Ang Pananalig sa Diyos ay Dapat Magsimula sa Pagkakilatis sa Masasamang Kalakaran ng Mundo (Ikalawang Bahagi)

Alam ba ninyo kung ano ang pinakadakilang karunungan? Batay sa inyong kasalukuyang tayog, alam ba ninyo kung ano ang dapat ninyong pagtuunan sa inyong pananampalataya, at ano ang pinakadakilang karunungan pagdating sa kung paano kayo dapat maghangad at magsagawa? Ang ilang tao ay mukhang walang gaanong kakayahan, at palagi silang tahimik at walang imik. Hindi sila gaanong nagsasalita, ngunit mayroon silang dakilang karunungan sa kanilang puso na wala ang iba. Hindi ito nakikita ng karamihan sa mga tao, at makita man nila ito, hindi iisipin ng mga ito na karunungan ito. Iisipin nila na hindi ito kailangan at wala itong halaga. Naiisip ba ninyo kung ano itong pinakamalaking karunungan nila? (Ang pagkakaroon ng pusong laging tahimik sa harap ng Diyos, laging nagdarasal sa Diyos, at laging lumalapit sa Kanya.) Medyo natumbok mo ang tamang sagot. Ano ang layon ng paglapit sa Diyos? (Para hangarin ang kalooban ng Diyos.) Ano ang punto ng paghahangad sa kalooban ng Diyos? Para ba umasa sa Kanya? (Oo.) Ang punto ay para umasa sa Diyos. Kung aasa ka sa Diyos sa lahat ng bagay, liliwanagan, aakayin, at gagabayan ka ng Diyos. Hindi mo na kailangang mangapa sa dilim tulad ng isang bulag, at basta kang makakakilos ayon sa mga salita ng Diyos. Hindi ba’t higit na mas madali iyon? Hindi mo na kailangang maguluhan pa, maaari mo na lamang gawin ang itinuturo ng Diyos. Madali at mabilis ito, at hindi mo kinakailangang pagurin ang sarili mo sa pagtahak sa mga pasikot-sikot na landas. Sinambit ng Diyos ang Kanyang mga salita nang napakalinaw, kaya hindi mo kailangang mag-alala tungkol sa pagpapasya kung paano ka dapat kumilos. Hindi ba’t ito ay karunungan? Nauunawaan na ba ninyo ngayon? Hayaan ninyong sabihin Ko sa inyo: Ang pinakadakilang karunungan ay ang humingi ng tulong at umasa sa Diyos sa lahat ng bagay. Hindi ito kinikilala ng mga ordinaryong tao. Iniisip ng lahat ng tao na sa pagdalo sa mas maraming pagtitipon, pakikinig sa mas maraming sermon, higit pang pakikipagbahaginan sa kanilang mga kapatid, pagtalikod sa mas maraming bagay, higit pang pagdurusa, at higit na pagbabayad ng halaga, ay matatamo nila ang pagsang-ayon at pagliligtas ng Diyos. Iniisip nila na ang pagsasagawa sa ganitong paraan ang pinakadakilang karunungan, ngunit kinaliligtaan nila ang pinakamalaking bagay: paghingi ng tulong sa Diyos at pag-asa sa Diyos. Itinuturing nilang karunungan ang munting katalinuhan ng tao, at hindi pinapansin ang kahahantungang epekto na dapat makamit ng kanilang mga kilos. Isang pagkakamali ito. Gaano man kalaking katotohanan ang nauunawaan ng isang tao, gaano man karami ang mga tungkuling kanyang nagampanan, gaano man katindi ang dinanas ng isang tao habang ginagampanan ang mga tungkuling iyon, gaano man kataas o kababa ang tayog ng isang tao, o ano man ang uri ng kapaligiran ang kanyang kinapapalooban, ang isang hindi dapat mawala sa kanya ay ang humingi ng tulong sa Diyos at umasa sa Diyos sa lahat ng kanyang gagawin. Ito ang pinakadakilang uri ng karunungan. Bakit Ko sinasabing ito ang pinakadakilang karunungan? Kahit pa naunawaan ng isang tao ang