Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa (3) Unang Seksiyon
Ikatlong Aytem: Ibahagi ang mga Katotohanang Prinsipyo na Dapat Maunawaan Para Magampanan Nang Maayos ang Bawat Tungkulin (Ikalawang Bahagi)
Noong huling pagtitipon, nagsagawa tayo ng karagdagang pagbabahaginan para sa ikalawang responsabilidad ng mga lider at manggagawa, pinag-usapan natin kung ano ang mga paghihirap na umiiral sa buhay pagpasok, at inilantad ang mga partikular na pagsasagawa at pagpapamalas ng mga huwad na lider. Pagkatapos, tinalakay natin ang ilang usapin tungkol sa ikatlong responsabilidad ng mga lider at manggagawa—ang ibahagi ang mga katotohanang prinsipyo na dapat maunawaan para magampanan nang maayos ang bawat tungkulin—at inilantad at hinimay kung saan nagpapamalas ang “pagiging huwad” ng mga huwad na lider sa mga saloobin, pagsasagawa, at pagpapamalas ng mga huwad na lider ukol sa mga bagay na ito, sa madaling salita, ang mga pagpapamalas kung paano nabibigo ang mga huwad na lider na gampanan ang mga responsabilidad nila bilang mga lider. Mangyaring itala ninyo ang mga bagay na ito. (Ang isa sa mga ito ay tungkol sa pag-iimprenta ng mga aklat ng mga salita ng Diyos. Hindi gumawa ng kongkretong gawain ang huwad na lider na iyon, nagsabi lang siya ng mga doktrina sa isang walang kabuluhang paraan. Hindi rin siya partikular na nagbahagi tungkol sa mga katotohanang prinsipyo o gumawa ng ni katiting na tunay na gawain.) Sa bagay na ito, hindi gumawa ng tunay na gawain ang huwad na lider na iyon, nabigo siyang tuparin ang mga responsabilidad niya bilang isang lider at manggagawa, at hindi niya malinaw na ibinahagi ang mga propesyonal na hinihingi, mga espesipikong prinsipyo, at mga puntong dapat tandaan na kasama sa gawain. Sumigaw lang siya ng ilang islogan at nagsabi ng ilang walang kabuluhang salita, at pagkatapos ay inakala na niyang nakapagtrabaho siya nang mahusay. Ano pa ang tinalakay natin? (Nariyan din ang insidente ng pagbili ng isang down coat para sa Diyos.) Anong problema ang inilantad ng insidenteng ito tungkol sa mga huwad na lider? (Inilantad nito na hindi gumagawa ng tunay na gawain ang mga huwad na lider, at na ganap na wala silang pagkatao at katwiran.) Noong may bumili ng isang aytem ng damit para sa Akin, tumulong ang mga lider na iyon na magsagawa ng mga pag-iinspeksiyon dito—bahagi ba ito ng gawaing dapat gawin ng mga lider at manggagawa? (Hindi, hindi ito bahagi niyon.) Gumawa sila ng gawaing hindi naman nila dapat gawin—ano ang isyu rito? (Hindi nila inaasikaso ang gawain na marapat nilang gawin.) Isa itong pagpapamalas ng mga huwad na lider. Una, inilantad nito na hindi inaasikaso ng mga huwad na lider ang gawain na marapat nilang gawin, at pangalawa, inilantad nito na wala silang katwiran at gumagawa lang ng mga kasuklam-suklam na bagay na walang katwiran at pagkatao. Natatandaan lang ninyo ang mga halimbawa, pero hindi pa ninyo nakikita ang totoo sa mga isyung nilalayong ilarawan ng mga halimbawang ito, o ang diwa ng mga isyung ito na nilalayong himayin ng mga ito. Ano pa ang ibang halimbawang ibinigay Ko tungkol sa hindi pag-aasikaso