Paano Matukoy ang Kalikasang Diwa ni Pablo (Ikalawang Bahagi)

May isa pang sikat na parirala si Pablo—ano ito? (“Sapagkat sa akin ang mabuhay ay si cristo, at ang mamatay ay pakinabang” (Filipos 1:21).) Hindi niya kinilala ang pagkakakilanlan ng Panginoong Jesucristo, na ang Panginoong Jesucristo ang nagkatawang-taong Diyos na namumuhay sa lupa, o ang katunayan na ang Panginoong Jesucristo ang pagsasakatawan ng Diyos. Sa kabaligtaran, itinuring ni Pablo ang kanyang sarili bilang cristo. Hindi ba paghihimagsik iyon? (Oo.) Paghihimagsik iyon, at napakalubha ng diwa ng problemang ito. Sa isip ni Pablo, sino nga ba mismo si Cristo? Ano ang pagkakakilanlan ni Cristo? Bakit masyadong nahuhumaling si Pablo sa pagiging cristo? Kung, sa isip ni Pablo, karaniwang tao lang si Cristo na may mga tiwaling disposisyon, o isang walang kabuluhang tao na walang espesyal na papel na ginampanan, walang kapangyarihan, walang marangal na pagkakakilanlan, at walang mga abilidad o kasanayan na higit pa sa mga ordinaryong tao, gugustuhin pa rin ba ni Pablo na maging cristo? (Hindi, hindi niya gugustuhin.) Tiyak na hindi niya gugustuhin. Ang tingin niya sa kanyang sarili ay may-pinag-aralan siya, at hindi niya gustong maging isang ordinaryong tao, gusto niyang maging isang superman, dakilang tao, at higitan ang iba—paanong nanaisin niyang maging Cristo na itinuring ng iba na hamak at walang-kabuluhan? Dahil dito, anong katayuan at papel ang mayroon si Cristo sa puso ni Pablo? Anong pagkakakilanlan at katayuan ang dapat mayroon ang isang tao, at anong awtoridad, kapangyarihan, at tindig ang dapat niyang ipakita upang maging si cristo? Inilalantad nito kung ano ang inakala ni Pablo patungkol kay Cristo, at kung ano ang alam niya tungkol kay Cristo, sa madaling salita, kung paano niya tinukoy si Cristo. Ito ang dahilan kung bakit may ambisyon at pagnanais si Pablo na maging cristo. May partikular na dahilan kung bakit ginusto ni Pablo na maging cristo, at bahagya itong nakabunyag sa kanyang mga sulat. Suriin natin ang ilang bagay. Noong ginagampanan ng Panginoong Jesus ang gawain, may mga ginawa Siya na ikinatawan ang Kanyang pagkakakilanlan bilang Cristo. Mga simbolo at konsepto ang mga bagay na ito na nakita ni Pablo na taglay-taglay ng pagkakakilanlan ni Cristo. Anong mga bagay ito? (Ang paggawa ng mga tanda at kababalaghan.) Tumpak. Ang mga bagay na iyon ay ang pagpapagaling ni Cristo sa mga karamdaman ng mga tao, pagpapalayas ng mga demonyo, at paggawa ng mga tanda, kababalaghan, at himala. Bagamat inamin ni Pablo na ang Panginoong Jesus ay Cristo, dahil lamang ito sa mga tanda at kababalaghang ginawa ng Panginoong Jesus. Kaya, nang ipinalaganap ni Pablo ang ebanghelyo ng Panginoong Jesus, hindi niya kailanman pinag-usapan ang tungkol sa mga salitang sinabi ng Panginoong Jesus, o ang mga ipinangaral ng Panginoong Jesus. Sa mga mata ni Pablo, na isang hindi mananampalataya, ang katunayang nakapagsasalita si Cristo ng napakaraming bagay, nakapangangaral nang husto, nakagagawa ng napakaraming gawain, at na napapasunod ni Cristo ang maraming tao sa Kanya, ay nakapagbigay ng karangalan sa pagkakakilanlan at katayuan ng Panginoong Jesus; mayroon Siyang walang-hanggang kaluwalhatian at karangyaan, dahilan para maging sadyang dakila at katangi-tangi ang katayuan ng Panginoong Jesus sa mga tao. Ito ang nakita ni Pablo. Mula sa ipinamalas at ibinunyag ng Panginoong Jesucristo habang gumagampan ng gawain, pati na sa Kanyang pagkakakilanlan at diwa, ang nakita ni Pablo ay hindi ang diwa ng Diyos, katotohanan, daan, o buhay, hindi rin ang pagiging kaibig-ibig o ang karunungan ng Diyos. Ano ang nakita ni Pablo? Kung gagamit tayo ng modernong parirala, ang nakita niya ay ang kaningningan ng kasikatan, at ginusto niyang maging isang tagahanga ng Panginoong Jesus. Nang magsalita o gumawa ang Panginoong Jesus, napakaraming tao ang nakinig—tiyak na napakamaluwalhati niyon! Isa itong bagay na pinakahihintay-hintay ni Pablo, inasam-asam niya ang pagdating ng sandaling ito. Kinasabikan niya ang araw kung kailan makapangangaral siya nang walang katapusan kagaya ng Panginoong Jesus, na may napakaraming tao, nakatingin sa Kanya nang may pagkamangha, may paghanga at pananabik sa kanilang mga mata, gustong sumunod sa Kanya. Namangha si Pablo sa kahanga-hangang tindig ng Panginoong Jesus. Ang totoo, hindi siya talagang napahanga nito; bagkus, kinaiinggitan niya ang pagkakaroon ng pagkakakilanlan at tindig na tinitingala ng mga tao, pinag-uukulan ng pansin, iniidolo at pinahahalagahan. Ito ang kinaiinggitan niya. Kung gayon, paano niya ito makakamit? Hindi siya naniwala na nakamit ng Panginoong Jesucristo ang mga bagay na ito sa pamamagitan ng diwa at pagkakakilanlan ng Panginoong Jesucristo, kundi naniwala siya na dahil ito sa titulo ng Panginoong Jesucristo. Samakatuwid, inasam ni Pablo na maging isang mahalagang tao, at magkaroon ng papel, kung saan maaari niyang dalhin ang pangalan ni Cristo. Nagsikap nang husto si Pablo na makakuha ng ganoong papel, hindi ba? (Oo.) Anong mga pagsisikap ang ginawa niya? Nangaral siya sa iba’t ibang dako, at gumawa pa nga ng mga himala. Sa bandang huli, gumamit siya ng isang parirala para tukuyin ang kanyang sarili, na tumugon sa kanyang mga nakapaloob na pagnanais at ambisyon. Anong parirala ang ginamit niya para tukuyin ang kanyang sarili? (“Sapagkat sa akin ang mabuhay ay si cristo, at ang mamatay ay pakinabang.”) Ang mabuhay ay si cristo. Ito ang pangunahing bagay na gusto niyang isakatuparan; ang kanyang pangunahing pagnanais ay ang maging cristo. Ano ang koneksiyon ng pagnanais na ito sa kanyang mga personal na paghahangad at sa landas na kanyang tinahak? (Iginalang niya ang kapangyarihan, at hinangad niyang tingalain siya ng mga tao.) Isa itong teorya; dapat kayong magsalita ng mga katunayan. Ipinamalas ni Pablo ang kanyang pagnanais na maging cristo sa mga praktikal na paraan; ang depinisyon Ko sa kanya ay hindi lamang nakabatay sa iisang pariralang sinabi niya. Batay sa estilo, mga pamamaraan, at prinsipyo ng kanyang mga kilos, makikita natin na ang lahat ng ginawa niya ay umiikot sa kanyang layon na maging cristo. Ito ang ugat at diwa ng kung bakit nagsalita at gumawa si Pablo ng napakaraming bagay. Ginusto ni Pablo na maging cristo, at naimpluwensiyahan nito ang kanyang mga paghahangad, ang kanyang landas sa buhay, at ang kanyang pananampalataya. Sa anong mga paraan naipamalas ang impluwensiyang ito? (Nagpakitang-gilas si Pablo at nagpatotoo sa kanyang sarili sa lahat ng kanyang gawain at pangangaral.) Isang paraan ito; nagpakitang-gilas si Pablo sa lahat ng pagkakataon. Nilinaw niya sa mga tao kung paano siya nagdusa, kung paano niya ginawa ang mga bagay-bagay, at kung ano ang kanyang mga layunin, nang sa gayon ay kapag narinig ito ng mga tao, aakalain nila na kahalintulad na kahalintulad siya ni cristo, at tunay na gusto niyang tawagin siyang cristo. Iyon ang layon niya. Kung tunay ngang tinawag siyang cristo ng mga tao, ikakaila kaya niya ito? Tatanggihan kaya niya ito? (Hindi, hindi niya ito tatanggihan.) Tiyak na hindi niya ito tatanggihan—siguradong matutuwa pa nga siya. Isang paraan ito kung paanong naipamalas ang impluwensiya nito sa kanyang mga hinahangad. Ano pa ang mga ibang paraan na naroon? (Nagsulat siya ng mga liham.) Oo, nagsulat siya ng ilang liham nang sa gayon ay maipasa ang mga ito sa pagdaan ng maraming panahon. Sa mga sulat niya, gawain, at sa buong proseso ng kanyang pagpapastol sa mga iglesia, ni minsan ay hindi niya binanggit ang pangalan ng Panginoong