taong ito ay talagang walang may-takot-sa-Diyos na puso. Buti na lang at agad na lumitaw ang kanyang totoong kulay. Kung hindi, malamang na siya sana ang pinili kong mapangasawa.” Kita mo na, ang isa pang pamantayan para sa pagpili ng kabiyak—kung siya ay may-takot-sa-Diyos na puso—ay mahalaga rin. Kung huhusgahan at susukatin mo ang mga tao gamit ang pamantayang ito, maililigtas ka nito sa bangungot ng gayong buhay may-asawa. Mahalaga ba ang dalawang pamantayang ito ng pagpili ng kabiyak? (Oo.) Naiintindihan mo ba ang mga ito? (Oo.) May ilang babae na sobrang nahuhumaling sa pera. Kapag naging kasintahan niya ang isang lalaki, sa simula ay mukha silang sobrang mahinhin at matino, at iniisip ng lalaki, “Ang babaeng ito ay kaibig-ibig! Para siyang isang maliit na ibon, palaging nakayakap at nakadikit sa akin. Siya mismo ang klase ng babae na pinapangarap at hinahangad ng isang lalaki. Kailangan ng isang lalaki ng ganitong babae, malumanay magsalita, umaasa sa kanyang kabiyak, at isang babaeng talagang ipinararamdam sa kanyang kabiyak na kailangan niya ito. Kung ganito ang babaeng kabiyak ko at nasa aking tabi, ang buhay ay magiging napakasaya.” Kaya, nagpakasal sila, ngunit pagkatapos ay nakita niya na nananalig ito sa Diyos ngunit hindi ito nagsisikap na hangarin ang katotohanan. Tuwing binabanggit niya ang paggampan nito ng tungkulin, sinasabi nitong wala itong oras, palagi itong nagdadahilan at nagsasabing pagod ito, at hindi ito handang magdusa ng anuman. Sa bahay, hindi ito nagluluto o naglilinis kundi nanonood lang lagi ng TV; kapag nakita nito na may bumili ng designer bag, o na ang pamilya ng isang tao ay nakatira sa isang marangyang mansiyon at bumili ng mamahaling sasakyan, nagkokomento ito na napakahusay siguro ng lalaki sa pamilyang iyon; madalas itong maluho sa paggastos, at sa tuwing pumupunta ito sa tindahan ng ginto, tindahan ng alahas, o tindahan ng mga mamahaling gamit, lagi nitong gustong gumastos at bumili ng magagandang bagay. Hindi mo ito naiintindihan at iniisip mo, “Dati ay sobrang kaibig-ibig niya. Paano siya naging ganitong klase ng babae?” Nakikita mo ba? Nagbago siya, hindi ba? Noong magkasintahan pa lang kayo, nagagampanan niya ang kanyang tungkulin at nakakapagdusa siya nang kaunti, pero lahat iyon ay sa panlabas lamang. Ngayong mag-asawa na kayo, hindi na siya ganoon. Nakikita niyang hindi mo kayang tugunan ang kanyang mga materyal na pangangailangan at nagsisimula siyang sisihin ka, sinasabing, “Bakit hindi ka nagtatrabaho para kumita ng pera? Ano ang silbi ng pananalig sa Diyos at paggampan ng iyong tungkulin? Mapapakain ba tayo ng pananalig sa Diyos? Mapapayaman ka ba ng pananalig sa Diyos?” Sinasabi pa nga niya ang mga bagay na sinasabi ng isang walang pananampalataya—tunay bang nananalig ang babaeng ito sa Diyos? (Hindi.) Kahit kailan ay ayaw niyang gampanan ang kanyang tungkulin, wala siyang pakialam sa pananalig sa Diyos, paghahangad sa katotohanan, o paghahangad na makamtan ang kaligtasan, hanggang sa huli ay nagsasabi na siya ng labis na mapaghimagsik na mga bagay at wala man lang siyang may-takot-sa-Diyos na puso. Kaya, ano ang palaging iniisip ng babaeng ito? (Pagkain, damit, at pagsasaya.) Ang iniisip niya lamang ay pera at pisikal na kaligayahan, iyon lang. Masyado siyang mukhang pera at makamundo. Kung pakakasalan mo siya at hahadlangan niya ang iyong pananalig sa Diyos at hihimukin kang bitiwan ang iyong tungkulin at hangarin ang mga makamundong bagay, ano ang gagawin mo? Gusto mo pa ring hangarin ang katotohanan at kamtin ang kaligtasan, ngunit kung susundin mo siya, hindi mo makakamtan ang kaligtasan. Kung hindi mo siya susundin, makikipagtalo at makikipagdiborsiyo siya sa iyo. At pagkatapos ninyong magdiborsiyo, mamumuhay ka nang mag-isa nang walang kabiyak—makakaya mo ba ito? Kung wala ka pang naging kabiyak noon, ayos lang, pero ngayon ay maraming taon mo nang kasama ang iyong kabiyak at nasanay ka nang mamuhay kasama siya. Bigla na lang ay nagdiborsiyo na kayo at wala ka nang kabiyak—kakayanin mo ba ito? Hindi ito madali, hindi ba? Sa aspekto man ito ng iyong mga pangangailangan sa buhay, mga emosyonal na pangangailangan, o ng iyong espirituwal na mundo, hindi