ilang katotohanan, sapat na ba ito kung hindi siya aasa sa Diyos? May ilang tao na maraming taon nang naniniwala sa Diyos, at nakaranas na sila ng ilang pagsubok, nagkaroon na ng ilang praktikal na karanasan, naunawaan na ang ilang katotohanan, at nagkaroon na ng ilang praktikal na kaalaman tungkol sa katotohanan, ngunit hindi nila alam kung paano umasa sa Diyos, ni hindi nila nauunawaan kung paano humingi ng tulong sa Diyos at umasa sa Kanya. Nagtataglay ba ng karunungan ang ganoong mga tao? Sila ang pinakahangal sa lahat ng tao, at ang uri na ang palagay sa sarili ay napakatalino nila; hindi sila natatakot sa Diyos at hindi iwinawaksi ang masama. Sinasabi ng ilang tao, “Nauunawaan ko ang maraming katotohanan at nagtataglay ako ng mga katotohanang realidad. Ayos lamang na gawin ang mga bagay sa isang paraang may prinsipyo. Tapat ako sa Diyos, at alam ko kung paano maging malapit sa Diyos. Hindi pa ba sapat na isinasagawa ko ang katotohanan kapag may mga bagay na nangyayari sa akin? Hindi na kailangang magdasal sa Diyos o humingi ng tulong sa Diyos.” Tama ang pagsasagawa ng katotohanan, ngunit maraming pagkakataon at sitwasyon kung saan hindi alam ng mga tao kung anong katotohanan at anong mga katotohanang prinsipyo ang pinag-uusapan. Alam ito ng lahat ng may praktikal na karanasan. Halimbawa, kapag may nakakaharap kang ilang isyu, maaaring hindi mo alam kung anong katotohanan ang may kinalaman sa isyu na ito, o kung paano dapat isagawa o gamitin ang katotohanang may kinalaman sa isyu na ito. Ano ang dapat mong gawin sa mga pagkakataong tulad nito? Gaano man karami ang taglay mong praktikal na karanasan, hindi mo makakayang unawain ang mga katotohanang prinsipyo sa lahat ng sitwasyon. Gaano ka man katagal nang naniniwala sa Diyos, gaano man karaming bagay ang naranasan mo, at gaano man karaming pagtatabas, pagwawasto, o pagdidisiplina ang naranasan mo, kahit nauunawaan mo ang katotohanan, nangangahas ka bang magsabi na ikaw ang katotohanan? Nangangahas ka bang magsabi na ikaw ang pinagmumulan ng katotohanan? Sinasabi ng ilang tao: “Alam na alam ko ang mga kilalang pananalita at talatang iyon sa aklat na Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao; hindi ko na kailangang umasa sa Diyos o humingi ng tulong sa Kanya. Pagdating ng panahon, magiging maayos ako sa pamamagitan lamang ng pag-asa sa mga salitang ito ng Diyos.” Hindi nagbabago ang mga salitang isinaulo mo, ngunit ang mga kapaligirang nakakatagpo mo—gayundin ang iyong mga katayuan—ay pabago-bago. Nagagawa mong magbulalas ng mga salita at mga doktrina, ngunit wala kang magawa gamit ang mga iyon kapag may nangyayari sa iyo, na nagpapatunay na hindi mo nauunawaan ang katotohanan. Gaano ka man kahusay sa pagbigkas ng mga salita at mga doktrina, hindi ito nangangahulugan na nauunawaan mo ang katotohanan, at lalong hindi mo nagagawang isagawa ang katotohanan. Kaya’t may napakahalagang aral na matututuhan dito. At ano ang aral na ito? Iyon ay ang pangangailangan ng mga tao na humingi ng tulong sa Diyos sa lahat ng bagay, at sa pagsasagawa nito, makakamtan nila ang pag-asa sa Diyos. Sa pag-asa sa Diyos lamang sila magkakaroon ng landas na susundan at ng gawain ng Banal na Espiritu. Kung hindi