Ang Tamang Pagtupad ng Tungkulin ay Nangangailangan ng Maayos na Pagtutulungan (Unang Bahagi)

Ang maayos na pagtutulungan ay kailangan sa wastong pagtupad ng tungkulin. Dahil lahat ng tao ay may tiwaling mga disposisyon at walang nagtataglay ng katotohanan, sa pamamagitan lamang ng maayos na pagtutulungan nila magagampanan nang maayos ang kanilang mga tungkulin. Ang maayos na pagtutulungan ay hindi lamang kapaki-pakinabang sa pagpasok sa buhay ng mga tao, kundi maging sa wastong pagtupad sa kanilang mga tungkulin, at sa gawain ng iglesia. Ang mga taong nakikipagtulungan nang maayos ay mga taong relatibong may mabuting pagkatao at pagkamatapat, ngunit kung ang pagkatao ng isang tao ay hindi mabuti, kung siya ay masyadong mapagmataas at mapagmagaling, o masyadong baluktot at mapanlinlang, kung gayon ay imposibleng makipagtulungan siya nang maayos sa iba. Ang ilang tao ay hindi nakikibahagi sa matapat na gawain, hindi maingat sa pagtupad sa kanilang tungkulin, at laging gumagawa ng masasama. Ang ganitong mga tao ay hindi magagawang makipagtulungan sa iba, at hindi sila magkakaroon ng maayos na ugnayan o samahan sa sinuman. Ang gayong mga tao ay walang pagkatao, at nabibilang sa mga hayop at sa diyablong si Satanas. Lahat ng masunurin at mapagpasakop na taong may mabuting pagkatao ay tiyak na magkakaroon ng mga resulta sa pagtupad sa kanilang tungkulin, at madali silang makikipagtulungan sa iba. Para naman sa mga hindi matapat na gumagampan sa kanilang tungkulin, na nanggugulo, o nanggagambala pa nga sa ibang tao na tumutupad sa kanilang tungkulin—kung hindi sila nagbabago pagkatapos ng maraming payo, at hindi kailanman nakaiisip na magsisi, laging nagdudulot ng mga paggambala at kaguluhan sa kanilang mga tungkulin, at ang kalidad ng kanilang pagkatao ay kasuklam-suklam, kung gayon ay dapat silang agarang alisin, upang maiwasang magdulot ng kaguluhan o kapahamakan sa gawain ng iglesia. Ito ay isang problemang dapat lutasin ng mga lider at manggagawa.

Ang ilang tao ay iresponsable kapag tinutupad ang kanilang tungkulin, na nagreresulta sa gawaing laging kailangang ulitin. Malubha itong nakaaapekto sa pagiging epektibo ng gawain. Bukod sa kakulangan ng isang tao sa kadalubhasaan at karanasan, may iba pa bang mga dahilan sa paglitaw ng problemang ito? (Kung ang isang tao ay medyo mapagmataas at mapagmagaling, nagdedesisyong mag-isa, at hindi ginagampanan ang kanyang tungkulin ayon sa prinsipyo.) Ang kadalubhasaan at karanasan ay maaaring matutuhan at maipon nang paunti-unti, pero kung may problema sa disposisyon ng isang tao, sa tingin ba ninyo ay madali itong lutasin? (Hindi ito madali.) Kung gayon, paano ito dapat na lutasin? (Ang tao ay dapat na makaranas ng pagkastigo at paghatol, at dapat na matabasan at maiwasto.) Kailangan niyang maranasan ang paghatol at pagkastigo, at matabasan at maiwasto—ang mga salitang ito ay tama, ngunit maaari lamang makamit ng mga taong naghahangad ng katotohanan. Matatanggap ba ng mga hindi nagmamahal sa katotohanan ang pagtatabas at pagwawasto? Hindi nila matatanggap. Kapag palaging kailangang uliting gawin ang trabaho habang ginagampanan ng mga tao ang kanilang tungkulin, ang pinakamalaking problema ay hindi ang kakulangan sa dalubhasang kaalaman o kawalan ng karanasan, kundi dahil lubha silang mapagmagaling at mayabang, dahil hindi sila maayos na nagtutulungan, kundi nagpapasya at kumikilos sila nang mag-isa—na ang resulta