Unang Aytem: Sinusubukan Nilang Kuhain ang Loob ng mga Tao (Unang Seksiyon)
Karagdagang Babasahin: Mga Karagdagang Katotohanan sa Pagpapalaganap ng Ebanghelyo
Ang temang tinalakay sa ilang nakaraang pagtitipon ay tungkol sa hustong pagganap ng isang tao sa kanyang mga tungkulin, at ikinategorya natin ang mga tungkuling dapat gampanan ng mga tao pati na rin ang mga tauhan. Ano ang mga espesipikong kategorya? (Ang unang kategorya ay ang tauhang nagpapalaganap ng ebanghelyo, ang ikalawang kategorya ay kinabibilangan ng mga lider at manggagawa sa iba’t ibang antas sa iglesia, ang ikatlong kategorya ay sumasaklaw sa mga tauhang gumaganap sa iba’t ibang espesyal na tungkulin, ang ikaapat na kategorya ay binubuo ng mga gumaganap sa mga ordinaryong tungkulin, ang ikalimang kategorya ay kinasasangkutan ng mga gumaganap sa mga tungkulin sa libre nilang oras, at ang ikaanim na kategorya ay tumutukoy sa mga hindi gumaganap sa mga tungkulin.) Sa kabuuan, may anim na kategorya. Noong nakaraan, tinalakay natin ang unang kategorya, na tungkol sa mga prinsipyo at katotohanang nauugnay sa tungkulin ng pagpapalaganap ng ebanghelyo, na kinapapalooban ng paksa mula sa lahat ng aspekto ng pagpapalaganap ng ebanghelyo, kabilang ang mga puntong dapat bigyan ng pansin, mga nauugnay na prinsipyo at katotohanan, at mga bahagi kung saan dapat mag-ingat ang mga tao, pati na rin mga karaniwang pagkakamali at pagbaluktot na nagaganap sa proseso ng pagganap sa tungkuling ito. Matapos makinig sa isang sermon sa isang partikular na tema, kaya ba ninyong ibuod ang mga pangunahing punto nito? Kung kaya ninyong maarok ang pinakamahalagang nilalaman ng isang tema, maisapuso ang mga nauugnay na katotohanan, at unti-unti, habang ginagampanan ang inyong tungkulin, ay magawa ninyo ang mga ito na sarili ninyong realidad, sarili ninyong buhay, at sarili ninyong landas ng pagsasagawa, tunay na ninyong naunawaan ang ibinabahagi kong nilalaman. Kung, matapos magbahagi tungkol sa isang sermon, pangkalahatang ideya lang ang mayroon kayo o mga partikular na pangyayari at kuwento lang ang naaalala ninyo pero hindi ninyo nauunawaan ang mga posibleng pinagbabatayang katotohanan at prinsipyo, at kung bakit tinatalakay ang mga bagay na ito, maituturing ba iyong pagkakaroon ng kakayahang makaarok? Maituturing ba iyong pagkaunawa sa katotohanan? (Hindi.) Hindi iyon maituturing na pagkaunawa sa katotohanan; ibig sabihin, hindi mo naunawaan kung anong mga katotohanan ang ipinapahatid, hindi mo naarok ang mga ito, at hindi mo tinanggap ang mga ito. Kung gayon, kaya ba ninyong gumawa ng buod? May makapagsasabi ba sa Akin ng mga pangunahing punto mula sa huli nating pagbabahaginan? (Pitong punto ang ibinuod natin: una, paano ilarawan ang tauhang nagpapalaganap ng ebanghelyo; ikalawa, ang diwa ng tungkulin ng pagpapalaganap ng ebanghelyo; ikatlo, ang saloobin ng mga tao sa tungkuling ito pati na rin ang mga panloob nilang pananaw; ikaapat, mga espesipikong prinsipyo ng pagsasagawa para sa pagpapalaganap ng ebanghelyo, gaya ng kung sino ang sumusunod sa mga prinsipyo sa pagpapalaganap ng ebanghelyo at kung sino ang hindi; ikalima, kung paano itatrato ang mga umaayon sa mga prinsipyo ng pagpapalaganap ng ebanghelyo; ikaanim, ang mga kahihinatnan kapag iniwan ng tauhang nagpapalaganap ng ebanghelyo ang trabaho niya at umalis sa kalagitnaan ng proseso ng pagganap sa kanyang tungkulin; ikapito, ang sakripisyo ng mga santo sa buong kasaysayan sa pagpapalaganap ng ebanghelyo, at kung paano natin dapat pahalagahan ang mga kasalukuyang oportunidad na gampanan ang ating mga tungkulin at mabilis na sangkapan ang ating sarili ng katotohanan.) Pangunahing sinasaklaw ng buod mo ang mahahalagang aspekto ng nakaraan nating pagbabahaginan—napakahusay. May nakalimutan ba? (May isa pang punto: pagbabago sa pananaw ng mga tao para maunawaan nilang ang pagpapalaganap ng ebanghelyo ay hindi lang tungkulin ng tauhan ng ebanghelyo kundi isang responsabilidad na hindi puwedeng iwasan ng lahat ng sumasampalataya at sumusunod sa Diyos. Isa itong katotohanang dapat maarok ng hinirang na mga tao ng Diyos.) Ang pagpapalaganap ng ebanghelyo ay responsabilidad at obligasyon ng bawat indibidwal—isa rin itong aspekto nito. Alam ba ninyo ang layunin ng pagbabahagi tungkol sa katotohanang ito? Ito ay upang tugunan ang mga paglihis sa pag-arok ng mga tao. Alam ba ninyo kung sa aling mga aspekto may mga paglihis? (Hindi ko alam.) Dahil hindi ninyo ito alam, pinapatunayan nitong hindi ninyo nauunawaan ang aspektong ito ng katotohanan. Kaya, bakit kinailangan Ko pang magbahagi tungkol sa katotohanang ito? Sa positibong bahagi, isa itong aspekto ng katotohanan na dapat maunawaan ng mga tao. Sa negatibong bahagi, ito ay upang tugunan ang mga paglihis na mayroon ang lahat ng tao sa pagkakaunawa nila sa pagpapalaganap ng ebanghelyo.
