Ikapitong Aytem: Sila ay Buktot, Mapaminsala, at Mapanlinlang (Ikalawang Bahagi) Ikalimang Seksiyon
Hindi maipatupad ang mga pagsasaayos ng gawain ng sambahayan ng Diyos sa mga iglesia kung saan ang mga anticristo ang may hawak ng kapangyarihan. Kasabay nito, lumilitaw rin ang isang kakaibang pangyayari sa loob ng mga iglesiang iyon, kung saan ang naipapatupad lamang na gawain ay ang gawaing walang kinalaman o sumasalungat sa mga pagsasaayos ng gawain ng sambahayan ng Diyos, na nagpapalitaw sa iba’t ibang opinyon at argumento sa mga kapatid, at nagdadala ng matinding kaguluhan sa iglesia. Paano kumikilos ang mga huwad na lider? Hindi sila gumagawa nang naaayon sa mga pagsasaayos ng gawain ng sambahayan ng Diyos; para bang wala silang gagawin, at hindi talaga sila tumutugon sa mga pagsasaayos ng gawain. Walang kaalam-alam ang mga taong nasa pangangasiwa ng mga lider na ito; watak-watak sila, walang nag-oorganisa sa kanila—ginagawa ng lahat ang anumang gustuhin nila, sa ano mang paraan na gusto nila. Hindi nagsasalita ng kahit na anong pahayag ang mga huwad na lider at hindi nila inaako ang responsabilidad na ito. Gayumpaman, iba kumilos ang mga anticristo. Hindi lang sila nabibigong ipatupad ang mga pagsasaayos ng gawain, bumubuo rin sila ng sarili nilang mga pahayag at pagsasagawa. Kinukuha ng ilan ang mga pagsasaayos ng gawain ng Itaas at binabago ang mga iyon, ginagawan nila ang mga ito ng sarili nilang bersyon, na kanila namang ipinapatupad, samantalang hindi talaga kumikilos ang iba ayon sa mga pagsasaayos ng gawain ng Itaas, at ginagawa lang nila ang gusto nila. Sinasarili nila ang mga pagsasaayos ng gawain ng Itaas at hindi ipinapasa ang mga ito sa ibaba, pinapanatili nilang walang nalalaman ang mga nasa ilalim nila samantalang ginagawa nila ang anumang gustuhin nila, bumubuo pa nga sila ng sarili nilang mga teorya at pahayag para iligaw at lokohin ang mga nasa ilalim nila. Kaya, huwag ninyong tingnan kung gaano karami ang kayang talikuran ng mga anticristo o kung anong pagdurusa ang kaya nilang tiisin sa panlabas. Isantabi ninyo ang mga paimbabaw na kilos at pag-uugali nila, at tingnan ninyo ang diwa ng mga bagay na ginagawa nila. Anong klase ang relasyon nila sa Diyos? Sinasalungat nila ang lahat ng bagay na sinabi at ginawa ng Diyos, ang lahat ng bagay na hinihingi ng Diyos na maunawaan ng mga kapatid, at ang lahat ng bagay na hinihingi Niyang maipatupad na maibaba sa iglesia—sinasalungat nila ang lahat ng ito. Maaaring magtanong ang ilan, “Ang pagkabigo bang ipatupad ang mga bagay na ito ay katulad ng pagsalungat sa mga ito?” Bakit hindi nila ipinapatupad ang mga ito? Dahil hindi sila sumasang-ayon sa mga ito. Dahil nakikita natin kung paanong hindi sila sumasang-ayon sa mga ito, mas mataas ba sila kaysa sa sambahayan ng Diyos? Dahil nakikita natin kung paanong hindi sila sumasang-ayon sa mga ito, may mas maganda ba silang plano? Wala. Kaya, bakit nangangahas silang hindi ipatupad ang mga ito dahil lamang hindi sila sumasang-ayon sa mga ito? Dahil gusto nilang pangibabawan at kontrolin ang iglesia. Naniniwala sila na kung ipapatupad nila ang mga bagay nang lubos na naaayon sa mga pagsasaayos ng gawain at sa mga hinihingi ng Itaas, baka hindi mapansin ang mga kontribusyon nila, baka hindi sila mamukod-tangi, at hindi makita ng sinuman. Para sa mga anticristo, magiging malaking problema ito. Kung ang lahat ng tao ay nagpatotoo sa Diyos at regular na nagbahaginan sa katotohanan, kung kayang maunawaan ng lahat ang katotohanan, mapangasiwaan ang mga usapin ayon sa mga prinsipyo, hanapin ang katotohanan at magdasal at tumawag sa Diyos kapag nahaharap sa mga isyu, ano na ang magiging papel nila? Hindi hinahangad ng mga anticristo ang katotohanan, kaya wala silang magiging papel; magiging mga dekorasyon na lang sila. Kung naging mga dekorasyon na sila, at wala nang pumansin sa kanila, matatanggap ba nila ito? Hindi, hindi nila ito matatanggap. Mag-iisip sila ng mga paraan para sagipin ang sitwasyon. Nagtataglay ng buktot na disposisyon at buktot na diwa ang mga anticristo—maiisip ba nilang mabubunyag sila kung naghangad ng katotohanan ang lahat ng kapatid? Napakasama ng mga anticristo, at hindi nila hinahangad ang katotohanan; sila ay buktot, mapanlinlang, mapaminsala, at hindi nila minamahal ang mga positibong bagay. Kung nauunawaan ng lahat ang katotohanan, magkakaroon sila ng pagkilatis sa mga anticristo. Alam ba ito ng mga anticristo? Oo, alam nila. Nadarama nila ito sa espiritu nila. Para itong kapag nagpunta ka sa isang lugar at may nakaharap kang masamang espiritu. Kapag tumingin sa iyo ang masamang espiritu, hindi ka nito nagugustuhan, at sa isang tingin lang, kasuklam-suklam na para sa iyo ang masamang espiritu, at ayaw mong makipag-usap dito. Sa katunayan, hindi ka pa nito nasalungat o napinsala, pero nasusuklam ka kapag tinitingnan mo ito, at mas lalo kang nasusuklam kapag nakikinig ka sa pagsasalita nito. Sa realidad, hindi ka nito kilala, at hindi mo ito kilala. Ano ang nangyayari dito? Nadarama mo sa espiritu mo na kayong dalawa ay hindi magkauri. Ang mga anticristo ay mga kaaway ng hinirang na mga tao ng Diyos. Kung wala kang pandama o kamalayan kapag nakikisalamuha ka sa kanila, hindi ba’t talagang manhid ka? Ipagpalagay nating kapag hindi masyadong nagsasalita ang isang anticristo, at nagsasabi lamang ng iilang salita habang ipinapahayag ang isang argumento, nagpapahayag ng pananaw, o nagkikimkim ng isang partikular na saloobin sa kanyang mga kilos, hindi mo kayang makita nang malinaw ang mga bagay na ito. Kung nakikisalamuha ka sa kanya sa loob ng mahabang panahon, at wala ka pa ring ganitong kamalayan, at isang araw ay tinukoy siya ng Itaas bilang isang anticristo, at sa wakas ay doon ka lang nakaunawa at nakaramdam ng kaunting takot, iniisip mo, “Paanong hindi ko nakilatis ang gayon kahalatang anticristo! Muntik na iyon!” siguradong napakabagal mong umunawa at napakamanhid mo!
