Ang Limang Kondisyong Dapat Matugunan para Makapagsimula sa Tamang Landas ng Pananalig sa Diyos (Unang Bahagi)

Mayroong karaniwang problema sa tiwaling disposisyon ng mga tao, isang karaniwang problema na umiiral sa pagkatao ng bawat tao, isang napakatinding problema. Ang karaniwang problemang ito ay ang pinakamahina, pinakanakamamatay na bahagi ng kanilang pagkatao, at sa kanilang kalikasang diwa, ito ang pinakamahirap na hukayin o baguhin. Ano ang problemang ito? Ito ay na ang mga tao ay palaging nagnanais na maging katangi-tangi, superhuman, perpektong tao. Ang mga tao mismo ay mga nilikha. Kaya ba ng mga nilikha na magkamit ng walang-hanggang kapangyarihan? Kaya ba nilang maging perpekto at walang anumang mali? Kaya ba nilang maging mahusay sa lahat ng bagay, maunawaan ang lahat ng bagay, makilatis ang lahat ng bagay, at makaya ang lahat ng bagay? Hindi nila kaya. Gayunman, sa kalooban ng mga tao, mayroong mga tiwaling disposisyon, at isang malalang kahinaan: Sa sandaling matuto sila ng isang kasanayan o propesyon, pakiramdam ng mga tao ay may kakayahan sila, na sila ay mga taong may katayuan at may halaga, at na sila ay mga propesyonal. Gaano man sila kapangkaraniwan, nais nilang lahat na ipresenta ang kanilang sarili bilang sikat o katangi-tanging indibidwal, na gawing medyo tanyag na tao ang kanilang sarili, at ipaisip sa mga tao na perpekto sila at walang kapintasan, wala ni isang depekto; sa mga mata ng iba, nais nilang maging sikat, makapangyarihan, o dakilang tao, at gusto nilang maging napakalakas, kaya ang anumang bagay, nang walang hindi nila kayang gawin. Pakiramdam nila, kapag humingi sila ng tulong sa iba, magmumukha silang walang kakayahan, mahina, at mas mababa, at na hahamakin sila ng mga tao. Sa dahilang ito, palagi nilang nais na patuloy na magkunwari. Ang ilang tao, kapag pinagawa ng isang bagay, ay nagsasabing alam nila kung paano ito gawin, kahit na sa katunayan ay hindi. Pagkatapos, palihim, sasaliksikin nila ito at susubukang matutuhan kung paano ito gawin, ngunit pagkatapos itong pag-aralan nang ilang araw, hindi pa rin nila nauunawaan kung paano ito gawin. Kapag tinanong kung kumusta sila rito, sinasabi nila, “Malapit na, malapit na!” Pero sa kanilang puso, naiisip nila, “Hindi ko pa nauunawaan, wala akong ideya, hindi ko alam kung ano ang gagawin! Hindi ako pwedeng magpahuli, dapat ituloy ko ang pagkukunwari, hindi ko maaaring hayaang makita ng mga tao ang aking mga pagkukulang at kamangmangan, hindi ko maaaring hayaang hamakin nila ako!” Anong problema ito? Isa itong impiyernong buhay na sinusubukang huwag mapahiya sa anupamang paraan. Anong klaseng disposisyon ito? Walang hangganan ang kayabangan ng gayong mga tao, nawalan na sila ng buong katinuan. Ayaw nilang maging katulad ng iba, ayaw nilang maging karaniwang mga tao, normal na mga tao, bagkus ay nais nilang maging superhuman, katangi-tanging indibidwal, o kahanga-hanga. Napakalaking problema nito! Patungkol sa mga kahinaan, mga pagkukulang, kamangmangan, kahangalan, at kawalan ng pang-unawa sa loob ng normal na pagkatao, babalutan nila ang lahat ng iyon, hindi ipapakita sa ibang mga tao, pagkatapos ay patuloy silang magpapanggap. May ilang bulag sa lahat ng bagay, ngunit sinasabing sa puso nila ay nakakaunawa sila. Kapag hiniling mong ipaliwanag nila ito, hindi nila magawa. Matapos itong maipaliwanag ng iba, sinasabi nila na iyon nga rin sana ang sasabihin nila ngunit hindi nila iyon nasabi kaagad. Ginagawa nila ang lahat ng kaya nila para magpanggap at subukang magpakitang-gilas. Anong masasabi mo, hindi ba’t namumuhay ang gayong mga tao nang lumilipad ang isip? Hindi ba nangangarap sila nang gising? Hindi nila kilala kung sino sila mismo, ni hindi nila alam kung paano isabuhay ang normal na pagkatao. Ni minsan ay hindi sila kumilos na tulad ng praktikal na mga tao. Kung araw-araw ka na lang lutang mag-isip, iniraraos lang ang gawain, walang ginagawang anumang praktikal, at laging namumuhay nang ayon sa sarili mong imahinasyon, problema ito. Ang landas sa buhay na iyong pinili ay mali. Kung gagawin mo ito, paano ka man manalig sa Diyos, hindi mo mauunawaan ang katotohanan, ni hindi mo matatamo ang katotohanan. Sa totoo lang, hindi mo matatamo ang katotohanan, dahil mali ang simula mo. Kailangan mong matutuhan kung paano lumakad sa lupa, at paano lumakad nang matatag, sa paisa-isang hakbang. Kung kaya mong lumakad, lumakad ka; huwag mong subukang matutong tumakbo. Kung kaya mong lumakad sa paisa-isang hakbang, huwag mong subukang magdala-dalawang hakbang. Kailangan mong magpakatatag. Huwag mong subukang maging pambihirang tao, matapang, o matayog. Ang mga tao, na pinangungunahan ng kanilang satanikong disposisyon, ay nagkikimkim ng ilang ambisyon at pagnanasa sa loob nila, na nakatago sa loob ng kanilang puso. Ayaw nilang mamuhay nang praktikal, sa halip, lagi nilang gustong makipagsapalaran, upang makaalpas sa masyadong ordinaryong buhay. Hindi ba’t nananaginip sila? Nakatira ba ang mga tao sa panaginip? Iyan ang nasasakupan ni Satanas, hindi iyan lugar para sa mga tao. Nilalang ng Diyos ang mga tao mula sa alabok ng lupa; Siya ang nagsanhi na mamuhay sila sa lupa, upang mamuhay nang normal at may mga panuntunan, upang