ay ginugulo nila ang trabaho, at wala silang natatapos, at nasasayang ang lahat ng pagsisikap. At ang pinakamatinding problema rito ay ang mga tiwaling disposisyon ng mga tao. Kapag napakatindi ng mga tiwaling disposisyon ng mga tao, hindi na sila mabubuting tao, masasamang tao na sila. Ang mga disposisyon ng masasamang tao ay mas higit na matindi kaysa sa mga ordinaryong tiwaling disposisyon. Malamang na makagawa ng masasamang gawa ang masasamang tao, malamang na gambalin at guluhin nila ang gawain ng iglesia. Ang tanging kayang gawin ng masasamang tao kapag ginagampanan nila ang isang tungkulin ay ang hindi maayos na gawin at guluhin ang mga bagay-bagay; ang kanilang paglilingkod ay mas nakakasama kaysa nakakabuti. Ang ilang tao ay hindi masama, ngunit ginagampanan nila ang kanilang tungkulin ayon sa sarili nilang mga tiwaling disposisyon—at wala rin silang kakayahang gampanan nang maayos ang kanilang tungkulin. Sa kabuuan, ang mga tiwaling disposisyon ay labis na nakasasagabal sa mga taong ginagampanan nang maayos ang kanilang tungkulin. Aling aspeto ng mga tiwaling disposisyon ng mga tao, sa palagay ninyo, ang may pinakamalaking epekto sa bisa ng pagganap nila sa kanilang tungkulin? (Pagmamataas at pagmamagaling.) At ano ang mga pangunahing pagpapamalas ng pagmamataas at pagmamagaling? Paggawa ng desisyon nang mag-isa, paggawa ng kung ano ang gusto ninyo, hindi pakikinig sa mga mungkahi ng ibang tao, hindi pagkonsulta sa iba, hindi pakikipagtulungan nang maayos, at laging pagsisikap na kayo ang may huling desisyon sa mga bagay-bagay. Kahit na may ilang kapatid na nagtutulungan sa paggawa ng isang partikular na tungkulin, ginagawa ng bawat isa ang kanilang sariling gawain, may ilang lider ng grupo o tagapangasiwa ang laging gustong sila ang may huling desisyon; anuman ang kanilang ginagawa, hindi sila nakikipagtulungan nang maayos sa iba, at hindi sila nakikipagbahaginan at padalus-dalos na ginagawa ang mga bagay-bagay nang hindi nakikipagkasundo sa iba. Gusto nilang makinig ang lahat sa kanila, at narito ang problema. Higit pa, kapag nakita ng iba ang problema, ngunit hindi lumabas para pigilin ang taong namumuno, sa huli ay nagdudulot ito ng isang sitwasyon kung saan ang mga tao ay hindi epektibo sa kanilang mga tungkulin, talagang nagugulo ang gawain, at lahat ng sangkot ay kailangang ulitin ang kanilang trabaho, pinapagod ang kanilang sarili sa proseso. Sino ang may pananagutan sa pagdudulot ng gayon katinding resulta? (Ang taong namumuno.) May pananagutan din ba ang ibang taong nasasangkot? (Oo, mayroon.) Ang taong namumuno ay nagdesisyong mag-isa, pinipilit na gawin ang mga bagay sa kanilang paraan, at nakita ng iba ang problema, pero walang ginagawa upang pigilin sila, at mas seryoso pa, sumusunod pa sila; hindi ba sila nagiging mga kasabwat? Kapag hindi mo pinigilan, hinarangan, o nilantad ang taong ito, sa halip ay sumunod sa kanila at pinayagan silang manipulahin ka, hindi mo ba binibigyan ng kalayaan si Satanas na guluhin ang gawain ng iglesia? Tiyak na problema ninyo ito. Kapag may nakikita kayong problema pero wala kayong ginagawa para pigilan ito, hindi kayo nagbabahagi tungkol dito, at hindi ninyo sinusubukang limitahan ito, at dagdag pa roon, hindi ninyo ito iniuulat sa mga nakatataas sa inyo, kundi nagiging mapagpalugod kayo sa ibang tao, tanda ba ito ng kawalang-katapatan? Tapat ba sa Diyos ang mga mapagpalugod sa mga tao? Hindi ni