magkagayon, may bagay kang magagawa nang tama at nang hindi nilalabag ang katotohanan, ngunit kung hindi ka aasa sa Diyos, kung gayon ang mga pagkilos mo ay mga mabubuting gawa lamang ng tao at hindi makapagpapalugod sa Diyos. Sapagkat may ganoong kababaw na pagkaunawa sa katotohanan ang mga tao, malamang na sumunod sila sa mga tuntunin at pilit na mangunyapit sa mga salita at mga doktrina sa pamamagitan ng paggamit ng gayunding katotohanan kapag nahaharap sa iba’t ibang sitwasyon. Posible na makumpleto nila ang maraming bagay bilang pangkalahatang pagsunod sa mga katotohanang prinsipyo, ngunit hindi makikita rito ang patnubay ng Diyos, o ang gawain ng Banal na Espiritu. May malubhang problema rito, iyan ay ang mga tao na nagsasagawa ng maraming bagay na umaasa lamang sa kanilang karanasan at sa mga tuntunin na naunawaan nila, at sa ilang paglalarawan sa isip ng tao. Mahirap makamtan ang tunay na panalangin sa Diyos at tunay na humingi ng tulong sa Diyos at umasa sa Kanya sa lahat ng ginagawa nila. Kahit nauunawaan ng isang tao ang kalooban ng Diyos, mahirap makamtan ang epekto ng pagkilos ayon sa paggabay ng Diyos, at ayon sa mga katotohanang prinsipyo. Dahil dito, sinasabi Ko na ang pinakadakilang karunungan ay ang humingi ng tulong sa Diyos at umasa sa Kanya sa lahat ng bagay.

Paano makakahingi ng tulong at makakaasa ang mga tao sa Diyos sa lahat ng bagay? Sinasabi ng ilang tao, “Bata pa ako, mababa ang tayog ko, at maikling panahon pa lang akong naniniwala sa Diyos. Hindi ko alam kung paano humingi ng tulong at umasa sa Diyos kapag may nangyayari.” Problema ba ito? Maraming paghihirap sa paniniwala sa Diyos, at kailangan mong dumaan sa maraming pagdurusa, pagsubok, at pasakit. Lahat ng bagay na ito ay nangangailangan ng paghingi ng tulong at pag-asa sa Diyos para makaraos sa mahihirap na sandali. Kung hindi ka makahingi ng tulong at makaasa sa Diyos, hindi ka makakaraos sa mga paghihirap, at hindi mo masusundan ang Diyos. Ang paghingi ng tulong at pag-asa sa Diyos ay hindi isang walang kabuluhang doktrina, ni hindi ito isang mantra para sa paniniwala sa Diyos. Sa halip, ito ay isang mahalagang katotohanan, isang katotohanang dapat mong taglayin para maniwala at sumunod sa Diyos. Sinasabi ng ilang tao, “Ang paghingi ng tulong at pag-asa sa Diyos ay naaangkop lamang kapag may nangyayaring isang malaking kaganapan. Halimbawa, kailangan mo lamang humingi ng tulong at umasa sa Diyos kapag nahaharap ka sa mga pagdurusa, pagsubok, pagkaaresto, at pag-uusig, o kapag nakakaranas ka ng mga paghihirap sa iyong mga tungkulin, o kapag pinupungusan ka at iwinawasto. Hindi na kailangang humingi ng tulong at umasa sa Diyos para sa mga walang saysay na bagay ng personal na buhay, dahil walang pakialam ang Diyos sa mga iyon.” Tama ba ang pahayag na ito? Talagang hindi ito tama. May paglihis dito. Kailangang humingi ng tulong sa Diyos sa mahahalagang bagay, ngunit makakaya mo ba ang mga walang saysay na bagay at maliliit na bagay sa buhay nang walang mga prinsipyo? Sa mga bagay na tulad ng pagbibihis at pagkain, makakakilos ka ba nang walang mga prinsipyo? Siguradong hindi. Paano naman sa mga pakikitungo mo sa mga tao at bagay-bagay? Siguradong hindi. Maging