Ikatlong Aytem: Inihihiwalay at Binabatikos Nila ang mga Naghahangad sa Katotohanan (Unang Seksiyon)

Ang ikatlong pamamaraan na ginagamit ng mga anticristo para kontrolin ang mga tao: Inihihiwalay at binabatikos nila ang mga naghahangad sa katotohanan. May ilang mga taong mahal ang mga positibong bagay, ang katarungan at liwanag, at ang pakikipagbahaginan tungkol sa katotohanan. Madalas nilang nilalapitan ang mga kapatid na naghahanap at naghahangad sa katotohanan upang makabahaginan ang mga ito. Ikinaiinit ng ulo ng mga anticristo na makita ito. Para sa kanila, ang lahat ng naghahangad sa katotohanan ay parang karayom sa kanilang mata, isang tinik sa kanilang lalamunan; binabatikos, inihihiwalay, at sinasaktan nila ang lahat ng naghahangad ng katotohanan. Siyempre, hindi lamang babatikusin ng mga anticristo ang mga taong ito gamit ang mga brutal at malulupit na taktika na halata namang kayang makita ng mga tao. Gagayahin nila ang estilo ng pagbabahagi tungkol sa katotohanan, at gamit ang ilang salita at doktrina, huhusgahan nila ang mga tao at aatakihin ang mga ito. Iniisip tuloy ng mga tao na akma at makatwiran ang ginagawa nila, na tumutulong sila—na walang mali sa ginagawa nila. Ano ba itong mga “akma at makatwirang” pamamaraan nila? (Ginagamit nila ang mga salita ng Diyos para husgahan ang mga tao at atakihin sila.) Tama—ginagamit nila ang mga salita ng Diyos para ilantad ang mga tao at husgahan sila. Iyon ang kanilang pinakakaraniwang pamamaraan. Sa panlabas, tila patas, makatwiran, at talagang akma ang ganitong paraan ng pananalita, pero sa loob, hindi nila intensiyong tumulong sa iba para makinabang ang mga ito, pero para ilantad, husgahan, kondenahin, at insultuhin ang mga ito. Iyon talaga ang gusto nilang maisakatuparan. Kaya ang problema ay kung saan sila nagsisimula. Ang mga taong alisto ay nakikitang ginagawa nila ito dahil ang mga taong iyon ay naghahanap at minamahal ang katotohanan, at sila ay may idinudulot na banta sa mga anticristo. At ano ang bantang iyon? Sa anong paraan mahahadlangan ng kanilang pagmamahal sa katotohanan ang mga anticristo? (Nahahalata at nakikilatis nila ang mga ito.) Tama. Ang pinakamalaking banta na idinudulot ng mga nagmamahal sa katotohanan sa isang anticristo ay nakikilatis nila ang anumang masamang ginagawa ng anticristo, kahit ano pa ito; nakikilala nila ang diwa nito at malamang na ilalantad, isusumbong, at ibubunyag nila ito kahit saan at kahit kailan, at pagkatapos ay kokondenahin at itatakwil ito, at aalisin ito mula sa iglesia. Kung mangyayari iyon, mawawala ang katayuan at kapangyarihan nito magpakailanman, at ang pag-asa nitong pagpalain ay ganap nang mawawasak. Kaya para sa isang anticristo, ang mga taong naghahangad sa katotohanan ang pinakamalaking banta bukod pa sa mga taong hindi sumasang-ayon.

Bukod pa sa mga paraang mukhang akma gaya ng paggamit ng pagbabahaginan sa mga salita ng Diyos para atakihin ang mga taong naghahangad sa katotohanan at para husgahan sila, gagawa pa ng matitinding hakbang ang mga anticristo laban sa kanila. Ano ang matitinding hakbang na iyon? Bilang halimbawa, gagamitin nila ang isang panandaliang pagsalangsang ng isang lider o manggagawa; hindi na mahalaga kung ano ba ang konteksto nito, kung may natutunan ba rito ang taong iyon at kung makapagsisisi ba siya, at kung siya ba ay isang taong naghahanap ng katotohanan; palalakihin nila ang sitwasyon para husgahan ang taong iyon at kondenahin siya, at paalisin siya. Nahinuha ng mga anticristo na para matanggal ang damo, dapat alisin ang ugat, kaya pinapaalis nila ang mga ganoong tao sa iglesia, nang sa gayon ay hindi magiging banta ang mga ito sa katayuan ng mga anticristo. Lahat ng masasamang tao at mga anticristo ay magaling sa pagsunggab sa mga bagay na magagamit laban sa mga lider at manggagawa, at kapag nagawa na nila iyon, kokondenahin nila ang mga taong iyon bilang mga huwad na lider at anticristo. Mabigat na paratang! Ang mga lider at manggagawa ay pinipili ng mga taong hinirang ng Diyos; bakit mo palaging susunggaban ang mga bagay na magagamit laban sa kanila? Ano ang iyong layunin sa pagkakaroon ng ganoong bentaha? Ito ba ay dahil nais mo silang palitan bilang lider? Sa oras na akusahan ng isang masamang tao ang isang lider o manggagawa ng pagkakasala na pagiging isang huwad na lider at anticristo, kung makapagbibigay siya ng mga halimbawa at makukumbinsi niya ang mga taong hinirang ng Diyos na tumutugma ito sa mga katunayan, magdudulot ito ng problema. Ang lider o manggagawang iyon ay madaling mapapaalis sa iglesia. Ang pagiging isang huwad na lider