matutunan ang karaniwang kaalaman sa kung paano umasal, upang matuto kung paano kumilos, kung paano mamuhay, at kung paano Siya sambahin. Hindi binigyan ng Diyos ng mga pakpak ang mga tao, at hindi Niya sila pinahihintulutang mamuhay sa himpapawid. Ang mga gumagala sa himpapawid ay si Satanas at lahat ng uri ng masasamang espiritu, hindi mga tao. Kung palaging may ganitong ambisyon ang mga tao, palaging nagnanais na maging superhuman, na maging ibang bagay, kung gayon ay naghahanap sila ng problema. Napakadaling mahumaling nang husto! Una, mali itong kaisipan at ideya mo. Nagmumula ito kay Satanas, ganap na lagpas sa realidad, hindi talaga umaayon sa mga hinihingi ng Diyos, at ganap na lagpas sa mga salita ng Diyos. Kaya ano ang kaisipang ito? Ito ay palaging pagnanais na maging malaya sa bulgaridad, na mamukod-tangi, na maging walang kapantay, na maging katangi-tangi at walang katulad, na maging matagumpay, maging tanyag at dakila, isang idolo sa puso ng mga tao—ito ba ang mga layon na dapat hangarin ng isang tao? Talagang hindi. Sa lahat ng salita ng Diyos, walang isa na nagsasabi sa mga tao na hangarin ang pagiging superhuman, malakas na tao, tanyag na tao, o dakilang tao. Walang totoo sa mga bagay na ito na nasa imahinasyon ng mga tao, walang umiiral sa mga ito. Ang hangarin ang mga bagay na ito ay ang paghukay ng sarili mong libingan—habang mas hinahangad mo ang mga ito, mas mabilis kang mamamatay. Ito ang daan tungo sa pagkawasak.

Yamang nakapagsabi na ang Diyos ng napakaraming salita, alam ba ninyo kung ano ang mga hinihingi Niya sa pag-uugali ng mga tao? (Nais Niyang umasal sila nang may konsiyensiya.) (Nais Niyang kumilos sila nang praktikal, masigasig, at hindi agaw-pansin.) Bagamat simple ang ilang salitang ito, hindi nakakamit ng karamihan sa mga tao ang mga ito; ang matatapat na tao lamang ang may kakayahan. Sa katunayan, paano man ninyo ipahayag ito, sa madaling salita, hinihingi ng Diyos na maging matapat ang mga tao. Tanging ang matatapat ang may kakayahang umasal nang may konsiyensiya, na maging praktikal habang kumikilos sila, na hindi maging agaw-pansin, at maging masigasig, kaya ang pagiging isang matapat na tao ay tama, at gusto ng Diyos ang matatapat na tao. Kinamumuhian ng Diyos ang mga taong mapanlinlang. Ang mga hindi umaasal nang may konsiyensiya, mga hindi praktikal habang sila ay kumikilos, mga mapanlinlang. Naiintindihan ba ninyo kapag isinasalaysay ito sa ganitong paraan? Kaya sabihin muli sa Akin, bukod sa hinihinging maging matatapat na tao sila, ano pa ang ibang hinihingi ng Diyos sa mga tao? (Kailangan nilang magpakumbaba.) Sinasabi ninyo na “mapagpakumbaba,” ngunit makatwiran bang gamitin ang salitang ito upang ilarawan ang mga tao? (Hindi ito makatwiran.) Bakit hindi ito makatwiran? Ang sangkatauhan, na ginawang tiwali ni Satanas, ay walang katayuan sa simula; sa simula, sila ay likas na mas mababa kaysa sa mga uod, kung gayon, kakayanin pa ba nilang maging higit na mapagpakumbaba? Kung mas ibababa pa nila ang kanilang sarili, ano ang mangyayari sa kanila? Hindi ba’t magiging diyablo, o halimaw sila? Ang tao ay nilikha ng Diyos, at lahat ng nilikha ng Diyos ay may likas na gawi ng tao. Lahat ng tao ay may kakayahang makamit ang mga bagay na dapat nilang taglayin, na pawang bahagi ng kanilang normal na pag-uugali at pagpapamalas. Pag-usapan muna natin ang kaligayahan, galit, kalungkutan, at kagalakan, ilan sa mga damdaming taglay ng mga tao. Kapag namimighati o nalulungkot ang isang tao, ang pinakakaraniwang pagpapamalas ay ang pag-iyak. Ito ay isang likas na pagpapamalas ng normal na pagkatao. Kapag nalulungkot ka o nasasaktan, maaari kang umiyak, ibuhos ang iyong mga luha. Huwag magpanggap. Sinasabi ng ilang tao: “Hindi ako umiiyak, isa akong malakas na lalaki, at ang mga tunay na lalaki ay hindi madaling umiyak!” Sinasabi ng ibang tao: “Bagamat babae ako, determinado ako. Dapat akong maging malakas tulad ng isang lalaki. Ako ay magiging isang bayani, hindi isang mahinang babae.” Tama ba ang ganitong uri ng pag-iisip? Anong uri ng pagkatao ito? Ito ay pagpapanggap; hindi ito totoo. Ang pagpapanggap ay hindi pagpapamalas ng normal na pagkatao. Sa halip, isa itong huwad na hitsura na ipinapakita sa iba, ganap na binabaluktot ang normal na pagkatao. Kaya’t kapag may isang bagay na dapat ikalungkot o ikabahala ang mga tao, kapag bumuntong-hininga sila, o kapag medyo seryoso ang kanilang ekspresyon, o kapag ayaw nilang kumain, ang lahat ng bagay na ito ay pagpapamalas ng normal na pagkatao, na hindi mapagtatakpan ng sinuman. Kapag nakatatagpo ang isang tao ng magandang bagay, ngumingiti siya, na isa ring normal na pagpapamalas. Mayroong ilang tao na hindi nangangahas tumawa nang malakas kapag nasisiyahan sila. Palagi nilang tinatakpan ang kanilang bibig para itago ang kanilang ngiti, palaging natatakot sa mga biro ng mga tao. Normal ba iyon? (Hindi ito normal.) Ito rin ay pagpapanggap. Iniisip nila na hindi maaaring tumawa ang mga babae kapag nasa publiko at nasa harap ng maraming tao, at lalong hindi nila pwedeng ipakita ang kanilang mga ngipin, kung hindi, hahamakin o mamaliitin sila ng mga tao, kaya dapat nilang pigilan ang kanilang sarili, at hindi sila