mo ito kakayanin. Ang iyong pamumuhay ay nagbago na kumpara sa dati, at ang nakagawian, takbo, at paraan ng iyong pamumuhay ay lubos nang nagulo. Ano bang klase ang iyong naging pag-aasawa? Ano ang idinulot sa iyo ng pag-aasawang ito? Kaligayahan o kapahamakan? (Kapahamakan.) Kapahamakan ang idinulot nito. Kaya, kung hindi mo alam kung paano manghusga ng mga tao at sinusukat mo ang mga tao nang hindi ito ibinabatay sa mga tamang prinsipyo at salita ng Diyos, kailangan mong gawin ang iyong makakaya na huwag kaswal na makipagrelasyon o paunlakan ang anumang ideya o plano na makipagrelasyon, magpakasal, o pumasok sa pag-aasawa. Iyon ay dahil, sa kasalukuyan, ang pang-e-engganyo ng mga buktot na kalakaran ng lipunang ito sa mga tao ay masyadong matindi, at ang bawat tao ay nahaharap sa maraming tukso at sa iba’t ibang uri ng tukso sa buhay; hindi makakayanan ninuman ang mga ito, at kahit na hinahangad mo ang katotohanan, mahihirapan ka pa ring makayanan ang mga ito. Kung hinahangad mo ang katotohanan at nakakamtan ang pagkaunawa sa katotohanan at nakakamtan ang katotohanan, makakayanan mo ang mga ito. Gayunpaman, bago mo maunawaan at makamtan ang katotohanan, palagi kang maaakit sa tukso, at palagi kang manganganib dito. Dagdag pa rito, may isang kritikal na isyu para sa inyo, at iyon ay na hindi ninyo alam kung paano husgahan ang mga tao at hindi ninyo makita nang malinaw ang diwa ng mga tao—ito ang pinakakritikal na isyu. Ano lang ba ang alam ninyong husgahan? Marunong lang ang mga lalaki na humusga kung ang babae ay maganda, nakapagkolehiyo, may mayamang pamilya, nagdadamit nang maganda, marunong maging romantiko, at maging mapagmahal. Sa mas detalyadong salita, kayang alamin ng mga lalaki kung ang babae ay magiging mabuting asawa at ina, kung matuturuan nito nang mabuti ang kanilang mga anak sa hinaharap, at kung kaya nitong pangasiwaan ang tahanan. Ito ang mga bagay na pinakakabisado ng mga lalaki na husgahan. At ano naman ang kayang husgahan ng mga babae tungkol sa mga lalaki? Kaya nilang husgahan kung ang lalaki ay marunong maging romantiko, may kakayahan, kayang punuin ang kaban ng pamilya, kung nakatakda itong maging mayaman o mahirap, at kung madiskarte ito sa buhay. Sa mas mahusay na antas, kayang husgahan ng mga babae kung ang lalaki ay kayang magdusa, kayang mapamahalaan nang maayos ang pamilya, kung makakakain at mabibihisan ka nang maayos kapag ito ang napangasawa mo, kung ano ang pinagmulan ng pamilya nito, kung mayaman ang pamilya nito, kung may pag-aari silang bahay, sasakyan, at negosyo, kung negosyante sila o magsasaka o manggagawa, kung ano ang kasalukuyang kalagayang pang-ekonomiya ng pamilya nito, at kung may naitabi bang pera ang mga magulang nito para kapag nag-asawa ito. Ito ang mga bagay na pinakanalalaman ng mga babae. Tungkol naman sa kung kumusta ang diwa ng pagkatao ng potensyal na manliligaw, o kung ano ang magiging desisyon nito tungkol sa landas ng pananalig sa Diyos, malinaw ba ninyong nakikita ang mga bagay na ito? (Hindi.) Sa mas tumpak na salita, magagawa kaya ng taong ito na sundin ang landas ng isang anticristo? Siya ba ay masama? Kung huhusgahan ang buod ng mga inilalabas at ipinapahayag ng kalidad ng kanyang pagkatao, siya ba ay isang taong naghahangad sa katotohanan o isang taong tutol sa katotohanan? Kaya ba niyang sundin ang landas ng paghahangad sa katotohanan? Kaya ba niyang makamtan ang kaligtasan? At kung pakakasalan mo siya, pareho ba kayong makapapasok sa kaharian bilang mag-asawa? Hindi mo makita nang malinaw ang mga bagay na ito, hindi ba? May ilang taong nagsasabi, “Bakit kailangan pa natin itong makita nang malinaw? Napakaraming mag-asawa sa mundo. Hindi rin nila makita nang malinaw ang mga bagay na ito, ngunit nagpapatuloy pa rin sila sa kanilang buhay, hindi ba?” Maraming tao ang hindi malinaw na nakikita ang pag-aasawa. Kung makatagpo ka ng isang mabuting tao na namumuhay nang disente at na maaari mong makasama sa iyong buhay nang walang matinding kaguluhan o mga pagsubok, at maaari mong makasama nang walang labis na pagdurusa, kung gayon ay maaari itong ituring bilang isang magandang buhay at magandang buhay mag-asawa. Gayunpaman, may ilang tao na hindi