Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa (20) Ikaanim na Seksiyon
III. Hindi Inilalantad at Pinipigilan ng mga Huwad na Lider ang Masasamang Tao
Susunod, pagbabahaginan natin ang ikatlong pagpapamalas ng mga huwad na lider, ang hindi pagbibigay-pansin at hindi pagtatanong tungkol sa mga taong nanggagambala at nanggugulo sa gawain ng iglesia—kahit kapag natutuklasan nila na ginugulo ng masasamang tao at mga anticristo ang gawain ng iglesia, hindi nila ito binibigyang-pansin. Mas malubha ang kalikasan nito kaysa sa naunang dalawang pagpapamalas. Bakit sinasabing mas malubha ito? Ang naunang dalawang pagpapamalas ay may kinalaman sa kakayahan ng mga huwad na lider, pero ang pagpapamalas na ito ay may kinalaman sa pagkatao ng mga huwad na lider. Napakahina ng kakayahan ng ilang huwad na lider na hindi nila makilatis ang kalikasan ng paggambala at panggugulo sa gawain ng iglesia. Ang iba namang huwad na lider, kahit kaya nilang matuklasan ang mga problema ng paggambala at panggugulo sa gawain ng iglesia, sa kasamaang-palad ay hindi nila nauunawaan ang katotohanan at hindi nila kayang pangasiwaan at lutasin ang mga problemang ito. Palagi silang kumikilos ayon sa sarili nilang mga ideya at kasigasigan, ginagawa ang gusto nilang gawin, iniisip sa puso nila, “Hangga’t ginagawa ko ang gawain ng iglesia, ayos lang ito; pagdating naman sa kung sino ang nanggagambala at nanggugulo, personal na nilang usapin iyon at wala iyong kinalaman sa akin.” May ilan ding huwad na lider na may kaunting kakayahan at nakakagawa ng kaunting gawain, at may kaunting kaalaman tungkol sa mga prinsipyo ng pangangasiwa sa bawat uri ng tao. Gayumpaman, takot silang mapasama ang loob ng mga tao, kaya kapag natutuklasan nila ang masasamang tao at mga anticristo na nagdudulot ng mga paggambala at panggugulo, hindi sila naglalakas-loob na ilantad, pigilan, o limitahan ang mga ito. Namumuhay sila ayon sa mga satanikong pilosopiya, at nagbubulag-bulagan sila sa mga usaping pakiramdam nila ay walang kinalaman sa kanila. Wala talaga silang pakialam kung ano ang mga resulta ng gawain ng iglesia, o kung gaano naaapektuhan ang buhay pagpasok ng hinirang na mga tao ng Diyos; iniisip nilang walang kinalaman sa kanila ang mga gayong bagay. Kaya, sa panahon ng pamumuno ng gayong huwad na lider, hindi napapanatili ang normal na kaayusan ng buhay iglesia, at hindi napoprotektahan ang mga tungkulin at buhay pagpasok ng hinirang na mga tao ng Diyos. Ano ang kalikasan ng problemang ito? Hindi ito kaso kung saan hindi magawa ng mga huwad na lider ang gawain nila dahil mahina ang kakayahan nila; ito ay dahil mababa ang pagkatao nila, at wala silang konsensiya at katwiran, kaya hindi sila gumagawa ng tunay na gawain. Sa anong paraan nagiging huwad ang mga huwad na lider? Wala silang konsensiya at katwiran ng pagkatao; samakatwid, sa panahon ng paggawa nila bilang lider, hindi talaga nalulutas ang isyu ng masasamang tao at mga anticristo na nanggagambala at nanggugulo sa gawain ng iglesia. Labis na napipinsala ang ilang kapatid, at ang gawain ng iglesia ay nagdurusa rin ng malalaking kawalan. Kapag napapansin ng ganitong uri ng huwad na lider ang isang problema, kapag nakikita nila ang isang masamang tao o anticristong nagdudulot ng pagkagambala o kaguluhan, alam nila kung ano ang responsabilidad