Jesucristo, o hindi siya gumawa ng mga bagay sa pangalan ng Panginoong Jesucristo, o dinakila ang pangalan ng Panginoong Jesucristo. Anong negatibong epekto mayroon ang palagi niyang paggawa at pagsasalita sa ganitong paraan? Paano ito nakaimpluwensiya sa mga sumunod sa Panginoong Jesus? Dahil dito, itinatwa ng mga tao ang Panginoong Jesucristo, at si Pablo ang pumalit sa puwesto ng Panginoong Jesucristo. Inasam niyang itanong ng mga tao, “Sino ba ang panginoong Jesucristo? Hindi ko pa narinig ang tungkol sa kanya. Naniniwala kami kay Pablo na cristo.” Magagalak siya kapag ganoon. Ito ang layon niya, at isa sa mga bagay na hinangad niya. Isang paraan kung paano naipamalas ang impluwensiyang iyon ay ang paraan ng paggawa niya; daldal siya nang daldal tungkol sa mga hungkag na ideya, at walang tigil na nagsalita tungkol sa mga hungkag na teorya para makita ng mga tao kung gaano siya kahusay at kapani-paniwala sa kanyang gawain, kung gaano niya tinulungan ang mga tao, at na may partikular na tindig, na para bang muling nagpakita ang Panginoong Jesucristo. Ang isa pang paraan kung paano naipamalas ang impluwensiyang iyon ay na hindi niya kailanman dinakila ang Panginoong Jesucristo, at lalong hindi niya dinakila ang Kanyang pangalan, hindi rin siya nagpatotoo tungkol sa mga salita at sa gawain ng Panginoong Jesucristo, o kung paano nakinabang ang mga tao sa mga ito. Nangaral ba si Pablo ng mga sermon tungkol sa kung paano dapat magsisi ang mga tao? Siguradong hindi niya ginawa iyon. Hindi kailanman nangaral si Pablo tungkol sa gawaing ginawa, mga salitang sinabi, o sa lahat ng katotohanang itinuro ng Panginoong Jesucristo sa mga tao—itinatwa ni Pablo ang mga bagay na ito sa kanyang puso. Bukod sa itinatwa ni Pablo ang mga salitang sinabi ng Panginoong Jesucristo at ang mga katotohanang itinuro ng Panginoong Jesucristo sa mga tao, itinuring din ni Pablo bilang katotohanan ang sarili niyang mga salita, gawain, at mga turo. Ginamit ni Pablo ang mga bagay na ito para palitan ang mga salita ng Panginoong Jesus, at inutos niya sa mga tao na isagawa at sundin ang kanyang mga salita na para bang katotohanan ang mga ito. Ano ang nag-udyok ng mga pagpapamalas at pagbubunyag na ito? (Ang kahilingan niya na maging cristo.) Naudyukan ang mga ito ng kanyang layunin, pagnanais, at ambisyon na maging cristo. Konektadong-konektado ito sa kanyang pagsasagawa at mga paghahangad. Ito ang ika-anim na kasalanan ni Pablo. Malubhang bagay ba ito? (Oo, malubha ito.) Ang totoo, lahat ng kasalanan niya ay malubha. Ang lahat ng ito ay humahantong sa kamatayan.

Ngayon, ibabahagi Ko naman ang tungkol sa ikapitong kasalanan ni Pablo. Mas malubha ang isang ito. Bago tinawag ng Panginoon si Pablo, isa siyang mananampalataya ng Hudaismo. Ang Hudaismo ay ang pananampalataya sa Diyos na si Jehova. Anong konsepto mayroon tungkol sa Diyos iyong mga nananampalataya sa Diyos na si Jehova? Tungkol ito sa mga bagay na naranasan ng kanilang mga ninuno nang akayin sila ng Diyos na si Jehova palabas mula sa Ehipto tungo sa magandang lupain ng Canaan: kung paano nagpakita ang Diyos na si Jehova kay Moises, kung paano Siya nagpadala ng sampung salot sa Ehipto, kung paano Siya gumamit ng mga haliging ulap at apoy para akayin ang mga Israelita, at kung paano Niya ibinigay sa kanila ang Kanyang mga kautusan, at iba pa. Inisip ba ng mga nanampalataya sa Hudaismo noong panahong iyon na pantasya, mga kuru-kuro, at alamat lamang ang lahat ng bagay na ito, o inisip ba nila na totoong nangyari ang mga ito? Noong panahong iyon, naniwala at kinilala ng mga hinirang ng Diyos at ng mga tunay na tagasunod na umiiral at tunay ang Diyos sa langit. Inisip nila na, “Totoo nga ang katunayan na nilikha ng Diyos ang sangkatauhan. Gaano man katagal na itong nangyari, nananatiling totoo ang bagay na ito. Hindi lamang na dapat natin itong paniwalaan, kundi dapat makasigurado tayo, at ibahagi ang katunayang ito. Responsabilidad at obligasyon natin ito.” Gayunpaman, pakiramdam ng isa pang grupo ng mga hindi mananampalataya na malamang na alamat lang ang mga bagay na ito. Walang nagtangkang beripikahin ang mga kuwento o saliksikin kung totoo nga ba ang mga ito o kathang-isip lamang, kaya bahagyang naniniwala sila sa mga ito. Kapag kailangan nila ang Diyos, umaasa sila na sana totoo Siya at na maipagkakaloob Niya kung ano ang hinahangad, ipinagdarasal, at inaasam-asam nila; kapag nanalangin sila sa Diyos nang umaasa na may makukuha sila, umaasa sila na sana umiiral ang Diyos na ito. Sa paggawa nito, tinatrato lamang nila ang Diyos na parang isang sikolohikal na tungkod. Hindi nila nakita ang katunayang inililigtas ng Diyos ang tao, ni tinatanggap ang mga katotohanang ipinahayag ng Diyos. Hindi ito tunay na pananampalataya sa Diyos; dati na silang mga hindi mananampalataya. Paano ipinamalas ng pinakamababang uri ng tao ang kanyang sarili? Pawang pagseserbisyo lang sa Diyos ang ginawa niya, ang maghandog sa Diyos, sumunod sa lahat ng ritwal, at maniwala pa nga sa iba’t ibang alamat. Gayunpaman, wala sa puso ng taong ito ang Diyos, at malabo at hungkag ang diyos ng kanyang mga kuru-kuro at imahinasyon. Ano ang pinaniwalaan ng isang taong kagaya nito? Materyalismo. Naniwala lang siya sa mga bagay na nakikita niya. Sa mga mata niya, ang mga sinasabi ng mga alamat, ang malalabong bagay, at anumang bagay sa espirituwal na mundo na hindi niya mahawakan ng kanyang mga kamay, hindi makita ng kanyang mga mata, o hindi marinig ng kanyang mga tainga ay hindi umiiral. Sinasabi ng ilang tao, “Kung gayon, naniniwala ba siya sa pag-iral ng mga bagay na hindi niya nakikita, gaya ng mga mikroorganismo?” Lubos siyang naniniwala sa mga bagay na iyon. Lubos siyang naniniwala sa agham, mga electron, microbiology, at chemistry. Naniniwala ang mga hindi mananampalataya na totoo ang mga bagay na iyon higit pa sa anumang bagay. Mga tunay silang materyalista. Pinag-uusapan natin ito upang masuri ang tatlong uring ito ng tao: mga tunay na mananampalataya, ang mga bahagyang nananampalataya, at ang mga materyalista na hinding-hindi naniniwala sa pag-iral ng Diyos. Sinasabi ng ilang tao na, “Talaga bang may diyos? Nasaan siya? Ano ang hitsura niya? Balita ko na ang diyos ay nasa ikatlong langit. Gaano ba kataas ang ikatlong langit? Gaano ba ito kalayo, at gaano ba ito kalaki? Sinasabi rin ng mga tao na may langit, at na ang daan nito ay yari sa gintong laryo at mga baldosang kulay jade, at na ginto rin ang mga dingding. Paanong nagkaroon ng ganoon kagandang lugar? Kalokohan! Nalaman ko na sa Kapanahunan ng Kautusan, ibinigay ng diyos ang kanyang mga kautusan sa kanyang mga hinirang, at na ang mga kautusan na nasa tipak ng bato ay umiiral pa rin. Pawang alamat lang siguro iyon, isang bagay na ginagamit ng mga naghahari-hariang grupo para kontrolin ang masa.” May tunay bang pananampalataya sa Diyos ang grupong ito ng mga tao? (Wala.) Hindi sila naniniwala na mayroon talagang Diyos, o na totoong nilikha Niya ang mga tao at inakay ang sangkatauhan hanggang sa kasalukuyang panahon. Kung gayon, bakit naglilingkod pa rin sila sa iglesia? (Dahil itinuturing nilang trabaho at tiket para makakain ang paglilingkod sa Diyos.) Tama. Itinuturing nila itong bilang isang trabaho at tiket para makakain. Kaya, sa anong uri ng tao kabilang si Pablo? (Sa ikatlong uri.) Konektado ito sa kanyang kalikasang diwa. Mahilig si Pablo na magdaldal nang magdaldal tungkol sa mga hungkag na teorya. Mahilig siya sa mga hungkag na bagay, malalabong bagay at mga bagay na pantasya. Mahilig siya sa mga bagay na malalim