Ikawalong Aytem: Hinihimok Nila ang Iba na sa Kanila Lang Magpasakop, Hindi sa Katotohanan o sa Diyos (Unang Bahagi) Ikatlong Seksiyon
Isang Paghihimay Kung Paano Hinihimok ng mga Anticristo ang Iba na sa Kanila Lang Magpasakop, Hindi sa Katotohanan o sa Diyos
Ang pagbabahaginan ngayon ay nasa ikawalong aytem ng iba’t ibang paraan kung saan nagpapamalas ang mga anticristo: Hinihimok nila ang iba na sa kanila lang magpasakop, hindi sa katotohanan o sa Diyos. Nauunawaan ba ninyo ang aytem na ito? Isaalang-alang muna ninyo kung aling mga pagpapamalas ng aytem na ito ang kaya ninyong itugma sa kung ano ang inyong nauunawaan. Hinihimok nila ang iba na sa kanila lang magpasakop, hindi sa katotohanan o sa Diyos—madaling maunawaan ang literal na kahulugan, pero sa loob nito ay maraming kalagayan, at iba’t ibang disposisyon na ipinapakita ng ilang uri ng mga tao, o iba’t ibang pag-uugali na ipinapakita ng iba’t ibang disposisyon. Isa itong malaking paksa; kailangan natin itong pagbahaginan mula sa ilan sa mas maliliit nitong katangian. Para ipaliwanag ang aytem na ito ayon sa literal na kahulugan nito, kadalasang sinasabi ng mga taong nangangaral ng mga salita at doktrina: “Nangangahulugan ito ng pakikinig sa kanila sa lahat ng bagay—ginagawa nilang makinig sa kanila ang mga tao, kahit na hindi naaayon sa katotohanan ang mga sinasabi nila. Kapag nangangaral sila ng ilang salita at doktrina, ginagawa nilang makinig sa kanila ang iba; kapag nagsasabi sila ng isang parirala, ginagawa nilang makinig dito ang iba. Palagi silang mahilig sa pagbibigay ng mga utos sa iba, sa pagtatalaga ng trabaho sa iba, at sa pamimilit sa ibang pakinggan sila.” Hindi ba’t ganoon ang madalas nilang sabihin kapag nagsasalita sila nang bahagya sa literal na kahulugan nito? Ano pa? “Iniisip nilang tama sila sa lahat ng bagay. Ginagawa nilang makinig sa kanila ang lahat, at ginagawang magpasakop ang mga tao sa sinasabi nila, kahit hindi ito alinsunod sa katotohanan. Itinuturing nila ang sarili nila bilang katotohanan at bilang Diyos, at sa pakikinig sa kanila, nagpapasakop ang mga tao sa katotohanan at sa Diyos. Iyon ang ibig sabihin nito.” Kung kayo ang nagsasalita sa paksang ito, isaalang-alang ninyo kung paano ninyo ito dapat gawin. Kung magsisimula kayo sa inyong nakita o naranasan nang personal, saang elemento kayo magsisimula? Sa sandaling magsalita tungkol sa realidad, wala kayong masasabi. Wala rin ba kayong masasabi sa inyong karaniwang pakikipagbahaginan sa mga kapatid? Paano ninyo magagawa nang maayos ang inyong trabaho nang hindi nagsasalita? Magsalita muna kayo nang kaunti tungkol sa ilang kongkretong paraan at pag-uugali ng pagpapamalas na ito. Alin sa mga ito ang nakita o nasaksihan ninyo dati? May anumang ideya ba kayo? (Kapag ginagawa ko ang aking tungkulin, nakakakuha ako ng ilang ideya na medyo malakas, at talagang gusto kong gawin ang mga ito. Sa palagay ko ang mga kaisipan kong ito ay mabuti at tama, at kapag nag-aalinlangan ang iba tungkol sa mga ito, sinasabi kong hindi dapat ipagpaliban ang usapin, na kailangan itong ayusin kaagad. Pagkatapos, sapilitan kong ginagawa ang binabalak ko. Siguro ay gusto ng ibang maghanap, pero ayaw ko silang bigyan ng oras—gusto kong gawin nila ang bagay nang naaayon sa aking mga ideya.) Iyan ay isang kongkretong pagpapamalas. Sino ang magsasabi ng iba pa? (Minsan akong nakikipagbahaginan sa mga kapatid tungkol sa usapin ng pagtataas ng ranggo at pangangalaga sa isang tao. Sa katunayan ay itinakda ko na ang puso ko sa pagtataas ng ranggo ng taong iyon. Pakiramdam ko ay naghanap na ako mula sa Itaas, at walang problema sa pagtataas sa kanyang ranggo. Ilan sa mga kapatid ang hindi pa nakakaunawa sa usapin nang lubos, at hindi ako nagbahagi tungkol sa kung bakit dapat naming itaas ang ranggo ng taong iyon, kung ano ang mga prinsipyo, o kung ano ang katotohanan—pilit ko lang sinabi sa kanila ang mga paraan kung saan mabuti ang taong iyon, na ang pagtataguyod sa kanya ay naaayon sa mga prinsipyo. Pinilit ko silang sundin ako, na paniwalaang tama ang bagay na ginagawa ko.) Nagsasalita kayo tungkol sa isang klase ng mga problema, isang klase ng mga kalagayan, na tumutugma sa kabuuan sa aytem na ito. Tila hanggang sa kaunting literal na pang-unawang iyon lang ang inyong pagkaunawa sa katotohanan, kaya kailangan Kong magbahagi tungkol dito. Kung medyo nauunawaan na ninyo ang aytem na ito, lalampasan natin ito at magbabahaginan tungkol sa susunod. Gayumpaman, tila hindi pa natin ito puwedeng gawin, at kailangang magbahaginan tungkol dito gaya nang nakaplano.