Maraming tao ang may mga paglihis sa pagkaunawa nila sa usaping ito ng pagpapalaganap ng ebanghelyo. Iniisip ng ibang tao, “Kasalukuyan akong gumagawa ng espesyal na tungkulin, kaya walang kinalaman sa akin ang pagpapalaganap ng ebanghelyo. Hindi ko ito alalahanin. Samakatwid, walang kaugnayan sa akin ang mga katotohanan, prinsipyo, at hinihingi ng Diyos na kailangang maunawaan para maipalaganap ang ebanghelyo. Hindi ko kailangang maunawaan ang mga bagay na ito.” Kaya, kapag pinagbabahaginan ang aspektong ito ng katotohanan tungkol sa pagpapalaganap ng ebanghelyo, wala silang pakialam, hindi nila ito maingat na isinasaalang-alang, at hindi nila ito pinagtutuunan ng pansin. Kahit makinig sila, hindi nila alam kung ano ang tinalakay. Mayroon ding mga nagsasabi, “Matapos kong manampalataya sa Diyos, palagi na akong lider. May kakayahan ako at abilidad na magtrabaho. Isinilang ako para maging isang lider. Lumilitaw na parang ang tungkuling ibinigay sa akin ng Diyos at ang misyon ko sa buhay ay maging isang lider.” Sa di-tuwirang paraan, ipinapakahulugan nilang walang kinalaman sa kanila ang pagpapalaganap ng ebanghelyo. Kaya, kapag ibinabahagi ang katotohanan tungkol sa pagpapalaganap ng ebanghelyo, hindi nila ito sineseryoso. Kapag hiniling sa kanilang ibuod kung ano ang pinagbahaginan sa huling pagtitipon, matagal na binubuklat ng ilang tao ang mga sinulat nila pero hindi pa rin nila alam. Bakit ito nangyayari? Dahil ba ito sa mahina nilang memorya? (Hindi.) Dahil ba marami silang iniisip at puno na ang utak nila? (Hindi.) Hindi ganoon. Ipinapakita nito na ang saloobin ng mga tao sa katotohanan ay isa ng pagiging tutol dito at ng hindi pagmamahal sa katotohanan. Samakatwid, hinihimok Ko ang lahat at ipinapaalam Ko sa lahat na ang pagpapalaganap ng ebanghelyo ay hindi isang espesyal na responsabilidad para sa isang partikular na uri ng tao o grupo ng mga tao, kundi responsabilidad ng bawat taong sumusunod sa Diyos. Bakit kailangang maunawaan ng mga tao ang katotohanan ng pagpapalaganap ng ebanghelyo? Bakit kailangang malaman ng mga tao ang mga katotohanang ito? Bilang isang nilikha, bilang isa sa mga sumusunod sa Diyos, kahit na anong edad, kasarian, o kung gaano man kabata o katanda ang isang tao, ang pagpapalaganap ng ebanghelyo ay isang misyon at responsabilidad na dapat tanggapin ng lahat. Kung dumating sa iyo ang misyong ito at hinihinging gugulin mo ang iyong sarili, magbayad ng halaga, o ibigay pa nga ang buhay mo, ano ang dapat mong gawin? Tungkulin mong tanggapin ito. Ito ang katotohanan, ito ang dapat mong maunawaan. Hindi ito isang simpleng doktrina—ito ang katotohanan. Bakit Ko sinasabing katotohanan ito? Dahil kahit paano man magbago ang panahon, ilang dekada man ang lumipas, o paano man magbago ang mga lugar at espasyo, palaging magiging isang positibong bagay ang pagpapalaganap ng ebanghelyo at pagpapatotoo sa Diyos. Hindi kailanman magbabago ang kahulugan at halaga nito: Hinding-hindi ito maiimpluwensiyahan ng pagbabago sa panahon o sa pang-heograpiyang lokasyon. Walang hanggan ang pagpapalaganap ng ebanghelyo at pagpapatotoo sa Diyos, at bilang isang nilikha, dapat mo itong tanggapin at isagawa. Ito ang walang hanggang katotohanan. Sinasabi ng ilang tao, “Ang pagpapalaganap ng ebanghelyo ay hindi ang tungkuling ginagampanan ko.” Gayumpaman, ang katotohanang ito na nauugnay sa pagpapalaganap ng ebanghelyo ay isang bagay na dapat maunawaan ng mga tao, dahil isa itong katotohanang nauugnay sa mga pangitain, at dapat itong maunawaan ng lahat ng nananampalataya sa Diyos; pundasyon ito sa pananalig sa Diyos at kapaki-pakinabang sa buhay pagpasok. Higit pa rito, anumang tungkulin ang ginagampanan mo sa iglesia, magkakaroon ka ng mga pagkakataong makasalamuha ang mga walang pananampalataya, at samakatwid ay responsabilidad na ipalaganap ang ebanghelyo sa kanila. Sa sandaling maunawaan mo ang katotohanan ng pagpapalaganap ng ebanghelyo, malalaman mo sa iyong puso, “Responsabilidad kong ipahayag ang bagong gawain ng Diyos, ipalaganap ang ebanghelyo ng gawain ng Diyos na pagliligtas sa sangkatauhan. Kahit kailan man o saan man, at anuman ang posisyon o papel ko, kung naglilingkod ako bilang isang aktor, may obligasyon akong magpalaganap ng ebanghelyo; at kung kasalukuyan akong isang lider ng iglesia, may obligasyon din akong magpalaganap ng ebanghelyo. Anuman ang tungkuling kasalukuyan kong ginagampanan, may obligasyon akong ipahayag ang ebanghelyo ng kaharian. Sa tuwing may pagkakataon o libreng oras, kailangan kong humayo at ipalaganap ang ebanghelyo. Isa itong responsabilidad na hindi ko puwedeng iwasan.” Ganito ba mag-isip ang karamihan ng tao sa kasalukuyan? (Hindi.) Kung gayon, ano ang iniisip ng karamihan ng tao? “May nakatakda akong tungkulin sa ngayon. Nag-aaral ako at nakatutok sa isang espesipikong propesyon, isang sangay ng pag-aaral, kaya walang kinalaman sa akin ang pagpapalaganap ng ebanghelyo.” Anong uri ito ng saloobin? Isa itong saloobin ng pag-iwas sa responsabilidad at misyon ng isang tao, isang negatibong saloobin. Hindi isinasaalang-alang ng mga taong ito ang mga layunin ng Diyos, mapaghimagsik sila laban sa Diyos. Kahit na sino ka man, kung wala kang pasanin para sa pagpapalaganap ng