maaaring maging hangal. Ito ang resulta ng tradisyonal na edukasyong pangkultura ng Tsina. Sa isang tao na ang kaligayahan, galit, kalungkutan, at kagalakan ay hindi normal, hindi makikita ng iba ang mga pagpapamalas o pangangailangan ng kanyang normal na pagkatao. Normal ba ang ganitong uri ng tao? (Hindi siya normal.) Hindi ba’t may isang bagay sa kanyang mga iniisip na nangingibabaw sa kanya? Masyado nang nagawang tiwali ni Satanas ang mga tao. Ganoon talaga iyon. Parang hindi sila mga tao, mas parang demonyo sila. Ito ang hitsura ng mga taong pinangingibabawan ng isang maladiyablong kalikasan. Napakahuwad nila, at masyado silang nagpapanggap. Bakit halos hindi nagbago ang mga taong nananalig sa Diyos sa loob ng ilang taon? Ang isang dahilan ay walang tamang kaalaman o malinaw na pag-unawa sa landas, mga prinsipyo, direksyon, at mga layon ng pagiging isang normal na tao ang mga tao, ni wala silang malinaw na pag-unawa sa landas ng paghahangad sa katotohanan. Ang isa pang dahilan ay mangmang ang ganitong uri ng tao. Kahit na umabot siya ng apatnapu o limampung taong gulang, wala siyang alam tungkol sa kung paano maging isang matapat na tao, o kung aling mga kinakailangan ang dapat niyang matugunan upang maisabuhay ang normal na pagkatao. Ito ay dahil sobrang lalim nang nakaugat ang tradisyonal na kultura sa puso ng mga tao, at palagi nilang gustong magpanggap na sila ang mga banal, dakilang tao na inaakala nila, na nagiging sanhi na maunawaan nila ang mga bagay-bagay nang may kinikilingan, nang katawa-tawa, at kakaiba. Mayroon bang ganitong mga tao sa inyo? Ang ilang tao ay hindi kailanman nagbukas ng kanilang puso sa iba, ni hindi nila alam kung paano sabihin ang iniisip nila sa kanilang kaloob-looban. Para silang walang mga suliranin, na parang hindi sila naging negatibo o mahina kailanman, na parang hindi sila nagkaroon ng anumang paghihirap sa pagpasok sa buhay. Hindi nila kailangang maghanap ng anumang bagay, ni magbahagi sa iba, hindi rin nila kailangan ang pagbabahagi, panustos, pagsaklolo, o tulong ng sinuman. Tila ba nauunawaan nila ang lahat nang mag-isa, at kayang lutasin ang anumang bagay. Kapag may nagtatanong sa kanila kung naging negatibo na ba sila noon o hindi, sinasabi nila na: “Paminsan-minsan, negatibo ako, pero nananalangin lang ako sa Diyos, binubuo ang aking pasya, at nanunumpa, at pagkatapos ay ayos na ako.” Anong klaseng tao ito? Sa panlabas, maaaring tila hindi maraming ganoong tao, pero ang totoo, maraming tao ang nagtataglay ng ganitong mga kalagayan. Hanggang ngayon, hindi alam ng ganitong tao kung ano ang kabuluhan ng manalig sa Diyos. Iniisip nila na ang manalig sa Diyos ay nangangahulugan lamang ng pagkilala sa Kanya at pagiging isang mabuting tao, at balang araw sila ay “magiging walang kamatayan at makakamit ang Daan” at papasok sa kaharian ng langit, gaya lang ng sinasabi ng mga Budista tungkol sa pagiging malaya sa mga hangarin at pagnanasa ng tao, o pagiging dalisay ng puso at pagkakaroon ng kakaunting hangarin. Masigasig silang gumagawa at gumugugol ng kanilang sarili sa ganitong direksyon, ngunit ito ba ay pananalig sa Diyos? Kahit ngayon, hindi nila alam kung ano ang kahulugan ng manalig sa Diyos, ni hindi nila alam kung ano ang dapat nilang hangarin, o kung maging anong uri sila ng tao dapat. Gaano man karaming sermon sa katotohanan ang pinakikinggan nila, hindi nagbabago ang layon na hinahangad nila, ni nagbabago ang kanilang pananaw sa pananalig sa Diyos. Medyo mahirap ito! Kung hindi mo man lang naiintindihan kung ano ang ibig sabihin ng manalig sa Diyos, malalaman mo ba kung sino ang Diyos mo? Kung hindi mo man lang naiintindihan kung ano ang ibig sabihin ng manalig sa Diyos, magagawa mo bang hangarin ang katotohanan? Makapagmamahal ba ng katotohanan ang isang tao na talagang walang kaalaman sa pangitain ng pananalig sa Diyos? Ang mga hindi nakakaunawa sa pangitain ng pananalig sa Diyos ay yaong mga hindi nakakaunawa sa katotohanan. Walang silbi na tanungin ang ganitong uri ng tao kung mahal nila ang katotohanan o hindi; hindi nila nauunawaan kung ano ang manalig sa Diyos o ang hangarin ang katotohanan. Hindi nila nauunawaan ang mga bagay na ito. Nananalig man sila sa Diyos sa loob ng tatlo o limang taon, sampu o walong taon, wala sa kanila ang nakakaunawa sa katotohanan. Ang alam lang nila ay na ang manalig sa Diyos ay ang maging mabuting tao, ang gumawa ng mabubuting bagay, ang maging mabait at mapagkawanggawa, at iniisip nila na isa itong marangal na paraan ng pamumuhay. Hindi ba’t masyadong mababaw at luma na ang pananaw na ito? Hindi ito tugma at ganap na walang kaugnayan sa mga katotohanan ng pananalig sa Diyos. Ang isang taong nananalig sa Diyos nang napakaraming taon, ngunit tinatrato pa rin ang usapin ng pananalig sa Diyos nang may mga pananaw, kaisipan, at pamamaraan ng mga hindi mananampalataya, ng mga Budista, at Taoista, na umaasa sa tradisyonal na mga kuru-kuro at imahinasyon upang tahakin ang landas ng pananalig sa Diyos, na nagkakamali sa kanyang paniniwala na dalisay ang kanyang pagkaunawa, na nag-iisip na ang pananalig sa Diyos nang ganito ay ang tanging paraan para hangarin ang katotohanan—hindi ba’t nagsisinungaling siya sa sarili niya?