Ang ikawalong aytem ng iba’t ibang pagpapamalas ng mga anticristo ay: Hinihimok nila ang iba na sa kanila lang magpasakop, hindi sa katotohanan o sa Diyos. Dito, may ilang pagpapahayag ng diwa ng isang anticristo. Tiyak na hindi ito iisang usapin, iisang parirala, iisang pananaw, o iisang paraan ng pag-aasikaso ng mga bagay-bagay; sa halip, ito ay isang disposisyon. Anong disposisyon ito, kung gayon? Nagpapamalas ito sa maraming paraan. Ang unang paraan ay na ang gayong mga tao ay walang kakayahang makipagtulungan sa kahit na kanino. Isa ba iyang paraan ng paggawa ng mga bagay-bagay? (Hindi, isa itong disposisyon.) Tama iyan—ito ay ang pagbubunyag ng isang disposisyon, isa na ang diwa ay pagmamataas at pagmamagaling. Walang kakayahang makipagtulungan ang gayong mga tao sa kahit na kanino. Iyan ang una. Ang pangalawang paraan na nagpapamalas ito ay na mayroon silang pagnanais at ambisyon na kontrolin at lupigin ang mga tao. Iyan ba ay isang disposisyon? (Oo.) Ito ba ay isang paraan ng paggawa ng mga bagay-bagay? (Hindi.) Naiiba ba ito sa mga bagay na sinabi ninyo? Nagsalita kayo tungkol sa iisang pangyayari, iisang paraan ng paggawa ng mga bagay-bagay—hindi diwa ang mga iyon. Hindi ba’t ang pagpapamalas na ito ay mas malala kaysa sa mga bagay na sinabi ninyo? (Oo.) Umaabot ito sa ugat. At ang pangatlong paraan ay ang pagbabawal sa iba na makialam, magtanong, o mangasiwa sa kanila sa anumang gawaing ginagawa nila. Diwa ba iyon? (Oo.) Maraming pag-uugali at paraan ng paggawa ng mga bagay-bagay ang kasama sa bawat isa sa mga diwang ito. Muli, ang diwang ito ay tumutugma sa ikawalong aytem, tama? Ang pang-apat na paraan ay ang pagpapanggap nila bilang pagsasakatawan ng katotohanan kapag nagtamo na sila ng kaunting karanasan at kaalaman, at natuto ng ilang aral, na nangangahulugang kung kaya nilang magbahaginan ng kaunting katotohanan, iniisip nila ang kanilang sarili bilang nagtataglay ng katotohanang realidad, at gustong ipakita sa iba na sila ay taong nagtataglay ng katotohanan—taong nagsasagawa ng katotohanan, nagmamahal sa katotohanan, at may katotohanang realidad. Nagpapanggap sila bilang pagsasakatawan ng katotohanan—hindi ba’t isa itong usaping may seryosong kalikasan? (Oo.) Tumutugma ba ang pagpapamalas na ito sa ikawalong aytem? (Oo.) Oo. Ang ikawalong aytem ay karaniwang naipapamalas sa apat na paraang ito. Bigkasin mo ang mga ito, simula sa una. (Ang unang paraan ay na ang gayong mga tao ay walang kakayahang makipagtulungan nang maayos sa kahit na kanino.) Tumutukoy ang “nang maayos” sa pagkakaroon ng kakayahang makipagtulungan; ang gayong mga tao ay sadyang walang kakayahang makipagtulungan sa kahit na kanino. Ginagawa nila ang mga bagay sa sarili nila, solo sa kanilang mga ginagawa; “solo” ang pantukoy na katangian ng unang pagpapamalas. Ngayon, ang pangalawa. (Mayroon silang ambisyon at pagnanais na kontrolin at lupigin ang mga tao.) Ito ba ay isang seryosong pagpapamalas? (Oo.) Buweno, ano ang pantukoy na katangian ng ikalawang pagpapamalas? Ilarawan mo ito sa isang salita. (Buktot.) Ang “buktot” ay isang pang-uri; inilalarawan nito ang kanilang disposisyon. Ang dapat na salita ay “kontrolin.” Ang “kontrolin” ay isang pagkilos, isang uri na nagmumula sa gayong disposisyon. At ang ikatlong pagpapamalas. (Pinagbabawalan nila ang iba na makialam, magtanong, o mangasiwa sa kanila sa anumang gawaing ginagawa nila.) Hindi ba’t iyan ay isang disposisyon na karaniwan sa mga anticristo? (Oo.) Isa itong katangiang disposisyon na natatangi sa mga anticristo. Mayroon bang angkop na salita para ibuod ang pagpapamalas na ito? Oo—“labanan.” Sinuman ang dumating, nilalabanan nila ang mga ito; at kinalilimutan ang tungkol sa kanilang pagtanggap sa pangangasiwa at pagtatanong ng mga kapatid at ng mga ordinaryong tao—hindi man lang nga nila tatanggapin ang pagsisiyasat ng Diyos. Hindi ba’t paglaban iyon? (Paglaban iyon.) At ang ikaapat na pagpapamalas. (Nagpapanggap sila bilang pagsasakatawan ng katotohanan kapag nagtamo na sila ng kaunting karanasan at kaalaman, at natuto ng ilang aral.) Ibubuod natin ang isang ito sa isang angkop na salita: “pagpapanggap.” Mas seryoso ang pagpapanggap kaysa pagiging huwad. Ang pundamental, mga katangiang pag-uugali, mga paraan ng paggawa ng mga bagay-bagay, at mga disposisyon na nauugnay sa ikawalong aytem ay matatagpuang lahat sa apat na pagpapamalas na ito. Ang tampok na katangian ng unang pagpapamalas ay “solo.” Hindi sila nakikipagtulungan sa sinuman, kundi gusto nilang kumilos sa sarili nila. Hindi nila pinakikinggan ang sinuman maliban sa sarili nila at sila lang ang gusto nilang pinakikinggan ng iba, walang iba. Walang ibang masusunod kundi sila. Ang tampok na katangian ng pangalawang pagpapamalas ay “kontrol.” Gusto nilang kontrolin ang mga tao, at gagamit sila ng iba’t ibang paraan para kontrolin ka, ang iyong kaisipan, ang iyong mga paraan ng paggawa ng mga bagay-bagay, ang iyong puso, at ang iyong mga pananaw. Hindi sila nakikipagbahaginan sa katotohanan sa iyo. Hindi nila ipinapaunawa sa iyo ang mga katotohanang prinsipyo, at hindi nila ipinapaunawa sa iyo ang mga layunin ng Diyos. Gusto ka nilang kontrolin para sa sarili nilang paggamit, para magsasalita ka para sa kanila, at gagawa ng mga bagay para sa kanila, at magtatrabaho para sa kanila, para itataas mo sila at magpapatotoo para sa kanila. Gusto ka nilang kontrolin bilang kanilang alipin, kanilang papet. Ang pantukoy na katangian ng ikatlong pagpapamalas ay “labanan,” na nangangahulugang labanan ang lahat—lahat ng maaaring bumubuo sa pagkilatis o pangangasiwa ng, o isang banta sa, kanilang gawain at pananalita, nilalabanan at sinasalungat nila nang malawakan. Ang pantukoy na katangian ng ikaapat na pagpapamalas ay “pagpapanggap”—anong ipinagpapanggap nila? Nagpapanggap sila bilang pagsasakatawan ng katotohanan, ibig sabihin na hinihingi nila sa mga tao na alalahanin kung ano ang sinasabi nila at kung ano ang ginagawa nila, at naitala pa nila ang mga ito sa kanilang mga kuwaderno. Sinasabi nila, “Paano magiging sapat na magtala lang sa kanilang isip? Kailangan mong itala ito sa iyong mga kuwaderno. Wala sa inyong nakakaunawa sa sinasabi ko—napakalalim na bagay nito!” Ano ang turing nila sa kanilang mga salita? Ang katotohanan. Ngayon, mula rito, magbabahagi tayo tungkol sa mga ito nang isa-isa.