nila, kung ano ang dapat nilang gawin, at kung paano nila ito dapat gawin, pero wala talaga silang ginagawa, at nagkukunwari pa nga silang walang alam, ganap nilang binabalewala ito, at hindi nila inuulat ang usapin sa mga nakakataas sa kanila. Nagpapanggap silang walang alam at walang nakikita, hinahayaan ang masasamang tao at mga anticristo na gambalain at guluhin ang gawain ng iglesia. Hindi ba’t may problema sa pagkatao nila? Hindi ba’t kauri sila ng masasamang tao at mga anticristo? Anong prinsipyo ba ang kanilang pinanghahawakan bilang lider? “Hindi ako nagdudulot ng anumang pagkagambala o kaguluhan, pero hindi ako gagawa ng anumang bagay na makapagpapasama ng loob, o anumang bagay na makakasakit sa dignidad ng iba. Tukuyin man ako bilang isang huwad na lider, hindi pa rin ako gagawa ng anumang bagay na makapagpapasama ng loob. Kailangan kong ipaghanda ang sarili ko ng daan palabas.” Anong uri ng lohika ito? Ito ang lohika ni Satanas. At anong uri ng disposisyon ito? Hindi ba’t napakatuso at napakamapanlinlang nito? Hindi tapat kahit bahagya man ang gayong tao sa kanyang pagtrato sa atas ng Diyos; palagi siyang tuso at madaya sa pagganap sa kanyang tungkulin, na may napakaraming hindi kanais-nais na kalkulasyon, iniisip ang kanyang sarili sa lahat ng bagay. Hindi man lang niya iniisip ang gawain ng iglesia at walang-wala siyang konsensiya o katwiran. Siya ay lubos na hindi karapat-dapat na maglingkod bilang isang lider ng iglesia. Ang mga gayong tao ay walang kahit katiting na pasanin para sa gawain ng iglesia o sa buhay pagpasok ng hinirang na mga tao ng Diyos. Ang iniintindi lang nila ay ang sarili nilang mga interes at pagtatamasa; nakatuon lang sila sa pagpapasasa sa mga pakinabang ng katayuan, nang walang anumang pakialam sa kondisyong kinalalagyan ng hinirang na mga tao ng Diyos. Hindi ba’t ito ang pinakamakasarili at pinakakasuklam-suklam na tao? Kahit kapag may natutuklasan silang masasamang tao at mga anticristo na nanggugulo sa gawain ng iglesia, hindi nila ito binibigyang-pansin, para bang walang kinalaman sa kanila ang mga usaping ito. Para itong isang pastol na nakikitang kinakain ng lobo ang tupa pero wala siyang ginagawa, iniisip lang ang sarili niyang kaligtasan. Hindi kalipikado na maging pastol ang gayong tao. Ang lahat ng ginagawa ng ganitong uri ng huwad na lider ay para protektahan nang lubos ang sarili nilang reputasyon, katayuan, kapangyarihan, at ang iba’t ibang pakinabang na kasalukuyan nilang tinatamasa. Wala silang pasanin sa puso nila para sa atas ng Diyos, sa gawain ng iglesia, o sa buhay pagpasok ng hinirang na mga tao ng Diyos, na kanilang mga tungkulin at responsabilidad; hindi nila kailanman isinaalang-alang ang mga ito. Iniisip nila, “Bakit kailangang gawin ng isang lider ang mga gampaning ito? Bakit ang hindi paggawa ng mga gawaing ito ay nagreresulta sa pagkapungos at pagkakondena, at pagtatanggi ng mga kapatid?” Hindi nila nauunawaan at ganap na wala silang pakialam. Sa puso Ko, kahit gaano kabait tingnan ang ganitong uri ng tao, kahit gaano siya kamukhang sumusunod sa mga tuntunin, o kahit gaano siya katahimik, o kasipag at kahusay, dahil sa katunayang kumikilos siya nang walang mga prinsipyo at hindi siya umaako ng pananagutan para sa gawain ng iglesia, naoobliga Akong magbago ng pananaw sa kanya. Sa huli, tinukoy