ebanghelyo, hindi ba’t isa itong tanda na wala kang konsensiya at katwiran? Kung hindi ka aktibo at konstruktibong tumutulong, umaako ng responsabilidad, at nagpapasakop, pabasta-basta ka lang gumagawa sa pasibo at negatibong paraan—hindi katanggap-tanggap ang saloobing ito. Anumang tungkulin ang gampanan mo, anumang propesyon o sangay ng pag-aaral ang kinapapalooban nito, ang isa sa mga pangunahing kinalabasan na dapat mong makamit ay ang kakayahan mong magpatotoo sa at magpahayag ng ebanghelyo ng gawain ng Diyos sa pagliligtas sa sangkatauhan. Ito ang pinakamaliit na hinihingi sa isang nilikha. Kung hindi mo man lang matugunan kahit ang pinakamaliit na hinihinging ito, ano ang iyong natamo sa pagganap sa tungkulin mo sa mga taong ito ng pananampalataya sa Diyos? Ano ang nakamit mo? Nauunawaan mo ba ang mga layunin ng Diyos? Kahit na maraming taon ka nang gumaganap sa tungkulin mo at naging mahusay na sa iyong propesyon, kung wala kang masabing anuman o hindi mo kayang makipagbahaginan sa anumang aspekto ng katotohanan kapag hiniling sa iyong magpatotoo sa Diyos, ano ang problema rito? Ang problema ay hindi mo nauunawaan ang katotohanan. Maaaring maramdaman ng ilang tao na hindi patas na sabihing hindi nila nauunawaan ang katotohanan. Maaaring isipin nilang naging epektibo sila sa pagganap sa kanilang tungkulin, pero hindi nila nauunawaan ang mga pangitain ng gawain ng Diyos at ang Kanyang layunin sa pagliligtas sa sangkatauhan. Katumbas ba ito ng pagkaunawa sa katotohanan? Kung tutuusin, wala kang naitatag na pundasyon sa tunay na daan para sa pananampalataya mo sa Diyos. Wala kang dinadalang pasanin para sa pagpapahayag ng gawain ng Diyos at ng ebanghelyo ng Kanyang pagliligtas sa sangkatauhan, at wala kang anumang kaalaman, pang-unawa, o pag-arok. Tunay ka bang maituturing kung gayon na isang taong sumusunod sa Diyos? Nakabuo ka na ba ng normal na relasyon sa Diyos? Kung hindi mo pa nakamit ang alinman sa mga bagay na ito, hindi mo tinataglay ang katotohanang realidad.
Ngayon, bumalik tayo sa paksang tinatalakay natin kanina. Ang pagpapalaganap ng ebanghelyo ay responsabilidad at obligasyon ng lahat ng hinirang na mga tao ng Diyos. Dahil natalakay na natin ang aspektong ito ng katotohanan, ano ang isang aytem na dapat maunawaan ng lahat? Magbayad man ng halaga ang isang tao, talikuran ang pamilya niya at magtrabaho para gugulin ang sarili niya para sa Diyos, o ialay pa nga ang kanyang buhay, sa realidad, ang lahat ng ito ay mabababaw na bagay. Ano ang hinihingi ng Diyos sa mga tao sa huli? Iyon ay na sa pagtaas ng tayog mo at sa paglago ng buhay mo, sa paglipas ng panahon, unti-unti mong sinisimulang maunawaan ang iba’t ibang katotohanan tungkol sa gawain ng Diyos at sa Kanyang layunin sa pagliligtas sa sangkatauhan. Lalong nagiging maliwanag ang puso mo sa pagpapalaganap ng ebanghelyo at pagpapatotoo sa Diyos, at mas umiigting ang determinasyon mong pasanin ang tungkuling ito. Kung maraming taon nang nagtatrabaho ang isang lider ng iglesia, pero sa paglipas ng mga taon niya ng pangunguna sa iglesia, nababawasan ang kanyang emosyon, hindi na siya masyadong naaantig, at may mas kaunting pasanin sa pagpapalaganap ng ebanghelyo, gaano niya kahusay na nagagampanan ang kanyang tungkulin? (Hindi mahusay.) Bakit? Ano ang lumilitaw na isyu? Kung siya ay nagkakaroon ng o namumuhay sa ganoong kalagayan, kahit papaano ay isang bagay ang tiyak: Hindi hinangad ng taong ito ang katotohanan sa mga taon na ito at wala siyang ginawang anumang aktuwal na gawain. Para siyang burukratikong kadre ng malaking pulang dragon. Bilang resulta, wala siyang pasanin at walang kaalaman sa pagpapahayag ng pangalan ng Diyos at pagpapatotoo sa Kanyang gawain. Hindi ba’t ito ang kinalabasan? (Oo.) Isa itong hindi maiiwasang kinalabasan. Gaano man karaming taon nang nagtatrabaho ang taong ito, kahit na iniisip pa niyang mataas ang tayog niya, na kaya niyang isaalang-alang ang pasanin ng Diyos, at kayang maglingkod ayon sa mga layunin ng Diyos, pero pagdating sa pagpapalaganap ng ebanghelyo, umaatras siya, hindi niya alam kung paano ito gawin. Kapag nakakasalamuha niya ang mga taong nananabik sa pagpapakita ng Diyos at naparito para hanapin at siyasatin ang tunay na daan, umuurong ang dila niya. Hindi siya makapagsalita, at hindi niya alam kung saan magsisimula. Ano ang problema rito? Ito ay na hindi niya nauunawaan ang katotohanan at hindi niya nakamit ang katotohanan, kaya hindi siya makapagpatotoo sa Diyos. Tanging ang mga taong nakakaunawa sa katotohanan ang makakapagpatotoo sa Diyos. Ang pagpapalaganap ng ebanghelyo at pagpapatotoo sa Diyos ay nakapaloob sa saklaw ng mga tungkulin mo. Kung nauunawaan mo ang katotohanan, kung nakamit mo ang katotohanan, bakit wala kang masasabi kapag nakasalamuha mo ang mga taong nagsisiyasat sa tunay na daan? Hindi ba’t problema ito? Madalas ba ninyong natatagpuan ang inyong mga sarili sa ganitong mga sitwasyon? (Oo.) Ano ang problema rito? Wala kayong pasanin. Problema ba ang hindi pagkakaroon ng pasanin? Magagampanan ba ninyo ang inyong tungkulin nang walang pasanin? Kahit na gampanan pa ninyo ang inyong tungkulin, magagawa ba ninyo ito nang tapat? Magagawa ba ninyo ito nang sapat? Kahit na ang hindi