I. Isang Paghihimay sa Kawalan ng Kakayahan ng mga Anticristo na Makipagtulungan sa Kahit na Kanino
Ang unang aytem ay na ang mga anticristo ay walang kakayahang makipagtulungan sa kahit na kanino. Ito ang unang pagpapamalas ng mga anticristo na nanghihimok sa iba na sa kanila lang magpasakop, hindi sa katotohanan o sa Diyos. Wala silang kakayahang makipagtulungan sa kahit na kanino—iyong “kahit na kanino” ay sumasaklaw sa lahat. Ang kanila mang mga personalidad ay kaayon ng iba o hindi, at anuman ang mga pangyayari, hindi lang nila kayang makipagtulungan. Hindi ito kuwestiyon ng isang ordinaryong pagbubunyag ng katiwalian—isa itong problema sa kanilang kalikasan. Sinasabi ng ilan, “May mga partikular na tao na ang mga personalidad ay hindi kaayon sa akin, at hindi ko kayang makipagtulungan sa kanila dahil doon.” Hindi iyon isang simpleng isyu ng mga personalidad, kundi ng isang tiwaling disposisyon. Ang magkaroon ng isang tiwaling disposisyon ay magkaroon ng disposisyon ng isang anticristo, pero hindi ibig sabihin niyon na ang isang tao ay may diwa ng isang anticristo. Kung kaya ng isang taong maghanap ng katotohanan, at kayang sumunod sa sinasabi ng iba, sino man sila, hangga’t naaayon ito sa katotohanan, hindi ba’t magiging madali para sa taong iyon na makamit ang maayos na pakikipagtulungan sa iba? (Oo.) Madali para sa mga taong kayang magpasakop sa katotohanan na makipagtulungan sa iba; ang mga taong hindi kayang magpasakop sa katotohanan ay walang kakayahang makipagtulungan sa kahit na kanino. Ang ilang tao, halimbawa, ay medyo mayabang at mapagmagaling. Hindi nila tinatanggap ang katotohanan kahit kaunti, at hindi nila kayang makipagtulungan nang maayos sa sinuman. Ngayon, ito ay isang seryosong problema—may kalikasan sila ng anticristo, at hindi nila kayang magpasakop sa katotohanan o sa Diyos. May tiwaling disposisyon ang mga tao: Kung kaya nilang tanggapin ang katotohanan, magiging madali para sa kanilang maligtas; pero kung sila ay may kalikasan ng isang anticristo at hindi kayang tumanggap ng katotohanan, nasa alanganin sila—hindi magiging madali para sa kanila ang maligtas. Maraming anticristo ang nabunyag pangunahing dahil sa kanilang kawalan ng kakayahang makipagtulungan sa sinuman, palaging kumikilos nang diktatoryal. Iyon ba ay isang pagbubunyag ng isang tiwaling disposisyon, o ito ba ay likas na diwa ng isang anticristo? Ang hindi magawang makipagtulungan sa sinuman—anong problema iyon? Anong kinalaman nito sa paghimok sa iba na sa kanila lang magpasakop, hindi sa katotohanan o sa Diyos? Kung pagbabahaginan natin ang aytem na ito nang malinaw, magagawa mong makita na ang mga may likas na diwa ng isang anticristo ay hindi nagagawang makipagtulungan sa sinuman, na sila ay makikipaghiwalay sa kung kaninuman sila nakikipagtulungan, at na magiging mapait na magkaaway pa nga sila. Sa tingin, maaaring parang may mga katulong at katuwang ang ilang anticristo, pero ang katunayan ay kapag may nangyayari, gaano man katama ang iba, hindi kailanman nakikinig ang mga anticristo sa sasabihin ng mga ito. Ni hindi nila ito isinasaalang-alang, lalong hindi nila tinatalakay o pinagbabahaginan ang tungkol dito. Hindi nila ito pinag-uukulan ng anumang atensyon, na para bang wala roon ang iba. Kapag nakikinig ang mga anticristo sa sasabihin ng iba, wala sa loob lang nila iyong ginagawa o nagpapakitang-tao lang sila para masaksihan ng iba. Pero kapag sa wakas ay dumating ang oras para sa pangwakas na desisyon, ang mga anticristo pa rin ang nasusunod; balewala lang ang mga salita ng iba, talagang walang bisa ang mga iyon. Halimbawa, kapag may dalawang taong nananagot sa isang bagay, at ang isa sa kanila ay may diwa ng isang anticristo, ano ang naipapakita ng taong ito? Anuman ito, siya at siya lamang ang nagpapatakbo ng mga bagay-bagay, ang nagtatanong, ang nag-aayos ng mga bagay-bagay, at ang nakakaisip ng solusyon. At kadalasan, inililingid niya ang mga bagay-bagay sa kanyang kasama. Ano ang turing niya sa kanyang kasama? Hindi bilang kanyang katuwang, kundi palamuti lamang. Sa paningin ng anticristo, hindi lang talaga umiiral ang kapareha niya. Sa tuwing may problema, pinag-iisipan itong mabuti ng anticristo, at sa sandaling napagdesisyunan na niya kung ano ang gagawin, ipinapaalam niya sa lahat na ganito ito dapat gawin, at walang sinumang pinapayagang kuwestyunin ito. Ano ang diwa ng kanyang pakikipagtulungan sa iba? Ang pinakabatayan ay para mapasakanya ang huling salita, hindi kailanman tinatalakay ang mga problema sa sinumang iba pa, inaako ang lahat ng responsabilidad para sa gawain, at ginagawang palamuti lamang ang kanyang mga kapareha. Lagi siyang kumikilos nang mag-isa at hindi nakikipagtulungan kahit kanino. Hinding-hindi niya tinatalakay o binabanggit ang kanyang gawain sa sinumang iba pa, madalas siyang magdesisyon nang mag-isa at humarap sa mga isyu nang mag-isa, at sa maraming bagay, nalalaman lang ng ibang mga tao kung paano natapos o naasikaso ang mga bagay-bagay kapag tapos na iyong gawin. Sinasabi ng ibang mga tao sa kanya, “Kailangang talakayin ang lahat ng problema nang kasama kami. Kailan mo pinangasiwaan ang taong iyon? Paano mo siya pinangasiwaan? Paanong hindi namin nalaman ang tungkol dito?” Hindi siya nagbibigay ng paliwanag ni nagbibigay ng anumang pansin; para sa kanya, wala talagang silbi ang kanyang mga kapareha, at mga palamuti lamang o pampaganda. Kapag may nangyayari, pinag-iisipan niya ito, nagpapasya siya, at kumikilos kung paano niya gusto. Kahit gaano pa karaming tao ang nasa paligid niya, para bang wala roon ang mga taong iyon. Para sa anticristo, wala silang ipinagkaiba sa hangin. Sa ganitong kaso, mayroon bang anumang tunay na aspekto sa kanyang pakikipagtambal sa iba? Wala talaga, iniraraos lang niya ang gawain at nagkukunwari. Sinasabi sa kanya ng iba, “Bakit hindi ka nakikipagbahaginan sa iba kapag may nakakaharap kang problema?” Sumasagot siya ng, “Ano ba ang alam nila? Ako ang lider ng grupo, ako ang siyang magdedesisyon.” Sinasabi naman ng iba, “At bakit hindi ka nakipagbahaginan sa iyong kasama?” Tugon niya, “Sinabi ko sa kanya pero wala siyang opinyon.” Ginagamit niyang mga dahilan ang kawalan ng opinyon ng ibang tao o ang kawalan ng mga ito ng kakayahang mag-isip para sa kanilang sarili upang pagtakpan ang katunayan na umaasta siya na siya mismo ang batas. At hindi ito nasusundan ng bahagya mang pagsisiyasat sa sarili. Magiging imposible para sa ganitong uri ng tao na matanggap ang katotohanan. Isa itong problema sa kalikasan ng anticristo.