Ko ang ganitong uri ng tao nang ganito: Maaaring wala siyang malalaking pagkakamali, pero napakatuso at napakamapanlinlang niya; wala siyang inaakong anumang responsabilidad, hinding-hindi rin niya itinataguyod ang gawain ng iglesia—wala siyang pagkatao. Pakiramdam Ko, para siyang isang hayop—dahil sa kanyang pagkatuso, para siyang isang soro. Sinasabi ng mga tao na tuso ang mga soro, pero sa katunayan, ang mga taong ito ay mas tuso pa kaysa sa mga soro. Sa panlabas, mukhang wala silang ginawang anumang kasamaan, pero sa katunayan, ang lahat ng sinasabi at ginagawa nila ay para sa sarili nilang kasikatan, pakinabang, at katayuan. Ang lahat ng ginagawa nila ay para sa layon ng pagtatamasa sa mga pakinabang ng kanilang katayuan, at hinding-hindi nila isinasaalang-alang ang mga layunin ng Diyos. Hindi nila nilulutas ang mga problemang lumilitaw sa gawain ng iglesia kahit kaunti, ni tinutugunan ang mga aktuwal na isyung may kinalaman sa buhay pagpasok ng hinirang na mga tao ng Diyos. Ang mga huwad na lider na ito ay hindi gumagawa ng anumang gawain para akayin ang hinirang na mga tao ng Diyos patungo sa katotohanang realidad. Ano ba talaga ang layon ng lahat ng ginagawa nila? Hindi ba’t ito ay para lang magpalugod ng mga tao at para maging mataas ang tingin sa kanila ng iba? Sinisikap nilang maging maganda ang tingin sa kanila ng lahat ng tao nang wala silang napapasama ng loob, nang sa gayon ay matamasa nila ang reputasyon nila at ang mga pakinabang ng katayuan nila. Ang pinakakamuhi-muhi sa kanila ay na lahat ng kilos nila ay walang idinudulot na pakinabang sa buhay pagpasok ng hinirang na mga tao ng Diyos; sa halip, inililihis nila ang mga tao, hinihimok nila ang iba na hangaan at idolohin sila. Hindi ba’t mas tuso at mas mapanlinlang ang mga taong ito kaysa sa mga soro? Sila ay mga tipikal, tunay na huwad na lider. May katayuan sila ng lider at hawak nila ang titulong ito pero wala silang ginagawang anumang aktuwal na gawain, inaasikaso lang nila ang ilang nakikita, mababaw na pangkalahatang usapin, o labag sa loob silang gumagawa ng kaunting gawaing espesyal na itinalaga ng ang Itaas. Kung walang espesyal na pagtatalaga mula sa ang Itaas, wala silang ginagawang anumang mahalagang gawain ng iglesia. Tungkol sa mga usaping may kinalaman sa pagpapanatili ng gawain ng iglesia at ng kaayusan ng buhay iglesia, natatakot silang makapagpasama ng loob ng mga tao at hindi sila naglalakas-loob na magtaguyod ng mga prinsipyo. Hindi nila nilulutas ang anuman sa mga naipong problema sa gawain ng iglesia, at kahit kapag nakikita nilang nilulustay ng mga anticristo at masasamang tao ang mga ari-arian ng sambahayan ng Diyos, wala silang ginagawa para pigilan o limitahan ito. Sa puso nila, malinaw na alam nilang gumagawa ng masama ang mga taong ito at pinipinsala ng mga ito ang mga interes ng sambahayan ng Diyos, pero nagkukunwari silang walang alam, hindi sila kumikibo. Ito ang mga tuso at mapanlinlang na tao. Hindi ba’t mas tuso ang mga taong ito kaysa sa mga soro? Sa panlabas, mabait sila sa lahat at hindi gumagawa ng mga bagay na nakakapinsala sa kahit na sino, pero inaantala nila ang malaking usapin ng buhay pagpasok ng hinirang na mga tao ng Diyos, ng gawain ng iglesia, at ng gawain ng pagpapalaganap ng ebanghelyo. Karapat-dapat bang maging lider at manggagawa ang mga