Ang mga Tsino ay may tradisyonal na kultura ng Taoismo at Budismo sa kanilang kasaysayan. Sa ilalim nitong malaking tradisyonal na panlipunanang kasaysayan, napakahirap para sa mga Tsino na palayain ang kanilang mga kaisipan mula sa mga bagay na ito, kaya kapag binabanggit ng mga Tsino ang pananalig sa Diyos, ang una nilang naiisip ay ang mga pananaw ng Budista at Taoista sa pagiging vegetarian at pagdarasal kay Buddha, hindi pagpatay, pagbibigay ng limos at paggawa ng mabuti, pagtulong sa kapwa, hindi pag-atake o pagsigaw sa iba, hindi pagpatay o panununog, pagiging mabuting tao, atbp. Kung gayon, gaano katagal bago maalis ng isang tao ang mga bagay na ito at maunawaan ang tunay na kahulugan ng pananalig sa Diyos? Aling mga katotohanan ang kailangang hangarin ng isang tao na maunawaan upang lubusang mabago ang mga maling kaisipan at kuru-kurong ito, upang tuluyang maalis ang mga ito? Sa pamamagitan lamang ng tunay na pagkaunawa sa mga hinihingi ng Diyos at sa pamamagitan ng pananalig sa Diyos ayon sa mga prinsipyo ng katotohanan makakatahak ang isang tao sa tamang landas ng pananalig sa Diyos; saka lang pormal na magsisimula ang kanyang buhay ng pananalig sa Diyos. Kung mayroon pa ring mga pyudal na pamahiin sa kanyang puso ang isang tao, o mga kuru-kuro, imahinasyon, at panuntunan ng tradisyonal na relihiyon, kung gayon, ang mga bagay na ito na itinatago niya sa kanyang puso ay ang mismong mga bagay na kinasusuklaman at kinamumuhian ng Diyos nang higit sa lahat. Dapat niyang hanapin ang katotohanan, tukuyin ang mga bagay na ito, at pagkatapos ay ganap na isuko ang mga ito. Ang gayong mga tao lamang ang nagmamahal sa katotohanan, sila lamang ang makakatanggap sa gawain ng Banal na Espiritu. Tiyak ito. Kung hindi mo ibinabatay ang iyong pananalig sa Diyos sa katotohanan ng Kanyang mga salita, hindi mo kailanman matatamo ang Kanyang mga pagpapala. Sa sandaling nakatuntong na sa tamang landas ng pananalig sa Diyos ang isang tao, kapag nalampasan na niya ang pasimulang iyon, may pagbabago sa kanyang panloob na kalagayan. Una, hindi ilusyon, kundi totoo, ang kanyang mga kaisipan at pananaw. Ang kanyang kalagayan, mga kaisipan, at ideya ay hindi walang kabuluhan, bagkus ay naaayon sa katotohanan, ganap na umaayon ang mga ito sa mga salita ng Diyos. Ang layon at direksyon na hinahangad niya ay hindi pangdoktrina, ni hindi ito di-naaabot o di-nakikita, sa halip, isa itong positibong bagay, alinsunod sa mga hinihingi ng Diyos, at pinupuri ng Diyos. Ang kanyang buong kalagayan, mga kaisipan, at kanyang mga ideya ay lahat praktikal at totoo. Nananalig ka sa Diyos ngayon, kaya nasaan ang isip mo? Kung ang mga ito ay lumulutang pa rin sa himpapawid, nang walang tumpak na direksyon, kung marami pa ring kaisipan na hindi tumutugma sa realidad, at maraming walang kabuluhan, pangdoktrinang kaisipan, nang may kung anu-anong ideya, kuru-kuro, at imahinasyon ng tao, kung gayon ay namumuhay ka pa rin sa isang pantasya, at hindi ka pa nakababa sa lupa. Lubha itong mapanganib, dahil ang iniisip, ang ginagawa, at mga layon na hinahangad mo sa iyong puso ay walang kinalaman sa katotohanan ng pananalig sa Diyos o sa mga hinihingi ng Diyos—ni katiting ay wala itong kinalaman. Kaya ano ang batayan mo sa pagkilos? Kumikilos ka batay sa mga buod na karanasan ng tao, sa mga makamundong pilosopiya, pati na sa mga bagay na natutuhan mo mula sa lipunan, sa iyong pamilya, at sa lahat ng uri ng mga sitwasyon, at sa mga bagay na inaakala mo at ibinubuod sa iyong isipan. Halimbawa, kapag may nangyayari sa iyo, kumilos ka sa paraang sa tingin mo ay dapat mong gawin, at iniisip mo na ang paggawa nang gayon ay naaayon sa katotohanan, at na ang iniisip mong tama at positibo ay ang katotohanan. Isang araw, kapag naharap ka sa isang balakid o naiwasto, mapagtatanto mo na ang iyong mga kilos, kaisipan, at ideya ay pawang mga imahinasyon at kuru-kuro ng tao, na sa diwa ay hindi tugma sa mga katotohanang prinsipyo. Ibig sabihin, bago nakapasok sa tamang landas ng pananalig sa Diyos ang isang tao, ang maraming bagay na kanilang ginagawa ay walang kinalaman sa mga katotohanang prinsipyo. Nagmumula ang mga ito sa isipan at imahinasyon ng mga tao, o sa kanilang mga kagustuhan, kasigasigan, at lakas ng loob, o sa kanilang mabubuting hangarin at inaasam, o maging sa kanilang mga mithiin. Ang lahat ng bagay na ito ay ang pinagmumulan at pinanggagalingan ng mga kilos ng mga tao.