sa pang-araw-araw na buhay at mga walang saysay na bagay, dapat kang magkaroon man lamang ng mga prinsipyo para maisabuhay ang wangis ng tao. Ang mga problemang kinasasangkutan ng mga prinsipyo ay mga problemang kinasasangkutan ng katotohanan. Maaari bang malutas ng mga tao ang mga ito nang mag-isa? Siyempre, hindi. Kaya, kailangan mong humingi ng tulong at umasa sa Diyos. Kapag nakamit mo ang kaliwanagan ng Diyos at naunawaan ang katotohanan, saka lamang malulutas ang mga walang saysay na problemang ito. Kung hindi kayo hihingi ng tulong at aasa sa Diyos, palagay ba ninyo ay malulutas ang mga isyung ito na kinasasangkutan ng mga prinsipyo? Siguradong hindi madali. Masasabi na sa lahat ng bagay na hindi malinaw na nakikita ng mga tao at na kinakailangan ng mga tao na hanapin ang katotohanan, dapat silang humingi ng tulong at umasa sa Diyos. Gaano man kalaki o kaliit, anumang problemang kailangang lutasin gamit ang katotohanan ay nangangailangan ng paghingi ng tulong at pag-asa sa Diyos. Ito ay kinakailangan. Kahit pa nauunawaan ng mga tao ang katotohanan at kayang lutasin ang mga problema nang mag-isa, ang mga pagkaunawa at solusyong ito ay limitado at mababaw. Kung hindi hihingi ng tulong at aasa sa Diyos ang mga tao, hindi maaaring maging napakalalim ng kanilang pagpasok. Halimbawa, kung maysakit ka ngayon, at nakakaapekto ito sa pagganap mo sa iyong tungkulin, kailangan mong ipagdasal ang bagay na ito at sabihing, “Diyos ko, hindi maganda ang pakiramdam ko ngayon, hindi ako makakain, at nakakaapekto ito sa pagganap ko sa aking tungkulin. Kailangan kong suriin ang aking sarili. Ano ba ang tunay na dahilan ng pagkakasakit ko? Dinidisiplina ba ako ng Diyos sa hindi ko pagiging tapat sa aking tungkulin? Diyos ko, hinihiling kong bigyang-liwanag at gabayan Mo ako.” Dapat kang humiyaw nang ganito. Ito ang paghingi ng tulong sa Diyos. Gayunman, kapag humihingi ka ng tulong sa Diyos, hindi pwedeng basta ka lamang susunod sa mga pormalidad at tuntunin. Kung hindi mo hahanapin ang katotohanan para lutasin ang mga problema, maaantala mo ang mga bagay-bagay. Matapos kang manalangin at humingi ng tulong sa Diyos, dapat mo pa ring ipamuhay ang iyong buhay nang nararapat, nang hindi inaantala ang tungkulin na dapat mong ginagampanan. Kung maysakit ka, dapat kang magpatingin sa doktor, at ito ay nararapat. Kasabay nito, dapat kang manalangin, magnilay sa iyong sarili, at hanapin ang katotohanan para malutas ang problema. Ang pagsasagawang tulad nito lamang ang ganap na angkop. Para sa ilang bagay, kung alam ng mga tao kung paano gawin nang maayos ang mga iyon, dapat nilang gawin ang mga iyon. Ganito dapat makipagtulungan ang mga tao. Gayunman, kung lubos mang makakamtan ang ninanais na epekto at mithiin sa mga bagay na ito ay depende sa paghingi ng tulong at pag-asa sa Diyos. Sa mga problemang hindi nakikita nang malinaw ng mga tao at hindi nila nahaharap nang maayos nang mag-isa, lalo silang dapat humingi ng tulong sa Diyos at hanapin ang katotohanan para malutas ang mga iyon. Ang kakayahang gawin ito ang dapat taglayin ng mga taong may normal na pagkatao. Maraming aral na matututunan sa paghingi ng tulong sa Diyos. Sa proseso ng paghingi ng tulong sa Diyos, maaari