katiting. Ang gayong tao ay hindi lamang walang katapatan sa Diyos—kumikilos pa siya bilang isang kasabwat ni Satanas, katulong at alagad nito. Wala siyang katapatan sa kanyang tungkulin at responsabilidad, ngunit kay Satanas, lubos siyang tapat. Narito ang diwa ng problema. Pagdating sa propesyonal na kakulangan, posible na patuloy na matuto at pagsamahin ang inyong mga karanasan habang ginagampanan ang inyong tungkulin. Ang ganitong problema ay madaling lutasin. Ang pinakamahirap na lutasin ay ang tiwaling disposisyon ng tao. Kung hindi ninyo hinahangad ang katotohanan o nilulutas ang inyong tiwaling disposisyon, kundi palagi kayong nagiging mapagpalugod sa mga tao, at hindi ninyo iwinawasto o tinutulungan ang mga taong nakita ninyong lumalabag sa mga prinsipyo, ni hindi ninyo sila inilalantad o ibinubunyag, kundi palagi kayong umaatras, hindi ninyo inaako ang responsabilidad, ang gayong pagganap sa tungkulin na tulad ng sa inyo ay ikokompromiso lamang at aantalahin ang gawain ng iglesia. Ang pagturing sa pagtupad ng iyong tungkulin bilang isang maliit na bagay nang hindi umaako ng kahit kaunting responsabilidad ay hindi lamang nakaaapekto sa pagiging epektibo ng gawain, kundi humahantong din sa paulit-ulit na pagkaantala sa gawain ng iglesia. Kapag ginagampanan mo ang iyong tungkulin sa ganitong paraan, hindi ba’t ginagawa mo lang kung ano ang puwede na at nagiging mapanlinlang ka sa Diyos? Nagpapakita ba ito ng anumang debosyon sa Diyos? Kung lagi kang nagsisikap na gawin lang kung ano ang puwede na habang tumutupad sa iyong tungkulin, at patuloy kang walang pagsisisi, hindi maiiwasang itiwalag ka.

Paano mo dapat harapin ang mga paghihirap na nararanasan mo habang ginagampanan ang iyong tungkulin? Ang pinakamainam na paraan ay ang sama-samang hanapin ng lahat ang katotohanan para lutasin ang isang problema at magkaroon ng pagkakasundo. Hangga’t nauunawaan mo ang mga prinsipyo, malalaman mo kung ano ang gagawin. Ito ang pinakamainam na paraan para lutasin ang mga problema. Kung hindi mo hinahanap ang katotohanan para malutas ang isang problema, at sa halip ay kumikilos ka lamang ayon sa iyong mga personal na haka-haka at imahinasyon, kung gayon ay hindi mo ginagampanan ang iyong tungkulin. Ano ang pagkakaiba nito sa paggawa sa isang sekular na lipunan o sa mundo ni Satanas? Ang sambahayan ng Diyos ay pinaghaharian ng katotohanan, at ng Diyos. Kahit anong problema ang lumitaw, dapat hanapin ang katotohanan para malutas ito. Gaano man karaming iba’t ibang opinyon ang mayroon o gaano man kalaki ang kanilang pagkakaiba, ang lahat ng ito ay dapat banggitin at pagbahaginan. Pagkatapos, matapos magkaroon ng pagkakasundo, dapat kumilos alinsunod sa mga prinsipyo. Sa ganitong paraan, hindi mo lang malulutas ang problema, kundi maisasagawa mo rin ang katotohanan at maayos na magagampanan ang iyong tungkulin. Maaari mo ring makamit ang maayos na pakikipagtulungan sa panahon ng proseso ng paglutas ng problema. Kung ang lahat ng gumagawa ng kanilang tungkulin ay nagmamahal sa katotohanan, kung gayon ay madali para sa kanila na tanggapin at sundin ang katotohanan; ngunit kung sila ay mapagmataas at mapagmagaling, hindi madali sa kanila na tanggapin ang katotohanan, kahit na nagbabahagi ang mga tao tungkol dito. May mga taong hindi nakauunawa sa katotohanan, ngunit laging gustong makinig sa kanila ang iba. Ang mga taong ganito ay nakaaabala sa iba na gumagawa ng