Pagdating naman sa mga kalagayan na dapat taglayin ng isang tao para makapasok sa tamang landas ng pananalig sa Diyos, mayroong pamantayan, na kung saan dapat silang magkaroon ng normal na kalagayan habang dinaranas ang mga salita ng Diyos. Ang ilang tao ay namumuhay na sa ganitong kalagayan, habang ang iba ay hindi pa nakapasok dito, o paminsan-minsan ay mayroon nito, ngunit pagkaraan ng ilang panahon, bumabalik sila sa dati nilang kalagayan. Ano ang kalagayang ito? Ito ay kapag, pagkatapos dumaan ang isang tao sa isang panahon kung saan umaasa siya sa kanyang kasigasigan, mga kagustuhan, kuru-kuro, at imahinasyon, bigla niyang napagtatanto na hindi tama ang manalig sa ganitong paraan, na hindi niya makakamit ang katotohanan, at na ang manalig nang ganito ay walang kabuluhan at hindi makatotohanan. Napagtatanto niya na noon pa man ay isa na siyang nilikha, na dapat siyang maging isang tunay na nilikha, at taos-pusong gawin ang tungkulin ng isang nilikha nang buong puso at lakas. Pagkatapos ay sinisimulan niyang gawin ang mga bagay nang praktikal, at ginagawa niya ang kanyang tungkulin nang may buong katapatan. Habang ginagawa niya ang mga bagay-bagay, nagsisimula siyang magnilay-nilay at maghangad kung paano kumilos alinsunod sa katotohanan, kung paano palugurin ang kalooban ng Diyos, at kung paano matatanggap ng Diyos. Hindi siya kumikilos batay sa kanyang mga kuru-kuro, imahinasyon, o kagustuhan. Sa puntong ito lamang nagkakaroon ang mga tao ng pagnanais na palugurin ang Diyos at suklian ang pagmamahal Niya. Sa puntong ito, nagsisimula siyang hanapin ang katotohanan, hanapin ang kalooban ng Diyos, at simulang tugunan ang Kanyang mga hinihingi. Kapag mayroon ka ng pagnanais na ito, kapag mayroon kang normal na kalagayan sa puso mo, sa isang banda, nakatayo ka sa nararapat mong lugar at nagiging isang tunay na nilikha. Sa kabilang banda, na siyang pangunahin, tunay mong natanggap mula sa kaibuturan ng puso mo na ang Diyos ay ang Panginoon at ang Diyos mo, at tinanggap mo na ang lahat ng salita ng Diyos, at nakita mo na ang mga iyon ang katotohanan. Nagagawa mo rin na isagawa at danasin ang mga salita ng Diyos, at nagawa mong maging buhay realidad mo ang mga salita ng Diyos, na nagbibigay-daan sa iyo na makamit ang katotohanan at buhay. Kapag mayroon kang ganitong kalooban at hangarin, gayundin ang pangangailangang tanggapin ang salita ng Diyos at ang Kanyang mga hinihingi sa iyo, at kapag nais mong magpasakop sa Diyos at palugurin ang Kanyang kalooban, magsisimulang magbago ang kalagayan ng buhay mo. Simula sa puntong ito, lalakad ka patungo sa tamang landas ng pananalig sa Diyos.

Ang mga salitang ito na kababahagi Ko lang, sa kabuuan, ay napakasimple; iyon ay, kapag nagsimula ang isang taong makilala na siya ay isang nilikha, bubuo ang taong iyon ng mga pag-asang maging isang tunay na nilalang na nilikha upang bigyang-kasiyahan ang Diyos. Kasabay nito, tatanggapin din ng gayong mga tao ang Diyos bilang kanilang Panginoon at Diyos at hahangarin nilang masunod ang lahat ng mga hinihingi ng Diyos, pati na rin ang Kanyang panuntunan. Samakatuwid ay titigil sila sa pagkilos nang walang pakundangan, at hahanapin ang mga layunin ng Diyos at hahanapin ang mga katotohanang prinsipyo sa lahat ng kanilang ginagawa. Hindi na nila basta gagawin ang anumang nais nila o gawin ang mga bagay ayon sa kanilang sariling mga plano. Sa halip na umasa sa kanilang sariling mga ideya para kumilos, magsisimula sila na palaging nasa kanilang mga saloobin ang Diyos, at ang kanilang pansariling nais ay bigyang-kasiyahan ang Diyos sa lahat ng aspeto, sumunod sa katotohanan at tugunan ang mga hinihingi ng Diyos sa kanilang mga kilos. Ang mga taong nasa gayong kalagayan ay walang alinlangang nagsimula nang matutong maghanap ng katotohanan, isagawa ang katotohanan, at pumasok sa katotohanang realidad. Kung ikaw ay nasa gayong kalagayan at may gayong kalooban, natural na sisimulan mong matutuhan kung paano hanapin ang kalooban ng Diyos, at magsisimulang hanapin kung paano hindi ilagay sa kahihiyan ang ngalan ng Diyos, kung paano dakilain ang Diyos, kung paano matakot sa Diyos, at kung paano bigyang-kasiyahan ang Diyos; sa halip na bigyang-kasiyahan ang pansarili mong mga pagnanais o bigyang-kasiyahan ang iba, sinusubukan mong bigyang-kasiyahan ang Diyos. Kapag pumasok ang isang tao sa ganitong kalagayan, siya ay namumuhay sa presensiya ng Diyos, at hindi na siya pinangungunahan ng kanyang tiwaling disposisyon. Kapag pumasok ka sa kalagayang ito, ang mga bagay na iniisip mo sa iyong mga pansariling hangarin ay positibo. Kahit na paminsan-minsan kang nagpapakita ng tiwaling