Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa (3) Ikalawang Seksiyon

Ikaapat na Aytem: Alamin Palagi ang Sitwasyon ng mga Superbisor ng Iba’t Ibang Gawain at ng mga Tauhan na Responsable sa Iba’t Ibang Mahalagang Trabaho, at Agad na Baguhin ang Kanilang mga Tungkulin o Tanggalin Sila Kung Kinakailangan, Para Maiwasan o Mabawasan ang mga Kawalan na Dulot ng Paggamit sa mga Taong Hindi Angkop, at Matiyak ang Kahusayan at Maayos na Pag-usad ng Gawain

Dapat na Arukin ng mga Lider at Manggagawa ang mga Sitwasyon ng mga Superbisor ng Iba’t Ibang Gawain

Ano ang ikaapat na responsabilidad ng mga lider at manggagawa? (“Alamin palagi ang sitwasyon ng mga superbisor ng iba’t ibang gawain at ng mga tauhan na responsable sa iba’t ibang mahalagang trabaho, at agad na baguhin ang kanilang mga tungkulin o tanggalin sila kung kinakailangan, para maiwasan o mabawasan ang mga kawalan na dulot ng paggamit sa mga taong hindi angkop, at matiyak ang kahusayan at maayos na pag-usad ng gawain.”) Tama iyan, ito ang pinakamababang pamantayang dapat maabot ng mga lider at manggagawa habang gumagawa ng gawain. Malinaw ba sa inyong lahat ang mga pangunahing responsabilidad ng mga lider at manggagawa tungkol sa ikaapat na aytem na ito? Dapat magkaroon ng malinaw na pagkaunawa ang mga lider at manggagawa sa mga superbisor ng iba’t ibang gawain at sa mga tauhan na responsable sa iba’t ibang mahahalagang trabaho. Saklaw ng mga responsabilidad ng mga lider at manggagawa na arukin ang mga kalagayan ng mga superbisor ng iba’t ibang gawain at ng mga tauhan na responsable sa iba’t ibang mahahalagang trabaho. Kung gayon, sino ang mga tauhang ito? Pangunahin dito ang mga lider ng iglesia, kasunod ang mga superbisor ng mga pangkat, at ang mga lider ng iba’t ibang grupo. Hindi ba’t kritikal at napakahalaga na maunawaan at maarok ang mga kalagayan tulad ng kung ang mga superbisor ng iba’t ibang gawain at ang mga tauhan na responsable sa iba’t ibang mahalagang trabaho ay nagtataglay ng katotohanang realidad, kumikilos nang may prinsipyo, at nagagawa nang maayos ang gawain ng iglesia? Kung lubusang naaarok ng mga lider at manggagawa ang kalagayan ng mga pangunahing superbisor ng iba’t ibang gawain, at kung gumagawa sila ng naaangkop na mga pagsasaayos sa mga tauhan, katumbas ito ng pagsasagawa nila ng wastong pagsusuri sa bawat aytem ng gawain, at katumbas ito ng pagtupad nila sa kanilang mga responsabilidad at tungkulin. Kung hindi nagagawa ang mga tamang pagsasaayos sa mga tauhang ito at lumitaw ang isang problema, lubhang maaapektuhan ang gawain ng iglesia. Kung ang mga tauhang ito ay may mabuting pagkatao, may pundasyon sa kanilang pananampalataya sa Diyos, responsable sa pangangasiwa ng mga bagay-bagay, at nagagawa nilang hanapin ang katotohanan para lutasin ang mga problema, mas mapapadali ang mga bagay-bagay kapag sila ang pinamahala sa gawain, at ang pinakamahalaga ay na makakausad nang maayos ang gawain. Pero kung ang mga superbisor ng iba’t ibang grupo ay hindi maaasahan, may masamang pagkatao at hindi maganda ang asal, at hindi isinasagawa ang katotohanan, at, bukod pa riyan, maaaring magsanhi ng mga pagkagambala at kaguluhan, magkakaroon ito ng epekto sa gawain na kanilang pananagutan at sa buhay pagpasok ng mga kapatid na kanilang pinamumunuan. Siyempre pa, ang epektong iyon ay maaaring malaki o maliit. Kung pabaya lamang