nakikita nang malinaw ang ibang tao at tumutuon lamang sa hitsura ng ibang tao at sa katayuan nito. Sila ay nadadaan sa matatamis na salita, at pagkatapos magpakasal ay saka lang nila natutuklasan na ang kanilang kabiyak ay isang masamang tao, isang diyablo, at na ang bawat araw kasama ang ganoong klase ng tao ay parang isang taon ang itinatagal. Madalas na lumuluha ang mga babae, habang ang mga lalaki ay lubha ring nalilinlang at nabibiktima, na nagreresulta sa diborsiyo pagkatapos ng ilang taon. May ilang mag-asawa na nagdidiborsiyo kapag ang kanilang mga anak ay nasa tatlo o apat na taong gulang na o kaya ay teenager na, at may ilan pa nga na may mga apo na nang matanto nilang hindi na nila kayang mamuhay nang magkasama, kaya nagdidiborsiyo sila. Ano ang sinasabi ng mga taong ito sa huli? “Ang pag-aasawa ay isang libingan,” at “Ang pag-aasawa ay isang krematoryo.” Kaya, ang ganitong resulta ba ay dahil sa pagkakamali sa parte ng mga babae o ng mga lalaki? Pareho silang nagkamali, at pareho rin silang hindi naging mabuti. Hindi nila alam kung ano ang kalikasan ng pag-aasawa o ng buhay mag-asawa. Ang kalikasan ng pag-aasawa ay ang panagutan ang isa’t isa, ang pumasok sa tunay na buhay at ang suportahan ang isa’t isa. Nakasalalay ito sa normal[a] na pagkatao ng dalawang magkabiyak upang masaya at maayos nilang marating ang katandaan at manatili silang magkasama hanggang sa dulo. At ano ang kalikasan ng buhay mag-asawa? Nakasalalay rin ito sa normal[b] na pagkatao ng magkabiyak, at sa ganitong paraan lamang sila makapamumuhay nang payapa, maayos, at masaya. Kailangang maging responsable ang magkabiyak sa isa’t isa, at saka lamang sila makapamumuhay nang magkahawak-kamay hanggang sa pagtanda at hanggang sa wakas. Ngunit hindi iyon ang pagpasok sa kaharian; hindi madali para sa mag-asawa na pumasok sa kaharian nang magkasama. Kahit hindi sila makapasok sa kaharian, para mamuhay nang magkahawak-kamay ang mag-asawa hanggang sa katandaan, hinihingi sa kanila na kahit papaano ay magkaroon sila ng konsensiya at katwiran, at ng pagkataong naaayon sa pamantayan. Hindi ba’t ganoon ito? (Oo.) Sa pagbabahagi sa ganitong paraan, nadaragdagan o nababawasan ba ang inyong pananalig sa pag-aasawa? O binibigyan ka ba nito ng tamang saloobin at pananaw? (Binibigyan kami nito ng tamang saloobin at pananaw.) Ang pagbabahagi sa ganitong paraan ay walang kinalaman sa kung mas higit o mas kaunti ang pananalig, hindi ba? Tinatalakay Ko ang tungkol sa pagbitiw sa iba’t ibang pantasya tungkol sa pag-aasawa hindi para sukuan o tanggihan mo ang pag-aasawa, kundi upang maging tama at makatwiran ang pagharap mo sa usaping ito. Sa mas tumpak na pananalita, ito ay upang isaalang-alang, harapin, at lutasin mo ang usaping ito nang ayon sa mga salita ng Diyos. Hindi ito para ganap mo nang tigilan ang pag-iisip tungkol sa pag-aasawa—ang hindi pag-iisip ay hindi katumbas ng pagbitiw. Ang tunay na pagbitiw ay nangangahulugan ng pagkakaroon ng tama at tumpak na mga kaisipan at pananaw. Ngayon, sa pamamagitan ng pagbabahaginan sa ganitong paraan, hindi ba’t nabitiwan na ninyo ang ilan sa inyong iba’t ibang pantasya tungkol sa pag-aasawa? (Oo.) Mas natatakot na ba kayo ngayon sa pag-aasawa, o mas nananabik na kayo rito? Wala sa mga ito ang totoo. Hindi kailangang matakot o manabik dito nang husto. Kung wala kang asawa ngayon at sasabihin mo na, “Gusto kong hangarin ang katotohanan at gugulin ang aking sarili para sa Diyos. Hindi ko iniisip ang pag-aasawa ngayon at wala akong planong mag-asawa, kaya pipiliin kong hindi magkaroon ng puwang ang pag-aasawa sa aking puso, hahayaan ko na lang itong maging isang blangkong pahina,” ito ba ay tamang pananaw? (Hindi, ibinabahagi sa amin ng Diyos ang katotohanang ito dahil kailangan namin itong isangkap sa aming sarili, unawain ito, at isagawa ito. Dapat din kaming kumilos ayon sa sinasabi ng Diyos, tingnan ang mga tao at bagay, at umasal at kumilos, nang ganap na ayon sa mga salita ng Diyos, na ang pamantayan ay ang katotohanan. Iniisip man namin ang pag-aasawa sa ngayon o hindi, kailangan pa rin naming maunawaan ang katotohanang ito, at saka lang namin maiiwasang magkamali.) Tama ba ang pagkaunawang ito? (Oo.)
