Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa (24) Ikatlong Seksiyon

II. Batay sa Pagkatao ng Isang Tao

Ngayon, dadako naman tayo sa ikalawang kategorya, ang kanilang pagkatao. Sa pamamagitan ng mga pagpapamalas ng pagkatao ng isang tao, makikilatis at matutukoy natin kung ang indibidwal na ito ay tunay bang nananampalataya sa Diyos at kung nararapat ba siyang manatili sa iglesia. Kung, batay sa kanyang mga pagpapamalas at pagbubunyag ng pagkatao at sa diwa ng kanyang pagkatao, siya ay hindi tunay na kapatid, hindi angkop na manatili sa iglesia, nakagugulo ang presensiya niya sa mga kapatid, at—ayon sa kanyang pag-uugali—ay kabilang siya sa mga dapat paalisin o patalsikin mula sa iglesia, dapat mabilis na gumawa ng mga kaukulang plano ang iglesia para paalisin o patalsikin ang mga indibidwal na ito. Ang pagbabahaginan tungkol sa ikalabing-apat na responsabilidad ng mga lider at manggagawa ay tungkol sa pagpapaalis o pagpapatalsik sa lahat ng uri ng masasamang tao. Kung titingnan sa perspektiba ng sangkatauhan, ang pagkatao ng mga indibidwal na ito ay tiyak na di-mabuti at masama; sa simpleng pananalita, sadyang hindi sila mabuti. Batay sa mga pagpapamalas ng kanilang pagkatao, dapat silang paalisin o patalsikin mula sa iglesia para mapigilan sila sa patuloy na panggugulo sa iglesia at sa pag-apekto sa normal na kaayusan ng buhay iglesia ng hinirang na mga tao ng Diyos at sa pagganap nila ng tungkulin. Kaya, sa aling mga pagpapamalas natin huhusgahan kung ang pagkatao ng isang tao ay mabuti ba o masama, at sa gayon ay magpapasya kung dapat ba siyang paalisin o patalsikin ng iglesia? Sa pagbubuod, ang ikalawang kategorya—ang pagkatao—ay sumasaklaw rin sa maraming punto, subalit pagbahaginan muna natin ang unang punto.

A. Pagkahilig na Mambaluktot ng mga Katunayan at Kasinungalingan

Ang unang punto ay tungkol sa mga taong mahilig mambaluktot ng mga katunayan at kasinungalingan. Siguradong madalas na ninyong nakikita ang ganitong uri ng tao. Ano ang pangunahing pagpapamalas ng pagkahilig na mambaluktot ng mga katunayan at kasinungalingan? Ito ay ang pagsasalita nang walang mga prinsipyo, palaging pag-uudyok ng mga pagtatalo nang may mga intensyon at pakay, na nagdudulot ng masasamang epekto. Malinaw na ang gayong mga tao ay may mga seryosong isyu sa kanilang pananalita, na nakaugat sa hindi magandang disposisyon at sa kawalan ng pagkatao, na humahantong sa kanilang pagkahilig na mambaluktot ng mga katunayan at kasinungalingan. Kung titingnan ito mula sa perspektiba ng terminong ito, ang “pambabaluktot ng mga katunayan at kasinungalingan” ay nangangahulugang madalas na pagpapahayag na ang katunayan ay kasinungalingan, at ang kasinungalingan ay katunayan; tungkol ito sa pagbabaliktad ng puti at itim at pati na rin sa pagdaragdag ng mga di-totoong detalye sa mga katunayan, pagbibintang ng mga walang-basehang akusasyon, paggawa ng mga walang-batayang panghuhusga, at pagsasalita kung paano man gustuhin ng isang tao. Ang gayong mga tao ay hindi kailanman naglalagay ng positibong anggulo sa mga bagay-bagay; ang sinasabi nila ay hindi nagpapatibay sa mga tao, at walang anumang pakinabang o tulong na naibibigay sa mga tao. Sa proseso ng pakikisalamuha, pakikibahagi, at pakikipag-ugnayan sa kanila, ang akto ng pakikinig sa kanilang magsalita ay madalas na naglulugmok sa puso ng mga tao sa kadiliman at kalabuan, at nagsasanhi pa nga sa mga ito na mawalan ng pananalig sa kanilang pananampalataya, kaya’t nawawalan ang mga ito ng ganang manampalataya sa Diyos, at hindi mapayapa ang isipan ng mga ito tuwing may mga espirituwal na debosyon at pagtitipon. Kadalasang nababagabag ang isipan at espiritu ng mga ito dahil sa mga pahayag tungkol sa kung ano ang tama at mali at sa tsismis na ikinakalat ng gayong mga indibidwal, at nagsisimula ang mga ito na tingnan nang negatibo ang lahat ng tao at walang makita kundi ang mga kamalian ng iba. Madalas, pagkatapos marinig na nababaluktot ang mga katunayan at kasinungalingan, nagugulo ang normal na pag-iisip ng mga tao, at maging ang mga tamang pananaw nila sa mga usapin ay nagugulo, na ginagawang mahirap para sa kanila na makilatis kung ano ang tama at kung ano ang mali. Iyong mga walang pagkilatis ay madalas na naeengganyo at