May isang halatang katangian ang kabuktutan ng mga anticristo, at ibabahagi Ko sa inyo ang sekreto sa pagkilatis dito: Ito ay na kapwa sa kanilang pananalita at sa kilos, hindi mo maarok ang kaibuturan nila o makilatis ang puso nila. Kapag kinakausap ka nila, umiikot ang mga mata nila, at hindi mo malaman kung anong klaseng pakana ang binabalak nila. Minsan, pinaparamdam nila sa iyo na tapat o talagang sinsero sila, pero hindi ito totoo—hindi mo sila kailanman makikilatis. May partikular kang nararamdaman sa puso mo, nararamdaman mo na may natatago silang intensiyon sa mga isipan nila, isang di-maarok na kalaliman, na sila ay mapanlinlang. Ito ang unang katangian ng kabuktutan ng mga anticristo, at ipinapahiwatig nito na nagtataglay ng katangian ng kabuktutan ang mga anticristo. Ano ang pangalawang katangian ng kabuktutan ng mga anticristo? Ito ay na lahat ng sinasabi at ginagawa nila ay napakamapanlihis. Saan ito naipapakita? Sa kanilang partikular na kahusayan sa pagsusuri ng mga sikolohiya ng mga tao, sa pagsasabi ng mga bagay na tugma sa mga kuru-kuro at imahinasyon ng mga tao at na madaling tanggapin. Gayumpaman, may isang bagay na dapat mong makilatis: Hindi nila kailanman isinasabuhay ang magagandang bagay na sinasabi nila. Halimbawa, nagpapangaral sila ng doktrina sa iba, sinasabi sa kanila kung paano maging matatapat na tao, at kung paano magdasal at hayaan ang Diyos na maging panginoon nila kapag may nangyayari sa kanila, pero kapag may nangyayari sa mga anticristo mismo, hindi nila isinasagawa ang katotohanan. Ang pawang ginagawa nila ay kumilos ayon sa sarili nilang kalooban, at mag-isip ng napakaraming paraan para sila mismo ang makinabang, inuutusan nila ang iba na pagsilbihan sila at pangasiwaan ang kanilang mga usapin. Hindi sila kailanman nagdarasal sa Diyos o hinahayaan Siyang maging panginoon nila. Sinasabi nila ang mga bagay na magandang pakinggan, pero hindi naaayon ang mga kilos nila sa sinasabi nila. Ang una nilang isinasaalang-alang kapag kumikilos sila ay kung ano ang pakinabang nila rito; hindi nila tinatanggap ang mga pamamatnugot at pagsasaayos ng Diyos. Nakikita ng mga tao na hindi sila masunurin sa paggawa ng mga bagay, na palagi silang naghahanap ng paraan para makinabang at umusad. Ito ang mapanlinlang at buktot na bahagi ng mga anticristo na kayang makita ng mga tao. Kapag gumagawa ang mga anticristo, minsan, kaya nilang tiisin ang hirap at magbayad ng halaga, nagagawa pa nga nilang isakripisyo minsan ang pagtulog at ang pagkain, pero ginagawa lang nila ito para magkamit ng katayuan o maging kilala. Pinagdurusahan nila ang paghihirap alang-alang sa mga ambisyon at layon nila pero pabaya sila sa mahalagang gawaing isinasaayos ng sambahayan ng Diyos para sa kanila, na halos hindi nila isinasakatuparan. Kaya, mapagpasakop ba sila sa mga pagsasaayos ng Diyos sa lahat ng ginagawa nila? Ginagawa ba nila ang kanilang mga tungkulin? May problema rito. May isa pang klase ng pag-uugali, iyon ay na kapag nagbibigay ng iba’t ibang opinyon ang mga kapatid, tatanggihan ng mga anticristo ang mga ito sa isang paligoy-ligoy na paraan, nagpapaikot-ikot sila sa pagtatalakay, ipinapaisip nila sa mga tao na nakipagbahaginan at nakipagtalakayan ang mga anticristo sa kanila tungkol sa mga bagay-bagay—pero sa huli, dapat gawin ng lahat ang sinasabi ng mga anticristo. Palagi silang naghahanap ng paraan para supilin ang mga mungkahi ng ibang tao, para sundin ng mga tao ang mga ideya ng anticristo at gawin ang sinasabi nila. Paghahanap ba ito sa mga katotohanang prinsipyo? Siguradong hindi. Kung gayon, ano ang prinsipyo ng gawain nila? Ito ay na dapat makinig at sumunod sa kanila ang lahat, na walang sinumang mas dapat pakinggan kaysa sa kanila, at na pinakamagaling at pinakamataas ang mga ideya nila. Ipaparamdam ng mga anticristo sa lahat na tama ang sinasabi nila, na katotohanan ang mga ito. Hindi ba’t buktot ito? Ito ang ikalawang katangian ng kabuktutan ng mga anticristo. Ang pangatlong katangian ng kabuktutan ng mga anticristo ay na kapag nagpapatotoo sila sa sarili nila, madalas silang nagpapatotoo sa mga kontribusyon nila, sa mga paghihirap na pinagdusahan nila, at sa mga kapaki-pakinabang na bagay na nagawa nila para sa lahat, ibinabaon ito sa isipan ng mga tao, para maalala ng mga tao na nakikinabang sila sa liwanag ng mga anticristo. Kung pinupuri o pinasasalamatan ng isang tao ang isang anticristo, maaaring magsalita pa ito ng mga napakaespirituwal na salita, tulad ng, “Salamat sa diyos. Gawa itong lahat ng diyos. Ang biyaya ng diyos ay sapat para sa atin,” para makita ng lahat na talagang espirituwal siya, at na isa siyang mabuting lingkod ng Diyos. Sa realidad, itinataas at pinatototohanan niya ang sarili niya, at talagang walang lugar para sa Diyos sa puso niya. Sa isip ng ibang mga tao, ang katayuan ng anticristo ay nalampasan na nang husto ang katayuan ng Diyos. Hindi ba’t isa itong tunay na katibayan ng pagpapatotoo ng mga anticristo sa sarili nila? Sa mga iglesia kung saan isang anticristo ang may kapangyarihan at kontrol, siya ang may pinakamataas na katayuan sa puso ng mga tao. Pumapangalawa o pumapangatlo lang ang Diyos. Kung pupunta ang Diyos sa isang iglesia kung saan isang anticristo ang humahawak ng kapangyarihan at may sasabihin Siyang isang bagay, maaarok ba ng mga tao roon ang sasabihin ng Diyos? Taos-puso ba nilang tatanggapin ito? Hindi masasabi. Sapat na patunay ito kung gaano pinagsisikapan ng mga anticristo ang pagpapatotoo sa sarili nila. Hindi man lang sila nagpapatotoo sa Diyos, bagkus ay ginagamit nila ang lahat ng pagkakataon nilang magpatotoo sa Diyos para magpatotoo sa sarili nila. Hindi ba’t traydor ang taktikang ito na ginagamit ng mga anticristo? Hindi ba’t napakabuktot nito? Sa pamamagitan ng tatlong katangiang ito na pinagbahaginan dito, madali nang makilatis ang mga anticristo.
May isa pang katangian ang mga anticristo, at isa rin itong malaking pagpapamalas ng buktot na disposisyon nila. Ito ay na paano man makipagbahaginan ang sambahayan ng Diyos tungkol sa katotohanan, paano man makipagbahaginan ang hinirang na mga tao ng Diyos tungkol sa kanilang pagkakilala sa sarili, o paano man nila tanggapin ang paghatol, pagkastigo, at pagpupungos, binabalewala ito ng mga anticristo. Hinahangad pa rin nila ang kasikatan, pakinabang, at katayuan, at hindi nila kailanman binibitiwan ang kanilang layunin at pagnanais na magtamo ng mga pagpapala. Sa isipan ng mga anticristo, basta’t nagagawang gampanan ng isang tao ang isang tungkulin, magbayad ng halaga, at dumanas ng kaunting hirap, dapat silang pagpalain ng Diyos. Kaya nga, matapos gawin ang gawain ng iglesia sa loob ng ilang panahon, sinisimulan nilang bilangin ang trabahong nagawa nila para sa iglesia, ang mga naiambag nila sa sambahayan ng Diyos, at ang nagawa na nila para sa mga kapatid. Isinasaisip nilang mabuti ang lahat ng ito, hinihintay nilang makita kung anu-ano ang mga matatamo nilang mga biyaya at pagpapala mula sa Diyos dahil dito, upang matukoy nila kung sulit ba ang ginagawa nila. Bakit palagi silang nag-aabala sa gayong mga bagay? Ano ang hinahangad nila sa kaibuturan ng kanilang puso? Ano ang layon ng kanilang pananalig sa Diyos? Sa simula pa lamang, ang kanilang pananampalataya sa Diyos ay tungkol na sa pagtatamo ng mga pagpapala. At ilang taon man sila makinig sa mga sermon, ilang salita man ng Diyos ang kainin at inumin nila, ilang doktrina man ang maunawaan nila, hinding-hindi nila kalilimutan ang kanilang hangarin at layuning pagpalain. Kung hihilingin mo sa kanilang maging masunuring nilalang at tanggapin ang kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos ng Diyos, sasabihin nila, “Walang kinalaman iyan sa akin. Hindi iyan ang dapat kong pagsumikapan. Ang dapat kong pagsumikapan ay: kapag tapos na ang laban ko, kapag nagawa ko na ang hinihinging pagsisikap at natiis na ang hinihinging hirap—kapag nagawa ko na ito ayon sa hinihingi ng diyos—dapat akong gantimpalaan ng diyos at tulutan akong manatili, at maputungan ng korona sa kaharian, at makahawak ng mas mataas na posisyon kaysa sa mga tao ng diyos. Dapat ay ako ang mamahala sa dalawa o tatlong lungsod, kahit papaano.” Ito ang pinakamahalaga para sa mga anticristo. Paano man ibahagi ng sambahayan ng Diyos ang katotohanan, hindi maiwawaksi ang layunin at pagnanais ng mga anticristong matamo ang mga pagpapala; kauri sila ni Pablo. Hindi ba’t nagtatanim ng isang uri ng buktot at imoral na disposisyon ang gayon kahayag na transaksiyon? Sinasabi ng ilang relihiyosong tao, “Ang aming henerasyon ay sinusundan