ang mga superbisor sa kanilang mga tungkulin at hindi inaasikaso ang kanilang nararapat na gawain, maaaring magsanhi lamang ito ng ilang pagkaantala sa gawain; medyo babagal ang pag-usad, at hindi masyadong mabisa ang gawain. Gayunman, kung sila ay mga anticristo, magiging malubha ang problema: Hindi ito magiging isyu ng pagiging hindi mas mabisa at hindi pagiging epektibo ng gawain—gagambalain at pipinsalain nila ang gawain ng iglesia na nasa ilalim ng responsabilidad nila, na nagdudulot ng malalang pinsala. Kaya nga, ang pagkaalam sa mga kalagayan ng mga superbisor ng iba’t ibang gawain at ng mga tauhang responsable sa iba’t ibang mahalagang gawain, at ang maagap na paglilipat at pagtatanggal kapag nakikita nilang hindi gumagawa ng aktuwal na gawain ang isang tao ay hindi isang obligasyon na maaaring iwasan ng mga lider at manggagawa—ito ay gawaing lubhang seryoso at mahalaga. Kung agad na malalaman ng mga lider at manggagawa ang katangian ng mga superbisor sa iba’t ibang gawain at ng mga tauhang responsable sa iba’t ibang mahalagang gawain, at ang saloobin ng mga ito sa katotohanan at sa kanilang mga tungkulin, gayundin ang mga kalagayan at paggampan ng mga ito sa bawat panahon at bawat yugto, at agad nilang maiaakma o mapangangasiwaan ang mga taong iyon ayon sa sitwasyon, maaaring tuluy-tuloy na umusad ang gawain. Sa kabaligtaran naman, kung ang mga taong iyon ay gumagawa ng masasamang bagay nang walang pakundangan at hindi sila gumagawa ng tunay na gawain sa iglesia, at hindi ito kayang tukuyin kaagad ng mga lider at manggagawa, ni makagawa ng napapanahong mga pagtatalaga sa ibang tungkulin ang mga lider at manggagawa, bagkus ay naghintay sila na lumitaw ang lahat ng uri ng mabibigat na problema, na nagdudulot ng malalaking kawalan sa gawain ng iglesia, bago kaswal na subukang asikasuhin ang mga ito, magsagawa ng mga pagtatalaga sa ibang tungkulin, at itama at isalba ang sitwasyon, kung gayon, basura ang mga lider at manggagawa na iyon. Sila ay tunay na mga huwad na lider na dapat tanggalin at itiwalag.

Ngayon lang, pinagbahaginan natin sa malawak na paraan ang tungkol sa kahalagahan ng pagkaunawa at pagkakaroon ng pag-arok sa mga tunay na kalagayan ng mga superbisor ng iba’t ibang gawain at ang pagiging epektibo ng gawain nila, ginagamit ang mga tunay na kalagayang ito para suriin kung natupad ng mga lider at manggagawa ang mga responsabilidad nila, at inilalantad kung anong mga pagpapamalas ang ipinapakita nila na nagpapatunay na mga huwad na lider sila, sa gayon ay hinihimay ang diwa ng mga huwad na lider. Kapag nagkakaroon ng malulubhang problema sa gawain ng iglesia, nabibigo ang mga huwad na lider na tuparin ang mga responsabilidad nila. Hindi nila agad natutuklasan ang mga isyung ito, lalong hindi napapangasiwaan at nalulutas ang mga ito sa tamang oras. Humahantong ito sa pagtagal ng mga isyu, na pagkatapos ay nagdudulot ng mga pagkaantala at pinsala sa gawain ng iglesia, at puwede pa ngang magdulot ng pagkaparalisa o pagkakagulo ng gawain ng iglesia. Kapag nangyari ito ay saka lang atubiling pumupunta ang mga huwad na lider para magmasid sa lugar ng gawain ng iglesia, pero hindi pa rin nila matukoy ang mga kaukulan o angkop na solusyon para lutasin ang mga problema, at kalaunan ay hinahayaan na lang nilang hindi nalulutas ang mga iyon. Ito ang pangunahing pagpapamalas ng mga huwad na lider.