o anticristo ay isang napakabigat na pagkakasala, na kapag napatunayan ang pagkakasala, makokondena ang akusado, at ang kanyang pagiging mananampalataya ng Diyos ay matatapos na. Ikasisira niya iyon, hindi ba? Napakasama niyon! Bukod pa roon, kung pagkatapos niyon ay sasamantalahin ng anticristo ang pagkakataong iyon para mapili siya bilang lider at makontrol niya ang iglesia, hindi ba’t mapapasailalim sa kontrol ng anticristo ang mga taong hinirang ng Diyos? Hindi ba’t ang iglesiang iyon ay magiging kaharian ng anticristo? (Magiging ganoon nga.) Isa itong malaking panganib! May iba pa bang mga pamamaraan ang masasamang tao at mga anticristo para batikusin at ihiwalay ang mga naghahangad sa katotohanan? Hindi ba’t ipinapadala ng ilan sa kanila ang mga kapatid na naghahangad sa katotohanan para magtrabaho sa mga pinakamapanganib na lugar, para maagaw nila ang kapangyarihan at mapagtibay ang kanilang katayuan? Sinasabi nila, “May bagong tatag na iglesia na mayroong maraming kapatid na bago pa lang sa pananalig. Wala pa silang pundasyon at kulang sila sa karunungan. Kailangan nila ng taong nakakaunawa sa katotohanan para diligan at tustusan sila. Nauunawaan mo ang katotohanan ng mga pangitain; kailangan ng mga baguhang iyon ng katulad mo para diligan sila. Walang ibang makakagawa noon.” At dahil doon, napapaalis ng anticristo ang isang mabigat na natatagong banta. Sa katunayan ba ay ginagawa talaga niya ito para pamunuan at tustusan ng taong iyon ang nasabing iglesia? (Hindi.) Hindi; ginagawa niya iyon dahil mapanlaban at mapanganib na kapaligiran ang lugar na iyon. Inilalagay niya ang taong iyon sa isang mapanganib na lugar para gumawa ng gawain ng iglesia, dahil sa masidhi niyang pag-aasam na mahuhuli ito ng malaking pulang dragon. Kapag nahuli ang taong iyon, wala nang matitira para maging banta sa katayuan ng anticristo, at makokontrol na niya ang iglesia. Hindi ba’t taktika niya ito? Ipinapadala niya ang taong iyon sa kunwaring dahilan na naaangkop ito sa pagdidilig sa mga baguhan, kung kaya, walang nakakakita sa masasama niyang intensiyon. Hindi ba’t ang tuso niya? At iniisip ng mga kapatid na matalino at marunong ang anticristo sa pagsasaayos niyon, na siya ay isang taong umaayon sa mga layunin ng Diyos, pero ang totoo ay nililinlang at niloloko lang sila ng anticristo. Ang pamamaraang ito ng anticristo ay mukhang lubos na patas; walang malinaw na nakakakita kung ano talaga ang nangyayari, at naliligaw ang lahat sa huli. Iniisip ng mga taong naligaw na patas at makatwiran ang ginagawa ng anticristo, na ginagawa niya ito alang-alang sa gawain—pero walang nakakahalata sa intensiyon niya. Buktot ang mga anticristo, hindi ba? Kung saan mayroong panganib, doon ka nila papupuntahin, sinasabi sa kanilang sarili, “Hindi ba’t hinahangad mo ang katotohanan? At hindi ba’t kinakalaban mo ako? Hindi ba’t lagi mo akong kinikilatis at sinusunggaban mo ang mga bagay na magagamit laban sa akin? Sige, kung gayon: Gagamitin ko ang pagkakataong ito para mapaalis ka rito. Mabuti nang mahuli ka—hindi ka na ulit makakabangon!” Tiyak na karamihan sa mga taong nilalansi at inuusig ng mga anticristo sa iglesia ay iyong mga labis na naghahangad. Paano itinuturing ng mga anticristo ang mga taong ito habang inuusig at inihihiwalay ang mga ito? Sinasabi nila sa kanilang sarili, “Laging nakikinig sa mga sermon ang mga taong ito; nauunawaan nila ang ilang katotohanan. Hindi ko naman maaaring hindi sila hayaang makinig: Ginagawa ang mga sermon para marinig ng lahat, kaya walang paraan na mapangangatwiranan na hindi sila hayaang makinig. Pero sabihin nating hinayaan ko silang makinig, dahil marami sa mga nababanggit sa mga sermong iyon ay naglalantad sa mga huwad na lider at anticristo, magiging ayos lang ba ako kung makarinig sila nang sapat, at magkaroon ng pag-unawa at pagkilatis? Kakailanganin kong magbitiw sa puwesto ko bilang lider kalaunan, hindi ba? Hindi pupuwede iyon. Kailangang ako ang gumawa ng unang hakbang.” Sa oras na magkaroon ng ganoong intensiyon ang isang anticristo, sisimulan na niyang kumilos. Iilang tao lang ang makakatukoy sa isang anticristo kung hindi nila nauunawaan ang katotohanan. Bakit kaya nalulusutan iyon ng mga anticristo, habang ang mga taong naghahanap ng katotohanan ay nagiging biktima? May isang dahilan na tiyak ay naroon: Ang mga taong iyon ay maaaring may kaunting pagmamahal sa puso nila para sa katotohanan at mga positibong bagay, at maaaring may kaunti silang mithiin na hangarin ang katotohanan, pero sobra lang silang duwag. Hindi nila nauunawaan ang katotohanan, wala silang