ang diyos sa landas ng krus. Pinili kami ng diyos, kaya nga may karapatan kaming mapagpala. Nagtiis kami at nagbayad ng halaga, at nakainom na kami mula sa mapait na saro. Ang ilan sa amin ay naaresto pa nga at nahatulang mabilanggo. Matapos tiisin ang lahat ng hirap na ito, marinig ang napakaraming sermon, at matuto ng napakarami tungkol sa Bibliya, kung isang araw ay hindi kami pagpalain, aakyat kami sa ikatlong langit at makikipagtalo sa diyos.” May narinig na ba kayong katulad nito? Sinasabi nila na pupunta sila sa ikatlong langit para makipagtalo sa Diyos—gaano kamapangahas iyon? Hindi ka ba natatakot na marinig man lamang ito? Sino ang nangangahas na subukang makipagtalo sa Diyos? Sa kabutihang palad, matagal nang umakyat sa langit ang Jesus na pinananampalatayaan nila. Kung nasa lupa pa rin si Jesus, hindi ba’t susubukan nilang ipako Siyang muli sa krus? Siyempre, maaaring sa umpisa ay makapangyarihan at kahanga-hanga ang gayong mga salita para sa ilang tao kapag nagsimula pa lang silang manampalataya sa Diyos, iniisip nila na dapat magkaroon ng ganitong lakas ng loob at determinasyon ang mga tao. Pero, dahil nanampalataya kayo hanggang ngayon, ano ang tingin ninyo sa mga salitang ito? Hindi ba’t mga arkanghel ang gayong mga tao? Hindi ba’t mga Satanas sila? Puwede kang makipagtalo sa sinuman pero hindi sa Diyos. Hindi mo dapat gawin ang gayong bagay, o isipin mang gawin ito. Galing sa Diyos ang mga pagpapala: ibinibigay Niya ang mga ito sa kanino man Niya gusto. Kahit na matugunan mo ang mga kondisyon sa pagtanggap ng mga pagpapala at hindi ipinagkakaloob ng Diyos ang mga ito sa iyo, hindi ka pa rin dapat makipagtalo sa Diyos. Nasa ilalim ng pamumuno ng Diyos ang buong sansinukob at ang buong sangkatauhan; ang Diyos ang nagpapasya. Paanong ikaw, na isang maliit na tao, ay nangangahas na makipagtalo sa Diyos? Paanong masyado kang tiwala sa mga abilidad mo? Bakit hindi ka manalamin para makita mo kung sino ka? Sa pangangahas na tumutol at makipagtalo laban sa Lumikha sa ganitong paraan, hindi ba’t naghahangad ka ng kamatayan? Ang “Kung isang araw ay hindi kami pagpalain, aakyat kami sa ikatlong langit at makikipagtalo sa diyos” ay isang pahayag na hayagang tumututol laban sa Diyos. Anong klaseng lugar ba ang ikatlong langit? Dito nakatira ang Diyos. Katumbas ng pagtatangkang “pabagsakin” ang Diyos ang mangahas na pumunta sa ikatlong langit para makipagtalo sa Diyos! Hindi ba’t ganito ang sitwasyon? Maaaring magtanong ang ilan, “Ano naman ang kinalaman nito sa mga anticristo?” Malaki ang kinalaman nito sa kanila, dahil mga anticristo ang lahat ng gustong pumunta sa ikatlong langit para makipagtalo sa Diyos. Mga anticristo lamang ang kayang magsabi ng mga gayong bagay. Ang mga ganitong salita ang boses na kinikimkim ng mga anticristo sa kaibuturan ng kanilang puso. Ito ang kabuktutan nila. Kahit na maaaring hindi hayagang sabihin ng mga anticristo ang mga salitang ito, talagang kinikimkim nila ang mga bagay na ito sa puso nila, hindi lang sila nangangahas na ibunyag ang mga ito, at hindi nila ipinapaalam sa sinuman ang tungkol sa mga ito. Gayumpaman, nag-aalab na gaya ng hindi mapatay na apoy ang mga pagnanais at ambisyon sa kaibuturan ng kanilang puso. Bakit ganito? Dahil hindi mahal ng mga anticristo ang katotohanan. Hindi nila mahal ang pagiging patas at matuwid ng Diyos, ang paghatol at pagkastigo ng Diyos, at siguradong hindi nila mahal ang pagkamakapangyarihan-sa-lahat, karunungan ng Diyos, at ang Kanyang kataas-taasang kapangyarihan sa lahat ng bagay. Hindi nila mahal ang anuman sa mga ito—kinamumuhian nila ang mga ito. Kaya, ano ang mahal nila? Mahal nila ang katayuan at pinapahalagahan nila ang mga gantimpala. Sinasabi nila, “May mga kaloob, talento, at abilidad ako. Nagtrabaho ako para sa iglesia, kaya dapat akong suklian at gantimpalaan ng diyos!” Hindi ba’t nanganganib sila? Hindi ba’t paghahangad ito ng kamatayan? Hindi ba’t direktang paghamon ito sa Diyos? Hindi ba’t paghamon ito sa Lumikha? Ang mangahas na itutok ang kanilang mga sibat nang direkta sa Diyos, sa Lumikha—ay isang bagay na ang arkanghel, si Satanas lang, ang makagagawa. Kung talagang may mga taong may gayong mga pananaw, na may kakayahang gawin ang gayong mga kilos, kung gayon, walang duda na mga anticristo sila. Sa lupa, ang mga anticristo lamang ang nangangahas na hayagang labanan at husgahan ang Diyos nang ganito. Maaaring sabihin ng ilan, “Hindi ganito kapangahas o kawalang pakundangan ang mga anticristong nakita namin.” Kailangan itong tingnan ayon sa konteksto at kapaligirang kinaroroonan ng mga anticristo. Paano sila nangangahas na ipakita ang tapang nila kung hindi pa sila lubos na nagkakamit ng kapangyarihan at hindi pa nila naitatatag ang sarili nila? Ang mga anticristo ay marunong magtimpi, naghihintay silang dumating ang tamang pagkakataon. Kapag dumating na ang oras nila, ganap na malalantad ang kanilang tapang. Bagaman mahusay na naitatago ng ilang anticristo ang tunay nilang kulay habang wala silang katayuan, at walang mga isyung makikita sa kanila sa panlabas, kapag nagkamit na sila ng katayuan at naitatag na nila ang sarili nila, ganap na nabubunyag ang kabuktutan at kapangitan nila. Katulad ito ng ilang tao na walang katotohanang realidad. Kapag wala silang anumang katayuan, napipilitan lamang silang magpasakop sa pagpupungos, at sa puso nila ay hindi sila tutol. Gayumpaman, kapag naging lider at manggagawa na sila at nagkamit ng kaunting katanyagan sa hinirang na mga tao ng Diyos, kapag pinungusan sila, malaki ang tsansang ilalantad nila ang tunay nilang pagkatao, at magsisimula silang makipagtalo sa Diyos at tumutol laban sa Kanya. Katulad ito ng kung paanong maayos na ginagawa ng ilang tao ang kanilang mga tungkulin at walang anumang reklamo sa mga normal na sitwasyon, pero kapag naharap sa kanser at malapit nang mamatay, malaki ang tsansang ilantad nila ang kanilang totoong pagkatao. Magsisimula silang magreklamo tungkol sa Diyos, makipagtalo sa Kanya, at tumutol laban sa Kanya. Tutol at galit sa katotohanan ang mga anticristo, ang grupong ito ng mga tao, at hindi nila kailanman isinasagawa ang katotohanan. Kung gayon, kahit pagkatapos nilang malantad at mabunyag, bakit handa pa rin silang magtrabaho sa iglesia, at maging ang pinakamaliliit na tagasunod? Ano ang nangyayari? May layon sila: Hindi nila kailanman binitawan ang kanilang layunin na magtamo ng mga pagpapala. Ang mentalidad nila ay, “Kakapit akong mabuti sa pinakahuling pag-asa na ito. Kung hindi ako makakatamo ng mga pagpapala, hindi ko kailanman titigilan ang diyos. Kung hindi ako makakatamo ng mga pagpapala, ibig sabihin ay hindi diyos ang diyos!” Anong klaseng disposisyon ito? Ang mangahas na walang pakundangang itatwa ang Diyos at tumututol laban sa Kanya—kabuktutan ito. Basta’t mayroon silang kahit kaunting pag-asang magtamo ng mga pagpapala, mananatili sila sa sambahayan ng Diyos at maghihintay sa mga pagpapalang iyon. Paano ito mapagmamasdan? Katulad sila ng mga Pariseo, palaging nagkukunwaring mabuti—hindi ba’t halata naman ang intensyon at layon sa likod nito? Gaano man magmukhang mabuti ang kanilang pag-uugali sa labas, gaano man sila nagdurusa sa panlabas, hindi nila kailanman isinasagawa ang katotohanan, hindi nila hinahanap ang katotohanan kapag kumikilos sila, o hindi sila nagdarasal sa Diyos at hindi nila hinahanap ang mga layunin Niya. Hindi nila kailanman ginagawa ang mga bagay na gusto ng Diyos. Sa halip, ginagawa nila kung ano ang handa silang gawin at kung ano ang gusto nila, nagsisikap lamang na matugunan ang sarili nilang ambisyon at pagnanais para sa mga pagpapala. Hindi ba’t manganganib sila dahil dito? Hindi ba’t inilalantad nito ang diwa ng mga anticristo? Ang gusto at hinahangad nila ay kumakatawan lang sa satanikong disposisyon ng mga anticristo. Tinatrato nila ang minamahal at hinahangad nila bilang mga positibong bagay na nagpapalugod sa Diyos, at sinusubukan nilang udyukan ang Diyos na tanggapin at pagpalain sila. Naaayon ba ito sa mga katotohanang prinsipyo? Hindi ba’t pagsalungat ito sa Diyos at paglaban sa Kanya? Sinusubukang makipagkasundo ng mga anticristo sa Diyos sa bawat pagkakataon. Ginagamit nila ang sarili nilang pagdurusa at pagbabayad ng halaga para humingi ng mga gantimpala at korona sa Diyos, para ipagpalit ang mga ito sa isang mabuting hantungan. Pero hindi ba’t nagkamali sila ng pagkalkula? Sa paglaban sa Diyos sa ganitong paraan, paanong hindi nila matatanggap ang kaparusahan ng Diyos? Ito ang nararapat sa kanila dahil sa kanilang mga kasalanan. Kabayaran ito.
