Ikalabing-isang Aytem: Hindi Nila Tinatanggap ang Pagpupungos, ni Wala Silang Saloobin ng Pagsisisi Kapag Nakakagawa Sila ng Anumang Pagkakamali, Kundi sa Halip ay Nagkakalat Sila ng mga Kuru-kuro at Hayagan Nilang Hinuhusgahan ang Diyos (Unang Seksiyon)

Magbabahaginan tayo ngayon tungkol sa ikalabing-isang aytem ng iba’t ibang pagpapamalas ng mga anticristo: Hindi nila tinatanggap ang pagpupungos, ni wala silang saloobin ng pagsisisi kapag nakakagawa sila ng anumang pagkakamali, kundi sa halip ay nagkakalat sila ng mga kuru-kuro at hayagan nilang hinuhusgahan ang Diyos. Ang partikular na nilalaman ng aytem na ito ay tungkol sa kung paano tinatrato ng mga anticristo ang pagpupungos; ibig sabihin, ang saloobin nila kapag nahaharap sila rito, at kung ano ang gagawin nila at ano ang mga pagpapamalas na mayroon sila habang kinikimkim ang saloobing ito. Napagbahaginan na ba natin ang nilalaman tungkol sa kung paano tinatrato ng mga anticristo ang pagpupungos? (Oo, napag-usapan na ito sa pagbabahaginan kung paano tinatrato ng mga anticristo ang mga kinabukasan at tadhana nila.) Kaya, ano ang saloobin ng isang anticristo sa pagpupungos? Hindi ba’t napagbahaginan natin noong oras na iyon ang mga sikat na kasabihan na binibigkas ng mga anticristo kapag pinupungusan sila? (Oo.) Mayroon silang dalawang sikat na kasabihan para sa ganitong uri ng sitwasyon. Ang isa ay, “Ang diyos ay matuwid, at nananampalataya ako sa diyos, hindi sa isang tao!” at ang isa naman ay, “Masyado ka pang walang muwang para pungusan ako. Kung hindi ako nananampalataya sa diyos, wala akong katatakutan!” Gayundin, kinamumuhian nila ang sinumang nagpupungos sa kanila at, dagdag pa rito, sa sandaling mapungusan sila, naghihinala silang ititiwalag sila. Sa huli, nagbahaginan din tayo sa kung paanong bukod sa tumatanggi silang mapungusan, nagkakalat din sila ng mga kuru-kuro kahit saan. Hindi ba’t iyon ang napag-usapan natin? (Oo.)

I. Ang mga Dahilan Kung Bakit Pinupungusan ang mga Anticristo

Kabibigay Ko lang ng mabilis na pagbabalik-aral ng nakaraan nating pagbabahaginan sa kung paano tinatrato ng mga anticristo ang pagpupungos kapag nakakanti nito ang mga personal nilang interes. Ngayon, pagbabahaginan at hihimayin natin ito mula sa isa pang anggulo, at titingnan natin kung ano ang mga partikular na disposisyon na ibinubunyag ng mga anticristo kapag pinupungusan sila at kung anong uri ng saloobin mayroon sila, pati na ang kung ano ang mga partikular nilang pananaw, at hihimayin natin ang disposisyon nila batay sa mga pananaw na ito. Dahil kabilang dito ang paksa ng pagpupungos, unahin nating magbahaginan tungkol sa mga dahilan kung bakit pinupungusan ang mga anticristo. Ang pagpupungos ay hindi isang bagay na ginagawa nang walang batayan, kaya, sa anong konteksto at sa anong sitwasyon ito mangyayari sa isang anticristo? Ito ba ay dahil lang isang anticristo ang taong iyon? Sinasabi ng ilang tao: “Ang sinumang may katayuan, ang sinumang nasa pokus ng atensyon, ay mapupungusan sa huli.” Totoo ba iyon? (Hindi.) Kung gayon, ano ba ang ginagawa ng mga anticristo na nagdudulot para mapungusan sila? Pupungusan ba sila nang malupit kung ordinaryong pagkakamali ang nagawa nila? Hindi ba’t dapat itong pagbahaginan? (Oo.) Bakit pinupungusan ang mga anticristo? Sa teoretikal na pananaw, may mga mapagmataas na disposisyon ang mga anticristo, hindi sila nagpapasakop sa katotohanan, hindi nila minamahal ang mga salita ng Diyos o ang mga positibong bagay, tutol sila sa katotohanan, namumuhi sila sa katotohanan, at mga kaaway sila ng Diyos, kaya dapat silang pungusan o walang-awa pa ngang ilantad. Tama ba ang pahayag na ito? Batay sa mga pagpapamalas at pagpapakita nila, makaklasipika sila bilang mga anticristo, kaya nararapat silang mapungusan at walang-awa pa ngang ilantad; paano man sila pungusan, hindi sila karapat-dapat na kaawaan, dapat silang tanggihan, at may katwiran ang kahit sino na pungusan sila. Ganoon ba ang mga bagay-bagay? (Hindi.) Sigurado kayo? Bakit pinupungusan ang mga anticristo? Kakabanggit Ko lang ng ilang dahilan nito. Maaaring pakiramdam ng ilan sa inyo na hindi tama ang mga dahilan na iyon, pero hindi kayo sigurado; ito ay dahil mga doktrina lang ang nauunawaan ninyo, at hindi ninyo nakikilatis ang diwa nito. Ang katunayan na hindi pa ninyo ito nakilala ay nagpapakita na hindi pa ninyo nakilatis ang usapin ng kung bakit pinupungusan ang mga anticristo. Mga doktrina lamang ang nauunawaan ng karamihan ng tao tungkol sa usaping ito, at alam nila sa puso nila na dapat pungusan at walang-awang ilantad ang isang anticristo, pero wala silang pagkilatis sa aktuwal na pag-uugali ng isang anticristo; ipinapahiwatig nito na hindi nila kayang makilatis ang diwa ng isyung ito o ang diwa ng mga anticristo. Mga doktrina lang ang nauunawaan ng mga taong hindi nagtataglay ng katotohanang realidad, bulag nilang ipinapatupad ang mga patakaran, kaya kung mayroon talagang isang anticristo na gumagawa ng isang bagay, hindi nila ito makikilatis.