kang tumanggap ng kaliwanagan ng Banal na Espiritu, at magkakaroon ka ng isang landas, o kung dumating sa iyo ang salita ng Diyos, malalaman mo kung paano makipagtulungan, o marahil ay magsasaayos ang Diyos ng ilang sitwasyon para matuto ka ng mga aral, na mayroong mabubuting layunin ng Diyos. Sa proseso ng paghingi ng tulong sa Diyos, makikita mo ang patnubay at pamumuno ng Diyos, at makakatulong ang mga ito para matuto ka ng maraming aral at magkamit ng higit na pagkaunawa sa Diyos. Ito ang epektong nakakamtan sa paghingi ng tulong sa Diyos. Samakatuwid, ang paghingi ng tulong sa Diyos ay isang aral na dapat matutunan nang madalas ng mga taong sumusunod sa Diyos, at ito ay isang bagay na hinding-hindi nila matatapos na maranasan sa habambuhay. Maraming taong lubhang kakaunti ang karanasan at hindi nakikita ang mga kilos ng Diyos, kaya iniisip nila, “Maraming maliliit na bagay na nagagawa kong mag-isa at kung saan hindi ko kailangang humingi ng tulong sa Diyos.” Mali ito. Ang ilang maliliit na bagay ay humahantong sa malalaking bagay, at nakatago ang kalooban ng Diyos sa ilang maliliit na bagay. Maraming tao ang binabalewala ang maliliit na bagay, at dahil dito, nagkakaroon sila ng malalaking dagok dahil sa maliliit na bagay. Ang mga tunay na may-takot-sa-Diyos na puso, kapwa sa malalaki at maliliit na bagay, ay hihingi ng tulong sa Diyos, mananalangin sa Diyos, ipagkakatiwala ang lahat sa Diyos, at pagkatapos ay titingnan kung paano sila inaaakay at ginagabayan ng Diyos. Kapag nagkaroon ka na ng gayong karanasan, magagawa mong humingi ng tulong sa Diyos sa lahat ng bagay, at habang lalo mong nararanasan ito, lalo mong madarama na ang paghingi ng tulong sa Diyos sa lahat ng bagay ay napakapraktikal. Kapag humihingi ka ng tulong sa Diyos sa isang bagay, posibleng hindi ka bigyan ng Diyos ng isang damdamin, malinaw na kahulugan, o lalo na ng malilinaw na tagubilin, ngunit ipapaunawa Niya sa iyo ang isang ideya, na may eksaktong kaugnayan sa bagay na ito, at ito ang paggabay ng Diyos sa iyo gamit ang ibang pamamaraan at pagbibigay sa iyo ng isang landas. Kung nadarama at nauunawaan mo ito, makikinabang ka. Maaaring hindi mo nauunawaan ang anumang bagay sa sandaling ito, ngunit dapat kang patuloy na manalangin at humingi ng tulong sa Diyos. Walang mali rito, at sa malao’t madali ay mabibigyang-liwanag ka. Ang pagsasagawa sa ganitong paraan ay hindi nangangahulugan ng pagsunod sa mga tuntunin. Sa halip, ito ay pagtugon sa mga pangangailangan ng espiritu, at ganito dapat magsagawa ang mga tao. Maaaring hindi ka makatanggap ng kaliwanagan at patnubay tuwing mananalangin ka at hihingi ng tulong sa Diyos, ngunit dapat magsagawa ang mga tao sa ganitong paraan, at kung nais nilang maunawaan ang katotohanan, kailangan nilang magsagawa sa ganitong paraan. Ito ang normal na kalagayan ng buhay at espiritu, at sa ganitong paraan lamang maaaring mapanatili ng mga tao ang normal na relasyon sa Diyos, upang ang kanilang mga puso ay maging malapit sa Diyos. Samakatuwid ay maaaring masabi na ang paghingi ng tulong sa Diyos ay normal na pakikipag-ugnayan sa Diyos sa puso ng mga tao. Makatanggap ka man ng kaliwanagan at patnubay ng Diyos, dapat kang manalangin at