Minsan, may isang anticristo na may kaunting alam sa kasanayan ng pag-awit at pagsasayaw, at noong panahong iyon, isinaayos na pangunahan niya ang mga kapatid sa koro para matutuhan nila ang kasanayang ito. Bata pa ang mga kapatid na iyon, at hindi pa masyadong matagal na nananampalataya sa Diyos ang karamihan sa kanila; masigasig lang talaga sila at handang gawin ang kanilang mga tungkulin, iyon lang, pero hindi nila nauunawaan ang katotohanan, at hindi pa nga nakakapaglatag ng pundasyon ang ilan sa kanila. Habang gumagawa ang anticristong iyon, ginabayan niya sila para maranasan nila ang pakiramdam sa gawain ng Banal na Espiritu, pinaparanas sa kanila ang pagkakaiba ng pakiramdam sa presensiya ng Diyos at ng kawalan ng presensiya ng Diyos—palagi niyang sinasanay ang mga ito na umasa sa mga nararamdaman nila. Hindi niya nauunawaan ang katotohanan, at wala rin siyang anumang tunay na karanasan, pero iniligaw at inilihis niya nang ganito ang mga kapatid batay sa kanyang mga kuru-kuro at imahinasyon. Alam ng Itaas na wala siyang katotohanang realidad, at hiniling lang sa kanya na ituro at ipaliwanag ang kasanayang ito. Ang tuparin ang aspektong ito ng kanyang tungkulin ay maituturing nang sapat at pagtupad na sa kanyang mga responsabilidad. Pero gusto pa rin niyang “pagbahaginan ang katotohanan,” at himukin ang mga tao na arukin ang kanilang mga nararamdaman at umasa sa kanilang mga nararamdaman. Sa pagkilos nang ganito, hindi ba’t magiging madali sa kanya na madala ang mga tao sa supernatural na pakiramdam sa isang gawain ng masamang espiritu? Napakamapanganib nito! Kapag kinuha ng isang masamang espiritu ang pagkakataong gaya nito at sinapian ang isang tao, wasak na ang taong iyon. Sa panahon ng pagsasanay, pinagdasal niya ang mga taong ito at pagkatapos magdasal, ipinakita niya sa kanila kung paano gumagawa ang Banal na Espiritu, at kung sila ay pinagpapawisan, umiiyak, o kapag may iba silang nararamdaman sa katawan nila. Binigyang-diin niya ang mga ito, pero sa realidad, malinaw nang naipaliwanag ang mga ito. Napakaraming katotohanan, pero hindi siya nakipagbahaginan tungkol sa mga ito, ni hindi niya inakay ang mga tao na kainin at inumin ang mga salita ng Diyos, at nabigo siyang asikasuhin ang wasto niyang gawain. Hindi niya pinayagan ang mga kapatid na bumuo ng mga sayaw, sa halip ay hinayaan niya ang lahat na sumayaw sa entablado ayon sa gusto ng puso nila, na mag-improbisa ayon sa gusto nila, sinasabi pa niya, “Ayos lang ito, pinapangunahan kami ng diyos, kaya hindi kami natatakot, gumagawa ang banal na espiritu!” Hindi naunawaan ng anticristong ito ang katotohanan, kaya palagi siyang gumagawa ng mga kahangalan. Walang kahit na anong pagkilatis ang mga kapatid, kaya nakinig sila sa kanya at nagsimulang magdasal, “O Diyos, pakiusap gumawa Ka, O Diyos, pakiusap gumawa Ka….” Sinubukan nila ang makakaya nila para magdasal “nang buong puso,” at umiyak pa nga sila pagkatapos magdasal, at pagkatapos, umakyat sila sa entablado at nag-improbisa ng mga sayaw. Naramdaman ng mga nanonood sa ibaba ng entablado na napakaganda ng atmospera at na gumagawa ng makapangyarihang gawain ang Banal na Espiritu! Umiiyak sila habang pinanonood ang iba na sumasayaw, na para bang naramdaman nila ang gawain ng Banal na Espiritu. Sa huli, kinuhaan ng video ng mga taong ito ang lahat ng bagay na ito at kumuha sila ng mga litrato para makita Ko. Ang ilang tao sa mga litrato ay umiiyak habang nakapikit, at sa gitna ng taglamig ay namumula ang mga mukha nila sa init. Nakita Kong papalapit na ang panganib, at na mawawasak niya ang mga taong ito. Hiniling lang sa kanya na ituro ang kasanayan, at hindi niya nauunawaan ang kahit anong katotohanan. Pikit-mata lang siyang kumilos batay sa mga imahinasyon niya, gustong malaman ang pakiramdam ng gawain ng Banal na Espiritu. Usapin ba ng mga damdamin ang gawain ng Banal na Espiritu? Kailangan mong maunawaan ang katotohanan—iyon ang tunay. Walang kabuluhan at walang silbi ang mga damdamin lang. Kaya mo bang maunawaan ang katotohanan at mga layunin ng Diyos batay sa mga nararamdaman mo? Hinding-hindi. Hindi mo kailangang maghanap ng damdamin, kailangan mo lang hanapin ang mga prinsipyo at mga layunin ng Diyos batay sa mga salita ng Diyos, at pagkatapos ay ikumpara mo ang mga ito sa mga bagay na nangyayari sa iyo—napakapraktikal nito, at dahan-dahan mong mauunawaan ang katotohanan. Kapag nagsagawa ka ayon sa mga salita ng Diyos, natural na magsisimulang gumawa ang Banal na Espiritu. Kahit na hindi gumawa ang Banal na Espiritu, dahil nagsagawa ka ayon sa mga salita ng Diyos, kikilalanin ka ng Diyos bilang tagasunod Niya—napakapraktikal nito, ito ang pinakatotoong bagay. Hindi nakipagbahaginan sa ganitong paraan ang anticristong iyon, bagkus ay patuloy niyang hinikayat ang mga taong iyon na maghanap ng mga damdamin, ng mga bagay gaya ng mga tanda at kababalaghan, at ng mga panaginip. Isa itong ordinaryong tao na walang espirituwal na pang-unawa na pinamumunuan ang isang grupo ng mga hangal at mangmang na bata para gumawa ng mga katawa-tawang bagay. Umiiyak at tumatangis ang mga tao sa mga litrato. Ano ang kinakatawan niyon? Wala itong kahit anong kinakatawan, pero may isang bagay na nagpapaliwanag sa kalikasan ng ginagawa niya. Kinuhaan ng litrato ng anticristong ito ang lahat ng bagay na ito at pinangalanan ang mga ito bilang “mga detalye ng gawain ng Diyos.” Ano ang mga “detalyeng” ito? Hindi nauunawaan ng mga taong iyon ang katotohanan, hinanap nila ang pakiramdam ng gawain ng Banal na Espiritu at nag-iimprobisa nang walang dahilan, at iba ang sayaw nila sa bawat pagkakataon, dahil sa bawat pagkakataon ay iba ang damdamin, at iba ang “pangunguna” ng Diyos—iyon ang mga “detalye.” Ano pa ang kasama sa mga “detalye” na iyon? Sinabi rin ng anticristo na mga resulta ang mga iyon ng gawain ng Banal na Espiritu. Nang sinabi niya ito, lalong nasabik ang mga kapatid, na para bang bigla na lang malaki ang inilago ng pananalig at tayog nila. Bakit niya sinabing “mga detalye”? Saan galing ang mga salitang “mga detalye”? Minsan Ko nang nabanggit ang mga detalye ng gawain ng Diyos. Ano ang tinutukoy ng mga detalyeng ito? Mga resulta ang mga iyon ng gawain ng Diyos sa mga tao na kayang makita at maarok ng