Mayroon bang sinuman ngayon na nagsasabing, “Wala kaming asawa ngayon at ang mundo ng mga walang pananampalataya ay nagsasabing marangal ang maging walang asawa, kaya, hindi ba natin maaaring sabihin na sa sambahayan ng Diyos, ang mga walang asawa ay mga banal at ang mga may asawa ay marurumi?” Mayroon bang sinumang nagsasabi ng ganitong bagay? Mayroong mga may-asawa na laging may maling konsepto sa kanilang pagkaunawa tungkol sa pag-aasawa. Naniniwala sila na pagkatapos nilang mag-asawa, ang kanilang mga iniisip ay hindi na kasingdalisay, kasingsimple, o kasinglinis tulad ng dati, na nagiging komplikado ang kanilang mga iniisip pagkatapos nilang mag-asawa, at partikular silang naniniwala na ang mga may asawa ay nakikipagsiping sa kabilang kasarian at hindi na banal ang mga ito. Kaya naman, pagkatapos tanggapin ang gawain ng Diyos, determinado nilang sinasabi sa kanilang kabiyak, “Tinanggap ko na ang gawain ng Diyos, at mula ngayon, dapat kong hangarin ang kabanalan. Hindi na kita pwedeng tabihan sa pagtulog. Dapat ka nang matulog nang mag-isa, at ako ay matutulog sa ibang kwarto.” Mula sa oras na iyon, natutulog sila nang magkahiwalay at natutulog ang kanilang kabiyak nang mag-isa, ngunit magkasama pa rin sila sa bahay. Ano ang hinahangad ng ganitong mga tao? Hinahangad nila ang isang uri ng kabanalan ng laman. Hindi ba’t ito ay isang maling pagkaunawa sa pag-aasawa? (Oo.) Madali bang lutasin ang maling pagkaunawang ito? May mga may-asawa na naniniwalang hindi na sila banal pagkatapos nilang makipagsiping sa kabilang kasarian. Ang ibig sabihin dito ay kung hindi sila nakikipagsiping sa kabilang kasarian, kung iiwan nila ang kanilang asawa at sila ay makikipagdiborsyo, sila ay magiging banal. Kung ganoon nagiging banal ang isang tao, hindi ba’t ibig sabihin niyon ay mas banal ang mga walang asawa? Dahil sa mga baluktot na pagkaunawang ito, naguguluhan at nagagalit ang mga kabiyak ng mga tao dahil sa kanilang mga desisyon at kilos. Ang ilang walang pananampalatayang asawa ay nagkakamali ng pagkaunawa at nagkakaroon ng pagtutol sa pananampalataya, at may ilan pa nga na nagsasalita ng kalapastanganan sa Diyos. Sabihin ninyo sa Akin, tama ba ang ginagawa ng mga taong ito na naghahangad ng “kabanalan”? (Hindi.) Bakit hindi? Una sa lahat, may problema sa kanilang pag-iisip. Ano ang problemang iyon? (Nagkakamali sila ng pagkaunawa sa mga salita ng Diyos.) Una, ang kanilang mga pananaw sa pag-aasawa ay baluktot; pangalawa, ang kanilang mga depinisyon at pagkaunawa sa kabanalan at karumihan ay baluktot. Naniniwala sila na ang hindi pakikipagsiping sa kabilang kasarian ay pagiging banal, kung gayon ay ano naman ang karumihan? Ano ang kabanalan? Ang ibig bang sabihin ng kabanalan ay pagiging walang tiwaling disposisyon? Kapag nakamit ng isang tao ang katotohanan at nagbago ang kanyang disposisyon, wala na siyang mga tiwaling disposisyon. Wala bang mga tiwaling disposisyon ang isang taong hindi nakipagsiping sa kabilang kasarian? Lumilitaw lang ba ang mga tiwaling disposisyon ng mga tao kapag nakikipagsiping sila sa iba ang kasarian? (Hindi.) Malinaw na mali ang pagkaunawang ito. Kapag nag-asawa ka na at nakipagsiping sa kabilang kasarian, hindi lumalala ang iyong mga tiwaling disposisyon, sa halip ay katulad pa rin ang mga ito ng dati. Kung wala kang asawa at hindi pa nakipagsiping sa kabilang kasarian, mayroon ka bang anumang tiwaling disposisyon? Marami kang tiwaling disposisyon. Kaya naman, lalaki man o babae, ang pagkakaroon ng isang tao ng mga tiwaling disposisyon ay hindi nasusukat batay sa kung siya ay may asawa o wala, kung siya man ay kasal o kung nakipagsiping siya sa kabilang kasarian. Bakit ang mga taong nag-iisip at kumikilos nang ganito ay may ganitong klase ng maling konsepto tungkol sa pag-aasawa? Bakit sila kumikilos nang ganito? Hindi ba’t ito ay isang problemang dapat lutasin? (Oo.) Kaya ba ninyo itong lutasin? Kailangan lang ng isang tao na makipag-ugnayan at makipagsiping sa kabilang kasarian para siya ay maging marumi at lubusang tiwali—ganoon ba iyon? (Hindi.) Dahil kung ganoon, ang pag-orden ng Diyos sa pag-iisa ng lalaki at babae ay mali. Kaya, paano natin malulutas ang problemang ito? Ano ang pinagmulan ng problemang ito? Ang problemang ito ay maaaring malutas sa pamamagitan ng pagsusuri at pag-unawa sa pinagmulan nito. Hindi ba’t mayroon din kayong ganitong pananaw? Hindi ba’t ang lahat, may asawa man o wala, ay mayroong ganitong pananaw sa pag-aasawa? (Oo.) Alam Kong hindi ninyo matatakasan ang problemang ito. Kaya, ano ang pinagmulan