Paano ipapaliwanag at isasagawa ang terminong “pakikipagtulungan”? (Pagtalakay sa mga bagay-bagay kapag lumilitaw ang mga ito.) Oo, iyan ay isang paraan ng pagsasagawa nito. Ano pa? (Pagbalanse sa mga kahinaan ng isang tao sa pamamagitan ng mga kalakasan ng ibang tao, pangangasiwa sa isa’t isa.) Ganap na akma iyon; ang pagsasagawa nang ganoon ay pakikipagtulungan nang maayos. Mayroon pa ba? Ang paghingi ng opinyon ng iba kapag nangyayari ang mga bagay-bagay—hindi ba’t iyon ay pakikipagtulungan? (Oo.) Kung ibinabahagi ng isang tao ang kanyang opinyon, at ibinabahagi ng iba ang kanya, at sa huli, sumasang-ayon lang siya sa pagbabahagi ng unang tao, bakit nagpapabasta-basta? Hindi iyon pakikipagtulungan—hindi ito naaayon sa mga prinsipyo, at hindi ito nagbubunga ng mga resulta ng pakikipagtulungan. Kung salita ka nang salita, tulad ng isang machine gun, at hindi binibigyan ang ibang gustong magsalita ng pagkakataon, at hindi nakikinig sa iba kahit na pagkatapos mo nang sabihin ang lahat ng iyong mga ideya, talakayan ba iyon? Pagbabahaginan ba ito? Paggawa lang iyon ng mga bagay nang pabasta-basta—hindi ito pakikipagtulungan. Ano ang pakikipagtulungan, kung gayon? Ito ay kapag, matapos mong sabihin ang iyong mga ideya at desisyon, ay kaya mong hingin ang mga opinyon at pananaw ng iba, pagkatapos ay pagkukumparahin ang iyo at kanilang mga pahayag at pananaw, nang may ilang taong nagsasagawa ng pagkilatis sa mga ito nang sama-sama, at naghahanap ng mga prinsipyo, sa gayon ay nauuwi sa isang karaniwang pagkaunawa at pagtukoy sa tamang landas ng pagsasagawa. Iyon ang ibig sabihin ng pagtalakay at pakikipagbahaginan—iyon ang ibig sabihin ng “pakikipagtulungan.” Ang ilang tao, bilang mga lider, ay hindi nakauunawa sa ilang usapin, pero hindi ito tinatalakay kasama ang iba hanggang sa maubusan na sila ng mga pagpipilian. Pagkatapos ay sinasabi nila sa grupo, “Hindi ko kayang asikasuhin ang bagay na ito nang awtokratiko; kailangan kong maayos na makipagtulungan sa lahat. Hahayaan ko kayong lahat na ipahayag ang inyong mga opinyon tungkol dito at talakayin ito, para matukoy ang tamang bagay na dapat nating gawin.” Pagkatapos makapagsalita at makapagbigay ng opinyon ang lahat, tinanong nila ang lider kung ano ang palagay niya tungkol dito. Sinabi niya, “Kung ano ang gusto ng lahat ay katulad ng gusto ko—iniisip ko rin ito. Ito ang pinlano kong gawin sa simula pa lang, at sa talakayang ito, garantisado ang pagsang-ayon ng lahat.” Matapat na pahayag ba ito? May bahid ito. Hindi niya talaga nauunawaan ang bagay na ito, at may layuning ilihis at linlangin ang mga tao sa kanyang sinasabi—layon nitong pahalagahan siya ng mga tao. Ang paghingi niya ng mga opinyon ng lahat ay pakitang-tao lang, nilalayong sabihin ng lahat na hindi siya diktatoryal o awtokratiko. Para maiwasan ang tatak na iyon, ginagamit niya ang pamamaraang ito para pagtakpan ang mga bagay-bagay. Ang katunayan ay habang nag-uusap ang lahat, hindi talaga siya nakikinig, at hindi talaga isinasapuso ang kanilang sinasabi. At hindi rin siya nagiging taos-puso sa pagpapahintulot sa lahat na magsalita. Sa panlabas, hinahayaan niya ang lahat na magbahaginan at magkaroon ng talakayan, pero sa realidad, hinahayaan niya lang magsalita ang lahat para makahanap ng paraan na naaayon sa kanyang mga sariling layunin. At kapag natukoy na niya ang angkop na paraan para gawin ang bagay na iyon, pipilitin niya ang mga taong tanggapin kung ano ang balak niyang gawin, tama man ito o hindi, at ipapaisip sa lahat na tama ang kanyang paraan, na ito ang nilalayon ng lahat. Sa huli, ipatutupad niya ito sa pamamagitan ng puwersa. Iyan ba ang tinatawag mong pakikipagtulungan? Hindi—ano ang itatawag mo rito? Nagiging diktatoryal siya. Tama man siya o mali, gusto niyang sa kanya ang nag-iisa at huling salita. Bukod dito, kapag may nangyari at hindi niya ito maunawaan, pinapagsalita niya muna ang iba. Kapag natapos na sila, binubuod niya ang kanilang mga pananaw at tumitingin sa mga ito para sa isang pamamaraang gusto niya at sa tingin niya ay angkop, at pinatatanggap ito sa lahat. Nagpapanggap siyang nakikipagtulungan, na ang resulta ay ginagawa pa rin niya ang gusto niya—pero, siya pa rin ang may nag-iisa at huling salita. Naghahanap siya ng mga pagkakamali at naghahanap ng butas sa sinasabi ng lahat, nagbibigay ng komentaryo at nagtatakda ng tono, pagkatapos ay binubuod ang lahat ng ito sa isang kumpleto at tumpak na pahayag, na ginagamit niya sa paggawa niya ng desisyon, ipinapakita sa lahat na mas mataas siya kaysa sa iba. Mula sa labas, tila narinig niya ang mga mensahe ng lahat, at hinahayaan niyang magsalita ang lahat. Gayumpaman, ang katunayan ay siya lang ang gumagawa ng desisyon sa huli. Ang desisyon sa katunayan ay ang mga kabatiran at pananaw ng lahat, na ibinubuod lang niya, ipinapahayag sa isang bahagyang mas kumpleto at tumpak na paraan. Hindi ito nakikita ng ilang tao, at kaya iniisip nilang siya itong nakatataas. Ano ang karakter ng gayong pagkilos sa kanyang bahagi? Hindi ba’t labis itong katusuhan? Binubuod niya ang mga mensahe ng bawat isa at sinasabi ang mga ito bilang kanya, para sambahin at sundin siya ng mga tao; at sa huli, ang lahat ay kumikilos ayon sa kanyang kalooban. Maayos na pakikipagtulungan ba iyon? Ito ay kayabangan at pag-aakalang mas matuwid kaysa sa iba, diktadurya—inaangkin niya ang lahat ng kapurihan. Ang gayong mga tao ay hindi matapat, napakaarogante at mapagmagaling, sa pakikipagtulungan sa iba, at makikita iyon ng mga tao, kung bibigyan ng sapat na panahon. Sasabihin ng ilan: “Sinasabi mong wala akong kakayahang makipagtulungan sa kahit na kanino—aba, mayroon akong kapareha! Mahusay siyang nakikipagtulungan sa akin: pumupunta siya kung saan ako pumupunta, ginagawa ang ginagawa ko; pumupunta siya kahit saan ko siya pinapapunta, ginagawa kung ano ang ipinagagawa ko sa kanya, paano ko man ito ipinagagawa sa kanya.” Iyan ba ang ibig sabihin ng pakikipagtulungan? Hindi. Tinatawag iyang pagiging isang alalay. Ginagawa ng isang alalay ang ipinag-uutos mo—pakikipagtulungan ba iyon? Malinaw, siya ay alipores, walang mga ideya o pananaw, lalong walang mga sarili niyang opinyon. At higit pa riyan, ang pag-iisip niya ay sa isang mapagpalugod ng mga tao. Hindi siya maingat sa anumang ginagawa niya, kundi pabasta-bastang gumagawa ng mga bagay-bagay, at hindi niya itinataguyod ang mga interes ng sambahayan ng Diyos. Anong layunin ang maidudulot ng pakikipagtulungang tulad nito? Kung kanino man siya nakapareha, ginagawa lang niya ang ipinag-uutos nito, alipores kailanman. Pinapakinggan niya anuman ang sinasabi ng iba at ginagawa ang anumang ipinagagawa sa kanya ng iba. Hindi iyon pakikipagtulungan. Ano ang pakikipagtulungan? Kailangang