Ikawalong Aytem: Hinihimok Nila ang Iba na sa Kanila Lang Magpasakop, Hindi sa Katotohanan o sa Diyos (Unang Bahagi) Ikaapat na Seksiyon
Isa sa mga pinakahalatang katangian ng diwa ng isang anticristo ay sinosolo niya ang kapangyarihan at pinapatakbo ang mga sarili niyang diktadurya: Hindi siya nakikinig sa sinuman, hindi niya iginagalang ang sinuman, at anuman ang mga kalakasan ng mga tao, o anumang tamang pananaw at matalinong opinyon ang ipinapahayag ng mga ito, o anuman ang mga naaangkop na pamamaraan ang inilalatag ng mga ito, hindi niya pinapansin ang mga iyon; ito ay para bang walang sinuman ang kalipikadong makipagtulungan sa kanya, o makibahagi sa anumang ginagawa niya. Ito ang uri ng disposisyong mayroon ang mga anticristo. Sinasabi ng ilan na ito ay pagiging masamang uri ng pagkatao—pero paanong ito ay pangkaraniwang masamang uri ng pagkatao? Ito ay ganap na isang satanikong disposisyon; at ang gayong disposisyon ay napakalupit. Bakit Ko sinasabing ang kanilang disposisyon ay napakalupit? Kinakamkam ng mga anticristo ang lahat ng bagay mula sa sambahayan ng Diyos at ang pag-aari ng iglesia, at itinuturing ang mga ito bilang kanilang personal na pag-aari, na lahat ng ito ay sila dapat ang namamahala, at hindi nila pinapayagan ang sinuman na makialam dito. Ang mga iniisip lamang nila kapag ginagawa ang gawain ng iglesia ay ang kanilang sariling mga interes, kanilang sariling katayuan, at kanilang sariling pagpapahalaga sa sarili. Hindi nila tinutulutan ang sinuman na pinsalain ang kanilang mga interes, lalo nang hindi nila tinutulutan ang sinumang may kakayahan at nagagawang magsalita tungkol sa kanyang patotoong batay sa karanasan na maging banta sa kanilang reputasyon at katayuan. Kaya naman, sinusubukan nilang supilin at ihiwalay bilang mga katunggali ang mga nagagawang magsalita ng patotoong batay sa karanasan, at kayang magbahagi tungkol sa katotohanan at magtustos para sa mga hinirang na mga tao ng Diyos, at desperado nilang tinatangkang ganap na ibukod ang mga taong iyon mula sa iba, na lubusang dungisan ang pangalan ng mga ito, at pabagsakin ang mga ito. Saka lamang mapapayapa ang mga anticristo. Kung hindi kailanman nagiging negatibo ang mga taong ito, at nagagawang patuloy na gawin ang kanilang tungkulin, nagsasalita ng kanilang patotoo, at sumusuporta sa iba, babaling ang mga anticristo sa huli nilang alas, ang hanapan ng kapintasan ang mga ito at kondenahin ang mga ito, o paratangan ang mga ito at umimbento ng mga dahilan para pahirapan at parusahan ang mga ito, hanggang sa mapaalis ang mga ito sa iglesia. Saka lamang ganap na makakahinga nang maluwag ang mga anticristo. Ito ang pinakamapaminsala at pinakamalisyoso tungkol sa mga anticristo. Ang pinakanagdudulot sa kanila ng takot at pagkabalisa ay ang mga taong naghahangad sa katotohanan at nagtataglay ng tunay na patotoong batay sa karanasan, dahil ang mga taong may gayong patotoo ay ang mga taong pinakasinasang-ayunan at sinusuportahan ng mga hinirang na mga tao ng Diyos, sa halip na ang mga daldal nang daldal nang walang kabuluhan tungkol sa mga salita at doktrina. Ang mga anticristo ay walang tunay na patotoong batay sa karanasan, ni wala silang kakayahang isagawa ang katotohanan; ang pinakakaya nila ay gawin ang ilang mabuting gawa para magpalakas sa mga tao. Ngunit gaano man karaming mabuting gawa ang ginagawa nila o gaano karaming magandang pakinggan na bagay ang sinasabi nila, hindi pa rin ito maikukumpara sa mga pakinabang at bentaheng maaaring idulot sa mga tao ng isang magandang patotoong batay sa karanasan. Walang makakapalit sa mga epekto ng pagtutustos at pagdidilig na naibibigay sa mga hinirang na mga tao ng Diyos ng mga taong nagagawang magsalita tungkol sa kanilang patotoong batay sa karanasan. Kaya nga, kapag nakikita ng mga anticristo ang isang tao na nagsasalita tungkol sa kanyang patotoong batay sa karanasan, nagiging matalim ang tingin nila. Nag-aapoy ang galit sa puso nila, umuusbong ang pagkamuhi, at hindi sila makapaghintay na patahimikin ang nagsasalita at pigilan siyang magsalita pa. Kung patuloy itong magsasalita, lubos na masisira ang reputasyon ng mga anticristo, lubos na malalantad sa lahat ang kanilang pangit na hitsura, kaya humahanap ng dahilan ang mga anticristo para guluhin ang taong nagsasabi ng patotoo, at supilin ito. Pinahihintulutan lamang ng mga anticristo ang kanilang sarili na ilihis ang mga tao gamit ang mga salita at doktrina; at hindi nila pinapayagan ang mga hinirang na mga tao ng Diyos na luwalhatiin ang Diyos sa pamamagitan ng pagsasalita ng kanilang patotoong batay sa karanasan, na nagpapahiwatig kung anong uri ng mga tao ang pinakakinamumuhian at kinatatakutan ng mga anticristo. Kapag napapangibabaw ng isang tao ang kanyang sarili dahil sa isang maliit na gawain, o kapag nagagawa ng isang taong magsalita ng tunay na patotoong batay sa karanasan, at nakakatanggap ng mga pakinabang, napapatibay, at nasusuportahan mula rito ang mga hinirang na mga tao ng Diyos, at nakatatanggap ito ng malaking papuri mula sa lahat, nabubuo ang inggit at poot sa puso ng mga anticristo, at sinusubukan nilang ihiwalay at supilin ang taong ito. Anuman ang sitwasyon, hinding-hindi nila tinutulutan ang gayong mga tao na gumawa ng anumang gawain, upang hindi maging banta ang mga ito sa kanilang katayuan. Napapalutang at nabibigyang-diin ng mga taong may katotohanang prinsipyo ang kahirapan, kasamaan, kapangitan, at kabuktutan ng mga anticristo kapag nasa presensiya nila ang mga ito, kaya kapag pumipili ng katuwang o katrabaho ang mga anticristo, hindi ito kailanman pumipili ng isang taong may katotohanang realidad, hindi siya kailanman pumipili ng mga taong kayang magsalita tungkol sa kanyang patotoong batay sa karanasan, at hindi ito kailanman pumipili ng mga taong matapat o mga taong nakapagsasagawa ng katotohanan. Ito ang mga taong pinakakinaiinggitan at kinapopootan ng mga anticristo, at sila ay tinik sa tagiliran ng mga anticristo. Gaano man karami ang ginagawa na mabuti o kapaki-pakinabang sa gawain ng sambahayan ng Diyos ng mga taong ito na nagsasagawa sa katotohanan, magsisikap nang husto ang mga anticristo upang takpan ang mga gawa na ito. Babaluktutin pa nila ang mga katunayan upang angkinin ang papuri para sa magagandang bagay habang ipinapasa ang sisi para sa masasamang bagay sa iba, para maitaas nila ang kanilang sarili at maliitin ang iba. Malaki ang inggit at pagkamuhi ng mga anticristo sa mga naghahangad sa katotohanan at nagagawang magsalita tungkol sa kanilang patotoong batay sa karanasan. Natatakot sila