pagkilatis, at masyado silang hangal; hindi nila kayang kilalanin ang diwa ng isang anticristo, at hindi nila magawang ilantad ang anticristo, na nagbibigay-daan sa anticristo na gumawa ng unang hakbang at mapinsala sila sa pamamagitan nito. Kung iyon ang resultang makukuha nila o iyon ang magiging kalalabasan nila, paano iyon mangyayari? Hindi ba’t aatakihin sila ng mga anticristo? (Aatakihin sila.) Ano ang aral na dapat mapulot dito ng mga taong naghahangad sa katotohanan? Ano ang saloobing dapat taglayin ng mga tao pagdating sa kung paano tratuhin ang isang pinuno o manggagawa? Kung tama at alinsunod sa katotohanan ang ginagawa ng isang pinuno o manggagawa, maaari mo siyang sundin; kung mali at hindi alinsunod sa katotohanan ang ginagawa niya, hindi mo siya dapat sundin at maaari mo siyang ilantad, salungatin at maaari kang maghayag ng ibang opinyon. Kung hindi siya nakagagawa ng aktuwal na gawain o gumagawa siya ng masasamang gawa na nagsasanhi ng kaguluhan sa gawain ng iglesia, at nabunyag na isang huwad na lider, isang huwad na manggagawa o isang anticristo, maaari mo siyang kilatisin, ilantad at iulat. Gayunman, hindi nauunawaan ng ilang taong hinirang ng Diyos ang katotohanan at lalo nang napakaduwag; natatakot silang masupil at mapahirapan ng mga huwad na lider at anticristo, kaya hindi sila nangangahas na itaguyod ang mga prinsipyo. Sinasabi nila, “Kung patatalsikin ako ng lider, tapos na ako; kung hihikayatin niyang ilantad o talikuran ako ng lahat, hindi ko na magagawang manampalataya sa Diyos. Kung patatalsikin ako sa iglesia, hindi ako gugustuhin at hindi ako ililigtas ng Diyos. At hindi ba’t mawawalan ng saysay ang aking pananalig?” Hindi ba katawa-tawa ang gayong pag-iisip? May tunay bang pananalig sa Diyos ang gayong mga tao? Kakatawanin ba ng isang huwad na lider o anticristo ang Diyos kapag pinatalsik ka niya? Kapag pinahirapan at pinatalsik ka ng isang huwad na lider o anticristo, kagagawan ito ni Satanas, at wala itong kinalaman sa Diyos; kapag inaalis o pinatatalsik ang mga tao mula sa iglesia, nakaayon lamang ito sa mga layunin ng Diyos kapag magkasamang nagdesisyon ang iglesia at ang lahat ng taong hinirang ng Diyos, at kapag ang pag-aalis o pagpapatalsik ay lubos na nakaayon sa mga pagsasaayos ng gawain ng sambahayan ng Diyos at sa mga katotohanang prinsipyo ng mga salita ng Diyos. Paanong ang mapatalsik ng isang huwad na lider o anticristo ay mangangahulugan na hindi ka maliligtas? Pang-uusig ito ni Satanas at ng anticristo, at hindi nangangahulugan na hindi ka maililigtas ng Diyos. Maliligtas ka man o hindi ay depende na sa Diyos. Walang taong kwalipikadong magdesisyon kung maaari ka bang iligtas ng Diyos. Dapat malinaw ito sa iyo. At para tratuhin ang pagpapatalsik sa iyo ng isang huwad na lider o anticristo bilang pagpapatalsik ng Diyos—hindi ba ito maling pag-unawa sa Diyos? Maling pag-unawa ito. At hindi lamang ito maling pag-unawa sa Diyos, kundi paghihimagsik din laban sa Diyos. Medyo paglapastangan din ito sa Diyos. At hindi ba’t kamangmangan at kahangalan ang maling pagkaunawa sa Diyos sa ganitong paraan? Kapag pinatalsik ka ng isang huwad na lider o anticristo, bakit hindi mo hanapin ang katotohanan? Bakit hindi ka maghanap ng isang taong nakauunawa sa katotohanan upang magkamit ka ng kaunting pagkakilala? At bakit hindi mo ito ipinaaalam sa mga nakatataas? Pinatutunayan nito na hindi ka naniniwalang naghahari ang katotohanan sa sambahayan ng Diyos, ipinapakita nito na wala kang tunay na pananalig sa Diyos, na hindi ka isang taong tunay na nananampalataya sa Diyos. Kung nagtitiwala ka sa pagkamakapangyarihan-sa-lahat ng Diyos, bakit ka natatakot sa pagganti ng isang huwad na lider o anticristo? Mapagpapasyahan ba niya ang iyong kapalaran? Kung may kakayahan kang makakilala, at natukoy mong salungat ang kanilang mga ikinikilos sa katotohanan, bakit hindi ka makipagbahaginan sa mga taong hinirang ng Diyos na nakauunawa sa katotohanan? May bibig ka naman, kaya bakit hindi ka naglalakas-loob na magsalita? Bakit takot na takot ka sa isang huwad na lider o anticristo? Pinatutunayan nitong duwag ka, walang silbi, isang kampon ni Satanas. Kung hindi ka maglalakas-loob na ipaalam sa mga nakatataas kapag ikaw ay pinagbantaan ng isang huwad na lider o anticristo, ipinapakita nito na naigapos ka na ni Satanas at kaisa ka na nila ng damdamin; hindi ba’t pagsunod ito kay Satanas? Paano nabibilang ang ganitong tao sa mga taong hinirang ng Diyos? Siya ay patapon, ganoon lang kasimple. Lahat ng taong kaisa ng damdamin ng mga huwad na lider at mga anticristo ay hindi maaaring maging