Mga Pamantayan sa Pagpili ng mga Superbisor ng Iba’t Ibang Gawain

Medyo malinaw na ba sa karamihan ang tungkol sa mga pamantayan sa pagpili ng mga superbisor ng iba’t ibang gawain at ng mga tauhang responsable sa iba’t ibang mahalagang trabaho? Halimbawa, ano ang pangunahing dapat taglayin ng superbisor ng gawaing sining? (Dapat siyang magtaglay ng mga propesyonal na kasanayan sa larangang ito at makapagpasan ng gawain.) Ang pagkakaroon ng mga propesyonal na kasanayan ay isang teorya. Kaya, ano nga ba ang partikular na tinutukoy ng mga propesyonal na kasanayang ito? Ipaliwanag natin ito. Kung may isang tao na nasisiyahan sa pagguhit at interesado sa paglikha ng sining, pero hindi niya ito propesyon, at wala siyang kaalaman sa larangang ito, at gusto lang niya ito, angkop bang piliin ang ganoong tao bilang superbisor ng isang pangkat ng sining? (Hindi, hindi angkop.) Sinasabi ng ilan, “Kung mahilig siyang lumikha ng sining, kaya niyang gawin ang trabaho at unti-unti itong matututuhan.” Tama ba ang pahayag na ito? (Hindi.) May isang eksepsiyon dito, ito ay kung hindi rin pamilyar sa propesyon ang lahat ng tao sa pangkat ng sining, at medyo mas maraming alam ang tao na ito at mas mabilis matuto kaysa sa iba. Kung ganoon, medyo magiging angkop na ba ang pagpili sa kanya? (Oo.) Bukod sa sitwasyong ito, sabihin nating sa lahat ng tao na may kinalaman sa paglikha ng sining, ang tao na ito lang ang hindi nakakaalam sa propesyon, pero napili siya dahil nauunawaan niya ang katotohanan at mahilig siyang lumikha ng sining—angkop ba iyon? (Hindi, hindi ito angkop.) Bakit hindi ito angkop? Dahil hindi siya ang una o ang tanging pinagpipilian. Kung ganoon ay paano dapat piliin ang ganitong uri ng superbisor? Dapat siyang piliin mula sa mga pinakamahusay at pinakabihasang tao sa propesyon; ibig sabihin, dapat ay eksperto siya, parehong taglay ang propesyonal na mga kasanayan at kapabilidad sa gawain—huwag pumili ng hindi eksperto. Isang aspekto ito. Dagdag pa rito, dapat siyang magdala ng pasanin, magtaglay ng espirituwal na pang-unawa, at kaya niyang unawain ang katotohanan. Kahit papaano ay dapat mayroon din siyang pundasyon sa pananalig niya sa Diyos. Ang mga pangunahing prinsipyo ay: Una, dapat ay may kapabilidad siya sa gawain; ikalawa, dapat ay nauunawaan niya ang propesyon; at ikatlo, dapat ay may espirituwal na pang-unawa siya at kaya niyang unawain ang katotohanan. Gamitin ninyo ang tatlong pamantayang ito para pumili ng mga superbisor para sa iba’t ibang gawain.

Ang mga Pagpapamalas ng mga Huwad na Lider Tungkol sa mga Superbisor ng Iba’t Ibang Gawain

Pagkatapos pumili ng mga superbisor para sa iba’t ibang partikular na aytem ng gawain, hindi dapat basta tumabi at wala nang gawin ang mga lider at manggagawa; kailangan din nilang sanayin at linangin ang mga superbisor na ito sa loob ng ilang panahon, para makita kung talagang kaya ng mga taong pinili nila na pasanin ang gawain at dalhin ito sa tamang landas. Iyon ang ibig sabihin ng pagtupad sa mga responsabilidad nila. Ipagpalagay na, noong panahon ng pagpili, nakita mong nauunawaan ng mga kandidato mo ang mga propesyon nila, nagtataglay sila ng kapabilidad sa gawain, nagdadala ng kaunting pasanin, at nagtataglay ng espirituwal na pang-unawa at ng kakayahang unawain ang katotohanan, at iniisip mong magiging maayos ang lahat dahil kalipikado sila sa mga aspektong ito, at sinasabi mo, “Puwede na kayong magsimulang gumawa; nasabi ko na sa inyo ang lahat ng prinsipyo. Mula ngayon, gawin na lang ninyo ang itatagubilin ng sambahayan ng Diyos na gawin ninyo nang kayo lang.” Isa ba itong katanggap-tanggap na paraan para isakatuparan ang gawain? Kapag naisaayos mo na ang mga superbisor, ibig ba nitong sabihin ay puwedeng hanggang doon na lang ang gawin mo? (Hindi, hindi ganoon.) Kung ganoon ay ano ang dapat gawin? Ipagpalagay na nakikipagtipon ang isang lider sa mga superbisor nang dalawang beses kada linggo, nagbabahagi ng katotohanan sa kanila, at hanggang doon lang, naniniwalang dahil ang lahat ng superbisor na iyon ay maagap, maaasahan, at kayang umunawa ng sinasabi ng ibang tao, samakatwid ay kaya na nilang magsagawa alinsunod sa katotohanan. Iniisip ng lider na ito na hindi niya kailangang siyasatin o kumustahin kung paano partikular na ginagawa