at mahirap unawain, at mga bagay na mahirap ilarawan sa mga kongkretong salita. Gustong-gusto niyang pakaisipin nang husto ang mga bagay-bagay, siya ay may kinikilingan at matigas ang ulo niya, at may baluktot siyang pang-unawa. Ang mga taong gaya nito ay hindi tao. Ganitong uri siya ng tao. Kung titingnan ang disposisyon at kalikasang diwa ni Pablo, pati na ang kanyang mga kagustuhan, inaasam-asam, paghahangad, at adhikain, bagamat nagserbisyo siya sa iglesia at naging estudyante ng isang sikat na guro, ang kaalamang natutunan niya ay isang kasangkapan lamang para sa kanya para matugunan ang sarili niyang mga pagnanais, ambisyon, at banidad, at para makakain nang libre, magkaroon ng katayuan, at posisyon sa lipunan. Kung titingnan ang kalikasang diwa at mga paghahangad ni Pablo, gaano kalaki ang pananalig niya kay Jehova? Ang pananalig niya ay hindi isang pangako, kundi mga hungkag na salita lamang. Siya ay isang hindi mananampalataya, isang ateista, at materyalista. Itinatanong ng ilang tao, “Kung si Pablo ay isang hindi mananampalataya, bakit siya naging apostol ng Panginoong Jesucristo at bakit niya ipinalaganap ang ebanghelyo ng Kapanahunan ng Biyaya?” Sabihin ninyo sa Akin, paano niya nagawang tahakin ang landas na ito? Ano ang nag-udyok sa kanya? Anong punto ng pagbabago ang nagtulak sa kanya na akuin ang papel na ito, at tahakin ng isang hindi mananampalataya na katulad niya ang ganitong landas, at gumawa ng malaking pagbabago? Ano ang tinutukoy Ko kapag binabanggit Ko ang tungkol sa “malaking pagbabago”? Ito ay noong nalugmok si Pablo sa daan patungong Damasco—doon nagsimula ang malaking pagbabago ng buhay niya. Nakaranas siya ng dalawang uri ng malaking pagbabago: Ang isa ay na mula sa hindi pananampalataya sa Diyos tungo sa paniniwala na talagang umiiral ang Diyos dahil ang Panginoong Jesus na pinag-uusig niya noong una ay nagpakita sa kanya sa daan patungong Damasco. Sinabi ni Pablo, “Sino ka baga, panginoon?” Ang totoo, sa kaloob-looban ni Pablo, hindi siya naniwala na umiiral ang Panginoon at Diyos na ito, pero hindi niya mapigilan ang kanyang sarili na magsalita, “Sino ka baga, panginoon?” Ano ang sinabi ng Panginoong Jesus? (“Ako ay si Jesus na iyong pinag-uusig” (Mga Gawa 9:5).) Sa sandaling sinabi iyon ng Panginoong Jesus, nakumbinsi si Pablo sa isang katunayan: Nagpakita ang isang Panginoon na hindi pa niya kailanman nakita, na hindi niya lubos maisip, at na higit pang makapangyarihan kaysa sa inaakala niya. Paano siya nakumbinsi na higit pang makapangyarihan ang Panginoon kaysa sa inaakala niya? Dahil nang hindi inaasahan ni Pablo, ang Jesus na talagang hindi niya pinaniwalaang Diyos ay nagpakita mismo sa harapan niya. Gaano kamakapangyarihan ang Panginoong Jesus? Nakumbinsi si Pablo sa laki ng kapangyarihan ng Panginoong Jesus nang mabulag ang kanyang mga mata sa liwanag ng Panginoong Jesus. Kaya, makukumbinsi ba si Pablo na ang Panginoong Jesus ay ang Diyos? (Hindi.) Bakit hindi? (Dahil sa una pa lang ay hindi naniwala si Pablo na mayroon ngang Diyos.) Tama, dahil hindi naman talaga siya naniwala na umiiral ang Diyos. Sa kasalukuyan, kayong lahat ay may pananalig at pundasyon sa inyong mga puso, kaya, kung magpapakita sa iyo ang Diyos, kahit na tinig Niya lang ito o ang Kanyang likod, at kung magsasalita Siya sa iyo o tatawag sa iyong pangalan, makukumbinsi ka sa isang katunayan: “Ito ang Diyos na sinasampalatayanan ko. Nakita ko na Siya at narinig ko na Siya. Nilapitan na ako ng Diyos.” Makukumbinsi ka dahil may pananalig ka sa puso mo, napanaginipan mo na ang sandaling ito, at hindi ka natatakot. Pero ito ba ang naisip ni Pablo? (Hindi.) Hindi siya kailanman nagkaroon ng pananalig sa kanyang puso. Ano ang una niyang naisip? (Takot.) Natakot siya dahil may kakayahan ang entidad na ito na pabagsakin at patayin siya! Nagdulot ito sa kanya ng takot at kilabot nang higit pa kaysa sa impiyerno, na hindi niya makita. Lubha talaga siyang natakot. Talagang walang pananalig sa Diyos ang kanyang puso—masasabi mo na wala siyang konsepto tungkol sa Diyos. Kaya, nang isagawa ng Panginoong Jesus ang Kanyang gawain, paggawa man ito ng mga tanda at kababalaghan o pangangaral ng mga sermon, gaano man karaming tao ang sumunod sa Kanya, gaano man Siya kahanga-hanga, o gaano man kalaki ang eksena, sa isipan ni Pablo, isa lamang ordinaryong tao ang Panginoong Jesus. Minaliit niya ang Panginoong Jesus at wala siyang pagpapahalaga sa Panginoong Jesus. Pero ngayon, ang ordinaryong Anak ng tao na minaliit niya ay nakatayo na mismo sa harapan niya, wala na sa katawan ng isang ordinaryong tao, at hindi lamang tinig, kundi isang haligi ng liwanag din! Para sa kanya, isa itong sandali na hindi niya kailanman malilimutan kahit sa isang milyon-milyong taon. Nakasisilaw ang liwanag! Paano inilugmok ng Diyos si Pablo? Nang lapitan ng Diyos si Pablo, biglang nabulag si Pablo at bumagsak siya sa lupa. Ano ang nangyayari? Bumagsak ba siya nang kusa at sa sarili niyang kagustuhan, o napaghandaan na ba niya ito? (Hindi, hindi lang talaga niya ito nakayanan.) Ang katawan ng tao ay laman lamang; hindi nito ito makakayanan. Kapag talagang nilapitan ka ng Diyos, hindi Siya sa ordinaryong pisikal na katawan na nakita mo sa Panginoong Jesus—napakakaaya-aya at madaling lapitan, labis na mapagpakumbaba at ordinaryo, gawa sa laman at dugo, isang tao na tila hindi katangi-tangi para sa iyo, at na hindi ka nagdadalawang-isip. Kapag talagang nilapitan ka ng Diyos, kahit pa hindi ka Niya ilugmok, hindi mo ito makakayanan! Sa kaibuturan ng puso ni Pablo, ang unang naramdaman niya ay, “Nilapitan ako ng panginoong Jesus na inuusig at minamaliit ko noon. Napakalakas ng liwanag na ito!” Sinabihan ba siya ng Diyos na yumukod siya? Sinabi ba ng Diyos na, “Dapat kang yumukod”? (Hindi, hindi ito sinabi ng Diyos.) Kung gayon, bakit nakaharap ang mukha ni Pablo sa lupa? (Natatakot siya.) Hindi. Ang sangkatauhan ay nilikha ng Diyos, at napakaliit at napakahina nila na kapag tumama ang liwanag ng Diyos sa kanilang laman, hindi nila maiwasang bumagsak sa lupa. Napakalaki at napakalakas ng Diyos; Siya ay sobra-sobra na hindi nila kayang magtiis at manatiling kalmado. Hindi kinilala ni Pablo ang Panginoong Jesus bilang Diyos, o bilang Panginoon, kaya bakit siya kusang-loob na yuyukod? Bumagsak siya nang nakatungo ang mukha; ganap siyang walang magawa at hindi makakilos. Ang kanyang dating pagmamalaki, kayabangan at kahambugan, pagmamatuwid sa sarili at pagpapahalaga sa sarili ay biglang naglaho. Ni hindi nagpakita ang Diyos kay Pablo sa tunay Niyang persona; liwanag lamang Niya ang tumama kay Pablo, at nang makita ito ni Pablo, ito ang naging resulta; ganito katindi ang epekto nito sa kanya. Ito ang malaking pagbabago ni Pablo. Kung walang natatanging konteksto sa likod ng malaking pagbabagong ito, o kung hindi ito isang espesyal na kaso, kung gayon, para sa isang ordinaryong tao na may pagkatao at konsensiya, na naghahangad ng mga positibong bagay at naghahangad sa katotohanan, magiging isang magandang bagay ito dahil kapag nakita ng isang tao ang Diyos, naiimpluwensiyahan nito ang paghahangad sa buong buhay niya. Kung pagbabatayan natin kung ano ang nakatala sa Bibliya, sa paglipas ng maraming siglo, napakadalang para sa isang tao na marinig ang Diyos na magsalita. Narinig ni Job ang Diyos na nagsalita sa kanya sa isang ipo-ipo matapos siyang subukin. Ginugol ni Job ang buong buhay niya sa paghahangad na magpasakop sa mga pagsasaayos ng Diyos, at para maunawaan ang kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos, pero