na magiging banta ang mga taong ito sa sarili nilang katayuan, kaya nga ginagawa nila ang lahat ng makakaya nila para atakihin at ibukod ang mga ito. Pinagbabawalan nila ang mga kapatid na makipag-ugnayan sa mga ito o lumapit sa mga ito, o suportahan o purihin ang mga taong ito na nagagawang magsalita tungkol sa kanilang patotoong batay sa karanasan. Ito ang pinakanagbubunyag sa satanikong kalikasan ng mga anticristo, na tutol sa katotohanan at namumuhi sa Diyos. Kaya nga, pinatutunayan din nito na ang mga anticristo ay masasamang puwersa na salungat sa iglesia, na sila ang dapat sisihin sa panggugulo sa gawain ng iglesia at paghadlang sa kalooban ng Diyos. Higit pa rito, ang mga anticristo ay madalas na gumagawa ng mga kasinungalingan at binabaluktot ang mga katunayan sa mga kapatid, minamaliit at kinokondena ang mga tao na nakapagsasalita ng kanilang patotoong batay sa karanasan. Anuman ang gawain ng mga taong iyon, naghahanap ang mga anticristo ng mga dahilan para ihiwalay at sugpuin sila, at na mapanghusga sa kanila, sinasabing mayabang at mapagmagaling sila, na gusto nilang magpakitang-gilas, at na nagkikimkim sila ng mga ambisyon. Sa katunayan, ang mga taong ito ay may kaunting patotoong batay sa karanasan at nagtataglay ng kaunting katotohanang realidad. Medyo mabuti ang pagkatao nila, may konsensiya at katwiran, at kayang tumanggap ng katotohanan. At kahit na mayroon silang ilang pagkukulang, kahinaan, at paminsan-minsang pagbubunyag ng isang tiwaling disposisyon, kaya nilang magnilay sa kanilang sarili at magsisi. Ang mga taong ito ang mga ililigtas ng Diyos, at may pag-asa na magagawang perpekto ng Diyos. Sa kabuuan, ang mga taong ito ay angkop sa paggawa ng isang tungkulin. Natutugunan nila ang mga hinihingi at prinsipyo sa paggawa ng isang tungkulin. Ngunit iniisip ng mga anticristo, “Hindi ko talaga matitiis ang ganito. Nais mong magkaroon ng papel sa aking nasasakupan, upang makipagpaligsahan sa akin. Imposible iyon; huwag na huwag kang magtatangka. Mas edukado ka kaysa sa akin, mas matatas magsalita kaysa sa akin, mas sikat kaysa sa akin, at mas masikap mong hinahangad ang katotohanan kaysa sa akin. Kung makikipagtulungan ako sa iyo at inagaw mo ang atensyon mula sa akin, ano na lang ang gagawin ko?” Isinasaalang-alang ba nila ang mga interes ng sambahayan ng Diyos? Hindi. Ano ang iniisip nila? Iniisip lamang nila kung paano kakapit sa sarili nilang katayuan. Kahit alam ng mga anticristo na hindi nila kayang gumawa ng totoong gawain, hindi nila nililinang o itinataas ng ranggo ang mga taong mahusay ang kakayahan na naghahangad sa katotohanan; ang tanging itinataas nila ng ranggo ay ang mga taong nambobola sa kanila, mga mahilig sumamba sa iba, na sumasang-ayon at humahanga sa kanila sa puso ng mga ito, mga taong mahusay sa pakikipag-ugnayan, na walang pagkaunawa sa katotohanan at hindi kayang kumilatis. Dinadala ng mga anticristo ang mga taong ito sa kanilang panig para paglingkuran sila, maging abala para sa kanila, at gugulin ang bawat araw para sa kanila. Ito ang nagbibigay sa mga anticristo ng kapangyarihan sa iglesia, at nangangahulugan ito na maraming tao ang lumalapit sa kanila, at sumusunod sa kanila, at na walang sinuman ang nangangahas na salungatin sila. Ang lahat ng mga taong ito na nililinang ng mga anticristo ay mga taong hindi naghahangad ng katotohanan. Karamihan sa kanila ay walang espirituwal na pang-unawa at walang alam kundi ang pagsunod sa panuntunan. Gusto nilang sinusundan ang mga uso at ang mga may kapangyarihan. Sila ay ang uri na lumalakas ang loob kapag nagkakaroon ng isang makapangyarihang amo—isang grupo ng mga taong magulo ang isip. Ano nga ba ang kasabihang iyon ng mga walang pananampalataya? Mas mabuti pang maging isang eskudero sa isang mabuting tao kaysa maging sinasambang ninuno ng isang masamang tao. Ganap na kabaligtaran ang ginagawa ng mga anticristo—kumikilos sila bilang mga sinasambang ninuno ng gayong mga tao, at naghahanda para linangin ang mga ito bilang kanilang mga tagawagayway ng watawat at tagapagpasaya. Sa tuwing may isang anticristo na nasa kapangyarihan sa isang iglesia, palagi silang mangangalap ng mga taong magulo ang isip at ang mga pikit-matang nagloloko bilang kanilang mga katulong, habang inihihiwalay at sinusugpo ang mga taong may kakayahan na nakauunawa at nagsasagawa ng katotohanan, na kayang gumawa ng trabaho—at lalo na ang mga lider at manggagawa na may kakayahan sa aktuwal na trabaho. Sa ganitong paraan, dalawang kampo ang nabubuo sa iglesia: Sa isang kampo ay ang mga medyo matapat ang pagkatao, na gumagawa ng kanilang tungkulin nang may katapatan, at mga taong naghahangad ng katotohanan. Ang kabilang kampo ay isang grupo ng mga taong magulo ang isip at pikit-matang nagloloko, na pinamumunuan ng mga anticristo. Ang dalawang kampong ito ay magpapatuloy sa pakikipaglaban sa isa’t isa hanggang sa ang mga anticristo ay mabunyag at maitiwalag. Ang mga anticristo ay palaging lumalaban at kumikilos laban sa mga taong gumagawa ng kanilang tungkulin nang may katapatan at naghahangad ng katotohanan. Hindi ba’t lubha nitong nagugulo ang gawain ng iglesia? Hindi ba’t ginagambala at ginugulo nito ang gawain ng Diyos? Ang puwersa bang ito ng mga anticristo ay hindi isang katitisuran at isang balakid na pumipigil sa pagsasakatuparan ng kalooban ng Diyos sa iglesia? Hindi ba’t ito ay isang buktot na puwersang sumasalungat sa Diyos? Bakit kumikilos ang mga anticristo sa ganitong paraan? Dahil sa isipan nila, malinaw na kung tatayo at magiging mga lider at manggagawa ang mga positibong karakter na ito, magiging mga katunggali sila ng mga anticristo; magiging salungat na puwersa sila sa mga anticristo, at talagang hindi sila makikinig sa mga salita ng mga anticristo o susunod sa kanila; talagang hindi nila susundin ang bawat utos ng mga anticristo. Sapat ang mga taong ito para maging banta sa katayuan ng mga anticristo. Kapag nakikita ng mga anticristo ang mga taong ito, lumilitaw ang poot sa kanilang puso; ang kanilang mga puso ay mawawalan ng kapayapaan at katiyakan kung hindi nila ihihiwalay at tatalunin ang mga taong ito at sisirain ang kanilang pangalan. Samakatwid, dapat kumilos sila nang mabilis para linangin ang sarili nilang kapangyarihan at palakasin ang kanilang hanay. Sa ganitong paraan, mas makokontrol nila ang mga hinirang na mga tao ng Diyos, at hindi na muling mag-aalala tungkol sa ilang naghahangad ng katotohanan na nagbabanta sa kanilang katayuan. Bumubuo ang mga anticristo ng sarili nilang puwersa sa iglesia, kinukuha ang mga nakikinig sa