Mayabang na Kalikasan ang Nasa Ugat ng Paglaban ng Tao sa Diyos (Ikalawang Bahagi)

Dati, madalas Akong dumadaan sa mga iglesia, nakikita ang lahat ng uri ng pamilyang nagho-host at ang lahat ng uri ng mananampalataya sa Diyos. Bakit ayaw Ko nang makipag-ugnayan sa napakaraming tao? Masyadong masama ang mga tao, karamihan sa kanila ay walang konsiyensiya at katwiran, wala silang puwang para sa Diyos, at palagi silang nagpapakana sa paligid Niya, kaya pinipili Kong lumayo sa mga tao, at gawin lamang ang dapat Kong gawin. Sinasabi ng ilang tao: “Hindi ba’t namumuhay ang Diyos kasama ng mga tao?” Naninirahan nga Ako kasama ng mga tao, ngunit hindi Ko kayang manatili kasama ang masasama, masyadong mapanganib ito. Mabuti sana kung mayroon Akong espirituwal na katawan, magagawa Ko ang anuman kasama ng mga tao—ang isang espirituwal na katawan tulad ni Jesus ay magiging maayos, makakakilos Siya kung paano Niya gusto, at hindi mangangahas ang mga tao na mang-usig—ngunit mayroon Ako ngayong normal na katawang gawa sa laman, isang partikular na normal na katawang gawa sa laman, na walang supernatural tungkol dito, kaya hindi ito matatanggap ng mga tao; palagi silang may mga kuru-kuro at gusto nilang suriin ang Diyos. Kung ang ganitong uri ng tao, na may ganitong uri ng disposisyon, ay bibigyan ng kaunting pagdidisiplina at parusa, bibigyan ng isang buwang sakit ng ulo, sa tingin ba ninyo ay makakatulong iyon? Magiging walang silbi iyon. Babangon silang muli pagkatapos ang isang buwang sakit ng ulo at ilalabas ang galit nila. Sa tingin ba ninyo, makapagdudulot ng pagbabago ang pagdidisiplina lamang? Hindi. Kaya, maraming tao ang nakaugnayan Ko noon, ngunit napakakaunti sa kanila ang nagmamahal sa katotohanan. Ang masasabi Ko lang sa inyo, hindi dapat manalig ang mga tao sa Diyos para lang may makuha sa Kanya. Dapat mong isipin lang na magawa nang maayos ang iyong tungkulin, na magamit ang buong lakas mo. Kung masyadong mababa ang kakayahan mo, kung hindi ito angkop na gamitin, dapat kang magmadaling bumaba sa puwesto. Dapat kang maging masunurin at maayos kumilos, gawin mo ang dapat mong gawin, huwag mong gawin ang hindi mo dapat gawin, at dapat kang maging makatwiran. Isa kang tao. Kung hindi ka binigyan ng Diyos ng hininga, buhay, at lakas, wala kang magagawang kahit ano. Hindi dapat humingi ng anumang bagay ang mga tao, ni magkumpara ng mga kwalipikasyon; ang pagkakaroon ng mga kwalipikasyon ay walang silbi sa iyo! Kung gagawin kang lider ng isang iglesia, responsabilidad mo iyon, at kung ibang tao ang ginawang lider, responsabilidad niya iyon. Siyempre, pagdating sa trabaho, dapat kang magbahagi, ngunit hindi ka dapat magkumpara ng mga kwalipikasyon, iniisip na: “Matagal na akong kwalipikado sa iglesiang iyon, dapat nila akong respetuhin. Ako ang pinakamatanda, ikaw ang pangalawa.” Huwag mong sabihin ang gayong bagay, masyado itong hindi makatwiran. Sinasabi