ng mga superbisor na ito ang gawain ng mga ito, kung nakikipagtulungan ba ang mga ito nang maayos sa iba, kung naarok na ba ng mga ito ang mga propesyonal na kasanayan sa panahong ito, o kung gaano na ang natapos ng mga ito sa gawaing ibinigay sa mga ito ng sambahayan ng Diyos. Sa ganitong paraan ba dapat pangasiwaan ng isang lider at manggagawa ang gawain? (Hindi, hindi sa ganitong paraan.) Ganito ginagawa ng mga huwad na lider ang gawain nila. Sinusubukan nilang tapusin ang lahat ng gawain nang minsanan lang, isinasaayos nila ang mga superbisor at bumubuo ng isang grupo na may ilang miyembro, at pagkatapos ay sinasabing, “Simulan na ninyo ang gawain. Kung kailangan ninyo ng anumang kagamitan, ipaalam ninyo sa akin, at bibilhin ito ng sambahayan ng Diyos para sa inyo. Kung mahaharap kayo sa anumang paghihirap sa pang-araw-araw ninyong mga buhay o sa anumang problema, huwag kayong mag-aatubiling sabihin ang mga iyon, at palaging lulutasin ng sambahayan ng Diyos ang mga iyon para sa inyo. Kung wala kayong anumang paghihirap, tumuon kayo sa gawain ninyo. Huwag kayong magdulot ng mga pagkagambala o kaguluhan, at huwag kayong bumigkas ng anumang mabulaklak na ideya.” Isinasaayos ng mga huwad na lider na sama-samang magtulungan ang mga tao na ito, at iniisip na basta’t may pagkain, inumin, at tirahan ang mga ito, sapat na iyon, at hindi na kailangang bigyang-pansin pa ang mga ito. Kapag tinatanong ng ang Itaas, “Gaano na ba katagal mula nang piliin ang mga superbisor para sa gawaing ito? Kumusta ang pag-usad ng gawain?” tumutugon sila, “Anim na buwan na. Nakapagdaos na kami ng halos 10 pagtitipon para sa kanila, at mukhang maganda naman ang lagay ng loob nila, at natatapos ang gawain.” Kapag tinatanong ng ang Itaas, “Kung ganoon ay kumusta ang kapabilidad ng mga superbisor sa gawain?” sinasabi nila, “Ayos naman; noong pinili namin sila, sila ang pinakamahuhusay.” Tinatanong sila ng ang Itaas, “Kumusta na sila ngayon? Kaya ba nilang gumawa ng aktuwal na gawain?” Tumutugon sila, “Nagdaos ako ng pagtitipon para sa kanila.” Tumutugon ang ang Itaas, “Hindi ko tinatanong kung nagdaos ka ng pagtitipon; tinatanong ko kung kumusta ang gawain nila.” Sinasabi nila, “Malamang ay ayos naman ito; walang sinumang nag-ulat ng hindi maganda tungkol sa kanila.” Tumutugon ang ang Itaas, “Hindi isang pamantayan ang walang sinumang nag-uulat ng masama tungkol sa kanila. Kailangan mong tingnan kung kumusta ang kapabilidad sa gawain at mga propesyonal na kasanayan nila, at tingnan kung nagtataglay sila ng espirituwal na pang-unawa, at kung gumagawa sila ng tunay na gawain.” Tumutugon sila, “Noong panahon ng pagpili, mukhang maayos naman sila. Matagal-tagal ko nang hindi natatanong ang mga detalyeng ito. Kung gusto mong malaman, magtatanong ulit ako.” Ganito gumawa ng gawain ang mga huwad na lider. Patuloy silang nagdaraos ng mga pagtitipon at walang-tigil sa pakikipagbahaginan sa mga tao na nasa ilalim nila, pero pagdating sa ang Itaas, nagpapaligoy-ligoy at nagbibigay sila ng mga pabasta-bastang tugon. Ang pinakapabasta-bastang tugon nila ay ang sabihing, “Nagdaos ako ng isang pagtitipon para sa kanila. Noong nakaraan, nagtanong ako tungkol sa gawain, nang detalyadong-detalyado.” Ganito sila tumutugon sa ang Itaas. Gumagawa ba ng tunay na gawain ang mga huwad na lider na ito? Natukoy ba nila ang mga tunay na isyu? Nalutas ba nila ang mga iyon? Pagkatapos isaayos ang mga superbisor, ang mga huwad na lider ay lubos na ignorante sa kung natupad ng mga superbisor ang mga responsabilidad ng mga ito o naging tapat, kung paano ginagawa ang gawain, kung maganda o masama ang mga resulta, kung paano nag-uulat ang mga kapatid tungkol sa mga tao na ito, o kung may mas angkop na mga indibidwal para sa trabaho. Bakit ignorante sila sa mga bagay na ito? Dahil hindi nila ginagawa ang tunay na gawaing ito; nagpapakaabala lang sila sa mga walang saysay na bagay. Iniisip nilang hindi kinakailangang palaging pangasiwaan at inspeksiyonin nang ganito ang gawain, na mangangahulugan ito na wala silang tiwala sa mga superbisor na iyon. Sa isip nila, ang pagdaraos ng mga pagtitipon ay pagtupad sa mga responsabilidad nila at pagpapakita ng katapatan. Ito ang pangunahing pagpapamalas ng mga huwad na lider na hindi gumagawa ng tunay na gawain.