tungkulin. Ito ang ugat ng isyu, at dapat itong lutasin bago magampanan nang maayos ang tungkulin ng isang tao. Kung, sa paggawa ng kanyang tungkulin, ang isang tao ay laging mapagmataas at matigas ang ulo, laging nagdedesisyong mag-isa, ginagawa ang lahat nang walang pag-iingat at ayon sa sariling kagustuhan, nang hindi nakikipagtulungan o nakikipag-usap sa ibang tao, at hindi naghahanap ng mga katotohanang prinsipyo—anong uri ng saloobin ito ng isang tao sa kanyang tungkulin? Maaari bang maayos na magampanan ng isang tao ang kanyang tungkulin sa ganitong paraan? Kung ang ganitong uri ng tao ay hindi kailanman tumatanggap ng pagtatabas at pagwawasto, hindi tumatanggap ng katotohanan, at patuloy pa rin sa paggawa ng mga bagay-bagay sa kanilang sariling paraan, nang padalos-dalos at ayon sa sariling kagustuhan, nang hindi nagsisisi o nagbabago—kung gayon ay hindi lang ito problema sa saloobin, kundi problema sa kanyang pagkatao at karakter. Ito ay isang taong walang pagkatao. Magagampanan ba nang maayos ng isang taong walang pagkatao ang kanyang tungkulin? Siyempre ay hindi. Kung, habang ginagawa ang kanyang tungkulin, ang isang tao ay gumagawa pa nga ng lahat ng karumal-dumal na gawain at ginagambala ang gawain ng iglesia, kung gayon ay masama siyang tao. Ang gayong mga tao ay hindi angkop na gawin ang kanilang tungkulin. Ang paggampan nila sa kanilang tungkulin ay nagreresulta lamang sa kaguluhan at pinsala, at nagdudulot ng higit na kapinsalaan kaysa kabutihan, kaya dapat silang madiskuwalipika sa paggampan sa kanilang tungkulin at maalis sa iglesia. Kaya naman ang abilidad ng isang tao na gampanan nang mahusay ang kanyang tungkulin ay hindi lamang nakasalalay sa kanyang kakayahan, kundi pangunahin sa kanyang saloobin sa kanyang tungkulin, sa kanyang karakter, kung mabuti o masama ang kanyang pagkatao, at kung kaya niyang tanggapin ang katotohanan. Ito ang mga pinaka-isyu. Kung ang iyong puso ay nasa iyong tungkulin, kung ginagawa mo ang lahat ng iyong makakaya at kumikilos ka nang buong-puso, kung may seryoso at matapat kang saloobin sa pagtupad sa iyong tungkulin, kung masigasig at masikap ka; ito ang mga bagay na tinitingnan ng Diyos, at sinusuri ng Diyos ang lahat. Matutupad ba nang maayos ng mga tao ang kanilang mga tungkulin kung karamihan sa kanila ay iresponsable at walang sinuman ang masigasig, at kahit na nalalaman nila sa kanilang puso kung ano ang tamang gawin, hindi sila nagsusumikap para sa mga prinsipyo, at walang sinuman ang sumeseryoso rito? Sa ganitong uri ng sitwasyon, ang mga lider at manggagawa ay dapat magsubaybay, magsiyasat, at mag-alok ng paggabay, o humanap ng responsableng taong magiging lider ng grupo o taong mamamahala. Sa ganitong paraan, karamihan sa mga tao ay maitutulak na kumilos, at makakamit ang isang magandang resulta kapag ginampanan nila ang kanilang mga tungkulin. Kung may isang taong lilitaw na nanggugulo at namiminsala, hayaan siyang maalis nang direkta, dahil kapag nalutas ang pinakaproblema, magiging madali para sa mga tao na maging epektibo sa kanilang tungkulin. Ang ilang tao ay maaaring may kaunting kakayahan, ngunit iresponsable sa pagtupad sa kanilang mga tungkulin. Maaaring mayroon silang mga kasanayang teknikal o propesyonal na kaalaman, ngunit hindi ito itinuturo sa ibang tao. Dapat malutas ng mga lider at manggagawa ang problemang ito. Dapat silang magbahagi sa mga taong iyon, at hikayatin ang mga ito na