Bakit maaaring mapungusan ang isang anticristo? Napakasimple ng dahilan—dahil ito sa iba’t ibang pagpapamalas nila, at sa iba’t ibang pagsasagawa at pag-uugali na nabubunyag mula sa diwa nila. At ano ang mga pagsasagawa, pag-uugali, at pagpapamalas na ito? Una, nagtatatag ang mga anticristo ng mga sarili nilang nagsasariling kaharian. Dahil sa anticristong diwa nila, nakikipag-agawan sila sa Diyos para sa mga taong hinirang Niya, at nakikipag-agawan sila para sa teritoryo at para sa puso ng mga tao—ang lahat ng ito ay ang pagtatatag nila ng mga sarili nilang nagsasariling kaharian. Kapag nagtatatag ang isang tao ng sarili niyang nagsasariling kaharian, ginagawa ba niya ang kanyang tungkulin? (Hindi.) Pinatatakbo niya ang sarili niyang kompanya, pinamamahalaan ang saklaw ng impluwensiya at awtoridad niya, sinusubukang makuha ang eksklusibong kontrol sa kanyang sariling teritoryo, para bumuo ng sarili niyang paksiyon, para iligaw ang hinirang na mga tao ng Diyos para tanggihan ng mga ito ang Diyos at sa halip ay sa kanya sumunod ang mga ito. Hindi ito paggawa ng kanyang tungkulin, pakikipagtuos ito sa Diyos. Kapag nagpapakita ng ganitong mga pagpapamalas ang isang anticristo, kapag ginagawa niya ang mga bagay na ito, dapat ba siyang pungusan? (Oo.) Isa ba ito sa mga dahilan ng pagpupungos sa isang anticristo? Isa ba ito sa mga partikular niyang pagpapamalas? (Oo.) Kung gayon, bakit hindi ninyo masabi iyon ngayon? Hindi ba’t parehong nasa mga labi at mga isipan ninyo ang mga salitang ito? (Oo.) Sumasalungat ba ang pagpapamalas na ito sa kababanggit Ko pa lang na mga teoretikal na dahilan? Ano ang pagkakaiba ng mga ito? (Medyo pangkalahatan ang mga dahilang iyon, samantalang detalyado ang pagpapamalas na kababanggit pa lang ng Diyos—praktikal na pagpapamalas ito ng isang anticristo.) Pangkalahatan ang mga dahilang iyon na binanggit kanina, ilang doktrina lang ang mga ito; hindi ang mga ito ang mga partikular na dahilan kung bakit talaga pinupungusan ang mga anticristo. Isa sa mga totoong dahilan ang pagpapamalas na ito. Ang unang pagpapamalas ay na sinusubukan nilang magtatag ng mga sarili nilang nagsasariling kaharian. Ang pangalawang pagpapamalas ay ang kanilang pailalim na manipulasyon. Pareho ang kalikasan nito sa pagsisikap ng isang tao na magtatag ng sarili niyang nagsasariling kaharian, pero magkaiba ang mga partikular na pagsasagawa. Kaya ano ang ibig sabihin ng pailalim na manipulasyon? Positibo o negatibo ba ang terminong ito? May mga maganda o mapanira bang konotasyon ito? (Mga mapanirang konotasyon.) Ano ang karaniwang kahulugan ng pailalim na manipulasyon? Anong mga uri ng mga pagpapamalas ang kabilang dito? (Ang paggawa ng mga anticristo ng mga bagay-bagay nang palihim upang patibayin ang kanilang katayuan. Halimbawa, sa mga panahon ng halalan sa iglesia, palihim silang nanghihingi ng boto.) Isa ito sa mga bagay na kabilang dito. Sa madaling salita, nangangahulugan ang ganitong uri ng pagpapamalas ng paggawa ng ilang bagay nang patago, nang hindi nakikipag-usap sa iba, nang hindi nagiging bukas sa iba, minamanipula ang mga sitwasyon nang hindi nalalaman ng lahat, sa partikular, hindi hinahayaang malaman ng Itaas o ng mga nakakataas na lider ang tungkol dito. Palihim na ginagawa ng mga anticristo ang ilang bagay, kahit na alam na alam nilang salungat sa mga prinsipyo ang mga bagay na iyon at hindi naaayon sa katotohanan, na nakakapinsala ang mga bagay na iyon sa sambahayan ng Diyos at na kinasusuklaman ng Diyos ang mga bagay na iyon. Iginigiit pa rin nila ang paggawa ng mga bagay na ito, gamit ang mga panlilinlang ni Satanas at pamamaraan ng tao para manipulahin ang sitwasyon, at pagkatapos ay kumikilos sila nang palihim. Ano ang kanilang mga layon sa pagsasagawa ng mga bagay-bagay nang palihim? Ang isang layon ay para agawin ang kapangyarihan, at ang isa naman ay para kamtin ang anumang interes na gusto nila. Para makamit ang mga ito, gumagawa sila ng mga bagay-bagay na labag sa mga katotohanang prinsipyo, sa mga tuntunin ng iglesia, sa mga layunin ng Diyos, at ang mas matindi pa, sa sarili nilang konsensiya. Walang pagiging bukas sa mga kilos nila—itinatago nila ang mga bagay-bagay mula sa lahat ng tao, o kaya ay sinasabi lamang nila sa iilang kasabwat na saklaw ng kanilang impluwensiya, para makamit nila ang layon nila na makontrol ang sitwasyon, malinlang ang mga nakatataas na lider at ang hinirang na mga tao ng Diyos. Ang pailalim na manipulasyon ay nangangahulugan na gumagawa sila ng mga partikular na desisyon at pinamamatnugutan nila ang ilang bagay, habang ganap na walang kamalay-malay ang karamihan ng tao, at kapag lumipas na ang mga bagay na ito, hindi alam ng karamihan ng tao ang pinagmulan ng mga ito o kung sino ang nagsimula ng mga ito, o kung ano ba talaga ang nangyari. Bakit walang nalalaman ang karamihan ng tao? Ito ang kabuktutan, ang kalupitan ng isang anticristo. Sinasadya niyang linlangin ang mga kapatid, ang mga nakatataas na lider, at ang Itaas sa mga kilos niya. Gaano mo man subukang usisain ang mga bagay na ito o sino man ang tanungin mo, walang nakakaalam kung ano ang sanhi ng mga ito, at wala pa ring ideya ang karamihan ng tao sa kung ano ang nangyayari, partikular na sa maraming bagay na nangyari sa nakalipas na matagal na panahon. Ito ay pailalim na manipulasyon. Isa itong karaniwang taktika na ginagamit ng mga anticristo—kapag may gusto silang gawin na isang