natutukso, nang hindi man lang ito namamalayan, dahil sa ilang bagay na sinasabi ng mga tao na nambabaluktot sa mga katunayan at kasinungalingan. Iniisip nila, “Walang pininsalang sinuman ang mga taong iyon, normal silang nakikilahok sa mga pagtitipon, minsan pa nga ay nagkakawanggawa at tumutulong sila sa iba, at wala silang ginawang anumang masama.” Gayumpaman, ang madalas na kinahihinatnan ng mga pakikisalamuha nila sa gayong mga indibidwal ay na nasasadlak sila sa mga isyu ng tama at mali at nasasadlak sila sa tukso, at nasasadlak sila sa gitna ng mga emosyonal na gusot sa pagitan ng mga tao, at mga di-angkop na relasyon ng mga tao. Ang mga taong ito na nambabaluktot ng mga katunayan at kasinungalingan ay bihasa sa panggugulo sa mga angkop na relasyon ng mga tao at sa pananabotahe sa ilan sa mga dalisay na pagkaunawa sa isipan ng mga tao. Sa pananaw nila, ang sinumang mga indibidwal na may mabuting relasyon at maaaring sumuporta at tumulong sa isa’t isa ay nagiging target ng mga lihim nilang pag-atake at panghuhusga. Gayundin, ang sinumang gumagawa ng tungkulin niya nang may kaunting katapatan at medyo gumugugol ng sarili niya ay isa ring target ng mga pag-atake nila. Gaano man kabuti o kapositibo ang isang bagay, naghahanap sila ng mga paraan para siraan ito. Gumagawa sila ng mga patagong puna tungkol sa lahat ng bagay, nagkokomento sa bawat usapin, at may mga sarili silang pananaw sa lahat ng isyu. Ang mga pananaw na ito ay hindi man lang mga tunay na pananaw; sa halip, nagsasalita sila ng walang kabuluhan, nagpapalito sa mga katunayan at kasinungalingan, at binabaliktad ang puti at itim; para makamit ang isang layon, o makapaghasik ng sigalot sa pagitan ng mga tao, o makapanirang-puri sa ilang indibidwal, umaabot pa nga sila sa puntong sadya at walang-ingat silang gumagawa ng mga kuwento sa pamamagitan ng pagdaragdag ng mga di-totoong detalye sa mga katunayan at paggawa ng mga walang-basehang akusasyon, gumagawa ng kuwento nang walang batayan. Iyong mga hindi nakakaalam sa mga katunayan ay nakikinig sa kanilang magsalita at iniisip na ang mga pahayag nila ay tila makatwiran at hindi posibleng maging mali, at sa gayon ay nalilihis ang mga ito. Ang ganitong uri ng tao na mahilig mambaluktot ng mga katunayan at kasinungalingan ay gumagawa ng mga patagong puna sa anumang positibong usapin. Dahil ba ito sa pagkakaroon nila ng pagpapahalaga sa katarungan? (Hindi.) Nilalabanan nila at hindi nirerespeto ang mga aktibong nagsasagawa ng tungkulin nito, ang mga tapat, ang mga masigasig na gumugugol ng sarili nila, at ang mga may konsensiya at katwiran. Kung gayon, ano ang dahilan ng walang-ingat na pananalita ng mga indibidwal na ito? Nasaan ang ugat nito? Bakit sila palaging mahilig mambaluktot ng mga katunayan at kasinungalingan? (Dahil di-mabuti ang kanilang pagkatao.) Tama; ito ay dahil sa di-mabuting pagkatao. Kung mabuti ang pagkatao nila, hindi sila mambabaluktot ng mga katunayan at kasinungalingan. Ang pagsasalita ay dapat na batay sa konsensiya at pagkamakatwiran; hindi dapat magbulalas ang isang tao ng mga baluktot na teorya at maling paniniwala sa bawat pagkakataon. Ang ugat ng pambabaluktot ng mga katunayan at kasinungalingan ay ang di-mabuting pagkatao. Ang anumang sabihin ng gayong mga tao ay nag-iiwan ng hindi magandang impresyon; sa banayad na pananalita, nanghuhusga sila ng iba, subalit ang totoo, ang mga salita nila ay naglalaman ng ilang elemento ng mapaminsalang intensyon na magkondena at magsumpa, at ng mga pahiwatig ng panunulsol, pagkainggit, pagsuway, pagkamuhi, at maging ng lalo pang pang-aagrabyado sa mga taong nahihirapan na nga. Sa pagbubuod, ang mga ito ang mga pangunahing katangian ng kanilang pambabaluktot ng mga katunayan at kasinungalingan. Bukod sa mga katangiang ito, may isa pang parehong katangian ang gayong mga indibidwal: Masama ang loob nila sa mga taong may mga bagay na wala sa kanila, at pinagtatawanan nila ang mga tao na wala ng mga bagay na mayroon sila. Mabuti ba ang pagkatao nila? (Hindi.) Ang mga ganitong uri ng indibidwal, na masama ang loob sa mga taong mayroon ng mga wala sila, at pinagtatawanan ang mga taong wala ng mga bagay na mayroon sila, ay nakararamdam ng inggit sa sinumang mas mahusay sa kanila at sinisiraan