ng pananaw na ito? (Hindi malinaw sa mga tao kung ano ang kabanalan at karumihan.) At ano ang pinagmulan ng hindi pagkaalam ng mga tao sa kung ano ang kabanalan at karumihan? (Hindi tunay na naaarok ng mga tao ang mga salita ng Diyos o nauunawaan ang katotohanan.) Anong aspekto ng mga salita ng Diyos ang hindi nila tunay na naaarok? (Ang pag-aasawa ay isang bagay na dapat na normal na maranasan ng mga tao sa kanilang buhay at ito rin ay inorden ng Diyos, subalit iniuugnay ng mga tao ang pag-aasawa at pakikipagsiping sa kabilang kasarian sa kung sila ay banal o hindi, kahit na ang totoo, ang pagiging banal ay nangangahulugang ang isang tao ay walang tiwaling disposisyon, at wala itong kinalaman sa kung siya ay may asawa o wala. Gamitin nating halimbawa ang mga madre sa simbahang Katoliko. Kung hindi nila tinatanggap ang gawain ng Diyos sa mga huling araw at hindi nila nauunawaan ang katotohanan, kahit na buong buhay silang walang asawa, hindi pa rin sila masasabing banal, dahil hindi pa nalutas ang kanilang tiwaling disposisyon.) Malinaw ba nitong naipapaliwanag ang usapin? Nakasalalay ba ang pagkakaiba ng kabanalan at karumihan sa pagiging may asawa o wala? (Hindi.) Hindi, at may sapat na ebidensiyang nagpapatunay rito. Halimbawa, ang mga may kapansanan sa utak, mga hangal, mga may sakit sa pag-iisip, mga Katolikong madre, mga Budistang madre, at mga Budistang monghe ay pawang walang asawa, ngunit banal ba sila? (Hindi.) Ang mga taong may kapansanan sa utak, mga hangal, at mga may sakit sa pag-iisip ay walang normal na katinuan; hindi sila nakakapag-asawa, wala sa kanila ang nakakahanap ng asawa, at hindi sila banal. Ang mga Katolikong madre, mga Budistang madre, at mga Budistang monghe, pati na rin ang ilang espesyal na grupo, ay hindi nag-aasawa, at hindi rin sila banal. Ano ang ibig sabihin ng “hindi banal”? Ibig Kong sabihin, sila ay marumi. Ano ang ibig sabihin ng “marumi”? (Sila ay may mga tiwaling disposisyon.) Tama, ito ay nangangahulugang may mga tiwaling disposisyon sila. Lahat ng taong ito na walang asawa ay may mga tiwaling disposisyon at wala sa kanila ang banal. Kung gayon, paano naman ang mga may asawa? May pagkakaiba ba sa diwa ng mga may asawa at ng mga walang asawa na ito? (Wala.) Sa usapin ng diwa, wala silang pagkakaiba. Ano ang ibig Kong sabihin sa pagsasabing wala silang pagkakaiba? (Lahat sila ay ginawang tiwali ni Satanas at may mga tiwaling disposisyon silang lahat.) Tama iyan, silang lahat ay ginawang tiwali ni Satanas at may mga tiwaling disposisyon silang lahat. Hindi nila nagagawang magpasakop sa Diyos o sa katotohanan, at hindi nila magawang sumunod sa landas ng pagkatakot sa Diyos at pag-iwas sa kasamaan. Hindi sila pinupuri ng Diyos, hindi sila inililigtas, at silang lahat ay marumi. Kaya, hindi nasusukat ang pagiging banal o marumi ng isang tao batay sa kung siya ay may asawa o wala. Bakit nga ba mayroong ganitong maling konsepto ang mga tao tungkol sa pag-aasawa, naniniwala sila na ang mga nag-aasawa ay hindi banal, na marumi ang mga ito? Ano ang sentro ng maling konseptong ito? (Ang kanilang pananaw sa pag-aasawa ay baluktot.) Ito ba ay dahil ang kanilang pananaw sa pag-aasawa at sa buhay may-asawa ay baluktot, o dahil sa ang mga pananaw nila sa ibang bagay ay baluktot? Mayroon bang sinumang makapagpaliwanag tungkol dito nang malinaw? Tulad ng sinabi natin dati, ang anumang klase ng pag-aasawa ay babalik sa totoong buhay sa huli. Kaya, ito bang buhay mag-asawa ang pinagmulan ng pinaniniwalaan ng mga tao na marumi? (Hindi.) Hindi ito ang pinagmulan ng pinaniniwalaan ng mga tao na marumi. Ang pinagmulan sa isipan ng mga tao ng kanilang pinaniniwalaang marumi ay alam talaga nila sa kanilang isipan at sa kaibuturan ng kanilang puso: Ito ay ang kanilang seksuwal na pagnanasa, at dito nagmumula ang maling konsepto. Ang pagtatakda at pagtutukoy sa isang tao bilang banal o marumi batay sa kung siya ay may asawa o wala ay isang maling pagkaunawa at maling konsepto, at ang pinagmumulan nito ay ang nakalilinlang at hindi tamang pagkaunawa ng mga tao sa seksuwal na pagnanasa ng kanilang laman. Bakit Ko sinasabi na ang pagkaunawang ito ay nakalilinlang? Naniniwala ang mga tao na sa sandaling makaramdam sila ng seksuwal na pagnanasa at nag-asawa sila at pagkatapos ay nakipagsiping sila sa kabilang kasarian at na, kapag nakipagsiping sila sa kabilang kasarian, saka sila nagsisimulang ipamuhay ang diumano’y buhay ng seksuwal na pagnanasa ng laman, at sila ay nagiging marumi. Hindi ba’t ito ang kanilang pinaniniwalaan? (Oo, ito nga.)