humingi ng tulong sa Diyos sa lahat ng bagay. Ito rin ang hindi maiiwasang paraan ng pamumuhay sa harap ng Diyos. Kapag naniniwala at sumusunod sa Diyos ang mga tao, dapat silang magkaroon ng lagay ng pag-iisip na laging humihingi ng tulong sa Diyos. Ito ang lagay ng pag-iisip na dapat taglayin ng mga taong may normal na pagkatao. Paminsan-minsan, ang paghingi ng tulong sa Diyos ay hindi nangangahulugan ng paghingi sa Diyos na gawin ang isang bagay gamit ang tiyak na mga salita, o paghingi sa Kanya ng tiyak na paggabay o pag-iingat. Sa halip, ito ay yaong kapag nakakasagupa ang mga tao ng ilang usapin, nagagawa nilang tumawag sa Kanya nang taimtim. Kaya, ano ang ginagawa ng Diyos kapag tumatawag ang mga tao sa Kanya? Kapag ang puso ng isang tao ay naaantig at naiisip niya ito: “O Diyos, hindi ko ito magagawang mag-isa, hindi ko alam kung paano ito gagawin, at ako ay nanghihina at negatibo…,” kapag sumaisip nila ang saloobing ito, alam ba ito ng Diyos? Kapag naiisip ng mga tao ang saloobing ito, ang mga puso ba nila ay taimtim? Kapag sila ay taimtim na tumatawag sa Diyos sa ganitong paraan, pumapayag ba ang Diyos na tulungan sila? Sa kabila ng katunayan na maaaring hindi sila nakapagsabi kahit isang salita, nagpapakita sila ng kataimtiman, at kaya sumasang-ayon ang Diyos na tulungan sila. Kapag ang isang tao ay nakakasagupa ng isang napakamasalimuot na paghihirap, kapag wala silang sinumang malalapitan, at kapag nadarama nila ang lalong kawalang-pag-asa, nagtitiwala sila sa Diyos bilang kanilang tanging pag-asa. Paano sila nananalangin? Ano ang kalagayan ng kanilang pag-iisip? Sila ba ay taimtim? Mayroon bang anumang di-dalisay sa panahong iyon? Kapag nagtitiwala ka sa Diyos na parang Siya ang huling hibla na makakapitan mo, umaasang tutulungan ka Niya, na taimtim ang iyong puso. Bagama’t maaaring hindi ka gaanong nagsasalita, ang iyong puso ay naaantig na. Ibig sabihin, ibinibigay mo ang iyong taimtim na puso sa Diyos, at ang Diyos ay nakikinig. Kapag nakikinig ang Diyos, nakikita Niya ang iyong mga paghihirap, liliwanagan ka Niya, gagabayan ka, at tutulungan ka. Kailan nagiging lubos na mataimtim ang puso ng tao? Pinakataimtim ito kapag humihingi ng tulong sa Diyos ang tao kapag walang paraan para makatakas. Ang pinakamahalagang bagay na dapat taglayin sa paghingi ng tulong sa Diyos ay isang pusong taos. Dapat ay nasa kalagayan ka na tunay mong kailangan ang Diyos. Ibig sabihin, dapat maging taos man lamang ang puso ng mga tao, hindi walang gana; hindi dapat bibig lamang nila ang pinagagana nila at hindi ang kanilang puso. Kung iniraraos mo lamang ang pakikipag-usap sa Diyos, ngunit hindi naaantig ang puso mo, at ang ibig mong sabihin ay, “Nakagawa na ako ng sarili kong mga plano, Diyos ko, at ipinaaalam ko lamang iyon sa Iyo. Gagawin ko ang mga iyon pumayag Ka man o hindi. Iniraraos ko lamang iyon,” kung gayon ay problema ito. Nililinlang at pinaglalaruan mo ang Diyos, at isa rin itong pagpapahayag ng kawalan ng pagpipitagan sa Diyos. Paano ka tatratuhin ng Diyos pagkatapos nito? Babalewalain ka ng Diyos at isasantabi ka, at ganap kang mapapahiya. Kung hindi mo aktibong hahanapin ang Diyos at hindi ka magsusumikap sa katotohanan, palalayasin ka.