ang mga ito nang patalikod, hinuhusgahan at kinokondena ang mga ito; samantala, kung may sinumang mas mababa sa kanila, pangisi nilang pinagtatawanan ang mga ito, handang kutyain, libakin, at hamakin ang taong iyon. Hindi nila kayang arukin nang tama ang anumang usapin, o harapin ito batay sa pinakapayak na mga moral ng tao. Hindi nila kailangang hangarin na pagpalain ang sinuman, ni hangarin ang ikabubuti ng sinuman, o hangarin na matupad ang gusto ng mga ito, o hangarin na tahakin ng mga ito ang tamang landas; subalit kahit papaano man lang, dapat nilang tasahin nang tama ang iba nang walang kinikimkim na anumang malisya—nabibigo sila kahit dito. Ano ang ugat ng kanilang pambabaluktot ng mga katunayan at kasinungalingan? Malinaw na makikita sa kanilang pananalita, at sa saloobin nila sa iba, at sa iniisip nila at paraan ng pagtrato nila sa iba sa kaibuturan ng puso nila, na ang pagkatao ng mga ganitong uri ng tao ay mapaminsala. Bagama’t ginagamit lang ng mga ganitong uri ng tao ang bibig nila sa pambabaluktot ng mga katunayan at kasinungalingan, sa likod ng mga pagkilos na ito ay naroroon ang mga tagumpay at layon na hinahangad nilang makamit, pati na rin ang mga tunay na pananaw at saloobin nila sa mga tao at mga usapin, sa kaibuturan ng puso nila. Isantabi muna sa ngayon kung iyong mahihilig mambaluktot ng mga katunayan at kasinungalingan ay naaarok bang mabuti ang katotohanan, at kung sila ba ay mga taong nagmamahal sa katotohanan, batay sa katangiang ito ng pagkatao nila—ang pagkahilig sa pambabaluktot ng mga katunayan at kasinungalingan—maaari ba silang magkaroon ng anumang mabuti o positibong impluwensiya sa mga kapatid sa iglesia? (Hindi.) Siguradong hindi!

Tingnan natin ang ilang partikular na halimbawa para makita kung anong mga pagpapamalas mayroon ang mga taong nambabaluktot ng mga katunayan at kasinungalingan. Sabihin natin, halimbawa, na may isang sister na may napakayamang pamilya, subalit alang-alang sa pangangaral ng ebanghelyo at pagpapatotoo sa Diyos ay iniwan niya ang mga kasiyahan ng laman at iniwan ang tahanan niya para gawin ang kanyang tungkulin. Sabihin ninyo sa Akin, ano ang magiging tingin ng mga normal na tao sa sitwasyong ito? Hindi ba’t hahangaan at kaiinggitan nila siya? Kahit papaano man lang, iisipin nila na kapuri-puri at karapat-dapat tularan ang kapatid na ito dahil kaya niyang isakripisyo ang kasiyahan ng laman para gawin ang kanyang tungkulin. Subalit paano naman nagkokomento sa kanya iyong mahihilig mambaluktot ng mga katunayan at kasinungalingan? Sinasabi nilang, “Pinalalampas niya ang buhay ng isang mayamang tao para lumabas at mangaral ng ebanghelyo buong araw; kung magpapatuloy siya nang ganito, sa malao’t madali ay palalayasin siya ng kanyang asawa! Hindi ba’t ang pananampalataya sa diyos ay pawang para makatanggap ng mga pagpapala at pagsasaya? Tingnan ninyo siya, may mga pagpapala subalit hindi alam kung paano tamasahin ang mga ito, tinatalikdan ang kanyang pamilya at propesyon para buong-pusong gawin ang tungkulin niya; hindi ba’t kahangalan iyon? Kung ganoon kayaman ang pamilya ko, magpapakasaya na lang ako sa bahay.” Sabihin ninyo sa Akin, may isang pangungusap ba sa mga salitang iyon na naaayon sa pagkatao, na nagpapatibay sa iba? (Wala.) Iyong mga may kaunting pagkilatis, kapag narinig ito, ay iisiping, “Hindi ba’t pambabaluktot ito ng mga katunayan? Likas na positibong bagay para sa isang mananampalataya na talikuran ang lahat para igugol ang sarili niya sa Diyos at na hindi maghangad ng mga materyal na kasiyahan, subalit kinokondena nila ito.” Kung maririnig ito ng isang taong walang pagkilatis, maililihis at magugulo siya; ang sigasig niya sa pananampalataya sa Diyos, at ang sigasig niyang talikuran ang mga bagay-bagay at igugol ang sarili niya para gawin ang kanyang tungkulin ay kaagad na lubhang maaapektuhan. Bagama’t kakaunti ang mga salita ng mahihilig mambaluktot ng mga katunayan at kasinungalingan, malaki ang negatibong epekto nito sa iba, sapat na para gawing negatibo ang pakiramdam ng isang tao sa loob ng ilang panahon at hindi siya makabawi mula rito. Hindi ba’t ito ang kaso? (Oo.) Ang ilan lang na tila makatotohanang salita ay maaari nang makalason sa ilang tao pagkarinig dito. Ano ang sinasabi