hindi kailanman nakita ni Job ang Diyos hanggang sa siya ay pitumpung taong gulang na; naranasan lang niya ang kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos, pero may pananalig si Job gaya ng ginawa niya. Nang marinig ni Job ang Diyos na magsalita sa kanya gamit ang sarili niyang tainga, hindi ba’t isa itong malaking pagbabago sa kanyang pananalig? (Oo.) Ang malaking pagbabagong ito ay isang pagtataas, isang punto kung saan mas lalong tumibay ang kanyang pananalig. Lalo pang kinumpirma nito sa kanya na ang lahat ng gawaing ginawa ng Diyos sa mga tao, ng Diyos na siyang sinampalatayanan at sinusunod niya, ay tama at mabuti, at na dapat magpasakop ang mga tao sa Diyos. Hindi ito isang maliit na pagbabago gaya ng nararanasan ng karaniwang tao, kung saan unti-unti siyang nagbabago mula sa isang nag-aalinlangang pananalig tungo sa isang tunay na pananalig na walang anumang pag-aalinlangan. Sa halip, isa itong pagtataas, kung saan ang pananalig niya ay umabot sa isang mas mataas na antas. Tungkol naman kay Pablo, anong malaking pagbabago ang dapat sanang naidulot ng pagpapakita ng Diyos sa pamamagitan ng paglugmok kay Pablo? Siguradong hindi pagtataas, dahil hindi naman siya kailanman nanampalataya sa Diyos bago pa iyon, kaya hindi ito matatawag na pagtataas. Kung gayon, anong epekto ang idinulot nito sa kanya? Konektado na naman ito sa kanyang mga paghahangad. Sabihin ninyo sa Akin. (Para mapag-ingatan ang kanyang buhay, ginusto ni Pablo na magtrabaho sa pamamagitan ng pagbabahagi ng ebanghelyo para pagbayaran ang kanyang mga kasalanan.) Tumpak kayo riyan. Takot din siya sa kamatayan, at napakatuso niya. Nang malaman niya na ang Jesus na kanyang pinag-uusig ay ang tunay na Diyos, natakot siya nang husto, at inisip na, “Ano ang dapat kong gawin? Ang magagawa ko lang ay ang makinig sa mga ipinag-uutos ng panginoon, kung hindi ay mamamatay ako!” Mula noon, tinanggap niya ang atas ng Diyos at nagsimula siyang magtrabaho sa pamamagitan ng pagpapalaganap sa ebanghelyo para pagbayaran ang kanyang mga kasalanan. Inisip niya, “Kung magiging matagumpay ako sa pagpapalaganap ng ebanghelyo at malulugod ang panginoong Jesus, baka makakuha pa ako ng putong at gantimpala!” Iyon ang mga kalkulasyon sa kaibuturan ng kanyang puso. Inisip niya na nakahanap na siya sa wakas ng mas magandang pagkakataon para magtamo ng mga pagpapala. Tinanggap ni Pablo ang atas ng Panginoon para mabayaran ang kanyang mga kasalanan at iligtas ang kanyang buhay; iyon ang intensiyon at layon sa likod ng kanyang pananampalataya at pagtanggap sa Panginoon. Buhat nang makilala niya ang Panginoong Jesus sa daan patungong Damasco at nailugmok, nagkaroon siya ng malaking pagbabago, na naging tanda ng isang bagong simula sa kanyang mga paghahangad at buhay ng pananampalataya sa Diyos. Positibo ba ang bagong simula na ito o negatibo? (Negatibo ito.) Hindi niya nakilala ang pagiging matuwid ng Diyos, at tinanggap niya ang atas ng Panginoong Jesus gamit ang isang pamamaraan ng pakikipagtransaksiyon na mas lalo pang tuso, hindi maipahayag, at palihim dahil lamang sa natakot siya sa pagiging maharlika ng Diyos at na mailugmok. Mas lalong kasuklam-suklam ito. Pero hindi iyon ang punto ng Aking pagbabahagi ngayon. Mula sa malaking pagbabago ni Pablo matapos maharap sa malaking liwanag ng Diyos, at sa iba’t ibang paraan ng pagpapamalas niya ng kanyang sarili, makikita natin nang malinaw kung anong landas ang tinahak ni Pablo, at kung anong uri siya ng tao batay sa ipinakita ng kanyang kalikasang diwa. Lubos na malinaw ang mga bagay na ito.

Mula nang siya ay nalugmok, naniwala na si Pablo na umiiral ang Panginoong Jesucristo, at na ang Panginoong Jesucristo ay ang Diyos. Ang Diyos na sinampalatayanan niya ay bigla-biglang nagbago mula sa Diyos sa langit tungo sa Panginoong Jesucristo—naging Diyos sa lupa ito. Mula sa sandaling iyon, hindi na niya matanggihan ang atas ng Panginoong Jesus, at nagsimula na siyang magtrabaho nang hindi sumusuko para sa Diyos na nagkatawang-tao—ang Panginoong Jesus. Siyempre, ang layon ng kanyang pagpapagal ay para mapatawad siya sa kanyang mga kasalanan, at gayundin para matugunan ang kanyang pagnanais na siya ay pagpalain, at matamo ang hantungang gusto niya. Nang sabihin ni Pablo na “sa pamamagitan ng kalooban ng diyos,” tumutukoy ba ang salitang “diyos” kay Jehova o kay Jesus? Medyo naguluhan siya, at naisip na, “Sumasampalataya naman ako kay Jehova, kaya bakit ako inilugmok ni Jesus? Bakit hindi pinigilan ni Jehova si Jesus nang inilugmok niya ako? Sino nga ba talaga sa kanila ang diyos?” Hindi niya malaman kung sino. Alinman dito, hindi niya kailanman maituturing ang Panginoong Jesus bilang kanyang diyos. Kahit pa kilalanin niya ang Panginoong Jesus sa salita, mayroon pa ring pagdududa sa kanyang puso. Sa paglipas ng panahon, unti-unti siyang bumalik sa paniniwala na “tanging si Jehova ang diyos,” kaya, sa lahat ng sulat ni Pablo pagkatapos niyon, nang isulat niya ang “sa pamamagitan ng kalooban ng diyos,” malamang na ang “diyos” na pangunahing tinutukoy rito ay ang Diyos na si Jehova. Dahil hindi kailanman malinaw na isinaad ni Pablo na ang Panginoong Jesus ay si Jehova, palagi niyang itinuring ang Panginoong Jesus bilang Anak ng Diyos, tinawag Siya bilang Anak, at wala siyang sinabi kailanman na “ang Anak at ang Ama ay iisa,” pinatutunayan nito na hindi kailanman nakilala ni Pablo ang Panginoong Jesus bilang kaisa-isang tunay na Diyos; nag-aalinlangan siya at hindi niya ito sinampalatayanan nang buo. Kung titingnan natin ang pananaw niyang ito patungkol sa Diyos, at ang pamamaraan niya ng paghahangad, si Pablo ay hindi isang taong naghahangad sa katotohanan. Hindi niya kailanman naunawaan ang misteryo ng pagkakatawang-tao, at hindi niya kailanman kinilala ang Panginoong Jesus bilang kaisa-isang tunay na Diyos. Mula rito, hindi mahirap malaman na si Pablo ay isang taong sumasamba sa kapangyarihan, madaya at tuso. Ano ang ipinapakita sa atin ng katunayang sinasamba ni Pablo ang kabuktutan, kapangyarihan, at katayuan patungkol sa kung ano ang kanyang pananampalataya? May tunay ba siyang pananampalataya? (Wala.) Wala siyang tunay na pananampalataya, kaya umiiral ba talaga ang Diyos na tinutukoy niya sa puso niya? (Hindi.) Kung gayon, bakit naglibot-libot pa rin siya, gumugol ng kanyang sarili, at gumawa para sa Panginoong Jesucristo? (Nakontrol siya ng intensiyon niyang pagpalain.) (Natakot siyang maparusahan.) Bumalik na naman tayo sa puntong ito. Dahil natakot siyang maparusahan, at dahil mayroon siyang tinik sa kanyang laman na hindi niya maalis, kaya kinailangan niyang maglibot-libot at gumawa, upang hindi mas lalong sumakit ang tinik sa kanyang laman kaysa sa kanyang makakaya. Mula sa mga pagpapamalas niyang ito, mula sa kanyang mga salita, sa reaksiyon niya sa mga nangyari sa daan patungong Damasco, at ang epekto sa kanya ng pagkakalugmok sa daan patungong Damasco pagkatapos ng nangyari, makikita natin na wala siyang pananampalataya sa kanyang puso; halos matitiyak ng isang tao na si Pablo ay isang hindi mananampalataya at isang ateista. Ang perspektiba niya ay, “Kung sino man ang may kapangyarihan, sa kanya ako mananampalataya. Kung sino man ang may kapangyarihan at kayang magpasuko sa akin, para sa kanya, gagawin ko ang mga utos at ang lahat ng aking makakaya. Kung sino man ang makapagbibigay sa akin ng hantungan, ng putong, at makatutugon sa aking pagnanais na pagpalain, siya ang susundin ko. Susunod ako sa kanya hanggang sa wakas.” Sino ang diyos sa puso niya? Kahit