kanila, sumusunod sa kanila, at sipsip sa kanila, at itinataas sa katungkulan ang mga ito para mamahala sa bawat aspekto ng gawain. Ang paggawa ba nito ay kapaki-pakinabang sa gawain ng sambahayan ng Diyos? Hindi. Hindi lamang ito hindi kapaki-pakinabang, lumilikha rin ito ng pagkagambala at panggugulo sa gawain ng iglesia. Kung ang buktot na puwersang ito ay may higit sa kalahati ng mga tao sa panig nito, may tsansang mapababagsak nito ang iglesia. Ito ay dahil ang bilang ng mga naghahangad ng katotohanan sa iglesia ay nasa minorya lamang, samantalang ang mga trabahador at hindi mananampalataya na naroroon lamang para kumain hangga’t gusto nila ay hindi bababa sa kalahati. Sa sitwasyong ito, kung itutuon ng mga anticristo ang lakas nila sa panlilinlang at pang-aakit sa mga taong iyon sa kanilang panig, natural na magkakaroon sila ng higit na kapangyarihan kapag naghalal ang iglesia ng mga lider. Samakatwid, palaging binibigyang-diin ng sambahayan ng Diyos na sa panahon ng halalan, dapat na magbahagi tungkol sa katotohanan hanggang sa maging malinaw ito. Kung hindi mo magawang isiwalat at talunin ang mga anticristo sa pamamagitan ng pagbabahagi tungkol sa katotohanan, puwedeng iligaw ng mga anticristo ang mga tao at mahalal bilang lider, sinasakop at kinokontrol ang iglesia. Hindi ba’t iyon ay isang mapanganib na bagay? Kung isa o dalawang anticristo ang lumitaw sa iglesia, hindi ito magdudulot ng takot, pero kung ang mga anticristo ay magiging isang puwersa at magkakamit ng isang partikular na antas ng impluwensiya, magdudulot iyon ng takot. Samakatwid, kailangang mabunot at mapatalsik ang mga anticristo sa iglesia bago nila makamit ang antas ng impluwensiyang iyon. Ang gawaing ito ay may pinakamataas na priyoridad, at kinakailangan itong gawin. Bukod pa rito, ang mga hindi mananampalatayang iyon sa iglesia, lalo na ang mga may hilig sumamba at sumunod sa tao, na gustong sumunod sa puwersa, na gustong maging kasabwat at alipores ng mga demonyo, na gustong bumuo ng mga pangkat—ang gayong mga hindi mananampalataya at mga diyablong tulad nila ay dapat na paalisin sa lalong madaling panahon. Iyan ang tanging paraan para maiwasan ang mga taong iyon na bumuo ng puwersa na gugulo at kokontrol sa iglesia. Ito ay isang bagay na dapat na malinaw na makita ng hinirang na mga tao ng Diyos, isang bagay na dapat intindihin ng mga nakauunawa sa katotohanan. Ang lahat ng pumapasan ng gawain ng iglesia, lahat ng may pagsasaalang-alang sa mga layunin ng Diyos, ay dapat na makita ang mga bagay na ito sa kung ano sila. Dapat nilang makita lalo na ang uri ng mga anticristo kung ano sila, gayundin ang maliliit na diyablo na gustong nambobola at sumasamba sa mga tao, at pagkatapos ay maglagay ng mga paghihigpit sa kanila o alisin sila sa iglesia. May napakalaking pangangailangan para sa pagsasagawang tulad nito. Ang mga taong tulad ng mga anticristo ay partikular na naglalayong makipag-ugnayan sa gayong mga taong magulo ang isip, mga walang kuwentang tao, at mga ubod ng samang tao na hindi tumatanggap o nagmamahal sa katotohanan. Hinihikayat nila ang mga ito sa kanilang panig at “nakikipagtulungan” sa kanila nang medyo maayos, at matalik, at masigasig. Anong mga klaseng nilalang ang mga taong iyon? Hindi ba’t mga miyembro sila ng mga grupo ng anticristo? Kung dapat palitan ng Itaas ang kanilang “sinasambang ninuno,” ang masusunuring supling na ito ay hindi maninindigan para rito—huhusgahan nila ang Itaas bilang hindi patas, at magsasama-sama sila para ipagtanggol ang mga anticristo. Puwede ba silang pahintulutan ng sambahayan ng Diyos na manaig? Ang gagawin lang nito ay ihagis ang lambat nito sa kanilang lahat at paalisin silang lahat. Mga demonyo sila ng mga grupo ng mga anticristo, at wala ni isa man sa kanila ang puwedeng pakawalan. Ang mga taong tulad ng mga anticristo ay bihirang kumilos nang mag-isa; kadalasan, nagtitipon sila ng isang grupo para kasamang kumilos, na binubuo ng hindi bababa sa dalawa o tatlong tao. Gayumpaman, may ilang indibidwal na kaso ng mga anticristo na kumikilos bilang mga indibidwal. Ito ay dahil wala silang mga talento, o marahil ay hindi nila nakuha ang kanilang tsansa. Gayumpaman, ang pagkakatulad nila sa iba ay ang kanilang espesyal na pagmamahal sa katayuan. Huwag mong ipagpalagay na hindi nila mahal ang katayuan dahil wala silang mga kasanayan o edukasyon. Mali iyan. Hindi mo pa nakikita nang malinaw ang diwa ng isang anticristo—hangga’t ang isang tao ay isang anticristo, gusto niya ang katayuan. Sa pagkakita na ang mga anticristo ay walang kakayahang makipagtulungan sa kahit na kanino, bakit naglilinang sila ng gayong grupo ng mga taong magulo ang isip, basura, at hayop para magpalugod sa kanila? Gusto ba nilang makipagtulungan sa mga taong ito? Kung talagang kaya nilang makipagtulungan sa mga ito, ang pahayag na “walang kakayahan ang mga anticristo na makipagtulungan sa kahit na kanino” ay walang kabuluhan. Wala silang kakayahang makipagtulungan sa kahit na kanino—na ang “kahit kanino” ay pangunahing tumutukoy sa mga positibong tao, pero kung isasaalang-alang ang disposisyon ng isang anticristo, hindi rin sila puwedeng makipagtulungan sa kanilang mga kasabwat. Kaya, ano ang ginagawa nila sa paglinang sa mga taong ito? Nililinang nila ang isang grupo ng mga taong magulo ang isip na madaling utus-utusan, na madaling manipulahin, walang mga sarili nilang pananaw, na ginagawa ang anumang sabihin ng mga anticristo—para patuloy na sama-samang pangalagaan ang katayuan ng mga anticristo. Kung sasandig ang isang anticristo sa kanyang sarili, mag-iisa lang siya, at hindi magiging madaling bagay para sa kanyang pangalagaan ang kanyang katayuan. Kaya naman hinihikayat niya ang isang grupo ng mga taong magulo ang isip para pumalibot sa kanya araw-araw at gumawa ng mga bagay-bagay para sa kanyang kapakanan. Inililigaw pa nga niya ang hinirang na mga tao ng Diyos: Sinasabi niya kung paano hinahangad ng mga taong ito ang katotohanan at kung paano sila nagdurusa; sinasabi niyang karapat-dapat silang alagaan; sinasabi pa nga niya na kapag may isyu ang mga taong ito, nagtatanong sila sa kanya tungkol dito, at tinatanong siya tungkol dito—na lahat sila ay mga masunurin at mapagpasakop na tao. Nakikipagtulungan ba siya sa paggawa ng kanyang tungkulin? Ang anticristo ay naghahanap ng isang grupo ng mga tao na kikilos para sa kanya, na magiging mga alipores niya, mga kasabwat niya, para patatagin ang kanyang katayuan. Hindi iyon pakikipagtulungan—pagpapatakbo iyon ng sarili niyang operasyon. Ganyan ang puwersa ng mga anticristo.