nito tungkol sa pagkatao ng mga nagsasabi ng gayong mga nakalalasong salita? (Hindi ito mabuti.) May anumang pangungusap ba sa mga salita nila na maaaring magpatatag sa pananalig ng isang tao pagkatapos marinig ang mga ito? (Wala.) Ano ba ang lahat ng salitang ito? Sa malawak na pananalita, ang lahat ng ito ay mga salita ng mga hindi mananampalataya; walang kahit isang pangungusap na dapat bigkasin ng sinumang sumusunod sa Diyos. Sa mas partikular, wala ni isang pangungusap na sinasabi ng mga taong ito ang sumasalamin sa anumang pagkatao. Ano ang ibig sabihin ng walang pagkatao? Ibig sabihin nito ay hindi man lang nagtataglay ng moralidad. Ano ang ibig sabihin ng kawalan ng moralidad? May maginhawang pamumuhay at mayamang pamilya ang sister na iyon, at ano ang saloobin ng mga taong ito? Pagkainggit lang ba ito na sinusundan ng pagnanais ng mabuti para sa taong iyon at pagkatapos ay magpapatuloy na lang? (Hindi.) Kung gayon, ano ang saloobin nila? Inggit, galit, sama ng loob, at pagkikimkim ng mga reklamo sa kanilang puso: “Karapat-dapat ba siyang magkaroon ng napakaraming pera? Bakit wala akong ganoong karaming pera? Bakit siya pinagpapala ng diyos at ako ay hindi?” Mayaman at masagana ang sister, kaya’t nakararamdam sila ng inggit at pagkamuhi, wala ni isang salita ng tunay na paghanga o pagnanais ng mabuti para sa kanya. Ipinahihiwatig nito ang ganap na kawalan maging ng pinakapayak na moralidad. Mayaman ang sister, kaya’t nagkikimkim sila ng pagkamuhi, halos umaabot na sa puntong sinusubukan na nilang nakawan o dayain siya sa kanyang mga ari-arian. Higit pa rito, ang sister na ito ay namumuhay sa isang mayamang pamilya, subalit nagagawa niyang iwanan ang magandang buhay at mga materyal na kaginhawahan para humayo at gawin ang kanyang tungkulin; para sa isang mananampalataya sa Diyos, ito ay isang bagay na karapat-dapat ipagdiwang, ito ay karapat-dapat hangaan at kainggitan. Ang mga tao ay dapat naghahangad ng ikabubuti niya, at nagsisikap na mapalapit sa kanya at matularan siya. Subalit may sinasabi bang anumang katulad nito ang mga tao na mahilig mambaluktot ng mga katunayan at kasinungalingan? (Wala.) Paano sila magsalita? Ang bawat pangungusap ay may kasamang mararahas na salita at may bahid ng pagkamuhi. Bakit sila nakapagsasalita nang ganito? Ito ay dahil hindi sila kontento at hindi sila nasisiyahan sa sarili nilang kalagayan, dahil nagkikimkim sila ng sama ng loob, at sa gayon ay ibinubunton nila ang galit nila sa mayamang kapatid na ito. Bilang isang mananampalataya sa Diyos, dapat partikular na pahalagahan, hangaan, kapulutan ng kaalaman, at tularan ng isang tao iyong mga aktibong nakagagawa ng kanilang tungkulin at nakapaghahangad sa katotohanan. Sa halip na matuto mula sa mga kalakasan ng sister para mapunan ang mga sarili nilang kahinaan, binabansagan pa siya ng mga taong ito bilang hangal at umaasa pa nga silang makikipagdiborsiyo sa kanya ang kanyang asawa; hinihintay nila ang kanyang pagbagsak. Kung sakaling talagang makikipagdiborsiyo ang asawa ng sister na iyon, hindi ba’t matutuwa sila? Hindi ba’t matutupad ang kahilingan nila? Sinasalamin nito ang mga tunay nilang damdamin, at pati na rin ang kanilang intensyon at pakay. Hindi sila naghahangad ng ikabubuti ng iba; ang makitang nasa mabuting kalagayan o mas mahusay sa kanila ang ibang tao ay pumupuno sa kanila ng inggit at sama ng loob. Gaano man kalakas ang pananalig ng ibang tao sa Diyos, kung ang indibidwal na iyon ay mas magaling kaysa sa kanila, hindi nila ito matatanggap. Ganap na wala silang pagkatao, at walang kakayahang bumigkas ng kahit isang salita ng pagpapala o pagpapatibay. Bakit hindi nila kayang magbanggit ng gayong mga salita? Dahil napakasama ng kanilang pagkatao! Hindi sa hindi nila gustong magsalita, o na wala sila ng mga tamang salita; kundi, dahil puno ng inggit, sama ng loob, at galit ang puso nila kaya’t imposible para sa kanila na magbanggit ng mga salita ng pagpapala. Kung ganoon, maipahihiwatig ba ng katunayang puno ang puso nila ng gayong mga tiwaling bagay na mapaminsala ang pagkatao nila? (Oo.) Maipahihiwatig nito. Dahil nagpapakita sila ng gayong mga tiwaling disposisyon, nagiging madali para sa iba na makilatis ito, at nahahalata ng iba ang tiwaling diwa nila.