ng mga huwad na lider sa gawain na marapat nilang gawin? (Nariyan ang tagagawa ng tinapay na gawa nang gawa ng mga tinapay para sa Diyos. Sinabi sa kanya ng Diyos na huwag itong gawin, pero patuloy siyang hinayaan ng mga lider at manggagawa na gawin iyon, at tinikman pa nga nila mismo ang mga tinapay.) Anong mga problema ng mga huwad na lider ang inilantad ng halimbawang ito? (Na hindi nila inaasikaso ang gawain na marapat nilang gawin, o ginagawa ang gawaing dapat nilang gawin, at ipinagpipilitang gawin ang gawaing hindi nila dapat gawin.) Pangunahin nitong inilantad na hindi inaasikaso ng mga huwad na lider ang gawain na marapat nilang gawin at bigo silang maarok ang sentro at pokus ng gawain nila. Dagdag pa rito, may malubhang problema ang mga huwad na lider. Ano ito? (Hindi nila sinusunod ang mga salita ng Diyos o ipinatutupad ang gawain ayon sa mga hinihingi ng Diyos.) May gusto pa bang magdagdag? (Nagkukunwari silang espirituwal at nagpapakita ng pagsasaalang-alang sa pasanin ng Diyos, pero sa realidad, nag-aamok lang sila sa paggawa ng masasamang bagay.) Isa pa iyon sa mga problema nila. Mayroon pa ba? (Bago sila kumilos, hindi nila sinusubukang unawain ang mga hinihingi ng Diyos; sa halip, ginagamit nila ang sarili nilang mga imahinasyon para palitan ang mga ninanais ng Diyos.) Napapailalim ito sa kategorya ng kawalan ng katwiran. Mayroon pa ba? (Ibinunyag ng paraan ng pagharap ng mga huwad na lider sa usapin ng pagbili ng isang tao ng isang aytem ng damit para sa Diyos ang kawalan nila ng normal na pagkatao.) Anong aspekto ng normal na pagkatao ang wala sa kanila? Hindi nila nauunawaan ang mga panuntunan kung paano aasal at wala silang modo. Hindi ba’t totoo iyon? (Oo.) Sa katunayan, pangalawa lang itong mga bagay na binanggit ninyo; ano ang pangunahing isyu? Sa sandaling maging mga lider ang mga tao na ito, ninanais nilang tamasahin ang mga pakinabang ng katayuan nila at ang espesyal na pagtrato, at nag-iimbot sila ng kaginhawahan. Halimbawa, gusto nilang kumain ng kaunting tinapay, at kapag nakikita nilang magaling magluto ang isang tao, naiisip nilang tikman ang kaunti sa pagkain nito para matugunan ang mga pagkatakam nila. Nakakasuklam na nga na hindi sila nag-aasikaso ng gawain na marapat nilang gawin o gumagawa ng tunay na gawain, pero higit pa roon, nag-iimbot sila ng kaginhawahan at ng mga kasiyahan ng katakawan. Ginagamit nila ang dahilan ng pagsasagawa ng mga pagtikim at pag-iinspeksiyon para sa Diyos para matugunan ang matakaw nilang mga pagnanais, nagpapakasasa sa mga pakinabang ng katayuan nila. Ang lahat ng ito ay mga pagpapamalas ng mga huwad na lider. Kahit na hindi masasabing malupit o buktot ang mga pagpapamalas na ito kapag ikinumpara sa disposisyong diwa ng mga anticristo, ang pagkatao ng mga huwad na lider ay sapat na para masuklam ang mga tao. Pagdating sa karakter nila, kulang sila sa pagkakaroon ng konsensiya at katwiran; medyo mababang-uri at marumi ang pagkatao nila, at mababa ang integridad nila. Mula sa mga halimbawang ito, mapapansing hindi kaya ng mga huwad na lider na gumawa ng tunay na gawain. Isa itong katunayan.