rin ng ilang tao: “Isinantabi ko ang sarili kong trabaho para igugol ang sarili ko sa Diyos, isinantabi ko ang aking pamilya, at ano ang natamo ko? Wala akong napala, at pinangangaralan pa rin ng Diyos ang mga tao.” Ano ang tingin mo sa mga salitang ito? Dapat pumanig ang mga tao sa tama at maging malinaw muna sa kanila ang tungkol sa katunayan na sila ay tao, na sila ay tiwaling sangkatauhan pa rin. Kung gagawin kang lider, maging isang lider ka; kung hindi ka gagawing lider, maging isang ordinaryong tagasunod ka; kung bibigyan ka ng gagawin, may pagkakataon kang gumawa ng isang bagay; kung hindi ka bibigyan ng gagawin, wala kang magagawa. Huwag kang magyabang—ang pagmamayabang ay isang masamang tanda, na nagpapatunay na tumatahak ka patungo sa isang sukdulan, patungo sa kamatayan. Huwag kang magyabang, sabihing: “Nakapagpabalik-loob ako ng isang grupo ng mga tao sa isang lugar, sila ang mga bunga ko. Kung hindi ako nagpunta, walang ibang makakagawa niyon. Nang pumunta ako, gumawa ng mahusay na gawain ang Banal na Espiritu!” Huwag kang magyabang sa ganitong paraan. Sa halip, dapat mong sabihin na: “Ang pagpapabalik-loob ng mga taong ito ay bunga ng paggawa ng Banal na Espiritu, kaunti lang ang magagawa ng isang tao. Kung matatapos natin ang pagpapalaganap ng ebanghelyo, at pauuwiin tayo ng Diyos, uuwi tayo.” Huwag mong sabihin na: “Ano ang ginawa kong mali para pauwiin Mo ako? Kung hindi Mo masabi ang dahilan, hindi ako uuwi!” Huwag kang manghingi nang ganito. Kung mayroon ka ng ganitong hinihingi, nagpapatunay ito na talagang mayabang ang disposisyon mo. Kung hindi ka nakagawa ng mali, hindi ka ba maaaring pauwiin? Kung kumikilos ka nang tama, hindi ka ba maaaring pauwiin? Kahit na kumikilos ka nang tama at mahusay na gumagawa, kung pauuwiin ka, dapat kang umuwi. Kung iwinawasto ka, dapat mo itong tanggapin at dapat kang magpasakop. Isa itong obligasyon, isang responsabilidad, at hindi mo dapat ipagtanggol ang iyong sarili. Nanalig si Job sa Diyos at nakatuon lamang sa pagiging takot sa Kanya at pag-iwas sa kasamaan. Walang hiniling si Job, at pinagpala siya ni Jehova. Sinasabi ng ilang tao: “Iyon ay dahil si Job ay mabuti sa Diyos, kaya siyempre pinagpala siya ng Diyos; iyon ay kapalit ng pananampalataya at matuwid na gawain ni Job.” Hindi ito tama, hindi iyon isang palitan, iyon ay dahil ninais ni Jehova na pagpalain si Job. Bakit hindi nagreklamo si Job nang kunin ni Jehova ang lahat sa kanya? Bakit hindi niya sinabing: “Kumikilos ako nang matuwid, napakakwalipikado ko, kaya hindi Mo ako dapat tratuhin nang ganito”? Hindi ito isang usapin ng kung ano ang dapat at hindi dapat! Pagdating sa pananampalataya sa Diyos, kung palaging masusunod ang mga tao, at palagi silang magsasalita tungkol sa mga kuru-kuro at doktrina ng tao, hindi iyon magiging tama. Iyon ay kayabangan ng tao, paghihimagsik ng tao. Ang kagustuhan ng tao ay karumihan ng tao.