disposisyon, malalaman mo ito, at magagawa mong pagnilayan ang sarili at hanapin ang katotohanan upang malutas ito. Kaya, bagamat mayroon ka pa ring tiwaling disposisyon, hindi na magagawang pangunahan ng iyong tiwaling disposisyon ang lahat sa iyo, para kontrolin ka. Sa panahong ito, hindi ba’t sumasaiyo ang kataas-taasang kapangyarihan ng katotohanan ng salita ng Diyos? Hindi ba’t namumuhay ka ayon sa mga salita ng Diyos? Nagagawa ba ninyong lahat na tulutan ang katotohanan na gumamit ng awtoridad sa puso ninyo? Nakadepende ito sa kung mayroon kayong kagustuhan na hangarin ang katotohanan o wala. Kung malinaw na nauunawaan ng isang tao ang maraming katotohanan, likas na gagamit ng awtoridad ang katotohanan sa puso niya. Kung hindi niya gaanong nauunawaan ang katotohanan, o mayroon siyang napakaraming lason ni Satanas, hindi magkakaroon ng awtoridad ang katotohanan sa puso niya. Maraming tao ang handang isagawa ang katotohanan, pero kapag nangyayari sa kanila ang mga bagay-bagay, hindi sinasadyang nagpapakitang-gilas sila, naghahangad ng katanyagan, pakinabang, at katayuan, walang pagpipigil o kontrol, at hinahayaan nilang bumuhos ang kanilang tiwaling disposisyon. Anong kalagayan ito? Ito ay kapag masyadong kaunti ang nauunawaan ng isang tao sa katotohanan, napakaliit ng kanyang tayog, at hindi niya kayang daigin ang laman o ang impluwensya ni Satanas. Napakahirap para sa ganitong uri ng tao na bigyang-daan ang katotohanan na gumamit ng awtoridad sa puso niya. Kaya, ang paghahangad sa katotohanan ay hindi isang simpleng bagay, at kung walang kahit ilang taon na karanasan, napakahirap na lutasin ang problema ng tiwaling disposisyon. Halimbawa, ang ilang tao ay labis na mapanlinlang, kailanman ay hindi nila sinasabi kung ano ang nasa kaloob-looban nila, at hindi sila makapagsabi ng kahit isang totoong salita. Ano man ang kanilang tinatalakay o gaano man karaming salita ang sinasabi nila, hindi sila nagsasalita nang malinaw, palaging pasikot-sikot, at hindi nila kontrolado ang kanilang sarili. Sa harap ng kanilang mga tiwaling disposisyon, at sa harap ng kanilang kasuklam-suklam, satanikong kalikasang diwa, ibinubunyag ng mga tao ang sarili nila na sobrang hamak, mahina, walang kapangyarihan, at lubos na walang magawa, kaya madalas silang nagkakasala, nagkakamali, at mga pasibo. Ano ang nangyayari dito? (Hindi sila nakatahak tungo sa tamang landas ng pananalig sa Diyos.) Hindi sila nakatahak tungo sa tamang landas ng pananalig sa Diyos, at ano ang ipinahihiwatig niyon? (Hindi pa nila nauunawaan na sila ay mga nilikha, at na ayaw nilang magpasakop o magbigay-kasiyahan sa Diyos.) Ito ay bunga ng hindi paghahangad sa katotohanan. Kayo ay nasa ganitong sitwasyon, kaya masasabi ba ninyong hindi pa kayo nakapagsimulang pumasok sa katotohanang realidad? (Hindi pa kami nakapapasok.) Ang isang tao ba na hindi nakapasok sa katotohanang realidad ay maituturing na nakapagkamit ng katotohanan? (Hindi.) Ang isang tao ba na hindi nakapagkamit ng katotohanan ay nagtataglay ng katotohanan sa kanyang puso? (Hindi.) Kung wala ang katotohanan, hindi ba’t kumikilos ang mga tao batay sa kanilang mga tiwaling disposisyon? Upang makagawa ng ilang positibong bagay habang ginagawa nila ang kanilang tungkulin, ano ang dapat taglayin ng isang tao? Hindi ba’t dapat niyang maunawaan ang katotohanan? Kung hindi naisasagawa ng isang tao ang katotohanan habang ginagawa ang kanyang tungkulin, sa halip ay alam lamang kung paano kumilos sa sarili niyang kagustuhan, anong katangian iyon? Hindi ba’t paggawa ng serbisyo ito? Katumbas ito ng pagkuha ng Diyos ng isang hindi mananampalataya para magserbisyo sa Kanya. Kung hindi ka naghahangad sa katotohanan o pumapasok sa katotohanang realidad, ikaw ay nagseserbisyo. Sa palagay ba ninyo ay gustong makita ng Diyos ang mga taong nais Niyang iligtas na nagseserbisyo lamang sa Kanya, nang hindi nagsasagawa ayon sa Kanyang mga salita para makamit ang kaligtasan? (Hindi Niya ito gusto.) Bakit hindi Niya ito gusto? (Nilikha ng Diyos ang tao upang makamit Niya sila.) Tama iyan, nilikha ng Diyos ang tao upang ipamalas ang Kanyang sarili, at lalong higit para makamit sila. Bakit hindi nasisiyahan ang Diyos kung nagseserbisyo lamang ang mga tao sa Kanya? (Dahil ang mga kilos ng mga tao ay hindi ang gusto ng Diyos.) Ano pala ang gusto ng Diyos? (Gusto ng Diyos ang sinseridad ng mga tao.) Ang pagseserbisyo ba sa Diyos ay hindi sinseridad mismo? Tunay man at taos-puso ang pagseserbisyo mo, kung hindi mo hinahangad ang katotohanan, kahit na magserbisyo ka sa buong buhay mo, hindi mo makakamit ang katotohanan. Kung hindi mo nakakamit ang