Hindi Kayang Ibahagi ng mga Huwad na Lider ang mga Prinsipyo ng Paggampan sa Gawain
Ngayong araw, ipagpapatuloy natin ang paglalantad sa iba’t ibang pagpapamalas ng mga huwad na lider batay sa mga responsabilidad ng mga lider at manggagawa. Ang mga huwad na lider ay talagang walang kakayahang gawin ang mahalagang, kritikal na gawain sa iglesia. Pinangangasiwaan lang nila ang ilang simpleng, pangkalahatang usapin; ang gawain nila ay hindi mahalaga at wala itong papel na magpasya para sa kabuuang gawain ng iglesia, at hindi ito nagbubunga ng mga tunay na resulta. Ang pakikipagbahaginan nila ay pangunahing tumatalakay lang sa mga gasgas at pangkaraniwang paksa, pawang paulit-ulit na salita at doktrina ito at lubha itong walang kabuluhan, malawak, at kulang sa detalye. Ang pakikipagbahaginan nila ay naglalaman lang ng mga bagay na kayang maunawaan ng mga tao kapag literal nilang binabasa ang isang bagay. Hindi man lang kayang lutasin ng mga huwad na lider na ito ang mga tunay na problema ng hinirang na mga tao ng Diyos sa kanilang buhay pagpasok; sa partikular, mas lalong hindi nila kayang lutasin ang mga kuru-kuro, imahinasyon, at pagbubunyag ng mga tiwaling disposisyon. Ang pangunahing bagay ay hindi talaga kayang pasanin ng mga huwad na lider ang mahalagang gawaing isinaayos ng sambahayan ng Diyos, tulad ng gawain sa ebanghelyo, gawain ng paggawa ng pelikula, o gawaing batay sa teksto. Sa partikular, pagdating sa gawaing nangangailangan ng propesyonal na kaalaman, kahit na malinaw na alam ng mga huwad na lider na baguhan sila sa mga larangang ito, hindi nila inaaral ang mga ito, hindi rin sila nagsasaliksik, at lalong hindi nila kayang magbigay ng partikular na direksiyon o lutasin ang mga problemang nauugnay sa mga ito. Gayumpaman, walang-kahihiyan pa rin silang nagdaraos ng mga pagtitipon, nagsasalita nang walang katapusan tungkol sa mga walang kabuluhang teorya, at nagsasabi ng mga salita at doktrina. Alam na alam ng mga huwad na lider na hindi nila kayang gawin ang ganitong uri ng gawain, pero nagpapanggap silang mga eksperto, kumikilos nang palalo, at laging gumagamit ng mga engrandeng doktrina para sitahin ang iba. Hindi nila kayang sagutin ang mga tanong ng sinuman, pero naghahanap sila ng mga dahilan at palusot para sitahin ang iba, tinatanong nila kung bakit hindi nila pinag-aaralan ang propesyon, kung bakit hindi nila hinahanap ang katotohanan, at kung bakit hindi nila kayang lutasin ang sarili nilang mga problema. Ang mga huwad na lider na ito, na mga baguhan sa mga larangang ito at hindi kayang lumutas ng anumang problema, ay patuloy pa ring nangangaral sa iba na parang mataas ang posisyon nila. Sa panlabas, mukhang napakaabala nila sa mata ng iba, na parang marami silang kayang gawin at napakagaling nila, pero sa realidad, wala silang kuwenta. Ang mga huwad na lider ay malinaw na walang kakayahang gumawa ng tunay na gawain, pero masigasig silang nagpapakaabala, at palagi nilang sinasabi ang mga gasgas na pahayag sa mga pagtitipon, paulit-ulit ang sinasabi nila, nang walang nalulutas ni isang tunay na problema. Sawang-sawa na ang mga tao rito, at wala talaga silang nakukuhang anumang pagpapatibay mula rito. Ang ganitong uri ng gawain ay labis na hindi epektibo, at wala itong ibinubungang resulta. Ganito gumagawa ang mga huwad na lider, at naaantala ang gawain ng iglesia dahil dito. Gayumpaman, pakiramdam pa rin ng mga huwad na lider na gumagawa sila ng mahusay na gawain at na napakagaling nila, gayong ang totoo ay hindi nila nagawa nang maayos ang alinmang aspekto ng gawain ng iglesia. Hindi nila alam kung ang mga lider