pagkakaroon ng pasanin ay maaaring hindi isang mapaminsalang isyu, malubhang problema pa rin ito, dahil naaapektuhan nito kung gaano mo kahusay na ginagampanan ang tungkulin mo. Hindi ba’t kailangang lutasin ang problemang ito? (Oo, kailangan.) Kaya, paano ninyo ito lulutasin? Kailangan ninyong baligtarin ang mga mali ninyong pananaw tungkol sa pagpapalaganap ng ebanghelyo at unawain ang katotohanan nito. Ang lahat ng gawain na kasalukuyan ninyong kinasasangkutan ay direktang nauugnay sa gawain ng pagpapalaganap ng ebanghelyo at nakapaloob ito sa saklaw ng pagpapalaganap ng ebanghelyo. Nilalayon nito ang pagpapatotoo sa Diyos, pagpapalawig ng gawain ng ebanghelyo, pagpapatotoo tungkol sa pangalan ng Diyos, at pagpapahayag ng ebanghelyong ito ng gawain ng Diyos sa pagliligtas sa sangkatauhan, para mas maraming tao ang makaalam nito, at mas maraming tao ang lumapit sa Diyos, tumanggap sa paglupig ng Diyos, tumanggap sa pagliligtas ng Diyos, at sa huli, kung mapalad silang matanggap ang paggawang perpekto ng Diyos sa kanila—lalo pa iyong mas mainam. Ano ang ibig sabihin ng magkaroon ng mas maraming tao na lumalapit sa Diyos, at ano ang dapat nitong makamit na kinalabasan sa huli? (Ang magdulot sa mas maraming tao na matamo ang pagliligtas ng Diyos.) Bakit dapat makamit ang layon na ito? Dahil ito ang layunin ng Diyos. Iyon ang dahilan kung bakit walang-sawa naming ipinapaliwanag ang mga katotohanang ito. Kung wala itong kinalaman sa layunin ng Diyos, walang silbi at walang katuturan ang pag-usapan ang mga bagay na ito. Dahil layunin ito ng Diyos, nililinaw natin ito at tinutulungan natin ang lahat na maunawaan ito, para malaman nilang ito ang katotohanan at na dapat magsumikap ang lahat para sa katotohanang ito ng pagpapalaganap ng ebanghelyo, nang sa gayon ay magkaroon ang bawat tao ng ganitong uri ng kaalaman at makabuo ng ganitong uri ng pasanin.
Ang kasunod na tanong ay, bakit natin dapat hayaan na mas maraming tao ang makaunawa sa layunin ng Diyos para magawa nilang maipalaganap ang ebanghelyo at matupad ang kanilang mga tungkulin? Bakit dapat itong gawin? Maaaring sabihin ng ilan, “Nais ng Diyos na maligtas ang bawat tao at ayaw Niyang mapahamak ang sinuman, kaya dapat nating hayaan na mas maraming tao ang tumanggap sa gawain ng Diyos.” Tama ang pahayag na ito, pero hindi ito ang mahalagang sagot sa tanong. Kaya, ano ang mahalagang sagot sa tanong na ito? Alam ba ninyo? (Nais ng Diyos na magkamit ng isang grupo ng mga taong kaisa Niya ng puso at isipan.) Nais ng Diyos na makamit ang isang grupo ng mga taong kaisa Niya ng puso at isipan, at kailangan itong makamit sa pamamagitan ng pagpapalawig sa ebanghelyo. Ang pinag-uusapan natin ngayon ay ang malawak na pagpapalaganap ng ebanghelyo. May pagkakaiba ba sa pagitan ng malawak na pagpapalaganap ng ebanghelyo at ng pagkakamit ng isang grupo ng mga tao? (Oo.) Kung gayon, ano ang layunin ng malawak na pagpapalaganap ng ebanghelyo? (Ang maligtas ang mas maraming tao hangga’t maaari.) Ang maligtas ang mas maraming tao hangga’t maaari ay isang prinsipyo ng pagliligtas ng Diyos pero hindi ang sagot sa tanong na ito. Mula nang magsimula ang gawaing ito, paulit-ulit Kong tinalakay ang tungkol sa kung paanong, sa panahong ito, dumating ang Diyos para gumawa ng gawain nang sa gayon ay pasinayaan ang isang kapanahunan, para magdala ng bagong kapanahunan at wakasan ang luma—para dalhin ang Kapanahunan ng Kaharian at wakasan ang Kapanahunan ng Biyaya. Ang lahat ng tumanggap sa gawain ng Diyos sa mga huling araw ay nakasaksi sa katunayang ito. Ang Diyos ay gumagawa ng bagong gawain, nagpapahayag ng katotohanan para hatulan ang sangkatauhan, nagdadalisay at nagliligtas sa sangkatauhan. Nagsimula nang lumaganap ang ebanghelyo ng kaharian sa maraming bansa. Nakalabas na ang sangkatauhang ito sa Kapanahunan ng Kautusan at sa Kapanahunan ng Biyaya. Hindi na sila nagbabasa ng Bibliya, hindi na sila namumuhay sa ilalim ng krus, at hindi na sila tumatawag sa pangalan ng Tagapagligtas na si Jesus. Sa halip, nananalangin sila sa ngalan ng Makapangyarihang Diyos at kasabay ring tinatanggap ang mga kasalukuyang salita ng Diyos bilang mga prinsipyo, pamamaraan, at layon ng pananatili sa buhay nila. Hindi ba’t ang ibig sabihin nito ay nakapasok na sa bagong kapanahunan ang mga tao? (Oo.) Nakapasok na sila sa bagong kapanahunan. Kaya, ano ang kapanahunan kung kailan mas marami pang tao, na hindi pa tumatanggap sa ebanghelyo sa mga huling araw at sa mga bagong salita ng Diyos, ang nabubuhay pa rin? Nabubuhay pa rin sila sa Kapanahunan ng Biyaya. Ngayon, ano ang inyong responsabilidad? Ito ay ang dalhin sila palabas mula sa Kapanahunan ng Biyaya at papasok sa bagong kapanahunan. Matutupad ba ninyo ang atas ng Diyos sa pamamagitan lamang ng pagdarasal at pagsambit sa Kanyang pangalan? Sapat na ba ang mangaral lang ng ilang salita ng Diyos? Talagang hindi ito sapat. Hinihingi nito sa bawat isa sa inyo na magkaroon ng pasanin na gampanan ang atas na ito ng pagpapalaganap ng ebanghelyo, na malawakang ipamahagi ang mga salita ng Diyos, na ipalaganap ang mga salita ng Diyos sa iba’t ibang paraan, at iproklama at palawigin ang ebanghelyo ng kaharian. Ano ang ibig sabihin ng palawigin? Ito ay