sino ay maaaring maging diyos niya, hangga’t mas makapangyarihan ito sa kanya at kaya siyang mapasuko nito. Hindi ba’t ito ang kalikasang diwa ni Pablo? (Oo.) Kung gayon, sino ba ang entidad na sinampalatayanan niya kalaunan na may kakayahang ilugmok siya sa daan patungong Damasco? (Ang Panginoong Jesucristo.) “Ang Panginoong Jesucristo” ang pangalang ginamit niya, pero ang entidad na talagang sinampalatayanan niya ay ang diyos sa puso niya. Nasaan ang diyos niya? Kung tatanungin mo siya, “Nasaan ang Diyos mo? Nasa kalangitan ba Siya? Kasa-kasama ba Siya ng lahat ng nilikha? Siya ba ang may kataas-taasang kapangyarihan sa buong sangkatauhan?” Sasabihin ni Pablo, “Hindi, ang diyos ko ay nasa daan patungong Damasco.” Iyon talaga ang diyos niya. Ang dahilan ba kung bakit nagawa ni Pablo na magbago mula sa pang-uusig niya sa Panginoong Jesucristo tungo sa paggawa, paggugol ng kanyang sarili, at pagsasakripisyo pa nga ng kanyang buhay para sa Panginoong Jesucristo—ang dahilan kung bakit nagkaroon siya ng malaking pagbabago—ay dahil may pagbabago sa kanyang pananampalataya? Ito ba ay dahil nagising ang kanyang konsensiya? (Hindi.) Kung gayon, ano ang nagsanhi nito? Ano ang nagbago? Nagbago ang kanyang sikolohikal na tungkod. Dati, ang kanyang sikolohikal na tungkod ay nasa mga kalangitan; isa itong hungkag, at malabong bagay. Kung ipapalit mo rito si Jesucristo, iisipin ni Pablo na masyadong hamak si Jesucristo—isang karaniwang tao lamang si Jesus, at hindi Siya maaaring maging isang sikolohikal na tungkod—at lalo namang mababa ang tingin ni Pablo sa mga tanyag na relihiyosong tao. Gusto lang ni Pablo na makahanap ng isang taong masasandalan, na may kakayahang mapasuko siya at pagpalain siya. Inisip niya na ang entidad na nakaharap niya sa daan patungong Damasco ay ang pinakamalakas, at na iyon ang dapat niyang sampalatayanan. Nagbago rin ang kanyang sikolohikal na tungkod nang magbago ang kanyang pananampalataya. Batay rito, tunay nga bang sumampalataya si Pablo sa Diyos o hindi? (Hindi.) Ibuod natin ngayon sa isang pangungusap kung ano ang nakaimpluwensiya sa mga paghahangad ni Pablo at sa daang tinatahak niya. (Ang kanyang sikolohikal na tungkod.) Kung gayon, paano natin dapat tukuyin ang ikapitong kasalanan ni Pablo? Sa lahat ng aspekto, ang pananampalataya ni Pablo ay isang sikolohikal na tungkod; hungkag at malabo ito. Isa talaga siyang hindi mananampalataya at isang ateista. Bakit hindi iniwan ng isang ateista at ng isang hindi mananampalatayang kagaya niya ang mundo ng relihiyon? Sa isang banda, sa kanyang malabong imahinasyon, naroon ang isyu tungkol sa hantungan. At sa isa pang banda, naroon ang isyu tungkol sa pagkakaroon niya ng pagkakakitaan. Kasikatan, pakinabang, katayuan, at pagkakakitaan ang mga bagay na hinahangad niya sa buhay na ito, at ang ideya ng pagkakaroon ng hantungan sa paparating na mundo ay isang kaginhawahan para sa kanya. Ang mga bagay na ito ang bumubuo sa bawat ugat at tungkod sa likod ng mga hinahangad at ipinapakita ng mga taong kagaya nito, at sa kung anong landas ang tinatahak nila. Mula sa perspektibang ito, ano si Pablo? (Isang hindi mananampalataya. Sumampalataya lang siya sa malabong diyos.) (Isang ateista.) Tumpak na sabihing isa siyang ateista, at na isa siyang hindi mananampalataya at na isa siyang oportunistang nagtatago sa Kristiyanismo. Kung tatawagin mo lang siyang isang Pariseo, hindi ba’t isang pagmamaliit iyon? Kung titingnan mo ang mga sulat na ginawa ni Pablo, at makikita mo sa panlabas na sinasabi ng mga ito na “sa pamamagitan ng kalooban ng diyos,” baka ipagpalagay mo na itinuturing ni Pablo ang Diyos sa langit bilang ang pinakamataas, at na dahil lamang ito sa mga kuru-kuro ng mga tao, o dahil sila ay mangmang at hindi nila nauunawaan ang Diyos, at na hinati nila ang Diyos sa tatlong antas: ang Ama, ang Anak, at ang Banal na Espiritu, at na kahangalan lang iyon ng tao, at hindi ito isang napakaseryosong problema, dahil ganoon din mag-isip ang buong mundo ng relihiyon. Pero ngayon, matapos suriin ito, ganito nga ba ang kaso? (Hindi, hindi ganito.) Ni hindi kinilala ni Pablo ang pag-iral ng Diyos. Isa siyang ateista at hindi mananampalataya, at dapat siyang ibilang sa mga ateista at walang pananampalataya.

Natapos Ko nang buurin ang pitong kasalanan ni Pablo. Bigyan ninyo Ako ng maikling buod ng kung ano ang mga ito. (Ang unang kasalanan ay na tinrato ni Pablo bilang mga angkop na layunin ang paghahangad ng putong ng katuwiran at ang paghahangad ng mga pagpapala; pangalawa, tinrato ni Pablo bilang katotohanan ang kanyang mga imahinasyon at ang mga bagay na inakala niyang tama batay sa sarili niyang mga kuru-kuro, at ipinangaral niya ang mga ito sa iba’t ibang dako, at nilihis ang mga tao; pangatlo, tinrato ni Pablo bilang buhay ang kanyang mga kaloob at kaalaman; ang ikaapat, itinatwa ni Pablo ang pagkakakilanlan at diwa ng Panginoong Jesucristo, at itinatwa niya ang gawain ng pagtubos ng Panginoong Jesus; ang ikalima, ipinangaral ni Pablo na “Natataan sa akin ang putong ng katuwiran,” at lantaran niyang inudyukan at nilihis ang mga tao, tinutulak sila na subukang diktahan ang Diyos, mag-alsa laban sa Kanya, at kontrahin Siya; ang ikaanim, naniwala si Pablo na para sa kanya ang mabuhay ay si cristo. Itinatwa niya ang mga katotohanang ipinahayag ng Panginoong Jesus, pinalitan niya ang mga salita ng Panginoong Jesus ng kanyang sariling mga salita, at hinimok niya ang mga tao na isagawa at sundin ang mga ito. Ang ikapitong kasalanan ni Pablo ay na tinrato niya bilang isang sikolohikal na tungkod ang pananampalataya sa Diyos, at na isa talaga siyang ateista at hindi mananampalataya.) Napakadetalyado ng pagsusuri natin sa mga isyung ito ni Pablo, nagbibigay-daan ito na matauhan ang lahat ng taong sumasamba kay Pablo. Makabuluhan ito. Sa mga disposisyon at diwang ito na ipinakita at ipinamalas ni Pablo, at ang kanyang mga pansariling pamamaraan sa paghahangad, alin sa mga ito ang kitang-kitang may kaugnayan sa inyo? (Ang lahat ng ito.) Ang unang kasalanan ay ang pagtrato sa paghahangad ng putong ng katuwiran at sa paghahangad ng mga pagpapala bilang mga angkop na layunin. Bakit Ko sinasabing mali ito, at na dapat pagnilayan at baguhin ito ng mga tao? Nang hangarin ni Pablo ang putong ng katuwiran, hangarin ang mga pagpapala, at hangarin na makapasok siya sa kaharian ng langit, itinuring niyang nararapat ang paghahangad sa mga pakinabang na ito. Kaya, ano ang mga ipinapakita at ipinapamalas ninyo sa totoong buhay na tugma sa kalagayang ito? (Minsan, hangad kong gumawa ng mahalagang gawain at makapagbigay ng mga kontribusyon sa sambahayan ng Diyos. Sa tingin ko, sa pamamagitan ng paghahangad sa mga bagay na ito, gagawin akong perpekto ng Diyos sa bandang huli. Tinatrato ko bilang listahan ng aking mga natamo ang gawaing ginagawa ko at ang mga tungkuling ginagampanan ko.) Ito ay isang parte nito. Ang pagtrato sa mga tungkuling ginagampanan ninyo bilang isang listahan ng mga natamo ay katulad lang ng paghahangad ng isang putong ng katuwiran; parehong bagay lang ito; parehong kalagayan lang ito. Iyon ang pinagsikapan at pinaghirapan mo. Iyon ang nagdidikta sa pinagmulan ng iyong pagdurusa, at sa motibasyon ng iyong pagdurusa. Kung wala ang mga bagay na ito para diktahan ka, hindi ka magkakaroon ng anumang lakas, mapapagod ka nang husto. May iba pa ba kayong sasabihin? (Ang pagtrato sa mga nakaraang pangyayari nang isuko ko ang mga bagay-bagay, nang gugulin ko ang aking sarili, magdusa, maaresto at mabilanggo, at ang mga bagay na katulad