ituro ang kanilang mga kasanayan sa iba, upang sa lalong madaling panahon ay matutuhan ng iba ang mga kasanayan, at maging dalubhasa sa propesyonal na kaalaman. Bilang isang taong bihasa sa propesyonal na kaalaman, hindi ka dapat magmagaling o magmalaki sa iyong mga kuwalipikasyon; dapat mong ituro nang maagap ang iyong mga kasanayan at kaalaman sa mga baguhan, para lahat ay sama-samang magampanan nang mabuti ang kanilang mga tungkulin. Maaaring ikaw ang pinakamaalam tungkol sa iyong propesyon at nangunguna pagdating sa kasanayan, ngunit ito ay isang kaloob na ibinigay sa iyo ng Diyos, at dapat mo itong gamitin upang magampanan ang iyong tungkulin at mapakinabangan ang iyong mga kalakasan. Gaano ka man kasanay o katalentado, hindi mo kakayaning mag-isa ang gawain; mas mabisang nagagampanan ang isang tungkulin kung ang bawat isa ay kayang unawain ang mga kasanayan at kaalaman ng isang propesyon. Ayon nga sa kasabihan, “Anuman ang tibay ng piling abaka, ay wala ring lakas kapag nag-iisa.” Gaano man kahusay ang isang indibidwal, kung wala ang tulong ng iba, hindi ito sapat. Samakatuwid, walang sinuman ang dapat maging mapagmataas at walang sinuman ang dapat maghangad na kumilos o magdesisyon nang mag-isa. Dapat talikuran ng mga tao ang laman, isantabi ang kanilang sariling mga ideya at opinyon, at makipagtulungan nang maayos sa lahat. Ang sinumang may propesyonal na kaalaman ay dapat na buong pagmamahal na tumulong sa iba, upang maging dalubhasa rin ang iba sa mga kasanayan at kaalamang ito. Kapaki-pakinabang ito sa pagganap sa tungkulin. Kung ang pagkakaroon ng kasanayan ay laging tinitingnan at tinuturing bilang pagkakakitaan, at natatakot ka na ang pagtuturo nito sa iba ay magreresulta sa iyong pagkagutom—ito ang pananaw ng mga hindi mananampalataya. Ito ay isang makasarili, kasuklam-suklam na gawain, at hindi ito tatanggapin sa sambahayan ng Diyos. Kung hindi mo kailanman magawang tanggapin ang katotohanan, at hindi ka kailanman handang tumupad ng serbisyo, ititiwalag ka lamang. Kung iniisip mo ang kalooban ng Diyos at handa kang maging tapat sa gawain ng Kanyang sambahayan, dapat mong ialay ang lahat ng iyong mga kalakasan at kasanayan, upang matutunan at maunawaan ng iba ang mga ito, at magampanan nila nang mas mahusay ang kanilang mga tungkulin. Ito ang naaayon sa kalooban ng Diyos; ang gayong mga tao lamang ang may pagkatao, at sila ay minamahal at pinagpapala ng Diyos.

Ano ang dapat gawin ng isang tao para magampanan niya nang mabuti ang kanyang tungkulin? Dapat niya itong magampanan nang buong puso at buong lakas. Ang ibig sabihin ng paggamit ng buong puso at buong lakas ng isang tao ay pagtuon ng buong isip niya sa pagganap sa kanyang tungkulin at hindi pagpapahintulot na maging abala siya sa ibang bagay, at pagkatapos ay paggamit sa lakas na taglay niya, paggugol sa buong lakas niya, at pagdadala ng kakayahan, mga kaloob, mga kalakasan niya, at ng mga bagay na kanyang naunawaan para gamitin sa gawain. Kung may abilidad kang umunawa at umintindi, at mayroon kang magandang ideya, dapat mong kausapin ang iba tungkol doon. Ito ang ibig sabihin ng maayos na pakikipagtulungan. Ganito mo magagampanan nang mabuti ang iyong tungkulin, ganito mo makakamit ang katanggap-tanggap na pagganap ng iyong tungkulin. Kung nais mo palaging akuin ang lahat ng bagay nang mag-isa, kung gusto mo palaging gumawa ng malalaking bagay nang mag-isa, kung gusto mo palaging