nangangahulugan na iparating ang mga salita ng Diyos sa mga hindi pa nakatanggap sa gawain ng Diyos sa mga huling araw, na ipaalam sa mas maraming tao na gumagawa ang Diyos ng bagong gawain, at pagkatapos ay magpatotoo sa kanila tungkol sa mga salita ng Diyos, gamitin ang inyong mga karanasan para magpatotoo tungkol sa gawain ng Diyos, at dalhin din sila sa bagong kapanahunan—sa ganitong paraan, papasok sila sa bagong kapanahunan tulad ninyo. Malinaw ang layunin ng Diyos. Hindi lamang ito para sa inyo na nakarinig sa Kanyang mga salita, na tumanggap sa mga ito, at sumunod sa Diyos, ang makapasok sa bagong kapanahunan, kundi dadalhin din Niya ang buong sangkatauhan sa bagong kapanahunang ito. Ito ang layunin ng Diyos, at ito ay isang katotohanan na dapat maunawaan ng bawat tao na sumusunod sa Diyos ngayon. Hindi inaakay ng Diyos ang isang grupo ng tao, ang isang maliit na paksyon, o ang isang maliit na pangkat etniko papasok sa bagong kapanahunan; sa halip, nilalayon Niyang dalhin ang buong sangkatauhan sa bagong kapanahunan. Paano maisasakatuparan ang layong ito? (Sa pamamagitan ng malawakang pagpapalaganap ng ebanghelyo.) Tunay nga na dapat itong maisakatuparan sa pamamagitan ng malawakang pagpapalaganap ng ebanghelyo, gamit ang iba’t ibang pamamaraan at kaparaanan upang malawakang maiparating ang ebanghelyo. Madali lamang magsalita tungkol sa malawakang pagpapalaganap ng ebanghelyo, ngunit paano ba ito dapat partikular na gawin? (Nangangailangan ito ng pakikipagtulungan ng tao.) Mismo, ito ay nangangailangan ng pakikipagtulungan ng tao. Kung palaging kakapit ang mga tao sa ilang lumang bagay na nasa puso nila, palaging magkikimkim ng ilang baluktot na elemento, panghahawakan ang mga lumang regulasyon at gawi, pero hindi seseryosohin ang gawain ng ebanghelyo, at hindi tatanggapin ang atas ng Diyos, itinuturing ang gawain ng ebanghelyo na walang kaugnayan sa kanila, puwede bang tumaas ang posisyon ng ganitong mga tao at magamit ng Diyos? Puwede ba nilang taglayin ang mga kalipikasyon para makapamuhay sa harapan ng Diyos? Matatamo ba nila ang pagsang-ayon ng Diyos? Talagang hindi. Samakatwid, kailangan Kong kumilos sa inyong mga kaisipan, tandaan ang anumang elementong hindi ninyo nauunawaan, at walang-sawang ipaliwanag ang mga nauugnay na katotohanan hanggang sa maarok ninyo ang mga ito. Gaano man kayo kamanhid at kahinang umunawa, kailangan Ko kayong patuloy na kausapin at ipaunawa sa inyo na ito ang layunin ng Diyos, ito ang tungkuling dapat ninyong gampanan, at ito ang misyon at obligasyon ninyo sa buhay na ito. Kung hindi mo pagtutuunan ng pansin ang sinasabi Ko o kung hindi mo ito nauunawaan, kailangan Kong patuloy na magsalita. Kahit na sawa ka na rito, kailangan Kong patuloy na magsalita hanggang sa maunawaan mo ang katotohanan. Ano ang katotohanan? Ang katotohanan ay kung ano ang ipinapahayag ng Diyos; ito ay ang mga layunin ng Diyos, ang mga hinihingi ng Diyos sa sangkatauhan, at ang katotohanang realidad na dapat taglayin ng mga tao sa bagong kapanahunan. Paano dapat ituring ng mga tao ang mga layunin ng Diyos? Dapat nilang tanggapin ang mga ito nang walang pasubali at lubusan, pagkatapos ay magpasakop at tumulong, nang sa gayon ay matugunan ang mga layunin ng Diyos. Obligasyon ito ng isang tao. Nauunawaan ba ninyo kapag ganito ang pagkakasabi Ko? Maaaring sabihin ng ilan, “Naku, hinihingi ng Diyos sa mga tao na tanggapin ang Kanyang atas, pero ano ang kinalaman niyon sa ating mga tao na hindi makabuluhan?” Tingin ba ninyo ay may kinalaman ito sa kanila? (Mayroon.) Ano ang kinalaman nito sa kanila? Hayaan ninyong ipaliwanag Ko. Ang Diyos ay ang Lumikha, at ang mga tao ay ang Kanyang mga nilikha. Ano ang ugnayan sa pagitan ng “paglikha” at “nilikha”? Ito ay ang ugnayan sa pagitan ng paggawa at ng ginagawan, sa pagitan ng paglikha at nililikha. Dahil ipinaalam na sa iyo ang mga layunin ng Lumikha, anong saloobin ang dapat mayroon ka sa iyong pagtugon? (Tanggapin ang mga ito at tumulong nang buong lakas ko.) Mismo, dapat kang magpasakop sa mga ito at tanggapin ang mga ito, tumulong nang buo mong lakas, anuman ang kapalit. Kalakip ba ng pagtulong na ito ang paghahangad sa katotohanan? Kalakip ba nito ang pag-unawa sa katotohanan? Pareho itong kabilang. Dahil nauunawaan mo ang mga hinihingi at ang atas ng Diyos, nauugnay ang mga ito sa misyon mo, tungkulin mo ang mga ito—dahil alam mo ito, dapat mo itong tanggapin. Ito ang dapat gawin ng isang taong may konsensiya at katwiran. Kung alam mo ang mga hinihingi at ang atas ng Diyos pero hindi mo kayang tanggapin ang mga ito, wala kang konsensiya at katwiran, at hindi ka karapat-dapat na tawaging tao. Maaaring hindi pa rin nauunawaan ng ilang tao, iniisip na, “Ano bang kinalaman sa amin ng mga layunin ng Diyos?” Kung walang kinalaman sa iyo ang mga layunin ng Diyos, hindi ka tagasunod ng Diyos o miyembro ng sambahayan ng Diyos. Halimbawa, ipinanganak ka ng mga magulang mo at pinalaki ka sa loob nang maraming taon; kumain ka ng pagkain nila, tumira sa bahay nila, at ginastos ang pera nila. Pero kapag may problema sa bahay, at sinasabi mong wala itong kinalaman sa iyo, binabalewala ito at lumalayas ka na lang, anong klaseng kabuktutan ito? Ang sabihing isa kang tagalabas