bagay, pribado silang nagpapakana at nagpaplano nito, nang hindi ito sinasabi sa sino pa man. Ginagawa nila ang pagpapakana nila sa isip nila kung wala silang sinumang pinagkakatiwalaan; kung mayroon silang mga kasabwat, magpapakana at magpaplano sila nang palihim kasama ang mga ito, at maaaring maging puntirya ng kanilang manipulasyon, ng kanilang mga plano ang sinumang saklaw ng kanilang impluwensiya. Ano ang pangunahing katangian ng ganitong uri ng pagsasagawa? Kawalan ito ng pagiging bukas, kung saan hindi tinatamasa ng karamihan ng tao ang karapatang malaman kung ano ang nangyayari, at pinaglalaruan, minamanipula, at inililigaw sila ng mga anticristo habang nalilito sila. Bakit gumagawa ang mga anticristo ng pailalim na manipulasyon, at bakit hindi sila kumikilos nang lantad at bukas, o bakit hindi nila tinutulutan ang lahat ng karapatan na malaman kung ano ang nangyayari? Dahil alam na alam nila at malinaw sa kanila na hindi naaayon sa mga prinsipyo o tuntunin ng sambahayan ng Diyos ang ginagawa nila, at na walang pakundangan silang gumagawa ng mga maling gawain. Alam nila na kung batid ng karamihan ng tao ang ginagawa nila, titindig ang ilan sa mga ito at kokontrahin sila, at kung malalaman ng mga nakatataas na lider, pupungusan at tatanggalin sila, at manganganib ang katayuan nila kung magkagayon. Iyon ang dahilan kaya ginagamit nila ang pamamaraan ng pailalim na manipulasyon sa ilang bagay na ginagawa nila, at hindi nila pinahihintulutan ang ibang tao na malaman ang tungkol sa mga ito. Kapaki-pakinabang ba ang mga kahihinatnan ng pailalim nilang manipulasyon sa gawain ng iglesia, at sa hinirang na mga tao ng Diyos? Makapagpapatibay ba ito para sa lahat? Siyempre hindi. Nalilihis at nalilinlang ang karamihan ng tao, at hindi talaga sila nakikinabang dito. Naaayon ba sa mga katotohanang prinsipyo ang pamamaraang ito ng pailalim na manipulasyon na ginagamit ng mga anticristo? Pagkilos ba ito nang ayon sa mga hinihingi ng Diyos? (Hindi.) Kaya, dapat bang pungusan ang mga anticristo kapag natuklasan ang mga pagpapamalas nilang ito ng pagsasagawa ng pailalim na manipulasyon? Dapat ba silang ilantad at tanggihan? (Oo.) Ang paggawa ng pailalim na manipulasyon ay isang kongkretong pagpapamalas ng mga anticristo.

Ano pa ang ibang mga pagpapamalas na karaniwan kapag gumagawa ang mga anticristo? (Sinusupil at pinapahirapan ng mga anticristo ang mga tao alang-alang sa sarili nilang katayuan.) Napakakaraniwang bagay na sa mga anticristo na magpahirap ng ibang tao, at isa ito sa kanilang kongkretong pagpapamalas. Upang mapanatili ang kanilang katayuan, laging hinihingi ng mga anticristo na sundin at pakinggan sila ng lahat. Kapag nakita nilang may hindi nakikinig sa kanila o kumokontra at lumalaban sa kanila, gagamit sila ng mga pamamaraan ng paghahadlang at pagpapahirap sa taong iyon, para supilin ito. Madalas na sinusupil ng mga anticristo ang mga taong may mga opinyong naiiba sa opinyon nila. Madalas na pinipigilan nila ang mga taong naghahangad sa katotohanan at tapat na ginagampanan ang kanilang tungkulin. Madalas nilang sinusupil ang mga taong medyo disente at matuwid na hindi nambobola o sumisipsip sa kanila. Pinipigilan nila ang mga hindi nila kasundo o hindi nagpapatalo sa kanila. Ang pagtrato ng mga anticristo sa iba ay hindi nakabatay sa mga katotohanang prinsipyo. Hindi nila kayang tratuhin nang patas ang mga tao. Kapag hindi nila nagustuhan ang isang tao, kapag ang isang tao ay tila hindi buong-pusong sumusuko sa kanila, naghahanap sila ng mga pagkakataon at mga palusot, at nag-iisip pa nga ng iba’t ibang dahilan, upang atakihin at pahirapan ang taong iyon, umaabot pa sa puntong nagkukunwari silang ginagawa nila ang gawain ng iglesia upang supilin siya. Hindi sila tumitigil hanggang sa maging sunud-sunuran at hindi maka-hindi sa kanila ang mga tao; hindi sila tumitigil hangga’t hindi kinikilala ng mga tao ang kanilang katayuan at kapangyarihan, at binabati sila nang may ngiti, nagpapahayag ng pag-endorso at pagtalima sa kanila, at hindi nangangahas na pag-isipan sila nang hindi maganda. Sa anumang sitwasyon, anumang grupo, ang salitang “patas” ay hindi umiiral sa pagtrato ng isang anticristo sa iba, at ang salitang “mapagmahal” ay hindi umiiral sa pagtrato niya sa kanyang mga kapatid na tunay na nananampalataya sa Diyos. Itinuturing niya ang sinumang banta sa kanyang katayuan bilang pako sa kanyang mata at tinik sa kanyang tagiliran, at hahanap siya ng mga pagkakataon at mga dahilan para pahirapan sila. Kung ang taong iyon ay hindi magpapatalo, pinapahirapan niya ang mga ito, at hindi tumitigil hangga’t hindi nasusupil ang taong iyon. Ang pagsasagawa ng mga anticristo ng ganito ay labis na hindi naaayon sa mga katotohanang prinsipyo, at laban sa katotohanan, kung gayon, dapat ba silang pungusan? Hindi lang iyon—walang mas mababa pa sa paglalantad, pagkikilatis, at paglalarawan sa kanila ang sasapat. Tinatrato ng isang anticristo ang lahat ayon sa kanyang sariling mga kagustuhan, layunin at pakay. Sa ilalim ng kanyang awtoridad, ang sinumang may pagpapahalaga sa katarungan, sinumang kayang magsalita nang patas, sinumang nangangahas na labanan ang kawalang-katarungan, sinumang pinanghahawakan ang mga katotohanang prinsipyo, sinumang tunay na may talento at marunong, sinumang kayang magbigay ng patotoo tungkol sa Diyos—lahat ng gayong tao ay haharapin ang inggit ng anticristo, at sila ay