Kaya pag-usapan natin kung ano nga bang uri ng bagay ang seksuwal na pagnanasa. Hangga’t tama ang pagkaarok mo rito at mayroon kang tumpak, tama, at makatwirang pagkaarok at pagkaunawa rito, mauunawaan mo ang problemang ito at ang maling konseptong ito sa karumihan at kabanalan. Hindi ba’t totoo iyon? Kapag nag-asawa ang mga tao, natutugunan nila ang kanilang seksuwal na pagnanasa at naipapahayag nila ang kanilang seksuwal at pisikal na pagnanasa, at kaya iniisip nila, “Kaming mga may asawa ay hindi banal, marumi kami. Ang mga binata at dalaga na walang asawa ay banal.” Malinaw na ito ay isang baluktot na pagkaunawa, na nagmumula sa hindi pagkaalam kung ano nga ba mismo ang seksuwal na pagnanasa. Ngayon, tingnan natin ang pinakaunang tao: Nagkaroon ba ng seksuwal na pagnanasa si Adan? Ang sangkatauhang nilikha ng Diyos ay mayroong kaisipan, wika, pandama, pananaw, pati na rin ng malayang kalooban at emosyonal na mga pangangailangan. Ano ang ibig sabihin ng “mga emosyonal na pangangailangan”? Ito ay nangangahulugan na ang mga tao ay nangangailangan ng isang kabiyak upang samahan at suportahan sila, ng isang kabiyak na makakausap nila, na magmamalasakit, mag-aalaga, at magmamahal sa kanila—ito ay mga emosyonal na pangangailangan. Ang isa pang aspekto ay na mayroon ding seksuwal na pagnanasa ang mga tao. Ano ang basehan sa pagsasabi nito? Ito ay na, pagkatapos likhain ng Diyos si Adan, sinabi ng Diyos na kailangan nito ng isang kabiyak, isang kabiyak lamang para sa kanyang mga pangangailangan sa buhay at mga emosyonal na pangangailangan. Ngunit may isa pang pangangailangang binanggit ang Diyos. Ano ang sinabi ng Diyos? Genesis, kabanata 2, talata 24: “Kaya’t iiwan ng lalake ang kanyang ama at ang kanyang ina, at makikipisan sa kanyang asawa: at sila ay magiging isang laman.” Ang kahulugan ng mga salitang ito ay napakalinaw; hindi na natin kailangan pang maging masyadong tuwiran tungkol dito. Nauunawaan mo ang mga salitang ito, hindi ba? Malinaw na nang likhain ng Diyos si Adan, ang ninuno ng sangkatauhan, may ganitong pangangailangan si Adan. Siyempre, ito ay isang obhetibong interpretasyon. Ang mas mahalaga, nang likhain siya ng Diyos, mayroong pandama ang kanyang katawan, at mayroon siyang mga pisyolohikal na kondisyon at katangian—ito ang aktuwal na sitwasyon ni Adan, ang unang ninuno ng sangkatauhan na nilikha ng Diyos, na siyang unang tao ng laman. Mayroon siyang wika, siya ay nakakarinig, nakakakita, nakakalasa, at mayroon siyang mga pandama, mga emosyonal na pangangailangan, seksuwal na pagnanasa, mga pisyolohikal na pangangailangan, at siyempre, mayroon siyang malayang kalooban, tulad ng nabanggit natin kanina. Ang mga bagay na ito, kapag pinagsama-sama, ay bumubuo ng isang tao na nilikha ng Diyos. Hindi ba’t ito ang aktuwal na sitwasyon? (Oo.) Ito ang pisyolohikal na kayarian ng mga lalaki. Paano naman ang mga babae? Nilikha ng Diyos para sa mga babae ang isang pisyolohikal na kayarian na iba sa mga lalaki, at siyempre ay nilikha rin Niya ang seksuwal na pagnanasang katulad ng sa mga lalaki. Ano ang basehan sa pagsasabi nito? Genesis, kabanata 3, talata 16, sabi ng Diyos: “Pararamihin Kong lubha ang iyong kalumbayan at ang iyong paglilihi; manganganak kang may kahirapan.” Saan nanggagaling ang mga anak na binanggit sa “manganganak ka”? Sabihin nang may isang babae na walang ganitong pisyolohikal na pangangailangan, o sa mas tumpak na pananalita, wala siyang mga pangangailangan ng seksuwal na pagnanasa ng babae—maaari ba siyang mabuntis? Hindi, at ito ay napakalinaw. Kaya ngayon, kung titingnan ang dalawang linyang ito mula sa Diyos, ang mga lalaki at babaeng nilikha ng Diyos ay may magkaibang pisyolohikal na kayarian, ngunit pareho silang may pisyolohikal na katangian ng seksuwal na pagnanasa. Ito ay kinumpirma ng mga gawang ito ng Diyos at ng mensahe sa likod ng mga tagubilin na ibinigay sa sangkatauhan. Ang mga nilikhang tao ng Diyos ay may mga pisyolohikal na kayarian at mayroon ding pangangailangan ang kanilang mga pisyolohikal na kayarian. Kaya, paano natin ito dapat tingnan ngayon? Ang bagay na ito na tinatawag na seksuwal na pagnanasa ay bahagi ng laman, tulad ng isang organo ng tao. Halimbawa, kumain ka ng almusal ng alas sais ng umaga, at pagdating ng tanghali, halos natunaw na ang lahat ng pagkain sa iyong tiyan at wala na itong laman. Ipinapasa ng tiyan sa utak ang impormasyong ito, at sinasabi sa iyo ng utak, “Wala nang laman ang tiyan