tao, at hindi supernatural ni malabo ang mga iyon. Kaya mong maramdaman ang mga iyon. Kaya mong maramdaman ang mga iyon kapag ang Diyos ay maraming nagawang gawain sa iyo, nagsabi ng maraming salita sa iyo, masinsinang nagsumikap, at binago ang paraan ng pag-iral mo, ang mga pananaw mo sa bagay-bagay, ang saloobing kinikimkim mo habang ginagawa ang mga bagay-bagay, ang saloobin mo sa Diyos, pati na rin ang ibang bahagi mo. Ibig sabihin, ang mga iyon ang mga nakamit at bunga ng gawain ng Diyos—ito ang ibig sabihin ng mga detalye. Tinawag din na “mga detalye” ng anticristong iyon ang mga ginawa niya. Kung isasantabi natin sa ngayon ang kalikasan ng mga bagay na ito, ano ang makikita ninyo sa pagsusuri lang ng pariralang ito? Gumagawa ang Diyos sa mga tao, at sinabi Niya na makikita ng mga tao ang mga detalye ng gawaing ginagawa Niya sa kanila, pero inaakay ng anticristong ito ang lahat na magwala, at ginulo niya ang lahat ng bagay, pero tinatawag niya rin ang mga ito na “mga detalye”—ano ang sinusubukan niyang gawin? (Gusto niyang maging kapantay ng Diyos.) Tama. Saan nanggaling ang paggamit niya sa mga salitang “mga detalye”? Galing ito sa pagnanais niyang maging kapantay ng Diyos at gayahin ang Diyos. Sa paggamit ng salitang ito, ang ibig niyang sabihin ay, “Gumagawa nang may mga detalye ang diyos, at ang ipinapagawa ko rin sa mga taong ito ay may mga detalye.” Ang panuring para sa “mga detalye” ay “ng gawain ng Diyos,” pero sa katunayan, sa puso niya ay iniuugnay niya sa sarili niya ang mga resulta ng mga detalye ng gawain ng Banal na Espiritu, na siyang ginagawa ng mga anticristo. Tuwing may pagkakataon na maging sentro ng atensyon, tuwing may kaunting pagkakataon, hindi nila ito pakakawalan; makikipagkompetensiya sila sa Diyos para sa mga tao. Para sa anong klaseng mga tao sila nakikipagkompetensiya? Hindi nauunawaan ng ilan sa kanila ang katotohanan, hindi nila kayang kumilatis ng mga tao ayon sa mga katotohanang prinsipyo, at mga hangal at mangmang sila; hindi naghahangad ng katotohanan ang ilan sa kanila, at gusto nilang sumunod sa karamihan at kumilos nang pikit-mata sa panlabas; at may ilan din na mga bagong mananampalataya at may mababaw na pundasyon—hindi pa nila nauunawaan kung ano ba talaga ang ibig sabihin ng pananampalataya sa Diyos, at inililigaw sila ng mga anticristo. Kalaunan, maagap na napigilan ang pag-uugaling ito. Ang katunayang napigilan ito ay hindi napakaekstraordinaryo, pero nangangahulugan ito na sabay-sabay nang nalantad ang mga kahangalan na ginawa ng anticristo. Habang nagbabahaginan ang lahat at binabalikan nila ito, sinabi nila, “Bago dumating ang anticristong ito, bagama’t minsan ay hindi namin alam ang gagawin sa usapin ng mga propesyonal at teknikal na aspekto ng pag-awit, kapag umaawit kami, nadarama naming kaya namin itong maisapuso, at na kaya naming awitin ang bawat salita nang may puso. Nang dumating na siya at nagsalita tungkol sa ilang propesyonal na teorya, nawalan kaming lahat ng gana at ayaw na naming umawit, dahil hindi namin malasap ang sinasabi ng Diyos sa bawat salita—hindi namin maramdaman ang Diyos.” Hindi ba’t nasa panganib ang mga taong ito? Sa sandaling iunat ng mga anticristo ang kamay nila para kumilos, ang kahihinatnang idinudulot nila ay iyong hindi na nararamdaman ng mga tao kung nasaan ang Diyos, at hindi na nila alam kung paano kumilos nang angkop. Hindi na nila alam ang direksyon nila. Kapag hindi na nararamdaman ng mga tao ang Diyos, matutupad pa rin ba nila ang mga tungkulin nila? Kaya pa rin ba nilang gawin ang mga bagay-bagay nang may katapatan para makapagpatotoo sa Diyos? Pagkatapos magawang tiwali ni Satanas ang mga tao, nagkaroon na sila ng partikular na katangian, iyon ay ang pagkahilig na sumunod sa karamihan. Para silang mga langaw: Hindi kailangang magkaroon ng malinaw na layon, basta’t may isang lider, susunod sa kanila ang ibang tao sa pagkilos nang walang direksyon, dahil mas masigla kapag ganoon, at kapag kumikilos sila sa ganoong paraan ay hindi nila kailangang pigilan ang sarili nila, walang pinakabatayan sa mga kilos nila, at walang kumikilos nang ayon sa mga prinsipyo. Hindi nila kailangang manalangin o maghanap, hindi nila kailangang maging madasalin o tahimik; basta’t may ulo sila at nakakahinga, puwede silang kumilos nang ganoon. Hindi ba’t halos katulad ito ng mga hayop? Dahil nagtataglay ng ganitong katangian ang mga tao, madali silang naililigaw, pero kung nauunawaan mo ang katotohanan at kaya mong kilatisin ang mga bagay na ito, hindi ka napakadaling maililigaw. Pagkatapos mailantad ang anticristong ito, hinimay ng lahat ang mga mapanlihis na bagay na sinabi niya, at ang mga taktikang ginamit niya para kumilos sa ganoong paraan, kinumpara nila ang mga ito sa mga salita ng Diyos. Napagtanto nila na talagang magaling ang taong ito sa panlilihis sa mga tao, na ginulo niya ang mga bagay-bagay, at kahit na talagang mukhang kahanga-hanga ang ipinagawa niya sa kanila, at parang nadama nila ang makapangyarihang gawain ng Banal na Espiritu, sa realidad, hindi talaga nila naramdaman ang Diyos. Sa panlabas, mukhang punong-puno ng matinding sigasig ang lahat, at na biglang lumago ang kanilang pananalig at tayog; pero sa realidad, isa itong ilusyon, ang gawa ng isang masamang espiritu. Lumitaw ang mga supernatural na sitwasyong ito, kaya hindi gumawa ang Banal na Espiritu. Sa loob ng ilang panahon pagkatapos nito, sa pamamagitan ng pagbabahaginan sa katotohanan, nagawa nang makilatis ng lahat ang anticristo, at unti-unti nang bumalik sa normal ang mga kalagayan nila. Nailigaw ng anticristo ang mga taong ito, at napalayo na sila sa Akin. Noong nagsalita Ako, tiningnan Ako ng mga tao na parang hindi nila Ako kilala, ayaw nilang sumagot sa mga tanong Ko, at agad kaming naging estranghero sa isa’t isa. Naghintay sila na magsalita ang anticristo bago sila sumunod sa anuman; nakinig sila sa anumang sabihin ng anticristo, at kumatawan sa kanila ang anumang sabihin ng anticristo. Kaya, walang boses ang mga taong ito sa anumang bagay, pero handa silang maging walang boses sa anumang bagay; naghintay silang magsalita siya at nagpakontrol sila sa kanya. Ginagawa ng masasamang espiritu at mga anticristo ang gayong mga bagay para iligaw ang mga tao.