Namamalayan ba ninyo kapag inihahayag ninyo ang sarili ninyong mayayabang na disposisyon? Ang ilang tao ay walang kamalayan, at sinasabi nila: “Hindi ako mayabang, hindi ako kailanman nagsabi ng anumang mayabang noon.” Sa katunayan, kahit pa hindi mo ito namamalayan, mayroon ka pa ring mayabang na disposisyon, hindi pa lang ito lumalabas. Ang katunayang hindi mo pa ito naihahayag palabas ay hindi nagpapatunay na wala kang mayabang na disposisyon; posibleng mas mayabang ang puso mo kaysa sa iba, kaya lang, marunong kang magpanggap, kaya hindi ito lumalabas, ngunit nakikita ito ng mga taong may pagkakilala. Kaya, ang bawat tao ay may mayabang na disposisyon, ito ang karaniwang kalikasan ng sangkatauhan. May kakayahan ang mga taong may mapagmataas na kalikasan na suwayin ang Diyos, labanan Siya, at makagawa ng mga bagay na humahatol sa Kanya at nagtataksil sa Kanya, at gumawa ng mga bagay na nagtataas sa kanilang sarili at na isang pagtatangkang magtatag ng kani-kanilang nagsasariling kaharian. Ipagpalagay nang may sampu-sampung libong tao sa isang bansa ang tumanggap sa gawain ng Diyos, at ipinadala ka roon ng sambahayan ng Diyos para pamunuan at ipastol ang mga hinirang ng Diyos. At ipagpalagay nang ibinigay sa iyo ng sambahayan ng Diyos ang awtoridad at pinayagan kang gumawa nang mag-isa, nang walang pagsubaybay Ko o ng sinuman. Pagkaraan ng ilang buwan, magiging parang kataas-taasang hari ka, mapapasakamay mo ang lahat ng kapangyarihan, ikaw ang magdedesisyon, igagalang ka, sasambahin ka, susundin ka ng lahat ng hinirang na para bang ikaw ang Diyos, inaawit sa bawat salita ang iyong mga papuri, sinasabing nangangaral ka ng may malinaw na pagkaunawa, at ipinagpipilitan na ang iyong mga pagpapahayag ang siya nilang kailangan, na ikaw ang makapagtutustos sa kanila at makagagabay sa kanila, at na hindi magkakaroon ng puwang sa puso nila ang Diyos. Hindi ba’t magiging problematiko ang ganitong uri ng gawain? Paano mo sana ito nagawa? Para magawa ng mga taong ito ang gayong reaksyon, patutunayan nito na ang gawaing ginagawa mo ay hindi man lamang kinasangkutan ng pagbibigay patotoo sa Diyos; manapa’y nagpatotoo lamang ito sa iyong sarili at ipinakitang-gilas lamang nito ang iyong sarili. Paano ka makapagkakamit ng gayong kahihinatnan? Sinasabi ng ilang tao na, “Ang ibinabahagi ko ay ang katotohanan; tiyak na hindi ko kailanman pinatotohanan ang aking sarili!” Ang saloobin mong iyan—ang asal mong iyan—ay sumusubok makapagbahagi sa mga tao mula sa posisyon ng Diyos, at hindi ito katulad ng pagtayo sa posisyon ng isang tiwaling tao. Lahat ng sinasabi mo ay mabulaklak na mga pananalita at panghihingi sa iba; wala man lamang kinalaman ito sa iyong sarili. Samakatuwid, ang kahihinatnang makakamit mo ay ang mapasamba mo ang mga tao sa iyo at kainggitan ka nila hanggang, sa huli, silang lahat ay nagpapasakop sa iyo, nagpapatotoo sa iyo, pinupuri ka, at binobola ka nang husto. Kapag nangyari iyon, magiging katapusan mo na; mabibigo ka! Hindi ba ito ang landas na kinaroroonan ninyong lahat ngayon? Kung pinakiusapan kang mamuno ng ilang libo o ng ilang sampung libong katao, makararamdam ka ng kasiyahan. Bibigyang-daan mong umusbong ang kayabangan at magsisimula kang subukang okupahin ang posisyon ng Diyos, nagsasalita at nagmumuwestra, at hindi mo malalaman kung anong susuotin, anong kakainin, o kung paano maglakad. Ikasisiya mo ang mga kaginhawaan ng buhay at itataas ang iyong sarili, hindi minamarapat na makipagkita sa mga ordinaryong kapatid. Ikaw ay lubusang sasama—at mailalantad at palalayasin, pababagsakin na gaya ng arkanghel. May kakayahan kayong gawin ito, hindi ba? Kaya, ano ang dapat ninyong