nasa iyo ang atensyon at hindi sa iba, ginagampanan mo ba ang iyong tungkulin? Ang ginagawa mo ay tinatawag na paghahari-harian; pagpapakitang-gilas iyon. Satanikong pag-uugali iyon, hindi pagganap sa tungkulin. Walang sinuman, anuman ang kanyang mga kalakasan, mga kaloob, o espesyal na mga talento, ang kayang umako sa lahat ng gawain nang mag-isa; dapat siyang matutong makipagtulungan nang maayos kung nais niyang magawa nang mabuti ang gawain ng iglesia. Iyon ang dahilan kung bakit ang maayos na pakikipagtulungan ay isang prinsipyo ng pagsasagawa ng pagganap sa tungkulin ng isang tao. Basta’t ginagamit mo ang iyong buong puso at buong lakas at buong katapatan, at inaalay ang lahat ng kaya mong gawin, ginagampanan mo nang mabuti ang iyong tungkulin. Kung mayroon kang saloobin o ideya, sabihin mo ito sa iba; huwag mo itong pigilan o itago—kung mayroon kang mga mungkahi, ibigay mo ang mga ito; kung kaninong ideya ang alinsunod sa katotohanan ay dapat tanggapin at sundin. Gawin mo ito, at makakamit mo ang maayos na pakikipagtulungan. Ito ang ibig sabihin ng matapat na pagganap sa tungkulin ng isang tao. Sa pagganap sa iyong tungkulin, hindi mo dapat akuin ang lahat nang mag-isa, ni hindi ka dapat magpakamatay sa katatrabaho, o maging “ang tanging bulaklak na namumukadkad” o taong mapagsarili; bagkus, dapat mong matutuhan kung paano makipagtulungan nang maayos sa iba, at gawin ang lahat ng makakaya mo, para tuparin ang mga responsabilidad mo, para ibuhos ang buong lakas mo. Iyon ang ibig sabihin ng pagganap sa iyong tungkulin. Ang pagganap sa iyong tungkulin ay paggamit sa lahat ng lakas at liwanag na taglay mo upang magkamit ng isang resulta. Sapat na iyon. Huwag mong palaging subukang magpasikat, palaging magsabi ng matatayog na bagay, at gawin ang mga bagay-bagay nang mag-isa. Dapat matutuhan mo kung paano makipagtulungan sa iba, at dapat mas tumuon ka sa pakikinig sa mga mungkahi ng iba at pagtuklas sa kanilang mga kalakasan. Sa ganitong paraan, magiging madali ang pakikipagtulungan nang maayos. Kung palagi mong sinusubukan na magpasikat at ikaw ang masunod, hindi ka nakikipagtulungan nang maayos. Ano ang ginagawa mo? Nagdudulot ka ng kaguluhan at nangmamaliit ng iba. Ang pagdudulot ng kaguluhan at pangmamaliit ng iba ay pagganap sa papel ni Satanas; hindi iyon pagganap ng tungkulin. Kung palagi kang gumagawa ng mga bagay na nagdudulot ng kaguluhan at nangmamaliit ka ng iba, gaano man katinding pagsisikap ang gugulin mo o pag-iingat ang gawin mo, hindi iyon maaalala ng Diyos. Maaaring hindi ka gaanong malakas, ngunit kung may kakayahan kang makipagtulungan sa iba, at nagagawa mong tumanggap ng angkop na mga mungkahi, at kung tama ang iyong mga motibasyon, at napoprotektahan mo ang gawain ng sambahayan ng Diyos, isa kang tamang tao. Kung minsan, sa iisang pangungusap, nalulutas mo ang isang problema at nakikinabang ang lahat; kung minsan, matapos kang magbahagi sa iisang pahayag ng katotohanan, lahat ay nagkakaroon ng isang landas ng pagsasagawa, at nagagawang sama-samang magtulungan nang maayos, at lahat ay nagpupunyagi sa iisang mithiin, at magkakapareho ng mga pananaw at opinyon, kaya partikular na epektibo ang gawain. Kahit marahil ay walang makaalala na ikaw ang gumanap sa papel na ito, at hindi mo marahil maramdaman na gumawa ka ng malaking pagsisikap, makikita ng Diyos na ikaw ay taong nagsasagawa ng katotohanan, isang taong kumikilos ayon sa mga