Puwedeng maipahayag nang malinaw sa mga salita at mahimay ang ilang buktot na bagay, pero ang iba ay masasabi lamang na may masasamang espiritung gumagawa sa loob ng mga iyon, at hindi kayang maipahayag nang malinaw sa mga salita, puwede lamang makilatis ang mga iyon batay sa iyong mga damdamin o batay sa mga katotohanang nauunawaan mo at sa mga karanasan mo. Mabilis na nakilatis at napangasiwaan ang anticristong ito, at bumalik sa normal ang buhay iglesia. Pagkatapos, nananatiling takot ang lahat noong pinagbahaginan nila ang insidenteng ito. Sinabi nila, “Talagang mapanganib iyon! Matindi tayong pininsala ng diumanong ‘mga detalye’ ng anticristong iyon na halos nawasak na niya tayo.” Samakatwid, kailangan ninyong matutuhang kilatisin ang mga anticristo. Kung hindi mo kailanman seryosong kinikilatis ang mga anticristo, manganganib ka, at sinong nakakaalam kung kailan o sa kung anong pangyayari ka nila maililigaw. Maaari pa ngang sumunod ka nang may magulong isip sa isang anticristo nang hindi mo alam kung ano ang nangyayari. Hindi mo mararamdaman na may anumang mali rito sa oras na iyon, at mararamdaman mo pa nga na tama ang sinasabi ng anticristong ito—sa ganitong paraan, maililigaw ka nang hindi mo napagtatanto. Ang katunayang nailigaw ka na ay nagpapakita na ipinagkanulo mo na ang Diyos, at mawawalan na ng paraan ang Diyos para iligtas ka. May ilang tao na karaniwang gumagampan nang maayos, pero sa loob ng ilang panahon, nalilinlang sila ng mga anticristo, at sa huli ay ibinabalik sila ng iglesia sa pamamagitan ng panghihikayat at pagbabahaginan. Gayumpaman, may ilan na hindi bumabalik paano man ibahagi sa kanila ang katotohanan, at nagiging determinado sila sa pagsama sa mga anticristo—hindi ba’t ganap na silang nawasak kapag nagkagayon? Mariin silang tumatanggi na bumalik, at hindi na gumagawa ang Diyos sa kanila. Walang pagkilatis ang ilang tao, at naaawa sila sa ganitong klase ng tao, sinasabi nila, “Disente naman ang taong iyon: Maraming taon siyang nanampalataya sa Diyos, at tinalikuran niya ang mga bagay at ginugol ang kanyang sarili; tapat niyang ginagawa ang kanyang tungkulin dati, malaki ang pananalig niya sa Diyos, at isa siyang tunay na mananampalataya—hindi ba’t dapat bigyan natin siya ng isa pang pagkakataon?” Tama ba ang pananaw na ito? Tugma ba ito sa katotohanan? Nakikita lamang ng mga tao ang panlabas ng ibang tao, pero hindi nila nakikita ang puso niya; hindi nila makita nang malinaw kung anong klaseng tao ba talaga siya, o anong klase ng diwa ang mayroon siya. Kailangan nilang makipag-ugnayan sa kanya o obserbahan siya sa loob ng ilang panahon, at kailangan na maharap ang taong iyon sa mga pangyayaring magbubunyag sa kanya para makilatis siya ng mga tao. Bukod dito, kung tutulungan mo ang mga taong ito dahil sa kabutihan ng puso mo, pero hindi sila bumabalik gaano ka man makipagbahaginan sa kanila, hindi mo malalaman kung ano ang dahilan sa likod ng lahat ng ito. Sa realidad, nakilatis at itiniwalag na ng Diyos ang mga taong ito. Bakit sila itiniwalag ng Diyos? Ang pinakadiretsahang dahilan ay na halatang masasamang espiritu ang ilang anticristo, at puwede silang iklasipika bilang mga anticristo na may mga gumagawang masamang espiritu sa kanila. Kung susundan sila ng mga tao sa loob ng ilang panahon, didilim ang puso nila, at magiging napakahina nila na bumabagsak sila, na nagpapatunay na matagal na silang sinukuan ng Diyos. May matuwid na disposisyon ang Diyos, at kinamumuhian Niya si Satanas. Dahil sumusunod ang mga taong ito kay Satanas at sa masasamang espiritu, magagawa pa rin ba silang kilalanin ng Diyos bilang mga tagasunod Niya? Ang Diyos ay banal at napopoot sa kasamaan. Ayaw Niya sa mga sumunod sa masasamang espiritu; kahit na iniisip ng iba na mabubuting tao sila, ayaw ng Diyos sa kanila. Ano ang ibig sabihin na kinapopootan ng Diyos ang kasamaan? Ano ang ipinahihiwatig ng “kinapopootan ang kasamaan”? Makinig kayo sa sasabihin Ko ngayon, at mauunawaan ninyo. Simula nang hirangin ng Diyos ang isang tao, hanggang sa kilalanin ng taong iyon na ang Diyos ang katotohanan, katuwiran, karunungan, at ang pagkamakapangyarihan-sa-lahat, na nag-iisa lamang Siya—kapag naunawaan na nila ang mga bagay na ito, at pagkatapos nilang magkaroon ng ilang karanasan, sa kaibuturan ng kanilang puso ay magkakaroon sila ng pangunahing pagkaunawa sa disposisyon, diwa ng Diyos, at kung ano ang mayroon Siya at ano Siya, at ang pangunahing pagkaunawang ito ay magiging pananalig nila. Magiging motibasyon din nila ito upang sumunod sa Diyos, gugulin ang kanilang sarili para sa Diyos, at gawin ang kanilang tungkulin. Kapag may karanasan na sila, kapag nauunawaan na nila ang katotohanan, at nag-ugat na sa kanilang puso ang kanilang pagkaunawa sa disposisyon ng Diyos at ang kanilang kaalaman sa Diyos—kapag taglay na nila ang ganitong tayog—hindi nila itatatwa ang Diyos. Pero kung wala silang totoong kaalaman kay Cristo, ang praktikal na Diyos, at kung malamang na sumamba at sumunod sila sa isang anticristo, nanganganib pa rin sila. Maaari pa rin nilang talikuran si Cristo sa katawang-tao para sumunod sa isang buktot na anticristo. Magiging hayagang pagtatatwa ito kay Cristo at pagputol ng ugnayan sa Diyos. Ang ipinahihiwatig nito ay: “Hindi ko na sinusundan ang Diyos—sinusundan ko si Satanas. Mahal ko si Satanas at handa akong paglingkuran ito; handa akong sundan si Satanas. Paano man ako tratuhin nito, paano man ako wasakin, tapakan, at gawing tiwali nito, handang-handa ako. Gaano man katuwid at kabanal ang Diyos, gaano man karaming katotohanan ang ipinapahayag Niya, hindi ako handang sundan Siya. Ayaw ko sa katotohanan. Gusto ko ang kasikatan, katayuan, mga gantimpala, at mga korona; kahit na hindi ko matamo ang mga iyon, gusto ko ang mga iyon.” Nang ganoon-ganoon lang, sumunod na sila sa isang taong walang kaugnayan sa kanila, sumama na sila sa isang anticristo na sumasalungat sa Diyos. Gugustuhin pa rin ba ng Diyos ang ganitong tao? Siguradong hindi. Makatwiran ba na ayawan sila ng Diyos? Labis itong makatwiran. Mula sa doktrina, alam mo na ang Diyos ay isang Diyos na napopoot sa kasamaan, at na Siya ay banal. Nauunawaan mo ang doktrinang ito, pero alam mo ba kung paano tinatrato ng Diyos ang mga ganitong tao? Kung itinataboy ng Diyos ang isang tao, susukuan Niya ito nang walang pag-aatubili. Hindi ba’t totoo ang sinasabi Ko? (Oo.) Totoo ito. Kung ganoon, ang pagsuko ba ng Diyos sa ganitong tao ay nangangahulugan na may malupit Siyang puso? (Hindi.) May prinsipyo ang Diyos sa Kanyang mga kilos. Kung kilala mo kung sino ang Diyos, pero ayaw mong sumunod sa Kanya—kung kilala mo kung sino si Satanas, pero iginigiit mong sumunod dito—hindi ka pupuwersahin ng Diyos. Sige at sundan mo si Satanas magpakailanman. Huwag ka nang bumalik; sinukuan ka na ng Diyos. Paano mauunawaan ng isang tao ang disposisyon ng Diyos? Matuwid at banal ang disposisyon ng Diyos, at may isang elemento sa disposisyon Niya na napopoot sa kasamaan. Sa madaling salita, kung bilang isang nilikha ay handa kang maging masama, ano pa bang masasabi ng Diyos? Hindi kailanman pinupuwersa ng Diyos ang mga tao na gawin ang mga bagay na ayaw nilang gawin. Hindi Niya kailanman pinupuwersa ang mga tao na tanggapin ang katotohanan. Kung gusto mong maging masama, personal mo nang desisyon iyon—sa huli, ikaw ang magpapasan ng mga kahihinatnan, at sarili mo lang ang masisisi mo. Hindi nagbabago ang mga prinsipyo ng Diyos sa pangangasiwa sa mga tao, kaya kung masaya ka sa kasamaan, hindi maiiwasan na mapaparusahan ka sa huli. Hindi mahalaga kung ilang taon ka nang sumusunod sa Diyos; kung gusto mong maging masama, hindi ka pupuwersahin ng Diyos na magsisi. Ikaw ang handang sumunod kay Satanas, na mailigaw at mawasak ni Satanas, kaya sa huli, ikaw ang dapat magpasan ng mga kahihinatnan. Naaawa ang ilang tao sa mga ganitong tao at nag-aaksaya sila ng kabutihan sa pagtulong sa mga ito, pero paano man sila udyukan, hindi sila babalik. Ano ang nangyayari dito? Ang katunayan ay na hindi inililigtas ng Diyos ang ganitong tao; ayaw Niya rito. Anong magagawa ng tao roon? Ito ang pangunahing dahilan. Pero kapag hindi makita nang malinaw ng mga tao ang sitwasyon, dapat nilang gawin ang nararapat nilang gawin, at gampanan ang mga obligasyon at responsabilidad na nararapat nilang gampanan. Pagdating sa mga magiging resulta ng paggampan sa mga gampaning ito, kailangan nilang tumingin sa pamumuno ng Diyos. Hindi pa ba ninyo naunawaan nang kaunti ang pariralang “Ang Diyos ay isang Diyos na kinapopootan ang kasamaan” sa pamamagitan ng mga detalyeng ito na tinalakay Ko? Isang aspekto ito nito, na ayaw ng Diyos sa mga may bahid ng masasamang espiritu. Ano ang dahilan kung bakit ayaw ng Diyos sa kanila? Kung pinili mo si Satanas, paanong gugustuhin ka pa rin ng Diyos? Kung pinili mo si Satanas, paanong kaaawaan ka pa rin ng Diyos at paanong pupukawin pa rin ng Diyos ang puso mo para pabalikin ka? May kakayahan ba ang Diyos na gawin iyon? Kayang-kaya Niya iyon, pero pinipili Niyang huwag gawin ang gawaing ito dahil matuwid ang disposisyon Niya, at dahil Siya ay isang Diyos na napopoot sa kasamaan.