Ano ang masasabi ninyo, mahirap bang makipagtulungan sa ibang tao? Hindi naman, sa totoo lang. Masasabi pa nga ninyong madali ito. Subalit bakit pakiramdam pa rin ng mga tao ay mahirap ito? Dahil mayroon silang mga tiwaling disposisyon. Para sa mga nagtataglay ng pagkatao, konsensiya, at katwiran, ang pakikipagtulungan sa iba ay medyo madali, at nararamdaman nilang ito ay isang bagay na nakakagalak. Ito ay dahil hindi madali para sa kahit sino na magawa ang mga bagay-bagay nang mag-isa, at anuman ang larangan na kanilang kinasasangkutan, o anuman ang kanilang ginagawa, palaging mabuti na may isang taong naroon para tukuyin ang mga bagay-bagay at mag-alok ng tulong—mas madali kaysa gawin ito nang mag-isa. Gayundin, may mga limitasyon sa kung ano ang magagawa ng kakayahan ng mga tao o kung ano ang kaya nila mismong maranasan. Walang sinuman ang maaaring maging dalubhasa sa lahat ng bagay: imposible para sa isang tao na malaman ang lahat, maging may kakayahan sa lahat, magawa ang lahat—imposible iyon, at dapat taglayin ng lahat ang gayong katwiran. At kaya, anuman ang gawin mo, mahalaga man ito o hindi, palagi kang mangangailangan ng isang taong tutulong sa iyo, para bigyan ka ng mga paalala at payo, o para gumawa ng mga bagay-bagay sa pakikipagtulungan sa iyo. Ito ang tanging paraan para masigurong magagawa mo ang mga bagay-bagay nang mas tama, mas magiging kaunti ang mga pagkakamali at mas malamang na hindi ka maliligaw—mabuting bagay ito. Ang paglilingkod sa Diyos, sa partikular, ay isang malaking bagay, at ang hindi paglutas sa iyong tiwaling disposisyon ay maaaring maglagay sa iyo sa panganib! Kapag ang mga tao ay may mga satanikong disposisyon, maaari silang maghimagsik at sumalungat sa Diyos anumang oras at saanmang lugar. Ang mga taong namumuhay ayon sa mga satanikong disposisyon ay maaaring tanggihan, salungatin, at ipagkanulo ang Diyos anumang oras. Napakahangal ng mga anticristo, hindi nila ito napagtatanto, iniisip nilang, “Ang dami ko nang problemang pinagdaanan para magkaroon ng kapangyarihan, bakit ko ito ibabahagi sa iba? Ang pagbibigay nito sa iba ay nangangahulugang wala nang matitira para sa sarili ko, hindi ba? Paano ko maipakikita ang aking mga talento at abilidad nang walang kapangyarihan?” Hindi nila alam na ang ipinagkatiwala ng Diyos sa mga tao ay hindi kapangyarihan o katayuan, kundi isang tungkulin. Ang tinatanggap lamang ng mga anticristo ay kapangyarihan at katayuan, isinasantabi nila ang kanilang mga tungkulin, at hindi sila gumagawa ng aktuwal na gawain. Sa halip, naghahangad lamang sila ng kasikatan, pakinabang at katayuan, at gusto lamang nilang kamkamin ang kapangyarihan, kontrolin ang mga hinirang na tao ng Diyos, at tamasahin ang mga benepisyo ng katayuan. Ang paggawa ng mga bagay sa ganitong paraan ay lubhang mapanganib—ito ay pagsalungat sa Diyos! Sinumang naghahangad ng kasikatan, pakinabang at katayuan sa halip na maayos na gampanan ang kanilang tungkulin ay naglalaro ng apoy at naglalagay ng kanilang buhay sa panganib. Ang mga naglalaro ng apoy at ng kanilang buhay ay maaaring magpahamak sa kanilang sarili anumang sandali. Ngayon, bilang isang lider o manggagawa, naglilingkod ka sa Diyos, na hindi isang ordinaryong bagay. Hindi ka gumagawa ng mga bagay para sa kung sinong tao, lalong hindi ka nagtatrabaho para mabayaran ang mga bayarin at matustusan ang mga pangangailangan mo; sa halip, ginagampanan mo ang iyong tungkulin sa iglesia. At ipagpalagay natin, sa partikular, na ang tungkuling ito ay nagmula sa atas ng Diyos, ano ang ipinapahiwatig ng paggawa nito? Na ikaw ay may pananagutan sa Diyos sa iyong tungkulin, gawin mo man ito nang maayos o hindi; sa huli, dapat mag-ulat sa Diyos, dapat may kinalabasan. Ang tinanggap mo ay atas ng Diyos, isang banal na responsabilidad, kaya gaano man kalaki o kaliit ang kahalagahan ng responsabilidad na ito, seryosong usapan ito. Gaano ito kaseryoso? Sa maliit na antas kinapapalooban ito ng kung makakamit mo ang katotohanan sa buhay na ito at kinapapalooban ito ng kung paano ka tinitingnan ng Diyos. Sa mas malaking antas, direkta itong nauugnay sa iyong kinabukasan at kapalaran, sa iyong kalalabasan; kung gagawa ka ng kasamaan at sasalungatin ang Diyos, kokondenahin ka at parurusahan. Ang lahat ng ginagawa mo kapag ginagampanan mo ang iyong tungkulin ay itinatala ng Diyos, at ang Diyos ay may mga sarili Niyang prinsipyo at pamantayan kung paano ito mamarkahan at susuriin; itinatakda ng Diyos ang iyong kalalabasan batay sa lahat ng ipinamamalas mo habang ginagampanan mo ang iyong tungkulin. Seryosong usapin ba ito? Talagang seryoso ito! Kaya, kung itinalaga sa iyo ang isang gawain, sariling usapin mo ba ito para asikasuhin? (Hindi.) Ang gawaing iyon ay hindi isang bagay na kaya mong kumpletuhin nang mag-isa, subalit hinihingi nitong akuin mo ang responsabilidad para dito. Ang responsabilidad ay sa iyo; dapat mong kumpletuhin ang atas na iyon. Ano ang tinatalakay nito? Tinatalakay nito ang pagtutulungan, kung paano makikipagtulungan sa pagseserbisyo, kung paano makikipagtulungan para magampanan ang iyong tungkulin, kung paano makikipagtulungan para makumpleto ang iyong atas, kung paano makikipagtulungan nang sa gayon ay masusunod mo ang kalooban ng Diyos. Tinatalakay nito ang mga bagay na ito.
Ang maayos na pagtutulungan ay kinapapalooban ng maraming bagay. Kahit papaano, ang isa sa maraming bagay na ito ay ang pahintulutan ang iba na magsalita at magbigay ng ibang mga mungkahi. Kung tunay kang makatwiran, anumang uri ng gawain ang ginagawa mo, kailangan mo munang matutunang hanapin ang mga katotohanang prinsipyo, at dapat ka ring magkusang hingin ang mga opinyon ng iba. Basta’t sineseryoso mo ang bawat mungkahi, at pagkatapos ay nilulutas ang mga problema nang may pagkakaisa, talagang makakamit mo ang maayos na pagtutulungan. Sa ganitong paraan, makararanas ka ng mas kaunting paghihirap sa iyong tungkulin. Anumang mga problema ang lumitaw, magiging madaling lutasin at harapin ang mga ito. Ito ang epekto ng maayos na pagtutulungan. Kung minsan ay may mga pagtatalo tungkol sa mga walang kuwentang bagay, subalit basta’t hindi nito naaapektuhan ang gawain, hindi magiging problema ang mga ito. Gayunman, sa mahahalaga at malalaking bagay na kinasasangkutan ng gawain ng iglesia, kailangan ninyong magkasundo at hanapin ang katotohanan para malutas ang mga ito. Bilang isang lider o isang manggagawa, kung palagi mong iniisip ang iyong sarili nang higit kaysa sa iba, at nagpapakasaya sa iyong tungkulin na parang ito ay isang posisyon sa gobyerno, palaging nagpapakasasa sa mga benepisyo ng iyong katayuan, palaging gumagawa ng mga sarili mong plano, palaging iniisip at tinatamasa ang sarili mong kasikatan, pakinabang at katayuan, palaging nagpapatakbo ng sarili mong operasyon, at palaging naghahangad na magtamo ng mas mataas na katayuan, na mapamahalaan at makontrol ang mas maraming tao, at mapalawak ang saklaw ng iyong kapangyarihan, problema ito. Lubhang mapanganib na tratuhin ang isang mahalagang tungkulin bilang isang pagkakataon para tamasahin ang iyong posisyon na para bang isa kang opisyal ng gobyerno. Kung palagi kang kikilos nang ganito, ayaw makipagtulungan sa iba, ayaw bawasan ang iyong kapangyarihan at ibahagi ito sa iba, ayaw na masapawan ka ng iba, na maagaw ang katanyagan, kung gusto mo lang tamasahing mag-isa ang kapangyarihan, isa kang anticristo. Subalit kung madalas mong hinahanap ang katotohanan, isinasagawa ang paghihimagsik laban sa iyong laman, sa mga sarili mong motibasyon at ideya, at nagagawa mong kusang makipagtulungan sa iba, buksan ang puso mo para sumangguni at maghanap kasama ng iba, makinig nang mabuti sa mga ideya at mungkahi ng iba, at tumanggap ng payo na tama at naaayon sa katotohanan, kanino man iyon manggaling, nagsasagawa ka sa isang matalino at tamang paraan, at nagagawa mong iwasang tumahak sa maling landas, na proteksyon para sa iyo. Dapat mong talikuran ang mga titulo ng pagiging lider, talikuran ang maruming hangin ng katayuan, tratuhin ang sarili mo bilang isang ordinaryong tao, tumayong kapantay ng iba, at maging responsable sa iyong tungkulin. Kung palagi mong tatratuhin ang iyong tungkulin bilang isang opisyal na titulo at katayuan, o bilang isang uri ng karangalan, at iisiping naroon ang iba para gumawa at magserbisyo para sa iyong posisyon, problema ito, at kamumuhian at kasusuklaman ka ng Diyos. Kung naniniwala ka na kapantay ka ng iba, mayroon ka lamang kaunting atas at responsabilidad mula sa Diyos, kung matututo kang ipantay ang sarili mo sa kanila, at makakapagpakumbaba pa nga para tanungin kung ano ang iniisip ng ibang mga tao, at kung kaya mong pakinggan nang taimtim, masinsinan, at mabuti ang sinasabi nila, makikipagtulungan ka nang maayos sa iba. Ano ang epektong makakamtan ng maayos na pagtutulungang ito? Malaki ang epekto. Magkakamit ka ng mga bagay na hindi mo pa nakakamit dati, na iyon ay ang liwanag ng katotohanan at mga realidad ng buhay; matutuklasan mo ang mabubuting katangian ng iba at matututo ka mula sa kanilang mga kalakasan. Mayroon pang iba: Ang tingin mo sa ibang mga tao ay walang alam, mahina ang utak, hangal, mas mababa sa iyo, subalit kapag nakinig ka sa kanilang mga opinyon, o nagtapat sa iyo ang ibang mga tao, matutuklasan mo nang hindi sinasadya na walang sinumang kasing-ordinaryo na tulad ng iniisip mo, na lahat ay maaaring magbigay ng ibang mga kaisipan at ideya, at na ang lahat ay may mga sarili nilang merito. Kung matututo kang makipagtulungan nang maayos, higit pa sa pagtulong lamang sa iyo na matuto mula sa mga kalakasan ng iba, maaaring ilantad nito ang iyong kayabangan at pagmamagaling, at pigilan kang isipin na matalino ka. Kapag hindi mo na itinuturing na mas matalino ka at mas magaling kaysa sa lahat ng iba pa, titigil ka na sa pamumuhay sa kalagayang ito ng sobrang pagpapahalaga sa sarili. At poprotektahan ka niyan, hindi ba? Gayon ang aral na dapat mong matutunan at ang benepisyong dapat mong makamit sa pakikipagtulungan sa iba.