prinsipyo. Aalalahanin ng Diyos ang paggawa mo nito. Tinatawag itong matapat na pagtupad sa iyong tungkulin. Anuman ang mga paghihirap na mayroon ka sa pagtupad sa iyong tungkulin, ang totoo ay lahat ng ito ay madaling malutas. Hangga’t ikaw ay isang taong matapat na may pusong nakasandig sa Diyos, at kaya mong hanapin ang katotohanan, walang problema na hindi kayang lutasin. Kung hindi mo nauunawaan ang katotohanan, dapat kang matutong sumunod. Kung mayroong sinumang nakauunawa sa katotohanan o nagsasalita alinsunod sa katotohanan, dapat mong tanggapin ito at sundin. Sa anumang paraan ay hindi ka dapat gumawa ng mga bagay na nakagagambala o nakakapagpahina, at hindi ka dapat kumilos o magdesisyon nang mag-isa. Sa ganitong paraan, wala kang magagawang masama. Tandaan mo: Ang pagtupad sa iyong tungkulin ay hindi pagsasagawa ng sarili mong mga mithiin o sarili mong pamamahala. Hindi mo ito personal na gawain, gawain ito ng iglesia, at nag-aambag ka lamang ng mga kalakasang taglay mo. Ang ginagawa mo sa gawain ng pamamahala ng Diyos ay maliit na bahagi lamang ng kooperasyon ng tao. Maliit na papel lamang ang ginagampanan mo sa isang sulok. Iyan ang responsabilidad na pinapasan mo. Sa puso mo, dapat mong madama ito. Kaya nga, ilang tao man ang sama-samang gumagampan ng kanilang tungkulin, o anumang paghihirap ang kinakaharap nila, ang unang dapat gawin ng lahat ay manalangin sa Diyos at sama-samang magbahaginan, hanapin ang katotohanan, at pagkatapos ay tukuyin kung ano ang mga prinsipyo ng pagsasagawa. Kapag ginagampanan nila ang kanilang tungkulin sa ganitong paraan, magkakaroon sila ng isang landas ng pagsasagawa. Ang ilang tao ay palaging nagsisikap na magpakitang-gilas, at kapag nabigyan ng responsabilidad sa isang trabaho, palagi nilang gusto na sila ang huling magpasya. Anong klaseng ugali ito? Ito ay pagiging isang diktador. Pinaplano nila nang mag-isa ang mga ginagawa nila, nang hindi ipinagbibigay-alam sa iba, at hindi tinatalakay ang kanilang mga opinyon sa sinuman; hindi nila ibinabahagi ang mga ito sa sinuman o ipinahahayag ang mga ito, sa halip ay itinatago ang mga ito sa kanilang mga puso. Kapag panahon nang kumilos, nais nilang palaging pahangain ang iba sa pamamagitan ng kanilang mga mahuhusay na gawain, upang bigyan ang lahat ng isang malaking sorpresa, upang maging mataas ang pagtingin ng iba sa kanila. Iyon ba ay pagganap sa kanilang tungkulin? Sinisikap nilang magpakitang-gilas; at kapag mayroon na silang katayuan at kabantugan, magsisimula silang magpatakbo ng sarili nilang operasyon. Hindi ba’t matitindi ang ambisyon ng mga taong ito? Bakit hindi mo sasabihin sa sinuman kung ano ang iyong ginagawa? Dahil hindi lang sa iyo ang gawaing ito, bakit ka kikilos nang hindi ito tinatalakay sa sinuman at nagpapasyang mag-isa? Bakit ka kikilos nang palihim, na gumagawa sa kadiliman, upang walang makaalam tungkol dito? Bakit palagi mong sinusubukan na ikaw lang ang pakikinggan ng mga tao? Malinaw na tiningnan mo ang gawaing ito bilang sarili mong personal na gawain. Ikaw ang amo, at ang lahat ng iba pa ay mga manggagawa—lahat sila ay nagtatrabaho para sa iyo. Kapag palagi kang may ganitong pag-iisip, hindi ba’t problema ito? Hindi ba’t ang uri ng taong ito ay nagpapakita ng mismong disposisyon ni Satanas. Kapag gumaganap ng tungkulin ang ganitong mga tao, sa malao’t madali ay palalayasin sila.

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.