at manggagawang nasa saklaw ng responsabilidad nila ay pasok sa pamantayan, at hindi rin nila alam kung kayang pasanin ng mga lider at superbisor ng iba’t ibang pangkat ang gawain ng mga ito, at hindi rin nila pinapahalagahan o itinatanong kung may mga problema bang lumitaw sa paggampan ng mga kapatid sa mga tungkulin nila. Sa madaling salita, hindi kayang lutasin ng mga huwad na lider ang anumang problema sa gawain nila, pero nananatili silang masigla habang abala. Sa perspektiba ng ibang tao, ang mga huwad na lider ay kayang sumailalim sa paghihirap, handang magbayad ng halaga, at araw-araw silang abala. Kapag oras na ng pagkain, kailangan pa silang tawagin sa hapag, at natutulog sila nang dis-oras ng gabi. Pero sadyang hindi maganda ang mga resulta ng gawain nila. Kung hindi mo susuriin nang mabuti, sa panlabas ay tila nagagawa ang lahat ng aytem ng gawain, at abala ang lahat sa paggawa ng mga tungkulin nila, pero kung pagmamasdan mo nang mabuti at magiging mabusisi ka, at susuriin mong maigi ang gawain, mabubunyag ang tunay na sitwasyon. Ang bawat aytem ng gawain na saklaw ng responsabilidad nila ay magulo, wala man lang itong estruktura o kaayusan. May mga problema—o maging mga butas—sa bawat aytem ng gawain. Ang paglitaw ng mga problemang ito ay nauugnay sa hindi pagkaunawa ng mga huwad na lider sa mga katotohanang prinsipyo, at sa pagkilos nila batay sa kanilang mga kuru-kuro, imahinasyon, at sigasig. Ang mga huwad na lider ay hindi kailanman nakikipagbahaginan tungkol sa mga katotohanang prinsipyo, at hindi rin nila kailanman hinahanap ang katotohanan para lutasin ang mga problema. Malinaw na wala silang espirituwal na pang-unawa at hindi nila kayang gumawa ng gawain ng pamumuno, at kaya lang nilang maglitanya ng mga salita at doktrina at hindi talaga nila nauunawaan ang katotohanan, pero nagpapanggap silang alam nila ang mga bagay na hindi nila alam at umaasta silang mga eksperto. Ang gawaing ginagawa nila ay pagraos lang sa bagay-bagay. Kapag may lumilitaw na problema, pikit-mata silang naglalapat ng mga regulasyon dito. Nagpapakaabala lang sila nang pikit-mata at nang walang anumang ibinubungang mga tunay na resulta. Dahil hindi nauunawaan ng mga huwad na lider na ito ang mga katotohanang prinsipyo, at naglilitanya lang sila ng mga salita at doktrina at nagpapayo lang sila sa iba na sumunod sa mga regulasyon, ang pag-usad ng bawat aytem ng gawain ng iglesia ay bumabagal at walang nakakamit na malinaw na mga resulta. Ang pinakahalatang kinahinatnan ng pagkakaroon ng huwad na lider sa gawain nang matagal-tagal na ay na hindi nauunawaan ng karamihan ng mga tao ang katotohanan, hindi nila alam kung paano kumilatis kapag ang isang tao ay nagbubunyag ng katiwalian o bumubuo ng mga kuru-kuro, at tiyak na hindi nila nauunawaan ang mga katotohanang prinsipyong dapat itaguyod sa paggawa ng mga tungkulin nila. Ang mga gumagampan ng mga tungkulin nila at ang mga hindi ay pawang mga tamad, walang pagpipigil at walang disiplina, at magulo tulad ng nakasabog na buhangin. Karamihan sa kanila ay nakakapagsalita ng ilang salita at doktrina, pero habang ginagawa ang mga tungkulin nila, sinusunod lang nila ang mga regulasyon; hindi nila alam kung paano hanapin ang katotohanan para lutasin ang mga problema. Dahil ang mga huwad na lider mismo ay hindi alam kung paano hanapin ang katotohanan para lutasin ang mga problema, paano nila aakayin ang iba na gawin ito? Anuman ang mangyari sa ibang tao, puwede lang silang hikayatin ng mga huwad na lider sa pamamagitan ng pagsasabing, “Dapat maging mapagsaalang-alang tayo sa mga layunin ng Diyos!” “Dapat