Sa mga pakikitungo Ko sa mga tao, nakikinig Akong mabuti sa sinasabi ng karamihan ng mga tao. Tinitiyak Kong sinusuri Ko ang lahat ng uri ng mga tao, at pinakikinggan silang magsalita, at pinag-aaralan ang wika at estilong ginagamit nila sa paggawa nito. Ipinagpapalagay mo dati, halimbawa, na karamihan ng mga tao ay may kaunti lang na edukasyon, subalit hindi marunong ng mga kasanayan ng isang hanapbuhay, kaya hindi na kinakailangang makipag-ugnayan sa kanila. Sa katunayan, hindi tama iyan. Kapag nakasasalamuha mo ang mga taong ito, o kahit na ang ilang espesyal na tao, nagagawa mong maunawaan ang mga bagay sa kaibuturan ng kanilang puso na hindi mo makita o maunawaan—mga bagay tulad ng kanilang mga iniisip at pananaw, ang ilan ay baluktot, at ang ilan ay wasto. Siyempre, maaaring medyo malayo pa sa katotohanan ang “pagiging wasto” na iyon; maaaring wala itong kinalaman dito. Subalit magagawa mong malaman ang mas maraming aspekto ng kalikasan ng tao. Hindi ba’t iyan ay isang mabuting bagay para sa iyo? (Isang mabuting bagay ito.) Iyan ang kabatiran; isa itong paraan ng paglilinang sa iyong kabatiran. Maaaring sabihin ng ilan na, “Ano ang silbi ng paglilinang ng ating kabatiran?” Kapaki-pakinabang ito para sa pag-unawa mo sa iba’t ibang uri ng mga tao, at sa iyong pagkilatis at paghimay sa iba’t ibang uri ng mga tao, at lalong higit sa iyong kakayahang tumulong sa iba’t ibang uri ng mga tao. Ito ang landas kung saan maraming gawain ang ginagawa. Ang ilang tao ay huwad na espirituwal at naniniwalang, “Ngayong nananampalataya ako sa Diyos, hindi ako nakikinig sa mga broadcast o mga balita, at hindi ako nagbabasa ng mga pahayagan. Hindi ako nakikipag-ugnayan sa panlabas na mundo. Ang lahat ng tao, mula sa lahat ng antas ng pamumuhay at propesyon, ay mga demonyo!” Buweno, mali ka. Kung nasa iyo ang katotohanan, matatakot ka pa rin bang makipag-ugnayan sa mga demonyo? Maging ang Diyos kung minsan ay may mga pakikitungo kay Satanas sa espirituwal na mundo. Nagbabago ba Siya para dito? Hindi kahit kaunti. Natatakot kang makipag-ugnayan sa mga demonyo, at sa loob ng takot na iyon, may isang problema. Ang talagang dapat katakutan ay na hindi mo nauunawaan ang katotohanan, na mayroon kang hindi tumpak na pagkaarok at pananaw sa pananampalataya sa Diyos at sa katotohanan, na marami kang kuru-kuro at imahinasyon, at na masyado kang nagiging dogmatiko. Iyon ang dahilan kung bakit, ikaw man ay isang lider o manggagawa o isang lider ng grupo, anumang trabaho ang may responsabilidad ka at anuman ang papel na iyong ginagampanan, dapat mong matutunang makipagtulungan sa iba at makipag-ugnayan sa kanila. Huwag kang magbulalas ng magagarbong ideya, at huwag palaging magpanggap na maharlika, para bigyang-pansin ka ng mga tao. Kung palagi kang nagbubulalas ng magagarbong ideya, at hindi ka kailanman nagsasagawa ng katotohanan, o nakikipagtulungan sa iba, ginagawa mong hangal ang iyong sarili. Sino ang magbibigay-pansin sa iyo kung ganoon? Paano nangyari ang pagbagsak ng mga Pariseo? Palagi silang nangangaral ng mga teoryang teolohiko at nagbubulalas ng magagarbong ideya. Habang ginagawa nila iyon, wala na ang Diyos sa kanilang puso—tinanggihan nila Siya, at ginamit pa nga ang mga kuru-kuro, kautusan, at tuntunin ng tao para kondenahin at salungatin ang Diyos, at ipako Siya sa krus. Buong araw nilang hawak ang kanilang mga Bibliya, binabasa at sinasaliksik ang mga ito, at matatas na nakapagsasalita ng kasulatan. At ano ang kinahinatnan noon, sa huli? Hindi nila alam kung nasaan ang Diyos, o kung ano ang Kanyang disposisyon, at kahit na nagpahayag Siya ng maraming katotohanan, hindi nila tinanggap ang kahit katiting ng mga ito, sa halip ay sinalungat at kinondena nila Siya. Hindi ba’t iyon ang katapusan nila? Malinaw ninyong nalalaman kung ano ang mga resulta niyon. Mayroon ba kayong mga nakalilinlang na pananaw sa inyong pananampalataya sa Diyos? Hindi ba kayo nakabukod? (Oo, nakabukod kami.) Nakikita ninyo bang nakabukod Ako? Minsan ay nagbabasa Ako ng balita, at minsan nanonood ng mga panayam sa mga espesyal na panauhin at iba pang ganoong mga programa; minsan, nakikipag-usap Ako sa mga kapatid, at minsan, nakikipag-usap Ako sa taong nagluluto o naglilinis. Nakikipag-usap Ako nang bahagya sa kung sino man ang nakikita Ko. Huwag mong isipin na dahil umako ka ng isang gampanin, o dahil may espesyal kang talento, o dahil pa nga tumanggap ka ng isang espesyal na misyon, na mas espesyal ka kaysa sa iba. Mali iyan. Sa sandaling isipin mong mas espesyal ka kaysa sa iba, ang maling pananaw na iyon ang hindi mapapansing unti-unting magkukulong sa iyo sa isang hawla—papaderan ka nito ng bakal at tanso mula sa labas. Pagkatapos ay mararamdaman mong pinakamataas ka sa lahat, na hindi mo kayang gawin ito at iyon, na hindi mo kayang magsalita o magkaroon ng komunikasyon sa ganito-at-ganyang tao, na hindi mo kayang tumawa man lang. At ano ang mangyayari sa huli? Magiging ano ka? (Isang nakahiwalay na laging mag-isa.) Ikaw ay nagiging nakahiwalay na laging mag-isa. Tingnan mo kung paano palaging sinasabi ng mga emperador noong unang panahon ang mga bagay tulad ng “Ako, mag-isa, ay gayon at ganyan”; “Ako, na nakahiwalay, ay ito at iyan”; “Ako, mag-isa, ay nag-iisip”—palaging ipinapahayag ang kanilang sarili na nag-iisa. Kung palagi mong ipinahahayag ang iyong sarili na nag-iisa, gaano kadakila kaya ang tingin mo sa iyong sarili? Sa sobrang dakila ay naging anak ka na talaga ng langit? Ganoon ka ba? Sa diwa, isa kang ordinaryong tao. Kung palagi mong iniisip na dakila at hindi pangkaraniwan ang iyong sarili, may problema ka. Mas lalala pa ito. Kung isinasagawa mo ang iyong mga makamundong pakikitungo nang may gayong maling pananaw, magbabago ang mga diskarte at pamamaraan ng iyong pagkilos—magbabago ang iyong mga prinsipyo. Kung palagi mong iniisip na nakahiwalay ang iyong sarili, na mas mataas ka kaysa sa lahat ng iba, na hindi mo dapat gawin ang ganito o ang ganoong uri ng bagay, na ang paggawa ng gayong mga bagay ay mas mababa sa iyong katayuan at reputasyon, hindi ba’t naging mas malala ang mga bagay-bagay? (Naging mas malala.) Mararamdam mong, “Sa katayuang tulad sa akin, hindi ko basta-bastang masasabi ang lahat