Karamihan sa mga taong nananampalataya sa Diyos ay nasa ganitong kalagayan. Kadalasan, namumuhay sila nang hindi nag-iisip at walang malay, at kapag walang nangyayaring kakaiba, kapag hindi sila gaanong nahihirapan, hindi sila marunong manalangin sa Diyos o umasa sa Kanya; hindi nila hinahanap ang katotohanan sa harap ng mga pangkaraniwang problema, bagkus ay namumuhay sila sa sarili nilang kaalaman, mga doktrina, at hilig. Alam na alam nila na ang tamang gawin ay umasa sa Diyos, ngunit kadalasan ay umaasa sila sa kanilang sarili at sa mga kapaki-pakinabang na mga kalagayan at mga kapaligiran sa palibot nila, gayundin ang sa alinmang mga tao, mga pangyayari, at mga bagay na sa kalamangan nila. Dito pinakamagaling ang mga tao. Kung saan sila pinakamalala ay sa pag-asa sa Diyos at pagbaling sa Kanya, sapagkat pakiramdam nila ay napakalaking abala ang bumaling sa Diyos, na gaano man sila manalangin sa Diyos, wala pa rin silang matatanggap na kaliwanagan, pagtanglaw, o agarang sagot; kaya iniisip nila na huwag nang mag-abala at maghanap na lang ng isang taong lulutas sa problema. Kung kaya, sa ganitong aspeto ng mga aralin nila, pinakamalala ang pagganap ng mga tao, at pinakamababaw ang pagpasok nila rito. Kung hindi mo matututuhan kung paano bumaling at umasa sa Diyos, hindi mo kailanman makikitang gumawa ang Diyos sa iyo, ang gabayan ka, o ang liwanagan ka. Kung hindi mo nakikita ang mga bagay na ito, ang mga katanungang tulad ng “kung umiiral man ang Diyos at kung ginagabayan man Niya ang lahat-lahat sa buhay ng sangkatauhan” ay matatapos, sa kaibuturan ng puso mo, sa isang tandang pananong sa halip na isang tuldok o isang tandang padamdam. “Ginagabayan ba ng Diyos ang lahat-lahat sa buhay ng sangkatauhan?” “Nagmamasid ba ang Diyos sa kaibuturan ng puso ng tao?” Kung ganoon ka mag-isip, mahihirapan ka. Para sa anong dahilan na ginagawa mong mga katanungan ang mga ito? Kung hindi ka tunay na umaasa o bumabaling sa Diyos, hindi mo magagawang magkaroon ng totoong pananampalataya sa Kanya. Kung hindi ka magkakaroon ng totoong pananampalataya sa Kanya, para sa iyo, yaong mga tandang pananong ay magiging habambuhay na naririyan, sinasamahan ang lahat-lahat ng ginagawa ng Diyos, at hindi magkakaroon ng mga tuldok. Kapag hindi kayo abala, itanong sa sarili ninyo: “‘Naniniwala ako na ang Diyos ang kataas-taasang hari sa lahat ng bagay’—may kasunod bang tandang pananong, tuldok, o tandang padamdam iyan?” Kapag pinagnilayan ninyo ito, hindi ninyo tumpak na masasabi kung ano ang inyong kalagayan nang mga ilang panahon. Matapos kayong magtamo ng kaunting karanasan, malinaw ninyong makikita ang mga bagay-bagay at masasabi ninyo nang may katiyakan: “Tunay ngang ang Diyos ang kataas-taasang hari ng lahat ng bagay!!!” Susundan ito ng tatlong tandang padamdam, at ito ay dahil mayroon kayong tunay na kaalaman tungkol sa paghahari ng Diyos, nang walang anumang mga pagdududa. Alin sa mga ito ang kalagayan ninyo? Kung titingnan ang inyong kasalukuyang mga kalagayan at tayog, malinaw na karamihan ay may mga tandang pananong, at medyo marami ang mga ito. Nagpapahiwatig ito na hindi ninyo nauunawaan ang anumang katotohanan, at na may mga pagdududa pa rin sa puso ninyo. Kapag maraming pagdududa ang mga tao tungkol sa Diyos, nasa bingit na sila ng panganib. Maaari silang mahulog at