mabuti kailanman; sila ay mga taong gumagawa ng masama. Ang mga ganoong tao ay ipinanganak upang maging tauhan ng diyablo—sila ay mga kampon ni Satanas, at hindi na sila matutubos pa. Lahat ng hindi maglalakas-loob na ilantad ang mga anticristo kapag nakita nila ang mga ito na gumagawa ng masama, na takot salungatin ang mga anticristo, na sumasanggalang at sumusunod pa nga sa mga ito—hindi ba’t mga hangal at ignoranteng tao sila? Kung ganap mong alam ang mga katotohanang prinsipyo pero nilalabag mo pa rin ang mga ito, at bumubuo ka pa nga ng alyansa at pangkat kasama ang masasamang tao at mga anticristo, hindi ba’t kumikilos ka bilang isang kasabwat at tauhan ni Satanas? Kaya hindi ba’t karapat-dapat kapag sa huli ay pinakitunguhan ka bilang isang masamang tao at kasabwat ng mga anticristo? Kung nananampalataya ka sa Diyos, pero sa halip na sumunod sa Diyos ay mas sinusunod mo ang mga anticristo, at kumikilos ka bilang isa sa kanilang mga tauhan o kasabwat, hindi ba’t hinuhukay mo ang sarili mong libingan, at gumagawa ka ng bagay na ikamamatay mo? Kung nananampalataya ka sa Diyos, pero sa halip na magpasakop sa Diyos ay bumibigay ka at sumisilong sa mga kaaway ng Diyos—sa mga anticristo—at ang kinalabasan ay minamanipula at inaabuso ka ng mga anticristong ito, ikaw ang may gawa nito sa iyong sarili. Hindi ba’t karapat-dapat ito sa iyo? Kung itinuturing mo ang anticristo bilang iyong panginoon, bilang iyong lider, bilang taong masasandalan, kung gayon ay naghahanap ka ng kanlungan kay Satanas, sumusunod ka kay Satanas, na nangangahulugang ikaw ay napariwara, at naligaw ng landas, at humantong sa puntong hindi ka na makakabalik sa dati. Ano ang saloobing dapat mong taglayin hinggil sa mga anticristo? Dapat mo silang ilantad, at kalabanin. Kung iisa o dadalawa lang kayo at masyado kang mahina para harapin nang mag-isa ang mga anticristo, dapat kang makipagsanib-puwersa sa ilang taong nauunawaan ang katotohanan upang isumbong at ilantad ang mga anticristong ito, at magpatuloy hanggang sa mapaalis sila. Narinig Ko na sa nakaraang dalawang taon, ang mga taong hinirang ng Diyos sa ilang kanayunan sa kalupaang Tsina ay nagkaisa na tanggalin sa puwesto ang mga huwad na lider at mga anticristo; ang ilang huwad na lider at anticristo ay pinuno pa nga ng mga grupo ng mga tagapagpasya, pero sa kabila nito, nagawa pa rin silang tanggalin ng mga taong hinirang ng Diyos. Ang mga taong hinirang ng Diyos ay hindi kinailangang maghintay ng pagsang-ayon mula sa Itaas; batay sa mga katotohanang prinsipyo, natukoy nila ang mga huwad na lider at mga anticristong ito—na hindi gumagawa ng tunay na gawain, at laging pinapahirapan ang mga kapatid, na umaakto nang magulo, at inaabala ang gawain ng sambahayan ng Diyos—at maagap na hinarap nila ang mga ito. Ang iba ay tinanggal mula sa mga grupo ng mga tagapagpasya, at ang ilan ay pinaalis sa iglesia—na napakabuti! Ipinapakita nito na ang mga taong hinirang ng Diyos ay nasa tamang landas na ng pananampalataya sa Diyos. May mga taong hinirang ng Diyos na nakakaunawa na sa katotohanan at ngayon ay nagtataglay na ng kaunting tayog, hindi na sila kinokontrol at niloloko ni Satanas, naglalakas-loob na silang tumindig at lumaban sa masasamang puwersa ni Satanas. Ipinapakita rin nito na hindi na nakakalamang ang mga puwersa ng mga huwad na lider at anticristo sa iglesia. Kaya hindi na sila naglalakas-loob na maging garapal sa kanilang mga salita at kilos. Sa oras na magpahalata sila, may taong mangangasiwa, kikilatis, at magtatakwil sa kanila. Sa madaling salita, ang katayuan, reputasyon, at kapangyarihan ng tao ay walang dominanteng katayuan sa puso ng mga taong tunay na nakakaunawa sa katotohanan. Ang mga ganoong tao ay hindi naniniwala sa mga bagay na iyon. Kapag ang isang tao ay maagap na nakakapaghanap ng katotohanan at nakakapagbahaginan tungkol dito, at kapag nagsimula na siyang magtaya muli at magnilay sa landas na dapat lakaran ng mga taong nananampalataya sa Diyos at sa kung paano niya dapat tratuhin ang mga lider at manggagawa, at nagsimula na siyang mag-isip kung sino ang dapat sundin ng mga tao, kung aling mga pag-uugali ang taglay ng mga sumusunod sa tao at alin ang taglay ng mga sumusunod sa Diyos, at pagkatapos, sa pangangapa sa mga katotohanang ito at pagdanas ng mga ito sa loob ng ilang taon, kapag nagawa na niyang maunawaan ang ilang katotohanan at maging mapagkilatis, nang hindi niya ito namamalayan—nakapagkamit na siya ng kaunting tayog. Ang kakayahang mahanap ang katotohanan sa lahat ng bagay ay ang makapasok sa tamang landas ng pananampalataya sa Diyos.