Noong nakaraan, tumuon ang pagbabahaginan natin sa kung paanong ang pangunahing pagpapamalas ng buktot na diwa ng mga anticristo ay ang pagkamapanlaban at pagkasuklam nila sa lahat ng positibong bagay at katotohanan. Ngayon nagbabahagi Ako mula sa isa pang perspektiba, na minamahal ng mga anticristo ang lahat ng bagay na salungat sa mga positibong bagay. At ano iyon? (Ang mga negatibong bagay.) Tama, mga negatibong bagay ito, ibig sabihin, ang lahat ng bagay na taliwas, salungat, at hindi sang-ayon sa katotohanan. Ayaw ng mga anticristo sa mga positibong bagay, kaya siguradong may mga bagay na gusto nila, tama? At ano ang gusto nila? Gusto nila ang panlalansi at ang mga kasinungalingan, pati na rin ang mga pakana, balak, at taktika. May mga anticristo bang nagbabasa ng Ang Tatlumpu’t Anim na Panlilinlang sa bakanteng oras nila? Sa tingin Ko ay mayroon. Sa tingin mo ba ay binabasa Ko Ang Tatlumpu’t Anim na Panlilinlang? Hindi Ko ito binabasa. Hindi Ko ito pinag-aaralan. Anong silbi ng pagbabasa rito? Nasusuya at nasusuka Ako sa pagbabasa nito. Ano ang nararamdaman ninyo pagkatapos basahin Ang Tatlumpu’t Anim na Panlilinlang? Hindi ba’t mas lalo pa kayong nasusuklam sa buktot na sangkatauhan? Nararanasan ba ninyo ang pakiramdam na ito? Habang mas lalo ninyong binabasa ito, mas lalo kayong nasusuklam. Pakiramdam ninyo ay napakasama talaga ng taong ito! Sulit bang gumamit ng mga estratehiya sa bawat maliit na bagay, na gawin ang mga gayong hakbang, na hindi makatulog sa gabi o makakain kapag araw, at pigain ang utak para malaman kung paano makipaglaban? Maaaring pag-aralan ng ilang anticristo Ang Tatlumpu’t Anim na Panlilinlang sa bakanteng oras nila, at gamitin ang kanilang talino laban sa talino ng ibang tao at ng Diyos. Nasisiyahan sila sa mga kasinungalingan, panlalansi, balak, pakana, pati na rin sa mga taktika at estratehiya—pero gusto ba nila ang pagiging patas at matuwid ng Diyos? Ano ang kabaligtaran ng pagiging patas at matuwid? (Kabuktutan at kapangitan.) Kabuktutan at kapangitan. Gusto nila ang mga pangit na bagay, lahat ng imoral at hindi patas, lahat ng hindi makatarungan at hindi tama. Halimbawa, ang paghahangad ng mga tao sa katotohanan ay isang matuwid na layunin—paano ito binibigyang-kahulugan ng mga anticristo? Sinasabi nila, “Mga hangal ang mga naghahangad sa katotohanan! Ano ang halaga ng buhay, kung hindi naman mamumuhay ang tao ayon sa gusto niya? Dapat mamuhay ang mga tao para sa sarili nila, at tungkol naman sa mga namumuhay para sa katotohanan at katarungan, pawang mga hangal ang mga taong iyon!” Iyon ang pananaw nila. Kung gayon, kaya ba nilang gumawa ng mga makatarungang bagay? Hindi. Kaya ba nilang manindigan at magsalita kapag lumitaw ang mga bagay sa iglesia na gumugulo at gumagambala sa gawain ng iglesia? Bukod sa hindi sila naninindigan, lihim silang natutuwa at nasisiyahan sa kasawiang ito—masasamang binhi sila. Hindi sila kailanman nababalisa sa mga bagay na may kaugnayan sa gawain ng sambahayan ng Diyos, ni naninindigan at gumagawa ng anuman para protektahan ang hinirang na mga tao ng Diyos. Ang mga palihim na natutuwa, at ginagawang katatawanan ang sambahayan ng Diyos kapag nakakakita sila ng masasamang taong gumagawa ng kasamaan, at ng masasamang tao na nang-aapi sa iglesia—anong klaseng mga tao sila? Sila ay mga buktot na indibidwal. Kung gayon, anong klaseng mga tao ang mga lider na may kakayahang protektahan ang masasamang taong ito? Mga anticristo sila. Hindi nila hahayaang mapinsala ang sarili nilang mga interes, pero hindi sila kumukurap kapag napipinsala ang mga interes ng iglesia, at hindi man lang sila nalulungkot. Kapag walang nakakakita, masaya pa nga sila na walang nawala sa kanila. Ito ang kabuktutan ng mga anticristo.