magawa ninyong makipagtalakayan ng mga bagay-bagay sa isa’t isa, at maipahayag ang inyong mga pananaw at opinyon; dapat punan at isuperbisa ninyo ang isa’t isa, at maghanap sa isa’t isa, magtanong sa isa’t isa, at udyukan ang isa’t isa. Iyon ang pakikipagtulungan nang maayos. Sabihin, halimbawa, na inasikaso mo ang isang bagay ayon sa sarili mong kalooban, at may nagsabi, “Mali ang ginawa mo, ganap na labag sa mga prinsipyo. Bakit mo ito inasikaso kung paano mo gusto, nang hindi hinahanap ang katotohanan?” Dito, sasabihin mo, “Tama iyan—natutuwa akong inalerto mo ako! Kung hindi, puwedeng magdulot ito ng kapahamakan!” Iyan ang pag-uudyok sa isa’t isa. Ano, kung gayon, ang pagsusuperbisa sa isa’t isa? Ang bawat isa ay may tiwaling disposisyon, at puwedeng maging pabasta-basta sa paggawa ng kanyang tungkulin, pinangangalagaan lamang ang sarili niyang katayuan at karangalan, hindi ang mga kapakanan ng sambahayan ng Diyos. Ang gayong mga kalagayan ay naroroon sa bawat tao. Kung nalaman mong may problema ang isang tao, dapat magkaroon ka ng pagkukusang makipagbahaginan sa kanya, paalalahanan siya na gawin ang kanyang tungkulin ayon sa mga prinsipyo, habang hinahayaan itong tumayo bilang isang babala sa iyong sarili. Iyon ay pagsusuperbisa sa isa’t isa. Ano ang tungkulin ng pagsusuperbisa sa isa’t isa? Nilalayon nitong pangalagaan ang mga interes ng sambahayan ng Diyos, at iiwas din ang mga tao sa maling landas. Ang pagkikipagtulungan ay may ibang gampanin, bukod sa pag-uudyok sa isa’t isa at pagsusuperbisa sa isa’t isa: pagtatanong sa isa’t isa. Kapag gusto mong asikasuhin ang isang tao, halimbawa, dapat kang makipagbahaginan at magtanong sa iyong kapareha: “Hindi ko pa nakatatagpo ang ganitong uri ng bagay noon. Hindi ko alam kung paano ito pangangasiwaan. Ano ang magandang paraan para pangasiwaan ito? Hindi ko ito basta kayang ayusin!” Sinasabi nila, “Pinangasiwaan ko na ang mga ganitong problema dati. Ang konteksto nang panahong iyon ay medyo naiiba kaysa sa kaso ng taong ito; magiging medyo tulad ito sa pagsunod sa panuntunan, kung aasikasuhin natin ito sa parehong paraan. Hindi ko rin alam ang magandang paraan para asikasuhin ito ngayon.” Sinasabi mo, “Mayroon akong ideya na gusto kong marinig mo. Ang taong ito ay tila masama, kung titingnan ang kanilang karakter, pero hindi tayo makatitiyak sa sandaling ito. Kaya naman nilang magtrabaho, kaya hayaan silang gawin ito sa ngayon. Kung hindi sila makapagtatrabaho, at patuloy na ginagambala at ginugulo ang mga bagay-bagay, pangangasiwaan natin sila kung gayon.” Narinig nila ito at sinabi, “Magandang paraan iyon. Nasa masinop na panig ito at ganap na naaayon sa mga prinsipyo, at hindi ito mapanupil o isang pagpapalabas ng pribadong galit. Ganito natin ito pangangasiwaan, kung gayon.” Nagkasundo kayong dalawa sa pamamagitan ng talakayan. Ang gawaing ginawa sa ganoong paraan ay tumatakbo nang maayos. Ipagpalagay na kayong dalawa ay hindi nagtutulungan at hindi nag-uusap tungkol sa mga bagay-bagay, at kapag hindi alam ng iyong kapareha kung paano pangangasiwaan ang isang bagay, ipapasa niya ito sa iyo, iniisip na, “Pangasiwaan mo ito kung paano mo man gustuhin. Kung may mangyayaring mali, magiging responsabilidad mo naman ito, gayumpaman—hindi ako makikibahagi sa iyo.” Makikita mong kumikilos ang iyong kapareha mula sa hindi kagustuhang umako ng responsabilidad, pero hindi mo iyon sinasabi sa kanya, kundi kumikilos nang padalos-dalos ayon sa iyong sariling kalooban, iniisip na, “Ayaw mong akuin ang responsabilidad? Gusto mong hayaan akong asikasuhin ito? Sige, aasikasuhin ko ito, kung gayon—patatalsikin ko sila.” Hindi pareho ang iniisip ninyong dalawa; bawat isa ay may kanya-kanyang anggulo—at bilang resulta, ang usapin ay naaasikaso nang pabasta-basta, na paglabag sa mga prinsipyo, at ang isang taong may kakayahang magtrabaho ay arbitraryong pinapaalis. Iyon ba ay maayos na pakikipagtulungan? Ang maayos na pakikipagtulungan ang tanging paraan para magkamit ng mga positibong resulta. Kung ang isang tao ay hindi aako ng responsabilidad at ang isa ay kikilos nang arbitraryo, iyon ay katulad nang sa hindi nila pagtutulungan. Pareho silang kumikilos ayon sa sarili nilang kalooban. Paano magiging kasiya-siya ang gayong pagganap ng tungkulin ng isang tao?
Kapag may nangyayari sa gitna ng pagtutulungan, kailangan ninyong magtanong sa isa’t isa at pag-usapan ang mga bagay-bagay. Puwede bang magsagawa ang mga anticristo nang ganito? Walang kakayahang makipagtulungan ang mga anticristo sa kahit na kanino; palagi nilang hinihiling na magtakda ng nag-iisang pamumuno. Ang katangian ng pagpapamalas na ito ay “solo.” Bakit ginagamit ang salitang “solo” para ilarawan ito? Dahil bago sila kumilos, hindi sila lumalapit sa Diyos sa panalangin, at hindi rin nila hinahanap ang mga katotohanang prinsipyo, lalong hindi sila naghahanap ng isang taong makikipagbahaginan at magsasabi sa kanila, “Ito ba ay angkop na landas? Ano ang itinatakda ng mga pagsasaayos ng gawain? Paano pangangasiwaan ang ganitong uri ng bagay?” Hindi nila kailanman pinag-uusapan ang mga bagay-bagay o hinahanap na magkaroon ng isang kasunduan sa kanilang mga katrabaho at kapareha—nag-iisip lang sila ng mga bagay-bagay at nagpapakana sa sarili nila, gumagawa ng mga sarili nilang plano at pagsasaayos. Sa pamamagitan lang ng isang mabilisang pagbasa sa mga pagsasaayos ng gawain sa sambahayan ng Diyos, iniisip nilang naunawaan na nila ang mga ito, at pagkatapos ay bulag nilang isinasaayos ang gawain—at sa oras na malaman ito ng iba, naisaayos na ang gawain. Imposible para sa sinuman ang marinig ang kanilang mga pananaw o opinyon mula sa sarili nilang bibig nang maaga, dahil hindi nila kailanman ipinapahayag ang mga kinikimkim nilang kaisipan at pananaw sa sinuman. Puwedeng may magtanong na, “Hindi ba’t lahat ng mga lider at manggagawa ay may mga kapareha?” Puwedeng may kapareha sila sa pangalan lang, pero pagdating ng oras para magtrabaho, hindi na sila magkapareha—solo silang nagtatrabaho. Bagama’t may mga katuwang ang mga lider at manggagawa, at may katuwang ang lahat ng gumagawa ng anumang tungkulin, naniniwala ang mga anticristo na mahusay ang kanilang kakayahan at mas magaling sila kaysa sa mga ordinaryong tao, kaya hindi karapat-dapat ang mga ordinaryong tao na maging mga katuwang nila, at mas mabababa lahat ang mga ito kumpara sa kanila. Ito ang dahilan kung bakit gusto ng mga anticristo na sila ang nasusunod at ayaw nilang tinatalakay ang mga bagay-bagay sa iba. Iniisip nilang magmumukha silang walang kakayahang walang halaga. Anong uri ng pananaw ito? Anong uri ng disposisyon ito? Isa ba itong mapagmataas na disposisyon? Iniisip nila na ang makipagtulungan at