susupilin, ibubukod, at tatapak-tapakan ng anticristo hanggang sa puntong hindi na nila kaya pang bumangon muli. Gayon ang pagkamuhi sa pagtrato ng anticristo sa mabubuting tao, at sa mga naghahangad ng katotohanan. Masasabing, humigit-kumulang, ang karamihan sa mga taong kinaiinggitan ng anticristo at kanyang sinusupil ay mga positibong personalidad at mabubuting tao. Karamihan sa kanila ay mga taong ililigtas ng Diyos, na magagamit ng Diyos, at gagawing perpekto ng Diyos. Sa paggamit ng gayong mga taktika para supilin at ihiwalay ang mga ililigtas, gagamitin, at gagawing perpekto ng Diyos, hindi ba’t kalaban ng Diyos ang mga anticristo? Hindi ba’t sila ay mga taong lumalaban sa Diyos? Dahil kinaiinggitan, inaatake, at ibinubukod nang ganito ng mga anticristo ang mga taong naghahangad sa katotohanan, direkta nilang ginugulo ang gawain ng iglesia at ang buhay pagpasok ng mga hinirang na tao ng Diyos. Hindi lang sa Diyos na nagkatawang-tao antagonistiko ang ganitong uri ng anticristo, kundi pati sa mga taong sumusunod sa Diyos at sa mga naghahangad sa katotohanan. Isa itong tunay na anticristo. Dapat bang maging mapagkilatis ang hinirang na mga tao ng Diyos sa ganitong uri ng pagpapamalas ng mga anticristo? Dapat ba nilang ilantad at tanggihan ang mga anticristo? Malulutas ba ang uri ng disposisyon na mayroon ang mga anticristo sa pamamagitan ng pagbabahagi sa katotohanan? Ang disposisyon nila ay pagkamuhi sa katotohanan at sa Diyos, at tiyak na hindi nila tatanggapin ang katotohanan o hindi sila magpapasakop sa katotohanan. Samakatwid, ang tanging paraan para pangasiwaan ang mga gayong tunay na anticristo ay ang ilantad, kilatisin, at pagkatapos ay tanggihan ang mga gayong tao. Ganap itong nakaayon sa mga katotohanang prinsipyo at sa mga layunin ng Diyos. Ang pagpapahirap ng mga anticristo sa hinirang na mga tao ng Diyos sa ganitong paraan ay malinaw na paglalagay sa kanilang sarili sa sitwasyon kung saan masasalungat nila ang Diyos at makikipag-agawan sila sa Diyos para sa Kanyang hinirang na mga tao. Kinaiinggitan at kinamumuhian nila ang mga taong hindi nila kayang iligaw at kontrolin. Hindi nila makamit ang mga taong ito, pero hindi rin nila pinahihintulutang makamit ng Diyos ang mga ito. Sa ganitong paraan, hindi ba’t ginagampanan nila ang papel ni Satanas sa iglesia, na nakikipag-agawan sa Diyos para sa hinirang na mga tao ng Diyos, at nagdudulot ng pinsala at pagkasira sa mga ito? Nais ng mga anticristo na mapasailalim ng kanilang impluwensiya ang mga hinirang na tao ng Diyos na naghahangad sa katotohanan, hinahadlangan nila ang Diyos na makamit ang mga ito, at nais din nilang iligaw ang lahat ng taong sumusunod sa Diyos at pasunurin sa kanila ang mga taong ito, sinisira ang pag-asa ng mga ito sa kaligtasan. Saka lang nila makakamit ang kanilang layon. Hindi ba’t pangunahing kaaway ng Diyos ang mga anticristong namiminsala sa mga tao hanggang mamatay? Dapat makilatis ninyo sila.

Ano pa ang ibang mga pagpapamalas na mayroon ang mga anticristo? (Sumasalungat sila sa mga pagsasaayos ng gawain at ginagawa lang nila ang mga bagay-bagay ayon sa sarili nilang pamamaraan.) May ilang pagkakatulad ito at ang pagtatatag ng sariling nagsasariling kaharian at ang pailalim na manipulasyon, ngunit isa rin itong partikular na pagpapamalas. Paano ginagawa ng mga anticristo ang mga bagay-bagay ayon sa sarili nilang pamamaraan? (Naglalabas ang Itaas ng mga pagsasaayos ng gawain para hingin sa hinirang na mga tao ng Diyos na kilatisin ang mga huwad na lider at anticristo, pero hindi ipinapatupad ng ilang anticristo ang mga pagsasaayos ng gawain na ito, sa halip, ginagamit nilang dahilan ang “magagawa mo lang kilatisin ang ibang tao kapag nagawa mo nang kilatisin ang sarili mo,” para kilalanin ng lahat ang sarili nila, na pumipigil sa mga kapatid na makilatis ang mga huwad na lider at anticristo.) Pagsalungat ito sa mga pagsasaayos ng gawain ng Itaas, at paggawa rin ito ng mga bagay-bagay ayon sa sarili nilang pamamaraan. Ano pa? (May sariling mga ideya ang mga anticristo tungkol sa mga pagsasaayos ng gawain ng Itaas. Sa panlabas, tila nagagawa nilang ipatupad ang mga pagsasaayos na ito at tila nakikipagbahaginan sila sa mga kapatid, pero hindi nila ito sinusubaybayan kailanman o hindi sila nagtatanong man lang tungkol sa mga bagay na ito, at binabalewala lang nila ang mga ito pagkatapos.) Ang pangunahing kahulugan ng paggawa ng mga anticristo ng mga bagay-bagay ayon sa sarili nilang pamamaraan ay na anuman ang gawaing isinasaayos ng Itaas o anuman ang gawaing hinihingi ng Itaas na ipatupad ng mga nasa ibaba, isasantabi ito ng mga anticristo, babalewalain nila ito, hindi ito sasabihin sa iba, at hindi ito ipapatupad, at pagkatapos ay gagawin nila ang gusto nila, kung ano ang handa silang gawin, at kung ano ang kapaki-pakinabang sa kanila. Halimbawa, sa paglalabas ng mga aklat ng mga salita ng Diyos, ayon sa mga prinsipyo ng iglesia sa pamamahagi ng aklat, bibigyan ng aklat ang lahat ng namumuhay ng normal na buhay iglesia. Pero kapag nakikita ito ng isang anticristo, iniisip niya, “May aklat para sa lahat? Hindi ba’t makasasama ito para sa akin? Hindi puwedeng isang aklat kada tao—kailangan kong isagawa at ipatupad ang gawaing ito batay sa kung ano ang partikular na iniisip sa akin ng bawat tao. Hindi ito dapat tungkol lang sa pamumuhay ng normal na buhay iglesia, kundi kung sino sa pangkalahatan ang nagbibigay ng mas