ipagkanulo ang Diyos anumang oras. At bakit Ko sinasabi na maliit ang tayog ng mga tao? Ano ang batayan ng pagtukoy sa sukat ng tayog ng isang tao? Natutukoy ito ayon sa kung gaano katibay ang tunay na pananampalataya mo sa Diyos at kung gaano karami ang tunay na kaalaman mo. At gaano ba katibay ang taglay ninyo? Nasuri na ba ninyo ang mga bagay na ito dati? Maraming kabataan ang natutong manampalataya sa Diyos sa pamamagitan ng kanilang mga magulang. Natutuhan nila ang ilang doktrina tungkol sa pananampalataya sa Diyos mula sa kanilang mga magulang, at iniisip nila na ang pananampalataya sa Diyos ay isang mabuting bagay, na iyon ay isang positibong bagay, ngunit kailangan pa nilang tunay na maunawaan, o maranasan at mapatunayan ang mga katotohanang dapat maunawaan ng mga mananampalataya sa Diyos. Samakatuwid, napakarami nilang tandang pananong at haka-haka. Karamihan sa mga salitang nagmumula sa kanilang bibig ay hindi mga paninindigan o salitang padamdam, mga tanong ang mga iyon. Ito ay dahil napakarami nilang kakulangan, at hindi makaunawa ng mga bagay-bagay, at hindi masasabi kung magagawa ba nilang manindigan. Normal lang para sa inyo na magkaroon ng maraming katanungan sa edad ninyong 20 at 30, ngunit matapos ninyong matupad ang inyong tungkulin nang mga ilang panahon, ilan sa mga tandang pananong na ito ang magagawa ninyong tanggalin? Magagawa ba ninyong gawing mga tandang padamdam ang mga tandang pananong na ito? Magdedepende ito sa inyong karanasan. Mahalaga ba ito o hindi? (Mahalaga.) Napakahalaga nito! Ano ang kasasabi Ko na pinakadakilang karunungan? (Ang bumaling sa Diyos at umasa sa Kanya sa lahat ng bagay.) Kapag naririnig nila ito, sinasabi ng ilang tao: “Napakasimple at napakakaraniwan ng sagot na iyan. Lumang-luma nang kasabihan iyan, at walang nagsasabi niyan sa panahong ito.” Ang pagbaling sa Diyos ay maaaring parang malinaw na paraan ng pagsasagawa, ngunit ito ay isang leksiyon na dapat pag-aralan at pasukin ng bawat tagasunod ng Diyos habang sila ay nabubuhay. Bumaling ba si Job sa Diyos noong ang edad niya ay 70? (Oo.) At paano siya bumaling sa Diyos? Ano ang mga partikular na pagpapamalas ng pagbaling niya sa Diyos? Nang bawiin sa kanya ang kanyang mga ari-arian at mga anak, paano siya bumaling sa Diyos? Nanalangin siya nang taos-puso, at may ginawa siyang ilang bagay sa panlabas, at ano ang nakasulat sa Bibliya tungkol dito? (“Pinunit ang kanyang balabal, at inahitan ang kanyang ulo, at nagpatirapa sa lupa at sumamba” (Job 1:20).) Nagpatirapa siya sa lupa at sumamba. Iyon ay isang pagpapamalas ng pagbaling sa Diyos! Iyon ay pagiging isang dakilang deboto. Isang bagay ba ito na kaya ninyong gawin? (Hindi pa namin nagagawa ito.) Kung gayon ay handa ba kayong gawin ito? (Oo.) Kung kayang pantayan ng isang tao si Job, katakutan ang Diyos at iwasan ang kasamaan, at maging isang taong walang kasalanan, kung gayon, siya ay perpekto! Ngunit habang tumutupad kayo sa inyong tungkulin, kailangang maging handa kayong magtiis ng hirap. Kailangang patuloy kayong magsikap tungo sa katotohanan. Sa sandaling maunawaan ninyo ang katotohanan at mapangasiwaan ang mga bagay-bagay ayon sa mga prinsipyo, matutupad na ninyo ang mga hinihingi ng Diyos. Kailangan lamang ninyong tandaan ito.

Enero 1, 2015

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.