niyon, bilang personal na kapital, at bilang batayan at dahilan para pagpalain.) Isang paglalarawan lang ito. Ano ang kalagayan sa likod dito? Anong uri ng sitwasyon ang nagiging dahilan para mahulog ka sa ganitong kalagayan? Hindi ka mag-iisip nang ganito kung walang dahilan. Imposible na palagi mo itong maiisip kapag ikaw ay kumakain, natutulog, o gumagawa ng mga bagay-bagay sa araw-araw. Kailangan mong malaman kung ano ang mga pinanggalingan at mga sitwasyon ang naglagay sa iyo sa ganitong kalagayan. Sabihin mo sa Akin. (Kapag medyo epektibo ako sa aking mga tungkulin, naiisip ko na nakapaglibot-libot ako para sa Diyos, naigugol ang aking sarili para sa Kanya, nagpakapagod at nakagawa nang marami para sa Kanya. Tulad ni Pablo, sa tingin ko ay nakipagbaka ako ng mabuting pakikipagbaka para sa Diyos, at may nagawa akong kontribusyon. Sa panahong ito lumilitaw ang aking mga ambisyon at pagnanais.) Ang totoo, hindi ka dati pang walang mga ambisyon at pagnanais; nakatago ang mga ito sa loob ng puso mo mula pa noong una, at ngayon ay lumilitaw na ang mga ito at kusang nagpapakita. Kapag nangyayari ito, hindi ka na mapagpakumbaba, hindi na paligoy-ligoy ang iyong mga salita, at nagiging mayabang ka na. Ang mga maling pananaw ni Pablo ang pinakaugat ng lahat ng ginawa niya. Dahil mali ang mga pananaw sa likod ng kanyang pananampalataya sa Diyos, tiniyak rin nitong mali ang ugat ng kanyang mga kilos. Pero hindi niya ito napagtanto, at inisip pa nga niyang nararapat lang ito, kaya naghangad siya sa maling direksiyon. Ito ang naging dahilan kung bakit kabaligtaran ng kanyang nilalayon ang naging resulta ng kanyang mga paghahangad; hindi ito nagdulot ng magandang resulta, at hindi niya nakamit ang katotohanan. Ganito rin ang mga tao ngayon. Kung ang mga pananaw at direksiyong gumagabay sa iyong paghahangad ay palaging mali, pero patuloy mong tinatrato ang mga ito bilang mga tamang pamamaraan sa paghahangad, ano kung gayon ang makakamit mo sa huli? Malamang na ikadidismaya mo ito o palolobohin nito ang iyong kalikasan. Halimbawa, kung pinagpapala ka ng Diyos sa isang espesyal na paraan, o tanging ikaw lang ang pinagkakalooban Niya ng isang bagay, iisipin mo na, “Tingnan mo, napakabuti sa akin ng Diyos. Pinatutunayan nito na sinasang-ayunan ng Diyos ang lahat ng ginawa ko. Tinanggap ito ng Diyos. Hindi nauwi sa wala ang mga sakripisyo at paghihirap ko. Hindi tinatrato ng Diyos ang mga tao nang hindi patas.” Ganito ang pagkaunawa mo sa hindi pagtrato ng Diyos sa mga tao nang di-patas, sa Kanyang mga pagpapala, at pagtanggap, pero ang pagkaunawang ito ay mali at baluktot. Ngayon, ang susi ay kung paano mo babaguhin ang mga mali at baluktot na intensiyon, pananaw, at paghahangad na ito para maging mga tama at dalisay na pananaw at kaisipan. Tanging ang paggawa sa mga bagay-bagay nang ayon sa mga tamang kaisipan at pananaw ang bumubuo sa pagsasagawa ng katotohanan, at ito lang ang tanging paraan para makamit mo ang katotohanan. Ito ang susi.

Sa madalas na pakikinig sa mga sermon, nagagawa na ng mga tao ngayon na magnilay-nilay sa kanilang sarili, at ikumpara ang kanilang sarili sa mga salita ng Diyos. Nagsisimula na silang makakilala sa mga problemang mayroon sila sa paggampan sa kanilang mga tungkulin, at natutukoy na nila ang mga hindi normal na kalagayan, mga labis-labis na pagnanais, at pagpapakita ng katiwalian sa loob nila. Hindi naman sila ganap na walang persepsiyon. Ang problema lang ay kapag nasumpungan nilang nasa mali silang kalagayan, o kapag nagpapakita sila ng katiwalian, wala silang kakayahang pigilan ito, at hindi nila hinahanap ang katotohanan para lutasin ito. Minsan, namumuhay sila ayon sa mga satanikong pilosopiya, hindi sinasalungat ang sinuman, at iniisip nila na napakabuti nila. Pero wala naman talagang nagbago sa kanila; nag-aksaya lang sila ng panahon, at bunga nito, wala silang anumang patotoong batay sa karanasan kahit pagkatapos ng isang dekadang pananampalataya sa Diyos, at nahihiya sila. Ang pangunahing problema na kailangang lutasin ngayon ay ang kung paano mo babaguhin ang maling direksyon ng iyong mga paghahangad. Malinaw sa iyo na ang landas ng paghahangad sa katotohanan ay tama, pero iginigiit mong hangarin ang kasikatan, pakinabang, at katayuan. Paano maitatama ang problemang ito nang sa gayon ay makatahak ka sa landas ng paghahangad sa katotohanan? Isa itong tunay na problema na dapat lutasin ng mga mananampalataya. Dapat kayong magbahaginan nang madalas tungkol sa kung paano ninyo nararanasan ang gawain ng Diyos, at tingnan kung sino ang may patotoong batay sa karanasan ng paghahangad sa katotohanan, at kung kaninong patotoong batay sa karanasan ang mabuti, at pagkatapos ay tanggapin ito at sundin, para mapakinabangan mo ito at makawala ka sa mga pagpipigil ng iyong tiwaling disposisyon. Hindi isang madaling bagay na tahakin ang landas ng paghahangad sa katotohanan—dapat mong maunawaan ang iyong sarili, at hindi lamang maunawaan ang iyong mga pagsalangsang; ang pinakamahalagang bagay ay ang maunawaan mo ang iyong tiwaling disposisyon, kung ano ang mali tungkol sa iyong mga kagustuhan at paghahangad, at kung ano ang mga maaaring kahihinatnan nito. Ito ang pinakamahalagang bagay. Ang karamihan sa mga tao ay naghahangad ng kasikatan, pakinabang, at katayuan. Araw-araw, iniisip nila kung paano sila maging isang lider, kung paano himukin ang ibang tao na tingalain sila, kung paano sila makapagpakitang-gilas, at kung paano mamuhay ng isang marangal na buhay. Kung walang kakayahan ang mga tao na magnilay-nilay tungkol sa mga bagay na ito, hindi makakita nang malinaw sa diwa ng mabuhay sa ganitong paraan, at patuloy na nangangapa nang kung ilang taon hanggang sa hindi na sila makausad, nadarapa at natatauhan sa wakas, hindi ba’t maaantala nito ang mahalagang bagay ng paglago ng buhay nila? Sa pamamagitan lamang ng malinaw na pagtingin sa sarili nilang tiwaling disposisyon at sa landas na pinili nila makakatahak ang mga tao sa landas ng paghahangad sa katotohanan. Kung ito ang epektong gusto nilang makamit, hindi ba’t mahalagang maunawaan nila ang kanilang sarili? Hindi nauunawaan ng ilang tao ang kanilang sarili kahit katiting, pero mayroon silang napakalinaw na kabatiran sa kaliit-liitang detalye ng mga isyu ng iba, at talagang matalas ang pagkilatis. Kaya, kapag kinikilatis nila ang iba, bakit hindi nila ito gamitin bilang salamin para suriin ang kanilang sarili? Kung palagi mong sinasabi na ang ibang tao ay mapagmataas, matuwid ang tingin sa sarili, mapanlinlang, at hindi nagpapasakop sa katotohanan, pero hindi mo makita na ganoon ka rin, kung gayon ay nanganganib ka. Kung hindi mo kailanman napapansin ang sarili mong mga problema, at gaano man karaming sermon tungkol sa katotohanan ang naririnig mo, habang nauunawaan mo ang naririnig mo, hindi mo ikinukumpara ang sarili mo rito, at hindi ka handang suriin ang iyong kalagayan, at wala kang kakayahang pangasiwaan at lutasin nang seryoso ang iyong sariling mga problema, kung gayon ay hindi ka magkakaroon ng buhay pagpasok. Kung laging walang kakayahan ang mga tao na pumasok sa mga katotohanang realidad, hindi ba’t magkakaroon sila ng hungkag na pakiramdam sa kanilang puso? Hindi nila mararamdaman kung anong gawain ang nagawa ng Diyos sa kanila, na para bang wala silang persepsiyon. Lagi silang malalagay sa isang malabong kalagayan, at hindi maitutuon sa isang tamang layunin o direksiyon ang kanilang mga paghahangad. Maghahangad lamang sila ayon sa sarili nilang mga kagustuhan, at tatahakin lang ang sarili