talakayin sa iba ang mga bagay-bagay, ang magtanong sa mga ito at maghanap mula sa mga ito, ay nakakawala ng dignidad at nakakababa ng pagkatao, na ikasisira ng kanilang respeto sa sarili. Kaya, upang maprotektahan ang kanilang respeto sa sarili, hindi nila pinapayagang makita ng iba ang anumang bagay na ginagawa nila, ni hindi nila sinasabi sa iba ang tungkol dito, at lalong hindi nila ito tinatalakay sa mga ito. Iniisip nila na ang makipagtalakayan sa iba ay nagpapakita na wala silang kakayahan; na ang laging paghingi ng mga opinyon ng ibang tao ay nangangahulugang sila ay mangmang at walang kakayahang mag-isip para sa kanilang sarili; na ang magtrabahong kasama ng iba sa pagtapos ng gampanin o pag-aayos ng ilang problema ay pagmumukhain silang walang kuwenta. Hindi ba’t ito ang mayabang at kakatwa nilang pag-iisip? Hindi ba’t ito ang kanilang tiwaling disposisyon? Masyadong halata ang taglay nilang kayabangan at pagmamatuwid sa sarili; ganap na nawalan na sila ng normal na katwiran ng tao, at medyo hindi na matino ang kanilang pag-iisip. Lagi nilang iniisip na may mga abilidad sila, na kaya nilang tapusin ang mga bagay-bagay nang sila lang, at hindi nila kailangang makipagtulungan sa iba. Dahil may gayong mga tiwaling disposisyon sila, hindi nila makamit ang matiwasay na pakikipagtulungan. Naniniwala sila na ang makipagtulungan sa iba ay magpapahina at maghahati-hati ng kanilang kapangyarihan, na kapag may kahati silang iba sa gawain, nababawasan ang sarili nilang kapangyarihan at hindi nila napagpapasyahan ang lahat ng bagay nang sila lang, ibig sabihin ay wala silang totoong kapangyarihan, na para sa kanila ay isang matinding kawalan. Kaya, kahit ano pang mangyari sa kanila, kung naniniwala silang nauunawaan nila at na alam nila ang nararapat na paraan ng pangangasiwa nito, hindi na nila ito tatalakayin pa sa iba, at sila ang magdedesisyon. Mas gugustuhin nilang makagawa ng mga pagkakamali kaysa ipaalam sa ibang tao, mas gugustuhin nilang maging mali kaysa ibahagi ang kapangyarihan sa sinuman, at mas gugustuhin nilang matanggal sa puwesto kaysa hayaan ang ibang tao na makialam sa kanilang gawain. Ganito ang isang anticristo. Mas pipiliin pa nilang pinsalain ang mga interes ng sambahayan ng Diyos, mas pipiliin pang isugal ang mga interes ng sambahayan ng Diyos, kaysa ibahagi ang kanilang kapangyarihan sa sinuman. Iniisip nila na kapag may ginagawa silang isang bahagi ng gawain o may inaasikasong ilang bagay, hindi ito ang pagganap ng isang tungkulin, bagkus ay isang pagkakataon na makapagpakitang-gilas at mamukod-tangi sa iba, at isang pagkakataon na makagamit ng kapangyarihan. Kaya naman, bagama’t sinasabi nilang makikipagtulungan sila nang maayos sa iba at na tatalakayin nila ang mga lumilitaw na isyu nang kasama ang iba, ang totoo, sa kaibuturan ng kanilang puso, hindi sila handang bitiwan ang kanilang kapangyarihan o katayuan. Iniisip nila na hangga’t nauunawaan nila ang ilang doktrina at may kakayahang gawin ito nang mag-isa, hindi nila kailangang makipagtulungan sa sinuman; iniisip nilang dapat itong isagawa at makumpleto nang mag-isa, at na ito lamang ang dahilan ng kanilang kahusayan. Tama ba ang ganitong pananaw? Hindi nila alam na kapag lumalabag sila sa mga prinsipyo, hindi nila ginagawa ang kanilang mga tungkulin, hindi nila naisasakatuparan ang atas ng Diyos, at na sila ay nagtatrabaho lang. Sa halip na hanapin ang mga katotohanang prinsipyo kapag ginagawa ang kanilang tungkulin, gumagamit sila ng kapangyarihan ayon sa kanilang mga saloobin at layunin, nagpapakitang-gilas, at ipinaparada ang kanilang sarili. Kahit sino pa ang kanilang katuwang o kahit ano pa ang kanilang ginagawa, hindi nila kailanman gustong talakayin ang mga bagay-bagay, gusto nilang palaging kumikilos nang mag-isa, at gusto nilang sila lagi ang nasusunod. Malinaw na pinaglalaruan nila ang kapangyarihan at ginagamit ang kapangyarihan para gawin ang mga bagay-bagay. Lahat ng anticristo ay gustung-gusto ng kapangyarihan, at kapag may katayuan sila, gusto nila ng higit pang kapangyarihan. Kapag may taglay silang kapangyarihan, malamang na gamitin ng mga anticristo ang kanilang katayuan upang makapagpakitang-gilas, at ibida ang kanilang sarili, para tingalain sila ng iba at makamit nila ang kanilang mithiing mamukod-tangi mula sa karamihan. Kaya nahuhumaling ang mga anticristo sa kapangyarihan at katayuan, at hindi nila bibitiwan ang kanilang kapangyarihan kailanman. Anumang tungkulin ang ginagawa nila, anumang mundo ng propesyonal na kaalaman ang saklaw nito, magkukunwari silang alam nila ang tungkol dito, kahit malinaw na hindi nila alam. At kung may isang taong mag-aakusa sa kanila na hindi sila nakauunawa, at nagpapanggap lang, sasabihin nila, “Kahit ngayon ko ito simulang pag-aralan, mas mauunawaan ko ito kaysa sa iyo. Pagtingin lang naman ito sa mga online na mapagkukunan, hindi ba?” Ganito kayabang at kamapagmagaling ang mga anticristo. Tinitingnan nila ang lahat bilang isang simpleng bagay, at mangangahas silang kunin ito nang maramihan at nag-iisa. At bilang resulta, kapag sinusuri ng Itaas ang gawain at tinatanong kung kumusta na ito, sinasabi nilang medyo naaasikaso na ito. Ang katunayan ay nagtatrabaho sila nang solo, hindi tinatalakay ang mga bagay-bagay sa sinuman—sila mismo ang nagdedesisyon sa lahat. Kung tatanungin mo sila, “May mga prinsipyo ba sa paraan ng iyong pagkilos?” Maglalabas sila ng isang buong hanay ng mga teorya para patunayang tama ang kanilang ginagawa at naaayon sa mga prinsipyo. Sa katunayan, baluktot at mali ang kanilang pag-iisip. Hindi pa talaga nila tinatalakay ang mga bagay-bagay sa iba, kundi palaging nasa kanila ang huling salita, sila mismo ang gumagawa ng mga desisyon. Madalas ang mga desisyong ginawa ng isang tao ay tiyak na maglalaman ng mga paglihis, kaya anong disposisyon ito, na iniisip ang kanilang sarili na tama at tumpak? Ito ay isang malinaw na disposisyon ng pagmamataas. Mayroon silang mapagmataas na disposisyon, at iyon ang dahilan kung bakit sila ay diktatoryal—kaya nagwawala sila sa paggawa ng masasamang bagay. Ito ay awtokrasya—isang monopolyo. Ito ang disposisyon ng mga anticristo. Hindi sila kailanman handang makipagtulungan sa sinuman, kundi tingin nila ay wala itong kabuluhan, hindi kailangan. Palagi nilang iniisip na mas mahusay sila kaysa sa iba, na walang sinuman ang maihahambing sa kanila. Iyan ang dahilan kung bakit sa puso nila, walang hangarin o kalooban ang mga anticristo na makipagtulungan sa iba. Gusto nilang masunod ang sinasabi nila; gusto nila ng monopolyo. Saka lamang sila nakadarama ng kagalakan—saka lamang nila naipapakita ang kanilang kataasan, ginagawang mapagpasakop ang iba sa kanila at masambahin sa kanila.