gawin? Kung isang araw ay isinaayos na maging responsable kayo para sa gawain ng ebanghelyo sa bawat bansa, at kaya ninyong tahakin ang landas ng isang anticristo, paano mapapalawak ang gawain kung gayon? Hindi ba ito magiging magulo? Sino, kung gayon, ang mangangahas na payagan kang lumabas doon? Matapos kang ipadala roon, hinding-hindi ka na babalik; hindi ka na magbibigay ng atensyon sa anumang sinabi ng Diyos, at patuloy ka na lamang magpapakitang-gilas at magpapatotoo sa iyong sarili, na parang ikaw ang nagdadala ng kaligtasan sa mga tao, ang gumagawa ng gawain ng Diyos, at ipinararamdam sa mga tao na para bang lumitaw ang Diyos at naritong gumagawa—at habang sinasamba ka ng mga tao, labis kang magagalak, at sasang-ayon ka pa nga kung itinuring ka nilang parang Diyos. Sa sandaling naabot mo ang yugtong iyon, katapusan mo na; mababasura ka. Ang ganitong uri ng mapagmataas na kalikasan ang siyang magiging pagkawasak mo sa huli nang hindi mo namamalayan. Isang halimbawa ito ng taong lumalakad sa landas ng mga anticristo. Ang mga taong umabot na sa puntong ito ay ganap nang nawalan ng kamalayan, ang kanilang konsiyensiya at katwiran ay nawalan na ng silbi, at hindi man lang sila marunong manalangin, o maghanap. Huwag mong hintaying mangyari iyon bago mo isipin na: “Kailangan kong bantayan nang mabuti ang aking sarili, kailangan kong manalangin nang taimtim!” Pagdating ng oras na iyon, magiging masyadong huli na. Kailangan mong malaman ang bagay na ito nang maaga; kailangan kang maghanap: “Paano ako dapat kumilos para makapagpatotoo sa Diyos, para magawa ko nang maayos ang aking gawain, nang hindi ako nagpapatotoo sa aking sarili? Anong mga pamamaraan ang kailangan kong gamitin para magbahagi sa iba, para akayin sila?” Ganito ka dapat maghanda. Kung isang araw ay talagang isinaayos na lumabas kayo at gumawa, at kaya pa rin ninyong itaas at patotohanan ang inyong sarili, na humahantong sa kapahamakan ng maraming taong pinangangasiwaan mo, magkakaproblema ka, at kalaunan ay haharap ka sa parusa ng Diyos! Ayos lang ba sa Akin na hindi sabihin ang mga salitang ito sa inyo? Bago Ko ito sinabi, may kakayahan kayong gawin ito; kung may kakayahan pa rin kayong gawin ito pagkatapos Ko itong sabihin, hindi ba’t magkakaproblema kayo? Kailangan ninyong isipin lahat kung paano gagawin ang gawain ninyo, kung paano umasal nang pinakaangkop. Lahat ng sinasabi at ginagawa ninyo, bawat kilos at galaw, bawat salita at gawa, at bawat intensiyon ng puso ninyo ay kailangang lahat na maabot ang pamantayan; wala ni isang puwedeng hindi makaabot, at hindi kayo maaaring gumamit ng butas na malulusutan. Bagamat kalikasan na ng tao ang kayabangan, at hindi ito madaling baguhin, kailangan pa ring malaman ng mga tao ang kanilang mayayabang na disposisyon, na magkaroon ng mga prinsipyo ng pagsasagawa. Kailangan mong maunawaan: “Kung talagang bibigyan ako ng ilang iglesia, paano ako kailangang kumilos upang hindi ko maagaw ang posisyon ng Diyos? Paano ako kailangan kumilos para hindi ako maging mayabang? Paano ako kikilos nang naaangkop? Paano ako kikilos para madala ang mga tao sa harap ng Diyos, para magpatotoo sa Kanya?” Kailangan mong pagnilayan ang mga bagay na ito hanggang sa maging malinaw ang mga ito. Ipagpalagay na may nagtanong, “Kaya mo bang pamunuan nang maayos ang mga iglesia?” at sinabi mong, “Kaya ko,” ngunit sa halip ay inakay mo ang mga tao patungo sa iyong sariling presensiya—magpapasakop sila sa iyo, ngunit hindi sa Diyos—hindi ba ito magiging problema? Bilang lider o manggagawa, kung hindi mo alam kung ano ang pagdadala ng mga tao sa harap ng Diyos o ang pagdadala sa kanila sa harap mo, kaya mo bang