katotohanan, nangangahulugan iyon na hindi mo nakakamit ang Diyos, at hindi ka nakakamit ng Diyos, kaya walang halaga o kabuluhan ang pagseserbisyo mo. Ilang taon ka mang magserbisyo, kung hindi mo hinahangad ang katotohanan, hindi ka makakamit ng Diyos, ibig sabihin, lumalaban ka pa rin sa Diyos. Sino ang nagsasanhi nito? Ito ay sanhi ng hindi pagsusumikap na makipagtulungan ng mga tao mismo, ng hindi paghahangad sa katotohanan ng mga tao mismo; iyon lang ang ugat. Mula sa praktikal na aspeto ng mga bagay-bagay, paano maipaliliwanag ang hindi pagkamit ng Diyos ng isang tao? Ito ay dahil palagi silang may sariling mga intensiyon habang ginagawa nila ang kanilang tungkulin, at hindi nila iniaalay ang kanilang puso sa Diyos, kaya hindi nakabaling sa Kanya ang puso nila, ni para sa Kanya ang puso nila. Hindi nila isinasaalang-alang ang Kanyang kalooban, lalong hindi sinisikap na palugurin Siya sa pamamagitan ng paggawa ng kanilang tungkulin. Ang pinakasimpleng paliwanag ay na hindi sinsero sa Diyos ang taong ito, kaya talagang wala nang pag-asa sa kanya. Sinusuri ng Diyos ang mga tao upang makita kung taos-puso silang nananalig sa Kanya o hindi; ninanais Niya ang kanilang sinseridad. Ano ang ibig sabihin ng pagiging sinsero? (Ang magkaroon ng isang pusong bumabaling sa Diyos, isang pusong nagpapasakop sa Diyos.) Tama iyan. Kung ang isang tao ay walang pusong bumabaling sa Diyos, na nagpapasakop sa Kanya, matatawag ba siyang isang mabuting tao? Magugustuhan kaya ng Diyos ang gayong tao? Maisasagawa ba ng isang tao na hindi kaisa sa isip ng Diyos ang katotohanan? Mayroon ba kayong pusong nagpapasakop sa Diyos? Kaya ba ninyong maging tapat sa Diyos sa lahat ng bagay? Bumabaling ba sa Diyos ang puso ninyo? Ang sabihing wala man lang kayong sinseridad ay magiging hindi makatarungan sa inyo, ngunit ang sabihing tunay kayong napopoot kay Satanas, na kaya ninyong talikdan si Satanas at tuluyang bumaling sa Diyos, ay magiging mali rin. Hinihingi nitong magkaroon kayo ng pusong nagpapasakop sa Diyos, na hangarin ninyo ang katotohanan, at kamtin ang pagkaunawa sa higit pang katotohanan. Anong uri ng puso ang nais ng Diyos na taglayin ng mga tao? Una, dapat matapat ang pusong ito, at dapat nilang magawa nang may konsiyensiya ang kanilang tungkulin sa praktikal na paraan, magawang itaguyod ang gawain ng iglesia, na wala nang diumano’y “matataas na ambisyon” o “matatayog na mithiin.” Ang bawat hakbang ay nag-iiwan ng bakas habang sinusundan at sinasamba nila ang Diyos, umaasal sila bilang mga nilikha; hindi na nila hinahangad na maging isang pambihira o dakilang tao, lalo na ang maging isang partikular na kapaki-pakinabang na tao, at hindi nila sinasamba ang mga nilikha sa mga banyagang planeta. Bukod dito, dapat mahal ng pusong ito ang katotohanan. Ano ang pangunahing kahulugan ng pagmamahal sa katotohanan? Nangangahulugan ito ng pagmamahal sa mga positibong bagay, pagpapahalaga sa katarungan, at kakayahan na taos-pusong igugol ang iyong sarili para sa Diyos, tunay na mahalin Siya, magpasakop sa Kanya, at magpatotoo sa Kanya. Siyempre, matutupad mo lamang ang mga bagay na ito pagkatapos mong maunawaan ang katotohanan. Ang taong may ganitong uri ng puso ay isang taong may normal na pagkatao. Ang isang taong may normal na pagkatao ay dapat magkaroon ng konsiyensiya at katwiran kahit papaano. Paano mo malalaman kung nagtataglay ng konsiyensiya at katwiran ang isang tao? Kung ang kanyang pananalita at kilos ay karaniwang naaayon sa mga pamantayan ng konsiyensiya at katwiran, kung gayon, mula sa pananaw ng tao, siya ay isang mabuting tao, at isa siyang taong natutugunan ang tamang pamantayan. Kung nauunawaan din niya ang katotohanan at kumikilos siya ayon sa mga katotohanang prinsipyo, kung gayon ay natutupad niya ang mga hinihingi ng Diyos, na mas mataas kaysa sa pamantayan ng konsiyensiya at katwiran. Sinasabi ng ilang tao: “Ang tao ay nilikha ng Diyos. Binigyan tayo ng Diyos ng hininga ng buhay, at ang Diyos ang nagtutustos sa atin, nagpapalakas sa atin, at umaakay sa atin na lumaki tayo sa hustong gulang. Ang mga taong may konsiyensiya at katwiran ay hindi maaaring mamuhay para sa kanilang sarili o para kay Satanas; dapat silang mamuhay para sa Diyos, at gawin ang kanilang tungkulin.” Totoo ito, ngunit isa lamang itong malawak na balangkas, isang inisyal na gawa. Tungkol naman sa mga detalye ng kung paano mamuhay para sa Diyos sa realidad, may kinalaman dito ang konsiyensiya at katwiran. Kaya paano namumuhay ang isang tao para sa Diyos? (Gawin nang maayos ang tungkulin na dapat gawin ng isang nilikha.) Tama. Ngayon, ang ginagawa lang ninyo ay tuparin ang tungkulin