maraming handog. Nang walang eksepsiyon, hindi dapat makakuha ng aklat ang mga taong hindi nagbibigay ng anumang handog o ang mahihirap. Kung magmamakaawa sila sa akin para sa isang aklat at magbibigay ng kaunting pera, batay sa kanilang ikinikilos, magdedesisyon ako kung bibigyan ko ba sila ng aklat o hindi.” Paggawa ba ito ng mga bagay ayon sa mga prinsipyo? Ano ang ginagawa nila? Ginagawa nila ang mga bagay-bagay ayon sa sarili nilang pamamaraan. Ang paggawa ng mga bagay-bagay ayon sa sarili nilang pamamaraan ay nangangahulugan ng pagtatakda ng sarili nilang mga patakaran sa labas ng umiiral na mga pagsasaayos ng gawain, kumikilos nang ayon sa mga patakarang iyon sa lokal nilang iglesia, hindi ipinapatupad ang mga pagsasaayos ng gawain at ang mga prinsipyong hinihingi ng sambahayan ng Diyos sa anumang paraan, at sa halip ay kumikilos nang ayon sa sarili nilang mga pakay at layon. Sa panlabas, namamahagi sila ng mga aklat, at mukhang nakumpleto na ang gawaing iyon. Pero ano ang batayan nila sa paggawa nito? Hindi ito batay sa mga pagsasaayos ng mga gawain ng sambahayan ng Diyos o sa mga tuntunin ng iglesia, batay ito sa sarili nilang mga patakaran, sa sarili nilang mga diskarte. Paggawa ito ng mga bagay-bagay ayon sa sarili nilang pamamaraan. Hindi man lang sila nagpapakita ng anumang pagpapasakop sa mga pagsasaayos ng gawain ng sambahayan ng Diyos; hindi nila magawang mahigpit na ipatupad o isagawa ang mga ito, at sa halip ay palihim silang nagtatakda ng marami sa kanilang sariling mga tuntunin at regulasyon na isinasagawa at ipinapatupad sa loob ng lokal nilang iglesia. Hindi lamang ito pagtatayo ng sarili nilang nagsasariling kaharian, higit pa rito, paggawa ito ng mga bagay-bagay ayon sa sarili nilang pamamaraan. Sa madaling salita, kapag nagpapatupad sila ng mga pagsasaayos ng gawain sa lokal nilang iglesia, mga sarili nila itong pagsasaayos, na naiiba sa mga pagsasaayos ng gawain na inilabas ng Itaas at ipinapatupad sa ibang iglesia. Sa panlabas, iniraraos lang nila ang paggawa, natanggap nila ang mga pagsasaayos ng gawain at binasa ang mga ito, pero may sarili silang mga pamamaraan kung paano nila partikular na ipinapatupad ang mga ito. Binabalewala nila ang mga pagsasaayos ng gawain ng sambahayan ng Diyos, at hayagang nilalabag ang mga ito. Tinatawag ito na paggawa ng mga bagay-bagay ayon sa sarili nilang pamamaraan. Bakit ginagawa ng mga anticristo ang mga bagay-bagay ayon sa sarili nilang pamamaraan? (Gusto nilang gumamit ng kapangyarihan sa loob ng iglesia, at gusto nilang sila ang may huling salita sa lahat ng bagay.) Tama. Gusto lang nilang humawak ng kapangyarihan; hinahanap at sinusunggaban nila ang lahat ng pagkakataon para makamit ang kapangyarihan at makontrol ang iba, para pakinggan sila ng iba, sundin sila, at katakutan sila. Gusto nilang gamitin ang iba’t iba nilang pagsasagawa para makontrol ang iba, para ipaalam sa iba na sila lang ang may hawak ng kapangyarihan sa lugar na ito, at wala nang iba pa, na talagang imposible para sa iba na hindi dumaan sa kanila, na laktawan sila, at na walang sinuman ang makahihigit sa kanila. Ang makontrol ang mga hinirang na tao ng Diyos at makuha ang kapangyarihan ang pangunahing kagustuhan ng mga anticristo. Napakalinaw na ang mga anticristong kumikilos nang ganito ay hindi pinangangasiwaan ang mga bagay-bagay nang naaayon sa mga katotohanang prinsipyo o sa mga hinihingi ng sambahayan ng Diyos. Hindi ito isang bagay na dapat ginagawa ng isang lider o ng sinumang normal na gumagawa ng kanilang tungkulin. Kaya, kapag ipinapakita ng mga anticristo ang ganitong pagpapamalas, dapat ba silang pungusan? Dapat ba silang ilantad at tanggihan? (Oo.)

Ano ang ilan sa iba pang mga pagpapamalas ng mga anticristo? (Ninanakaw ng mga anticristo ang mga handog, ginagastos ang pera ng sambahayan ng Diyos para sa kanilang sariling kasiyahan, at nagpapakasaya sa mga espesyal na pribilehiyo.) Ang pagpapakasaya sa mga espesyal na pribilehiyo ay isang partikular na pagpapamalas. Sa sandaling magkamit ng katayuan ang isang anticristo, wala nang makakapigil sa kanya—nakikita niya ang ibang mga tao bilang mga bagay na tinatapak-tapakan, at sa lahat ng ginagawa niya ay gusto niyang agawin ang atensyon, para magsamantala nang husto. Sinisikap niyang makalamang sa lahat ng ginagawa niya, pati na rin sa pananalita niya. Anumang puwesto ang kanyang upuan, gusto niya itong maging espesyal. Anumang pagtrato ang kanyang tinatamasa sa sambahayan ng Diyos, gusto niya itong maging mas maganda kaysa sa tinatanggap ng iba. Gusto niyang maging mas mataas ang tingin sa kanya ng lahat at magkaroon ng mas mataas na pagpapahalaga sa kanya ang lahat kaysa sa iba. Kapag wala siyang katayuan, gusto niya itong agawin, at sa oras na mayroon na siyang katayuan ay nagiging napakayabang niya. Dapat na tumingala sa kanya ang sinumang nakikipag-usap sa kanya, walang puwedeng maglakad kasabay niya, at sa halip ay dapat na manatili ng isa o dalawang hakbang sa likod niya; walang puwedeng magsalita sa kanya nang napakalakas o napakasakit, gumamit ng mga maling salita, o tumingin sa kanya nang masama. Pipintasan niya ang lahat, at may masasabi siya tungkol sa mga ito. Walang puwedeng magpasama ng loob niya o pumuna sa kanya; sa halip, dapat maging magalang ang lahat sa kanya, sumipsip sa kanya, at bolahin siya. Sa sandaling magkaroon ng katayuan ang isang anticristo, kikilos siya nang walang pakundangan