paglingkuran ang Diyos? Puwede ka bang maging angkop na gamitin ng Diyos? Talagang hindi. Hindi ba’t anticristo lahat ang yaong mga may kakayahang dalhin ang iba sa harap nila? Kung nananalig ang isang tao sa Diyos, ngunit wala siyang puwang para sa Diyos sa puso niya, hindi siya natatakot sa Kanya, wala siyang pusong sumusunod sa Diyos, o ng kalooban na magpasakop sa Kanya, ang taong iyon ay hindi nananalig sa Diyos. Kung gayon, kanino ba talaga siya nananalig? Suriin ninyo ito mismo. Huwag ninyong sabihin kalaunan na: “Hindi ako mayabang, mabuti akong tao, gumagawa lang ako ng mabubuting bagay”—masyadong pambata ang mga salitang ito! Lahat ng iba ay mayabang, ngunit ikaw ay hindi? Nabunyag ka na kung gayon, ngunit hindi mo pa rin kilala ang iyong sarili, at sinasabi mo pa rin na hindi ka mayabang—napakakapal ng mukha mo! Napakamanhid mo na hindi na mahalaga kung paano ka nabunyag! Alam ba ninyo ang layon kung bakit Ko sinasabi ang mga salitang ito? Bakit Ko inilalantad ang mga tao? Kung hindi Ako naglalantad nang ganito, makikilala ba nila ang sarili nila? Kung hindi Ako naglalantad nang ganito, iisipin pa rin ng mga tao na napakabuti nila, na ginagawa naman nila nang maayos ang kanilang gawain, na wala silang mga kapintasang dapat tukuyin, at na maayos naman sila sa kabuuan. Kahit pa maayos silang lahat, hindi sila dapat nasa mayabang na kalagayan, ni dapat nilang isipin na kwalipikado sila, ni dapat silang magyabang. Inilalantad Ko ang mga kalagayan ng mga tao sa ganitong paraan hindi para sentensiyahan sila ng kamatayan, o sabihin sa kanila na hindi sila maliligtas, bagkus ay para tulutan silang tunay na makilala ang kanilang sarili, na maunawaan ang kanilang sariling tiwaling diwa at ang kanilang kalikasan, para makamit nila ang isang tunay na pagkakilala sa kanilang sarili. Ito ay kapaki-pakinabang habang sinusubukan nilang iwaksi ang kanilang mga tiwaling disposisyon. Kung kaya ninyong tratuhin sa tamang paraan ang Aking mga salita ng paglalantad at pagwawasto sa mga tao, kung kaya ninyong iwasan na maging pasibo, gawin nang normal ang inyong tungkulin, gawing inyo mismo ang mga usapin ng sambahayan ng Diyos, at kung kaya ninyong umako ng responsabilidad, nang hindi nagiging pabasta-basta, kung kaya ninyong maging tapat sa Diyos, tama ang saloobing ito, at magagawa ninyo nang maayos ang inyong tungkulin.

Mayroong ilang tao na madalas lumalabag sa mga prinsipyo kapag kumikilos sila. Hindi sila tumatanggap ng pagtatabas o pagwawasto, alam nila sa puso nila na naaayon sa katotohanan ang mga sinasabi ng iba, ngunit hindi nila tinatanggap ang mga ito. Ang gayong mga tao ay napakayabang at labis na nag-aakalang mas matuwid sila kaysa sa iba! Bakit sinasabing mayabang sila? Kung hindi sila tumatanggap ng pagtatabas o pagwawasto, hindi sila masunurin, at hindi ba’t kayabangan ang pagsuway? Iniisip nila na mahusay silang gumagawa, hindi nila iniisip na nagkakamali sila, na nangangahulugang hindi nila kilala ang kanilang sarili, na kayabangan. Kaya, may ilang bagay na kailangan mong taimtim na pag-aralan, na suriin nang paunti-unti. Habang ginagawa ninyo ang gawain ng iglesia, kung natatamo mo ang paghanga ng iba, at binibigyan ka nila ng mga mungkahi, at nagtatapat sila sa iyo sa pagbabahagi, nagpapatunay ito na nagawa mo nang maayos ang iyong gawain. Kung palaging napipigilan ang mga tao dahil sa iyo, unti-unti ka nilang makikilatis, at lalayuan ka nila, na nagpapatunay na wala kang katotohanang realidad, kaya lahat ng sinasabi mo ay tiyak na mga salita lamang at doktrina, na layong pigilan ang iba. Ang ilang lider ng iglesia ay pinapalitan, at bakit sila pinapalitan? Ito ay dahil bumibigkas