nilang landas. Katulad lang ito ni Pablo, pinahahalagahan lamang ang paghahangad ng mga gantimpala at ng putong, at hindi tinatanggap o isinasagawa ang katotohanan. Kung ang isipan mo ay laging nasa malabong kalagayan, at wala kang isang tamang landas ng paghahangad, kung gayon ay wala kang nakamit na anumang epekto pagkatapos makinig sa mga sermon sa loob ng ilang taon, at hindi kailanman nag-ugat sa iyong puso ang tunay na daan. Bagamat maaaring marunong kang magsalita ng maraming doktrina, wala itong anumang kakayahang lutasin ang iyong negatibong kalagayan o tiwaling disposisyon. Kapag naharap ka sa anumang klase ng paghihirap, hindi ka matutulungan ng doktrinang nauunawaan mo para mapagtagumpayan ito, o malampasan ito nang maayos; hindi ka tutulungan nito na mabago o maitama ang iyong kalagayan, hindi ka hahayaang mamuhay nang may konsensiya, hindi ka bibigyan ng kalayaan at pagpapalaya, o hindi ka pipigilan na mahadlangan ng anumang bagay. Hindi ka pa nalagay sa ganitong kalagayan noon, kaya pinatutunayan nito na hindi ka pa talaga nakapasok sa mga katotohanang realidad. Kung gusto mong makapasok sa mga katotohanang realidad, maunawaan ang mga salita ng Diyos, makamit ang tunay na pananalig sa Diyos, makilala ang Diyos, at makatiyak na umiiral nga ang Diyos, kung gayon, dapat mong ikumpara ang kalagayan mo sa mga salita ng Diyos, at pagkatapos ay dapat kang maghanap ng landas sa pagsasagawa at ng pagpasok sa mga salita ng Diyos. Binabasa ng ilang tao ang mga salita ng Diyos at gusto nilang ikumpara ang kanilang sarili rito, pero kahit gaano pa nila subukan, hindi nila magawa. Halimbawa, kapag inilalantad ng Diyos na masyadong mapagmataas ang disposisyon ng tao, iniisip nila na, “Masyado akong mapagpakumbaba at hindi ako kapansin-pansin. Hindi ako mayabang.” Ano itong kayabangan na sinasabi ng Diyos? Isa itong uri ng disposisyon, hindi ang pagpapamalas ng isang hambog na personalidad, o pagsasalita sa isang malakas na tinig o sa isang partikular na mayabang na paraan. Sa halip, tumutukoy ito sa isang bagay sa iyong disposisyon—ito ay isang disposisyon kung saan hindi ka nagpapasailalim sa anumang bagay, at hinahamak mo, minamaliit, at isinasawalang-bahala ang lahat ng bagay. Ikaw ay mayabang, palalo, matuwid ang tingin mo sa iyong sarili, lagi mong iniisip na may kakayahan ka, at hindi ka nakikinig kaninuman. Kahit nakaririnig ka ng mga salita ng katotohanan, wala kang pakialam sa mga ito at hindi mahalaga ang tingin mo sa katotohanan. Hindi mo iniisip na problema kapag nagpapakita ka ng tiwaling disposisyon, at iniisip mo pa nga na walang makakapantay sa iyo, palaging iniisip na mas mahusay ka kaysa sa iba, at iginigiit mo na makinig sa iyo ang iba. Isa itong taong mapagmataas, nag-aakalang matuwid siya kaysa sa iba. Ang mga taong kagaya nito ay walang buhay pagpasok, at wala silang mga katotohanang realidad.

Paano dapat suriin kung ang isang tao ay may mga katotohanang realidad? Siyempre, dapat gawin ang isang tumpak na pagsusuri ayon sa mga salita ng Diyos. Una, tingnan mo kung talagang nauunawaan mo ang iyong sarili, at kung tunay mong nauunawaan ang iyong tiwaling disposisyon. Halimbawa, mapagmataas ba ang iyong disposisyon? Nagpapakita ka ba ng mapagmataas na disposisyon kapag may mga bagay kang ginagawa? Kung hindi mo alam, kung gayon ay isa kang taong hindi nauunawaan ang sarili. Kung hindi malinaw na nakikita ng isang tao ang kanyang kalagayan, kung wala siyang katiting na pagkaunawa sa katiwaliang ipinapakita niya, kung hindi niya ibinabatay sa katotohanan ang kanyang mga salita at kilos, kung hindi siya mapagkilatis sa mga sitwasyong nakakaharap niya, at bulag na lang niyang ginagamit ang mga regulasyon kapag tinitingnan ang bawat bagay, pero hindi alam kung tama ba ito o mali, kung gayon, isa siyang taong walang pagkaunawa sa katotohanan. Kung nauunawaan mo ang katotohanan, magagawa mong unawain ang iyong sarili, malalaman mo na mayroon kang mapagmataas na disposisyon, makikilatis mo ang tunay mong kalagayan, tunay kang magsisisi at magbabago, at malalaman mo kung paano isagawa ang katotohanan. Ngunit kung hindi mo hahangarin ang katotohanan, kung wala kang pagkaunawa sa praktikal na bahagi ng katotohanan sa mga salita ng Diyos, kung hindi mo pagninilayan ang mga tiwaling diwa ng mga tao na inilalantad ng Diyos, o ikukumpara ang iyong sarili sa mga ito, kung gayon ay habambuhay kang magiging isang taong magulo ang isip. Ang katotohanan lamang ang makapagpapatalas ng iyong isip, at makapagtuturo sa iyo na makita ang kaibahan ng tama at mali, at ng itim at puti; tanging ang katotohanan ang makapagpapatalino sa iyo at makapagtuturo sa iyo na maging makatwiran, makapagbibigay sa iyo ng karunungan, at makapagbibigay sa iyo ng abilidad na makita nang malinaw ang kaibahan ng mga positibong bagay at ng mga negatibong bagay. Kung hindi mo makita nang malinaw ang kaibahan ng mga bagay na ito, habambuhay kang magiging isang taong magulo ang isip; palagi ka na lang malalagay sa isang naguguluhan, walang kaalam-alam, at halo-halong kalagayan. Walang paraan ang mga taong tulad nito na maunawaan ang katotohanan, at kahit ilang taon na silang nananampalataya sa Diyos, hindi pa rin sila nakakapasok sa mga katotohanang realidad. Kung hindi pasok sa pamantayan ang kanilang pagtatrabaho, wala nang natitira pa sa kanila kundi ang itiwalag. Halimbawa, may ginawa ang isang kilalang-kilalang tao, at mabuting bagay ang tingin dito ng karamihan sa mga tao, pero kung titingnan ito ng isang taong nakauunawa sa katotohanan, makikilatis niya, at matutukoy na may mga nakatagong masamang intensiyon sa mga kilos ng taong iyon—na hindi ito totoong mabuti, na mga panlalansi at panlilinlang iyon, at na isang masamang tao lamang o haring diyablo ang makakagawa ng ganoong bagay. Ano ang batayan sa pagsasabi nito? Natukoy ang diwa ng “mabuting bagay” na ito ayon sa katotohanan. Kahit ano pa ang sabihin ng ibang tao, sa paggamit lamang ng katotohanan para suriin ito mo makikita nang malinaw ang diwa nito: Kung mabuti ito, edi mabuti; kung masama ito, edi masama. Magiging ganap na tumpak ang pagsusuri dito ayon sa mga salita ng Diyos. Pero, kung hindi mo nauunawaan ang katotohanan, uusbong ang mga kuru-kuro sa loob mo, at sasabihin mong, “Bakit sila inilalantad at kinokondena sa paggawa ng mabuting bagay? Hindi sila tinatrato nang patas!” Ganito mo ito susuriin. Hindi ang katotohanan ang batayan mo sa pagsusuri sa bagay na ito, kundi ang mga bagay na naisip mo lang. Kung palagi mong tinitingnan ang mga bagay-bagay nang ayon sa mga kuru-kuro at imahinasyon ng tao, hinding-hindi mo makikita nang malinaw ang diwa ng mga problema; malilihis ka lang ng panlabas nitong kaanyuan. Kapag wala kang katotohanan, kahit ano pa ang tinitingnan mo, palaging magiging magulo, makulimlim, malabo, at hindi malinaw ang pananaw mo, pero iisipin mo pa rin na mayroon kang kabatiran at malalim na pag-iisip. Ito ay kawalan ng pagkakilala sa sarili. Halimbawa, kung sinasabi ng Diyos na masama ang isang tao at dapat itong parusahan, pero sinasabi mo na mabuti ang taong iyon at nakagawa ito ng mabubuting bagay, hindi ba’t ang mga salita mo ay mismong salungat at kabaligtaran sa mga salita ng Diyos? Ganito ang nangyayari kapag hindi nauunawaan ng mga tao ang katotohanan, at wala silang kakayahang kumilatis. Maraming taon nang nananampalataya ang ilang tao sa Diyos, pero hindi nila nauunawaan ang katotohanan. Hindi sila metikuloso sa anumang bagay, at maraming bagay ang hindi nila nakikita nang malinaw. Madali silang malihis