maging matapat tayo sa paggampan ng mga tungkulin natin!” “Kapag may nangyayari sa atin, dapat matuto tayong magdasal, at dapat nating hanapin ang mga katotohanang prinsipyo!” Madalas na sumisigaw ng mga ganitong islogan at doktrina ang mga huwad na lider, pero wala itong ibinubungang anumang resulta. Matapos marinig ng mga tao ang mga ito, hindi pa rin nila nauunawaan kung ano ang mga katotohanang prinsipyo, at wala silang landas ng pagsasagawa. Sa panlabas, nagdarasal ang mga tao kapag may mga nangyayari sa kanila, at gusto nilang maging tapat sa paggawa ng mga tungkulin nila—pero lahat sila ay walang pagkaunawa sa mga isyung tulad ng kung ano ang dapat nilang gawin para maging tapat sila, kung paano sila dapat magdasal para maunawaan nila ang mga layunin ng Diyos, at paano sila dapat maghanap kapag nahaharap sila sa isang isyu para maunawaan nila ang mga katotohanang prinsipyo. Kapag tinatanong ng mga tao ang mga huwad na lider, sinasabi ng mga huwad na lider, “Kapag may nangyayari sa inyo, magbasa pa kayo ng mga salita ng Diyos, mas magdasal kayo, at mas magbahaginan tungkol sa katotohanan.” Tinatanong sila ng mga tao, “Ano ang mga prinsipyong sumasaklaw sa gawaing ito?” at sinasabi nila, “Walang sinasabi ang mga salita ng Diyos tungkol sa mga usapin ng propesyonal na gawain, at hindi ko rin nauunawaan ang larangang iyon ng gawain. Magsaliksik kayo kung gusto ninyong maunawaan—huwag ninyo akong tanungin. Inaakay ko kayo sa pag-unawa sa katotohanan, hindi sa mga usapin ng propesyonal na gawain.” Ginagamit ng mga huwad na lider ang ganitong uri ng mga salita para umiwas sa mga tanong. At bilang resulta, kahit na ang karamihan ng tao ay may masidhing damdamin para gawin ang mga tungkulin nila, hindi nila alam kung paano kumilos batay sa mga katotohanang prinsipyo, ni hindi nila alam kung paano sumunod sa mga prinsipyo habang ginagampanan ang mga tungkulin nila. Kung titingnan ang mga resulta ng bawat aytem ng gawain sa loob ng saklaw ng responsabilidad ng mga huwad na lider, umaasa lamang ang karamihan ng tao sa kanilang kaalaman, natutuhan, at mga kaloob para gawin ang gawain nila, at ignorante sila pagdating sa mga isyu tulad ng kung ano ang mga partikular na hinihingi ng Diyos, kung ano ang mga prinsipyo ng paggawa ng tungkulin, at kung paano kumilos para makamtan ang resulta ng pagpapatotoo para sa Diyos at kung paano mas epektibong maipapakalat ang ebanghelyo para lahat ng nasasabik sa pagpapakita ng Diyos ay marinig ang Kanyang tinig, masiyasat ang tunay na daan, at magbalik sa Diyos sa lalong madaling panahon. Bakit ba ignorante sila sa mga bagay na ito? Ito ay direktang nauugnay sa pagkabigo ng mga huwad na lider na gumawa ng tunay na gawain. Ang pangunahing dahilan nito ay hindi alam ng mga huwad na lider mismo kung ano ang mga katotohanang prinsipyo, o kung ano ang mga prinsipyong dapat unawain at sundin ng mga tao. Kumikilos sila nang walang mga prinsipyo, at hindi nila kailanman inaakay ang mga tao na hanapin ang mga prinsipyo ng pagsasagawa at ang mga landas sa mga tungkulin nila. Kapag nakakakita ng problema ang isang huwad na lider, hindi niya ito kayang lutasin, at hindi siya nakikipagbahaginan at naghahanap kasama ang iba, kaya madalas na kailangang ulitin ang bawat aytem ng gawain. Bukod sa pag-aaksaya ito sa mga pondo at materyales, pag-aaksaya rin ito ng lakas at oras ng mga tao. Ang mga gayong kinahihinatnan ay direktang nauugnay sa napakahinang kakayahan at pagiging iresponsable ng mga huwad na lider. Bagama’t hindi masasabing sadyang gumagawa ng kasamaan at nagdudulot ng kaguluhan ang mga huwad na