Pinag-usapan natin ngayon ang tungkol sa kung paano tutol ang mga anticristo sa katotohanan, kung paano nila gusto ang mga di-matuwid at buktot na bagay, kung paano nila hinahangad ang mga interes at pagpapala, hindi kailanman binibitiwan ang kanilang layunin at pagnanais na magkamit ng mga pagpapala, at kung paano sila palaging nakikipagtawaran sa Diyos. Kung gayon, paano dapat kilatisin at iklasipika ang usaping ito? Kung tatawagin natin itong inuuna ang pakinabang bago ang lahat, magiging masyadong magaan iyon. Katulad ito ng pagtanggap ni Pablo na mayroon siyang tinik sa kanyang laman, at na dapat siyang gumawa upang pagbayaran ang mga kasalanan niya, pero sa huli, hiniling pa rin niyang magkamit ng korona ng katuwiran. Ano ang kalikasan nito? (Pagiging malupit.) Isa itong uri ng malupit na disposisyon. Pero ano ang kalikasan nito? (Pakikipagtawaran sa Diyos.) Mayroon itong ganitong kalikasan. Naghanap siya ng pakinabang sa lahat ng ginawa niya, itinuturing ang lahat bilang isang transaksiyon. May isang kasabihan sa mga walang pananampalataya: “Walang libreng tanghalian.” Kinikimkim din ng mga anticristo ang ganitong lohika, iniisip nila, “Kung gagawa ako para sa iyo, ano ang ibibigay mo sa akin bilang kapalit? Anong mga pakinabang ang matatamo ko?” Paano bubuurin ang kalikasang ito? Inuudyukan ito ng mga pakinabang, inuuna ang pakinabang bago ang lahat, at pagiging makasarili at kasuklam-suklam. Ito ang kalikasang diwa ng mga anticristo. Nananampalataya sila sa Diyos para lamang sa layon na makapagtamo ng pakinabang at mga pagpapala. Kahit na magtiis sila ng kaunting pagdurusa o magbayad ng kaunting halaga, ito ay pawang para makipagtawaran sa Diyos. Napakalaki ng kanilang layunin at pagnanais na magtamo ng mga pagpapala at gantimpala, at mahigpit nila itong pinanghahawakan. Wala silang tinatanggap na kahit ano sa maraming katotohanang ipinahayag ng Diyos, sa puso nila ay palagi nilang iniisip na ang pananampalataya sa Diyos ay pawang tungkol sa pagtatamo ng mga pagpapala at pagtitiyak ng isang magandang hantungan, na ito ang pinakamataas na prinsipyo, at na walang makakalampas dito. Iniisip nila na hindi dapat manampalataya ang mga tao sa Diyos maliban na lang para sa kapakanan ng pagkamit ng mga pagpapala, at na kung hindi dahil sa mga pagpapala, ang pananampalataya sa Diyos ay magiging walang kahulugan o halaga, na mawawalan ito ng kahulugan at halaga. Ikinintal ba ng ibang tao ang mga ideyang ito sa mga anticristo? Nagmumula ba ang mga ito sa edukasyon o impluwensiya ng iba? Hindi, itinatakda ang mga ito ng likas na kalikasang diwa ng mga anticristo, na isang bagay na walang sinuman ang makakabago. Sa kabila ng pagsasalita ngayon ng napakaraming salita ng Diyos na nagkatawang-tao, walang tinatanggap na kahit na ano sa mga ito ang mga anticristo, sa halip ay nilalabanan at kinokondena nila ang mga ito. Hindi kailanman magbabago ang kalikasan nila na tutol sa katotohanan at namumuhi sa katotohanan. Kung hindi sila makakapagbago, ano ang ipinahihiwatig nito? Ipinahihiwatig nito na buktot ang kanilang kalikasan. Hindi ito isyu ng paghahangad o hindi paghahangad sa katotohanan; isa itong buktot na disposisyon, walang pakundangan itong pagtutol sa Diyos at paglaban sa Diyos. Ito ang kalikasang diwa ng mga anticristo; ito ang totoong mukha nila. Dahil nagagawa ng mga anticristo na walang pakundangang magprotesta at sumalungat sa Diyos, ano ang disposisyon nila? Buktot ito. Bakit Ko sinasabing buktot ito? Nangangahas ang mga anticristo na lumaban sa Diyos at magprotesta laban sa Kanya alang-alang sa pagkamit ng mga pagpapala, at para sa kasikatan, pakinabang, at katayuan. Bakit sila nangangahas na gawin ito? Sa kaibuturan ng puso nila ay may isang puwersa, isang buktot na disposisyong namamahala sa kanila, kaya nagagawa nilang kumilos nang walang konsensiya, makipagtalo sa Diyos, at magprotesta laban sa Kanya. Bago pa sabihin ng Diyos na hindi Niya sila bibigyan ng korona, bago alisin ng Diyos ang kanilang hantungan, lumalabas na ang buktot nilang disposisyon sa kanilang puso at sinasabi nila, “Kung hindi mo ako bibigyan ng korona at ng hantungan, aakyat ako sa ikatlong langit at makikipagtalo sa iyo!” Kung hindi dahil sa kanilang buktot na disposisyon, saan sila makakahanap ng gayong enerhiya? Kaya ba ng karamihan ng tao na makahugot ng gayong enerhiya? Bakit hindi naniniwala ang mga anticristo na ang mga salita ng Diyos ang katotohanan? Bakit mahigpit silang kumakapit sa kanilang pagnanais para sa mga pagpapala? Hindi ba’t kabuktutan na naman nila ito? (Oo.) Naging ambisyon at pagnanais na ng mga anticristo ang mismong mga pagpapala na ipinapangako ng Diyos na ipagkakaloob sa mga tao. Determinado ang mga anticristong matamo ang mga iyon, pero ayaw nilang sundan ang daan ng Diyos, at hindi nila mahal ang katotohanan. Sa halip, hinahangad nila ang mga pagpapala, gantimpala, at korona. Bago pa man sabihin ng Diyos na hindi Niya ipagkakaloob ang mga ito sa kanila, gusto na nilang makipagtalo sa Diyos. Ano ang lohika nila? “Kung hindi ako magtatamo ng mga pagpapala at gantimpala, makikipagtalo ako sa iyo, sasalungatin kita, at sasabihin kong hindi ka diyos!” Hindi ba’t pinagbabantaan nila ang Diyos sa pagsasabi ng mga gayong bagay? Hindi ba’t sinusubukan nilang pabagsakin ang Diyos? Nangangahas pa nga silang itatwa ang kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos sa lahat ng bagay. Basta’t hindi umaayon sa kalooban nila ang mga kilos ng Diyos, nangangahas silang itatwa na ang Diyos ang Lumikha, ang nag-iisang totoong Diyos. Hindi ba’t disposisyon ito ni Satanas? Hindi ba’t kabuktutan ito ni Satanas? May pagkakaiba ba sa pagitan ng kung paano kumikilos ang mga anticristo at ng saloobin ni Satanas sa Diyos? Puwedeng ganap na ituring na magkapareho ang dalawang pamamaraang ito. Tumatanggi ang mga anticristo na kilalanin ang kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos sa lahat ng bagay, at gusto nilang agawin ang mga pagpapala, gantimpala, at korona sa mga kamay ng Diyos. Anong klaseng disposisyon ito? Sa anong batayan nila hinihiling na kumilos at agawin ang mga bagay na gaya nito? Paano sila nakakahugot ng gayong enerhiya? Ang kadahilanan para dito ay puwede nang ibuod nang ganito: Ito ang kabuktutan ng mga anticristo. Hindi minamahal ng mga anticristo ang katotohanan, pero gusto pa rin nilang magtamo ng mga pagpapala at korona, at agawin ang mga gantimpalang ito sa mga kamay ng Diyos. Hindi ba’t hinahangad nila ang kamatayan? Nababatid ba nilang hinahangad nila ang kamatayan? (Hindi nila ito nababatid.) Maaaring medyo nararamdaman din nila na imposible para sa kanila na magtamo ng mga gantimpala, kaya nagsasabi muna sila ng isang pahayag gaya ng, “Kung hindi ako magtatamo ng mga pagpapala, aakyat ako sa ikatlong langit at makikipagtalo sa diyos!” Nakikini-kinita na nilang magiging imposible para sa kanila na magtamo ng mga pagpapala. Kung tutuusin, maraming taon nang tumututol laban sa Diyos si Satanas sa himpapawid, at ano ang ibinigay ng Diyos dito? Ang tanging pahayag ng Diyos dito ay, “Kapag natapos na ang gawain, ihahagis kita sa walang hanggang hukay. Nababagay ka sa walang hanggang hukay!” Ito lamang ang “pangako” ng Diyos kay Satanas. Hindi ba’t baluktot na nagnanais pa rin ito ng mga gantimpala? Kabuktutan ito. Antagonistiko sa Diyos ang likas na diwa ng mga anticristo, at hindi nga rin alam ng mga anticristo mismo kung bakit ganito. Nakatuon lamang ang kanilang puso sa pagkakamit ng mga pagpapala at korona. Tuwing may kaugnayan ang anumang bagay sa katotohanan o sa Diyos, lumilitaw ang paglaban at galit sa loob nila. Kabuktutan ito. Maaaring hindi maunawaan ng mga normal na tao ang mga panloob na damdamin ng mga anticristo; napakahirap nito sa mga anticristo. Nagtataglay ng gayong napakalalaking ambisyon ang mga anticristo, nagkikimkim sila ng gayon kalaking buktot na enerhiya sa loob nila, at ng gayon kalaking pagnanais para sa mga pagpapala. Puwede silang mailarawan bilang nag-aalab sa pagnanais. Pero patuloy na nagbabahaginan ang sambahayan ng Diyos tungkol sa katotohanan—siguradong napakasakit at napakahirap para sa kanila na marinig ito. Inaagrabyado nila ang kanilang sarili at nagpapanggap sila nang husto para pagtiisan ito. Hindi ba’t isa itong uri ng buktot na enerhiya? Kung hindi minahal ng mga ordinaryong tao ang katotohanan, hindi magiging interesante sa kanila ang buhay iglesia at makakaramdam pa sila ng pagkasuklam dito. Mas magiging pagdurusa kaysa kasiyahan para sa kanila ang pagbabasa sa mga salita ng Diyos at pagbabahaginan sa katotohanan. Kung gayon, paano ito nagagawang tiisin ng mga anticristo? Dahil ito sa napakalaki ng pagnanais nila para sa mga pagpapala na napipilit sila nitong agrabyaduhin ang kanilang sarili at atubiling tiisin ito. Bukod pa rito, pumapasok sila sa sambahayan ng Diyos para umakto bilang mga kampon ni Satanas, at ilaan ang kanilang sarili para magdulot ng mga pagkagambala at kaguluhan sa gawain ng iglesia. Naniniwala silang ito ang misyon nila, at hanggang hindi nila natatapos ang gampanin nila na labanan ang Diyos, hindi sila napapanatag at pakiramdam nila ay nabigo nila si Satanas. Tinutukoy ito ng kalikasan ng mga anticristo.
Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.