ng mga huwad na lider at mga anticristo; anuman ang sitwasyong lumilitaw, hangga’t may masamang tao na nagsasanhi ng kaguluhan, nalilito sila at nagsasalita tulad ng masamang tao nang hindi nila namamalayan. Saka lamang natatauhan ang masamang tao kapag siya ay inilalantad at ibinubunyag. Ang mga tao na kagaya nito ay madalas na namumuhay sa isang walang kamalay-malay na estado ng pag-iisip, at ang diwa nila ay katulad ng sa isang taong magulo ang isip. Ang mga tao na kagaya nito ay walang katiting na kakayahan, bukod sa hindi nila nauunawaan ang katotohanan, maaari din silang malihis anumang oras, at kaya wala silang paraan na makapasok sa mga katotohanang realidad. Bawat iglesia ay may ilang tao na katulad nito—kapag gumagawa ang isang huwad na lider, sumusunod sila rito; kapag nililihis ng isang anticristo ang mga tao, sumusunod sila rito. Sa madaling salita, susunod sila sa lider kahit sino pa ang taong iyon; para silang isang babaeng sumusunod sa kanyang mister sa kahit anong gawin nito. Kung mabuting tao ang lider, kung gayon ay sumusunod sila sa isang mabuting tao; kung masamang tao ang lider, kung gayon ay sumusunod sila sa isang masamang tao. Wala silang sariling mga opinyon o paninindigan. Kaya, huwag ka nang umasa na mauunawaan ng ganitong uri ng tao ang katotohanan o na makakapasok ito sa realidad. Maganda na kung makakapagtrabaho sila nang kaunti. Gumagawa ang Banal na Espiritu sa mga taong nagmamahal sa katotohanan. Ang mga taong nagmamahal sa katotohanan ay mga taong may kakayahang lahat na makaunawa kahit papaano sa mga salita ng Diyos, at nakakaunawa sa mga sermon at pagbabahagi ng sambahayan ng Diyos. Gaano man karaming heresiya at kabulaanan ang ipinapakalat at ipinapalaganap sa mundo ng relihiyon, at kahit gaano pa sinisiraang-puri, kinokondena, at inuusig ng buktot na puwersa ng mga anticristo ang iglesia, kumbinsido pa rin ang mga taong nagmamahal sa katotohanan na ang mga salita ng Diyos ay ang katotohanan, at naniniwala sila na ang mga sermon, pagbabahagi, at patotoong batay sa karanasan ng sambahayan ng Diyos ay nakaayon sa katotohanan at mga tunay na patotoo. Iyon ang ibig sabihin ng pagkakaroon ng kakayahang makaarok. Kung napagtatanto mo na ang lahat ng salitang sinasalita ng Diyos ay ang katotohanan at ang mga buhay realidad na dapat taglayin ng mga tao, pinatutunayan ng pagkatantong ito na may nauunawaan ka na tungkol sa katotohanan. Kung naaarok mo na ang lahat ng katotohanang ipinapahayag ng Diyos ay mga positibong bagay at mga katotohanang realidad, at siguradong-sigurado ka na totoo ito at isandaang porsiyento mong tinatanggap na ganito nga ang kaso, kung gayon ay may pagkaunawa ka tungkol sa gawain ng Diyos. Hindi madaling bagay na maunawaan ang katotohanan; isang bagay ito na tanging ang mga taong nabigyan ng kaliwanagan ng Banal na Espiritu ang makakakamit. Kinikilala na sa kaibuturan ng puso ng mga taong tunay na nakakaunawa sa katotohanan na ang lahat ng ginawa ng Diyos ay positibo, na katotohanan itong lahat, at na napakahalaga ng lahat ng ito sa sangkatauhan. Nakikita nang malinaw ng mga taong tunay na nakakaunawa sa katotohanan na ang lahat ng bagay sa mundo ng mga walang pananampalataya ay negatibo, at sumasalungat sa katotohanan. Kahit gaano pa kagandang pakinggan ang kanilang mga teorya, nililihis at pinipinsala ng mga ito ang mga tao. Ang lahat ng ginagawa ng Diyos ay positibo, katotohanan, at kaligtasan para sa mga tao. Ang lahat naman ng ginagawa ni Satanas at ng mga diyablo ay negatibo, mali, at kalokohan, at nililihis at pinipinsala nito ang mga tao; kabaligtaran ito mismo ng kung ano ang ginagawa ng Diyos. Kung ganap itong malinaw sa iyo, mayroon ka nang pagkakilatis. Kung nagagawa mo ring hangarin ang katotohanan, tanggapin ang paghatol at pagkastigo ng mga salita ng Diyos, maunawaan ang iyong sarili sa pamamagitan ng mga salita ng Diyos at ikumpara ang iyong sarili sa mga ito, makita ang katiwalian mo kung ano talaga ito, lutasin ang mga tiwaling disposisyong ipinapakita mo sa bawat sitwasyong nililikha ng Diyos para sa iyo, at sa huli ay nagagawa mong hindi lamang maunawaan ang iyong sarili, kundi makilatis din ang iba, at makilatis kung sino ang tunay na nananampalataya sa Diyos, kung sino ang hindi mananampalataya, kung sino ang huwad na lider, kung sino ang anticristo, at kung sino ang nanlilihis sa mga tao—kung nagagawa mong tumpak na suriin at kilatisin ang mga bagay na ito—ibig sabihin nito ay nauunawaan mo ang katotohanan at may kaunti kang realidad. Ipagpalagay, halimbawa, na ang mga kamag-anak o magulang mo ay mga mananampalataya sa Diyos, at dahil sa paggawa ng masama, paglikha ng mga kaguluhan, o hindi pagkakaroon ng anumang pagtanggap sa katotohanan, napaalis sila. Gayunpaman, hindi ka mapagkilatis sa kanila, hindi mo alam kung bakit sila napaalis, at masamang-masama ang loob mo, at panay ang reklamo mo na ang sambahayan ng Diyos ay walang pagmamahal at hindi patas sa mga tao. Dapat kang manalangin sa Diyos at hanapin ang katotohanan, pagkatapos ay kilatisin kung anong uri ba talaga ng mga tao ang mga kamag-anak mong ito batay sa mga salita ng Diyos. Kung tunay mong nauunawaan ang katotohanan, matutukoy mo sila nang tumpak, at makikita mong tama ang lahat ng ginagawa ng Diyos, at na Siya ay isang matuwid na Diyos. Kung magkagayon ay wala ka nang magiging reklamo, at magagawa mo nang magpasakop sa mga pagsasaayos ng Diyos, at hindi mo na susubukang ipagtanggol ang mga kamag-anak o magulang mo. Ang punto rito ay hindi ang putulin ang inyong pagiging magkamag-anak; ito ay para lamang matukoy kung anong klaseng mga tao sila, at para magawa mo silang makilatis, at malaman mo kung bakit sila itiniwalag. Kung talagang malinaw ang mga bagay na ito sa iyo sa puso mo, at tama ang mga pananaw mo, at naaayon sa katotohanan, kung gayon ay magagawa mong pumanig sa Diyos, at ang mga pananaw mo sa usapin ay magiging ganap na tugma sa mga salita ng Diyos. Kung hindi mo magawang tanggapin ang katotohanan o tingnan ang mga tao ayon sa mga salita ng Diyos, at pumapanig ka pa rin sa mga relasyon at pananaw ng laman kapag tinitingnan ang mga tao, hindi mo kailanman maiwawaksi ang relasyong ito sa laman, at tatratuhin mo pa ring kamag-anak ang mga taong ito—mas malapit pa sa iyo kaysa sa mga kapatid mo sa iglesia, kung magkagayon ay magkakaroon ng kontradiksyon sa pagitan ng mga salita ng Diyos at ng iyong mga pananaw tungkol sa iyong pamilya sa usaping ito—isang tunggalian pa nga, at sa gayong mga sitwasyon, magiging imposible na pumanig ka sa Diyos, at magkakaroon ka ng mga kuru-kuro at maling pagkaunawa tungkol sa Diyos. Kaya, para makamit ng mga tao ang pagiging kaayon ng Diyos, una sa lahat, dapat munang naaayon sa mga salita ng Diyos ang kanilang mga pananaw ukol sa mga usapin; dapat magawa nilang tingnan ang mga tao at bagay batay sa mga salita ng Diyos, tanggapin na ang mga salita ng Diyos ang katotohanan, at magawang isantabi ang mga tradisyonal na kuru-kuro ng tao. Kahit ano pang mga tao o bagay ang kinakaharap mo, dapat mong mapanatili ang mga pananaw at perspektibang kapareho ng sa Diyos, at ang iyong mga pananaw at perspektiba ay dapat nakaayon sa katotohanan. Sa ganitong paraan, ang mga pananaw mo at ang paraan ng pakikitungo mo sa mga tao ay hindi magiging laban sa Diyos, at magagawa mong magpasakop sa Diyos at maging kaayon ng Diyos. Hinding-hindi na magagawa ng gayong mga tao na muling lumaban sa Diyos; sila mismo ang mga taong ninanais ng Diyos na makamit.

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.