lider, puwedeng sabihing hindi talaga nila hinahanap ang mga katotohanang prinsipyo sa gawain nila, at palagi silang kumikilos ayon sa sarili nilang kalooban. Tiyak ito. Hindi nauunawaan ng mga huwad na lider ang mga katotohanang prinsipyo, at hindi rin nila kayang makipagbahaginan nang malinaw sa iba tungkol sa mga ito; sa halip, pinapabayaan lang ng mga huwad na lider ang mga tao na gawin ang gusto ng mga ito. Hindi sinasadya na humahantong ito sa pagkilos nang pabasta-basta at sutil ng ilang taong namamahala sa ilang gawain, kumikilos sa anumang paraang gusto nila at ginagawa ang anumang gusto nila. Bilang resulta, bukod sa kakaunti ang mga aktuwal na resulta, nagugulo rin ang gawain ng iglesia. Kapag tinatanggal ang isang huwad na lider, bukod sa hindi niya pinagninilay-nilayan at kinikilala ang sarili niya, nanlilinlang pa siya at ipinagtatanggol ang sarili niya, at hindi niya tinatanggap ang katotohanan kahit kaunti, at wala talaga siyang balak na magsisi. Baka hilingin pa niya na bigyan siya ng isa pang pagkakataon ng sambahayan ng Diyos, baka sabihin niya na tiyak na kaya niyang gawin nang maayos ang gawain. Naniniwala ka ba sa kanya? Hindi talaga niya kilala ang sarili niya, hindi rin niya tinatanggap ang katotohanan. Kung gayon, kaya ba niyang mabago ang mga gawi niya? Wala siyang katotohanang realidad, kung gayon, kaya ba niyang gawin nang mahusay ang gawain? Posible ba iyon? Hindi niya ginawa nang maayos ang gawain sa pagkakataong ito—kaya ba niyang gawin ito nang maayos kung bibigyan siya ng isa pang pagkakataon? Hindi iyon posible. Puwedeng sabihin nang may katiyakan na walang kapabilidad sa gawain ang mga huwad na lider; kung minsan, puwede silang magpakapagod at maging sobrang abala, pero pag-aabala ito nang walang direksiyon, at wala itong ibinubunga. Sapat na ito para ipakita na ang mga huwad na lider ay may napakahinang kakayahan, na hindi talaga nila nauunawaan ang katotohanan, at na hindi nila kayang gumawa ng tunay na gawain. Nagdudulot ito ng paglitaw ng maraming problema sa gawain, pero hindi nila kayang lutasin ang mga ito sa pamamagitan ng pakikipagbahaginan sa katotohanan, at gumagamit lang sila ng ilang walang kabuluhang doktrina para hikayatin ang mga tao na sumunod sa mga regulasyon, at dahil dito, nagugulo nila ang gawain at iniiwan itong magulo. Ganito gumagawa ang mga huwad na lider at ang mga kinahinatnan nito. Dapat itong maging babala sa lahat ng lider at manggagawa.
Ang iba’t ibang hindi kasiya-siyang isyung lumilitaw sa loob ng iglesia ay direktang may kaugnayan sa mga huwad na lider—isa itong hindi maiiwasang problema. Ang mga huwad na lider na ito ay walang abilidad na arukin ang katotohanan, pero iniisip nila na nauunawaan at naiintindihan nila ang lahat ng bagay, at pagkatapos ay kumikilos sila batay sa sarili nilang mga imahinasyon at kuru-kuro. Kailanman ay hindi nila hinahanap ang katotohanan para tugunan ang kawalan nila ng pang-unawa sa mga katotohanang prinsipyo o sa mga pamantayang hinihingi ng Diyos. Marami na Akong nakasalamuhang lider at manggagawa, at madalas Akong nakikipagkita sa kanila. Kapag nagkikita kami, tinatanong Ko sa kanila, “May anumang isyu ba kayo? Itinala ba ninyo ang mga problemang umiiral sa gawain? May anumang problema bang hindi ninyo kayang lutasin?” Pagkatapos Kong magtanong, tulala sila, at may mga pag-aalinlangan sa puso nila: “Mga lider kami; puwede ba kaming magkaroon ng anumang isyu? Kung mayroon man kami, hindi ba’t matagal na sanang naparalisa ang gawain ng iglesia? Anong klaseng tanong ito? Nakikinig kami sa mga sermon at pagbabahaginan, at nasa mga kamay