Narito ang isa pang halimbawa. May isang sister na, bago manampalataya sa Diyos, ay palaging nakikipag-away sa asawa ng kanyang bayaw. Kalaunan, pareho silang nagsimulang manampalataya sa Diyos at, sa pamamagitan ng pagkain at pag-inom ng mga salita ng Diyos, natutunan nila ang ilang katotohanan. Napagtanto nila kung paano dapat umasal at makisama sa iba ang isang tao, at habang nabubunyag ang kanilang katiwalian, nagawa nilang maging bukas sa isa’t isa at subuking kilalanin ang sarili nila, na ginawang mas maayos ang kanilang relasyon. May mga tao na maiinggit sa kanila at magsasabing, “Tingnan mo sila, nananampalataya sa Diyos ang buo nilang pamilya at ang maghipag ay para lang tunay na magkapatid. Hindi ba’t dahil itong lahat sa pananampalataya nila sa Diyos? Ang mga pamilya ng mga walang pananampalataya ay hindi talaga kayang magkasundo, palaging nag-aaway at nakikipagkompetensiya sa isa’t isa, kahit na ang magkakapatid mula sa iisang ina. Mas mabuti ang mga mananampalataya; kahit na hindi tunay na magkapatid ang maghipag, hangga’t sila ay nananampalataya sa Diyos, may magkakatulad na layong hinahangad, tumatahak sa parehong landas, at nagkakaintindihan sila, magkatugma sila sa espiritu, na kahanga-hanga!” Ipinakikita nito na ang mga tunay na nananampalataya sa Diyos ay naiiba kaysa sa mga walang pananampalataya. Nagsasama-sama ang mga tao mula sa magkakaibang pamilya na may magkakatulad na layon at hangarin, magkakatugma sa sambahayan ng Diyos at sa harap ng Diyos. Ang layon sa pagsasabi nito ay para ipaalam sa mga tao na ito ang epekto ng mga salita at gawain ng Diyos, isang biyayang ipinagkaloob ng Diyos sa mga tao. Ito ay isang bagay na wala at hindi kayang tamasahin ng mga walang pananampalataya. Kahit papaano man lang, pagkatapos marinig ito ay mararamdaman ng isang tao na mabuti ang manampalataya sa Diyos at magkakaroon siya ng magandang impresyon sa pananampalataya sa Diyos. Subalit pakinggan ang sasabihin ng taong mahilig mambaluktot ng mga katunayan at kasinungalingan tungkol dito: “Hmph! Maaaring nakikita mo na tila nagkakasundo sa panlabas ang maghipag na iyon, maayos ang lahat tuwing may mga pagtitipon—subalit hindi ba’t nagtatalo rin sila kung minsan? Hindi mo alam, napakatindi nilang magtalo dati!” Sinasabi ng iba, “Ang mga dati nilang alitan at pagtatalo ay dahil hindi sila nanampalataya sa Diyos at hindi nila naunawaan ang katotohanan. Magkasundong-magkasundo na sila ngayon! Ito ay dahil ngayon ay pareho na silang nananampalataya sa Diyos, nakauunawa sa ilang katotohanan, at kaya nang maging bukas sa isa’t isa sa pagbabahaginan at nalalaman ang sarili nilang mga katiwalian, at madalas na ginagawa ang mga tungkulin nila nang magkasama. Bagama’t may kaunting iringan pa rin sa pagitan nilang dalawa, karaniwan ay kaya nilang aminin sa isa’t isa ang mga pagkakamali nila, at konsultahin ang isa’t isa sa lahat ng ginagawa nila. Ito ay isang bagay na hindi kayang makamit ng sinumang walang pananampalataya, kahit pa sa mga kadugo nila.” Subalit, sinasabi ng taong nambabaluktot ng mga katunayan at kasinungalingan na, “Aling pamilya ba ang hindi nag-aaway? Kahit hindi na banggitin ang maghihipag, maging ang magkakapatid sa dugo ay nag-aaway, tama? Ang pagkakasundong tila mayroon sila ngayon ay pakitang-tao lang para sa iba. Sa sandaling mamatay ang biyenan nila, hindi ako maniniwalang hindi nila pag-aawayan ang mana! Hindi ba’t ang pananampalataya sa diyos ay isang hangarin lang, isang uri ng espirituwal na kaaliwan? Talaga bang kaya nilang isuko ang napakalaking yaman dahil dito? Imposible!” May isang pahayag ba sa mga salitang ito ang naaayon sa mga katunayan? Mayroon bang anumang hangarin para sa mabuting kapakanan ng iba, anumang