gayong tao? Hindi ba’t mga alipin sila ni Satanas? Hindi ba’t sila ang mga nanggagambala at nanggugulo sa gawain ng iglesia? Bagama’t sa panlabas ay mukhang wala silang ginawang anumang kasamaan na halata, ang mga kinahihinatnan ng paggawa nila sa ganitong paraan ay mas malubha pa kaysa sa paggawa ng kasamaan. Hinahadlangan nila ang pagsasakatuparan ng kalooban ng Diyos, nilalabanan nila ang Diyos, at ginagambala at ginugulo nila ang gawain ng iglesia. Pinipinsala nila ang hinirang na mga tao ng Diyos at maaari pa nga nilang wasakin ang pag-asa ng hinirang na mga tao ng Diyos na maligtas. Sabihin mo sa Akin, hindi ba’t paggawa ito ng kasamaan? Ito mismo ang ginagawa ng isang taong mapagpalugod ng mga tao pero hinding-hindi nagtataguyod ng mga prinsipyo. Ang mga taong hindi nakakaunawa sa katotohanan ay hindi lubos na nakakakita sa kahindik-hindik na mga kinahihinatnan ng ganitong paggawa ng mga huwad na lider, at hindi nila naaarok kung ano ang mga intensiyon, motibo, at balak ng mga ito. Hindi mo kailanman mauunawaan kung ano talaga ang gusto nilang gawin sa puso nila—masyadong tuso ang mga gayong tao! Sa matalinghagang pananalita, sila ay mga tusong soro; sa tumpak na pananalita, sila ay mga buhay na diyablo, mga buhay na diyablo sa gitna ng mga tao!
Pagdating sa kung paano dapat ilarawan ang mga huwad na lider na ito, batay sa disposisyong diwa nila, hindi sila puwedeng basta-bastang ilagay sa kategorya ng masasamang tao, mga anticristo, mga mapagpaimbabaw, at iba pa. Gayumpaman, batay sa ipinapamalas nila, tulad ng mga pagpapamalas ng pagkatao nila at sa saloobin nila sa gawain ng iglesia, pati na rin sa hindi nila pagtugon sa mga problemang natutuklasan nila, sila ang pinakaimoral na uri ng mga huwad na lider. Batay sa iba’t ibang pagpapamalas nila, bagama’t hindi sila aktibong nagpapangkat-pangkat o nagtatatag ng nagsasarili nilang mga kaharian, at bihira silang magpatotoo sa sarili nila, at bagama’t nakakasundo nila ang mga kapatid, nagtitiis ng hirap, nagbabayad ng halaga, hindi nagnanakaw ng mga handog, at mahigpit pa ngang nililimitahan ang sarili nila mula sa paghahangad ng mga espesyal na pribilehiyo, kapag nahaharap sila sa iba’t ibang tao, pangyayari, at bagay na nanggagambala at nanggugulo sa gawain ng iglesia, o sa iba’t ibang taong naglulustay ng mga handog at sumisira sa mga ari-arian ng sambahayan ng Diyos, hindi nila pinipigilan o pinangangasiwaan ang mga ito, wala silang sinasabing anuman o ginagawang anumang gawain. Kahindik-hindik ang mga gayong tao! Sila ang pinakakasuklam-suklam na uri ng mga huwad na lider; hindi na sila matutubos! Bakit Ko sinasabi na hindi na sila matutubos? Hindi dahil mahina ang kakayahan nila o hindi nila maarok ang mga salita ng Diyos—may partikular silang abilidad na makaarok at kapabilidad sa gawain, pero kapag natutuklasan nilang may gumagambala at gumugulo sa gawain ng iglesia, hindi nila ito pinangangasiwaan o nilulutas. Labag sa loob lang nilang ginagawa ang kaunti sa gawaing ito kapag nahaharap sila sa mahigpit na pangangasiwa at madalas na pagtatanong ng mga nakatataas na lider nila, o kapag pinupungusan sila. Ginagawa man nila o hindi ang gawaing ito, o paano man nila ito ginagawa, ang pinakaunang priyoridad nila ay ang protektahan ang sarili nila. Hindi talaga nila tinutupad ang mga responsabilidad