May isa pang bahagi nito, na ang mga anticristo ay palaging nagnanais na magkaroon ng ganap na kapangyarihan, na magkaroon ng tangi at huling salita. Ang aspektong ito ng kanilang disposisyon ang nagdudulot din sa kanila na mawalan ng kakayahang makipagtulungan sa iba. Kung tatanungin mo sila kung handa silang makipagtulungan, sasabihin nilang handa sila, pero pagdating ng oras para gawin ito, hindi nila kaya. Ito ang kanilang disposisyon. Bakit hindi nila ito kayang gawin? Kung ang isang anticristo ay, sabihin nating, magiging isang katulong na lider ng grupo, at ibang tao ang lider ng grupo, ang taong iyon na may likas na diwa ng isang anticristo ay magiging lider mula sa pagiging katulong, at ang lider ng grupo ay magiging kanyang katulong. Pagbabaligtarin nila ito. Paano nila ito makakamit? Marami silang pamamaraan. Ang isang elemento ng kanilang pamamaraan ay ang paggamit nila ng mga panahon kapag kumikilos sila sa harap ng mga kapatid—ang mga panahong nakikita sila ng karamihan—para magsalita at kumilos nang marami at magpakitang-gilas, para gawing mataas ang tingin sa kanila ng mga tao at kilalanin silang mas mahusay kaysa sa lider ng grupo, at na nahigitan nila ang lider ng grupo. At sa paglipas ng panahon, sasabihin ng mga kapatid na ang lider ng grupo ay hindi kasinghusay ng katulong na lider ng grupo. Nalulugod ang anticristo na marinig ito; iniisip niya, “Sa wakas, inamin nilang mas magaling ako sa kanya. Naisakatuparan ko ang aking layunin.” Ano ang mga responsabilidad at obligasyon na dapat gampanan ng isang katulong na lider ng grupo, sa mga normal na sitwasyon? Dapat silang makipagtulungan sa lider ng grupo sa pagsasagawa at pagpapatupad ng gawaing isinaayos ng iglesia, at itaas ang mga bagay-bagay sa lider ng grupo, at udyukan siya, at pangasiwaan siya—at kumilos nang magkasama sa pakikipagtalakayan sa kanya. Dapat gampanan ng lider ng grupo ang tungkulin ng pangunahing lider; dapat siyang suportahan ng katulong na lider ng grupo, at makipagtulungan sa kanya sa pagtingin na ang bawat proyekto sa trabaho ay naaasikasong mabuti. Bukod sa hindi pagsasabotahe sa mga bagay-bagay, ang lahat ay dapat gawin sa pakikipagtulungan sa lider ng grupo, para ang gawaing dapat gawin ay magawa nang maayos. Kung ang mga pagkilos ng lider ng grupo ay lumalabag sa mga prinsipyo, dapat itong itaas ng katulong na lider ng grupo sa kanya at tulungan siya, at itama ang pagkakamali. At sa lahat ng bagay na ginagawa ng lider ng grupo nang tama at maayos, at na naaayon sa mga katotohanang prinsipyo, dapat itong suportahan ng katulong na lider ng grupo at makipagtulungan dito, at gumawa ng todong pagsisikap sa kanyang paglilingkod, at maging kaisa sa puso at isip ng lider ng grupo para magawa nang maayos ang gawain. Kung may mangyaring problema, o kung may makitang problema, dapat pag-usapan nilang dalawa ang paglutas nito. Minsan, may dalawang bagay na dapat gawin nang sabay; kapag napag-usapan na nilang dalawa ang tungkol dito, kailangan nilang asikasuhin nang mabuti ang sarili nilang gawain, nang hiwalay. Iyan ang pagtutulungan—maayos na pagtutulungan. Nakikipagtulungan ba nang ganito ang mga anticristo sa iba? Talagang hindi. Kung ito ay isang anticristo na nagsisilbing katulong na lider ng grupo, pag-iisipan niya kung ano ang dapat gawin para makipagpalitan ng posisyon sa lider ng grupo, para gawing katulong ang lider ng grupo at gawing lider ng grupo ang katulong, at sa gayon ay nakukuha ang pamamahala. Inuutusan niya ang lider ng grupo na gawin ito at iyon, ipinapakita sa lahat na mas mahusay siya kaysa sa lider ng grupo, na karapat-dapat siyang maging lider ng grupo. Sa ganitong paraan, tumataas ang kanyang prestihiyo sa iba, at pagkatapos ay natural siyang mapipili bilang lider ng grupo. Sinasadya niyang pagmukhaing hangal at ipahiya ang lider ng grupo, sa gayon ay mamaliitin siya ng iba. Pagkatapos, sa kanyang mga salita, kinukutya at nililibak niya ito, at inilalantad at minamaliit ito. Unti-unti, ang pagkakaiba sa pagitan ng dalawa ay lumalaki nang lumalaki, at ang mga lugar na mayroon sila sa puso ng mga tao ay nag-iiba nang nag-iiba. Sa gayon ang anticristo ay nagiging lider ng grupo, sa huli—nakuha niya ang mga tao sa kanyang panig. Sa disposisyong tulad nang sa kanya, magagawa ba niyang makipagtulungan nang maayos sa iba? Hindi. Nasaan mang lugar sila, gusto nilang maging pinakaimportante, magkaroon ng monopolyo, hawakan ang kapangyarihan sa sarili niyang kamay. Anuman ang iyong titulo, hepe o katulong, malaki o maliit, ang katayuan at kapangyarihan, ayon sa nakikita niya, ay dapat na sa malao’t madali ay mapasakanya lang. Kung sino man ang gumagawa ng isang tungkulin kasama niya, o gumagawa ng anumang proyekto sa trabaho kasama niya, o kahit nakikipagdebate ng isang isyu sa kanya, nananatili siyang mapag-isa na kumikilos sa sarili niya. Hindi siya nakikipagtulungan sa sinuman. Walang sinuman ang pinahihintulutang magkaroon ng katulad na prestihiyo o titulo gaya nang sa kanya, o ng katulad na kakayahan o reputasyon. Sa sandaling may humigit sa kanya at magbanta sa kanyang katayuan, susubukan niyang baligtarin ang sitwasyon, sa anumang paraang makakaya niya. Tinatalakay ng lahat ang isang usapin, halimbawa, at kapag ang talakayan ay malapit nang magbunga ng isang resulta, mauunawaan niya ito sa isang sulyap at malalaman kung ano ang gagawin. Sasabihin niya, “Napakahirap ba talaga nitong asikasuhin? Kailangan pa ba nito ng gayong talakayan? Wala sa mga sinasabi ninyo ang uubra!” At mag-aalok siya ng isang bagong teorya o matayog na ideya na wala pang nakaisip, sa huli ay pabubulaanan ang mga pananaw ng lahat. Kapag nagawa na niya, magpapaisip ito sa mga tao, “Nasa itaas siya, tama; bakit hindi natin naisip iyon? Mga ignoranteng grupo ng walang silbing tao lang tayo. Hindi maganda iyan—kailangan