at kung paano man niya gustuhin saan man siya magpunta, at magpapakitang-gilas para hangaan siya ng iba. Hindi lamang siya nagpapakasaya sa katayuan at talagang pinahahalagahan ang paghanga ng iba, partikular din na importante sa kanya ang mga materyal na kasiyahan. Gusto niyang manatili sa mga host na nagbibigay ng pinakamahusay na pagtrato. Sinuman ang kanyang host, may mga partikular siyang hinihingi pagdating sa kanyang kinakain, at kung hindi masyadong masarap ang pagkain, hahanap siya ng pagkakataon para pungusan ang kanyang host. Ayaw niyang tanggapin ang anumang mabababang kalidad na kasiyahan—ang lahat ng kanyang pagkain, damit, tinutuluyan, at transportasyon ay dapat na may pinakamataas na kalidad, hindi puwede ang karaniwan lang. Hindi niya kayang tanggapin ang mga bagay na tulad ng tinatanggap ng mga regular na mga kapatid. Kung ang iba ay bumabangon ng ika-5 o ika-6 nang umaga, siya ay babangon ng ika-7 o ika-8 nang umaga. Dapat na ilaan para sa kanya ang pinakamasasarap na pagkain at aytem. Kahit ang mga handog ng mga tao ay dapat muna niyang salain, at itatago niya anuman ang maganda at mahalaga, o anuman ang magustuhan niya, at iiwan ang mga tira-tira para sa iglesia. At may isa pang pinaka-nakakasuklam na ginagawa ng mga anticristo. Ano ito? Kapag may katayuan na sila, mas ginaganahan sila, lumalawak ang kanilang abot-tanaw, at natututo silang magpakasaya, pagkatapos ay nagkakaroon sila ng pagnanais na gumastos, kumonsumo, at dahil dito ay gusto nilang mapunta sa kanila ang lahat ng perang ginagamit ng iglesia para sa gawain nito, para ilaan ito kung paano man nila gusto, at para kontrolin ito ayon sa kanilang kagustuhan. Partikular na nagsasaya sa ganitong uri ng kapangyarihan at ganitong uri ng pagtrato ang mga anticristo, at kapag may kapangyarihan na sila, gusto nilang ilagay ang kanilang pangalan sa lahat ng bagay, tulad sa lahat ng tseke at iba’t ibang kasunduan. Gusto nilang namnamin ang sarap ng pakiramdam na iyon ng walang humpay na pagpirma gamit ang panulat, ng pagwaldas ng pera na parang tubig. Kapag walang katayuan ang isang anticristo, walang makakakita ng ganitong mga pagpapamalas sa kanya, o na siya ay ganitong uri ng tao, na mayroon siyang ganitong uri ng disposisyon, na gagawa siya ng gayong mga bagay. Pero sa oras na magkamit na siya ng katayuan, nabubunyag ang lahat ng ito. Kung siya ay nahalal sa umaga, sa hapon ding iyon ay nagiging napakayabang niya, mapagmalaki, lumalaki ang ulo, at wala siyang pakialam sa mga ordinaryong tao. Napakabilis ng nangyayaring pagbabago. Pero sa totoo lang, hindi siya nagbago—nabunyag lang siya. Nagpapakita siya ng mga kayabangang ito, at ano ang gagawin niya? Gusto niyang gamitin ang iglesia para mabuhay, para magpakasasa sa mga pakinabang ng katayuan. Sa tuwing may nagpapakain ng masarap, dali-dali niya itong kinakain, kasabay ng panghihingi ng mga suplementong pangkalusugan para mapanatili ang kanyang mabahong laman. Ang pagpapakasaya ng mga anticristo sa mga espesyal na pribilehiyo ay madalas na nangyayari; may mga pagkakaiba lang pagdating sa antas ng tindi. Kapag naging lider ang sinumang kumakapit sa kasiyahan ng laman, gusto niyang magpakasaya sa mga espesyal na pribilehiyo. Ito ang disposisyon ng mga anticristo. Sa sandaling magkaroon sila ng katayuan, ganap silang nag-iiba. Iniingatan nila nang mahigpit at sigurado sa paningin nila, sa kanilang pagkakahawak, ang lahat ng kasiyahan at espesyal na pagtrato na kasama ng katayuan, at hindi nila bibitiwan, luluwagan ang pagkakahawak sa isang piraso nito, o hahayaang makawala kahit katiting nito. Alin sa mga pagpapamalas at pagsasagawang ito ng mga anticristo ang pagkilos na naaayon sa mga katotohanang prinsipyo? Wala ni isa. Ang bawat isa sa mga ito ay nakakasuka at nakakasuklam tingnan; hindi lang hindi naaayon ang kanilang mga pagsasagawa at pagpapamalas sa mga katotohanang prinsipyo, kundi tiyak na hindi sila nagtataglay ng katiting na konsensiya, katwiran, o kahihiyan. Kapag may katayuan ang mga anticristo, bukod sa walang pakundangan silang gumagawa ng mga mali at pinagsisikapan ang kanilang sariling kapangyarihan at katayuan, hindi lang sila bigong gumawa ng anumang bagay na makikinabang ang gawain ng iglesia o ang buhay pagpasok ng mga kapatid, nagpapakasaya pa sila sa mga pakinabang ng katayuan, kasiyahan ng laman, at paghanga at paggalang sa kanila ng mga tao. Naghahanap pa nga ang ilang anticristo ng mga taong maglilingkod sa kanila, ibang taong magsisilbi sa kanila ng tsaang iniinom nila, maglalaba ng kanilang mga sinusuot na damit, at pati pa nga ang pagkakaroon ng isang partikular na taong maghihilod ng likod nila kapag sila ay naliligo, at isang nagsisilbi sa kanila kapag sila ay kumakain. Ang mas malala pa rito, mayroon pa ngang nakahandang menu ang ilan para sa bawat isa sa tatlong beses na pagkain sa isang araw, at bukod pa rito, gusto nilang uminom ng mga suplementong pangkalusugan, at na bigyan ng lahat ng uri ng sopas na pinakulo para sa kanila. May kahihiyan ba ang mga anticristo? Wala, wala silang kahihiyan! Masasabi ba ninyong medyo maluwag ang basta pungusan lang ang ganoong uri ng tao? Makakaramdam ba sila ng kahihiyan kung sila ay pupungusan? (Hindi.) Kung gayon, paano malulutas ang isyung ito? Napakasimple nito. Pagkatapos silang pungusan, ilantad sila, at ipaalam sa kanila kung ano sila. Pumayag man sila rito o hindi, dapat silang tanggalin at dapat