ng mga lider at manggagawa. Maliban sa pagprotekta sa sarili nila at pangangalaga sa mga sarili nilang interes, wala silang ginagawang mahalagang gawain, at gumagawa lang sila ng kaunting mababaw na gawain na wala silang ibang pagpipilian kundi gawin. Maliban sa pagprotekta sa sarili nila, wala silang pakialam sa iba pang bagay. Hindi ba’t mas tuso at mas mapanlinlang sila kaysa sa soro? Sinasabi ng ilang tao, “Likas sa soro na kumain ng maliliit na hayop, kaya hindi ba’t likas din sa mga huwad na lider na protektahan ang sarili nila?” Likas ba ito? Kalikasan nila ito! Pinoprotektahan ng mga huwad na lider na ito ang sarili nilang katayuan, reputasyon, at dangal, pinapanatili ang ugnayan sa mga tao, at iniiwasang makapagpasama ng loob ng kahit sino, sa kapahamakan ng mga interes ng sambahayan ng Diyos at kapinsalaan ng gawain ng iglesia. Ni hindi nila personal na pinangangasiwaan ang pagtatanggal o pagbabago ng mga tauhan, sa halip ay itinatalaga nila ang iba na gawin ang mga ito para sa kanila. Iniisip nila, “Kung maghihiganti ang taong iyon, hindi ako ang pupuntiryahin niya. Kailangan ko munang protektahan ang sarili ko sa anumang sitwasyon na kinakaharap ko.” Masyadong tuso ang mga taong ito! Bilang isang lider, hindi mo man lang kayang akuin ang responsabilidad na ito, kaya karapat-dapat ka bang maging isang lider? Isa ka lang walang silbing duwag! Kung wala ka ng ganitong kaunting tapang, isa ka pa rin bang mananampalataya sa Diyos? Mga tagasunod ba ng Diyos ang mga tao na gumagamit ng panlalansi para iwasan ang mga responsabilidad nila sa paggawa ng mga tungkulin nila? Ayaw ng Diyos sa mga gayong tao. Ang mga huwad na lider na ito ay kasintuso at kasingmapanlinlang ng mga soro. Kapag nakikita nila na may nagdudulot ng paggambala o panggugulo, hindi nila ito pinapangasiwaan o nilulutas—hindi lang talaga sila gumagawa ng aktuwal na gawain. Paano man sila ilantad at pungusan, hindi sila kumikilos. Dahil hindi mo tinutupad ang mga responsabilidad ng mga lider at manggagawa, bakit mo inookupa ang posisyong iyon? Para ba maging bahagi ka ng dekorasyon? Para ba magpasasa ka sa mga pakinabang ng katayuan? Hindi ka kalipikado para doon! Ayaw gumawa ng aktuwal na gawain pero gustong hangaan at idolohin ka ng mga kapatid—hindi ba’t ito ang mentalidad ng isang diyablo? Napakawalang-kahihiyan nito! Sinasabi ng ilang tao na ayaw na ayaw nilang maging lider. Kung gayon, bakit mo pinapanatili ang reputasyon at katayuan mo? Ano ang balak mo sa panlilihis sa mga tao? Kung ayaw mong maging isang lider, puwede ka namang magbitiw nang kusa. Bakit hindi ka nagbibitiw? Bakit mo inookupa ang posisyong iyon at hindi ka nagbibitiw? Kung ayaw mong magbitiw, dapat na masipag kang gumawa ng kaunting aktuwal na gawain. Wala nang ibang pagpipilian—ito ang responsabilidad mo. Kung hindi mo kayang gumawa ng aktuwal na gawain, pinakamainam nang umako ka ng pananagutan at magbitiw; hindi mo dapat maantala ang gawain ng iglesia, o mapinsala ang hinirang na mga tao ng Diyos. Kung wala ka ng kahit kaunting konsensiya at katwirang ito, may anumang pagkatao ka pa rin ba? Hindi ka karapat-dapat na tawaging tao! Kaya man nilang maging lider o manggagawa, ang mga taong nananampalataya sa Diyos ay karapat-dapat lang na tawaging tao kung mayroon silang kahit kaunting konsensiya at katwiran.