namin ang mga salita ng Diyos. Napakarami naming namumuno sa iglesia, paanong nag-aalala Ka pa rin? Sa pagtatanong nito, malinaw na minamaliit Mo kami. Paano kami magkakaroon ng mga problema? Kung may mga problema kami, hindi kami magiging mga lider. Masyadong hindi nararapat ang tanong Mo!” Sa tuwing tatanungin Ko sila kung may anumang isyu sila, nasa ganitong uri ang kalagayan nila—ang bawat isa sa kanila ay larawan ng pagkamanhid at kahangalan. Napakaraming problema sa iba’t ibang aytem ng gawain ng iglesia, pero hindi talaga ito makita o matuklasan ng mga tao na ito. Hindi nila mabanggit ang mga isyung may kaugnayan sa personal na buhay pagpasok, o ang mga isyung umiiral sa gawain na may nakapaloob na mga katotohanang prinsipyo. Dahil hindi nila mabanggit ang mga isyung ito, tinatanong Ko sila, “Kumusta ang pag-usad ng gawain ng pagsasalin ng mga salita ng Diyos? Alam ba ninyo kung ilang wika na ang dapat maisalin ngayon? Kung aling mga wika ang dapat unang maisalin, at aling mga wika ang sa kalaunan? Kung ilang kopya ng mga salita ng Diyos ang dapat maimprenta para sa mga partikular na wika?” Sumasagot sila, “Ah, isinasalin na ang mga iyon.” Tinatanong Ko sila, “Hanggang saan na umusad ang pagsasalin? May anumang isyu ba?” Sumasagot sila, “Hindi ko alam; kailangan kong itanong.” Kailangan Ko silang tanungin tungkol sa mga bagay na ito, at hindi pa rin nila alam ang mga sagot. Ano kayang gawain ang ginagawa nila sa buong panahong ito? Tinatanong Ko sila, “Nilutas mo ba ang mga isyung itinanong ng mga kapatid noong nakaraan?” Tumutugon sila, “Nagdaos ako ng pagtitipon kasama sila—isang buong araw na pagtitipon.” Tinatanong Ko sa kanila, “Nalutas ba ang mga isyu pagkatapos ng pagtitipon?” Tumutugon sila, “Ibig Mo bang sabihin, kung mayroon pa ring mga isyu ay dapat kaming magkaroon ng isa pang pagtitipon?” Sabi Ko, “Hindi Ko tinatanong kung nagdaos ka ng pagtitipon o hindi. Tinatanong Ko kung nalutas na ang mga propesyonal na isyu. Nauunawaan ba ng mga tao na ito ang mga prinsipyo? May anumang prinsipyo ba silang nalabag sa paggampan sa mga tungkulin nila? May natuklasan ka bang anumang problema?” Tumutugon sila, “Ah, ang mga problema? Nalutas ko na ang mga iyon. Nagdaos na ako ng pagtitipon para sa mga kapatid.” Maipagpapatuloy ba ang usapang ito? (Hindi, hindi na.) Hindi ba’t nakakagalit sa inyo ang pakikinig sa usapang ito? (Oo.) Kumusta ang mga lider na ito? Hindi ba’t mga nagpapanggap na espirituwal na hangal lang sila? Wala sila ng kakayahan ng mga lider at manggagawa; bulag sila, hindi nila nauunawaan kung paano gawin ang gawain, at sumasagot sila ng “hindi ko alam” sa bawat tanong, at kapag patuloy mo silang tinatanong, tumutugon sila ng, “Ano’t anuman, nagdaos ako ng pagtitipon; hayaan mo na lang ito!” Nakagawa ba ang mga lider na ito ng aktuwal na gawain? Pasok ba sila sa pamantayan bilang mga lider? (Hindi.) Mga huwad na lider ang mga ito. Gusto ba ninyo ang ganitong mga uri ng lider? Kung makakaharap ninyo ang ganitong mga lider, ano ang dapat ninyong gawin? Kapag nakikipagkita ang ilang lider sa mga kapatid, sinasabi nila, “Anuman ang mga isyu ninyo ngayong araw, pagbahaginan muna natin kung paano gampanan nang maayos ang mga tungkulin.” Pagkatapos ay sinasabi ng ilang tao, “Naharap kami sa isang isyu sa mga propesyonal na pamamaraan sa mga tungkulin namin: Dapat ba naming gamitin ang mga propesyonal na pamamaraang sikat sa mga walang pananampalataya?” Hindi ba’t isa itong problemang kailangang lutasin ng mga lider? Kung may ilang isyung hindi malulutas sa pamamagitan ng pagbabahaginan ng mga kapatid, dapat nang