mo; oras na para kumain.” Ano ang pakiramdam na ito sa iyong tiyan? Pakiramdam mo ay wala itong laman at hindi ito komportable, at gusto mong kumain. At paano nagkakaroon ng pakiramdam na ito na nais mong kumain? Ito ay resulta ng operasyon at metabolismo ng iyong buong nervous system at ng iyong mga organo—ganoon ito kasimple. Ang seksuwal na pagnanasa ay may kalikasang katulad ng iba pang organo sa katawan; ang bawat organo ay konektado sa nervous system, na nagpapadala ng mga mensahe sa iba’t ibang organo mo. Halimbawa, ang ilong mo ay nakakaamoy, at kapag ito ay nakaamoy ng mabaho, ang amoy na ito ay pumapasok sa iyong nervous system, at sinasabi ng nervous system sa iyong utak na, “Mabaho ang amoy na ito, hindi kaaya-aya ang amoy na ito.” Ipinapasa nito ang impormasyong ito sa iyo, at kaagad mong tinatakpan ang iyong ilong o ipinapaypay ang iyong kamay sa harap ng iyong ilong—may ganitong serye ng mga paggalaw. Ang serye ng mga paggalaw at pagkilos na ito, at ang ganitong uri ng pakiramdam at kamalayan ay lahat kinokontrol ng ilang partikular na organo at ng nervous system sa iyong katawan. Halimbawa, nakarinig ka ng isang napakalakas, masakit-sa-tainga na tunog, at pagkatapos matanggap ng iyong pandinig ang impormasyong ito, naiinis o nasusuklam ka, at tinatakpan mo ang iyong mga tainga. Ang totoo, ang natanggap lang ng iyong mga tainga ay isang tunog, isang piraso ng impormasyon, ngunit tinutukoy ng utak kung ang tunog na ito ay nakakabuti sa iyo o hindi. Kung ito ay walang malaking epekto sa iyo, naririnig mo lang ito at nakikilatis, at pagkatapos ay lumilipas na lang ito nang hindi mo gaanong napapansin; kung mayroon itong negatibong epekto sa iyong puso o katawan, tutukuyin ito ng iyong utak at saka nito sasabihin sa iyo na takpan mo ang iyong mga tainga o ibuka mo nang malapad ang iyong bibig—isang serye ng ganitong mga kilos at kaisipan ang mangyayari. Ganoon din ang seksuwal na pagnanasa ng tao, may mga katumbas na organo na may iba’t ibang pasya at interpretasyon sa ilalim ng mga kaukulang ugat. Ang seksuwal na pagnanasa ng tao ay ganoon lang din kasimple. Ang bagay na ito ay nasa parehong antas at katumbas ng iba pang organo sa katawan ng tao, ngunit may sarili itong partikularidad, at kaya palaging magkakaroon ng iba’t ibang ideya, pananaw, o kaisipan ang mga tao tungkol dito. Kaya, sa pamamagitan ng pagbabahaginan sa ganitong paraan, hindi ba’t dapat ay mayroon kayong tamang pagkaunawa ngayon? (Oo.) Ang seksuwal na pagnanasa ng tao ay hindi misteryoso; ito ay nilikha ng Diyos at ito ay umiiral na simula nang magkaroon ng mga tao. Dahil ito ay inorden ng Diyos at nilikha ng Diyos, hindi ito maaaring maging isang negatibong bagay o isang maruming bagay dahil lamang maraming maling pagkaunawa at kuru-kuro ang mga tao tungkol dito. Ito ay gaya lamang ng iba pang organo ng pandama ng tao; ito ay umiiral sa katawan ng tao at, kung ito ay nasa loob ng wastong pag-aasawa na isinaayos at itinakda ng Diyos, ito ay isang makatwirang bagay. Ngunit, kung nagpapakasasa ang mga tao rito at inaabuso nila ang paggamit nito, nagiging isang negatibong bagay ito. Siyempre, ang seksuwal na pagnanasa mismo ay hindi negatibo, ngunit ang mga taong gumagamit nito o ang mga kaisipang iyon ay negatibo. Halimbawa, ang pakikipagrelasyon sa higit pa sa isang tao, ang pakikipagsiping sa higit pa sa isang tao, ang insesto, pati na rin ang panggagahasa at seksuwal na pang-aabuso at iba pa—ang mga bagay na ito na may kaugnayan sa seksuwal na pagnanasa ay nagiging negatibong mga bagay at wala nang kinalaman sa orihinal na seksuwal na pagnanasa ng laman ng tao. Ang seksuwal na pagnanasa ng laman ay katulad ng isang pisikal na organo: Ito ay nilikha ng Diyos. Ngunit, dahil sa kabuktutan at katiwalian ng sangkatauhan, nangyayari ang lahat ng uri ng buktot na bagay na may kinalaman sa seksuwal na pagnanasa, at wala na itong kinalaman sa wasto at normal na seksuwal na pagnanasa—ito ay dalawang bagay na may magkaibang kalikasan. Hindi ba’t totoo ito? (Oo.) Ang pakikipagrelasyon sa higit pa sa isang tao, pakikiapid, pati na rin ang insesto at seksuwal na pang-aabuso—lahat ito ay buktot na bagay na may kaugnayan sa seksuwal na pagnanasa na nangyayari sa tiwaling sangkatauhan. Ang mga bagay na ito ay walang kinalaman sa wastong seksuwal na pagnanasa at pag-aasawa; ang mga ito ay marumi, hindi wasto, at hindi positibong bagay. Nauunawaan mo na ba ito ngayon nang malinaw? (Oo.)