Mabuting bagay at mabuting pangyayari para sa mga taong hinirang ng Diyos na magawang kilatisin at itakwil ang mga huwad na lider at anticristo. May mga lider na hindi nakagagawa ng tunay na gawain; puro mga panggagambala at panggugulo lamang ang idinudulot nila, na nagreresulta sa kawalan ng kapayapaan sa buhay ng iglesia. Hindi sila nakakasundo ng lahat ng kapatid, kaya sa huli, itinatakwil sila ng mga kapatid. Tama bang gawin nila ito? (Tama.) May ibang napipili bilang mga lider, at sa una, sinasabi ng mga kapatid, “Sila ang pinili natin, kaya kailangan nating makipagtulungan sa kanila sa kanilang gawain.” Kalaunan, lalabas na mali pala ang pagpili sa kanila: Masigasig sila sa kanilang pananampalataya sa Diyos, pero wala silang espirituwal na pang-unawa. Madali silang mabaluktot, at sila ay mapagmataas at mapagmagaling; hindi sila nakikipagtalakayan sa iba tungkol sa mga bagay, at wala silang ginagawang nakaayon sa mga prinsipyo, bagkus ay kumikilos lamang sila nang walang ingat. Ito ay humahantong sa mga paglabag sa seguridad; ang mga kapatid sa iglesia ay palaging naaaresto, at ang gawain ng iglesia ay nakararanas ng mabibigat na pinsala. Hindi lamang hindi pinagninilayan ng lider ang kanyang sarili, binibigyang-katwiran pa niya ang sarili niya, ipinagtatanggol niya ang sarili niya, at umiiwas siya sa responsabilidad. Sa huli, pinagbibitiw siya ng grupo mula sa kanyang puwesto. Sa tingin mo, hinarap ba nila ang sitwasyon nang tama? (Oo.) Oo talaga! At pagkapaalis nila sa taong iyon, agad silang naghahalal ng iba, at kalaunan, magiging malinaw sa lahat na mas mainam ang taong ito kaysa roon sa huwad na lider, na nagpapatunay na ang pangkat ay may pagkilatis na at umunlad na. Ito ang proseso ng pag-unlad sa buhay ng mga taong hinirang ng Diyos. Lubhang karaniwan ito. Sa tingin mo ba na kapag nakinig ang mga tao sa mga sermon sa loob ng maraming taon, lahat sila ay nagiging mapagkilatis, at tama ang pagpili nila sa bawat lider at manggagawa—na kung sino ang piliin nila, iyon ang hahawak ng puwesto? Ganoon ba iyon? (Hindi.) Kapag hindi nauunawaan ng mga tao ang mga katotohanang prinsipyo, ang pinagtutuunan nila ng pansin sa pagpili ng lider ay laging ang pagpili ng isang taong mautak, magaling makipag-usap, at may pambihirang talino. Magsisimula lang na magkaroon ng pagkilatis ang mga tao kapag lumitaw nang ang taong iyon ay isang huwad na lider o anticristo makalipas ang ilang panahong nakaupo siya sa kanyang puwesto; pagkatapos noon, hindi na sila ulit pipili ng ganoong tao. Kung gayon, sino nga ba ang dapat piliin kapag namimili ng mga lider at manggagawa? Walang nakatakdang mga tuntunin. Nakasalalay ito sa kung ang isang tao ay tamang tao ba at kung hinahangad ba niya ang katotohanan. Kaya, kung ang isang tao ay masama o isang anticristo, hindi mo siya dapat piliin, anumang uri siya ng tao. Kung pipiliin mo siya, ipapahamak mo lang ang sarili mo. Hindi ba’t ganoon iyon? (Ganoon nga.)