I. Kung Paano Tinatrato ng mga Huwad na Lider ang mga Superbisor na Hindi Gumagawa ng Tunay na Gawain

Nagbubulag-bulagan ang mga huwad na lider sa iba’t ibang sitwasyon ng mga superbisor ng bawat uri ng gawain sa iglesia; wala silang pag-arok sa mga sitwasyong ito, o hindi nila sinisiyasat, o pinangangasiwaan, o nilulutas ang mga ito. Ano ba ang mga partikular na sitwasyon ng mga superbisor? Ang una ay kapag ang mga superbisor ay hindi nagbubuhat ng pasanin, at kumakain, umiinom, at naghahanap ng libangan, nang hindi nag-aasikaso ng gawain na marapat nilang gawin o gumagawa ng tunay na gawain. Hindi ba’t isa itong malubhang problema? (Oo.) May ilang tao na may kapabilidad sa gawain, na mahusay sa isang propesyon, at sila ang pinakamagaling; matatas silang magsalita at matalino, at kung ipapaulit sa kanila ang mga tagubilin ay magagawa nila iyon nang walang pagkakamali, sapat na matalino sila; nakakakuha sila ng magagandang pagsusuri mula sa lahat, at medyo matagal na silang mananampalataya. Dahil dito, napipili sila na maging mga superbisor. Gayumpaman, walang sinumang nakakaalam kung pragmatiko, kayang magbayad ng halaga, o kayang gumawa ng aktuwal na gawain ang mga tao na ito. Dahil pinili sila ng mga tao, sa simula ay itinaas ang posisyon nila para linangin at gamitin sa maikling panahon ng pagsubok. Gayumpaman, pagkatapos gumawa sa loob ng ilang panahon, natuklasan na sa kabila ng mga propesyonal na kasanayan at karanasan nila, matakaw at tamad sila, at ayaw nilang magbayad ng halaga. Tumitigil sila sa paggawa sa sandaling maging medyo nakakapagod ito, at ayaw nilang pagtuunan ng pansin ang sinumang may mga problema o paghihirap na nangangailangan ng gabay nila. Sa umaga, sa sandaling imulat nila ang mga mata nila, iniisip nila, “Ano ang kakainin ko ngayong araw? Ilang araw na mula noong nagluto ng nilagang baboy sa kusina.” Kadalasan, palagi nilang sinasabi sa iba, “Talagang masarap ang mga pagkain sa bayan ko; dati ay lumalabas kami para kumain ng mga iyon sa bawat piyesta. Noong nag-aaral pa ako, tuwing katapusan ng linggo ay natutulog ako hanggang sa magising ako nang kusa, at pagkatapos ay kakain ako nang hindi nag-aabalang maghilamos o magsuklay. Sa hapon, naglalaro ako ng mga video game sa loob ng bahay nang nakapantulog, kung minsan ay hanggang alas-5 na nang umaga kinabukasan. Ngayon, pinuwersa ako ng gawain sa sambahayan ng Diyos hanggang sa puntong ito, at bilang isang superbisor, may mga partikular na bagay akong kailangang gawin. Tingnan ninyo kung gaano kaganda ang sitwasyon ninyong lahat; hindi ninyo kailangang bayaran ang halagang ito. Bilang isang superbisor, kailangan kong kayanin ang paghihirap na ito.” Sinasabi nila ito, pero naghihimagsik ba sila laban sa laman? Nagbabayad ba sila ng halaga? Puro reklamo sila, at ayaw nilang gumawa ng anumang aktuwal na gawain. Gumagalaw lang sila kapag pinipilit, at kapag walang