sa iba!” “Sa katayuang tulad sa akin, hindi ko masasabi sa iba na ako ay mapaghimagsik!” “Sa reputasyong tulad sa akin, hindi ko masasabi sa iba ang mga nakabababang bagay tulad ng aking mga kahinaan, depekto, pagkakamali, at kakulangan sa edukasyon—hindi ko talaga maaaring ipaalam sa sinuman ang tungkol sa mga bagay na iyon!” Nakapapagod iyon, hindi ba? (Nakapapagod iyon.) Kung nabuhay ka sa gayong nakapapagod na paraan, magagawa mo ba nang maayos ang iyong tungkulin? (Hindi.) Saan nanggagaling ang problema? Nanggagaling ito sa iyong mga pananaw sa iyong tungkulin at katayuan. Gaano ka man kahusay na “opisyal,” anuman ang posisyon na hawak mo, gaano man karami ang taong pinamamahalaan mo, sa totoo, wala itong iba kundi ibang tungkulin. Wala kang pinagkaiba sa iba. Hindi mo ito nakikita sa kung ano ito, subalit palaging nararamdaman sa iyong puso na, “Hindi ito ibang tungkulin—ito talaga ay isang pagkakaiba sa katayuan. Kailangan kong maging higit sa iba; paano ako makikipagtulungan sa iba? Maaari din namang sila ang makipagtulungan sa akin—hindi ko kayang makipagtulungan sa kanila!” Kung ganyan ka palaging mag-isip, palaging ninanais na maging higit sa lahat, palaging ninanais na makinabang sa pinaghirapan ng iba, nakatataas sa kanila at minamaliit sila, hindi magiging madali para sa iyo na makipagtulungan sa mga tao. Palagi mong iisipin na, “Ano ang alam ng taong iyon? Kung alam niya ang mga bagay-bagay, siya dapat ang piniling lider ng mga kapatid. Kaya, bakit ako ang pinili nila? Dahil mas magaling ako sa kanya. Kaya, hindi ako dapat makipagtalakayan ng mga bagay-bagay sa kanya. Kung ginawa ko ito, mangangahulugan ito na hindi ako mahusay. Para patunayang mahusay ako, hindi ko maaaring talakayin ang mga bagay-bagay kaninuman. Walang sinuman ang karapat-dapat na makipagtalakayan ng gawain sa akin—wala talagang sinuman!” Ganito mag-isip ang mga anticristo.
Sa kalakhang Tsina, sinusupil ng Partido Komunista ang relihiyosong paniniwala. Kakila-kilabot na kapaligiran ito. Ang mga mananampalataya ng Diyos ay nahaharap sa panganib ng pagkaaresto anumang oras, kaya hindi masyadong madalas na nagtitipon ang mga lider at manggagawa. Kung minsan, ni hindi sila makapagdaos ng mga pagpupulong ng katrabaho minsan sa isang buwan; naghihintay sila hanggang sa payagan ng mga kondisyon na magtipon, o hanggang sa makahanap sila ng angkop na lugar. Paano isinasagawa ang gawain, kung gayon? Kapag may mga pagsasaayos ng gawain, dapat may mahanap na isang tao na maghahatid sa mga ito. Minsan, nakahanap kami ng isang kalapit na kapatid na lalaki para maghatid ng mga pagsasaayos ng gawain sa isang rehiyonal na lider. Ang kapatid na ito ay isang ordinaryong mananampalataya, at nang inihatid niya ang mga pagsasaayos ng gawain, binasa ito ng lider na panrehiyon at sinabing, “Hay naku. Ito ang inaasahan ko.” Ano ang ipinagmamalaki niya sa harap ng kapatid na iyon? Ipinangangalandakan niya ang kanyang kapangyarihan, para sabihin ng sinumang tumitingin na, “Aba, napakarangal niyan. Anong estilo!” At wala iyon—pagkatapos na pagkatapos, sinabi niya, “Ito ang taong ipinapadala nila para maghatid ng mga pagsasaayos ng gawain sa akin? Hindi ganoon kataas ang kanyang ranggo!” Nangangahulugan ito na: “Isa akong lider na panrehiyon, isang importanteng lider. Bakit ipinadadala ang isang ordinaryong mananampalataya para maghatid ng mga bagay sa akin? Hindi ba’t pagmamalabis ito? Mababa talaga ang tingin ng itaas sa akin. Isa akong lider na panrehiyon, kaya dapat ay nagpadala man lang sila ng isang lider ng distrito para maghatid nito, subalit kumuha sila ng isang pinakamababa at ordinaryong mananampalataya para gawin ito—hindi ganoon kataas ang kanyang ranggo!” Anong uri ng tao ang lider na ito! Gaano niya pinahahalagahan ang kanyang katayuan, para sabihing hindi ganoon kataas ang ranggo ng tagapaghatid? Itinuturing niya ang kanyang titulo bilang isang dahilan para igiit ang kanyang awtoridad. Hindi ba’t isa siyang malademonyong bagay? (Malademonyo siya.) Oo nga, malademonyong bagay siya. Sa gawain ng iglesia, mapili ba tayo kung sino ang ipinapadala para maghatid ng mga bagay o para magbigay ng mga pabatid? Sa isang kapaligiran tulad ng kalakhang Tsina, nahaharap ang mga kapatid sa gayong napakalaking panganib habang naghahatid ng mga ipinapadala, subalit pagdating ng kapatid na ito na may mga pagsasaayos ng gawain, sinabihan siya ng lider na hindi ganoon kataas ang kanyang ranggo, ipinahihiwatig na kailangang makakita ng isang taong may sapat na taas ng ranggo, isang taong katugma ng lider pagdating sa reputasyon at katayuan, at ang hindi paggawa noon ay pangmamaliit sa lider—hindi ba’t iyon ang disposisyon ng isang anticristo? (Oo.) Disposisyon ito ng isang anticristo. Ang malademonyong taong ito ay hindi kayang gumawa ng anumang aktuwal na gawain, at wala siyang mga kasanayan, subalit may mga gayon pa rin siyang hinihingi—binibigyang-diin pa rin niya ang katayuan. Ano ang kanyang islogan? “Hindi ganoon kataas ang kanyang ranggo.” Kung sinuman ang nakikipag-usap sa kanya, tinatanong niya muna, “Anong antas ng lider ka? Ang lider ng isang maliit na grupo? Umalis ka—hindi ganoon kataas ang iyong ranggo!” Kung ang Itaas na Brother ang magdaraos ng isang pagtitipon, palagi siyang magpapatuloy, na sinasabing, “Ang kapatid na ito ang pinakadakila sa mga lider ng iglesia, at ako ang kasunod niya. Kahit saan siya maupo, tumatabi ako sa kanya, ayon sa ranggo.” Ganoon ito kalinaw sa isip niya. Hindi ba’t walang kahihiyan ito? (Oo.) Napakawalang kahihiyan nito—wala siyang kaalaman sa sarili! Gaano siya kawalang kahihiyan? Sapat para kasuklaman ng mga tao. Kahit may titulo siyang lider, ano ang kaya niyang gawin? Gaano kahusay niya itong ginagawa? Kailangang magkaroon siya ng ilang resulta na maipapakita bago niya ipagmalaki ang kanyang mga kalipikasyon—magiging angkop iyon; magiging lohikal iyon. Gayumpaman, pinag-iiba-iba niya ang mga tao ayon sa ranggo nang walang nakakamit na anumang resulta, nang walang nagagawang anumang gawain! At ano ang ranggo niya kung gayon? Bilang lider na panrehiyon, wala siyang nagawang masyadong aktuwal na gawain—hindi siya nakatutugon sa ranggong ito. Kung pag-iiba-ibahin Ko ang mga tao ayon