ay magandang pakinggan; sa realidad, isa kang mapaghimagsik na buktot, isang hayop na nakadamit ng tao, mas mababa sa isang halimaw. Ginawa nang malinaw para sa iyo ang layunin ng Diyos, at sinasabi ng Diyos, “Tinanggap ninyo ang yugtong ito ng gawain, at nauna Ko nang ibinigay sa inyo ang mga salitang ito, para mauna ninyong marinig ang mga ito, at narinig nga ninyo ang mga ito, naunawaan ang mga ito, at naarok ang mga ito. Ngayon, sasabihin Ko rin sa inyo ang layunin Ko at ang hinihingi Ko sa inyo. Dapat ninyong ipahayag ang Aking gawain, Aking mga salita, at ang mga bagay na isasakatuparan Ko para bigyang-daan ang buong sangkatauhan na marinig ang boses Ko; dapat ninyong palawigin ang Aking ebanghelyo ng kaharian para bigyang-daan ang buong sangkatauhan na mabilis na tanggapin ang gawain ng Diyos at makapasok sa Kapanahunan ng Kaharian. Ito ang layunin at hinihingi ng Diyos.” Paano ka dapat magnilay pagkarinig nito? Anong uri ng saloobin ang dapat mayroon ka? Paano ka dapat pumili? Paano mo dapat gampanan ang tungkuling dapat gampanan ng isang nilikha? Maaaring maramdaman ng ilang tao na mabigat ang pasanin, pero hindi sapat ang damdamin lang; kailangan mo ng aksyon at tunay na pagkaunawa. Dapat kang manalangin sa Diyos nang ganito: “O Diyos, ipinagkatiwala Mo sa akin ang responsabilidad ng pagpapalaganap ng ebanghelyo—ito ang pagtataas Mo. Kahit na katiting lang na katotohanan ang nauunawaan ko, handa kong gawin ang makakaya ko para tuparin ang atas na ito. Napakaraming sermon na ang narinig ko at naunawaan ko na ang ilang katotohanan—ang lahat ng ito ay biyaya Mo, at may responsabilidad na ako ngayong magpatotoo sa mga salita at sa gawain ng Diyos, para tuparin ang atas na ito.” Tama iyon; kapag may pusong nagpapasakop sa Diyos ang mga tao, ginagabayan Niya ang mga ito. Malinaw nang sinabi ng Diyos sa mga tao na ang pagpapalaganap ng ebanghelyo ng Diyos ay isang obligasyon at isang responsabilidad na hindi puwedeng iwasan ninuman. Isa itong panghabambuhay na tungkulin, isang tungkulin ng bawat nilikha. Naglalaman ba ang mga salitang ito ng utos mula sa Diyos? Naglalaman ba ang mga ito ng panghihikayat Niya? (Oo.) Naglalaman ba ang mga ito ng layunin ng Diyos? (Oo.) Naglalaman ba ang mga ito ng mga katotohanang dapat maunawaan ng mga tao? (Oo.) May mga prinsipyo at landas ba ng pagsasagawa rito na maaaring sundin ng isang tao? (Oo.) Ilang punto ang binanggit Ko sa kabuuan? (Apat na punto: Ang una ay ang utos at panghihikayat ng Diyos. Ang ikalawa ay ang layunin ng Diyos. Ang ikatlo ay ang mga katotohanang dapat nating maunawaan. Ang ikaapat ay ang mga prinsipyo at landas ng pagsasagawa na dapat sundin ng isang tao.) Tama iyon; nabanggit Ko ang apat na puntong ito sa kabuuan. Susunod, pagbahaginan natin ang espesipikong nilalaman ng bawat isa.
Ang unang aytem ay ang utos ng Diyos. Ano ang utos ng Diyos? (Ang ipahayag ang ebanghelyo ng kaharian.) Ito ay ang malawak na ipalaganap ang ebanghelyo ng kaharian. Ang ikalawang aytem ay ang layunin ng Diyos. Ano ang layunin ng Diyos? Ito ay ang ipaalam sa mas maraming tao na dumating na ang Diyos, na may ginagawa Siyang bagong gawain, na nilalayon ng Diyos na baguhin ang kapanahunan, wakasan ang lumang kapanahunan, at akayin ang sangkatauhan sa isang bagong kapanahunan. Ito ang layunin ng Diyos, hindi ba? Masasabi ba ng isang tao na ang layunin ng Diyos ay ang palawigin ang ebanghelyo? Hindi iyon ganoon kasimple. Ang pagpapalawig sa ebanghelyo ay may pangwakas na layunin at resulta—ano iyon? (Ang ipaalam sa mas maraming tao na dumating na ang Diyos, may ginagawa Siyang bagong gawain, at nilalayon Niyang wakasan ang lumang kapanahunan, at akayin ang buong sangkatauhan tungo sa isang bagong kapanahunan.) Tama iyon, ang akayin ang buong sangkatauhan tungo sa isang bagong kapanahunan. Ano ang epekto nito sa sangkatauhan? Papasok ang sangkatauhan sa isang bagong kapanahunan; mababago ang kapanahunang ito. Kaya, ano ang layunin ng Diyos? Pakiulit ito. (Nilalayon ng Diyos na baguhin ang kapanahunan, wakasan ang lumang kapanahunan at akayin ang sangkatauhan sa isang bagong kapanahunan.) Wala kang puwedeng kalimutang anuman—naisulat mo ba ang lahat? (Oo.) Ang ikatlong aytem ay ang katotohanang dapat maunawaan ng mga tao. Ano ang katotohanang ito? (Ang pagpapalaganap ng ebanghelyo ay ang tungkulin at responsabilidad ng bawat nilikha.) Iyon ang katotohanan. Sa katotohanang ito, ang dapat gawin ng mga tao ay ang tanggapin ang tungkulin ng pagpapalaganap ng ebanghelyo at pagkatapos ay hanapin ang mga prinsipyo at landas ng pagsasagawa na nakapaloob sa pahayag na ito. Ang pahayag na ito ay ang katotohanan para sa mga tao. Ano ang pahayag? (Ang pagpapalaganap ng ebanghelyo ay ang tungkulin at responsabilidad ng bawat nilikha.) Ito dapat ang tungkulin at misyon. Paano mo nauunawaan ang tungkulin at misyon? Ang tungkulin ay ang responsabilidad na dapat tuparin ng isang tao, at ang responsabilidad na dapat tuparin ng isang tao ay ang kanya ring tungkulin. Pero iba ang misyon; ang misyon ay mas malaki, mas akma, may mas malalim na kahulugan at mas mabigat kaysa responsabilidad. Naisulat ba ninyo ito? (Oo.) Ngayon, may napansin ako; kailangang itala ang lahat ng nilalamang ito na