mamagitan ang mga lider para lutasin ang mga iyon—tumutukoy ito sa mga responsabilidad ng mga lider. Ano ang ginagawa ng mga huwad na lider kapag nahaharap sila sa mga problemang ito? Sinasabi nila, “Isa itong propesyonal na isyu; problema ninyo ito, ano ang kinalaman nito sa akin? Pagbahaginan ninyo ang isyung ito sa sarili ninyo, pero magdadaos muna ako ng pagtitipon para sa inyo. Sa pagtitipon ngayong araw, pagbabahaginan natin ang maayos na pagtutulungan. Ang tinanong ninyo ngayon lang ay may kaugnayan sa maayos na pagtutulungan. Dapat ay matalakay ninyo ang mga bagay-bagay at sama-sama kayong magbahaginan, at mas magsaliksik; walang sinumang dapat mag-akalang mas matuwid siya kaysa sa iba, at dapat tanggapin ng lahat ang anumang pasyang suportado ng karamihan—hindi ba’t tungkol ito sa maayos na pagtutulungan? Mukhang hindi kayo marunong makipagtulungan nang maayos, o magtalakay ng mga problema kapag lumilitaw ang mga iyon. Tinatanong ninyo ako tungkol sa bawat problema. Para saan ninyo ako tinatanong? Nauunawaan ko ba ang mga bagay na ito? Kung magkagayunman, hindi ba’t mawawalan na kayo ng gagawin? Tinatanong ninyo sa akin ang lahat. Isa ba itong problemang dapat kong tugunan? Responsable lang ako sa pagbabahagi ng katotohanan; lutasin ninyo ang mga propesyonal na isyu sa sarili ninyo. Ano bang pakialam ko sa mga iyan? Gayumpaman, nakipagbahaginan na ako sa inyo at sinabi ko na sa inyong makipagtulungan kayo nang maayos—kung hindi ninyo magagawa iyon, huwag na ninyong gampanan ang tungkuling ito. Natapos ko na ang pagbabahagi ko; lutasin ninyo ang problema nang kayo lang.” Alam ba ng mga lider na ito kung paano lumutas ng mga problema? (Hindi, hindi nila alam.) Sa kabila ng kawalan ng kaalaman kung paano ito gawin, iniisip nilang napakamakatwiran nila, at sanay sila sa pagtakas sa responsabilidad. Sa panlabas, nagawa na nila ang gawain nila, dumating sila sa lugar para magsagawa ng mga inspeksiyon, at hindi sila nagpapabaya. Gayumpaman, hindi nila kayang gumawa ng aktuwal na gawain o lumutas ng mga aktuwal na problema, na nangangahulugang mga huwad na lider sila. Kaya ba ninyong kilatisin ang ganitong uri ng huwad na lider? Kapag nahaharap sa anumang problema, hindi nila kayang makipagbahaginan tungkol sa mga nauugnay na katotohanan: nagsasabi lang sila ng ilang walang kabuluhang doktrina at teorya na pinalalabas nilang medyo mataas at malalim, at pagkarinig ng mga tao sa mga iyon, bukod sa hindi nauunawaan ng mga ito ang katotohanan, nalilito at naguguluhan pa ang mga ito. Ito ang gawaing ginagawa ng mga huwad na lider.
Sa gawain ng pagbabahagi ng mga katotohanang prinsipyo na dapat maunawaan para magampanan nang maayos ang bawat tungkulin, lubos na nabubunyag ang mga huwad na lider. Hindi nila naibabahagi ang tungkol sa mga katotohanang prinsipyo, o naaakay ang mga tao na sundin at isagawa ang mga katotohanang prinsipyo sa paggampan ng mga tungkulin ng mga ito, o naaakay ang mga ito na maunawaan at makapasok sa katotohanang realidad—hindi nila kayang tuparin ang mga responsabilidad na dapat tuparin ng mga lider. At hindi lang iyon, hindi rin nila kayang alamin palagi ang mga sitwasyon ng mga superbisor ng iba’t ibang gawain at mga tauhan na responsable sa iba’t ibang mahalagang trabaho, at kahit na medyo may pag-arok sila rito, hindi ito tumpak. Nagdudulot ito ng malaking mga kaguluhan at pinsala sa iba’t ibang aytem ng gawain. Ito ang iba’t ibang pagpapamalas ng mga huwad na lider na ilalantad natin ngayon tungkol sa ikaapat na responsabilidad ng mga lider at manggagawa.
Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.