lamang sila ng mga salita at doktrina, at palaging nagpapakitang-gilas at nagpapatotoo sa kanilang sarili. Sinasabi nila na ang paglaban sa kanila ay paglaban sa Diyos, at ang sinumang nag-uulat ng mga sitwasyon sa Itaas ay nanggugulo sa gawain ng iglesia. Anong klaseng problema ito? Naging napakayabang na ng mga taong ito na wala na silang katinuan. Hindi ba’t ipinapakita nito ang kanilang totoong kulay bilang mga anticristo? Hindi ba’t mauuwi ito sa pagsisimulang magtatag ng kani-kanilang nagsasariling kaharian? Ang ilang taong kasisimula pa lang manalig ay sasambahin sila at patototohanan sila, at ikasisiya nila ito nang husto, at labis silang malulugod. Ang isang taong ganito kayabang ay tiyak nang mapapahamak. Ang isang taong may kakayahang sabihin na “ang paglaban sa akin ay paglaban sa Diyos” ay naging isa nang makabagong Pablo; walang pagkakaiba rito at nang sinabi ni Pablo na: “Para sa akin, ang mabuhay ay si Cristo.” Hindi ba’t nasa malaking panganib ang mga taong nagsasalita nang ganito? Kahit pa hindi sila magtatag ng mga nagsasariling kaharian, sila pa rin ay mga tunay na anticristo. Kung ang gayong tao ay mamumuno sa isang iglesia, mabilis na magiging kaharian ng mga anticristo ang iglesiang iyon. Ang ilang tao, pagkatapos nilang maging mga lider ng iglesia, ay partikular na nakatuon sa pagsasalita ng matatayog na sermon at pagpapakitang-gilas, lalo na sa pagsasalita ng mga misteryo para hangaan sila ng mga tao, at ang resulta ay na napapalayo sila nang napapalayo sa katotohanang realidad. Humahantong ito sa pagsamba ng karamihan ng mga tao sa mga espirituwal na teorya. Kung sinuman ang nagsasalita nang matayog, iyon ang pinakikinggan ng mga tao; kung sinuman ang nagsasalita tungkol sa pagpasok sa buhay, hindi sila pinapansin ng mga tao. Hindi ba’t inililigaw nito ang mga tao? Kung nagbabahagi ang isang tao tungkol sa katotohanang realidad, walang nakikinig, na isang problema. Walang iba kundi ang taong ito ang maaaring mamuno sa iglesia, dahil sinasamba ng lahat ang mga espirituwal na teorya; ang mga hindi kayang magsalita tungkol sa mga espirituwal na teorya ay hindi kayang manindigan. Maaari pa rin bang makamit ng gayong iglesia ang gawain ng Banal na Espiritu? Makapapasok ba ang mga tao sa katotohanang realidad? Bakit tinatanggihan ang pagbabahagi tungkol sa katotohanan at pagsasalita tungkol sa mga tunay na karanasan, hanggang sa puntong ayaw nilang makinig sa Akin na magbahagi tungkol sa katotohanan? Nagpapatunay ito na nalinlang at nakontrol na ng mga lider na ito ang mga taong ito. Ang mga taong ito ay nakikinig at nagpapasakop sa kanila, sa halip na magpasakop sa Diyos. Malinaw na ito ang uri ng mga tao na nagpapasakop sa kanilang mga lider, sa halip na sa Diyos. Sapagkat ang mga taong taos-pusong nananalig sa Diyos at naghahangad sa katotohanan ay hindi ang uri na sumasamba o sumusunod sa mga tao; mayroon silang puwang para sa Diyos sa puso nila, at mayroon silang pusong may takot sa Diyos, kaya paanong mapipigilan sila ng mga tao? Paano sila masunuring magpapasakop sa isang huwad na lider na hindi taglay ang katotohanang realidad? Ang pinakakinatatakutan ng isang huwad na lider ay ang isang taong taglay ang katotohanang realidad, isang taong may takot sa Diyos at umiiwas sa kasamaan. Kung hindi taglay ng isang tao ang katotohanan, subalit gusto niyang pasunurin sa kanya ang iba, hindi ba’t iyon ang posibleng pinakamayabang na diyablo o Satanas? Kung sasarilinin mo ang iglesia o kokontrolin ang mga hinirang ng Diyos, nalabag mo ang disposisyon ng Diyos at sinira mo ang iyong sarili, at maaaring ni wala ka nang pagkakataong magsisi. Bawat isa sa inyo ay dapat