nangangasiwa, umaasal sila sa isang pabasta-bastang paraan. Sa paggampan sa tungkulin nila, maluwag sila at hindi disiplinado, madalas ay tuso at nagpapabaya sila, at kahit kaunti ay hindi sila responsable. Pagdating sa mga propesyonal na problemang napapansin nga nila, hindi nila itinatama ang mga iyon para sa ibang tao, at masaya sila kapag kumikilos ang lahat sa pabasta-bastang paraan katulad nila. Ayaw nilang seryosohin ng sinuman ang gawain. May ilang superbisor na kaswal at pabasta-bastang tinatapos ang ilang kasalukuyang gampanin, pagkatapos ay walang-tigil silang nagbababad sa panonood ng mga drama sa telebisyon. Ano ang dahilan nila sa pagbababad sa panonood ng mga drama? “Natapos ko na ang mga gampanin ko; hindi ako palamunin sa sambahayan ng Diyos. Nagpapahinga lang ako para mapasigla ang isip ko. Kung hindi, masyado akong mapapagod, at magdurusa ang kahusayan ko sa gawain. Hayaan ninyo akong magpahinga nang sandali, para tumaas ang kahusayan ko sa gawain.” Patuloy silang nanonood ng mga drama hanggang alas-2 o alas-3 ng madaling araw. Kapag nakapag-almusal na ang lahat kinabukasan nang alas-8 ng umaga at nagsimula nang gumawa ng mga tungkulin ang mga ito, tulog pa rin ang mga superbisor na ito, at hindi sila bumabangon sa higaan kahit na mataas na ang araw sa langit. Kalaunan, atubili silang bumabangon, hinihila paabante ang tamad nilang laman, nag-iinat at naghihikab, at kapag nakita nilang nakapagsimula nang gumawa ang lahat, natatakot silang mapansin ng iba ang katamaran nila, at nagsisimulang maghanap ng mga palusot, “Masyado akong napuyat kagabi, napakarami kong dapat gawin, masyadong mabigat ang gawain. Medyo pagod ako. Napanaginipan ko pa nga kagabi na may isyu sa kung anong gawain. Pagkagising ko ngayong umaga, nakapuwesto ang mga kamay ko na parang nagtitipa sa kompyuter. Masyadong malabo ang isip ko, at kailangan kong umidlip mamayang hapon.” Tanghaling-tanghali na sila gumising at kailangan din nilang umidlip sa hapon—hindi ba’t naging mga baboy na sila? Malinaw na nagpapabaya sila, pero nagpapalusot pa sila para pangatwiranan at ipagtanggol ang sarili nila, sinasabing pagod sila dahil pinagpuyatan nilang gawin ang tungkulin nila. Malinaw na nagbababad sila sa panonood ng mga drama, nagpapakasasa sa ginhawa ng laman, at namumuhay sa isang mapagpalayaw na kalagayan, pero sa huli ay nakakahanap pa sila ng masarap pakinggang palusot para linlangin ang iba. Hindi ba’t hindi ito pag-aasikaso sa gawain na marapat nilang gawin? (Oo, ganoon nga.) Puwedeng may kapabilidad sa gawain at mga propesyonal na kasanayan ang ganitong mga tao, pero pasok ba sila sa pamantayan bilang mga superbisor? Malinaw na hindi. Hindi sila nababagay sa pagiging mga superbisor dahil masyado silang tamad, nagpapakasasa sila sa ginhawa ng laman, matakaw sila sa pagkain, tulog, at libangan, at hindi nila kayang pasanin o tuparin ang mga responsabilidad ng isang superbisor.