silang tanggihan ng lahat. Kapag natuklasan ninyo ang isang anticristo, kaya ba ninyo siyang tanggihan? Mangangahas ba kayong manindigan para isumbong at ilantad siya? (Oo.) Mangangahas ba talaga kayo o hindi? Kapag may sumusuportang iba sa iyo ngayon, mangangahas kang manindigan at ilantad siya, ngunit kapag walang sumusuporta, matapang ka pa rin ba? Ligtas ka sa kinalalagyan mo ngayon, nang wala ang malaking pulang dragon na naghahari, kaya iniisip mo, “Ano ang dapat kong ipangamba? Hindi ba’t mga anticristo lang sila? Sa suporta ng Diyos, may lakas ako ng loob na ilantad ang anticristo at hindi ako natatakot!” Gayumpaman, iba sa bansa ng malaking pulang dragon. Kung ilalantad mo ang isang anticristo at nawala siya sa kanyang katayuan, mangangahas siyang pahirapan ka, ipagkanulo ka, at ibigay ka sa mga kamay ng mga awtoridad. Mangangahas ka pa rin bang ilantad siya? (Marahil ay hindi.) Marahil ay hindi. Magbabago kaagad ang saloobin mo; sa kapaligiran na iyon hindi ka mangangahas na ilantad siya. Kung gayon, tama ba ang hindi pangangahas na ilantad siya? Hindi ito tama, wala kang pagpapatotoo, at nangangahulugan ito na hindi ka isang mananagumpay; hindi ito isang bagay na dapat sabihin ng isang tagasunod ng Diyos. Ipagpalagay na nanahimik ka, pero paulit-ulit na humihiyaw ang puso mo: “Ikaw na anticristo, ikaw na diyablo at Satanas, ilalantad kita. Gagamit ako ng karunungan para tanggihan ka at linisin paalis ng iglesia! Hindi ka karapat-dapat na manahan sa sambahayan ng Diyos, isa kang diyablo, isa kang Satanas! Kahit hindi kita inilalantad nang hayagan gamit ang mga salita ko, itinataboy kita mula sa kaibuturan ng puso ko. Hahanap ako ng mas maraming kapatid na nakakaunawa sa katotohanan at sama-sama ka naming itataboy. Hindi namin tatanggapin ang iyong pamumuno o manipulasyon!” Ito ba ang tamang paraan ng pagkilos? (Oo.) Maaaring mahirap ang sitwasyon at ang hayagang paglalantad sa isang anticristo ay maaaring maglagay sa iyo sa panganib, pero ang atas ng Diyos, ang mga katotohanang prinsipyo, at ang tungkulin mo, ay hindi maaaring talikuran o pabayaan. Tungkol naman sa mga anticristong nagpapakasaya sa mga espesyal na pribilehiyo, na hindi nahihiyang tamasahin ang mga pakinabang ng katayuan, dapat natin silang iwaksi, at huwag silang hayaang maging mga linta sa sambahayan ng Diyos o pinsalain o iligaw ang mas marami pang mga kapatid. Dapat natin silang linisin paalis. Ang mga yaman ng sambahayan ng Diyos ay hindi para suportahan ang mga lintang ito. Hindi sila karapat-dapat na kumain sa loob ng sambahayan ng Diyos, ni hindi sila karapat-dapat na magtamasa ng lahat ng bagay sa sambahayan ng Diyos. Bakit ganoon? Dahil sila ay mga diyablo at nararapat silang tanggihan. Ito ay isa pang pagpapamalas ng mga anticristo—ang pagpapakasaya sa mga espesyal na pribilehiyo, ang walang-kahihiyang pagpapakasaya sa mga espesyal na pribilehiyo. Nang walang anumang iniaambag, sa oras na makamit nila ang posisyon ng pamumuno, inaagaw nila ang kapangyarihan, nagpapakasasa sila sa mga pakinabang ng kanilang katayuan, at sapilitang pinagluluto at pinabibili ang mga kapatid ng masasarap na pagkain para sa kanila, ninanakawan sila ng pinaghirapan nilang pag-aari, at hinuhuthot ang kanilang pera at mga bagay na pag-aari. Para sa kanila, natural lang iyon, isang napakahalagang oportunidad, isang pagkakataong hindi na muling babalik. Hindi ba’t ganito mag-isip ang isang diyablo? Napakawalang-kahihiyang pag-iisip ito. Ang ganitong uri ng tao ay dapat pungusan, ilantad, at iwaksi ng mga kapatid.

Ano ang ilang iba pang pagpapamalas ng mga anticristo? Partikular na pagpapamalas ba ang panlilinlang ng mga nasa itaas at ibaba ng isang tao? (Oo.) Likas na buktot ang mga anticristo; wala silang isang puso ng pagkamatapat, ng pagmamahal sa katotohanan, o ng pagmamahal sa mga positibong bagay. Madalas silang namumuhay sa madidilim na sulok—hindi sila kumikilos nang may saloobin ng pagkamatapat, hindi sila nagsasalita nang tapat, at nagkikimkim sila ng buktot at mapanlinlang na puso kapwa sa ibang tao at sa Diyos. Gusto nilang linlangin ang iba, at linlangin pati ang Diyos. Hindi nila tatanggapin ang pangangasiwa ng iba, lalo na ang pagsisiyasat ng Diyos. Kapag kasama sila ng ibang tao, hindi nila kailanman gustong malaman ng sinuman kung ano ang kanilang iniisip at pinaplano, sa kaibuturan, kung anong uri sila ng tao, at kung anong saloobin ang kinikimkim nila sa katotohanan, at iba pa; ayaw nilang malaman ng iba ang alinman sa mga ito, at gusto rin nilang himukin ang Diyos, para maglihim sa Kanya. Kaya, kapag walang katayuan ang isang anticristo, kapag wala siyang mga oportunidad para manipulahin ang sitwasyon sa isang grupo ng mga tao, wala talagang sinuman ang makakaalam kung ano ang ibig sabihin ng kanyang mga salita at kilos. Mag-iisip ang mga tao: “Ano ba ang iniisip niya bawat araw? May anumang layunin ba sa likod ng kanyang pagganap sa kanyang tungkulin? Nagpapakita ba siya ng katiwalian? Nakakaramdam ba siya ng anumang inggit o pagkamuhi sa iba? May anumang pagkiling ba siya laban sa ibang tao? Ano ang kanyang mga pananaw sa mga sinasabi ng iba? Ano ang iniisip niya kapag nahaharap siya sa mga partikular na bagay?” Kailanman ay hindi ipinapaalam ng mga anticristo sa iba kung ano ang talagang nangyayari sa kanila. Kahit na nagpapahayag sila ng kaunting salita tungkol sa kanilang opinyon sa isang bagay, magiging malabo