sa ranggo, mayroon bang sinumang makapapantay sa Akin? Wala. Nakikita ba ninyo Ako na gumagawa ng pag-iiba-iba batay sa ranggo kapag nakikipag-ugnayan Ako sa mga tao? Hindi—sino man ang nakatatagpo Ko, nakikipag-usap Ako sa kanila nang bahagya kung kaya Ko, at kung wala Akong oras, binabati Ko lang sila at iyon na iyon. Subalit hindi nag-iisip nang ganoon ang anticristong ito. Nakikita niya ang reputasyon, katayuan, at panlipunang kahalagahan bilang mas importante kaysa sa anumang bagay, bilang mas importante pa nga kaysa sa sarili niyang buhay. Gumagawa ba kayo ng pag-iiba-iba batay sa ranggo kapag magkasama kayong gumagawa ng inyong mga tungkulin? Ang ilang tao ay gumagawa ng pag-iiba-iba ayon sa ranggo sa lahat ng kanilang ginagawa; sa isang iglap, sasabihin nilang lumalampas ang ibang tao sa kanilang ranggo sa trabahong ginagawa nila at sa mga pabatid na ibinibigay nila. Ano ang ranggong ito na nilalampasan nila? Gawin mo muna nang maayos ang sarili mong tungkulin. Hindi ka makagawa ng anumang tungkulin nang maayos, o makagawa ng anumang trabaho, subalit gumagawa ka pa rin ng pag-iiba-iba batay sa ranggo—sino ang nagsabi sa iyong gawin iyan? Hindi pa oras para gumawa ng mga pag-iiba-iba batay sa ranggo. Masyadong maaga mo itong ginagawa; wala kang kaalaman sa sarili. May mga pagkakataong pumupunta tayo sa isang lugar at naghahanap ng mga tao roon para lutasin ang isang problema. Naghahanap ba tayo ng mga angkop na tao batay sa ranggo? Karaniwang hindi natin ito ginagawa. Kung ikaw ang namamahala sa gawain, hahanapin ka namin, at kung wala ka roon, hahanap kami ng iba. Hindi kami gumagawa ng pag-iiba-iba batay sa ranggo, o batay sa mataas o mababang katayuan. Kung may isang taong magpapasyang gumawa ng gayong mga pag-iiba-iba, wala siyang kaalaman sa sarili, at hindi niya nauunawaan ang mga prinsipyo. Kung gumagawa ka ng pag-iiba-iba batay sa katayuan, ranggo, at mga titulo sa sambahayan ng Diyos na kasing-detalyado nang ginagawa ng mga walang pananampalataya, wala ka talagang katwiran! Hindi mo nauunawaan ang katotohanan; kulang na kulang ka. Hindi mo nauunawaan kung tungkol saan ang pananampalataya sa Diyos.
Pinag-usapan lang natin ang tungkol sa pagsasagawa ng pakikipagtulungan sa iba. Isa ba itong madaling bagay na gawin? Ang sinumang kayang maghanap ng katotohanan, na may kaunting kahihiyan, at pagkatao, konsensiya, at katwiran, ay makapagsasagawa ng pakikipagtulungan sa iba. Ito iyong mga taong walang pagkatao, na palaging nagnanais na magkaroon ng monopolyo sa katayuan, na palaging iniisip ang sarili nilang dignidad, katayuan, kasikatan, at kapakinabangan, na walang kakayahang makipagtulungan sa kahit na kanino. Siyempre, isa rin ito sa mga pangunahing pagpapamalas ng mga anticristo: Hindi sila nakikipagtulungan sa sinuman, ni hindi nila kayang magkamit ng maayos na pakikipagtulungan sa sinuman. Hindi nila isinasagawa ang prinsipyong iyon. Ano ang dahilan nito? Ayaw nilang isuko ang kapangyarihan; ayaw nilang ipaalam sa iba na may mga bagay silang hindi nauunawaan, na may mga bagay na kailangan nilang ihingi ng payo. Nagpapakita sila ng ilusyon sa mga tao, pinag-iisip ang mga ito na wala silang hindi kayang gawin, wala silang hindi alam, walang bagay na ignorante sila, na nasa kanila ang lahat ng mga sagot, at na ang lahat ay magagawa, posible, at makakamit para sa kanila—na hindi nila kailangan ang iba, o tulong, mga paalala, o payo mula sa iba. Isang dahilan iyon. Ano ang pinakakapansin-pansing disposisyon ng mga anticristo, bukod diyan? Ibig sabihin, ano ang disposisyong makikita mo kapag nakikipag-ugnayan ka sa kanila, mula sa pagkarinig lamang ng isa o dalawang parirala nila? Kayabangan. Gaano sila kayabang? Mayabang na lampas sa katwiran—parang isang sakit sa pag-iisip. Kung sumisipsip sila ng tubig, halimbawa, at maganda silang tingnan habang ginagawa nila iyon, ipagyayabang nila iyon: “Tingnan mo, ang ganda kong tingnan kapag umiinom ako ng tubig.” Partikular na mahusay sila sa pagyayabang ng kanilang sarili at pagpapakitang-gilas; lalo silang walang pakundangan at hindi nahihiya. Ganyang uri ng bagay ang mga anticristo. Sa tingin nila, walang makapapantay sa kanila. Partikular silang mahusay sa pagpapakitang-gilas, at ganap na wala silang kaalaman sa sarili. Ang ilang anticristo ay partikular na pangit, pero iniisip nilang maganda ang hitsura nila, na may hugis-itlog na mukha, hugis-pili na mga mata, at naka-arkong kilay. Wala sila kahit nitong katiting na kaalaman sa sarili. Sa edad na 30 o 40, nataya na nang medyo tumpak ng isang karaniwang tao ang hitsura at kakayahan niya. Ang mga anticristo, gayumpaman, ay walang gayong pagkamakatwiran. Ano ang problema rito? Ito ay na lumampas ang kanilang mapagmataas na disposisyon sa mga hangganan ng normal na pagkamakatwiran. Gaano sila kayabang? Kahit mukha silang palaka, sasabihin nilang mukha silang sisne. Dito, may kahinaan sa pagtukoy kung ano ang oo at kung ano ang hindi, at ng pagbabaliktad ng mga bagay-bagay. Ang gayong lawak ng kayabangan ay kayabangan hanggang sa punto ng kawalanghiyaan; hindi ito mapipigilan. Kapag nagsasalita nang maayos ang mga ordinaryong tao tungkol sa kanilang sariling hitsura, nahihirapan silang banggitin ito at nakararamdam sila ng hiya. Pagkatapos nilang magsalita, nahihiya sila buong araw, na may pamumula sa kanilang mukha. Hindi namumula ang mga anticristo. Pupurihin nila ang kanilang sarili para sa mabubuting bagay na nagawa nila at sa mga kalakasang mayroon sila, para sa anumang mga paraan na mabuti sila at mas mahusay kaysa sa iba—dumadaloy lang ang mga salitang ito sa kanilang bibig, na parang ordinaryong pananalita. Ni hindi sila namumula! Ito ay kayabangang hindi masusukat, kahihiyan, o pagkamakatwiran. Ito ang dahilan kung bakit, sa mata ng mga anticristo, ang bawat normal na tao—lalo na ang bawat taong naghahanap sa katotohanan, at nagtataglay ng konsensiya at katwiran ng normal na pagkatao, at normal na pag-iisip—ay isang pangkaraniwan, walang talentong masasabi, ay mas mababa sa kanila, at walang mga kalakasan at merito nila. Patas na sabihing dahil mayabang sila at naniniwalang walang sinuman ang makapapantay sa kanila—na dahil rito, hindi nila gustong makipagtulungan o