Para maging isang lider o manggagawa, kinakailangang may taglay ang isang tao ng partikular na antas ng kakayahan. Ang kakayahan ng isang tao ang nagtatakda ng kapabilidad niya sa gawain at kung gaano niya naaarok ang mga katotohanang prinsipyo. Kung medyo kulang ang kakayahan mo at hindi sapat ang lalim ng pagkaarok mo sa katotohanan, pero nagagawa mong isagawa ang kaya mong maunawaan, at kaya mong isagawa ang nauunawaan mo, at sa puso mo ay dalisay at matapat ka, at hindi ka nagpapakana para sa sarili mong kapakinabangan o naghahangad ng kasikatan, pakinabang, at katayuan, at kaya mong tanggapin ang pagsisiyasat ng Diyos, ikaw ay isang tamang tao. Gayumpaman, hindi taglay ng mga huwad na lider ang mga katangiang ito. Wala silang pakialam sa iba’t ibang problema ng mga paggambala at panggugulo na lumilitaw sa iglesia; kahit na napapansin nila ang mga problemang ito, hindi nila pinapansin ang mga ito. Kung tatanungin kung alam ba nila ang sitwasyon, sasabihin nila, “Tingin ko, may kaunti akong nalalaman tungkol dito, pero hindi lahat.” Nangyari ito sa mismong harapan mo—bakit mo sinasabing hindi mo alam ang tungkol dito? Hindi ba’t sinusubukan mong lansihin ang mga tao? Dahil alam mo naman ang tungkol dito, napag-isipan mo na ba kung paano ito pangasiwaan? May ginawa ka na bang anumang gawain? Sinubukan mo na bang makaisip ng anumang solusyon? Ang sagot nila, “Mas mahusay ang kakayahan ng taong iyon kaysa sa akin, at mahusay at magaling siyang magsalita; hindi ako maglalakas-loob na makialam sa kanya. Paano kung pangasiwaan ko ang isang bagay na hindi naman talaga problema at mapasama ko ang loob niya? Magiging mahirap ang gawain ko pagkatapos niyon!” Dahil hindi ka naglalakas-loob, isa kang walang silbing duwag at nagpapabaya ka sa mga responsabilidad mo, at hindi ka karapat-dapat na maging isang lider! Kapag nahaharap ka sa ganitong uri ng sitwasyon, alam mo ba kung paano ito pangasiwaan? Sinasabi nila, “Kahit na alam ko kung paano ito pangasiwaan, hindi ako maglalakas-loob. Hindi ba’t gawain na iyon ng ang Itaas? At nariyan din ang grupo ng mga tagapagpasya. Paanong sa akin napupunta ang gampaning ito?” Dahil nakita mo ito at alam mo ang tungkol dito, dapat mong pangasiwaan ang sitwasyong ito. Kung masyadong mababa ang tayog mo at hindi mo kayang harapin ang isyung ito, nasabi mo na ba sa mga nakatataas sa iyo ang tungkol sa problema? Iniulat mo na ba ito? Nagawa mo na ba ang sakop ng mga responsabilidad mo at ang gawaing nasa saklaw mo? Tinupad mo man lang ba ang anumang responsabilidad mo? Hinding-hindi! Sa puso nila, alam na alam nila: “Alam ko ang tungkol sa isyung ito, pero hindi ako kumilos. Nakokonsensiya ako! Dapat ay iniulat ko ang usaping iyon pero hindi ko ginawa. Pero hindi rin naman ito ginawa ng ibang tao—ano ang kinalaman nito sa akin?” Ang ibang tao ba ay mga lider din? Kung ginawa man ito ng iba o hindi, usapin na nila iyon—bakit hindi mo ito ginawa? Kung hindi ito ginawa ng ibang tao, ibig bang sabihin ay hindi mo ito kailangang gawin? Ito ba ang katotohanan? Kahit na ginawa ito ng ibang tao, puwede ba itong maging kapalit sa paggawa mo nito? Ang ginagawa mo ay sarili mong usapin. Natupad mo ba ang mga responsabilidad at obligasyon mo? Kung hindi, pabaya ka sa mga responsabilidad mo, hindi ka kalipikado na maging lider, at dapat kang tumanggap