mag-ingat; isa itong napakamapanganib na bagay, isang bagay na napakadaling gawin ng sinuman. Maaaring may ilan na magsasabing: “Hindi ko talaga gagawin iyon, hindi talaga ako magpapatotoo sa sarili ko!” Iyon ay dahil lang maikling panahon ka pa lang gumagawa. Kalaunan, maglalakas-loob kang gawin ito. Unti-unti kang magiging mas mapangahas—habang mas ginagawa mo ito, mas magiging mapangahas ka. Kung ipagyayabang at pakikinggan ka ng mga taong pinamumunuan mo, likas mong mararamdaman na nasa mataas kang posisyon, na kamangha-mangha ka: “Tingnan ninyo ako, napakagaling ko. Kaya kong pamunuan ang lahat ng taong ito, at nakikinig silang lahat sa akin; ang mga taong hindi nakikinig sa akin ay sinusupil ko. Nagpapatunay ito na mayroon akong kaunting abilidad na gumawa, at kapantay ko ang gawain ko.” Sa paglipas ng panahon, ang mayayabang na elemento ng kalikasan mo ay magsisimulang magpamalas, magiging sobra kang mayabang na mawawalan ka ng katwiran, at manganganib ka. Nakikita mo ba ito nang malinaw? Magkakaproblema ka sa sandaling ihayag mo ang iyong mayabang at masuwaying disposisyon. Hindi ka nakikinig kahit na nagsasalita Ako, pinapalitan ka ng sambahayan ng Diyos, at nangangahas ka pa ring sabihin na: “Hayaan ang Banal na Espiritu na ihayag ito.” Ang katunayang sasabihin mo iyon ay nagpapatunay na hindi mo tinatanggap ang katotohanan. Masyadong matindi ang paghihimagsik mo—inilantad nito ang iyong kalikasang diwa. Talagang hindi mo kilala ang Diyos. Kaya, sinasabi Ko ang lahat ng ito sa inyo ngayon upang bantayan ninyong mabuti ang sarili ninyo. Huwag ninyong itaas o patotohanan ang inyong sarili. Malamang na magtatangkang magtatag ang mga tao ng kani-kanilang nagsasariling kaharian, dahil gusto nilang lahat ang posisyon, kayamanan at kaluwalhatian, banidad, na maging isang tagapaglingkod na may mataas na katayuan, at magpakita ng kapangyarihan: “Tingnan ninyo kung gaano ko kahigpit sinabi ang mga salitang iyon. Noong sandaling kumilos ako nang may pagbabanta, pinanghinaan sila ng loob at naging masunurin.” Huwag kang magpakita ng ganitong uri ng kapangyarihan; wala itong silbi, at wala itong napatutunayan. Nagpapatunay lamang ito na talagang mayabang ka, at mayroon kang hindi magandang disposisyon; hindi nito pinatutunayan na mayroon kang anumang abilidad, lalo na na taglay mo ang katotohanang realidad. Matapos ang pakikinig nang ilang taon sa mga sermon, kilala na ba ninyong lahat ang sarili ninyo? Hindi ba ninyo nararamdaman na nasa mapanganib kayong mga sitwasyon? Kung hindi dahil sa pagsasalita at paggawa ng Diyos para iligtas ang tao, hindi ba’t magtatatag kayo ng sari-sarili ninyong kaharian? Hindi ba’t gusto ninyong sarilinin ang mga iglesiang responsabilidad ninyo, na dalhin ang mga taong iyon sa ilalim ng impluwensiya mo, upang wala sa kanila ang makatakas sa kontrol mo, upang kailanganin nilang makinig sa iyo? Kung kinokontrol mo ang mga tao sa sandaling gawin mo ito, isa kang diyablo, si Satanas. Napakadelikado para sa iyo na magkaroon ng ganoong mga kaisipan; nakatapak ka na sa landas ng isang anticristo. Kung hindi ka magninilay-nilay sa sarili, at kung hindi mo magagawang ipagtapat ang iyong mga kasalanan sa Diyos at magsisi, tiyak na isasantabi ka, at hindi ka bibigyang-pansin ng Diyos. Dapat ay alam mo kung paano magsisi, kung paano baguhin ang iyong sarili upang makaayon ka sa kalooban ng Diyos, upang matiyak mo na hindi mo nilalabag ang disposisyon ng Diyos. Huwag mong hintayin na matukoy ng sambahayan ng Diyos na isa kang anticristo at itiwalag ka—sa panahong iyon, magiging masyado nang huli ang lahat.

Taglagas, 1997

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.