makipagtalakayan ng mga bagay-bagay sa sinuman, sa anumang ginagawa nila. Puwedeng makinig sila sa mga sermon, magbasa ng mga salita ng Diyos, makita ang paglalantad ng Kanyang mga salita, o mapungusan kung minsan, pero sa anumang kaso, hindi sila aamin na nagsiwalat sila ng katiwalian at na sumalangsang sila, lalong hindi sa pagiging mapagmataas at mapagmagaling. Hindi nila nagagawang maunawaan na isa lang silang ordinaryong tao, na may ordinaryong kakayahan. Hindi nila kayang maunawaan ang gayong mga bagay. Paano mo man sila pungusan, iisipin pa rin nilang may mahusay silang kakayahan, na mas mataas sila kaysa sa mga ordinaryong tao. Hindi ba’t wala na itong pag-asa? (Wala na itong pag-asa.) Wala na itong pag-asa. Iyon ay isang anticristo. Gaano pa man sila pungusan, hindi nila kayang mahiya at amining hindi sila mabuti, na wala silang kakayahan. Sa tingin nila, ang pag-amin sa kanilang mga problema, kamalian, o katiwalian ay pareho ng kinondena, pareho ng winasak. Ganito sila mag-isip. Iniisip nilang sa sandaling makita ng iba ang kanilang mga pagkakamali, o sa sandaling aminin nila na mababa ang kanilang kakayahan at wala silang espirituwal na pang-unawa, mawawalan sila ng lakas sa kanilang pananampalataya sa Diyos at makikitang wala itong kabuluhan, dahil hindi na magagarantiyahan ang kanilang katayuan—nawala na ang kanilang katayuan. Iniisip nila na, “May silbi ba ang mabuhay nang walang katayuan? Mas mabuti pang mamatay!” At kung sila ay may katayuan, hindi sila mapipigilan sa kanilang pagmamataas, walang kontrol sa paggawa ng di-mabubuting bagay; at kung naharap sila sa malaking balakid at napungusan, gugustuhin nilang abandonahin ang kanilang trabaho, at magiging negatibo at magtatamad-tamaran. Gusto mo silang kumilos ayon sa mga prinsipyo ng katotohanan? Huwag mo na itong isipin. Ano ang pinaniniwalaan nila? “Ano kaya kung bigyan mo ako ng posisyon at hayaan mo akong kumilos sa sarili ko? Gusto mo akong makipagtulungan sa iba? Imposible iyan! Huwag mo akong hanapan ng kapareha—hindi ko kailangan ng isa; walang karapat-dapat na maging kapareha ko. O, huwag mo lang akong gamitin—ipagawa mo na lang ito sa iba!” Anong klaseng nilalang ito? “Isa lang ang lalaking maaaring manguna”—ito ang kaisipan ng mga anticristo, at ito ang kanilang mga pagpapamalas. Hindi ba’t wala na itong pag-asa? (Wala na itong pag-asa.)
Sa unang aytem, na nagsasabing hindi nagagawa ng mga anticristo na makipagtulungan sa kahit na kanino, ano ang ibig sabihin ng “hindi nagagawa” na iyon? Na hindi sila nakikipagtulungan sa sinuman, at na hindi nila kayang makamit ang pakikipagtulungan sa iba—hindi ba’t ito ay dalawang uri nito? Ang dalawang kahulugang ito ay kasama rito, ayon sa itinakda ng diwa ng mga anticristo. Kahit na puwedeng makipagtulungan sa kanila ang mga tao, ang diwa nito ay hindi tunay na pakikipagtulungan—sila ay mga alalay lamang, nagbibigay ng suporta, gumagawa ng mga gawain, at nag-aasikaso ng mga usapin para sa kanila. Hindi ito maituturing na pakikipagtulungan kahit kaunti. Paano tinukoy ang “pakikipagtulungan” kung gayon? Ang katunayan ay na ang pangwakas na layunin ng pakikipagtulungan ay ang pagkamit ng pang-unawa sa mga katotohanang prinsipyo, pagkilos nang ayon sa mga ito, paglutas sa bawat problema, paggawa ng mga tamang desisyon—mga desisyon na umaayon sa mga prinsipyo, nang walang paglihis, at pagbabawas ng mga pagkakamali sa gawain, para ang lahat ng ginagawa mo ay ang pagganap ng iyong tungkulin, hindi paggawa nang ayon sa gusto mo, at hindi pagkilos nang walang kontrol. Ang unang pagpapamalas ng mga anticristo na nanghihimok sa iba na sa kanila lang magpasakop, hindi sa katotohanan o sa Diyos, ay na wala silang kakayahang makipagtulungan sa kahit na kanino. Puwedeng sabihin ng ilan na, “Ang kawalan ng kakayahang makipagtulungan sa kahit na kanino ay hindi katulad ng panghihimok sa iba na sa kanila lang magpasakop.” Ang hindi magawang makipagtulungan sa sinuman ay nangangahulugang hindi nila binibigyang-pansin ang mga salita ng sinuman o hinihingi ang mga mungkahi ng sinuman—ni hindi rin nila hinahanap ang mga layunin ng Diyos o ang mga katotohanang prinsipyo. Kumikilos at umaasal lamang sila ayon sa kanilang sariling kalooban. Ano ang ipinahihiwatig nito? Sila ang naghahari sa kanilang gawain, hindi ang katotohanan, hindi ang Diyos. Kaya, ang prinsipyo ng kanilang gawain ay ang pabigyang-pansin sa iba ang sinasabi nila, at ituring ang mga ito na parang katotohanan, na parang sila ang Diyos. Hindi ba’t iyon ang kalikasan nito? Puwedeng sabihin ng ilan na, “Kung wala silang kakayahang makipagtulungan sa kahit na kanino, marahil ito ay dahil nauunawaan nila ang katotohanan at hindi kailangang makipagtulungan.” Iyon ba ang nangyayari? Habang mas nauunawaan ng isang tao ang katotohanan at isinasagawa ito, mas marami siyang pinagkukunan na mapagtatanungan at hinahanapan kapag kumikilos siya. Mas nakikipagtalakayan at nakikipagbahaginan siya ng mga bagay-bagay sa mga tao, sa pagsisikap na mabawasan ang pinsala at ang posibilidad ng mga pagkakamali. Habang mas nauunawaan ng isang tao ang katotohanan, mas marami siyang dahilan, at mas handa at mas magagawa niyang makipagtulungan sa iba. Hindi ba’t ganoon iyon? At mas ayaw o mas hindi kaya ng isang taong makipagtulungan sa iba, ang mga hindi nagbibigay-pansin sa iba, na hindi magsasaalang-alang sa mga mungkahi ng iba, na, kapag kumikilos siya, ay hindi isinasaalang-alang ang mga interes ng sambahayan ng Diyos at ayaw hanapin kung ang kanyang mga kilos ay naaayon sa mga katotohanang prinsipyo—hinahanap ng gayong mga tao ang katotohanan nang mas kaunti at nauunawaan ito nang mas kaunti. Ano ang maling pinaniniwalaan nila? “Pinili ako ng mga kapatid na maging lider nila; binigyan ako ng diyos ng tsansang ito na maging isang lider. Kaya, lahat ng ginagawa ko ay naaayon sa katotohanan—kahit anong gawin ko, tama ito.” Hindi ba’t isa itong maling pagkaunawa? Bakit sila magkakaroon ng gayong maling pagkaunawa? Isang bagay ang sigurado: Ang gayong mga tao ay hindi nagmamahal sa katotohanan. At isang bagay pa: Hindi talaga nauunawaan ng gayong mga tao ang katotohanan. Wala itong kaduda-duda.
Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.