pagpapala? (Wala.) Mayroon bang anumang nagpapahayag ng personal na sentimiyento na ang pananampalataya sa Diyos ay tunay ngang mabuti, pagkatapos makitang tinatamasa ng iba ang biyaya ng Diyos tulad ng pagtamasa nila? (Wala.) Sa pananaw ng mga nambabaluktot ng mga katunayan at kasinungalingan, ang mga personal na pagbabagong nagaganap sa mga kapatid ay pawang panlilinlang; ang pagtatamo ng katotohanan at ang mga pagbabago sa disposisyon na nagmumula sa pananampalataya sa Diyos ay pawang huwad; hindi sila naniniwalang kayang dalisayin ng Diyos ang mga tao, na kayang baguhin ng Diyos ang mga tao. Mula sa mga salita nila, makikita ng isang tao hindi lang ang kanilang pabasta-bastang panghuhusga, pagkamuhi, at pagsumpa sa mga tao, kundi pati na rin ang kawalang pananampalataya at pagkakaila nila sa epektong nakamit ng gawain at mga salita ng Diyos sa mga tao. May magandang relasyon ang maghipag, at nagpapakita sila sa isa’t isa ng pagpaparaya at pasensiya kapag magkasama sila, dahil sa pananampalataya nila sa Diyos. Hindi komportable at hindi nasisiyahan sa kanyang puso ang taong ito na mahilig mambaluktot ng mga katunayan at kasinungalingan, at kaya sinusubukan niya ang lahat ng posibleng paraan para maghasik ng sigalot sa pagitan ng maghipag, magiging masaya kung mapagtatalo at mapag-aaway niya ang maghipag kapag nagkakatagpo ang mga ito. Anong klaseng pag-uugali ito? Anong klaseng mentalidad ito? Batay sa kanyang mentalidad, hindi ba’t medyo baluktot ito? (Oo.) Pagdating naman sa kanyang ugali, hindi ba’t kahindik-hindik ito? (Oo.) Subalit, nakikilahok pa rin sa buhay iglesia ang mga ganitong uri ng tao, at sa mga gumagawa ng kanilang mga tungkulin, maraming ganitong tao. Ang mga taong ito ay karaniwang tinutukoy na may “nakakalasong dila.” Ang totoo, hindi lang nakakalason ang dila nila; ang panloob na mundo nila ay napakadilim at napakamakamandag! Anumang magagandang patotoong batay sa karanasan ang maaaring ibahagi ng mga kapatid, sa paningin nila, lahat ng ito ay artipisyal at guni-guni, at walang espesyal sa mga ito. Sinuman ang ginagawan ng Diyos ng gawain ng paghatol at pagkastigo, na nagdudulot ng malalaking nakakamit, kung kaya’t nagagawa niyang tumayo at magbahagi ng kanyang karanasan at magpatotoo sa Diyos—sa kaibuturan ng mga indibidwal na ito, hinahamak nila ito, iniisip na, “Ano ba ang napakagaling doon? Matapos makinig ng napakaraming sermon, hindi ba’t kahit sino ay magkakaroon ng kaunting pang-unawa? Nagsulat ka lang ng isang artikulo ng patotoong batay sa karanasan at nasisiyahan ka na, itinuturing mo na ang iyong sarili na isang mananagumpay? Gusto kong makita kung magrereklamo ka pa rin ba tungkol sa diyos kapag nagkaaberya ang mga bagay-bagay sa hinaharap. Kung kukunin sa iyo ng diyos ang iyong anak, gusto kong makita kung iiyak ka, at kung patuloy ka pa rin bang makapananampalataya sa diyos kapag nagkagayon!” Ano sa tingin ninyo ang pumupuno sa kanilang puso? Hindi ba’t ito ay isang hangarin na masadlak ang buong mundo sa kaguluhan, isang takot na tahakin ng mga tao ang tamang landas? Sa pagbubuod, anuman ang mangyari sa pamilya ninuman, kailangan nilang magbigay ng ilang komento tungkol dito, subalit anuman ang sabihin nila, ang lahat ng taong ito ay may iisang katangian, na inaasam nilang walang sinuman ang nasa magandang kalagayan—nagsasalita sila tungkol sa lahat ng tao na para bang walang anumang merito ang mga ito; masaya silang pag-usapan ang iba na para bang basura ang mga ito, at palagi silang nagagalak sa kasawian ng iba. Kung ang isang tao ay may mayamang pamilya, naiinggit, nagagalit, at namumuhi sila, palaging nagrereklamo sa puso nila, at nag-aasam na alisin ng Diyos ang yaman at biyayang tinatamasa ng taong iyon at ibigay