Mabalik sa paksang pinag-uusapan lang natin, iyong pagbatikos at paghiwalay ng mga anticristo sa mga taong naghahangad ng katotohanan: Nasabi na natin ang maaaring sabihin tungkol doon, hindi ba? Paano inihihiwalay at binabatikos ng mga anticristo ang mga naghahangad ng katotohanan? Madalas silang gumagamit ng mga pamamaraang nakikita ng iba bilang makatwiran at akma, gumagamit pa nga sila ng mga debate tungkol sa katotohanan para makakuha ng bentaha, para batikusin, kondenahin, at iligaw ang ibang tao. Halimbawa, iniisip ng isang anticristo na kapag ang kapareha niya ay mga taong naghahangad ng katotohanan, maaari itong maging banta sa kanyang katayuan, kaya magbibigay ang anticristo ng matatayog na sermon at magtatalakay ng mga espirituwal na teorya para iligaw ang mga tao at pataasin ang tingin ng mga ito sa kanya. Sa ganoong paraan, puwede niyang maliitin at supilin ang kanyang mga kapareha at katrabaho, at iparamdam sa mga tao na bagama’t ang mga kapareha ng kanilang lider ay mga taong naghahangad sa katotohanan, hindi sila kapantay ng kanilang lider pagdating sa kakayahan at abilidad. May mga tao pa ngang nagsasabing, “Matatayog ang mga sermon ng aming lider, at walang makakapantay roon.” Para sa isang anticristo, sukdulang kasiya-siya na marinig ang ganoong komento. Iniisip niya, “Kapareha kita, wala ka bang ilang katotohanang realidad? Bakit hindi ka makapagsalita nang mahusay at may kataasan gaya ko? Lubos ka nang napahiya ngayon. Wala kang abilidad, pero naglalakas-loob kang makipagkompetensiya sa akin!” Iyon ang iniisip ng anticristo. Ano ang mithiin ng anticristo? Sinusubukan niya ang lahat ng posibleng paraan para supilin at maliitin ang ibang tao, at para unahin ang kanyang sarili bago ang iba. Ganito tinatrato ng isang anticristo ang lahat ng taong naghahangad sa katotohanan o nagtatrabaho kasama niya. Anuman ang gawin ng isang anticristo, ito ay nakasentro sa sarili niyang kapangyarihan at katayuan, at ito ay para makamit niya ang paggalang at paghanga ng iba. Hindi niya hahayaang mahigitan siya ng kahit sino; ang sinumang mas mahusay sa kanya ay siguradong kanyang mamaliitin, ihihiwalay, at susupilin. Ang mga anticristo ay may mga motibo at layon sa likod ng lahat ng kaparaanang ginagamit nila laban sa yaong mga naghahangad ng katotohanan. Sa halip na hangaring pangalagaan ang gawain ng sambahayan ng Diyos, ang layunin nila ay pangalagaan ang sarili nilang kapangyarihan at katayuan, gayundin ang kanilang posisyon at imahe sa puso ng mga taong hinirang ng Diyos. Ang mga pamamaraan at pag-uugali nila ay mga paggambala at panggugulo sa gawain ng sambahayan ng Diyos, at mayroon ding mapanirang epekto ang mga ito sa buhay iglesia. Hindi ba ito ang pinakakaraniwang pagpapamalas ng masasamang gawa ng isang anticristo? Dagdag pa sa masasamang gawang ito, gumagawa ang mga anticristo ng isang bagay na mas kasuklam-suklam pa, iyon ay na lagi nilang sinisikap na malaman kung paano magkakaroon ng bentahe sa mga naghahangad ng katotohanan. Halimbawa, kung nakipagtalik ang ilang tao sa hindi nila asawa o nakagawa sila ng kung anong iba pang pagsalangsang, sinusunggaban ng mga anticristo ang mga ito bilang bentahe para mabatikos sila, humahanap ng mga pagkakataon para insultuhin, ilantad, at siraan sila, bansagan sila para pahinain ang kasigasigan nilang gampanan ang kanilang mga tungkulin upang maging negatibo ang pakiramdam nila. Isinasanhi rin ng mga anticristo na magkaroon ng diskriminasyon ang mga taong hinirang ng Diyos laban sa kanila, iwasan sila, at itakwil sila, nang sa gayon ay mahiwalay ang mga naghahangad ng katotohanan. Sa huli, kapag ang lahat ng naghahangad ng katotohanan ay naging negatibo at mahina na ang pakiramdam, hindi na aktibong ginagampanan ang kanilang mga tungkulin, at ayaw nang dumalo sa mga pagtitipon, natupad na ang layon ng mga anticristo. Dahil ang mga naghahangad sa katotohanan ay hindi na banta sa kanilang katayuan at kapangyarihan, at wala nang nangangahas na iulat o ilantad sila, maaari nang mapanatag ang mga anticristo. Ang mga pinakakinamumuhian ng isang anticristo sa iglesia ay ang mga taong naghahangad sa katotohanan, lalo na iyong mga may pagpapahalaga sa katarungan na maglalakas-loob na maglantad at magsumbong ng huwad na lider at anticristo. Itinuturing ng isang anticristo ang mga ganoong tao bilang karayom sa kanyang mga mata, bilang tinik sa kanyang dibdib. Kung may makita siyang tao na naghahangad sa katotohanan at gumaganap sa tungkulin nito nang maluwag sa kalooban, umuusbong ang pagkainis at pagkamuhi