ng pananagutan at magbitiw. Wala kang pagpapahalaga sa kung paano ka itinaas, hindi ka karapat-dapat sa tiwala ng mga kapatid, hindi ka karapat-dapat sa tiwala ng sambahayan ng Diyos, at lalong hindi ka karapat-dapat sa pagtataas ng Diyos. Isa kang miserableng tao na walang puso. Ang ikatlong uri ng huwad na lider ay may problema sa karakter niya. Anuman ang kalagayan ng mga personal niyang paghahangad at buhay pagpasok, batay lang sa katunayan na sa panahon ng panunungkulan niya ay wala siyang ginagawang aktuwal na gawain, hindi niya ibinabalik ang anumang kawalan para sa iglesia, at tiyak na hindi niya agarang napipigilan o napangangasiwaan ang masasamang gawa ng masasamang tao, bukod sa may problema sa mahinang kakayahan at problema sa hindi paggawa ng aktuwal na gawain ang ganitong uri ng tao, higit sa lahat, wala siyang pagkatao. Bulok na bulok ang konsensiya niya, at wala siyang anumang katwiran. Sa pangkaraniwang wika, lubos na imoral siya; sukdulan ang pagkamakasarili at pagkakasuklam-suklam niya, at hindi siya mapagkakatiwalaan. Sa tatlong uri ng mga tao na hinimay natin, ang pagkatao ng ganitong uri ng tao ang pinakamalubha. Ang naunang dalawang uri ng tao ay may mahinang kakayahan, hindi nila kayang gumawa ng gawain, at hindi nila natutugunan ang mga prinsipyo at pamantayan ng sambahayan ng Diyos para sa paglilinang at pag-aangat ng mga tao, kaya hindi sila puwedeng linangin o gamitin. Napakahina ng kakayahan nila, bulag at manhid sila, at halos mga patay na tao na sila—hindi sila karapat-dapat na ilantad at himayin. Ang ikatlong uri ng tao ang pinakaubod ng sama. Sukdulan ang pagiging kasuklam-suklam niya sa usapin ng pagkatao niya, at inilarawan natin ang uri na ito bilang tuso at mapanlinlang. Mas tuso pa ang mga taong ito kaysa sa mga soro. Wala silang ginagawang aktuwal na gawain pero marami silang palusot at panatag na panatag sila. Paano man ginugulo ng masasamang tao at mga anticristo ang gawain ng iglesia, hindi sila nababalisa o nag-aalala tungkol dito at gusto pa rin nilang magpatuloy bilang lider. Bakit ba sila sobrang nahuhumaling sa kapangyarihan? Sinasabi ng mga lider na ito, “Nagsusumikap ang tao na umangat; dumadaloy ang tubig pababa. Lahat ay nagmamahal sa kapangyarihan!” Ayaw nilang gumawa ng anumang aktuwal na gawain pero gusto pa rin nilang kumapit sa posisyon nila at tamasahin ang mga pakinabang ng katayuan nila. Anong klaseng miserableng tao ito? Sila ay walang iba kundi mga kauri ni Satanas, hinding-hindi sila mabuti.
Pinagbahaginan natin ngayon ang tatlong punto tungkol sa ikalabindalawang responsabilidad ng mga lider at manggagawa. Ang mga huwad na lider na hinimay natin sa ikalabindalawang responsabilidad ay halos pareho sa mga huwad na lider na inilantad natin noon. Bagama’t tatlong punto ang hinimay natin, pangunahing tinatalakay ng mga ito ang dalawang problema: Ang una ay na mahina ang kakayahan nila at hindi nila kayang gumawa ng aktuwal na gawain; ang isa pa ay na ang pagkatao nila ay ubod ng sama, kasuklam-suklam, tuso, at mapanlinlang, at hindi sila gumagawa ng aktuwal na gawain. Ito ang mga pangunahin, kaibuturang problema ng mga huwad na lider. Hangga’t ang isang tao ay may isa sa dalawang problemang ito, isa siyang huwad na lider. Walang duda rito.
Setyembre 4, 2021
Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.