iyon sa kanila. Ang mga reklamong binibigkas ng mga indibidwal na ito kapag nakatalikod ang mga tao ay sukdulang nakasusuklam na pakinggan. May pagkakatulad ba sila sa mga mananampalataya ng Diyos sa anumang paraan? Siyempre, ang mga ganitong uri ng tao ay mahusay rin sa pagbabalatkayo. Gaano man kamapaminsala o kadilim ang puso nila, sa presensiya ng mga kapatid sa mga pagtitipon, makikipagbahaginan din sila ng kanilang pagkaunawa at mga kabatiran, maglilitanya ng magagarbong doktrina para magbalatkayo, bubuo ng isang “maluwalhati” at mabuting imahe para sa sarili nila. Subalit kapag walang nakatingin, hindi sila nagsasalita o kumikilos na parang mga tao. Karamihan sa mga tao, kung hindi pa nila nakakasalamuha ang mga indibidwal na ito at hindi pa nila alam ang mga tunay na pagpapamalas ng mga ito o kung ano ang nasa kaibuturan ng puso ng mga ito, matapos lang marinig ang mga ito na magsalita nang tama sa mga pagtitipon, ay hindi matutuklasan kung gaano kaubod ng sama o kalupit ang pagkatao ng mga ito, o kung gaano kababa ang karakter ng mga ito, kundi iisipin pa ngang mabuti ang mga ito. Pagkatapos lang gumugol ng mas maraming panahon kasama ang mga ito at maunawaan ang mga kilos at pag-uugali ng mga ito kapag walang nakatingin, saka unti-unting magiging mapagkilatis ang mga tao sa mga ito at makararamdam ng pagkasuklam. Samakatwid, ang pagkilatis sa isang tao ay hindi lang dapat nakabatay sa magagandang salitang binibitawan nito sa mga pagtitipon; dapat ding pagmasdan ng isang tao ang mga kilos at salita nito sa buhay kapag walang nakatingin para makilatis ang diwa at tunay na mukha nito.

Bukod sa hindi pagsasalita tulad ng mga tao, may isa pang katangian ang uri ng mga tao na mahilig mambaluktot ng mga katunayan at kasinungalingan: Gusto nilang magkomento sa lahat ng tao at lahat ng bagay, maging sa mga hindi pamilyar sa kanila o hindi pa nila kailanman nakasasalamuha, at hindi rin nila pinapalampas maging ang pinakamaliliit na usapin sa buhay ng ibang tao. Ang kinalalabasan ng pagkokomento nila ay na kahit gaano pa kapositibo ang isang bagay, binabaluktot ito ng kanilang pananalita para maging negatibo; kahit gaano pa kawasto ang isang bagay, nababaluktot ito para maging isang bagay na negatibo kapag dumaraan ito sa ubod ng sama nilang labi. Nasisiyahan sila rito, kaya nakakakain sila nang maayos at nakakatulog nang mahimbing. Sabihin ninyo sa Akin, anong klaseng nilalang ito? Halimbawa, kung ang ilang kapatid ay kumita nang maganda ngayong taon at may mas maalwang kalagayang pinansyal—naghahandog ng medyo mas malaki, higit sa ikasampu ng kanilang kita—naiinggit sila at nagsasabing, “Bakit napakalaki ng inihahandog mo ngayong taon? Ang pagtukoy ng Diyos sa kung mabuti ba o masama ang isang tao ay hindi batay sa kung gaano kalaki ang inihahandog mo. Anong silbi ng pagiging masigasig mo? Hindi kapos sa pera ang sambahayan ng diyos.” Lumalabas na naman ang mga hindi kanais-nais na salita, hindi ba? Sinuman ang gumagawa ng wastong bagay o ng bagay na naaayon sa katotohanan, hindi ito katanggap-tanggap para sa kanila, at nakararamdam sila ng labis na pagkasuklam sa kanilang puso. Sinusubukan nila ang lahat ng paraan para makontrol ka, naghahanap ng mga palusot para atakihin, akusahan, at kondenahin ka, hanggang sa magapi ka nila at matanggal nila ang pagiging positibo mula sa iyo, iniiwan kang lubos na naguguluhan, at hindi magawang mapag-iba kung ano ang tama at kung ano ang mali. Pagkatapos ay masaya silang tumatawa, lihim na kinukutya ka at sinasabi sa sarili nilang, “Hanggang ganito lang pala ang kaya mo, subalit nagsasalita ka pa tungkol sa patotoong batay sa karanasan!” Isa itong diyablo na nagpapakita ng tunay na kulay nito, hindi ba? Hindi