sa kanyang puso, na wala ni katiting na pag-ibig. Hindi lang hindi tutulong at hindi susuporta ang isang anticristo sa mga taong naghahangad sa katotohanan, ano pa man ang kanilang paghihirap o gaano man sila kahina o kanegatibo—hindi niya ito palalampasin lang. Sa halip, patago niyang ikatutuwa ito. At kung may nagparatang o naglantad sa kanya, sasamantalahin niya ang pagkakataong saktan ang taong iyon kapag ito ay mahina, aakusahan niya ito ng lahat ng uri ng pagkakasala upang turuan ito ng leksiyon, upang kondenahin ito, upang maipit ito, at sa huli, upang gawin itong napakanegatibo na hindi na nito magampanan pa ang tungkulin nito. Pagkatapos ay ipagmamalaki ng anticristo ang kanyang sarili at magsisimula siyang magalak sa kamalasan ng taong iyon. Sa ganitong uri ng bagay pinakamahusay ang mga anticristo; ang paghiwalay, pagbatikos, at pagkondena sa mga taong naghahangad sa katotohanan ang kanilang pinakamagaling na kadalubhasaan. Ano ang iniisip ng mga anticristo na nagbibigay sa kanila ng kakayahang gumawa ng gayong kasamaan? “Kung yaong mga naghahanap ng katotohanan ay madalas makinig sa mga sermon, maaari nilang mahalata ang mga kilos ko balang araw, at pagkatapos ay siguradong ilalantad at papalitan nila ako. Habang gumaganap sila sa kanilang mga tungkulin, nanganganib ang aking katayuan, katanyagan, at reputasyon. Mas mainam na maunang umatake, maghanap ng mga pagkakataon na samantalahin ang kalakasan para guluhin at kondenahin sila, at gawin silang negatibo, para mawala ang anumang pagnanais nilang gumanap sa kanilang mga tungkulin. Mag-uudyok din ako ng mga alitan sa pagitan ng mga lider at manggagawa at ng mga naghahangad sa katotohanan, para ang mga lider at manggagawa ay kamumuhian sila, lalayuan, at hindi na pahahalagahan o itataas ang kanilang ranggo. Sa gayong paraan, hindi na sila magkakaroon ng anumang pagnanais na hangarin ang katotohanan o gampanan ang kanilang mga tungkulin. Pinakamabuti kung mananatiling negatibo iyong mga naghahangad sa katotohanan.” Ito ang layong nais makamtan ng mga anticristo. Kapag ang isang anticristo o isang masamang tao ay nilalansi ka, kinokondena ka, at ipinapahiya ka sa kanyang panloloko, kaya mo bang makilatis ang nangyayari? Kaya mo bang mahalata ang mga panloloko ni Satanas? Dapat mong matutunang mangilatis: “Mukhang tama naman ang mga sinabi niya, pero bakit negatibo ang nadama ko pagkatapos? Bakit ayaw ko nang gawin ang tungkulin ko? Bakit mayroon akong mga agam-agam sa Diyos? May problema ba sa sinabi niya? Bakit nagkaroon ito ng negatibong epekto? Bakit pagkatapos nito ay nagkaroon ako ng mga maling pagkaunawa at mga kuru-kuro tungkol sa Diyos, at ayaw ko nang magpasakop? Bakit wala na ang dati kong sigla at kapasyahan na gugulin ang aking sarili para sa Diyos? At bigla na lang akong nagkaroon ng ilang agam-agam tungkol sa gawain ng Diyos—pakiramdam ko ay hindi na malinaw ang mga pangitain ko. Hindi ko alam kung para saan ang pagganap ko nang ganito sa aking tungkulin, at pakiramdam ko ay wala akong maipapakita pagkatapos ng ilang taon ko ng pananampalataya sa Diyos at ng mga paghihirap na dinanas ko. Mayroon nang kaunting kadiliman sa puso ko ngayon.” Medyo hindi normal iyan. Bakit hahantong sa ganoong mga kahihinatnan ang pakikinig sa mga salita na tila tama naman kung pakikinggan? Hindi mo ba nararamdaman na mayroong mali sa mga salita? Kung gayon, anong uri ng mga salita ang mga ito, na nagdudulot ng ganitong reaksiyon sa loob mo kapag naririnig mo ang mga ito? Anong uri ng mga salita ang ginagawa kang mawalan ng tiwala sa Diyos kapag naririnig mo ang mga ito? Una sa lahat, isang bagay ang sigurado: Ang lahat ng salita ng mga anticristo ay mapanlihis; gaya ng ahas, inaakit nilang lahat ang mga tao na magkasala, at na lumayo sa Diyos at tanggihan Siya. Wala ni isang salita nila ang tumutustos sa mga tao o tumutulong sa mga ito. Saan nanggagaling ang kanilang mga salita? Mula sa diyablong si Satanas. Kayo ba ay nakakakilatis pagdating sa mga salitang ginagamit ng mga anticristo para batikusin at kondenahin ang mga naghahangad sa katotohanan? Ang tanging kinatatakutan ng mga anticristo ay ang paghahangad ng mga tao sa katotohanan. Natatakot silang magpasakop ang mga tao sa Diyos, na bumangon ang mga tao upang sundin ang Diyos at gampanan ang tungkulin ng mga nilikha; natatakot silang lumapit ang mga tao sa Diyos at hanapin ang katotohanan. Ito ang pinakakinatatakutan nila. Ito ay dahil sa sandaling tumapak sa landas ng paghahangad sa katotohanan ang mga taong hinirang ng Diyos, bumibilis ang