May ilang babaeng madalas magtingin-tingin ng mga damit, sapatos, pampaganda, at pagkain online, at kapag tapos na sila, nagsisimula silang magbabad sa panonood ng mga drama. Sinasabi ng mga tao, “Bakit nagbababad ka sa panonood ng mga drama samantalang hindi mo pa natatapos ang gawain mo? Isa pa, napakarami pa ring isyu ng ibang tao. Bilang isang superbisor, dapat mo silang bigyan ng gabay. Bakit hindi mo tinutupad ang mga responsabilidad mo?” Sinasabi ng mga babaeng ito, “Bahagi rin ng gawain ko ang pagbababad sa panonood ng mga drama. Kailangang mabuo ang mga video at pelikula ng sambahayan ng Diyos, at kailangan kong maghanap ng inspirasyon sa mga drama na ito!” Hindi ba’t mapanlinlang na sabihin ito? Kung may kinalaman ka sa propesyong ito, katanggap-tanggap ang paminsan-minsang panonood ng mga drama, pero paghahanap ba ng inspirasyon ang pagbababad sa panonood ng mga ito sa araw at gabi? Hindi ba’t mapanlinlang iyon? (Oo, ganoon nga.) Alam ng lahat kung ano ang nangyayari, kaya ang pagsasabi ng ganoong mga bagay ay pagbebenta ng dignidad at integridad mo. May ilang tao na nakagawian nang maglaro ng mga video game, at naging regular na bahagi na ito ng mga buhay nila. Gayumpaman, pagkatapos mapili bilang mga superbisor, hindi ba’t dapat na nilang baguhin ang masasamang gawi at bisyong ito? (Oo.) Kung hindi mo kayang maghimagsik laban sa mga ito, kapag napili ka bilang isang superbisor, dapat mong sabihing, “Hindi ko kayang tanggapin ang gawaing ito. Adik ako sa paglalaro ng mga video game. Kapag naglalaro ako ng mga ito, nawawalan ako ng kamalayan sa paligid, at walang sinumang makakahadlang o makakapagpabago ng isip ko. Kung pipiliin ninyo ako, tiyak na maaantala nito ang gawain. Kaya kumilos na kayo agad at huwag ninyo akong payagang maging isang superbisor.” Kung hindi mo ito sasabihin nang maaga at matutuwa ka at ipagmamalaki mo kapag napili ka, pahahalagahan ang katayuang ito, pero ipinagpapatuloy mo ang paglalaro ng mga video game kapag naisipan mo gaya ng ginagawa mo noon, kapag isa kang superbisor, hindi ito angkop, at tiyak na maaantala nito ang gawain.

May ilang superbisor na may mga partikular na masamang gawi. Nang piliin sila ng mga kapatid, hindi nauunawaan ng ilan ang sitwasyon nila, habang ang iba naman ay naniniwalang kayang gugulin ng mga indibidwal na ito ang sarili nila para sa Diyos nang full-time, at nag-iisip na puwedeng unti-unting magbago ang masasamang gawi at bisyo ng mga kabataan sa pagtanda at sa patuloy na pag-unawa sa katotohanan. Maraming tao ang nagkikimkim ng saloobin at pananaw na ito kapag pinipili ang mga indibidwal na ito para maging mga superbisor. Pagkatapos mapili ang mga indibidwal na ito, gumagawa sila ng ilang gawain, pero hindi nagtatagal bago sila maging negatibo at mag-isip na, “Hindi madaling maging isang superbisor. Kailangan kong gumising nang maaga at magpuyat, at dapat ay mas marami akong gawin at mas maraming obserbahan kaysa sa ibang tao sa bawat pagkakataon. Kailangan ko ring mas mag-alala, at gugulin ang mas maraming oras at lakas ko. Mahirap ang trabahong ito; masyado itong nakakapagod!” Dahil dito, iniisip nilang magbitiw. Kung hindi ka nagbubuhat ng pasanin, hindi mo magagawa ang gawain ng isang superbisor. Kung nagdadala ka nga ng pasanin sa puso mo, magiging handa kang alalahanin ang gawain, at kahit na medyo mas pagod ka kaysa sa iba, hindi mo mararamdamang nagdurusa ka. Kahit kapag oras na para magpahinga, iisipin mo pa rin, “Kumusta ang naging takbo ng gawain ngayong araw?” Kung bigla mong maaalala ang isang isyung nananatiling hindi nalulutas, hindi ka makakatulog. Kung nagbubuhat ka ng pasanin sa puso mo, palagi mong iisipin ang tungkol sa gawain, at ni hindi mo aalalahanin kung gaano ka kaayos na kumakain o nagpapahinga. Kung masyadong magaan ang bubuhating pasanin ng mga tao bilang mga superbisor, ilang araw lang magtatagal ang kaunting kasiglahan nila, at sa paglipas ng panahon, hindi na ito kakayanin ng ilan sa kanila. Iisipin nila, “Masyadong nakakapagod ang trabahong ito. Ano ang isang paraan para malibang ko ang sarili ko at makapagpahinga nang sandali? Maglalaro ako ng ilang video game.” Gumaganap