tinatalakay natin bago kayo magkaroon ng ideya tungkol sa mga ito. Kung hindi ninyo isusulat ang mga ito, at makikinig lang nang ganito, hindi man lang ito mag-iiwan ng impresyon. Ano ang ipinapahiwatig nito? Ipinapakita nitong hindi nauunawaan ng mga tao ang katotohanan; katiting na doktrina lang ang naaarok nila at ang kahulugan, konsepto, at balangkas lang ng ilang katotohanan ang alam nila. Pagdating sa mga espesipikong detalye ng mga katotohanang ito, kung paano isagawa ang mga ito at gamitin ang mga ito, wala silang ideya, hindi ba? Para sa karamihan sa inyo, hindi mahirap na pag-usapan ang doktrina nang dalawa o tatlong oras, pero pagdating sa paggamit sa katotohanan para lumutas ng mga sitwasyon, gamit ang mga prinsipyo at landas ng pagsasagawa na naranasan at naunawaan na ninyo—mahirap iyon. Ano ang problema rito? Ang hindi pagkaunawa sa katotohanan, hindi ba’t tama iyon? Ngayon, dumako tayo sa ikaapat na aytem. Ano ang ikaapat na aytem? (Ang mga prinsipyo at landas ng pagsasagawa na dapat sundin ng isang tao.) Paano tinutukoy ang mga prinsipyo at landas na ito? Tinutukoy ang mga ito batay sa dalawang bagay: Ang isa ay ang layunin ng Diyos, at ang isa pa ay ang katotohanan. Ang dalawang bagay na ito ang dapat maunawaan ng mga tao. Halimbawa, kung nag-aalangan kang ipalaganap ang ebanghelyo kapag hiniling ito sa iyo, pero sinasabi ng Diyos na ang pagpapalaganap ng ebanghelyo ay ang Kanyang layunin, ano ang dapat mong gawin? Ano ang dapat na maging mga prinsipyo mo ng pagsasagawa? Ano ang dapat na maging saloobin mo? Dapat kang magpasakop dito at tanggapin ito nang buo, nang hindi tumatanggi, nang walang pagsusuri o pagsisiyasat, nang hindi hinihingi ang dahilan. Ito ang tunay na pagpapasakop. Isa itong mahalagang prinsipyo na dapat sundin sa pagsasagawa ng katotohanan. Kapag pinag-uusapan natin ang layunin ng Diyos sa paraang nagbibigay-kahulugan, ano ang karaniwan nitong tinutukoy? Ang layunin ng Diyos ay talagang ang pagnanais ng Diyos, ang hangarin, pinanggagalingan, at panimulang punto para sa Kanyang mga pagkilos. Sa mga espirituwal na termino, tinatawag itong Kanyang “layunin” o ang “pangitain.” Kapag inihayag sa iyo ng Diyos ang Kanyang layunin, binibigyan ka Niya ng pangkalahatang direksiyon, ipinapaalam sa iyo kung ano ang nilalayon Niyang gawin. Gayumpaman, kung hindi ibibigay ng Diyos ang mga detalye o mga prinsipyo, alam mo ba ang eksaktong landas at direksiyon sa pagsasagawa? Hindi. Kaya kapag sinasabi Ko sa mga taong gawin ang isang bagay, iyong mga nakakapag-isip nang mabuti, na may puso at espiritu, ay agad na hahanapin ang mga detalye at kung paano ito espesipikong gawin pagkatapos itong tanggapin. Ang mga taong hindi nakakapag-isip nang mabuti, na walang puso at espiritu, ay maaaring mag-isip na madali ito at magmadaling kumilos nang hindi naghihintay para sa mga karagdagang detalye. Ito ang ibig sabihin ng hindi pag-iisip nang mabuti at bulag na paggawa sa isang gawain. Kapag nakatanggap ka ng atas mula sa Diyos at layon mong tuparin ang tungkulin mo at tapusin ang misyon mo, dapat mo munang maunawaan ang layunin ng Diyos. Kailangan mong malaman na nagmumula sa Diyos ang atas na ito, na layunin Niya ito, at dapat tanggapin mo ito, isaalang-alang ito, at higit sa lahat, magpasakop dito. Pangalawa, dapat mong hanapin kung aling mga katotohanan ang kailangan mong maunawaan para magampanan ang tungkuling ito, aling mga prinsipyo ang dapat mong sundin, at kung paano magsagawa sa paraang nakakatulong sa hinirang na mga tao ng Diyos at sa gawain ng sambahayan ng Diyos. Ang mga ito ang mga prinsipyo ng pagsasagawa. Matapos maunawaan ang layunin ng Diyos, dapat mong agad na hanapin at unawain ang mga katotohanang nauugnay sa pagganap sa tungkuling ito at, matapos maunawaan ang katotohanan, tiyakin ang mga prinsipyo at landas ng pagsasagawa ng mga katotohanang ito. Ano ang tinutukoy ng “mga prinsipyo”? Sa partikular, ang isang prinsipyo ay tumutukoy sa isang bagay kung saan dapat nakabatay ang pagkamit ng isang target o paggawa ng mga resulta kapag nagsasagawa ng katotohanan. Halimbawa, kung inatasan kang bumili ng isang aytem, ano ang mga espesipikong prinsipyo ng pagsasagawa? Una, kailangan mong maunawaan ang mga espesipikasyon at modelo ng aytem na bibilhin, ang mga pamantayan sa kalidad na dapat nitong matugunan, at kung akma ba ang presyo. Sa proseso ng paghahanap, magkakamit ka ng kalinawan tungkol sa mga partikular na prinsipyo ng pagsasagawa. Ang mga prinsipyong ito ay nagbibigay sa iyo ng sukat at ng saklaw—magiging maayos ka hangga’t mananatili ka sa saklaw na ito. Kapag naunawaan mo na ang mga pangunahing prinsipyong kaugnay ng mga espesipikasyon, kalidad, at presyo ng aytem, ipinapakita nitong naarok mo na ang mga kinakailangang pamantayan para sa gampaning ito. Ibig sabihin nito na talagang natutunan mo na kung paano magsagawa. Dapat maarok ng isang tao ang mga prinsipyo para maisagawa ang katotohanan: Ang mga prinsipyo ang susi, ang pinakapangunahing elemento. Kapag naarok mo na ang mga pundamental na prinsipyo ng pagganap sa tungkulin mo, ipinapakita nitong nauunawaan mo ang mga kinakailangang pamantayan sa pagganap sa tungkuling iyon. Ang makabisado ang mga prinsipyong ito ay katumbas