kanilang paglago sa buhay, at kasabay nito, tumataas nang tumataas ang kanilang tayog—at kapag ang katotohanan ang naghahari sa puso ng mga tao at naging buhay nila ito, iyon na ang magiging huling araw ng mga anticristo: Haharapin nila ang mahatulan, mabunyag at maitiwalag, at tuluyang maabandona. Ito ang dahilan kung bakit ang pinakakinamumuhian ng mga anticristo ay ang mga naghahangad sa katotohanan. Sa mata ng isang anticristo, ang mga naghahangad sa katotohanan ay mga kinamumuhiang kalaban, mga target ng kanilang mga pambabatikos at pamimilit, pati na rin ng kanilang pagkamuhi at pag-abandona, ng kanilang pagpapahamak at pang-aabuso, at, higit pa rito, sila ay mga target para ilihis. Walang paraan ang mga anticristo para ilihis, kontrolin, o bihagin ang puso ng mga taong naghahangad sa katotohanan, at hindi nila kayang basta-basta na lang ihiwalay at batikusin nang lantaran ang mga taong ito, kaya ang natitira na lamang para sa kanila ay magsabi ng totoo at magagandang bagay, gamit ang mga banayad na taktika para hilahin ang mga tao pababa sa antas nila. At kung ang mga taong iyon ay hindi sila sasamahan at hindi nila mapapakinabangan, gagamit sila ng lahat ng uri ng taktika na ubod ng sama para ihiwalay ang mga ito, para gawing negatibo at mahina ang mga ito, at para tanggalan pa ang mga ito ng pagnanais na gawin ang kanilang tungkulin—at sa huli, para iwan ng mga ito ang Diyos. Ito ang isa sa mga pangunahing masasamang gawa ng mga anticristo, at ito ang isa pang natatanging katangian ng kanilang kalikasang diwa. Anong katangian ng kanilang kalikasan iyan? Ang kanilang pagiging mapanlinlang, tuso, at masamang-loob. Upang makamtan ang kanilang ambisyon at layon na mamuno sa iglesia, palaging nanlilihis, nanghihiwalay, at nambabatikos sa mga naghahangad sa katotohanan ang mga anticristo. Ginagawa nila ito para makamit ang kanilang natatagong layon, at gagawin nito ang lahat ng naghahangad sa katotohanan na maging negatibo at mahina, walang sigla sa kanilang pananalig, at may mga maling pagkakaunawa sa Diyos na napukaw sa kanila. Dahil sa sandaling umusbong sa mga taong ito ang mga maling pagkakaunawa sa Diyos at mga reklamo tungkol sa Kanya, hindi na nila hahangarin pa ang katotohanan, ni gagampanan ang kanilang tungkulin nang maluwag sa kalooban—kaya, lalayo sila sa Diyos. At ano ang ibig sabihin nito para sa isang anticristo? Una, ibig sabihin nito ay wala nang magiging banta sa kanyang posisyon; pangalawa, sa sandaling ang mga positibong taong ito ay maging pasibo at mahina at lumayo sa Diyos, malaya nang maghari ang anticristo sa iglesia para iligaw at limitahan ang mga tao, at kontrolin ang mga taong hinirang ng Diyos, para ang mga ito ay sumunod sa kanila, suportahan sila, at yumuko nang sunud-sunuran sa kanila. At sa gayon, natamo na ang layon ng anticristo. Sa paggawa nito, ginagampanan ba ng mga anticristo ang kanilang tungkulin? (Hindi.) Ano, kung gayon, ang karakter ng lahat ng kanilang ginagawa? (Gumagawa sila ng masama.) Ang “paggawa ng masama” ay isang medyo malawak na paraan para sabihin ito; sa partikular, ginugulo at hinahadlangan nila ang mga tao, pinipigilan nila ang mga tao na tahakin ang landas ng paghahangad sa katotohanan at pagliligtas ng Diyos. Kapag nakakakita ang anticristo ng isang taong naghahangad sa katotohanan, labis siyang nagagalit; kinamumuhian niya ito. Gaano kalalim ang pagkamuhing iyon? Kapag may nakita siyang naghahangad sa katotohanan at sumusunod kay Cristo, hindi sumusunod o sumasamba sa kanya at hindi nasa parehong landas niya, babatikusin, ihihiwalay, at susupilin niya ang taong iyon, gustong-gusto na mapaalis ito. Ganoon kalalim ang kanyang pagkamuhi. Bilang pagbubuod, batay sa mga pagpapamalas na ito ng mga anticristo, maaari nating matukoy na hindi nila ginagampanan ang tungkulin ng pamumuno, dahil hindi nila inaakay ang mga tao para kumain at uminom ng mga salita ng Diyos o makipagbahaginan tungkol sa katotohanan, at hindi nila dinidiligan o tinutustusan ang mga tao, para hayaan silang makamit ang katotohanan. Sa halip, ginagambala at ginugulo nila ang buhay iglesia, nilalansag at winawasak ang gawain ng iglesia, at hinahadlangan ang mga tao sa landas ng paghahangad sa katotohanan at pagkakamit ng kaligtasan. Nais nilang iligaw ang mga taong hinirang ng Diyos at magdulot sa mga ito na mawalan ng pagkakataong mapagkalooban ng kaligtasan. Ito ang pangunahing layon na nais matupad ng mga anticristo sa paggambala at panggugulo sa gawain ng iglesia.

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.