Sa pamamagitan ng pagbabahaginan sa ganitong paraan, malinaw mo na bang nauunawaan ang mga baluktot na pagkaunawa at kilos na iyon ng mga may asawa, at nakikilatis mo na ba ang tama at mali sa mga ito? (Oo.) Kapag nakatagpo ka ng isang tao na bago sa pananampalataya na nagsasabing, “Tinanggap na namin ang gawain ng Diyos, kaya bilang mag-asawa, kailangan ba naming maghiwalay ng tirahan?” ano ang sasabihin mo? (Sasabihin namin na hindi.) Maaari mo silang tanungin, “Bakit ninyo kailangang maghiwalay ng tirahan? Nagkaroon ba kayo ng pagtatalo? Sobrang lakas bang humilik ng isa sa inyo kaya hindi makatulog ang isa pa? Kung gayon nga, problema ninyo iyon at pwede kayong maghiwalay ng tirahan. Kung para sa ibang dahilan kaya kayo maghihiwalay, eh hindi naman na kailangan.” May iba pang nagsasabi, “Halos apat na dekada na kaming nagsasama. Matatanda na kami, lahat ng aming anak ay malalaki na, kaya dapat ba kaming maghiwalay sa pagtulog? Hindi na kami dapat matulog nang magkatabi, pagtatawanan lang kami ng aming mga anak. Dapat naming panatilihin ang aming dignidad sa pagtanda.” Makatwiran bang sabihin ito? (Hindi.) Hindi. Gusto nilang panatilihin ang kanilang dignidad sa pagtanda; anong klaseng bagay ang dignidad na ito? Ano ang kanilang ginagawa noong bata pa sila? Hindi ba’t nagpapanggap lang sila? Hindi ba’t nakasusuklam ang ganitong mga tao? (Oo.) Kapag nakatagpo ka ng gayong mga tao, sabihin mo sa kanila, “Hindi kami nagsasabi ng mga ganyang bagay sa aming pananampalataya sa Diyos, at wala ring gayong mga hinihingi at alituntunin sa sambahayan ng Diyos. Matututunan mo rin ito. Maaari kang mamuhay sa kahit anong paraan na gusto mo; nasa sa iyo na iyan, at wala itong kinalaman sa pananampalataya sa Diyos o sa paghahangad sa katotohanan, ni wala itong kinalaman sa pagtatamo ng kaligtasan. Hindi mo na kailangang hilingin ang mga bagay na ito, at wala kang kailangang isakripisyo para sa mga ito.” Hindi ba’t nalutas na ang usapin kung gayon? (Oo.) Ang isyu ng seksuwal na pagnanasa ng tao sa pag-aasawa ay nalutas na—ang pinakamalaking suliranin ay nalagpasan na. Malinaw na ba ito sa inyong lahat sa pamamagitan ng ganitong pagbabahaginan? Iniisip pa rin ba ninyo na misteryoso ang seksuwal na pagnanasa? (Hindi.) Iniisip pa rin ba ninyo na marumi ang seksuwal na pagnanasa? (Hindi.) Tungkol sa seksuwal na pagnanasa, hindi ito marumi; ito ay wasto. Gayunpaman, kung lalaruin ito ng mga tao, hindi na ito wasto, at ito ay ganap nang naiiba. Ano’t anuman, matapos magbahaginan sa ganitong paraan, hindi ba’t nalutas na ang iba’t ibang makatotohanan at hindi makatotohanang pantasya ng mga tao tungkol sa pag-aasawa? (Oo.) Matapos magbahaginan tungkol sa mga depinisyon at konsepto ng pag-aasawa, ang iyong lihis at baluktot na paghahangad, mithiin, at hangarin tungkol sa pag-aasawa ay nabitiwan na, sa isang antas, sa inyong isipan. Ang mga natitira pa ay kailangan ninyong unti-unting matukoy sa inyong sarili at kailangan ninyong patuloy na dumanas at matuto sa pamamagitan ng inyong personal na karanasan sa totoong buhay. Siyempre, ang pinakamahalaga ay dapat magkaroon ang mga tao ng tamang pagkaunawa at perspektiba sa pag-aasawa mismo—ito ay napakahalaga. Plano mo mang mag-asawa sa hinaharap o hindi, ang iyong saloobin at perspektiba sa pag-aasawa ay makakaimpluwensiya sa iyong paghahangad sa katotohanan, at kaya kailangan mong basahin nang husto ang mga salita ng Diyos tungkol sa paksang ito, at sa wakas ay makamit ang tamang perspektiba at pagkaunawa sa pag-aasawa, na sa pinakamababa ay dapat na naaayon sa katotohanan. Kapag natapos na tayong magbahaginan tungkol sa usaping ito, hindi ba’t mas lalawak ang iyong kaalaman? (Oo.) Hindi ka na magiging parang bata at makitid ang isip, hindi ba? Kapag tinalakay mo sa ibang tao ang usaping ito sa hinaharap, makikita nila na mukha kang bata ngunit nauunawaan mo ito, at itatanong nila, “Gaano katagal ka nang may asawa?” Sasagot ka ng, “Hindi pa ako nag-aasawa.” Sasabihin nila, “Eh paano ka nagkaroon ng pagkaunawa sa pag-aasawa na pang-nasa hustong gulang na, parang mas mature pa nga ang pagkaunawa mo kaysa sa mga nasa hustong gulang na?” Sasagot ka, “Nauunawaan ko ang katotohanan, at may mga batayan ang mga katotohanang ito na nauunawaan ko. Kung hindi ka naniniwala sa akin, kukuhain ko ang aking Bibliya at ipapakita ko sa iyo ang sitwasyon noong nilikha ng Diyos si Adan, at makikita mo kung ang sinasabi ko ay tumpak o hindi.” Sa huli, buong puso mo siyang nakukumbinsi, at iyon ay dahil lahat ng iyong sinasabi ay nagmumula sa iyong dalisay na pagkaunawa at pagkaarok, nang hindi dinudungisan ng mga imahinasyon o kuru-kuro ng tao o ng anumang baluktot na pananaw ng tao—ang lahat ng iyong sinasabi ay naaayon sa katotohanan at sa mga salita ng Diyos.
Mga talababa:
a. Wala sa orihinal na teksto ang salitang “normal.”
b. Wala sa orihinal na teksto ang salitang “normal.”
Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.