sila nang maayos sa sandaling panahon, pero bigla silang nangangating maglaro ng mga video game. Kapag nagsimula na sila, hindi na nila kayang tumigil; nawawala ang maliit na pasaning minsan nilang binuhat habang naglalaro sila, pati na ang masigasig na motibasyon nilang gugulin ang sarili nila, ang determinasyon nila, at ang positibong saloobin nila sa paggawa ng mga tungkulin nila. Kapag may nagtatanong sa kanila ng isang bagay, nawawalan sila ng pasensiya. Pupungusan nila ang mga tao, o sesermunan ang mga ito at pipintasan, o gagawin nang pabasta-basta ang mga bagay-bagay at tatalikuran ang gawain nila. Hindi ba’t may problema sa mga superbisor na ito? (Oo.) Sa umaga, bahagya lang nilang tinatapos ang gawain nila nang lutang ang isip, at sa gabi, kapag walang nakakakita, palihim silang naglalaro ng mga video game, hindi talaga natutulog buong magdamag. Sa simula, palagay sila rito, iniisip na, “Hindi ko naman inantala ang gawain noong umaga. Nagawa ko ang lahat ng gawaing dapat kong gawin. Nalutas ko ang lahat ng problemang tinanong sa akin ng iba. Kahit na hindi ako matulog sa gabi para magkaroon ng libreng oras para maglaro ng mga video game, hindi ba maituturing ang lahat ng ito bilang pagiging matapat ko?” Ang resulta, sa sandaling magsimula silang maglaro ng mga video game, hindi na sila makahinto, at wala silang sinumang pinakikinggan. Kahit na hindi nito naaapektuhan ang pahinga ng ibang tao o ang kapaligiran ng gawain, kaya pa rin bang pasanin ng ganoong mga superbisor ang gawain nila? Kaya ba nila itong gawin nang maayos? (Hindi.) Bakit hindi? Madalas silang naglalaro ng mga video game buong gabi nang hindi natutulog at kailangan nilang gumawa sa umaga—gaano karaming lakas ang taglay ng isang tao? Magiging mataas ba ang kahusayan nila sa gawain kung mananatili sila sa paglalaro ng mga video game nang ganito? Talagang hindi. Samakatwid, hindi talaga kayang tuparin ng ganoong mga superbisor ang mga tungkulin nila o na pasanin ang gawain nila. Kahit na may mga propesyonal na kasanayan at kaunting kakayahan sila, mahilig silang maglaro at hindi nila inaasikaso ang gawain na marapat nilang gawin. Hindi ba’t dapat matanggal ang mga superbisor na ito? Kung hindi sila matatanggal, maaantala ang gawain. Sinasabi ng ilang tao, “Kung matatanggal sila, hindi tayo makakahanap ng ibang may mga propesyonal na kasanayang taglay nila. Kailangan natin silang hayaang gawin ang trabahong ito—kaya pa rin nilang pasanin ang gawain kahit na naglalaro sila ng mga video game.” Tama ba ang pahayag na ito? (Hindi, hindi ito tama.) Hindi kayang sabay na pagtuunan ng isang tao ang dalawang bagay; limitado ang lakas ng mga tao. Kung itutuon mo sa paglalaro ang karamihan sa lakas mo, maaapektuhan ang debosyon mo sa paggawa ng mga tungkulin mo, at matinding makokompromiso ang pagiging epektibo mo sa paggawa ng mga tungkulin mo. Isa itong iresponsableng saloobin sa paggawa ng isang tungkulin. Kahit na ilagay ng isang tao ang buong puso at buong lakas niya sa mga tungkulin niya, hindi naman talaga magiging isandaang porsiyentong pasok sa pamantayan ang mga resulta. Magiging mas malala pa kung itutuon mo ang puso mo at karamihan sa lakas mo sa paglalaro—wala ka nang masyadong matitirang lakas at pag-iisip para gamitin sa paggampan sa mga tungkulin mo, at maaapektuhan ang pagiging epektibo mo sa paggawa ng mga tungkulin mo. Ang sabihing maaapektuhan ito ay isang konserbatibong paraan ng pagsasabi nito; sa realidad, lubhang mapipinsala ang pagiging epektibo mo sa paggawa ng mga tungkulin mo. Kung matutukoy ang ganoong mga superbisor, dapat ay agad silang maitalaga sa ibang tungkulin at matanggal, dahil hindi na sila itinuturing na kapaki-pakinabang. Hindi lang ito dahil hindi pasok sa pamantayan ang paggampan nila sa mga tungkulin nila—hindi na nila kayang pasanin ang gawain nila at hindi nila kayang magkaroon ng positibong epekto sa gawain nila. Samakatwid, mas makabubuting humanap ng isang tao na aako sa gawain nila na masigasig at responsable sa kabila ng pagkakaroon ng bahagyang kulang ng propesyonal na kasanayan kaysa sa kanila.

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.