ng tao, pero ang totoo, para kanino ninyo ito ginagawa? (Para sa Diyos.) Ito ay para sa Diyos, ito ay pakikipagtulungan sa Kanya! Ang atas na ibinigay ng Diyos sa inyo ay tungkulin ninyo. Ito ay nakatadhana, paunang itinakda, at pinamumunuan Niya, o sa madaling salita, ang Diyos ang nagbibigay ng gampaning ito sa iyo, at nais Niyang tapusin mo ito. Kaya paano mo maaasahan ang iyong konsiyensiya para matapos at magawa ito nang maayos? (Kailangan naming ibuhos ang lahat ng aming pagsisikap.) Kailangan ninyong ibuhos ang lahat ng inyong pagsisikap, na isang pagpapamalas ng pagtitiwala sa inyong konsiyensiya. Bukod pa rito, dapat ninyong gamitin ang buong puso ninyo at tuparin ang inyong mga responsabilidad—huwag maging pabasta-basta rito. May inaasahan sa atin ang Diyos at nasa atin ang halaga ng Kanyang puspusang pagsisikap. Dahil sa paunang itinakda ng Diyos na dapat nating tuparin ang responsabilidad na ito at gawin ang tungkuling ito, hindi Siya dapat madismaya, mabigo, o malungkot dahil sa atin. Dapat nating gawin nang maayos ang ating tungkulin, at bigyan ang Diyos ng perpekto, kasiya-siyang tugon. Umaasa tayo sa Diyos para sa bagay na hindi natin nagagawa, mas natututo tayo tungkol sa ating mga propesyon, at higit tayong naghahangad sa mga katotohanang prinsipyo. Binibigyan tayo ng Diyos ng buhay, kaya dapat nating gawin nang maayos ang ating tungkulin; sa bawat araw na nabubuhay tayo, dapat nating gawin ang tungkulin sa araw na iyon. Dapat nating gawing pangunahing misyon ang ipinagkatiwala sa atin ng Diyos, gawing numero unong bagay sa buhay natin ang paggawa ng ating tungkulin upang matapos ito nang maayos. Bagamat hindi natin hinahangad ang pagiging perpekto, maaari tayong magsikap tungo sa katotohanan, at kumilos batay sa mga salita ng Diyos at sa mga katotohanang prinsipyo, upang mapalugod natin ang Diyos, mapahiya si Satanas, at wala tayong pagsisisihan. Ito ang saloobin na dapat taglayin ng mga mananampalataya sa Diyos sa kanilang tungkulin. Kapag nabuhay ka nang apatnapu o limampu—o kahit pitumpu o otsenta—kapag nagbalik-tanaw ka sa mga bagay na ginawa mo noong bata ka pa at mangmang, makikita mo na kahit na nagkaroon ka ng napakakaunting taon, ginawa mo ang lahat nang may buong puso at lakas; palagi kang kumilos batay sa iyong konsiyensiya, hindi mo binigo ang Diyos, hindi Siya nadismaya o nalungkot dahil sa iyo, at sa puso mo ay tinanggap mo ang pagsisiyasat at pagsusuri ng Diyos. Kapag naisakatuparan na ang lahat ng ito at ibinigay mo sa Diyos ang iyong natapos na pagsusulit, sasabihin ng Diyos: “Bagamat hindi mahusay ang ginawa mo, at pangkaraniwan ang iyong mga resulta, ginamit mo naman ang lahat ng iyong lakas, at hindi mo pinabayaan ang iyong tungkulin.” Hindi ba’t pagkilos ito batay sa iyong konsiyensiya? Kaya kapag madalas na nagbubunyag ng katiwalian ang mga tao, mayroong mga pansariling pagpili, pagnanais, at kagustuhan, kahit hanggang sa puntong lubusan na nilang nilalabag ang pamantayan ng kanilang konsiyensiya, at nawawala ang kanilang normal na pagkatao, ano ang dapat gawin? Dapat kang manalangin sa Diyos at talikdan ang iyong sarili, hindi mo maaaring pahintulutan ang mga bagay na iyon na hadlangan ka o kontrolin ang iyong konsiyensiya at katwiran. Kapag nagagawang pangunahan ng iyong konsiyensiya ang iyong mga kilos, ang iyong kabuhayan, at ang iyong buhay, magiging madali para sa iyo na madaig ang makasariling pagnanais ng laman, at makakamit mo ang aspetong ito ng katotohanan. Ito ang pinakamaliit na dapat na mayroon ka. Tungkol naman sa kung anong uri ng puso ng tao ang nais ng Diyos, ilang aspeto ang kasasabi Ko lang? (Tatlong aspeto: isang matapat na puso, isang pusong nagmamahal sa katotohanan, at pagkakaroon ng konsiyensiya at katwiran.) Sa loob ng isang matapat na puso at isang pusong nagmamahal sa katotohanan ay may ilan pang detalye, dapat ninyong pagnilayan ito at ibuod ito kalaunan. Sa pinakamababa, ang dapat taglayin ay ang konsiyensiya at katwiran na dapat taglayin ng isang taong may normal na pagkatao. Kung ang isang tao ay walang konsiyensiya o katwiran, mawawala ang kanyang normal na pagkatao, wala siyang magagawa nang maayos, wala siyang anumang maisasakatuparan, at sa huli, tuluyan siyang mabibigo. Subalit kung mayroon lang siyang konsiyensiya at katwiran, kung namumuhay siya batay sa kanyang konsiyensiya at hindi gumagawa ng anumang masama, katumbas ba ito ng pagpasok sa tamang landas ng pananalig sa Diyos? Matatamo ba niya ang papuri ng Diyos sa pamamagitan ng pamumuhay batay sa kanyang konsiyensiya at katwiran lamang? Talagang hindi.

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.