ng malaman kung paano isagawa ang katotohanan. Kaya, sa anong batayan itinatag ang kakayahang ito sa pagsasagawa? Ito ay sa pundasyon ng pagkaunawa sa layunin ng Diyos at sa katotohanan. Maituturing bang pagkaunawa sa katotohanan kung isang pangungusap lang sa hinihingi ng Diyos ang alam mo? Hindi. Anong mga pamantayan ang dapat matugunan para maituring na pagkaunawa sa katotohanan? Dapat mong maunawaan ang kahulugan at halaga ng pagganap sa iyong tungkulin at, kapag naging malinaw na sa iyo ang tungkol sa dalawang aspektong ito, naunawaan mo na ang katotohanan ng pagganap sa tungkulin mo. Higit pa rito, matapos maunawaan ang katotohanan, dapat mo ring maarok ang mga prinsipyo ng pagganap sa tungkulin mo at ang mga landas ng pagsasagawa. Kapag kaya mo nang maarok at magamit ang mga prinsipyo ng pagganap sa tungkulin mo, at maglapat minsan ng kaunting karunungan, matitiyak mo na ang pagiging epektibo ng pagganap sa tungkulin mo. Sa pamamagitan ng pag-arok sa mga prinsipyong ito at pagkilos ayon sa mga ito, magiging handa kang isagawa ang katotohanan. Kung gagampanan mo ang iyong tungkulin nang hindi ito hinahaluan ng anumang mga layuning pantao, kung gagawin ito sa pamamagitan ng lubusang pagpapasakop sa mga hinihingi ng Diyos at ayon sa mga pagsasaayos ng gawain ng sambahayan ng Diyos, ganap na umaayon sa mga salita ng Diyos, natupad mo na ang tungkulin mo sa ganap na kalipikadong paraan, at kahit na maaaring may ilang pagkakaiba sa mga resulta kumpara sa mga hinihingi ng Diyos, maituturing pa rin itong pagsasakatuparan ng mga hinihingi ng Diyos. Kung gagampanan mo ang tungkulin mo nang ganap na alinsunod sa mga prinsipyo, kung tapat ka, sa abot ng iyong makakaya, ganap na umaayon sa layunin ng Diyos ang pagganap mo sa tungkulin. Natupad mo ang tungkulin mo bilang isang nilikha nang buong puso, isipan, at lakas mo, na siyang resultang naisakatuparan sa pamamagitan ng pagsasagawa ng katotohanan. Ngayon, para maarok ang mga prinsipyo at landas ng pagsasagawa, ano muna ang dapat mong maunawaan para makamit ang resultang ito? (Una, dapat nating maunawaan ang layunin ng Diyos, at pagkatapos ay tanggapin ito at magpasakop dito nang buong-buo at walang pagtanggi.) Ito ang dapat taglayin ng mga tao pagdating sa pagsasagawa at saloobin. Ano ang susunod na dapat maunawaan? Dapat mong maunawaan ang katotohanan, at ang mga detalyeng nakapaloob sa katotohanan ang bumubuo sa mga prinsipyo at landas. Para maarok ang mga prinsipyo at landas ng pagsasagawang dapat mong sundin, ang unang bagay na dapat mong maunawaan ay ang layunin ng Diyos, na sinusundan ng katotohanan. Ang mga ito ang dalawang pangunahing punto, at ang lahat ng iba pa ay binubuo ng detalyadong nilalaman na nakapaloob sa mga ito.
Ang unang kategorya tungkol sa mga gumaganap sa tungkulin nila sa pagpapalaganap ng ebanghelyo ay pansamantalang tatapusin dito. Ngayong araw, nagdagdag Ako ng kaunti pa bilang karagdagang babasahin na magsisilbing tagapagbukas ng pangunahing paksang tinalakay noong nakaraan. Kasabay nito, nagsisilbi itong babala para kilalanin ng lahat ang kahalagahan ng katotohanang ito, nang sa gayon ang bawat gampanin na kasalukuyan mong kinasasangkutan at bawat tungkuling ginagampanan mo ay nakatuon sa direksiyon at layon na ito at isinasagawa sa pundasyong ito—nauugnay lahat sa pagpapalaganap ng ebanghelyo. Kahit na wala ka sa mga frontline na nakikipag-ugnayan sa mga potensyal na tatanggap ng ebanghelyo, ang lahat ng tungkuling kasalukuyan mong ginagampanan ay masasabing nauugnay sa gawain ng ebanghelyo. Sa batayang ito, hindi ba’t ang lahat ay dapat na may mas malinaw at mas maliwanag na pagkaunawa tungkol sa katotohanang nauugnay sa pagpapalaganap ng ebanghelyo? (Oo.) Sa pamamagitan ng karagdagang babasahin ngayong araw, nagkaroon ba kayo ng malinaw na pananaw tungkol sa bigat at halaga ng tungkulin ng pagpapalaganap ng ebanghelyo? (Oo.) Kung gayon, ano ang pinakaakma at wastong saloobin na dapat taglayin ukol sa katotohanang ito sa hinaharap? Ang pagpapalawig sa ebanghelyo ay layunin ng Diyos. Nilalayon ng Diyos na wakasan ang lumang kapanahunang ito, at akayin ang mas marami pang tao sa harapan Niya, palabas sa lumang kapanahunan at tungo sa bago. Ito ang layunin ng Diyos, at isa itong bagay na dapat maunawaan ng lahat. Maaaring sabihin ng ilan, “Nauunawaan ko, pero hindi ako makaipon ng sigasig na kailangan para ipalaganap ang ebanghelyo, at wala sa puso ko ang pakikipagtulungan.” Ano ang isyu rito? (Kawalan ng pagkatao.) Mismo. Kinikilala mo ang sarili mo bilang isang nilikha at tagasunod ng Diyos, pero pagdating sa layunin ng Diyos na madalas Niyang ipinapangaral sa lahat, ang agaran Niyang layunin na malinaw na ipinaliwanag sa lahat ng tao, kung hindi mo ito pagtutuunan ng pansin at wala kang pakialam dito, anong uri ka ng tao kung ganoon? Pagpapamalas ito ng kawalan ng pagkatao. Gusto mong parangalan ang Diyos bilang dakila at sabihing Siya ang Diyos at Panginoon mo, pero pagdating sa layunin ng Diyos, wala kang ipinapakitang katiting na pakialam, walang anumang pagsasaalang-alang. Isa itong kawalan ng pagkatao, at walang puso ang ganitong tao. Dito na nagtatapos ang paksang ito.
Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.