ka naming mamuno!” Iyan ang resultang gusto ng anticristo; palagi siyang nagpapahayag ng matatayog na ideya, para makilala siya bilang isang natatanging personalidad, at makuha ang pagpapahalaga ng iba. At ano ang impresyon sa kanya ng mga tao sa huli? Na ang kanyang mga ideya ay higit pa sa mga ordinaryong tao, mas mataas kaysa sa mga ordinaryong tao. Gaano kataas? Kung wala siya roon, ang grupo ay hindi makagagawa ng desisyon o makatatapos nang anuman, kaya dapat nilang hintaying dumating siya at may sabihin. Kapag nagawa na niya, hahangaan siya ng lahat, at kung nakalilinlang ang sinasabi niya, sinasabi pa rin ng lahat na siya ay nakatataas. Sa ganito, hindi ba’t inililigaw niya ang mga tao? Kaya, bakit hindi niya kayang makipagtulungan sa sinuman? Pakiramdam niya, “Ang pakikipagtulungan sa mga tao ay paglalagay sa aking sarili sa antas nila. Puwede bang okupahin ng dalawang tigre ang iisang bundok? Puwede lamang magkaroon ng iisang hari ng bundok, at ang paghaharing iyon ay mapupunta sa sinumang makahahawak nito—at isang taong may kakayahang tulad ko ang makagagawa niyon. Hindi kayo lahat gayon katalino; mababa ang inyong kakayahan, at mahina ang inyong loob. At dagdag pa riyan, wala kayong dinaya o nilokong mga tao sa mundo—naloko lang kayo ng iba. Ako lang ang kalipikadong maging lider dito!” Sa kanya, ang masasamang bagay ay nagiging mabubuting bagay. Ipinagmamalaki niya ang masasamang bagay niyang ito—hindi ba’t wala iyong kahihiyan? Bakit niya sinasabi ang mga bagay na ito? At ano ang layunin ng pagkilos niya nang ganito, kung gayon? Ito ay para maging lider, para magkaroon ng pangunahing posisyon, gaano man kalaki ang grupo ng mga tao na kinabibilangan niya. Hindi ba’t iyon ang kanyang layunin? (Ito nga.) Kaya, iniisip niya ang bawat paraan para maliitin, hamakin, at kutyain ang lahat, at pagkatapos ay mag-alok ng sarili niyang matatayog na ideya, para kumbinsihin ang lahat at ipagawa sa lahat ang kanyang sinasabi. Pakikipagtulungan ba iyan? Hindi—ano ito? Umaayon ito sa ikawalong aytem, na pinag-uusapan natin: Hinihimok nila ang iba na sa kanila lang magpasakop, hindi sa katotohanan o sa Diyos. Sinasabi ito patungkol sa pakikipagtulungan. Kaya bang gawin ng mga anticristo—anuman ang kanilang ginagawa, sa kanilang wika o sa kanilang mga pamamaraan—ang kanilang tungkulin sa pakikipagtulungan sa iba? (Hindi.) Hindi sila nakikipagtulungan, kundi hinihingi lang na ang iba ay makipagtulungan sa kanilang mga pahayag at pamamaraan. Kaya ba nilang tumanggap ng payo mula sa iba, kung gayon? Tiyak na hindi. Anumang payo ang puwedeng ibigay sa kanila ng iba, wala silang pakialam dito. Hindi sila humihingi ng mga detalye o mga dahilan, ni hindi sila nagtatanong kung paano ba talaga dapat asikasuhin ang mga bagay-bagay, lalong hindi nila hinahanap ang mga katotohanang prinsipyo. Ang masama pa, hindi man lang nila Ako tinatanong kapag nasa harap nila Ako—tinatrato nila Akong hangin. Tinatanong Ko sila kung may ilang problema ba sila, at sinasabi nilang wala. Malinaw na hindi nila alam kung ano ang gagawin tungkol sa isang bagay na katatapos lang mangyari, pero hindi nila Ako tinatanong, kahit na naroon Ako sa harap nila. Kaya ba nilang makipagtulungan sa sinuman, kung gayon? Walang sinumang kalipikadong maging kapareha nila, alipin at alalay lang nila. Hindi ba’t gayon iyon? Puwedeng may mga kapareha ang ilan sa kanila, pero sa katunayan, ang mga kapareha nilang iyon ay ang kanilang mga paa, na parang mga papet. Sinasabi nila, “Pumunta ka rito,” at ginagawa ng kanilang kapareha; “Pumunta ka roon,” at ginagawa ng kanilang kapareha; alam ng kapareha nila kung ano ang gusto nilang malaman nila, at kung ano ang hindi nila gustong malaman nila, hindi man lang sila nangangahas magtanong. Ang mga bagay ay tulad nang sinasabi nila. Puwedeng may magsabi sa kanila, “Hindi ito magagawa. May ilang bagay na hindi mo mapapamahalaan nang mag-isa. Kailangan mong humanap ng isang taong makikipagtulungan sa iyo, isang taong mangangasiwa sa iyo. Bukod pa rito, may ilang trabahong hindi mo naasikaso nang maayos noong nakaraan. Kailangan mong humanap ng isang taong may kakayahan, na may abilidad na gawin ang gawain, para makipagtulungan sa iyo at tulungan ka—kailangan mong pangalagaan ang gawain ng iglesia at ang mga interes ng sambahayan ng Diyos!” Ano ang sasabihin nila riyan? “Kung aalisin mo ang kapareha ko, walang ibang angkop na maging kapareha ko.” Ano itong sinasabi nila? Wala ba silang magiging kapareha, o na hindi nila mahanap ang ganoong klase ng alalay at alipin? Natatakot sila na hindi nila mahahanap ang gayong alipin o alalay, tulad ng isang “kapareha” na ginagawa lang ang kanilang ipinag-uutos. Paano sa inyong palagay dapat lutasin ang hamong ito na binabanggit nila? Puwede ninyong sabihin, “Ah, hindi ka makahanap ng kapareha? Hindi mo na kailangang magtrabaho sa proyektong ito, kung gayon—puwede itong gawin ng sinumang may kapareha.” Hindi ba’t hindi nalutas ang problema? Kung walang sinumang angkop na maging kapareha mo at walang sinumang puwedeng makipagtulungan sa iyo, anong uri ng bagay ka, kung gayon? Isa kang halimaw, isang abnormal na nilalang. Ang mga tunay na may katwiran kahit papaano ay magagawang makipagtulungan sa isang karaniwang tao, maliban kung ang taong iyon ay napakababa ng kakayahan. Hindi iyon uubra. Ang unang bagay na dapat gawin ng mga makatwirang tao ay matutong makipagtulungan sa iba sa paggawa ng kanilang tungkulin. Dapat ay magagawa nilang makipagtulungan sa sinuman, maliban kung ang taong iyon ay mahina ang pag-iisip o isang demonyo, sa gayong kaso ay walang paraan para makipagtulungan sa kanila. Ito ay isang napakahalagang bagay, ang magawang makipagtulungan sa karamihan ng mga tao—tanda ito ng normal na katwiran.
Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.