ba’t ito ang mga salita ng isang alipin ni Satanas, ng isang anticristo? (Oo.) Habang mas nagsasalita Ako tungkol sa ganitong uri ng tao, mas nagagalit at nasusuklam Ako. Nakatagpo na ba kayo ng gayong mga indibidwal? Anuman ang itsura o mga katangian ng mukha nila, kapag sila ay mambabaluktot na ng mga katunayan at kasinungalingan, nagiging kakaiba ang kanilang mga ekspresyon: nakangiwi ang mga labi, nakalihis ang mga mata, hindi tumitingin nang diretso sa iba, at tila nawawala sa pagkakaayos ang mga bahagi ng mukha ng ilang tao. Senyales itong ipinadadala sa iyo, sinasabi sa iyong magsasalita na sila na parang hindi mga tao. Ano ang gagawin mo, kung gayon? Tatanggapin mo ba ang senyales na ito o haharangan ito? (Haharangan ito.) Kailangan mong dumistansiya sa kanila, at sabihin sa kanilang: “Huwag kang magsalita; ayaw kong marinig ito. Masyado kang matsismis. Kung hindi ka magsasalita na parang isang tao, lumayo ka sa akin. Ayaw kong maapektuhan ng panggugulo mo; ayaw kong madamay sa mga di-wastong relasyong ito sa pagitan ng mga tao, hindi ko papansinin ang isang tulad mo.” Pagmasdan at tingnan ninyo kung sino sa inyo ang mahilig na mambaluktot ng mga katunayan at kasinungalingan, kung sino ang nagtataglay ng gayong pag-uugali, at agad kayong dumistansiya sa kanila. Ano ang katangian ng pagkatao ng mga indibidwal na ito? Ito ay makamandag na pagsasalita, o sa mas kolokyal na pananalita, pagkakaroon ng “nakalalasong dila.” Sa paglalantad ng mga makamandag na salita nila, makikita mo ang iba’t ibang pahayag na inilalabas nila; sa pamamagitan ng mga pahayag nila, makikita mo ang kanilang panloob na mundo, at eksaktong matutukoy kung ano ang pagkataong diwa nila, at kung sila ba ay masasamang tao. Ang ganitong uri ng mga tao, na mahilig mambaluktot ng mga katunayan at kasinungalingan, sa pamamagitan ng iba’t ibang senyales at pahayag na inilalabas nila, ay nagpapahintulot sa iba na malinaw na matukoy sila bilang masasamang tao. Ang ganitong uri ng mga tao ay lubos na nakatutugon sa pamantayan para mapaalis o mapatalsik; hindi dapat sila pakitaan ng awa. Dapat silang mapaalis, at hindi dapat mapahintulutang magdulot ng mga kaguluhan sa loob ng iglesia.

Katatapos lang nating magbahaginan tungkol sa mga katangian ng uri ng mga tao na mahilig mambaluktot ng mga katunayan at kasinungalingan, at dapat na maging malinaw mula sa sitwasyon ng pananampalataya nila sa Diyos at mula sa mga pagpapamalas ng kanilang pagkatao na sila ay isang uri ng tao na tutol sa katotohanan, at na hindi nagmamahal sa katotohanan. Mababa ang pagkatao nila hanggang sa puntong hindi na sila tinatablan ng katwiran, at wala man lang silang pinakapayak na moralidad ng tao; sadya lang na sa partikular nilang kaso, ang katangian ng mababa nilang pagkatao ay na partikular silang mahilig sa pambabaluktot ng mga katunayan at kasinungalingan. Mula sa mga salitang binibigkas nila, mapagmamasdan ang katangian ng pagkatao nila, at ang pagkataong diwa nila; malinaw na ang ganitong uri ng mga tao ay mga indibidwal na may mababang pagkatao. Gaano kababa ang pagkatao nila? Mababa ito, umaabot sa punto ng pagiging masama, sa gayon ay naglalagay sa kanila sa kategorya ng masasamang tao. Ito ay dahil ang mga salitang karaniwan nilang sinasabi ay hindi lang paminsan-minsang pagrereklamo, at pagpapahayag ng kaunting inggit, o paminsan-minsang pagpapakita ng kaunting kahinaan ng tao; ang mga pagpapamalas nila ay hindi katulad ng sa isang karaniwan at ordinaryong tiwaling disposisyon, kundi sapat na para patunayan na maaari silang ikategorya bilang masasamang tao. Ito ang unang uri ng tao: iyong mahihilig mambaluktot ng mga katunayan at kasinungalingan.

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.