at alanganin sila, magpapaligoy-ligoy sila para hindi maintindihan ng iba kung ano ang ipinaparating nila, at hindi alam ng iba kung ano ang gusto nilang sabihin, o kung ano ang ipinapahayag nila, kaya napapakamot na lang ng ulo ang lahat. Pagkatapos makakuha ng katayuan ang isang taong tulad niyon, mas lalo siyang nagiging malihim sa kanyang pag-uugali kapag kasama ng ibang tao. Gusto niyang protektahan ang kanyang mga ambisyon, reputasyon, imahe at pangalan, ang kanyang katayuan at dignidad, at iba pa. Iyon ang dahilan kung bakit ayaw niyang maging tapat tungkol sa kung paano niya ginagawa ang mga bagay-bagay o sa kanyang mga motibo sa paggawa ng mga bagay-bagay. Kahit kapag siya ay nagkakamali, nagpapakita ng tiwaling disposisyon, o kapag mali ang mga motibo at layunin sa likod ng kanyang mga kilos, ayaw niyang magtapat at hayaang malaman ng iba ang tungkol dito, at kadalasan siyang nagpapanggap na inosente at perpekto para linlangin ang mga kapatid. At sa Itaas at sa Diyos, magagandang pakinggang bagay lang ang kanyang sinasabi, at madalas siyang gumagamit ng mga mapanlinlang na taktika at kasinungalingan para mapanatili ang kanyang relasyon sa Itaas. Kapag nag-uulat siya ng kanyang gawain sa Itaas, at nakikipag-usap sa Itaas, hindi siya kailanman nagsasalita ng anumang hindi maganda, para walang makatuklas ng anuman sa kanyang mga kahinaan. Hindi niya kailanman babanggitin kung ano ang ginawa niya sa ibaba, ang anuman sa mga isyu na lumitaw sa iglesia, ang mga problema o kapintasan sa kanyang gawain, o ang mga bagay na hindi niya maunawaan o makilatis. Hindi siya kailanman nagtatanong o naghahanap sa Itaas tungkol sa mga bagay na ito, at sa halip ay nagpapakita lang siya ng imahe at anyo ng kahusayan sa gawain, ng kakayahan na lubos na pasanin ang kanyang gawain. Hindi niya iniuulat sa Itaas ang anuman sa mga problema na umiiral sa iglesia, at kahit gaano pa kagulo ang mga bagay-bagay sa iglesia, ang laki ng mga depektong lumabas sa kanyang gawain, o kung ano ang eksaktong ginagawa niya sa ibaba, paulit-ulit niyang pinagtatakpan ang lahat ng iyon, sinisikap na hindi kailanman malaman ng Itaas o marinig ang anumang balita tungkol sa mga bagay na ito, umaabot pa nga hanggang sa paglilipat ng mga tao na konektado sa mga usaping ito o sa nakakaalam ng katotohanan tungkol sa kanya sa malalayong lugar sa pagsisikap na maitago kung ano ang talagang nangyayari. Anong uri ng pagsasagawa ang mga ito? Anong klaseng pag-uugali ito? Ito ba ang uri ng pagpapamalas na dapat mayroon ang isang tao na naghahangad sa katotohanan? Napakalinaw na hindi ito. Ito ay pag-uugali ng isang demonyo. Gagawin ng mga anticristo ang lahat ng kanilang makakaya para itago, para pagtakpan ang anumang bagay na maaaring magkaroon ng epekto sa kanilang katayuan o reputasyon, itinatago ang mga bagay na ito mula sa ibang tao at mula sa Diyos. Ito ay panlilinlang sa mga nasa itaas at ibaba nila. Madalas nilang sasabihin sa mga nasa ibaba nila, “Napakataas ng tingin sa akin ng itaas, at labis akong pinahahalagahan. Nagtalaga ng ganito at ganoong mga gawain sa akin ang itaas, ipinagkakatiwala sa akin ang gayong kahalagang gawain. Pinangangalagaan talaga nila akong mabuti, binibigyan ako ng gabay para sa aking gawain, at talagang kinuha rin nila ang responsabilidad para sa aking buhay. Pinungusan ako ng itaas dahil sa ganito at ganoong mga usapin, at tinanggap ko ito sa ganito at ganoong paraan, at ang pagkakaunawa ko rito ay ganito at ganoon. Tingnan ninyo kung gaano ako kamahal ng diyos—personal niya akong pinungusan, at binigyan ako ng personal na gabay sa gawain ko.” At sa Itaas, ginagampanan nila ang isang paraan ng pag-ako ng isang malaking responsabilidad para sa kanilang gawain, ng matinding pagmamalasakit sa mga kapatid, at ng ganap na paglalaan ng kanilang puso at lakas, pero hindi sila kailanman magsasalita tungkol sa kapatid na naghahayag ng ibang ideya o opinyon sa kanila, o tungkol sa anumang mga kapintasan o paglihis sa kanilang gawain. Ginagawa nila ang kanilang makakaya para mapanatili ang mabuting relasyon sa mga nasa ibaba nila habang sinisikap nilang gawin ang lahat upang itago ang iba’t ibang katotohanan tungkol sa kanila mula sa Itaas, takot na matanggal kung malalaman ng Itaas kung ano talaga ang nangyayari sa kanila. Hindi ba’t panlilinlang ito sa mga nasa itaas at ibaba nila? Sa sandaling makahawak ng kapangyarihan ang isang anticristo, ginagawa niya ang lahat ng kanyang makakaya para itago ang katunayan tungkol sa kanyang sarili para walang makakilatis sa kanyang tunay na kalagayan, sa kanyang tunay na sitwasyon, o sa kanyang aktuwal na pagkatao o mga kakayahan sa gawain. Gagamit siya ng lahat ng uri ng taktika at pamamaraan upang itago ang mga bagay na ito, para makapagkamit sila ng matibay na posisyon at matamasa ang kapangyarihan at ang mga pakinabang ng katayuan habambuhay. Ang panlilinlang sa mga nasa itaas at ibaba ng isang tao ay isang bagay na tanging mga anticristo ang gumagawa. Naaayon ba ito sa mga katotohanang prinsipyo? Ito ba ay isang pagpapamalas na dapat tinataglay ng isang taong naglilingkod sa Diyos? Ito ba ay isang pagpapamalas na dapat tinataglay ng isang taong naghahangad sa katotohanan? (Hindi.) Kaya, kapag ang isang anticristo ay nagtataglay ng ganitong uri ng pagpapamalas, ng ganitong uri ng disposisyon, dapat ba siyang pungusan? (Oo.)

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.